Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Guyana

Guyana

Guyana

“Lupain ng Katubigan”​—iyan ang kahulugan ng “Guyana,” isang bansa sa Timog Amerika kung saan ang hanggahan nito sa gawing timog ay nasa itaas ng ekwador sa layong 130 kilometro lamang. Angkop na angkop ang pangalang iyan, dahil mahigit sa 40 ilog at di-mabilang na mga sangang-ilog ang sumisipsip sa maulang kagubatan at mga gubat na sumasakop ng malaking bahagi sa 215,000 kilometro kuwadrado ng Guyana! Ang ilan sa mga ilog na ito ay nagsisilbing hanggahan ng Guyana sa karatig nitong mga bansa​—ang Brazil, Suriname, at Venezuela. Napakahalaga rin ng mga ilog na ito sa kabuhayan ng mga nasa interyor, kung saan kalat-kalat sa mga pampang nito ang mga nayon at mga bukid. Oo, ang komersiyo at kasaysayan ng Guyana​—pati ng bayan ni Jehova—​ay may malapit na kaugnayan sa mga ruta nito ng tubig.

Mula kanluran hanggang silangan, ang apat na pangunahing ilog ay ang Essequibo, ang Demerara, ang Berbice, at ang Courantyne. Ang pinakamahaba, ang Essequibo, ay 1,000 kilometro ang haba at 30 kilometro ang luwang sa bukana nito at mayroon itong 365 isla. Isa sa mga ito, ang Fort Island, ang pinakasentro ng pamahalaan noong panahon ng pananakop ng mga Olandes. Mula sa bukal nito sa kabundukan sa interyor, na nasa gawing timog, ang pangunahing mga ilog na ito ay dumadaloy pahilaga bago magpasikut-sikot sa makitid na baybaying kapatagan at umapaw sa Atlantiko. Sa pagdaloy nito, ang tubig ay umaagos sa ilan sa pinakamagagandang talon sa daigdig, gaya ng Talon ng Kaieteur, kung saan ang Ilog Potaro na may luwang na 120 metro, na dumadaloy sa Essequibo, ay bumubulusok sa lalim na 226 na metro sa unang bulusok pa lamang nito.

Dahil sa maraming likas na pang-akit nito, ang Guyana ay isang paraiso para sa mahihilig sa kalikasan. Ang mga tubig nito ay pinamamahayan ng mga higanteng river otter, black caiman, at mga pirarucus, o Arapaima, na kabilang sa natuklasang pinakamalalaking isdang tabang. Ang mga higanteng ito na humihinga at kumakain ng karne ay lumalaki nang hanggang 3 metro at tumitimbang nang 220 kilo. Ang mga jaguar ay tahimik na naglipana sa malililim na kagubatan, at ang maiingay na unggoy ay naghihiyawan sa itaas ng mga punungkahoy, na pinamamahayan nila kasama ang mahigit na 700 uri ng mga ibon, kasama na ang mga maninilang agila at makukulay na macaw at mga toucan.

Ang populasyon ng mga tao sa Guyana ay mga 770,000. Kabilang dito ang mga taga-Silangang India, na ang mga ninuno ay nagmula sa India bilang mga de-kontratang manggagawa; mga itim, na galing sa mga aliping Aprikano; mga Amerindiano (Arawak, Carib, Wapisiana, at Warrau); at yaong mga haluang lahi. Bagaman creole ang wikang ginagamit sa buong bansa, Ingles pa rin ang opisyal na wika rito, anupat ang Guyana ang kaisa-isang bansa sa Timog Amerika na nagsasalita ng Ingles.

Nakarating sa Guyana ang Tubig ng Katotohanan

Noong mga taóng 1900, nagsimulang pumatak sa Guyana ang nagbibigay-buhay na “tubig” na pumapawi sa espirituwal na pagkauhaw ng mga tao. (Juan 4:14) Isang lalaking nagngangalang Peter Johassen, nagtatrabaho sa isang trosohan sa Ilog Courantyne, ang nakakuha ng isang kopya ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Ibinahagi niya ang nilalaman nito sa isang Ginoong Elgin, na sumulat naman sa Samahang Watch Tower para humiling ng higit pang literatura sa Bibliya, pati ng aklat na The Divine Plan of the Ages. Bagaman bumitaw si Elgin sa katotohanang natutuhan niya, nakatulong naman siya sa iba upang magka-interes dito. Umakay ito upang mabuo ang isang maliit na grupo sa New Amsterdam, na nasa bukana ng Ilog Berbice.

Samantala, sa Georgetown na kabisera ng Guyana, nakakuha si Edward Phillips ng literaturang inilimbag ng International Bible Students, na tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Sa kasabikang maibahagi ang kaniyang natututuhan, tinipon ni Phillips ang kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan sa kaniyang bahay para sa regular at impormal na pag-uusap tungkol sa Bibliya. Noong 1908, sumulat siya sa Samahang Watch Tower at humiling na magpadala ng isang kinatawan sa Guyana, na tinatawag noon na British Guiana. a Pagkalipas ng apat na taon, dumating si Evander J. Coward at nagbigay ng mga pahayag sa Bibliya sa daan-daang nagtipon sa mga pampublikong bulwagan sa Georgetown at New Amsterdam.

Naaalaala pa ng anak na lalaki ni Phillips na si Frederick ang pagdalaw ni Coward. Ang sabi niya: “Naging popular agad si Brother Coward sa Georgetown, at dahil sa mensaheng ipinangangaral niya, isa-isang nakisali sa aming grupo ng mga Estudyante ng Bibliya ang mga taong interesado. Noong panahong iyon, ang mga aklat na tinatalakay namin ay ang The Divine Plan of the Ages, The New Creation, at iba pa. Di-nagtagal maliit na para sa amin ang bahay namin, kaya noong 1913, umupa kami ng isang kuwarto sa itaas sa Somerset House sa Georgetown. Ito ang naging dakong pulungan ng kongregasyon hanggang 1958.” Noong 1914, ipinagamit uli ni Edward Phillips ang kaniyang bahay, ngayon naman bilang ang kauna-unahang tanggapang pansangay ng Guyana. Siya ang naging tagapangasiwa ng tanggapan mula noon hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1924.

Noong 1916, lalong sumigla ang pangangaral nang ipalabas ang “Photo-Drama of Creation,” isang slide at pelikula. “Noong panahong iyon, naging payapa kami at sagana sa espirituwal,” isinulat ni Frederick. “Inilimbag pa nga ng lokal na pahayagan ang isang serye ng mga sermon ni Charles T. Russell, nangungunang Estudyante ng Bibliya.”

Pagsapit ng 1917, iba na ang kalagayan sa Guyana. Ligalíg na ligalíg ang bansa dahil sa digmaan, at hinihimok ng isang prominenteng pari roon ang publiko na ipanalangin ang Britanya at ang mga kaalyado nito. Sa isang liham sa media, ipinaliwanag ni Coward ang kalagayan ng daigdig ayon sa hula ng Bibliya. At sa Georgetown Town Hall, nagbigay siya ng isang mapuwersang pahayag na pinamagatang “Pagtibag sa mga Pader ng Babilonya.”

