Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

INIHULA ni Jehova na “sa huling bahagi ng mga araw,” ang mga tao ay daragsa sa kaniyang makasagisag na bundok upang turuan niya. (Mik. 4:1, 2) Nitong nakaraang taon, patuloy na natupad ang hulang iyan yamang marami pa ang kumilos kasuwato ng 2003 taunang teksto na, “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8) Ang mahalagang paglalaan na nakatulong sa marami upang malinang ang isang mas malapít na kaugnayan kay Jehova ay ang serye ng “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Pandistrito at Internasyonal na Kombensiyon.

“Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Kombensiyon

“Kung ang walang-buhay na mga nilalang ni Jehova ay nakapagdudulot sa kaniya ng papuri, tayo na nakapag-iisip at nakapagsasalita ay dapat higit na lumuwalhati sa ating Dakilang Maylalang!” ang bulalas ng isa sa mga tagapagsalita sa nabanggit na mga kombensiyon. Pagkatapos ay sinipi niya ang Apocalipsis 4:11, na nagsasabi: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.”

Ang “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Kombensiyon ay naglaan ng isang pantanging pagkakataon na purihin si Jehova, bilang resulta ng 32 internasyonal na pagtitipon. Ginanap ang mga ito sa Australia, Canada, Chile, Denmark, Espanya, Estados Unidos, Ghana, Hapon, Hawaii, Hungary, Mexico, Switzerland, Timog Aprika, at Ukraine. Ang mga misyonero at iba pang inatasan sa ibang bansa ay nakauwi sa kani-kanilang sariling bansa, kung saan kinapanayam sila hinggil sa kanilang gawaing pang-Kaharian sa malalayong teritoryo. Dumalo rin ang libu-libong dayuhang delegado sa mga kombensiyong ito.

Ang isang tampok na bahagi para sa internasyonal na mga delegado ay ang pagdalaw sa mga sangay sa mga bansang pinagdausan ng kombensiyon. Nagkapribilehiyo ang sangay sa Estados Unidos na magpakita ng pagkamapagpatuloy sa mahigit na 6,750 delegado mula sa 36 na bansa, anupat halos 15,000 ulit silang hinainan ng pagkain! Pagkatapos ng isang pananghalian, isang bus ng mga kapatid mula sa Timog Aprika ang umawit para sa pamilyang Bethel sa apat na magkakasuwatong tono sa anim na wika: Afrikaans, Ingles, Sepedi, Sesotho, Xhosa, at Zulu. Napakamadamdamin at napakaganda ng pagkakaawit anupat marami sa mga nakikinig ang napaluha.

Sa ibang grupo naman ng mga turistang kapatid, isang delegado, na sa kaniyang lapel card ay makikitang nanggaling pa siya sa kabilang panig ng mundo ang nagsabi: “Ang pakikisama sa mga kapatid sa buong panahong ito ay isang karanasang minsan lamang mangyari. Hinding-hindi ko ito malilimot. Isa itong patikim sa bagong sistema.” Isang kapatid na lalaki mula sa Britanya na umalis sa katotohanan sa edad na 17 ngunit nagbalik nitong nakaraang mga taon ang nabagbag nang makita niya ang isang iginuhit na larawan ng alibughang anak. Pagkaraan, habang nanananghalian kasalo ng pamilyang Bethel sa Brooklyn, napag-isip-isip niya ang awa ni Jehova, at siya’y napaiyak. Isang kapatid na lalaki mula sa Espanya ang nagtapat na sa loob ng 29 na taóng pagsasama, hindi pa kailanman nakita ng kaniyang asawa na siya’y umiyak. Subalit napaiyak siya nang salubungin ang kanilang grupo ng maliligayang pulutong ng mga Saksi sa internasyonal na paliparan sa Houston, Texas.

Sa malalaking kombensiyon, maaaring maging mahirap ang pagkuha ng angkop na mga pasilidad sa abot-kayang halaga. Gayunman, madalas na isang bentaha sa kanila ang magandang pangalang nagawa na ng mga Saksi ni Jehova sa nakalipas na mga taon. Inilalarawan ito sa ulat ng isang sangay: “Matapos ang matiyagang paghahanap, may nakita kaming kaisa-isang lugar na angkop na makapaglalaman ng mga 50,000 delegado na inaasahang dadalo sa kombensiyon. Subalit nang makausap ang mga opisyal ng istadyum, napag-alaman ng mga kapatid na ito’y napakamahal. Ilang araw matapos magtanong ang mga kinatawan ng sangay, lumapit sa sangay ang mga opisyal ding ito at humiling na mag-usap pa sila. Pagkaraan, isa sa mga nakatataas na manedyer ang nagkomento: ‘Noong una, hindi namin gaanong naintindihan ang inyong hinihiling. Pero nang maunawaan namin ang uri ng inyong mga kombensiyon at ang inyong kakayahan sa pag-oorganisa ng mga bagay-bagay, labis namin itong ikinatuwa. Hanga kami sa inyong mataas na kalidad ng pag-oorganisa, sa inyong detalyadong pagpaplano, at sa inyong pagiging propesyonal.’ ” Ang resulta, ibinigay ang istadyum sa mga Saksi ni Jehova para sa kanilang kombensiyon sa abot-kayang halaga.

Mga Bagong Publikasyong Inilabas sa Kombensiyon

Isa ka bang masipag na estudyante ng Salita ng Diyos? Kung gayon ay tiyak na tuwang-tuwa ka nang matanggap mo ang 36-na-pahina at makulay na brosyur na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain.’ Ang mga dayagram, mapa, larawan, drowing na gawa sa computer, at marami pang ibang pitak ay magpapaunlad sa iyong personal na pag-aaral. Kaya tiyakin mong mayroon kang isang kopya ng ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain’ kasama ng iyong sariling Bibliya at ng mga pantulong sa pag-aaral na palagi mong ginagamit. At huwag mong kalilimutang dalhin ang iyong brosyur sa mga pulong sa kongregasyon kapag ang mga pahayag at mga talakayan ay tungkol sa mga lupain sa Bibliya.

Sa pahayag na “Ang Ating mga Anak​—Isang Pinakamamahal na Mana,” inilabas ng tagapagsalita ang may magagandang ilustrasyon at 256-na-pahinang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro. Ang mga magulang na lubhang nagpapahalaga sa manang ito mula sa Diyos ay masisiyahan sa pag-aaral sa magandang bagong publikasyong ito kasama ang kanilang maliliit na anak. Ang ‘mga anak,’ sabi ng aklat, ‘ay nangangailangan ng patnubay sa moral, ng mga simulaing aakay sa kanilang buhay. At kailangan nila ang mga ito mula sa kanilang kabataan, at patuloy. Nakalulungkot na mga bagay ang maaaring mangyari at nangyayari na nga kapag huli na ang lahat bago matulungan ang mga anak.’

