Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal na mga Kapatid:
“MAGKAROON nawa kayo ng di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Kristo.” (1 Cor. 1:3) Sabik na sabik na tayo sa pagdating ng panahon na bawat bagay na may hininga ay magbibigay kay Jehova ng kaluwalhatiang nararapat sa kaniya! (Awit 150:6) Habang hinihintay natin ang dakilang araw na iyan, patuloy tayo sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at sa paggawa ng mga alagad.
Ang ministeryo ng pag-eebanghelyo ang kasalukuyang pinagtutuunan ng gawain ni Jehova sa lupa. (Mar. 13:10) Palibhasa’y alam na alam natin na interesado si Jehova sa gawaing ito, inilalapit natin ito sa kaniya sa panalangin, sa pagkaunawa na ang bawat tao ay may pagkakataong makinabang mula sa inilaang pantubos. (Apoc. 14:6, 7, 14, 15) Oo nga’t napapaharap tayo sa mga hamon, subalit laking pasasalamat natin na ‘nadaramtan tayo ng kapangyarihan mula sa kaitaasan’ upang ganapin ang ministeryong ito!—Luc. 24:49.
Nakasisiyang lingunin ang nakalipas na taon ng paglilingkod at bulay-bulayin ang naisagawa ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang matatapat na lingkod. Palibhasa’y pinalalakas ng banal na espiritu, ang bayan ng Diyos ay nagpapamalas ng tulad-Kristong pag-ibig, anupat dinaraig ang pagkakapootan sa buong daigdig. Nakikita ang pag-ibig na ito sa ating mga kombensiyon. Mula Hunyo hanggang Disyembre 2003, ang mga delegado mula sa mahigit na isandaang lupain ay naglakbay sa 32 internasyonal na kombensiyon na ginanap sa anim na kontinente. Ang mga misyonero, internasyonal na lingkod, at mga Bethelite na naglilingkod sa ibang bansa ay kinapanayam sa mga pandistrito at internasyonal na kombensiyon.
Sa mga kombensiyong ito, tinanggap natin ang mga publikasyong ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain’ at Matuto Mula sa Dakilang Guro. Bukod diyan, ipinatalastas na gagamitin na ang nirebisang aklat-aralin ng
Pioneer Service School sa pagtatapos ng 2004 taon ng paglilingkod. Ang matatagal nang payunir na nakatapos na sa pag-aaral ay sunud-sunod na isasali sa mga klase na binubuo ng mga bagong payunir.Dahil sa pagsuporta ng Diyos at pagkabukas-palad ng mga tao, naging posible ang pagtatayo ng marami pang Kingdom Hall, lalo na sa mga lupaing limitado ang kakayahan o pananalapi. Dahil sa lumalaking pangangailangan sa buong daigdig para sa espirituwal na pagkain, kasalukuyan ngayong isinasagawa ang mga proyekto ng pagpapalawak ng sangay sa maraming lupain. Ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! ay makukuha na ngayon sa 299 na wika, na may kabuuang nailimbag na 139 na milyong kopya; Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan ay lumampas na sa 93 milyong kopya sa 161 wika; at mahigit na 200 milyong kopya naman ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? ang nailimbag sa 267 wika.
Malugod naming tinatanggap ang 258,845 nagpabautismo sa tubig bilang sagisag ng kanilang pag-aalay noong nakalipas na taon ng paglilingkod! Bagaman sa inyo ibinubuhos ang galit ni Satanas dahil sa pagsuporta ninyo sa Kaharian ng Diyos, sa inyo rin naman ibinubuhos ang pagpapala at espirituwal na proteksiyon ni Jehova habang tumatakbo kayo sa takbuhang inilagay sa harap ninyo. (Heb. 12:1, 2; Apoc. 12:17) Oo, makatitiyak kayo na “ang Isa na nagbabantay sa [inyo] ay hindi maaaring antukin.”—Awit 121:3.
Ang 2004 taunang teksto na, “Patuloy kayong magbantay . . . Maging handa,” ay talagang napapanahon. (Mat. 24:42, 44) Ang mga Kristiyano ay inilalarawan sa Salita ng Diyos bilang mga pansamantalang naninirahan sa naghihingalong sistemang ito ng mga bagay. (1 Ped. 2:11; 4:7) Dahil dito, kailangan nating manatiling nakatuon ang pansin, simple ang buhay, at maingat na nagsusuri ng ating puso. Nais tayong lamunin ng “malaking dragon,” anupat ginagawa tayong bahagi ng kaniyang sistema ng mga bagay.—Apoc. 12:9.
Kailangang-kailangan sa pananatili nating mapagbantay ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Matutulungan tayo nito na ‘ang ating Oo ay mangahulugang Oo’ may kinalaman sa ating pag-aalay at ‘mahigpitan ang ating paghawak sa pagtitiwalang tinaglay natin sa pasimula hanggang sa wakas.’ (Sant. 5:12; Heb. 3:14) Matutulungan tayo ng araw-araw na pagbabasa ng Bibliya na alalahanin kung gaano na kalayo ang daigdig mula sa di-nagbabagong mga pamantayan ng Diyos. (Mal. 3:6; 2 Tim. 3:1, 13) Matutulungan tayo ng kaalaman mula sa Bibliya na iwasan ang “mga kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha” at manatiling tapat kay Jehova.—2 Ped. 1:16; 3:11.
Mga magulang, habang pinalalaki ninyo ang inyong mga anak sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova, tinutulungan ba ninyo sila na magtakda ng espirituwal na mga tunguhin at ‘patuloy na magbantay’? (Efe. 6:4) Sinasanay ba ninyo sila na malasin ang kanilang kinabukasan na gaya ng pangmalas ng pinakamatalinong tao na nabuhay sa lupa kailanman? Si Jesus ay maaari sanang naging pinakamahusay na karpintero, imbentor, o doktor na nabuhay kailanman, subalit sa halip ay itinaguyod niya ang buong-panahong ministeryo. Mapakilos sana kayo ng kaniyang halimbawa na tulungan ang inyong mga anak na unahin muna ang kapakanan ng Kaharian sa kanilang buhay.
Ang uring tapat na alipin, na kinakatawan ng Lupong Tagapamahala, ay lipos ng taos-pusong pasasalamat sa “malaking pulutong” sa pagtulong sa amin na magampanan ang aming pananagutan na ‘ang mabuting balitang ito ng kaharian ay maipangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo.’ (Apoc. 7:9; Mat. 24:14, 45) Tinitiyak ni Jehova sa inyo, mga minamahal, na naaalaala niya “ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.” (Heb. 6:10) Habang binabasa ninyo ang kapana-panabik na mga karanasan at nakikita ang mga bunga ng inyong nagkakaisang pagsisikap sa susunod na mga pahina, isaisip na gumanap kayo ng mahalagang papel sa pagpapatotoong ito sa buong daigdig.
Maharap sana ninyo ang kinabukasan nang may lakas ng loob habang patuloy kayong ‘nakatinging mabuti sa gantimpalang kabayaran,’ na hindi pinahihintulutan ang tao o demonyo na ipagkait ito sa inyo. (Heb. 11:26; Col. 2:18) Oo, magtiwala kayo kay Jehova, na umaasang tutulungan niya ang lahat ng umiibig sa kaniya na makamit ang kalubusan ng buhay.—Juan 6:48-54.
Maaasahan ninyo ang aming kagalakan sa paglilingkod na kasama ninyo ukol sa kapurihan ng kaluwalhatian ni Jehova.
Ang inyong mga kapatid,
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova