Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Republika ng Congo (Brazzaville)

Republika ng Congo (Brazzaville)

Republika ng Congo (Brazzaville)

Ang pamagat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo” ay nagniningning sa muradong aklat na nasa bukás na pakete. Nagtaka si Etienne. Tiyak na para sa kaniya ang paketeng iyon. Pangalan niya ang nasa adres, Etienne Nkounkou, punong delinyante (draftsman) sa isang departamento ng pamahalaan sa Bangui, French Equatorial Africa. Subalit wala naman siyang pinididong aklat, at hindi niya kilala ang pinanggalingang adres nito na Watch Tower sa Switzerland. Wala siyang kamalay-malay na ang katotohanan sa Bibliya gaya ng ipinaliliwanag sa aklat na iyon ang siyang magpapabago sa kaniyang buhay. Ang katotohanan ding iyon ang magpapalaya sa libu-libo niyang kababayang Aprikano mula sa huwad na relihiyon, pagtatangi ng tribo, at kamangmangan. Iingatan nito ang marami na madala ng labis na katuwaan dahil sa malapit nang maganap noon na pagbabago sa pulitika at ng kasunod nitong kabiguan. Maglalaan ito ng pagtitiwala at pag-asa sa panahon ng nakahihindik na mga pangyayari. Pasisiglahin din nito ang mga taong may takot sa Diyos na itaya ang kanilang buhay upang makatulong sa iba. Maaantig ka at mapatitibay-loob sa kasaysayan ng mga pangyayaring ito. Gayunman, bago natin alamin ang sumunod na ginawa ni Etienne, isaalang-alang muna natin ang ilang saligang impormasyon tungkol sa lupain sa Aprika na itinuring niyang tahanan.

Isang dekada bago isagawa ni Christopher Columbus ang kaniyang bantog na paglalakbay sa kontinente ng Amerika noong 1492, ang mga marinong Portuges sa pangunguna ni Diogo Cão ay dumating sa wawa ng Ilog Congo sa sentral Aprika. Hindi nila alam na ang tubig ng ilog na sumasalpok sa kanilang barko ay nakapaglakbay na nang libu-libong kilometro bago makarating sa karagatan.

Nakilala ng mga Portuges ang mga tagaroon, mga mamamayan ng umuunlad na kaharian ng Kongo. Sa loob ng daan-daang taon pagkaraan nito, ang mga Portuges at iba pang negosyanteng Europeo ay namilí ng garing at mga alipin mula sa mga Aprikanong ito na naninirahan sa baybayin. Noon na lamang huling mga taon ng ika-19 na siglo nakipagsapalaran sa interyor ng lupain ang mga Europeo. Ang isa sa pinakaprominenteng mga lalaki na gumalugad sa teritoryong ito ay si Pierre Savorgnan de Brazza, isang opisyal sa hukbong-dagat ng Pransiya. Noong 1880, pinirmahan ni Brazza ang isang kasunduan sa isang hari roon, na yaong lugar na nasa gawing hilaga ng Ilog Congo ay isinasailalim sa proteksiyon ng Pransiya. Nang maglaon, ang teritoryong iyon ay naging French Equatorial Africa. Ang kabisera nito ay ang Brazzaville.

Sa ngayon, ang Brazzaville ang kabisera at pinakamalaking lunsod ng ngayo’y Republika ng Congo. Ang lunsod ay nasa pampang ng Ilog Congo. Ang agos ng ilog ay rumaragasa sa naglalakihan at nakausling mga bato sa tabi ng bundok sa kalakhang bahagi ng 400 kilometrong kahabaan nito patungong dagat, kung saan iniangkla ni Cão ang kaniyang barko sa kaniyang paglalayag para tumuklas. Mula sa Brazzaville ay mababanaag mo sa ibayo ng ilog ang Kinshasa, ang kabisera ng Demokratikong Republika ng Congo. Yamang parehong ginamit ng dalawang bansa ang pangalan ng ilog, karaniwan nang tinatawag ang mga ito na Congo (Brazzaville) at Congo (Kinshasa).

Dahil sa mabibilis na agos at mga talon sa ilog sa gawing ibaba ng Brazzaville, imposibleng maglayag dito patungong Atlantiko. Gayunman, isang riles ang nag-uugnay sa Brazzaville at sa baybaying lunsod ng Pointe-Noire. Ang karamihan sa mamamayan ng Congo ay nakatira sa loob at sa palibot ng dalawang sentrong ito. Bagaman nasa gawi pa roon ng hilaga ang ilang bayan at lunsod sa baybayin, madalang lamang ang naninirahan sa kalakhang bahagi ng maalinsangan at magubat na bansang ito.

Nagsimulang Palayain ng Katotohanan ang mga Tao

Balikan natin ngayon ang kasaysayan ni Etienne. Ang taon nang tanggapin niya sa koreo ang aklat ay 1947. Nang mismong araw na matanggap niya ito, binasa at ipinakipag-usap ni Etienne ang unang mga kabanata sa isang kapitbahay. Kapuwa nila naulinigan ang taginting ng katotohanan at nagpasiyang anyayahan ang ilang kaibigan nang sumunod na Linggo upang sama-sama nilang basahin ang aklat at suriin ang mga teksto. Ang mga dumating ay natuwa sa kanilang natutuhan at nagpasiyang magtipong muli sa susunod na Linggo. Naroroon sa ikalawang pagtitipon ang isang opisyal ng adwana na nagngangalang Augustin Bayonne. Gaya ni Etienne, siya ay taal na taga-Brazzaville, at naging masigasig din sa pagpapalaganap ng katotohanang nagdadala ng tunay na kalayaan.

Nang sumunod na linggo, nakatanggap si Etienne ng dalawang liham. Ang isa ay mula sa isang kakilala sa Cameroon na nakaaalam sa interes ni Etienne sa relihiyon. Isinulat niya na ipinadala niya ang pangalan ni Etienne sa tanggapan ng Watch Tower Society sa Switzerland. Ang ikalawa naman ay mula sa Switzerland na nagsasabing may aklat na ipinadala kay Etienne at humihimok sa kaniya na basahin ang aklat at ibahagi iyon sa kaniyang pamilya at mga kaibigan. Nakalakip dito ang isang adres sa Pransiya na mapagkukunan niya ng higit pang impormasyon. Alam na ngayon ni Etienne kung bakit siya nakatanggap ng aklat na iyon. Di-nagtagal, palagi na siyang nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng sulat sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya.

