Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Moldova

Moldova

Moldova

Ang Moldova, matatagpuan sa gawing silangan ng malaking balantok ng Kabundukan ng Carpathia, ay isang matabang lupain ng mga kapatagan, malalalim na libis, bangin, at magugubat na dalisdis. Ang iba’t ibang kaanyuan ng lupain nito na may 34,000 kilometro kuwadrado ay tahanan ng maraming iba’t ibang hayop, kabilang na ang mga sorra, lobo, kuneho, “badger,” usa, “ermine,” “polecat,” at baboy-ramo.

Ang mataba’t maitim na lupa at karaniwan nang katamtamang klima ng lupain ay nakatulong sa pagkakaroon ng saganang prutas, butil, gulay, at iba pang produkto mula sa bukid. Ang irigasyon at páagusán ay sapat na sinusustinihan ng 2,200 likas na mga bukal at 3,000 ilog at batis, na pawang umaagos patimog tungo sa Dagat na Itim. Ang rumaragasang Dniester ang pangunahing ilog at napaglalayagan sa halos lahat ng dako ng republika. Sa kalakhang bahagi ng kahabaan nito, ang ilog ay nagsisilbing hangganan o kaya’y dumadaloy na kaagapay ng hanggahan ng Ukraine, isang bansa na nasa gawing hilaga, silangan, at timog ng Moldova. Ang Ilog Prut, sangang-ilog ng Danube, ang nagsisilbing hanggahan nila kapuwa ng Romania sa kanluran.

Ang Malagim na Kahapon ng Moldova

Ang lupain sa pagitan ng Dniester at Prut​—nakilala sa loob ng maraming siglo bilang Bessarabia at Moldavia​—ay nasa isang pangunahing ruta sa lupa patungong Europa. Noong unang milenyo B.C.E., ang lugar na ito ay bahagi ng Scitia. Nang maglaon, medyo nakontrol ito ng Imperyo ng Roma. Kabilang din sa malagim na kahapon nito ang sunud-sunod na pagsalakay ng ibang bayan, gaya ng mga Goth, Hun, at Avar. Noong ika-13 at ika-14 na siglo, ang Moldavia ay naging basalyo ng mga Tatar, at noong ika-16 na siglo, naging bahagi naman ito ng Imperyong Ottoman. Sa Treaty of Bucharest ng 1812, isinuko ng mga Turko ang Bessarabia at ang kalahati ng Moldavia sa Russia, na sa panahong iyon ibinigay ang pangalang Bessarabia sa buong rehiyon.

Noong 1918, ang Bessarabia ay naging bahagi ng kalakhang Romania. Subalit pansamantalang naibalik ito sa Russia noong 1940 at muli noong 1944. Sa ilalim ng Unyong Sobyet, ang teritoryo ay nakilala bilang Soviet Socialist Republic (SSR) ng Moldavia. Sa wakas, nang malansag ang Komunismong Sobyet, pinutol na ng SSR ng Moldavia ang kanilang kaugnayan sa Moscow, anupat naging independiyenteng Republika ng Moldova noong Agosto 27, 1991. a Ang Chisinau, dating Kishinev, ang kabiserang lunsod.

Noong dekada ng 1960, naging mabilis ang pagdami ng populasyon ng Moldova, subalit bumagal ito at nanatiling ganito na lamang mula 1970. Ang kasalukuyang bilang ay mga 4.3 milyon katao. Marami sa mga taga-Moldova ang nagtatrabaho sa pangunahing industriya ng bansa, ang paggawa ng alak, na pinagmumulan ng mga 3 porsiyento ng alak sa daigdig. Lalo nang popular ang alak ng Moldova sa Russia at Silangang Europa. (Tingnan ang kahon sa pahina 71.) Subalit isang mas dakilang ubasan ang nagpayaman sa Moldova, yaong namumunga ng pinakamagandang bunga sa lahat​—matatamis na papuri kay Jehova.

“Isang Ubasan ng Alak na Bumubula!”

Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, inilarawan ni Jehova ang espirituwal na Israel bilang “isang ubasan ng alak na bumubula.” Gaya ng inihula, pinunô ng makasagisag na ubasang iyon “ng bunga ang ibabaw ng mabungang lupain” sa anyo ng nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain. (Isa. 27:2-6) Kaya naman, milyun-milyong “ibang mga tupa” ang patuloy na nakikisama sa mga pinahirang Kristiyano.​—Juan 10:16.

Tuwang-tuwa ang bayan ni Jehova sa Moldova na makibahagi sa katuparan ng kahanga-hangang hulang iyan. Dahil sa patuloy na pagdaloy ng espirituwal na bungang inilalaan ng organisasyon ni Jehova, ang Moldova sa ngayon ay may proporsiyon na 1 mamamahayag sa bawat 229 na tagaroon. Sa katunayan, sa isang nayon, bawat ikaapat na tao ay Saksi ni Jehova!

Subalit gaya ng makikita natin, ang paglagong ito ay hindi dumating nang walang maaapoy na pagsubok. Sa loob ng halos 70 taon, binawalan, inusig, at ibinilanggo ng monarkiya ng Romania, ng mga Pasista, at ng mga Komunista ang bayan ng Diyos. Gayunpaman, sa Moldova, gaya sa ibang lugar, pinatunayan ni Jehova na totoo ang kaniyang makahulang salita hinggil sa kaniyang espirituwal na “ubasan ng alak na bumubula.” Sa pamamagitan ni Isaias ay sinabi niya: “Akong si Jehova ang nag-iingat sa kaniya. Sa bawat sandali ay didiligin ko siya. Upang walang sinumang magbaling ng kaniyang pansin laban sa kaniya, iingatan ko siya maging sa gabi’t araw.” (Isa. 27:2, 3) Habang binubulay-bulay mo ang kasaysayan ng bayan ni Jehova sa Moldova, sana’y mapatibay ka ng kanilang halimbawa ng katapangan at pananampalataya sa iyong kapasiyahang patuloy na magluwal ng mahahalagang bunga ng papuri kay Jehova, anuman ang iharang ng salansang na si Satanas sa iyong daan.

Nilibot ni Brother Russell ang Bukid

Ang mga namumungang sanga sa literal na ubasan ay nagsisimula muna bilang maliliit na supang. Ganito rin nagsimula ang espirituwal na paglago sa Moldova. Tingnan natin kung paano pinalaki ni Jehova ang maselang supang na iyan tungo sa matibay na namumungang ubasan na makikita natin sa Moldova sa ngayon. (1 Cor. 3:6) Sa ating pagsusuri, balikan muna natin ang panahon noong mga huling taon ng ika-19 na siglo nang dalawin ng Estudyante ng Bibliya na si Charles Taze Russell ang bansa sa kaniyang paglalakbay sa Europa.

Sa Setyembre 1891 na isyu ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, isinulat ni Russell na dumalaw siya sa tahanan ng isang abogado at Kristiyanong Judio na nagngangalang Joseph Rabinowitch. “Ang isa sa pinakamagandang karanasan namin noon,” ang sabi ni Russell, “ay nang dalawin namin si Brother Joseph Rabinowitch sa kaniyang tahanan sa Kischenev, Russia [ngayo’y Chisinau, Moldova]. Malugod niya kaming tinanggap, gayundin ng kaniyang buong pamilya, na pawang mánanampalatayá ng Panginoong Jesus. . . . Nakita naming pamilyar na pamilyar siya sa mga turo ng DAWN [ang serye ng mga aklat na Millennial Dawn] at may malaking simpatiya rito.” Habang pinag-uusapan nila ang tungkol sa Bibliya, ang mga lalaking ito ay nagkasundo sa maraming punto sa Kasulatan, na ipinahihiwatig ng pagtawag ni Russell sa kaniyang kaibigang taga-Moldova bilang “Brother Rabinowitch.”

Aktibo si Rabinowitch at ang kaniyang pamilya sa pagtulong sa mga Judio​—mahigit na 50,000 sa mga ito ang nasa Chisinau—​na tanggapin si Kristo at ang Mesiyanikong pag-asa. Karugtong ng kaniyang tahanan at opisina ang “isang bago at napakaayos na bahay ng pagsamba, na makapagpapaupo ng mga sandaan at dalawampu’t lima katao,” ang paliwanag ni Russell. Mayroon ding isang bagong manu-manong palimbagan si Rabinowitch na ginagamit niya sa paggawa ng mga tract na partikular na iniangkop sa pag-iisip ng mga Judio. Pagkalipas ng mga anim na taon, noong 1897, sumulat si Rabinowitch kay Russell, na nagsasabi: “Mahal kong Brother Russell: Sa pagtatapos ng taóng ito, hindi ko mapigilang pasalamatan ka sa espirituwal na kasiyahang idinudulot mo sa akin sa pamamagitan ng iyong kahanga-hangang babasahin, ang ZION’S WATCH TOWER, na regular kong tinatanggap. Sa akin ay para itong isang barko ng mangangalakal​—na nagdadala ng espirituwal na pagkain galing sa malayo.” Subalit sa kabila ng pag-ibig at sigasig ng lalaking Judiong ito sa katotohanan sa Bibliya, lumipas muna ang 30 taon bago nag-ugat nang matibay ang binhi ng Kaharian sa Moldova at namunga.​—Mat. 13:1-8, 18-23.

Maraming Binigo ang Digmaang Pandaigdig I

Ang biglang pagbabago sa pulitika na naganap sa Europa noong unang digmaang pandaigdig ay lumikha ng matabang lupa na mapagtatamnan ng binhi ng Kaharian sa Moldova. Nang ang Malaking Digmaan​—gaya ng tawag dito noon—​ay matapos, pinutol ng Moldova ang kaniyang kaugnayan sa Russia, kung saan naagaw ng mga Komunista ang kapangyarihan, at naging bahagi ng Romania. Dahil sa malagim na digmaan, umuwing bigo ang maraming sundalong taga-Moldova. Karamihan sa kanila ay pinalaking taglay ang matinding katapatan sa Simbahang Ortodokso, subalit nag-aalinlangan na sila ngayon sa mga turo nito.

Isa na rito si Ion Andronic, na umuwi noong 1919 sa kaniyang sariling nayon sa Corjeuţi. Napukaw ang kaniyang interes sa Bibliya dahil sa talakayan nila ng mga Adventist at Baptist noong siya’y preso pa ng digmaan. Iniuwi niya ang Bibliya mula sa kampong piitan at ipinakipag-usap ang mensahe nito sa kaniyang pamilya at mga kapitbahay, anupat naging interesado rin sila.

Isa sa mga kapitbahay na ito si Ilie Groza. Nasa Estados Unidos siya noong mga taon ng digmaan at umuwi na may dalang isang kopya ng “Bagong Tipan,” na nabili niya sa kaniyang paglalakbay. Palibhasa’y malapít na magkapitbahay, magkasamang tinalakay ng pamilya Andronic at pamilya Groza ang Salita ng Diyos. Kumuha rin sila ng mga literaturang inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova.

Natatandaan pa ni Ioana, anak na babae ni Ilie Groza: “Marahil ay anim na taóng gulang pa lamang ako noon nang unang magkaroon ang aming pamilya ng mga literaturang inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya. Ewan ko kung saan namin nakuha ang mga literatura, pero natatandaan ko pa kung paanong sabik na pinag-uusapan ng aking mga magulang at nakatatanda kong mga kapatid ang malilinaw na paliwanag sa mga Kasulatang nasa mga publikasyong iyon.”

Nang dakong huli, ipinasiya ni Ion Andronic na huwag ialay ang kaniyang buhay kay Jehova. Subalit hindi ganito ang naging pasiya ng iba pa sa kaniyang pamilya at ng karamihan sa pamilya Groza. “Kaming dalawang pamilya lamang ang nagpupulong noon,” naaalaala ni Ioana. “Ang aking mga magulang ay may apat na anak na babae, at ang pamilya Andronic naman ay may ilang anak na lalaki at babae. Kaya naman di-nagtagal ay may umusbong na pag-iibigan, na humantong sa pagpapakasal ni Vasile Andronic sa aking kapatid na si Feodolina.

“Di-nagtagal, napadagdag sa aming grupo ng pag-aaral sa Bibliya sina Tudor at Daria Groza, mag-asawa na malayo na naming kamag-anak. Si Tudor ay isang napakasigasig na estudyante ng Bibliya. Nagpunta pa nga siya sa tanggapang pansangay sa Cluj-Napoca, Romania, upang kumuha ng mga literatura at upang masagot ang kaniyang maraming tanong tungkol sa Bibliya. Sa paglipas ng mga taon, siya’y naging malaking tulong sa aming maliit na kongregasyon sa espirituwal na paraan.

“Nakisali ang pamilya Iacuboi, na tagaroon din sa aming lugar, sa talakayan namin sa Bibliya sa aming tahanan. Si Petru Iacuboi, ang ulo ng pamilya, ay may pinatuloy noon na isang lalaking namamahagi ng mga Bibliya. Pinasigla ng panauhing ito ang interes ni Petru sa Kasulatan. Sandaling sinuri muna ni Petru ang mga turo ng Baptist bago nagpasiyang hindi pa rin dito masusumpungan ang katotohanan. Nang panahong iyon siya nakisali sa aming lumalaking grupo ng mga Estudyante ng Bibliya.

“Udyok ng aming natututuhan, buong-sigasig na ibinahagi ng aming grupo ang mabuting balita ng Kaharian sa lahat ng aming mga kaibigan at mga kamag-anak, na marami sa kanila ay tagaroon din sa aming nayon at sa karatig na mga nayon.”

Upang itampok kung gaano kabilis lumaganap ang mensahe ng Kaharian sa Moldova, ganito ang sinabi ng isang ulat sa Disyembre 15, 1921, isyu ng The Watch Tower: “Mula sa Bessarabia [gaya ng tawag sa Moldova noon] isang kapatid, na kabibitiw lamang bilang mángangarál na Adventist, ang sumulat: ‘Mga 200 sa lugar na ito, bukod pa sa maraming karatig na lugar sa palibot, ang tumanggap na sa katotohanan.’ ”

Noong unang mga taon ng dekada 1920 sa nayon ng Şirăuţi, isang debotong miyembro ng Simbahang Ortodokso, si Ilarion Bugaian, ang nakaalam ng katotohanan. Tapat siyang naglingkod kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan. Isang Estudyante ng Bibliya na nagngangalang Moise Ciobanu ang nagbalik sa lunsod ng Bălţi mula sa Alemanya. Natutuhan niya ang katotohanan habang nakabilanggo sa Alemanya noong Digmaang Pandaigdig I. Di-nagtagal, naitatag ang isang grupo na nang maglaon ay naging unang kongregasyon sa Bălţi.

Tumulong ang mga Saksing Romaniano

Upang makatulong sa paglinang ng teritoryo at para mapalakas ang mga baguhang nakikisama sa bayan ng Diyos, ang sangay sa Romania ay nagpadala ng kuwalipikadong mga kapatid na lalaki sa Moldova noong dekada ng 1920. Kabilang si Vasile Ciucaş ng Transylvania sa naunang mga ebanghelisador. Nagsasalita siya ng wikang Romaniano at Hungaryo. Kapag dumadalaw noon si Vasile sa katatatag na kongregasyon sa Corjeuţi, palagi siyang nakikituloy kina Ilie Groza. Natutuwa si Ioana habang ginugunita niya ang mga pagdalaw na iyon. “Marahil ay walong taóng gulang ako noon,” ang sabi niya, “pero naaalaala ko pa ang mga pagdalaw ni Brother Ciucaş. Sobrang bait ng kapatid na iyon, at hindi siya nauubusan ng magagandang kuwento anupat walang gustong matulog! Palagi kaming nag-uunahan noon ng aking kapatid para makaupo sa tabi niya.”

Patuloy na pinalaganap ng mga Saksing Romaniano, kasama ng masisigasig na mamamahayag na tagaroon, ang mabuting balita sa karatig na mga nayon. Sa nayon ng Tabani, 11 kilometro mula Corjeuţi, ibinahagi ni Cazimir Cislinschii sa iba ang magagandang bagay na natutuhan niya mula sa Bibliya. Narinig na noon ni Cazimir ang mensahe ng Kaharian habang naglilingkod siya sa hukbo sa Romania. Ang isa sa unang mga tao sa Tabani na tumugon sa pangangaral ni Cazimir ay si Dumitru Gorobeţ, isang napakasigasig na estudyante. Sa ngayon, dahil sa sigasig ni Dumitru at ng iba pang kagaya niya, ang 3,270 populasyon ng Tabani ay kinabibilangan na ng 475 Saksi.

Noong unang mga taon ng dekada 1920, umabot din ang mensahe ng Kaharian sa nayon ng Caracuşeni, mga tatlo hanggang apat na kilometro mula Corjeuţi. Kabilang sa unang mga tagaroon sa nayon ng Caracuşeni na tumanggap ng katotohanan ay si Vladimir Lungu, na nabautismuhan noong 1927. Dumanas si Vladimir ng mahigpit na pag-uusig dahil sa kaniyang Kristiyanong paniniwala at namatay siyang tapat kay Jehova noong 2002. Noong siya ay nabubuhay, nakita niya ang napakaraming tao sa kanilang nayon na tumanggap ng katotohanan anupat sa ngayon, bawat ikaapat na tao sa 4,200 populasyon ng Caracuşeni, ay isang Saksi!

Si Alexandru Mikitkov, isa pang tapat na kapatid, ay unang nakaalam ng katotohanan noong 1929 habang dumadalaw sa lunsod ng Iasi sa Romania. Ang kaniyang anak na lalaking si Ivan ay nagsabi: “Pag-uwi ni Itay sa aming sariling nayon, sa Ţaul, agad niyang sinimulan ang pangangaral ng mabuting balita, at di-nagtagal, nagdaraos na kami ng Kristiyanong mga pulong sa aming bahay.”

