Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pilipinas

Pilipinas

Pilipinas

Mga puno ng niyog, mayayabong na luntiang halamang tropikal, mga dalampasigang mapuputi ang buhangin, magagandang karagatan​—lahat ng ito ang bumubuo sa kalakhang bahagi ng Pilipinas. Ang kapuluang ito na may mga 7,100 pulo ay tinawag na ang Perlas ng Dagat Silangan. Karagdagan pa sa pagiging kaakit-akit nito ang masayahin at madamdaming mga tao na mahilig sa sayawan at awitan. Sa pagdalaw mo sa pulóng bansa na ito, malamang na hindi mo malilimot kailanman ang ipakikitang di-karaniwang pagkamapagpatuloy ng mga palakaibigan at magagandang tao na naninirahan sa bansa.

Gayunman, para sa marami, ang Pilipinas ay isang dako na nagpapaalaala ng isang ganap na naiibang larawan​—yaong sa kasakunaan. Marahil ay naaalaala mo pa ang pagsabog ng Bundok Pinatubo, ang pag-agos ng lahar nito na lubusang nagwasak sa mga bayan; o marahil ay natatandaan mo pa ang pinakamalubhang sakuna sa karagatan sa daigdig sa panahon ng kapayapaan, kung saan libu-libong tao ang namatay nang sumalpok ang barkong Doña Paz sa isang tangker ng langis. Sa katunayan, ang Pilipinas ay inilista ng Belgium’s Center for Research on the Epidemiology of Disasters bilang ang bansa na pinakamadalas magkaroon ng sakuna sa daigdig. Ang mga bagyo, baha, lindol, at mga pagsabog ng bulkan ay karaniwan na lamang. Idagdag pa rito ang medyo mahirap na kalagayan sa ekonomiya ng maraming mamamayan, at may larawan ka na ng isang magandang bansa lakip na ang mahihirap na kalagayan nito.

Sa buong Pilipinas, ang mga Saksi ni Jehova ay abala sa paghahayag ng katotohanan sa Bibliya sa 78,000,000 katao na naninirahan sa bansa. Hindi ito isang madaling gawain. Bukod pa sa banta ng likas na mga kasakunaan, may mga hamon sa pag-abot sa mga tao sa maraming maliliit na pulo at sa liblib na mga lugar ng kabundukan at kagubatan. Gayunpaman, naisasakatuparan ang gawain. Ang bayan ni Jehova ay nagpakita ng pambihirang kakayahang magbata at gumawa ng pagbabago sa kabila ng sari-saring kalagayan na napapaharap sa kanila. Dahil dito, naranasan nila ang pagpapala ni Jehova sa paggawa ng mga alagad.

Sa ilang paraan, ang mga Saksi sa Pilipinas ay katulad ng sinaunang mga Israelita na nagnais na isauli ang tunay na pagsamba sa Jerusalem. Napatibay sila ng mga salita ni Nehemias: “Ang kagalakan kay Jehova ang inyong moog.” (Neh. 8:10) Sa kabila ng mga hamong napaharap sa kanila, ang mga Israelita ay may-kagalakang nagpatuloy sa gawaing pagtataguyod ng pagsamba kay Jehova. Kagaya ng mga Israelita noong panahon ni Nehemias, ang mga Saksi ni Jehova sa buong Pilipinas ay tinuturuan sa Salita ng Diyos. Ginagawa rin nilang moog ang kagalakan kay Jehova.

Unang Pagkakataon na Suminag ang Liwanag ng Katotohanan

Ang Pilipinas ay kakaiba dahil sa ito lamang ang bansa sa Asia na nakararami ang Romano Katoliko. Ang mga Pilipino ay dati nang may katutubong mga relihiyon, subalit ang mahigit na 300 taóng pamamahala ng Espanya ay sapilitang nagkintal ng Katolisismo sa mga tao. Bagaman ang administrasyon ng Estados Unidos sa loob ng kalahating siglo ay nagmulat sa mga tao sa ibang anyo ng relihiyon, Katoliko pa rin ang nangingibabaw na paniniwala. Mga 80 porsiyento ng mga tao ang nag-aangkin na may gayong pananampalataya.

Noong 1912, si Charles T. Russell, isang nangungunang Estudyante ng Bibliya​—tawag noon sa mga Saksi ni Jehova​—ay dumalaw sa Maynila sa kaniyang paglilibot sa buong daigdig upang magpahayag. Noong Enero 14, nagpahayag siya sa Manila Grand Opera House sa paksang “Saan Naroroon ang mga Patay?” Ipinamahagi ang mga literatura sa mga dumalo.

Higit pang binhi ng katotohanan sa Bibliya ang naihasik noong unang mga taon ng dekada ng 1920 nang si Brother William Tinney mula sa Canada ay dumating bilang sumunod na kinatawan ng mga Estudyante ng Bibliya. Inorganisa niya ang isang klase ng pag-aaral sa Bibliya. Subalit dahil sa karamdaman, kinailangan siyang bumalik sa Canada, subalit ipinagpatuloy ng interesadong mga Pilipino ang klase ng pag-aaral sa Bibliya. Ang mga literaturang ipinadadala sa pamamagitan ng koreo ay nakatulong upang mapanatiling buháy ang katotohanan sa puso ng mga tao. Ito ang kalagayan hanggang noong unang mga taon ng dekada ng 1930. Pagsapit ng 1933 ang mensahe ng katotohanan ay isinasahimpapawid na sa Pilipinas sa istasyon ng radyo na KZRM.

Noong taon ding iyon, pinasimulan ni Joseph dos Santos ang kaniyang paglalakbay mula sa Hawaii para sa paglilibot sa buong daigdig upang mangaral. Ang kaniyang unang dinalaw ay ang Pilipinas, subalit hindi na siya nakaalis doon. Ibinigay kay Brother dos Santos ang pananagutan na manguna sa gawaing pangangaral ng Kaharian sa bansa at magtatag ng isang tanggapang pansangay. Ang tanggapan ay nabuksan noong Hunyo 1, 1934. Si Brother dos Santos, kasama ang ilang tagaroon na nagnanais maglingkod kay Jehova, ay naging abala sa pangangaral at pamamahagi ng mga literatura. Bagaman may pagsalansang, pagsapit ng 1938 ay may 121 mamamahayag na sa bansa, at 47 sa mga ito ang naglilingkod bilang mga payunir.

Bagaman wikang Ingles ang itinuturo ng mga Amerikano, napagtanto ng mga kapatid na mas natututo ang mga tao sa Bibliya sa kanilang sariling wika. Nagharap ito ng hamon sapagkat sa buong Pilipinas ay halos 90 wika at mga diyalekto ang ginagamit. Gayunman, gumawa ng mga pagsisikap na isalin ang mga literatura sa ilan sa pangunahing mga wika. Pagsapit ng 1939, ang tanggapang pansangay ay nag-ulat: “Gumagawa na kami ngayon ng mga plaka [ng mga pahayag sa Bibliya] sa wikang Tagalog, at sa pamamagitan nito ay inaasahan namin na higit na magagamit ang mga kagamitan sa sound at ponograpo sa ikaluluwalhati ng Panginoon.” Iniulat din nila ang trabaho sa pagsasalin ng aklat na Riches sa Tagalog. Pagkaraan ng dalawang taon, ang pagsasalin ng mga buklet sa apat na pangunahing wika sa Pilipinas ay natapos, anupat nabuksan ang daan para maunawaan ng karamihan ng mga tao sa bansa ang mensahe ng Kaharian.

Kabilang sa mga tumugon sa mensahe ng katotohanan noong mga taóng iyon ay si Florentino Quintos, isang guro sa paaralan. Una niyang nalaman ang ilang bagay tungkol sa gawain ng bayan ni Jehova nang siya’y makipag-usap sa isang lalaki na personal na nakadalo sa pahayag ni Brother Russell sa Maynila noong 1912. Noong 1936, nakakuha si Florentino mula sa isang Saksi ni Jehova ng 16 na aklat na may matitingkad na kulay na tumatalakay sa Bibliya. Gayunman, si Florentino ay abala sa pagtatrabaho bilang isang guro, kaya sa loob ng ilang panahon, nakadispley ang makukulay na aklat subalit hindi nababasa. Pagkatapos ay biglang sumiklab ang digmaan, sumalakay ang mga Hapones, at tumigil ang maraming normal na gawain. May panahon na ngayon si Florentino upang magbasa, na kaniya namang ginawa. Sa maikling panahon, natapos niya ang mga aklat na Kayamanan, Enemies, at Salvation. Ang kaniyang pagbabasa ay napahinto dahil sa kailangan niyang tumakas sa mga Hapones, subalit ang mga binhi ng katotohanan ay naitanim na sa kaniyang puso.

Mabilis na Paglago sa Kabila ng Digmaang Pandaigdig

Ang Digmaang Pandaigdig II ay nagdulot ng panibagong mga hamon sa mga lingkod ni Jehova sa buong kapuluan. Sa pasimula ng digmaan, may 373 mamamahayag sa Pilipinas. Gayunman, bagaman kakaunti lamang sila, nagpamalas sila ng namumukud-tanging sigasig at kakayahang makibagay sa kanilang mga pagsisikap na itaguyod ang dalisay na pagsamba.

Ang ilang kapatid mula sa Maynila ay lumipat sa mas maliliit na bayan sa labas ng lunsod at nagpatuloy roon sa kanilang gawaing pangangaral. Naging imposibleng umangkat ng mga literatura sa Bibliya dahil sa digmaan, subalit naipasakamay ng mga kapatid ang mga literatura na naimbak sa pribadong mga tahanan bago magkadigma. Nang maubos na ang suplay, nagpahiram na lamang sila ng mga aklat sa mga tao.

Si Salvador Liwag, isang guro sa paaralan na iniwan ang kaniyang propesyon upang maging isang buong-panahong tagapaghayag ng mabuting balita, ay nasa Mindanao nang sumiklab ang digmaan. Siya at ang ilan pa sa mga kapatid ay nagsilikas sa kagubatan at kabundukan. Doon nila ipinagpatuloy ang kanilang teokratikong mga gawain. Kailangan ang lubusang pag-iingat sa kanilang mga gawain upang hindi sila makalap ng mga Hapones para magtrabaho sa mga garison ng mga ito. Kasabay nito, ang mga kapatid ay madalas paghinalaan ng mga gerilyang laban sa mga Hapones ng pagiging espiya ng mga Hapones.

Kataka-taka, nagkaroon ng mga pagkakataon para makapagdaos ng maliliit na asamblea sa panahon ng pananakop ng mga Hapones. Isang pansirkitong asamblea ang idinaos sa Maynila; marami ang dumalo. Isa pa ang idinaos sa Lingayen. Namangha ang mga naninirahan doon na makakita ng mga estranghero na dumarating sakay ng mga trak; subalit walang isa man ang humadlang, at ang asamblea ay naidaos nang matagumpay.

Pinagpala ni Jehova ang lahat ng gawaing ito, at dumami ang mga Saksi. Ang 373 tagapuri kay Jehova sa simula ng digmaan ay naging mahigit sa 2,000 makalipas lamang ang apat na taon.

Tandaan na si Brother dos Santos ay inatasang manguna sa pag-oorganisa ng gawaing pangangaral ng Kaharian sa Pilipinas. Noong Enero 1942, siya ay ikinulong sa isang kampong piitan ng mga Hapones sa Maynila. Gayunpaman, napanatili rin niya ang espiritu ng kasigasigan. “Ipinahayag ko ang mabuting balita sa pinakamaraming tao na nasa kampo hangga’t magagawa ko,” ang sabi niya. Ang buhay sa kampo ay mahirap, at marami ang namatay sa gutom. Nang ibilanggo si Brother dos Santos, siya ay tumitimbang nang 61 kilo, subalit nang palayain, tumitimbang na lamang siya nang 36 na kilo.

Pinalaya ng mga Amerikano ang mga bilanggo noong 1945 at nag-alok na iuwi si Brother dos Santos sa Hawaii, subalit tumanggi siya. Bakit? Ang kaniyang kagalakan ay nasa gawaing pang-Kaharian, at nais niyang gawin ang buong makakaya niya upang makita itong sumusulong sa Pilipinas. Bukod dito, ang kahalili niya ay hindi pa dumarating. Sinabi ni Brother dos Santos: “Hangga’t hindi siya dumarating, mananatili ako!” Hinggil kay Joseph dos Santos, ganito ang sinabi ni Hilarion Amores: “Talagang masipag siya at interesado sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga kapatid.”

Dumating ang mga Misyonero

Ginawa ng mga kapatid na Pilipino ang kanilang buong makakaya bago at noong panahon ng digmaan, bagaman wala silang pantanging pagsasanay. Di-naglaon pagkatapos ng digmaan ay dumating ang tulong. Ang mga nagtapos sa Gilead na sina Earl Stewart, Victor White, at Lorenzo Alpiche ay dumating noong Hunyo 14, 1947. Sa wakas, may kahalili na si Brother dos Santos. Noong 1949 ay bumalik siya sa Hawaii kasama ang kaniyang asawa at mga anak.

Si Brother Stewart ay inatasan bilang lingkod ng sangay. Ang karamihan sa iba pang misyonero na dumating noong mga panahong iyon ay inatasan sa larangan. Hinggil sa epekto ng pagkakaroon ng mga misyonerong sinanay sa Gilead, si Victor Amores, na ipinadala sa Gilead mula sa Pilipinas, ay naglahad: “Malaking tulong ito sa pag-oorganisa ng gawain. Natuto ang mga kapatid mula sa mga nagtapos na ito sa Gilead. Nagdulot ito ng pagsulong. Bago ang 1975, umabot kami ng halos 77,000 mamamahayag, samantalang noong 1946 ay 2,600 lamang kami.” Pagkaraan ng unang tatlong kapatid na lalaking iyon, ilan pang misyonero ang sumunod, kasama na ang mga Brown at mga Willett, na naglingkod sa Cebu, at ang mga Anderson na naglingkod sa Davao. Naririyan din ang mga Steele, ang mga Smith, at sina Brother Hachtel at Bruun. Si Neal Callaway ay dumating noong 1951. Nang maglaon ay pinakasalan niya ang isang kapatid na Pilipina, si Nenita, at sila ay naglingkod sa halos lahat ng bahagi ng Pilipinas hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1985. Sina Denton Hopkinson at Raymond Leach ay dumating mula sa Britanya noong 1954, at patuloy silang tumutulong sa gawain sa Pilipinas sa nakalipas na mahigit na 48 taon.

Hindi lamang ang mga nagtapos sa Gilead mula sa ibang bansa ang tumulong sa pag-oorganisa at sa pagpapalawak ng gawaing pangangaral ng Kaharian sa Pilipinas. Pagsapit ng dekada ng 1950, ang mga kapatid na Pilipino ay naanyayahan din sa Paaralang Gilead, at halos lahat sa kanila ay bumalik upang maglingkod sa kanilang katutubong bansa. Ang naunang tatlo ay sina Salvador Liwag, Adolfo Dionisio, at Macario Baswel. Ginamit ni Victor Amores, na nabanggit kanina, ang kaniyang pagsasanay sa gawaing paglalakbay at sa Bethel. Nang maglaon siya’y nagkapamilya subalit bumalik din sa buong-panahong paglilingkod. Siya ay naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa at pagkatapos bilang special pioneer sa Probinsiya ng Laguna, kasama ang kaniyang asawang si Lolita, hanggang umabot siya nang mahigit sa 75 taóng gulang.

Patuloy sa Dekada ng 1970

Habang mabilis na sumusulong ang gawain, patuloy na dumami ang mga mamamahayag, anupat ito’y lumampas sa 77,000 pagsapit ng 1975. Sa pangkalahatan, napanatili ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang espirituwalidad at patuloy na naglingkod sa Diyos nang may katapatan. Gayunman, marami ang tumigil sa paglilingkod kay Jehova nang ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay hindi nagwakas noong 1975. Pagsapit ng 1979, ang bilang ng mga mamamahayag ay bumagsak nang mababa pa sa 59,000. Si Cornelio Cañete, na naglilingkod bilang isang tagapangasiwa ng sirkito noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, ay nagsabi: “Ang ilan ay nagpabautismo dahil sa 1975 at nanatili sa katotohanan sa loob ng ilang taon. Pagkatapos ng 1975, iniwan nila ang katotohanan.”

Gayunman, ang lubhang nakararami ay nangangailangan lamang ng pampatibay-loob upang patuloy na magkaroon ng wastong pangmalas sa Kristiyanong paglilingkod. Kaya ang tanggapang pansangay ay gumawa ng mga hakbangin upang magsaayos ng pantanging mga pahayag. Bilang resulta, hindi lamang napatibay ang mga aktibo kundi ang ilan sa mga di-aktibo ay natulungan din na muling maging mga aktibong tagapuri ni Jehova. Naunawaan ng mga kapatid na sila’y naglilingkod sa Diyos, hindi dahil sa petsa, kundi magpakailanman. Mula nang panahong iyon ng pansamantalang pag-unti, ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay sumulong nang malaki. Yaong mga hindi nagpahintulot sa pagkasira ng loob na maging dahilan upang malimutan nila ang lahat ng kabutihan ni Jehova ay tunay na pinagpala!

Pagpapasimula ng Pangangaral sa Liblib na mga Lugar​—Sa Kabundukan

Ang libu-libong pulo na bumubuo sa Pilipinas ay nakakalat sa mga 1,850 kilometro ng malawak na karagatan mula sa hilaga hanggang sa timog at 1,100 kilometro mula sa silangan hanggang sa kanluran. Walang nakatira sa ilan sa mga pulo, at marami ang may baku-bakong bundok. Ang pag-abot sa mga tao sa gayong liblib na mga dako ay isang hamon.

Ang isa sa mga lugar na iyon ay ang Kalinga-Apayao. Sa baku-bakong kabundukan ng Sentral Cordillera ng hilagang Luzon, ang mga tao ay nahahati sa mga tribo at mga nayon, na bawat isa ay may sariling diyalekto at mga kaugalian. Bagaman itinigil na ang pamumugot ng ulo noong ika-20 siglo, ang alitan sa pagitan ng mga nayon ay karaniwan na lamang, na nagbubunga ng mga pag-aaway at pagpapatayan. Ganito ang sinabi ni Geronimo Lastima: “Noon ay mahirap magpadala ng mga special pioneer sa mga teritoryong iyon. Hinahabol ng mga tagaroon ang mga kapatid upang patayin.”

Ang solusyon ay ang magpadala ng mga kapatid na babae. Ganito ang paliwanag ni Geronimo: “Hindi nila hinahabol ang mga babae. Iniuutos ng tradisyon na hindi dapat saktan ang mga babae.” Ang mga kapatid na babae ay naging mabisa sa pagtuturo ng katotohanan sa mga tagaroon. Pagkatapos, nang maglaon, ang mga tagaroon ay nabautismuhan at naging mga payunir. Nauunawaan nila ang kultura ng kanilang mga kababayan at nababatid nila kung paano sila mabisang mapangangaralan. Bilang resulta, lumaganap sa buong kabundukang ito ang mga naghahanap niyaong mga nagnanais ng katotohanan. Noong dekada ng 1970, iilan lamang ang mga Saksi sa buong Kalinga-Apayao; ngayon ay may dalawang sirkito na.

Gayundin, sa kalapit na bulubunduking probinsiya ng Ifugao, wala ni isa mang Saksi noong unang mga taon ng dekada ng 1950. Tatlong regular pioneer ang inatasang mangaral sa mga taong nakatira sa mga hagdan-hagdang palayan (rice terraces) na daan-daang taon nang umiiral. Nang maglaon, tinanggap ng mga tagaroon ang katotohanan. Sa ngayon, may 18 kongregasyon na may 315 mamamahayag sa lugar na iyon.

Sa malayong hilagang kabundukan ng Abra, ang suliranin ay kung paano mararating ang mga nayon kung saan wala pang mga Saksi. Isang tagapangasiwa ng sirkito na may taimtim na pagnanais na madala ang mabuting balita sa pinakaliblib na mga lugar ang nag-anyaya sa 34 na iba pa upang sumama sa kaniya sa pangangaral sa lugar na malapit sa Tineg. (Gawa 1:8) Yamang walang pampublikong transportasyon, ang grupo ay naglakad sa loob ng pitong araw sa kabundukan upang marating ang sampung nayon na may mga 250 tahanan.

Naglahad ang tagapangasiwa ng sirkito: “Isang malaking hamon ang maglakad sa tagaytay ng bundok habang dala-dala ang lahat ng aming suplay. Sa loob ng anim na gabi, apat ang ginugol namin sa pagtulog sa bundok nang walang silungan o sa tabi ng ilog.” Marami nang taon ang nakalilipas mula nang tumanggap ng patotoo ang ilan sa mga nayon. Sa isang lugar, natagpuan nila ang isang lalaki na nagsabi: “Dalawampu’t pitong taon na ang nakalilipas, nangaral ang mga Saksi ni Jehova sa aking ama. Sinabi niya sa amin na taglay ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan.” Sa kabuuan, ang grupo ay nakapagpasakamay ng 60 aklat, 186 na magasin, 50 brosyur, at 287 tract at nakapagtanghal ng maraming pag-aaral sa Bibliya.

Pangangaral sa Ibang Liblib na mga Lugar

Ang Palawan ay isang malaking pulo sa Pilipinas. Mahaba at makitid, ito ay umaabot nang 434 na kilometro. Matatagpuan malayo sa abalang pamumuhay ng mas matataong pulo, ang Palawan ang kagubatang tinitirhan ng iba’t ibang tribo at maraming nabubukod na pamayanan, lakip na niyaong sa mga nandayuhan. Palibhasa’y handang tumanggap ng anumang atas, ang misyonerong si Raymond Leach ay ipinadala roon bilang tagapangasiwa ng sirkito. Iilan lamang ang mga Saksi roon at kailangang maglakbay nang malalayong distansiya. Nagugunita niya: “Ako ay inatasan doon mula 1955 hanggang 1958, at may 14 na mamamahayag lamang sa buong Palawan. Gumugol ako ng limang linggo para dalawin sila.”

Mula noon, nagkaroon na ng malaking pagsulong, bagaman ito’y nananatili pa ring isang dako ng mga hamon. Si Febe Lota, na ngayo’y mahigit nang 40 taóng gulang, ay nagpasimula bilang isang special pioneer sa Palawan noong 1984. Inilahad niya kung ano ang nangyari habang naglilingkod siya sa Dumaran: “Sumapit kami sa inaakala namin na huling bahay. Hindi namin iniisip na may isa pa, subalit mayroon nga!” May mag-asawang nakatira sa likuran ng mga sasá na ang trabaho ay mag-asikaso sa isang niyugan. At bukod diyan, sila ay interesado sa Bibliya!

Sinabi ni Febe: “Kung hindi lamang dahil sa paglilingkod kay Jehova, hindi na sana ako kailanman bumalik sa lugar na iyon.” Upang marating iyon, si Febe at ang kaniyang kasama ay kailangang gumugol ng isang araw sa paglalakad sa gitna ng niyugan sa kahabaan ng mabuhangin at mabatong dalampasigan. Sa panahong malaki ang tubig, naglalakad sila sa tubig na hanggang tuhod ang taas. Dahil sa layo, nagpasiya silang pumunta roon nang minsan sa isang buwan at gumugol ng ilang araw. Nangangahulugan iyon ng pagdadala ng pagkain, mga aklat, magasin, at ekstrang damit. “Talagang sakripisyo para sa amin na mabilad sa araw at mahantad sa masakit na kagat ng mga insekto. Dumarating kaming tumatagaktak ang pawis.” Gayunman, sulit ang kanilang mga pagsisikap nang makita nilang mabilis na sumusulong ang mag-asawang interesado sa kanilang pag-aaral sa Bibliya.

Napilitang iwan ng mag-asawa ang kanilang trabaho sa niyugan nang malaman ng manedyer, na isang Baptist, na sila ay nakikipag-aral sa mga Saksi. Nang maglaon, nasorpresa at natuwa si Febe nang makita niyang muli ang asawang babae. Hindi lamang siya bautisado na kundi, gaya ng sinabi ni Febe, “siya ay nakaupong kasama namin sa pulong para sa mga payunir na idinaos sa pandistritong kombensiyon.” Kaylaking kagalakan na makita ang mainam na bunga ng pagsisikap ng isa!

Sa malaking pulo ng Mindanao sa timugang Pilipinas, maraming lugar na mahirap marating. Si Nathan Ceballos ay naglingkod doon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, kasama ang kaniyang asawa. Sa mga linggong hindi sila dumadalaw sa mga kongregasyon, gumawa sila ng pagsisikap na mangaral sa nabubukod na mga teritoryo. Inanyayahan nila ang ibang mga kapatid na sumama sa kanila. Minsan ay gumamit ang grupo ng 19 na motorsiklo upang marating ang maraming nayon. Baku-bako at maputik ang mga daan, at ang mga Saksi ay kailangang tumawid sa mga ilog at mga batis, na ang karamihan ay walang tulay. Bagaman walang gaanong pera ang mga tao sa mga lugar na iyon, sila ay nag-abuloy ng malalambot na mga walis na gawang kamay bilang pagpapahalaga sa mga literaturang dinala ng mga kapatid. Gunigunihin ang tanawin habang ang mga kapatid ay papauwi na, ang kanilang mga motorsiklo ay punung-puno ng mga walis! Sinabi ni Nathan: “Umuwi ang lahat na pagód at marungis subalit puspos ng kagalakan, na nalalamang ang ginawa namin ay kalooban ni Jehova.”

Paggamit ng Lahat ng Paraan Upang Ipangaral ang Mabuting Balita

Sa nakalipas na mga taon, pinasigla ng organisasyon ni Jehova ang mga mangangaral ng Kaharian na samantalahin ang bawat pagkakataon na magpatotoo. Lalo na itong angkop sa mas matataong lugar sa bansa. Ang mas malalaking lunsod, tulad ng Davao, Cebu, at Metro Manila, ay katulad na katulad ng iba pang mga lunsod sa buong daigdig na maraming negosyo, opisina, kondominyum, at mga subdibisyon. Ano ang isinagawa upang maabot ang mga tao sa mga lugar na ito?

Ang Makati ay bahagi ng sirkito na hanggang kamakailan ay pinaglingkuran ni Marlon Navarro. Si Marlon, isang kabataang nagtapos sa Ministerial Training School, ay nagpagal upang organisahin ang pangangaral sa distrito ng negosyo sa Makati, isang lugar na iniatas sa tatlong kongregasyon. Pinili at sinanay ang mga kapatid na lalaki at babae, na marami sa kanila ay mga payunir, upang mabisang magawa ang lugar na ito. Ang mga pag-aaral sa Bibliya ay idinaraos sa mga mall at sa mga parke sa bahaging ito ng lunsod; dumadalo na sa mga pulong ang ilan sa mga estudyanteng ito sa Bibliya.