Pagkalipas ng ilang taon, sina Etienne at Augustin ay nagbalik sa Brazzaville. Subalit bago nito, lumiham muna si Etienne sa isang kakilala sa Brazzaville na nagngangalang Timothée Miemounoua, na dekano ng isang paaralang teknikal. Ganito ang simula ng kaniyang liham: “Nalulugod akong ipaalam sa iyo na ang daang tinatahak natin ay hindi pala siyang daan ng katotohanan. Nasa mga Saksi ni Jehova ang katotohanan.” Nagpatuloy si Etienne sa pagpapaliwanag sa kaniyang natutuhan. Inilakip din niya ang aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo.” Maganda ang naging pagtugon ni Timothée sa mensahe ng Bibliya, gaya rin nina Etienne at Augustin. Sila ang unang tatlong Congolese na yumakap sa katotohanan ng Bibliya, at silang tatlo ay nagpatuloy sa pagtulong sa marami pang iba na gayundin ang gawin.

Inanyayahan ni Timothée ang mga estudyanteng nanunuluyan sa paaralang teknikal na dumalo sa talakayan sa Bibliya sa gabi. Lumiham din siya upang humiling ng karagdagang mga publikasyong salig sa Bibliya. Ang grupo ay nagsimulang magdaos ng mga pulong at mangaral sa abot ng kanilang makakaya. Nang maglaon, ang ilang estudyanteng gaya nina Noé Mikouiza at Simon Mampouya ay nagkapribilehiyo na maging tagapangasiwa sa organisasyon ni Jehova.

Noong 1950, si Eric Cooke, isang misyonerong naninirahan sa Southern Rhodesia (ngayo’y Zimbabwe), ay dumalaw upang patibayin ang maliliit na grupo ng interesadong mga tao sa Bangui at Brazzaville. Subalit ang problema, hindi marunong mag-Pranses si Brother Cooke. Naaalaala pa ni Etienne: “Gamit ang kaniyang maliit na diksyunaryong Ingles-Pranses, ginawa ng mapagpakumbaba at madamaying kapatid na ito ang lahat ng kaniyang makakaya upang maipaliwanag sa amin ang gawaing pangangaral ng Kaharian at ang teokratikong organisasyon. Kung minsan ay hinuhulaan na lamang namin ang ibig niyang sabihin.”

Ipinatupad ang Paghihigpit

Tamang-tama ang pagdalaw ni Brother Cooke dahil noong Hulyo 24, 1950, ipinatupad ng mataas na komisyonado ng mga awtoridad ng kolonya ang paghihigpit sa pag-aangkat at pagpapalaganap ng lahat ng literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Nang sumunod na taon, ang mga mamamahayag sa French Equatorial Africa ay nakapagpasakamay lamang ng anim na piraso ng literatura, bagaman nakapagdaos sila ng 468 pulong pangmadla. Nagpahayag ng pag-unawa at pagdamay sa mga kapatid ang 1952 Yearbook of Jehovah’s Witnesses. Ang sabi nito: “Gunigunihin, kung kaya mo, na ikaw ay nasa isang pagkalaki-laking teritoryo na may 37 mamamahayag lamang ng mensahe ng Kaharian na nakakalat sa buong lupain. Marahil ay hindi ka pa nakakakita kailanman ng iba pang aktibong mga saksi maliban sa ilang naroroon sa sarili mong bayan. Ang tanging nalalaman mo tungkol sa katotohanan at sa paraan ng pagpapatotoo ay yaong nabasa mo sa mga publikasyon at sa ilang liham na naipadala sa iyo ng Samahan. [Ito] ang kinakaharap ng mga kapatid sa Aprika na kontrolado ng mga Pranses.”

Nang maglaon, dumating si Jacques Michel mula sa Pransiya upang palakasin ang loob ng grupo at maglaan ng higit pang pagsasanay. Naalaala ni Noé Mikouiza, isa sa mga estudyante sa paaralang teknikal, ang isang tanong na nasa isip nila. Nagtanong sila: “Bawal bang uminom ng alak?” Nakapakong lahat ang mga mata kay Brother Michel habang binubuklat niya ang kaniyang Bibliya sa Awit 104:15. Pagkabasa ng talatang iyon, ipinaliwanag ni Jacques na ang alak ay isang kaloob mula sa Diyos, bagaman ang mga Kristiyano ay hindi dapat uminom nito nang sobra.

Ang bagong bautismong mga kapatid sa Brazzaville ay masigasig na nagpatotoo sa iba. Kapag mga dulo ng sanlinggo, palagi silang tumatawid sa ilog sakay ng bangka upang mangaral sa Kinshasa. Noong 1952, ang unang mga Congolese sa timugang panig ng ilog ay nabautismuhan. Malaki ang naitulong ng mga kapatid na taga-Brazzaville sa mga nasa Kinshasa noong unang mga taóng iyon. Sa dakong huli, mababaligtad ang kanilang mga papel.

Noong Disyembre 1954, nag-organisa ang mga kapatid ng isang asamblea sa Brazzaville. Ang dumalo ay 650, at ang nabautismuhan ay 70. Parami nang paraming tao ang pinalalaya ng katotohanan mula sa huwad na relihiyon. Mangyari pa, hindi ito nagustuhan ng mga relihiyosong lider ng Sangkakristiyanuhan at nagsikap silang ibaling ang mga awtoridad ng pamahalaan laban sa mga Saksi ni Jehova. Inakala ng mga pulis na si Timothée Miemounoua ang lider ng mga Saksi, kaya madalas nila siyang ipatawag sa istasyon ng pulisya. Pinagbantaan at binugbog nila siya. Hindi siya nasiraan ng loob dahil dito, ni natakot man ang ibang mga lingkod ni Jehova sa Brazzaville. Patuloy na lumaganap ang interes sa katotohanan sa Bibliya.

Gumawa naman ng ibang paraan ang mga awtoridad. Sina Timothée Miemounoua at Aaron Diamonika, dating mga estudyante sa paaralang teknikal na tumanggap sa katotohanan, ay kapuwa empleado noon ng pamahalaan. Noong 1955, inilipat sila ng pamahalaan sa malalayong lunsod sa interyor ng bansa. Si Timothée ay ipinadala sa Djambala, at si Aaron, sa Impfondo. Bigung-bigo ang pagtatangkang iyon na pahintuin ang pangangaral. Ang mga kapatid sa Brazzaville ay nagpatuloy sa kanilang masigasig na gawain habang sina Timothée at Aaron naman ay nagbukas ng mga teritoryo at nagtatag ng mga kongregasyon sa kanilang bagong mga lokasyon. Bagaman masisigasig ang mga kapatid, nasasabik pa rin sila sa tulong ng ibang bansa. Malapit na itong dumating.

