Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

EUROPA

Bilang ng mga lupain: 46

Populasyon: 728,162,887

Bilang ng mga mamamahayag: 1,476,554

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 697,044

Ang landas patungo sa katotohanan ay maaaring maging mahaba. Noong 1951, si Steponas ay nakapiit bilang isang pulitikal na bilanggo sa isang kampo sa Kazakhstan. Nakasama niya sa pagtatrabaho roon si Edvardas, isang masigasig na kabataang Saksi mula sa Lithuania na ibinilanggo dahil sa pag-iimprenta ng magasing Bantayan. Ibinahagi ni Edvardas ang kaniyang salig-Bibliyang pag-asa, at nakumbinsi si Steponas na nasumpungan na niya ang katotohanan. Noong 1955, pinalaya si Steponas. Bago maghiwalay, sinabi ni Edvardas sa kaniya: “Bakasakaling magkita uli tayo balang-araw.” Bagaman hindi bautisado si Steponas, inakala ng Soviet State Security Committee na isa siyang Saksi ni Jehova. Sinalakay ng mga pulis ang kaniyang apartment at kinumpiska ang mga papeles na doo’y nakatala ang adres ng mga kapatid. Dahil dito, naputol ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa bayan ng Diyos.

Lumipas ang 47 taon. Si Steponas ay nakatira noon sa isang maliit na nayon sa hilagang Lithuania na walang mga Saksi. Pagkatapos noong tagsibol ng 2002, nakakuha siya ng ilang literatura at ipinadala ang isang kupon sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Lithuania na humihiling ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Ipinaliwanag niya: “Ipinadala ko ang kupon, sa pag-asang muli akong magkakaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga kapatid.” Isang mag-asawang special pioneer ang naglakbay upang makipagtagpo at makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Pagkalipas ng wala pang isang taon, nabautismuhan si Steponas sa edad na 80.

Nagkita pa kaya sila ni Edvardas, na halos kalahating siglo bago nito ay nagsabi: “Bakasakaling magkita uli tayo balang-araw”? Oo, nagkita sila! Kinabukasan pagkatapos ng kaniyang bautismo, ang dalawang lalaking ito, na ngayo’y magkapatid na sa espirituwal, ay mahigpit na nagyakapan at nagsaya.

Sa Britanya, sina Tim at Sam, kapuwa 11 taóng gulang at di-bautisadong mamamahayag, ay naglilingkod noon sa larangan kasama ng nanay ni Tim. Kailangan sana ng dalawang batang lalaki ng bagong mga bag na mapaglalagyan ng kanilang Bibliya at mga literatura, subalit wala naman silang pera. Bago magsimulang maglingkod sa larangan nang araw na iyon, ito ang paksa ng panalangin ng kani-kaniyang nanay ng dalawang kabataang mamamahayag na ito. Sa pinakahuling bahay na dadalawin nang umagang iyon, nakipag-usap si Tim sa may-bahay at binasa rito ang isang talata sa Bibliya. Pinatigil siya ng may-bahay upang itanong kung ano ang relihiyon niya. Nang sabihin ni Tim na siya’y Saksi ni Jehova, pinagalitan ito ng may-bahay at sinabi sa nanay nito na hindi niya maintindihan kung bakit hinahayaan ng mga Saksi na mamatay ang kanilang mga anak sa halip na pumayag na salinan ng dugo ang mga ito.

Iminungkahi ng nanay ni Tim na tanungin ng babae ang mga bata kung ano ang masasabi nila sa bagay na ito, at gayon nga ang kaniyang ginawa. Nagpaliwanag si Tim na mas pipiliin niya ang alternatibong paggamot kaysa sa labagin ang kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Pagkatapos ay sinabi ni Sam na ang ate niya mismo ay tumanggap ng alternatibong paggamot at mas madali itong gumaling kaysa sa mga pasyenteng sinalinan ng dugo.

Muling binalingan ng may-bahay ang nanay ni Tim. Sa pagkakataong ito ay sinabi naman niyang hindi siya natutuwang makita na isinasama ang mga bata sa pagbabahay-bahay. Tumugon ang dalawang bata na gustung-gusto nilang mangaral, anupat idinagdag na mas gusto pa nila ito kaysa magpagala-gala sa kalye na gaya ng ibang mga kaedad nila. Palibhasa’y humanga sa kanilang sagot, pinaghintay sandali ng may-bahay ang mga batang lalaki at pumasok siya sa kaniyang bahay. Gulat na gulat sila nang bumalik ang babae at abután sila ng tig-isang maganda at bagong bag na balat, na tamang-tama sa kanilang pagmiministeryo! Ito pala ang kaniyang negosyo. Dahil sa nagbago ang kaniyang saloobin, isinaayos ng dalawang batang lalaki na dalawin siyang muli. Nang paalis na sila, ang 94-na-taóng-gulang na nanay ng may-bahay, na kanina pa pala nakikinig, ay lumabas sa pinto at humiling sa nanay ni Tim na dalawin naman siya sa kaniyang bahay.

Dalawang sister na naglilingkod sa larangan ang nakapansin sa sinasabi ng mensaheng nakapaskil sa isang hintuan ng bus sa Portugal: “Ako ay isang estudyante sa sikolohiya na naghahanda ng tesis sa isang paksa tungkol sa pamahiin. Kung matutulungan mo ako, pakisuyong magpadala ng E-mail sa adres na ito. . .” Nang hapong iyon, itinatampok ng mga sister ang isang artikulo sa Ang Bantayan na pinamagatang “Kinokontrol ba ng mga Pamahiin ang Iyong Buhay?” Kaya nagpasiya silang magpadala ng E-mail at mag-alok ng magasin.

Pagkalipas ng isang linggo, ang babaing nagpaskil ng mensahe ay sumagot sa kanila: “Salamat sa inyong atensiyon. Pasensiya na kayo at ngayon lamang ako sumagot. Gusto ko sanang magkaroon ng nabanggit ninyong magasin. Kamakailan, sa tuwing lalapitan ako ng mga Saksi, nagkakataong nagmamadali ako patungo sa aking trabaho o kaya naman ay pasakay na ako sa bus at hindi ko man lamang sila makausap. Napag-alaman kong nag-aalok kayo ng mga kurso sa Bibliya, at interesado akong matuto.”