Si Cory Santos at ang kaniyang anak na lalaking si Jeffrey, ay kapuwa mga payunir. Madalas silang nagpapatotoo sa lansangan sa umaga, kung minsan ay kasing-aga ng ika-6 n.u. Kapag ganitong oras, natatagpuan nila ang mga taong umuuwi mula sa kanilang trabaho sa gabi sa pabrika. Nakapagpasimula pa nga sila ng mga pag-aaral sa Bibliya samantalang isinasagawa ang gawaing ito sa lansangan. Ang ilan sa mga unang nasumpungan sa ganitong paraan ay sumulong tungo sa bautismo.

Sa labas din ng mga lunsod, ang mga mamamahayag ay alisto sa paghanap ng mga pagkakataon upang magpatotoo sa iba. Si Norma Balmaceda, na naglilingkod bilang special pioneer sa mahigit nang 28 taon, ay nakipag-usap sa isang babae na naghihintay ng sasakyan. Tinanong ni Norma ang babae: “Saan ka pupunta?”

Sumagot ang babae: “Sa Quirino Province.”

“Tagaroon ka ba?”

“Hindi, pero balak ng asawa ko na lumipat kami roon kasi mahirap ang buhay rito sa Ifugao.”

Iyon ang nagbigay ng pagkakataon kay Norma upang ibahagi ang mabuting balita tungkol sa pamahalaan ng Kaharian, na lulutas sa mga suliranin ng tao. Pagkatapos ay naghiwalay na sila. Makalipas ang maraming taon, sa isang pansirkitong asamblea, isang babae ang lumapit kay Norma at nagpakilala bilang ang taong nakausap noon ni Norma. Bautisado na siya ngayon, at ang kaniyang dalawang anak na babae at asawa ay nasisiyahan sa pag-aaral sa Bibliya.

Sa tanggapang pansangay sa Quezon City, ang mga kapatid ay alisto sa paggamit ng bawat pagkakataon upang magpatotoo. Halimbawa, si Felix Salango ay kilalá sa kaniyang sigasig sa pangangaral sa iba. Siya ay madalas na nag-o-auxiliary pioneer samantalang naglilingkod sa Bethel. Noong taóng 2000, habang nagaganap ang konstruksiyon ng karagdagang gusaling tirahan, nasa isip ni Felix ang mga inupahang trabahador para magtayo ng panlabas na istraktura ng gusali. Nilapitan niya ang punong inhinyero at humingi ng pahintulot na makausap ang mga trabahador. Sinabi ni Felix: “Pagkatapos ng kanilang pananghalian, nagtungo ako sa lugar ng konstruksiyon, kung saan tinipon ng inhinyero ang mahigit sa 100 trabahador. Inilarawan ko ang gawain ng mga Saksi ni Jehova at ipinaliwanag na ang kaalaman ay kailangan upang maligtas sa malaking kapighatian. Nagdala ako ng isang kahon ng mga brosyur at isang kahon ng mga aklat na Kaalaman. Ipinaliwanag ko na kung ang mga trabahador ay interesadong mag-aral ng Salita ng Diyos, maaari silang kumuha ng isa sa mga publikasyon.” Ipinaliwanag din ni Felix kung paano sinusuportahan ang pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova at inilagay ang mga publikasyon at isang sobre malapit sa puno ng niyog. Marami sa mga manggagawa ang kumuha ng aklat o brosyur, at marami sa kanila ang naglagay ng donasyon sa sobre.

Ang ilan ay interesado sa pag-aaral, pati na ang punong inhinyero. Tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes kapag oras ng pahinga sa tanghali, isinasaayos ni Felix na makipag-aral sa kaniya sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Sinabi ng inhinyero kay Felix: “Ang natututuhan ko rito ay ipinaliliwanag ko sa aking asawa at mga kaibigan.” Dalawa pang inhinyero na nagtatrabaho roon ang gusto ring mag-aral pati na ang isang guwardiya at dalawa sa mga sekretarya. Oo, ang pagpapatotoo sa bawat pagkakataon ay nagdudulot ng pagpapala ni Jehova.

Dumating ang mga Misyonero

Sa paglipas ng mga taon, 69 na sinanay na misyonero mula sa ibang bansa ang nagtungo sa Pilipinas upang tumulong sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Isinagawa nila ito sa iba’t ibang paraan. Sina Denton Hopkinson at Raymond Leach, na binanggit kanina, ay inatasan sa larangan sa simula, una bilang mga misyonero at pagkatapos ay bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa. Nang maglaon, sila ay binigyan ng mga atas sa tanggapang pansangay.

Maraming nagtapos sa Gilead ang dumating noong dekada ng 1970 upang tumulong sa bagong tatag na imprentahan. Kabilang sa mga ito sina Robert Pevy at ang kaniyang asawa, si Patricia, na dating naglingkod sa Inglatera at Ireland. Nakatulong si Robert sa pagtatatag ng isang writing desk sa tanggapang pansangay sa Pilipinas. Ang lahat ay nalungkot nang sila’y umalis noong 1981 upang maglingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, E.U.A.

Sina Dean at Karen Jacek ay dumating mula sa Estados Unidos noong 1980, at pagkatapos nang maikling panahon ng pag-aaral ng wikang Tagalog sa Laguna, sila ay inatasan sa sangay. Pagkatapos ng ilang karagdagang pagsasanay noong 1983, tinulungan nila ang mga kapatid​—dito at sa kalapit na mga pulóng bansa—​na matutuhan ang paggamit ng sistema sa computer na ginawa ng mga Saksi ni Jehova na lubhang mahalaga upang maitaguyod ang paglalathala ng mga literatura sa Bibliya sa lokal na mga wika.

Sina Hubertus (Bert) at Jeanine Hoefnagels ay dumating noong 1988 mula sa Netherlands. Magpapasimula na noon ang sangay sa isang malaking proyekto ng konstruksiyon. Yamang ang mag-asawa ay may dati nang karanasan sa konstruksiyon ng sangay at si Bert ay pamilyar sa paggamit ng malalaking makinarya, sila ay inatasan upang tumulong sa proyekto. Si Bert ang nagpaandar sa makinarya at nagsanay rin sa iba pa. Sinabi niya: “Buhat sa pasimula, sinanay ko ang lokal na mga kapatid na magmaneho ng trak, backhoe, bulldozer, loader, at crane. Sa kalaunan, nagkaroon kami ng isang grupo na may mga 20 hanggang 25 katao na gumagamit ng malalaking makinarya.”

Pagkatapos, nakasama nila ang apat na iba pang nagtapos sa Gilead​—sina Peter at Beate Vehlen mula sa Alemanya at Gary at Teresa Jeane Melton mula sa Estados Unidos. Ang mga Vehlen ay may karanasan din sa konstruksiyon ng sangay, at ang mga Melton ay may limang taóng karanasan sa paglilingkod sa Bethel sa Estados Unidos. Silang lahat ay nakatulong sa gawain sa konstruksiyon ng sangay.

Mga ilang taon bago nito, noong 1963, ang huling tahanan ng mga misyonero ay isinara, yamang maaari nang asikasuhin ng kuwalipikadong mga payunir na Pilipino ang gawain sa larangan. Gayunpaman, noong 1991 ay isinaayos ng Lupong Tagapamahala na magpadala ng anim na misyonero sa larangan. Bagaman makaranasan sa gawain sa sangay, ang mga misyonerong ito ay may karanasan din na mabisang magagamit at mapakikinabangan sa larangan. Halimbawa, si Jeanine Hoefnagels ay nagpasimula bilang special pioneer sa edad na 18. Magagamit na niya ngayon ang kaniyang karanasan at masiglang personalidad upang pasiglahin ang mga kapatid at mga baguhan. Ang kaniyang asawa, si Bert ay nagkomento hinggil sa iba pang mga kapakinabangan. Sinabi niya: “Ang pagkakaroon ng mga misyonero rito sa larangan ay tumutulong sa mga tao na maunawaan ang internasyonal na lawak ng ating gawain.” Samantala, ang ilang misyonero ay nagpatuloy sa pag-aasikaso sa mga tungkuling pang-administratibo at iba pang gawain sa sangay.

Ang Pilipinas ay hindi lamang tumanggap ng mga misyonero kundi nagpadala rin naman ng mga misyonero.

Mga Misyonerong Ipinadala

Habang patuloy na dumarating ang mga misyonero, ang Pilipinas naman ay nagsimulang magpadala ng mga payunir na Pilipino sa ibang bansa upang makibahagi sa gawaing misyonero roon. Bagaman ang lokal na mga payunir ay maaaring hindi nagkaroon ng pang-organisasyonal na pagsasanay na kagaya ng mga nagtapos sa Gilead, maraming mahuhusay na lokal na mga payunir. Mula noong Digmaang Pandaigdig II, ang paggawa ng mga alagad ay mas mabilis na lumawak sa Pilipinas kaysa sa kalapit na mga bansa. Kaya naman, pasimula noong 1964, ang kuwalipikadong mga payunir na Pilipino ay inanyayahang maglingkod bilang misyonero sa buong Asia at sa mga pulo sa Pasipiko. Ang ilan sa mga ipinadala ay mga mag-asawa, subalit ang karamihan ay mga payunir na walang asawa na may karanasan na sa buong-panahong ministeryo sa loob ng sampung taon o higit pa. Pagsapit ng kalagitnaan ng 2002, nakapagpadala na ng 149 na misyonero sa 19 na iba’t ibang bansa. Sa mga ito, 74 ang nagpapatuloy sa kanilang mga atas. Habang hinihintay na maproseso ang mga papeles, ang potensiyal na mga misyonero ay gumugugol ng panahon sa sangay at tumatanggap ng pagsasanay at karanasan na makatutulong sa kanila sa mga atas nila. Ano ang naitulong ng mga misyonerong ito sa gawaing pangangaral sa nakaraang mga taon, at anong mga hamon at kagalakan ang kanilang naranasan?

Si Rose Cagungao (ngayo’y Engler) at si Clara dela Cruz (ngayo’y Elauria) ang unang ipinadala. Ang kanilang atas ay sa Thailand. Pagkaraan ng halos isang taon, nakasama nila si Angelita Gavino sa atas na iyon. Mangyari pa, tulad ng iba pang misyonero, ang pag-aaral ng wika ay isang malaking hamon. Ganito ang sabi ni Angelita tungkol sa pag-aaral ng wikang Thai: “Sa unang ilang linggo, nakadama ako ng pagkasiphayo dahil parang mga ‘bulati’ ang tingin ko sa lahat ng nakasulat sa aklat, at sa mga pulong naman ay wala kaming makausap dahil sa hadlang sa wika.” Subalit natuto sila, at patuloy nilang ginagamit ang natutuhan nilang wikang ito upang tulungan ang iba.

Pagkatapos ng ilang naunang misyonero na iyon, patuloy na ipinadala ang mga payunir na handang maglingkod sa iba’t ibang bansa. Sina Porferio at Evangeline Jumuad ay hinilingang pumunta sa Korea noong 1972. Natutuhan nilang mabuti ang wika, at pagkatapos ng dalawa at kalahating taon sa larangan ng misyonero, ang mga Jumuad ay inanyayahan sa gawaing pansirkito.

Noong 1970, si Salvacion Regala (ngayo’y Aye) ay isa sa siyam na kapatid na Pilipina na dumating sa Hong Kong upang pasimulan ang gawaing misyonero. Ang pag-aaral ng Cantonese ang unang hamon sa kaniya. Ang wikang Cantonese ay may siyam na tono. Kapag binago mo ang tono, magbabago ang kahulugan ng salita. Natatandaan pa ni Salvacion ang kaniyang pakikipagpunyagi sa mga tonong iyon, anupat minsan ay ikinuwento niya sa kaniyang estudyante sa Bibliya na sila ay umalis na sa kanilang tinitirhan “dahil sa isang multo” samantalang ang talagang ibig niyang sabihin ay “dahil sa mataas na upa.” Sa dakong huli, natutuhan niya ang wika. Natulungan ni Salvacion ang mahigit sa 20 katao na matutuhan ang mensahe ng katotohanan sa Bibliya. Ngayo’y marami siyang nasusumpungang taga-Indonesia na nagtatrabaho sa Hong Kong bilang mga domestic helper, kaya pinagsisikapan niyang matuto ng wikang Indones.

Si Rodolfo Asong, isang determinado subalit palakaibigang kapatid, ay napaharap sa lubhang naiibang mga kalagayan nang siya ay atasan sa Papua New Guinea noong 1979. Pinagsikapan niyang matutuhan ang wika at natutuhan niya itong mabuti anupat sa loob lamang ng maikling panahon sa bansa, siya ay ipinadala na bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Gayunman, ang pagdalaw sa mga kongregasyon sa Papua New Guinea ay lubhang kakaiba sa pagsasagawa nito sa Pilipinas. Sinabi niya: “Natutuhan kong sumagwan sa isang maliit na bangkang gawa sa isang kahoy samantalang nakatayo, gaya ng ginagawa ng mga katutubo.”

May kinalaman sa mga asamblea, si Rodolfo ay nagsabi: “Dahil sa layo at kakulangan ng murang transportasyon, nagsaayos kami ng maraming maliliit na asamblea. Ang isa na idinaos sa nayon ng Larimea ang pinakamaliit na asambleang nadaluhan ko kailanman. Ang kabuuang dumalo ay sampu.” Sa isa pang pagkakataon, siya ay inatasan bilang tagapangasiwa ng kombensiyon para sa pagtitipong idinaos sa nayon ng Agi. Sinabi niya: “Ako ay inatasan din upang maglingkod bilang tsirman ng kombensiyon, mangasiwa sa mga departamento ng Sound at Food Service, maging direktor ng drama, at gumanap ng papel ni Haring David.” Talagang nagsikap siya sa atas na iyon at nang maglaon ay tinamasa niya ang paglilingkod bilang misyonero sa Solomon Islands.

Noong 1982, si Arturo Villasin, isang marunong makibagay na kapatid mula sa Luzon, ay ipinadala sa Solomon Islands. Naglingkod siya roon bilang isang tagapangasiwa ng sirkito at nasumpungan niyang ang mga kalagayan doon ay ibang-iba kaysa sa Pilipinas. Maraming pulo ang mas madaling marating sa pamamagitan ng maliit na eroplano. Ganito ang kaniyang paglalahad: “Minsan ay bumagsak ang aming eroplano, subalit nakaligtas kaming lahat. Sa isa namang pagkakataon, halos sumalpok kami sa gilid ng bundok dahil sa mahirap makita ang kapaligiran.” Hinggil sa pagdalaw sa ilang kongregasyon, sinabi niya: “Nilalakad namin ang gitna ng maulang gubat, inaakyat ang mapuputik at matatarik na burol upang dumalaw sa mga kongregasyon na nasa lugar ng mga taong nakatira sa palumpungan na sumasamba sa kanilang mga ninuno.” Si Arturo ay namatay nang di-inaasahan dahil sa karamdaman noong 2001, subalit siya ay patuloy na maaalaala bilang isang tapat na misyonero.

Marami ang mga karanasang tulad nito mula sa mga kapatid na Pilipino na ipinadala sa mga larangan ng misyonero sa Asia at sa Pasipiko. Sa kabila ng mga hamon, ang handa at mapagsakripisyo sa sariling mga lingkod na ito ni Jehova ay nakagawa ng mahalagang kontribusyon sa gawaing pangangaral sa mga bansang ito.

Kagalakan sa Pagtulong sa Iba na Gawing Kanilang Moog si Jehova

Ang kagalakan ay nasusumpungan sa pagpapala ni Jehova. (Kaw. 10:22) Si Adelieda Caletena, na ipinadala sa Taiwan noong 1974, ay nagsabi: “Talagang maligayang-maligaya ako at nagpapasalamat kay Jehova na kaniyang pinagpapala ang aming gawain dito at binigyan niya ako ng pagkakataon na maging bahagi nito.”

Sina Paul at Marina Tabunigao na naglilingkod ngayon sa Marshall Islands, ay nagsabi: “Natulungan namin ang 72 katao na maglingkod kay Jehova. Nagpapagalak ito sa aming puso na marami sa kanila ang naglilingkod ngayon bilang matatanda, mga ministeryal na lingkod, special pioneer, regular pioneer, at aktibong mga mamamahayag ng kongregasyon.”

Si Lydia Pamplona, na naglilingkod sa Papua New Guinea mula pa noong 1980, ay nakatulong sa 84 katao hanggang sa punto ng pag-aalay at bautismo. Iniulat niya kamakailan na 16 katao ang pinagdarausan niya ng mga pag-aaral sa Bibliya, na karamihan sa mga ito ay dumadalo na ngayon sa mga pulong. Walang alinlangan na ang kaniyang personal na komento ang siyang pinakabuod ng nadarama ng maraming misyonero: “Ako ay nagpapasalamat kay Jehova dahil sa ministeryong ipinagkatiwala niya sa akin. Patuloy nawa niyang pagpalain ang aming ministeryo, sa ikaluluwalhati niya.”

Ang mga sangay kung saan ipinadala ang mga misyonerong Pilipino ay nagpapasalamat na sila’y kasama nila sa kanilang teritoryo. Ang sangay sa Thailand ay sumulat: “Mahusay ang gawain ng mga misyonero mula sa Pilipinas. Sila ay mga halimbawa ng katapatan sa nakalipas na maraming taong pamamalagi nila sa Thailand. Sila ay patuloy sa kanilang gawain sa kabila na sila’y nagkakaedad na. Mahal nila ang Thailand at ang mga mamamayang Thai; itinuturing nila ito na kanilang tahanan. Maraming salamat sa pagpapadala ninyo sa amin ng maiinam na misyonerong ito.”

Tumutulong ang Kingdom Ministry School Upang Masangkapan ang Matatanda

Halos kasabay ng panahong sinimulang ipadala ang mga payunir mula sa Pilipinas upang maglingkod sa ibang bansa, ang organisasyon ni Jehova ay naglaan naman ng pagsasanay sa dumaraming kuwalipikadong mga kapatid na lalaki na bumabalikat ng mga pananagutan sa lokal na mga kongregasyon. Ang Kingdom Ministry School ay isa sa mga pangunahing paraan upang maisagawa ang pagsasanay na ito.

Sinimulan ang unang mga klase noong 1961 bilang isang-buwang kurso. Si Jack Redford, na naging instruktor sa Gilead at pagkatapos ay naglingkod bilang misyonero sa Vietnam, ay inatasan upang magturo ng kursong ito sa Pilipinas. Ang unang paaralan ay idinaos sa sangay at isinagawa sa wikang Ingles.

Bagaman ang Ingles ay nauunawaan ng ilan, kailangang laging isaalang-alang ang iba pang karaniwang wika at diyalekto sa Pilipinas. Maraming matatanda ang makikinabang nang higit mula sa kurso na idinaraos sa kanilang sariling wika. Kaya, mula noong kalagitnaan ng dekada ng 1960, ang kurso ay idinaos sa ilang wika. Natatandaan pa ni Cornelio Cañete na siya’y inatasang magturo sa buong Pulo ng Visayas at Mindanao. Siya’y napapangiti kapag sinasabi niya: “Itinuro ko ang kurso sa tatlong wika: Cebuano, Hiligaynon, at Samar-Leyte.”

Sa paglipas ng mga taon, ang kurso ay binago, pati na ang paraan ng pag-iiskedyul nito. Kamakailan, ang kurso ay idinaos sa isang dulo ng sanlinggo​—isang araw at kalahati para sa matatanda at isang araw para sa mga ministeryal na lingkod. Gayunman, naririyan pa rin ang hamon ng pagtuturo sa paaralan sa halos walong wika. Ang matatanda na nakaaalam ng mga wikang ito ay ipinadadala mula sa sangay at nagdaraos ng paaralan para sa pagsasanay sa naglalakbay na mga tagapangasiwa. Sa kabilang panig, ang mga ito naman ang nagdaraos ng aktuwal na mga paaralan para sa matatanda ng kongregasyon at mga ministeryal na lingkod. Sa huling idinaos na paaralan, 13,000 matatanda at 8,000 ministeryal na lingkod ang nakinabang mula sa pagsasanay na ito.

Tulong sa mga Payunir

Nang maglaon, ang mga payunir ay nagsimula ring tumanggap ng karagdagang pagsasanay. Idinaos noong 1978 ang kauna-unahang mga klase ng Pioneer Service School. Ang lahat ng naglilingkod noon bilang mga payunir ay ipinatala sa mga klase, kasama na ang mga special pioneer. Mula noon, maliban sa mga taon ng 1979 at 1981, ang mga klase ay idinaraos taun-taon.

Ang mga payunir ay nakinabang nang malaki sa paaralan, subalit kinailangan nilang harapin ang mga hadlang upang makadalo. Ang ilan ay nagsakripisyo sa pinansiyal na paraan upang makadalo. Kailangang pagtiisan ng iba ang mahihirap na kalagayan sa transportasyon.

Isang di-inaasahang kalagayan ang kinailangang harapin ng mga dumalo sa paaralan na idinaos sa lunsod ng Santiago. Ganito ang salaysay ni Rodolfo de Vera, tagapangasiwa ng sirkito: “Noong Oktubre 19, 1989, walang-babalang hinagupit ang Santiago, Isabela, ng isang ubod-lakas na bagyong may pinakamalakas na hangin na 205 kilometro bawat oras. Nang magsimula kami sa aming klase sa Kingdom Hall nang umagang iyon, mayroon lamang ambon at bahagyang hangin, kaya ipinagpatuloy namin ang pagdaraos ng paaralan para sa mga payunir. Gayunman, lumakas ang hangin, at ang gusali’y nagsimulang umuga. Di-nagtagal, natanggal ang bubong. Gusto sana naming umalis, pero nakita namin na mas mapanganib sa labas dahil sa maraming nagliliparang bagay.” Bagaman nagsimulang mawasak ang gusali, ang lahat ay nakaligtas nang walang pinsala. Utang na loob nila ang kanilang kaligtasan hindi lamang kay Jehova kundi sa mungkahi rin ng magasing Gumising! na manganlong sa ilalim ng mesa o desk sa gayong mga kalagayan. Sinabi ni Brother de Vera: “Nanganlong kami sa ilalim ng mga mesa. Pagkalampas ng bagyo, nakatabon sa amin ang bumagsak na mga sanga at mga yero, subalit ang lahat ng nanatili sa gusali sa ilalim ng mga mesa ay hindi nasaktan.”

Bawat taon, ang mga paaralan ay idinaraos sa pitong wika. Hanggang noong 2002 taon ng paglilingkod, 2,787 klase ang naidaos na at may kabuuang 46,650 payunir ang nakatapos na sa kurso. Kay-inam na probisyon ito para matulungan ang mga payunir na mapasulong ang kanilang kakayahan at maglagak sila ng lubos na tiwala kay Jehova habang patuloy silang ‘sumisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan’!​—Fil. 2:15.

Naunang mga Pagsisikap sa Offset Printing

Ang lahat ng gawain sa larangan at sa mga kongregasyon ay magiging mas mahirap kung walang magagamit na mahuhusay na literatura sa Bibliya. Sa loob ng maraming taon, ang pag-iimprenta para sa Pilipinas ay isinagawa sa Brooklyn. Gayunman, noong unang mga taon ng dekada ng 1970, isang pabrika ang itinayo sa bakuran mismo ng sangay sa Quezon City. Ang makina para sa letterpress, na kagaya ng nasa Brooklyn, ay ininstila. Dahil dito ay nagawang imprentahin ng sangay ang lahat ng mga magasin dito mismo.

Sa loob ng dekadang iyon, naging maliwanag na ang pag-iimprenta sa pamamagitan ng letterpress, na gumagamit ng pamamaraang hot metal, ay inihihinto na ng industriya ng pag-iimprenta upang palitan ng offset printing. Ang tagubiling ibinigay ng pandaigdig na punong-tanggapan ay nagpapahiwatig na unti-unti rin nating gagawin ang ganitong pagbabago.

Noong 1980 ay bumili ang sangay ng komersiyal na kagamitan para sa phototypesetting. Nagkaroon din ng gayong kagamitan ang sangay sa Timog Aprika anupat ibinahagi nila sa Pilipinas ang kanilang karanasan. Ang computerized typesetting system na ito ay pinatatakbo kasama ang isang maliit na sheetfed offset press na nabili nang halos kasabay nito.

Sa munting paraan, ang kagamitang ito ang naging dahilan upang matutuhan ng mga kapatid ang mga pamamaraang ginagamit sa offset printing. Si David Namoca, na malaki na ang karanasan sa paggamit ng Linotype para sa letterpress printing, ay natutong gumamit ng kagamitan para sa phototypesetting. Ang iba pang mga kapatid ay natutong gumawa ng mga plato para sa offset printing at kung paano mag-imprenta sa kabibili pa lamang na palimbagan. Kaya, sa pagtatapos ng 1980, ang sangay ay gumagamit na ng pamamaraang offset upang mag-imprenta ng ilang labas ng Ating Ministeryo sa Kaharian at ng mga magasin sa mga wika na maliit ang sirkulasyon.

Dahil sa dumarating na pagbabago tungo sa offset printing, pinasimulan na rin ang paggamit ng mga computer upang tulungan ang mga kapatid na nagtatrabaho sa pagsasalin at paghahanda para sa pag-iimprenta. Unti-unti, ang mga kapatid ay nagkaroon ng karanasan at kumpiyansa. Sa kalaunan, kanilang napasulong kapuwa ang kalidad at dami ng naiimprenta sa paggamit ng mga pamamaraang ito. Sa katunayan, noong 1982, dahil sa kasabikan ng mga kapatid na gumawa ng pagsulong, kanilang inimprenta ang Kingdom News Blg. 31, isang publikasyon na may apat na kulay, na gamit lamang ang offset press na pang-isahang kulay. Ang papel ay pinaraan sa imprenta nang anim na ulit​—apat na ulit sa isang panig na may apat na kulay at dalawang ulit sa panig na dalawa ang kulay. Malaking trabaho ito, at ang kalidad ay maaaring hindi masyadong mahusay; subalit tuwang-tuwa ang lahat na makita ang Kingdom News na may apat na kulay na ginawa sa ating sariling palimbagan.

Ang kaayusang iyon ay nakatulong upang mapasimulan ang mga bagay-bagay, subalit paano maisasagawa ang lubos na paglipat tungo sa computerized phototypesetting at offset printing? May pinaplano ang organisasyon ni Jehova, at ang sangay sa Pilipinas ay malapit nang makinabang mula rito.

Inilaan ng Organisasyon ni Jehova ang MEPS

Pinahintulutan ng Lupong Tagapamahala ang paggawa ng isang computerized phototypesetting system na tutugon sa pantanging mga pangangailangan sa paghahayag ng mabuting balita sa maraming wika. Ang Multilanguage Electronic Phototypesetting System (MEPS) ay binuo sa Brooklyn. Bagaman natutuhan ang paggamit ng mga computer at ng offset printing sa isang limitadong paraan dahil sa komersiyal na kagamitan na ginamit ng sangay sa loob ng ilang panahon, pahihintulutan ng MEPS na sumulong ang sangay sa Pilipinas sa larangang ito, pati na ang iba pang mga sangay sa buong daigdig.

