Tampok na mga Pangyayari sa Nakaraang Taon
Tampok na mga Pangyayari sa Nakaraang Taon
“PUMARITO kayo sa akin, . . . at pagiginhawahin ko kayo.” Ang mga salitang iyan ni Jesu-Kristo, na masusumpungan sa Mateo 11:28, ang naging taunang teksto natin noong 2002. Sa nakaraang taon ng paglilingkod, talagang iyan ang ginawa ng marami—265,469 ang tumanggap ng paanyaya ng Diyos, nagpabautismo, at nakasumpong ng kaginhawahan kasama ng mahigit na anim na milyong iba pa na naglilingkod sa ilalim ng may-kabaitang pamatok ng pagiging Kristiyanong alagad.
Sa susunod na mga pahina, mababasa mo kung paano patuloy na pinagpapala nang sagana ni Jehova ang kaniyang bayan sa
buong lupa. Suriin natin ngayon ang ilan sa mahahalagang teokratikong pagsulong mula sa 2002 taon ng paglilingkod.Itinataguyod ng mga Pandistritong Kombensiyon ang Kasigasigan
Tulad ng nakaugalian na nila, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtipon sa daan-daang lugar sa buong daigdig upang dumalo sa kanilang taunang pandistritong kombensiyon. Ang tema ng kombensiyon para sa taóng 2002/03 ay “Masisigasig na Tagapaghayag ng Kaharian.” Idiniin ng pinakatemang pahayag na tinutularan ng bayan ng Diyos sa ngayon ang sigasig at tibay ng loob ni Jesu-Kristo sa pagsasagawa ng kanilang ministeryo. Ipinaliwanag naman ng iba pang pahayag na ang sigasig ay nalilinang sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos at naipakikita ito sa paggawa ng mabuti lalo na sa masiglang pagpapahayag ng Kaharian ng Diyos.
Ang drama na kumpleto sa kostiyum na pinamagatang “Tumayong Matatag sa Panahon ng Kaligaligan” ay nagtuon ng pansin kay propeta Jeremias. Tulad ni Jesus, siya ay nagpakita ng natatanging sigasig at pagbabata sa kabila ng mga kahirapan. Si Jeremias ay nagtiwala kay Jehova at walang-takot na nagpahayag ng mensahe ng Diyos. Anong inam na halimbawa para sa mga Kristiyano sa ngayon!
Dalawang aklat ang inilabas sa kombensiyong ito. Noong Biyernes, tinanggap ng mga delegado ang aklat na Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos. Ang aklat na ito na may 192 pahina ay gagamitin bilang ikalawang pantulong sa pag-aaral sa Bibliya upang maikintal sa puso ng mga estudyante sa Bibliya ang katotohanan ng Salita ng Diyos. Umaasa kami na makatutulong ang publikasyong ito sa mga baguhan upang sumulong sa espirituwal at lumakad sa makipot na daan na umaakay tungo sa buhay sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.
Ang aklat na Maging Malapít kay Jehova ay inilabas noong Sabado. Hinati ito sa mga seksiyong tumatalakay sa apat na pangunahing mga katangian ni Jehova: kapangyarihan, katarungan, karunungan, at pag-ibig. Ipinaliwanag ang layunin nito sa paunang salita:
“Sana’y matulungan ka ng aklat na ito na lalo pang mapalapít sa Diyos na Jehova, upang makapaglinang ng isang buklod sa kaniya na hindi masisira kailanman, nang sa gayon ay mabuhay ka upang purihin siya magpakailanman.” Ang programa ng kombensiyon, kalakip ang bagong mga publikasyong ito, ay tutulong sa tapat-pusong mga tao sa lahat ng dako upang sumidhi ang kanilang pag-ibig sa ating Maylalang.Pagbabata sa “mga Panahong Mapanganib”
Isinulat ni apostol Pablo kay Timoteo na ang “mga huling araw” ay kakikitaan ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Ang mga kasakunaan, kapuwa likas at iba pang kasakunaan, ay nagdudulot ng mga problema at mga kahirapan. Subalit nagbibigay rin ito ng pagkakataon sa mga Kristiyano upang ipakita ang taglay nilang pag-ibig sa isa’t isa. Nagkaroon ng maraming kasakunaan sa nakalipas na taon ng paglilingkod. Pagtutuunan natin ng pansin ang dalawa sa mga ito.
Ang Kasakunaan sa World Trade Center: Ang gradwasyon ng ika-111 klase ng Watchtower Bible School of Gilead ay ginanap noong Sabado, Setyembre 8, 2001. Pagkalipas ng tatlong araw, noong Setyembre 11, namasyal ang mga nagsipagtapos kasama ng kanilang mga pamilya sa New York City, sa Estados Unidos. Mainit at maganda ang panahon at maaliwalas ang bughaw na kalangitan nang araw na iyon. Pagkatapos, noong alas 8:46 n.u., isang komersiyal na jet ang sumalpok sa north tower ng World Trade Center sa lower Manhattan. Pagkalipas ng ilang minuto, isa na namang komersiyal na jet ang sumalpok sa south tower.
Noong alas 9:59 n.u., gumuho ang south tower, na nagsabog ng napakakapal na alikabok at pira-pirasong labí na parang ulap sa buong lower Manhattan. Pagkatapos niyan, gumuho naman ang north tower. Halos tatlong libong tao ang nasawi. Ang bawat gusali, na naitayo noong 1973, ay may 110 palapag. Ang makapal na alikabok mula sa pagguho ng dalawang gusali ay tinangay ng hangin at nakarating sa Bethel sa Brooklyn, wala pang tatlong kilometro ang layo.
Inalam agad ng mga kapatid sa tanggapang pansangay sa Estados Unidos kung sinu-sino ang Saksi na naapektuhan ng kahindik-hindik na trahedyang ito at kung ano ang maitutulong nila. Kinagabihan ng Martes, Setyembre 11, natiyak na nasa ligtas na kalagayan ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa tatlong gusali ng Bethel—Brooklyn, Patterson, at Wallkill. Nang hapon ng Huwebes, nakipag-ugnayan ang lahat ng nagsipagtapos sa Gilead sa Tanggapan ng Gilead, na tinitiyak na sila at ang kanilang mga pamilya ay ligtas. Samantala, 37 tagapangasiwa ng sirkito sa lugar ng New York ang tinawagan sa telepono. Nakipag-ugnayan sila sa matatanda sa kongregasyon, at inalam naman ng matatanda ang kalagayan ng bawat mamamahayag. Noong Biyernes ng umaga, Setyembre 14, napag-alaman ng sangay na 14 sa ating mga kapatid ang alinman sa nasawi o nawawala. Hindi na nagbago ang bilang na iyan nang sumunod na mga araw.
