Demokratikong Republika ng Congo (Kinshasa)
Demokratikong Republika ng Congo (Kinshasa)
‘Para kaming mga butil sa isang supot ng mais sa Aprika. Saanman kami ilaglag, nang isa-isa, sa dakong huli ay dumarating ang ulan, at kami’y dumarami.’ Ang mga salitang ito ay sinabi mahigit nang 50 taon ang nakalilipas ng isang tapat na Saksi ni Jehova na dumanas ng matinding paghihirap sa kamay ng mga awtoridad sa kilala noon bilang Belgian Congo. Sa susunod na mga pahina, malalaman mo kung paanong ang pagpapala ni Jehova, gaya ng nakagiginhawang ulan, ay nagbunga ng isang nakagugulat na pagdami ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa buong Congo.
Ang bansang iyan, na kilala ngayon bilang Demokratikong Republika ng Congo, o Congo (Kinshasa), ay matatagpuan sa pusod ng Aprika. a Palibhasa’y saklaw ang magkabilang bahagi ng ekwador, ang kalakhang bahagi ng lupaing ito ay nababalot ng malalagong kagubatan. Ang malalawak nitong kagubatan at sabana ay naglalaan ng tirahan para sa kahanga-hangang koleksiyon ng mga buhay-iláng. Dahil sagana sa likas na yaman, ang bansang ito ay malaon nang naging tampulan ng paghahangad ng mga bansa at tudlaan ng mga pagsalakay at digmaang sibil.
Noong 1885, itinatag ang Congo Free State at si Haring Leopold II ng Belgium ang may pinakamataas na kapangyarihan at ang tanging nagmamay-ari nito. Subalit malayung-malayo sa pagiging malaya ang buhay ng mga mamamayan sa Congo. Ginamit ng mga tauhan ni Leopold ang puwersahang pagtatrabaho at makahayop na kalupitan upang dambungin ang mga garing at goma. Gayon na lamang ang galit ng mga bansa sa Europa na nakapalibot sa Belgium, anupat sa wakas ay nagparaya na rin si Leopold dahil sa panggigipit. Noong 1908, binuwag ang Congo Free State at ginawa itong Belgian Congo, isang kolonyang kontrolado ng parlamento ng Belgium. Nakamit ng Congo ang kasarinlan noong 1960.
Ang mamamayan ng Congo ay napakarelihiyoso. Napakarami nilang simbahan, seminaryo, at paaralan sa teolohiya. Karaniwan na lamang ang makakilala ng mga taong magagaling sumipi sa Bibliya. Subalit gaya rin sa ibang lugar, hindi madali ang makapagtatag ng tunay na Kristiyanismo. Subalit ang dahilan kung kaya lalong naging mahirap itong gawin sa Congo ay sapagkat may panahon noon na naipagkamali ng mga tao ang mga Saksi ni Jehova sa isang kilusang panrelihiyon na kilala bilang Kitawala.
Problema sa Pagkakakilanlan
Ang “Kitawala” ay nanggaling sa isang terminong Swahili na nangangahulugang “manakop, magmando, o mamunò.” Samakatuwid, ang adhikain ng kilusang ito ay sadyang ukol sa pulitika—upang makapagsarili mula sa Belgium. Ang adhikaing iyan, katuwiran ng ilan, ay pinakamagaling na makakamit sa pamamagitan ng pagtatago sa likod ng relihiyon. Ang nakalulungkot nito, kumuha, pinag-aralan, at ipinamahagi ng mga grupo ng Kitawala ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Isang karatula na may mga salitang “Watch Tower” ang nakalagay sa kanilang mga dakong pulungan. Matagal pa bago maitatag ang mga Saksi ni Jehova, ang mga “kilusang Watch Tower” na ito ay matagal nang napabantog sa lalawigan ng Katanga sa timog-silangang Congo. Sa loob ng maraming dekada, inakala ng mga tao na ang mga alagad
ng Kitawala ay mga Saksi ni Jehova. Mangyari pa, hindi sila mga Saksi.Pinilipit ng Kitawala ang mga turo sa Bibliya upang suhayan ang kanilang mga pananaw sa pulitika, mapamahiing mga kaugalian, at imoral na paraan ng pamumuhay. Tumanggi silang magbayad ng buwis at sumalungat sila sa mga dayuhang pinuno. May ilang grupo sa kanila na nagsagawa ng armadong paghihimagsik laban sa mga awtoridad. Hindi nga kataka-takang ipagbawal sila ng pamahalaan ng Belgium.
Noong 1956, isang komisyonado ng distrito ng Belgian Congo ang sumulat ng isang artikulo sa pahayagan na nagbibigay-liwanag sa pinagmulan ng Kitawala. Tinalakay sa artikulo ang tungkol kay Tomo Nyirenda, isang katutubo ng Nyasaland (ngayo’y Malawi), na naninirahan sa Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia). Lumilitaw na nakatanggap si Nyirenda ng mga turo sa relihiyon mula sa isa na nakisama sa mga Estudyante ng Bibliya (kilala ngayon bilang mga Saksi ni Jehova) sa Cape Town, Timog Aprika. Ang sabi ng artikulo: “[Si Nyirenda] ay nakapasok sa Katanga [Congo] noong 1925, . . . na ipinakikilala ang sarili bilang Mwana Lesa, ‘Anak ng Diyos.’ Sinamantala niya ang malaon nang pagkatakot ng mga katutubo sa kulam, anupat nangangakong lahat ng mga susunod sa kaniya ay hindi lamang makalalaya sa mga doktor-kulam kundi magkakaroon din ng paraan upang makalibre sa pagbabayad ng mga buwis at mga kahilingan ng nakatatag na awtoridad, pamahalaan man o Simbahan. Lahat ng hindi tumanggap sa kaniyang batas ay idineklarang mga mangkukulam, pinatulog sa suntok, at nilunod sa isang puwersahang ‘bautismo.’ (Mula sa isang ilog, 55 bangkay ang nakuha.) Matapos siyang batikusin ng isang katulong na pinuno ng nayon, tumakas si Tomo at bumalik sa Rhodesia. Yamang pinaghahanap siya ng mga awtoridad ng Rhodesia dahil sa mga kaso ng pagpatay, siya’y inaresto, hinatulan, at binitay.”
Ayon sa mga awtoridad ng Belgium, ang mga paglusob ng tinatawag na Mwana Lesa sa Katanga mula 1923 hanggang 1925 ang tanda ng pasimula ng Kitawala sa Congo. Lumipas pa ang
maraming dekada bago pinahintulutan ang mga Saksi ni Jehova na makapasok sa bansa at manirahan doon.Upang maunawaan kung bakit nagkaroon ng ganitong kalituhan sa pagkakakilanlan, mahalagang pansinin na talagang laganap ang independiyenteng mga relihiyon sa Aprika. Tinataya ng ilan na may libu-libong ganitong organisasyon doon. Si John S. Mbiti, isang espesyalista tungkol sa mga relihiyon ng Aprika, ay sumulat: “[Ang] pangunahing problema na kinakaharap ng Kristiyanismo sa Aprika ay ang malaking bilang ng mga dibisyon, denominasyon, grupo at mga sekta ng Simbahan. Marami sa mga ito ay mula pa sa ibang bansa. Marami pa ang pinasimulan ng mga Kristiyanong Aprikano mismo, dahil na rin sa ayaw nilang manatili habang panahon sa pangingibabaw ng mga dayuhang misyonero, dahil na rin sa personal na pagnanasa sa kapangyarihan, dahil na rin sa pagnanais na mabanaag sa Kristiyanismo ang kultura at mga problema sa Aprika, at dahil na rin sa iba’t iba pang mga kadahilanan.”
Kaya naman, nagkaroon ng maraming independiyenteng relihiyon, na karamihan ay nanghiram ng mga turo o humiwalay mula sa isang nakatatag nang relihiyon. Ganito mismo ang nangyari sa kilusan ng Kitawala. Subalit dahil sa Kitawala, nabigyan ang Sangkakristiyanuhan ng isang di-pangkaraniwang pagkakataon upang hadlangan ang pagpasok ng mga Saksi ni Jehova sa Congo. Bagaman alam na alam ng mga lider ng relihiyon ang pagkakaiba ng mga Kitawala at ng mga Saksi, sadya nilang itinaguyod ang maling pangmalas na iisa at magkapareho lamang ang mga Kitawala at ang mga Saksi ni Jehova.
May kalamangan ang mga simbahan sa pagkakalat ng kasinungalingang iyan. Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, lalo na ang Simbahang Katoliko, ang may hawak ng kapangyarihan at impluwensiya sa Belgian Congo. Sa kabaligtaran naman, walang kinatawan ang mga Saksi ni Jehova roon, na siyang gustong mangyari ng klero ng Sangkakristiyanuhan habang panahon. Talagang guwardado nila ang kanilang
mga nakukumberte at hinahadlangan ang anumang pakikialam ng mga Saksi ni Jehova.Ang mga pag-aalsa, paghihimagsik, at pag-aalitan ng mga katutubo ay kaagad nilang isinisisi sa mga Kitawala, karaniwang tinatawag na kilusang Watch Tower. Kinasuklaman ng mga opisyal ng pamahalaan at mga awtoridad ang pangalang Watch Tower. Nagdulot ito ng malaking problema para sa mga nagnanais maglingkod kay Jehova sa Congo.
Noong mga dekada na malapit nang magsarili ang bansa, ang mga Saksi ni Jehova sa ibang lupain ay paulit-ulit na nagpadala ng mga liham sa mga awtoridad sa Congo, na ipinaliliwanag na ang Watch Tower Bible and Tract Society ay walang kinalaman sa kilusang Watch Tower. Gayunman, sa loob ng maraming taon, patuloy na iniuugnay ng mga opisyal ang mga gawain ng relihiyosong kilusang ito ng mga katutubo sa gawain ng bayan ni Jehova. Bigung-bigo ang paulit-ulit na pagsisikap na makapagpadala ng mga Saksi ni Jehova sa Congo.
Dahil ayaw papasukin sa bansa ang mga Saksi, wala tuloy gaanong nalalaman ang bansang ito tungkol sa tunay na mga Saksi. Gayunman, isang kasiya-siyang pagsulyap sa mga pangyayari noong mahihirap na taóng iyon ang masusumpungan sa mga ulat tungkol sa Congo mula sa karatig na mga tanggapang pansangay. Suriin natin ngayon ang ilang halaw mula sa 30-taóng talaarawang ito ng Congo, na nilakipan namin ng ilang dagdag na komento.
Talaarawan ng Congo—Halaw sa mga Ulat ng Bansa 1930-60
1930: Nakatanggap sa pamamagitan ng koreo ng mga pagtatanong tungkol sa mga literatura mula sa . . . Belgian Congo.
1932: Umaasa kami na darating ang araw na magagawa na ang Belgian Congo at ang iba pang bahagi ng Sentral Aprika na hindi pa napatotohanan.
Mula Mayo 1932, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika ay paulit-ulit nang nagpadala ng kahilingan sa mga awtoridad ng Belgium na pahintulutan nang makapasok ang buong-panahong mga ministro sa Congo. Tinanggihan ang mga kahilingang ito. Subalit dahil sa pandarayuhan ng mga tao sa pagitan ng Congo at Hilagang Rhodesia, nakapasok sa Congo ang ilang kapatid mula sa Rhodesia, kadalasan nang sa loob ng maiikling panahon.
1945: Kailangan ang isang matapang na tao upang kumatawan sa Diyos at sa kaniyang Teokratikong kaharian sa [Belgian Congo]. Hindi lamang lubusang ipinagbabawal ang gawain at mga literatura, kundi yaong mga Aprikano mula sa Congo na nagsasabing kasama namin ay nanganganib na ipadala sa isang lugar na doo’y para na rin silang nakabilanggo, kung minsan, sa loob ng ilang taon. Ang mga liham na ipinadala sa amin mula sa Congo ay bihirang makarating dito [sa Hilagang Rhodesia], at ang mga liham naman pabalik ay waring hindi naibibigay; subalit . . . ginagawa ang lahat ng makakaya upang matulungan ang ating mga kamanggagawa sa Kaharian sa bansang iyon na pinamumugaran ng mga pari.
1948: May dalawa na ngayong mamamahayag ng Kaharian na nakatira sa teritoryong iyon, at nakapagpapadala sila ng ilang report sa tanggapan sa Brussels. Umaasa kaming balang-araw ay mabubuksan din ang napakalawak na teritoryong ito upang ang ebanghelyo ng Kaharian ay maipangaral doon.
1949: Sa loob ng maraming taon ay nagpatuloy ang gawaing pagpapatotoo sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan sa teritoryong ito na pinangingibabawan ng mga Katoliko. Noon ay pinakakain pa nga kung minsan ng mga pari ang isang tao ng isang tipak ng asin nang walang tubig bilang parusa sa pagiging Saksi ni Jehova, subalit sa ngayon ang kanilang mga pamamaraan ay itinulad na sa Inkisisyong Kastila;
gusto nilang ang pamahalaan ang gumawa ng kanilang ubod-samang paniniil para sa kanila. Sa loob ng maraming taon, ang mga mamamahayag na Aprikano ay pinagdurusa sa bilangguan nang walang espesipikong sentensiya dahil sa kanilang gawaing pagpapatotoo, at ang masaklap pa nito, ipinadadala sila sa isang naiibang kampong piitan sa Kasaji, mga 500 kilometro mula Elisabethville [ngayo’y Lubumbashi]. Pinagtatrabaho sila rito sa maliliit na sukat ng lupa, at ibinubukod kasama man o hindi ang kani-kanilang pamilya. . . . Maaari pa nga itong tumagal nang hanggang sampung taon. Kadalasan nang inaabot ng maraming taon ang pagbubukod na ito anupat wala na halos pag-asang makalaya o mabigyan pa ng katarungan, malibang ipagbili nila ang kanilang integridad.Dahil dito, napilitang ilihim ang gawain; patagong idinaraos ang mga pulong, at kailangang baguhin ang mga pinagpupulungan sa takot na maaresto. Kalimitang isinasagawa ang pagpapatotoo sa pamamagitan ng pagdalaw sa kilalang palakaibigang mga tao at sa kani-kanilang mga kaibigan, subalit marami pa rin ang napapahamak. Inaaresto ang saksi at agad na ipinadadala sa kampo sa Kasaji.
Halos nang panahon ding iyon, si Llewelyn Phillips, mula sa tanggapang pansangay sa Hilagang Rhodesia, ay naglakbay patungong Belgian Congo upang mamagitan para sa inuusig na mga Saksi roon. Nakinig sa kaniya ang gobernador-heneral at ang iba pang opisyal ng pamahalaan habang ipinaliliwanag niya kung ano ang gawaing pangangaral ng Kaharian at ang pagkakaiba ng mga paniniwala ng Saksi at niyaong sa Kitawala. May isang pagkakataon na malungkot na nagtanong ang gobernador-heneral: “Kung tutulungan ko kayo, ano naman ang mangyayari sa akin?” Alam na alam niyang napakalaki ng impluwensiya ng Simbahang Romano Katoliko sa lupain.
1950: Ang nakalipas na taon ang pinakamahirap sa lahat, at, para sa mga kapatid na nakatira sa Congo Belge,
nangangahulugan ito ng malaking paghihirap. Sa pagsisimula ng taon ng paglilingkod, hindi lahat ng aklat at mga liham para sa teritoryo ay natanggap at ang komunikasyon ay halos maputol. Pagkatapos, noong ika-12 ng Enero, ipinagbawal ng gobernador-heneral ang Samahan at ipinataw ang sentensiyang dalawang-buwang pagkabilanggo at multang 2,000 franc sa lahat ng nakikipagpulong, sumusuporta sa anumang paraan, o mga miyembro ng Samahan. Tuwang-tuwa ang mga palimbagang Katoliko sa desisyong ito. Sinundan ito ng sunud-sunod na pag-aresto. Ang mga talaang kinuha noong nakaraang taon sa isang dating lingkod [ng kongregasyon] sa Elisabethville ang ginamit sa paghahanap sa daan-daang kaugnay sa Samahan at sila, kasama ang kani-kanilang asawa, ay inaresto. Matapos pagdusahan ang kanilang mga sentensiya, ipinatapon ang mga Aprikanong taga-Hilagang Rhodesia, subalit ang katutubong mga Saksi sa Congo ay karaniwan nang ipinadadala sa Kasaji, isang kampong piitan [mga 500] kilometro mula sa Elisabethville, na kasalukuyang kinaroroonan pa rin ng ilan. Ang ilan sa ipinatapong kapatid ay binigyan ng karampot na pagkain at pilit na pinaglakád sa huling 30 kilometro mula Sakania hanggang sa hanggahan ng Hilagang Rhodesia.Kamakailan ay pinarami pa ang mga sekreta, at ang pagkakaroon ng Bibliya ay sapat na upang paghinalaan ang isang tao na isa siyang Saksi ni Jehova.
Katatanggap lang ng balita na dalawang Europeong sister na nasa distrito ng Elisabethville ang sinentensiyahan ng 45-araw na pagkabilanggo at inilagay sa probasyon sa loob ng tatlong taon sa kondisyong magpapakabait (mangyari pa, nangangahulugang walang gawain para sa Panginoon), dahil sa pagtataglay ng Ang Bantayan at sa pagpapatotoo. Sa araw-araw, nanganganib silang ipatapon.
1951: Marami nang artikulo ang inilathala sa mga pahayagan at magasin sa Belgium na nagbibintang na may
koneksiyon daw ang mga Saksi ni Jehova at ang Samahang Watch Tower sa panatikong kilusan ng mga katutubo sa Belgian Congo na tinatawag na “Kitawala.” Sa Belgium, nakasaad sa batas na kapag may sumagot sa isang artikulong inilathala ng isang pahayagan o magasin, dapat ilathala ng pahayagan o magasin ang sagot na iyon. Sinamantala namin ang karapatang ito upang ipagtanggol ang gawaing pang-Kaharian laban sa mapanirang mga artikulo, at inilathala nga ang aming mga sagot.Simula Enero [12], 1949, ang gawain ng Samahang Watch Tower ay ipinagbawal sa Belgian Congo at ang tunay na mga saksi ni Jehova ang nagdusa dahil sa maling mga report na ito. Nagpadala ng mga liham ng protesta sa ministro
ng mga kolonya at nagsumite ng sapat na katibayan na ang mga Saksi ni Jehova at ang Samahang Watch Tower ay walang koneksiyon sa subersibong “Kitawala,” subalit hindi sinagot ang mga protestang ito.Ang mga sandata ng paninira, pag-uusig, pagmumulta, pambubugbog, pagbibilanggo, at pagpapatapon ang ginamit sa Belgian Congo sa pagsisikap na lubusang pahintuin ang ‘pangangaral ng Salita’ sa lupaing iyan.
1952: Ang Sentral Aprika ay may “kurtinang bakal” din! Para sa mga Saksi ni Jehova, ito’y nakapalibot sa mga hanggahan ng Belgian Congo. Ang pagbabawal sa gawaing pagpapatotoo ay walang-humpay na nagpapatuloy sa bansang ito na pinangingibabawan ng Romano Katoliko.
Ang ilang ulat na nagmumula sa bansa ay bumabanggit ng tungkol sa pagpapatapon, pagbibilanggo, pambubugbog at iba pang pagkakait na dinaranas ng mga mamamahayag na Aprikano. Sa maraming bahagi, sa wari’y lalong tumindi ang kamandag na ikinalat sa mga saksi. Ipinadadala sa mga kampo ng pagtatrabaho ang mga katutubo ng bansa kapag nahuling nagpapatotoo o may mga literatura ng Watchtower. Maging ang pagkakaroon ng Bibliya ay itinuturing na isa nang palatandaan na ang may hawak nito ay Saksi ni Jehova.
Patuloy na minamanmanan at madalas na hinahalughog ang tahanan ng mga kapatid. Ang sabi ng isang kapatid na nag-uulat nito: “[Ang pulisya ng Belgian Congo] ay hindi natutulog dahil sa amin, kundi nagpaparoo’t parito at wala nang hinahanap kundi mga saksi ni Jehova. Mas lumubha pa ngayon kaysa noon.”
Isang di-pangkaraniwang ulat mula sa 30 mamamahayag para sa Agosto ang nakarating sa tanggapang ito na nakasulat ang 1 Tesalonica 5:25, NW, bilang talababa: “Mga kapatid, magpatuloy kayo sa pananalangin para sa amin.”
Gaya ng binanggit namin kanina, nagpunta sa Congo ang mga Aprikanong Saksi na taga-Hilagang Rhodesia. Gayunman, kapag
nahuhuli, ibinibilanggo sila at pagkaraan ay ipinatatapon. Bagaman ang karamihan ay nagdusa ng maikling pagkabilanggo, ang ilang kapatid ay ipinadala sa mga kampo ng pagtatrabaho sa loob ng ilang taon. Isang kapatid na lalaki ang gumugol ng halos limang taon sa iba’t ibang bilangguan sa Congo. Madalas siyang bugbugin ng mga humuli sa kaniya. Sinabi rin nila sa kaniya na mabubulok siya sa bilangguan kapag hindi siya tumigil sa pagpapatotoo.Taóng 1952 noon nang sabihin ng kapatid na lalaking iyon: ‘Para kaming mga butil sa isang supot ng mais sa Aprika. Saanman kami ilaglag, nang isa-isa, sa dakong huli ay dumarating ang ulan, at kami’y dumarami.’ Sumulat ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Hilagang Rhodesia hinggil sa bagay na ito: “Ang ‘supot ng mais sa Aprika’ ay talagang ikinakalat sa Congo sa kabila ng, o dahil pala sa, pag-uusig sa mga kapatid. May panahon na tumanggap ang tanggapang pansangay sa Lusaka ng mga report tungkol sa daan-daan katao na nakikisama sa mga saksi sa lugar ng Kolwezi. Gayunman, ibinabalita ngayon na marami na ang inililipat sa ibang bahagi ng Congo.” Ang pangangalat na ito ng mga kapatid ay nagbunga ng paglawak sa paggawa ng alagad.
Habang puspusang nangangaral ang mga kapatid sa timog-silangang bahagi ng bansa, ang katotohanan ay ipinakikilala naman sa Léopoldville (ngayo’y Kinshasa). Mabilis na sumulong sa espirituwal ang mga kapatid sa Brazzaville at masigasig nilang ibinahagi ang katotohanan sa iba. May ilan nang tumatawid sa Ilog Congo sakay ng bangka upang mangaral sa Léopoldville. Noong 1952, si Victor Kubakani at ang kaniyang asawa ang kauna-unahang mga Saksi na nabautismuhan sa Kinshasa. Di-nagtagal at naitatag ang isang kongregasyon.