Dalawang mag-asawa mula sa Pilipinas ang inanyayahang magtungo sa Wallkill, New York. Ang mga kapatid ay tumanggap ng pagsasanay sa pagmamantini ng MEPS computer at sa paggamit ng mga programa ng MEPS para sa paghahanda sa pag-iimprenta. Isa pang mag-asawa, si Florizel Nuico at ang kaniyang asawa, ang gumugol ng panahon sa Brooklyn, kung saan natutuhan ni Brother Nuico ang paggamit ng M.A.N. offset printing press. Ito ang kailangang-kailangan ng sangay sa Pilipinas upang lubusang sumulong sa paggamit ng computerized prepress at offset printing.

Noong 1983 isang M.A.N. offset press ang dumating sa Pilipinas. Ito ay ininstila sa tulong ni Lionel Dingle mula sa sangay sa Australia. Sinimulang sanayin ni Brother Nuico ang lokal na mga kapatid hinggil sa kaniyang natutuhan sa Brooklyn. Sa pagtatapos ng 1983, ang unang mga magasin ay naimprenta sa palimbagang ito. Gayunman, ang sistema ay hindi pa lubusang nakukumpleto, kaya pansamantala, ang mga magasin ay iniimprenta sa pamamagitan ng pinagsamang pamamaraang hot metal at offset printing.

Gayunman, ang pagkakumpleto ng sistema ay hindi na nagtagal pa. Ang unang MEPS computer ay dumating noong magtatapos ang 1983, at ang dalawang kapatid na sinanay sa Wallkill ay nagpasimulang magturo sa iba kung paano gagamitin at mamantinihin ang mga kagamitan ng MEPS. Sa loob ng maikling panahon ay tuluy-tuloy na ang produksiyon. Maraming Bethelite ang lubusang sinanay sa paggamit ng sistema sa pagsasalin, pagpapasok ng mga salita, komposisyon at phototypesetting, pati na kung paano kukumpunihin ang mga computer. Masalimuot ang proseso ng pagsasanay sa Pilipinas dahil sa dami ng wikang nasasangkot. Ang Bantayan na lamang ay inihahanda sa pitong wika, hindi pa kasali ang Ingles. Ang MEPS ay angkop na angkop sa gawaing ito.

Kapansin-pansin ang pagsulong sa kalidad ng iniimprentang mga publikasyon. Hinggil sa mga nag-iimprenta, ganito ang sinabi ni Cesar Castellano, isang nagtatrabaho sa pabrika: “Ang karamihan sa ating mga kapatid ay mga magsasaka. Ang ilan ay walang teknikal na mga kasanayan. Kamangha-manghang makita kung paano pinakikilos ni Jehova ang mga kapatid sa pamamagitan ng kaniyang espiritu upang maisagawa nila ang maraming bagay, lakip na ang pag-iimprenta.” Nagtamo ang mga kapatid ng mga kasanayan sa pag-iimprenta, at tumanggap naman ang mga mamamahayag sa larangan ng mga publikasyon na lalong nagiging kaakit-akit. Subalit may isang mas mahalagang kapakinabangan​—isa na espirituwal—​na naging posible dahil sa teknolohikal na mga pagsulong na ito sa mga pamamaraan sa pag-iimprenta.

Magkasabay na Espirituwal na Pagkain

Nang iniimprenta pa sa Brooklyn ang mga magasin para sa Pilipinas, kailangan ang anim na buwan o higit pa para mailathala ang mga nilalaman ng mga magasing Ingles sa mga wika sa Pilipinas. Bagaman isinasalin sa Pilipinas ang mga magasin, ang pagpapadala ng mga manuskrito at mga proof nang paroo’t parito hanggang sa maipadala ang nakaimprentang mga magasin ay umuubos ng malaking panahon. Nang ilipat sa Pilipinas ang pag-iimprenta ng magasin noong dekada ng 1970, nakatipid ng panahon, subalit ang mga nilalaman ng mga magasin ay nahuhuli pa rin nang anim na buwan sa mga labas sa Ingles. Marami sa mga kapatid na Pilipino ang nag-isip, ‘Hindi ba’t kapana-panabik na magkaroon ng magasin sa lokal na wika na kasabay ng Ingles?’ Sa loob ng maraming taon, iyon ay isang pangarap lamang.

Gayunman, dahil sa pagdating ng MEPS at ng binagong mga pamamaraan sa produksiyon, ang dating pangarap ay nagkatotoo. Napagtanto ng Lupong Tagapamahala na ang magkasabay na pag-aaral ng magkaparehong materyal ay magkakaroon ng malaking epekto sa pagkakaisa ng buong bayan ni Jehova. Pinagsikapan ang tunguhing ito, at pagsapit ng Enero 1986, Ang Bantayan ay makukuha na kasabay ng Ingles sa apat na lokal na wika: Cebuano, Hiligaynon, Iloko, at Tagalog. Di-nagtagal, sumunod na rin ang iba pang mga wika. Pagkatapos, kaylaking kagalakan nang tanggapin ang aklat na Apocalipsis​—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito! sa mga kombensiyon noong 1988 sa tatlong lokal na wika kasabay ng edisyong Ingles! Nagalak ang mga kapatid​—hindi lamang sa pagkakaroon ng mas mataas na kalidad ng literatura na maiaalok sa mga taong interesado kundi sa pakikinabang din mula sa iisang programa ng espirituwal na pagpapakain na kasabay ng karamihan sa ating mga kapatid sa buong daigdig.

Ang mga pagsulong na ito sa ating naka-imprentang mga publikasyon ay naganap sa panahong maligalig ang mga kalagayan sa ilang bahagi ng bansa. Idiriin ng mga publikasyon ang palagiang pangangailangan na gawin ng lahat na kanilang moog si Jehova.

Mga Sagupaan ng Militar/Rebelde

Ang mga gawain ng mga rebeldeng grupo ay lalong nag-ibayo sa maraming lugar ng bansa noong dekada ng 1980. Ang ilan ay konektado sa kilusang Komunista. Ang mga sagupaan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at ng mga puwersang subersibo ay naging madalas. Ang mga labanang ito ay kadalasang sumusubok sa pagtitiwala ng mga kapatid kay Jehova.

Sa isang lugar kung saan may isang kongregasyong binubuo ng 62 mamamahayag, nagising isang umaga ang mga kapatid upang mabatid na naghahanda ang mga rebelde at ang militar para maglaban. Nasa pagitan nila mismo ang mga bahay ng mga kapatid. Isang matanda ang lumapit sa mga puwersa ng rebelde, at isa pa ang lumapit sa mga tropa ng pamahalaan. Hiniling nila na huwag silang maglaban doon upang hindi madamay ang maraming sibilyan. Hindi pinansin ang kanilang pakiusap. Dahil sa hindi na makaaalis pa, ang mga kapatid ay nagtipon sa Kingdom Hall. Pinangunahan ng isang matanda ang lahat sa isang panalangin na medyo mahaba at may sapat na lakas upang marinig ng mga tropa ng pamahalaan na nasa labas. Nang idilat ng mga kapatid ang kanilang mga mata, nasumpungan nilang wala na ang dalawang panig; hindi nagkaroon ng labanan. Ang mga kapatid na ito ay kumbinsido na iniligtas sila ni Jehova.

Si Dionisio Carpentero ay mahigit nang 16 na taong naglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, kasama ang kaniyang asawa. Natatandaan pa niya kung ano ang nangyari nang unang taon niya sa gawaing pansirkito, sa probinsiya ng Negros Oriental, sa timog-sentral ng Pilipinas. Inilahad niya: “Dinalaw namin ang Kongregasyon ng Linantuyan. Masaya kami dahil noong Miyerkules, 40 mamamahayag ang sumama sa amin sa paglilingkod sa larangan. Subalit hindi namin alam na sinusubaybayan pala ng puwersa ng mga rebelde ang bawat ginagawa namin. Ang kanilang pinagtataguan ay malapit sa Kingdom Hall. Apat sa kanila ang nagtungo sa aming tinutuluyan nang ika-4 n.h. upang magtanong tungkol sa amin. Isang elder ang nagpaliwanag na ako ay isang tagapangasiwa ng sirkito at dumadalaw sa kanilang kongregasyon tuwing anim na buwan.”

Lumilitaw na hindi naniwala ang mga lalaki sa paliwanag. Sa halip, pinaghinalaan nila si Dionisio na isang militar at inutusan ang elder na ilabas siya upang kanilang patayin. Sumagot naman ang elder na siya muna ang patayin nila. Umalis sila.

Si Dionisio ay nagpatuloy: “Buong magdamag na tumahol ang mga aso, na nagpapahiwatig na naroroon ang mga rebelde. Apat na ulit kaming nanalangin nang gabing iyon, na humihiling na patnubayan kami ni Jehova. Pagkatapos, bagaman tag-araw noon, umulan nang malakas. Ang mga lalaki na naghihintay upang patayin kami ay umalis.”

Pagkatapos ng pulong noong Linggo, sinabi ni Dionisio sa matatanda na silang mag-asawa ay magtutungo na sa susunod na kongregasyon. Gayunman, upang magawa iyon, kailangan nilang dumaan sa pinagtataguan ng mga rebelde. “Isa sa mga lalaki ang nakadungaw sa bintana,” ang sabi ni Dionisio. “Sinabi pa namin sa kaniya na kami ay aalis na. Gayunpaman, noong ika-8 n.g., ang mga rebelde ay nagpunta sa Kingdom Hall at hinahanap kami. Sinabi ng elder na kami ay umalis na at na dumaan pa nga kami sa kanilang pinagtataguan. Nakapagtataka, hindi nila kami nakita. Tinuruan kami ng karanasang ito na magtiwala kay Jehova at magpakalakas-loob sa pagharap sa mahihirap na kalagayan.” Kasama ang kaniyang asawa, si Dionisio ay may-kagalakang nagpapatuloy sa kaniyang paglilingkod.

Kung minsan ay nagiging mahirap ang pagpapatotoo dahil sa gayong mga labanan. Kapag nagkataong nasa gayon kang mga lugar at nagkaroon ng engkuwentro, maaari kang maipit. Gayunman, sa ilang kaso, ipinaalam sa mga kapatid ng alinman sa magkabilang pangkat ang napipintong mga labanan. Kapag nangyayari iyon, pumipili ang mga kapatid ng mas mapayapang lugar upang doon magpatotoo hanggang sa matapos ang labanan. Gayunpaman, nagpatuloy ang gawaing pagpapatotoo sa Kaharian, at ang mga kapatid ay natutong magtiwala kay Jehova.

Mga Pagsubok Hinggil sa Neutralidad

Sinabi ni Jesus hinggil sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Kagaya sa ibang mga bansa, ang mga Saksi ni Jehova sa Pilipinas ay hindi nakikibahagi sa pulitika ng sanlibutan at sa mga labanang militar. Hindi sila ‘humawak ng tabak’; sa halip, itinaguyod nila ang mga daan ng kapayapaan bilang mga naturuan ni Jehova. (Mat. 26:52; Isa. 2:4) Kilalá ang ganitong neutral na paninindigan sa buong Pilipinas, at kinikilala ng mga tao mula sa lahat ng panig na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi panganib sa kanila. Gayunman, may mga pagkakataon na kinailangang ipakita nang buong linaw ng mga lingkod ni Jehova kung ano ang kanilang paninindigan hinggil sa mga bagay-bagay. Ito’y nagsilbing proteksiyon sa kanila.

Bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, si Wilfredo Arellano ay maraming karanasan sa paglilingkod sa iba’t ibang teritoryo, ang ilan ay mapayapa at ang iba naman ay hindi. Noong 1988 ay dumalaw siya sa isang kongregasyon sa timog-sentral ng Pilipinas. Doon ay ginigipit ng mga subersibo ang mga kapatid na sumama sa kanilang paghihimagsik laban sa pamahalaan. Matatag na tumanggi ang mga kapatid.

Isinalaysay ni Wilfredo kung ano ang nangyari: “Sa panahon ng aking pagdalaw, ang mga tropa ng pamahalaan ay aktibo sa teritoryo ng kongregasyon. Gusto nilang organisahin ang mga residente na maging isang grupong milisya upang lumaban sa mga subersibo. Sa isang pulong kasama ng mga kinatawan ng pamahalaan, nabigyan ang mga kapatid ng pagkakataong magpaliwanag kung bakit hindi sila sasali sa mga subersibo o sa grupong milisya ng pamahalaan. Bagaman ang ilan sa mga residente roon ay tutol sa aming paninindigan, iginalang kami ng mga tagapagsalita ng pamahalaan.”

Inilahad ni Wilfredo kung ano ang sumunod na nangyari: “Isang kapatid na lalaki, na pauwi sa kaniyang bukid pagkatapos ng pulong, ang nakasalubong ng isang grupo ng armadong mga lalaki na may kasamang dalawang bihag na nakapiring. Tinanong siya kung dumalo siya sa pulong ng pamahalaan, at tapat siyang sumagot ng oo. Gustong malaman ng armadong mga lalaki kung sumali siya sa milisya, na hindi naman niya ginawa, at ipinaliwanag niya ang kaniyang neutral na paninindigan. Kaya, pinahintulutan siyang makauwi. Pagkaraan lamang ng ilang minuto, nakarinig siya ng dalawang putok at natanto niyang pinatay ang dalawang bihag na nakapiring.”

Noong dekada ng 1970 at nang unang mga taon ng dekada ng 1980, ginawang sapilitan ng batas ng Pilipinas ang pagboto ng lahat ng mga mamamayan. Ibinilanggo ang mga lumabag. Nagbigay ito ng pagkakataon sa bayan ni Jehova upang ipakita ang kanilang pagkamatapat sa Diyos. Kagaya ng kanilang mga kapatid na Kristiyano sa buong daigdig, napanatili ng mga lingkod ni Jehova sa Pilipinas ang kanilang pagiging neutral sa pulitika, anupat nananatiling “hindi bahagi ng sanlibutan.”​—Juan 17:16.

Pagkatapos magkaroon ng pagbabago sa pamahalaan noong 1986, binago ang konstitusyon ng bansa at inalis ang kahilingang bumoto. Nagdulot ito ng kaalwanan sa mga kapatid. Gayunman, may iba pang mga pagsubok na napaharap sa marami, lalo na yaong mga nasa paaralan.

‘Hindi na Mag-aaral ng Pakikipagdigma’

Si Irene Garcia ay lumaki sa probinsiya ng Pampanga sa sentral Luzon. Napaharap siya sa isang suliranin na nananatili pa ring isang pagsubok para sa maraming kabataan. Sa haiskul, ang pagsasanay sa hukbo ay isang kahilingan. Gayunman, ang mga estudyante na mga Saksi ni Jehova ay personal na nagpasiya na hindi sila maaaring makibahagi sa isang programa na nagtuturo ng pakikipagdigma. Una, nanalangin muna si Irene kay Jehova upang tulungan siya. Pagkatapos, taglay sa isipan ang tatlong tapat na kabataang Hebreo noong panahon ni propeta Daniel, personal siyang nagtungo sa kumandante ng pagsasanay sa hukbo at hiniling na siya ay malibre sa pagsasanay. (Dan., kab. 3) Bagaman hindi nito lubusang naunawaan ang kaniyang posisyon, ipinahayag nito ang kaniyang pagpapahalaga sa paliwanag ni Irene. Gayunman, binabalaan siya nito na magiging mababa ang kaniyang marka dahil sa hindi niya pakikibahagi. Sumagot si Irene: “Ayos lang po iyon. Pagbubutihin ko na lang po sa iba ko pang mga asignatura.” Binigyan siya ng ibang gawain sa halip na magsanay sa hukbo. Sinabi niya: “Dahil dito ay hindi na nagkaroon ng suliranin sa paghingi ng eksemsiyon ang ibang mga anak ng mga Saksi, at nakapagtapos pa rin ako na kabilang sa sampung pinakamagagaling na estudyante.”

Hindi lahat ng kumandante sa pagsasanay sa hukbo ay nagbibigay ng mga eksemsiyon. Nahirapang makapagtapos ang mga estudyante dahil sa ilang kumandante. Magkagayunman, ang pananatili sa mga simulain ni Jehova ay nagturo sa libu-libong kabataan ng isang mahalagang aral: Ang matatag na paninindigan sa panig ng Kaharian ni Jehova at pananatiling neutral sa mga gawain ng sanlibutang ito ay nagdudulot ng proteksiyon at pagpapala ni Jehova.​—Kaw. 29:25.

Dumami ang mga Kombensiyon

Ngayo’y tingnan naman natin ang espirituwal na mga pagtitipon ng bayan ni Jehova. Laging masasayang okasyon ang mga ito. Dahil sa kakaunti lamang ang mga Saksi sa bansa bago ang Digmaang Pandaigdig II, hindi nagkaroon ng malalaking pagtitipon hanggang sa matapos na ang digmaan. Gayunpaman, gumawa ng mga pagsisikap upang mapatibay ang mga kapatid sa ganitong paraan. Sa katunayan, iniulat ng 1941 Yearbook ang isang kombensiyong idinaos sa Maynila noong Marso 1940.

Matatandaan ninyo na si Joseph dos Santos ay ibinilanggo ng mga Hapones. Sa wakas ay pinalaya siya ng mga puwersang Amerikano noong pasimula ng 1945. Lubha siyang interesado sa espirituwal na kapakanan ng mga kapatid, na marami sa kanila ay baguhan sa organisasyon. Gumawa ng mga kaayusan upang tulungan silang matuto kung paano mabisang ituturo sa iba ang mga katotohanan sa Kasulatan sa pamamagitan ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Ang pambansang asamblea na idinaos sa Lingayen, Pangasinan, sa pagtatapos ng 1945 ay isang paraan upang maisagawa ito. Halos 4,000 ang dumalo, na nagpapakita ng dami ng mga interesado sa panahong iyon. Kaysaya ngang okasyon iyon, ngayong tapos na ang digmaan!

Mula noon, patuloy na dumami ang mga dumadalo sa kombensiyon habang dumarami rin ang mga mamamahayag. Pagkalipas ng mga 17 taon, ang 4,000 iyon ay naging 39,652. Pagkatapos ay idinaos ang mga kombensiyon, hindi lamang sa isang lugar, kundi sa pitong dako. Pagkalipas pa ng 15 taon (1977), ang dumadalo sa pandistritong kombensiyon ay lumampas na sa 100,000. Nang panahong iyon, 20 kombensiyon na ang idinaraos sa buong bansa. Makalipas ang walong taon, ang dumadalo ay mahigit na sa 200,000, at pagsapit ng 1997, ang dumadalo sa mga pandistritong kombensiyon ay mahigit na sa 300,000. Para sa taóng 2002, naging posible na isaplano ang 63 kombensiyon, na siyang pinakamalaking bilang na naiulat higit kailanman. Ang paglalakbay sa mga pulo ay maaaring maging hamon at kung minsan ay magastos. Dahil sa pagkakaroon ng mga kombensiyon sa maraming lugar ay nagiging mas malapit sa mga kapatid ang pagdarausan nito, anupat nagiging mas madaling dumalo. Bilang resulta, mas marami ang nakikinabang sa mga espirituwal na piging na ito.

Pinagpapala ni Jehova ang mga Pagsisikap na Dumalo

Hindi naging madali ang pagdalo sa mga asamblea at mga kombensiyon. Noong 1947, sa hilagang bahagi ng bansa, ang mga kapatid ay naglakbay sa Ilog Abra sakay ng dalawang balsa upang dumalo sa isang pansirkitong asamblea sa Vigan, malapit sa baybayin. Sa wawa ng ilog, kinalas nila ang mga balsa at ipinagbili ang kahoy nito upang ibili ng tiket sa bus na magdadala sa kanila pauwi sa kabundukan pagkatapos ng asamblea. Dala-dala nila ang malalaking sako ng bigas, mga bungkos ng kahoy, mga banig, maraming anak, at masasayang ngiti na lalong lumalaki habang nagpapatuloy ang asamblea. Sa pamamagitan ng bigas, panggatong, kalang de-uling, at isang banig, napaglaanan nila ang lahat ng kanilang materyal na pangangailangan.

Noong 1983, isang grupo mula sa Kongregasyon ng Caburan sa probinsiya ng Davao del Sur sa timugang Pilipinas ang naglakad nang tatlong araw sa bulubunduking lugar upang makarating sa daungan ng mga bangkang de-motor. Pagkatapos ay naglakbay sila sa pamamagitan ng bangkang de-motor sa loob ng isang araw hanggang sa lunsod na pinagdausan ng kombensiyon. Nadama nilang sulit ang kanilang pagsisikap at gastos dahil sa maligayang pakikisama sa iba sa “Pagkakaisa sa Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon.

Noong 1989, isang pamilya na may dalawang anak, na edad dalawa at apat, ang naglakad nang halos 70 kilometro mula sa bayan ng El Nido sa Palawan upang dumalo sa isang pansirkitong asamblea. Gumugol sila ng dalawang araw sa paglalakad sa gitna ng kagubatan kung saan iilan lamang ang markadong landas. Habang sila’y naglalakad, kailangan nilang alisin ang mga linta sa kanilang mga katawan. Lalo pang naging mahirap ito dahil sa walang tigil ang pag-ulan sa loob ng dalawang araw. Maraming sapa at ilog ang kailangang tawirin, subalit walang mga tulay. Sa kabila ng mga kahirapang ito, ang pamilya ay ligtas na nakarating. Tunay ngang tinamasa nila ang maligayang pakikipagsamahan sa mga kapatid doon!

Sa ibang mga lugar, ang limitadong pagkakakitaan ay nagpapahirap sa mga pamilya na magkaroon ng sapat na pera upang makadalo sa mga kombensiyon. Napaharap sa ganitong suliranin si Ramon Rodriguez noong 1984. Naninirahan siya kasama ng kaniyang pamilya sa Pulo ng Polillo, sa silangang baybayin ng Luzon. Si Ramon ay isang mangingisda. May isang linggo na lamang bago ang kombensiyon, ngunit ang pera ng kaniyang pamilya na may pitong miyembro ay sapat lamang para makadalo ang isa sa kanila. Idinalangin nila kay Jehova ang tungkol dito, at pagkatapos si Ramon at ang kaniyang 12-taóng gulang na anak na lalaki ay umalis upang mangisda. Sila ay pumalaot at inihulog ang kanilang mga lambat subalit wala silang nahuli. Makalipas ang ilang oras, nagpumilit ang anak na sila’y bumalik malapit sa kanilang pinanggalingan at doon subuking mangisda. Doon ay sinubukan nilang muli. Sinabi ni Ramon: “Hindi namin inaasahan iyon, subalit nang hilahin namin ang mga lambat na puno ng mga isda, napakarami nito anupat napuno ang bangka.” Sila’y nakahuli ng mahigit sa 500 kilo ng isda! Nang ipagbili nila ang isda, nagkaroon sila ng higit pa sa kinakailangang pera upang ang buong pamilyang Rodriguez ay makadalo sa kombensiyon.

Nang sumunod na gabi, ang ibang mga kapatid na gustong dumalo ng kombensiyon ay naghulog ng kanilang mga lambat sa lugar ding iyon at nakahuli naman ng 100 kilo ng isda. Dagdag pa ni Ramon: “Ang mga nangisdang di-Saksi at naghulog din ng kanilang mga lambat ay nagtaka dahil wala silang nahuli kahit isang isda. Sila ay nagkomento: ‘Pinagpala sila ng kanilang Diyos dahil dadalo sila ng kombensiyon.’ ” Sa tuwi-tuwina, natutuhan ng mga pamilya ng Saksing Pilipino na ang pag-una sa espirituwal na mga bagay sa kanilang buhay at ang pagkilos na kasuwato ng mga panalangin ng isa ay nagdudulot ng kagalakan at pagpapala ni Jehova.

Namumukod-tanging mga Kombensiyon

Magiliw na naaalaala ng bayan ni Jehova sa buong daigdig ang nakalipas na mga kombensiyon. Kasali na rito ang mga kapatid sa Pilipinas. Bagaman lubos na pinahahalagahan ang lahat ng programa ng mga kombensiyon, ang ilan sa mga ito ay may pantanging kahalagahan at nag-iiwan ng mas malalim na impresyon sa puso at isip. Kung minsan, ang mga ito ay pang-internasyonal na mga pagtitipon, o marahil ay mga kombensiyon kung saan umuuwi ang mga misyonero sa kanilang mga bansang pinagmulan at ibinabahagi ang kanilang mga karanasan sa mga nagkatipon.

Kagaya ng nabanggit na, maraming kapatid na Pilipino, lalaki at babae, ang naglilingkod bilang mga misyonero sa ibang mga bansa sa Asia at sa mga pulo sa karagatan. Sa ilang pagkakataon, ang mga Saksi sa buong daigdig ay nag-abuloy ng salapi upang tulungan ang mga misyonero na makauwi sa kanilang mga bansang tinubuan at doon dumalo ng mga kombensiyon. Ang mga misyonerong Pilipino ay nakinabang din mula sa maibiging kaayusang ito. Noong 1983, 1988, 1993, at 1998, marami ang natulungang makauwi sa Pilipinas upang tamasahin ang mga kombensiyon kasama ng kani-kanilang pamilya at mga kaibigan. Ang mga ulat mula noong 1988 ay nagpapakita na 54 na misyonerong naglilingkod sa 12 bansa ang nakauwi para sa mga kombensiyon sa Pilipinas. Nang panahong iyon, ang 54 na ito ay mayroon nang katamtamang bilang na 24 na taon sa buong-panahong paglilingkod. Ang lahat ay lubusang nasiyahan sa mga kapahayagan at mga karanasang kanilang inilahad sa programa.

Natatandaan naman ng iba ang mga kombensiyon dahil sa kaugnay na mga pangyayari at sa determinasyon ng mga kapatid na dumalo sa kabila ng mahihirap na kalagayan. Halimbawa, bago ang 1986 na “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon sa Surigao, sa Mindanao, hinagupit ng isang bagyo ang lunsod na may taglay na hanging 150 kilometro bawat oras. Labis na nasira ang bubong ng istadyum. Nawalan ng kuryente ang lunsod at naibalik lamang ito pagkatapos ng kombensiyon. Ang pinag-iigiban ng tubig ay anim na kilometro ang layo. Hindi nito napigilan ang mga Saksi sa pagtitipong sama-sama. Tinipon ng mga kapatid kung ano ang natira sa plataporma at itinayo iyon sa isang himnasyo na katabi ng istadyum. Umarkila sila ng isang genereytor upang pailawin ang ilang bombilya at paandarin ang sound system at isang repridyeretor para sa kapitirya. Bagaman 5,000 lamang ang inaasahang makadadalo, tinamasa ng may pinakamataas na bilang na 9,932 ang kombensiyon! Tunay na ang mga ito ay hindi mga Kristiyano lamang kapag maganda ang lagay ng panahon.