“Galit na galit ang klero,” ang sabi ng isang ulat sa Bantayan ng Oktubre 1, 1983, “anupat pinilit nila ang mga awtoridad na palayasin si Brother Coward at ipagbawal ang ilang publikasyon natin, pagbabawal na tumagal hanggang 1922.” Gayunman, marami pa rin ang gumalang kay Coward dahil sa kaniyang buong-tapang na pagpapatotoo. Sa katunayan, nang siya’y paalis na, nakahanay sila sa pantalan, at sumisigaw: “Siya lamang ang kaisa-isang taong nangaral ng katotohanan.” Nagbanta pa nga ang mga trabahador sa daungan na mag-aaklas sila bilang protesta sa pagpapalayas kay Coward, pero pinigilan sila ng mga kapatid.

Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, napaharap ang mga Estudyante ng Bibliya sa mas tusong pagsubok na pansamantalang humadlang sa paglaganap ng katotohanan ng Kaharian. Isang dating brother na naging isa sa mga tauhan sa punong-tanggapan sa Brooklyn na naging apostata ang paulit-ulit na dumalaw sa Guyana sa pagsisikap na italikod sa organisasyon ang mga Estudyante ng Bibliya roon.

“Pansamantala,” ang sabi ng nabanggit na Bantayan, “ang mga Estudyante ng Bibliya sa bansa ay nahati sa tatlong bahagi, isang matapat sa organisasyon, isang grupo ng oposisyon, at isang grupong hindi makapagpasiya. Gayunman, ang pagpapala ni Jehova ay para lamang sa matapat na grupo, at sumulong ito nang maglaon.” Kabilang sa mga matapat ay sina Malcolm Hall at Felix Powlett, na nabautismuhan noong 1915 at 1916. Pareho silang nanatiling masisigasig na lingkod ni Jehova at nabuhay hanggang mahigit 90 taon.

Upang lalong mapasigla ang matatapat na kapatid, si George Young mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ay dumating sa Guyana noong 1922 at tumagal doon nang tatlong buwan. “Isa siyang manggagawang walang kapaguran,” ang sabi ni Felix Powlett. Dahil sa kaalaman ni Young sa Kasulatan, sa kaniyang mapuwersang tinig, natural na pagkumpas, at mga visual aid, marami ang napakilos upang higit pang magsuri sa Salita ng Diyos. Salig sa mga ulat ni Young, binanggit sa Bantayan ng Enero 1, 1923 ang tungkol sa “labis na pagsidhi ng interes sa katotohanan sa lugar na iyon ng daigdig, mas malaking bilang ng dumadalo sa lahat ng pulong pangmadla, mga bahay na punung-puno ng mga taong interesado, at kaukulang pagsidhi ng sigasig at debosyon sa bahagi naman ng mga kapatid.” Halimbawa, sa Somerset House, 100 ang katamtamang bilang ng dumadalo sa mga pulong, bagaman mga 25 lamang ang mga mamamahayag ng Kaharian noon.

Pagsapit ng 1923, nagsikap din ang mga kapatid na marating ang mga tao sa dako pa roon ng ilaya. Madalas na mga duyan lamang at literatura ang dala-dala nila, na umaasang sa paanuman ay pakakanin sila ng mapagpatuloy na mga tao. Kapag may nagpatuloy sa kanila, doon na sila nakikitulog. Kung wala naman, ikinakabit na lamang nila ang kanilang mga duyan sa malaking sanga ng punungkahoy at doon nagpapalipas ng gabi, habang patuloy na pinagtitiisan ang sangkaterbang lamok. Kinabukasan, isinasaalang-alang nila ang isang teksto sa Kasulatan mula sa Daily Heavenly Manna, isang aklat na inilimbag ng organisasyon ni Jehova, at pagkatapos ay babagtasin na nila ang daan o kaya naman ay makikisakay sila sa bangka patungo sa susunod na komunidad.

Nagpatuloy ang pagsisikap na marating ang mga tao sa mas malalayong lugar hanggang Digmaang Pandaigdig II nang inirarasyon na ang gasolina, anupat limitado na lamang ang paglalakbay. Samantala, ginamit na ng mga Estudyante ng Bibliya ang pangalang mga Saksi ni Jehova noong 1931. Masiglang tinanggap ng maliliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya na kalat-kalat sa baybayin ang bagong pangalang ito at ipinakita ang kanilang sigasig sa pamamagitan ng higit pang paglilingkod. Nang sumapit ang dekada ng 1930, nagsimula nang gamitin ng mga mamamahayag sa ministeryo ang mga ponograpo na may isinaplakang mga pahayag sa Bibliya. Si Frederick Phillips, tagapangasiwa noon ng sangay, ay sumulat: “Walang radyo noon sa mga nayon, at ang unang indikasyon na kami’y dumarating na sa isang nayon ay ang tunog ng musika na tangay ng banayad na hangin sa tropiko mula sa aming mga laud-ispiker. Kasunod ng musika ang isinaplakang mga pahayag. Halos lahat sa komunidad ay nagkukumpulan sa palibot namin, at ang ilan ay nakapadyama pa.”

Nakatulong din sa pagpapalaganap ng mabuting balita ang mga istasyon ng radyo. May isang istasyon sa Guyana na nagsasahimpapawid ng mensahe ng Kaharian tuwing Linggo at Miyerkules. Mangyari pa, ang lahat ng gawaing ito ay napansin ni Satanas, at sinamantala niya ang pag-igting ng nasyonalismo noong Digmaang Pandaigdig II upang hadlangan ang gawain.

Gawain sa Panahon ng Digmaang Pandaigdig II at Pagkatapos Nito

Noong 1941, sa panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, 52 mamamahayag ng Kaharian ang aktibo sa Guyana. Nang taon ding iyon, ipinagbawal Ang Bantayan at Consolation (ngayo’y Gumising!). Noong 1944, isinali pa sa pagbabawal na iyon ang lahat ng literaturang inilimbag ng bayan ni Jehova. “Maging ang mga kopya ng Banal na Bibliya na wala namang komentaryo ng Watch Tower kundi mga bersiyon lamang na inilimbag ng ibang samahan ng Bibliya ay ipinagbawal din, samakatuwid nga, sa mga saksi ni Jehova,” ang sabi ng ulat sa Bantayan ng Hulyo 1, 1946.

Noong Abril 1946, si Nathan Knorr mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ay dumalaw sa Guyana. Kasama niya si William Tracy, na katatapos lamang mag-aral sa Gilead. Layunin nilang patibayin ang mga kapatid at umapela sa pamahalaan na alisin na ang pagbabawal. Sa isang pulong sa Georgetown, ipinaliwanag ni Brother Knorr sa 180 kapatid at mga interesadong nagkakatipon noon na maging ang sinaunang mga alagad ni Jesus ay wala ring suplay ng Bibliya at mga aklat bilang pantulong sa kanilang ministeryo. Gayunman, biniyayaan sila ni Jehova ng kahanga-hangang pagsulong. Bakit? Sapagkat nagpatuloy sila sa pangangaral. Kung gayon, hindi kaya gayundin ang gagawin ng Diyos sa kaniyang mga lingkod sa modernong-panahon habang patuloy sila sa gawain? Tiyak iyan!

Samantala, patuloy ang mga kapatid sa paghahanap ng legal na pamamaraan upang maalis ang pagbabawal. Halimbawa, wala pang isang taon pagkatapos ng digmaan, nakapagtipon sila ng 31,370 lagda para sa isang petisyon na nagpoprotesta sa pagbabawal. Pagkatapos ay iniharap sa pamahalaan ang petisyon. Bukod dito, upang patuloy na mabigyan ng impormasyon ang mga mamamayan ng Guyana, naglathala ang organisasyon ni Jehova ng isang pulyeto na nagsasaad ng mga pangyayari. Ganito ang pamagat: “IPINAGBAWAL ANG BANAL NA BIBLIYA SA BRITISH GUIANA​—31,000 ANG LUMAGDA NG PETISYON SA GOBERNADOR para sa pagsasauli ng kalayaan sa pagsamba sa lahat ng naninirahan sa kolonya, anuman ang kredo nila.”

Nakipagpulong din si Brother Knorr sa kalihim ng kolonya, si W. L. Heape, upang hilinging alisin na ang pagbabawal. Sa pagtatapos ng 30-minutong interbyu, binigyan ni Brother Knorr si Ginoong Heape ng isang kopya ng aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo” at hiniling na basahin itong mabuti. Sinabi ni Ginoong Heape na babasahin niya iyon. Bukod diyan, ipinabatid niya kay Brother Knorr na ang pagbabawal sa ating literatura, sa katunayan, ay tinatalakay na ng siyam na miyembro ng executive committee sa mismong oras ding iyon! Totoo nga naman, dahil noong Hunyo 1946, nagpalabas ang gobernador ng proklamasyon na nag-aalis sa pagbabawal.

Pagkatapos nito, agad na ibinigay sa mga kapatid ang 130 maalikabok na mga kartong naglalaman ng 11,798 aklat at mga buklet. Sa labis na katuwaan na maiaalok na nilang muli ang literatura, naipamahagi agad ng noo’y 70 nang tagapaghayag ng Kaharian ang buong kargamento sa loob lamang ng sampung linggo. Noong Agosto, pinasimulan na rin ng mga kapatid ang pagpapatotoo sa lansangan, na nagkaroon ng napakagagandang resulta. “Naipasakamay ang mga magasin na kasimbilis ng pagbebenta ng mga pahayagan doon,” ang ulat ng sangay.

Kahit noong panahon ng pagbabawal, patuloy pa ring tumatanggap ang mga kapatid ng mahahalagang espirituwal na pagkain, dahil na rin sa tulong ng isang kapatid na nagtatrabaho sa pangkalahatang tanggapan ng koreo sa Georgetown. Isinulat niya: “Nakadama ako ng obligasyon na tiyaking makarating sa sangay ang mga kopya ng Ang Bantayan. Sa tulong ng mga sister, minamakenilya o kaya’y minimimyograp at ipinamamahagi sa mga pamilya ang mga kopya ng mga artikulong pag-aaralan sa mga pulong sa kongregasyon.”

Pinasigla ng mga Bagong Misyonero ang Gawain

Kapag ikinambiyo ang umaandar na kotse, lalo pa itong bumibilis. Sa Guyana, “ikinambiyo” ang gawaing pangangaral nang dumating noong kalagitnaan ng dekada ng 1940 ang mga misyonerong sinanay sa Gilead. Kabilang sa kanila si William Tracy, nagtapos sa ikatlong klase, gayundin sina John at Daisy Hemmaway at sina Ruth at Alice Miller, mga nagtapos sa ikalimang klase. Ibinahagi ng masisigasig na Saksing ito sa mga kapatid doon ang mahahalagang bagay na natutuhan nila sa Gilead, at nagpakita sila ng magandang halimbawa sa larangan.

Nabahala si Brother Tracy sa mga naninirahan sa mga liblib na lugar. “Ginalugad ko ang lupain,” isinulat niya, “anupat ilang ulit kong nilakbay ang buong baybayin at mga ilog para makausap ang nakabukod na mga taong interesado at makasumpong ng iba pang mga interesado. Naglakbay ako sakay ng tren, bus, bisikleta, at mga bangkang malalaki, maliliit, at makikitid pa nga.”

Tinulungan din ng mga misyonero ang mga payunir doon na maging organisado upang sistematiko nilang magawa ang teritoryo at, kung maaari, magsikap at maglingkod sa mga teritoryong hindi pa kailanman napupuntahan. Tandaan na noong 1946, ang Guyana ay may limang kongregasyon lamang at 91 ang pinakamataas na bilang ng mamamahayag ng Kaharian. Subalit walang mahirap na gawain sa mga pinalalakas ng espiritu ng Diyos.​—Zac. 4:6.

Sa pasimula, ang karamihan sa sumasama sa mga misyonero ay matatandang payunir. Pero sa kabila ng kanilang edad, nagpakita sila ng mainam na espiritu sa gawain. Kabilang sa kanila sina Isaac Graves, George Headley, Leslie Mayers, Rockliffe Pollard, at George Yearwood. Ang kabilang naman sa mga sister ay sina Margaret Dooknie, Ivy Hinds, Frances Jordan, Florence Thom, Atalanta Williams, at Princess Williams (hindi magkamag-anak). Dala ang mga aklat, buklet, at mga magasin, humayo sila sa malalayong lugar taglay ang mensahe ng Kaharian.

Sina Ivy Hinds (ngayo’y Wyatt) at Florence Thom (ngayo’y Brissett) ay idinestino sa bayan ng Bartica sa dako ng Ilog Essequibo, mga 80 kilometro pailaya mula sa baybayin. Sa bayang iyon ang daan patungo sa minahan ng ginto at diamante sa interyor. May kaisa-isang brother na nakatira roon. Si John Ponting, naglilingkod bilang tagapangasiwa ng sangay at tagapangasiwa rin ng sirkito, ay sumulat: “Sa loob lamang ng dalawang buwan, 20 na ang dumadalo sa mga pulong, at 50 ang dumalo sa Memoryal.” Ang isa na tumanggap ng katotohanan ay isang lalaking nagngangalang Jerome Flavius. Bulag ang kaniyang dalawang mata. “Di-nagtagal, mag-isa na siyang nagbibigay ng mga pahayag matapos basahin sa kaniya ni Ivy Hinds ang materyal nang paulit-ulit,” ang sabi ni John.

Bagaman lampas na sila sa edad 65, ang mga payunir na sister na sina Esther Richmond at Frances Jordan ay parehong nag-aral mamisikleta upang makapunta sila sa mas marami pang teritoryo. “Si Margaret Dooknie, na hindi na matandaan kung ilang taon na siyang payunir, ay naglalakad hanggang sa makatulog na siya kung minsan sa isang mahabang upuan sa parke dahil sa sobrang pagod,” ang sabi ni Brother Ponting. “Hinding-hindi namin malilimot ang ganitong mga tao.”

Yamang napasigla ng halimbawa ng mga misyonero at ng matatandang payunir, isa-isa nang nagpayunir ang maraming kabataan. Dahil sa lahat ng gawaing ito, marami pa ang pumasok sa katotohanan, at nabuo ang mga grupo at mga kongregasyon sa iba’t ibang lugar sa bansa. Noong 1948, mayroon nang 220 mamamahayag sa Guyana. Noong 1954 umakyat ang bilang na iyan sa 434. Samantala, ang grupo ng mga kapatid na taga-Kitty-Newtown na nagpupulong noon sa Somerset House ay dumami na hanggang sa makabuo sila ng isang hiwalay na kongregasyon​—tinatawag na Newtown​—ang pangalawa sa kabisera. May siyam na ngayong kongregasyon sa Georgetown.

Mga Sound System na Nasa Kariton, mga Siklista, at mga Asno

Noong unang mga taon ng dekada ng 1950, sa ilalim ng pangangasiwa ng tanggapang pansangay, ang mga kapatid ay nagpapahayag sa labas sa buong Georgetown, madalas na Sabado ng gabi at Linggo ng hapon. Gumagamit sila ng sound system na nasa kariton na sila mismo ang gumawa. Sakay nito ang isang malakas na amplipayer, dalawang malaking ispiker, patungan ng mga ispiker, at mga kable. Ang sabi ni Albert Small, na nabautismuhan noong 1949: “Sa araw, nakalagay ang isang karatula sa pulungang dako. Dito’y mababasa: ‘Sasagutin ang Inyong mga Tanong sa Bibliya’ at nakalagay roon ang oras ng pulong. Marami ang dumalo sa mga pahayag na iyon, at nang maglaon, ang ilan ay pumasok sa katotohanan.”

Bilang pahiwatig sa posible pang pagdami, si Nathan Knorr at ang kaniyang sekretaryong si Milton Henschel ay nagbigay ng mga pahayag sa Globe Cinema sa Georgetown maaga ng 1954. Naroon si John Ponting. Nag-ulat siya: “Lahat ng 1,400 upuan ay napuno, at 700 ang nakinig mula sa karagdagang mga laud-ispiker na inilagay sa labas hanggang sa mapilitan ang marami na makisiksik sa loob dahil sa malakas na ulan. Inianunsiyo namin ang programa sa pamamagitan ng parada ng mga siklista na may mga plakard. Nang dumilim na, nag-anunsiyo kami sa pamamagitan ng isang malaki at may ilaw na karatulang hinihila ng asno na akay naman ng isang brother na siyang nagpapatalastas mula sa amplipayer.”

Higit Pang Paglalakbay Papasók sa Interyor

Habang naglilingkod bilang tagapangasiwa ng sangay, hinimok ni William Tracy ang mga kapatid na puntahan ang mga nakatira sa mga liblib na lugar. Siya mismo ay dumalaw sa mga lugar sa rehiyon ng mga ilog ng Essequibo at Berbice at nagsaayos na magkaroon ng mga pansirkitong asamblea ang maliliit na grupo at mga kongregasyon sa mga lugar na iyon. Karaniwan nang idinaraos ang mga asamblea sa mga sinehan at mga paaralang pampubliko, yamang ang mga sinehan lamang ang mga lugar na kadalasang may sapat na laki. Noong 1949 sa isang asamblea sa sinehan sa Suddie, malapit sa bukana ng Essequibo, ang pahayag pangmadla na “Ginamit na Panakot ang Impiyerno” ay naging usap-usapan. Sinimulang tukuyin ng ilan ang mga Saksi ni Jehova bilang ang relihiyon na walang impiyerno.

Noong 1950, ang bagong kasal na si William Tracy ay inilipat naman sa Estados Unidos. Pinalitan siya ni John Ponting bilang tagapangasiwa ng sangay at naglalakbay na tagapangasiwa. Tumulong din si John sa paggawa sa ilang teritoryo sa ilog. Sumasakay ang mga kapatid sa karaniwang mga bapor na nagbibiyahe. Kapag namangka nang papalapit ang mga taganayon upang makipagpalitan ng mga liham sa naglalayag na tanggapan ng koreo, nakikisakay ang mga kapatid patungo sa baybayin, na umaasang may magpapakain at magpapatuloy sa kanila roon. Nagpapatotoo sila sa mga nayon at sa gabi ay pinapatuloy sila ng isa sa mga pamilya roon. Kinabukasan ay inihahatid sila ng bangka palusong ng ilog para makapagpatotoo naman sa susunod na nayon. Isang hapon, dumalaw sila sa isang tistisan. Pinatigil ng manedyer ang trabaho, tinipon ang mga trabahador, at pinayagan ang mga kapatid na magpahayag sa kanila sa loob ng 15 minuto. Kumuha silang lahat ng literatura.

Si Thomas Markevich, nagtapos sa ika-19 na klase ng Gilead, ay idinestino sa Guyana noong Hulyo 1952. Nagtungo rin siya sa mga teritoryong hindi pa kailanman napupuntahan. Ang sabi ni Tom: “Ibang-iba ang kagalakan kapag ibinahagi mo ang mensahe ng Kaharian sa isa na noon lamang nakarinig nito. Pero kung minsan ay magugulat ka rin, gaya ng nangyari sa akin. Naglakbay ako sa Demerara sakay ng bangka at pagkatapos ay naglakad papasok sa kagubatan, nang makakita ako ng isang maliit na kubo. Sinalubong ako ng nakatira roon, pinapasok, pinaupo, at pinakinggan ang aking sasabihin. Nang sulyapan ko ang paligid, gulat na gulat ako nang mapansin kong puro tapal ng mga pahina ng magasing Bantayan ang buong dingding ng kubo, na pawang may petsa noong dekada ng 1940! Maliwanag na narinig na noon ng taong ito ang mensahe ng Kaharian, maaaring sa bangka o sa Georgetown o Mackenzie.”

Ang misyonerong si Donald Bolinger ang kauna-unahang nagsagawa ng mahirap na paglalakbay patungong Talon ng Kaieteur. Habang nagpapatotoo sa mga Amerindiano, nakilala niya ang isang opisyal ng pamahalaan na katrabaho ng mga ito. Nang bandang huli, inialay ng lalaking ito ang kaniyang buhay kay Jehova at nangalaga sa grupong nabuo roon pagkaraan. Ang ilang mamamahayag ay lumipat sa nakabukod na mga lugar, gaya ng mga lugar na may minahan ng diamante o ginto, dahil sa kanilang sekular na trabaho. Bagaman nakabukod sila, madalas pa rin silang nakikitang nangangaral sa bawat kubo sa mga kampo. Ano kaya ang nakatulong sa kanila upang manatiling malakas? Napanatili nila ang isang magandang iskedyul ng pag-aaral at pangangaral.

‘Kapana-panabik at Kasiya-siyang’ Paglilingkod

Ang mga misyonerong sina John at Daisy Hemmaway ay naglingkod sa Guyana mula 1946 hanggang 1961. Kung minsan ay ginugugol nila ang dalawang linggo ng kanilang bakasyon sa distrito ng hilagang-kanluran, malapit sa Venezuela, na kinaroroonan ng mga Carib, Arawak, at iba pang katutubong mga tribo. Minsan ay nakapagpasakamay sila ng napakaraming literatura sa mga Arawak. Hindi ito nagustuhan ng mga madreng Katoliko na siyang nagpapatakbo ng paaralan doon. Sa katunayan, tinanong pa nga ng mga madre ang mga bata kung may kinuhang anumang literatura ang kanilang mga magulang. Nang mabalitaan ng mga magulang ang pagtatanong na ito, nagalit sila at ipinaalam sa pari na sila ang masusunod kung ano ang gusto nilang basahin. Palibhasa’y desidido, binatikos ng pari sa kaniyang sermon isang Linggo ang buklet na Can You Live Forever in Happiness on Earth? na naipasakamay sa marami. Pero nabaligtad din ang epekto ng taktikang ito, dahil nang araw na iyon na paalis na ang mga Hemmaway, maraming taganayon ang naghingian ng kopya ng mismong buklet na iyon.

Para makarating sa rehiyong ito, na 300 kilometro pailaya, naglakbay sina John at Daisy sakay ng ferry, tren, at trak. Dala-dala nila ang kanilang mga kakailanganin gayundin ang literatura at isang bisikleta, na magagamit sa pagtawid sa di-sementadong mga daan upang marating ang mga landas tungo sa mga Indian. “Ang mga daang ito,” ang paliwanag ni John, “ay patungo sa lahat ng direksiyon, at ang isa ay dapat gumamit ng kaniyang memorya o bumali ng ilang maliliit na sanga na pananda sa mga sangang-daan kung gusto niyang makasiguro na makabalik nang ligtas. Kapag may nasalubong kang anumang uri ng pusa sa landas, ang kaugalian ay huwag na huwag kang gagalaw at titigan mo ito. Maya-maya lang, tahimik na itong aalis. Ang mga unggoy ay nagpapalipat-lipat sa itaas ng mga punungkahoy, habang sumisigaw bilang protesta sa mga dumarating, samantalang ang mga sloth naman na nakabiting patiwarik ay buong-katamarang nakatingin lamang sa mga dumaraan. Sa mga lugar na hawán, makakakita ka ng makukulay na toucan habang nanginginain ng bunga ng punong papaya.”

Pagkatapos ng 15 taóng paglilingkod bilang misyonero sa Guyana, binuod ni Brother Hemmaway ang kaniyang nadarama, sa pagsasabi: “Talagang kapana-panabik! Oo, at talagang kasiya-siya! Nagdudulot ng kasiyahang walang kapantay ang maupo sa lupang sahig ng isang kubong gawa sa pawid at makipag-usap sa isang Amerindiano tungkol sa Kaharian ng Diyos, anupat tinuturuan sila ng isang bagong paraan ng pamumuhay. Isang karanasang hindi na mapapawi kailanman sa aming isipan ang makitang tumutugon ang mababang-loob na mga taong iyon sa turo ng Bibliya at pagkatapos ay nag-aalay ng kanilang buhay sa Diyos.”

Nag-aral sa Gilead ang Lokal na mga Payunir

Maraming lokal na mga payunir ang nagkaroon ng pribilehiyong mag-aral sa Paaralang Gilead, at ang ilan ay inatasang bumalik sa Guyana. Kabilang sa kanila sina Florence Thom (ngayo’y Brissett), ika-21 klase, 1953; Albert at Sheila Small, ika-31 klase, 1958; at Frederick McAlman, ika-48 klase, 1970.

Ang sabi ni Florence Brissett: “Gusto ko sanang maatasan sa ibang bansa, pero naging pagpapala mula kay Jehova ang madestino sa Skeldon sa Guyana. Marami sa aking dating kaeskuwela, guro, kaibigan, at kakilala ang tumanggap sa aking alok na pag-aaral sa Bibliya dahil kilala nila ako. Sa katunayan, nagprisinta pa nga sa akin ang ilan na gusto nilang makipag-aral! Isa na rito si Edward King, na ang asawa ay nakikipag-aral na sa akin. Kapansin-pansin, nabalitaan ng isang paring Anglikano na nakikipag-aral ang asawa ni Edward. Kaya ipinatawag nito si Edward at inutusang patigilin niya ito. Pero sa halip na sumunod, nakipag-aral din mismo si Edward.”

Pagbalik ng mga Small mula sa Gilead, naglingkod si Albert bilang miyembro ng Komite ng Sangay at gayundin bilang tagapangasiwa rin ng sirkito sa loob ng maraming taon. Sa kasalukuyan, sila ni Sheila, sa kabila ng problema sa kalusugan, ay patuloy na naglilingkod bilang mga special pioneer sa isang kongregasyon doon, kung saan naglilingkod din si Brother Small bilang elder. Mangyari pa, hindi naman lahat ng taga-Guyana ay idinestino uli roon. Halimbawa, si Lynette Peters, nagtapos sa ika-48 klase, ay idinestino sa Sierra Leone. Patuloy pa rin siyang naglilingkod nang tapat sa kaniyang atas sa ibang bansa.

Pumukaw ng Interes ang Pelikula

Ang pelikula na malawakang ginamit ng mga Saksi ni Jehova noong dekada ng 1950 ay may pamagat na The New World Society in Action. Itinatampok dito ang pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn at ang malaking kombensiyong ginanap sa Yankee Stadium sa New York City noong 1953. Nakatulong ang pelikula sa lahat​—mga Saksi at iba pa​—upang higit na maunawaan ang organisasyon ni Jehova at ang saklaw nito. Sabihin pa, napakalaki ng naging epekto nito sa mga taong naninirahan sa liblib at maulang kagubatan, yamang marami sa kanila ang ngayon lamang nakapanood ng ganitong pelikula!

Madalas na ipinalalabas ang pelikula sa labas sa isang malaking bakuran. Kilu-kilometro ang nilalakad ng mga tao para lamang mapanood ito. ‘Pero paano,’ itatanong mo marahil, ‘maipalalabas ng mga kapatid ang pelikula sa mga lugar na walang kuryente?’ Si Alan Johnstone, nagtapos sa Gilead na dumating noong 1957 at naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito, ay ilang beses na nagpalabas ng pelikulang ito. Sumulat siya: “Sa mga lugar na walang kuryente, gumagamit kami ng mga generator na buong-kabaitang ipinahihiram ng mga tagaroon na gumagamit nito para ilawan ang kanilang mga tindahan kung gabi. Isang malaking sapin ng kama na mahigpit na itinali sa dalawang punungkahoy ang nagsisilbing iskrin.”

Minsan, pagkatapos ng gayong palabas, nakasakay na sina John at Daisy Hemmaway sa isang bapor pauwi. Nabalitaan ng maraming pasahero ang tungkol sa pelikula at gusto rin nilang mapanood ito. Kaya sa pahintulot ng kapitan, inilagay ng mga Hemmaway ang iskrin sa kubyerta at ang projector sa isang cabin na may bintanang nasa tamang posisyon. “May pasahero rin na mga paring Katoliko at Anglikano,” isinulat ni John. “Bagaman hindi sila nagpakumbaba upang panoorin ang pelikula sa lupa, sila ngayon marahil ay napilitan na ring manood. Sa katunayan, mula sa kanilang cabin mismo namin pinaandar ang pelikula. Pagkatapos ay inulan sila ng mga tanong na isang Saksi ni Jehova lamang ang makasasagot.”

Bilang komento sa bisa ng pelikula, sumulat si John Ponting: “Talagang napakabisa ng pagpapalabas ng pelikula noong mga taóng iyon na iilan lamang ang mga Saksi at itinuturing na napakaliit na grupo. Nagkaroon ng pagkakataon ang mga hindi naniniwalang ito na makita ang isang malaking pandaigdig na organisasyong may iba’t ibang lahi at nagkaroon sila ng malaking paggalang sa atin. Talagang binago nito ang saloobin ng marami na tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya pagkaraan nito. Ang ilan sa mga ito ay naging mga elder nang maglaon. Sa loob lamang ng dalawang linggo, isang tagapangasiwa ng sirkito ang 17 beses na nakapagpalabas ng pelikula sa 5,000 tagapanood, na kadalasan nang ginagawa sa labas.

“Sa isa pang paglalakbay, na nangailangan ng dalawang araw sa ilog na may malakas na agos at saka paglalakad sa mga landas sa kagubatan, sulit na sulit ang pagsisikap ng isang tagapangasiwa ng sirkito nang napakaraming Amerindiano ang makapanood ng pelikula​—ang kauna-unahang napanood nila. Kinabukasan, nagkuhanan ng ating mga magasin ang marami sa mga taganayon na karamihan ay mga Presbiteryano. Dahil sa pagdalaw na ito, malaki ang nabago sa saloobin ng buong nayon sa bayan ni Jehova.”

Mula 1953 hanggang 1966, dumanas ang Guyana ng panliligalig sa pulitika at lahi. Ang mga taóng 1961 hanggang 1964 ang pinakagrabe at nagsangkot ng kaguluhan, nakawan, patayan, at pangkalahatang pag-aalsa. Itinigil ang pampublikong transportasyon, at lumaganap ang takot. Hindi naman tuwirang pinag-usig ang mga kapatid, subalit ang ilan ay nagdusa dahil sa umiiral na kalagayan. Halimbawa, dalawang kapatid ang binugbog, at dalawa pa, kabilang si Albert Small, ang tinamaan ng mga bala ng shotgun at kinailangang isugod sa ospital para ipaalis ang mga ito. Lumubha nang husto ang kalagayan anupat nakialam na ang mga sundalong Britano.

Tamang-tama nga na sa panahong iyon ng kaguluhan, itinampok ng pelikulang The New World Society in Action ang mga tao mula sa lahat ng bansa na nagtatanghal ng tunay na kapayapaan at pagkakaisa! Bukod diyan, hindi pumayag ang mga kapatid na mahadlangan ang pagdalo nila sa mga pulong at pakikibahagi sa ministeryo dahil sa pagkawala ng pampublikong transportasyon. Medyo humaba-haba lamang ang nilalakad nila kaysa rati, o kaya naman ay namimisikleta sila. Higit sa lahat, nagpakita sila ng tunay na Kristiyanong pag-ibig sa isa’t isa. “Sila’y nagmálasakitán at nagbigayan,” iniulat ni Albert Small.

Nanguna sa Gawain ang mga Babae

Nagdala rin ng mensahe ng Kaharian sa malalayong lugar ang mga babae. Halimbawa, sina Ivy Hinds at Florence Thom ay inatasan bilang mga special pioneer sa Bartica, sa gilid ng kagubatan. Si Mahadeo, nakabukod na mamamahayag, ay nakatira roon kasama ang kaniyang asawang si Jamela. Gaya ng karamihan noon sa mga babaing taga-Silangang India, si Jamela ay hindi pinag-aral at ni hindi marunong bumasa’t sumulat. Pero gusto niyang mabasa mismo ang Bibliya at tumulong na maturuan ang kanilang dalawang maliliit na anak na lalaki. “Dahil sa pagpapala ni Jehova at sa pagtuturo ko,” ang sabi ni Florence, “madali niyang natutuhan ang sining ng pagbasa, pagsulat, at pagpapatotoo sa iba.”

Dalawang buwan pagkarating nina Florence at Ivy, wala pa rin silang makitang angkop na matitirhan. Kailangan din nila ang isang lugar na mapagpupulungan dahil mahigit nang sampung pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos nila. Lalong humigpit ang pangangailangan nang tumanggap sila ng pasabi tungkol sa nalalapit na pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Bukod diyan, nakaiskedyul pa sa mismong linggong iyon ang pagdating sa Bartica ng mga trabahador mula sa interyor at ng napakaraming babaing nagbibili ng aliw mula sa Georgetown, anupat darami nang tatlong ulit ang populasyon ng bayan!

Pero hindi maikli ang kamay ni Jehova. Natatandaan pa ni Florence: “Isang araw bago dumating ang tagapangasiwa ng sirkito, nang magdarapit-hapon na, nakilala namin ang isang may-ari ng paupahang bahay na pumayag na arkilahin namin ang isang maliit at may dalawang kuwartong bahay-bakasyunan sa gitna ng bayan. Nagtrabaho kami na parang mga langgam anupat abalang-abala sa pag-iiskoba at pagpipinta ng mga dingding at pagkatapos ay pagpapakintab ng mga sahig. Nagkabit kami ng mga kurtina at nagpasok ng mga muwebles, anupat madaling-araw na nang matapos kami. Talagang hindi kami magkamayaw nang gabing iyon! Hindi makapaniwala sa kuwento namin si John Ponting, ang tagapangasiwa ng sirkito. Sa unang gabi ng kaniyang dalaw, 22 ang dumalo, na nagbigay sa amin ng pag-asang ito’y magiging Kongregasyon ng Bartica.”

Paroo’t Parito sa mga Ilog Sakay ng Kingdom Proclaimer

Noong unang mga taon, ang mga kapatid ay naglalakbay sakay ng anumang bangkang magagamit upang marating ang mga pamayanan sa kahabaan ng mga ilog. Nang maglaon, nakabili sila ng sariling mga bangka, na pinanganlang Kingdom Proclaimer I, Kingdom Proclaimer II, at patuloy, hanggang Kingdom Proclaimer V. (Hindi na ginagamit ngayon ang naunang dalawang bangka.)

Ganito ang kuwento ni Frederick McAlman: “Habang namamangka paayon sa agos, nangangaral kami sa silangang pampang ng Ilog Pomeroon hanggang sa makarating kami sa Hackney, 11 kilometro mula sa bukana. Doon kami nakikitulog sa bahay ni Sister DeCambra, isang komadrona na naglilingkod noon sa lugar na iyon. Kinabukasan, maaga pa’y namamangka na kami palusong sa bukana ng ilog bago tumawid sa kanlurang pampang. Pagkatapos ay sinasalungat namin ang agos pabalik sa Charity na 34 na kilometro ang layo.” Sa loob ng limang taon, ang mga kapatid ay nagsagwan nang paroo’t parito sa Pomeroon bago sila nagkaroon ng segunda-manong motor na anim na horsepower.

Hindi naman palaging delikadong maglayag sa mga daang-tubig na ito, pero kailangan pa ring mag-ingat ang mga kapatid, dahil may ibang trapik. At ang Kingdom Proclaimer I at II ay mga bangkang de-sagwan, kaya hindi ito matulin. Ang sabi ni Frederick: “Nang pauwi na ako galing sa pagpapatotoo sa kahabaan ng Ilog Pomeroon isang hapon ng Sabado, binangga ako ng isang malaking barkong pangkargamento na napakatulin. Nalibang ang kapitan at ang mga tauhan nito dahil nag-iinuman sila noon ng rum. Mula sa Kingdom Proclaimer I, tumalsik ako sa ilog, at napunta sa ilalim ng kanilang bangka. Lumubog ako, nagkakawag para makaahon mula sa kadiliman, ngunit palaging umuuntog ang ulo ko sa ilalim ng kanilang bangka, na napakalapit na pala sa malaking elise nito. Nang makita ang paghihirap ko, isang kabataang lalaking nasa barko ang tumalon sa ilog at sinagip ako. Ilang linggong masakit ang aking katawan dahil sa mga sugat, ngunit salamat na rin at buhay ako!”

Hindi nakahadlang kay Frederick ang aksidenteng iyon. “Desidido akong magpatuloy,” ang paliwanag niya, “dahil sa interes sa Bibliya na ipinakita ng mga tao sa kahabaan ng ilog. Sa Sirikie na 11 kilometro ang layo mula sa Charity ay may Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, at ako ang inaasahan nila.”

Isang Sanlinggo Kasama ang Tagapangasiwa ng Sirkito

Nasusubok ang lakas ng isang tao sa paglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito sa kabukiran ng Guyana. Bukod sa paglalakbay sa mga ilog, di-sementadong kalye, at mga landas sa kagubatan, ang mga tagapangasiwa ng sirkito at ang kani-kanilang asawa ay nakikipaglaban din sa mga lamok at iba pang insekto, mababangis na pusa, malalakas na ulan at, sa ilang lugar, mga magnanakaw. Nanganganib din silang magkaroon ng malarya, tipus, o iba pang sakit sa tropiko.

Inilarawan ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang isang pagdalaw sa ilang nakabukod na mamamahayag sa kahabaan ng Ilog Demerara. Isinulat niya: “Pagkadalaw namin sa Kongregasyon ng Mackenzie, naglakbay kami sakay ng lantsa noong Lunes para dalawin ang isang kapatid sa nayon ng Yaruni, na sakop pa rin ng Demerara, mga 40 kilometro mula Mackenzie. Pagdating namin doon, nangaral kami sa magkabilang pampang ng ilog sakay ng bangka, paayon sa agos papuntang Mackenzie.

“Ang mga tagaroon ay napakamapagpatuloy at binigyan nila kami ng mga prutas at inalok pa nga kaming makisalo sa kanila sa pagkain. Noong Biyernes, namangka kami sa ilog upang sumakay ng barko. Sa Soesdyke, lumipat kami sa makitid na bangka at saka naglayag patungong dalampasigan. Sinalubong kami ng isang brother at isinama kami patawid sa Demerara patungo sa kaniyang lugar sa Georgia. Nang gabi ring iyon, nagdaos kami ng pulong kasama ang pamilya.

“Kinabukasan, kaming lahat ay tumawid sa Demerara patungong Soesdyke, at ginawa namin ang teritoryo roon gayundin ang mataong lugar malapit sa Timehri Airport. Pumunta rin kami sa mga burol ng buhangin, kung saan kinakargahan ng mga tao ng buhangin ang mga trak patungong Georgetown. Noong Sabado ng gabi, nagdaos uli kami ng pulong sa Georgia kasama ang pamilya. Nang sumunod na araw, tumawid uli kaming lahat sa ilog patungong Soesdyke para maglingkod sa larangan sa umaga at magdaos ng isang pahayag pangmadla kinahapunan sa bukás na beranda ng tanggapan ng koreo. Diyan natatapos ang aming sanlinggo.” Ginantimpalaan naman ang pagpapagal ng tapat na mga tagapangasiwang ito ng sirkito at ng kani-kanilang asawa, dahil mayroon na ngayong maunlad na kongregasyon sa Soesdyke. May sarili nang Kingdom Hall ang mga kapatid, na natapos noong 1997.

Naaaksidente rin ang mga tagapangasiwa ng sirkito. Habang naglalakbay sakay ng motorsiklo, nakarating sina Jerry at Delma Murray sa isang kanal na may tulay na gawa sa pinagtali-taling andamyo. Naghintay muna si Delma habang nakamotorsiklong tumatawid si Jerry. Pero may masamang nangyari habang siya’y tumatawid, dahil si Jerry, ang motorsiklo, at ang maleta ay nahulog lahat sa tulay at lumubog sa malabong tubig. Napatili si Delma, at napasugod ang mga taganayon para tumulong. Maya-maya, napalitan ng tawanan ang pangamba nang, gaya ng isinulat ng isang brother, “ang puting lalaking ito ay umahon mula sa tubig na nababalot ng mga halamang tubig at ang kaniyang sapatos ay punô ng putik.”