1953: May mga report kami na nagpapakitang mga 250 kapatid ang nakikibahagi sa pangangaral sa iba’t ibang bahagi ng bansa, subalit maaaring mas marami pa rito. Ang pagpapatotoo ay limitado lamang sa mga [pagdalaw-muli] at
pantahanang pag-aaral sa Bibliya at ginagawa nila ito nang may pailan-ilan o talagang wala ni isang literatura, yamang hindi nga alam ng mga kapatid kung kailan hahalughugin ang kanilang mga tahanan. Isang kapatid na lalaki ang isinumbong ng isa sa diumano’y “mga kaibigan” niya na siya ay may dalawang buklet, at sinentensiyahan siya ng dalawang buwan sa bilangguang Sentral sa Elisabethville.1954: Patuloy ang lubusang pagbabawal sa Samahan at sa gawain ng mga saksi ni Jehova sa Belgian Congo . . . Sa bilangguan, nagpatuloy ang tapat na mga saksi sa kanilang pangangaral sa ibang mga bilanggo, na sa pamamagitan ng pira-pirasong papel at maliliit na lapis ay kumukuha ng nota na madadala nila at higit pang masusuri sa kanilang mga kopya ng Bibliya na inilaan ng bilangguan. Walang alinlangang dahil sa gawaing ito kung kaya ang mga saksi ni Jehova sa ilang bilangguan ay inihiwalay sa ibang mga bilanggo.
Parehong ipinagbawal ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova at ng mga Kitawala. Sinamsam ng mga opisyal ang mga literatura sa Bibliya na ipinadadala sa bansa. Kung minsan, ang mga literaturang nakakalusot sa mga opisyal ay hinaharang naman at ginagamit ng mga Kitawala upang itaguyod ang kanilang sariling kapakanan. Ang mga Saksi ni Jehova at ang mga Kitawala ay parehong inaresto, binugbog, at dinala sa mga kampong piitan. Subalit ipinahayag ni Jesus: “Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila.” (Mat. 7:16) Napansin ng mga dayuhang awtoridad ang magandang paggawi ng mga kapatid at unti-unting nakita ang pagkakaiba nila sa mga Kitawala.
1955: Patuloy ang pagbabawal sa gawain sa lupaing ito nang halos walang pag-asang maaalis ito sa malapit na hinaharap, subalit hindi ito nakapagpatamlay sa kasiglahan ng mga umiibig at naglilingkod kay Jehova. Ang maraming pagkabilanggo at pagkatapon ng mga kapatid nitong nakaraang taon ay hindi nakapagpabagal sa kanila.
Imposibleng makapagbahay-bahay sa ilalim ng umiiral na kalagayang ito, kaya naman mga [pagdalaw-muli] at pantahanang pag-aaral sa Bibliya lamang ang idinaraos. Gaya ng isinulat ng isang kongregasyon, nais din sana ng mga mamamahayag na makibahagi sa pangmadlang paghahayag ng mabuting balita, subalit “hindi namin alam kung pahihintulutan kami ni Jehova na mangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay sa lupaing ito bago ang digmaan ng Armagedon.”
1957: Walang alinlangan na sa nakalipas na taon, lalong napansin higit kailanman ang gawain, lalo na mula sa pangmalas ng mga opisyal ng pamahalaan at ng pamamahayag. Noong Nobyembre, tuwirang lumapit si Brother [Milton G.] Henschel sa pamahalaan ng Belgian Congo sa Leopoldville at nang panahong iyon ay nagharap ng isang petisyon para alisin ang pagbabawal sa Samahan at sa mga saksi ni Jehova. Ang unang paglapit na ito ay nasundan ng isa pang pagdalaw sa Leopoldville at pagkatapos ay sa pamamagitan naman ng mga kinatawan sa New York at Brussels. Nang maglaon, isang taga-Belgium na espesyalista sa mga ugnayan sa Aprika ang dumalaw sa tanggapang pansangay sa Hilagang Rhodesia, at nagkaroon ng pagkakataon na mabigyan ng detalyadong paliwanag tungkol sa ating gawain at sa ating mensahe.
Samantala, patuloy pa rin ang pagbabawal, at ang mga kapatid sa Belgian Congo ay kinailangang gumawa sa ilalim ng napakahirap na kalagayan. Dalawang daan at labing-anim ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal, bagaman nagtipon ang mga ito sa maliliit na grupo.
1958: Nitong nakalipas na taon, sa kabila ng patuloy na pagbabawal sa pangangaral ng mabuting balita at pagbibilanggo sa mga kapatid, ang mensahe ng Kaharian ay naipahayag sa lalong mabisang paraan.
1959: Sa kauna-unahang pagkakataon, nakakuha ng berbal na pahintulot mula sa mga awtoridad ng lokal na
pamahalaan na makapagdaos ang mga kapatid ng mga pulong sa kongregasyon, sa kabila ng katotohanang hindi pa naaalis ang opisyal na pagbabawal sa gawain. Hanggang sa panahong ito, wala pang naidaraos na mga pulong ng kongregasyon, maliban sa mga pulong ng maliliit na grupo para sa pag-aaral sa Bibliya sa mga tahanan. Naging abala ngayon ang mga kapatid at isinaayos nila bilang kanilang unang organisadong pulong ng kongregasyon ang pagdiriwang ng Memoryal, at may kabuuang 1,019 ang dumalo sa limang [kongregasyon] sa Leopoldville. Gulat na gulat ang mga nagmamasid, hindi lamang dahil naidaos ang mga pulong, kundi dahil din sa nasaksihan nilang masayang espiritu ng pagsasamahang Kristiyano na ipinamamalas ng mga kapatid. Naging dahilan ito upang mapansin agad ng ilang naroon na may mga taong naiiba sa ibang mga relihiyon sapagkat ‘nagpapamalas sila ng pag-ibig sa isa’t isa.’Bagaman hindi pa rin puwedeng magpadala ng mga misyonero sa Congo, isang batas ng pagpaparaya na pinirmahan noong Hunyo 10, 1958, ang nagpahintulot sa mga Saksi ni Jehova roon na “magtipon sa loob ng mga dakong pulungan.” Tuwang-tuwa ang mga kapatid dahil malaya na silang makapagpupulong. Kung minsan, dinadaluhan ng mga tauhang panseguridad ang mga pulong na ito at pinupuri ang mga kapatid dahil sa kanilang mabuting paggawi at pagiging maayos.
May iba pang magagandang pagbabago. Hanggang noong 1956, ang lahat ng paaralan ay nasa ilalim ng pagtangkilik ng mga organisasyong relihiyoso. Pagkatapos, itinatag ng isang bago at liberal na ministro ng kolonya ang mga paaralan ng pamahalaan at pinasigla ang mas mapagparayang saloobin sa mga minorya. Unti-unting nang nawawala ang pagkalito tungkol sa mga Kitawala at sa mga Saksi ni Jehova dahil nakikita na ngayon ng mga opisyal ang pagkakaiba ng dalawa. Pumatak na rin sa nakakalat na mga punla ang nakagiginhawa at bahagyang ulan. Saanmang dako, pumapanig ang mga tao kay Jehova.
Noong panahong iyon, inaresto ng isang pinuno ang ilang Saksi at dinala sila sa harap ng administrador ng rehiyon upang hatulan. Itinanong ng administrador kung ano ang kasalanan ng mga ito. Hindi alam ng pinuno. Pinagalitan ng administrador ang pinuno at pinalaya ang mga kapatid, kasabay ng utos na paglaanan sila ng masasakyan pauwi sa kani-kanilang tahanan.
1960: Maganda ang pagsulong ng gawain sa Belgian Congo nitong nakaraang taon. Sa kabila ng mga suliranin sa bansang iyon at ng katotohanang opisyal pa ring ipinagbabawal ang gawain, ang mga kapatid ay nakapagdaraos na ng regular na mga pulong sa mga Kingdom Hall.
Isang natatanging pangyayari ang naganap noong panahon ng Memoryal sa lunsod ng Leopoldville, ang kabisera. Nagsaayos ang anim [na kongregasyon] sa lunsod na iyon na magsama-sama para sa isang pahayag pangmadla sa Linggo at tuwang-tuwa sila nang makita ang 1,417 na dumalo. Gaya ng isinulat ng isa sa mga [tagapangasiwa] noon: “Masayang-masaya kami, dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na sinubok naming gawin ang ganitong bagay; nagkampo ang mga anghel ni Jehova sa buong palibot namin.”
Ang 30-taóng talaarawang ito ay naglaan ng isang sumaryo ng gawain sa Congo, gaya ng iniulat ng karatig na mga sangay. Tingnan naman natin ngayon kung ano pa ang mga nangyari.
Malapit Na ang Pambansang Kasarinlan
Sa pagtatapos ng dekada ng 1950, ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa Congo, na pinangangasiwaan ng sangay sa Hilagang Rhodesia, ay opisyal nang pinayagan bagaman hindi pa legal na kinikilala. Samantala, panibagong mga problema at kawalang-katiyakan ang lumitaw. Tumindi ang nasyonalismo at gayundin ang paglaban sa kapangyarihan ng mga dayuhan. Noong Enero 1959, nilooban at sinunog ng mga manggugulo ang mga tindahan sa Léopoldville. Ninakawan din nila ang mga simbahan at pinagtatapón ang mga idolo sa mga lansangan. Humantong ito
sa isang komperensiya ng mga opisyal ng Belgium at ng mga kinatawan ng lokal na mga partido pulitikal. Nagtakda sila ng isang petsa para sa pambansang kasarinlan: Hunyo 30, 1960. Mangyari pa, walang Saksi ni Jehova ang nakibahagi sa mga panggugulo.Naglitawan sa buong bansa ang lokal na mga partido pulitikal. Ang mga miyembro nito ay karaniwan nang higit na nagkakaisa dahil sa relasyong pantribo kaysa sa makapulitikang paninindigan. Lubusan nilang ginigipit ang mga kapatid na bumili ng kard ng mga partido pulitikal. Si Pierre Mafwa, na isang taon pa lamang nababautismuhan noon, ay nagsabi: “Isang Sabado noon ng Hunyo 1960. Katanghaliang-tapat noon at pauwi na ako galing sa trabaho. Pagdaan ko sa lumang paliparan sa Léopoldville, nilapitan ako ng isang lalaking may hawak na tabak. ‘Nasaan ang iyong kard sa pulitika?’ ang tanong niya. Hindi ako sumagot. Bigla niya akong tinaga sa mukha, anupat natagpas ang aking ilong. Pinagtataga niya ako. Tinangka kong tumakbo subalit nadapa ako. Nanalangin ako kay Jehova at hiniling ko sa kaniya na alalahanin sana ako sa pagkabuhay-muli upang makita kong muli ang aking asawa at anim na anak. Pagkatapos ng maikling panalanging ito, nakarinig ako ng mga putok ng baril. Pinatumba ng mga sundalo ang taong papatay sana sa akin sa pamamagitan ng pagbaril sa kaniyang mga tuhod. Isinugod ako ng isang pulis sa ospital at ako’y ginamot doon. Napatibay ako nang husto ng mga talata sa Bibliya.”
Dumating ang Unang mga Misyonero at Nagbukas ng Tanggapang Pansangay
Gaya ng nakita na natin, nabigo ang paulit-ulit na pagsisikap na makapagpadala sa Congo ng mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova. Subalit nagbabago na ang mga bagay-bagay sa pulitika, anupat nabuksan ang daan para sa pagdating ni Ernest Heuse, Jr.
Si Brother Heuse ay isang matangkad at matipunong taga-Belgium na may maitim at alun-along buhok. Bagaman hindi siya natatakot, alam niyang ang buhay sa Congo ay hindi magiging madali para sa kaniya; sa kaniyang asawang si Hélène; o sa kaniyang
11-taóng-gulang na anak na babaing si Danielle. Tamang-tama ang pinagmulan ni Ernest sa mga susunod na pangyayari. Naglingkod siya sa Bethel sa Brussels noong 1947. Nang sumunod na taon, nag-asawa siya at lumipat sa paglilingkuran bilang payunir kasama ang kaniyang asawa. Pagkaraan, inatasan si Ernest na makipag-ugnayan sa mga abogado at mga opisyal gamit ang pantanging inihandang brosyur na tumatalakay sa mga pagkakaiba ng mga Kitawala at ng mga Saksi ni Jehova. Nang maglaon, naglingkod siya bilang isang tagapangasiwa ng sirkito.Ilang ulit na nagtangka si Ernest na makakuha ng mga papeles upang makapasok sa Congo, anupat inilapit pa nga niya sa hari ng Belgium ang kaniyang personal na kahilingan. Tumanggi silang magbigay ng pahintulot. Sa halip, idinagdag ang pangalan ni Ernest sa talaan ng mga itinuturing na “di-kanais-nais” na papasukin sa Congo.
Nagpumilit si Ernest. Naglakbay siya patungong Aprika at nagtangkang makapasok sa Congo mula sa karatig na mga bansa. Nabigong lahat ang mga pagtatangka niya. Sa wakas, nakakuha rin siya ng visa para makapaglakbay sa Brazzaville, ang kabisera ng Republika ng Congo. Pagkatapos ay tumawid siya sa ilog, sakay ng bangka patungong Léopoldville. Dahil sa kaniyang pagdating, nagtalu-talo ang mga opisyal na nasa tungkulin nang pagkakataong iyon. May nagsabing hindi siya
dapat bigyan ng visa, sapagkat ang pangalan niya ay nasa kanilang talaan ng mga di-kanais-nais. Sa wakas, isa sa mga opisyal, si Cyrille Adoula, na naging punong ministro nang maglaon, ay nagsabi na alam niya ang mga pagtatangka ni Ernest na makapasok sa Congo. Ikinatuwiran niya na kung ayaw ng dating mga mananakop kay Heuse, malamang na isa siyang kaibigan ng Congo. Pinagkalooban si Ernest ng pansamantalang visa at nang maglaon, isang visa para makapanirahan. Kaya noong Mayo 1961, nagkaroon na ang mga Saksi ni Jehova ng kinatawan sa Congo upang mangasiwa sa paggawa ng mga alagad.Isinaayos ni Ernest na makalipat na rin sina Hélène at Danielle, at pagsapit nga ng Setyembre, si Danielle ay nag-aaral na sa Léopoldville. Naitatag ang kauna-unahang tanggapang pansangay sa kabisera noong Hunyo 8, 1962. Ang opisina at tirahan ay nasa ikatlong palapag ng isang apartment sa Avenue van Eetvelde
(ngayo’y Avenue du Marché). Dahil maliit lamang ang espasyo, ang mga literatura ay nakatago sa isang hiwalay na bodega. Bagaman hindi maganda ang ganitong kalagayan, ito na ang pinakamabuti dahil talagang kulang na kulang doon sa pabahay.Nagtrabaho agad si Brother Heuse. Humiram siya ng projector at isang pelikula sa tanggapang pansangay sa Brazzaville. Pagkatapos ay ipinalabas niya ang pelikula na pinamagatang The Happiness of the New World Society (Ang Kaligayahan ng Bagong Sanlibutang Lipunan) sa mga kongregasyon sa Léopoldville at sa ilang opisyal ng pamahalaan. Isa ngang malaking pagsisiwalat kapuwa sa mga kapatid at sa interesadong mga tao na makitang may umiiral palang isang internasyonal na kapatiran ng mga Saksi na pawang nabubuhay sa kapayapaan at kaligayahan. Gulat na gulat silang makita ang isang itim na kapatid na nagbabautismo ng mga Europeo. Tuwang-tuwa ang alkalde ng Léopoldville sa pelikula anupat sinabi niya: “Dapat pasiglahin hangga’t maaari ang gawaing ito [ng mga Saksi ni Jehova].” Mga 1,294 ang nakapanood ng unang apat na pagpapalabas.
Laking tuwa nga ng mga kapatid na sa wakas ay may tutulong na rin sa kanila, pagkatapos ng maraming taóng paghihintay. Dati-rati, sa pangalan lamang nila kilala ang mga kapatid na Europeo. Nag-isip pa nga ang ilan kung talaga nga kayang umiiral sila, yamang tiniyak ng mga awtoridad ng Belgium na walang Saksi ni Jehova sa Belgium. Tuwang-tuwa ang mga kapatid na makasama si Brother Heuse.
Pagkakapit ng Katotohanan—Isang Hamon
Napakalaking trabaho ang dapat gawin upang matulungan ang mga kapatid na ikapit ang katotohanan sa kanilang buhay. Halimbawa, nananatili pa rin ang pagpapaligsahan ng mga tribo, at may ilang tagapangasiwa sa kongregasyon na hindi nakikipag-usap sa ibang mga tagapangasiwa. Kapag may itiniwalag sa isang kongregasyon na mas nakararami ang isang uri ng tribo, tatanggapin naman siya ng mga elder ng ibang kongregasyon na karamihan sa mga miyembro ay katribo niya. Ang mga desisyong ginawa
ng isang kongregasyon ay walang bisa sa iba. Nananaig ang mga kaugalian ng mga tribo sa pang-araw-araw na buhay, at ang kaisipan ng mga tribo ang umuugit sa mga kongregasyon.May iba pang naging problema dahil sa mga kaugalian ng mga tribo. Sa ilang tribo, ang relasyon ng mag-asawa ay salig lamang sa katapatan sa tribo. Sa pangkalahatan, walang matalik na ugnayan ang mag-asawa. Karaniwan nang minamalas ang pag-aasawa bilang isang kaayusan ng tribo. Kung ayaw ng mga miyembro ng tribo sa isang pag-aasawa, maaari nilang pilitin ang asawang lalaki na hiwalayan ang kaniyang asawa at kumuha ng iba—yaong gusto nila.
Kapag namatay ang asawang lalaki, posibleng magbunga ito ng masama. Kadalasan, sinisimot ng pamilya ng asawang lalaki ang laman ng bahay, anupat iniiwang nagdarahop ang mag-iina. Sa ilang tribo naman, mananagot ang asawang lalaki kapag namatay ang kaniyang asawa, at pagmumultahin siya ng pamilya ng kaniyang asawa.
May iba pang problema. Hanggang sa kasalukuyan, maraming taga-Congo ang naniniwala na walang namamatay sa likas na kadahilanan. Dahil dito, sa panahon ng libing, nagsasagawa sila ng mga seremonya na magpapakilala raw sa dapat managot sa pagkamatay. Kinakalbo ito, at isinasagawa ang marami pang ibang mga kaugalian. Sa ilang tribo, kapag namatay ang asawang lalaki, ang asawa nito ay dapat daw linisin ng isang lalaking miyembro ng kanilang tribo sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa kaniya. Sa mga libing, kadalasang kinakausap ang patay, na nagpapakitang sila’y naniniwala na pagkamatay ng katawan, ang kaluluwa o espiritu ay nananatiling buháy. Dahil sa lahat ng malalim-ang-pagkakatatag na kaugaliang ito, madaling ilarawan sa isip ang mga problemang napapaharap sa mga gustong magsagawa ng dalisay na pagsamba. Ang iba na nagsasabing sila’y tunay na mga Kristiyano ay hindi pa rin lubusang nagwawaksi sa mga kaugaliang ito at nagtatangka pa ngang ipasok ang mga ito sa kongregasyong Kristiyano.
Kailangan ang mga tagapangasiwang malalakas ang loob at tapat upang ituwid ang mga bagay-bagay. Yaong mga umiibig kay Jehova ay handang matuto mula sa kanila at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Hindi madaling buwagin ang matibay-ang-pagkakatatag na mga ideya ng mga nag-aakalang alam na nila ang katotohanan. Subalit ang pinakamalaking problema ay ang pagkalito ng mga tao tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa mga Kitawala.
Nang kumalat sa buong bansa ang balitang bukás na ang tanggapang pansangay, maraming grupo ng mga kapatid ang lumiham anupat humihiling na kilalanin na sila bilang mga kongregasyon. Gayundin ang ginawa ng mga grupo ng Kitawala. Ang sabi ng isang ulat: “May ilang dumating mula sa layong 2,300 kilometro dala ang mahahabang talaan ng mga pangalan niyaong gustong makilala bilang mga Saksi ni Jehova. Ang mga talaang ito ay nakasulat kung minsan sa papel na 70 sentimetro ang lapad at 90 sentimetro ang haba at kung minsan ay kasama ang mga pangalan ng lahat ng nakatira sa dalawa o tatlong nayon.”
Bago kilalanin ang mga indibiduwal o mga grupo bilang Saksi ni Jehova, kailangan munang alamin kung sino ang tunay na mga Kristiyano at kung sino naman ang mga Kitawala. Nagpadala si Brother Heuse ng may-gulang na mga kapatid upang mag-imbestiga. Inabot ng maraming taon ang prosesong ito. Isaalang-alang natin ang ilang karanasan ng mga tapat na ito.
Pagharap sa mga Kitawala
Noong 1960, si Pontien Mukanga, isang kapatid na medyo maliit ang katawan at mahinahong-loob, ay inatasan bilang kauna-unahang tagapangasiwa ng sirkito sa Congo. Matapos sanayin sa Congo (Brazzaville), dinalaw niya ang mga kongregasyon sa Léopoldville at ang ilang nakabukod na mga grupo sa karatig nito. Gayunman, isang mas mahirap na atas ang naghihintay: ang pagharap sa mga Kitawala.
Ang isa sa unang mga paglalakbay na isinagawa ni Brother Mukanga ay yaong papuntang Kisangani (tinatawag noon na
Stanleyville), mahigit na isang libong kilometro mula sa kabisera. Bakit doon? Isang Europeo na nakilala ni Brother Heuse sa paglilingkod sa larangan ang nagpakita sa kaniya ng isang larawang kuha sa Stanleyville pagkatapos na pagkatapos makamit ang kasarinlan. Makikita sa larawan ang isang malaking karatula sa harap ng istasyon ng tren, na may litrato ng nakabukas na Bibliya at may nakasulat na mga salitang: “Watch Tower Bible and Tract Society—International Bible Students Association—Kitawala Religion Congolese—Mabuhay si Patrice E. Lumumba—Mahabang Buhay kay Antoine Gizenga—Mahabang Buhay sa Pamahalaang M.N.C.” Maliwanag na ginagamit ng mga Kitawala sa Kisangani ang mga pangalan ng legal na korporasyon ng mga Saksi ni Jehova.Mayroon kayang tunay na mga Saksi ni Jehova sa Kisangani? Ipinadala si Brother Mukanga upang alamin ito. Ang tanging impormasyong hawak ng sangay ay tungkol sa isang lalaking nagngangalang Samuel Tshikaka, na nakarinig ng katotohanan sa Bumba at umuwi sa Kisangani noong 1957. Hindi kaugnay si Samuel sa alinmang grupo ng mga Kitawala at gustung-gusto niyang makatulong kay Brother Mukanga, na nang maglaon ay sumulat: “Nagpasama ako kay Samuel upang imbestigahan ang mga taong gumagamit ng pangalang Watch Tower. Pinuntahan namin ang kanilang pastor, na nagkuwento sa amin tungkol sa kaniyang grupo. Napag-alaman namin na bagaman ang ilan sa kanila ay gumagamit ng Bibliya, lahat sila ay naniniwala sa imortalidad ng kaluluwa. Itinuturo nila ang pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapalitan ng asawa.