Noong Marso 1956, ang unang apat na misyonero ay dumating, mula sa Pransiya: Sina Jean at Ida Seignobos kasama sina Claude at Simone Dupont. Noong Enero 1957, itinayo sa Brazzaville ang isang tanggapang pansangay na may pananagutan sa gawaing pagpapatotoo sa French Equatorial Africa. Si Brother Seignobos ang inatasang maging lingkod ng sangay. Di-nagtagal pagkatapos nito, biglang naganap ang isang trahedya nang ang asawa ni Jean, si Ida, ay mamatay sa isang aksidente sa kotse habang ang mag-asawa ay dumadalaw sa mga kongregasyon ng sa ngayo’y Republika ng Sentral Aprika. Nagpatuloy si Jean sa kaniyang atas.

Patungo sa Interyor

Nang panahong iyon, tagapangasiwa na ng sirkito si Augustin Bayonne. Dinalaw ni Augustin ang mga nayon sa liblib na kagubatan gayundin ang mga kampo ng mga Pygmy sa hilaga at kanlurang bahagi ng bansa. Dahil sa kaniyang napakadalas at napakalayong paglalakad, nakilala siya sa buong lugar bilang Ang Isa na Naglalakad. Paminsan-minsan, sinasamahan ni Jean Seignobos si Brother Bayonne. Nagulat si Jean dahil alam ng mga tao sa liblib na kagubatan sa may ekwador na darating sila. Ipinaabot sa pamamagitan ng mga tambol ang mensaheng ito: “Ang Isa na Naglalakad ay parating kasama ang isang lalaking puti.”

Maraming magagandang ibinunga ang mga paglalakbay na ito. Dati-rati, sinasabi ng mga tao na sa Congo (Brazzaville) lamang may mga Saksi ni Jehova. Dahil sa pagkanaroroon ni Brother Seignobos at ng iba pang mga misyonero, kasabay ng mga pagpapalabas ng pelikulang The New World Society in Action, napabulaanan nila ito.

Patuloy sa pagpasok ang katotohanan ng Bibliya sa mga nayon na nasa liblib na dako sa interyor, na pinalalaya ang mga tao mula sa espiritistikong mga gawain at di-pagkakaunawaan ng mga tribo. Marami sa mga kapatid sa mga lugar na ito ang hindi marunong bumasa at sumulat. Palibhasa’y wala silang mga relo, inaalam nila ang oras ng pagdalo sa mga pulong sa pamamagitan ng posisyon ng araw. Upang matantiya ang oras na ginugugol sa ministeryo sa larangan, gumagamit sila ng maliliit na patpat. Pagkatapos nilang magpatotoo sa isang tao, ibinabalot nila sa panyo ang isang patpat. Ang apat na patpat ay nangangahulugan ng isang oras. Dahil dito, napupunan nila ang kanilang ulat sa paglilingkod sa larangan tuwing katapusan ng buwan. Sa katunayan, mas mahaba pa ang ginagawang pangangaral ng mga kapatid kaysa sa iniuulat nila, sapagkat ang katotohanan ang pangunahing paksa na lagi nilang ipinakikipag-usap sa iba.

Mga Kaso sa Hukuman at mga Pagbabago sa Pulitika

Tandaan na noong 1950, ipinatupad ang paghihigpit sa pag-angkat ng mga literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Gaya ng nakita na natin, hindi nito napahinto ang paggawa ng mga alagad. Dahil dismayado, nagreklamo ang klero ng Sangkakristiyanuhan sa administrador ng pamahalaan, anupat nagbibintang na mga Komunista raw ang mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, isang Huwebes noong 1956, sampung kapatid ang inaresto nang alas singko ng umaga. Napabalita agad ang pag-aresto sa kanila; nagsaya ang relihiyosong mga mananalansang. Ginanap ang paglilitis nang araw ring iyon sa isang panghukumang gusali na punô ng mga kapatid na dumating upang manood ng paglilitis.

Nagkuwento si Noé Mikouiza: “Sa panahon ng paglilitis, pinatunayan naming hindi kami mga Komunista kundi mga Kristiyano, mga lingkod ng Diyos na tumutupad sa nakasulat sa Mateo 24:14. Ang aming abogado, na nakabasa na ng mga publikasyon namin, ay nagsabi sa hukuman na kung ang lahat ay gaya ng mga Saksi ni Jehova, mawawala na ang mga manlalabag-batas. Kinahapunan, binasa ang hatol: ‘Walang sala.’ Tuwang-tuwa, nagmadali kaming lahat sa pag-uwi upang magbihis, sapagkat may pulong pa sa gabing iyon. Napabalita na sa buong lunsod na inaresto kami, at gusto naming ipaalam sa lahat na malaya na kami. Sa pulong, inawit namin ang mga awiting pang-Kaharian sa pinakamalakas na makakaya namin. Gulat na gulat ang maraming nakarinig sa amin. Inaasahan nilang nakabilanggo kami.”

Noong Agosto 15, 1960, nakamit ng Republika ng Congo ang kasarinlan. Sumiklab ang karahasan dahil sa pulitika. Habang aktibong nakikibahagi ang klero ng Sangkakristiyanuhan sa mga pangyayaring ito, patuloy naman ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pangangaral. Noong 1960, may kabuuang 3,716 ang dumalo sa isang pansirkitong asamblea sa Brazzaville. Sa hilaga, dumaragsa rin ang mga tao sa mga kongregasyon. Halimbawa, sa isang rehiyon na 70 mamamahayag ang nakatira, halos isang libo ang dumadalo sa mga pulong sa kongregasyon.

Noong Disyembre 1961, inirehistro ng mga Saksi ang isang opisyal na korporasyon na tinatawag na Les Témoins de Jéhovah. Naging kapaki-pakinabang ang opisyal na pagkilalang ito, subalit alam ng mga kapatid na isang kahibangan ang lubusang umasa sa gayong mga bagay. Ikinuwento ni Brother Seignobos ang nangyari di pa natatagalan pagkatapos nito: “Isang araw, ipinatawag ako ng isang mataas na opisyal ng tanggapang panseguridad na pumupuna sa ating Kristiyanong neutralidad. Nagbabala siyang palalayasin ako sa bansa. Natakot akong baka nga ituloy niya ang kaniyang banta, yamang may awtoridad siyang gawin ito. Subalit kinabukasan, namatay siya dahil sa atake sa puso.”

Buhay-Misyonero Noong Dekada ng 1960

Noong Pebrero 1963, dumating sina Fred Lukuc at Max Danyleyko mula sa Haiti. Nang mag-asawa si Fred, naglingkod siya bilang tagapangasiwa ng sirkito. Sa una niyang pagdalaw sa mga kongregasyon, nahirapan siyang makilala kung sinu-sino ang magkakapamilya. Naaalaala pa niya: “Hindi ko makilala kung sinu-sino ang asawa ng mga elder, at hindi ko mapagwari kung sinu-sino ang mga anak nila. Sinusunod pa rin ng mga kapatid ang kaugalian sa sentral Aprika na hindi binabago ng mga asawang babae ang kanilang apelyido matapos ikasal at na ang ibinibigay na apelyido sa mga anak ay yaong sa kamag-anak o kaibigan ng pamilya.

“Noong unang gabi ng pagdalaw namin, sa Kingdom Hall, napansin naming tahimik ang mga kapatid at nahihiya sa amin. Nang magsimula na ang pulong, may napansin kaming kakaiba. Ang mga brother at ang malalaki nang mga batang lalaki ay nakaupo sa isang panig ng bulwagan; ang mas maliliit na bata at ang mga sister naman ay nakaupo sa kabilang panig. Medyo punô na ang panig ng kalalakihan nang magsimula ang pulong, subalit kakaunti pa lamang ang nasa panig ng kababaihan. Habang nagpapatuloy ang pulong, marami pang dumating na mga sister na may kasamang maliliit na bata at may sunong na mga Bibliya at aklat na walang-kahirap-hirap nilang tinitimbang sa kanilang ulo.

“Umakyat ako sa plataporma upang batiin ang kongregasyon at ipakilala ang aking asawa at ang aking sarili. Pagkatapos ng mainit na pagbati, huminto ako sandali, tumingin sa panig ng bulwagan na kinaroroonan ng kalalakihan, at saka nagsabi: ‘Mga kapatid, pakisuyong hanapin ninyo ang inyu-inyong asawa at mga anak sa loob ng sampung minuto. Mula ngayon, pakisuyong maupo kayong magkakatabi bilang pami-pamilya gaya ng ginagawa ng buong bayan ni Jehova sa buong daigdig.’ Masaya silang sumunod.”

May mga problema rin sa pampublikong transportasyon. Naaalaala pa ng asawa ni Brother Lukuc na si Leah: “Nagdadala kami ng maliliit na teheras, isang kulambo, isang balde, nabibitbit na mga salaan ng tubig, mga damit, aklat, magasin, at mga pelikulang salig sa Bibliya. Upang maipalabas ang pelikula, kailangang magdala ng mga kurdon ng kuryente, bombilya, rolyo ng pelikula, at mga iskrip, isang maliit na generator, at isang lalagyan ng gasolina. Dala naming lahat ito sa pagsakay sa mga trak sa lugar na iyon. Para makaupo sa tabi ng tsuper, dapat ay nasa trak na kami nang alas 2:00 ng madaling-araw. Kung hindi, doon kami mapapaupo sa likod, na nakabilad sa araw, kasama ng mga hayop, bagahe, at marami pang ibang pasahero.

“Minsan, matapos ang mahabang oras ng paglalakad sa init ng araw, dumating kami sa bahay at nadatnan namin ang isang kuyog ng mga langgam na naglipana sa tinitirahan naming maliit na dampang yari sa putik. Nakaakyat na sila sa balde, gumawa ng tulay sa pamamagitan ng kanilang mga katawan mismo upang maabot ang isang maliit na lata ng margarin, at sinimot ito. Nang gabing iyon sa hapunan, ang kinain namin ay tustadong tinapay at tig-kalahating lata ng sardinas. Bagaman pagód kami at medyo nahahabag sa sarili, natulog na kami habang ang mga kapatid sa labas ay mahinang nag-aawitan ng mga awiting pang-Kaharian sa tabi ng sigâ. Napakasarap matulog sa ganitong banayad at malambing na paraan!”

Tapat na mga Misyonero at Lokal na Matatanda

Mula 1956 hanggang 1977, mahigit na 20 misyonero ang naglingkod sa Congo (Brazzaville). Bagaman hindi laging madali ang buhay para sa kanila, bawat isa’y may mahalagang kontribusyon sa pangangaral ng Kaharian. Halimbawa, lahat ng naglingkod bilang mga lingkod ng sangay ay mga misyonero rin. Nang umuwi na si Brother Seignobos sa Pransiya noong 1962, inatasan si Larry Holmes na pangasiwaan ang gawaing pangangaral. Nang ang mag-asawang Larry at Audrey ay huminto na sa paglilingkod bilang misyonero noong 1965, si Brother Lukuc ang naging lingkod ng sangay.

Marami ring lokal na mga kapatid ang naging mahuhusay na halimbawa sa pangunguna. Nang pasimulan ang kaayusan hinggil sa pagkakaroon ng Komite ng Sangay noong 1976, nag-atas ang Lupong Tagapamahala ng tatlong kapatid: sina Jack Johansson at Palle Bjerre, na mga misyonero, at si Marcellin Ngolo, isang lokal na kapatid.

Si Augustin Bayonne​—Ang Isa na Naglalakad​—ay nag-aral sa ika-37 klase ng Gilead, noong 1962. Pagkatapos ng gradwasyon, pumunta siya sa Republika ng Sentral Aprika, kung saan, halos 15 taon bago nito, nabasa niya ang aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo.” Nang maglaon, nag-asawa si Augustin, nagkaroon ng mga anak, at bumalik sa Brazzaville, kung saan ipinagamit niya ang kaniyang tahanan para sa mga Kristiyanong pagpupulong. Nang dakong huli ay ibinigay niya bilang donasyon ang isang bahagi ng kaniyang lote para sa isang Kingdom Hall, na itinayo pagkaraan.

Pareho nang pumanaw sina Augustin Bayonne at Timothée Miemounoua. Bago mamatay, isinulat ni Timothée ang ilan sa kaniyang mga karanasan. Tinapos niya ang salaysay sa pagsipi sa Hebreo 10:39: ‘Hindi tayo ang uri na umuurong sa ikapupuksa, kundi ang uri na may pananampalataya upang maingatang buháy ang kaluluwa.’ Si Etienne Nkounkou, isa sa orihinal na tatlong yumakap sa katotohanan sa Congo, ay malapit nang mag-90 taóng gulang. Napakahuhusay ngang halimbawa ng tapat na paglilingkod ang mga kapatid na ito!

Isang Panahon ng Pagsubok

Noong Agosto 1970, pinairal ng Republika ng Congo ang Komunistang anyo ng pamahalaan. Tandaan na noong nakalipas na mga taon, niligalig ng mga awtoridad ang mga kapatid, dahil sa paratang na sila raw ay mga Komunista. Ngayong mga Komunista na ang namamahala, pinupuna naman ng bagong mga awtoridad ang mga kapatid sa pagiging hindi raw mga Komunista!