Nagpatuloy si Ivan: “Palaging nakikipag-ugnayan si Itay sa tanggapang pansangay sa Romania, at paminsan-minsan, dumadalaw sa amin ang may-gulang na mga kapatid na lalaki mula sa Romania. Nakalulungkot sabihin, noong 1931, sa isa sa mga pagdalaw na iyon, ang aking kapatid na babaing sanggol ay namatay. Palibhasa’y kilalá ang aming pamilya, maraming tagaroon sa amin ang nakipaglibing. Ang aming panauhin mula sa Romania, si Brother Vănica, ang nangasiwa sa paglilibing. Nagbigay siya ng isang napakagandang patotoo, anupat pinatunayang isang kasinungalingan ang tsismis na ikinakalat ng klero na wala raw dignidad ang paglilibing ng mga Estudyante ng Bibliya. Bukod diyan, ang pahayag ni Brother Vănica, na malinaw na nagpapaliwanag tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, ay nagtanim ng mainam na binhi sa puso ng ilang naroroon. Di-nagtagal, ang mga ito rin ay nanindigan sa katotohanan sa Bibliya.

“Nagkaroon din ng malaking epekto sa aming pamilya ang espirituwal na pampatibay-loob ni Brother Vănica. Halimbawa, ang aking kuya na si Dumitru ay nagpasiya na maging isang colporteur (buong-panahong ministro). Sa kagustuhang makatulong sa pinakamaraming tao hangga’t maaari, di-nagtagal at iniwan niya ang aming tahanan upang mangaral sa hindi pa nagagawang mga lugar sa Moldova. Buong-pusong sinuportahan ng aming pamilya ang kaniyang pasiya. Subalit inaamin kong labis akong nangulila sa aking kuya. Sa kabilang dako, masayang-masaya naman kami kapag dumadalaw siya sa bahay, taglay ang di-matapus-tapos na magagandang karanasan mula sa kaniyang teritoryo!”

Nag-ibayo ang Pagsalansang ng Klero

Sa pasimula pa, salansang na ang mga klerigo ng Ortodokso sa pangangaral ng mabuting balita. Subalit lalo silang nag-init nang ang dating mga miyembro ng kanilang simbahan, matapos mabatid ang katotohanan sa Bibliya, ay tumangging mag-antanda at magpabinyag ng kanilang mga sanggol.

Nang mga sampung taon na si Ioana Groza, ginipit siya ng lokal na paring Ortodokso na ikompromiso ang kaniyang paniniwala. Naaalaala pa niya: “Ipinaliwanag ng aming tatay sa aming magkakapatid na ang pag-aantanda ay di-makakasulatan. Pero sa paaralan, pinipilit kami ng pari na mag-antanda. Takót ako sa paring iyon, pero takót din ako sa galit ni Itay. Kaya sa halip na pumasok sa paaralan, nagtatago ako sa isang kamalig. Pero pagkalipas ng ilang araw, nalaman ni Itay ang aking pagliban sa klase. Hindi naman niya ako pinagalitan kundi may-kabaitan niyang hiningi ang aking paliwanag. Nang sabihin ko sa kaniyang natatakot ako sa pari, inakay ako ni Itay at dumeretso kami sa bahay ng pari.

“Sa matatag na tinig, sinabi ni Itay sa pari: ‘Kung ikaw ang nagpapakain, nagpapadamit, at nagpapabahay sa aking anak, baka payagan pa kitang utusan siya sa gusto mong gawin niya may kinalaman sa relihiyon. Yamang hindi naman ikaw ang gumagawa ng mga bagay na iyon, wala kang karapatang pakialaman ang itinuturo ko sa aking anak.’ Buweno, natutuwa akong sabihin na mula noon, hindi na ako ginambala ng paring iyon.”

Kadalasan nang ang klero ang pinakamaimpluwensiya sa pamayanan. Gaya ng mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus, ginamit nila ang impluwensiyang iyon para sirain ang magandang reputasyon ng mga lingkod ni Jehova nang sa gayon ay ipagtabuyan ng mga miyembro ng kanilang parokya ang ating mga kapatid o kaya naman ay katakutan silang kausapin. Ang isa sa paboritong taktika ng klero ay ang pagsasamantala sa mga awayan sa pulitika. Halimbawa, kinatatakutan at pinagdududahan ng mga tao noon ang “pagbabanta” ng mga Bolshevik sa kabilang hanggahan sa Unyong Sobyet. Sinamantala ng mga paring Ortodokso ang pagkatakot na ito sa pamamagitan ng pagbibintang na pulitika raw ang motibo ng pagtanggi ng mga Estudyante ng Bibliya na mag-antanda, anupat sinasabing mga Komunista raw ang mga ito.

Subalit hindi lamang iyan ang ginawa ng mapagpakanang mga klerigo. Lalo pa nilang inabuso ang kanilang awtoridad sa pamamagitan ng pag-uudyok sa mga opisyal ng pamahalaan na hadlangan ang bayan ng Diyos, gaya ng ginawa ng mga eskriba at Pariseo noong panahon ni Jesus.​—Juan 18:28-30; 19:4-6, 12-16.

Mula 1918 hanggang 1940, ang Moldova ay napasailalim sa pamamahala ng Romania, na noo’y isang kaharian, o monarkiya. Nag-atas ang pamahalaan ng Romania ng isang ministro ng mga kulto, na may awtoridad sa mga bagay na may kinalaman sa relihiyon. Dahil napadala sa paniniwalang ito ng Ortodokso, hinadlangan nga ng lalaking ito ang gawain ng mga Estudyante ng Bibliya at sinikap na ipagbawal sila at ang kanilang mga publikasyong salig sa Bibliya. Ang akusasyon, gaya marahil ng iyong sapantaha, ay na kakutsaba raw ng mga kapatid ang mga Bolshevik.

Dahil sa pagkasuklam na ito ng mga opisyal sa bayan ni Jehova, nagbigay ang inspektor heneral ng Moldova ng isang direktiba ng pamahalaan sa isang hepe ng pulisya, na may petsang Abril 25, 1925. Nakasaad dito: “Udyok ng Police Security Directive No. 17274/925, karangalan naming ipabatid sa iyo na ipinasiya ng Ministri ng Ugnayang Panloob na ipagbawal at pahintuin ang propaganda ng internasyonal na mga ‘Estudyante ng Bibliya,’ at nais naming gawin mo ang nararapat na hakbang upang maisakatuparan ang layuning ito.”

Ang naging epekto sa mga kapatid ng gayong paghadlang ng mga opisyal ay makikita sa isang ulat na ibinigay ng tanggapan ng Romania sa pandaigdig na punong-tanggapan noong Oktubre 17, 1927. Bilang sumaryo, binanggit ng ulat na pinahinto at ipinagbawal ang mga pulong ng kongregasyon sa lahat ng lugar at na ‘daan-daang kapatid ang binasahan ng sakdal sa mga hukumang pangmilitar at pansibil.’ Sinabi rin nito: ‘Iilang pulong lamang ang naidaraos kung tag-araw, yamang ang mga kongregasyon ay mahigpit na binantayan at patuloy pa ring binabantayan ng mga sekreta at pulis, lalo na sa mga nayon, na kinaroroonan ng karamihan sa mga kongregasyon. Karamihan sa mga pulong ay ginaganap sa mga kakahuyan, sa tagung-tagong mga lugar.’

Nagpatuloy ang ulat: ‘Noong Marso, hinigpitan din ang gawain ng naglalakbay na mga tagapangasiwa. Nang buwan ding iyon, mahigpit at palihim na ipinag-utos ng minister ng ugnayang panloob na hanapin ang mga colporteur at arestuhin ang lahat ng mga “propagandista[ng]” ito. Sa loob lamang ng maikling panahon, halos lahat ng colporteur ay naibilanggo. At bagaman kami at ang mga kapatid ay hindi natatakot, palibhasa’y nakaranas na ng paghadlang mula pa sa pasimula ng gawain sa bansang ito, sa pagkakataong ito ay lubha nang puspusan ang sistema nila ng pagsalansang sa amin anupat hindi na halos kami makakilos.’

Sa pagtatapos ng dekada ng 1920, ang mga indibiduwal at mga pamilyang malalakas ang loob ay patuloy na humiwalay sa Simbahang Ortodokso at nanindigan sa katotohanan sa Bibliya. Ang katotohanang ito ay mababanaag sa isang liham na isinulat ng isang pari sa nayon sa kaniyang superyor noong taóng 1928. Nasa liham ang isang talaan ng 43 pangalan ng mga adulto at mga batang kabilang sa parokya ng pari sa Şirăuţi. Sinasabi nito: “Karangalan naming ilakip ang isang talaan ng mga pangalan ng mga miyembro ng sektang mga ‘Estudyante ng Bibliya.’ Sa kabila ng kanilang mga pagsisikap, sila ay hindi kailanman nagtagumpay, ni nagkaroon man ng isang bahay na mapagdadasalan. Sa halip, sila’y nagtitipon sa pribadong mga bahay.”

Ang totoo, pinasisinungalingan ng talaan ng mga pangalang ito ng pari ang kaniyang sinabi na ang mga Estudyante ng Bibliya raw ay “hindi kailanman nagtagumpay,” yamang karamihan sa 43 pangalan ay dating mga miyembro ng Simbahang Ortodokso. Ang isa sa mga batang binanggit ay si Agripina Barbuţă, na ngayo’y mahigit nang 80 taóng gulang at aktibo pa rin sa paglilingkod kay Jehova.

Nang magkahirapan na sa pangangaral sa madla, naging abala ang mga kapatid sa di-pormal na pagpapatotoo, lalo na sa mga kamag-anak. Noon, ang magkakamag-anak ay gumugugol ng mahabang oras sa pagsasama-sama. Sinamantala ng mga kapatid ang kaugaliang ito upang maibahagi ang mabuting balita sa iba. Mangyari pa, walang batas na makapipigil sa pag-uusap-usap ng magkakapamilya.

Pagsisikap na Gawing Legal ang Pangangaral

Pagkatapos ng pagbabawal sa pangangaral noong 1925, ang mga kapatid sa tanggapang pansangay sa Cluj-Napoca, Romania, ay nagsumite ng isang 50-pahina at makinilyadong report sa ministro ng mga kulto. Kasama ng isang maikling ulat tungkol sa ating mga turo at paniniwala, inilakip dito ang isang opisyal na kahilingang alisin ang pagbabawal. Pagkatapos, noong Setyembre 1927, isa sa mga kapatid ang pinahintulutang makipagkita mismo sa ministro sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon. Matapos ang huling pakikipag-usap, umasa siyang babaguhin na ang batas anupat mabibigyang-kalayaan na ang pagsamba. Subalit nakalulungkot sabihin, hindi pinakinggan ng pamahalaan ang apelasyon ng mga kapatid. Sa katunayan, patuloy ang mga opisyal sa pagpapanukala ng mga kaguluhan sa pamamagitan ng batas, anupat lalong pinahihirap ang kalagayan para sa bayan ni Jehova, sa halip na mapabuti. (Awit 94:20; Dan. 6:5-9) Sa bagay na ito, isang opisyal na dokumento na may petsang Mayo 29, 1932, ang nagsabi na “lahat ng uri ng gawain” ng Internasyonal na mga Estudyante ng Bibliya “ay lubusang ipinagbabawal.”

Gayunman, ang pag-atakeng ito sa bayan ng Diyos ay hindi kinakitaan ng isang nagkakaisa at nagtutulungang kampanya sa Romania at Moldova. Sa paanuman, ang lokal na mga pamahalaan at opisyal ay gumawa ng sarili nilang pasiya tungkol sa mga Estudyante ng Bibliya. Kaya nilapitan ng mga kapatid ang mga opisyal na ito upang ipagtanggol at legal na itatag ang mabuting balita, kahit man lamang sa kanilang sariling lugar.​—Fil. 1:7.

Nagbunga ang mga pagsisikap na ito sa ilang lugar. Ganiyan ang nangyari sa Bucharest, Romania, matapos ilipat doon ang sangay mula sa Cluj-Napoca. Noong 1933, pagkatapos ng matagal na pakikipagpunyagi, sa wakas ay legal na naiparehistro ng sangay ang Bible and Tract Society of Jehovah’s Witnesses sa Bucharest.

Kapansin-pansin, maging ang ilang prominenteng hukom ay tahasang tumutol sa mga pagbabawal na ipinataw sa bayan ng Diyos. Halimbawa, noong Mayo 8, 1935, buong-tapang na pinagpasiyahan ng Korte ng Apelasyon ng Cluj-Napoca na ang pagbabawal na ipinataw sa mga Saksi ni Jehova ay labag sa konstitusyon. Sinabi pa sa kapasiyahang iyon: “Ang kinumpiskang mga buklet [na inilathala ng mga Saksi ni Jehova] ay nagtataguyod ng pag-ibig sa isa’t isa at paniniwala sa Diyos at kay Kristo. Dahil dito, hindi tamang sabihin na ang mga buklet na ito ay may pagkasubersibo; hindi panganib ang mga ito sa katiwasayan ng Estado.”

Hindi Pinakinggan ang Tinig ng Katuwiran

Subalit ang mga awtoridad, sa pangkalahatan, ay salansang pa rin sa gawain ng bayan ng Diyos. Halimbawa, noong Marso 28, 1934, sumulat ang pinuno ng Tanggapang Panseguridad ng bayan ng Soroca, Moldova, sa kaniyang superyor, ang panrehiyong inspektor ng pulisya sa Chisinau, na nagrereklamong noong 1927 sa isang nayon malapit sa Soroca, dati’y “dalawang pamilya lamang ang mga tagasunod ng sektang ito, subalit nakakumberte sila . . . ng 33 pang pamilya.” Isinulat din niya na “tinatanggihan [ng mga Saksi] ang simbahan” at ang “mga relihiyosong tradisyon at kaugalian” nito at na “sa halip na hilingin ang serbisyo ng pari, sila ang nagsasagawa ng sarili nilang pagsamba.” Tinapos niya ang kaniyang liham sa pagsasabi: “Patuloy [ang mga Saksi] sa pangungumberte, at ito’y panganib sa umiiral na kaayusan at katiwasayan ng Estado.”

Noong Mayo 6, 1937, ang mga kapatid sa distritong iyon mismo ay sumulat sa punong opisyal na humihiling na alisin ang mga Saksi ni Jehova sa talaan ng ilegal na mga sekta. Ang opisyal na sagot ay nilinaw sa isang liham ng alkalde ng distrito ng Soroca sa punong mahistrado ng distrito ring iyon. May petsang Hunyo 15, 1937, dito’y sinasabi: “Ang gawain ng [mga Saksi ni Jehova] ay ipinagbawal ng . . . Ministri ng mga Kulto at Sining. Kung gayon, hindi namin mapagbibigyan ang kanilang kahilingang alisin na sila sa talaan ng [ilegal na] mga sekta, yamang patuloy sila sa aktibong paggawa para sa kapakanan ng sektang iyan.”

Bilang susog sa palabáng paninindigang iyan, ang opisyal na babasahin ng pamahalaan, ang Monitorul Oficial, ay nagsabi noong Hulyo 12, 1939, na ang mga Saksi ni Jehova at anumang legal na ahensiyang gamitin nila ay “lubusang ipinagbabawal.” Gaya ng binanggit kanina, ang Moldova ay nasa ilalim noon ng soberanya ng Romania, na isang Silangang Ortodokso at pinamamahalaan ng isang monarkiya. Nakalulungkot sabihin, dahil sa pagkapanatiko sa relihiyon, naimpluwensiyahan ang maraming opisyal na lumampas pa sa legal na mga pagbabawal sa kanilang pakikitungo sa bayan ni Jehova.

Naging Brutál ang mga Opisyal

Ipinakikita sa karanasan nina Dumitru Gorobeţ at Cazimir Cislinschii na ang apoy ng pagsalansang sa gawaing pangangaral ay kadalasan nang pinagliliyab ng relihiyosong galit sa bahagi ng debotong mga opisyal ng Ortodokso. Unang natutuhan nina Dumitru at Cazimir ang katotohanan sa Bibliya sa nayon ng Tabani. Dahil sa kanilang maiinam na katangian at sigasig sa ministeryo, agad silang naging popular at napamahal sa mga kapatid. Pagkatapos, noong 1936, sila’y inaresto at dinala sa istasyon ng pulisya sa bayan ng Khotin (ngayo’y nasa Ukraine).

Walang-awa munang binugbog ng mga pulis sina Dumitru at Cazimir. Pagkatapos ay pinilit silang mag-antanda. Subalit nanatiling matatag ang dalawang lalaking ito, sa kabila ng patuloy na pambubugbog. Nang maglaon, nagsawa rin ang mga pulis. Pinayagan pa nga nilang makauwi sina Dumitru at Cazimir. Subalit hindi diyan nagwakas ang mga pagsubok na dinanas ng dalawang tapat na kapatid na ito. Sa ilalim ng pamamahala ng Pasista at Komunista, dumanas pa sila ng maraming paghihirap dahil sa mabuting balita. Namatay si Dumitru noong unang mga buwan ng 1976 sa Tomsk, Russia. Namatay naman si Cazimir noong Nobyembre 1990 sa Moldova.

Noong dekada ng 1930, pinangasiwaan ng sangay ng Romania ang gawain sa Moldova. Si Martin Magyarosi, nabautismuhan noong 1922, ang lingkod ng sangay noon. Dahil sa maibiging pagmamalasakit sa mga kapatid, lalo na sa mga pagsubok na dinaranas nila, siya at ang kaniyang manugang na lalaki, si Pamfil Albu, ay dumalaw sa maraming kongregasyon sa hilagang bahagi ng Moldova upang patibayin at palakasing-loob ang bayan ng Diyos. Tamang-tama naman ang mga pagdalaw na iyon! Bakit? Sapagkat di-magtatagal at ang Europa ang magiging sentro ng Digmaang Pandaigdig II. At ang Moldova, na itinuturing na isang magandang pag-aari, ay pag-aagaw-agawan ng mas makapangyarihan at magkakalabang karatig bansa.

Winasak ng Digmaang Pandaigdig II ang Europa

Noong Agosto 23, 1939, pinirmahan ng Unyong Sobyet at ng pamahalaang Nazi ng Alemanya ang isang kasunduan na hindi nila sasalakayin ang isa’t isa. Pagkalipas ng isang linggo, noong Setyembre 1, 1939, nilusob ng Alemanya ang Poland, anupat naging mitsa ng Digmaang Pandaigdig II. Pagkatapos, noong Hunyo 26, 1940, iniharap ng Minister ng Ugnayang Panlabas ng Sobyet na si Vyacheslav Molotov sa pamahalaan ng Romania ang isang mahigpit na kahilingan na dapat nilang lubusang isuko sa Unyong Sobyet ang kilala noon bilang Bessarabia. Napilitang sumunod ang Romania sa mahigpit na kahilingang iyon, at noong Hunyo 28, 1940, nagmartsa ang mga sundalo ng Sobyet papasók sa Moldova. Noong Agosto 1940, itinatag ng mga Sobyet ang SSR ng Moldavia, na ang kabisera ay ang Chisinau.

Subalit sandali lamang ang pananakop ng mga Sobyet sa Moldova. Noong Hunyo 22, 1941, nilabag ng Alemanya ang kasunduan noong 1939 na hindi nila sasalakayin ang isa’t isa at nilusob nila ang Russia. Bilang pagsasamantala sa biglang pagbabagong ito ng pangyayari, idineklara ng Romania na sila’y nasa panig ng Alemanya at pilit na binawi ang SSR ng Moldavia mula sa mga Sobyet.

Nagtagumpay ang kanilang pakana, dahil noong Hulyo 26, 1941, naitaboy na ng hukbo ng Romania ang mga Ruso pabalik sa Ilog Dniester. Sa gayon, pagkatapos ng mahigit-higit lamang na isang taóng pamamahala ng mga Sobyet, nakontrol na naman ng Romania ang Moldova. Subalit sa pagkakataong ito, mula Setyembre 1940, ito’y naging isang Romania na pinamumunuan ng sobrang nasyonalistiko na pamahalaang Pasista na pinangungunahan ng diktador na si Heneral Ion Antonescu. Hindi patatawarin ng kaniyang rehimen ang mga nananatiling neutral sa pulitika dahil sa tapat nilang pagsuporta sa Kaharian ng Diyos.

Mahigpit na Pagsubok ng mga Pasista

Agad na pinakialaman ng pamahalaang Pasista ni Antonescu, na kasapakat ni Hitler at ng kapangyarihang Axis, ang mga Saksi ni Jehova. Tingnan natin ang halimbawa ni Anton Pântea na isinilang noong 1919. Natutuhan ni Anton ang katotohanan noong tin-edyer pa siya at naging masigasig sa ministeryong pagbabahay-bahay. Maraming ulit na muntik na siyang mabugbog, subalit dahil sa paninindigan niya sa kaniyang legal na karapatan bilang mamamayan ng Romania na ipakipag-usap ang kaniyang pananampalataya, nakaiwas siya sa pisikal na pananakit sa loob ng ilang panahon. Subalit sa wakas ay inaresto rin siya ng mga pulis. Kinaladkad siya ng mga opisyal na Pasista patungo sa istasyon ng pulisya, magdamag na binugbog at pagkatapos, sa di-inaasahan, pinalaya. Walumpu’t apat na taóng gulang na ngayon si Brother Pântea at determinado pa rin na manatiling tapat kay Jehova.

Ang isa pang tagapag-ingat ng katapatan, si Parfin Palamarciuc, ay nakaalam ng katotohanan sa Bibliya sa Moldova noong dekada ng 1920. Siya rin ay naging masigasig na tagapaghayag ng mabuting balita, anupat madalas na ilang linggo siyang wala sa kanilang bahay upang mangaral sa mga lunsod at mga nayon mula Chernovtsy hanggang Lvov sa Ukraine. Dahil ayaw magsundalo ni Parfin, inaresto siya ng mga Pasista noong 1942 at nilitis sa hukumang militar sa Chernovtsy.

Ikinuwento ng anak na lalaki ni Parfin na si Nicolae ang pangyayaring iyon sa pagsasabi: “Sa kabuuan, 100 kapatid na lalaki ang hinatulan ng kamatayan ng hukumang militar na ito. Kinailangang isagawa agad ang sentensiya. Tinipon ng mga opisyal ang lahat ng mga kapatid na lalaking ito at pumili ng unang sampung babarilin. Subalit pinilit munang paghukayin ng kanilang sariling libingan ang mga indibiduwal na ito habang nanonood naman ang 90 iba pa. Gayunman, bago barilin ang mga kapatid na ito, binigyan sila ng mga opisyal ng isa pang pagkakataon na itakwil ang kanilang pananampalataya at magsundalo. Dalawa ang nakipagkompromiso; ang natirang walo ay binaril at namatay. Pagkatapos ay pinahilera naman ang sampu pa. Subalit bago barilin, ipinabaon muna sa kanila ang mga patay.

“Habang tinatabunan ng mga kapatid ang hukay, dumating ang isang opisyal na may mataas na ranggo. Itinanong niya kung ilang Saksi ang nagbago ng isip. Nang sabihin sa kaniya na dalawa lamang, sinabi niya na kung 80 ang mamamatay upang mapagsundalo ang 20, mas mabuti pang dalhin na lamang ang 92 sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Bilang resulta, ang sentensiyang kamatayan ay ibinaba sa 25 taon ng puwersahang pagtatrabaho. Subalit wala pa halos tatlong taon, pinalaya na ng lumulusob na puwersang Sobyet ang mga Saksi mula sa mga kampo ng Romania. Naligtasan ng tatay ko ang mga ito at ang marami pang pahirap. Namatay siyang tapat kay Jehova noong 1984.”

Ang Hindi Pagsunod sa Paniniwalang Ortodokso​—Isang Krimen!

Si Vasile Gherman ay isang kabataang lalaki na may asawa. Kasisilang pa lamang ng kaniyang asawa sa isang sanggol na babae nang arestuhin siya ng mga Pasista noong Disyembre 1942. Inakusahan si Vasile ng dalawang “krimen”​—pagtangging magsundalo at hindi pagpapabinyag ng kaniyang anak sa Simbahang Ortodokso. Ikinuwento niya ang nangyari: “Noong Pebrero 1943, ang kaso ko, pati na ang sa 69 na iba pang tapat na mga kapatid na lalaki, ay diringgin sa Chernovtsy sa harap ng hukumang militar. Bago ang aktuwal na pagsesentensiya, pinuwersa kami ng mga awtoridad na panoorin ang pagpatay sa anim na kriminal. Dahil dito, natiyak namin na kami na ang susunod sa talaan na tatanggap ng parusang kamatayan.

“Nag-usap-usap kami tungkol sa bagay na ito at nagpasiyang mananatili kaming matatag sa pananampalataya at gagawa ng lahat ng pagsisikap na mapanatili ang isang maligayang disposisyon hanggang sa katapusan ng paglilitis. Sa tulong ni Jehova, nagtagumpay kami. Gaya ng aming inaasahan, nang tanggapin naming lahat na 70 ang sentensiyang kamatayan, damang-dama namin na kami’y nagdurusa alang-alang sa katuwiran. Walang nasiraan ng loob sa amin, na ikinayamot naman ng aming mga kaaway. Pagkatapos ay dumating ang sorpresa. Sa halip na ipabaril kami, ibinaba ng mga awtoridad ang aming sentensiya sa 25 taon ng puwersahang pagtatrabaho sa kampo sa Aiud, Romania. Subalit maging ang sentensiyang iyan ay hindi nakumpleto, sapagkat pagkalipas lamang ng 18 buwan, noong Agosto 1944, binuksan na ng lumulusob na Sobyet ang kampo.”

Noong 1942, puwersahang ipinatawag ng mga Pasista ang mga 800 kalalakihan mula sa nayon ng Şirăuţi, Moldova, upang maglingkod sa hukbo ni Heneral Antonescu. Kabilang sa mga ito ang ilang Saksi, kasama na si Nicolae Anischevici. “Sa pagsisimula ng pagpapatala,” ang sabi ni Nicolae, “inutusan kami ng pulisya na sumali sa isang relihiyosong seremonya. Tumanggi kaming mga Saksi. Ayaw rin naming magdala ng sandata. Dahil dito, inakusahan kami ng pulisya na kami raw ay mga Komunista at inaresto kami. Subalit bago kami ibilanggo, pinahintulutan naman kaming ipaliwanag muna sa lahat ng naroroon ang dahilan ng aming paninindigang neutral.

“Kinabukasan inilipat kami sa Briceni, ang hudisyal na sentro para sa distrito. Hinubaran kami rito at siniyasat nang husto. Pagkatapos ay pinagtatanong kami ng isang pari na may mataas na ranggo sa militar. Mabait naman siya, naunawaan niya ang aming paninindigang udyok ng budhi, at isinaayos niya na kami’y mapakain. Isa pa, isinulat niya na ang dahilan ng aming pagtangging magdala ng sandata ay ang aming paniniwala kay Jesus.

“Mula sa Briceni, dinala kami sa istasyon ng pulisya sa Lipcani. Dito ay walang-awa kaming pinagbubugbog ng mga pulis hanggang magtakip-silim. Pagkatapos ay inilagay nila kami sa isang selda kasama ng dalawa pang kapatid na lalaki at, sa pagkabigla namin, isang babae, na espiya pala. Palagi kaming binubugbog sa loob ng ilang araw. Nang dakong huli, ipinadala ako sa Chernovtsy upang humarap sa paglilitis sa hukumang militar. Binigyan naman ako roon ng isang abogado, na napakalaki ng naitulong sa akin. Magkagayunman, napakalaki ng inihina ng aking katawan dahil sa pagmamaltrato anupat inakala ng mga awtoridad ng militar na mamamatay na ako. Sa dakong huli, ipinasiya nilang pauwiin na lamang ako nang hindi nasesentensiyahan.”

Nanatiling Tapat ang Matatapang na Kapatid na Babae

Napaso rin, wika nga, ang mga kapatid na babae, sa maapoy na galit ng mga Pasista. Ang isa rito ay si Maria Gherman (hindi kaanu-ano ni Vasile Gherman subalit pareho sila ng kongregasyon). Matapos arestuhin noong 1943, si Maria ay dinala sa istasyon ng pulisya sa Balasineşti. Naaalaala pa niya: “Inaresto ako ng pulis dahil ayokong magsimba sa Ortodokso. Inilipat muna nila ako sa Lipcani, Moldova, at pagkatapos ay sa Chernovtsy, Ukraine, kung saan ako sinentensiyahan.

“Tinanong ako ng hukom kung bakit ayaw kong magsimba. Sinabi ko sa kaniyang si Jehova lamang ang sinasamba ko. Dahil sa ‘krimeng’ ito, ako at ang 20 pang ibang kapatid na babae ay sinentensiyahan ng 20-taóng pagkabilanggo. Ang ilan sa amin ay isiniksik sa isang maliit na selda na may 30 iba pang bilanggo. Gayunman, kung araw, pinaglilinis ako ng mga bahay ng mayayaman. Masasabi kong mas maganda ang pakikitungo sa akin ng mga taong ito kaysa sa mga opisyal ng bilangguan​—sa paanuman, binibigyan nila ako ng sapat na makakain!

“Nang maglaon, nakontak namin ang mga kapatid na lalaki na nasa kabilang seksiyon ng magkakaugnay na gusali ng bilangguan. Ang pakikipag-ugnayang ito ay naging pagpapala, dahil natulungan namin ang mga kapatid na ito na makakuha ng espirituwal at pisikal na pagkain.”

Gaya ng marami pang ibang Saksing taga-Moldova, ang mga tagapag-ingat na ito ng katapatan ay dumanas ng poot ng mga Pasista para lamang mapaharap sa panibago na namang pag-atake sa kanilang pananampalataya. Ang pag-atake ay mula naman sa sumunod na kapangyarihang panrehiyon, ang Komunistang Russia.

Ang Taktika ng mga Sobyet​—Pagpapatapon

Noong 1944, sa pagtatapos ng digmaan nang natatalo na ang Alemanya, ibinagsak ng mga elemento ng pamahalaan ng Romania na pinangungunahan ni Haring Michael ang rehimen ni Antonescu. Sa gayon ay inilipat ng Romania ang kaniyang katapatan mula sa kapangyarihang Axis tungo sa Russia. Nang taon ding iyon, muling ipinadama ng lumulusob na hukbong Sobyet ang kontrol ng Russia sa rehiyon, anupat ang Moldova ay ginawang bahagi uli ng Unyong Sobyet bilang ang SSR ng Moldavia.

Sa pasimula ay hindi muna pinakialaman ng mga tagapamahalang Komunista ng Moldova ang mga Saksi ni Jehova. Subalit sandali lamang ang pamamahingang ito. Di-naglaon at naging mainit na isyu na naman ang Kristiyanong neutralidad, pati na ang pagtanggi ng mga Saksi na bumoto sa mga eleksiyon ng lokal na mga partido. Hindi pinahintulutan ng sistemang Sobyet ang neutralidad sa pulitika. Kaya isinaplano ng pamahalaan na lutasin ang problema sa pamamagitan ng pagpapatapon sa mga Saksi ni Jehova at sa iba pang “mga di-kanais-nais,” pasimula noong 1949.

Isang opisyal na dokumento ang naglahad sa “desisyon ng politburo (lupong tagapagpaganap) ng Central Committee ng Partido Komunista” may kinalaman sa mga ipatatapon mula sa SSR ng Moldavia. Kabilang sa mga ito ang “dating nagmamay-ari ng mga lupa, malalaking negosyante, aktibong kasabuwat ng mga manlulusob na Aleman, mga taong nakikipagtulungan sa mga awtoridad ng pulisya ng Alemanya at Romania, mga miyembro ng mga partido at organisasyong panig sa mga Pasista, mga miyembro ng White Guard, mga miyembro ng ilegal na mga sekta, pati na ang mga pamilya ng nasabing mga kategorya.” Ipadadala silang lahat sa kanlurang Siberia “hanggang sa panahong walang takda.”

Nagkaroon muli ng pagpapatapon noong 1951, subalit sa pagkakataong ito ay mga Saksi ni Jehova lamang ang pinuntirya. Si Stalin mismo ang nag-utos ng pagpapatapong ito, na tinawag na Operation North. Mahigit sa 720 pamilya ng mga Saksi​—mga 2,600 katao—​ang ipinadala mula sa Moldova tungo sa Tomsk, sa layong mga 4,500 kilometro sa kanlurang bahagi ng Siberia.

Nakasaad sa opisyal na direktiba na ang mga indibiduwal ay bibigyan ng sapat na panahon upang hakutin ang kanilang personal na mga pag-aari bago ihatid sa naghihintay na mga tren. Bukod diyan, ang mga tren ay “aayusing mabuti para masakyan ng mga tao.” Ibang-iba ito sa talagang nangyari.

Sa kalaliman ng gabi, hanggang walong sundalo at mga opisyal ang dumarating sa tahanan ng isang pamilyang Saksi. Ginigising nila ang pamilya at ipinakikita sa kanila ang utos na pagpapatapon. Pagkatapos ay binibigyan lamang nila ng ilang oras ang pamilya para hakutin ang anumang pag-aaring mahahakot nila bago ihatid ang pamilya sa naghihintay na mga tren.

Ang diumano’y pampasaherong mga tren ay mga bagon pala. Umaabot sa 40 katao na may iba’t ibang edad ang isiniksik sa bawat bagon para sa dalawang-linggong paglalakbay. Walang upuan at walang anumang insulasyon upang mapanatili ang init. Sa isang sulok ng bagon ay may isang butas sa sahig na nagsisilbing palikuran. Bago ipatapon ang mga kapatid, dapat sana ay irehistro muna ng lokal na mga opisyal ang mga pag-aari ng bawat isa. Subalit kadalasan, inililista lamang nila ang mumurahing mga bagay; ang mamahaling mga bagay ay basta na lamang “nawawala.”

Subalit sa kabila ng lahat ng pang-aapi at pagpapahirap na ito, hindi kailanman nawala ang Kristiyanong kagalakan ng mga kapatid. Sa katunayan, kapag ang mga tren na pinaglululanan ng mga Saksi ay nagtatagpo sa mga sangandaan ng riles, maririnig ang mga awiting pang-Kaharian mula sa ibang mga bagon. Sa gayon, batid ng mga kapatid sa magkabilang tren na hindi sila nag-iisa kundi sila’y ipinatapon kasama ng daan-daang kapuwa nila mga Saksi. Palibhasa’y nakikita at naririnig ng isa’t isa ang masayang espiritu sa gayong mahihirap na kalagayan, sumisigla ang puso ng bawat isa at napatitibay sila sa kanilang kapasiyahang manatiling tapat kay Jehova, anuman ang mangyari.​—Sant. 1:2.

Pananampalatayang Karapat-dapat Tularan

Kabilang sa mga taga-Moldova na ipinatapon sa Siberia ay si Ivan Mikitkov. Si Ivan, kasama ang iba pang mga Saksi, ay unang naaresto sa Moldova noong 1951 at ipinatapon sa Tomsk. Pinagputól siya ng mga punungkahoy sa kagubatan ng Siberia. Bagaman hindi siya nakakulong sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho, limitado pa rin ang kaniyang mga kilos, at siya’y matamang sinusubaybayan ng mga sekreta. Magkagayunman, siya at ang kaniyang espirituwal na mga kapatid ay nagpatotoo sa iba sa bawat pagkakataon.