“Di-nagtagal pagdating ko, tinangka ng mga pulis na arestuhin ang mga Kitawala sa lunsod. Lumaban ang mga Kitawala. Nagpatawag ang mga pulis ng mga sundalo bilang suporta. Marami sa mga Kitawala ang napatay. Kinabukasan, isang bangka na kinalalagyan ng mga patay at mga sugatán ang itinawid sa ilog. Kasama nila ang kalihim ng pastor at nakilala niyang ako ang dumalaw sa kanilang lider dalawang araw na ang nakalilipas. Pinagbintangan niya akong ipinagkanulo ko sila sa mga awtoridad at
sinabing ako ang dahilan ng pagkamatay ng mga nakipaglaban. Sinabihan niya ang kaniyang mga kaibigang Kitawala na tiyaking hindi ako makatatakas, subalit nakatakas ako bago nila ako mapatay.”Nang iulat ng mga pahayagan sa Belgium ang insidenteng ito, pinamagatan nila ang artikulo na “Labanan ng mga Saksi ni Jehova at ng mga Pulis.” Gayunman, ang mga awtoridad na Congolese—na nakaaalam ng pagkakaiba ng mga Kitawala at ng mga Saksi ni Jehova—ay nagbigay ng tumpak na ulat. Walang isa mang pahayagan sa Congo ang nagbintang na kasangkot ang mga Saksi sa insidenteng ito!
Ano naman kaya ang nangyari kay Samuel Tshikaka? Siya’y nasa katotohanan pa rin at naglilingkod bilang isang matanda sa Kisangani sa Kongregasyon ng Tshopo-Est. Sa kasalukuyan, mayroon nang 1,536 na mamamahayag na inorganisa sa 22 kongregasyon sa Kisangani. Ang anak ni Samuel na si Lotomo ay naglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito, gaya ng ginawa ni Pontien Mukanga mga 40 taon na ang nakalipas.
Isang Tagapangasiwa ng Sirkito na Nagtuwid sa mga Bagay-bagay
Si François Danda ay isa pang tagapangasiwa ng sirkito na nagsikap magpatunay sa pagkakaiba ng mga Saksi at ng mga Kitawala. Nagpaliwanag siya: “Napakahirap na panahon iyon, at napakatindi ng kalituhan. Palaging naglalagay ang mga Kitawala ng karatula na may mga salitang ‘Watch Tower’ sa wikang Ingles sa kanilang mga dakong pulungan. Sa lahat ng ating publikasyon, anumang
wika ito, makikita mo ang ‘Watch Tower’ sa pahina ng tagapaglathala. Ngayon, ipagpalagay nang may nakabasa ng ating mga publikasyon at hinahanap ang bayan ng Diyos. Baka makakita siya ng isang dakong pulungan na may karatulang ‘Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova’ sa lokal na wika at ang isa naman ay may karatulang ‘Watch Tower’ sa wikang Ingles. Saan kaya siya malamang na pumunta? Makikita mo na talagang nakalilito ito.“Marami sa mga kapatid ang walang tumpak na kaalaman, at iilan lamang ang makukuhang publikasyon. Madalas na pinaghahalo ng mga kongregasyon ang katotohanan at ang mga turo ng Kitawala, lalo na kung tungkol sa kabanalan ng pag-aasawa. Sa isang lunsod na aking dinalaw, inakala nila na ang 1 Pedro 2:17, na nagsasabing ‘magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid,’ ay nangangahulugan na ang mga kapatid na babae ay para sa sinumang kapatid na lalaki sa kongregasyon. Kapag nagdalang-tao ang sister dahil sa brother na hindi niya asawa, tinatanggap ng kaniyang asawa ang bata na parang sa kaniya. Gaya noong unang siglo, ‘pinipilipit ng mga di-naturuan at di-matatag’ ang Kasulatan.—2 Ped. 3:16.
“Nagbigay ako ng tahasang mga pahayag mula sa Kasulatan hinggil sa mga pamantayan ni Jehova, lakip na yaong sa pag-aasawa. Sinabi kong may mga bagay kaming dapat ituwid nang may pagtitiis at unti-unti, subalit hindi ang pagpapalitan ng asawa na dapat ay ituwid agad. Nakatutuwa naman, naunawaan at tinanggap ng mga kapatid ang wastong maka-Kasulatang pangmalas. Maging ang ilan sa mga Kitawala sa lunsod na iyon ay yumakap sa katotohanan.”
Dahil sa mga pagsisikap nina Brother Mukanga at Danda at ng marami pang katulad nila, naging maliwanag sa mga tao na iba ang mga Saksi ni Jehova sa mga Kitawala. Sa ngayon, hindi na iniuugnay ang “Kitawala” sa terminong “Watch Tower.” Mayroon pa ring mga Kitawala, subalit hindi na sila prominente o maimpluwensiya na gaya ng dati. Sa maraming lugar, wala nang nakakakilala sa kanila.
Nagdulot ng Pagsulong ang Pinagbuting Organisasyon
Sa pagtatapos ng 1962 taon ng paglilingkod, mahigit nang 2,000 mamamahayag ang masigasig na naglilingkod kay Jehova sa buong Congo. Gayunman, iilang kapatid na lalaki lamang ang nakaaabot sa mga kahilingan ng Kasulatan para sa pangangasiwa. Ang pagiging di-marunong bumasa’t sumulat ang isang problema, lalo na sa mga may-edad na. Ang isa pang problema ay na marami ang nahihirapang sumunod sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos dahil sa mga tradisyonal na kaugaliang mahigpit na nagiging hadlang. Isa pa, sinumang nakiugnay noon sa Kitawala ay kailangang maghintay muna ng maraming taon bago tumanggap ng mga pribilehiyo ng paglilingkod.
Subalit unti-unti, ang mabisang turo mula sa Kasulatan at ang pagkilos ng espiritu ni Jehova ay tumulong sa mga lalaking ito na maging kuwalipikadong tagapangasiwa sa mga kongregasyon. Sa buong bansa, malaki ang nagawa ng malalakas ang loob na mga tagapangasiwa ng sirkito at mga payunir upang patibayin at sanayin ang mga kapatid na lalaki. Nang mga panahong iyon, ang mga tagapangasiwa ng sirkito at special pioneer na sinanay sa Zambia ay pumasok pa nga sa Katanga at sa timugang Kasai, mga lugar na kasangkot sa digmaang sibil.
Pagkatapos ng Kasarinlan—Ang mga Taon ng Pagpaparaya sa Relihiyon
Tandaan na noong 1958, nagpalabas ang pamahalaan ng isang batas ng pagpaparaya na nagbibigay sa mga kapatid ng isang antas ng kalayaan sa relihiyon. Noong unang mga taon ng dekada 1960, patuloy ang mga kapatid sa paghiling para sa opisyal at legal na pagkilala. Hindi sila nanghihingi ng tulong na salapi mula sa pamahalaan o ng iba pang pinansiyal na sustento, kundi gusto lamang nilang sila’y opisyal na kilalanin. Ang pagkilalang iyan ang magbibigay ng pagkakataon upang maipangaral nila ang mabuting balita nang walang panliligalig. Kailangang-kailangan ito dahil sa maraming lugar, ang lokal na mga awtoridad ay nag-oorganisa ng mga pananalakay sa mga kapatid. Ang mga dakong pulungan ay sinusunog, ang mga kapatid ay binubugbog, inaaresto, at ibinibilanggo.
Kapag nagpoprotesta naman ang mga kapatid sa Ministri ng Katarungan, ang palaging sagot ay: ‘Ikinalulungkot namin, pero hindi kasi kayo opisyal na kinikilala, kaya wala kaming magagawa para sa inyo.’Nakaragdag pa sa problemang ito ang magulong kalagayan sa liblib na mga lugar. Hindi kinikilala ang awtoridad ng pamahalaang sentral sa ilang bahagi ng bansa. Sa ilang lugar, isang liham lamang mula sa tanggapang pansangay ay sapat na upang palayain ng lokal na mga awtoridad ang mga kapatid mula sa bilangguan. Subalit sa mga lugar na matindi ang pagsalansang, walang gaanong magawa upang maipagsanggalang ang mga kapatid mula sa pag-uusig at pagkabilanggo.
Sa Kinshasa, bahagyang pagsalansang lamang ang kinakaharap ng mga kapatid. Dati-rati, nagkakaroon lamang ng malalaking pagtitipon sa lunsod kung may kasalan at libing. Gayunman, noong 1964, nagplano ang tanggapang pansangay na magdaos ng dalawang pansirkitong asamblea sa kabisera. Isang bagong karanasan ito para sa karamihan ng mga kapatid na lalaki. Sa pantanging mga pulong, sinasanay sila kapuwa sa paghaharap ng mga pahayag at pag-oorganisa ng mga departamento sa asamblea.
Dahil sa kanilang kasabikan, lantarang naging usap-usapan ng mga kapatid ang tungkol sa asamblea, at nakarating ito sa gobernador ng noo’y lalawigan ng Léopoldville. Palibhasa’y inis ang lalaking ito sa mga Saksi ni Jehova, gumawa siya ng isang liham sa istensil na ipamamahagi sa lokal na mga awtoridad. Iniuutos sa liham na sinumang Saksi na mahuling nangangaral o nagpupulong para sa pagsamba ay aarestuhin. Gayunman, nang ipagagawa na ang mga kopya ng liham, nagkataon na ang trabahong ito ay naiatas sa isang kapatid na lalaki. Kakaunti na lamang ang natitirang papel ng kapatid na ginagamit sa pagkopya, at alam niyang ubos na ito sa mga tindahan sa Léopoldville. Nang hingin ng kaniyang superbisor ang mga kopya ng liham, ipinakita ng kapatid ang walang-lamang mga salansanan—wala nang papel!
Samantala, marubdob na nanalangin kay Jehova ang mga kapatid hinggil sa bagay na iyon. Ano kaya ang nangyari? Di-inaasahan, Isa. 54:17.
nagpasiya ang pamahalaan na bumuo ng ilang bagong lalawigan, at ang isa na pinamumunuan ng salansang ay binuwag! Sa nakalipas na mga taon, marami ang nagtangkang lumigalig o sumira sa bayan ng Diyos. Subalit nabigo ang mga iyon sa kanilang mga pagtatangka.—Ang Pagdating ng Mas Marami Pang Misyonero
Noong dekada ng 1960, sinamantala ng organisasyon ang pagkakataong makapagpadala ng mga misyonero sa Congo. Isang maliit na tahanan ng mga misyonero ang itinayo sa Kinshasa. Noong Marso 1964, dumating mula sa Canada ang mga misyonerong sina Julian at Madeleine Kissel. Pagkalipas ng 40 taon, tapat pa rin silang naglilingkod bilang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Kinshasa.
Ang ilang misyonero na dumating noong huling mga taon ng dekada 1960 ay naninirahan na ngayon sa ibang mga bansa. Noong 1965, inatasan sina Stanley at Bertha Boggus sa Congo matapos maglingkod sa Haiti. Si Brother Boggus, isang naglalakbay na tagapangasiwa, ay nagbalik sa Estados Unidos noong 1971 dahil sa problema sa kalusugan. Sa pagtatapos ng 1965, sumama ang mag-asawang Michael at Barbara Pottage sa mga misyonero sa Congo. Nasa Bethel na sila ngayon sa Britanya. Ang mag-asawang William at Ann Smith naman ay inatasan sa Congo noong 1966; pangunahin nang sa Katanga sila gumawa. Dahil sa pagbabawal, inatasan sila sa Kenya noong 1986. Si Manfred Tonak na taga-Alemanya, nagtapos sa ika-44 na klase ng Gilead, ay naglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Congo. Nang magkaroon ng pagbabawal, inatasan siya sa Kenya. Siya sa ngayon ang tagapag-ugnay ng Komite sa Sangay sa Etiopia. Noong 1969, dumating ang mag-asawang Dayrell at Susanne Sharp sa
Congo pagkatapos ng graduwasyon sa ika-47 klase ng Gilead. Matapos palayasin sa Congo, inatasan sila sa Zambia at nanatili na sila sa Bethel sa Lusaka mula noon. Ang ibang misyonero naman ay inilipat sa mga bansa sa Kanlurang Aprika. Kabilang sa kanila ang mag-asawang Reinhardt at Heidi Sperlich, na nasawi dahil sa pagbagsak ng kanilang sinasakyang eroplano. Lungkot na lungkot ang lahat ng nakakakilala sa kanila dahil sa trahedyang ito.Noong 1966, binuksan ang kauna-unahang tahanan ng mga misyonero sa labas ng Kinshasa sa Lubumbashi, sa timog-silangan ng bansa. Nang maglaon, nagkaroon din sa Kolwezi, hilagang-kanluran ng Lubumbashi, at sa Kananga (noo’y Luluabourg), Kasai. Ang pagkanaroroon ng mga misyonero ay isang malakas at nakapagpapatatag na impluwensiya na tumulong sa mga kapatid upang mamuhay ayon sa katotohanan. Halimbawa, umiiral pa rin ang pagpapaligsahan ng mga tribo sa gitna ng mga kapatid sa Kasai.
Yamang hindi kabilang sa mga tribo ang mga misyonero, nasa tamang kalagayan sila upang mamagitan sa mga problema at mangasiwa sa hudisyal na mga kaso nang walang pagtatangi.Mula 1968 hanggang 1986, mahigit na 60 misyonero ang naglingkod sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang ilan ay nag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead sa Estados Unidos, at ang iba naman, sa Gilead Extension School sa Alemanya. Karagdagan pa, ang mga payunir na marunong mag-Pranses ay deretsong pumunta sa Congo bilang mga misyonero. Marami ang natuto ng mga wika roon, at lahat ay nagpagal upang aliwin ang mga tao sa pamamagitan ng mabuting balita ng Kaharian.
Mga Kingdom Hall Noong Dekada ng 1960
Sa mas malalaking lunsod, ang mga dakong pulungan ay karaniwan nang may bubong ngunit walang mga dingding. Tamang-tama naman ito sa mainit at lubhang mahalumigmig na panahon, at karamihan sa mga pulong ay ginaganap sa gabi o sa umagang-umaga habang malamig pa. Wala namang problema kung hindi umuulan. Kaya lamang, kapag tag-ulan, madalas na ipinagpapaliban namin ang mga pulong sa ibang araw.
Ang unang Kingdom Hall ay inialay noong 1962. Ito’y nasa Kimbanseke, Kinshasa, at pag-aari ng isa sa anim na kongregasyong naroroon. Mula noon, ang mga kongregasyon sa Congo ay kinakitaan na ng masigasig na pagkukusa sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Subalit may pangilan-ngilan din namang problema sa legalidad. Kung minsan, may kapatid na magpapagamit ng kaniyang lote upang pagtayuan ng isang bulwagan, subalit wala naman itong legal na mga papeles. Kapag namatay ang kapatid na ito, dumarating ang kaniyang mga kapamilya at sinasamsam ang bulwagan at lahat ng laman nito. Halos walang magawa upang maiwasan ito. Nang maglaon, sa panahon ng pagbabawal, sinamsam ng lokal na mga awtoridad ang maraming bulwagan at ginamit para sa kanilang sariling kapakanan. Dahil sa mga problemang ito kung kaya nalimitahan ang malawakang pagtatayo ng mga Kingdom Hall.
Magkagayunman, nakapagpatayo na ng mga Kingdom Hall sa iba’t ibang dako ng bansa. Bagaman ang karamihan ay simple lamang, lahat ay pawang nagpapakita ng pananampalataya ng mga nagtayo nito. Isaalang-alang ang paglalarawan ng isang misyonero sa mga dakong pulungan sa pagtatapos ng dekada ng 1960.
“Para makarating sa isang Kingdom Hall sa Léopoldville, kailangan naming maglakad sa isang lagusan sa pagitan ng mga bahay na yari sa magaspang na semento. Sinusundan kami ng isang pulutong ng mga bata. Pumapasok kami sa isang looban na napalilibutan ng pader na semento. Ang walang-dingding na Kingdom Hall ay nasa likod ng isang bahay na okupado ng mga kapatid. Nagsasanay ang mga kapatid ng mga awiting pang-Kaharian. Nakatutuwa silang pakinggan! Buong-puso ang pag-awit nila. Mabuti na lamang at ang bulwagan ay nalililiman ng mga punungkahoy, na nagbibigay-proteksiyon mula sa araw. May upuan para sa 200 katao. Ang plataporma ay yari sa semento at nabububungan ng kanaladong yero. Kapag nagkataong matangkad ang tagapagsalita, mapipilitan siyang yumuko nang kaunti. May information board para sa mga liham mula sa tanggapang pansangay at para sa pangkongregasyong mga atas. May isang mesa para sa mga literatura. Naglagay ang mga kapatid ng mga halaman sa tagiliran ng plataporma. Mga lamparang de-gas ang ginagamit na pang-ilaw upang makapagdaos ang mga kapatid ng mga pulong sa gabi. Pag-alis namin, naroroon pa rin ang mga bata sa labas upang ihatid kami pabalik sa pangunahing lansangan.
“Naglalakbay naman kami ngayon patungo sa interyor ng Congo. Pagpasok namin sa isang nayon ng mga kubong yari sa damo, Kingdom Hall agad ang nakaagaw ng aming pansin. Ito’y isang istrakturang may siyam na poste, na may makapal na bubong na yari sa mga dahon. May maliliit na kanal na hinukay sa lupa mula sa isang panig ng bulwagan tungo sa kabilang panig. Nagulat kami, dahil nang maupo kami sa lupa at ilagay ang aming mga paa sa mga kanal, maalwan ang pakiramdam namin. Nasa ulunan ng kapatid na nangangasiwa ng pulong ang isang sulat-kamay na karatulang nagsasabing ‘Kingdom Hall’ sa kanilang sariling wika. Mga
30 ang dumadalo. Marahil ay kalahati lamang ang mga mamamahayag. Iilan lamang ang alam nilang awiting pang-Kaharian. Bagaman kulang sila sa kaalaman sa musika, napagtakpan naman nila ito ng kanilang sigla, at kami’y umawit nang buong puso.“Papunta naman kami ngayon sa hilagang bahagi ng bansa. Inihinto namin ang Land Rover at tinanaw ang kanayunan. Natanaw namin ang magkakatabing kubo na yari sa damo, at sa dako roon ay isang istrakturang naiiba sa lahat. Ang istrakturang ito ay yari sa malalaking poste ng kawayan na buong-tibay na pinagkabit-kabit. Bumutas sila sa kawayang dingding ng mga bintana at isang pinto. Ang bubong ay yari sa damo. Makikita sa harap ng gusali ang isang maayos na damuhan na may makitid na landas, at sa damuhan ay nakalagay ang isang maliit na karatulang kababasahan: ‘Mga Saksi ni Jehova’ sa wikang Ingles. Nang bagtasin namin ang maliit na landas, nakarating kami sa Kingdom Hall at malugod na tinanggap ng aming mga kapatid. Pagpasok, napansin namin na ang mga upuan ay kawayan na nakapatong sa nakatayong mga tulos na kawayan. Mabuti na lamang at di-tinatagos ng ulan ang bubong ng Kingdom Hall! Kung hindi, magkakaproblema: Kapag nagkatubig ang mga tulos ng kawayan, magkakaugat ito at mabilis na tutubo. Sa halip na 30 sentimetro mula sa lupa, ang upuan mo
ay mas tataas pa rito. Nakadispley sa information board ang iskedyul ng pulong at mga liham mula sa tanggapang pansangay. Kumukuha ng literatura ang mga kapatid sa isang mesang yari sa biniyak na kawayan na itinali ng tambo.“Nagbibiyahe kami ngayon patimog tungo sa Katanga, at papalubog na ang araw. Mas malamig dito, at kailangan naming magsuot ng mas makakapal na damit. Nakarating kami sa isang nayon, at habang papalapit kami sa Kingdom Hall, naririnig namin ang pag-awit ng mga kapatid. Karaniwan nang walang relo ang mga kapatid na taganayon, kaya tinatantiya nila sa posisyon ng araw ang oras ng mga pulong. Ang mga unang dumarating sa bulwagan ay nagsisimulang umawit hanggang sa magdatingan na ang karamihan at maaari nang pasimulan ang pulong. Nagsiksikan kami sa isang upuang yari sa pinakakatawan ng punungkahoy na biniyak sa dalawa at ipinatong sa dalawang tukod. Ang mga literatura ay nakatago sa isang lumang kabinet, subalit hindi ito puwedeng patagalin doon dahil iipisin at aanayin ito, at masisira ang mga papel. Pagkatapos ng pulong, inanyayahan kami ng mga kapatid na tingnan ang kanilang bulwagan. Ang mga dingding nito ay yari sa maliliit na sanga na itinali ng tambo at pagkatapos ay pinalitadahan ng putik. Ang bubong na di-tinatagos ng ulan ay yari sa hinabing damo.”
Iniingatan ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod
Noong dekada ng 1960, laganap ang alitang sibil at karahasan. Marami ang napapatay, pati na ang ilan sa bayan ni Jehova. Kailangan ang pananampalataya at lakas ng loob para makapagpulong ang mga kapatid, sapagkat kung minsan ay napagkakamalan ang mga pulong bilang mga pagtitipon ukol sa pulitika. Sa Probinsiya ng Équateur, nilapitan ng armadong mga sundalo ang isang Kingdom Hall habang nagpupulong doon ang mga kapatid. Agad na nahalata ng mga sundalo na ang mga kapatid ay naroroon upang sumamba sa Diyos, at hindi upang magtaguyod ng pulitika. Dahil dito, umalis ang mga sundalo, na nagsasabing hindi sila laban sa relihiyon ni sa Diyos man.
Minsan naman, sa Kisangani, si Bernard Mayunga at ang ilan pang mamamahayag ay tinipon ng mga rebeldeng naghahanap sa lokal na mga pinuno ng administrasyon, na plano nilang patayin. Nang tanungin kung anong tribo siya, sumagot si Bernard: “Isa akong Saksi ni Jehova.” Dahil nagulat sa sagot, hiningan siya ng paliwanag ng lider ng mga rebelde. Nagpatotoo si Bernard mula sa Kasulatan, at pagkatapos ay nagpahayag ang lider ng mga rebelde: “Kung lahat ng tao ay katulad ninyo, mawawala na ang mga digmaan.” Pinalaya si Bernard, kasama ang iba pang mga Saksing tinipon nila.