Sinabi ng mga kapatid: “Sa una naming pagdalaw, marami siyang itinanong. Binigyan namin siya ng aklat na Kaalaman at nagsaayos na makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Palagi siyang handang-handa sa pag-aaral at ngayon ay dumadalo na sa lahat ng pulong ng kongregasyon.”

Habang nagpapatotoo sa lansangan, si Lina, isang mamamahayag sa isang lunsod sa timugang Alemanya, ay nilapitan ng isang babaing nagngangalang Tatjana. “Nakikilala mo pa ba ako?” ang tanong ni Tatjana. Sumagot si Lina nang hindi. “Hindi naman iyon nakapagtataka,” ang patuloy ni Tatjana. “Minsan lang tayo nagkita at limang taon na ang nakalipas mula noon.” Nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag: “Noong tagsibol ng 1998, nilapitan mo ako sa lansangan at inialok mo sa akin ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Naging masungit ako sa iyo noon, pero ang iyong mabait at palakaibigang paggawi ang dahilan kung kaya iniuwi ko sa bahay ang brosyur at binasa iyon. Nabagbag ang aking damdamin sa nilalaman nito.” Nang maglaon, dalawang Saksi na hindi nakakakilala kay Lina ang dumalaw sa tahanan ni Tatjana. Dahil sa mga nabasa ni Tatjana sa brosyur, pumayag siya sa isang pag-aaral sa Bibliya. Nang makita niya uli si Lina, noong 2003, isa na siyang bautisadong Saksi. Sa katunayan, silang dalawa ni Lina ay auxiliary pioneer nang buwang iyon!

Isang sister sa Pskov, Russia, ang tumanggap mula sa tanggapang pansangay ng adres ng isang lalaki na nakatira sa isang liblib na lugar. Matagal bago niya narating ang lugar na iyon. Nang makarating siya sa wakas, napag-alaman niyang walang kamalay-malay ang lalaki na humiling pala siya ng isang pag-aaral sa Bibliya. Sa isang tindahan ng mga babasahin, bumili siya ng isang magasin na may ginupit na kupon mula sa isa sa ating mga tract bilang pananda sa aklat. Sinabi ng lalaki na ang akala niya ay may makukuhang premyo, kaya ipinadala niya ang kupon sa pag-asang may mapapanalunan siya. Sumagot ang sister: “Nanalo po kayo ng isang libreng pag-aaral sa Bibliya!” Nagpakita ng interes ang lalaki at ang kaniyang pamilya, at pinasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Dalawang beses sa isang buwan idinaraos ang pag-aaral, yamang malayo ang tirahan ng pamilya sa bahay ng sister.

OCEANIA

Bilang ng mga lupain: 30

Populasyon: 34,355,946

Bilang ng mga mamamahayag: 93,718

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 47,270

Ang 14-na-taóng-gulang na si Alyce, na naninirahan sa Australia, ay gumagamit ng materyal mula sa ating mga magasin sa paghahanda ng mga takdang-aralin sa paaralan. Minsan ay sumulat siya ng isang sanaysay sa tanong na, “Saan Kaya Patungo ang Daigdig na Ito?” Ipinaliwanag nito ang kahalagahan ng ating panahon ayon sa hula ng Bibliya. Tinanong siya ng kaniyang guro kung ano ang relihiyon niya. Ipinaliwanag ni Alyce na siya’y nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at binigyan niya ang kaniyang guro ng ilan sa ating mga magasin para basahin.

Bagaman nagkaroon ng interes ang guro sa lahat ng ito, pinayuhan ng ibang guro ang guro ni Alyce na huwag niya itong ituloy. Subalit matapos maobserbahan ang magandang asal ni Alyce sa loob ng ilang buwan, ipinasiya ng kaniyang guro na magsuri pa. Dahil sa pagkabahala na baka kabilang si Alyce sa isang mapanganib na kulto ng relihiyon, pumunta siya sa aklatan doon at humiram ng aklat na Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Binasa niya ang buong tomo sa loob lamang ng isang dulo ng sanlinggo! Palibhasa’y kumbinsido siya na natagpuan na niya ang katotohanan, tinawagan niya sa telepono ang nanay ni Alyce para sa higit pang mga literatura at nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Sa loob ng isang buwan, dumadalo na siya sa lahat ng pulong at hinimok niya ang kaniyang asawa at nanay na dumalo sa mga pulong kung Linggo. Nakipag-aral din sila ng Bibliya at mabilis na sumulong. Sa loob ng tatlong buwan, ang guro ay naging isang di-bautisadong mamamahayag at nagbigay ng kaniyang unang bahagi bilang estudyante sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Pagkalipas ng ilang buwan, sabay na nabautismuhan si Alyce at ang kaniyang gurong si Linda.

Gunigunihin na naninirahan ka sa isang pulo na ikaw lamang ang tanging sumasamba kay Jehova! Sa Marshall Islands, iyan ang naging problema ng isang sister nang tanggapin ng kaniyang asawa ang trabaho sa isla ng Mejatto. Inanyayahan siya ng mga kapitbahay na magsimba sa Protestante, subalit tumanggi siya. Sa halip, ibinuhos niya ang kaniyang pansin sa pagtuturo sa kaniyang mga anak gamit Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Ibinahagi rin niya ang kaniyang mga paniniwala sa mga kapitbahay nila, karga ang kaniyang bunsong anak habang nagbabahay-bahay. Nang maglaon, ang ilan ay nagpakita ng interes, at ang nakabukod na sister na ito ay nagdaraos na ngayon ng ilang pag-aaral sa Bibliya gamit ang brosyur na Hinihiling. Buwan-buwan ay nagpapadala siya ng ulat ng paglilingkod sa larangan sa kaniyang dating kongregasyon. Kasa-kasama ang mga anak, nagbibiyahe siya nang malayo sakay ng bangka upang dumalo ng Memoryal at mga asamblea na ginaganap sa pulo ng Ebeye. Ang mga miyembro ng kongregasyon sa Ebeye ay nagpapadala sa kaniya ng mga liham ng pampatibay-loob, anupat ikinukuwento ang kanilang mga karanasan sa paglilingkod sa larangan at ang mga bagay na natututuhan nila sa mga pulong sa kongregasyon. Kapalit nito, napatitibay naman sila ng tapat na halimbawa ng nakabukod na sister na ito.

Maraming liblib na mga nayon sa Papua New Guinea ang walang kuryente. Ang mga tao roon ay gumagamit ng generator o batirya para mapatakbo ang de-kuryenteng mga kasangkapan. Upang matulungan ang kanilang mga kanayon na makaunawa pa nang higit tungkol sa Bibliya, gusto sanang ipalabas ng bagong-bautisadong sister ang ilang video na ginawa ng mga Saksi ni Jehova. Matapos makalikom ng pera mula sa pagtitinda ng kaniyang mga pananim, lumapit siya sa isang negosyanteng babae na may telebisyon, VCR, at generator upang magtanong kung puwede niyang rentahan ang tatlong gamit na ito. Ipinaliwanag ng sister na gusto sana niyang anyayahan ang buong nayon na panoorin ang ilang salig-Bibliyang video na sa palagay niya’y makatutulong sa mga ito sa espirituwal na paraan. Agad na ibinaba ng negosyanteng babae ang upa sa napakamurang halaga, kasabay ng pagsasabing gusto rin niyang mapanood ang mga video. Halos buong nayon ang dumating. Pagkatapos, marami ang nagkomento na hindi nila sukat akalain na ganoon kalawak pala ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Humanga rin sila sa pandaigdig na kapatiran, isang bagay na hindi nila nakita sa kanilang sariling relihiyon. Ang sister ay tumanggap ng maraming paanyaya sa tahanan ng mga taong dati’y ayaw makipag-usap sa mga Saksi subalit ngayon ay nais nang matuto pa nang higit tungkol sa ating mga paniniwala.

Sa Savaii, ang pinakamalaking pulo sa Samoa, pinagbawalan ng ilang lider ng pamayanan ang mga Saksi ni Jehova na mangaral sa kanilang mga nayon. Isang sister na naninirahan sa isa sa mga nayong iyon ang nanghawakang matatag sa katotohanan nang isinasaayos niya ang serbisyo sa libing ng kaniyang anak. Yamang ito’y sa bahay niya gaganapin, ang mga kapatid mula sa dalawang kongregasyon sa pulong iyon ay tumulong sa paglilinis ng bahay at bakuran at sa paglalagay ng generator. Nakita ng mga taganayon ang maibiging pagtutulungang ito. Ibang-iba sa kaugalian ng mga taga-Samoa ang paraan ng pag-oorganisa at pangangasiwa ng mga kapatid sa libing.

Dalawang araw pagkatapos ng libing, nagpatawag ng miting ang konseho ng nayon at pinag-usapan ang pangyayaring ito. Humanga ang lahat ng miyembro nito sa paraan ng pagtulong ng mga Saksi sa pamilya, kapuwa bago at pagkatapos ng libing. Lubhang naantig ang mga pinuno ng nayon sa paraan ng pangangasiwa sa libing anupat silang lahat ay sumang-ayon na baguhin ang mga kaugalian sa paglilibing at iayon sa Faa-Molimau a Ieova (Ang Paraan ng mga Saksi ni Jehova). Pagkalipas ng dalawang araw, ginanap ang taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa isang maliit na Kingdom Hall na may ilang kilometro ang layo. Tatlong maliliit na trak na panghakot ang nagdala sa mga pamilya mula sa nayong ito upang dumalo. Malaya na ngayong nakapagpapatotoo ang mga kapatid sa nayong ito na isa sa pinakamalaki sa pulong iyon. Dalawang special pioneer ang nagdaraos dito ng anim na pag-aaral sa Bibliya. May isang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na dinadaluhan hindi lamang ng interesadong mga taganayon kundi pati ng pinuno ng nayon.

Sa Fiji, isang kabataang lalaki ang nakaupo sa ilalim ng puno habang pinag-iisipan ang kaniyang buhay at kinabukasan. Inanyayahan niya ang isang dumaraan na maupo sa tabi niya. Nagkataon na ang dumaraang iyon ay isang brother, anupat sinamantala ang pagkakataong iyon na magpatotoo. Bagaman narinig na ng kabataang lalaki ang tungkol sa pangako ng Bibliya na isang paraisong lupa, ang pakikipag-usap na iyon sa brother ay nagpanauli sa kaniyang interes. Ipinasiya niyang bumalik sa pulo na kinaroroonan ng kaniyang nanay at magpasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Nang naroroon na siya, sinira ng mga kamag-anak niyang salansang sa kaniyang bagong relihiyon ang mga pananim niya. Pagkatapos ay pinalayas siya ng mga pangulo sa nayon at sinabing hindi nila papayagang makapasok doon ang ibang relihiyon. Pumunta naman siya sa nayon ng kaniyang tatay sa isa pang maliit na pulo. Gumawa siya roon ng isang bangka mula sa lumang yero, at linggu-linggo ay namamangka siya nang ilang kilometro sa maalong dagat upang makipagkita sa mga Saksi. Patuloy ang pagsalansang ng kaniyang pamilya, kung kaya napilitan siyang mamuhay na parang ermitanyo sa isang nakabukod na bahagi ng pulo. Nang dakong huli, nagawa niyang makalipat sa pinakamalaking pulo, malapit sa isang malaking kongregasyon. Patuloy ang kaniyang pagsulong sa espirituwal bilang isang di-bautisadong mamamahayag.

MGA LUPAIN SA AMERIKA

Bilang ng mga lupain: 56

Populasyon: 857,137,983

Bilang ng mga mamamahayag: 3,095,083

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 2,898,369

Isang Linggo ng umaga noong Setyembre 2002, isang sister sa Estados Unidos ang gumawa ng pagdalaw-muli sa isang may-ari ng tindahan. Dahil abala pa ito sa pag-aasikaso sa mga parokyano, naglakad-lakad muna ang sister sa tindahan. Napansin niya ang isang babaing nagmamadali sa pagbili ng mala, katumbas ng mga butil ng rosaryo ng mga Katoliko sa Hindu. Ang mala ay isang tuhog ng kulay-kapeng mga butil na ginagamit sa paulit-ulit na pagdarasal sa maraming diyos ng mga Hindu. Waring nakita naman ng babae, na ang pangalan ay Shwe, ang gusto niyang mala, at sa pagkakataong ito lumapit ang ating sister sa kaniya at nagsabi: “Mawalang-galang na. Maitanong ko lang, Gawa ba sa sandalwood ang mala[ng] iyan?”

“Oo! Matagal ko nang ipinagdarasal sa diyos na magkaroon sana ako ng magandang mala, at nakita ko naman ngayon. Amuyin mo!”

“Hmmm, ang bangu-bango! Sinong diyos naman ang pagdarasalan mo niyan?”

“Ah, minsan si Ganesa o si Siva o si Durga. Magdarasal ako sa kanila sa pamamagitan ng mala[ng] ito.”

“Maitanong ko lang, Napag-isip-isip mo na ba kung sino kaya sa kanila ang kataas-taasang diyos?”

“Diyan nga ako nalilito e. Hindi ko alam kung sino sa kanila ang kataas-taasang diyos.”

“Nalito rin ako noon, nang ako’y isang Hindu pa at sumasamba sa mga diyos na iyan. Pero ngayon ay kilala ko na kung sino ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat. Ipakikita ko sa iyo. [Binasa niya ang Awit 83:18.] Ang Diyos na Jehova ang Makapangyarihan-sa-lahat sa buong lupa. Nakatataas siya kina Siva, Ganesa, at Durga. Puwede kong ituro sa iyo ang tungkol sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat nang walang bayad.”

“Talaga bang tuturuan mo ako tungkol sa tunay na Diyos? Sa araw na ito ay nasagot lahat ang aking mga dasal!”

“Paano?”

“Matagal na akong nagdarasal araw-araw na sana’y magkaroon ako ng isang magandang mala upang sa pamamagitan nito ay masumpungan ko ang tunay na Diyos. Ipinagdarasal ko rin na makasumpong ako ng isang tunay na kaibigan na makatutulong sa akin dahil wala ako kahit isa. Anong pangalan mo?”

“Ang pangalan ko ay Mala, at oo, puwede mo akong maging kaibigan at tuturuan kita sa pamamagitan ng Bibliya.”

“Hindi ko akalaing bibigyan ako ng Diyos ng isang buháy na Mala!”

Isinaayos ng dalawang babae na pag-aralan ang brosyur na Hinihiling. Regular na dumadalo si Shwe sa mga pulong at nababanggit niya ang tungkol sa kaniyang tunguhin na magpabautismo.

Sa Honduras, isang kapatid na misyonera na nagsisikap matuto ng Kastila ang pumasok sa isang gusali ng mga opisina at nagpasakamay ng mga magasin sa resepsiyonista. Pagkatapos, tumunog ang telepono sa opisina, at inakala ng misyonerang kapatid na pinauupo muna siya ng resepsiyonista, kaya naupo naman siya. Mali pala ang pagkaintindi niya. Pinaaalis na pala siya ng resepsiyonista. Samantala, isang babae sa kalapit na opisina ang matagal nang nananalangin na tulungan sana siyang maputol na ang imoral niyang pakikipagrelasyon sa isang lalaking may-asawa at matutuhan ang katanggap-tanggap na paraan ng pagsamba sa Diyos. Nang marinig niya ang tinig ng ating kapatid sa tanggapang-dako, inisip niyang ito na ang sagot sa kaniyang panalangin. Gayunman, nang marinig niyang pinaaalis na ng resepsiyonista ang sister, nangamba siyang baka hindi na niya ito makausap. Subalit pagkaraan ay sinabi ng misyonera: “Dahil mali ang pagkaintindi ko sa resepsiyonista, naroroon pa rin ako nang nagmamadaling pumasok ang babaing ito upang makausap ako. Pareho kaming kumbinsido na ito ay dahil sa patnubay ni Jehova.” Maraming taon na ang nakalilipas, nakabasa na ang babaing ito ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova, at ngayon ay desidido na siyang magbuhos ng pansin sa espirituwal na mga bagay. Mula noon ay pinutol na niya ang kaniyang pakikipagrelasyon sa isang lalaking may-asawa at nakikipag-aral na siya ng Bibliya at regular na dumadalo sa mga pulong.

Isang special pioneer na sister sa El Salvador ang naatasan sa isang kongregasyon na ang teritoryo ay may iilan lamang na tumutugon sa katotohanan. Nanalangin siya kay Jehova na makasumpong sana siya ng mga interesadong tao. Isang araw ng Linggo, nakatagpo siya ng isang kabataang lalaki at nakausap niya ito tungkol sa Bibliya. Tinanggap niya ang aklat na Kaalaman at sumang-ayon na dalawin siyang muli. Madalas na bumabalik ang sister, ngunit palagi itong wala sa bahay. Nakausap naman niya ang asawa ng lalaki, ngunit hindi ito masyadong interesado sa Bibliya. Sa ikalima niyang pagdalaw, pinapasok siya ng asawang babae, sabay sabi, “sampung minuto lang, ha.” Hiniling ng sister kung puwede nitong kunin ang aklat na Kaalaman. Nakita naman ng babae ang aklat, at sandaling tinalakay ng sister ang ilang punto mula sa aklat at ipinakita kung paano isinasagawa ang pag-aaral sa Bibliya. Pagkalipas ng tatlong-buwang pag-aaral, nagsimula nang dumalo ang babae sa mga pulong at kinakitaan ng tunay na mga palatandaan ng pagsulong. Kumusta naman ang kaniyang asawa? Sa paglipas ng panahon, sumama na rin ito sa pag-aaral. Pagkaraan ay dumadalo na rin ito sa mga pulong kasama ang kaniyang pamilya. Inaasikaso ngayon ng mag-asawang ito na gawing legal ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Ang pagtitiyaga kasabay ng panalangin ay nagdudulot ng magagandang resulta.

Si Margarita, na naninirahan sa Mexico, ay may kuwento tungkol sa kaniyang tagumpay sa di-pormal na pagpapatotoo: “Sa isang klase sa pananahi ng bestida, ipinakipag-usap ko sa isa sa aking mga kaklase ang tungkol sa Bibliya. Sinabi niyang ang tingin niya sa mga pamilya ng mga Saksi ni Jehova ay masasaya, dahil palagi silang nakangiti at parang napakaliligaya. Sinabi ko sa kaniya na tama ang kaniyang palagay at na ang tunay na kaligayahan ay tinatamasa ng mga nagtitiwala kay Jehova at sumusunod sa mga simulain sa Bibliya.” Pinasimulan ni Margarita ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang kaklase, na ngayo’y regular nang dumadalo sa mga pulong at sumusulong sa kaniyang kaalaman sa katotohanan.

Sa Dominican Republic, si Ana ay nag-iwan ng brosyur na Hinihiling sa isang lalaking mukhang may problema. Ang asawa pala nito ay nasa ospital at ooperahan dahil sa kanser. Sinabi niyang mahilig magbasa ang kaniyang asawa, kaya dadalhin niya ang brosyur sa ospital. Nang maglaon, nakausap ni Ana ang asawa ng lalaki, na nagsabi: “Puwede na nating pasimulan ang pag-aaral. Handa na ako.” Pagkaraan ay ipinaliwanag niya na noong siya’y nasa ospital, nakiusap siya sa Diyos na ituro sana sa kaniya ang tunay na relihiyon. Nang oras ding iyon, ibinigay sa kaniya ng asawa niya ang brosyur na Hinihiling. Binasa niya ito at natiyak niyang ito na ang sagot ng Diyos sa kaniyang panalangin, at agad na naging tunguhin niyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman kinailangan niyang maglakad nang isang oras mula sa kanilang bahay upang makadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, mabilis ang kaniyang naging pagsulong at di-nagtagal ay naaprobahan siya bilang isang mamamahayag. “Matutupad ko na rin ngayon ang aking panata sa Diyos,” ang sabi niya. Wala pang anim na buwan, siya ay nabautismuhan sa pandistritong kombensiyon, at ngayon ay patuloy siya sa maligayang paglilingkod kay Jehova.

Si Martin, isang 13-anyos na mamamahayag na naninirahan sa Paraguay, ay mahilig sa di-pormal na pagpapatotoo. Isang araw habang papauwi mula sa paaralan at nagpapatotoo sa isang nagdaraan, napansin niya ang isang maliit na pakete sa kalye. Dinampot ito ni Martin at natuklasan niyang pera pala ang laman nito. Yamang wala naman siyang nakikitang naghahanap nito, ibinulsa niya ito. Habang naglalakad siya, naisip niya: ‘Sa perang ito, mababayaran ko na ang tatlong buwan kong utang sa matrikula at makatutulong pa ito sa ilang gastusin ng aking mga magulang.’ Samantala, hindi niya napapansin, napaliko siya sa isang kalye na hindi naman niya karaniwang dinaraanan. Doon ay nakita niya ang isang lalaking parang may hinahanap. Naulinigan niyang sinasabi ng lalaki na nawalan siya ng 115,000 guarani ($18.25, U.S.) at na iyon na lamang ang natitira niyang pera para makaraos sa natitira pang mga araw ng buwang iyon. Agad na sumagi sa alaala ni Martin ang mga salita ng isa sa mga elder na nagrepaso sa kaniya sa mga tanong sa bautismo. Ang sabi ng elder: “Mapapaharap ka mismo sa maraming pagsubok, at lalo na nga ngayon na magpapabautismo ka na.”

Kailangang-kailangan ni Martin ang pera. Ni hindi man lamang siya nabusog sa kaniyang kinain sa paaralan nang araw na iyon, at lalo na ngang wala siyang pambayad sa kaniyang matrikula. Gayunpaman, palibhasa’y alam niyang tama ang kaniyang gagawin, tinanong ni Martin ang lalaki kung magkano talaga ang perang nawawala sa kaniya. Tamang-tama sa halaga ng perang napulot niya. Ibinigay ni Martin sa lalaki ang pera kasama ang isang tract at nagpakilalang siya ay isang Saksi ni Jehova. Sa labis na katuwaan, paulit-ulit na nagpasalamat ang lalaki kay Martin at niyakap siya. Ibinigay ng lalaki kay Martin ang kaniyang adres para madalaw siya nito. Si Martin at ang kaniyang mga magulang ay binautismuhan sa kalilipas na pansirkitong asamblea.

ASIA AT GITNANG SILANGAN

Bilang ng mga lupain: 47

Populasyon: 3,931,574,927

Bilang ng mga mamamahayag: 568,370

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 417,308

Dahil sa problema sa kalusugan, nahadlangan ang ministeryo sa bahay-bahay ni Kumiko, isang sister na payunir na naninirahan malapit sa Tokyo, Hapon. Kaya naman, gumugol siya ng mas maraming panahon sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng liham. Ibinibigay sa kaniya ng mga miyembro ng kongregasyon nila ang mga adres ng mga mahirap matagpuan dahil sa palaging wala sa bahay ang mga ito. Siya ang gumagawa ng mga liham, at ang mga mamamahayag naman ng kongregasyon ang naghahatid ng mga ito. Sa loob ng mahigit na isang taon, wala siyang natanggap na sagot. Subalit patuloy pa rin siya sa walang-sawang pagliham. Sa wakas, pagkatapos makagawa ng mga 1,500 liham, tumanggap din siya ng isang postkard na nagsasabi: “Salamat sa iyong liham. Interesadung-interesado ako sa iyong sinabi. Puwede ako sa sumusunod na mga araw, at hihintayin ko ang pagdalaw mo.” May luha ng kagalakan, dinalaw niya ang taong ito, at agad na napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ang sabi niya: “Noong una, medyo ninenerbiyos ako sa pagliham, pero ngayon ay may tiwala ako na kapag matiyaga tayo sa paghahanap ng tulad-tupang mga tao, tiyak na pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap.”

Isang umaga habang nasa ministeryo sa bahay-bahay sa India, isang sister ang kumatok sa pinto. Binuksan ito ng isang babaing malungkot ang mukha. Dalawang maliit na bata ang nakaupo sa sahig sa harap ng dalawang pinggan na walang laman. Ibinahagi ng ating sister ang nakaaaliw na mensahe ng Kaharian ng Diyos at ang mga pagpapala nito, at matamang nakinig naman ang babae. Samantala, paulit-ulit na nakikiusap ang mga bata na hainan na sila ng kanilang nanay ng pagkain. Tumanggi ito. Sinabi ng sister na puwede naman siyang maghintay hanggang sa makakain ang mga bata. Umiyak na ang babae, anupat ipinaliliwanag na ang pagkain ay may lason. Ihahain na sana niya ito sa kanila nang bigla niyang marinig ang mga katok sa pinto. Dahil sa mga problema sa pamilya, lakip na ang isang asawang lasenggo, ipinasiya niyang patayin ang sarili at ang kaniyang dalawang maliliit na anak na babae. Nang marinig ito, itinapon ng sister ang pagkain, tumakbo sa isang malapit na tindahan, at bumili ng makakain ng pamilya. Iniluto nilang dalawa ang pagkain at inihain ito sa mga bata. Lubhang naaliw ang babaing ito sa mensahe ng Kaharian. Tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya at ngayon ay isa na siyang bautisadong Saksi. Kasa-kasama niyang dumadalo sa mga pulong ang kaniyang dalawang anak. Nitong dakong huli, dumalo na rin sa mga pulong ang kaniyang asawa at kinakitaan ng mahusay na pagsulong.

SARS! Ang salitang ito ay nagdulot ng takot sa puso ng marami sa Taiwan. Taglay ang pangamba, pinanood ng mga residente ang balita kung paano naaapektuhan ng sakit na ito ang Hong Kong. Pagkatapos ay naminsala naman ito sa Taiwan! Kinailangang ikuwarentenas ang ilang ospital dahil sa paglaganap ng impeksiyon, at maraming tao ang nangangamba na baka sila naman ang sumunod na maging biktima. Bago pa man ito iutos ng pamahalaan, natulungan na ng tanggapang pansangay ang mga kongregasyon na magkaroon ng mga termometro upang makuha ng mga kapatid ang temperatura ng bawat isang dumadalo sa mga pulong.

Pagkatapos ay hiniling ng pamahalaan na iwasan ng lahat ng rehistradong relihiyon na mangaral sa ilang residensiyal na lugar. Isang pantanging programa sa Pulong sa Paglilingkod ang tumulong sa mga kapatid na makita kung paano nila babaguhin ang kanilang gawain upang maiwasan ang mga problema. Isang special pioneer ang tumugon sa mungkahi na balikan ang mga nagpakita ng kahit bahagyang-bahagyang interes. Bilang resulta, dumami ang bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya na idinaraos niya. Sa ngayon ay kinakikitaan ng mainam na pagsulong ang ilan sa mga bagong inaaralan na ito. Ang sabi niya: “Ang sa pasimula’y isang negatibong kalagayan ay naging dahilan upang maging mas mabunga ang aking ministeryo.”

Habang naglilingkod sa larangan sa Ciprus, nakatagpo ang isang sister ng isang babaing nagsabi na siya ay abala. Mula sa isang bukás na bintana sa kusina, sandaling nakipag-usap ang sister, binasa ang Awit 72:12-14, at isinaayos na babalik siyang muli sa mas kumbinyenteng panahon. Nang siya nga ay bumalik, nagulat ang sister nang marinig niyang hinihintay-hintay ng babae ang kaniyang pagbabalik. Bakit? Nasumpungan ng babae na lubhang nakaaaliw ang tekstong iyon​—maghapon niyang pinag-isipan iyon. Nag-alok ang sister ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at agad namang sumang-ayon ang babae. Sa ngayon ay tuwang-tuwa ang babae sa kaniyang mga natututuhan mula sa Salita ng Diyos.

Si Polo, isang lalaking taga-Cambodia, ay nagsimulang makipag-aral sa isang misyonero at naging mahusay naman ang kaniyang pagsulong. Dinadaluhan niya ang lahat ng limang pulong ng kongregasyon sa Phnom Penh. Pagkatapos, sinabihan siya ng kaniyang amo na lumipat sa Battambang, isang lunsod na malapit sa hanggahan ng Thailand. Wala kasing kongregasyon doon, kaya ibinigay ni Polo ang numero ng cell phone niya sa nagdaraos sa kaniya ng pag-aaral sa Bibliya, at nagpatuloy sila sa pag-aaral sa pamamagitan ng telepono sa loob ng 30 minuto tuwing Miyerkules at Biyernes. Gusto rin sana ni Polo na makibahagi sa pagkokomento sa Pag-aaral sa Bantayan. Dahil napakalayo ng kongregasyon, isinusulat niya ang tatlo o apat na sagot sa pag-aaral sa darating na linggo at ibinibigay ito sa kaniyang tagapangasiwa ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat upang basahin sa pulong sa linggong iyon. Ang kaniyang sigasig ay nagpasigla sa mga mamamahayag ng kongregasyon. Sinisikap din niyang makapagpatotoo sa kaniyang mga nakakatagpo. Sa bus patungong Phnom Penh at pauwi, nagpapatotoo siya sa maraming tao at pinasisigla ang mga ito na dumalo sa mga pulong. Ang sumunod niyang tunguhin ay ang maging isang di-bautisadong mamamahayag.

Sa Mongolia, nakatagpo ang dalawang sister ng isang lalaki na mga 30 anyos na ang edad. Pinapaghintay niya sila, pumasok sa kaniyang bahay, at inilabas ang dalawang aklat: Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos at Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman. Sinabi niya na noon ay nakikipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa Poland 12 taon na ang nakalilipas. Nang umuwi siya sa Mongolia noong 1993, agad siyang lumiham na humihiling na dalawin siya ng mga Saksi. Subalit wala pang mga Saksi sa Mongolia noon, kaya walang nakadalaw sa kaniya. Pagkalipas ng ilang panahon, pumunta siya sa India upang mag-aral sa isang unibersidad, at nanatili siya roon sa loob ng limang taon. Nang mga taóng iyon, mula 1994 hanggang 1998, wala siyang nakausap na mga Saksi ni Jehova. Pagkaraan ay umuwi siya sa Mongolia, at sa wakas ay may nakausap din siyang mga kapatid. Muling pinasimulan ang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at noong Abril 2003, dumalo siya sa kaniyang kauna-unahang pulong. Maligaya niyang pinag-aaralan ngayon ang brosyur na Hinihiling.