Inilahad ng mga nakaligtas ang kanilang mga karanasan. Si Cynthia Tucker, isang regular pioneer, ay nagtatrabaho sa World Financial Center sa kabilang lansangan mula sa World Trade Center. Nasa ika-37 palapag siya noon nang makita niyang sumalpok ang unang jet sa gusali. Palibhasa’y batid niya na isa itong malubhang aksidente, lumabas siya at tumingala sa gusali na tinamaan ng eroplano. Nagkalat sa lahat ng lugar ang pira-pirasong mga labí. Pagkatapos ay isa pang eroplano ang lumipad nang napakababa. Sinabi ni Sister Tucker: “Napakalaki ng eroplano. Alam kong babangga iyon sa gusali. Gusto kong tumakbo, subalit napatayo na lamang ako—hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Para bang lumipad ang eroplano papasok sa gusali. Ubod nang lakas ang ingay anupat para bang nasa ilalim ka ng tubig; damang-dama ko ang tunog. Napakabigat ng hangin at tila ba may mga buhangin itong kasama. Napakahirap huminga. Kung saan-saan nagtatakbuhan ang mga tao. Tumakbo ako sa isang gusali at pinagmasdan ko ang pagguho ng unang gusali. Hinubad ng mga tao ang kanilang mga kamisadentro para takpan ang kanilang mukha dahil sa alikabok. Lumabas sa mga gusali ang mga taong may akay na mga bata at mga alagang hayop. Takót na takót ang lahat ng tao. Maging ang mga
hayop ay hindi kumikilos nang normal. Hindi ko mailarawan ang takot.” Nagpapasalamat si Sister Tucker sa tulong ng matatanda na dumating at nagbigay ng nakaaliw na mga salita sa kaniya mula sa Bibliya.Nang sumunod na mga buwan, ang mga kapatid na tagaroon sa New York ay naghatid sa mga tao sa komunidad na iyon ng mensahe ng Bibliya tungkol sa kaaliwan at pag-asa. Pinahintulutan ang ilang kapatid na lalaki na ibahagi ang maka-Kasulatang mensahe sa Ground Zero, ang lugar kung saan gumuho ang Twin Towers. Isa sa mga kapatid na lalaking ito ay si Roy Klingsporn, isang payunir. Sinabi niya: “May pagpapasalamat na sinabi ng isang sarhento ng hukbong panghimpapawid na nakasama sa gawaing pagliligtas: ‘Dinadalhan kami ng lahat ng tao ng pagkain, mainit na kape, at tuyong damit, pero kayo ang kauna-unahang nagbasa sa amin ng kasulatan. Kailangan namin ang Diyos sa panahong gaya nito.’ ”
Pagsabog ng Bulkan sa Silangang Aprika: Marami sa ating mga kapatid sa silangang Congo (Kinshasa) ang nakaranas ng digmaang sibil, pagkakasakit, karukhaan, at kawalan ng trabaho. Ang ilang nagsilikas ay nakauwi na at ang iba naman ay nananatili pa roon. Nakaragdag pa sa mga problemang ito ang biglang pagsabog ng Bundok Nyiragongo, isang bulkan na matatagpuan di-kalayuan sa bayan ng Goma. Noong umaga ng Enero 17, 2002, nagbuga ng usok at apoy ang bulkan. Kinagabihan, bumulwak ang lava mula sa bulkan at umagos ito patungong Goma. Tumakas ang libu-libong takót na takót na mga tao papunta sa kalapit na bayan ng Gisenyi, sa Rwanda. Nagsikip ang mga lansangan dahil sa mga taong may bitbit na ilang ari-arian na basta nadampot nila. Nanganganib din ang Gisenyi, subalit isinaayos ng mga kapatid doon na ang Kingdom Hall ay magsilbing kampo ng nagsilikas na mga kapatid mula sa Congo. Agad na nagboluntaryo ang ilang kapatid sa Gisenyi na patuluyin sa kanilang mga tahanan ang mga tumakas mula sa bulkan.
Isang elder na tagaroon ang nagsabi: “Nang makita namin kung ano ang nangyayari, ako at ang ilan sa mga kapatid ay agad na pumunta sa pangunahing lansangan na nagdurugtong sa Goma at Gisenyi.
May hawak kaming mga magasing Bantayan at Gumising! at itinaas namin ang mga ito. Napakadilim ng paligid, pero nagpunta kami sa mga lugar kung saan maaari kaming makita. Nang makita ng mga kapatid ang mga magasin, nalaman nila na mga Saksi kami, at sinamahan namin sila sa aming Kingdom Hall, na nagsilbing kampo ng nagsilikas. Tumayo kami sa kahabaan ng lansangan hanggang sa mag-uumaga. Tinularan lamang namin ang ginawa sa amin ng mga kapatid sa Goma mga ilang taon na ang nakararaan. Pagkatapos ng digmaan sa Rwanda, daan-daang libo katao ang nagsitakas patungong Goma. Nang panahong iyon, ang mga Saksi mula sa Goma ay buong araw na nakatayo sa mga lansangan na may hawak na mga magasin upang makatulong sa amin na makilala ang mga kapatid. Dinala nila kami sa mga kampo ng nagsilikas na inorganisa ng mga Saksi.”Ang karamihan sa mga nagsitakas dahil sa pagsabog ng bulkan ay kailangang magpalipas ng gabi sa labas. Kasali rito ang mga kapatid na hindi nakakita sa mga may hawak ng mga magasin dahil sa pagkakagulo o kadiliman ng paligid. Ganito ang komento ng isang elder: “Noong madaling-araw, lumabas muli ang mga kapatid na lalaki at babae na tangan ang mga magasin. Inikot nila ang buong Gisenyi para makita sila ng lahat ng mga tao. Sa ganitong paraan, natagpuan nila ang lahat ng mga kapatid sa Goma na hindi nakakita sa mga Saksi nang nagdaang gabi. Hindi nagtagal, ang aming Kingdom Hall ay nanganganib na pasukin ng lava, na patuloy na umaagos. Agad naming isinaayos na magsilbing mga kampo ng nagsilikas ang limang iba pang Kingdom Hall.” Ang ilang kapatid mula sa 24 na kongregasyon sa Goma ay tumakas patungo sa liblib na lugar ng Congo, subalit ang karamihan—mga 2,000—ay nagtungo sa Rwanda.