Ang pang-internasyonal na mga kombensiyon ay lalo nang di-malilimutan. Isinaayos ng Lupong Tagapamahala na maidaos ang pang-internasyonal na mga kombensiyon sa Maynila kapuwa noong 1991 at 1993. Ang mga delegado ay nag-iwan ng napakagandang impresyon sa lunsod. Tunay ngang isang kamangha-manghang pagpapalitan ng pampatibay-loob ito para sa mga kapatid na Pilipino, na karamihan ay hindi kayang maglakbay at dumalaw sa ibang mga bansa! (Roma 1:12) Ang mga delegado mula sa iba’t ibang bansa ay humanga sa taimtim at palakaibigang pagkamapagpatuloy ng kanilang mga kapatid na Pilipino. Isang mag-asawa mula sa Estados Unidos ang sumulat: “Tanggapin ninyo ang aming pantanging pasasalamat dahil sa inyong mainit na pagtanggap. Kaming lahat ay tinanggap ninyo nang may buong pagmamahal!”

Noong 1993, ginamit ang mga istadyum sa tatlong lugar sa Maynila, at sa tuwing nagpapahayag ang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang tatlong lugar ay ikinokonekta sa pamamagitan ng telepono. Labis-labis ang pananabik ng mga delegado nang ilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Tagalog! Sinabi ng isang kapatid na babae: “Lubos ang aking kagalakan. Inasam-asam ko ang panahon na magkakaroon kami ng Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Tagalog. Kaylaking sorpresa na tanggapin ito!”

Kabaligtaran naman ang nangyari noong 1998. Sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1958, ang Pilipinas ay inanyayahang magpadala ng mga delegado sa ibang mga bansa. Kaya, 107 ang nagtungo sa Kanlurang Baybayin ng Estados Unidos para sa isang kombensiyon doon. Noong Setyembre, 35 iba pa ang nagkapribilehiyo na dumalo sa isang pang-internasyonal na kombensiyon sa Korea. Ang gayong mga kombensiyon ay tunay na gumanap ng mahalagang bahagi sa pagtuturo at pagbubuklod sa bayan ni Jehova at sa pagtulong sa lahat na gawing kanilang moog si Jehova.

Ngayon ay ibaling naman natin ang ating pansin sa gawain sa larangan. Paano ito naisagawa sa isang lupain na may napakaraming wika?

Paghaharap ng Mabuting Balita sa Maraming Wika

Kagaya ng nabanggit na, karaniwan nang mas madaling matutuhan ng mga tao ang katotohanan sa kanilang katutubong wika. Ito ay naghaharap ng hamon sa Pilipinas dahil sa maraming wikang ginagamit. Gayunpaman, pinagsisikapan ng mga Saksi ni Jehova na matugunan ang mga pangangailangan ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa kanilang sariling wika at paghahanda ng mga literatura sa Bibliya sa iba’t ibang wika.

Karaniwan na, ang isang partikular na grupo ay maaaring mapatotohanan ng mga nakaaalam ng wikang iyon. Sa ilang kaso na iilang Saksi lamang ang nakaaalam ng wika, ang masisigasig na mamamahayag at payunir ay nagsisikap na matutuhan iyon. Sa ganitong paraan, tinutularan nila si apostol Pablo, na “naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.”​—1 Cor. 9:22.

Bagaman ang Pilipinas ang ikaapat sa pinakamataong bansa sa daigdig na gumagamit ng Ingles bilang opisyal na wika, hindi ito ang katutubong wika ng marami sa mga mamamayan nito. Hindi lahat ay mahusay bumasa ng Ingles, kaya kailangan ang mga publikasyon sa ilang wika sa Pilipinas. Sa nakalipas na mga taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagsalin ng mga publikasyon sa Bibliya sa di-kukulangin sa 17 sa mga wikang ito. Ang ilan ay may isa o dalawang brosyur lamang​—gaya ng Tausug, isang wika ng mga mamamayang Islamiko sa timog, o Ibanag, na ginagamit ng isang maliit na etnikong grupo na matatagpuan malapit sa pinakahilagang bahagi ng bansa. Sa kalakhang bahagi, nauunawaan at madaling gamitin ng mga tao ang isa sa pitong pangunahing wika na ito. Ang Bantayan ay isinasalin at iniimprenta sa mga wikang ito. Kaya, ang espirituwal na programa sa mga Kingdom Hall o sa mga asamblea at mga kombensiyon ay pangunahing inihaharap sa mga wikang ito.

Sa nakalipas na mga taon, pinasigla ng pamahalaan ang paggamit ng wikang Filipino, na walang pagkakaiba sa wikang Tagalog. Sa isang henerasyon, ang mga epekto nito ay naging kapansin-pansin. Nagkaroon ng malaking pagsulong sa paggamit ng Filipino sa pagsasalita at pagsulat, samantalang ang paggamit ng ibang wika ay hindi nagbago o nabawasan pa nga. Makikita ito sa bilang ng iniimprentang Ang Bantayan. Noong 1980, ang kabuuang sirkulasyon ng edisyong Tagalog sa bawat labas ay 29,667. Pagsapit ng taóng 2000, ang bilang na ito ay dumami nang apat na beses, anupat umabot ng 125,100 bawat labas. Sa panahon ding iyon, bahagya lamang ang pagbabago sa labas ng Ingles at kakaunti lamang ang pagsulong sa iba pang mga wika sa Pilipinas.

Sinusuportahan ng Pamilyang Bethel ang Gawain sa Larangan

Mga 380 buong-panahong ministro ang naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Quezon City, na bahagi ng kalipunan ng mga lunsod na tinatawag na Metro Manila. Animnapu’t siyam na kawani ang nagtatrabaho sa pagsasalin at proofreading ng mga publikasyon sa sariling wika. Natapos kamakailan ng ilan sa mga kawaning ito ang pagsasalin ng Hebreong Kasulatan ng Bagong Sanlibutang Salin sa tatlong wika: Cebuano, Iloko, at Tagalog. Mula nang mailabas ang Griegong Kasulatan ng Bibliyang ito noong 1993, inasam-asam na ng mga kapatid na magkaroon ng kumpletong Bagong Sanlibutang Salin. Kaylaking pananabik nila na tanggapin ang edisyong Tagalog na inilabas sa pandistritong kombensiyon sa pagtatapos ng taóng 2000! Di-nagtagal at sumunod naman ang mga edisyong Cebuano at Iloko. Daan-daan libong tao sa larangan ang maaari nang makinabang ngayon sa maliwanag, tumpak, at may pagkakasuwato na saling ito ng Banal na Kasulatan.

Ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Pilipinas ay may iba’t ibang pinagmulan at nagsasalita ng 28 iba’t ibang wika at diyalekto. Kaya naman, marami ang lubusang kuwalipikado na magsalin ng salig-Bibliyang mga publikasyon. Gayunman, ang pagsasalin ay isang bahagi lamang ng gawain sa Bethel.

Ang mga boluntaryo sa Bethel ay may iba’t ibang gawaing sumusuporta sa pinakamahalagang gawaing pangangaral sa larangan. Ang ilang kapatid ay nag-iimprenta ng mga magasin at iba pang literatura. Inihahatid din ng mga boluntaryo ang mga ito sa iba’t ibang lugar sa Luzon. Marami ang tumutulong sa mga gawain sa Tahanang Bethel mismo, tulad ng pagmamantini ng mga kasangkapan, pagluluto, at paglilinis. Ang iba ay inatasan sa Service Department, kung saan sila ay tumatanggap at nagpapadala ng mga sulat sa maraming wika upang tulungan ang mga kongregasyon, naglalakbay na mga tagapangasiwa, at buong-panahong mga lingkod sa larangan. Maguguniguni mo kung gaano karaming sulat ang tinatanggap mula sa mga 3,500 kongregasyon sa buong kapuluan!

Mula nang itatag ang tanggapang pansangay noong 1934 hanggang noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, ang mga gawain sa sangay ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng isang lingkod, o tagapangasiwa ng sangay. Matapos bumalik ni Joseph dos Santos sa Hawaii, si Earl Stewart, isang misyonero mula sa Canada, ang nagkaroon ng gayong pananagutan sa loob ng mga 13 taon. Dalawa pang kapatid ang naglingkod sa loob ng maiikling yugto ng panahon pagkaraan nito. Pagkatapos, noong 1966, si Denton Hopkinson, na dumating noong 1954, ang inatasan bilang tagapangasiwa ng sangay. Naglingkod siyang mabuti sa gayong kapasidad sa loob ng sampung taon hanggang marapatin ng organisasyon ni Jehova na ipatupad ang isang bagong kaayusan para sa pangangasiwa sa mga sangay sa buong daigdig.

Kasuwato ng tagubilin sa mga sangay sa buong daigdig, noong Pebrero 1976 ang pangangasiwa ay inilipat mula sa isang tao tungo sa isang Komite ng Sangay. Ang grupong ito ng kuwalipikadong mga lalaki na gumagawa sa ilalim ng patnubay ng Lupong Tagapamahala ang may pananagutan sa mga desisyon na makaaapekto sa gawain sa larangan at sa tanggapang pansangay. Dati, ang Komite ng Sangay sa Pilipinas ay binubuo lamang ng limang miyembro. Nang maglaon, yamang ang karamihan sa dating mga miyembro ng komite ay mga misyonero mula sa ibang bansa, naisip na katalinuhang dagdagan ang bilang ng mga kapatid na Pilipino. Kaya may panahon na naging pito ang miyembro ng komite.

Ang mga bentaha ng kaayusang ito ng Komite ng Sangay ay nakita agad. Si Denton Hopkinson, na ngayon ay naglilingkod bilang tagapag-ugnay ng Komite ng Sangay, ay nagsabi: “Sa pagbabalik-tanaw, makikita mo na iyon ay isang matalino at napapanahong hakbang. Sa dami ng gawain at laki ng organisasyon, hindi kayang pangasiwaan ng isang tao ang lahat ng bagay. Mas pantay-pantay na ngayon ang pagkakahati-hati ng bigat ng pananagutan.”

Ang Kawikaan 15:22 ay nagsasabi: “Sa karamihan ng mga tagapayo ay may naisasagawa.” Ang pagsangguni sa iba ay nagdudulot ng kapaki-pakinabang na karunungan. Ikinakapit ng Komite ng Sangay sa Pilipinas ang simulaing iyan. Mula nang atasan si Brother Hopkinson bilang tagapangasiwa ng sangay, makasampung ulit nang dumami ang mga kawani sa Bethel, at gayundin ang gawain. Ang Komite ng Sangay sa kasalukuyan ay binubuo ng limang matatagal nang mga lingkod ni Jehova. Bawat isa ay gumugol na nang humigit-kumulang sa 50 taon sa buong-panahong paglilingkod. Ang kanilang pinagsama-samang karanasan ay tunay na nakatutulong habang ang gawain sa lahat ng mga pulo ay buong-bilis na sumusulong sa ilalim ng patnubay ni Jehova. Itinuturing ng Komite ng Sangay at ng buong pamilyang Bethel na isang malaking pribilehiyo na suportahan ang gawaing ito.

Pagdadala ng Katotohanan sa “Lahat ng Uri ng mga Tao”

Ang pagsasagawa ng gawaing pangangaral ay tunay na kasuwato ng kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Anong “uri” ng mga tao ang natulungan ng masisigasig na mangangaral sa buong Pilipinas?

Si Marlon ang uri ng tao na laging nasasangkot sa gulo. Kilala siya sa kanilang nayon bilang isang tao na maraming bisyo: paninigarilyo, paglalasing, pagdodroga, at pagkakaroon ng masasamang kasama. Nang bumisita ang mga Saksi, naging interesado ang ina ni Marlon sa mensahe ng Kaharian. Kailangang lakarin ng mga payunir ang maalikabok at maputik na mga daan upang magdaos ng pag-aaral sa kaniya. Sa pasimula, si Marlon ay walang interes na sumali sa pag-aaral kundi dumaraan lamang siya paminsan-minsan. Gayunman, ang mga kapatid na nagdaraos ng pag-aaral sa kaniyang ina ay nagpakita ng interes sa kaniya. Sa kalaunan, hindi lamang siya nagpasimulang makipag-aral kundi ipinagupit din niya ang kaniyang buhok na hanggang baywang ang haba upang makadalo siya sa kauna-unahang pagkakataon sa pulong sa Kingdom Hall. Mabilis ang kaniyang pagsulong, at namangha ang mga tao sa malalaking pagbabago na ginawa niya sa kaniyang istilo ng pamumuhay. Si Marlon ay naglilingkod na ngayon bilang isang buong-panahong ministro, na nagdadala ng katotohanan sa iba. Ano ang gumanyak sa kaniya upang tanggapin ang katotohanan? Sinabi niya na ang matiyagang pagdalaw ng mga payunir upang makipag-aral sa kaniyang ina ang nakakumbinsi sa kaniya na taglay nila ang katotohanan.

Ang ilan naman ay maaaring hindi ang uri ng mga tao na nakahilig sa pagtanggap sa katotohanan. Sa kabila nito, hindi hinahatulan ng mga tagapaghayag ng mabuting balita ang mga tao kundi binibigyan sila ng pagkakataong makinig. Sa maliit na pulo ng Marinduque, isang special pioneer ang nagpatotoo sa isang bahay. Nang siya’y matapos, nagtanong siya kung may iba pang nakatira roon. Sinabi ng may-bahay na may nakatira sa itaas subalit idinagdag niya: “Huwag na kayong mag-abalang umakyat; siya’y marahas at magagalitin.” Gayunman, nadama ng payunir na dapat mabigyan ng pagkakataon ang lalaki na mapakinggan ang mensahe ng Kaharian. Nang makarating sa pintuan sa itaas, nasumpungan ng payunir na parang naghihintay sa kaniya ang lalaki. Nakangiti siyang nag-alok ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nasorpresa siya nang ang lalaki, si Carlos, ay waring natuwa sa alok na iyon. Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa kaniya at sa kaniyang asawa.

Sa ikalawang pagdalaw ng payunir, ipinagtapat ni Carlos na siya at ang kaniyang asawa ay may malulubhang suliranin at nagtangka pa ngang magpatiwakal. Nang unang dumalaw ang payunir sa ibaba ng bahay, idinikit ni Carlos ang kaniyang tainga sa sahig upang makinig, at narinig niya ang may-bahay na pinahihina ang loob ng payunir sa pag-akyat sa itaas. Nang marinig niya iyon, siya’y nanalangin na huwag sanang pansinin ng payunir ang payo at umakyat pa rin siya dahil baka ito na ang sagot sa kanilang kahilingan para sa kapayapaan ng isip. Ang kanilang pag-aaral ng Bibliya ay nagdulot nga sa kanila ng kapayapaan ng isip. Ang dalawa ay magkasabay na nabautismuhan, at ang asawa ni Carlos ay isa na ngayong regular pioneer na ministro.

Isa pang lalaki, na nagngangalang Victor, ang lumaki sa mga turo ng mga Budista at Katoliko. Nagsimula siyang mag-isip kung bakit napakaraming relihiyon sa daigdig. Pinasimulan niyang hanapin ang katotohanan. Pagkatapos suriin ang Islam, Hinduismo, Shintoismo, Confucianismo, teoriya ng ebolusyon, at iba pang mga pilosopiya, nasumpungan niya na wala sa mga ito ang nagbibigay sa kaniya ng kasiyahan. Sa kaniyang paghahanap, nasumpungan niyang ang Bibliya lamang ang naglalaman ng tumpak na hula. Kaya, isinentro niya ang kaniyang paghahanap sa Bibliya. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa Kasulatan, silang dalawa ng kaniyang kasintahan, si Maribel, ay nagpasiya na ang Trinidad, apoy ng impiyerno, at purgatoryo ay huwad na mga turo. Subalit, tila may kulang pa.

Ilang panahon matapos silang makasal ni Maribel, nakipag-usap si Victor sa isang Saksi at natutuhan niya na kailangang gamitin ang pangalan ng Diyos. Pagkatapos na suriin ito sa kaniyang Bibliya, karaka-rakang ginamit ni Victor ang pangalan ni Jehova sa kaniyang mga panalangin. Di-nagtagal at dumalo na siya sa mga pulong sa Kingdom Hall at mabilis na sumulong sa espirituwal. Silang dalawa ni Maribel ay nabautismuhan noong Mayo 1989, at si Victor ay naglilingkod ngayon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa, na pinatitibay ang mga kongregasyon.

Ang mga payunir ay nakatutulong sa mga tao sa lahat ng uri ng kalagayan. Si Primitiva Lacasandile, isang special pioneer sa timugang bahagi ng Luzon, ay nagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa mag-asawa sa isang nayon. Sila ay may dalawang anak. Mahirap ang kanilang buhay. Minsan nang dumating si Primitiva para sa kanilang pag-aaral sa Bibliya, nabigla siya nang makita niyang ang pinakamatandang anak ay nasa isang sako na nakabitin sa loob ng bahay at umiiyak. Sinabi ni Primitiva: “Ang ina ay may hawak na kutsilyo at papatayin na ang bata. Pinigilan ko siya at tinanong kung bakit niya gagawin iyon. Ipinaliwanag ng ina na iyo’y dahil sa hirap ng kanilang buhay.” Pinayuhan sila ni Primitiva mula sa Bibliya hinggil sa kanilang suliranin, na nagligtas sa buhay ng bata. Ipinagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral sa Bibliya at nagsimulang dumalo sa mga pulong, kahit na kailangan nilang maglakad nang walong kilometro upang makarating sa dakong pulungan. Sumulong ang mag-asawa at nabautismuhan, at ngayon ang asawang lalaki ay isa nang matanda sa kongregasyon. Sinabi ni Primitiva: “Ang batang muntik nang mapatay ay isa na ngayong regular pioneer. Tunay, ang gawaing ibinigay ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ay nagliligtas ng buhay ngayon at sa hinaharap.”

Paglilingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan

Marami pang lugar na kakaunti ang mga tagapaghayag ng Kaharian. Ang mga payunir at mga mamamahayag ay nagboluntaryong pumunta sa mga lugar na ito. Sina Pascual at Maria Tatoy ay naglilingkod bilang mga regular pioneer. Sila ay nagboluntaryong sumama kay Angelito Balboa, isang special pioneer, upang tumulong sa paggawa sa teritoryong nasa Pulo ng Coron, sa kanlurang bahagi ng Pilipinas. Upang masuportahan ang kanilang sarili, si Pascual ay nangisda kasama ng isa pang kapatid na lalaki at si Maria naman ay nagtinda ng kakaning gawa sa malagkit.

Nang dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito, binanggit nito na may pangangailangan sa isa pang pulo, ang Culion. Ang lugar na iyon ay may kolonya ng mga ketongin, at mayroon lamang apat na mamamahayag doon. Inanyayahan niya ang mag-asawang Tatoy na pumunta roon. Pumayag sina Pascual at Maria, at pinagpala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap. Ang apat na mamamahayag sa Culion ay naging dalawang kongregasyon na ngayon.

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, maraming tao ang lumikas sakay ng bangka mula sa Vietnam. Marami sa kanila ang napadpad sa Pilipinas. Mga 20 taon nang umiiral ang mga kampo ng mga nagsilikas. Isang malaking kampo ang inilagay sa Pulo ng Palawan. Ilang kapatid na Pilipino ang nagboluntaryo upang dalhin ang katotohanan sa mga taong ito. Isang kapatid na nagsasalita ng Vietnames ang dumating mula sa Estados Unidos upang tumulong. Tinanggap ng ilan sa mga nasa kampo ang katotohanan. Ang iba naman na nakaalam tungkol sa pangalan ni Jehova at sa kaniyang mga Saksi ay lumipat sa ibang dako.

Ang mga special pioneer ay naglilingkod sa maraming liblib na lugar sa Pilipinas. Kadalasan ay isinasama nila ang ibang mga mamamahayag at mga payunir kapag gumagawa sa malalayong lugar. Isinaysay ni Norma Balmaceda ang tungkol sa paggawa sa bulubunduking probinsiya ng Ifugao. Sinabi niya: “Kalimitang umaalis kami nang Lunes, dala ang aming mga bag sa pangangaral na punô ng mga literatura, mga damit namin, at pagkain​—sapat upang tumagal hanggang Sabado ng umaga. Sa hapon, umuuwi na kami para sa mga pulong ng aming kongregasyon.”

Ang ilang kongregasyon ay nagsasaayos na dumayo ng pangangaral, lalo na kapag maganda ang lagay ng panahon. Maaari silang gumugol nang ilang araw o isang linggo sa pagpunta sa mga teritoryo sa lalawigan. Natatandaan pa ni Nicanor Evangelista, na ngayo’y naglilingkod sa Bethel, nang siya ay nasa larangan at gumagawa sa gayong mga teritoryo: “Sa mga lalawigan, kaugalian ng Pilipino na kapag interesado ang mga tao, sasabihin nila: ‘Dito na lang kayo matulog sa amin. Maaari kayong magluto rito.’ Kung minsan ay magdamag na nakikipag-aral ng Bibliya ang mga payunir sa mga interesado dahil doon sila mismo natutulog.”

Natuto ng Katotohanan ang mga Aeta

Sa kanilang pagsisikap na mapatotohanan ang lahat ng uri ng mga tao, ang mga lingkod ni Jehova ay nakipag-ugnayan sa mga Aeta, o Negrito, gaya ng tawag din sa kanila. Ang mga Aeta ay itinuturing na mga katutubong naninirahan sa Pilipinas. Maliit lamang ang kanilang populasyon, at hindi laging madali na makipag-ugnayan sa kanila. Ito’y dahil sa marami sa kanila ang namumuhay bilang mga lagalag sa magugubat na kabundukan, nangangaso o naghahanap ng ligaw na prutas at mga gulay. May ilang pagkakahawig sila sa mga Pygmy sa Aprika, dahil sa wala pang limang talampakan ang taas nila at may maitim na kutis at kulot na buhok. Ang ilan sa kanila ay naging bahagi na ng lipunan at ang iba ay nagtayo na ng mas permanenteng mga tahanan malapit sa matataong lugar. Marami ang dating naninirahan sa mga bundok sa palibot ng Bundok Pinatubo subalit naitaboy sila noong panahon ng malakas na pagsabog ng bulkan doon.

Isa pang grupo ng mga Negrito ang nakatira sa Pulo ng Panay, sa gitnang Pilipinas. Si Lodibico Eno at ang kaniyang pamilya ay mga Aeta sa lugar na iyon. Ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ang naging sanhi ng maraming pagbabago para kay Lodibico. Inilahad niya: “Dati, marami akong bisyo: pagngangangà, paninigarilyo, pag-inom ng alak, pagsusugal. Masyado rin akong marahas. Hindi maligaya ang aming buhay pampamilya. Kung hindi ko itinigil ang mga bisyong iyon, marahil ay patay na ako. Ngayo’y naging malinis na ang aking katawan. Ang aking ngipin, na dating mapula, ay maputi na. Isa na akong matanda sa kongregasyon. Natanggap ko ang lahat ng mga pagpapalang ito mula sa Diyos na Jehova.” Kagaya ng pamilyang Aeta na ito, maging ang mga tao mula sa maliliit na tribo ay nakaranas ng kalayaang nagmumula sa pagsunod sa daan ni Jehova.​—Juan 8:32.

Pagdadala ng Kalayaan sa mga Bilanggo

Ang isa pang uri ng mga tao na natulungan ay yaong mga nasa bilangguan. Mula noong dekada ng 1950, gumawa ang mga Saksi ni Jehova ng pantanging pagsisikap na dalawin ang mga nasa bilangguan. Marami sa mga ito ang natulungang tumanggap sa daan ng katotohanan.

Noong kabataan niya, si Sofronio Haincadto ay nasangkot sa paghihimagsik laban sa pamahalaan. Dinakip siya at hinatulang mabilanggo nang anim na taon. Habang nasa New Bilibid Prison sa Luzon, napansin niya ang isang bilanggo na hindi dumadalo sa mga relihiyosong serbisyo na ipinahihintulot sa mga bilanggo. Nalaman niya na ang lalaking iyon ay naging isa nang Saksi ni Jehova. Umakay iyon sa halos araw-araw na pakikipag-usap tungkol sa Bibliya. Sinabi ni Sofronio: “Nakumbinsi ako na ang dati kong ipinaglalaban ay hindi talaga makababago sa lipunan upang bumuti ito.” Natutuhan niya na tanging ang Kaharian ng Diyos ang makapagdudulot ng kanais-nais na mga pagbabago. Sa tulong ng mga kapatid mula sa isang kalapit na kongregasyon, sumulong si Sofronio sa espirituwal na paraan at nabautismuhan sa isang balon ng bilangguan na ginagamit sa pagdidilig ng mga halaman.

Nang matapos ang kaniyang sentensiya, si Sofronio ay nagpatuloy hanggang sa maging isang regular pioneer at nang maglaon, isang special pioneer. Sa kaniyang buong-panahong paglilingkod, natulungan niya ang humigit-kumulang sa 15 katao na tumanggap sa daan ng katotohanan. Nang makapag-asawa, siya ay nagkaroon ng anim na anak. Tatlo na ngayon sa mga ito ang nasa buong-panahong paglilingkod at ang isa sa kanila ay tagapangasiwa ng sirkito. Noong 1995, dalawa sa kaniyang mga anak ang dumalo sa Ministerial Training School. Ang katotohanan ay nagdala ng tunay na kalayaan kay Sofronio, sa kaniyang pamilya, at sa iba na kaniyang natulungan.

Nangangaral ang mga special pioneer sa mga preso na nasa kolonya ng mga bilanggo sa Iwahig sa Palawan, at sa katunayan, pinahintulutan silang magtayo ng isang maliit na Kingdom Hall sa loob mismo ng kolonya. Isang bilanggo na nahatulan dahil sa panununog, pagnanakaw, at ilang pagpatay ay nagsimulang mag-aral. Nang matulungan siyang magkapit ng kaniyang natutuhan mula sa aklat na Maaari Kang Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, kaylaki ngang pagbabago ang nagawa nito sa kaniyang buhay!

Pagkatapos ng mahigit sa 23 taóng pagkabilanggo, ang lalaking ito ay binigyan ng pahiwatig hinggil sa kaniyang napipintong paglaya. Ipinahayag niya ang pagnanais na makapiling muli ang mga miyembro ng kaniyang pamilya pagkaraan ng gayong mahabang panahon. Gayunman, labis siyang ikinahihiya at kinatatakutan ng kaniyang pamilya anupat sila ay nagpasabi sa kaniya: “Pakisuyong huwag ka nang bumalik.” Hindi nila alam ang napakalaking pagbabagong idinulot ng Salita ng Diyos sa kaniyang buhay. Anong laking gulat nila nang bumalik ang mahinahon at mapayapang Kristiyano na ito sa kaniyang sariling bayan!