Gayunman, sa loob ng isang yugto ng panahon, hindi pinakialaman ng bagong pamahalaan ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Hayagang ginanap ang mga kombensiyon at mga pulong, at pinahintulutang makapasok sa bansa ang bagong mga misyonero. Subalit nang maglaon, nadama ng mga kapatid ang mga epekto ng rehimeng Komunista. Pinaratangan muna ng ilang opisyal ang mga misyonero na mga espiya raw ang mga ito. Pagkatapos noong Enero 3, 1977, opisyal nang ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Isa-isang pinalayas ang mga misyonero hanggang sa sina Jack at Linda Johansson na lamang ang natira. Hinggil sa panahong iyon, sinabi ni Jack: “Ang ilang buwang iyon na kami na lamang ang nasa tanggapang pansangay ang siya na sigurong pinakamatinding naranasan namin sa aming paglilingkod bilang misyonero na sumubok at nagpalakas sa aming pananampalataya. Pinaghinalaan kaming mga espiya ng American Central Intelligence Agency. Inaaresto at ipinapapatay ang mga kaaway ng pamahalaan, kasali na ang mga lider ng relihiyon. Dahil dito, alam naming nanganganib ang aming buhay. Subalit nakita naming iniingatan kami ni Jehova, at nagpalakas iyan ng aming pananampalataya.”

Umapela si Noé Mikouiza sa punong ministro, na humihiling na pahintulutan sina Jack at Linda na manatili sa bansa. Hindi pinagbigyan ang kahilingan; kailangan silang umalis. Kinumpiska ang ari-arian ng sangay at mga Kingdom Hall, at ipinasara ang tanggapang pansangay. Sa loob ng maikling panahon, binalikat ng sangay sa Pransiya ang pangangasiwa sa gawaing pangangaral, subalit nang maglaon ay ipinaubaya ang pananagutang ito sa tanggapang pansangay sa Kinshasa.

Bagaman limitado ang kilos ng mga kapatid sa ilang paraan, hindi naman nila naranasan ang matinding pag-uusig na dinanas ng mga Saksi sa ibang lupain. Gayunman, may mga kapatid na natakot, at ito’y nakahawa. Bagaman regular pa ring nakapagdaraos ng mga pulong ang mga kapatid, halos tumigil naman ang ministeryo sa bahay-bahay. Dahil dito, nagsugo ang tanggapang pansangay sa Kinshasa ng mga elder patungo sa ibayo ng ilog upang patibayin at palakasin ang mga kapatid.

Ang isa sa matatandang ito ay si André Kitula. Noong Hunyo 1981, sinimulan niyang dalawin ang 12 kongregasyon sa Brazzaville bilang tagapangasiwa ng sirkito. Nang dalawin niya ang unang kongregasyon sa lunsod, napansin niyang sinuportahan ng mga kapatid ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at ang Pulong sa Paglilingkod noong Martes. Subalit noong Miyerkules ng umaga, walang dumating na mamamahayag sa pagtitipon bago maglingkod sa larangan. Nang mag-isang mangaral si André, isang may-bahay ang nagsabi sa kaniya: “Ang mga Saksi ni Jehova ang umaaliw sa amin noon, pero wala na sila ngayon!”

Habang ipinagpapatuloy ni André ang pangangaral nang umagang iyon, nasalubong niya ang isang kapatid na lalaki na nagsabi: “Hindi na kami sanay mangaral sa bahay-bahay.” Pagkatapos ay ibinalita ng kapatid na ito sa ibang mamamahayag ang tungkol sa ginagawa ni André. Kinahapunan, ilang sister ang dumating para sa pagtitipon bago maglingkod. Di-nagtagal, napasimulang muli ang gawaing pagbabahay-bahay sa buong Brazzaville. Sa loob ng tatlong taóng paglilingkod doon ng mag-asawang André at Clémentine, wala isa mang kapatid ang naaresto. Nabalitaan ng mga kapatid sa labas ng kabisera ang nangyayari. Nasabi nila na kung ang mga kapatid sa Brazzaville ay hindi natatakot magbahay-bahay, wala ring dahilan upang sila ay matakot.

Ipinaliwanag ni David Nawej, naglilingkod noon sa tanggapang pansangay ng Kinshasa, kung bakit tuwang-tuwa ang sangay na magpadala ng tulong sa kabila ng ilog. Ang sabi niya: “Ang mga kapatid mula sa Brazzaville ang nagtatag ng katotohanan sa Kinshasa. Nang maglaon, noong humina ang gawain doon dahil sa sistema ng Komunista, ang mga Saksi rito ay tumulong sa mga kapatid doon. Napatunayan ang karunungan ng Eclesiastes 4:9, 10: ‘Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, sapagkat sila ay may mabuting gantimpala dahil sa kanilang pagpapagal. Sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.’ Sa kaso namin, masasabi ng mga kapatid: ‘Ang dalawang Congo ay mas mabuti kaysa sa isa.’ ”

Patuloy na Nakikipagpunyagi sa Gitna ng Pagbabago sa Pulitika

Nagkaroon ng mga kaguluhan at pagbabago sa larangan ng pulitika noong taóng 1991. Dumaan ang Congo (Brazzaville) mula sa isahang-partidong sistema tungo sa maramihang-partidong sistema. Bagaman nagkaroon ng labis na katuwaan sa mga lansangan, laging isinasaisip ng mga kapatid ang mga babalang salita na masusumpungan sa Awit 146:3, na nagsasabi: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas.” Hindi magtatagal at makikita ang katotohanan ng pangungusap na ito.

Gayunman, ang mga pagbabago sa pulitika ay nagdulot ng mga kapakinabangan sa bayan ni Jehova. Noong Nobyembre 12, 1991, nagpalabas ng utos ang ministrong panloob na nag-aalis ng pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Isinauli ang kinumpiskang mga Kingdom Hall, maliban sa dating gusali ng tanggapan, na patuloy na inookupahan ng Presidential Guard hanggang sa ngayon. Noong Agosto 1992, inorganisa ang mga pandistritong kombensiyon sa Brazzaville at Pointe-Noire, ang kauna-unahan sa loob ng 15 taon. Nang taóng iyon, ang bilang ng pag-aaral sa Bibliya ay umabot ng 5,675, halos apat na ulit ng bilang ng mamamahayag!

Samantala, ang naisauling legal na katayuan ay nagbukas muli ng daan para sa pagdating ng mga misyonero. Nag-atas ng mga special pioneer at ipinadala sa hilaga, kung saan karamihan sa mga dumadalo sa mga pulong ay hindi marunong bumasa at sumulat. Ang mga kongregasyon sa mga lunsod ay naging matagumpay sa pagtuturo sa marami na bumasa at sumulat. Panahon na ngayon upang pag-ibayuhin ang pagsisikap na itaguyod ang kakayahang bumasa’t sumulat sa buong bansa.

Nagkaroon muli ng pagbabago sa pamahalaan dahil sa mga eleksiyon noong 1993. Ang malaganap na pagkadiskontento ng partido ng oposisyon ay naging dahilan ng kalagayang pangkagipitan (state of emergency) sa loob ng ilang linggo. Araw-araw ay may mga armadong sagupaan, welga, curfew, barikada, at nakawan. Nasindak at nawalan ng pag-asa ang mga tao. Nagpatuloy ang problema sa kabuhayan. Ang labis na katuwaan noong 1991 ay naglaho na.

Nakisabay pa ang mga suliraning pang-etniko sa kaguluhan sa pulitika. Dahil sa hidwaan ng mga tribo, napilitan ang ilang kapatid na lumikas sa mas ligtas na mga lugar. Dahil dito, kinailangang buwagin ang ilang kongregasyon. Samantala, paulit-ulit na ipinakita ng mga kapatid na pinalaya na sila ng katotohanan mula sa etnikong pagkakapootan. Sa panahon ng kaguluhan, tinulungan at ipinagsanggalang ng mga kapatid ang isa’t isa, anuman ang tribong pinagmulan nila. Unti-unting nakikita ng maraming tao na tanging si Jehova lamang ang makapagbibigay sa kanila ng tunay na katiwasayan.

Ang tanggapang pansangay sa Kinshasa ay naglaan ng patnubay at pampatibay-loob. Sa pagtatapos ng 1996, payapa na naman ang kalagayan sa bansa, at ang bilang ng mamamahayag ay umabot sa 3,935. Limang misyonero ang naglilingkod mula sa tahanan ng mga misyonero sa Brazzaville. Nang dumating ang dalawa pang karagdagang mag-asawa, isang bagong tahanan ng mga misyonero ang binuksan sa Pointe-Noire noong Abril 1997.

Sa gawing hilaga ng ilog, sa Congo (Brazzaville), payapa ang buhay, at mahusay ang pagsulong sa pangangaral ng Kaharian. Samantala, sumiklab ang labanan sa karatig na Congo (Kinshasa). Habang lumalapit ang digmaan sa Kinshasa, kinailangang lumikas ang mga misyonero roon. Kaya sa pagtatapos ng Mayo, ang mga misyonero sa Kinshasa ay masigasig na naglilingkod kapiling ng kanilang mga kasamahan sa Brazzaville at Pointe-Noire. Walang sinumang nakaisip sa nakahihindik na mga pangyayaring magaganap pagkalipas lamang ng ilang araw.

Sumiklab ang Digmaang Sibil

Biglang-bigla noong Hunyo 5, 1997, sumiklab ang digmaan sa Brazzaville. Ang labanan ay sa pagitan ng puwersang tapat sa kasalukuyang presidente noon at ng mga sumusuporta sa dating presidente. Pinaulanan at winasak ng malalaking kanyon ang loob at labas ng lunsod. Libu-libo ang namatay. Nagkalat ang mga bangkay. Naghari ang kalituhan. Mahirap makilala ang magkalabang panig. Gumuho ang katatagang taglay noon ng Brazzaville. Wala nang mga bangkang naglalayag patungong Kinshasa. Marami ang nagsitakas patungo sa kagubatan, samantalang ang iba naman ay namangka patungo sa maliliit na isla sa ilog. Ang iba pa ay nagtangkang tumawid sa Ilog Congo patungong Kinshasa. Bagaman may labanan malapit sa Kinshasa, katamtaman lamang ito kung ihahambing sa karahasang nagaganap sa Brazzaville.

Ang digmaan ay nagdulot ng mga problema sa mga kapatid gaya rin sa lahat ng iba pa, subalit kaylaking pagkakaiba ang nagawa ng katotohanan sa isip at puso ng mga lingkod ng Diyos! Lubos ang pagtitiwala nila sa mga salita ng Awit 46:1, 2, na nagsasabi: “Ang Diyos ay kanlungan at kalakasan para sa atin, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan. Kaya naman hindi tayo matatakot, bagaman ang lupa ay dumanas ng pagbabago at bagaman ang mga bundok ay makilos patungo sa kalagitnaan ng malawak na dagat.”

Maraming kapatid ang nakarating sa Kinshasa, at doon ay isinaayos ng Komite ng Sangay na mabigyan sila ng pagkain, tirahan, at gamot. Nagagalak ang mga pamilya sa Kinshasa na pagpakitaan ng pag-ibig at pagkamapagpatuloy ang kanilang mga kapuwa mananamba mula sa Brazzaville.

Upang matulungan ang mga nahihirapang makatakas, may ilang kapatid na nanatili sa Brazzaville. Kabilang dito si Jean Théodore Otheni at ang kaniyang asawang si Jeanne, isang regular pioneer. Noong Agosto, isang bala ng kanyon ang tumama sa kanilang bahay, at nasugatan nang malubha si Jeanne. Isinugod siya ni Jean sa Kinshasa, pero huli na ang lahat. Naaalaala pa ni Jean: “Mahal na mahal ni Jeanne ang ministeryo, hanggang katapusan. Ibinigay niya sa akin ang kaniyang kuwaderno ng mga adres at sinabi: ‘Ipangako mong dadalawin mo ang lahat ng aking pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya sapagkat napakahalaga nila sa akin.’ Niyakap ko siya, at nang muli kong tingnan ang kaniyang mukha, nakita kong patay na siya.” Si Jean, gaya ng marami pang iba, ay nagpatuloy sa masigasig na paglilingkod kay Jehova, na lubos na nagtitiwala sa pangako ng pagkabuhay-muli.

Yamang putol na ang regular na biyahe ng bangka sa pagitan ng dalawang kabiserang lunsod, ang mga may maliliit na bangkang de-motor ay nag-alok ng kanilang paglilingkod sa mga taong gustong tumakas mula sa Brazzaville. Ang matatapang na kapatid mula sa Brazzaville, kabilang na sina Louis-Noël Motoula, Jean-Marie Lubaki, at Symphorien Bakeba, ay nagboluntaryong hanapin ang nawawalang mga kapatid at tumulong sa mga naiwan pa sa Brazzaville. Nangangahulugan ito ng pakikibaka sa malalakas na agos ng napakalaking Ilog Congo sakay ng isang maliit na bangka upang galugarin ang maliliit na pulo at mga dalampasigan. Nangangahulugan ito ng pagpasok sa lugar ng labanan sa Brazzaville, kung saan patuloy ang mga kalupitan. Nangangahulugan ito ng pagsasapanganib ng kanilang buhay alang-alang sa kanilang mga kapatid.