Sa Sri Lanka, nagulat ang dalawang Saksi nang buong-lugod silang patuluyin ng isang babaing Budista sa kaniyang tahanan, na sinasabing sila raw ang sagot sa kaniyang mga panalangin! Ipinaliwanag niya na kamakailan lamang ay nagpatiwakal ang kaniyang kabataang anak na babae dahil dinisiplina niya ito. Sinabi sa kaniya ng paring Budista na nilapitan niya upang hingan ng kaaliwan, na ang kaniyang anak ay muling isisilang at babalik upang maghiganti sa kaniya. Labis itong ikinatakot ng babae. Sinabi ng isa sa kaniyang mga kaibigan na ang mga Kristiyano ay hindi naniniwala sa gayong mga bagay. Kaya nanalangin ang babaing ito na makakilala sana siya ng isang tunay na Kristiyano, anupat iniisip na baka isang Katoliko ang isugo sa kaniya. Sa halip, dalawang Saksi ni Jehova ang dumating at inaliw siya sa pamamagitan ng katotohanan sa Bibliya. Nag-aaral na siya ngayon ng Bibliya sa kabila ng pagsalansang ng paring Budista.

Sa Kyrgyzstan, isang babae ang maraming taon nang nagsisimba sa Evangelical Church. Sa kaniyang pagbabasa ng Bibliya, nakita niya ang pagkakaiba ng nakasulat doon at ng itinuturo sa kaniyang simbahan. Halimbawa, hindi niya maunawaan ang itinuturo ng simbahan na si Jesu-Kristo ay kapuwa ang Ama at ang Anak. Palibhasa’y kumbinsido siya na ang anak ay dapat na may ama, ipinatungkol niya ang isang taimtim na panalangin sa Ama ni Jesu-Kristo, anupat humihiling na tulungan siyang masumpungan ang mga sagot sa kaniyang mga tanong sa Bibliya. Kinabukasan, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniya. Nagtanong sila: “Ano sa palagay mo? Kanino kaya itinuro ni Jesu-Kristo na manalangin ang kaniyang mga alagad, at anong pangalan ang hinihimok niyang pakabanalin?” Nagtaka siya dahil naalaala niya na kahapon lamang ay ipinanalangin niya sa Ama ni Jesu-Kristo na masagot sana ang mismong mga tanong na ito. Pagkatapos ng pag-uusap, wala siyang alinlangan na sinagot na ng Diyos ang kaniyang panalangin. Sumang-ayon ang babae sa isang regular na pag-aaral sa Bibliya at nagsimula nang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Nang malaman niyang si Jehova ang Ama ni Jesus, kay Jehova na siya nananalangin na ginagamit ang Kaniyang personal na pangalan. Ngayon ay sumusulong na siya sa espirituwal at ibinabahagi sa kaniyang mga kamag-anak ang kaalamang nasumpungan niya.

APRIKA

Bilang ng mga lupain: 56

Populasyon: 755,145,559

Bilang ng mga mamamahayag: 950,321

Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 1,666,518

Sa maraming bumibiyaheng bus sa mga lunsod sa Zambia, ang mga pasahero ay nalilibang sa mga video na kalimitan ay may mararahas at imoral na palabas. Isang mag-asawang misyonero na naglalakbay sakay ng bus patungong kabisera ang nagtanong kung puwedeng ipalabas ang video na The Bible​—Its Power in Your Life. Pumayag naman ang drayber. “Nakita namin na ang mga pasahero ay matamang nanood at nakinig na mabuti,” naaalaala pa ni Ruth. “Pagkatapos, nakipag-usap kami sa kanila, habang nag-aalok ng mga tract at magasin. Napakasigla ng pagtugon nila.” Tinanong ng mag-asawa ang drayber kung puwedeng ipalabas na muli ang video, na iniisip na mayamaya pa naman niya siguro ito gagawin. Agad niya itong ini-rewind at muling ipinalabas. Ang sabi ni Richard: “Muling nasiyahan ang mga pasahero sa video. Mabuti na lamang at nagtanong kami kung puwedeng ipalabas ito.”

Ipinakikita ni Miranda, isang tin-edyer na estudyante sa Malawi, ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya sa isang kaklase habang sila’y nagpapahinga. Naulinigan ng isang guro ang pag-uusap at tinawag niya si Miranda sa kaniyang opisina. Tinanong niya ito kung bakit niya sinabihan ang kaniyang kaibigan na dapat na itong mag-asawa. Sumagot si Miranda na hindi niya sinasabihan ang kaniyang kaibigan na mag-asawa. Sa halip, ang sinasabi niya ay kung paano makatutulong ang aklat sa mga pamilya na makasumpong ng tunay na kaligayahan. Dahil sa galit, sinigawan ng guro si Miranda: “Napakabata mo pa para magpayo tungkol sa pag-aasawa!”

Nababagabag at nanginginig, nilisan ni Miranda ang opisina ng guro. Pagkalipas ng dalawang araw, muli siyang ipinatawag ng guro sa kaniyang opisina. Ikinuwento ni Miranda ang sumunod na pangyayari: “Sinabi ng aking guro na pasensiya na raw ako sa biglang silakbo ng kaniyang galit, at sinabi niya sa akin na silang mag-asawa ay palaging nag-aaway hanggang sa maghiwalay na nga sila. Humingi siya sa akin ng isang kopya ng aklat na ipinakita ko sa aking kaklase. Natutuwa akong ibigay sa kaniya ang isang kopya. Pagkalipas ng dalawang linggo, sinabi niya sa akin na nakatulong ang aklat at na ipinabasa niya ito sa kaniyang asawa. Nang maglaon, silang mag-asawa ay nagkabalikan.”