Sa Wakas, Opisyal Na Ring Kinilala!
Hanggang noong 1965, ang Bethel sa Congo ay nasa isang apartment pa rin sa sentro ng Kinshasa. Ang lugar ay maliit at masikip. Umaabot na sa 4,000 ang bilang ng mamamahayag ng Kaharian, at kailangan na ang mas malalaking pasilidad. Pagkatapos ng masikap na paghahanap, nakabili rin ang mga kapatid ng isang bahay na anim na taon pa lamang naitatayo, sa 764 Avenue des Elephants, Limete, Kinshasa. Ang gusali ay may dalawang palapag at apat na kuwarto. Nagsimulang magtrabaho ang mga kapatid at ginawang opisina ang malaking lugar na pahingahan at kainan na nasa unang palapag. Ginamit nila ang garahe nito para sa paghahatid at pagmimimyograp ng mga publikasyon. Dinugtungan ang gusali noong 1972.
Noong Nobyembre 1965, naagaw ni Joseph-Désiré Mobutu ang makapulitikang kapangyarihan sa pamamagitan ng kudeta. Muli, nagsumite ang tanggapang pansangay ng kahilingan para sa opisyal na pagkilala, at noong Hunyo 9, 1966, pinirmahan ni Presidente Mobutu ang ordinansa na nagkakaloob nito. Maaari na
ngayong tamasahin ng bayan ni Jehova ang katulad na karapatan at mga pribilehiyong tinatamasa ng lahat ng iba pang relihiyon na opisyal na kinikilala sa Congo. Sa wakas, natupad na rin ang pinagsisikapan at idinadalangin ng mga kapatid mula pa noong 1932. Malaya na silang mangaral sa madla, magdaos ng malalaking asamblea, at bumili ng mga ari-arian. Subalit hanggang anim na taon lamang pala ang kalayaang ito.Nagbigay ng Malaking Patotoo ang mga Kombensiyon
Ang saya-saya ng mga kapatid sa pag-oorganisa ng mga pansirkitong asamblea sa ilalim ng proteksiyon ng isang legal na ordinansa! Ang unang serye ay binubuo ng 11 asamblea na ang kabuuang dumalo ay 11,214 katao at 465 ang nabautismuhan.
Dahil sa mga asamblea, nagkaroon ng matinding reaksiyon mula sa lokal na mga relihiyon. Buong-bagsik na nakipaglaban ang klero upang hadlangan ang mga Saksi ni Jehova sa pagtanggap ng opisyal na pagkilala sa mabungang teritoryong ito, na itinuturing ng klero na sakop nila. Sa Gandajika sa Probinsiya ng Kasai, nagprotesta ang mga lider ng relihiyon sa alkalde. Dahil hindi natakot ang alkalde sa kanila, nagpadala sila ng mga kabataan sa lugar ng asamblea upang guluhin ang pagtitipon. Gayunman, nagkataong ipinalalabas noon sa asamblea ang isang pelikulang salig sa Bibliya, at napakaraming tao ang dumating upang panoorin ito. Di-nagtagal, nanahimik na lang ang mga manggugulo at nakipanood na rin. Napahanga sila sa kanilang napanood. Sa bawat pagpapalit
ng rolyo, ang mga tao na umaabot ng libu-libo, ay sumisigaw: “Mabuhay ang mga Saksi ni Jehova!”May awtorisasyon na ngayon ang mga Saksi ni Jehova na magdaos ng malalaking kombensiyon, subalit marami muna silang dapat paghandaan bago nila ito magawa. Kailangan nilang mag-organisa ng mga drama sa Bibliya, at kailangan sa drama ang mga kostiyum. Kailangang magkabit at magpaandar ng mga kagamitan sa sound ang mga kapatid. Lahat ng ito ay nagawa nila dahil sabik silang magboluntaryo at matuto.
Paglalakbay Upang Maglingkod sa mga Asamblea
Noong 1964, may sapat nang mga sirkito sa Congo upang bumuo ng dalawang distrito. Noong 1969, nakabuo pa ng ikatlo, sa Kasai, at pagsapit ng 1970, mayroon nang apat. Dahil sa pangit na mga daan, kadalasan nang napakahirap para sa mga tagapangasiwa ng distrito at sa iba na maglakbay patungo sa mga asamblea at mga kombensiyon. Upang ilarawan, sumama tayo sa isang tagapangasiwa ng distrito, si William Smith, sa biyahe patungo sa isang pansirkitong asamblea.
“Dahil sa ulan, bumaha sa kabukiran anupat lumaki ang mga ilog. Sa Kamina kami papunta para sa isang pansirkitong asamblea na gaganapin doon. Kailangan naming magbiyahe nang mahigit 320 kilometro upang makarating doon. Dahil sa malalakas na pag-ulan, ang ilan sa mga daan ay naging karagatan ng putik, at sa
ibang mga lugar naman, ang mga daan ay lumubog sa tubig. Isang nayon ang naging lawa. Nakaparada kung saan-saan ang mga kotse, trak, at mga sasakyan ng pamahalaan habang hinihintay ng mga tao na humupa ang tubig. Inaasahan na ng marami na aabutin sila roon ng dalawang linggo.“Alam kong sabik na sabik na ang mga kapatid sa programa ng asamblea. Ang ilan ay naglalakad nang ilang araw upang makadalo. Nagtanong ako kung may iba pang daan upang maiwasan ang libis na iyon. Nagulat ako nang sabihin sa akin ng mga tao na may ginawa nang isang makitid na daan ang mga Saksi ni Jehova, subalit dahil sa napakalambot ng lupa nito, hindi pinapayagan ng mga Saksi ang sinuman na gamitin ito hangga’t hindi pa nakadaraan ang tagapangasiwa ng distrito patungong Kamina.
“Maghapon at magdamag na nagtrabaho ang mga kapatid mula sa dalawang nayon, at umabot pa hanggang kinabukasan upang gumawa ng bagong daan, na paiwas sa di-madaanang seksiyon ng daan. Hindi naman nagtagal at nakita ko ang mga kapatid at minaneho ko na ang dyip patungo sa daang ginawa nila. Nagtipun-tipon ang mga tao upang tingnan kung makadaraan nga ang dyip. Nadismaya kami nang makita naming lumubog ang dyip sa malambot na lupa mga ilang yarda lamang ang layo mula sa bungad ng bagong daan!
“Kahit anong tulak ng mga kapatid, hindi man lamang makilos ang sasakyan. Ginawa na nila ang kanilang buong makakaya, at bakas na bakas sa mukha nila ang pagkadismaya. Gayunman, determinado pa rin silang makarating sa asamblea ang tagapangasiwa ng distrito. Yamang iniisip ng mga nanonood na ang bagong daan ay mas mapanganib pa sa halip na makatulong, nagbalikan na sila sa kani-kanilang sasakyan. Nagdesisyon ang mga kapatid na subukin muling itulak ang sasakyan. Sa pagkakataong ito, ibinaba nilang lahat ang laman ng dyip, na punung-puno ng mga literatura, kagamitan sa sound, generator, at iba pang mga bagay. Naghukay ang mga kapatid at nagtulak, at unti-unting naiusad ng umiikot na gulong ang dyip.
“Pagkalipas ng isang oras, nagsigawan kami sa tuwa at nag-awitan ng mga awiting pang-Kaharian bilang pagdiriwang sa matagumpay na paglampas namin sa putikan. Nagawa ng mga kapatid ang isang bagay na imposible para roon sa mga nakaupo sa kani-kanilang sasakyan. Isang malaking tagumpay ang asamblea, at ito’y dahil sa pagpapagal ng mga kapatid. Si Jehova ay sumakaniyang bayan at tumulong sa kanila na gawin ang kaniyang kalooban.”
Nagpasimula ng mga Pagbabago ang Bagong Rehimen sa Pulitika
Hindi madaling marating ang mga taong nakakalat sa libu-libong kilometro ng maulang gubat at sabana sa ekwador. Habang nangangaral ang mga misyonero sa mas malalaking bayan, ang lokal na mga kapatid naman na naglilingkod bilang mga special pioneer ang nagbukas ng mga teritoryo sa liblib na dako. Subalit marami sa mga taganayon ang hindi man lamang marunong bumasa’t sumulat, anupat naging mahirap tuloy ang pagtatayo ng malalakas na kongregasyon. Isa pa, ang mga pagbabago sa pambansang pulitika ay makaaapekto sa buhay ng mga kapatid.
Nagsimula ang isahang-partidong sistema sa pulitika noong 1970. Ang partido ay nakilala bilang ang Popular na Kilusan ng Rebolusyon (Mouvement Populaire de la Révolution sa wikang Pranses), o MPR. Ang patakaran nito ay ang pagbabalik sa tradisyonal na mga pamantayan, at kalakip dito ang pagbibigay ng Mat. 22:21.
bagong pangalan sa mga bayan at lunsod. Ang Stanleyville ay naging Kisangani na ngayon, at ang Elisabethville ay naging Lubumbashi. Noong 1971, binago ng pamahalaan ang pangalan ng bansa at ng pangunahing ilog nito, anupat ang dating Congo ay ginawang Zaire. Ang salaping ginagamit na dati’y franc ay ginawang zaire. Iniutos ng pamahalaan na baguhin din ng mga tao ang kanilang pangalan: Ang itinuturing na mga pangalang Kristiyano ay dapat palitan ng tunay na Aprikanong mga pangalan. Ipinagbawal ang mga kurbata, dahil may kaugnayan ito sa mga Europeo. Sa lahat ng bagay na ito, magalang na sumunod ang mga kapatid.—Ayon sa ideolohiyang iyon sa pulitika, lahat ng isinilang sa Congo ay awtomatikong isang aktibong miyembro ng MPR. Upang makapanatili sa trabaho, makapasok sa paaralan, o makapagtinda sa palengke, ang mga tao ay obligadong kumuha ng isang kard sa pulitika. Isa pa, inaasahan na ang mga tao ay magsusuot ng isang alpiler ng partido pulitikal, lalo na kapag pumapasok sa isang tanggapan ng pamahalaan. Napakahirap ng panahong ito para sa bayan ni Jehova. Nawalan ng trabaho ang mga kapatid, at pinatalsik sa paaralan ang mga bata.
Gayunman, may ilang opisyal ng pamahalaan na nakauunawa sa posisyon ng mga Saksi ni Jehova. Tinanong ng ministro ng ugnayang panloob ang isang kapatid na nagtatrabaho sa kaniya kung bakit hindi nito isinuot ang alpiler ng partido. Ipinaliwanag ng kapatid ang kaniyang maka-Kasulatang mga dahilan. Sumagot ang ministro: “Kilala namin kayo, at hindi namin kayo bibigyan ng problema; subalit ang magiging problema ninyo ay ang kilusan ng mga kabataan.”
Iniulat na si Presidente Mobutu mismo, matapos tumanggap ng maraming reklamo laban sa mga Saksi ni Jehova, ay sumagot sa mga miyembro ng kaniyang partido sa isang miting: ‘Kung sakali mang magkakaroon ako ng mga problema, hindi ito manggagaling sa mga Saksi ni Jehova. Alalahanin kung sino ang nagkanulo kay Jesus. Iyon ay si Hudas, isa sa Kaniyang mga alagad. Kung
mayroon mang magkakanulo sa akin, iyon ay walang iba kundi ang kasalo ko sa pagkain.’Pinalawak ang Bethel Upang Masapatan ang Pangangailangan
Si Nathan H. Knorr, mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn, ay dumalaw sa Congo noong Enero 1971. Ang isang bagay na tinalakay sa pagdalaw niya ay ang pagpapalawak ng Tahanang Bethel at ng mga pasilidad ng tanggapan. Pagsapit ng 1970, mayroon nang halos 14,000 mamamahayag sa 194 na kongregasyon at mahigit na 200 nakabukod na mga grupo. Dahil sa lumalaking pangangailangan ng Congo sa mga literatura, naging napakaliit na ng bodega sa Bethel. Tuwang-tuwa ang lahat nang ihayag ni Brother Knorr na magdaragdag pa ng ibang gusali bukod sa nakatayo na! Gumawa ng plano ang isang arkitekto para sa isang bago at modernong gusali na may dalawang palapag, na doble ang laki kaysa sa nakatayo na. Kasama na rito ang isang malaking tanggapan, malaking bodega, at karagdagang mga kuwarto.
Noong Hunyo 1971, inaprobahan ang plano, at nagsimula na ang trabaho. Ipinadala si Don Ward mula sa Dahomey (ngayo’y Benin) upang pangasiwaan ang konstruksiyon. Dumating ang maraming boluntaryo mula sa 39 na kongregasyon sa Kinshasa upang tumulong, at sama-sama nilang tinapos ang proyekto ng pagtatayo. Lahat ng pagpapalawak na ito sa teritoryo at sa Bethel ay lalong ikinainis ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, gaya ng makikita natin.
Ang Dekada ng 1970—Isang Panahon ng Pagpapakalakas-loob at Pag-iingat
Noong Disyembre 1971, nagpalabas ang pamahalaan ng isang batas upang ipasailalim sa regulasyon ang maraming bagong relihiyon at mga prayer group na itinatatag sa buong bansa. Ayon sa bagong batas na ito, tatlong relihiyon lamang ang legal: ang Simbahang Romano Katoliko, ang mga simbahang Protestante, at ang simbahang Kimbanguist, isang lokal na relihiyon. Noong 1972, tatlo pang relihiyon ang kinilala: Islam, Griego Ortodokso, at
Judaismo. Karamihan sa mas maliliit na relihiyon ay nakigrupo sa klasipikasyon ng mga Protestante.Sa gayon, mula 1971 hanggang 1980, isang yugto ng di-pagkilala, o bahagyang pagbabawal, ang umiral, na sa paanuman ay gumipit sa mga gawain ng bayan ng Diyos. Bagaman hindi opisyal na kinikilala ang mga Saksi ni Jehova, wala namang pag-uutos na ipatapon ang mga misyonero, at hindi naman ginambala ang Bethel. Isinara ang tahanan ng mga misyonero sa Kananga, subalit ang mga tahanan sa Bukavu, Kisangani, Kolwezi, at Lubumbashi ay hindi naman. Hindi na puwedeng mag-organisa ang mga kapatid ng malalaking kombensiyon. Gayunman, sa maraming lugar, nakapagtitipon pa rin ang mga kapatid sa kani-kanilang Kingdom Hall. Nagdaraos sila ng maliliit na pansirkitong asamblea sa mas malalaking bulwagan. Depende ito lalo na sa saloobin ng lokal na mga awtoridad. Sa mga lugar na matindi ang pagsalansang, inaasahan ng mga kapatid na daranas sila ng pag-uusig at pag-aresto. Daan-daang kapatid ang ibinilanggo. Sa mga lugar naman na maganda ang pagtingin ng mga awtoridad, ang mga kapatid ay malayang nakapagpapatuloy sa kanilang relihiyosong mga gawain.
Sa kabila ng mga paghihigpit, patuloy ang mga Saksi sa pangangaral nang may katapangan. Isang grupo ng tatlong kapatid na lalaki at isang kapatid na babae ang nagtungo sa palengke upang magpatotoo sa iba. Dalawang lalaki ang lumapit at inaresto ang isa sa mga kapatid na lalaki habang nagpapasakamay siya ng aklat sa isang interesadong tao. Dinala nila siya sa punong-tanggapan ng partido pulitikal at iniwan siya sa isang kuwarto upang hintayin ang pagdating ng pinuno ng partido. Pagpasok ng pinuno ng partido, nadatnan niya ang kapatid na lalaki na nag-aalok sa isa pang lalaki sa kuwartong hintayan ng aklat na Did Man Get Here by Evolution or by Creation?
“Pinalalaganap mo ba rito ang iyong propaganda?” ang tanong ng pinuno.
Sumagot ang kapatid na lalaki: “Buweno, kung may magtanong po sa inyo, ‘Ang tao ba ay galing sa ebolusyon o sa paglalang?’ ano po ang isasagot ninyo?”
Hindi sumagot ang pinuno. Binalingan niya ang mga lalaking umaresto sa kapatid at sinabi: “Pakawalan na ninyo siya. Wala siyang ginagawang labag sa batas.”
Bumalik ang kapatid na ito sa palengke at nagpatuloy sa pagpapatotoo. Mayamaya, napadaan ang pinuno at nakita siya. Habang nakaturo sa kapatid, sinabi ng pinuno sa kaniyang mga kasama: “Ang tapang ng lalaking iyan, ano?”
Noong 1974, napilitang umuwi sa Belgium ang tagapangasiwa ng sangay na si Ernest Heuse dahil sa rekomendasyon ng kaniyang mga doktor. Matagal nang pinahihirapan si Ernest ng sakit na emphysema, at ang madalas na pagsumpong ng malarya ang lalong nagpapahina sa kaniyang katawan. Napamahal na sa mga kapatid ang pamilya Heuse; napakalaki ng naitulong nila sa gawain. Sa Belgium, nagpatuloy sila sa masigasig na paglilingkod kay Jehova. Namatay si Ernest noong 1986; ang kaniyang asawang si
Hélène, ay namatay pagkalipas ng walong taon. Doon naman sa Kinshasa, ang pangangasiwa sa sangay ay ipinagkatiwala kay Timothy A. Holmes, na naglingkod bilang misyonero mula 1966.Opisyal na Namang Kinilala Noong 1980
Noong Abril 30, 1980, pinirmahan ng presidente ng republika ang isang ordinansa na nagkakaloob ng opisyal na pagkilala sa Association of Jehovah’s Witnesses. Lalong tumindi ang interes sa katotohanan higit kailanman, anupat ang dumalo sa Memoryal ay 90,226 at mga 35,000 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos sa mga tahanan ng interesadong mga tao. Nag-ulat ng mga bagong peak sa bilang ng mga mamamahayag at mga payunir. Kailangan ang mas mahuhusay na pasilidad upang higit na masapatan ang pangangailangan sa larangan. Kaya naman, nagsaya ang mga kapatid nang aprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagbili ng isang lote na dalawa’t kalahating ulit ang laki kaysa sa kasalukuyang lote noon ng sangay sa Congo. Subalit gaya ng makikita natin, may bumangong mga problema.
Maraming taon nang hindi nakapag-oorganisa ang mga kapatid ng malalaking kombensiyon. Malaya na ngayon silang gawin
ito. Noong 1980, limang “Makadiyos na Pag-ibig” na Pandistritong Kombensiyon ang ginanap sa iba’t ibang dako ng bansa. Ang ilang delegado ay kinailangang maglakbay nang napakalayo. Maraming pamilya ang naglakad nang mahigit sa 400 kilometro upang makadalo. Dalawang special pioneer sa isang napakaliblib na lugar ang inabot ng dalawang linggo sa pamimisikleta upang lakbayin ang mahigit na 700 kilometro ng buhanginan at maulang gubat. May dumating din na ilang delegado mula sa Congo (Brazzaville), Burundi, at Rwanda.Nang sumunod na mga taon, kailangan nang mag-organisa ng mga pandistritong kombensiyon sa mas marami pang lugar. Totoong may kalayaan na sa relihiyon ang mga kapatid, subalit tumitindi naman ang kagipitan sa ekonomiya. Marami ang nahihirapang makaraos man lamang. Tumataas ang bilihin, ngunit hindi ang suweldo. Napakamahal ng pamasahe sa transportasyon para sa karamihan ng mga kapatid upang makapaglakbay nang malalayo. Kaya naman, buong-pagmamahal na nag-organisa ang tanggapang pansangay ng higit pang mga kombensiyon na mas malalapit sa tinitirhan ng karamihan sa mga kapatid.
Ang daan sa Congo ay maitutulad sa isang takbuhan na punô ng balakid: Karaniwan na ang nakahambalang na mga punungkahoy, mga sirang tulay, buhanginan, at mapuputik na hukay. Ang mga kinatawan ng sangay at ang kani-kanilang asawa ay palaging nagpapakita ng espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili kapag naglilingkod sa mga asamblea at kombensiyon. Subalit maliit lamang ang kanilang sakripisyo kung ihahambing sa sakripisyo ng tagaroong tapat na mga kapatid na kadalasang naglalakad nang ilang araw at natutulog kung saan abutin ng gabi. Karaniwan pa rin sa mga kapatid na maglakad ng mga 50 hanggang 150 kilometro upang makadalo sa mga pandistritong kombensiyon.
Binuksan ang Bagong mga Tahanan ng mga Misyonero
Ang opisyal na pagkilala noong 1980 ay nagbukas ng daan upang makapasok sa bansa ang mga bagong misyonero. Noong 1981, binuksan ang isang bagong tahanan sa Goma (Probinsiya
ng Kivu). Nang sumunod na dalawang taon, higit pang tahanan ang binuksan sa Likasi (Katanga), Mbuji-Mayi (Kasai), Kikwit (Bandundu), at sa daungang lunsod ng Matadi (Mababang Congo). Muling binuksan ang mga tahanang ipinasara. Nang dakong huli, noong 1986, isang tahanan ang binuksan sa Isiro (Probinsiya ng Orientale), anupat lahat-lahat ay 11 na ang tahanan ng mga misyonero sa bansa. Ang mga tahanang ito ay nagsisilbi ring mga bodega ng literatura. Ang mga misyonero ang nag-uugnay sa tanggapang pansangay at sa teritoryo. Nagpapasalamat ang mga kapatid na tagaroon sa pampatibay-loob at pagsasanay na natatanggap nila mula sa mga ito. Ang 1981 taon ng paglilingkod ay natapos na may bagong peak na 25,753 mamamahayag. Napakalaki ng posibilidad para sa pagsulong.Walang Takot kay Kimbilikiti
Ang Kimbilikiti ay pangalan ng isang espiritu ng tribo. Ang espiritung ito ay sinasamba ng mga mamamayan ng tribo ng Rega, na nakatira sa masusukal na kagubatan ng silangang-sentral na bahagi ng bansa. Ang buhay ng mga taong ito—karamihan ay mga mangangaso, magbubukíd, at mangingisda—ay inuugitan ng mga paniniwalang relihiyoso na may kaugnayan kay Kimbilikiti. Ang kultong ito ay nababalot ng lihim, at ang mga pari nito ay may napakalaking impluwensiya sa mga taong namumuhay na may pagkatakot sa espiritu.
Ang mga Saksi ni Jehova sa lugar na ito ay hindi natatakot kay Kimbilikiti dahil alam nilang si Jehova lamang ang tanging tunay na Diyos. Sila lamang ang tanging hindi sumusunod sa
mga kahilingan ng mga pari ni Kimbilikiti, gaya ng paghahandog ng mga kambing at mga manok para makain mismo ng mga pari.Simula noong 1978, lantaran nang inuusig ng mga miyembro ng kulto ang mga Saksi ni Jehova. Sinunog nila ang ilang Kingdom Hall, itinaboy ang ilang kapatid mula sa kanilang sariling tahanan, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian. Gumamit din ang kulto ng pangkukulam at mga engkanto upang pinsalain ang mga kapatid, subalit nabigo ang kanilang mga pagsisikap. Pagkatapos noong Agosto 1983, isinagawa ng mga miyembro ng kulto ang isang kalunus-lunos na balak—walang-awa nilang pinagpapatay ang walong kapatid malapit sa nayon ng Pangi.