Ang Matuto Mula sa Dakilang Guro ay may mahigit na 230 larawan​—halos doble ng bilang niyaong masusumpungan sa aklat na Mga Kuwento sa Bibliya. Bawat larawan at grupo ng mga larawan ay may kapsiyon, na karamihan ay patanong. Makikita naman ang mga sagot sa pahina ring iyon. Ang mga ito at ang marami pang ibang mga tanong sa kabuuan ng aklat ay maaaring maging isang mainam na pangganyak sa pag-uusap, anupat nabibigyan ng pagkakataon ang mga anak na ipahayag ang nilalaman ng kanilang puso. Halimbawa, mababasa sa kapsiyon sa pahina 101: “Bakit mahalaga na laging magpasalamat?” At kayong mga magulang, tiyaking basahin ang paunang salita na, “Ang Kailangan ng mga Anak sa mga Magulang.” Kung ikakapit ninyo ang mga mungkahing binabanggit doon, aanihin ng inyong pamilya ang pinakamalaking pakinabang mula sa mainam na pantulong na ito sa pag-aaral.

Malugod na Tinanggap ng mga Bingi ang Video

Noong taóng 1915 sa Estados Unidos, isang peregrino, o naglalakbay na elder, na nagngangalang John A. Gillespie ang umawit sa pamamagitan ng mga senyas sa harap ng ilang bingi na dumalo sa isang kombensiyon ng International Bible Students, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Sa ngayon ay mayroon nang 1,200 kongregasyon at grupo ng mga binging mamamahayag at mga interesado sa buong daigdig. Paano kaya pinakakain ang mga ito sa espirituwal na paraan?

Sa kasalukuyan, ang mga pantulong sa pag-aaral sa Bibliya ay makukuha sa 18 wikang pasenyas, at patuloy pa itong dumarami. Yaong mga gumagamit ng American Sign Language (ASL) ay tumanggap ng isang magandang regalo noong Setyembre 2002. Simula sa buwang iyon, ang mga pinag-aaralang artikulo sa Bantayan ay nasa video na bilang buwanang edisyon. Ang paglalaang ito ay nakatutulong sa mga bingi sa mga paraan na maaaring sa iba ay hindi mahalaga.

Isaalang-alang: Karamihan sa mga Saksing hindi bingi ay nakapagsasaulo ng iba’t ibang teksto. Ito’y dahil sa iyon at iyon ding mga salita ang kanilang naririnig o nababasa sa bawat pagkakataon. Gayunman, ang mga binging mamamahayag ay walang ganitong pare-parehong mga salin. Bakit wala? Dahil wala namang makukuhang Bibliya sa ASL, at hindi rin eksaktong nagkakapare-pareho ang mga senyas ng mga may bahagi sa mga pulong sa kongregasyon para sa mga teksto sa Kasulatan. Subalit nagkaroon ng pagbabago nang pasimulan ang mga publikasyong ASL sa video. At ngayon, dahil mayroon na sa video ng mga artikulong pinag-aaralan sa Bantayan, magkakaroon na rin ang mga bingi ng pare-parehong salin ng mga teksto sa Bibliya.

Bukod diyan, ang mga kongregasyon at mga grupo sa ASL ay hindi na kailangang mag-atas pa ng mga interprete bilang mga tagabasa sa Pag-aaral sa Bantayan. Sa mga kongregasyon ng mga nakaririnig, ang isang naatasang tagabasa ay maaaring gumugugol ng mga isang oras sa paghahanda ng kaniyang Bantayan upang makabasa siya nang mahusay. Subalit sa kongregasyon ng mga binging mamamahayag, ang mga nakaiskedyul na magsenyas ng isang artikulo ay madalas na kailangang gumugol ng maraming oras sa paghahanda. Puwede na ngayong gamitin ang mahalagang panahong iyon sa iba pang espirituwal na mga gawain. Ano kaya ang nadarama ng mga kapatid sa bagong paglalaang ito?

Isang grupo ng mga binging mamamahayag sa estado ng Rhode Island, E.U.A., ang sumulat: “Labis-labis ang aming kagalakan nang ipatalastas na magkakaroon na kami ng Ang Bantayan sa video. Sa katunayan, napaluha pa nga ang ilan sa aming mga mamamahayag.” Sinabi ng isang tagapangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan sa Florida na napakarami na ngayong nagtataas ng kanilang kamay upang magkomento anupat “tuwang-tuwa siyang makita ang napakaraming kamay na mapagpipilian!” Idinagdag pa niya na “kitang-kita rin ang pagsulong sa kalidad ng mga komento.” Isa pang elder ang sumulat: “Napakaganda ng mga resulta! Napakahusay ng pagkaunawa kahit sa masasalimuot na konsepto.” Oo, dahil sa mayamang pagpapala ni Jehova, isang lumalagong pulutong ng mga bingi ang nagsasaya sa pribilehiyong matuto at lumuwalhati sa Diyos.​—Roma 10:10.

Tulong Para sa mga Tagapagsalin

Makukuha na sa di-kukulangin sa 390 wika ang espirituwal na pagkaing inilalaan ng uring tapat na katiwala. (Luc. 12:42 ) Samakatuwid, ang pagsasalin ay kumakatawan sa isang pangunahin at patuloy na sumusulong na bahagi ng gawain ng organisasyon ni Jehova.

Ang tamang pagsasalin ay hindi lamang basta paghahalili ng isang salitang katumbas sa sariling wika sa bawat salitang nasa orihinal na mga pangungusap. Sa halip, ito’y isang paraan ng pagtatawid ng eksaktong mga ideya. Kung gayon, maliwanag na kailangang unawain munang mabuti ng mga tagapagsalin ang orihinal na mga pangungusap bago sila magsimulang magsalin. Kung minsan, ito’y isang hamon.

Dahil dito, sa pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala, isang grupo ng kuwalipikadong mga kapatid na inatasang maglingkod bilang mga instruktor ang tumanggap ng pagsasanay sa isang programang tinatawag na Course in Improved English Comprehension. Pagkatapos ng kurso, na ginanap sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, dinalaw ng mga kapatid na ito ang mga pangkat sa pagsasalin sa buong daigdig noong 2002 at 2003 taon ng paglilingkod. Gumugol sila ng mga tatlong buwan sa bawat pangkat sa pagtuturo ng kurso at pagbibigay ng praktikal at aktuwal na tulong. Sa tulong ng programang ito, nadarama ng mga tagapagsalin na sila ay mas nasasangkapan ngayon upang makuha ang lubos na diwa ng mga pangungusap sa Ingles.