Ang pinakamalaking pambansang bilangguan para sa mga babae ay nasa Mandaluyong, Metro Manila. Sa loob ng maraming taon, nilimitahan ang pagpasok ng mga Saksi ni Jehova sa pasilidad na ito. Gayunman, nagbago ito nang ilipat sa bilangguang ito ang isang babaing nakikipag-aral na ng Bibliya. Sinabi sa kaniya ng mga awtoridad na makisali siya sa isa sa mga relihiyosong grupo roon, subalit iginiit niya na hindi niya magagawa iyon, anupat ipinaliwanag na nais niyang sumamba kasama lamang ang mga Saksi ni Jehova. Sumang-ayon ang mga awtoridad at pinahintulutan ang mga Saksi na dumalaw sa pasilidad na ito linggu-linggo. Ilan sa mga babae roon ang nabautismuhan na mula noon, at isang kalapit na kongregasyon ang regular na nangangasiwa ng Pag-aaral sa Bantayan at ng iba pang mga pulong sa kapakinabangan ng interesadong mga babaing bilanggo.

Ang mensahe ng katotohanan ay nagdulot ng kakaibang kalayaan sa ilan sa mga nasa bilangguan. Sila man ay mahalaga rin kay Jehova, at ang kaniyang bayan ay nasisiyahang makibahagi sa pagtulong sa gayong mga tao.

Nagpapatuloy ang Matatagal Nang Lingkod

Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kaw. 16:31) Oo, kaygandang makita yaong mga gumawa na kanilang moog ang kagalakan kay Jehova sa loob ng maraming taon!

Bago ang Digmaang Pandaigdig II, maliit lamang ang teokratikong organisasyon sa Pilipinas. Iilan lamang ang nakagugol nang gayon karaming taon sa gawaing pangangaral. Kaya naman, tunay na nakapagpapasiglang makausap si Leodegario Barlaan. Nasa buong-panahong paglilingkod na siya mula pa noong 1938. Noong panahon ng digmaan siya at ang kaniyang mga kasamahan ay pinahirapan ng mga Hapones, subalit nagpatuloy sila sa pangangaral. Pagkatapos ng digmaan, ipinagpatuloy niya ang buong-panahong paglilingkod kasama ang kaniyang asawa, si Natividad, at nang maglaon ay naanyayahan sila sa gawaing paglalakbay. Pagkaraan, sila ay naglingkod bilang mga infirm special pioneer sa probinsiya ng Pangasinan. Si Natividad ay namatay noong 2000, subalit patuloy pa rin si Leodegario sa atas na iyon. Ang lahat ay napatitibay sa kaniyang determinasyon na gawin kung ano ang malaon na niyang ginagawa​—ang gawaing pangangaral.

Ang gawaing pagpapatotoo ay mabilis na sumulong pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. Marami na natuto ng katotohanan noon ang patuloy na naglilingkod hanggang ngayon. Halimbawa, noong panahon ng digmaan, binasa ni Pacifico Pantas ang mga publikasyon sa Bibliya na pag-aari ng kaniyang mga kapitbahay na mga Saksi. Sinabi niya: “Nagsimula akong dumalo sa mga pulong. Pagkatapos ay nagpatala ako para sa paglilingkuran bilang general [ngayon ay regular] pioneer, pero hindi pa ako bautisado noon. Hiniling nilang magpabautismo ako, kaya iyon ang ginawa ko.” Noon ay taóng 1946. Narating ni Pacifico ang maraming bahagi ng bansa dahil sa pagpapayunir. Tinamasa rin niya ang iba pang mga pribilehiyo. Sinabi niya: “Inanyayahan ako sa ika-16 na klase ng Gilead at noong 1950 ay nakadalo ako sa pang-internasyonal na asamblea sa New York City. Pagkatapos ng gradwasyon, naglingkod ako bilang isang tagapangasiwa ng sirkito sa mga estado ng Minnesota at North Dakota, E.U.A., at pagkatapos ay nagbalik ako sa Pilipinas upang maglingkod bilang isang tagapangasiwa ng distrito sa bansa sa gawing timog ng Ilog Pasig, mula sa Maynila hanggang sa Mindanao.”

Nang sumunod na mga taon, tinamasa ni Brother Pantas ang iba’t ibang atas sa Bethel at bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Pagkatapos noong 1963, nag-asawa si Pacifico. Nagkaanak silang mag-asawa, kaya kinailangan nilang mamirmihan sa isang lugar at magpamilya. Patuloy silang naglingkod kay Jehova bilang isang pamilya, at ang tatlong anak ay pawang lumaki bilang mga tagapuri ni Jehova. Ang tatlong ito sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang matatanda, at nagtapos ang isa sa Ministerial Training School. Ang isa naman ay naglilingkod sa Bethel. Kahit sa kaniyang katandaan, si Brother Pantas ay nananatiling isang mabuting impluwensiya sa kongregasyon.

Presentableng mga Bulwagan Para sa Pagsamba kay Jehova

Kamakailan lamang nagkaroon ang bayan ni Jehova sa Pilipinas ng mga Kingdom Hall bilang kanilang dako ng pagsamba. Sa loob ng maraming taon, ang karamihan ay nagtipon sa mga tahanan ng mga kapatid. Mangyari pa, kahit noong unang siglo, ang mga Kristiyano ay gumamit ng mga bahay para sa mga pagpupulong. (Roma 16:5) Gayunman, habang dumarami ang mga kongregasyon sa makabagong panahon, naging kanais-nais na magkaroon ng mga dako na maalwang makapaglalaman ng mas maraming tao.

Sinabi ni David Ledbetter: “Napakahirap nito para sa marami dahil sa kakulangan sa pananalapi. Kahit sa Metro Manila, na isang malaking lunsod, iisa lamang ang aming Kingdom Hall na itinayo sa sariling lupa ng kongregasyon. Sa bawat lugar na may Kingdom Hall, may gusali ang kongregasyon pero hindi kanila ang lupa.” Napakaliit ng kinikita ng mga kapatid kaya ang mga kongregasyon ay hindi kayang bumili ng lupa.

Kaya nagkasya na lamang ang mga kapatid sa kung ano ang pansamantalang magagamit nila bilang mga Kingdom Hall. Anumang pasilidad mayroon sila, buong lugod nilang ipinagamit ito. Halimbawa, naaalaala pa ni Denton Hopkinson na ipinagamit ni Santos Capistrano, isang kapatid sa Maynila, ang ikalawang palapag ng kaniyang bahay bilang Kingdom Hall sa loob ng mga 40 taon. Sinabi ni Brother Hopkinson: “Pagkamatay ng asawa ni Brother Capistrano, ang kaniyang mga anak ay tumira sa silong. Ang Kingdom Hall ay nasa itaas, at mayroon lamang siyang isang maliit na kuwarto, na may kusina sa isang panig. Nasakop ng Kingdom Hall ang kalakhang bahagi ng ikalawang palapag. Iisipin mong mahirap iyon para sa kaniya, subalit maligaya siya sa gayong kalagayan. Ganiyan ang espiritu ng mga kapatid.”

Sa kalaunan, naging posible na magtayo ng mga Kingdom Hall sa sariling lupa ng mga kongregasyon. Ang halaga ng piso ay tumaas, at pagsapit ng dekada ng 1980, bahagyang tumaas ang suweldo, anupat naging posible na manghiram ng salapi. Bilang resulta, ang ilang kongregasyon ay nakahiram ng salapi.

Pagkatapos, nakatulong nang malaki ang isang maibiging kaayusan na pinasimulan ng Lupong Tagapamahala. Ipinatalastas ang tungkol sa Kingdom Hall Fund sa Estados Unidos at sa Canada, at hindi natagalan mula noon, nakinabang ang Pilipinas sa salaping iniabuloy sa pantanging layunin na magtayo ng mga Kingdom Hall. Ang kaayusang ito ay kasuwato ng simulain na “magkaroon ng pagpapantay-pantay,” anupat ginagawang posible na makapagpahiram ng salapi. (2 Cor. 8:14, 15) Unti-unting umusad ang mga bagay-bagay, subalit nang mabalitaan kung gaano kabisa ang kaayusang ito sa ibang lugar, nahikayat ang mas marami pang kapatid na magsikap na magkaroon din ng Kingdom Hall.

Kaylaki ngang pagkakaiba ang idinulot ng kaayusang ito! Hinggil sa pagpapahiram ng salapi para sa mga Kingdom Hall, ang tanggapang pansangay ay nag-ulat: “Sa kabuuan, mayroon nang mahigit sa 1,200 proyekto ng Kingdom Hall. Malaki talaga ang naging epekto nito sa buong bansa.” Bagaman ang malaking bahagi ng pondo sa pasimula ay galing sa ibang bansa, nang maglaon, kaya nang suportahan ng mga kapatid na Pilipino ang kanilang sariling programa. Hinggil dito, ang tanggapang pansangay ay nagsabi: “Sa loob ng ilang taon na ngayon, ang lahat ng panustos sa mga proyekto ng Kingdom Hall ay galing na sa mga salaping ibinabalik ng mga nanghiram at sa mga kontribusyon ng mga kapatid sa Pilipinas. Ipinakikita nito na kahit na sa mga lugar na mahirap ang kabuhayan, malaki ang magagawa kapag pinagsama-sama ang salapi.”

Marami nang kongregasyon ang may sariling Kingdom Hall ngayon. May mga 3,500 kongregasyon sa bansa, at mayroon pang nangangailangan ng kanilang sariling dakong pulungan. Gayunman, halos 500 sa mga kongregasyong ito ang wala pang 15 mamamahayag at hindi kayang humiram ng salapi para sa Kingdom Hall. Kaya kamakailan ay hinimok na magsanib ang mga kongregasyon upang gawing higit na praktikal ang pagkakaroon ng mga Kingdom Hall.

Mga Pagbabago ng Pangmalas Hinggil sa mga Iskedyul ng Pulong

Ang ilang kongregasyon, may sarili mang Kingdom Hall o wala, ay nasa liblib na mga lugar. Ang mga kapatid ay kailangang maglakad nang dalawa, apat, o mas marami pang oras sa baku-bakong daan upang makarating sa dakong pulungan. Dahil dito, may mga lugar kung saan hindi praktikal na magtipong sama-sama sa isang sentral na lokasyon nang mahigit pa sa isang ulit sa loob ng isang linggo para sa mga pulong. Kaya naman, marami sa mga kongregasyong ito ang nagdaos ng lahat ng kanilang pulong sa loob ng isang araw maliban sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Ang mga kapatid ay nakahandang makibahagi sa apat na pulong. Nagdala sila ng pananghalian. Sa ganitong paraan, ang mahabang distansiya patungo sa dakong pulungan ay kailangang tahakin na lamang nang minsan sa isang linggo, at ang iba pang gawain, tulad ng ministeryo sa larangan ay isinasagawa sa kani-kanilang lugar sa ibang mga araw.

Noong dekada ng 1980, ang ganitong kaugalian ay nagsimulang lumaganap kahit sa mga kongregasyon na wala naman sa masyadong liblib na mga lugar, maging yaong mga nasa lunsod. Marahil ang mahirap na kabuhayan ang siyang naging dahilan upang mag-isip ang ilan ng mga paraan para makapagtipid ng salapi. Mientras mas kakaunti ang araw ng pulong, mas madalang ang biyahe at mas maliit ang gastos. Masyadong inisip ng ibang mga kapatid ang kaalwanan, marahil ay para magamit ang ibang araw ukol sa personal na mga tunguhin, tulad ng edukasyon o sekular na trabaho.

Dumami ang mga kongregasyon na nagsimulang magdaos ng apat sa kanilang mga pulong sa isang araw, at ang ilang kongregasyon ay lahat pa nga ng limang pulong! Gayunman, nangahulugan ito na ang mga kongregasyon sa Pilipinas ay palayô na nang palayô sa paraan na ginagawa ng karamihan sa bayan ni Jehova sa buong daigdig, na nagpupulong sa tatlong iba’t ibang araw sa loob ng sanlinggo. Medyo hindi naging timbang ang mga kapatid sa bagay na ito. Nang dumalaw ang tagapangasiwa ng sona noong 1991, itinawag-pansin sa kaniya ang bagay na ito. Sa kabilang panig, kinonsulta naman ang Lupong Tagapamahala. Tumugon sila sa pagsasabing: “Hindi kami naniniwala na ito ay isang mabuting kaugalian maliban na lamang kung may lubhang makatuwirang dahilan.” Ang impormasyong ito ay itinawid sa mga kapatid, una sa mga lunsod at pagkatapos sa mga lalawigan.

Ipinakita na bukod sa pagsunod sa itinatag na pambuong-daigdig na kaayusan para sa mga pulong, ang mga kongregasyon ay higit na makikinabang sa espirituwal sa pagkakaroon ng magkakahiwalay na pulong sa halip na isiksik ang lahat ng materyal sa loob ng tatlo at kalahati hanggang apat na oras. Nahirapan ang mga bata at bagong interesadong mga tao sa gayong iskedyul. Ang matatanda ay makapaghahanda nang mas mahuhusay na uri ng pahayag kapag isa o dalawang pulong lamang ang inihahanda sa halip na marami.

Ano ang naging tugon ng mga kongregasyon sa payong ito? Ang karamihan ay tumugon nang may pagsang-ayon, anupat gumawa kaagad ng mga pagbabago upang magkaroon ng mga pulong sa gitnang sanlinggo. Ngayon, maliban sa mga kongregasyon na nasa napakaliblib na mga lugar, ang karamihan sa mga kongregasyon ay nagtatamasa nang mas timbang na espirituwal na programa bawat linggo.

Mga Assembly Hall

Ginamit ng mga sirkito sa loob ng maraming taon ang mga grand-istand ng paaralan, himnasyo, karerahan, o iba pang mga pampublikong pasilidad upang idaos ang mga asamblea. Sa kabila ng anumang mahirap na kalagayan, pinahalagahan ng mga kapatid ang mga pagkakataong ito para sa nakagagalak na pagsasamahan.

Katulad sa mga Kingdom Hall, ang pagkakaroon ng mga Assembly Hall ay hindi madali. Apektado rin ito ng mahirap na kabuhayan. Gayunpaman, maraming sirkito ang sabik na magkaroon ng sarili nilang mga dakong pulungan. Bilang resulta, itinayo ang ilang katamtaman ang laki na mga Assembly Hall. Ang mga ito ay karaniwang nagagamit lamang ng isa o dalawang sirkito at hindi ng isang grupo ng mga sirkito na kagaya sa maraming ibang bansa. Sa maraming kaso, ang mga lupa lalo yaong nasa mga lalawigan ay iniabuloy o binili sa makatuwirang halaga. Pagkatapos ay pinagsama-sama ng mga kapatid ang kanilang kontribusyon at nagtayo ng isang simpleng istraktura​—kadalasa’y isang bulwagan na walang dingding subalit may bubong upang maliliman ang mga tagapakinig, kongkretong sahig, mataas na entablado, at ilang upuan.

Sa Metro Manila, kahit na ang gayong uri ng Assembly Hall ay hindi posible dahil sa napakataas na halaga ng lote lakip na ang halaga ng pagtatayo ng istraktura na angkop sa lunsod. Dahil dito, ang mga kongregasyon sa lugar na ito ay nag-abuloy para sa pondo ukol sa layuning ito, pero ang nalikom ay hindi sapat upang makabili man lamang ng lote. Sa dekada ng 1970, 1980, at sa kalakhang bahagi ng dekada ng 1990, ang mga asamblea sa Metro Manila ay patuloy na idinaos sa mga paaralan, grand-istand, at sa mga lugar na katulad nito.

Samantala, patuloy na dumami ang mga kongregasyon at mga sirkito sa Metro Manila, anupat kailangang-kailangan talaga ang isang Assembly Hall. Nagsimula ang paghanap ng angkop na lote. Pinadalhan ng liham ang mga kongregasyon upang ipabatid sa kanila ang pribilehiyo nilang suportahan ang proyekto sa pinansiyal na paraan. Noong 1992 humigit-kumulang sa anim na ektarya ng lupa ang nasumpungan malapit sa distrito ng Lagro sa dulong hilaga ng Metro Manila.

Sinuportahan ng mga kongregasyon sa Metro Manila ang proyekto sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga kontribusyon at boluntaryong mga manggagawa. Ang internasyonal na mga lingkod ay dumating mula sa ilang bansa upang tumulong sa gawain. Ang isa sa kanila ay si Ross Pratt mula sa New Zealand na nagsabi: “Noong Marso 1997 ay natanggap namin ang pahintulot mula sa Brooklyn na magsimula. Isa itong malaking gawain ng pagbubungkal at pagpapatag ng lupa, anupat 29,000 metro kubiko ng lupa ang inalis upang maihanda ang lugar na pagtatayuan ng mga gusali. Nagkaroon ng 50 hanggang 60 permanenteng manggagawa. Ang Assembly Hall ay natapos noong Nobyembre 1998.” Pagkatapos ay inialay ito. Yamang ang bulwagan ay dinisenyo upang maglaman ng hanggang 12,000 katao, maaari ring idaos doon ang mga pandistritong kombensiyon. Dahil walang dingding ang Assembly Hall, nakapapasok ang simoy ng hanging tropiko habang ang mga dumadalo ay nakikinig sa programa sa loob ng bulwagan. Labing-anim na sirkito sa loob at sa palibot ng Metro Manila ang regular na nagtatamasa ngayon ng espirituwal na programa sa bulwagang ito.

Karagdagang Ari-arian ng Samahan

Habang dumarami ang mga kongregasyon at mga sirkito sa larangan, nadaragdagan din ang gawain sa sangay. Noong 1980, humigit-kumulang sa 60,000 mamamahayag ang nasa larangan. Bago natapos ang isang dekada, ang Pilipinas ay napabilang sa ranggo ng mga bansa na may mahigit sa 100,000 mamamahayag. Kasabay nito, dumami ang pamilyang Bethel mula 102 tungo sa 150. Gayunman, kahit noong unang mga taon ng dekada ng 1980, ang espasyo sa sangay ay sumisikip na. May pangangailangan para sa karagdagang mga tuluyan.

Nagbigay ng tagubilin ang Lupong Tagapamahala na humanap ng karagdagang ari-arian. Isinalaysay ni Felix Fajardo kung ano ang nangyari: “Nagbahay-bahay kami upang malaman kung may ipinagbibiling ari-arian na malapit sa Bethel. Ang mga may-aring Pilipino at Tsino ay nagsabi na hindi nila ipinagbibili ang kanilang ari-arian. Ang isang may-ari ay may katigasang nagsabi: ‘Ang mga Tsino ay hindi nagbibili. Kami ang bumibili. Hindi kami nagbibili kailanman.’ ” Kaya, noong panahong iyon, tila walang anumang makukuhang ari-ariang malapit sa orihinal na sangay.

Naghanap ng ari-arian sa ibang mga lugar. Kung kinakailangan, ang tanggapang pansangay ay ililipat sa labas ng lunsod. Ilang lugar ang nasumpungan sa kalapit na mga probinsiya. Nagkaroon ng partikular na interes ang Lupong Tagapamahala sa isang malaking parsela ng lupa na malapit sa San Pedro, Laguna, na iniaalok ng isang kapatid sa isang makatuwirang halaga. Ibinigay ang pahintulot na bilhin ito. Nagsimulang gumawa ng plano para sa pagtatayo ng mga opisina, isang Tahanang Bethel, at isang pabrika sa lupang iyon. Gayunman, habang lumilipas ang panahon, waring ang paglipat doon ay hindi kalooban ni Jehova. Walang telepono, pangit ang daan, at may problema sa seguridad sa lugar na iyon. Naging maliwanag na ang ari-ariang ito ay hindi siyang pinakamabuting lugar para sa isang sangay. Kaya ito ay ginawang isang bukirin upang masuplayan ng mga pangangailangan ang pamilyang Bethel. Subalit, hindi nito nalutas ang suliranin sa pangangailangan ng higit na espasyo para sa tanggapang pansangay.

Isang di-inaasahang pagbabago ng mga pangyayari ang waring nagpahiwatig ng patnubay ni Jehova. Si Felix ay nagpatuloy: “Walang anu-ano, ang aming pinakamalapit na kapitbahay ay nagsabi: ‘Ipinagbibili namin ang aming ari-arian​—1,000 metro kuwadrado. Gusto naming ipagbili ito sa inyo.’ Kaya sinabi sa amin ng Lupong Tagapamahala na bilhin iyon. Inakala namin na ito na ang solusyon sa aming problema, pero nang isumite namin sa pandaigdig na punong tanggapan ang aming mga plano para sa pagtatayo ng gusali, sinabi sa amin: ‘Marahil ay maaari pa kayong humanap ng karagdagang ari-arian. Nangangailangan kayo ng kaunti pa.’

“Antimano pagkatapos niyaon, isang doktor at isang abogado ang lumapit at nagsabi: ‘Gusto naming ipagbili ang aming ari-arian sa inyo.’ Iyon ay 1,000 metro kuwadrado rin. Pagkatapos, nais ipagbili ng isang babae ang humigit-kumulang sa isang ektaryang lupa sa katabing lote. Ipinagbili niya iyon sa napakamakatuwirang halaga. Inakala namin na sapat na ang laki ng aming ari-arian. Subalit sinabi ng punong-tanggapan: ‘Humanap pa kayo ng karagdagan.’ ”

Pagkatapos ay dumating ang di-inaasahang tulong. Ang doktor at abogado na nagbili ng kanilang ari-arian ay bumisita sa iba pang mga kapitbahay at kinumbinsi silang ipagbili ang kanilang lupa. Isa-isa nilang inialok ang kanilang ari-arian sa sangay. Pagkatapos mabili ang halos lahat ng kalapit na mga ari-arian, isa na namang panukala ang ipinadala sa punong-tanggapan. Sumagot silang muli: “Kailangan ninyo ng higit pa.” Inisip ng mga kapatid: ‘Saan pa tayo maghahanap ngayon? Nagawa na namin ang lahat ng magagawa rito sa malapit.’

Nang panahong iyon, isang tawag sa telepono ang natanggap tungkol sa ari-arian ng negosyante na noong una ay nagsabi, “Ang mga Tsino ay hindi nagbibili.” Ipinagbibili na ito ngayon! Nagpaliwanag si Felix: “Natuklasan namin ni Brother Leach na walang sinuman ang interesado roon. Kaya nakuha namin iyon sa napakamurang halaga. Sa wari’y may papel ang kamay ni Jehova sa bagay na iyon.” Isa pang ektarya ng lupa ang naparagdag, at sa wakas ay sinabi ng punong-tanggapan: “Mayroon na kayong sapat na lote upang magpasimulang magplano para sa pagtatayo.”

Sa paglipas ng panahon at sa pagbabago ng mga kalagayan, naging maliwanag na ang bukirin sa San Pedro ay hindi na kailangan. Ang karamihan sa pagkain para sa pamilyang Bethel ay maaaring bilhin nang maramihan sa mas mababang halaga kaysa sa gastos ng produksiyon nito sa bukirin. Kaya nagpasiya na ipagbili ang bukid. Pagsapit ng 1991, ito ay nasa mga kamay na ng bagong may-ari nito. Ang napagbilhan nito ay ginamit upang makatulong sa gastusin sa pagtatayo ng bagong mga gusali ng sangay.

Pagtatayo ng Bagong mga Pasilidad ng Sangay

Ang lupang pag-aari ngayon ng sangay ay tatlong ulit ang laki kaysa sa dating isang ektaryang lote na binili noong 1947. Sa tulong ng Regional Engineering Office na nasa sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Hapon, inihanda ang mga plano, at sinimulan ang gawain sa paghahanda sa lugar ng konstruksiyon noong kalagitnaan ng 1988. Ang ilan sa lumang gusaling kahoy ay giniba. Kabilang sa bagong mga gusali ang 11-palapag na gusaling tirahan at isang malaking 2-palapag na pabrika. Isang Kingdom Hall ang itinayo rin sa lote.

Bukod sa mga nagsipagtapos sa Gilead na inatasan upang tumulong, halos 300 kapatid mula sa limang bansa ang dumating bilang internasyonal na mga lingkod na pangmatagalan at mga internasyonal na boluntaryo na panandalian upang tumulong din sa proyekto. Namangha ang mga kapitbahay nang makita nilang dumating ang mga tao mula sa ibang mga bansa upang tumulong. Lalo pa silang nagtaka nang malaman nilang ang karamihan sa mga ito ay nagtungo rito sa kanilang sariling gastos! Nakaragdag ang lokal na mga kapatid sa atmospera ng internasyonal na pagkakaisa.

Kagaya sa pagbili ng lupa, ang patnubay ni Jehova ay nakikita habang nagpapatuloy ang konstruksiyon. Halimbawa, iisa lamang ang kompanya sa Pilipinas na gumagawa ng uri ng bubong na yero na kailangan para sa mga gusali. Subalit, ang pidido ng sangay para sa materyal na ito ay pang-301 sa listahan ng mga may pidido sa kompanya! Ang mga kapatid ay nakipagtipan upang makausap nang tuwiran ang bise presidente ng kompanya, at ipinaliwanag nila na ang ating gawain ay pawang boluntaryo lamang. Nagpulong ang lupon ng mga direktor ng kompanya, sinang-ayunan nila ang kahilingan ng mga kapatid, at inuna sa kanilang listahan ng produksiyon ang pidido ng mga ito. Di-nagtagal pagkatapos na maihatid sa sangay ang mga materyales, ang mga manggagawa ng kompanyang iyon ay nagwelga.

Isang mainam na espiritu ang ipinamalas ng napakaraming kapatid na tumulong sa proyekto ng konstruksiyon ng sangay. Humigit-kumulang sa 600 boluntaryo bawat linggo ang dumating mula sa kalapit na mga kongregasyon upang tumulong. Sa katunayan, mga 30 porsiyento ng gawain ang naisagawa ng mga boluntaryong ito.

Pinanatili ang mataas na mga pamantayan sa konstruksiyon. Yamang ang mga pulo ng Pilipinas ay nasa sona ng aktibong lindol, tiniyak ng mga kapatid na inhinyero sa proyekto na makakayanan ng 11-palapag na gusali ang malalakas na pagyanig. Kaylaki nga ng pagkakaiba ng mga gusaling ito na mataas ang kalidad kung ihahambing sa dating mga istraktura, na isa rito ay itinayo noon pang dekada ng 1920! Ang pinakalumang mga gusali ay giniba upang bigyang-daan ang bagong mga gusali.

Sa wakas, noong Abril 13, 1991, naganap ang programa para sa pag-aalay sa sangay. Si John Barr ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay sa 1,718 tagapakinig. Ang mga kapatid na mahigit nang 40 taóng naglilingkod kay Jehova ay inanyayahan sa programa at nasiyahan kasama ng mga panauhing nagmula sa sampung bansa. Nang sumunod na araw, 78,501 ang nakinabang mula sa nakapagpapatibay na espirituwal na programa na inihatid sa pamamagitan ng linya ng telepono sa anim na lugar sa buong kapuluan.