Ang tanggapang pansangay sa Kigali, Rwanda, ay dagling bumili ng mga pagkain, gamot, kumot, at plastik na lalagyan para sa tubig. Karaka-rakang ipinadala ang mga suplay na ito sa mga kampo. Kaylaking tuwa ng mga kapatid mula sa Goma dahil isang araw pa lamang pagkalipas ng kasakunaan, isang trak na ang dumating na may dalang pantulong na mga suplay! Maraming magagandang komento ang narinig mula sa mga di-Saksi. Naulinigan ng isang kapatid na lalaki ang mga tao na nagsabi: “Napakahusay na relihiyon ito. Talagang mahal nila ang isa’t isa.”
Halos sangkatlo ng bahagi ng Goma ang nawasak. Maraming kapatid ang nawalan ng lahat ng kanilang ari-arian. Gayunman, ang Roma 12:12, 13) Nang maglaon, isinaayos ng mga kapatid na taga-Rwanda na makabalik nang ligtas sa Goma ang lahat ng nagsilikas. Tumulong din ang mga Saksi sa Europa sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga suplay sakay ng dalawang eroplano mula sa Belgium.
mga Saksi na buo pa rin ang mga bahay ay nagboluntaryong patuluyin ang mga pamilya ng mga kapatid na nawasak ang mga bahay. (Isang kasakunaan ang pagsabog ng Bundok Nyiragongo. Kumitil ito ng maraming buhay at sumira ng maraming ari-arian, subalit ipinakilala ng tunay na mga Kristiyano ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig na ipinamalas nila sa isa’t isa.—Juan 13:35.
Binigyang-Diin ng Kingdom Ministry School ang Espirituwalidad
Ang Kingdom Ministry School ay nagsimula noong 1959 bilang isang-buwang kurso sa pag-aaral. Ginanap ito sa South Lansing, sa estado ng New York, E.U.A. Sa ibang bansa, ginanap ito sa mga lugar na isinaayos ng mga tanggapang pansangay. Noong una, ang mga ipinatala sa paaralan ay matatanda sa kongregasyon (tinatawag noon na mga lingkod ng kongregasyon) at mga special pioneer. Gayunman, noong 1966, binago ang kurso; tumagal ito nang dalawang linggo lamang, at matatanda lamang ang nag-aral. Noong 1977, may mga kaayusang ginawa para makadalo ang lahat ng matatanda sa 15-oras na kurso. Mula noon, isinaayos ang katulad na mga sesyon na may magkakaibang haba tuwing ilang taon. Mula 1984, ang mga ministeryal na lingkod ay tumatanggap din ng pagsasanay sa Kingdom Ministry School.
Sa taóng ito, ang paaralan ay binuo ng tatlong klase. Ang una, na ginanap mula Martes hanggang Huwebes, ay para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa; ang ikalawa, na ginanap nang Biyernes at Sabado, ay para sa matatanda sa kongregasyon; at ang ikatlo, na ginanap nang Linggo, ay para sa mga ministeryal na lingkod. Binigyang-diin ng paaralan ang pangangalaga sa espirituwalidad. Noon si Moises ay nanalangin kay Jehova: “Pakisuyong ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, upang makilala kita, nang sa gayon ay makasumpong ako ng lingap sa iyong paningin.” (Ex. 33:13) Sinambit ang panalanging ito pagkatapos masaksihan ni Moises ang Sampung Salot, makita ang paghahati ng Dagat na Pula, makipag-usap kay Jehova sa loob ng 40 araw sa Bundok Sinai, at matanggap ang Sampung Utos. Sa edad na 80 at pagkatapos na gamitin ni Jehova sa bukod-tanging paraan, nabatid ni Moises ang kaniyang espirituwal na pangangailangan. Kasuwato ng halimbawang ito, ang matatanda at mga ministeryal na lingkod ay hinimok na patuloy na sumulong bilang espirituwal na mga lalaki, gaano man katagal na silang naglilingkod kay Jehova.
Ang materyal sa kurso ay isinalin at ginamit ng mga sangay sa buong daigdig. May tinanggap na mga sulat ng pasasalamat mula sa maraming bansa. Isang elder sa Guinea ang sumulat: “Hindi ako nagsisisi sa ginawa kong mga sakripisyo at pagbibiyahe nang 1,000 kilometro para makapag-aral sa paaralang ito.” Isa pa ang sumulat: “Hindi ko maapuhap ang mga salita para sabihin ang aking pasasalamat sa pagsasanay na ito. Maraming, maraming salamat!”
Mula sa Korea, isang kapatid na lalaki ang sumulat: “Natulungan ako ng paaralan na seryosong pag-isipan kung ako nga ba’y isang espirituwal na tao o hindi.”
Ang tanggapang pansangay sa El Salvador ay sumulat: “May pantanging interes na ipinakita sa bagong mga kaayusan para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Sa palagay namin ay makatutulong ito upang makapagbigay kami ng mas mabuti at mas personal na atensiyon sa bawat isa sa grupo.”
Mula sa Alemanya, isang lupon ng matatanda ang sumulat: “Ang mga mungkahi at mga tagubilin ay makatotohanan at maikakapit para sa kapakinabangan ng mga ipinagkatiwala sa amin.”
Ganito naman ang sinabi ng sangay sa Switzerland: “Nakatulong ang paaralan upang makapaglaan ng kinakailangang pampatibay-loob na labanan ang kawalang-interes sa espirituwalidad.”