Ang malagim na pangyayaring ito ay isang malaking dagok sa kongregasyon, lalo na sa mga nawalan ng kanilang mahal na asawa o ama. Sumaklolo ang tanggapang pansangay at ang mga kapatid na tagaroon upang maglaan kapuwa ng espirituwal at materyal na tulong sa mga pamilya ng mga biktima.
Samantala, inakala ng mga pumaslang na ligtas sila sa liblib at magubat na lugar na iyon. Subalit nang bandang huli, nadakip din ang mga nagkasala. Ginanap ang paglilitis sa hukumang pandistrito sa Kindu. Iginiit ng mga nasasakdal na ang espiritung si Kimbilikiti ang nag-udyok sa kanila na pumatay. Subalit tinukoy ng abogadong tagausig kung sino ang tunay na may kasalanan. Ang sabi niya: “Ang ilang [miyembro ng tribo ng Rega] na dati’y nakikibahagi sa mga seremonya ni Kimbilikiti at nakaaalam sa mga lihim ay kaugnay na ngayon sa mga Saksi ni Jehova. Naibunyag na nila ang mga lihim, lalo na ang tungkol sa di-pag-iral ng espiritung tinatawag na Kimbilikiti. Sa gayon, naibunyag nila ang pagiging huwad ng mga paghahandog na iniuutos ng nasabing espiritu, na ayon sa mga Saksi ni Jehova, ay isang napakaliwanag na pandarayang inorganisa ng matatandang lalaking nangangasiwa sa mga seremonya.”
Dahil dito, ang mga nasasakdal ang napatunayang nagkasala, hindi ang espiritung si Kimbilikiti. Nang iapela ang kaso, sinang-ayunan ng mas mataas na hukuman sa Bukavu ang sentensiyang kamatayan para sa mga pumaslang. Nagbabala ang pangmadlang mga tagausig sa mga ibubunga ng anumang pananalakay na gagawin ng mga mananamba ni Kimbilikiti sa mga Saksi ni Jehova. b
Mula noon, mayroon pa ring ibang mga insidente, subalit alam na ngayon ng mga miyembro ng kulto na hindi nila maitatago sa gubat ang gayong mga bagay ni makaaasa man na maipagtatanggol sila ng isang di-umiiral na Kimbilikiti. Samantala, patuloy ang mga Saksi ni Jehova sa tapat na pagtulong sa iba na makaalpas sa kultong ito. Maibiging pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap na ito. Mayroon na ngayong 300 masisigasig na mamamahayag na naglilingkod sa mga kongregasyon sa lugar na ito. Iniibig nila si Jehova; hindi sila natatakot kay Kimbilikiti.
Ipinagbawal ang Gawain
Pagsapit ng 1985, sumusulong na ang gawaing pang-Kaharian sa Congo. Nagsimula na ang pagtatayo ng isang bagong Bethel sa loteng binili noong 1980. Naroroon na ang mga 60 dayuhang boluntaryo upang tumulong. Natapos ang taon ng paglilingkod na may 35,000 mamamahayag sa larangan at isang bagong peak sa bilang ng mga payunir. Animnapung misyonero ang masisigasig na nangangaral sa iba’t ibang dako ng bansa. Sinasanay naman ng mga naglalakbay na tagapangasiwa ang matatanda at mga payunir sa kongregasyon. Waring handang-handa na ang lahat para sa isang napakalaking pagsulong.
Subalit hindi lahat ay nalulugod sa espirituwal at materyal na pagsulong ng bayan ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga pulitiko, sinikap ng klero na hadlangan ang mga gawain ng mga kapatid. Noong Marso 12, 1986, nilagdaan ni Presidente Mobutu ang isang batas na nagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nang sumunod na araw, inianunsiyo sa pambansang radyo ang pagbabawal. Ang sabi ng isang tagapagbalita: “Hindi na natin ngayon maririnig
kailanman ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa [Congo].” Maling-mali siya!Tinawag ng tanggapang pansangay ang apat na misyonerong matagal nang naglilingkod bilang tagapangasiwa ng distrito at nag-atas ng mga kapatid na tagaroon upang ipagpatuloy ang pandistritong gawain. Palibhasa’y hindi na puwedeng mangaral nang hayagan ang mga misyonero, sila’y nagmistulang mga bilanggo sa sarili nilang tahanan. Ingat na ingat ang mga kapatid na tagaroon kapag nangangaral. (Mat. 10:16) Nakalulungkot sabihin, maraming interesadong mga tao ang natakot at huminto na sa pakikipag-aral. Isinara o sinira pa nga ang ilang Kingdom Hall. Ang iba ay kinamkam ng partido pulitikal. Kinailangang magtipon sa maliliit na grupo ang mga kapatid. Inaaresto ang mga kapatid sa gabi sa kanilang mga tahanan at ninanakaw ang kanilang mga ari-arian.
Sa Probinsiya ng Équateur, maraming kapatid ang pinagbubugbog at itinapon sa bilangguan. Isang special pioneer ang walang-awang binugbog at ibinilanggo sa loob ng tatlong buwan. Ang lahat ng ito ay pawang dahil sa anunsiyo sa radyo. Hanggang sa sandaling iyon, wala pang pormal na batas ang naipápasá upang ipatupad ang pagbabawal. Pagkatapos ng anunsiyo hinggil sa pagbabawal, agad na umapela ang mga kapatid subalit walang natanggap na sagot. Pagkatapos, noong Hunyo 1986, nagsalita sa madla ang presidente ng bansa na dito’y hinatulan niya ang mga Saksi bilang di-makabayan at walang galang sa awtoridad.
Napakabilis ng mga pangyayari! Ang dating iginagalang na mga tao ay hindi na ngayon. Nahinto ang pagtatayo ng bagong sangay, at namayani ang katahimikan sa lugar na dati’y nagkakaingay dahil sa masayang paggawa. Kailangan nang umalis sa bansa
ang lahat ng mga dayuhang boluntaryo, at ipagbili ang mga kagamitan sa pagtatayo. Mga 20 kapatid na tagaroon ang nanatili upang magbantay sa ari-arian.Pagkatapos, sa isang iglap, dumating ang isang liham na may petsang Hunyo 26, 1986, mula sa pinuno ng seguridad, na nagsasabing lahat ng misyonero ay dapat nang umalis sa bansa. Ibang-iba ang pagbabawal na ito kaysa noong 1972, kung saan puwede pang manatili ang mga misyonero. Napakalungkot makita ang Shipping Department na punô ng personal na mga gamit habang nag-iimpake ang mga misyonero para umalis! Noong Hulyo, 23 misyonero ang umalis patungo sa ibang mga bansa. Yaong mga nasa bakasyon sa labas ng bansa ay hindi na kailanman nagbalik. Simula na ngayon ng isang yugto ng higit pang pagdadalisay sa Congo.
Muling Pag-oorganisa Para sa Palihim na Gawain
Kung inaakala ng mga salansang na kaya nilang sirain ang loob at wasakin ang bayan ni Jehova, nagkakamali sila. Wala silang kamalay-malay
sa kapangyarihan ng banal na espiritu ni Jehova at sa determinasyon ng bayan ng Diyos. Nagawa ng isang maliit na grupo ng makaranasang mga misyonero na manatili sa bansa. Ipinagpatuloy ng mga tauhan ng sangay sa ilang pribadong tahanan ang kanilang pangangasiwa sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Pinangasiwaan ng mga kapatid na lalaki ang Pioneer Service School sa mga tahanan sa iba’t ibang dako ng bansa.Hindi nagkaroon ng kakulangan sa espirituwal na pagkain. Patuloy ang mga kapatid sa paglilimbag at pamamahagi ng mga publikasyong salig sa Bibliya. Nagpadala ang tanggapang pansangay ng mga balangkas ng pahayag para sa pandistritong kombensiyon at pansirkitong asamblea, kung saan inihaharap ang balangkas ng materyal bilang mga pahayag. Sa panahon ng dalaw sa mga kongregasyon, ipinalalabas ng mga tagapangasiwa ng sirkito ang nakarekord na mga drama sa kombensiyon sa kanilang sariling wika. Ginawa ito taun-taon mula 1986 hanggang sa maalis ang pagbabawal. Bagaman ang lahat ng ito ay may kaakibat na malaking trabaho, nakinabang naman nang husto ang mga kapatid.
Samantala, nakipag-ugnayan ang matatanda sa mga awtoridad ng pamahalaan upang ipaliwanag ang ating paninindigan sa pagiging neutral sa pulitika at upang liwanagin na ang neutralidad ay hindi naman nangangahulugan ng pagiging subersibo. Sa ganitong paraan, ang pangalan at layunin ni Jehova ay naipaalam sa lahat, pati na sa pinakamatataas na awtoridad sa bansa. Kitang-kita na ang mga lingkod ni Jehova ay isang namumukod-tanging bayan—lubusang neutral ngunit mapagpayapa at hindi subersibo.
Pag-unti at Pagdami ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
Ipinakita ng ulat ng paglilingkod noong 1987 ang 6 na porsiyentong pagbaba ng bilang ng mga mamamahayag. Ang ilan ay natakot at ayaw makilalang kaugnay sa isang ipinagbabawal na organisasyon. Nagkaroon ng matitinding pag-uusig sa ilang rehiyon.
Subalit kung minsan, nababaligtad ang epekto ng pagsalansang. Halimbawa, isang lokal na pinuno ang nagdaos ng isang pantanging pulong upang magsalita laban sa mga Saksi ni Jehova.
Itinaas ng pinuno ang hawak niyang kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at sinabi sa mga tao na dapat nilang arestuhin ang sinumang namamahagi ng aklat na iyon. Tumugon ang mga tao na gusto nilang suriin muna ang aklat upang makilala nila ito. Pumayag siya, at nagustuhan nila ang kanilang nakita. Pagkaraan ay humiling ng mga kopya ang ilan mula sa isang special pioneer na nakatira sa kabilang nayon. Naaalaala pa ng special pioneer: “Nakapagpasimula ako ng sampung pag-aaral sa Bibliya sa mga tao. Hindi pa ako kailanman nakapangaral sa nayon na nasasakupan ng pinunong iyon. Kung hindi siya nagsalita ng laban sa amin, hindi sana nagkaroon ng pagkakataon ang mga ito na matuto ng katotohanan!”Nakibagay ang mga kapatid sa bagong mga kalagayan. Bagaman limitado sa maraming paraan, sila’y “hindi nasisikipan anupat hindi na makakilos.” (2 Cor. 4:8) Ang 1988 taon ng paglilingkod ay natapos na may 7-porsiyentong pagsulong sa mamamahayag. Mga 60,000 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos. Ang mga kapatid mula sa Service Department sa Bethel ay dumalaw sa pangunahing mga lunsod upang magbigay ng pampatibay-loob at makipagkita sa lokal na matatanda at mga naglalakbay na tagapangasiwa. Samantala, patuloy ang tanggapang pansangay sa pangangasiwa sa karatig na Congo (Brazzaville), kung saan ipinagbabawal din ang gawain, gayundin sa Burundi.
Isang kapatid na lalaki na nagtatrabaho bilang prinsipal sa isang paaralan sa Kolwezi ang tumangging gumawa ng panunumpa sa pulitika. Dahil dito, walang-awa siyang binugbog at pagkatapos ay inilipat sa Lubumbashi, kung saan inakala ng kaniyang mga mananalansang na mapapatay siya. Mahinahong ipinaliwanag ng kapatid ang dahilan ng kaniyang neutral na paninindigan. Pinawalang-sala siya at ibinalik sa Kolwezi. Ang mga bumugbog sa kaniya ay inutusang humingi ng tawad sa kaniya! Muli siyang tinanggap sa propesyon ng pagtuturo at inatasan bilang isang inspektor!
Noong Oktubre 1988, kinamkam ng lokal na mga pinuno ang dakong pinagtatayuan ng Bethel sa Kinshasa at kinumpiska ang tone-toneladang literatura sa Bibliya. Karaniwan nang ninanakaw c
ng mga sundalo ang kahon-kahong aklat at Bibliya, at pagkatapos ay ibinebenta ang mga ito sa lokal na mga pamilihan. Binibili naman ito ng mga tao, kung kaya handa na ang mga pagkakataon upang makapagpasimula ang mga kapatid ng mga pag-aaral sa Bibliya.Pagsapit ng 1989, umabot na sa 40,707 ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian, sa kabila ng pagbabawal. Galit na galit ang relihiyosong mga kaaway ng mga Saksi ni Jehova. Ang ministro ng katarungan noon, isang kilalang kaibigan ng Simbahang Katoliko, ay nagpadala sa lahat ng pampublikong mga tagausig sa Congo ng isang liham na nagpapahayag ng pagkadismaya sa patuloy na gawain ng bayan ni Jehova. Pinag-ibayo niya ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova at pagpapasara sa mga Kingdom Hall. Nang maglaon, sa isang talumpating binigkas sa mga lider ng relihiyon, inilarawan niya ang bayan ni Jehova bilang “talagang mga demonyo.” Lumikha ito ng pag-uusig sa Bandundu na lalawigan mismo ng ministro.
Ibinilanggo ang mga Bata
Nang panahong iyon, inaresto sa paaralan ang ilang anak ng mga Saksi ni Jehova dahil sa pagtangging makilahok sa ilang makapulitikang mga seremonya. Ang ama ng dalawang batang lalaki ay inaresto rin at ibinilanggo kasama ang kaniyang musmos na mga anak na lalaki. Tinagubilinan ang mga guwardiya na huwag silang bibigyan ng anumang pagkain. Dahil sa pagtataka, nagtanong ang isang guwardiya: “Mayroon tayong mga mamamatay-tao at mga magnanakaw sa bilangguang ito, at binibigyan naman natin sila ng pagkain. Bakit naman hindi natin bibigyan ng pagkain ang mag-aamang ito?” Nang hindi mabigyan ng makatuwirang sagot, ang
guwardiyang ito mismo ang nagbigay sa kanila ng pagkain. Nabilanggo nang 11 araw ang mga batang lalaki, at ang kanilang ama naman, isang special pioneer, ay 7 araw. Hindi man lamang nakasira ng kanilang loob ang pagsubok na ito.Sa Kikwit, isang lalaking hindi Saksi ni Jehova ang inaresto matapos na mabilanggo ang kaniyang asawang Saksi, at ang dalawa nilang anak na babae. Nang malaman ng mga opisyal na magkaiba pala ang paniniwala ng mag-asawa, inutusan nila ang lalaki na lumabas na sa bilangguan. Tumanggi siya at sinabing hindi niya maiiwan ang kaniyang asawa at mga anak. Nang sa wakas ay pawalan na silang mag-anak, nag-aral siya ng Bibliya at nagpabautismo. Naglilingkod siya ngayon bilang isang matanda sa kongregasyon.
Kaguluhan sa Loob ng Bansa
Noong Setyembre 1991, naghimagsik ang militar sa Kinshasa, na sinundan ng malawakang pandarambong. Dahil dito, nagkaroon ng matinding kakapusan sa pagkain at panggatong gayundin ng malawakang kakulangan sa mapapasukang trabaho at mataas na implasyon. Ang mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika at Pransiya ay nagpadala ng mga tulong.
Kasabay ng pakikipagpunyagi ng sangay sa Congo sa sarili nitong mga problema, nagagawa pa rin nitong asikasuhin ang mga lumikas mula sa karatig na Angola at Sudan. Sa hilagang-silangan ng Congo, dinalaw ni Zekaria Belemo, naglalakbay na tagapangasiwa noon, ang isang grupo ng lumikas na mga kapatid mula sa Sudan. Nagpahayag siya sa mga tagapakinig sa limitadong Ingles, na isinalin naman sa wikang Arabe. Nag-iisip si Zekaria kung marami kayang naunawaan ang mga kapatid sa kaniyang pahayag. Pagkalipas ng mga limang taon, dalawang kabataang lalaki na dumadalaw sa Bethel ang lumapit sa kaniya at nagtanong: “Natatandaan po ba ninyo kami? Kasama po kami sa mga nakikinig noon sa inyong pahayag sa kampo ng mga lumikas. Isinapuso po namin ang lahat ng pampatibay-loob na inyong ibinigay at nag-aral po kami ng Bibliya.” Nang maglaon, inialay ng dalawang kabataang lalaking ito ang kanilang buhay kay Jehova.
Ang isa pang pangunahing problema na nagaganap sa bansa ay ang etnikong mga alitan. Marami mula sa Kasai ang naglipatan patimog sa Katanga. Noong 1992 at 1993, itinaboy sila ng mga taga-Katanga palabas sa lalawigan. Kinailangang iwan ng karamihan sa mga taga-Kasai ang kanilang trabaho, ari-arian, at tahanan. Tumakas sila para iligtas ang kanilang buhay at nagtungo sa mga kampo o iba pang mga lugar na doo’y ligtas silang makapaninirahan nang sama-sama. Mahigit na 100,000 ang mga umuwi sa kani-kanilang tahanan sa Kasai. Kabilang sa mga ito ang mga 4,000 Saksi ni Jehova. Bagaman ang mga kapatid na naninirahan sa karatig na lugar ay naghihikahos at salat sa pagkain, ginawa nila ang kanilang buong makakaya upang makatulong. Isang kongregasyon na nasa pangunahing daan sa gawing hilaga mula sa Katanga ang nagpadala ng mga kapatid upang salubungin ang bawat dumarating na trak para alamin kung may mga Saksing nakasakay roon. Kapag nakilala na, ang mga kapatid ay tumatanggap ng kinakailangang pag-aasikaso.
Nagpadala ang sangay sa Timog Aprika ng ilang trak na punô ng pagkain at mga gamot upang ipamahagi sa mga kapatid na
nawalan ng tahanan at naghihintay sa mga kampo. Nakapagligtas ng buhay ang mga paglalaang ito. Tinagubilinan din ng Lupong Tagapamahala ang mga kapatid sa Kinshasa na bumili ng pagkain, gamot, asarol, at pala upang ang mga pamilya ay makapanirahan sa Kasai at makapaglinang ng kani-kanilang bukirin.Iba Pang mga Palatandaan ng Pagbabago
Ang talumpati ng presidente at ang pakikipanayam sa mga miyembro ng media noong Abril 24, 1990 ay nagsilbing hudyat sa kapansin-pansing pagbabago sa opisyal na saloobin sa mga Saksi ni Jehova. Sa kaniyang pakikipanayam sa mga miyembro ng media na kinabibilangan ng mga peryodista mula sa loob at labas ng bansa, tiniyak ng presidente na itataguyod ng pamahalaan ang lahat ng saligang kalayaan, lakip na ang kalayaan sa pamamahayag at kalayaan sa relihiyon. Nagbukas ito ng daan para sa mga kapatid na mangaral at magpulong nang hayagan. Pinalaya naman ang mga nakabilanggo.
Natatandaan mo ba ang isang brodkaster sa radyo na buong-katiyakang nag-anunsiyo noong 1986 na hindi na raw kailanman maririnig ang mga Saksi ni Jehova sa Congo? Mali ang kaniyang hula. Nang magsimula ang pagbabawal noong 1986, may 34,207 mamamahayag sa Congo. Sa pagtatapos ng 1990 taon ng paglilingkod, mayroon nang 50,677 mamamahayag sa Congo, at 156,590 indibiduwal ang dumalo sa Memoryal. Ang mga butil sa aming supot ng mais sa Aprika ay dumami sa kabila ng pagsalansang, paninirang-puri, pag-uusig, at galit ng mga lider ng relihiyon at pulitika. Noong 1997, nang ibagsak ang rehimen ni Presidente Mobutu, ang brodkaster na iyon ang kinailangang tumakas sa bansa, hindi ang mga Saksi ni Jehova.
Malaya Nang Muli
Ang atas ng pangulo noong 1986 ang nagbawal sa lahat ng gawain ng mga Saksi ni Jehova at bumuwag sa kanilang legal na korporasyon sa bansa. Subalit noong Enero 8, 1993, iginawad ng Korte Suprema ng Katarungan ng Zaire (Congo) ang isang desisyon sa kasong Jehovah’s Witnesses v. the Republic of Zaire. Ipinasiya
ng korte na ang atas ng pangulo ay di-makatarungan kung kaya pinawalang-bisa ito. Gayon na lamang ang tuwa ng mga kapatid!Lumikha ng kontrobersiya ang desisyong iyon ng Korte Suprema sapagkat isinalig ito ng korte sa isang bago at pansamantalang konstitusyon, na hindi katanggap-tanggap sa presidente at sa kaniyang mga tagasuporta. Itinuring naman ng iba ang desisyon bilang pagtatatag ng hurisprudensiya (pagtatakda ng pamantayan para sa panghinaharap na mga desisyon ng korte). Naipit ang mga Saksi sa gitna ng pagtatalo, subalit nakapagbigay naman ito ng isang napakalaking patotoo sa kaluwalhatian ng pangalan ni Jehova! Maraming artikulo sa pahayagan ang nagkomento sa makasaysayang kasong ito. Pagkatapos ay ipinabatid ng Kagawaran ng Katarungan sa mga gobernador ng iba’t ibang lalawigan na ang mga Saksi ni Jehova ay may opisyal nang awtorisasyon na muling magpatuloy sa kanilang relihiyosong gawain. Kaylaking tagumpay nito para sa bayan ni Jehova at sa tunay na pagsamba!
Ang mga Problema sa Paghahatid ng Kargamento sa Loob ng Congo
Ang Congo ay isang napakalawak na bansa. Gayunman, maliban sa isang maliit na baybayin sa Bas-Congo, ang bansa ay napalilibutan ng lupa. Karamihan sa malalaking kargamento ay dumadaong sa piyer ng Matadi. May isang riles at isang kongkretong daan sa pagitan ng Matadi at ng kabisera, na may layong mga 300 kilometro.
Ang mga sangay sa Europa ay nagpadala sa sangay sa Congo ng ilang four-wheel-drive na trak, na nagagamit na mabuti sa paghahatid ng kargamento at sa konstruksiyon. Mula 1999, may bodega na ang Bethel sa Matadi. Napakalaking tulong nito dahil naibababa ang mga literatura mula mismo sa mga barko at iniimbak muna sa bodega hanggang sa dumating ang trak mula sa sangay upang dalhin naman ito sa Kinshasa.