Ang sabi ni Ivan: “Nag-organisa kami ng mga kongregasyon sa mahirap at bagong kapaligirang ito. Kami na rin mismo ang gumagawa ng aming sariling mga literatura. Nang maglaon, ang ilan sa aming pinangaralan ay tumanggap ng katotohanan at nagpabautismo. Subalit nang maglaon ay napansin ng mga awtoridad ang aming ginagawa at sinentensiyahan ang ilan sa amin sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho.

“Ako, kasama ng mga kapuwa Saksi na sina Pavel Dandara, Mina Goraş, at Vasile Şarban, ay sinentensiyahan ng 12 taon ng puwersahang pagtatrabaho sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay. Inasahan ng mga awtoridad na mananahimik na ang iba dahil sa mabibigat na sentensiyang ito, subalit hindi ganoon ang nangyari. Saanman dalhin ang ating mga kapatid, nagpatuloy sila sa pangangaral. Noong 1966, pinalaya ako matapos pagdusahan ang kabuuan ng aking sentensiya. Bumalik ako sa Tomsk at nanatili roon nang tatlong taon.

“Noong 1969, lumipat ako sa Donets Basin, at doon ko nakilala si Maria, isang tapat at masigasig na sister, na aking pinakasalan. Noong 1983, inaresto na naman ako. Sa pagkakataong ito, doble ang sentensiya sa akin​—limang-taóng pagkabilanggo at limang taon pa uli na pagkakatapon. Mangyari pa, mas mahirap ang sentensiyang ito kaysa sa nauna dahil mawawalay ako sa aking asawa at anak, na kapuwa rin dumaranas ng paghihirap. Mabuti na lamang, hindi ko na kailangang tapusin ang sentensiya sa akin. Pinalaya ako noong 1987 nang si Mikhail Gorbachev na ang panlahat na kalihim ng Partido Komunista ng Sobyet. Pinahintulutan akong bumalik sa Ukraine at pagkaraan ay sa Moldova.

“Nang bumalik ako sa Bălţi, pangalawa sa pinakamalaking lunsod sa Moldova, may 370 mamamahayag at tatlong kongregasyon dito. Sa ngayon ay mayroon na ritong mahigit sa 1,700 mamamahayag at 16 na kongregasyon!”

“Gusto Mo Bang Mapatulad kay Vasile?”

Bumuo ang mga administrador ng kampo at ang mga tauhan ng KGB (Soviet State Security Committee) ng ilang makasadistang pamamaraan upang pahinain ang integridad ng mga kapatid. Ikinuwento ni Constantin Ivanovici Şobe ang nangyari sa kaniyang lolo na si Constantin Şobe: “Noong 1952, pinagdurusahan ni Lolo ang sentensiya sa kaniya sa isa sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa distrito ng Chita, sa may silangan ng Lake Baikal sa Siberia. Binalaan ng mga opisyal ng kampo na babarilin siya at ang iba pang Saksi kung hindi nila tatalikuran ang kanilang pananampalataya.

“Palibhasa’y ayaw makipagkompromiso ng mga kapatid, tinipon sila ng mga opisyal sa labas ng kampo, malapit sa kagubatan. Papadilim na noon nang dalhin nila ang matalik na kaibigan ni Lolo na si Vasile, sa gawi pa roon ng kagubatan, habang isinisigaw na babarilin nila ito. Alumpihit sa paghihintay ang mga kapatid. Mayamaya, dalawang putok ng baril ang bumasag sa katahimikan ng gabi.

“Bumalik ang mga guwardiya at isinama naman ang sumunod na Saksi, ang aking lolo, patungo sa kagubatan. Matapos ang maikling paglalakad, huminto sila sa isang hawan na lugar. May ilang hukay roon na paglilibingan, at ang isa rito ay may tabon na. Habang nakaturo sa libingang iyon, binalingan ng kumandante si Lolo at sinabi: ‘Gusto mo bang mapatulad kay Vasile, o gusto mong makabalik sa iyong pamilya nang malaya? May dalawang minuto ka para magpasiya.’ Hindi na kinailangan ni Lolo ang dalawang minuto. Agad siyang sumagot: ‘Napakatagal ko nang kilala si Vasile na binaril ninyo. Nananabik akong makasama siyang muli sa pagkabuhay-muli sa bagong sanlibutan. Natitiyak kong naroroon ako sa bagong sanlibutan, kasama ni Vasile. Pero ikaw, naroroon ka kaya?’

“Hindi iyon ang sagot na inaasahan ng opisyal. Ibinalik niya sa kampo si Lolo at ang iba pa. Gaya ng nangyari, hindi na kailangang maghintay si Lolo ng pagkabuhay-muli para makita si Vasile. Isa lamang palang masakit na pandaraya ang lahat ng iyon na sinadya para pahinain ang mga kapatid.”

Nabaligtad ang Propagandang Komunista

Upang lumikha ng galit at paghihinala sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, ang mga Komunista ay gumawa ng mga aklat, brosyur, at mga pelikula na naninira sa bayan ng Diyos. Ang isang brosyur ay pinamagatang Double Bottom (Dobleng Pang-ilalim)​—isang terminong tumutukoy sa lihim na lalagyan ng literatura na ginawa ng mga kapatid sa ilalim ng kanilang mga maleta at mga bag. Naaalaala pa ni Nicolai Voloşanovschi kung paano ginamit ng kumandante ng kampo ang brosyur na ito upang hiyain siya sa harap ng ibang mga bilanggo.

Ang sabi ni Nicolai: “Tinipon ng kumandante ng kampo ang lahat ng bilanggo sa isa sa mga baraks. Saka niya sinipi ang mga binabanggit sa Double Bottom, pati na yaong naglalaman ng mapanirang mga pangungusap tungkol sa akin mismo. Pagkatapos niyang magsalita, humingi ako ng pahintulot na magtanong. Inakala marahil ng kumandante na pagkakataon na niya ito para tuyain ako, kaya pinagbigyan niya ang kahilingan ko.

“Sa pakikipag-usap sa kumandante ng kampo, tinanong ko siya kung natatandaan pa niya noong una niya akong interbyuhin nang ako’y italaga sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Natatandaan daw niya ang interbyu. Pagkatapos ay tinanong ko siya kung natatandaan pa niya ang kaniyang mga itinanong sa akin tungkol sa aking bansang sinilangan, pagkamamamayan, at iba pa habang isinusulat niya ito sa aking mga papeles sa pagtatalaga. Muli, sumagot siya ng oo. Sinabi pa nga niya sa mga naroroon kung ano ang mga isinagot ko. Pagkatapos ay hiniling ko sa kaniya na sabihin kung ano naman ang aktuwal na isinulat niya sa mga papeles. Inamin niya na ang kaniyang isinulat ay hindi tugma sa aking mga sagot. Saka ako humarap sa mga naroroon at nagsabi: ‘Nakita na ninyo, sa ganito ring paraan isinulat ang brosyur na ito.’ Nagpalakpakan ang mga bilanggo, at pagalít na umalis ang kumandante.”

Ang Pakanang Paghiwa-hiwalayin at Lupigin

Noong dekada ng 1960, gumamit ang mga awtoridad ng Sobyet ng bagong mga pamamaraan sa kanilang pagsisikap na sirain ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova. Tinatalakay sa aklat na The Sword and the Shield (Ang Tabak at ang Kalasag), na inilathala noong 1999, ang ilan sa dati’y lihim na mga rekord ng KGB na nakatago sa mga artsibo ng pamahalaan. Ang sabi nito: “Pinagpasiyahan sa komperensiya noong Marso 1959 ng mga nakatataas na opisyal ng KGB na nangunguna sa ‘pakikipaglaban sa mga Jehovist [Saksi ni Jehova]’ na ang pinakamagaling na estratehiya ay ang ‘ipagpatuloy ang mga hakbang sa pagsupil sa pamamagitan ng mga hakbang sa panggugulo.’ Determinado ang KGB na paghiwa-hiwalayin, pahinain at siraan ang mga kasapi ng sekta, at arestuhin ang kanilang pinakamatataas na lider sa pamamagitan ng mga maling paratang.”

Kabilang sa “mga hakbang sa panggugulo” ang isang nagkakaisang kampanya na maghasik ng pag-aalinlangan sa gitna ng mga kapatid sa buong Unyong Sobyet. Sa layuning iyan, nagkalat ang KGB ng mapaminsalang mga tsismis, na sinasabing may ilang nangungunang kapatid na nakipagtulungan na raw sa mga serbisyong panseguridad ng Estado. Napakatuso ng paraan ng mga KGB sa kanilang pagsisinungaling anupat hindi na tuloy malaman ng marami sa mga Saksi kung sino ang pagtitiwalaan nila.

Ang isa pang pakana ng KGB ay ang magsanay ng mga special agent na magkukunwang “aktibo[ng]” mga Saksi ni Jehova at pagkatapos ay magsisikap na mabigyan ng mga pananagutan sa organisasyon. Mangyari pa, palaging babalitaan ng mga espiyang ito ang KGB. Lihim ding nilapitan ng KGB ang tunay na mga Saksi upang suhulan sila ng malaking halaga ng salapi para makuha ang kanilang pakikipagtulungan.

Nakalulungkot sabihin, naapektuhan ng mapanlinlang na mga hakbang na ito sa panggugulo ang pagkakaisa ng mga kapatid, pati na yaong mga nasa Moldova. Bunga nito, bumangon ang paghihinala sa isa’t isa. May ilang kapatid na humiwalay na sa organisasyon at bumuo ng sariling grupo na nakilala bilang ang oposisyon.

Bago ang mga pangyayaring ito, ang mga kapatid sa Unyong Sobyet ay sumasangguni sa organisasyon ni Jehova, sa espirituwal na pagkaing inilalaan nito, at sa responsableng mga kapatid na inatasan nito bilang alulod. Nagkaroon na ngayon ng kalituhan at pag-aalinlangan tungkol sa alulod na ito. Paano kaya niliwanag ng mga kapatid ang kalituhan? Sa di-inaasahan, nagawa nila ito sa tulong na rin ng Estado ng Sobyet. Oo, ang mismong mga nagpakana ang tumulong upang malutas ang mismong problemang nilikha nila. Paano nangyari iyon?

Hindi Nila Naisaalang-alang ang Espiritu ng Diyos

Noong unang mga taon ng dekada 1960, pinagsama-sama ng mga awtoridad ng Sobyet ang maraming “lider” na Saksi mula sa buong Unyong Sobyet sa isang kampo na mga 150 kilometro ang layo mula sa lunsod ng Saransk sa republika ng Mordvinia, sa kanlurang bahagi ng Russia. Dati-rati, nasa hiwa-hiwalay at malalayong lugar ang mga kapatid, anupat nahahadlangan ang komunikasyon at nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan. Subalit ngayon ay magkakasama na ang mga kabilang at di-kabilang sa tinatawag na oposisyon. Kaya naman, nakapag-uusap na sila nang harapan at nakikita na nila kung ano ang katotohanan at kung ano ang kasinungalingan. Bakit naman kaya pinagsama-sama ng mga awtoridad ang mga kapatid na ito? Malamang na inakala nilang mag-aaway-away ang mga kapatid, anupat lalong magkakahiwa-hiwalay. Bagaman tuso, nalimutan nilang isaalang-alang sa kanilang pakana ang espiritu ni Jehova na nagbubuklod ng pagkakaisa.​—1 Cor. 14:33.

Si Gheorghe Gorobeţ ay isa sa mga kapatid na nabilanggo sa Mordvinia. Naaalaala pa niya: “Hindi pa natatagalan matapos na ako’y arestuhin at ibilanggo, isang kapatid na kaugnay sa oposisyon ang nabilanggo ring kasama namin. Nang makita niyang nakabilanggo pa rin pala ang responsableng mga kapatid, nagulat siya, sapagkat sinabihan siya na kaming lahat daw ay kasinlaya na ng mga ibon at namumuhay nang marangya sa tulong ng KGB!”

Nagpatuloy pa si Brother Gorobeţ: “Nang unang taon ko sa bilangguan, mahigit sa 700 katao ang ibinilanggo dahil sa relihiyon. Karamihan ay mga Saksi ni Jehova. Sama-sama kaming nagtatrabaho noon sa isang pabrika at nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap ang mga nakisama sa humiwalay na grupo. Dahil dito, naging malinaw ang maraming bagay noong mga taon ng 1960 at 1961. Nang dakong huli, noong 1962, lumiham ang komite ng bansa na nangangalaga sa Unyong Sobyet mula mismo sa loob ng kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Ang liham ay nakarating sa lahat ng kongregasyon sa Unyong Sobyet at nagsimulang mabawi ang lahat ng pinsalang idinulot ng kampanya ng kasinungalingan ng KGB.”

Pagkilala sa Tunay na Alulod

Pinalaya si Brother Gorobeţ mula sa kampo ng puwersahang pagtatrabaho noong Hunyo 1964, at agad siyang nagbalik sa Moldova. Pagdating niya sa Tabani, natuklasan niyang nalilito pa rin ang maraming Saksi roon kung sino ang ginagamit ni Jehova upang magpakain at mangasiwa sa Kaniyang bayan. Bibliya na lamang ang binabasa ng marami sa mga kapatid.

Inatasan ang isang komite na binubuo ng tatlong may-gulang sa espirituwal na mga kapatid na lalaki upang tumulong na linawin ang mga bagay-bagay. Isa sa unang mga ginawa nila ay ang pagdalaw sa mga kongregasyon sa hilagang bahagi ng Moldova, na kinaroroonan ng karamihan sa mga Saksi. Ang patuloy na katapatan ng mga ito at ng iba pang Kristiyanong tagapangasiwa, sa kabila ng dinanas na matinding pag-uusig, ang nakakumbinsi sa marami na ginagamit pa rin ni Jehova ang organisasyong ito na unang nagturo sa kanila ng katotohanan.

Noong huling mga taon ng dekada 1960, kitang-kita ng KGB na patuloy na sumusulong ang gawaing pangangaral sa kabila ng pag-uusig at ng iba pang mga taktika. Bilang paglalarawan sa reaksiyon ng KGB, ang aklat na The Sword and the Shield ay nagsabi: “Nabahala ang Sentro [ng KGB] sa mga ulat na, kahit nasa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho, ‘ang mga lider at awtoridad ng Jehova ay hindi tumalikod sa kanilang kontrang paniniwala at patuloy pa rin sila sa pagsasagawa ng kanilang gawaing Jehova kahit nasa mahirap na kalagayan sa kampo.’ Isang komperensiya ng mga opisyal ng KGB na bumubuo ng mga operasyon laban sa mga Saksi ni Jehova ang isinagawa sa [Chisinau] noong Nobyembre 1967 para pag-usapan ang mga bagong hakbang ‘upang mahadlangan ang kontrang gawain’ at ‘salungat na ideolohiya ng mga miyembro ng sekta.’ ”

Niligalig ng Dating mga Kapatid

Nakalulungkot sabihin, may ilang indibiduwal na nahulog sa “mga bagong hakbang” na ito at naging sunud-sunuran sa kagustuhan ng KGB. Ang ilan ay nagpadaig sa kasakiman o takot sa tao; ang iba naman ay dating mga kapatid na may kimkim na galit sa mga Saksi. Ginamit sila ng mga awtoridad upang sirain ang integridad ng mga tapat. Sinabi ng mga Saksing nagdusa sa bilangguan at mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho na ang isa sa pinakamalungkot na situwasyong napaharap sa kanila kailanman ay ang panliligalig ng dating mga kapatid, na ang ilan ay mga apostata na ngayon.

Karamihan sa mga apostata ay nagmula sa nabanggit na oposisyon. Sa pasimula, ang grupong ito ay binubuo ng ilang nalito lamang dahil sa pagsisinungaling ng KGB. Subalit marami sa nananatiling kaugnay sa oposisyon noong mga huling taon ng dekada 1960 ay yaong nagpapamalas ng balakyot na espiritu ng uring masamang alipin. Palibhasa’y hindi nakinig sa babala ni Jesus, sinimulan nilang “mambugbog ng [kanilang] mga kapuwa alipin.”​—Mat. 24:48, 49.

Subalit nabigo ang pakanang paghiwa-hiwalayin at lupigin ang bayan ng Diyos, sa kabila ng lahat ng patuloy na panggigipit ng KGB at ng kanilang mga galamay. Noong unang mga taon ng dekada 1960 nang pasimulang pagkaisahin-muli ng tapat na mga kapatid ang organisasyon sa Moldova, karamihan sa mga kapatid sa lupaing iyon ay kabilang sa oposisyon. Subalit pagsapit ng 1972, ang mas nakararami ay bumalik sa tapat na paggawa kasama ng organisasyon ni Jehova.

Isang Mapagpasalamat na Mang-uusig

Ang mga tapat na nanatili sa Moldova noong panahon ng Komunista ay nagpatuloy sa gawaing pangangaral sa abot ng kanilang makakaya. Nagpatotoo sila sa kanilang pamilya, mga kaibigan, kaeskuwela, at katrabaho sa di-pormal na paraan. Subalit maingat sila, sapagkat maraming opisyal ng partido sa Moldova ang panatiko sa ideolohiya ng Komunista. Gayunman, hindi lahat ng Komunista ay nakadama ng paghamak sa mga Saksi ni Jehova.

Naaalaala pa ni Simeon Voloşanovschi: “Hinalughog ng mga pulis ang aming tahanan at sinamsam ang napakaraming literatura, na isa-isa namang inilista ng nangangasiwang opisyal. Nang maglaon, bumalik siyang dala ang kaniyang listahan at tinanong ako kung tama ang mga nakalista roon. Habang tinitingnan ko ang mga nakalista, napansin kong may kulang​—isang sipi ng Bantayan na tumatalakay sa pamilya at kung paano magagawang mas maligaya ang buhay sa tahanan. Hinanap ko ito sa opisyal. ‘A, iniuwi ko iyon, at binasa naming mag-anak,’ ang sagot niya na parang napahiya. ‘E, nagustuhan po ba naman ninyo ang inyong nabasa?’ ang tanong ko. ‘Aba, oo! Gustung-gusto namin!’ ang sabi niya.”

Humupa ang Pagsalansang, at Nagpatuloy ang Paglago

Noong dekada ng 1970, kinalimutan na ng mga awtoridad na Komunista ang kanilang patakaran na arestuhin at ipatapon ang bayan ni Jehova. Subalit may paisa-isa pa ring mga kapatid na inaresto at nilitis dahil sa pagpapatotoo o pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Gayunman, hindi na gaanong mabigat ang mga sentensiya.

Noong taon ng 1972, nagsimula ang kaayusan na magkaroon ng matatanda sa Moldova, gaya rin sa ibang lugar. Naaalaala pa ni Gheorghe Gorobeţ: “Buong-kagalakang tinanggap ng kapatiran ang bagong kaayusan, anupat itinuring ito na karagdagang patotoo na talagang kumikilos ang espiritu ni Jehova. Isa pa, ang pagdami ng mga hinirang na lalaki ay nakatulong sa mga kongregasyon sa Moldova na lumago sa espirituwal at sa bilang.”

Mangyari pa, sa panahong iyon ay marami nang karanasan ang mga kapatid sa pag-oorganisa ng gawaing pangangaral at sa maingat na paglilimbag ng mga literaturang salig sa Bibliya. Nang magsimula ang paniniil ng mga Komunista, ang mga literatura ay ginagawa sa dalawang lokasyon sa Moldova, at ginagawa lamang ang mga ito sa gabi sa loob ng maraming taon ng matinding pag-uusig. Kaya kailangang magkaroon ng dalawang buhay ang mga manggagawa​—isa sa umaga, kapag isinasagawa nila ang kanilang normal na mga gawain na gaya ng ibang mamamayan, at ang isa naman ay sa gabi, kapag nagtatrabaho sila hanggang madaling-araw sa paggawa ng mga literatura para sa mga kongregasyon.

Subalit nagbago ang kalagayang ito nang humupa ang pagsalansang at pagmamatyag. Maaari nang patakbuhin ng mga kapatid ang lihim na mga palimbagan nang mas mahusay at mag-atas ng karagdagang mga boluntaryo para mag-asikaso sa gawain. Bilang resulta, dumami ang produksiyon.

Napasulong din ng mga kapatid ang kanilang mga pamamaraan sa paglilimbag. Halimbawa, gumamit sila ng pantanging mga padron (template) na maaaring gawin sa makinilya. Binago rin nila ang mga pang-imprenta upang sabay itong makapag-imprenta sa magkabilang panig ng papel. Dahil sa mga pagsulong na ito, lalong dumami ang produksiyon. Tapos na ang mga araw ng sulat-kamay na mga kopya ng pantulong sa pag-aaral ng Bibliya!

Mangyari pa, dahil mas marami nang literatura, lalo nang personal na makapag-aaral ng Bibliya ang mga kapatid. Ito at ang mas mahusay na komunikasyon ay nakatulong upang maalis ang natitira pang bakas ng naunang kalituhan. Subalit ang mga pagsulong na ito ay patikim lamang ng mas mabubuting bagay na darating para sa bayan ni Jehova sa Moldova.

Umunlad ang Tunay na Pagsamba

Bagaman isang higante sa pulitika at militar noong kapanahunan nito, ang Komunismong Sobyet ay nabigo sa pagsugpo sa tunay na pagsamba. Sa katunayan, dahil sa programa nila ng pagpapatapon, di-sinasadyang nakatulong ang mga Sobyet sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa ilan sa ‘pinakamalalayong bahagi ng lupa.’ (Gawa 1:8) Nangako si Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay . . . Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova, at ang kanilang katuwiran ay mula sa akin.” (Isa. 54:17) Totoong-totoo nga ang mga salitang ito!

Dahil sa pagbabago ng pamahalaan noong 1985, naging mas madali ang buhay para sa mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet. Hindi na sila sinusubaybayan ng mga sekreta o pinagmumulta dahil sa pagdalo sa relihiyosong mga pagtitipon. Bagaman ang mga kapatid sa Moldova ay patuloy pa rin sa regular na pagpupulong sa maliliit na grupo na di-hihigit sa sampu, sinimulan na nilang gamitin ang pantanging mga okasyon, gaya ng mga kasalan at libing, para magdaos ng maliliit na pansirkitong asamblea.

Pagkatapos noong tag-araw ng 1989, napasigla ang pangangaral nang idaos ang tatlong internasyonal na mga kombensiyon sa mga lunsod ng Chorzow (malapit sa Katowice), Poznan, at Warsaw sa Poland. Daan-daang delegado mula sa Moldova ang dumalo. Isa ngang makabagbag-damdaming karanasan para sa mga tapat na kapatid na ito, na nasanay sa palihim na pagpupulong nang iilan lamang, na makasama sa internasyonal na pulutong ng maliligayang Saksi​—na lahat ay sama-samang sumasamba kay Jehova!

Isa pang espirituwal na putahe ang natikman ng mga kapatid sa Moldova noong 1991 nang sa kauna-unahang pagkakataon sa buong kasaysayan ng gawain sa bansang iyon ay hayagan na silang makapagdaos ng mga pansirkitong asamblea. Isa na namang mahalagang pangyayari ang naganap noong taóng 1992​—ang internasyonal na kombensiyon sa St. Petersburg, Russia. Mas maraming delegado mula sa Moldova ang dumalo sa kombensiyong ito kaysa sa tatlong asamblea na dinaluhan nila sa Poland noong 1989. Oo, binuksan na ni Jehova ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibinuhos na ang sunud-sunod na mga pagpapala sa kaniyang tapat at mapagpasalamat na mga lingkod.

Pagsasanay sa mga Naglalakbay na Tagapangasiwa

Ang higit na kalayaan ay nangangahulugan din ng mas malapit na ugnayan ng komite ng bansa para sa Unyong Sobyet at ng mga naglalakbay na tagapangasiwa. Noong Disyembre 1989, ang may-gulang sa espirituwal na mga kapatid na ito, may bilang noon na 60, ay nagtipon sa Lvov, Ukraine para maturuan. Kung iisipin na lahat ng dumalo ay pawang nagdusa sa bilangguan, mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho, at iba pang uri ng pag-uusig, isa ngang nakagagalak at nakapagpapalakas na okasyon ang klaseng iyon! Sa katunayan, marami ang naging matalik nang magkakaibigan noon pa mang mahihirap na panahong iyon.

Apat sa mga naglalakbay na tagapangasiwa sa klaseng iyon ang nagmula sa Moldova. Nang sila’y magbalik, ipinaabot nila sa mga kongregasyon ang matalinong payo na tinanggap nila sa Lvov, lalo na yaong may kaugnayan sa pangangaral. Halimbawa, pinayuhan nila ang mga kapatid na patuloy na mangaral ng Salita ng Diyos sa maingat na paraan, kahit malaya na sila ngayon. (Mat. 10:16) Bakit kaya kailangan pa ring mag-ingat? Sapagkat sa teknikal na paraan ay ipinagbabawal pa rin ang gawain.

Kailangang-Kailangan ang mga Kingdom Hall

Mula pa nang unang maitatag ang gawaing pangangaral sa Moldova, gustung-gusto na ng mga kapatid na magkaroon ng sarili nilang bulwagan na mapagpupulungan. Sa katunayan noong 1922, nagtayo ang mga Estudyante ng Bibliya sa nayon ng Corjeuţi ng isang bulwagan mula sa kanilang sariling bulsa. Sa tawag na bahay-pulungan, nasapatan nito ang kanilang pangangailangan sa loob ng maraming taon.

Noong huling mga taon ng dekada 1980, nang halos wala nang pagsalansang, maraming bayan at nayon ang nagkaroon ng mga kongregasyon na may daan-daang mamamahayag. Ang mga ito’y nagpulong sa maliliit na grupo sa pribadong mga bahay. Kung gayon, panahon na kaya para ipagpatuloy ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall? Upang malaman, lumapit ang mga kapatid sa iba’t ibang administrador ng nayon.

Ang ilan sa mga opisyal na ito ay napakamatulungin. Ganito ang nangyari sa Feteşti, isang nayon sa hilaga ng Moldova na may 3,150 naninirahan. Noong Enero 1990, nakipagkita ang lokal na mga kapatid sa alkalde, na nagpabatid sa kanila na sa kaniyang nayon ay maaari na nilang ituring ang kanilang gawain na malaya mula sa opisyal na mga pagbabawal. Palibhasa’y nag-iingat pa rin, hindi makapaniwala ang mga kapatid sa kanilang narinig. Kaya humingi sila ng pahintulot na ayusin ang bahay ng isang kapatid upang magamit ito ng kongregasyon bilang isang maliit na Kingdom Hall, bagaman ang kongregasyon ay may 185 mamamahayag!

Inaprobahan ng alkalde ang proyekto, at nagsimula nang magtrabaho ang mga kapatid. Subalit nagkaroon agad sila ng malaking problema. Kung aalisin nila ang isang partikular na pader para ituloy ang proyekto, malamang na magiba ang bahay! Kaya tigil agad ang trabaho. Ano kaya ang gagawin nila? Nagpasiya ang mga kapatid na lapitan uli ang alkalde upang ipaliwanag ang problema. Tuwang-tuwa sila nang payagan silang magtayo ng isang bagung-bagong Kingdom Hall! Puspusang pinagtulung-tulungan ng buong kongregasyon ang proyekto, anupat natapos ito sa loob lamang ng 27 araw.

Upang magkasyang lahat sa bagong Kingdom Hall, hinati sa dalawa ang Kongregasyon ng Feteşti. Gayunman, maraming bagong mamamahayag ang hindi pa nababautismuhan. Kung gayon, bakit hindi isama ang bautismo sa programa ng pag-aalay? Ganiyan nga ang ginawa ng mga kapatid. Kaya pagkatapos ng pahayag sa bautismo, lahat ay lumusong sa karatig na ilog, kung saan 80 katao ang nagsagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova.

Mangyari pa, maraming iba pang kongregasyon ang kailangang-kailangan ding magkaroon ng Kingdom Hall. Palibhasa’y nakakakita naman sila ng larawan ng mga Kingdom Hall sa mga literatura, ipinasiya ng ilang kongregasyon na magtayo ng katulad nito. Kaya nag-ambag-ambag sila, puspusang nagkusa, at nagsimula nang magtayo. At hindi ito iilang kaso lamang. Mula 1990 hanggang 1995, nakapagtayo ang mga kapatid ng mahigit sa 30 Kingdom Hall​—pawang mula sa sariling sikap at salapi.

May piling mga Kingdom Hall na ginamit din para sa mga pansirkitong asamblea. Subalit napakaraming dumadalo sa mga ito anupat marami ang nakikinig na lamang ng programa sa labas ng bulwagan. Dahil dito, napag-isip-isip ng mga kapatid na kailangan nang magtayo ng Assembly Hall. Muli, hindi sila nag-aksaya ng panahon. Noong 1992, sa loob lamang ng tatlong buwan, itinayo nila ang kauna-unahang Assembly Hall sa Moldova​—isang 800-upuang gusali sa Corjeuţi. Nang sumunod na taon, mula na naman sa kanilang sariling sikap at salapi, ang mga Saksi ay nagtayo ng isang 1,500-upuang Assembly Hall sa Feteşti.

Parang sinadya ng Diyos ang panahon ng pagtatayong ito, sapagkat noong kalagitnaan ng dekada 1990, mabilis na bumaba ang halaga ng salapi ng Moldova dahil sa pagbabago sa pulitika at pagbagsak ng ekonomiya. Bilang resulta, ang perang kailangan para makapagtayo ng isang buong Kingdom Hall noong unang mga taon ng dekada 1990 ay hindi man lamang makasasapat na pambili ng mga upuan pagkaraan lamang ng ilang taon!

Pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa Timog

Di-gaya ng mga kongregasyon sa gawing hilaga ng Moldova, mas kakaunti ang mga Kingdom Hall sa timog. Dahil dito, habang mabilis na lumalawak ang gawain noong dekada ng 1990, maraming bagong-tatag na kongregasyon sa timog ang nahihirapan namang humanap ng angkop na mga dakong mapagpupulungan. Ginamit noon ang mga pampublikong paaralan, subalit naging mas mahirap na ang pag-upa sa mga ito.

Muli na namang tinulungan ni Jehova ang mga kapatid sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. Tamang-tama, sa pamamagitan ng kaayusan ng Kingdom Hall Fund, naglaan ang Lupong Tagapamahala ng pondo para sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga lupaing gaya ng Moldova kung saan limitado lamang ang pananalapi ng mga kongregasyon.

Epektibong nagamit ng mga kapatid ang paglalaang ito. Isang mainam na halimbawa ang Chisinau. Noong 1999, wala kahit isang Kingdom Hall sa kabiserang ito. Subalit pagsapit ng Hulyo 2002, sampung bulwagan na ang nagagamit ng 30 sa 37 kongregasyon sa lunsod, at tatlo pa ang itinatayo.

Opisyal na Kinilala sa Wakas!

Noong Agosto 27, 1991, ang Moldova ay naging independiyenteng republika. Dahil nagmula sa Sobyet ang pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova, wala na itong bisa ngayon. Gayunpaman, ang mga Saksi ni Jehova, na mga 4,000 na noon, ay hindi pa rin opisyal na nakarehistro bilang isang relihiyosong organisasyon.

Matapos tumanggap ng nakatutulong na tagubilin mula sa Lupong Tagapamahala, agad na nilapitan ng tanggapan ng Moldova ang tamang mga ahensiya ng pamahalaan upang makakuha ng opisyal na pagkilala para sa mga Saksi ni Jehova. Naging mapagbigay naman sa kahilingan ang bagong administrasyon. Medyo natagalan ang pagpoproseso ng mga papeles, subalit sa wakas, noong Hulyo 27, 1994, natanggap din ng opisina ang opisyal na dokumento ng pagrerehistro.

Isa nga itong di-malilimot na araw para sa mga Saksi ni Jehova sa Moldova! Matapos dumanas ng halos anim na dekada ng pagbabawal, pag-uusig, at pagkabilanggo, ngayon ay maaari na nilang sambahin si Jehova at ipangaral ang mabuting balita nang hayagan. Maaari na rin silang makapagdaos ng kanilang sariling mga pandistritong kombensiyon. Sa katunayan, noong Agosto 1994, isang buwan matapos makuha ang opisyal na pagkilala, nagtipon ang mga Saksi ni Jehova sa pinakamalaking istadyum sa Chisinau para sa kauna-unahang pandistritong kombensiyon na naganap kailanman sa Moldova. Isa nga itong nakapananabik na okasyon!

Pagpapalawak sa Bethel

Pagsapit ng 1995, ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian ay umabot na ng mahigit sa 10,000. Isang maliit na opisina sa Chisinau ang nangangalaga sa ilang aspekto ng gawain sa Moldova, subalit ang tanggapang pansangay sa Russia​—mga 2,000 kilometro ang layo—​ang nangangasiwa sa pangkalahatan. Gayunman, ang sangay sa Romania ay 500 kilometro lamang ang layo, at karamihan sa mga taga-Moldova ay nagsasalita ng Romaniano. Sa katunayan, Romaniano ang ginawang opisyal na wika ng republika. Kaya matapos pagtimbang-timbangin ang mga bagay-bagay, inirekomenda ng Lupong Tagapamahala na ang sangay na sa Romania ang mangasiwa sa gawain sa Moldova.

Samantala, dahil sa patuloy na paglago, nabibigatan na ang opisina sa Chisinau, na nasa isang maliit na apartment lamang. Maliwanag na panahon na para bumuo ng isang pamilyang Bethel. Kabilang sa unang mga miyembro nito ay sina Ion at Iulia Rusu. Si Brother Rusu ay naglingkod bilang isang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito mula 1991 hanggang 1994. Ang isa pang miyembro ng pamilyang Bethel ay si Gheorghe Gorobeţ, na naglilingkod noon bilang isang tagapangasiwa ng distrito hanggang sa ilipat siya sa bagong atas na ito. Malayo sa Bethel ang kaniyang tirahan at nagbibiyahe siya araw-araw patungong Bethel. Sina Guenther at Rosaria Matzura, mga nagtapos sa ika-67 klase sa Gilead, ay dumating noong Mayo 1, 1996, matapos ang ilang taóng paglilingkod sa Romania.

Habang lumalaki ang bilang ng mga mamamahayag, lumalaki rin ang pangangailangan para sa higit pang mga manggagawa sa Bethel. Subalit limitado lamang ang espasyo. Isa pa, noong 1998, ang tahanang Bethel sa Moldova ay nakakalat sa limang apartment sa iba’t ibang bahagi ng lunsod! Kaya naman, pinasimulan ang paghahanap ng isang angkop na lugar na mapagtatayuan ng mga pasilidad ng Bethel sa iisang lokasyon. May-kabaitang inialok ng mga awtoridad ng pamahalaan sa Chisinau sa mga kapatid ang 3,000 metro kuwadradong lote na nasa sentro mismo ng lunsod, na buong-pasasalamat naman nilang tinanggap. Palibhasa’y umaasang lalawak pa ang gawain, binili na rin ng mga kapatid ang isang katabing lote.

Kinontrata muna ang isang kompanya para itayo ang balangkas. Pagkatapos, ipinaubaya na sa mga internasyonal na boluntaryo at sa mga kapatid na tagaroon, ang natitirang trabaho. Nagsimula ang pagtatayo noong Setyembre 1998, at pagkalipas lamang ng 14 na buwan, buong-pananabik na lumipat ang pamilyang Bethel sa kanilang bagong tahanan, anupat tuwang-tuwa na sila’y nagkasama-sama na rin sa wakas.

Ang programa ng pag-aalay para sa bagong mga pasilidad ng Bethel ay idinaos noong Setyembre 16, 2000. Dumalo ang mga panauhin mula sa 11 bansa. Nang sumunod na araw, nagpahayag si Gerrit Lösch na miyembro ng Lupong Tagapamahala sa mahigit na 10,000 tagapakinig sa isang istadyum na pang-isport sa lugar na iyon. Nadama ng lahat ng naroroon ang mainit na bigkis ng pag-ibig na nagbubuklod sa bayan ni Jehova sa buong daigdig.

Sa kasalukuyan, ang pamilyang Bethel sa Moldova ay may 26 na miyembro. Ang ilan, gaya nina David at Miriam Grozescu, ay mga taga-ibang bansa na dumating upang maglingkod bilang mga Bethelite na naglilingkod sa ibang lupain. Ang iba naman, gaya ni Enno Schlenzig, ay nag-aral sa Ministerial Training School sa kanilang sariling bansa at pagkatapos ay tumanggap ng atas sa ibang bansa, dito sa Moldova. Kaya, maliit man ang pamilyang Bethel, iba’t iba naman ang nasyonalidad nito.

Pagsasanay sa mga Mang-aani

Noong mga dekada ng pagbabawal at pag-uusig, ibinahagi ng bayan ni Jehova sa Moldova ang mabuting balita sa iba sa maingat at, mangyari pa, sa di-pormal na paraan. Subalit ngayon ay panahon na para hayagan silang makibahagi sa gawaing pagbabahay-bahay at pagpapatotoo sa lansangan. Bilang pagsunod, naging abala ang mga kapatid sa mga pitak na ito ng ministeryo, partikular na ang pagpapatotoo sa lansangan na gustung-gusto nila. Gayunman, habang dumarami ang mga mamamahayag, kinailangan ang pagiging timbang. Kaya nga, hinimok ang mga kongregasyon na magtuon ng pansin sa pagbabahay-bahay, na ginawa naman nila nang buong katapatan.

Ngayon higit kailanman, nakita ng mga mamamahayag na gutom na gutom ang kanilang mga kapitbahay sa tunay na espirituwal na pagkain. Upang masapatan ang pangangailangang iyan, pinaglaanan ng organisasyon ni Jehova ang mga kongregasyon ng Ang Bantayan, Gumising!, at iba pang mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya kapuwa sa wikang Romaniano at Ruso. Kasabay nito, nagsikap na mabuti ang mga kapatid upang mapasulong ang kalidad ng kanilang ministeryo sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga mungkahing presentasyon na nakabalangkas sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Mabisa rin nilang ginamit ang progresibong pagsasanay na inilalaan sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.

Ang karagdagang tulong, lalo na sa kaayusan ng organisasyon, ay ibinibigay ng may-gulang at makaranasang mga kapatid na lalaki mula sa ibang mga bansa. Tulad ng balag na sumusuporta sa gumagapang na mga halamang namumunga, ang mahuhusay at may-pagkukusang internasyonal na mga katulong na ito ay naglalaan kapuwa ng suporta at katatagan sa mga kongregasyon.

Isang Panahon ng Mabilis na Pagdami

Ang mabilis na pagdami ng mga alagad sa Moldova ay kitang-kita sa kabiserang lunsod, ang Chisinau, na may populasyon na 662,000. Noong Enero 1991, bago tumanggap ang mga Saksi ni Jehova ng opisyal na pagkilala, ang Chisinau ay mayroon lamang dalawang kongregasyon na may mga 350 mamamahayag. Subalit pagsapit ng Enero 2003, ang bilang na iyan ay umabot sa 37 kongregasyon na may mahigit sa 3,870 mamamahayag! Isang kongregasyon ang may 101 estudyante ng Bibliya na naging bagong mga mamamahayag sa loob lamang ng siyam na buwan! Dahil sa gayong kabilis na pagdami, pangkaraniwan na lamang na mahati ang mga kongregasyon sa lunsod pagkalipas lamang ng mga dalawang taon.

Noong Agosto 1993, ang Moldova sa kabuuan ay mayroon nang 6,551 mamamahayag. Subalit pagsapit ng Marso 2002, ang bilang na iyan ay umabot pa hanggang 18,425​—isang 280-porsiyentong pagsulong sa loob ng siyam na taon! Sa loob ng panahon ding iyon, ang bilang ng mga regular pioneer ay tumaas mula 28 tungo sa 1,232.

Bise-Alkalde na Naging Payunir

Kabilang sa mga natuto ng tungkol kay Jehova ang maraming dating Komunista, anupat ang ilan sa kanila ay may mga tungkulin pa sa gobyerno. Isa na rito si Valeriu Mârza, dating bise-alkalde ng Soroca, isang bayan na may mga 39,000 mamamayan. Kapag may pantanging mga okasyon, si Valeriu ay isa sa mga dignitaryong nasa entablado na sinasaluduhan ng mga nagmamartsa sa kanilang pagdaan. Kaya naman kilalang-kilala siya sa lunsod.

Subalit nang bandang huli, si Valeriu ay nag-aral ng Bibliya at nabautismuhan. Ano kaya ang reaksiyon ng mga tao kapag siya’y nangangaral sa kanila? “Halos lahat naman ay nagpápatulóy sa akin,” ang sabi ni Brother Mârza. “Napakainam ng mga pagkakataon ko para mangaral, at nakita naming mag-asawa kung gaano kabungang teritoryo ang aming bayan!” Di-nagtagal, inatasan si Brother Mârza bilang isang special pioneer. Naglingkod din silang mag-asawa sa Bethel sa loob ng isang taon. Pribilehiyo nila ngayon na makibahagi sa gawaing pansirkito.

Tumulong ang mga Payunir

Ang proporsiyon ng mga mamamahayag kung ihahambing sa populasyon ng Moldova ay isa ngayon sa pinakamahusay sa Europa. Gayunman, marami pa ring nayon at maliliit na bayan na wala pang mga Saksi. Dahil sa hirap ng buhay, karamihan sa mga mamamahayag at mga payunir ay hindi makapaglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Upang matiyak na naaabot ng mabuting balita ang mga tao sa buong teritoryo, nag-atas ang sangay sa Romania ng halos 50 special pioneer sa Moldova. Mahigit na 20 sa mga ito ang nakinabang din mula sa pagsasanay na inilalaan ng Ministerial Training School, na ginaganap sa Romania, Russia, at Ukraine.

Ang masisipag na ebanghelisador na ito ay nagkakamit ng napakagagandang resulta. Halimbawa, nang atasan ang mag-asawang special pioneer na sina Serghei at Oxana Zighel sa Căuşeni noong 1995, ang bayan ay mayroon lamang isang grupo na binubuo ng 15 mamamahayag. Tinulungan ng mag-asawang Zighel ang mga kapatid doon na makapagbukas ng maraming bagong pag-aaral sa Bibliya. Nagpamalas din sila ng maligayang espiritu ng pagpapayunir, kung kaya marami ang nahikayat na sumama sa kanila sa buong-panahong paglilingkod. Sa ngayon, ang Căuşeni ay may dalawa nang kongregasyon na binubuo ng mga 155 mamamahayag​—sampung-ulit na pagsulong sa loob lamang ng pitong taon! Samantala, ang mag-asawang Zighel naman ay nakikibahagi ngayon sa gawaing pansirkito, na nagbigay ng pagkakataon sa kanila upang makatulong sa mas marami pang kongregasyon.

Malaya Na Ngunit Mahirap Pa Rin

Ang pamamahala ng tao, anuman ang anyo nito, ay may sariling mga problema. Sa ilalim ng monarkiya ng Romania, diktadurang Pasista, at pamamahalang Komunista, ang bayan ni Jehova sa Moldova ay kinailangang makipagpunyagi sa pagsalansang ng klero, pagbabawal, pag-uusig, at pagpapatapon. Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova, gaya ng iba, ay kailangang makibaka sa hirap ng buhay, anupat napipilitan tuloy ang mga mag-asawa na parehong maghanapbuhay. Ang iba naman ay nahihirapang makahanap man lamang ng trabaho.

Kasabay nito, lumalala ang krimen at katiwalian dahil sa masamang epekto ng bulok na moralidad at materyalismo sa mga tao. Magtatagumpay kaya ang bayan ni Jehova sa harap ng tusong panganib na ito sa kanilang espirituwalidad? Tiyak na oo! Natutuhan nila mula sa kanilang karanasan na hindi kailanman pinababayaan ni Jehova ang mga matapat sa kaniya, na umaasa sa tulong niya kapag may dumarating na mga pagsubok at tukso.​—2 Tim. 3:1-5; Sant. 1:2-4.

Ipinaaalaala sa atin ng kasalukuyang situwasyon ang ika-14 na kabanata ng Apocalipsis, na tumatalakay sa dalawang makasagisag na pag-aani. Ang isa ay ang pag-aani ng “punong ubas ng lupa”​—isang masamang bunga na, gaya ng inihula, ay mabilis na dumarami sa panahong ito ng mga huling araw. (Apoc. 14:17-20; Awit 92:7) Di-magtatagal at ang “punong ubas” na ito, kasama ang lahat ng bulok na bunga nito, ay bubunutin at ihahagis “sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.” Sabik na sabik na ang mga lingkod ni Jehova sa pagdating ng panahong iyon!

Samantala, ang mga pinahirang Kristiyano at ang mga kasama nila ay nagsasaya naman sa kanilang espirituwal na kasaganaan. Oo, ang “ubasan [ni Jehova] ng alak na bumubula” ay patuloy na magluluwal ng masaganang pampalusog na espirituwal na pagkain, na umaakit sa tulad-tupang mga tao patungo sa saganang suplay nito. Bakit nakatitiyak dito ang bayan ng Diyos? Sapagkat si Jehova mismo ang nag-iingat sa kaniyang pinakamamahal na ubasan. (Isa. 27:2-4) Kitang-kita ito sa Moldova! Totoo, ang mga pakana ni Satanas​—ito man ay pag-uusig, pagpapatapon, propaganda ng kasinungalingan, o impostor na mga kapatid​—ay nagpahirap sa bayan ng Diyos, subalit hindi ito kailanman nagtagumpay sa espirituwal na paraan.​—Isa. 54:17.

Oo, “maligaya ang tao na patuloy na nagbabata ng pagsubok, sapagkat kapag sinang-ayunan siya ay tatanggapin niya ang korona ng buhay, na ipinangako ni Jehova doon sa mga patuloy na umiibig sa kaniya.” (Sant. 1:12) Habang isinasaisip ang mahahalagang salitang ito, sana’y mapakilos ka ng kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Moldova na ‘patuloy na ibigin’ si Jehova, na ‘patuloy na magbata ng pagsubok,’ at ‘patuloy na mamunga ng marami.’​—Juan 15:8.

[Mga talababa]

a Malibang kailanganin sa konteksto, ang pangalang Moldova ang gagamitin sa halip na Bessarabia at Moldavia. Subalit tandaan na ang kasalukuyang mga hangganan ng Moldova ay iba na sa mga hanggahan ng dating Bessarabia at Moldavia. Halimbawa, may bahagi ng Bessarabia na sakop na ngayon ng Ukraine, at may isang seksiyon ng dating Moldavia na sakop na ng Romania.

[Kahon/Larawan sa pahina 71]

Isang Imbakan ng Alak Para sa Russia at Silangang Europa

Tamang-tama ang mahahabang tag-araw at matatabang lupa ng Moldova sa paggawa ng alak​—isang industriya na nagsimula libu-libong taon na ang nakalilipas. Sa pagtatapos ng ikatlong siglo B.C.E., lumakas ang produksiyon ng alak nang ang lokal na populasyon ay makipag-ugnayan sa mga Griego at pagkaraan noong ikalawang siglo C.E., sa mga Romano.

Sa ngayon, ang paggawa ng alak ang pangunahing produkto sa agrikultura ng Moldova, na may halos 130 pabrika ng alak na nakagagawa ng hanggang 140 milyong litro taun-taon. Humigit-kumulang 90 porsiyento ng mga alak na ito ang iniluluwas sa ibang bansa, pangunahin na sa Russia na umaangkat ng mga 80 porsiyento at sa Ukraine na umaangkat naman ng mga 7 porsiyento.

[Kahon sa pahina 72]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Moldova

Ang lupain: Ang gitna at hilagang Moldova ay isang magubat na rehiyon na may luntiang mga burol at patag na mga lupaing walang mga puno, o madamong kapatagan. Ang bahaging timog ay halos puro bukirin.

Ang mga mamamayan: Halos dalawang-katlo ng populasyon ay mga taal na taga-Moldova. Ang natitira ay pangunahin nang binubuo ng mga Ruso, Ukrainiano, Gagauz, Bulgariano, at mga Judio, ayon sa pagkakasunud-sunod ng dami. Karamihan sa mga taga-Moldova ay kabilang sa Eastern Orthodox Church.

Ang wika: Romaniano ang opisyal na wika. Marami rin ang marunong ng wikang Ruso, lalo na sa mga lunsod, anupat pareho nang ginagamit ang dalawang wikang ito.

Ang kabuhayan: Agrikultura at pagpoproseso ng pagkain ang pangunahing pinagkakakitaan. Ang sektor ng mga pagawaan ay patuloy na pinauunlad.

Ang pagkain: Kabilang sa pananim ang ubas, trigo, mais, sugar beet, at mirasol. Ang alagang mga hayop ay pangunahin nang toro, gatasáng baka, at mga baboy.

Ang klima: Ang temperatura ay iba’t iba mula mga -4 digri Celsius kapag Enero hanggang mga 21 digri Celsius kapag Hulyo. Sa pangkalahatan, ang klima ay mainit na may katamtamang mga taglamig. Ang pagbuhos ng ulan taun-taon ay mga 50 sentimetro sa katamtaman.

[Kahon sa pahina 83-85]

Katangi-tanging mga Halimbawa ng Kristiyanong Neutralidad

George Vacarciuc: Si Brother Vacarciuc ay pinalaki na isang Saksi ni Jehova. Noong Disyembre 1942, ipinatawag siya ng mga Pasista upang magsundalo. Ayaw niyang humawak ng sandata kung kaya ikinulong siya sa isang napakadilim na selda sa loob ng 16 na araw na halos walang makain. Muli siyang ipinatawag ng mga awtoridad, at pinangakuang kakanselahin ang kaniyang sentensiya​—na hindi pa nababasa man lamang sa kaniya​—kung gagawin niya ang iniuutos sa kaniya. Muli siyang tumanggi.

Dahil dito, si George ay sinentensiyahan ng 25 taon sa bilangguan. Subalit napaikli ang kaniyang sentensiya nang dumating ang hukbong Sobyet noong Setyembre 25, 1944. Magkagayunman, wala pang dalawang buwan ang nakalilipas, tinangka ng mga Sobyet na pilitin siyang maglingkod sa hukbo. Dahil ayaw niyang labagin ang kaniyang budhi na sinanay sa Bibliya, sinentensiyahan siya ng sampung taon ng puwersahang pagtatrabaho sa iba’t ibang kampo. Sa loob ng isang taon, hindi malaman ng kaniyang pamilya kung nasaan siya. Matapos magdusa nang limang taon, pinalaya si Brother Vacarciuc noong Disyembre 5, 1949. Umuwi siya sa kaniyang tahanan sa Corjeuţi at nanatiling tapat hanggang sa kaniyang kamatayan noong Marso 12, 1980.

Parfin Goreacioc: Isinilang noong 1900, nabatid ni Brother Goreacioc ang katotohanan sa Bibliya sa nayon ng Hlina noong mga taon ng 1925 hanggang 1927. Kasama ang kaniyang mga kapatid na sina Nicolae at Ion, natutuhan niya ang katotohanan mula kina Damian at Alexandru Roşu, ang unang mga Estudyante ng Bibliya sa nayong iyon.

Noong 1933, si Parfin, kasama ang ibang mga Saksi, ay inaresto at dinala sa bayan ng Khotin, kung saan siya ay pinagtatanong at pagkatapos ay pinagmulta dahil sa pangangaral. Noong 1939, dahil sa panunulsol ng pari sa nayong iyon, dinala si Parfin sa istasyon ng pulisya sa karatig na nayon ng Ghilavăţ. Dito ay padapa siyang itinali ng mga pulis sa isang papag at paulit-ulit na hinampas ang kaniyang mga talampakan.

Nang mapasakapangyarihan ang mga Pasista, inaresto at ibinilanggo na naman si Parfin. Gayunman, nang taon ding iyon, pinalaya siya ng mga Sobyet, para lamang arestuhing muli dahil ayaw niyang magsundalo. Ibinilanggo siya sa Chisinau nang ilang buwan at pagkatapos ay pinalaya.

Noong 1947, inaresto na naman ng mga Sobyet si Parfin, na sa pagkakataong ito ay sinentensiyahan siya ng walong taon ng pagkakatapon dahil sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos. Noong 1951, ipinatapon ang kaniyang mga anak sa Siberia. Subalit hindi sila isinama sa kanilang ama. Sa katunayan, hindi na nila siya nakita pang muli. Si Parfin ay nagkasakit nang malubha habang nasa pagkatapon at namatay noong 1953, nang tapat hanggang wakas.

Vasile Pădureţ: Isinilang noong 1920 sa Corjeuţi, natutuhan ni Brother Pădureţ ang katotohanan noong 1941, noong panahon ng rehimeng Pasista. Dahil dito, siya rin ay nagdusa sa kamay ng mga Pasista at ng mga Sobyet. Sa mga Sobyet, buong-tapang niyang sinabi: “Wala akong binaril na mga Bolshevik, at hindi ako papatay ng mga Pasista.”

Dahil sa paninindigang ito na udyok ng budhi at salig sa Bibliya, si Vasile ay nasentensiyahan ng sampung taon sa isang kampo ng puwersahang pagtatrabaho ng Sobyet. Gayunman, ang sentensiya ay ibinaba sa limang taon, at siya’y pinauwi noong Agosto 5, 1949. Nang siya’y arestuhing muli sa ikatlong pagkakataon, nagsisimula na noon ang Operation North. Kaya noong Abril 1, 1951, si Vasile at ang kaniyang pamilya ay isinakay sa isang bagon patungong Siberia. Pagkatapos manatili roon nang mga limang taon, sila’y pinahintulutang makauwi sa Corjeuţi, Moldova. Si Vasile ay namatay nang tapat kay Jehova noong Hulyo 6, 2002, sa panahong inihahanda ang ulat na ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 89, 90]

‘Hindi Ko Ipagpapalit sa Anuman ang Aking Buhay sa Paglilingkod’

Ion Sava Ursoi

Isinilang: 1920

Nabautismuhan: 1943

Maikling Talambuhay: Naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito noong panahon ng Komunista.

Isinilang ako sa Caracuşeni, Moldova, at natuto ng katotohanan bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. Namatay ang aking asawa noong 1942. Habang siya’y inililibing, hinabol ako ng mga mang-uumog mula sa sementeryo. Bakit? Dahil nagpalit ako ng relihiyon. Noong huling bahagi ng taóng iyon, tinangka ng pamahalaang Pasista na pilitin akong maglingkod sa militar. Dahil sa hangarin kong manatiling neutral sa pulitika, tumanggi akong magsundalo. Sinentensiyahan ako ng kamatayan, subalit nang dakong huli ay ibinaba ang sentensiya ko sa 25-taóng pagkabilanggo. Inilipat ako sa iba’t ibang kampo. Habang nakabilanggo ako sa Craiova, Romania, dumating ang hukbong Sobyet at pinalaya kami.

Pagkalayang-pagkalaya ko, ibinalik naman ako ng mga Komunista sa bilangguan. Ipinadala nila ako sa Kalinin, Russia. Pagkalipas ng dalawang taon, noong 1946, pinauwi nila ako sa aming nayon, kung saan tumulong ako sa muling pag-oorganisa ng gawaing pangangaral. Pagkatapos noong 1951, inaresto na naman ako ng mga Sobyet. Sa pagkakataong ito ay ipinatapon ako, kasama ng marami pang ibang Saksi, sa Siberia. Hindi na ako nakauwi pang muli hanggang noong 1969.

Sa pagbabalik-tanaw sa aking buhay, naaalaala ko pa ang maraming pagkakataon na doo’y pinalakas ako ni Jehova upang mapanatili ang aking katapatan. Hindi ko ipagpapalit sa anumang bagay sa daigdig ang aking buhay sa paglilingkod sa aking Maylalang. Nakikipagpunyagi ako ngayon sa mga limitasyon ng katandaan at humihinang pangangatawan. Subalit ang tiyak na pag-asang buhay sa bagong sanlibutan, kapag nanauli sa aking katawan ang lakas ng aking kabataan, ay nagpapatibay sa aking pasiyang ‘huwag manghimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam.’​—Gal. 6:9.

[Kahon/Larawan sa pahina 100-102]

Marami Akong Dahilan Para Umawit

Alexandra Cordon

Isinilang: 1929

Nabautismuhan: 1957

Maikling Talambuhay: Naghirap sa ilalim ng rehimeng Sobyet at kasalukuyang naglilingkod bilang isang mamamahayag ng kongregasyon.

Ang pagkahilig ko sa pag-awit ay nakatulong sa akin na masumpungan ang katotohanan at, pagkaraan, manatiling malakas sa espirituwal nang subukin ang aking pananampalataya. Nagsimula ang aking kuwento noong dekada ng 1940 nang, bilang isang tin-edyer, makilala ko ang isang grupo ng kabataan sa Corjeuţi na ang kinatutuwaang libangan ay ang pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian at pag-uusap tungkol sa Bibliya. Ang espirituwal na mga katotohanang natutuhan ko sa mga pag-uusap na iyon at sa mga awitin ay nakaapekto sa akin nang malaki.

Di-nagtagal, ako’y naging isang mamamahayag ng mabuting balita. Naging dahilan ito ng pag-aresto sa akin noong 1953, kasama ng sampu pang ibang mga Saksi. Habang naghihintay ng paglilitis, ipiniit muna ako sa isang bilangguan sa Chisinau. Nananatili akong malakas sa espirituwal dahil sa pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian, na maliwanag na ikinagalit ng isa sa mga guwardiya. “Nasa bilangguan ka,” ang sabi niya. “Hindi ito lugar para umawit!”

Sumagot ako: “Palagi akong umaawit sa tanang buhay ko. Bakit ako titigil ngayon? Puwede mo akong ikandado sa loob, pero hindi mo puwedeng ikandado ang aking bibig. Malaya ang puso ko, at mahal ko si Jehova. Kaya marami akong dahilan para umawit.”

Sinentensiyahan ako ng 25 taon sa isang kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa Inta, malapit sa Arctic Circle. Sa panahon ng maikling mga buwan ng tag-araw, ako at ang ibang mga Saksi ay nagtatrabaho sa karatig na kakahuyan. Muli, nakatulong sa amin ang mga awiting pang-Kaharian, na karamihan ay saulado namin, upang manatiling malakas sa espirituwal at makadama ng kalayaan sa kaibuturan ng aming puso. Bukod diyan, pinasisigla kami ng aming mga guwardiya na umawit, di-gaya niyaong isa sa Chisinau.

Namalagi ako sa kampo ng Inta sa loob ng tatlong taon, tatlong buwan, at tatlong araw. Pagkatapos, dahil sa amnestiya, ako’y pinalaya. Yamang hindi pa ako pinahihintulutang umuwi sa Moldova, pumunta muna ako sa Tomsk, Russia. Nagkita kaming muli roon ng aking asawa, na dumanas din ng pagkabilanggo. Apat na taon kaming nagkahiwalay.

Dahil sa pagkakaaresto sa akin, hindi ko pa nasasagisagan ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Kaya nagtanong ako sa mga kapatid sa Tomsk tungkol sa bagay na iyon. Yamang marami pang iba ang nais ding magpabautismo, ang mga kapatid ay agad na gumawa ng kaayusan para sa bautismo. Gayunman, dahil sa pagbabawal, ipinasiya nilang gawin iyon sa gabi sa isang lawa sa karatig na kagubatan.

Pagsapit ng takdang oras, naglakad kami sa dakong-labas ng Tomsk papasok sa kagubatan nang dala-dalawa upang hindi kami mapaghinalaan. Bawat magkapareha ay susunod sa magkapareha na nasa unahan nila hanggang sa makarating kaming lahat sa lawa nang ligtas. Iyan sana ang plano. Kaya lamang, itong dalawang may-edad nang sister na magkapareha sa unahan namin ay lumihis sa dapat daanan. Sumunod kami, at yaong mga nasa likuran ay eksaktong sumunod naman sa amin. Mayamaya, pakapa-kapa na kaming sampu sa dilim, basang-basa dahil sa mahahamog na palumpong at nangangaligkig sa ginaw. Balitang-balita na nagpapagala-gala sa lugar na iyon ang mga oso at lobo, kaya naglalaro sa aming isipan na baka masalubong namin ang mga ito. Halos manigas kami sa takot anupat nagugulat kami sa tuwing makaririnig ng kakaibang ingay.

Nang mapag-isip-isip ko kung gaano kahalaga na huwag mataranta o mawalan ng pag-asa, iminungkahi ko na tumayo kami nang tahimik at sumipol ng isang himig na pang-Kaharian, sa pag-asang maririnig kami ng iba. Taimtim din kaming nanalangin. Kaya nga maguguniguni mo ang tuwa namin nang marinig namin ang himig ding iyon na tangay ng hangin pabalik sa amin sa gitna ng kadiliman! Oo, narinig kami ng aming mga kapatid! Agad nilang binuksan ang isang plaslayt upang makalapit kami sa kanila. Di-nagtagal pagkatapos, inilubog kami sa nagyeyelong tubig, anupat halos hindi makaramdam ng ginaw dahil sa labis na kaligayahan.

Ngayon ay 74 na taóng gulang na ako at nakauwi na sa Corjeuţi, kung saan ko unang nasumpungan ang katotohanan. Sa kabila ng aking patuloy na pagtanda, marami pa rin akong dahilan para umawit, lalo na sa pagpuri sa ating makalangit na Ama.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 104-106]

Sinikap Kong Tularan ang Halimbawa ng Aking mga Magulang

Vasile Ursu

Isinilang: 1927

Nabautismuhan: 1941

Maikling Talambuhay: Naging lingkod ng kongregasyon at palihim na gumawa ng mga literatura.

Ang aking mga magulang na sina Simeon at Maria Ursu ay nabautismuhan noong 1929. Sa kanilang limang anak, ako ang panganay. Noong panahon ng mga Pasista, sina Itay at Inay ay inaresto at sinentensiyahan ng 25 taon ng puwersahang pagtatrabaho dahil sa kanilang neutral na paninindigan. Ang espirituwal na mga kapatid mula sa kongregasyon sa karatig na Corjeuţi ang nag-alaga sa aming magkakapatid at nag-asikaso sa aming bukirin. Dahil dito, palagi kaming may sapat na pagkain. Tumulong din sa pag-aalaga sa amin ang matanda na naming lola na wala sa katotohanan. Ako’y 14 na taóng gulang noon.

Dahil sa magandang halimbawa ng aking mga magulang, sinikap kong alagaan ang aking mga kapatid sa espirituwal na paraan. Para magawa ito, maaga ko silang ginigising araw-araw upang sama-sama naming pag-usapan ang isang bahagi ng aming literatura na salig sa Bibliya. Kung minsan ay ayaw nilang gumising, subalit pinipilit ko sila. Batid ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuting kaugalian sa pag-aaral. Bilang resulta, nang maagang palayain ang aming mga magulang at umuwi noong 1944, nagulat sila nang makitang napakalulusog namin sa espirituwal. Tuwang-tuwa kami sa aming muling pagsasama-sama! Subalit saglit lamang pala ang aming kagalakan.

Nang sumunod na taon, inaresto ng mga Sobyet si Itay at ibinilanggo siya sa Norilsk, Siberia, sa gawing itaas ng Arctic Circle. Pagkalipas ng tatlong taon, pinakasalan ko si Emilia, isang kapatid na punung-puno ng sigla at palaisip sa espirituwal. Halos magkasabay kaming lumaki, kaya kilalang-kilala ko siya. Subalit iisang taon pa lamang kaming nakakasal, kaming dalawa ni Inay ay inaresto. Dinala kami sa Chisinau, kung saan sinentensiyahan kami ng 25 taon ng puwersahang pagtatrabaho. Buong-pagmamahal na inalagaan ni Emilia ang aking mga kapatid, na ngayo’y wala nang mga magulang at panganay na kapatid.

Nang maglaon, dinala ako sa minahan ng karbon sa Vorkuta, isang kasumpa-sumpang kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa gawing hilaga ng Arctic Circle. Makalipas ang dalawang taon, noong 1951, si Emilia at ang aking tatlong kapatid na lalaki at isang kapatid na babae ay ipinatapon sa Tomsk, sa kanluraning Siberia. Noong 1955, hiniling ni Emilia na ilipat siya sa Vorkuta upang makasama ko. Doon na niya isinilang ang panganay sa aming tatlong anak, isang batang babae na pinanganlan naming Tamara.

Noong Setyembre 1957, idineklara ang amnestiya at kami’y pinalaya. Subalit pagkalipas ng isang buwan, inaresto na naman ako. Sa pagkakataong ito ay sinentensiyahan ako ng pitong taon sa isang kampo ng puwersahang pagtatrabaho sa Mordvinia, malapit sa Saransk, Russia. Doon din ibinilanggo ang maraming iba pang kapatid, at marami pang dumating. Kapag dinadalaw kami ng aming mga asawa, palagi silang nakapagpupuslit ng mga literatura, na labis naming ipinagpasalamat. Noong Disyembre 1957, lumipat si Emilia sa Kurgan, sa kanluraning Siberia, upang alagaan ang aming anak na si Tamara, na nakapisan sa mga magulang ni Emilia. Dahil dito, nagkahiwalay kami ni Emilia sa loob ng pitong taon. Subalit ito lamang ang tanging paraang magagawa namin upang hindi ipadala si Tamara sa isang institusyon na pinatatakbo ng Estado.

Noong 1964, pinalaya nga ako ngunit hindi naman pinahintulutang makauwi sa Moldova. Bagaman opisyal na may restriksiyon pa rin ang aking mga kilos, nakasama ko namang muli ang aking asawa at anak sa Kurgan, kung saan naglingkod ako bilang konduktor ng pag-aaral sa aklat sa kongregasyon. Noong 1969, lumipat kami sa Krasnodar, sa Caucasus. Matapos ang walong taóng paglilingkod doon, lumipat naman kami sa Chirchik, Uzbekistan. Doon ay nagtrabaho ako sa isang lihim na palimbagan. Sa wakas noong 1984, pinahintulutan din kaming umuwi sa Moldova. Nanirahan kami sa Tighina, isang lunsod na may 160,000 katao at mayroon lamang 18 mamamahayag. Sa paglipas ng mga taon, ang maliit na grupong ito ay naging siyam na kongregasyon na binubuo ng halos 1,000 mamamahayag at mga payunir.

Pinagsisisihan ko ba ang maraming taóng ginugol ko sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho at mga bilangguan alang-alang sa Panginoon? Hinding-hindi! Maliwanag sa akin ang mga isyu, kahit noon pa mang 14 na taóng gulang ako at bagong bautismo: alinman sa ibigin mo ang Diyos o ibigin mo ang sanlibutan! Yamang ipinasiya kong paglingkuran si Jehova, hindi man lamang sumagi sa aking isip ang makipagkompromiso.​—Sant. 4:4.

[Mga larawan]

Kaliwa: Vasile Ursu

Dulong kaliwa: Si Vasile kasama ang asawang si Emilia, at anak na si Tamara

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 108-110]

Isang Batang Lalaking May Hawak na Bulaklak ang Nakaabot sa Aking Puso

Valentina Cojocaru

Isinilang: 1952

Nabautismuhan: 1997

Maikling Talambuhay: Bilang isang guro sa ilalim ng rehimeng Sobyet, inilakip niya ang ateismo sa kaniyang mga leksiyon.

Noong 1978, isa akong guro sa kindergarten sa Feteşti, Moldova. Isa rin akong ateista. Sa isang pulong ng mga guro, inutusan kami na pagtuunan ng pansin ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova sa layuning maturuan ang mga ito ng ateismo. Inisip kong ito’y isang magandang ideya. Kaya gumawa ako ng mapanlikhang mga paraan upang maabot ang puso ng mga mág-aarál na Saksi. Gumawa ako ng isang bagay na sa akala ko’y isang magandang ideya.

Pinagawa ko ang klase ng dalawang latag ng lupa na mapagtatamnan ng bulaklak. Sa isa, magtatanim ang mga bata ng mga bulaklak, didiligin ang mga ito, at aalisin ang anumang damong tutubo. Pero hindi nila gagalawin ang isa pang latag ng lupa. Sa Diyos ito, ang sabi ko sa kanila. Siya mismo ang mag-aalaga nito. Tuwang-tuwa ang klase sa project na ito. Mangyari pa, nang tamnan, diligin, at alisan ng damo ng mga bata ang kanilang latag ng lupa, ang “maliit na hardin ng Diyos” naman ay napuno ng mga damo.

Pagkatapos, isang araw na maaliwalas at mainit ang panahon, tinipon ko ang klase sa harap ng dalawang latag ng lupa. Pinuri ko ang mga bata sa kanilang puspusang pagsisikap, at pagkatapos ay sinimulan ko na ang aking pinag-isipang-mabuti na mga pananalita. “Napansin ba ninyo na walang ginawa ang Diyos sa kaniyang latag ng lupa?” ang tanong ko. “Kitang-kita na walang nagmamay-ari sa latag ng lupang ito, hindi ba?”

Sumang-ayon ang mga bata na mukhang ganoon nga. Saka ko ipinasok ang aking huling pangungusap: “Alam n’yo mga bata, nagkaganito ang hitsura ng latag ng lupang ito, kasi, ang Diyos ay nasa isip lamang ng mga tao. Kaya palibhasa’y talagang walang Diyos, paano nga niya maaalagaan ang mga bulaklak o ano pa mang bagay?”

Habang nagsasalita ako, inobserbahan ko ang reaksiyon ng mga bata. Napansin ko ang isang batang lalaki, na ang mga magulang ay mga Saksi, na hindi mapakali. Nang dakong huli ay hindi na niya napigil ang kaniyang sarili. Tumakbo siya patungo sa isang kalapít na parang, pumitas ng isang dandelion, at ipinakita sa akin, na sinasabi: “Kung wala pong Diyos, eh, sino po kaya ang nagpatubò ng bulaklak na ito? Wala naman pong sinuman sa atin ang nag-alaga nito.” Natauhan ako sa kaniyang pangangatuwiran. Inamin ko sa aking sarili na napakabisa ng puntong iyon ng bata.

Dahil sa pinalaki ako sa Komunismo, kinailangan ang maraming taon bago ko magawa ang sumunod na hakbang​—suriin ang Bibliya. Magkagayunman, noong 1995, nilapitan ko ang isang Saksi sa aming lugar at humiling ng pag-aaral. Isip-isipin na lamang ang aking katuwaan nang malaman kong ang isa sa aking dating estudyante ay isa na ngayon sa aking mga guro!