Mga Pagbabago sa Legal na mga Bagay
ARMENIA: Napagtuunan ng pansin ng buong daigdig ang kaso sa korte na nagsangkot kay Lyova Margaryan. Sinampahan ng kriminal na mga kaso si Brother Margaryan dahil sa kaniyang
gawain bilang isang Saksi ni Jehova. Kalakip sa mga paratang ang “pangangaral tungkol sa isang di-nakarehistrong relihiyon.” Noong Setyembre 18, 2001, pinawalang-saysay ng hukuman ang lahat ng paratang kay Brother Margaryan. Inapela ang kaso, at sinuportahan ng korte ng mga apelasyon ang hatol na walang sala, na sinasabing ang kaniyang relihiyosong paniniwala bilang isang Saksi ni Jehova ay hindi masama at may proteksiyon ng Konstitusyon ng Armenia. Pagkatapos ay inapela ng mga tagausig ang kanilang kaso sa pinakamataas na korte ng mga apelasyon ng bansa, ang Court of Cassation. Noong Abril 19, 2002, ang panel ng Korte na may anim na miyembro ay sumang-ayon sa dalawang hatol na walang sala. Bagaman ikinagagalak natin ang tagumpay na ito, patuloy na inaaresto ang mga kapatid na kabataang lalaki na nasa edad para maglingkod sa militar at ikinukulong sa Armenia sapagkat tumanggi silang maglingkod sa militar dahil sa relihiyon.GEORGIA: Nagpapatuloy ang paulit-ulit, brutal at di-naparurusahang pandarahas sa mga Saksi ni Jehova sa bansang Georgia. Sapol noong Oktubre 1999, nagkaroon ng mahigit na 80 dokumentadong mararahas na pagsalakay na nagsangkot ng mahigit na 1,000 biktima—mga lalaki, babae, bata, may-edad na, at mga may kapansanan. Ang mga bahay ng ilang Saksi ay pinagnakawan, hinalughog, at sinunog hanggang sa maging abo. Mahigit na 700 kriminal na demanda ang isinampa, subalit wala ni isa man sa mga gumawa ng kasamaan ang nahatulan sa mga pagsalakay. Sa wakas, noong Setyembre 2001, inakusahan si Petre Ivanidze at ang Ortodoksong pari na natanggal sa posisyon na si Vasili Mkalavishvili dahil sa pagkakasangkot nila sa mga pagsalakay. Gayunman, hindi nagtagumpay ang maraming pagtatangkang simulan ang paglilitis dahil sa mga kalagayang umiiral sa hukuman. Ang mga tagasunod ng mga nasasakdal ay pinapasok sa hukuman anupat iwinawasiwas ang kanilang naglalakihang mga krus, na ginamit noon bilang mga sandata, at mga baner na may nakasulat na mga salita ng pagkapoot laban sa mga Saksi ni Jehova. Hanggang noong Mayo 30, 2002, pitong beses na ipinagpaliban ang paglilitis. Nagpadala ng dalawang aplikasyon ang mga Saksi ni Jehova sa European Court of Human
Rights (ECHR), ang isa ay laban sa hindi pagkilos ng gobyerno sa hindi masawatang karahasan at ang isa naman ay hamon sa desisyon ng Korte Suprema ng Georgia na nagpawalang-bisa sa rehistro ng dalawang kasangkapan na ginamit ng mga Saksi ni Jehova. Pagsapit ng Oktubre 2001, pinagsama ng ECHR ang dalawang aplikasyon para bigyan ito ng priyoridad.Noong Hulyo 23, 2002, nagpadala ng isa pang legal na aplikasyon ang mga Saksi ni Jehova sa ECHR. Inisa-isa sa aplikasyong ito ang 30 kaso ng mga Saksi sa Georgia na sinalakay ng mga ekstremista sa relihiyon, Ortodoksong klerigo, at mga pulis. May kaugnayan sa isa sa mga kaso ang isang mahalagang dokumento. Binalangkas sa dokumento ang plano, na isinagawa ng halos 100 pulis, na patigilin ang mapayapang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong Setyembre 2000. Ang dokumentong ito ay inaprubahan at pinirmahan ng matataas na opisyal ng Ministry of Interior sa kanluraning lunsod ng Zugdidi.
RUSSIA: Ang paglilitis hinggil sa pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Moscow ay ipinagpatuloy noong Pebrero 12, 2002. Ito ang ikapitong pagkakataon na kailangang ipagtanggol ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga sarili laban sa magkakatulad na walang-saligang mga paratang. Noong Abril 4, 2002, pagkatapos ng dalawang-buwan na pagsusuring muli sa aplikasyon mula sa tanggapan ng tagausig, naglabas ang Korte ng desisyon na humirang ng mga ekspertong magsusuri kapuwa sa relihiyosong literatura ng mga Saksi ni Jehova at sa pag-uugnayan ng mga ito sa loob ng organisasyon. Ito ang ginawang desisyon ng Korte bagaman walang espesipikong ebidensiya na iniharap ang tagausig upang patunayan na ang mga Saksi ni Jehova ang nagsusulsol sa di-pagkakasundo ng relihiyon, nagwawasak ng mga pamilya, o nanghihimasok sa mga karapatan at kalayaan ng mga mamamayan. Ipinagpaliban ang paglilitis anupat nabinbin ang mga resulta ng pagsusuri ng mga eksperto.