Ang sabi ng isang pangkat sa pagsasalin: “Dahil sa kaniyang kabaitan, tinulungan kami ni Jehova na maging mas kuwalipikado sa pagganap sa aming atas. Mas may tiwala na kami ngayon. Sa pamamagitan ng pagpapala ni Jehova, umaasa kami na magkakaroon ng magagandang resulta.” Isang tagapangasiwa sa pagsasalin ang nagsabi: “Dati-rati, marami sa amin ang nagpapagal nang mahahabang oras dahil sa mahirap-unawaing mga ekspresyon at pangungusap sa Ingles. Nagpabagal ito sa aming trabaho. Kaya naman tuwang-tuwa kami rito sa Course in Improved English Comprehension. Ipinakita nito sa amin kung paano aanalisahin ang mga pangungusap sa Ingles sa sistematikong paraan, at nagbigay ito sa amin ng kapaki-pakinabang na mga pamamaraan sa pagsasalin ng mga pangungusap na mahirap unawain. Dahil dito, nabawasan ang aming pag-aalala at nakagagawa kami ng mas tumpak na salin nang lalong mabilis.”

Isa pang pangkat ang sumulat: “Ang kursong ito ay mas praktikal kaysa sa alinmang katulad na sekular na edukasyon yamang ito’y ibinagay sa aming espesipikong mga pangangailangan. Naniniwala kaming matutulungan ng kursong ito ang mga tagapagsalin sa buong daigdig, anupat nagiging mas madali para sa mga tulad-tupa na ‘makuha ang diwa’ ng katotohanan.”​—Mat. 13:23.

Sa kasalukuyan, mga 1,660 tagapagsalin na gumagawa sa mahigit na 150 wika ang nakinabang na sa kurso. Bukod diyan, ibinagay rin ang programang ito upang matulungan ang mga nagsasalin sa wikang pasenyas at ang mga nagsasalin ng Kastila tungo sa katutubong mga wika ng Sentral at Timog Amerika.

Sinangkapan Upang Maging Mas Mahuhusay na Guro

Kapuwa si Jehova at ang kaniyang bugtong na Anak​—“ang Salita”—​ay lubhang nagpapahalaga sa pakikipagtalastasan. (Juan 1:1, 14; 3:16; Apoc. 19:13) Taglay ang gayunding pangmalas, patuloy na nagpapagal ang uring tapat na alipin upang tulungan ang bayan ng Diyos na mapasulong pa ang kanilang kakayahang mangaral at magturo. Yamang nasa isip ang tunguhing iyan, inihanda ng organisasyon ni Jehova ang aklat na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Tuwang-tuwa ang maraming mamamahayag sa aklat-araling ito mula nang gamitin ito sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo noong Enero 2003.

“Wala nang iba pang grupo ng relihiyon ang nagkaroon ng ganito kalaking pagmamalasakit na matulungan ang mga miyembro nito, kapuwa bata at matanda, na maging mabisa sa pakikipagtalastasan,” isinulat ng isang elder sa Pilipinas. Isang elder naman sa Brazil ang nagsabi: “Para sa akin, ang Enero 2003 ay isang napakahalagang pangyayari sa larangan ng pagtuturo sa kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova.” May isa pang nagsabi: “Napansin kong lalong nagiging interesadong makibahagi sa paaralan ang mga kabataan sa kongregasyon. May ilan nang nakabasa ng buong aklat-aralin at nakatapos na sa lahat ng pagsasanay​—lahat ng ito bago pa man talakayin ang materyal sa paaralan!” Isang naglalakbay na tagapangasiwa ang palaging gumagamit ng aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo sa mga pagpapastol. Sumulat siya: “Ang mga kabanatang gaya ng ‘Magsikap Ka sa Pagbabasa,’ ‘Ang Pag-aaral ay Kapaki-pakinabang,’ at ‘Pag-aralan Kung Paano Ka Nararapat Sumagot’ ay napakalaking tulong sa paghahanda sa mga pulong at sa ministeryo.”

Isang kapatid na babae sa Britanya ang nagsabi na “ang paglalakip ng mga pagsasanay ay isang napakahusay na bahagi ng proseso sa pagtuturo. Kung nais nating mapasulong ang mga kasanayang itinuturo sa paaralan, kailangan nating gamitin ang mga ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Natutulungan tayo ng mga pagsasanay na magawa ito.” Mula sa Hapon, isang kapatid na lalaki na may problema sa pagsasalita ang sumulat: “Sa tuwing may atas ako sa pagbabasa, pinaglalabanan ko ang takot na baka hindi ako makabasa nang maayos sa plataporma. Napag-isip-isip ko na lalo palang nakasasama ang aking negatibong kaisipan. Kaya nang tanggapin ko ang aking pinakahuling atas, isinulat ko ang mga punto mula sa aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo sa ilalim ng subtitulong ‘Kung Paano Magsasalita Nang Maliwanag’ (pahina 87 at 88) at sa kahong ‘Pananagumpay sa Pagkautal’ (pahina 95). Totoo, hindi ko naman inaasahan na mapagtatagumpayan ko agad ang aking pagkautal, pero determinado ako na hindi ako susuko!”

“Sa Burundi,” isinulat ng sangay sa Kenya, “tuwang-tuwa ang mga kapatid sa bagong aklat-aralin, na makukuha na ngayon sa wikang Kirundi. Sa isang bansa kung saan karamihan ay walang sapat na pormal na edukasyon, mas nauunawaan na ngayon ng mga estudyante sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ang mga puntong ipinapayo. Dahil dito, lalo silang nagiging masigla sa pagganap ng kanilang mga bahagi.”

Nakatulong din ang aklat sa ilan na mapasulong ang kanilang kakayahan sa pagsulat. Ang sabi ng isang may-sakit at matanda nang kapatid na babae sa Mexico: “Sa aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo, sa pahina 71 hanggang 73, nakita ko ang ilang praktikal na mungkahi sa pagliham. Ito ang paraan ko ng pagpapatotoo dahil sa aking pisikal na mga limitasyon. Magkagayunman, iniiwasan ko noon na sulatan ang aking mga kamag-anak. Subalit sa tulong ng patnubay na inilaan sa bagong aklat na ito, nakapagpapatotoo na ako ngayon sa kanila nang mas mahusay.” Isang tagapangasiwa ng distrito sa Timog Aprika ang nagkomento: “Talagang namumukod-tangi ang aklat na ito. Tinatalakay nito hindi lamang ang teknikal na aspekto ng mga katangian sa pagsasalita kundi gayundin ang espirituwal na aspekto nito, na nagpapakita kung paanong ang mga katangiang ito ay bunga ng Kristiyanong pag-ibig at pagmamalasakit sa iba.”