Ipinadala Bilang Internasyonal na mga Lingkod ang mga Pilipino

Noong panahon ng konstruksiyon ng sangay, ibinahagi ng internasyonal na mga lingkod mula sa ibang bansa ang kanilang mga kasanayan sa mga kapatid na Pilipino. Si Hubertus Hoefnagels, na nagsanay sa iba, ay nagkomento: “Marami sa lokal na mga kapatid ang napakasigasig, at nagamit nila ang kanilang natutuhan.” Bilang resulta, nang matapos ang proyekto sa Pilipinas, ang ilan sa nasanay na mga kapatid na ito ay naipadala bilang internasyonal na mga lingkod upang tumulong sa mga proyekto ng sangay sa ibang mga bansa, lalo na sa Timog-silangang Asia.

Si Joel Moral, mula sa Probinsiya ng Quezon, ay isa sa mga ito. Noong una siyang dumating sa proyekto ng konstruksiyon ng sangay sa Maynila inisip niyang magboluntaryo sa paggawa sa loob lamang ng isang linggo. Gayunman, kailangan ang kaniyang tulong, at hiniling na siya’y manatili nang mas matagal. Bagaman wala siyang malawak na karanasan sa konstruksiyon, dahil sa paggawa sa proyekto ng sangay ay kaagad siyang natuto ng mga kasanayan sa tulong ng banyagang internasyonal na mga lingkod.

Kahit na bago pa man natapos ang proyekto sa Pilipinas, nangailangan na ng tulong ang isang bagong sangay sa Thailand. Sinabi ni Joel: “Hindi ko inaasahan iyon, subalit ako ay inanyayahang magtungo sa Thailand. Ang aking karanasan sa konstruksiyon sa Pilipinas ay isang malaking tulong upang maging handa para sa internasyonal na gawain.” Nanatili siya nang mahigit sa isang taon sa pagtulong sa konstruksiyon sa Thailand.

Sina Joshua at Sara Espiritu ay nagkakilala samantalang sila ay nagtatrabaho sa konstruksiyon ng sangay sa Pilipinas. Di-natagalan, sila’y ikinasal pagkatapos ng pag-aalay ng sangay at ginawa nilang tunguhin na maglingkod nang magkasama bilang internasyonal na mga lingkod. Pagkalipas ng ilang buwan, inanyayahan silang makibahagi sa gawain sa konstruksiyon sa ibang bansa. Mula noon, nakapaglingkod na sila sa limang bansa: tatlo sa Asia at dalawa sa Aprika. Ganito ang sinabi ni Joshua hinggil sa kaniyang karanasan noong siya’y nasa Pilipinas pa: “Habang gumagawa kaming kasama ng mga kapatid mula sa ibang bansa, nagkaroon kami ng kasanayan. Mayroon na kami ngayong kaalaman na maibabahagi namin sa iba.” Nang sila’y ipadala sa ibang bansa, sinabi nila sa mga kapatid na tagaroon: “Kami ay hindi laging naririto. Sa hinaharap ay ipagpapatuloy ninyo ang gawain.” Hinggil sa kaniyang tunguhin kapag nagtutungo sa ibang bansa, ipinaliwanag niya: “Hindi kami nagtutungo roon para magtrabaho lamang, kundi talagang sinisikap naming turuan ang mga kapatid.”

Mangyari pa, ang pagpunta sa ibang bansa ay humihiling ng pakikibagay. Si Jerry Ayura ay ipinadala sa ilang lugar kasali na ang Thailand, Western Samoa, at Zimbabwe. Ipinaliwanag niya: “Natutuhan ko na gumagamit si Jehova ng mga tao mula sa lahat ng pinagmulan. Mahal namin sila sapagkat mahal sila ni Jehova.” Kayligaya ng mga kapatid na Pilipinong ito na sila’y nakatutulong sa gawain ni Jehova sa internasyonal na antas!

Hindi Napahinto ng Kaguluhan ang Gawain

Ang paggawa ng isa na kaniyang moog ang kagalakan kay Jehova ay naglalakip ng patuloy na pagkamatapat sa kaniya, kahit na sa mahihirap na panahon. Nagkaroon ng maraming pagkakataon ang mga lingkod ni Jehova sa Pilipinas para maipakita ito.

Bagaman natapos na ang batas-militar noong Enero 17, 1981, nagpatuloy pa rin ang kaguluhan sa dekada ng 1980. Noong Pebrero 1986 napalitan ang pamahalaan. Gayunman, ang pagpapalit ng kapangyarihan ay medyo naging mapayapa, at nagpatuloy nang walang pagkagambala ang mga pulong at pangangaral maging ng mga kongregasyong nasa lugar kung saan naganap ang rebolusyong “People’s Power.” Habang dumaraan sa kinaroroonan ng mga pulutong na kasali sa “People’s Power,” napansin ng mga mamamahayag na ang mga pari at mga madre ay nakikihalubilo sa mga tao at inuudyukan silang kumilos.

Karaka-rakang nagsagawa ng ilang pagbabago ang bagong pamahalaan. Gayunman, hindi huminto ang kaguluhan. Sa unang tatlong taon pagkatapos umakyat sa kapangyarihan ang bagong pamahalaan, nagkaroon ng ilang pagtatangkang ibagsak ito, ang ilan sa mga ito ay naging madugo. Sa isang pagkakataon samantalang may konstruksiyon sa sangay, nagulat kapuwa ang banyaga at lokal na mga manggagawa sa konstruksiyon nang makita nilang binobomba ng mga rebeldeng sundalo ang kanilang sariling kampong militar sa kabilang bahagi ng lunsod. Ang ganitong mga labanan ay hindi nagtagal, subalit kinailangang himukin ang ilang kongregasyon na magtipon sa mga Kingdom Hall na nasa mas ligtas na lugar.

Sa loob ng maraming taon, ang kaguluhan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at ng mga kalabang puwersa ay nagpatuloy sa ilang lugar sa Mindanao. Habang nagsasagawa ng kanilang ministeryo, ang mga kapatid doon ay kinailangang kumilos nang maingat at magtiwala kay Jehova. Si Renato Dungog, isang nagtapos sa Ministerial Training School at tagapangasiwa ng sirkito ngayon, ay naglingkod sa lugar na laging may labanan sa lahat ng dako. Sa isang pagkakataon, habang si Renato ay naghihintay ng bangka, tinanong siya ng isang sundalo: “Saan ka pupunta?”

Si Renato ay nagpaliwanag: “Isa akong naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova. Dumadalaw ako sa mga kapatid nang dalawang beses sa isang taon upang palakasin sila at mangaral na kasama nila.”

Ang sundalo ay tumugon: “Sumasaiyo marahil ang Diyos, kung hindi ay napatay ka na.” Kaya sa kabila ng mga kaguluhan, patuloy sa kanilang gawain ang mga kapatid, na nagtitiwala kay Jehova, at sila’y lubos na iginagalang naman dahil dito.

Balik sa mga Hukuman Dahil sa Isyu ng Pagsaludo sa Bandila

Nasubok ang katapatan ng mga kabataan sa Diyos. Noong Hunyo 11, 1955, nilagdaan ni Presidente Ramon Magsaysay ang Republic Act No. 1265 upang maging batas na humihiling sa lahat ng mga bata sa pampubliko at pribadong mga paaralan na sumaludo sa bandila ng Pilipinas. Ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay tumugon ayon sa budhi, kagaya rin ng mga kabataang Saksi sa buong daigdig. (Ex. 20:4, 5) Bagaman iginagalang nila ang sagisag ng bansa, hindi ipinahihintulot ng kanilang budhi na makibahagi sa itinuturing nilang mga gawang makarelihiyosong debosyon sa anumang bagay. Nang ang mga anak ng pamilyang Gerona sa Masbate ay pinaalis sa paaralan dahil sa hindi pagsaludo sa bandila, naging kaso ito na isinampa sa Korte Suprema ng Pilipinas noong 1959. Gayunman, hindi iginalang ng korte ang relihiyosong paninindigan ng mga Saksi ni Jehova. Ikinatuwiran nito na ang bandila “ay hindi isang imahen” at na “ang bandila ay lubos na walang anumang relihiyosong kahulugan.” Kaya ang korte mismo ang gumawa ng batas hinggil sa kung ano ang relihiyoso o di-relihiyoso.

Mangyari pa, hindi nito binago ang relihiyosong paniniwala ng mga Saksi. Ang mga kapatid ay nanindigang matatag sa mga simulain ng Kasulatan. Nagbunga ng ilang kahirapan ang desisyon ng korte, bagaman hindi kasintindi ng maaaring asahan.

Ang pagsaludo sa bandila ay hindi na sana naging isyung muli, kung hindi isinama ang desisyon ng korte sa Administrative Code ng 1987. Pagkatapos nito, ang ilang anak ng mga Saksi ni Jehova sa Cebu ay pinaalis sa paaralan noong 1990. Isang superintendente ng mga paaralan ang naging matigas sa pagpapatupad ng alituntunin. Marami pang pagpapaalis sa mga estudyante ang naganap.

Sinubaybayan ng media ang pagpapaalis na ito. Pagkatapos ay nagkaroon ng interes ang isang komite ng mga karapatang pantao sa mga batang ito na pinagkaitan ng edukasyon. Waring nagbago na ang saloobin kung ihahambing noong 1959. Panahon na ba ni Jehova ngayon upang muling pag-usapan nang hayagan ang bagay na ito? Ganito ang napansin ni Ernesto Morales, isang matanda sa Cebu nang panahong iyon: “Ang mga patnugot, peryodista, mga tagapagturo, at iba pa ay pawang humimok sa amin na isampa sa hukuman ang kasong ito.” Ang Legal Department sa sangay at sa pandaigdig na punong-tanggapan ay kinonsulta. Napagpasiyahan na isampa ang kaso.

Gayunman, ang Regional Trial Court, na sinundan naman ng Court of Appeals, ay naggawad ng di-paborableng mga desisyon. Hindi nila gustong sumalungat sa desisyon ng Korte Suprema noong 1959 sa kaso ng Gerona. Ang tanging paraan upang malutas ang bagay na ito ay ang isampang muli ang isyu sa Korte Suprema. Papayag kaya silang dinggin ang kaso? Oo, ang sagot ng Korte Suprema! Si Felino Ganal, isang abogadong Saksi, ang nanguna sa pagsasampa ng kaso sa harap ng pinakamataas na korte. Sa loob ng ilang araw, nagpalabas ang Korte Suprema ng utos na muling tanggapin sa mga paaralan ang lahat ng mga batang pinaalis, habang wala pang desisyon sa kaso.

Ang mga argumento ng magkabilang panig ay isinumite. Pagkatapos ng maingat na pagsasaalang-alang, binaligtad ng Korte Suprema ang desisyon noong 1959 at itinaguyod ang karapatan ng mga anak ng mga Saksi ni Jehova sa hindi pagsaludo sa bandila, pagbigkas ng panatang makabayan at pag-awit ng pambansang awit. Ang korte ay nagpaliwanag hinggil sa napakahalagang desisyon: “Ang ideya na ang isa ay maaaring piliting sumaludo sa bandila, . . . dahil sa parusang . . . pagpapaalis sa paaralan, ay bumabagabag sa budhi ng kasalukuyang sanlinlahi ng mga Pilipino na natuto at nagtamo ng karanasan mula sa Katipunan ng mga Karapatan na gumagarantiya sa kanilang mga karapatan sa malayang pagsasalita at malayang pagganap ng relihiyosong paniniwala at pagsamba.” Nagpasiya rin ang korte na ang pagpapaalis sa mga Saksi ni Jehova mula sa mga paaralan ay magiging “paglabag sa kanilang karapatan . . . , sa ilalim ng Konstitusyon ng 1987, na tumanggap ng libreng edukasyon.” Ang Manila Chronicle ay nagpahayag: “Itinuwid ng Korte Suprema ang 35-taon ng kawalang-katarungan sa mga Saksi ni Jehova.”

Isang mosyon para sa rekonsiderasyon ang isinumite ng sumasalungat na mga panig, subalit noong Disyembre 29, 1995, ipinagkait ng Korte Suprema ang mosyon. Kaya, nanatiling may bisa ang desisyon. Isa ngang tagumpay para sa bayan ni Jehova!

Patuloy ang Gawain sa Kabila ng mga Kasakunaan

Gaya ng binanggit sa pasimula ng ulat na ito, ang Pilipinas ay madalas makaranas ng mga kasakunaan. Repasuhin natin ang ilan sa mga kasakunaang nakaapekto sa mga kapatid.

Mga Lindol: Yamang ang mga pulo ay matatagpuan kung saan nagsasalubong ang dalawang pangunahing platong tektoniko, ang bansa ay madaling makaranas ng mga paglindol. Isang awtoridad ang nagsabi na di-kukulangin sa limang paglindol ang nagaganap bawat araw, taglay ang mas maraming pagyanig na hindi nararamdaman ng mga tao. Ang karamihan sa mga ito ay walang epekto sa buhay, subalit sa pana-panahon, nagdudulot ng pagkawasak ang malalakas na lindol.

Sa ganap na ika-4:26 n.h. noong Hulyo 16, 1990, isa sa gayong malakas na lindol na may kasunod na malalakas na pagyanig ang tumama malapit sa Cabanatuan, isang lunsod sa sentral Luzon. Ang Probinsiya ng Benguet ay malubha ring naapektuhan. Ilang paaralan at otel ang gumuho, na ikinamatay ng maraming tao.

Noong panahong iyon, si Julio Tabios, naglilingkod bilang tagapangasiwa ng distrito roon, ay naglalakbay kasama ng kaniyang asawa patungo sa isang pansirkitong asamblea sa bulubunduking lugar sa Benguet. Isang kapatid na may dalang mga gulay upang ipagbili sa Baguio ang nagpasakay sa kanila sa kaniyang trak. Pagkatapos magpaliku-liko sa kabundukan, sumapit sila sa isang makipot na bahagi ng daan kung saan kailangan silang huminto upang makaraan ang isang dumarating na sasakyan. Walang anu-ano, nagsimulang mahulog ang mga bato mula sa bundok. Natanto nila na iyon ay isang malakas na lindol. Sinabi ni Julio: “Naiatras ng kapatid ang kaniyang trak sa isang mas malapad na espasyo anupat pagkatapos nito ay biglang bumagsak ang isang malaking bato sa lugar na inalisan namin. Laking pasasalamat namin na kami ay nakaligtas. Makaraan ang ilang saglit, yumanig na naman sa ikalawang pagkakataon, at nakita namin ang isang malaking bato malapit sa amin na umuuga na waring nagsasayaw.” Ang buong tagiliran ng kabundukan ay dumausdos pababa.

Ang gumuhong mga lupa ay humarang sa daan. Ang tanging paraan upang makarating sa lugar ng asamblea, o saanmang lugar, ay ang maglakad sa kabundukan. Pagsapit ng gabi, pinatuloy sila sa bahay ng isang mabait na tao. Kinabukasan, inakyat nila ang isang mataas na bundok upang makarating sa kanilang destinasyon. Habang nasa daan, nakausap nila ang ilang mga kapatid na nagtutulungan sa isa’t isa upang harapin ang mga epekto ng lindol. Sa wakas, pagkatapos maglakad sa mapanganib na mga landas sa bundok, dumating sila sa Naguey, kung saan idaraos ang asamblea. Inilahad ni Julio: “May mga luha ng kagalakan ang mga kapatid, yamang hindi na nila inaasahang makararating pa kami nang buháy! Bagaman kami ay pagód na pagód, naginhawahan kami nang makita namin ang maliligayang kapatid na tumanggap sa amin.” Sa kabila ng paglindol, marami ang nagsikap na makarating doon, na nagpapamalas ng kanilang malaking pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.

Maaalaala pa ninyo na ang bagong mga gusali sa sangay ay itinatayo nang panahong iyon. Bagaman hindi pa natatapos ang gusaling tirahan, ang lindol noong 1990 ang naging unang pagsubok sa istraktura ng gusaling ito. Dahil sa pag-ugoy nang paroo’t parito, hindi mapalagay ang ilang Bethelite, subalit ang gusali ay nanatiling matatag alinsunod sa pagkakadisenyo nito at hindi napinsala ng malakas na pagyanig.

Mga Baha: Dahil sa maalinsangan na klimang tropikal, ang kalakhang bahagi ng bansa ay nagiging maulan. Ang ilang lugar ay madaling bahain. Si Leonardo Gameng, na 46 na taon na sa buong-panahong paglilingkod, ay nakaalaala: “Kailangan naming maglakad nang tatlong kilometro sa putik na hanggang tuhod.” Si Juliana Angelo ay naglingkod bilang special pioneer sa mga teritoryong madaling bahain sa probinsiya ng Pampanga. “Upang marating ang mga taong interesado taglay ang mensahe ng Kaharian,” ang sabi niya, “sumasakay kami sa maliliit na bangkang de-sagwan. Kailangang matalas ang paningin ng kapatid na sumasagwan upang maiwasan ang mga punungkahoy na doo’y nag-aabang ang mga ahas, na malamang na mahulog sa bangka.” Si Corazon Gallardo, isang special pioneer mula pa noong 1960, ay gumugol ng maraming taon sa mga teritoryo sa Pampanga. Kung minsan, walang bangkang masakyan, at natatandaan pa niya na kailangan siyang maglakad sa baha na halos hanggang balikat ang taas. Sa kabila ng gayong kahirapan, napanatili niya ang isang mainam na saloobin. Siya ay natutong makibagay sa kalagayan at umasa kay Jehova, sa pagkaalam na hindi niya kailanman pababayaan ang mga matapat sa kaniya.

Buhat nang matambakan ng lahar mula sa Bundok Pinatubo ang maraming mabababang lugar sa Pampanga, lalong lumubha ang mga pagbaha dahil sa umaagos na ngayon ang tubig sa iba pang mga lugar. Si Generoso Canlas, isang tagapangasiwa ng sirkito roon, ay nagsabi na dahil sa tubig, kadalasan silang nagsusuot ng mga bota o nakapaa pa nga sa paglilingkod sa larangan. Gayunman, patuloy ang mga kapatid sa kabila ng mahihirap na kalagayan.

Kapag matindi ang pagbaha at apektado ang buong komunidad, tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang isa’t isa at gayundin ang mga di-Saksi. Nang mangyari ito sa Davao del Norte, sa timugang Pilipinas, laking pasasalamat ng mga opisyal ng bayan sa tulong anupat gumawa sila ng isang resolusyon na nagsasabi ng gayon.

Mga Bulkan: Maraming bulkan sa Pilipinas, subalit ang nakatawag ng pansin sa daigdig ay ang Bundok Pinatubo. Noong Hunyo 1991 sumabog ang bulkan taglay ang isang kagila-gilalas na ulap na hugis-kabute. Ang araw ay nagmistulang gabi. Inakala ng iba na iyon na ang simula ng Armagedon. Umabot ang abo sa malayong kanluran hanggang sa Cambodia. Sa loob ng maikling panahon, ang Bundok Pinatubo ay nagbuga ng 6.65 bilyong metro kubiko ng materyal na pyroclastic. Ang mabigat na abo ay nagpaguho ng mga bubong at maging ng buong mga gusali. Ang karamihan sa ibinugang materyal ay naging mga lahar, na binubuo ng umaagos na halu-halong materyal na siyang umanod sa ilang mga bahay at tumabon naman sa iba pa. Kapuwa ang abo at mga lahar ay naging mapaminsala at gumiba ng mga Kingdom Hall at mga tahanan ng mga kapatid. Si Julius Aguilar, isang regular pioneer sa Tarlac noong panahong iyon ay nagsabi: “Ang buong bahay namin ay natabunan ng abo.” Napilitang lumikas ang pamilya.

Si Pedro Oandasan ay naglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito sa lugar na iyon. Ganito ang inilahad niya: “Hindi kailanman pinabayaan ng mga kapatid ang kanilang pagsamba at paglilingkod kay Jehova. Ang mga dumadalo ay laging mahigit sa 100 porsiyento. Karagdagan pa, hindi nabawasan ng lahar ang pag-ibig ng mga kapatid sa gawaing pangangaral. Patuloy kaming nangaral sa mga nagsilikas at maging sa mga lugar na nasalanta.”

Ang mga kasakunaang tulad nito ay nagbigay ng pagkakataon upang ipakita ang pag-ibig Kristiyano. Sa panahon ng pagsabog ng Bundok Pinatubo at pagkatapos nito, nagtulungan ang mga kapatid sa paglikas. Ang tanggapang pansangay ay mabilis na nagpadala ng isang trak na punô ng bigas, at pagkatapos maidiskarga ito, ginamit naman ang trak sa paglilikas ng mga kapatid mula sa apektadong mga bayan. Nang malaman ng mga kapatid sa Maynila ang pangangailangan, karaka-raka silang nagpadala ng pera at mga damit. Sa Betis, Probinsiya ng Pampanga, ang mga kabataang kapatid na lalaki ay nag-organisa ng isang brigada upang tumulong sa mga biktima. Kabilang sa kanilang mga natulungan ang isang interesadong babae na may asawang salansang sa katotohanan. Dahil sa pagtulong ng mga kabataang kapatid na ito na muling maitayo ang bahay ng mag-asawang ito, labis na humanga ang asawang lalaki na ngayo’y isa nang Saksi!

Mga Bagyo: Kung ihahambing sa lahat ng sanhi ng masamang lagay ng panahon, ang mga bagyo, o tropikal na ipuipo, ang nagdudulot ng pinakamalalaking kapinsalaan. Sa katamtaman, mga 20 bagyo ang tumatama sa kapuluan bawat taon. Ang gayong mga bagyo ay may iba’t ibang lakas, subalit ang mga ito ay laging nagtataglay ng malalakas na hangin at pag-ulan. Kadalasan ang mga ito ay may sapat na lakas upang sumira ng mga gusali. Karagdagan pa, sinisira ng mga bagyo ang mga pananim, na nakaaapekto naman sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Paulit-ulit na nasisira ang mga tahanan at pananim ng mga Saksi. Subalit kataka-taka, ang mga kapatid ay nakababawi at nakapagpapatuloy pa rin naman. Sa ilang bahagi ng bansa, malimit bumagyo anupat halos karaniwan na lamang ito. Kapuri-puri naman, napagtatagumpayan ito ng mga kapatid, anupat nakakayanan nila na haraping isa-isa ang mga suliranin sa buhay. (Mat. 6:34) Mangyari pa, kapag nalaman ng mga kapatid sa kalapít na mga lugar ang tungkol sa mga nangangailangan, sila’y kusang nagpapadala ng pagkain o pera upang tulungan sila. Sa pana-panahon, pagkatapos ng pagkalakas-lakas na bagyo, nakikipag-ugnayan ang mga naglalakbay na tagapangasiwa sa tanggapang pansangay, na maligaya namang nag-oorganisa ng pagtulong.

Paghahatid ng mga Literatura sa Bibliya

Dahil ang Pilipinas ay isang bansang binubuo ng maraming pulo, palaging isang hamon ang pagpapadala ng literatura sa mga kongregasyon nang nasa panahon at nasa mabuting kalagayan. Sa loob ng maraming taon, ginamit ang sistema sa koreo. Gayunman, kadalasan ang mga isyu ng Ang Bantayan at ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay hindi dumarating bago talakayin ang mga ito sa mga pulong.

Natatandaan pa ni Jehu Amolo, na nagtatrabaho sa Shipping Department ng sangay, kung ano ang nag-udyok sa pagbabago. Ganito ang paliwanag niya: “Bukod sa suliranin hinggil sa atrasadong mga paghahatid, tumaas ang halaga ng koreo noong 1997.” Kung isasaalang-alang na humigit-kumulang sa 360,000 magasin ang ipinadadala tuwing dalawang linggo, malaking halaga ng salapi ang nasasangkot.

Iniharap sa Lupong Tagapamahala ang mungkahi na ang mga kapatid sa sangay ang maghahatid ng ating mga literatura. Pagkatapos ng maingat na pag-aaral, ito ay sinang-ayunan. Sa Luzon, ang mga trak ay tuwirang nagmumula sa sangay. Gayunman, yamang ang ibang lugar ay nasa kabilang ibayo ng tubig, ginagamit ng sangay ang isang maaasahang ahensiya na nagdadala ng bagahe upang siyang magdala ng mga magasin at mga literatura sa mga itinalagang lugar sa buong kapuluan sa pamamagitan ng bapor. Mula sa mga bodegang ito, inihahatid ng mga drayber ng trak ang mga kargamento sa mga lugar na doo’y idinidiskarga ang mga ito. Kapag malayo na ang mga drayber mula sa kanilang pinanggalingan, masaya silang pinatutuloy ng mga kapatid sa kanilang mga tahanan upang ang mga drayber ay makapagpahingang mabuti bago magpatuloy sa kanilang paglalakbay.

Bukod sa nakatitipid sa pananalapi, nasasabik ang mga kapatid na matanggap ang mga publikasyong kailangan nila nang nasa panahon at nasa mabuting kalagayan. Ang isa pang kapakinabangan ay ang madama nilang sila’y mas malapit sa organisasyon dahil sa regular nilang nakikita ang mga kapatid mula sa sangay. Marami ang napatitibay makita lamang na dumaraan ang trak na may tatak na Watch Tower.

Ang kaayusang ito ay nakapagbigay ng karagdagang patotoo sa ilang kaparaanan. Halimbawa, sa isang pagkakataon ay bumaha sa Bicol, sa timugang Luzon, habang isinasagawa ang paghahatid ng mga literatura. Tumigil ang mga sasakyan dahil sa mataas na tubig sa haywey. Nagkataon na isang trak ng literatura ang tumigil sa tapat ng bahay ng isang kapatid. Nang makita ito ng pamilya, inanyayahan nila ang mga tsuper nito: “Halikayo’t kumain at manatili rito hanggang sa kumati ang baha.”

Hindi alam ng mga tsuper na di-Saksi kung saan sila kakain o matutulog. Nang makita nila ang nangyari, tinanong nila ang mga tsuper ng Bethel: “Kaanu-ano ba ninyo ang mga taong ito?”

Sumagot ang mga kapatid: “Mga kapatid namin sila sa espirituwal.”

Tumugon ang ibang tsuper: “Ganiyan pala ang mga Saksi! Kahit na ngayon lamang kayo nagkita, nagtitiwala kayo sa isa’t isa.”

Sa Labas ng Pilipinas

Ngayo’y magmasid tayong sumandali sa labas ng bansa at isaalang-alang ang maraming Pilipinong naninirahan doon. Noong panahon ng katanyagan ng Imperyo ng Britanya, sinasabi ng mga tao na “ang araw ay hindi kailanman lumulubog” sa teritoryo nito. Ngayo’y sinasabi ng ilan: “Ang araw ay hindi kailanman lumulubog sa mga Pilipino.” Bagaman ang Pilipinas ay isang maliit na bansa, ang mga Pilipino ay nakakalat sa buong daigdig. Dahil sa trabaho, o sa iba pang mga kadahilanan, daan-daang libong Pilipino ang nagtungo sa ibang bansa. Paano pinangyari nito na ang ilan ay makaalam ng katotohanan sa Bibliya? Kung tungkol naman sa mga Saksi na, paano ba sila nakatulong sa iba?