TIMOG KOREA: Sa pagtatapos ng Disyembre 2001, umabot sa 1,640 ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Korea na nasentensiyahan ng pagkabilanggo dahil sa pagtanggi nilang maglingkod sa militar na udyok ng kanilang budhi. Patuloy na tumataas
ang bilang taun-taon. Isinasaad ng Batas ng Paglilingkod sa Militar na yaong tumatangging magdala ng sandata ay maaaring sentensiyahan nang hanggang tatlong taóng pagkabilanggo. Ang Timog Korea ay hindi nagbibigay ng eksemsiyon sa militar na paglilingkod dahil sa pagiging mga ministro ng relihiyon o dahil sa pagtanggi udyok ng budhi. Sapol noong dekada ng 1950, mahigit na 7,000 Saksi sa Timog Korea ang nabilanggo dahil sa pagtangging humawak ng mga sandata. Noong Enero 29, 2002, sa isang walang-kaparis na kaso, ipinadala ng mataas na hukom na si Si-hwan Park ng Seoul District Court ang kaso ni Kyung-soo Lee sa Constitutional Court. Humiling si Hukom Park ng opinyon hinggil sa pag-aangkin ni Brother Lee na ang hindi pagkilala sa karapatan niyang tumanggi dahil sa budhi ay paglabag sa kaniyang kalayaan sa relihiyon at budhi. Pagkatapos ipadala ang kahilingan sa korte, sinuspende ni Hukom Park ang paglilitis at pinagpiyansa si Brother Lee upang makalaya. Ipagpapatuloy lamang ang paglilitis pagkatapos na ipasiya ng Constitutional Court kung nasasalig sa konstitusyon ang pinagtatalunang sugnay.ESTADOS UNIDOS: Noong Hunyo 17, 2002, naggawad ng makasaysayang pasiya ang Korte Suprema ng Estados Unidos sa Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. v. Village of Stratton. Bumangon ang kasong ito dahil sa pagpupumilit ng nayon na kumuha ang mga Saksi ni Jehova ng permit mula sa alkalde bago nila isagawa ang kanilang ministeryo sa pagbabahay-bahay. Sinabi ng Korte: “Ipinaliwanag [ng mga Saksi ni Jehova] sa paglilitis na hindi nila kailangang kumuha ng isang permit dahil sa ang kanilang awtoridad na mangaral ay mula sa Kasulatan. [Sinabi ng mga Saksi:] ‘Itinuturing namin na halos isang pag-insulto sa Diyos ang paghingi mula sa isang munisipyo ng permit upang mangaral.’ ” Dahil sa pinawalang-bisa ang ordinansa, naniniwala ang Korte na ang ordinansa sa permit “ay nakaiinsulto—hindi lamang sa mga simulaing ipinagsasanggalang ng Unang Susog, kundi sa mismong ideya ng isang malayang lipunan—na sa kalagayan ng araw-araw na pakikipag-usap sa iba, dapat munang ipagbigay-alam sa pamahalaan ng isang mamamayan ang kaniyang pagnanais na makipag-usap
sa kaniyang mga kapitbahay at pagkatapos ay kumuha ng isang permit upang gawin iyon.” Sinabi pa ng Korte: “Kahit pa isang pampamahalaang tungkulin ng tanggapan ng alkalde ang pagbibigay ng permit na naisasagawa naman nang mabilisan at walang binabayaran ang isang nag-aaplay, ang isang batas na humihiling ng isang permit upang makipag-usap sa iba ay lubhang paglayo sa ating pambansang pamana at konstitusyonal na tradisyon.”Nagkomento nang paborable ang Korte sa napakalaking naiambag ng mga Saksi ni Jehova sa pagtatatag ng saligang batas ng Estados Unidos. Sinabi ng Korte: “Sa loob ng mahigit na 50 taon, pinawalang-saysay ng Korte ang mga paghihigpit sa pangangambas at pamamahagi ng mga pamplet sa bahay-bahay. Hindi lamang nagkataon sa kasaysayan na ang karamihan sa mga kasong ito ay mga isyu na may kaugnayan sa mga karapatan sa ilalim ng Unang Susog na iniharap ng mga Saksi ni Jehova, sapagkat ang pangangambas sa bahay-bahay ay kahilingan sa kanilang relihiyon.” Gaya ng sinabi ng Korte, “ang mga kasong [ito] ay nagpapakita na ang mga ginagawa ng mga Saksi ni Jehova upang tutulan ang paghihigpit sa pagsasalita ay hindi pakikipaglaban para lamang sa kanilang mga karapatan.”
Isa pa, noong Hulyo 1, 2002, sinuportahan ng Korte Suprema ng South Carolina ang karapatan ng isang Saksi ni Jehova na tanggihan ang pagsasalin ng dugo. (Gawa 15:28, 29) Idinemanda ni Charles Harvey ang kaniyang doktor upang mabawi ang mga pinsalang ibinunga ng sadyang pagwawalang-bahala ng kaniyang doktor sa kaniyang pagtangging magpasalin ng dugo. Bago ang operasyon, maliwanag na ipinaalam ni Brother Harvey sa kaniyang doktor ang paninindigan niya na salig sa Bibliya. Gayunman, upang makapagsalin ng dugo sakaling magkaroon ng komplikasyon pagkatapos ng operasyon samantalang walang malay si Brother Harvey, kumuha ng pahintulot ang doktor mula sa di-Saksing ina ni Brother Harvey. Palibhasa’y tinanggihan ang pahintulot na ginawa ng ina, sinabi ng Korte Suprema ng South Carolina na “ang kahilingan ng pasyente laban sa medikal na paggamot o panghihimasok, kapag ipinaalam sa manggagamot bago ang operasyon, ay dapat sundin ng manggagamot.” Sa gayon, ipinasiya ng korte na may karapatan si Brother Harvey na magkaroon ng hurado na magpapasiya kung sinira nga ba ng doktor ang kaniyang kasunduan na gamutin nang walang dugo si Brother Harvey at kung lumabag sa batas ng panggagamot ang doktor sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo kay Brother Harvey nang wala itong pahintulot.
Bilang Pag-alaala sa Kanilang Katatagan
Sa loob ng mahigit na 30 taon, ang Buchenwald Memorial, na nasa dating kampong piitan ng Nazi, ay walang binanggit hinggil sa mga Saksi ni Jehova. Mahirap isipin na ang mga Saksi ay naging biktima at mga kalaban ng mga awtoridad ng Silangang Alemanya noong rehimen ng Nazi. Magpahanggang sa ngayon ay nahihirapang tanggapin ng maraming tao sa Alemanya ang kakaibang rekord ng katatagan ng mga Saksi. Kaya naman, naging isang pantanging araw ang Mayo 9, 2002. Isang plake bilang pag-alaala sa mga Saksi na pinahirapan sa Buchenwald ang inalisan ng talukbong ni Ginoong R. Lüttgenau, kinatawang direktor ng Buchenwald and Mittelbau-Dora Memorials Foundation.