Noong dekada ng 1980, posible pa ring magbiyahe mismo sa bansa mula Kinshasa hanggang Lubumbashi, na tumitigil sa mga bodega sa tahanan ng mga misyonero sa Kananga at Mbuji-Mayi. Bagaman mga dalawang oras lamang ang biyahe mula Kinshasa hanggang Lubumbashi sakay ng eroplano, tumatagal nang dalawang linggo ang biyaheng ito sa trak na punô ng kargamento! Subalit sa paglipas ng mga taon, nasira ang mga kalye hanggang sa
hindi na ito madaanan. Bagaman may libu-libong kilometro ng ilog na mapaglalayagan, ang mga bangkang nagbibiyahe patungo sa interyor ng bansa mula Kinshasa ay hindi maaasahan. Bukod sa mga problemang ito, magulo pa rin sa ilang lugar dahil sa pulitika, anupat lalo pang naging limitado ang nararating ng mga sasakyan mula sa Bethel patungo sa iba’t ibang bahagi ng Kinshasa. Ang pinakamabuting paraan ng paghahatid ng mga literatura mula sa sangay patungo sa malalayong lugar ay sa pamamagitan ng eroplano.Nakipagtulungan ang ibang mga sangay upang masuplayan ng mga literatura ang mga kapatid. Upang maihatid ang mga publikasyon, ang trak mula sa sangay sa Cameroon ay dumaraan sa Republika ng Sentral Aprika papasok sa hilaga ng Congo. Ang mga sangay naman sa Rwanda at Kenya ang naghahatid sa silangang bahagi ng bansa. Ang mga kongregasyon sa ilang lugar sa timog ay tumatanggap ng kanilang literatura mula sa Timog Aprika at Zambia.
Ministerial Training School—Isang Pagpapala Para sa Teritoryo
Noong 1995, inorganisa ang kauna-unahang klase ng Ministerial Training School sa Kinshasa. Pagsapit ng Abril 2003, mahigit nang 400 kapatid na lalaki ang tumanggap ng pagsasanay sa 16 na klase. Lima sa mga estudyante ang naging tagapangasiwa ng distrito, at mahigit sa 60 ang naglilingkod sa pansirkitong gawain. Limampung iba pa ang inatasan naman bilang mga special pioneer. Ang mga kapatid na ito ay tunay na malaking tulong sa pagpapasigla sa gawaing pangangaral.
Hindi madali para sa ilan na dumalo sa paaralang ito. Nang matanggap ni Georges Mutombo ang liham ng paanyaya na mag-aral, siya’y nakatira noon sa isang lugar ng bansa na kontrolado ng puwersang laban sa pamahalaan. Kailangan muna niyang mamisikleta nang 400 kilometro hanggang Kamina bago makasakay ng eroplano patungong Kinshasa, na pagdarausan ng klase. Kasali sa kaniyang paglalakbay ang pagtitiis ng tatlong araw sa ulan at pagdaan sa 16 na checkpoint ng militar. Dumaan din siya sa teritoryong laganap ang krimen. May pagkakataong hinabol siya ng isang
grupo ng mga bandidong nakabisikleta rin. Natapos lamang ang habulan nang pumutok ang goma ng nauunang bisikleta ng tumutugis na grupo. Malamang na nakilala ng mga bandido si Georges bilang isang Saksi dahil sa kaniyang hitsura. Sumigaw silang hindi na nila siya hahabulin, yamang nakikita nilang ang kaniyang Diyos na si Jehova ay sumasakaniya.Mga Pasilidad Para sa Teokratikong Pagsulong
Sapol noong 1965, ang sangay ay nasa 764 Avenue des Elephants, Limete, Kinshasa. Noong 1991, nakabili ng isang lote sa industriyal na bahagi ng lunsod. Ang tatlong malalaking gusali sa loteng ito ay dating inookupahan ng isang kompanya ng tela
at nang maglaon ay ginamit naman bilang mga talyer. Inayos ng mga kapatid ang mga gusali upang maging sentralisado ang mga gawain sa sangay. Bagaman naabala ang proyekto dahil sa magulo at mabuway na pulitika, pinasimulang gawin ang mga bagong pasilidad ng sangay noong 1993 pagkarating ng mga internasyonal na lingkod. Noong Abril 1996, ang mga tauhan ng sangay ay lumipat mula sa Avenue des Elephants tungo sa mga bagong pasilidad. Pagkalipat, isang Bethel elder ang nagsabi: “Nang makita naming nagkasama-samang muli ang pamilya, nagunita namin ang nakalipas na sampung taon nang ipagbawal ang aming gawain. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa Diyos na Jehova at sa kaniyang nakikitang organisasyon dahil sa tulad-hiyas na mga gusaling ito.” Noong Oktubre 1996, ang bilang ng mga mamamahayag ay umabot sa isang bagong peak na 100,000. Tuwang-tuwa ang mga kapatid sa inaasahan pang mga pagsulong.Nagdatingan ang mga Misyonero Para Tumulong
Noong mga dekada ng 1990, maaari na muling magpapasok ng mga misyonero sa bansa upang samahan ang pitong misyonero na nakapanatili roon noong mga taon ng pagbabawal. Noong Hulyo 1995, muling inatasan ang mag-asawang Sébastien at Gisela Johnson mula sa Senegal tungo sa Congo. Sumunod ang iba pang mga misyonero. Ang ilan ay nagmula sa Estados Unidos pagkatapos mag-aral sa Gilead, samantalang ang iba naman ay dumating mula sa Belgium, Britanya, at Pransiya. Noong Marso 1998, dumating ang mag-asawang Christian at Juliette Belotti mula sa French Guiana. Noong Enero 1999, muling inatasan ang mag-asawang Peter at Anna-Lise Wilhjelm, mula sa Senegal. Nang maglaon, karagdagan pang mga misyonero ang dumating sa Congo mula sa Cameroon, Mali, at Senegal.
Noong Disyembre 1999, isang bagong tahanan ng mga misyonero ang binuksan sa isang residensiyal na lugar sa Kinshasa. Labindalawang misyonero ang nakatira sa tahanang ito. Sa Lubumbashi, hindi nabalam ang gawain sa isang tahanan ng mga misyonero mula pa noong 1965. Nagbukas pa roon ng ikalawang tahanan noong 2003. Sa kasalukuyan, apat na mag-asawa ang naglilingkod sa tahanang iyon. Itinayo ang isang bagong tahanan ng mga misyonero noong Mayo 2002 sa Goma, sa gawing silangan ng bansa, at apat na misyonero ang inatasan doon. Ang mga misyonero ay patuloy na naging pagpapala sa malawak at mabungang teritoryong ito.
Kristiyanong Neutralidad sa Panahon ng Digmaan
Karamihan sa mga misyonerong ito ay dumating noong panahon ng marahas na pagbabago sa loob ng bansa. Noong Oktubre 1996, sumiklab ang digmaan sa silangang bahagi ng bansa at mabilis na lumaganap sa iba pang mga lugar. Ang adhikain ng digmaang ito ay upang ibagsak si Presidente Mobutu. Noong Mayo 17, 1997, pumasok sa Kinshasa ang puwersa ni Laurent-Désiré Kabila, at siya ang naging presidente.
Habang pinanonood sa TV ng mga tao sa buong daigdig ang nakapangingilabot na mga larawan ng kawawang mga lumikas na sinasalot ng gutom at karamdaman, patuloy naman ang bayan ni Jehova sa paghahayag ng mensahe sa Bibliya tungkol sa pag-asa at kaaliwan. Nakalulungkot sabihin, libu-libo ang namatay sa panahon ng digmaan, pati na ang mga 50 Saksi. Kasunod ng digmaan, marami ang namatay sa kolera at iba pang mga sakit.
Dahil sa digmaan, karamihan sa mga tao ay nawalan ng mga identity card. Naging problema ito sa mga kapatid na naglalakbay upang mangaral. Maraming checkpoint ng militar sa mga daan. Ang mga mamamahayag sa isang kongregasyon ay walang mga identity card, kaya iminungkahi ng isang elder na ipakita ng mga kapatid ang kanilang mga Advance Medical Directive/Release card, at iyon nga ang ginawa nila. Sa isang checkpoint, sinabi sa kanila ng mga sundalo: “Hindi iyan ang gusto namin. Gusto naming
makita ang pambansang identity card ng bawat mamamayan!”Sumagot ang mga kapatid: “Ito ang kard na nagpapakilala sa amin bilang mga Saksi ni Jehova.” Pinaraan sila ng mga sundalo.
Sa Kisangani, ibinilanggo ng mga mersenaryong nakikipaglaban para sa pamahalaan ang apat na binatang kapatid. Pinagbintangan ang mga kapatid na nagbibigay raw ng impormasyon sa kaaway. Tuwing umaga, pumipili ang mga mersenaryo ng sampung bihag, isinasakay patungong kagubatan, at pinapatay. Isang umaga, pinili nila ang dalawa sa mga kapatid kasama ang walo pang bihag. Nagbiyahe na sila. Habang naglalakbay, tumigil ang trak dahil sa isang bangkay na nasa daan. Inutusan ng mga mersenaryo ang dalawang kapatid na ilibing ito. Pagkatapos mailibing, hinintay ng mga kapatid ang pagbabalik ng trak, na nagpatuloy sa paglalakbay nang hindi sila kasama. Bagaman may pagkakataon silang tumakas, hindi nila ginawa ito dahil ayaw nilang isapanganib ang buhay ng dalawa nilang kasama, na nasa bilangguan pa. Nagbalik ang sasakyan at wala na ang walong bihag, na pinagbabaril na. Sa bilangguan, nagulat ang lahat nang makitang nakabalik nang buháy ang dalawang kapatid. Di-nagtagal pagkatapos nito, nabuksan ang pinto ng bilangguan dahil sa isang pagsabog nang sakupin ng puwersa
ng oposisyon ang bayan. Tumakas ang mga mersenaryo, at nakalaya ang mga kapatid.Tumulong ang mga Sangay sa Europa sa Mahihirap na Panahon
Ang kalakhang bahagi ng Congo ay dumaranas na ng digmaan mula pa noong 1996, at napakaraming tao ang napaalis sa kanilang lugar. Libu-libong kapatid mula sa Congo ang tumakas patungo sa Tanzania at Zambia sa mga kampo ng mga lumikas. Yamang kontrolado na ng puwersa ng mga rebelde ang kalakhang bahagi ng Congo, naging mas mahirap para sa tanggapang pansangay na patuloy na makipag-ugnayan at pangalagaan ang mga kapatid na naroroon sa nasasakop na mga teritoryo. Nagtalaga sa mga pangunahing lunsod ng mga komite sa pagtulong upang mamahagi ng materyal na mga tulong. Nagpakita ang pamilyang Bethel ng kusang-loob at mapagsakripisyong espiritu sa pamamagitan ng pagtatrabaho hanggang sa kalaliman ng gabi upang tumulong sa pamamahagi
ng mga suplay. Nagpadala ang mga Saksi ni Jehova sa Belgium, Pransiya, at Switzerland ng tone-toneladang pagkain, damit, at gamot kasama na ang 18,500 pares ng sapatos at 1,000 kumot na isinakay sa eroplano. Patuloy ang pagtulong. Naiibsan ang labis na pagdurusa. Natutulungan ang mga Saksi ni Jehova at ang iba pa.Noong Oktubre 1998, isang artikulo ang inilathala sa isang pahayagan sa Kinshasa. Ang sabi nito: “Nagtulung-tulong ang mga Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang bansa sa Europa upang makatipon ng 400 toneladang tulong para sa Congo-Kinshasa at Congo-Brazzaville. Sa pakikipagtulungan ng mga boluntaryo mula sa Inglatera, Pransiya, at Switzerland, 37 toneladang bigas, gatas na pulbos, mga bean, at mabitaminang mga biskuwit ang naipadala na sa Kinshasa, mula sa Ostend, Belgium, sakay ng eroplano at darating sa pambansang punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Kinshasa. Isa pang eroplano . . . ang darating . . . sakay ang 38 toneladang pagkain.
“Kapansin-pansin ang ginawang pagsaklolo ng mga Saksi ni Jehova sa mga lumikas sa Silangang Aprika mula pa noong magkaroon ng paglipol ng lahi sa Rwanda. . . . Ipinahayag ng tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova na ang boluntaryong donasyong ito na mga pagkain at gamot na umaabot sa mahigit na 200 tonelada, ay nakatulong upang masugpo ang epidemya ng kolera. Nang panahong iyon, ang mga Saksi ni Jehova mula sa Pransiya at Belgium ay bumuo ng ilang pangkat upang tulungan ang mga lumikas na nasa mga kampo. Binanggit din niya ang mga suplay na ibinigay ng mga Saksi ni Jehova para sa mga dukha sa Silangang Europa at Bosnia.”
Hindi Nahadlangan ng Digmaan ang Espirituwal na Pagsulong
Noong Setyembre 1998, sinalakay ng mga rebelde ang Ndjili na karatig-pook ng Kinshasa. Sa gitna ng kaguluhan, isang grupo Isaias 28:16. Ang sabi ng talatang iyon: “Walang sinumang nananampalataya ang matatakot.” Pinatibay niya ang lahat na manatiling panatag at manalig kay Jehova para sa patnubay.
ng mga kapatid ang nanganlong sa isang bahay na tinitigilan ng tagapangasiwa ng sirkito. Nanalangin ang tagapangasiwa ng sirkito para sa grupong ito at saka binasa sa kanila angNagmungkahi ang ilan na tumawid sa tulay upang makalabas sa Ndjili, samantalang ang iba naman ay nagmungkahi na dumaan sa may riles ng tren. Nang dakong huli, ipinasiya ng mga kapatid na manatili na lamang sa kinaroroonan nila. Pagkalipas ng tatlong araw, muling nakontrol ng tropa ng pamahalaan ang lugar na iyon. Napag-alaman ng mga kapatid na kung dumaan sila sa alinmang ruta na iminungkahi nila, naipit sana sila sa labanan.
Isang kapatid na lalaki mula sa Kongregasyon ng Museka Kipuzi sa Katanga ang nagtitinda noon ng isda sa ilang sundalo. Pagkatapos mag-usap, pinaratangan siya ng isang sundalo na isa siyang espiya ng kalabang partido. Siya’y itinali, walang-awang binugbog, at saka dinala sa punong-tanggapan ng militar sa rehiyong iyon. Gabi noon nang dumating siya. Inutusan ng mga sundalo ang kapatid na sumayaw para sa kanila. Sumagot ang kapatid: “Paano po ninyo mapapanood ang sayaw ko e, madilim naman?”
“Sige, kumanta ka na lang,” ang sabi nila. Buong-pusong inawit ng kapatid ang “Ibigay ang Iyong Pasanin kay Jehova.” Dahil naantig sa mga salita, hiniling ng mga sundalo na ulitin niya ang awit. Inawit niya itong muli. Humiling ang isa sa mga sundalo na umawit ng iba pang awitin. Sa pagkakataong ito ay inawit niya ang “Nagpapasalamat Kami sa Iyo, Jehova,” sa Kiluba, ang kaniyang sariling wika. Pagkaawit, kinalagan siya ng mga bumihag sa kaniya. Kinabukasan, ibinalik siya ng mga sundalo sa bayan at nagtanong-tanong sa mga kapitbahay ng kapatid upang tiyakin na hindi nga siya espiya. Bago umalis, sinabi sa kaniya ng mga sundalo: “Papatayin ka na sana namin, pero hindi na namin itutuloy. Iniligtas ng iyong relihiyon ang buhay mo! Hangang-hanga kami sa mga
salita ng dalawang inawit mo. Huwag kang titigil sa paglilingkod sa iyong Diyos!”Nagdulot ng Kapurihan kay Jehova ang Pagtatayo ng Kingdom Hall
Nitong nakalipas na mga taon, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay gumawa ng pantanging pagsisikap upang makatulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. Tuwang-tuwa ang mga kapatid sa Congo sa paglalaang ito, yamang kailangang-kailangan talaga ang mga Kingdom Hall. Halimbawa sa Kinshasa, may 298 kongregasyon subalit ni wala pang 20 ang angkop na mga bulwagan. Daan-daang bulwagan ang kailangan sa iba’t ibang panig ng bansa. Noong Abril 1999, pinasimulan ang programa ng pagtatayo ng Kingdom Hall sa Kinshasa. Nang maglaon, umabot ito sa iba pang mga lalawigan sa Congo. Sa pagsisimula ng 2003, mga 175 Kingdom Hall ang natapos na sa dalawang Congo.
Hangang-hanga ang isang lalaking pamilyar na sa katotohanan mula pa noong dekada ng 1950 nang maobserbahan niya ang pagtatayo ng isang Kingdom Hall sa tapat ng kaniyang bahay. Ang sabi niya: “Wala akong kainte-interes noon sa mga Saksi. Nakikita ko na ngayon ang mga bunga ng kanilang pagsisikap. Nakapagtayo na sila ng isang Kingdom Hall sa tabi ng bahay ng aking kapatid, at ngayon ay sa tapat naman ng aking bahay. Mukhang sinusundan yata ako ng mga Saksi saanman ako pumunta!” Tinanggap ng lalaking ito ang mga paanyaya sa kaniya para dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo at sa pag-aalay ng bagong Kingdom Hall na ito. Regular na siya ngayong dumadalo sa mga pulong.
Tatlong kongregasyon sa Matete ang nagdaraos ng kanilang mga pulong sa isang sira-sirang gusali, na binili nila noong 1994. Wala namang pera ang mga kapatid para kumpunihin ang gusali, kaya nanatili ito sa gayong kondisyon sa loob ng anim na taon. Naroon naman sa kabilang kalye mula sa ari-ariang ito ang isang malaking
simbahan. Nang itayo ang simbahan, sinabi ng pastor na hindi magtatagal dito ang mga Saksi ni Jehova. Tinuya ng mga kapitbahay ang mga kapatid dahil wala silang magandang dakong pulungan. Kahit noong gumagawa na ang kongregasyon ng mga bloke ng semento bilang paghahanda sa pagtatayo ng isang bagong Kingdom Hall, patuloy pa ring nanunuya ang ilang kapitbahay. Gulat na gulat sila nang matapos ito! Naging usap-usapan ngayon na ang mga Saksi ni Jehova ang may pinakamagandang gusali sa lugar na iyon. Isang kapitbahay na hindi kailanman nakikipag-usap sa mga Saksi ang humanga sa nagawa ng mga kapatid. Pumunta siya sa lugar ng konstruksiyon at nangakong makikinig na siya sa mga Saksi sa susunod nilang pagdalaw.Sa isa sa mga lugar ng konstruksiyon, lumapit ang isang babae sa isang sister na nagluluto ng pagkain para sa mga trabahador. Itinanong ng babae: “Simbahan ba ang itinatayo ninyo?”
“Kingdom Hall po namin ang aming itinatayo,” ang sagot ng sister.
Ang sabi ng babae: “Ang gusaling ito ay magiging kagaya ninyo. Palagi kayong maayos at malinis. Magiging kagaya ninyo ang inyong simbahan!”
Pagbabago sa Pangangasiwa sa Sangay
Upang mapangalagaan ang pangangailangan ng teritoryo, kinailangang organisahing muli ang lokal na Komite sa Sangay. Noong Mayo 1996, gumawa ng mga pagbabago ang Lupong Tagapamahala. Noong Mayo 20, 1996, hinirang si Sébastien Johnson bilang tagapag-ugnay ng Komite sa Sangay. Siya at si Peter Ludwig, na idinagdag sa komite dalawang buwan bago nito, ang bumuo ng Komite sa Sangay na binawasan ang miyembro na siyang nangasiwa sa gawain. Nang sumunod na mga taon, may iba pang inatasan: Sina David Nawej, Christian Belotti, Benjamin Bandiwila, Peter Wilhjelm, Robert Elongo, Delphin Kavusa, at Uno Nilsson. Dahil sa kalusugan, ang mag-asawang Peter at Petra Ludwig ay napilitang umuwi sa Alemanya, kung saan naglilingkod sila ngayon sa tanggapang pansangay.
Ang mga kapatid na kabilang sa Komite sa Sangay ay puspusang nagsisikap upang maibahagi ang teokratikong patnubay sa buong teritoryo. Karagdagan pa, ang mga lingkod ni Jehova mula sa
Hilagang Amerika, Europa, at Hapon ay inatasan sa Congo upang maglingkod bilang mga internasyonal na lingkod, Bethelite na naglilingkod sa ibang bansa, at mga misyonero. Noong 2003 taon ng paglilingkod, dumami ang pamilyang Bethel sa Kinshasa hanggang sa mahigit na 250 miyembro. Ang katamtamang edad ay 34 na taon.Napakarami Pa Ring Gawain
Isang propeta noong unang panahon ang sumulat: “Pagpalain ang matipunong lalaki na naglalagak ng kaniyang tiwala kay Jehova, at ang kaniyang pag-asa ay si Jehova.” (Jer. 17:7) Sa kabila ng nagaganap na digmaan sa ilang lugar sa Congo, patuloy ang mga kapatid sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian sa iba. Bagaman nahahadlangan ng digmaang sibil ang pagsisikap ng tanggapang pansangay na makapaglaan ng espirituwal na tulong sa iba’t ibang panig ng bansa, nakapagpapatibay na makita ang bilang ng mga mamamahayag na umabot sa isang bagong pinakamataas na bilang kailanman na 122,857.
Sa ulat na ito, isinalaysay namin ang mga karanasan tungkol sa tapat na mga lingkod sa Congo. Hindi kayang banggitin ang pangalan ng lahat ng maraming kapatid na tumulong sa pagtatanggol at legal na pagtatatag ng mabuting balita sa Congo. Subalit makatitiyak ang lahat sa pagpapahalaga ni Jehova. Sumulat si apostol Pablo sa kapuwa niya mga Kristiyano: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”—Heb. 6:10.
Napakarami pang dapat gawin. May mga bago pang teritoryong dapat buksan. Mga Kingdom Hall na dapat itayo. Mga pasilidad ng sangay na dapat palawakin. Gayunman, kung babalikan ang mahigit na 50 taon ng teokratikong gawain sa Congo, sumasang-ayon kami sa sinabi ng kapatid noong 1952: ‘Para kaming mga butil sa isang supot ng mais sa Aprika. Saanman kami ilaglag, nang isa-isa, sa dakong huli ay dumarating ang ulan, at kami’y dumarami.’ Sabik kaming naghihintay na makita kung hanggang saan patutubuin ng ating makalangit na Ama, si Jehova, ang binhi ng Kaharian.—1 Cor. 3:6.