Si Ricardo Malicsi ay nagtrabaho bilang isang airport consultant. Yamang siya’y nakapupunta sa maraming bansa dahil sa kaniyang trabaho, sinamantala niya at ng kaniyang asawa na gamitin ang pagkakataong ito upang palaganapin ang mabuting balita sa mga bansa na doo’y iilan lamang ang mga mamamahayag. Sa katunayan, ilan sa mga bansang ito ang nagbabawal sa gawaing pangangaral. Noong sila’y nasa Bangladesh, Iran, Tanzania, at Uganda, maligaya silang nakatulong sa ilan na makilala si Jehova. Sa ilang kaso, sila ang naging instrumento sa pagtatatag ng mga kongregasyon. Kabilang sa mga bansa kung saan sila nagtrabaho at nangaral ay ang Laos, Myanmar, at Somalia. Ginawa nila ito sa loob ng 28 taon, hanggang sa magretiro si Ricardo. Kayligaya nilang makatulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa malalayong lugar!

Ang iba ay hindi mga Saksi nang umalis sila sa Pilipinas upang magtrabaho sa ibang lugar, subalit doon nila nasumpungan ang katotohanan. Si Rowena, na isang Katoliko, ay unang nagtrabaho sa Gitnang Silangan. Samantalang naroroon, nagpasimula siyang magbasa ng Bibliya. Nang maglaon, nagkaroon siya ng trabaho sa Hong Kong, kung saan libu-libong Pilipino ang nagtatrabaho bilang mga domestic helper. Sinabi niya: “Gabi-gabi akong nanalangin sa Diyos na pakisuyong isugo sa akin ang tamang mga tao na aakay sa akin sa Kaharian ng Diyos.” Ang panalanging iyon ay sinagot nang matagpuan si Rowena ng dalawang misyonero, na sina John at Carlina Porter, at tinulungan siyang mag-aral ng Bibliya. Si Rowena ay sumulat sa sangay sa Pilipinas upang ilahad ang kaniyang karanasan at upang hilingin din na dalawin ang kaniyang asawang nasa Pilipinas, upang ipaliwanag sa kaniya ang mensahe ng Bibliya.

Ang mga nandayuhang Pilipino ay bumubuo ngayon ng isang malaking komunidad sa maraming iba pang bansa. Noong pasimula ng ika-20 siglo, kulang ang mga trabahador sa mga taniman sa Hawaii. Pinunan ng maraming Pilipino ang pangangailangang iyon. Ang ilan sa unang mga napasakatotohanan sa Hawaii ay mga dayuhang Pilipino. Sa ngayon ay mayroon nang sampung kongregasyon sa wikang Iloko at isang kongregasyon sa wikang Tagalog sa Hawaii.

Libu-libong Pilipino ang naninirahan sa Estados Unidos. Kabilang dito ang maraming Saksi. Ang kauna-unahang kongregasyong Pilipino ay naitatag sa Stockton, California, noong 1976. Nag-ulat ang sangay sa Estados Unidos: “Sumulong na mabuti ang larangan ng Pilipino, at noong Setyembre 3, 1996, ang kauna-unahang sirkitong Pilipino ay naitatag.” Noong 2002 taon ng paglilingkod, 37 kongregasyong Pilipino na binubuo ng humigit-kumulang sa 2,500 mamamahayag ang gumagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa Estados Unidos. Mayroon na ring mga kongregasyon o grupong Tagalog sa Alaska, Alemanya, Australia, Austria, Canada, Guam, Italya, at Saipan.

Bagaman nasa ibang bansa ang mga Pilipinong ito, ang pagtanggap nila ng espirituwal na pagkain ay nangangailangan pa rin ng pakikipagtulungan ng mga kapatid sa Pilipinas, yamang ang lahat ng pagsasalin ng mga publikasyon para sa mga wika sa Pilipinas ay ginagawa sa sangay sa Maynila. Bukod dito, ang ilang bansa, kasali na ang Guam, Hawaii, at ang Estados Unidos, ay may mga programa ng kombensiyon sa Iloko o sa Tagalog. Ang lahat ng isinaling materyal para sa mga kombensiyong ito, lakip na ang inirekord na mga drama ay buhat sa Pilipinas.

Pangangaral sa mga Grupo na May Ibang Wika

Sa buong kapuluan, ang mga taong nagsasalita ng lokal na wika, sa kalakhang bahagi, ay tumanggap ng mabuting patotoo. Gayunman, sa nakaraang mga taon, gumawa ng pagsisikap na abutin yaong mga hindi pa nabibigyan ng lubusang patotoo.​—Roma 15:20, 21.

Sa loob ng maraming taon ay iilan lamang ang mga kongregasyon sa wikang Ingles sa Pilipinas. Bagaman ang Ingles ay naiintindihan ng karamihang Pilipino, hindi matatas sa pagsasalita nito ang karamihan. Subalit, may pangangailangan para sa mga pulong sa wikang Ingles sa ilang lugar. Noong huling mga taon ng dekada ng 1960, napansin ng mga kapatid ang problemang ito sa Clark Air Base sa Pampanga. Ang mga kapatid na babae na asawa ng mga tauhan sa militar ng Estados Unidos na nakabase roon ay hindi nagsasalita ng lokal na wika. Ang mga kapatid ay tumulong sa pag-oorganisa ng mga pulong sa wikang Ingles, at nagdulot ang mga ito ng malaking kapakinabangan sa lugar na iyon sa loob ng maraming taon.

Ang gayong suliranin ay lumitaw rin sa Metro Manila. May isang kapatid na Amerikana na nanirahan sa bansa noong huling mga taon ng dekada ng 1970 hanggang noong unang mga taon ng dekada ng 1980. Si Pacifico Pantas, isang matanda sa kongregasyon sa wikang Tagalog kung saan nakaugnay ang Amerikanang ito ay nagsabi: “Naaawa ako sa kaniya dahil regular siyang dumadalo subalit hindi masyadong nakikinabang sa mga pulong.” Di-nagtagal, dumating din ang iba pang mga Amerikano sa kongregasyong iyon. Iminungkahi na magkaroon ng pahayag pangmadla at Pag-aaral sa Bantayan sa wikang Ingles. Isinaayos ito at si Brother Pantas ang nangasiwa. Nang maglaon, higit pang pulong ang idinagdag, at inanyayahan ang iba pa upang tumulong. Tinanggap nina David at Josie Ledbetter, na naglilingkod sa sangay, ang paanyaya. Ang mga bagay-bagay ay naging mabunga sa paglipas ng mga taon, at ang maliit na grupong iyon ay lumawak at naging dalawang kongregasyon sa wikang Ingles.

Nakinabang ang maraming tao dahil sa pagkakaroon ng mga kongregasyon sa wikang Ingles. Isa sa mga ito si Monica na taga-California. Doon siya nagsimulang mag-aral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang mga magulang​—na mga debotong Katoliko—​ay mariing tumutol. Nagpasiya silang ipadala si Monica sa isang Katolikong kapaligiran sa Pilipinas. Sinamahan ng kaniyang ina si Monica sa Maynila at iniwan siya sa tahanan ng kaniyang lola na isang Katoliko, nang hindi ibinibigay ang kaniyang pasaporte. Subalit kahit masumpungan ni Monica ang isang kongregasyon, hindi niya maipagpapatuloy ang kaniyang pag-aaral, sapagkat hindi siya marunong ng wikang Tagalog, palibhasa’y lumaki siya sa Estados Unidos. Gayunman, ang kapatid na babae na nagdaos ng pag-aaral sa kaniya sa California ay tumawag kay Josie Ledbetter upang tiyakin na may makikipag-ugnayan kay Monica. Sinabi sa kaniya ni Josie na mayroon na ngayong kongregasyon sa wikang Ingles. Iyon ang talagang kailangan ni Monica! Ang sabi ni Josie: “Sa loob ng anim na buwan na naging ‘tapon’ si Monica sa Pilipinas, siya ay nabautismuhan. Dalawang linggo pagkatapos na mabautismuhan si Monica, sinabi ng kaniyang ina: ‘Heto ang iyong pasaporte. Umuwi ka na.’ Si Monica ay isa nang Saksi.” Kaylaking pasasalamat niya sa kongregasyon sa wikang Ingles!

May isa pang kapakinabangan. May narating ang mga kapatid na ilang lugar na hindi pa kailanman napangangaralan. May mga subdibisyon sa Metro Manila kung saan nakatira ang mga taong mayayaman, at marami sa mga taong ito ang nagsasalita ng Ingles. Kaya, ang Ingles ay nakatulong upang mabuksan ang pintuan sa mga teritoryong ito.

Isinagawa rin ang mga pagsisikap na mabuksan ang mga teritoryo sa wikang Tsino. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, isang grupo ng pag-aaral sa aklat sa wikang Tsino ang itinatag. Ang pag-aaral sa aklat ay idinaos sa isang tindahan ng sapatos na pinatatakbo ni Cristina Go. Gayunman, ang grupo ay napakaliit at nangangailangan ng tulong.

Si Elizabeth Leach, na dumating sa Pilipinas noong ikinasal siya sa misyonerong si Raymond Leach, ay nakapaglingkod sa Hong Kong sa loob ng 16 na taon. Ang karanasan ni Elizabeth sa wikang Cantonese at sa pagtulong sa mga Tsino na matuto ng katotohanan ay nakatulong nang malaki. Noong panahon ding iyon, si Esther Atanacio (ngayo’y Esther So) ay isa sa dalawang special pioneer na inatasan sa teritoryong iyon. Natatandaan pa ni Esther: “Noong nagsimula kaming gumawa sa lugar na iyon, hindi kilala ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova.” Gayunpaman, unti-unting nakilala ng komunidad ng mga Tsino sa Maynila ang pangalan at bayan ni Jehova.

Bagaman marunong ang mga payunir ng wikang Cantonese, kinailangan nilang matutuhan ang isa pang diyalekto, yamang ang pangunahing diyalekto ng mga Tsino na ginagamit sa Maynila ay Fujian. Si Ching Cheung Chua, isang kabataang lalaki na bago pa sa katotohanan, ay nagsimulang umugnay sa grupo. Dahil alam niya ang diyalektong Fujian, siya ay naging tagapagsalin sa mga pulong noon.

Ang grupo ay unti-unting sumulong. Isang maliit na kongregasyon ang naitatag noong Agosto 1984. Marami pa ring hamon, subalit itinuturing ng mga tumutulong na isang kagalakang mangaral sa teritoryong ito na hindi pa nakatatanggap ng puspusang patotoo.

Kahit na Yaong Hindi Nakaririnig ay “Nakikinig”

Sa paglipas ng panahon, waring kalooban ni Jehova na mabigyan ng pansin ang isa pang wika at teritoryo​—yaong sa mga bingi. Kahit noong pasimula pa lamang ng dekada ng 1990, walang anumang kaayusan sa Pilipinas para tulungan ang mga bingi na makaalam ng tungkol kay Jehova. Bagaman iilan lamang ang bingi na nakaugnay sa mga kongregasyon, may ilang di-pangkaraniwang eksepsiyon. Halimbawa, si Manuel Runio, na ang ina ay isang Saksi, ay natulungang makaalam ng katotohanan sa Bibliya ng isang kapatid na babae na nakipag-aral sa kaniya sa pamamagitan ng masikap na pagsulat sa papel. Nabautismuhan siya noong 1976. Sa pulo ng Cebu, ang kambal na sina Lorna at Luz na kapuwa bingi ay tinuruan ng mensahe ng Bibliya ng kanilang tiyuhing bulag. Paano matuturuan ng isang bulag na payunir ang mga taong bingi? Sa tulong ng isang alalay, siya ay gumamit ng mga ilustrasyon. Gayundin, ang kaniyang pinsan ang nagsisilbing interprete kung ano ang sinasabi niya sa pamamagitan ng senyas na mauunawaan ng kambal, yamang hindi sila pormal na nag-aral ng wikang pasenyas. Kapuwa sila nabautismuhan noong 1985. Gayunman, ang gayong mga pagsisikap ay iilan lamang at totoong di-karaniwan.

Ang ilang pangyayari ay humantong sa pagbubukas ng teritoryong ito. Nang ang mga misyonerong sina Dean at Karen Jacek ay nasa Brooklyn Bethel para sa ilang pagsasanay noong kalagitnaan ng 1993, ang mga kapatid na nagtatrabaho sa Translation Services ay nagtanong kung ano ang ginagawa upang matulungan ang mga bingi sa Pilipinas. Isang kabataang kapatid na babae sa Pilipinas ang nagpatala sa isang klase ng wikang pasenyas, upang matuto kung paano makikipagtalastasan sa isang kaibigang bingi mula sa isang pamilyang Saksi. Gayundin, si Liza Presnillo at ang kaniyang mga kasamang payunir sa Navotas, Metro Manila ay nakasumpong ng mga bingi sa kanilang teritoryo subalit hindi nila alam kung paano makikipagtalastasan sa kanila. Inisip ng mga payunir ang tungkol sa pag-aaral ng wikang pasenyas upang mapaabutan nila ang mga bingi ng mensahe ng Kaharian.

Nabatid ng sangay na si Ana Liza Acebedo, isang regular pioneer sa Maynila, ay nagtatrabaho sa isang paaralan ng mga bingi at isa siya sa ilang Saksi sa Pilipinas na may malawak na kaalaman sa wikang pasenyas. Tinanong siya: “Handa ka bang magturo ng wikang pasenyas sa ilang Bethelite?”

Oo, ang sagot niya! Malimit siyang nag-iisip kung paano mabibigyan ng patotoo ang lahat ng mga taong bingi. Isang klase ang pinasimulan kasama ng mga Bethelite at lokal na mga regular pioneer. Ang mga kapatid na babae sa Navotas ay nag-enrol na sa isang kurso ng wikang pasenyas, at kanilang ipinagpatuloy iyon.

Napakabilis sumulong ng mga bagay-bagay. Sa loob ng anim na buwan, ang pag-interprete sa wikang pasenyas ay isinasagawa na sa tatlong kongregasyon sa Metro Manila. Noong 1994, ang pag-iinterprete ay isinaayos sa kauna-unahang pagkakataon sa mga asamblea at mga kombensiyon. Ang isa sa unang mga tunguhin ay ang tulungan ang mga binging anak ng mga magulang na Saksi. Ilan sa mga batang ito ang napabilang sa mga unang binautismuhan. Si Manuel Runio, na laging dumadalo sa mga pulong sa loob na maraming taon kahit walang pag-interprete sa wikang pasenyas, ay naliligayahang makinabang mula sa bagong mga kaayusang ito.

Di-nagtagal, ang iba pang mga lugar sa bansa ay humingi ng tulong. Si Liza Presnillo ay ipinadala kasama ng isang payunir sa Olongapo upang gumawa bilang isang temporaryong special pioneer sa teritoryo ng mga bingi. Marami ang natulungan. Pagsapit ng kalagitnaan ng 2002, naitatag na ang mga grupo ng wikang pasenyas sa 20 munisipalidad sa labas ng Maynila. Isang mahalagang pangyayari ukol sa pagsulong ang pagtatatag ng Kongregasyon ng Metro Manila Sign Language noong Abril 1999, ang kauna-unahan sa bansa. Si Joel Acebes, isa sa mga Bethelite na nasa unang klase ng wikang pasenyas at ngayon ay isang matanda sa kongregasyong iyon ay nagsabi: “Maligaya kaming ginagamit ni Jehova sa napakahalagang gawaing ito.” Oo, kahit ang mga bingi ay “nakaririnig” ng mensahe ng Kaharian. Ang makita ang pagsulong sa dating hindi nagagawang teritoryong ito ay tunay na sanhi ng kagalakan.

Kailangan ang Mas Malalaking Pasilidad

Dahil sa paggawa sa bagong mga teritoryo noong dekada ng 1990 at sa lubusan pang paggawa sa dating mga teritoryo, patuloy na sumulong ang bilang ng mamamahayag at ng mga baguhan na umuugnay sa mga kongregasyon. Higit na mga magasin ang kinakailangan, at mas marami pang aklat at mga brosyur ang isinalin sa mga wika sa Pilipinas higit kailanman. Kaya higit na dinagdagan ang mga kawaning nasa sangay​—upang gumawa ng pag-iimprenta, pagsasalin, at proofreading at upang gawin ang iba pang kinakailangang paglilingkod para sa mga kapatid at sa mga kongregasyon. Di-nagtagal matapos itayo ang bagong tirahang gusali noong 1991, napuno na ito. Dinisenyo ito para sa 250 katao. Pagsapit ng 1999, ang pamilyang Bethel ay 350 na.

May espasyo pa sa ari-arian ng sangay para pagtayuan ng gusali, kaya sinang-ayunan ng Lupong Tagapamahala ang konstruksiyon ng panibagong tirahan, na halos katulad ng isa na natapos noong 1991. Ang konstruksiyon ay nagsimula noong 1999 at natapos sa dulo ng 2001. Halos nadoble ang kapasidad ng tirahang gusali. May karagdagang espasyo para sa opisina, na lubhang kailangan upang matugunan ang mga pangangailangan ng lumalawak na gawain sa larangan. Kalakip sa iba pang pasilidad na idinagdag ang mas malaking labahan, isang silid-aralan para sa Ministerial Training School, at mas mahusay na pasilidad para sa aklatan. Ang may-kasanayang lokal na mga manggagawa at internasyonal na mga lingkod ay pansamantalang sumama sa pamilyang Bethel upang matapos ang gawaing ito. Pagkatapos makumpleto ang bagong gusali, ang mga boluntaryong ito ay nanatili upang kumpunihin ang gusaling itinayo noong 1991. Maraming trabaho ang nasasangkot sa gayong mga proyekto ng konstruksiyon, subalit taglay sa isip ang isang tunguhin​—ang maglaan ng mga pasilidad na magtataguyod sa pagpapalaganap ng nagbibigay-buhay na mga katotohanan sa Bibliya.

Tumutulong ang Ministerial Training School Upang Mapunan ang Pangangailangan

Nang itatag ang Ministerial Training School sa Estados Unidos noong 1987, maraming kapatid sa Pilipinas ang nagsimulang mag-isip, ‘Maaari rin kaya kaming makinabang mula sa gayong pagsasanay?’ Ang sagot ay dumating noong 1993. Ipinatalastas noon na ang paaralan ay magsisimula sa Pilipinas sa susunod na taon. Ang paaralan ay maglalaan ng karagdagang pagsasanay sa kuwalipikadong mga kapatid na lalaki na may ilang karanasang pang-organisasyon bilang matatanda o mga ministeryal na lingkod. Daan-daang kapatid na lalaki ang nag-aplay.

Dalawang naglalakbay na tagapangasiwa at isang misyonero ang sinanay bilang mga tagapagturo. Nagsimula ang unang klase noong Enero 1994. Yaong mga tumanggap ng pagsasanay na ito ay naging higit na kuwalipikadong maglingkod sa kanilang mga kapatid sa mga kongregasyon. Isang kongregasyon ang sumulat hinggil sa isang nagtapos sa paaralang ito na nakaugnay sa kanila: “Kung ihahambing noong bago siya dumalo sa paaralan, malaki ang pagkakaiba sa paraan ng pagganap niya ngayon ng mga bahagi sa pulong.”

Maraming estudyante ang gumawa ng pagsasakripisyo sa materyal upang makinabang mula sa espirituwal na pagsasanay na ito. Si Ronald Moleño ay nagkaroon ng pagsasanay bilang isang chemical engineer. Tumanggap siya ng paanyaya sa paaralan, subalit kasabay nito, isang kompanya ang nag-alok sa kaniya ng trabaho na may mataas na suweldo, pabahay, seguro, at iba pang mga benepisyo. Binulay-bulay ni Ronald ang dalawang oportunidad at pinili niya yaong isa na espirituwal. Siya’y nagtapos sa ika-18 klase at patuloy na nagtamasa ng kasiyahan sa kaniyang paglilingkod bilang payunir. Si Ronald ay inanyayahan kamakailan upang maglingkod bilang misyonero sa Papua New Guinea.

Si Wilson Tepait ay kailangang magpasiya pagkatapos niyang dumalo sa unang klase. May maganda siyang sekular na trabaho bilang isang guro, subalit inanyayahan siyang maging special pioneer kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sinabi niya: “Nasisiyahan ako sa aking trabaho sa pagtuturo, subalit nalalaman ko rin na ang mga kapakanan ng Kaharian ang kailangang maging unang bagay sa aking buhay.” Tinanggap niya ang pribilehiyo ng paglilingkod bilang special pioneer at nakita na pinagpala ni Jehova ang kaniyang gawain sa larangang iyon. Si Wilson ay naglilingkod ngayon bilang tagapangasiwa ng distrito sa timugang Pilipinas.

Ang karamihan sa mga estudyante sa paaralan ay mula sa Pilipinas. Gayunman, gumawa ng kaayusan ang Lupong Tagapamahala na magkaroon ng mga estudyante mula sa ibang bansa sa Asia. Kasali sa mga bansang nagpadala ng mga estudyante ang: Cambodia, Hong Kong, Indonesia, Malaysia, Nepal, Sri Lanka, at Thailand. Ang ilan sa mga estudyante ay nagmula sa mga bansa kung saan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ipinagbabawal. Ang pagsasamahan at pag-aaral ay lubhang nakapagpapatibay na karanasan para sa mga estudyante. Ganito ang sinabi ng tagapagturong si Anibal Zamora: “Inilalahad ng mga estudyanteng nagmula sa mga bansa kung saan may pagbabawal kung paano sila nagtiwala kay Jehova sa lahat ng kalagayan. Napatitibay nito ang mga estudyante mula sa Pilipinas.” Sa kabilang panig naman, natutuhan ng mga estudyante mula sa ibang bansa kung paanong ang mga kapatid na Pilipino na may simpleng pinagmulan ay naglilingkod kay Jehova sa ilalim ng mahihirap na kalagayan.

Si Nidhu David, isang estudyante mula sa Sri Lanka, ay nagsabi: “Mga alaala iyon na pagyayamanin ko sa tuwina. Dalawang buwan iyon ng pagsasanay mula sa Diyos na Jehova. Talagang kahanga-hanga iyon!”

Ang mga pasilidad ng paaralan ay nasa mismong sangay. Hindi lamang nakikinabang ang mga estudyante sa inihandang kurikulum kundi natututo rin sila sa mismong pagkakita nila kung paano inoorganisa ang gawain sa sangay. Ang pakikisama nila sa mga kapatid sa Bethel na palaisip sa espirituwal ay nagbibigay sa kanila ng maiinam na halimbawa ng pananampalataya na dapat tularan. Gayundin, nakikita ng mga kapatid, mula sa mga bansang mas kakaunti ang mamamahayag o may paghihigpit, ang organisasyon sa mas malawak na antas.

Hanggang sa kasalukuyan, 922 na ang nagtapos mula sa 35 klase. Sa mga nagtapos na Pilipino, 75 ngayon ang naglilingkod bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa at marami pa sa kanila bilang kahaliling mga tagapangasiwa ng sirkito sa 193 sirkito sa buong kapuluan. Anim ang inatasan sa Bethel, at sampu ang naglilingkod sa mga atas bilang misyonero sa Papua New Guinea at Micronesia. Daan-daan sa kanila ang naglilingkod bilang mga regular pioneer sa kanilang sariling teritoryo o kung saan mas malaki ang pangangailangan. Sa loob lamang ng walong taon mula nang magbukas ang paaralan, mahigit sa 65,000 ang nabautismuhan sa bansa. Mainam ang espiritu ng pagpapayunir at, sa pangkalahatan, maliwanag na nakikita ang pagsulong sa mga kongregasyon. Tiyak na makikita ng isa na ikinakapit ng mga kapatid na ito ang kanilang natutuhan sa paaralan, na nakatutulong sa mainam na pagsulong.

Pagsulong

Kamangha-manghang mga bagay ang naisasagawa sa buong kapuluang ito. Ang masisigasig na kapatid na kaugnay sa halos 3,500 kongregasyon ay abala sa paghahayag ng mabuting balita hinggil sa pinakamabuting pamahalaan na maaaring malirip, ang Kaharian ng Diyos.

Ang mga ulat kamakailan ay lubhang nakapagpapatibay. Sa huling pitong buwan ng 2002 taon ng paglilingkod, isang bagong pinakamataas na bilang ng mamamahayag ang naabot bawat buwan. Pagsapit ng buwan ng Agosto, umabot na sa 142,124 ang nagdadala ng mensahe ng Kaharian sa iba. Ang pangalan at layunin ni Jehova ay ipinakikilala sa mga tao sa maraming pulo. Ginagawa ng mga lingkod ni Jehova roon ang katulad ng inihula sa Isaias 24:15: ‘Niluluwalhati nila ang pangalan ni Jehova sa mga pulo sa dagat.’

Kabilang sa masisigasig na mangangaral na ito ang libu-libong regular pioneer. Noong 1950, mayroon lamang 307 payunir, subalit sa katapusan ng Abril 2002, mayroon nang 21,793. Idagdag pa rito ang 386 na special pioneer at 15,458 auxiliary pioneer sa buwang iyon, at ang kabuuan ay 37,637, o 27 porsiyento ng lahat ng mamamahayag. Marami pa ang nagpakita na nais nilang sumama sa ranggo ng buong-panahong mga lingkod ng Diyos. Noong 2002 taon ng paglilingkod, 5,638 aplikasyon ng regular pioneer ang inaprobahan.

Ang lahat ng ito ay nagluluwal ng maiinam na bunga. Libu-libong tao ang patuloy na tumutugon. Ang dumalo sa Memoryal noong Marso 2002 ay 430,010. Halos 100,000 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos bawat buwan. Noong 2002 taon ng paglilingkod, 6,892 bagong mga alagad ang binautismuhan. Noong 1948, mayroon lamang 1 Saksi para sa bawat 5,359 na tao sa bansa. Ngayon ay may 1 para sa bawat 549. Habang hinahayaan pa ni Jehova na bukás ang pagkakataon, maaasahan na libu-libo pa ang maaaring sumama sa mga tagapuri ni Jehova sa mga pulong ito sa dagat.

Determinadong Magpatuloy

Nang bumisita si C. T. Russell noong 1912, ilang binhi ng katotohanan ang naihasik sa lupa ng Pilipinas. Unti-unti ngunit tiyak, ang mga binhi ay sumibol at lumaki. Ang mga ito ay nagluwal ng mabubuting bunga yamang ang ilan ay nanindigan sa katotohanan sa ‘kaayaayang kapanahunan at sa maligalig na kapanahunan.’ (2 Tim. 4:2) Lalo na mula noong Digmaang Pandaigdig II, bumilis ang pagsulong hanggang sa ngayon, anupat sampu-sampung libo ang aktibong pumupuri kay Jehova. Sa ganiyang kalagayan, may-kagalakan silang gumagawa at nagpaparangal sa pangalan ng Diyos kasama ang mga anim na milyon na bumubuo ng pambuong-daigdig na kongregasyon ng bayan ni Jehova.