Mainit at maganda ang lagay ng panahon nang araw na iyon. Ang dating kampo, na matatagpuan sa makahoy na burol na nakatunghay sa napakagandang lalawigan, ay napalamutian ng
nakagiginhawang luntiang mga halaman ng tagsibol. Subalit ang lugar na ito ay dating tinawag na luntiang impiyerno ng Buchenwald. Halos mahihirapang gunigunihin ng karamihan sa mga bisita sa ngayon ang kawalang-pag-asa ng mga preso sa kampo na kapag isa-isa nang tinawag ay napapalingon na lamang sa kanilang mga baraks na nasa napakagandang tanawin ding iyon, subalit walang pag-asa na matamasa itong muli nang malaya.Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay may pag-asa na nakasalig sa Bibliya at may lubos na tiwala kay Jehova. Ito ang nagpangyari sa kanila na mapanatili ang kanilang katapatan at may-katapangang sundin ang halimbawa ng mga apostol, na nagsabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Dahil sa kanilang paninindigan, halos 38 Saksi ang namatay sa loob ng kampo o sa labas nito, na nagtatrabaho bilang isa sa mga trabahador ng kampo. Ang kasulatan sa Mga Gawa ay sinipi sa plake ng alaala, na sinundan ng ganitong mga inskripsiyon: “Bilang Pag-alaala sa mga Saksi ni Jehova na Nagdusa at Namatay Rito, Pinag-usig Dahil sa Kanilang Relihiyosong mga Paniniwala.”
Halos 800 preso na nakilala bilang Bibelforscher (Mga Estudyante ng Bibliya) dahil sa lilang tatsulok na nakatahi sa kanilang mga damit ang kabilang sa mahigit na 250,000 bilanggo sa kampo sa loob ng mga taon ng pamamahala ng mga Nazi. Ang ilan sa mga Saksi ay naroon noong 1937 at sapilitang pinatulong sa pagtatayo ng kampo. Noong 1945, nang palayain ang nabubuhay pang mga bilanggo, si Jehova ay pinuri ng pinalayang mga Saksi dahil sa kanilang pagkaligtas. Sa buong panahon ng pag-iral nito bilang kampo ng Nazi, laging may 300 hanggang 450 Saksi sa Buchenwald.
Ibinibigay ng plake sa mga bilanggong nagsuot ng lilang tatsulok ang kanilang angkop na dako sa gitna ng mga biktima ng rehimeng Nazi. Ipinaalaala rin nito sa mga bisita ang katatagan ng mga Saksi. “Ang plake,” ang sabi ni Ginoong Lüttgenau, “ay nagpapakita na sa lipunan sa ngayon, ang sinapit ng mga Saksi ni Jehova ay nasaksihan at kinilala.”
Noong Huwebes, Marso 7, 2002, inalisan ng talukbong ng mga opisyal sa bayan ng Körmend sa kanluraning bahagi ng Hungary ang isang plake ng alaala para sa tatlong Saksi ni Jehova na namatay na mga martir. Sila ay sina Bertalan Szabó, Antal Hőnisch, at Ján Žondor. Tinanggihan nilang tatlo ang paglilingkod sa militar noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II at pinatay sa harap ng publiko. Ganito ang mababasa sa plake: ‘Bilang pag-alaala sa mga Kristiyanong pinaslang noong Marso 1945 dahil sa pagtangging magsundalo udyok ng kanilang budhi.’ Iniulat ng sangay na upang makasama sa okasyong ito ng pag-alaala kapag inalisan ng talukbong ang plake, mahigit na 500 katao ang naglakad sa ibayo ng bayan patungo sa gusali kung saan pinatay ang mga kapatid.
Itinatag ang Komite ng Sangay sa Estados Unidos
Noong Biyernes, Pebrero 9, 2001, ipinatalastas ng Lupong Tagapamahala sa pamilyang Bethel sa Estados Unidos na simula sa
Abril 1, 2001, mangangasiwa na ang isang Komite ng Sangay sa Estados Unidos. Noong 2002 taon ng paglilingkod, patuloy na sumulong sa pagbalikat ng kanilang mga pananagutan ang Komite ng Sangay. Pinangangasiwaan ng sangay sa Estados Unidos ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa magkakaratig na lugar sa Estados Unidos gayundin sa Bermuda at sa kapuluan ng Turks at Caicos. May mahigit na isang milyong mamamahayag sa Estados Unidos, na 215,000 sa mga ito ay nakaugnay sa mga kongregasyong nagsasalita ng Kastila. Sa mahigit na 11,700 kongregasyon, mga 2,600 ang nagsasalita ng Kastila. Nitong nagdaang taon ng paglilingkod, 210 bagong mga kongregasyon ang naitatag. Sa mga ito, 123 ang nagsasalita ng Kastila, 63 ang nagsasalita ng Ingles, at 24 ang nagsasalita ng iba pang mga wika.Sa loob ng Estados Unidos, mayroon na ngayong mga kongregasyon o grupo sa 37 wika, bukod sa pa Ingles at Kastila. Sa maraming kongregasyon na nagsasalita ng Kastila at iba pang banyagang wika, ang bilang ng dumadalo sa Pahayag Pangmadla ay kalimitang lumalampas sa 200 porsiyento ng mga mamamahayag. Ang ilang kongregasyon ay nag-uulat ng mas maraming pag-aaral sa Bibliya kaysa sa bilang ng mga mamamahayag. Nag-aaral ng ibang wika ang mga kapatid na nagsasalita ng Ingles upang tumulong sa larangang ito na mabilis lumago.
Kakaiba ang sangay ng Estados Unidos dahil sa bagay na matatagpuan ang mga pasilidad ng Bethel sa tatlong lugar—Brooklyn, Patterson, at Wallkill. Upang makapagtanim ng prutas para sa pamilyang Bethel, may mga bukid na malapit sa lugar ng South Lansing, New York, at Immokalee, Florida. Lahat-lahat, ang bilang ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos ay 5,465.
Sa kasalukuyan ay may 109 na sangay sa buong daigdig. Ang kaayusan ng pagkakaroon ng mga Komite ng Sangay upang mangalaga sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga kapatid na nakatira sa iba’t ibang lupain ay nagsimulang gumana sapol noong 1976. Sinusunod ng mga komiteng ito ang maka-Kasulatang alituntunin at pangunguna na ibinigay ng Lupong Tagapamahala. Ang mga Komite ng Sangay ang may pananagutang mangasiwa sa
pangangaral ng mabuting balita sa teritoryong nakaatas sa sangay. Ang komite ay nagbibigay ng kinakailangang pangangasiwa sa mga kongregasyong Kristiyano, misyonero, at mga payunir. Ito rin ang nag-oorganisa ng mga kongregasyon upang maging mga sirkito at distrito at gumagawa ng mga rekomendasyon sa Lupong Tagapamahala para sa paghirang ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito, mga miyembro ng pamilyang Bethel, at mga estudyante sa Paaralang Gilead. Bukod pa sa panlahatang pangangasiwa sa paglilingkod sa larangan, ang Komite ng Sangay ang may pananagutan sa pag-oorganisa ng gawain sa Bethel. Walang alinlangan na taglay ng kaayusang ito ang saganang pagpapala ni Jehova.Pagsasalin Upang Matugunan ang Maraming Pangangailangan
Nitong nakaraang taon, bumaha ang mga publikasyon na makukuha sa patuloy na dumaraming wika. Sa likod nito, daan-daang masisipag na tagapagsalin ang nagsisikap na makagawa ng mga publikasyon na tumpak, nauunawaan, at kasiya-siyang basahin.