Sa Timog Aprika, isang may-edad nang lalaki na nagngangalang Eric ang maraming taon nang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, subalit hindi siya sumusulong sa espirituwal dahil sa bisyong paninigarilyo. Nang mabautismuhan ang kaniyang asawa, ipinasiya niyang maging tunguhin din ito. Gumawa siya ng ilang malalaking-letrang kopya ng teksto sa Kasulatan na masusumpungan sa 2 Corinto 7:1, na kababasahan: “Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.” Inilagay ni Eric ang mga tekstong ito sa mga lugar na madaling makita sa loob ng kanilang bahay. Sa tuwing matutukso siyang magsindi ng sigarilyo, babasahin niya ang teksto at mananalangin kay Jehova na tulungan siyang ihinto na ang paninigarilyo. Bilang resulta, mahigit na sampung buwan na siyang hindi naninigarilyo. Si Eric ay isa na ngayong di-bautisadong mamamahayag at nagpaplanong magpabautismo sa susunod na pandistritong kombensiyon.

Habang naghihintay ng lantsa sa kapuluan ng Seychelles, isang sister na misyonera ang nakapansin sa isang babaing nag-iisa. Bagaman pagod na pagod na ang sister na ito sa maghapong pangangaral, nilapitan niya ang babae at inalok ito ng isang tract. Tinanggap niya ito, kasabay ng pagsasabing siya ay isang Hindu. Pagkalipas ng ilang araw, nagkita na naman sila, sa kalye, at isinaayos ng sister ang isang pag-aaral sa Bibliya. Ang asawa ng babae na isang doktor ay Katoliko, subalit matapos mabasa Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos at ang aklat na Kaalaman, pumayag siyang sumali sa pag-aaral. Isang gabi, inanyayahan ng mag-asawang ito ang sister at ang kaniyang asawa para sa masarap na barbecue. Sinunog nilang dalawa ang kanilang relihiyosong mga imahen at sa apoy nito iniluto ang pagkain! Di-nagtagal, dumadalo na sila sa mga pulong at naglilingkod na sa larangan. Matapos mabautismuhan, pareho silang nag-auxiliary pioneer. Yamang maliit lamang ang pulo, kilalang-kilala ang brother sa komunidad. “Naging pari na ngayon ang doktor,” ang biro ng ilan. Naglilingkod siya ngayon bilang ministeryal na lingkod, at ang kaniyang asawa naman ay masayang naglilingkod bilang regular pioneer.

Si Ishmael ay nag-aral ng sign language upang matulungan ang mga bingi sa Zimbabwe na matuto ng katotohanan. Isang araw, habang nasa bus, napansin niya ang isang babaing bingi na humihingi ng limos sa mga pasahero. Nagpatotoo si Ishmael sa kaniya at nagsaayos na magkita silang muli. Nang tanungin siya kung ano ang itinuturo ng kanilang relihiyon hinggil sa kung bakit siya bingi, sumagot ang babae: “Sabi nila ay kalooban daw ng Diyos na maging bingi ako.” Ipinaliwanag sa kaniya ni Ishmael na hindi kalooban ng Diyos na maging bingi ang mga tao kundi ang gayong mga kapansanan ay bunga ng minanang kasalanan at di-kasakdalan. Ipinaliwanag din niya na malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng karamdaman. Sumagot ang babae: “Gusto kong malaman kung bakit puro kasinungalingan ang itinuro sa akin ng aming relihiyon.” Nang muling makipagkita si Ishmael sa kaniya sa ikatlong pagkakataon, ang sabi ng babae: “Mula ngayon ay kasama na ninyo ako. Ayaw ko nang makinig sa mga kasinungalingan.” Pinagdarausan siya ng pag-aaral sa Bibliya, at regular na siya sa mga pulong ng kongregasyon at inaasahang malapit nang maging kuwalipikado bilang di-bautisadong mamamahayag.

Sa Ghana, ang pagsusumakit sa hanapbuhay ang dahilan kung kaya halos wala nang panahon ang mga tao na pag-usapan ang espirituwal na mga bagay. Nilapitan ng isang sister na regular pioneer ang isang lalaki sa ministeryo sa bahay-bahay at humiling ng kahit limang minuto para sa isang pag-uusap tungkol sa Bibliya. Ang sagot nito: “Palagi akong abala sa maghapon. Umuuwi lamang ako ng pasado alas 8:00 n.g. para matulog.”

Nagtanong ang sister: “Puwede kaya nating gamitin ang maliit na bahagi ng iyong oras sa pagtulog para mag-aral ng Bibliya?”

Ang sabi ng lalaki: “Basta kung darating ka ng pasado alas 8:00 n.g.” Kinabukasan, ang sister at ang kaniyang asawa ay pumunta sa bahay ng lalaki nang eksaktong alas 8:00 n.g. Kauuwi lamang nito mula sa trabaho. Pinasimulan ang pag-aaral sa Bibliya, at di-nagtagal ay dumalo na siya sa mga pulong. Nang maglaon, naging kuwalipikado siya bilang di-bautisadong mamamahayag at nabautismuhan nang bandang huli. Gayon na lamang ang paghanga ng asawa ng lalaki sa mga pagbabagong ginawa nito sa kaniyang buhay anupat pumayag din siyang mag-aral ng Bibliya at di-nagtagal ay naging kuwalipikado bilang di-bautisadong mamamahayag. Hindi makapaniwala ang mga kapitbahay at ang karamihan sa nakababatid ng dating paraan ng pamumuhay ng lalaking ito nang makita nila siyang nangangaral sa bahay-bahay. Marami ang nais makaalam kung ano ang nakapagpabago sa isang tao na kilalang lasenggo, magnanakaw, at sugapa sa droga. Sa kalaunan, 22 katao sa bayang ito ang humiling ng pag-aaral sa Bibliya. Labindalawa na sa kanila ang regular na dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon at malapit nang maging kuwalipikado bilang di-bautisadong mga mamamahayag.

[Larawan sa pahina 43]

Sina Steponas at Edvardas, Lithuania

[Larawan sa pahina 47]

Si Alyce kasama ang kaniyang guro na si Linda, Australia

[Larawan sa pahina 51]

Mala, Estados Unidos

[Larawan sa pahina 56]

Kumiko, Hapon

[Larawan sa pahina 61]

Sina Ruth at Richard, Zambia