Gaya ng ipinakita ng ulat na ito, ang gawain ay hindi laging madali. Sa kabila ng kagandahan ng bansang ito, ang pag-abot sa mga naninirahan sa napakaraming pulo ay sumubok sa katatagan ng mga tagapaghayag ng Kaharian. Sinuong ng ilan ang mabagyong karagatan upang marating ang nabubukod na mga lugar ng bansa. Binabagtas ng marami ang makapal na gubat sa kabundukan upang hanapin ang tulad-tupang mga tao. Bagaman ang mga pulo sa Pilipinas ay nakararanas ng maraming kalamidad​—mga lindol, baha, bagyo, at pagsabog ng mga bulkan—​hindi nito napahinto ang gawain ng matatapat na Saksi ni Jehova.

Katulad sila ng mga Israelita na nasa isinauling lupain upang panumbalikin ang tunay na pagsamba. Kailangan nilang harapin ang maraming suliranin, subalit ang kagalakan kay Jehova ang kanilang moog. Sa ngayon, maliwanag na ipinakikita rin ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang kakayahang makabawi at magtiwala sa Diyos. Alam nila na si Jehova ay sumasakanila, at sila ay naniniwala sa sinasabi ng Awit 121:7 na nagsasabi: “Babantayan ka ni Jehova laban sa lahat ng kapahamakan. Babantayan niya ang iyong kaluluwa.” Sa tulong ni Jehova, umaasa silang matulungan ang pinakamarami hangga’t posible bago magwakas ang sistemang ito. Pagkatapos, inaasam-asam nila na maturuan ang milyun-milyong bubuhaying muli sa buong lupa, lakip na sa 7,100 pulo na ito. Pagkatapos ay magniningning ang malaparaisong kagandahan ng lupaing ito, sa kapurihan ng kanilang Maylalang.

Samantala, ang mga Saksi ni Jehova ay determinadong sumulong taglay ang lubos na pagtitiwala na pagpapalain ni Jehova ang kanilang gawain. Sinisikap nilang iayon ang kanilang buhay sa mga salita ng propeta ng Diyos: “Mag-ukol sila ng kaluwalhatian kay Jehova, at sa mga pulo ay ihayag nila ang kaniyang kapurihan.”​—Isa. 42:12.

[Blurb sa pahina 232]

“Sumasaiyo marahil ang Diyos, kung hindi ay napatay ka na”

[Kahon sa pahina 153]

Inihasik ang Unang mga Binhi ng Katotohanan

Si Charles T. Russell at ang kaniyang grupo ay bumisita sa Pilipinas noong 1912. Bagaman sila ang kauna-unahang opisyal na mga kinatawan mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn na bumisita sa Pilipinas, ipinakikita ng mga rekord na dalawang iba pang Estudyante ng Bibliya ang nauna na sa Pilipinas at tumutulong sa iba na matuto ng katotohanan sa Bibliya. Si Louise Bell, mula sa Estados Unidos, ay sumulat:

“Kaming mag-asawa ay nagtungo sa Pilipinas noong 1908 at nagtrabaho bilang mga guro. Kami lamang ang mga Amerikano sa bayan ng Sibalom. Pumidido kami ng daan-daang kilo ng mga tract sa Bibliya mula sa Brooklyn. Ang mga ito ay ipinadala sa barko mula sa New York patungong San Francisco, at patawid ng Pasipiko hanggang Maynila, at mula roon patungong Sibalom lulan ng sasakyang-dagat na nagbibiyahe sa mga isla.

“Ipinamahagi namin ang mga tract na iyon at nakipag-usap sa mga tagaroon kapag kami ay may oras at pagkakataon. Hindi kami nag-ingat ng rekord ng mga oras o ng mga naipasakamay. Bagaman ang mga tao ay Katoliko, marami ang malugod na nakinig sa amin. Mga guro kami na may kaalaman sa paggamot, subalit kami ay pangunahin nang mga mensahero ng mabuting balita.

“Naglalakad o sumasakay kami sa kabayo sa baku-bakong daan. Kung minsan ay natutulog kami sa hinabing sahig na kawayan at kumakain ng isda at kanin sa iisang mangkok.

“Nang si Pastor Russell ay bumisita sa Maynila noong 1912, tumelegrama kami sa kaniya.”

Si Sister Bell ay dumalo sa pahayag ni Brother Russell sa Manila Grand Opera House sa paksang “Saan Naroroon ang mga Patay?”

[Kahon sa pahina 156]

Pangkalahatang Impormasyon Tungkol sa Pilipinas

Ang lupain: Mga 7,100 pulo ang sumasaklaw sa lupain na humigit-kumulang sa 300,000 kilometro kuwadrado. Ang isla ay may haba na mga 1,850 kilometro mula sa hilaga hanggang sa timog at lapad na mga 1,125 kilometro mula sa silangan hanggang sa kanluran. Iba’t iba ang laki ng mga isla​—ang pinakamalaki ay malaki nang kaunti kaysa sa Portugal samantalang ang pinakamaliit ay napakaliit anupat ito ay naglalaho kapag tumataas ang tubig.

Ang mga mamamayan: Ang karamihan ay nagmula sa lahing Malay, bagaman ang ilan ay may lahing Tsino, Kastila, o Amerikano.

Ang wika: Sa napakaraming wika sa Pilipinas, ang Bicol, Cebuano, Hiligaynon, Iloko, Pangasinan, Samar-Leyte, at Tagalog ang kabilang sa mga wikang malawakang ginagamit. Ingles at Filipino ang itinuturing na opisyal na mga wika. Ang Filipino ay pangunahing kinuha sa Tagalog.

Ang kabuhayan: Maraming hanapbuhay sa mga lunsod, subalit sa mga probinsiya, marami ang magsasaka o mangingisda. Kalakip sa mga pananim na pagkain na itinatanim sa maraming lugar ay ang palay, tubó, saging, at pinya.

Ang pagkain: Kanin ang karaniwang inihahain sa bawat pagkain. Ang isda at iba pang mga pagkaing dagat ay lubhang karaniwan, pati na ang mga gulay at mga prutas na tumutubo sa tropiko.

Ang klima: Ang bansa ay may klimang tropikal, na may halos magkakaparehong temperatura sa lahat ng mga isla. Ang bansa sa pangkalahatan ay sagana sa ulan.

[Kahon/Larawan sa pahina 161, 162]

Isang Panayam kay Hilarion Amores

Isinilang: 1920

Nabautismuhan: 1943

Maikling Talambuhay: Nakaalam ng katotohanan noong panahon ng pananakop ng mga Hapones noong Digmaang Pandaigdig II. Iilan lamang ang mga Saksi sa bansa nang panahong iyon.

Ako ay nabautismuhan noong panahon ng digmaan nang posible pang mangaral sa bahay-bahay ang mga kapatid. Gayunman, kailangan naming maging maingat dahil sa naghihinala ang mga tao sa aming ginagawa. Nang maglaon, kinailangan naming lumikas patungong probinsiya, subalit noong 1945 ay bumalik kami sa Maynila.

Nang panahong iyon, nagkaroon ako ng pribilehiyong magsalin ng The Watchtower sa Tagalog. Kailangan kong gawin ito nang hanggang alas dos ng madaling araw. Ang naisaling materyal ay minimyugrap at ipinadala sa mga grupo ng mga Saksi. Kailangan ang pagsasakripisyo sa sarili, pero masayang-masaya kami dahil sa napangalagaan sa espirituwal na paraan ang mga kapatid.

Sa buong buhay ko sa katotohanan, nakita kong maawain si Jehova. Talagang pinangangalagaan niya ang kaniyang bayan, kapuwa sa espirituwal at materyal. Natatandaan ko pa ang tulong na ipinadala sa Pilipinas pagkatapos ng digmaan. Aba, napakaraming nabigyan ng mga pantalon, sapatos, at iba pang kasuutan! Marami sa mga payunir na nakinabang ang lubhang nagpahalaga anupat higit pa silang nagsikap sa kanilang buong-panahong paglilingkod. Talagang nagmamalasakit si Jehova sa kaniyang bayan, anupat inilalaan niya ang kinakailangan.

[Kahon/Larawan sa pahina 173, 174]

Isang Minamahal na Misyonero

Neal Callaway

Isinilang: 1926

Nabautismuhan: 1941

Maikling Talambuhay: Isinilang sa isang pamilyang Saksi, pinasimulan niya ang kaniyang buong-panahong ministeryo nang makatapos siya sa haiskul. Inanyayahan siya sa ika-12 klase ng Paaralang Gilead; inatasan sa Pilipinas, kung saan siya naglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa.

Si Neal Callaway ay isang masigasig na misyonero, na mahal na mahal ng mga kapatid. Seryoso sa gawaing pang-Kaharian at kasabay nito ay masayahin din naman, siya ay naglingkod sa lahat ng panig ng bansa. Isinalaysay niya ang tungkol sa kaniyang atas sa gawaing paglalakbay.

“Kung minsan ay naglalakad kami sa mga burol sa loob ng dalawang oras upang marating ang teritoryo, na umaawit ng mga awiting pang-Kaharian habang kami ay naglalakad. Kapag kasama ko ang 15 hanggang 20 sa isang grupo, na pawang naglalakad nang magkakasunod sa makikitid na landas at umaawit, masayang-masaya ako na tinanggap ko ang aking atas sa ibang bansa.

“Ang maihatid ang Salita ng Diyos sa mga munting dampa sa mga lalawigan, ang makita ang dukhang mga taong ito na nakaupo sa sahig at nakikinig sa bawat salitang binibigkas, at pagkatapos ay makita sila sa Kingdom Hall sa susunod kong pagdalaw​—ito ang nag-uudyok sa akin na lalo pang magsikap sa pagbabalita sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos.”

Pinakasalan ni Neal si Nenita, isang kapatid na babae mula sa Mindoro, at magkasama silang naglingkod nang tapat hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1985. Magiliw pa ring naikukuwento ng mga kapatid na Pilipino si Neal. Ganito ang sabi ng isa: “Si Brother Callaway ay isang taong mabait at madaling makisama sa mga kapatid. Marunong siyang makibagay, anuman ang kalagayan.” a

[Mga talababa]

a Ang talambuhay ni Brother Callaway ay lumabas sa “The Watchtower” ng Agosto 1, 1971.

[Kahon/Larawan sa pahina 177]

Isang Panayam kay Inelda Salvador

Isinilang: 1931

Nabautismuhan: 1949

Maikling Talambuhay: Ipinadala bilang isang misyonera sa Thailand noong Marso 1967.

Nagkaroon ako ng magkahalong damdamin nang marinig ko na ako ay ipadadala bilang isang misyonera sa Thailand. Ako ay natuwa, medyo nabahala, at nagkaroon ng maraming katanungan sa isipan.

Ako ay dumating dito noong Marso 30, 1967. Para sa akin, kakatwa ang wika rito. Ito ay isang wikang de-tono na may mababa, mataas, malagong, pataas at matinis na mga tono. Mahirap matutuhan ang wika, subalit ako ay maibiging tinulungan ng mga kapatid na tagaroon at ng mga taga-ibang bansa.

Mula 1967 hanggang 1987, ako ay nasa Sukhumwit. Pagkatapos ay hinilingan akong lumipat sa isang bagong atas na kongregasyon. Iyon ay waring mahirap dahil sa kailangan kong iwan ang mga kapatid na nakasama ko sa gawain sa loob ng 20 taon. Iyon ang nadama ko nang lumipat ako sa Thon Buri. Buweno, nasa isip lamang iyon. Pagkaraan ng 12 taon sa Thon Buri, bumalik ako sa Sukhumwit noong 1999. Ang ibang misyonero ay nagsabi na para akong bumalik sa aking dating tahanan. Ngunit para sa akin, anumang kongregasyon na iatas sa akin ay maaari kong maging tahanan.

[Kahon/Larawan sa pahina 178]

Mga Alaala sa Pag-aaral ng Isang Wika

Benito at Elizabeth Gundayao

Maikling Talambuhay: Si Benito, kasama ng kaniyang asawa, si Elizabeth, ay naglingkod sa gawaing pansirkito sa Pilipinas. Noong 1980 ay ipinadala sila bilang mga misyonero sa Hong Kong. Doon ay natulungan nila ang 53 katao na matuto ng katotohanan.

Ang pag-aaral ng Cantonese ay isang malaking pagsubok para sa amin na walang anumang kaalaman sa wikang Tsino. Ang marubdob na pagsisikap at pagtitiyaga pati na ang kapakumbabaan ay tunay na kailangan.

Minsan, ang gusto ko sanang sabihin ay, “Pupunta ako sa palengke.” Sa Cantonese, ito ay naging, “Pupunta ako sa ipot ng manok.” Sa paglilingkod sa larangan tuwang-tuwa na sinabi ng aking asawa, “Ah, kilala ko siya,” bilang pagtukoy sa isang kapatid na babae na kakilala ng may-bahay. Subalit ang sinabi ng aking asawa ay nangahulugan ng, “Ah, kinakain ko siya.” Laking gulat ng may-bahay! Lubos naming pinahahalagahan ang aming mga karanasan sa larangan na ang ginagamit ay wikang Tsino.

[Kahon/Larawan sa pahina 181, 182]

Isang Panayam kay Lydia Pamplona

Isinilang: 1944

Nabautismuhan: 1954

Maikling Talambuhay: Pagkatapos magkaroon ng karanasan bilang isang special pioneer sa Pilipinas, inanyayahan siyang maglingkod sa Papua New Guinea noong 1980. Natulungan niya ang mahigit na 84 katao na matuto ng katotohanan.

Tuwang-tuwa akong matanggap ang aking atas dahil sa matagal ko nang hinahangad na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Nangangamba rin ako dahil sa ito ang kauna-unahang pagkakataon na iiwan ko ang aking pamilya. Wala akong gaanong alam tungkol sa Papua New Guinea, at kinabahan ako dahil sa ilang kuwentong narinig ko. Pinatibay ako ni Inay, sa pagsasabing: “Pangangalagaan tayo ng Diyos na Jehova saanman tayo gumagawa ng kaniyang kalooban.” Kaya ginawa ko ang aking liham ng pagtanggap sa atas.

Nang ako ay dumating, napakabait ng mga kapatid, at palakaibigan ang mga tao. Nakapagpapasakamay ako ng maraming aklat at mga magasin bawat buwan, higit pa sa naipasakamay ko sa Pilipinas. Subalit ang wika at mga kaugalian ay lubhang naiiba sa akin. Naisip ko: “Buweno, maglilingkod lamang ako rito nang ilang taon at pagkatapos ay uuwi na ako at magpapayunir muli kasama ni Inay.”

Buweno, pagkatapos matutuhan ang dalawa sa mga pangunahing wika at sundin ang ilan sa lokal na mga kaugalian, higit kong nakilala ang mga tao. Sa loob ng mahigit na 20 taon nang paglagi ko rito, nagkaroon ako ng pribilehiyo sa pagtuturo ng katotohanan sa marami, at ang ilan ay naturuan kong bumasa at sumulat upang sila ay makapag-aral nang wasto at dibdibin nila ang katotohanan. Dahil sa lahat ng ito at iba pang mga pagpapala, nadama ko na ang Papua New Guinea ay aking tahanan na ngayon. Kung loloobin ni Jehova, kaluguran kong gamitin ako sa paglilingkuran sa kaniya hanggang sabihin niya na tapos na ang gawain o hanggang sa katapusan ng aking mga araw rito.

[Kahon/Larawan sa pahina 191, 192]

Isang Panayam kay Filemon Damaso

Isinilang: 1932

Nabautismuhan: 1951

Maikling Talambuhay: Nagsimula sa buong-panahong ministeryo noong 1953. Nang maglaon ay nag-asawa at pumasok sa gawaing pansirkito. Pagkatapos mapalaki ang mga anak, nagpatuloy sa buong-panahong paglilingkod bilang isang special pioneer kasama ang kaniyang asawa. Nagkaroon ng iba’t ibang atas sa mga Pulo ng Visayas at Mindanao hanggang sa ngayon.

Naging mahirap ang buong-panahong paglilingkod dahil sa matinding kahirapan noong dekada ng 1960. Kakaunti ang pagkain dahil sa mga salot ng daga na sumira sa mga pananim na mais at palay. Hindi na kami makapagpatuloy sa pangangaral sa mga bayan-bayan dahil sa sira na ang aming mga damit at mga sapatos.

Kaya nagtungo kami sa mga bukid, mga bundok, at malalayong baryo​—kadalasa’y walang sapatos. Muntik ko nang hindi maiharap ang isang bahagi sa isang pansirkitong asamblea dahil sa wala akong wastong pananamit. Gayunman, ang aming tagapangasiwa ng distrito, si Brother Bernardino, ay may-kabaitang nagpahiram sa akin ng kaniyang damit, anupat nakapagpahayag ako. Mangyari pa, maraming tao ang mas mahirap sa materyal kaysa sa amin. Dahil sa aming determinasyon na magtiyaga, pinagpala kami ni Jehova.

Noong 1982, dumating sa amin ang pagsubok dahil sa neutralidad. Sa Mindanao, laganap ang paghihimagsik laban sa pamahalaan. Palibhasa’y nagdaraos ako ng mga pag-aaral sa Bibliya sa tinatawag na mga opisyal ng mga rebelde, binansagan ako ng mga sundalo ng pamahalaan bilang isang “guro” ng mga makakaliwa. Gayunman, ipinaliwanag ng isang opisyal ng pamahalaan na ang aming itinuturo ay pawang mula sa Bibliya at hindi makapulitika.

Kasabay nito, hindi mabuti ang naging tingin sa akin ng mga rebelde, dahil kapag ako ay nangangaral, nagpapatotoo muna ako sa kapitan ng baryo at sa kumandante ng mga tropa ng militar. Subalit hindi nila kami sinaktan sapagkat ipinagtanggol kami ng isang opisyal ng mga rebelde na inaaralan ko sa Bibliya.

Sa loob ng ilang dekada, tinulungan kami ni Jehova na makaligtas sa mahihirap na kalagayan at mga pagsubok. Salamat kay Jehova dahil sa kaniyang awa at proteksiyon!​—Kaw. 18:10; 29:25.

[Kahon/Larawan sa pahina 217, 218]

Isang Panayam kay Pacifico Pantas

Isinilang: 1926

Nabautismuhan: 1946

Maikling Talambuhay: Nagtapos sa ika-16 na klase ng Gilead noong 1951. Sa kasalukuyan ay naglilingkod bilang isang matanda sa Quezon City.

Noong ikalawang digmaang pandaigdig, may mga kapitbahay kami na mga Saksi ni Jehova sa probinsiya ng Laguna. Inanyayahan nila akong magbasa ng anumang nais kong basahin sa kanilang aklatan. Ang mga aklat ay magaganda: Creation, Vindication, Reconciliation, Religion, Enemies, Children, at marami pang iba. Nang sunugin ng mga Hapones ang aming bayan, napahiwalay kami sa mga Saksi, subalit natagpuan ko silang muli makalipas ang isang taon sa Maynila. Nagsimula akong dumalo sa mga pulong at pagkatapos kong mabautismuhan, sumama ako sa isang grupo ng mga payunir. Ang aming atas ay ang buong probinsiya ng Tayabas, nang maglaon ay tinawag na Quezon. Gumawa kami sa bayan-bayan at natulog sa nakagaraheng mga bus, sa mga tahanan ng mga taong interesado, at sa mga katulad nito.

Nang dumating kami sa Mauban, isang grupo ng mga mandirigmang gerilya ang sumalakay sa bayan. Natutulog kami noon sa ikalawang palapag ng munisipyo. Nagising kami dahil sa kaguluhan. Parang nasukol ang mga pulis sa ibaba namin. Naririnig naming inilalapag nila ang kanilang mga baril sa sahig.

Sumugod ang mga gerilya sa itaas. Pinasinagan kami ng lente ng isa sa kanila at nagsabi: “Sino kayo?” Nagtulug-tulugan kami. Muli siyang nagtanong at idinagdag pa: “Hindi ba’t mga espiya kayo ng konstabularya ng Pilipinas?”

“Hindi po,” ang sagot namin.

Sinabi niya: “Pero kaki ang suot ninyo.”

Ipinaliwanag namin na ang mga damit ay donasyon at na ang aming mga sapatos ay ipinadala ng mga kapatid namin sa Amerika bilang tulong na panustos.

Ang kumandante ay nagsabi: “Sige, akin na ang mga sapatos.” Kaya hinubad ko ang aking sapatos. Nagustuhan din niya ang pantalon ko. Di-nagtagal at kaming lahat ay nakakarsonsilyo na lamang. Mabuti na lamang at may ilan kaming damit na nakatago sa malapit. Ang totoo, natutuwa kami at kinuha nila ang aming mga damit. Kung hindi ay iisipin ng buong bayan na mga espiya nga kami ng mga gerilya!

Bumili kami ng mga bakya, bumalik sa Maynila, at pagkatapos ay nagtungo sa mga Pulo ng Visayas upang ipagpatuloy ang pangangaral.

Si Brother Pantas ay nakibahagi sa buong-panahong ministeryo at nagsilbi bilang isang lingkod sa mga kapatid (tinatawag ngayon na tagapangasiwa ng sirkito) bago dumalo sa Paaralang Gilead. Pagbalik sa Pilipinas, naglingkod siya bilang isang tagapangasiwa ng distrito at gayundin sa tanggapang pansangay bago nagpamilya.

[Chart/Graph sa pahina 168, 169]

ANG PILIPINAS—TALA NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI

1908: Dalawang Estudyante ng Bibliya mula sa Estados Unidos ang nagsimulang magpatotoo sa bayan ng Sibalom.

1910

1912: Nagpahayag si Charles T. Russell sa Manila Grand Opera House.

1934: Itinatag ang tanggapang pansangay. Ang buklet na Escape to the Kingdom ay inilathala sa Tagalog.

1940

1947: Unang pagdating ng mga nagtapos sa Gilead.

1961: Pinasimulan ang mga klase ng Kingdom Ministry School.

1964: Ang mga payunir na Pilipino ay sinimulang anyayahan para maglingkod bilang misyonero sa kalapit na mga bansa.

1970

1978: Pinasimulan ang mga klase ng Pioneer Service School.

1991: Ang bagong mga gusali ng sangay ay natapos at inialay. Pumutok ang Bundok Pinatubo.

1993: Inilabas sa wikang Tagalog ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.

2000

2000: Inilabas sa wikang Tagalog ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin.

2002: 142,124 na mamamahayag ang aktibo sa Pilipinas.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

150,000

100,000

50,000

1940 1970 2000

[Chart sa pahina 199]

(Tingnan ang publikasyon)

Tsart ng Pagsulong sa Bilang ng Dumadalo sa Kombensiyon (1948-99)

350,000

300,000

250,000

200,000

150,000

100,000

50,000

0

1948 1954 1960 1966 1972 1978 1984 1990 1996 1999

[Mga mapa sa pahina 157]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PILIPINAS

LUZON

Vigan

Baguio

Lingayen

Cabanatuan

Bundok Pinatubo

Olongapo

Quezon City

MAYNILA

MINDORO

MGA PULO SA VISAYAS

Masbate

CEBU

MINDANAO

Surigao

Davao

PALAWAN

El Nido

[Buong-pahinang larawan sa pahina 150]

[Larawan sa pahina 154]

Sina Charles T. Russell at William Hall nang bumisita sila sa Pilipinas noong 1912

[Larawan sa pahina 159]

Si Joseph dos Santos, na makikita rito kasama ng kaniyang asawa, si Rosario, noong 1948, ay nanatiling isang masigasig na tagapaghayag ng Kaharian sa kabila ng malupit na pagkakabilanggo sa loob ng tatlong taon noong Digmaang Pandaigdig II

[Larawan sa pahina 163]

Ang unang mga kapatid na lalaki mula sa Pilipinas na ipinadala sa Paaralang Gilead: Adolfo Dionisio, Salvador Liwag, at Macario Baswel

[Larawan sa pahina 164]

Paglalakad sa kabundukan upang mangaral

[Larawan sa pahina 183]

Libu-libong payunir ang nakinabang mula sa Pioneer Service School

[Larawan sa pahina 186]

Ang “computerized phototypesetting” ay nagsimula noong 1980

[Larawan sa pahina 189]

Ang mabuting balita ay mababasa sa maraming wika sa Pilipinas

[Larawan sa pahina 199]

Ang “Banal na Pagtuturo” na Pang-Internasyonal na Kombensiyon, 1993

[Larawan sa pahina 199]

Ang bautismo sa “Maliligayang Tagapuri” na Pandistritong Kombensiyon, 1995

[Larawan sa pahina 200]

Mga misyonerong Pilipino na umuwi upang bumisita sa panahon ng kombensiyon

[Larawan sa pahina 202]

Ang “Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan” sa wikang Tagalog ay inilabas sa mga kombensiyon noong 1993

[Larawan sa pahina 204]

Pagsasalin ng Bibliya sa tulong ng mga computer

[Larawan sa pahina 205]

Isang maligayang payunir ang tumatanggap ng kumpletong “Bagong Sanlibutang Salin” sa kaniyang sariling wika

[Larawan sa pahina 207]

Komite ng Sangay, mula sa kaliwa pakanan: (nakaupo) Denton Hopkinson, Felix Salango; (nakatayo) Felix Fajardo, David Ledbetter, Raymond Leach

[Larawan sa pahina 211]

Maraming nagsilikas na Vietnamese ang nakaalam ng katotohanan samantalang nasa Pilipinas

[Larawan sa pahina 215]

Sina Natividad at Leodegario Barlaan ay gumugol bawat isa ng mahigit na 60 taon sa buong-panahong paglilingkod

[Mga larawan sa pahina 222, 223]

Mga Kingdom Hall na itinayo nang nakaraang mga taon

[Mga larawan sa pahina 224]

Ang Metro Manila Assembly Hall (itaas) at iba pang mga Assembly Hall, sa labas ng Maynila

[Larawan sa pahina 228]

Kaliwa: Si John Barr na nagpapahayag sa programa ng pag-aalay sa sangay noong 1991

[Larawan sa pahina 228]

Ibaba: Ang mga gusali ng sangay noong 1991

[Larawan sa pahina 235]

Ang tagumpay para sa mga Saksi ni Jehova ay kinilala ng mga pahayagan

[Larawan sa pahina 236]

Ang mga lindol, pagsabog ng mga bulkan, at mga baha ay lumilikha ng mga suliranin, subalit patuloy sa pangangaral ang masisigasig na mamamahayag

[Larawan sa pahina 246]

Ang masisigasig na payunir ay nag-aral ng wikang pasenyas upang tulungan ang mga bingi na makinabang sa espirituwal na mga programa

[Larawan sa pahina 246]

Ang mga estudyante kasama ang mga tagapagturo sa kauna-unahang klase ng Pioneer Service School sa bansa sa wikang pasenyas, sa pasimula ng 2002

[Larawan sa pahina 251]

Ika-27 klase ng Ministerial Training School sa Pilipinas