Totoo, utang ko sa sistemang Komunista ang aking magandang sekular na edukasyon. Subalit hindi nito naituro sa akin ang pinakamahahalagang leksiyon sa buhay. Sa ngayon, dahil kay Jehova at sa isang matapang na batang lalaki, nagagamit ko kapuwa ang aking espirituwal at sekular na kaalaman upang tulungan ang iba na makaunawang talaga ngang may Diyos at na talagang inaalagaan niya ang kaniyang nilalang na mga tao.

[Kahon/Larawan sa pahina 113-115]

Isinilang sa Panahon ng Pagkatapon

Lidia Sevastian

Isinilang: 1954

Nabautismuhan: 1995

Maikling Talambuhay: Matapos palakihin ng kaniyang inang Saksi at amang di-sumasampalataya, naputol ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa loob ng maraming taon.

Ang aking nanay at lola ay naging mga Saksi ni Jehova noong unang mga taon ng dekada 1940. Bagaman isang responsableng lalaki, hindi tinanggap ni Itay ang katotohanan sa Bibliya nang panahong iyon. Pagsapit ng 1951, dalawa na ang anak ni Inay at kasalukuyan noong nagdadalang-tao sa kambal. Noong Abril ng taóng iyon, tinangka ng mga awtoridad na paghiwa-hiwalayin ang aming pamilya. Habang nasa trabaho si Itay, isinakay nila si Inay​—na malapit na noong magsilang​—at ang aking nakatatandang mga kapatid sa isang tren patungong Siberia. Gayunman, bago mangyari iyon, napasabihan muna ni Inay si Itay, na nagmamadali namang umuwi. Bagaman hindi Saksi, sumakay siya sa tren at sumama sa kaniyang pamilya sa pagkatapon.

Sa panahon ng paglalakbay patungong Siberia, pinahintulutan si Inay na manatili sandali sa bayan ng Asino upang isilang ang kambal. Ang iba sa pamilya ay kinailangang tumuloy sa distrito ng Tomsk, kung saan naghanda si Itay ng matutuluyan. Inatasan siyang magtrabaho kasama ng mga kapatid. Pagkalipas ng ilang linggo, sumama na si Inay at ang kaniyang kasisilang na kambal sa pamilya. Nakalulunos sabihin, namatay ang mga sanggol dahil sa di-makataong kalagayan ng pamumuhay na pinagtitiisan ng aming pamilya.

Gayunpaman, apat pang anak ang isinilang sa panahon ng pagkatapon, kabilang na ako at ang aking kakambal na lalaki. Buong-katapatang inalagaan kaming lahat ni Itay. Nang dakong huli, noong 1957, pinahintulutan kaming umuwi sa aming sariling nayon. Patuloy si Inay sa pagkikintal sa aming puso ng mga simulain sa Bibliya, bagaman sinusubaybayan siya ng mga sekreta.

Sa kabilang dako naman, ang mahalaga kay Itay ay ang mabigyan ang kaniyang mga anak ng magandang sekular na edukasyon. Kaya sa edad na 16, pumunta ako sa Chisinau upang mag-aral sa unibersidad. Nang maglaon, nag-asawa ako at lumipat sa Kazakhstan, kung saan napalayo ako hindi lamang sa aking mga magulang kundi pati sa organisasyon ni Jehova. Bumalik ako sa Chisinau noong 1982 at agad na naghanap ng kongregasyon ng bayan ni Jehova, subalit nabigo ako. Sa loob ng walong taon, pakiramdam ko’y nag-iisang tao na lamang ako sa lunsod na gustong sumamba kay Jehova.

Nang isang araw, habang nakatayo ako sa hintuan ng bus, naulinigan ko ang dalawang babaing nag-uusap tungkol kay Jehova. Lumapit ako para marinig ko silang mabuti. Sa pag-aakalang tauhan ako ng KGB, binago ng dalawang babae ang kanilang paksa. Nang lumayo sila, sinundan ko sila, na halatang ikinatakot nila. Kaya agad ko silang nilapitan at, pagkatapos ng ilang pag-uusap, nakumbinsi ko rin sila na totoo ang aking sinasabi. Sa wakas ay natupad din ang aking pangarap na makasama ng organisasyon ni Jehova! Subalit nakalulungkot sabihin, sinalansang ng aking asawa ang aking paninindigan.

Noon ay dalawa na ang aming anak. Noong 1992, inoperahan ako sa gulugod at kinailangan kong manatiling nakahiga sa loob ng anim na buwan sa ospital. Sa napakalungkot na yugtong iyon ng aking buhay, isang magandang bagay ang nangyari: Ang aking anak na lalaking si Pavel ay nanindigan para kay Jehova at nagpabautismo sa internasyonal na kombensiyon sa Kiev noong 1993. Nang maglaon ay gumaling ako hanggang sa makalakad muli. Kaya naman, noong 1995, sinagisagan ko rin ang aking pag-aalay kay Jehova.

Sa ngayon, mga Saksi na ang marami sa aking sambahayan, na ipinagpapasalamat ko kay Jehova at kay Inay, na ang halimbawa ng katatagan ay lagi kong maaalaala. Kung tungkol naman sa aking napakatapat na ama, ikinagagalak kong sabihin na bago siya namatay, siya rin ay naging isa sa mga lingkod ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 117, 118]

Bale-wala ang Aming mga Sakripisyo Kung Ihahambing sa Sakripisyo ni Jehova

Mihai Ursoi

Isinilang: 1927

Nabautismuhan: 1945

Maikling Talambuhay: Inusig kapuwa ng mga Pasista at ng mga Komunista.

Naging mamamahayag ako ng mabuting balita noong 1941. Noong 1942, nang ako’y 15 taóng gulang, dapat sana akong magsanay sa militar sa isang paaralan sa aming lugar. Nakasabit sa silid-aralan ang mga larawan nina Haring Michael ng Romania, Heneral Antonescu, at ni Birheng Maria. Pagpasok ng aming grupo sa silid, dapat sana kaming yumukod sa mga larawan at mag-antanda. Tatlo kaming hindi gumawa nito.

Dahil dito, walang-awa kaming binugbog ng lokal na mga pulis. Sa paaralan kami nagpalipas ng gabi. Kinabukasan ay dinala kami sa Corjeuţi, at doon, muli kaming binugbog. Mula sa Corjeuţi, dinala muna kami sa ilan pang lugar bago kami pinaglakad nang mga 100 kilometro patungo sa lugar na paglilitisan sa amin sa hukumang militar. Nagdugo ang aking mga paa dahil sa paglalakad na iyon. Nang dakong huli, pinauwi ako nang hindi nasentensiyahan, malamang dahil sa aking edad.

Nang ako’y 18 taon na, sapilitan akong ipinatawag ng mga awtoridad na Sobyet. Muli, tumanggi akong ikompromiso ang aking neutralidad at ako’y walang-awang binugbog, gayundin ang aking kaibigang si Gheorghe Nimenco. Sa katunayan, namatay siya pagkalipas ng anim na linggo dahil sa tinamong pinsala. Muli, pinauwi ako, dahil marahil sa aking edad. Inaresto na naman ako ng mga Sobyet noong 1947, anupat sa pagkakataong ito ay nagbabalang babarilin ako kung hindi ako magsusundalo. Gayunman, ipinasok na lamang nila ako sa isang bukod na bilangguan sa loob ng dalawang buwan, at pagkatapos ay sapilitan nila akong pinagtrabaho sa isang proyekto sa Volga-​Don Canal. Napakapanganib ng trabahong ito, at marami na ang namamatay. Sa isang aksidenteng kumitil ng maraming buhay, muntik na rin akong di-nakaligtas kung kaya pinauwi na ako sa Moldova.

Nakapag-asawa ako roon. Noong 1951, ako at ang aking asawang si Vera na nagdadalang-tao noon ay ipinatapon, sakay muna ng tren at pagkatapos ng barko patungo sa kagubatan ng Siberia, isang napakalaking rehiyon ng kagubatan sa labas lamang ng Arctic Circle, kung saan pinagputól ako ng mga troso. Kami ni Vera ay nanuluyan sa isang dampa kasama ng 16 na iba pang mga pamilya. Mabuti naman, noong 1959, pinauwi na kami sa Moldova.

Maraming bagay ang nagpatibay sa akin noong mahihirap na taóng iyon at magmula noon. Isa na rito ang halimbawa ng pananampalataya ng aking kuya na si Ion. (Tingnan ang pahina 89.) Sinentensiyahan siya ng kamatayan, at bagaman hindi niya alam na ibababa ang kaniyang sentensiya, tumanggi siyang makipagkompromiso. Napalalakas din ako kapag naiisip ko kung paano ako inalagaan ni Jehova sa tuwina at, pagkatapos, ang aking asawa sa panahon ng mga pagsubok na dinanas namin alang-alang sa Kaniyang pangalan. Magkagayunman, bale-wala ang aming mga sakripisyo kung ihahambing sa ginawa ni Jehova alang-alang sa atin sa pamamagitan ng pagsusugo sa kaniyang Anak upang mamatay bilang pantubos sa atin. Ang pagbubulay-bulay sa pambihirang sakripisyong iyan ay tumutulong sa akin na harapin ang bawat araw taglay ang kagalakan.

[Kahon/Larawan sa pahina 121-123]

Nadama Ko ang Magiliw na Pangangalaga ni Jehova

Mihailina Gheorghiţa

Isinilang: 1930

Nabautismuhan: 1947

Maikling Talambuhay: Nagtrabaho bilang mensahero at

tagapagsalin noong mga taon ng pagbabawal.

Natutuhan ko ang katotohanan noong 1945 at natuwa akong ibahagi ang mabuting balita sa mga kapitbahay namin sa aming nayon, sa Glodeni, at sa karatig na nayon ng Petrunea. Dahil nagpapatotoo ako sa paaralan, hindi ibinigay sa akin ng mga awtoridad ng paaralan ang aking diploma. Magkagayunman, natutuwa akong gamitin ang aking pinag-aralan upang tumulong sa pagsasalin ng mga publikasyong salig sa Bibliya mula sa wikang Romaniano at Ukrainiano tungo sa wikang Ruso.

Di-nagtagal pagkatapos na ako’y mabautismuhan, nahuli akong nagsasalin at ako’y sinentensiyahan ng 25 taon ng puwersahang pagtatrabaho sa Vorkuta, gawing hilaga ng Arctic Circle, na kinaroroonan din ng maraming iba pang kapatid na babae. Sa kabila ng mahihirap na kalagayan, patuloy pa rin kami sa pangangaral. Nakakakuha rin kami noon ng mga literatura. Sa katunayan, nakagawa pa nga kami ng ilan para magamit namin doon mismo sa kampo.

Isang araw, nakilala ko ang isang kabataang babae na inaresto dahil napagkamalan ng mga awtoridad na isa siyang Saksi. Iminungkahi ko na suriin niya ang Salita ng Diyos, yamang taglay ni Jehova ang kapangyarihang magpalaya ng kaniyang bayan kung layunin niyang gawin ito. Nang bandang huli, pumayag siyang makipag-aral ng Bibliya at siya’y naging kapatid namin. Di-nagtagal pagkatapos nito, maaga siyang pinalaya mula sa kampo.

Nang maglaon, inilipat ako sa Karaganda, Kazakhstan. Sa wakas, noong Hulyo 5, 1956, pinalaya na rin ako. Lumipat ako sa Tomsk, at dito ko nakilala at pinakasalan si Alexandru Gheorghiţa, na gumugol ng anim na taon sa bilangguan dahil sa kaniyang pananampalataya. Patuloy kaming dalawa sa pangangaral sa napakalawak na teritoryo ng Siberia, bagaman alam naming sinusubaybayan kami ng mga sekreta. Sumunod ay lumipat naman kami sa Irkutsk, na nasa bandang kanluran lamang ng Lake Baikal. Doon ay palihim kaming nagpatuloy sa paggawa ng mga literatura. Nang maglaon ay naglingkod din kami sa Bishkek, Kyrgyzstan. Bagaman nag-iingat kapag nangangaral, nadakip pa rin si Alexandru at pinatawan ng sampung-taóng sentensiya.

Sinabi ng abogadong tagausig na madadalaw ko raw si Alexandru sa bilangguan habang naghihintay ng paglilitis. Yamang hindi ito karaniwang ipinahihintulot, tinanong ko siya kung bakit nagpapakita siya ng ganitong kabaitan. “Kayong mag-asawa ay mga bata pa,” ang sabi niya, “at may isa kayong anak. Baka sakaling magbago pa ang inyong pasiya.” Sinabi ko sa tagausig na matagal nang buo ang pasiya namin ni Alexandru na paglingkuran si Jehova at na determinado kaming manatiling tapat. Sumagot siya: “Maging ang inyong Bibliya ay nagsasabi na ang buháy na aso ay mas mabuti pa kaysa sa patay na leon.” (Ecles. 9:4) “Tama,” ang sabi ko, “pero ang uri ng asong buháy na sinasabi mo ay hindi magmamana ng bagong sanlibutan ng Diyos.”

Pinagdusahan ni Alexandru ang kabuuan ng kaniyang sampung-taóng sentensiya at isang taon pa uling pagkakapiit sa sariling bahay. Pagkalaya niya, lumipat kami sa Kazakhstan at pagkatapos ay sa Uzbekistan upang tumulong sa gawain. Nang dakong huli, noong 1983, bumalik kami sa Moldova, na maligaya dahil sa walang-katulad na pribilehiyo ng pagtulong sa tapat-pusong mga tao sa maraming iba’t ibang lugar upang matuto tungkol kay Jehova.

Sa pagbabalik-tanaw, agad kong aaminin na hindi laging madali ang naging buhay ko. Subalit gayundin naman ang aming mga kapitbahay na hindi Saksi. Sila man ay marami ring problemang kinaharap. Ngunit ang pagkakaiba ay na ang aming pagdurusa ay alang-alang sa mabuting balita. Dahil dito ay nadama namin ang magiliw na pag-iingat at pangangalaga ni Jehova. Isa pa, natatanaw namin sa dako pa roon ng mga pagsubok sa amin ang isang maluwalhati at walang-hanggang kinabukasan.

[Chart/Graph sa pahina 80, 81]

MOLDOVA—TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI

1891: Dumalaw si C. T. Russell sa Kishinev, Bessarabia (ngayo’y Chisinau, Moldova).

1895

1921: Ipinakita ng taunang ulat na mahigit nang 200 ang tumanggap ng katotohanan sa Bibliya.

1922: Itinayo ang unang “bahay-pulungan” sa Corjeuţi.

1925: Ipinagbawal ang gawain ng mga Estudyante ng Bibliya.

1930

1940: Isinuko ng Romania ang Bessarabia sa USSR, at binigyan ng bagong pangalan na SSR ng Moldavia.

1941: Binawi ng Romania ang Moldova. Inusig ang mga Saksi dahil sa Pasismo at kaguluhang dulot ng digmaan.

1944: Muling sinakop ng USSR ang Moldova. Nagpatuloy ang pag-uusig.

1949: Sinimulang ipatapon ng mga Sobyet ang mga Saksi ni Jehova at ang iba pa.

1951: Pinasimulan ni Stalin ang Operation North.

1960-1969: Sinikap ng KGB na guluhin at pagwatak-watakin ang bayan ng Diyos.

1965

1989: Nagkaroon ng higit na kalayaan sa relihiyon ang mga Saksi. Dumalo ang mga delegadong taga-Moldova sa mga kombensiyon sa Poland.

1991: Binago ang pangalang SSR ng Moldavia at ginawang Republika ng Moldova. Idinaos ang unang mga pansirkitong asamblea. Ang unang dalaw ng sona ay isinagawa ng isang kinatawan mula sa punong-tanggapan.

1994: Opisyal na nairehistro ang mga Saksi ni Jehova. Ginanap ang kauna-unahang pandistritong kombensiyon sa Chisinau.

2000

2000: Inialay ang bagong tahanang Bethel sa Chisinau.

2003: 18,473 mamamahayag ang aktibo sa Moldova.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

20,000

10,000

1895 1930 1965 2000

[Mga mapa sa pahina 73]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

UKRAINE

MOLDOVA

Briceni

Tabani

Lipcani

Şirăuţi

Corjeuţi

Ţaul

Feteşti

Soroca

Bălţi

Petrunea

CHISINAU

Căuşeni

Ilog Dniester

Ilog Prut

ROMANIA

Iasi

[Buong-pahinang larawan sa pahina 66]

[Larawan sa pahina 74]

Si Ilie Groza, isa sa unang mga Saksi sa Moldova

[Larawan sa pahina 75]

Si Tudor Groza

[Larawan sa pahina 78]

Si Ioana Groza

[Mga larawan sa pahina 92]

Si Parfin Palamarciuc at ang kaniyang anak na si Nicolae

[Larawan sa pahina 93]

Si Vasile Gherman

[Larawan sa pahina 94]

Si Nicolae Anischevici

[Larawan sa pahina 95]

Si Maria Gherman

[Mga larawan sa pahina 96]

Mga bagon na ginamit sa paghahatid sa mga Saksi patungong Siberia

[Larawan sa pahina 98]

Si Ivan Mikitkov

[Larawan sa pahina 99]

Si Constantin Şobe

[Mga larawan sa pahina 107]

Si Nicolai Voloşanovschi at ang brosyur na “Double Bottom”

[Larawan sa pahina 111]

Si Gheorghe Gorobeţ

[Larawan sa pahina 126]

Assembly Hall sa Feteşti

[Larawan sa pahina 131]

Komite ng bansa sa Moldova, kaliwa pakanan: David Grozescu, Anatolie Cravciuc, at Tiberiu Kovacs