Ang isang pangunahing pangangailangan ng bayan ng Diyos ay ang tumpak na salin ng Bibliya. Upang matugunan ito, ang Bagong Sanlibutang Salin ay inilabas na ngayon sa 44 na wika. Sa mga ito, 29 na wika ang may kumpletong edisyon. Noong nakalipas na taon ng paglilingkod, ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay nakumpleto sa tatlong wikang Aprikano—Cibemba, Igbo, at Lingala—at ang kumpletong Bibliya ay inilabas sa wikang Aprikano.
Labis na pinahalagahan ang bagong labas na mga edisyon ng Bibliya. Isang ulat mula sa Europa ang nagsabi: “Ang mga kapatid na gumagawa sa teritoryong nagsasalita ng Tsino ang pantanging nagpahalaga sa Bibliya na isinalin sa kanilang wika, anupat nagsasabi na itinuturing nila itong isang ‘napakahusay na salin.’ ” Ang ilang interesadong estudyante na mga Tsino sa Canada ay nagsabi: “Tiyak na Tsino ang nagsalin ng Bibliyang ito! Napakadali naming maintindihan ito!” Sa Timog Aprika, isang may-bahay na Xhosa ang nagtanong: “Saan ninyo nakuha ang Bibliyang ito na napakadaling basahin?” Sa Albania, ganito ang nasabi na lamang ng isang kapatid na lalaki: “Pinangyari ng paraan ng pagkakasulat
ng Bagong Sanlibutang Salin na makaabot sa puso ang mga kaisipan ni Jehova.” Isang mamamahayag sa Croatia ang sumulat: “Nailalarawan kong mas mabuti sa aking isip ang mga bagay-bagay, at para bang sarili kong mga pananalita iyon. Ang bagong salin ay napakasimple, napakanatural, subalit punô ng karunungan. Mas nauunawaan ko ngayon kung gaano kaganda ang mensahe at tagubilin ni Jehova sa atin.”Ang simpleng mga publikasyon ay kailangan pa rin upang mapalaganap ang mabuting balita ng Kaharian “sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” (Apoc. 7:9) Nitong nakalipas na mga taon, naging mabisa ang mga brosyur sa wikang Lahu, na sinasalita ng mga tao sa mga tribong nasa burol sa bandang hilaga ng Thailand at kalapit na mga lupain. Isang misyonero ang sumulat: “Ang brosyur na Hinihiling ang pinakamahalagang pantulong sa pag-aaral sa Lahu. Malawakang naipamamahagi ito sa buong teritoryo.” Ang resulta? “Inaanyayahan kami sa maraming nayon, subalit dahil sa layo at mga kalagayan ng daan, hindi namin sila mapuntahang lahat. Totoong-totoo ang sinabi ng Mateo 9:37 sa aming kalagayan. Halimbawa, napag-alaman namin na sa isang liblib na nayon na mga 160 kilometro ang layo sa bandang hilaga ng Chiang Mai, isang interesadong babae ang siya mismong regular na nagtuturo ng brosyur na Hinihiling sa isang grupo ng mga ulila.”
Sa Estados Unidos, maraming Katutubong Amerikano ang napatotohanan sa kanilang sariling wika. Makukuha na ngayon ang ilang publikasyon sa wikang Navajo, kasali na rito ang mga audiocassette ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Isang mamamahayag ang sumulat: “Sa Kabundukan ng Navajo, sa pinakaliblib na dako ng aming teritoryo, may isang dating tagapag-alaga ng tupa na mahigit nang walumpung taóng gulang at malabo
na ang mata. Tinanong siya ng kaniyang apo kung gusto niyang mapakinggan ang isang tape tungkol sa Bibliya, sa wikang Navajo. Gusto itong marinig ng matandang lalaki. Bagaman nakaratay sa banig ng karamdaman, bumangon siya at umupo sa sopa upang makinig. Kung nakita mo lang sana ang hitsura ng kaniyang mukha habang pinakikinggan niya ang mga kasulatan sa Bibliya sa kaniyang sariling wika. Napapaluha nga ako kapag ikinukuwento ko ito. Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Nizhoni,’ na nangangahulugang ‘maganda.’ ”Sa Mozambique, ang mga publikasyon ay isinalin sa lima sa mga wika ng bansang iyan. Upang matulungan ang mga mambabasa na makinabang, isinalin ang brosyur na Apply Yourself to Reading and Writing sa mga wikang ito, at isang malawakang kampanya sa pagbasa at pagsulat ang isinasagawa sa ngayon. Labis itong hinangaan ni Presidente Chissano ng Mozambique anupat ipinahayag niya ang kaniyang buong-pusong pagsuporta sa ating gawain ng pagtuturo sa Bibliya at ng pagbasa at pagsulat.
Ang magasing Bantayan ay makukuha na ngayon sa 146 na wika at ang Gumising! naman sa 87 wika—talaga ngang isang pambuong-daigdig na sirkulasyon. Lubos na pinahahalagahan ang mga ito sa buong lupa dahil sa espirituwal at nakapagtuturong kapakinabangan nito. Halimbawa, sa humigit-kumulang 80,000 naninirahan sa Kiribati, isang grupo ng mga isla sa Karagatang Pasipiko, ang nagsasalita ng Gilbertese. Bawat isa sa mga Saksi roon, na wala pang 100 ang bilang, ay masipag na nakapagpapasakamay ng halos 20 magasin sa aberids bawat buwan nitong nakalipas na mga taon. Ang 1,200 mamamahayag sa Bulgaria ay nakapamahagi ng mahigit na 100,000 magasin noong Abril 2002.
Walang alinlangan na sinasangkapan ni Jehova ang kaniyang bayan upang maisagawa ang gawaing iniatas niya sa kanila. Sa buong lupa, ang gawaing iyan ay isinasakatuparan sa napakaraming wika.—Pag-aalay ng mga Sangay
Noong 2002 taon ng paglilingkod, isang pag-aalay ng sangay ang ginanap sa magandang isla ng Trinidad sa Caribbean. Ang mga pasilidad ng sangay roon ay inialay na kay Jehova noong 1985, subalit mula noon ay nagkaroon na ng 94-na-porsiyentong pagsulong sa bilang ng mamamahayag ang Trinidad. Bunga nito, ang mga
pasilidad ng sangay ay kinailangang malawakang baguhin at isang karagdagang gusali ang itinayo anupat lumawak nang dalawang beses ang sukat ng lugar. Nasisiyahan ang sangay sa ngayon sa bagong mga tirahang gusali, mga tanggapan, isang silid-aklatan, reception lobby, silid-kainan, at kusina. Ang karatig na Kingdom Hall ay binago at pinalaki rin. Pawang lokal na mga boluntaryo ang gumawa sa proyektong ito.Noong Setyembre 29, 2001, mga 220 delegado mula sa 14 na lupain at 695 lokal na mga kapatid ang nagtipon para sa pag-aalay. Pinakinggan nila ang nakapagpapasiglang mga ulat tungkol
sa teokratikong kasaysayan ng gawain, kasali na rito ang mga papel na ginampanan nina Evander J. Coward at William R. Brown. Ang ilang banyagang misyonero, kasali na ang 88-taóng-gulang na sister na naglilingkod pa rin bilang isang regular pioneer, ay naglahad ng makabagbag-damdaming mga karanasan tungkol sa kanilang mga atas sa Trinidad mahigit 50 taon na ang nakalilipas.Si Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala ang nagpahayag sa pag-aalay. Sa pagtalakay sa temang “Pagpapahalaga sa mga Bahay ng Pagsamba kay Jehova Noon at Ngayon,” idiniin niya na ang mga tao, hindi ang mga gusali, ang sumasamba kay Jehova. Kaya naman, maibiging hinimok ni Brother Lett ang mga kapatid na maging mapagpasalamat na mga mananamba sa pamamagitan ng kanilang pagsunod at paggawi.
Kinabukasan, isang pantanging pulong ang ginanap sa lunsod ng Port of Spain para sa mga hindi mabigyan ng lugar sa programa ng pag-aalay mismo. Mahigit na 13,000 ang dumalo. Sa kalapit na isla ng Tobago, mahigit na 300 kapatid ang nakapakinig ng programa sa pamamagitan ng hookup sa telepono. Ipinahayag ni Brother Lett ang paksang “Ingatan ang Inyong Kaugnayan kay Jehova sa Pamamagitan ng Paglinang sa Kapakumbabaan.” Ang lahat ng dumalo ay ‘lubusang nagalak’ sa pag-aalay ng pinalawak na mga pasilidad na ito ng sangay.—Deut. 16:15.
Kamakailan lamang, pinalawak din ang sangay ng Czech Republic. Naglakbay roon si Samuel F. Herd ng Lupong Tagapamahala upang ialay ang gusali ng Bethel, isang annex, at dalawang Assembly Hall. Ginanap ang programa ng pag-aalay noong Sabado, Mayo 4, 2002 at 2,125 ang dumalo sa pahayag ni Brother Herd. Kinabukasan, isang pantanging pulong ang ginanap, at 5,286 ang nasiyahan sa nakapagpapatibay na pahayag ni Brother Herd na pinamagatang “Pananauli ng Lakas—Hindi Napapagod.” Lubos na napatibay ng mga programa ang mga kapatid sa Czech Republic.
Sa buong daigdig, isang kabuuang bilang na 19,823 ordenadong mga ministro ang nagtatrabaho bilang mga kawani sa gayong mga pasilidad ng sangay. Ang lahat ay mga miyembro ng Pambuong-Daigdig na Orden ng Pantanging Buong-Panahong mga Lingkod ng mga Saksi ni Jehova.
[Chart/Mga larawan sa pahina 12, 13]
ILAN SA MGA PANGYAYARI SA 2002 TAON NG PAGLILINGKOD
Setyembre 1, 2001
Setyembre 11: Pagkawasak ng World Trade Center.
Setyembre 29: Pag-aalay ng sangay sa Trinidad.
Nobyembre 20: Nagsimula ang Kingdom Ministry School.
Enero 1, 2002
Enero 17: Pumutok ang bulkan sa Congo.
Abril 4: Ipinagpaliban ang paglilitis hinggil sa pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Moscow.
Mayo 1, 2002
Mayo 4: Pag-aalay ng sangay sa Czech Republic.
Mayo 9: Inalisan ng talukbong ang plake bilang pag-alaala sa mga Saksing pinahirapan sa dating kampong piitan ng Nazi.
Hunyo 17: Sinang-ayunan ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang karapatan na mangaral sa bahay-bahay nang hindi kailangang kumuha muna ng permit para isagawa iyon.
Agosto 31, 2002
Agosto 31: 6,304,645 mamamahayag sa 234 na lupain.
[Mga larawan sa pahina 11]
Itaas: Sa harap ng mga kasakunaang gaya nito, ang ating mga kapatid ay nagpakita ng tulad-Kristong pag-ibig
[Larawan sa pahina 11]
Ibaba: Ang Kingdom Hall na ito sa Rwanda ay nagsilbing kampo ng nagsilikas
[Larawan sa pahina 22]
Ang bagong tatag na Komite ng Sangay sa Estados Unidos, mula kaliwa pakanan: (nakaupo) John Kikot, Max Larson, George Couch, Maxwell Lloyd; (nakatayo) Baltasar Perla, Harold Corkern, Leon Weaver, William Van De Wall, John Larson, at Ralph Walls
[Larawan sa pahina 26]
Ang “Bagong Sanlibutang Salin” sa wikang Aprikano
[Larawan sa pahina 27]
“Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?” sa wikang Navajo
[Mga larawan sa pahina 28, 29]
Kasama ng mga delegado mula sa 14 na lupain ang lokal na mga kapatid sa pag-aalay ng sangay sa Trinidad
[Mga larawan sa pahina 29]
Nagalak ang mga kapatid sa Czech Republic sa pag-aalay ng bagong gusali ng Bethel, isang “annex,” at dalawang Assembly Hall