Si Symphorien, na makaranasan na sa pagtawid sa ilog, ay nagpabalik-balik doon noong panahon ng digmaang sibil. Kung minsan, tumatawid siya upang tumulong sa mga naiwan pa sa Brazzaville. Halimbawa, minsan, tumawid siya sakay ang sampung sakong bigas para sa ilang kapatid sa Brazzaville na nakatira sa medyo ligtas na lugar. Mangyari pa, isang hamon ang pagtawid sa ilog, subalit mas malaking hamon ang paghahatid ng mga bigas sa destinasyon nito nang hindi nananakaw. Kabilang sa kaniyang mga pasahero ay isang mukhang kagalang-galang na lalaki na nagtanong kay Symphorien kung saan niya dadalhin ang mga bigas. Ipinaliwanag ni Symphorien ang kaniyang ginagawa, anupat sinasamantala ang pagkakataon na maibahagi ang salig-Bibliyang pag-asa. Nang dumaong ang bangka, ipinakilala ng lalaki ang kaniyang sarili bilang isang mataas na opisyal. Tinawag niya ang dalawang sundalo at pinabantayan ang mga bigas hanggang sa makakuha si Symphorien ng sasakyan na magdadala ng mga bigas sa mga kapatid.

Kadalasan, tumatawid si Symphorien sa ilog upang tulungan ang mga kapatid na makatakas mula sa Brazzaville. May isang pagtawid na hindi niya kailanman malilimutan. Naaalaala pa niya: “Napakalakas ng agos ng Ilog Congo, subalit karamihan sa mga may bangka ay marunong magmaniobra ng mga ito nang ligtas anupat hindi natatangay pababa sa mapanganib at malalakas na agos. Umalis kami sa Brazzaville sakay ang pitong kapatid at limang iba pa. Sa kalagitnaan mismo ng ilog, naubusan ng gasolina ang bangka. Nagawa naming makalapit sa isang maliit na isla anupat naipugal namin dito ang bangka. Nakahinga kami nang maluwag nang dumaan ang isang maliit na bangka, at nangako ang kapitan na ibibili niya kami ng gasolina sa Kinshasa at saka siya babalik. Balisa kaming naghintay nang isa at kalahating oras na waring napakatagal hanggang sa bumalik siya dala ang gasolina.”

Di-nagtagal at ang sangay sa Kinshasa ay nangangalaga na sa mga 1,000 kapatid kasama ang kani-kanilang pamilya at mga interesadong tao. Pagsapit ng Oktubre 1997, natapos ang labanan, at nagsimula nang magbalikan sa Brazzaville ang mga nagsilikas.

Lahat ng misyonerong naglilingkod sa Brazzaville at sa Pointe-Noire ay inilikas dahil sa digmaan. Ang ilan ay umuwi na sa kanilang bansa sa Britanya at Alemanya, samantalang ang iba naman ay nagtungo sa Benin at Côte d’Ivoire. Nang medyo tahimik na uli, ang ilan ay bumalik sa kanilang atas sa Congo (Brazzaville). Karagdagan pa, tatlong mag-asawa at isang binata ang nakatakdang dumating mula Pransiya noong Disyembre 1998. Sina Eddy at Pamela May, makaranasang mga misyonero na naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Kinshasa, ay inilipat sa Brazzaville, at isang bagong tahanan ng mga misyonero ang binuksan.

Digmaang Sibil na Naman

Nang sumunod na taon, isa na namang digmaang sibil ang sumiklab sa Brazzaville. Libu-libo na naman ang namatay, pati na ang ilang Saksi. Karamihan sa mga misyonero, na kadarating pa lamang, ay lumikas sa mga tahanan ng mga misyonero sa karatig na Cameroon. Bagaman patuloy ang bulung-bulungan na aabot ang digmaan sa Pointe-Noire sa baybayin, tatlo sa mga misyonero ang nagpaiwan pa rin doon. Sa wakas, noong Mayo 1999, natapos din ang digmaang sibil.

Dahil napakarami sa mga Saksi ang kinailangang tumakas, ang bilang ng kongregasyon sa bansa ay bumagsak mula 108 tungo sa 89. Ang Brazzaville ngayon ay may 1,903 mamamahayag sa 23 kongregasyon. Ang Pointe-Noire ay may 1,949 na mamamahayag sa 24 na kongregasyon. Sa panahon ng dalawang digmaang sibil na iyon, ang mga Saksi ni Jehova sa ibang lugar ay naglaan ng materyal na tulong sa kanilang espirituwal na mga kapatid. Gaya ng dati, nakinabang din ang mga hindi Saksi ni Jehova sa gayong mga tulong.

Sa kabila ng digmaan, taggutom, sakit, at marami pang ibang problema, napanatili ng mga Saksi sa Congo (Brazzaville) ang katamtamang bilang na 16.2 oras buwan-buwan sa paglilingkod sa larangan. Noong Abril 1999, nang patapos na ang ikalawang digmaang sibil, 21 porsiyento ng lahat ng mamamahayag ay nagsasagawa ng isang anyo ng buong-panahong paglilingkod.

Pagsasaya sa Katotohanan

Pininsala ng mga digmaan ang bansa, anupat halos mawasak ito. Kasalukuyang isinasagawa ang muling pagtatayo sa Brazzaville, subalit marami pang dapat gawin. Kabilang sa pinakamahahalagang proyekto ng pagtatayo ay ang mga Kingdom Hall, kung saan natututuhan ng mga tao ang katotohanan sa Bibliya. Noong Pebrero 2002, apat na Kingdom Hall ang inialay, dalawa sa Pointe-Noire at dalawa sa Brazzaville.

Sa isa sa mga programa ng pag-aalay na ito sa Brazzaville, inilarawan ng isang matanda nang brother ang naganap sa panahon ng pagbabawal 15 taon na ang nakalilipas. Nagplano noon ang mga kapatid na magdaos ng isang-araw na asamblea sa Enero 1 sa isang bakanteng lote. Inakala nilang maidaraos nila ito nang walang abala, yamang ang mga tao ay magdiriwang ng bagong taon. Subalit nang matapos ang pang-umagang sesyon, dumating ang mga pulis at pinatigil ang asamblea. Ang sabi ng brother: “Umalis kaming luhaan sa lugar ng asamblea. Naririto kaming muli ngayon sa araw na ito sa lugar ding ito na lumuluha. Subalit sa pagkakataong ito, lumuluha kami sa kagalakan dahil naririto kami upang ialay ang isang bagong-tayong Kingdom Hall.” Oo, ang maganda at bagong Kingdom Hall na ito ay itinayo sa mismong loteng iyon!