Mga Kaso sa Hukuman

Noong Hunyo 17, 2002, ang Korte Suprema ng Estados Unidos ay nagbaba ng isang makasaysayang desisyon sa Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. v. Village of Stratton. Sa desisyon nito na 8 sa 1, naniniwala ang pinakamataas na Hukuman ng lupain na ang mga ordinansa na humihiling muna ng permiso bago magkambas o mangilak ay labag sa konstitusyon kung ikakapit sa pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova.

Kasunod ng tagumpay na ito, ang Legal Department sa sangay sa Estados Unidos ay nakipag-ugnayan sa mga munisipalidad sa buong bansa. Dahil dito, ang mga problema may kaugnayan sa ating pangangaral ay nalutas sa 238 munisipalidad na nagtangka noon na ikapit sa ating pangmadlang ministeryo ang isang ordinansa na isailalim sa regulasyon ang pagkakambas o pangingilak. Bukod dito, dahil sa desisyon sa Stratton, ang mga mamamahayag ng Kaharian sa 216 na iba pang munisipalidad ay hindi na kailangang magparehistro muna sa pulisya o sa iba pang opisyal ng bayan bago maglingkod sa larangan. Patuloy sanang patagin ni Jehova ang gayong mga hadlang.​—Isa. 40:4; Mat. 24:14.

Ang mga kapatid sa Armenia ay patuloy na inaaresto at ibinibilanggo dahil sa pagtutol na magsundalo udyok ng kanilang budhi. Iniapela ng tagausig sa Yerevan, kabiserang lunsod, ang hatol sa ilang kapatid sa layuning masentensiyahan pa ang mga ito ng mas mahabang pagkabilanggo. Inaprobahan ng mga hukom ang kaniyang apelasyon, anupat ipinag-utos ang mas malulupit na sentensiya.

Noong Pebrero 2003, ipinahayag ng Europeong Hukuman ng Karapatang Pantao na maaaring tanggapin ang aplikasyon ng dalawang dating misyonero ng mga Saksi ni Jehova upang dinggin sa Hukuman. Nang paalisin sila sa Bulgaria noong 1995, nadama ng mag-asawa na nilabag ang kanilang karapatan sa kalayaan sa relihiyon at kalayaan mula sa diskriminasyon. Natuklasan ng Hukuman na ang sumbong ay “may matibay na batayan.”

Katatapos pa lamang ng pagdiriwang ng isang kongregasyon sa Hapunan ng Panginoon sa Asmara, Eritrea, pinalibutan ng mga pulis ang dakong pulungan at ikinulong ang lahat ng 164 na naroroon​—mga lalaki, babae, at mga bata. Ipiniit sila at magdamag na pinagtatanong. Nang sumunod na araw, pinalaya ng mga awtoridad ang mga bata at ang karamihan sa mga kapatid na babae at mga interesado. Ang iba naman ay inilipat sa pinakamalaking bilangguan sa Asmara, kung saan ang ilan ay ipiniit muna nang halos isang buwan bago palayain. Bukod sa pangyayaring ito, nasa kampong piitan pa rin ang sampung kapatid na lalaki dahil sa kanilang pagtutol na magsundalo udyok ng kanilang budhi. Tatlo ang ibinilanggo nang siyam na taon.

Patuloy ang mararahas na pagsalakay sa ating mga kapatid sa Georgia. Ang mga pandistritong kombensiyon ay sapilitang kinansela ng lokal na mga opisyal at ng armadong mga pulis na pumasok sa mga kombensiyon habang nagaganap ang sesyon. Sila ang tumayo sa plataporma at pinalayas ang mga tagapakinig. Minsan naman ay hinarangan nila ang karatig na mga lansangan upang hindi makapunta sa kombensiyon ang mga kapatid. Ang pangunahing mang-uusig sa mga Saksi ni Jehova ay naghihintay ng paglilitis, subalit hindi siya inaresto. Di-kukulangin sa 19 na ulit na ipinagpaliban ang paglilitis sa kaniya. May pagkakataon na ang mga tagasuporta niya ang nananaig sa silid-hukuman, anupat inaatake ang mga kapatid sa pisikal at berbal na paraan. Pinawalang-bisa ng Kagawaran ng Buwis ang dati nang hawak ng mga Saksi na numero ng rehistro sa pagbabayad ng buwis, na kailangan nila upang makapag-angkat ng mga literatura at makagawa ng mga transaksiyon.

May magandang balita naman mula sa Kosovo at Romania. Noong Mayo 20, 2003, ang 90 mamamahayag ng Kaharian sa Kosovo ay legal na kinilala at inirehistro ang kanilang karta. Gayundin naman, noong Mayo 22, 2003, nagpalabas ang Romania ng isang utos mula sa isang ministro ng gobyerno na opisyal na nagtitibay sa kalagayan ng mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon. Ang Artikulo 3 ng utos ay nagsasaad: “Ang relihiyong Kristiyano na ‘Ang Relihiyosong Organisasyon ng mga Saksi ni Jehova’ ay nagtataglay ng lahat ng karapatan at mga obligasyon na inilalaan ng batas para sa mga relihiyong kinikilala ng Estado ng Romania.” Ang regulasyon ay inilabas bilang pagsunod sa desisyon ng Korte Suprema ng Katarungan ng Romania noong taóng 2000.

Sa Russia, ang paglilitis na naghahangad na ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Moscow ay sinuspinde sa loob ng walang-takdang haba ng panahon noong Mayo 22, 2003. Bagaman walang itinakdang panahon, ipinag-utos ng hukom ang isa pang “ekspertong” pag-aaral hinggil sa impluwensiya sa isip na nagagawa ng mga literaturang inilathala ng mga Saksi ni Jehova sa nakalipas na sampung taon. Pinag-aalinlanganan ang pagkamakatuwiran ng mga pag-aaral na ito. Samantala, sinimulan nang iproseso ng Europeong Hukuman ng Karapatang Pantao ang isang pormal na kahilingang isinampa ng mga kapatid. Tinututulan sa kahilingang iyon ang hudisyal na panliligalig at diskriminasyong dinanas ng mga Saksi sa Moscow sa nakalipas na pitong taon.

Inalis ng Konseho ng mga Ministro ng hilagang bahagi ng Ciprus, sa pamamagitan ng Desisyon Blg. E-1516-​2002 nito ng Agosto 8, 2002, ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova na pumasok sa hilagang bahagi ng pulo. Ipinatapon ang mga payunir mula roon noong 1997, nang ipatupad ang pagbabawal. Dalawang Kingdom Hall na kinumpiska ang naibalik sa mga kapatid.

Sa Uzbekistan, si Marat Mudarisov ay nasumpungang nagkasala ng diumano’y “pamumukaw ng relihiyosong pagkapoot at panghihikayat sa mga menor-de-edad” na umanib sa kaniyang relihiyon. Siya ay hinatulang ibibilanggo kapag nagkasalang muli (suspended sentence). Ang totoo, ang tanging “kasalanan” lamang niya ay ang pangangaral ng mabuting balita sa mga tao at pangangasiwa sa lingguhang talakayan sa Bibliya sa mga pulong ng kongregasyon. Kamakailan, isinampa na ang apelasyon sa Korte Suprema ng Uzbekistan, at binaligtad ang di-makatarungang hatol na kaparusahan kay Brother Mudarisov.

Pagharap sa mga Pagsubok

Habang papatapos na ang kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, patuloy na lumulubha ang karahasan at kawalang-katatagan ng pulitika, na madalas na nagiging dahilan ng matinding paghihirap. Nitong nakalipas na taon, patuloy na pinipinsala ng digmaang sibil ang Liberia at ang kabisera nito, ang Monrovia. “Isang linggong walang tigil ang mga labanan sa lansangan at ang buong lunsod ay humantong sa matinding kaguluhan,” ang sabi ng isang ulat ng balita ng Reuters. “Nang umatras ang mga kalaban, waring nagbalik ang katahimikan, subalit noong Hunyo 24, nagkaroon ng panibago at mas matinding pagsalakay na nagbunga ng malawakang pagkasira ng mga imprastruktura at pagkamatay ng mga tao.” Sa isang bahagi ng lunsod, kinailangang dumapa ang mga kapatid sa basang sahig ng kanilang Kingdom Hall dahil sa mga bala at pambobomba, ang paliwanag ng tanggapang pansangay. “Nakapanghihilakbot ang pagkawasak sa lunsod,” ang isinulat ng mga kapatid. “Naaamoy namin ang alingasaw ng mga bangkay.” Nadagdagan pa ang mga namatay dahil sa biglang paglaganap ng kolera.

Regular at sistematikong pinagnakawan ng armadong mga lalaki ang mga tahanan at mga Kingdom Hall. Dahil alam nilang nanakawin lamang ang anumang bagay na may halaga, maraming kapatid ang hindi na bumibili ng mga kagamitan kundi yaong mga pangunahing kailangan na lamang, ang paliwanag ng isang mag-asawang misyonero na taga-Monrovia. Ni hindi na nga pinapalitan ng mga pamilya ang ninakaw na mga kama kundi natutulog na lamang sa mga banig na inilatag sa sahig. Yaong mga hindi na makauwi ay namuhay bilang mga lumikas o tumakas patungo sa karatig na bansa.

“Ang mga tao ay nabubuhay na lamang ayon sa makakaya nila sa bawat araw,” ang isinulat ng sangay. “Gayunman, talagang nakapagpapatibay na makita ang pananabik ng mga kapatid na dumalo sa mga pulong at makibahagi sa paglilingkod sa larangan kapag ipinahihintulot ng kalagayan.” Kapag dumarating ang mga suplay, ang sabi ng nabanggit na mga misyonero, “kabilang sa mga pangunahing bagay na hinihiling ng mga kapatid ay ang salig-Bibliyang mga literatura at, sa ilang kaso, isang bag para sa pagpapatotoo kapalit ng nawala sa kanila.”

Panrehiyong Paglilimbag

Noong Setyembre 1, 2001, pitong kapatid na lalaki mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ang napiling maglingkod bilang isang Printing Study Group (Grupo sa Pag-aaral Ukol sa Paglilimbag). Hinilingan ng Lupong Tagapamahala ang mga kapatid na ito na gumawa ng pag-aaral sa lahat ng mga sangay sa buong daigdig na may palimbagan at magrekomenda ng mga paraan upang magamit pang higit ang kasalukuyang mga pasilidad na ito. Batay sa mga rekomendasyon ng grupong nagsasagawa ng pag-aaral, noong Oktubre 17, 2001, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na isagawa ang paglilimbag ayon sa rehiyon, anupat ang bawat rehiyon ang mag-aasikaso ng kanilang sariling mga pangangailangan sa paglilimbag. Ang mga rehiyon ay Aprika, Asia, Europa, Hilagang Amerika, at Timog Amerika.

Ipinatupad ang bagong kaayusang ito sa pasimula ng 2002. Nakapagpapasigla ang naging mga resulta nito. Isaalang-alang ang paggawa ng aklat. Noong taóng 2000, ang ginagawa ng sangay sa Estados Unidos ay halos 50 porsiyento ng mga aklat para sa buong daigdig. Subalit ngayon, sa ilalim ng kaayusan ng panrehiyong paglilimbag, 26 na porsiyento na lamang ang ginagawa nito. Dahil dito, nabawasan ang gastusin sa paghahatid, tauhan, makina, at kinakailangang espasyo sa palimbagan sa Estados Unidos at naging mas mahusay ang paggamit sa kasalukuyang mga pasilidad sa ibang mga bansa.

Kaugnay ng pagbabago tungo sa panrehiyong paglilimbag, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagbili ng pitong bagong makina sa paglilimbag na MAN Roland Lithoman. Ipapalit ang mga ito sa luma at mahihina nang makina, na makatutulong sa pag-aasikaso sa mga pangangailangan sa hinaharap. Lima sa bagong mga makina, na ang ilan sa mga ito ay naikabit na, ay para sa mga sangay sa Brazil, Britanya, Hapon, Mexico, at Timog Aprika. Ang dalawa pa ay para sa palimbagan sa Wallkill, New York, kung saan nakatakdang ikabit ang mga ito sa Abril at Mayo 2004. Bawat makina ay may haba na 40 metro, makagagawa ng 90,000 magasin o mga seksiyon ng aklat na kasinlaki ng magasin bawat oras (25 bawat segundo), at makapag-iimprenta sa apat na kulay sa lahat ng pahina.

Karagdagang mga Pagbabago sa Brooklyn at Wallkill

Kasabay ng bagong mga makina, tatanggap din ang Wallkill ng bagong mga kagamitan sa bindery na makagagawa ng mga aklat na may matigas na pabalat at mga Bibliyang deluxe sa bilis na 120 sa bawat minuto. Ang Shipping Department, na ililipat sa Wallkill mula sa Brooklyn, ay makikinabang sa bagong mataas at anda-andanang sistema ng imbakan na mapaglalagyan ng mga literatura sa espasyong wala pa sa kalahati ng ginagamit sa Brooklyn.

Ang nabakanteng mga gusali sa Brooklyn ay gagamitin sa ibang layunin. Karagdagan pa, ipinatalastas ng Lupong Tagapamahala noong Hunyo 2003 na posibleng ipagbili ang 95,000 metro kuwadradong gusali na nasa 360 Furman Street, na kinaroroonan ng Shipping at ng iba pang mga departamento. Ang iba pang mga departamento sa gusaling ito ay nailipat na o malapit nang ilipat sa iba’t ibang bahagi ng mga pasilidad sa Brooklyn.

Pagtatayo ng Kingdom Hall

Noong 2003 taon ng paglilingkod, 2,340 Kingdom Hall ang natapos sa buong daigdig. Kumakatawan ito sa katamtamang bilang na 195 bulwagan bawat buwan, o mahigit nang kaunti sa 6 bawat araw! Mula noong Nobyembre 1999, nang pasimulan ang programa ng pagtatayo sa mga lupaing limitado ang kakayahan at pananalapi, 7,730 Kingdom Hall na ang naitatayo. Sa maraming lugar, sa tuwing matatapos ang bulwagan, mabilis na dumarami ang dumadalo sa mga pulong at madaling napupuno ang mga bulwagan.

Nang pasimulan sa Aprika ang programa, may 550 angkop na dako ng pagsamba sa 38 bansa sa kontinenteng iyon. Pagkalipas ng wala pang apat na taon, ang 38 bansa ring iyon ay nagkaroon na ng mahigit na 5,060 Kingdom Hall​—isang katamtamang bilang na 1 sa bawat 3 hanggang 4 na kongregasyon. Sa isang ulat tungkol sa naging epekto sa publiko ng mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall, tinukoy ng sangay sa Malawi ang isang bagong diksyunaryo na inilathala ng Christian Literature Association of Malawi. “Inilakip sa diksyunaryo,” ayon sa sangay, “ang salitang Saksi ni Jehova at tumpak na isinalin ang ating pangalan sa wikang Chichewa. At upang ipakita kung paano gagamitin sa pangungusap ang pangalang ito, idinagdag sa diksyunaryo: ‘Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtayo ng maraming simbahan.’ ”

Ang tanggapang pansangay sa isa pang lupain sa Aprika ay sumulat: “Nang magtungo ang mga kapatid sa tanggapan ng isang opisyal upang iparehistro ang ating aplikasyon para makapagtayo ng isang Kingdom Hall, agad na pinagpupunit ng lalaki ang ating mga papeles at itinapon ang mga iyon. Nang mangyari ito sa ikatlong pagkakataon, ipinaubaya na lamang ng mga kapatid ang bagay na ito sa kamay ni Jehova. Di-nagtagal pagkaraan, ipinagkatiwala ng mga awtoridad sa isa sa mga kapatid na lalaking ito, na kilala sa kaniyang katapatan, ang trabaho ng pamamahagi ng ilang pautang sa mga opisyal ng pamahalaan.

“Kabilang sa mga nag-aaplay na makautang ay ang mismong opisyal na sumira sa ating mga papeles. Kaya nang makita ang ating kapatid, agad siyang umalis sa opisina, pero nagbalik din pagkalipas ng isang linggo sa pag-asang may iba nang opisyal sa pagpapautang. Subalit sa pagkakataong ito ay nilapitan siya ng ating kapatid, hiningi ang kaniyang aplikasyon, at inaprobahan ang pag-utang. Dahil napahiya, hiniling ng opisyal sa mga kapatid na muling isumite ang kanilang mga papeles sa pag-aaplay. Personal niyang iniharap ang mga ito sa nakatataas sa kaniya para aprobahan at nakakuha ng gawad na lote para sa Kingdom Hall. Dahil sa nagkaroon na ng paggalang sa mga Saksi, sinabi niya: ‘Hindi sila gumaganti ng masama sa masama.’ ”

Ganito naman ang salaysay ng sangay sa Ukraine: “Habang naghahanap ng lote, ang mga kapatid sa lunsod ng Artsyz ay nakipag-ugnayan sa isang panrehiyong arkitekto. Ipinakita nila sa kaniya ang mga larawan ng natapos nang mga Kingdom Hall. Dahil sa paghanga, sinabi niya: ‘Ang ganitong Kingdom Hall ay dapat na malapit sa lugar ng aming pandistritong administrasyon, dahil mapagaganda nito ang sentro ng lunsod.’ Pagkatapos ay nagmungkahi siya ng isang lote. Pagkaraan, sinabi pa ng punong arkitekto para sa rehiyon: ‘Ngayon lamang ako nakakita ng isang relihiyosong komunidad na nagkasundo sa mga plano bago pasimulan ang pagtatayo. Madalas na kabaligtaran nito ang nangyayari.’ ”

Sa isang lugar na pinagtatayuan ng Kingdom Hall sa lunsod ng Lysychans’k, isang negosyanteng babae mula sa karatig na lunsod ang nagsabi: “Noon ko pa kayo pinagmamasdan. Dapat siguro kayong magtayo ng isang Kingdom Hall na gaya nito sa aming lunsod. Kahit na ako pa ang tumulong sa inyo na makakuha ng isang angkop na lugar.” Sinabi sa kaniya ng mga kapatid na lilimang Saksi lamang ang nakatira sa lugar na iyon​—napakakaunti para makabuo ng isang kongregasyon at magtayo ng isang bulwagan. “Bakit, ilan ba ang kailangan ninyo?” ang tanong niya at saka idinagdag: “Ilista ninyo ako bilang ikaanim.” Marahil ay nagbibiro lamang siya. Gayunman, sumang-ayon siya sa isang pag-aaral sa Bibliya.

Mga Bagong Assembly Hall

Nitong nakalipas na taon ng paglilingkod, natapos na at naialay ang mga Assembly Hall sa Nhandeara at Goiânia, Brazil; El Trébol, Santiago, Chile; Morne Daniel, Dominica; Machala, Ecuador; Syracuse, Sicily, Italya; Gerehu, Papua New Guinea; Lomé, Togo; Newburgh, New York, at West Palm Beach, Florida, E.U.A. Hinggil sa proyekto sa Newburgh, sinabi ng isang negosyanteng tagaroon: “Kamangha-mangha ang inyong organisasyon! Gumagamit kayo ng mga boluntaryong may iba’t ibang pinanggalingan, talento, at kasanayan, at silang lahat ay magkakasuwatong gumagawa nang sama-sama. Ngayon lamang ako nakakita ng ganito!” Humanga ang lokal na inspektor ng gusali hindi lamang sa pagkakagawa nito kundi sa mga kapatid din naman. “Gustung-gusto kong pumunta rito,” ang sabi niya. “Gumagaan ang pakiramdam ko kapag kasama ko kayo.”

Nang malapit nang matapos ang proyekto sa Newburgh, nagkaroon ng sunog, anupat mga 20 porsiyento ng istraktura ang napinsala. Sa halip na masiraan ng loob, buong-siglang tumugon ang mga kapatid sa pagtulong upang ayusing muli ang gusali. Dahil dito, natapos ang proyekto ng muling pagsasaayos sa loob ng wala pang isang buwan, anupat naidaos nila ang programa ng pag-aalay sa mismong iskedyul nito, noong Oktubre 19, 2002. Bilang komento sa mga boluntaryo, isang lokal na pahayagan ang nagsabi: “Mas mainit ang lagablab ng kanilang pananampalataya kaysa sa apoy na dumarang sa halos ikalimang bahagi ng 60,000-piye-kuwadradong gusali.” Bilang pagkilala sa mahalagang pagkakaisa ng bayan ng Diyos, pinahintulutan ang mga kapatid na pangalanan ng Unity Place (Iskinita ng Pagkakaisa) ang pampublikong lansangan na patungo sa Assembly Hall.

Mga Pag-aalay ng Sangay

Sa gitna ng sibil at pulitikal na hidwaan, ang mga kapatid sa Côte d’Ivoire ay payapang nagtipon noong Marso 29, 2003, upang ialay ang ilang bagong gusali sa sangay sa Abidjan. Kabilang dito ang isang bagong Kingdom Hall, dalawang gusaling tirahan, at isang gusali na may isang malaking silid-kainan, isang kusina, isang labahan, mga bodega, at mga talyer para sa pagmamantini. Ang bagong mga pasilidad ay nasa kabilang kalye mula sa dating sangay, na itinayo noong 1982. Ang mga boluntaryo mula sa 15 bansa, na karamihan ay dumating sa sariling gastos, ay tumulong sa 110 miyembro ng lokal na pangkat sa pagtatayo. Si Sébastien Johnson, tagapangasiwa ng sona na dumadalaw sa sangay, ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay na, “Ituon ang Iyong Puso sa Dalisay na Pagsamba.”

Noong Sabado, Pebrero 15, 2003, ang pag-aalay ng bagong sangay sa Guyana ay dinaluhan ng 332. Si Richard Kelsey, mula sa sangay sa Alemanya, ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay. Itinuon niya ang pansin kay Jehova bilang ang Dalubhasang Tagapagtayo ng uniberso. Gayunman, binanggit ni Brother Kelsey na ang pinakadakilang gawa ng paglalang ni Jehova, na siya ring kauna-unahan niya, ay nagbunga ng maluwalhating espiritung nilalang​—ang kaniyang bugtong na Anak. Nag-uwian ang maraming unang mga misyonero para sa programa ng pag-aalay, anupat ang ilan ay ngayon lamang nakauwi pagkalipas ng napakaraming taon! Palibhasa’y mayroon lamang mahigit na 2,000 mamamahayag ng mabuting balita sa Guyana, ang lahat ay tuwang-tuwa nang makita ang 4,752 katao mula sa 12 bansa na dumalo sa isang pantanging programa noong Linggo.

Sa inagurasyon ng ekstensiyon ng Bethel sa Haiti, nadala ng emosyon ang may-edad nang si George Corwin at nanginig ang kaniyang tinig habang ikinukuwento niya ang kaniyang pagdalaw kamakailan sa St. Marc, isang daungang bayan na 60 kilometro sa hilaga ng Port-au-Prince. Bilang misyonero sa St. Marc sa nakalipas na mahigit na 40 taon, tumulong siya sa pagbuo ng kanilang unang kongregasyon. Mayroon na ngayong apat na malalaking kongregasyon sa bayan. Tuwang-tuwang sumalubong sa kaniya ang kaniyang mga estudyante sa Bibliya na ngayo’y matatatag at tapat na mga Saksi na. Nang dumating si Brother Corwin sa Haiti, may di-kukulangin sa 900 mamamahayag lamang sa bansa, at ang tanggapang pansangay​—isang maliit na paupahang bahay—​ay may dalawang tauhan.

Isang bagong sangay ang itinayo sa Haiti noong 1986, subalit hindi pa rin ito nakasapat. Ang kaaalay at pinalaking sangay ay tinutuluyan ng 40 miyembro ng pamilyang Bethel, na naglilingkod para sa mahigit na 12,000 mamamahayag. Ang mga boluntaryo mula sa Alemanya, Australia, Britanya, Canada, Denmark, at Estados Unidos ay nakibahagi sa pagtatayo. Sinanay rin nila ang mga boluntaryong taga-Haiti sa mahahalagang kasanayan sa pagtatayo.

Dahil sa lokal na mga kakapusan, ang malalaking makinarya at halos lahat ng materyales sa pagtatayo ay kinailangang angkatin. Nakaaabala ito kung minsan sa trabaho subalit hindi naman ito naging dahilan para mapatigil ito. Sumapit na ang araw ng pag-aalay noong Sabado, Nobyembre 23, 2002. Kabilang sa 3,122 dumalo ang 240 delegado mula sa 13 bansa. Si David Splane ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay. Kinabukasan, mahigit na 20,000 ang dumalo sa isang pantanging programa sa Sylvio Cator Stadium sa Port-​au-​Prince.

“Bumangon tayo, at magtayo tayo.” (Neh. 2:18) Ang nakapagpapatibay na mga salitang ito, na sinambit ng tapat na mga Judio noong panahon ni Nehemias, ay lumitaw sa insert sa isyu ng Hunyo 2000 ng Ating Ministeryo sa Kaharian sa Hungary. Ang bayan ni Jehova sa buong bansa ay inanyayahang makibahagi sa pagtatayo ng bagong mga pasilidad ng sangay sa Budapest. Bilang mga kinatawan mula sa lahat ng 251 kongregasyon sa bansa, 13,741 boluntaryo ang nakibahagi sa proyekto, na tumagal ng dalawang taon at kalakip na rito ang pagbabago ng kayarian ng isang dating pasilidad ng militar. Ang programa ng pag-aalay, na dinaluhan ng 554 na panauhin mula sa 22 lupain, ay ginanap noong Mayo 10, 2003. Ang miyembro ng Lupong Tagapamahala na si Guy Pierce ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay na, “Si Jehova ang Patuloy na Nagpapalago Nito.”

Palagi nang nagkakaroon ng pagpapalawak ng sangay sa Mexico. Ang 14 na bagong gusaling inialay noong Marso 15, 2003 ay karagdagan lamang sa naialay na noong 1974, 1985, at 1989. Ang paglalatag ng 80,000 metro kuwadradong pundasyon para sa bagong mga gusali ay isang pantanging hamon sa dalawang dahilan. Una, dahil sa dating lawa ang lugar na iyon, mahina ang kapasidad ng lupa upang pagtayuan. Ikalawa, madalas lumindol sa rehiyong iyon. Kaya upang magkaroon ng matatag at ligtas na pundasyon, kinailangang magbaon ang mga manggagawa ng 3,261 kongkretong poste sa lupa, na bawat isa ay sa lalim na mga 24 na metro! Tumagal ng 12 taon ang pagpaplano at konstruksiyon at kinailangan ang 28,600 boluntaryong manggagawa mula sa Mexico at 734 mula sa ibang mga bansa.

Tatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala ang nakibahagi sa programa sa pag-aalay. Ipinahayag ni Guy Pierce ang tungkol sa higit na kaligayahang dulot ng pagkakaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Ipinaliwanag naman ni Theodore Jaracz kung paanong ang mga pagpapala ng tapat na landasin sa paglilingkod sa Diyos ay higit na matimbang kaysa sa mga pagsubok na kinakaharap ng mga Kristiyano sa panahong ito ng kawakasan. At si Gerrit Lösch, na nagsalita sa wikang Kastila, ang nagbigay naman ng pahayag sa pag-aalay na, “Sambahin ang Diyos ng Katotohanan!”

Noong Nobyembre 23, 2002, inialay ng sangay sa Peru ang ilang pasilidad, kasama na ang isang maganda at bagong limang-palapag na opisina at gusaling tirahan. Si Gerrit Lösch ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay na, “Nagdudulot ng Kapurihan kay Jehova ang Pagpapalawak.” Kinabukasan, Linggo, 59,940 ang nagtipon sa San Marcos Stadium sa Lima, kung saan itinampok sa pantanging programa ang mayamang pagpapala ni Jehova sa gawaing pang-Kaharian sa Peru. At kitang-kita nga ang pagpapalang iyan! Noong 1946 nang dumating ang unang mga misyonero upang pangunahan ang gawain, iilan pa lamang ang mga mamamahayag at interesadong tao sa bansa. Ngayon ay mayroon nang 87,318 mamamahayag at 916 na kongregasyon sa Peru.

Sa sangay sa Russia, 600 panauhin at 350 miyembro ng pamilyang Bethel​—kumakatawan lahat sa 30 iba’t ibang bansa—​ang nagtipon noong Mayo 17, 2003, upang saksihan ang pag-aalay sa bagong gusaling tirahan, mga opisina, at mga pasilidad na imbakan. Anim na taon pa lamang ang nakalilipas nang ganapin ang naunang pag-aalay, kaya bakit kailangang magpalawak agad?

Ang sangay sa Russia, na nasa Solnechnoye sa labas ng St. Petersburg, ang nangangalaga sa gawaing pangangaral ng Kaharian sa sampung bansa. Mahigit na 100 wika ang ginagamit sa napakalawak na rehiyong ito, na sumasakop sa 11 sona ng oras. Kaya naman, ang pagsasalin ay kumakatawan sa isang malaki at lumalawak na bahagi ng gawain sa sangay. Sa kasalukuyan, isinasalin ng mga kapatid ang salig-Bibliyang mga literatura sa 34 na wika. Bukod diyan, mula noong huling pag-aalay, ang bilang ng mga mamamahayag sa rehiyon ay sumulong nang mahigit na 40,000​—halos 7,000 sa bawat taon! “At tuluy-tuloy ang pagsulong,” isinulat ng sangay. Kaya bilang tugon sa mayamang pagpapala ni Jehova, ang mga kapatid sa Russia ay nalulugod na ‘magpahaba ng kanilang mga panaling pantolda.’​—Isa. 54:2.

Naroroon sa pag-aalay noong Sabado ang maraming tapat na mga may-edad na dumanas ng matinding pag-uusig noong panahong Sobyet. Lahat ay matamang nakinig habang ibinibigay ni David Splane ang pahayag sa pag-aalay na, “Pupunuin Ko ng Kaluwalhatian ang Bahay na Ito,” salig sa Hagai 2:7. Ipinaliwanag niya na bagaman magaganda at nagbibigay-kapurihan ang bagong mga gusali, pangunahin nang ang makadiyos na paggawi at espirituwal na mga katangian ng bawat indibiduwal na Kristiyano ang siyang nagbibigay-kaluwalhatian kay Jehova at nagpapaganda sa tunay na pagsamba. Noong Linggo, sinuong ng 9,800 ang malamig na ambon upang tamasahin ang isang pantanging programa sa Kirov Stadium sa St. Petersburg.

Sa buong daigdig, may kabuuang 19,848 ordenadong ministro ang naglilingkod sa mga pasilidad na ito ng sangay. Lahat ay pawang mga miyembro ng Pambuong-Daigdig na Orden ng Pantanging Buong-Panahong mga Lingkod ng mga Saksi ni Jehova.

[Chart/Mga larawan sa pahina 12, 13]

ILANG PANGYAYARI NOONG 2003 TAON NG PAGLILINGKOD

Setyembre 1, 2002

Setyembre 1: Makukuha na ang mga artikulo sa pag-aaral ng Bantayan sa video sa American Sign Language.

Nobyembre 23: Pag-aalay ng mga sangay sa Haiti at Peru.

Enero 1, 2003

Enero 1: Sinimulan nang gamitin ng mga kongregasyon ang bagong aklat-aralin na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.

Pebrero 15: Pag-aalay ng sangay sa Guyana.

Marso 15 at 29: Pag-aalay ng mga sangay sa Mexico at Côte d’Ivoire.

Abril 16: Ikinulong ng mga pulis sa Asmara, Eritrea, ang 164 na dumalo sa Memoryal.

Mayo 1, 2003

Mayo 10 at 17: Pag-aalay ng mga sangay sa Hungary at Russia.

Mayo 20: Legal na inirehistro ang mga Saksi ni Jehova sa Kosovo.

Mayo 22: Opisyal na pinagtibay ng Romania ang katayuan ng mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon.

Ang paglilitis na naghahangad na ipagbawal ang mga Saksi sa Moscow ay sinuspinde sa loob ng walang-takdang haba ng panahon.

Agosto: Ikinabit ang bagong makina sa paglilimbag na MAN Roland Lithoman sa sangay sa Britanya.

Agosto 31, 2003

Agosto 31: Sa papaunlad na mga bansa, 7,730 Kingdom Hall ang natapos na mula noong Nobyembre 1999. 6,429,351 mamamahayag ang aktibo sa 235 lupain.

[Mga larawan]

Haiti

Peru

[Graph sa pahina 11]

(Tingnan ang publikasyon)

Pagsulong sa bilang ng mga wika:

Lahat ng publikasyon

“Ang Bantayan”

“Gumising!”

400

300

200

100

1880 1920 1960 2000

[Larawan sa pahina 14]

Mga instruktor sa Course in Improved English Comprehension, at ang kani-kanilang asawa

[Larawan sa pahina 22, 23]

Makina sa paglilimbag na inihambing sa isang bus sa lunsod

Estadistika ng makina sa paglilimbag:

Haba: 133 piye

Taas: 18 piye

Timbang: 201 tonelada

[Mga larawan sa pahina 28, 29]

Inialay kamakailan na mga pasilidad ng sangay sa (1) Guyana, (2) Hungary, at (3) Côte d’Ivoire