[Mga talababa]
a Nang dakong huli, isang desisyon mula sa Korte Suprema ang nag-utos na isauli sa mga kapatid ang karapatan sa kinumpiskang ari-arian kung saan sinimulang itayo ang Bethel noon pa mang unang mga taon ng dekada 1980. Nang maglaon ay inokupahan naman ito ng mga sundalo. Gayunman, nang sa wakas ay mag-alisan na ang mga sundalo noong taóng 2000, hinati-hati ng lokal na mga opisyal ang buong ari-arian sa maliliit na lote at ilegal na ipinagbili ang mga ito sa mga iskuwater. Daan-daang iskuwater ang umookupa ngayon sa lugar na iyon. Hindi pa rin nalulutas ang problemang ito.
b Tingnan Ang Bantayan ng Marso 1, 1985, pahina 3-10.
c Sa nakalipas na mga taon, ang lupaing ito ay tinawag na Congo Free State, Belgian Congo, Congo, Zaire, at mula noong 1997, Demokratikong Republika ng Congo. Bagaman di-opisyal, tinatawag itong Congo (Kinshasa) upang mapaiba sa karatig nitong Congo (Brazzaville). Sa buong ulat na ito, gagamitin natin ang pangalang Congo.
[Blurb sa pahina 229]
“Hindi na natin ngayon maririnig kailanman ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa [Congo]”
[Blurb sa pahina 249]
“Papatayin ka na sana namin, pero hindi na namin itutuloy. Iniligtas ng iyong relihiyon ang buhay mo!”
[Kahon sa pahina 168]
Maikling Impormasyon Tungkol sa Congo (Kinshasa)
Ang lupain: Palibhasa’y saklaw ang magkabilang panig ng ekwador, ang Demokratikong Republika ng Congo ay mahigit na anim na ulit na mas malaki kaysa sa karatig na Congo (Brazzaville). Ang kalakhang bahagi ng hilagang Congo ay nababalot ng tropikal na maulang gubat, na napakasukal anupat hindi na makatagos ang sinag ng araw sa sahig nito. Sa silangang bahagi ng bansa, may mga bundok at aktibong mga bulkan. Saklaw ng Kanlurang Congo ang 37 kilometrong baybayin sa Karagatang Atlantiko.
Ang mga mamamayan: Ang 55 milyong mamamayan ng Congo ay kumakatawan sa mahigit na 200 etnikong grupo sa Aprika. Sa populasyong ito, 50 porsiyento ang nagsasabing sila’y Katoliko; 20 porsiyento, Protestante; 10 porsiyento, Kimbanguist; at 10 porsiyento, Muslim.
Ang wika: Maraming wika ang ginagamit. Bagaman Pranses ang opisyal na wika, ang pangunahing mga wikang Aprikano ay Lingala, Kingwana, Swahili, Kongo, at Tshiluba.
Ang kabuhayan: Napakaraming likas na yaman ang Congo—petrolyo, diamante, ginto, pilak, uranyum—subalit dahil sa kamakailang paglalabanan sa bansa, lubhang nabawasan ang pagluluwas sa ibang bansa at lumaki ang pagkakautang sa labas ng bansa. Ang mga pamilya sa lalawigan ay nagtatanim ng kanilang sariling pagkain, kasali na ang balinghoy, mais, at palay.
Ang buhay-iláng: Napakaraming maiilap na hayop. Nagkalat ang mga baboon, gorilya, at mga unggoy sa magugubat na lugar. Sa mas malalawak na kalupaan, naninirahan naman ang mga antilope, leopardo, leon, rinoseros, at mga sebra. Ang mga ilog ay tirahan ng mga buwaya at hipopotamus.
[Kahon/Larawan sa pahina 173, 174]
Hinanap Niya ang Katotohanan at Natagpuan Ito
Si Henry Kanama ay miyembro ng Evangelical Church sa Luena subalit napagtanto niyang wala sa relihiyong ito ang katotohanan. Madalas siyang pumupunta sa kabundukan upang manalangin at magbulay-bulay. Nakilala niya roon ang isang grupo na nag-aangking nakakausap nila ang mga di-nakikitang espiritu. Sinabi ng mga miyembro ng grupong ito kay Henry na sa palagay nila’y napakalayo ng Diyos, bagaman hindi nila alam kung nasaan ito.
Sinimulan ni Henry ang paghahanap sa tunay na Diyos. Nang maglaon, nakilala niya ang isang lalaking nagbigay sa kaniya ng isang kopya ng magasing Gumising! sa wikang Pranses. Narinig agad ni Henry ang taginting ng katotohanan sa Bibliya. Ito ang matagal na niyang hinahanap! Lumiham siya sa mga Saksi ni Jehova sa adres na nakita niya sa loob ng magasin, at di-nagtagal, nakikipag-aral na siya ng Bibliya sa pamamagitan ng sulat. Nang dakong huli, ang mag-asawang Henry at Elisabeth at ang ilang kakilala nila ay lumiham upang itanong kung paano sila mababautismuhan. Ang sumunod na liham na tinanggap nila ay nagsasabing makipag-ugnayan sila sa mga tanggapang pansangay sa karatig na mga bansa. Karamihan dito ay napakalalayo.
Ang maliit na grupo na kinabibilangan nina Henry at Elisabeth kasama ang mag-asawang Hyppolite at Julienne Banza ay nagpasiyang magtungo sa Hilagang Rhodesia. Batid nilang lahat na nangangahulugan ito na kailangan nilang matuto ng wikang Cibemba upang mapalalim pa ang kanilang kaalaman sa katotohanan. Kinuwenta nila ang gastusin at sila’y nagtungo roon. Pagkalipas ng anim na buwan doon, nabautismuhan sila noong 1956.
Nang taon ding iyon, nagbalik sila sa Congo at doon ay buong-sigasig nilang ibinahagi ang mabuting balita sa iba. Noong 1961, si Henry at ang ilan niyang kasamahan ay inaresto at ibinilanggo. Pinaratangan silang mga tagasunod ng Kitawala na pumatay sa isang lokal na pinuno na nagpakana sa pagpatay ng isa pang pinuno. Mangyari pa, hindi ito napatunayan, at sa gayon ay pinalaya sila.
Pagkaraan ay nagpayunir sina Henry at Elisabeth. Nang maglaon ay naging special pioneer sila at pagkatapos ay naglingkod sa pansirkitong gawain. Bagaman namatay si Henry noong 1991, si Elisabeth ay naglilingkod pa rin bilang regular pioneer. Ang isa sa kanilang anak, si Ilunga, ay naglilingkod sa gawaing pansirkito.
[Kahon/Larawan sa pahina 178]
Si Albert Luyinu—Isang Tapat na Saksi
Unang nabalitaan ni Albert ang katotohanan noong 1951 mula sa isang katrabaho, si Simon Mampouya, na taga-Congo (Brazzaville). Si Albert ang unang Congolese na naging dentista, at ang kaniyang mataas na katayuan sa lipunan ang nagpahirap sa kaniya na manindigan sa katotohanan. Silang mag-asawa ay nabautismuhan pagkatapos ng pagdiriwang ng Memoryal noong 1954. Ang bautismo ay ginanap sa gabi dahil bawal ang gawain noong panahong iyon.
Naglingkod si Albert mula 1958 hanggang 1996 bilang opisyal na kinatawan ng Association of Jehovah’s Witnesses, ang lokal na rehistradong korporasyon ng mga Saksi. Naaalaala pa niya nang kaniyang isalin ang pahayag sa kasal na ibinigay ni Brother Heuse sa harap ng 1,800 tagapakinig. Ipinaliwanag muna sa pahayag ang mga pananagutan ng Kristiyanong asawang babae. Naaalaala pa ni Albert na pakiramdam niya’y napakatangkad niya at napakaimportanteng tao habang nakatingin siya sa kaniyang asawa at sa iba pang mga kapatid na babaing naroroon. Subalit kaniya ring naalaala na nang marinig naman niya ang mga pananagutan ng mga Kristiyanong asawang lalaki, pakiramdam niya’y napakapandak niya at napakahamak. Sa pagtatapos ng pahayag, pakiramdam niya’y hanggang tuhod na lamang siya ng isang tao!
[Larawan]
Mag-asawang Albert at Emilie Luyinu
[Kahon/Larawan sa pahina 191-193]
Isang Panayam kay Pontien Mukanga
Isinilang: 1929
Nabautismuhan: 1955
Maikling Talambuhay: Naglingkod bilang unang tagapangasiwa ng sirkito sa Congo.
Noong 1955, pumunta ako sa ospital dahil sa sakit ng ngipin. Ginamot ako ni Albert Luyinu, isang dentista, at pagkatapos ay ipinakita niya sa akin ang Apocalipsis 21:3, 4, na bumabanggit tungkol sa isang panahon na doo’y mawawala na ang kirot. Iniwan ko ang aking adres, at kinagabihan ay dinalaw ako ni Albert. Mabilis ang aking pagsulong sa espirituwal at nabautismuhan ako nang taon ding iyon.
Inatasan ako bilang tagapangasiwa ng sirkito sa buong Congo noong 1960. Hindi madali ang gawaing pansirkito. Naglalakbay ako noon nang ilang araw, mga linggo pa nga, na nasa likod ng trak na punung-puno ng kargamento sa napakasamang daan at sa matinding sikat ng araw. Pinahihirapan ako ng mga lamok sa gabi. Kadalasan, nasisiraan ang trak, at napipilitan akong maghintay hanggang sa makumpuni ito. Mag-isa akong naglalakad sa mga daan na walang karatula at kung minsan ay naliligaw ako.
Minsan, dumalaw ako sa isang bayan sa hilagang bahagi ng Congo. Kasama ko si Leon Anzapa. Magkasama kaming namisikleta patungo sa kabilang bayan na mahigit 120 kilometro ang layo. Naligaw kami at napilitang magpalipas ng magdamag sa isang kulungan ng manok. Pinagkakagat kami
ng mga hanip na galing sa mga manok, kaya ang may-ari ng lugar na iyon ay gumawa ng isang maliit na sigâ sa gitna ng sahig, bagaman walang mga bintana.Nang gabing iyon, nag-away ang anak na lalaki ng may-ari at ang ibang taganayon. Di-nagtagal, nakipag-away na rin ang may-ari. Alam namin na kapag natalo siya, magkakaroon kami ng problema. Hindi kami nakatulog nang gabing iyon dahil sa mga hanip, usok, at awayan.
Bago magbukang-liwayway, palihim kaming namisikleta nang palayo, subalit pagkatapos ng ilang kilometro, naligaw na naman kami. Buong maghapon kaming namisikleta, na binabagtas ang isang landas na hindi na dinaraanan. Nang magdadapit-hapon na, dahil sa gutom at pagod, natumba si Leon sa kaniyang bisikleta. Tumama ang kaniyang mukha sa bato, anupat pumutok ang kaniyang nguso. Malakas ang pagdurugo, subalit nagpatuloy kami hanggang sa makarating sa isang nayon. Nang makita si Leon, gustong malaman ng mga taganayon kung sino ang nanakit sa kaniya. Ipinaliwanag namin na natumba siya sa kaniyang bisikleta. Hindi nila tinanggap ang paliwanag at ako ang pinagbintangang nanakit sa kaniya. Hindi na naman kami nakatulog nang gabing iyon; si Leon ay pinahihirapan ng kirot, at ang mga taganayon naman ay nag-uusap kung sasaktan ako bilang parusa. Kinaumagahan, nagpatuloy kami sa pamimisikleta hanggang sa wakas ay nakarating kami sa isang nayon na may makukuhang gamot. Binuhusan nila ng gamot na pula (Mercurochrome) ang labi ni Leon at nilagyan ng anim na pang-ipit ang malalim na hiwa upang tumikom ito. Naglakbay na naman kami nang 80 kilometro patungong Gemena at doon ay iniwan ko na si Leon para magamot sa isang maliit na ospital. Nagpatuloy ako upang makabalik sa aking asawa, at pagkatapos ay itinuloy namin ang mahirap na paglalakbay pababa sa ilog patungong Kinshasa.
Madalas na kasama ang asawa ni Pontien na si Marie sa mga paglalakbay na ito. Namatay siya noong 1963. Noong 1966, nag-asawang muli si Pontien at nagpatuloy sa pansirkitong gawain hanggang 1969. Nasa buong-panahong paglilingkod pa rin siya, bilang regular pioneer.
[Kahon/Larawan sa pahina 195, 196]
Isang Panayam kay François Danda
Isinilang: 1935
Nabautismuhan: 1959
Maikling Talambuhay: Isang naglalakbay na tagapangasiwa mula 1963 hanggang 1986. Naglingkod sa Congo Bethel mula 1986 hanggang 1996. Isang elder at special pioneer sa ngayon.
Noong 1974, dinadalaw ko ang isang kongregasyon sa Kenge, Probinsiya ng Bandundu, nang arestuhin kaming pito ng mga militante ng namumunong partido. Ang pangunahing paratang sa amin ay na ayaw raw naming makibahagi sa mga makapulitikang seremonya bilang pagpaparangal sa pinuno ng estado. Ikinulong nila kami sa isang selda na walang bintana at may sukat na dos metro por dos metro. Hindi kami makahiga o makaupo; nakasandal lamang kami sa isa’t isa. Pinalalabas nang dalawang beses lamang sa isang araw, 45 araw kami sa loob ng seldang iyon. Nang mabalitaan ng aking asawang si Henriette ang nangyari, nilakbay niya ang 290 kilometro mula Kinshasa upang dalawin ako. Subalit pinayagan siyang makadalaw sa akin nang minsan lamang sa isang linggo.
Isang araw, dumalaw sa bilangguan ang tagausig ng estado. Idinaos ang isang makapulitikang seremonya bilang parangal sa kaniya. Ang lahat maliban sa amin ay umawit ng mga awiting pampulitika at bumigkas ng mga islogan ng partido. Galit na galit ang tagausig at inutusan akong pagsabihan ang anim pang kapatid na umawit.
Sinabi kong wala akong awtoridad sa kanila at sila ang magpapasiya kung aawit sila o hindi. Bugbog ang iginanti sa akin.Pagkaraan, isinakay kami sa likod ng isang four-wheel-drive na sasakyan. Dalawang sundalo ang sumama para bantayan kami, at ang tagausig namang ito ay sumakay sa unahan sa tabi ng tsuper. Papunta kami sa lunsod ng Bandundu, ang kabisera ng lalawigan na may gayunding pangalan. Napakabilis ng sasakyan. Sinabihan ko ang mga kapatid na humawak na mabuti, at pagkatapos ay nanalangin ako. Nang mismong patapos na ang aking panalangin, masyadong matulis ang pagliko ng aming sasakyan sa isang kurbada at ito’y bumaligtad. Nakapagtataka na walang namatay o nasugatan man lamang sa amin. Damang-dama namin ang proteksiyon ni Jehova. Nang maitayo na namin ang sasakyan, inutusan ng tagausig ang dalawang sundalo na ibalik na kami sa bilangguan nang naglalakad. Nagpatuloy ang sasakyan patungo sa Bandundu.
Pagbalik namin sa bilangguan, ibinalita ng mga sundalo sa mga awtoridad doon ang nangyari at nakiusap sa kanila na palayain na kami. Manghang-mangha ang direktor ng bilangguan, anupat tulad namin, naniniwala siyang iningatan kami ng Diyos. Ginugol namin ang sumunod na ilang araw sa isang karaniwang selda at pinahintulutang makisalamuha sa ibang mga bilanggo sa looban. Pagkatapos ay pinalaya na kami.
Pagkatapos maglingkod nang 24 na taon sa pansirkitong gawain, sina François at Henriette ay inanyayahan sa Bethel. Pagkalipas ng sampung taon, lumipat sila sa pagiging special pioneer. Pumanaw si Henriette noong Agosto 16, 1998.
[Kahon/Larawan sa pahina 200-202]
Isang Panayam kay Michael Pottage
Isinilang: 1939
Nabautismuhan: 1956
Maikling Talambuhay: Ang mag-asawang Michael at Barbara ay naglingkod sa Congo sa loob ng 29 na taon. Ngayong nasa Bethel na sila sa Britanya, si Michael ay elder sa isang kongregasyon sa London na gumagamit ng wikang Lingala.
Ang pinakamalaking hamon sa amin ay ang matuto ng pakikipag-usap. Dapat muna kaming maging matatas sa wikang Pranses, ang opisyal na wika ng Congo. Pasimula pa lamang iyan. Sa Katanga, natuto kami ng Swahili; sa Kananga, kinailangan naming magpakadalubhasa sa Tshiluba; at nang maatasan kami sa Kinshasa, natuto naman kami ng Lingala.
Lahat ng ito ay naging lubhang kapaki-pakinabang. Una, naging malapít agad sa amin ang mga kapatid habang pinagsisikapan naming mabuti na makipag-usap sa kanila. Nakita nila ang aming pagsisikap na makapagsalita ng kanilang wika bilang katibayan ng aming tunay na pag-ibig at interes sa kanila. Ang ikalawang pakinabang ay na naging higit na makabuluhan ang ministeryo. Ang unang reaksiyon ng may-bahay kapag narinig kaming nagsasalita sa kaniyang wika ay kadalasan nang pagtataka na susundan ng pagkatuwa at pagkatapos ay paggalang, kasabay ng pagnanais na marinig ang aming sasabihin.
Kapag naglalakbay kami noon sa pandistritong gawain, ang kaalaman namin sa mga wika roon ang nakapagliligtas sa amin sa posibleng mapanganib na mga situwasyon. Ang mga barikada ng militar at partido pulitikal ay karaniwan
kapag may krisis at nagsisilbing isang kumbinyenteng lugar upang makapangikil ng salapi. Ang mga banyaga lalo na ang kanilang binibiktima yamang sa tingin nila’y maraming pera at madaling kikilan ang mga ito. Kapag hinarang kami sa isang barikada, binabati namin ang mga sundalo sa kanilang wika. Dahil dito, napapakislot sila. Pagkatapos ay magtatanong sila kung sino kami. Kapag naipagpapatuloy namin ang usapan pagkatapos ng pagbati at naipaliliwanag sa kanilang wika ang aming ginagawa, madalas na maganda ang kanilang pagtugon, humihingi sila ng mga publikasyon namin, at naghahangad para sa amin ng ligtas na paglalakbay na may pagpapala ng Diyos.Madalas na maantig ang aming damdamin dahil sa tunay na mapagsakripisyong pag-ibig na ipinakikita ng aming mga kapatid na Aprikano. Sa loob ng maraming taon, ang Congo ay naging isang pulitikal na estado na may isahang-partido na aktibo at kung minsan ay marahas na sumasalansang sa mga neutral, gaya ng mga Saksi ni Jehova. Sa ganitong kalagayan sa pulitika, nagbibiyahe kami sakay ng dyip sa pandistritong gawain, at naglilingkod sa mga kapatid sa mga asamblea.
Tandang-tanda ko pa ang isang asamblea. Noong panggabing sesyon ng huling araw, sumulpot sa likod ng plataporma ang lokal na pinuno ng partido pulitikal. Siya ay lasing at nagwawala, at nagpupumilit na payagan namin siya sa entablado para sabihin sa lahat na dapat silang bumili ng kard ng partido. Nang hindi kami pumayag, galit na galit siya at nagsisisigaw ng pang-iinsulto sa amin, na sinasabing laban daw sa pamahalaan ang mga Saksi ni Jehova at dapat mabilanggo. Pinakiusapan siya ng ilang kapatid na umalis na. Umalis naman siya, habang sumisigaw na isusumbong niya kami sa administrador at babalik siya upang sunugin ang aming dyip pati na ang aming tinitirhang bahay na yari sa damo. Alam namin na talagang gagawin niya ang kaniyang banta.
Tuwang-tuwa kami sa mga kapatid. Sa halip na magtakbuhan sa takot, pinalibutan nila kami at pinalakas ang aming loob na magtiwala kay Jehova at ipaubaya na lamang ang mga bagay-bagay sa kaniyang kamay. Pagkatapos ay naghalinhinan sila sa pagbabantay sa aming bahay na yari sa damo at sa dyip namin sa buong magdamag. Ito ay isang lubhang makabagbag-damdaming karanasan. Hindi lamang handa ang mga kapatid na ihandog ang kanilang sariling buhay upang ipagsanggalang kami kundi handa rin nilang harapin ang anumang kalupitan na maaaring mangyari pag-alis namin dahil sa pagtanggi nilang sumuporta sa partido pulitikal. Hindi namin malilimot kailanman ang pagpapamalas na ito ng mapagsakripisyong pag-ibig Kristiyano, pati na ang maraming nakapagpapatabang-pusong kapahayagan ng pagmamahal na nadama namin noong mga taon ng pananatili namin sa Congo.
[Kahon/Larawan sa pahina 211-213]
Isang Panayam kay Terence Latham
Isinilang: 1945
Nabautismuhan: 1964
Maikling Talambuhay: Gumugol ng 12 taon bilang isang misyonero. Natuto ng wikang Pranses, Lingala, at Swahili. Kasalukuyang naglilingkod sa Espanya kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak.
Taóng 1969 nang kami ni Raymond Knowles ay lumipad patungong Kisangani. Ang lunsod na ito noon ay may mga 230,000 naninirahan at siyang kabisera ng hilagang-silangang lalawigan ng Congo.
Malugod kaming tinanggap ng iilang mamamahayag at ng maraming interesadong tao sa lugar na iyon! Marami silang iniregalo sa amin—mga papaya, pinya, at saging, na may kasamang mga prutas sa tropiko na noon lamang namin nakita. May ilang nagdala ng buháy na mga manok at mga pagong. May-kabaitang pinatuloy kami ni Samuel Tshikaka sa kaniyang bahay. Ngunit di-nagtagal ay nakakita naman kami ng isang bunggalo na mauupahan. Noon dumating sina Nicholas at Mary Fone gayundin sina Paul at Marilyn Evans. Masayang-masaya kami! Sama-sama naming pinaganda at pinintahan ang kauna-unahang tahanan ng mga misyonero sa Kisangani. Natakpan na ito ng mga baging at matataas na damo at habang naglilinis, itinaboy namin ang dalawang musang mula sa atik. Pagkaraan, dumating naman sina Peter at Ann Barnes sa tahanang iyon ng mga misyonero, kasama si Ann Harkness, na siyang naging asawa ko.
Noong unang apat na taon ng aming pangangaral sa Kisangani, natuto kaming magsalita ng Lingala at Swahili at napalapit sa mapagpatuloy at palakaibigang mga tao roon. Napakarami naming pinagdarausan ng pag-aaral kung kaya kailangan naming gumawa nang napakaaga hanggang gabing-gabi na para mapangalagaan silang lahat. Sa loob ng maraming taon ng pananatili namin sa Kisangani, nakita namin ang grupo ng wala pang sampung mamamahayag na dumami hanggang maging walong kongregasyon.