Mahigit na ngayong 50 taon mula nang sina Etienne Nkounkou, Augustin Bayonne, at Timothée Miemounoua ay matulungan ng aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo” na matutuhan ang katotohanan. Noong panahong iyon, libu-libo sa Congo (Brazzaville) ang sumunod sa kanilang halimbawa ng pananampalataya, at marami pa ang gumagawa nito, na nagpapaningning ng pag-asa sa hinaharap. Mahigit na 15,000 pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos​—tatlo at kalahating ulit ang dami sa bilang ng mamamahayag! Ang dumalo sa Memoryal ay umabot sa 21,987 noong 2003. Sa pagtatapos ng 2003 taon ng paglilingkod, 4,536 na mamamahayag, kasali na ang 15 misyonero, ang masigasig na gumagawa upang tulungan ang iba pa na matuto ng katotohanan na magpapalaya sa kanila.​—Juan 8:31, 32.

[Blurb sa pahina 143]

Ipinaabot sa pamamagitan ng mga tambol ang mensaheng ito: “Ang Isa na Naglalakad ay parating kasama ang isang lalaking puti”

[Blurb sa pahina 144]

Palibhasa’y wala silang mga relo, inaalam ng mga kapatid ang oras ng pagdalo sa mga pulong sa pamamagitan ng posisyon ng araw

[Blurb sa pahina 151]

“Natulog na kami habang ang mga kapatid ay mahinang nag-aawitan ng mga awiting pang-Kaharian sa tabi ng sigâ. Napakasarap matulog sa ganitong banayad at malambing na paraan!”

[Kahon sa pahina 140]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Congo (Brazzaville)

Ang lupain: Ang Republika ng Congo ay nasa gitna ng Gabon, Cameroon, Republika ng Sentral Aprika, at Demokratikong Republika ng Congo. Mas malaki ito kaysa sa Pinlandya o Italya. Ang baybaying kapatagan nito ay umaabot hanggang mga 60 kilometro patungo sa loobang bahagi ng bansa at pagkatapos sa dulo nito ay makikita ang mga talampas na may taas na 800 metro. Ang kalakhang bahagi ng bansa ay binubuo ng masusukal na kagubatan at malalaking ilog.

Ang mga mamamayan: Ang populasyon na mahigit sa tatlong milyon ay binubuo ng maraming tribo. Matatagpuan ang mga Pygmy sa masusukal na kagubatan.

Ang wika: Bagaman Pranses ang opisyal na wika, Lingala ang karaniwang ginagamit sa gawing hilaga. Wikang Monokutuba naman ang ginagamit sa timog.

Ang kabuhayan: Pantawid-buhay na pagsasaka at pangingisda sa tubig-alat at tubig-tabang ang pinanggagalingan ng pangunahing pangangailangan. Napakaraming hayop sa kagubatan, anupat madaling makahuli ang mga batikáng mangangaso.

Ang pagkain: Mas nagugustuhan ang balinghoy o kanin sa hapag-kainan. Inihahain ito na may ulam na isda o manok na tinimplahan ng maaanghang na sarsa. Kabilang sa maraming prutas ang mangga, pinya, papaya, dalandan, at abokado.

Ang klima: Ang Congo ay tropikal, maalinsangan at mahalumigmig sa buong taon. May dalawang magkaibang panahon: tag-ulan, na umaabot mula Marso hanggang Hunyo, at tag-araw, na tumatagal mula Hunyo hanggang Oktubre.

[Chart/Graph sa pahina 148, 149]

CONGO (BRAZZAVILLE)—TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI

1940

1947: Pinukaw ng aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo” ang unang interes.

1950: Dumalaw sa Brazzaville ang misyonerong si Eric Cooke. Ipinatupad ng mga awtoridad ang paghihigpit sa mga literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

1956: Noong Marso, dumating ang kauna-unahang mga misyonero, mula sa Pransiya.

1957: Nagbukas ang tanggapang pansangay noong Enero.

1960

1961: Inirehistro ang opisyal na samahan noong Disyembre 9, bagaman isang taon pang nagpatuloy ang paghihigpit sa mga literatura.

1977: Ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova. Kinumpiska ang ari-arian ng sangay, at pinalayas ang mga misyonero.

1980

1981: Tumulong si André Kitula na mapasigla-muli ang pangangaral sa Brazzaville.

1991: Inalis ng ministrong panloob ang pagbabawal. Nang maglaon, inorganisa ang kauna-unahang mga pandistritong kombensiyon sa nakalipas na 15 taon.

1993: Humantong sa kalagayang pangkagipitan ang sosyal at pulitikal na kaguluhan.

1997: Noong Hunyo 5, sumiklab ang digmaang sibil. Inilikas ang mga misyonero. Naghanda ang tanggapang pansangay sa Kinshasa ng pagkain, tirahan, at gamot para sa 1,000 nagsilikas.

1999: Sumiklab na naman ang isa pang digmaang sibil. Muli na namang inilikas ang mga misyonero.

2000

2002: Inialay ang unang apat na bagong-tayong Kingdom Hall noong Pebrero.

2003: 4,536 na mamamahayag ang aktibo sa Congo (Brazzaville).

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

5,000

2,500

1940 1960 1980 2000

[Mga mapa sa pahina 141]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

REPUBLIKA NG SENTRAL APRIKA

CAMEROON

EQUATORIAL GUINEA

GABON

REPUBLIKA NG CONGO

Impfondo

Djambala

BRAZZAVILLE

Pointe-Noire

Ilog Congo

DEMOKRATIKONG REPUBLIKA NG CONGO

KINSHASA

ANGOLA

[Buong-pahinang larawan sa pahina 134]

[Mga larawan sa pahina 138]

Mga miyembro ng sinaunang grupo ng pag-aaral sa Bibliya noong 1949, mula sa kaliwa pakanan: Jean-Seth Mountsamboté, Timothée at Odile Miemounoua, at Noé Mikouiza

[Larawan sa pahina 139]

Si Etienne Nkounkou

[Larawan sa pahina 142]

Si Jean Seignobos ay naglakbay sa interyor ng Congo, na tumatawid sa mga ilog sakay ng bangka upang dumalaw sa mga kongregasyon

[Larawan sa pahina 147]

Mag-asawang Fred at Leah Lukuc (nasa gitna) kasama ng kongregasyon na nagpulong sa tahanan ni Augustin Bayonne

[Larawan sa pahina 150]

Bautismo sa Karagatang Atlantiko sa Pointe-Noire

[Larawan sa pahina 152]

Si Augustin Bayonne​—Ang Isa na Naglalakad​—ay nag-aral sa ika-37 klase ng Gilead, noong 1962

[Larawan sa pahina 153]

Ang gusaling ito ay nagsilbing tanggapang pansangay mula 1967 hanggang 1977

[Larawan sa pahina 155]

Si Noé Mikouiza

[Mga larawan sa pahina 158]

Sina Louis-Noël Motoula, Jean-Marie Lubaki, at Symphorien Bakeba