Minsan habang nagbibiyahe sa kahabaan ng lansangan ng Ituri, isang grupo sa amin ang nakapansin sa isang nayon ng mga Pygmy. Sabik kaming mangaral sa mga tagaroon. Ayon sa ilang iskolar, itinuturing ng mga Pygmy ang kagubatan bilang kanilang ina o ama dahil ito ang pinagmumulan ng kanilang pagkain, damit, at tirahan. Kaya naman, minamalas ng mga Pygmy ang kagubatan bilang sagrado at naniniwalang maaari silang makipag-usap dito sa pamamagitan ng isang seremonyang tinatawag na molimo. Kabilang sa seremonyang ito ang pagsayaw at pag-awit sa palibot ng apoy. Ang pagsasayaw ay sinasaliwan ng trumpetang molimo, isang mahabang tubong kahoy, na hinihipan ng mga lalaki upang lumikha ng musika at huni ng mga hayop.
Napahanga kami sa napakagandang pananahanan ng mga lagalag na ito, na karaniwan nang paisa-isang buwan lamang kung mamalagi sa isang lugar. Ang kampo ay binubuo ng hugis bahay-pukyutang mga silungán na yari sa mga murang punungkahoy at mga dahon. Ang mga silungáng ito ay may iisang lagusan lamang at maitatayo sa loob ng dalawang oras o wala pa. Ang bawat isa ay may sapat na laki upang makapamaluktot sa loob ang ilang indibiduwal. May ilang bata na lumapit sa amin para salatin ang aming balat at buhok; ngayon lamang sila nakakita ng mga taong puti. Isang napakagandang pribilehiyo na makatagpo at mapangaralan ang palakaibigang mga taong ito ng kagubatan! Sinabi nila sa amin na may nakilala na rin silang mga Saksi na pumunta sa kanila galing sa mga nayong malapit sa kanilang pinagkakampuhan.
[Kahon/Larawan sa pahina 215, 216]
Isang Panayam kay David Nawej
Isinilang: 1955
Nabautismuhan: 1974
Maikling Talambuhay: Sa lahat ng tagaroong miyembro ng pamilyang Bethel sa Congo, siya ang pinakamatagal nang naglilingkod. Isa rin siyang miyembro ng Komite ng Sangay.
Noong 1976, nagulat ako na makatanggap ng isang liham ng paanyaya sa Bethel. Nakasalungguhit sa liham ang mga salitang “apurahan” at “agaran.” Nakatira ako sa Kolwezi, mga 2,450 kilometro mula sa Kinshasa. Hindi madaling iwan ang tahanan, subalit gusto kong tumugon na gaya ng ginawa ni Isaias: “Narito ako! Isugo mo ako.”—Isa. 6:8.
Pagdating ko sa Bethel, itinuro sa akin ng mga kapatid ang isang makinilya at nagtanong kung marunong akong magmakinilya. Sinabi ko na isa akong sastre at marunong akong gumamit ng makinang panahi pero hindi ng makinilya. Gayunman, nagsunog ako ng kilay at nag-aral ako ng pagmamakinilya. Nagtrabaho ako noon sa Translation Department at Service Department.
Nang maglaon ay inatasan ako sa Correspondence desk. Bahagi ng atas ko ang pagpoproseso ng mga kupon na ginupit ng mga tao mula sa mga publikasyon at ipinadala sa tanggapan. Kadalasan nang humihiling sila ng iba pang publikasyon. Madalas kong pag-isipan kung paano kaya tumutugon ang mga tao sa mga literaturang tinatanggap nila. Alam ko kung ano ang nangyari sa isang kaso. Dalawang binata ang mabilis na sumulong. Nang maglaon ay naging
mga payunir sila, at pagkatapos, mga special pioneer. Nang anyayahan sila sa Bethel, naging kakuwarto ko ang isa sa kanila.Kung minsan, may mga taong lumiliham sa Bethel upang humingi ng pera. Mayroon nang isang liham na mataktikang inihanda, na nagpapaliwanag na boluntaryo lamang ang ating gawain at humihimok sa indibiduwal na mag-aral ng Bibliya. Hindi pa natatagalan, isang brother ang nagsabi sa akin na nakilala niya ang katotohanan dahil sa gayong liham. Ipinakita niya ito sa akin. Maraming taon na ang nakalilipas, lumiham siya sa Bethel at humihingi ng pera. Maganda ang naging pagtugon niya sa pampatibay-loob na tinanggap niya at ngayo’y nasa katotohanan na siya.
Nang dakong huli, naging abala naman ako sa mga bagay na may kinalaman sa batas. Minsan ay tumulong ako sa ilang lokal na mga kapatid na idinemanda dahil sa hindi pagsusuot ng alpiler ng partido. Nilakasan ko ang aking loob at sinabi sa mga awtoridad: “Para saan po ba ang alpiler? Katatapos lamang ng digmaang sibil, at lahat ng kalaban ninyo ay may suot na alpiler. Walang kabuluhan ang alpiler; hindi ito garantiya sa talagang iniisip ng isang tao. Ang mahalaga ay ang kalooban ng isang tao. Ang mga Saksi ni Jehova ay mga mamamayan na hindi kailanman pagsisimulan ng digmaang sibil. Ang masunurin-sa-batas na saloobing ito ay mas mahalaga kaysa sa isang alpiler.” Pinalaya ang mga kapatid. Palagi kaming tinutulungan ni Jehova sa gayong mga pagkakataon.
Mahigit 27 taon na akong naglilingkod ngayon sa Bethel. Bagaman medyo mahina na ako sa pisikal at walang gaanong sekular na edukasyon, patuloy akong nagsisikap upang magamit pa ako ni Jehova. Mayroon pa ring apurahan at agarang pangangailangan sa Bethel!
[Kahon/Larawan sa pahina 219, 220]
Isang Panayam kay Godfrey Bint
Isinilang: 1945
Nabautismuhan: 1956
Maikling Talambuhay: Nagtapos sa ika-47 klase ng Gilead. Naglingkod siya sa Congo nang 17 taon. Kasalukuyang naglilingkod sa Komite ng Sangay sa Rwanda. Marunong siyang magsalita ng Ingles, Pranses, Lingala, Swahili, at Tshiluba.
Noong 1973, ako ay naglilingkod sa larangan kasama ang isang lokal na kapatid sa Kananga. Dumating ang mga awtoridad sa isang tahanan na kasalukuyan noong pinagdarausan namin ng pag-aaral sa Bibliya at kami’y inaresto. Dalawang linggo kami sa loob ng bilangguan. Sa panahong ito, ang aking kasamahang misyonero na si Mike Gates ang nagdadala sa amin ng pagkain, yamang wala nito sa mismong bilangguan. Pinalaya rin kami nang bandang huli. Pagkalipas ng tatlong buwan, noong araw ng pagsakay namin ni Mike sa eroplano upang dumalo sa isang internasyonal na kombensiyon sa Inglatera, nabalitaan namin na inarestong lahat ang mga kapatid sa isang karatig na kongregasyon. Gusto namin silang makita at madalhan ng pagkain. Hindi namin sukat akalain na noong hilingin naming makita ang mga kapatid, iniutos ng isang mahistrado na arestuhin din kami. Habang hinihintay namin ang bus na magdadala sa amin sa bilangguan, narinig namin ang paglipad ng aming eroplano. Maguguniguni mo ang pagkadurog ng aming puso sa tunog na iyon!
Pagdating namin sa bilangguan, nakita kong naroroon pa rin ang maraming bilanggo na nakasama ko tatlong buwan na ang nakalilipas. Dahil nakabilanggo na rin ang kasamahan ko na nagdadala noon ng pagkain sa akin, nagtanong ang mga bilanggo: “Sino na ngayon ang magdadala sa iyo ng pagkain?”
Sumagot kami na dadalhan kami ng pagkain ng aming mga kapatid, pero nag-ilingan ang mga bilanggo dahil hindi sila naniniwala. Alam nilang wala nang iba pang Europeong Saksi sa lugar na iyon. Gulat na gulat sila kinabukasan nang magdatingan ang aming mga kapatid na Congolese na may dalang napakaraming pagkain anupat nabigyan pa namin ang mga bilanggong iyon! Kayganda ngang patotoo ng aming internasyonal na kapatiran at ng pag-ibig na nagbubuklod sa amin. Sinuong ng mahal naming mga kapatid na iyon na nagdala ng pagkain sa amin ang panganib na mabilanggo rin dahil sa paggawa nito. Pagkalipas ng limang araw, pinalaya kami. Pagkatapos ay lumipad kami patungong Inglatera at dumating doon na tamang-tama para sa kombensiyon.
[Kahon/Larawan sa pahina 224-226]
Isang Panayam kay Nzey Katasi Pandi
Isinilang: 1945
Nabautismuhan: 1971
Maikling Talambuhay: Walang-takot na naglingkod sa mahihirap na teritoryo bilang isang dalaga at nang maglaon ay sumama siya sa kaniyang asawa sa gawaing paglalakbay mula 1988 hanggang 1996. Kasalukuyang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod sa Kinshasa.
Noong 1970, nagbabasa ako ng Bibliya nang may kumatok sa pinto ng aming tahanan sa Kinshasa. Iyon ay isang ama na kasama ang kaniyang maliit na anak na lalaki. Nagsimulang magsalita ang batang lalaki tungkol sa Bibliya at pinabuksan sa akin ang Bibliya ko sa Mateo 24:14. Akala ko pa naman ay napakarelihiyoso ko na, pero hindi ko man lamang makita ang teksto. Tinulungan niya ako, at nagpatuloy ang aming magandang pag-uusap.
Nakita ng ama na interesado ako at inanyayahan niya ako sa isang pulong nang sumunod na Linggo. Idinaraos ito noon sa likod ng bahay ng isang kapatid, yamang ipinagbabawal ang gawaing Pagpapatotoo. Nagustuhan ko ang pahayag at nanatili ako para sa Pag-aaral sa Bantayan. Nang gabi ring iyon, dumating ang mga kapatid sa aming tahanan at pinasimulan ang pakikipag-aral sa akin.
Nang maglaon, nabautismuhan ako at naglingkod nang buong panahon. Sa Ating Ministeryo sa Kaharian, nabasa ko ang tungkol sa malaking pangangailangan sa ibang bahagi ng bansa. Nagtanong ako kung puwede akong pumunta
sa Kenge, Probinsiya ng Bandundu. Pumayag ang mga kapatid, subalit pinaalalahanan ako na mayroon nang inaresto roon. Naisip ko, ‘Hindi naman nila kayang arestuhin ang lahat.’ Kaya nagpasiya akong pumunta.Gabi na nang dumating ako at natuwa ako nang malamang dalaw pala sa kongregasyon ng tagapangasiwa ng sirkito na si François Danda. Kinaumagahan, pumunta ako sa pagtitipon bago maglingkod sa larangan, ngunit laking gulat ko nang malamang inaresto si François at ang iba pang mga kapatid na lalaki. Gusto raw akong makausap ng pinuno ng seguridad. Ang sabi niya: “Alam naming isa kang Saksi ni Jehova. Puwede kang manirahan sa Kenge kung gusto mo, pero kapag nakita ka naming naglalakad na may dalang bag, aarestuhin ka namin.”
Nagalit ang taong-bayan sa pinuno ng seguridad at sa kaniyang mga tauhan. Alam nilang hindi nananakit ng sinuman ang mga Saksi ni Jehova. Sinabi ng mga tao na ang dapat harapin ng mga tauhan ng seguridad ay ang paglaban sa krimen—napakaraming kriminal sa paligid—hindi ang pag-aaksaya ng panahon sa mga Saksi ni Jehova. Nang bandang huli, pinalaya ang mga kapatid.
Nahirang akong maglingkod bilang isang special pioneer noong 1975 at dumalaw ako sa maraming bayan at mga nayon, na nananatili nang dalawa o tatlong linggo sa bawat lugar. Di-nagtagal, anim na grupo ng interesadong mga tao ang naitatag. Lumiham ako sa sangay at hiniling na magpadala ng mga kapatid na lalaki upang magpastol at mangalaga sa mga grupo.
Nakilala ko si Jean-Baptiste Pandi, na isa ring special pioneer. Naipakipag-usap ko na noon sa mga misyonero ang tungkol sa pag-aasawa at buong-panahong paglilingkod. Sinabi nila sa akin na kung gusto ko raw magtagal sa buong-panahong paglilingkod, mas makabubuti kung wala akong anak. Sumang-ayon si Jean-Baptiste, at kami’y nagpakasal. Naniniwala ang mga tao na kailangan ang mga anak na masasandigan kapag matanda na ang isa. Subalit iba na ang panahon ngayon, at marami na akong nakitang mga kaso kung saan bigung-bigo ang mga magulang. Kami ni Jean-Baptiste ay hindi pa nabigo sa anumang paraan.
Sa paglipas ng mga taon, nakita namin ang maraming taong pumapasok sa katotohanan. Partikular na maligaya ako tungkol sa aming pamilya. Natulungan ko hindi lamang sina Itay at Inay kundi pati ang aking apat na kapatid na lalaki at isang kapatid na babae na tanggapin ang katotohanan.
Ang sabi ng Awit 68:11: “Ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.” Nangangahulugan ito na tayong mga kapatid na babae ay may malaking pananagutan at dapat gumawa sa abot ng ating makakaya. Nagpapasalamat ako kay Jehova na pinahintulutan niya akong magkaroon ng bahagi.
[Kahon sa pahina 240]
Pagsasalin ng Espirituwal na Pagkain
Bagaman Pranses ang opisyal na wika sa Congo, Lingala ang pangunahing wika na ginagamit sa Kinshasa at sa kahabaan ng Ilog Congo. Bagaman hindi malawak ang bokabularyo ng Lingala, mayroon naman itong ilang napakamakahulugang pananalita. Halimbawa, ang salitang “magsisi” ay kobongola motema, na sa literal ay nangangahulugang “baligtarin ang puso.” Ang isa pang pananalita na may kinalaman sa puso at damdamin ay kokitisa motema, na literal na nangangahulugang “ibaba ang puso” o, sa ibang salita, “huminahon.”
Maraming dekada nang isinasalin Ang Bantayan sa wikang Lingala. Sa kasalukuyan, ang mga publikasyon ay isinasalin sa sumusunod na mga wikang ginagamit sa Congo: Kiluba, Kinande, Kipende, Kisonge, Kituba, Lingala, Lingombe, Lomongo, Mashi, Monokutuba, Ngbaka, Otetela, Swahili (Congo), Tshiluba, at Uruund.
[Kahon sa pahina 247]
Masigasig Bagaman May Kapansanan sa Pisikal
Ang 20-taóng-gulang na si Richard ay isang paralitiko at 15 taon nang nakaratay sa higaan. Ulo lamang niya ang kaniyang naigagalaw. Gayunman, noong Enero 1997, siya’y naging di-bautisadong mamamahayag. Palaging nangangaral si Richard sa mga dumadalaw sa kaniya sa kuwarto niya. Kapag siya’y nagsasalita, punô ng pananalig ang kaniyang tinig. Sa katamtaman, siya’y nangangaral nang sampung oras buwan-buwan. Noong Abril 12, 1998, binuhat siya sa kaniyang istretser upang bautismuhan sa isang batis na di-kalayuan sa kanilang bahay. Siya sa ngayon ay regular nang nakadadalo sa mga pulong. Itinuturo rin niya ang katotohanan sa isa sa kaniyang mga kamag-anak, na dumadalo na sa mga pulong Kristiyano at mahusay ang pagsulong. Bagaman mahina sa pisikal, ang kapatid na ito’y pinalakas ng espiritu ng Diyos.
[Kahon sa pahina 248]
“Hindi Taga-Sanlibutan”
Isang araw sa paaralan, nabigla ang 12-taóng-gulang na si Esther nang isa-isang patayuin ng guro ang bawat estudyante sa harap ng klase at paawitin ng pambansang awit. Nang siya na ang aawit, magalang na sinabi ni Esther sa kaniyang guro na hindi niya ito magagawa. Ikinuwento ni Esther ang sumunod na nangyari:
“Nagalit ang guro. Kaya itinanong ko kung puwedeng iba na lang ang awitin ko. Pumayag naman siya. Inawit ko ang ‘Hindi Taga-Sanlibutan.’ Pagkatapos ay sinabihan ng guro ang buong klase na pumalakpak, at pumalakpak naman sila.
“Pagkatapos ng klase, tinawag ako ng guro sa isang tabi at sinabing gustung-gusto niya ang awit, lalo na ang mga salita nito. Idinagdag pa niya: ‘Nakikita ko, na kayong mga Saksi ni Jehova ay talagang hiwalay sa sanlibutan. Nakikita rin ito sa iyong paggawi sa loob ng klase.’
“Hangang-hanga rin ang isa sa aking mga kaklase. Nagsimula siyang magtanong at sinagot ko naman ang mga ito. Sa pagtatapos ng taon, kailangan naming maghiwalay, subalit hinimok ko siyang hanapin ang mga Saksi ni Jehova sa lugar na lilipatan nila. Ginawa niya ito, at ngayon ay isa na siyang kapatid.”
[Kahon sa pahina 251]
Nagpaparangal sa Diyos ang Katapatan
Isang kapatid na lalaki ang nagtatrabaho sa isang pabrika. Isang araw dahil sa pagkakamali ng grupo ng mga trabahador na kinabibilangan ng kapatid, nasira ang isang bahagi ng makina. Ipinasiya ng direktor na tanggalin sa trabaho ang lahat ng trabahador. Sinuwelduhan niya sila at pinauwi. Pag-uwi sa bahay, napansin ng kapatid na sobra ng 500 franc (mahigit-higit lamang na $1.00, U.S.) ang natanggap niya, kaya bumalik siya upang isauli ang pera. Sinamantala niya ang pagkakataon na makapagpatotoo, at hangang-hanga ang direktor sa katapatan ng kapatid na ito anupat pinanatili siya at pinagtrabaho sa kaniya.
[Chart/Graph sa pahina 176, 177]
CONGO (KINSHASA)—TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI
1932: Nagsikap na makapagpadala ng mga Saksi ni Jehova sa Congo.
1940
1949: Pinagtibay ng batas ang di-opisyal na pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova.
1960
1960: Nakamit ng Congo ang kasarinlan, at nagsimula ang isang yugto ng pagpaparaya sa relihiyon.
1962: Itinatag ang tanggapang pansangay sa Léopoldville (ngayo’y Kinshasa). Dumating ang unang mga misyonero.
1966: Ipinagkaloob sa mga Saksi ni Jehova ang opisyal na pagkilala.
1971: Binawi ang opisyal na pagkilala.
1980
1980: Ipinagkaloob-muli ang opisyal na pagkilala.
1986: Ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova.
1990: Di-opisyal na kinilala ang kalayaan sa relihiyon.
1993: Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang pagbabawal noong 1986. Nagsimula ang gawain sa bagong sangay.
2000
2003: 122,857 mamamahayag ang aktibo sa Congo (Kinshasa)
[Graph]
(Tingnan ang publikasyon)
Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag
Kabuuang Bilang ng mga Payunir
120,000
80,000
40,000
1940 1960 1980 2000
[Mga mapa sa pahina 169]
SUDAN
REPUBLIKA NG SENTRAL APRIKA
REPUBLIKA NG CONGO
BRAZZAVILLE
DEMOKRATIKONG REPUBLIKA NG CONGO
Isiro
Bumba
Ilog Congo
Kisangani
Goma
Bukavu
Bandundu
KINSHASA
KASAI
Kenge
Kikwit
Matadi
Kananga
Mbuji-Mayi
KATANGA
Kamina
Luena
Kolwezi
Likasi
Lubumbashi
ANGOLA
ZAMBIA
[Buong-pahinang larawan sa pahina 162]
[Larawan sa pahina 185]
Sina Hélène, Ernest, at Danielle Heuse sa Kinshasa noong dekada ng 1960
[Larawan sa pahina 186]
Ang mga eksena ng pagbabautismo sa internasyonal na mga kombensiyon na ipinalabas sa pelikulang “The Happiness of the New World Society” ay nagpahanga sa maraming tagapanood na Congolese
[Larawan sa pahina 199]
Sina Madeleine at Julian Kissel
[Larawan sa pahina 205]
Nagtayo ng mga simpleng dakong pulungan sa iba’t ibang lugar ng bansa
[Larawan sa pahina 207]
Ang tanggapang pansangay sa Kinshasa, 1965
[Larawan sa pahina 208]
Asamblea sa Kolwezi, 1967
[Larawan sa pahina 209]
Ang pangit na mga daan ang nagpahirap sa pagbibiyahe
[Larawan sa pahina 221]
Ang “Makadiyos na Pag-ibig” na Pandistritong Kombensiyon sa Kinshasa, noong 1980, ang unang malaking kombensiyong ginanap doon pagkalipas ng walong taon
[Larawan sa pahina 223]
Marami ang naglakad nang ilang araw dala ang mga pagkain at mga gamit, para lamang makadalo sa mga asamblea at mga kombensiyon
[Larawan sa pahina 228]
Noong Disyembre 1985, tatlong buwan lamang bago ipatupad ang matinding pagbabawal, ginanap ang “Mga Tagapag-ingat ng Katapatan” na Kombensiyon sa Kinshasa
[Larawan sa pahina 230]
Noong panahon ng pagbabawal, ang mga kapatid ay nagbata ng pagkabilanggo at walang-awang pambubugbog
[Larawan sa pahina 235]
Si Zekaria Belemo, naglilingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, ay dumalaw sa isang grupo ng lumikas na mga kapatid mula sa Sudan
[Mga larawan sa pahina 237]
Matitibay na sasakyan na dumaraan sa pangit na mga daan sa bansa ang ginagamit upang ihatid ang mga literatura
[Larawan sa pahina 238]
Ang kauna-unahang klase ng Ministerial Training School sa Congo (Kinshasa) noong 1995
[Larawan sa pahina 241]
Sina Sébastien at Gisela Johnson
[Larawan sa pahina 243]
Labindalawang misyonero ang naninirahan sa tahanang ito sa Kinshasa
[Mga larawan sa pahina 244, 245]
Dumating ang mga tulong mula sa Europa at ipinamahagi sa mga nangangailangan noong 1998
[Mga larawan sa pahina 246]
Ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, gaya nina Ilunga Kanama (sa kaliwang ibaba) at Mazela Mitelezi (nakasingit, sa kaliwa), ay napaharap sa maraming hamon sa mga lugar na ginigiyagis ng digmaan
[Mga larawan sa pahina 252, 253]
(1) Mga pasilidad ng Bethel sa Kinshasa
(2-4) Bagong-tayong mga Kingdom Hall
(5) Isang kapatid na tumutulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 254]
Komite sa Sangay, mula kaliwa pakanan: Peter Wilhjelm, Benjamin Bandiwila, Christian Belotti, David Nawej, Delphin Kavusa, Robert Elongo, Sébastien Johnson, at Uno Nilsson