Tumugon sa Mabuting Balita ang mga Amerindiano

Noong unang mga taon ng dekada ng 1970, habang nagpapatotoo sa palengke ng Charity, nakapagpasakamay si Frederick McAlman ng Bantayan at Gumising! sa isang babaing Amerindiano na ang pangalan ay Monica Fitzallen. (Tingnan ang kahon sa pahina 176.) Iniuwi ni Monica, nakatira sa isang reserbasyon ng mga Amerindiano, ang mga magasin. Noong siya’y magkasakit, binasa niya ang mga ito at nakilala niya ang taginting ng katotohanan. Di-nagtagal, naging mamamahayag siya ng mabuting balita​—ang nag-iisa sa reserbasyon​—at nabautismuhan noong 1974.

Nagugunita pa ni Monica: “Buong sigla akong nagpatotoo sa bahay-bahay, anupat masayang ibinabahagi ang aking bagong-tuklas na kaalaman sa mga naninirahan sa aming komunidad. Subalit para makarating sa kanilang mga bahay, kinailangan kong mamangka sa mga ilog at sapa. Nang dumami ang mga interesado, nagdaos ako sa kanila ng mga pulong, anupat binabasa at tinatalakay ang materyal mula sa pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.”

Nagbunga ba ang pagpapagal ni Monica? Oo naman, dahil ngayon ay may kasama na siyang 13 mamamahayag, kasama na ang kaniyang asawa, ang kaniyang anak na lalaki at ang asawa nito, at ang kaniyang apong babae. Noon ay kailangan pang mamangka nang 12 oras ang maliit na grupong ito patungong Charity, ang pinakamalapit na kongregasyon. Pero ngayon, may mga pulong na sa kanilang komunidad, at umaabot nang tatlong ulit sa bilang ng mga mamamahayag ang mga dumadalo!

Samantala, lumaki na rin ang kongregasyon sa Charity. Mayroon na ito ngayong 50 mamamahayag, na karamihan ay naglalakbay sa Pomeroon para makadalo sa mga pulong. Ang katamtamang bilang ng dumadalo ay mahigit sa 60, at 301 ang dumalo sa Memoryal noong 2004. Mayroon na ring bagong Kingdom Hall ang Kongregasyon ng Charity.

Kahanga-hangang Pagsulong sa Baramita

Ang isa pang lugar sa Guyana kung saan maraming katutubo ang tumugon sa mensahe ng Kaharian ay ang Baramita. Ang Baramita na nasa hilagang-kanluran ng bansa ay tahanan ng isang komunidad ng mga Indiyang Carib. Ang mga Carib ay ilan sa mga naunang nanirahan sa rehiyon ng Caribbean, na pinagkunan ng pangalan nito. Carib din ang tawag sa kanilang wika.

Si Ruby Smith, isang katutubong Carib, ay nagkainteres sa katotohanan noong 1975 nang tumanggap siya ng tract mula sa kaniyang lola. (Tingnan ang kahon sa pahina 181.) Si Ruby noon ay 16 na taóng gulang. Sumulong siya sa espirituwal at nabautismuhan noong 1978 sa “Matagumpay na Pananampalataya” na Kombensiyon. Di-nagtagal, lumipat ang kanilang pamilya sa Georgetown dahil sa kanilang negosyo. Doon niya napangasawa si Eustace Smith. Hindi marunong ng wikang Carib si Eustace, pero gustung-gusto nilang dalawa ni Ruby na lumipat sa Baramita upang ibahagi ang mensahe ng Kaharian sa mga kamag-anak ni Ruby at sa iba pa. Ang sabi ni Ruby: “Nakita ni Jehova ang laman ng aming puso at sinagot ang aming mga panalangin dahil noong 1992, pumunta kami sa Baramita.”

Sinabi pa ni Ruby: “Pagdating namin, nagpatotoo na agad ako sa komunidad. Nagdaos kami ng mga pulong sa silong ng aming maliit na bahay, na mga 1.5 metro ang taas mula sa lupa. Di-nagtagal, lumaki na ang grupo at hindi na magkasya sa lugar na ito, kaya humiram kami ng mga tolda. Habang kumakalat ang balita tungkol sa mga pulong, dumami nang dumami ang mga dumadalo hanggang umabot na sa 300! Dahil matatas ako sa wikang Carib, sa akin iniatas ang pagsasalin ng Ang Bantayan. Paano kaya ito maririnig ng lahat? Gumamit kami ng mumurahing FM microphone transmitter, habang dala naman ng maraming dumadalo ang kani-kanilang radyo at basta binubuksan na lamang ito sa tamang frequency.

“Nang panahong iyon, nakita namin ni Eustace na talagang kailangan na ng grupo ang isang Kingdom Hall. Kaya matapos kuwentahin ang magagastos at ipakipag-usap sa iba ang proyekto, sinimulan na namin ang trabaho. Ang aking kuya na si Cecil Baird ang nagsuplay ng karamihan ng materyales sa pagtatayo, samantalang ang iba naman ay tumulong sa pagtatrabaho. Nagsimula ang pagtatayo noong Hunyo 1992, at natapos ang proyekto maaga noong sumunod na taon, na tamang-tama sa Memoryal. Gulat na gulat kami nang 800 ang dumalo sa pahayag, na ibinigay ni Gordon Daniels, isang naglalakbay na tagapangasiwa.

“Ang grupo ng Baramita ay naging kongregasyon noong Abril 1, 1996, at inialay ang Kingdom Hall noong Mayo 25. Mula noon, napalaki na ito at maalwan nang nakapagpapaupo ng mahigit 500, anupat nagagamit ito ng mga kapatid para sa mga pansirkitong asamblea at mga pantanging asamblea. Oo, mula sa isang maliit na grupo, ito ay isa na ngayong kongregasyon ng halos 100 mamamahayag na may katamtamang dumadalo na 300 sa Pahayag Pangmadla. At umabot ng 1,416 ang dumalo sa Memoryal!”

Isang Napakalaking Kasalan!

Sa distrito ng Baramita, ginawang legal ng maraming matagal nang nagsasama nang di-kasal ang kanilang pag-aasawa upang maiayon ito sa mga pamantayan ng Bibliya. Subalit ang ilan ay nahirapang kumuha ng kinakailangang dokumento, gaya ng sertipiko ng kapanganakan. Gayunman, matapos ang puspusang pagsisikap at dahil sa tulong ng mga kapatid upang matiyak ang mga petsa ng kapanganakan at iba pang mga detalye, nakapagpakasal ang mga nagsasamang ito.

Minsan, 79 na pares ang ikinasal sa iisang seremonya. Si Adin Sills, miyembro ng Komite ng Sangay, ang nagbigay ng pahayag sa kasal. Pagkalipas ng tatlong araw, 41 katao, karamihan ay mga bagong kasal, ang nagpahayag ng pagnanais na maging di-bautisadong mamamahayag.

Napakarami sa Baramita ang nagpakita ng interes sa Salita ng Diyos anupat kinakitaan ng isang kahanga-hangang pagsulong ang buong komunidad. Noong ialay ang Kingdom Hall, isa sa mga elder ang nagsabi: “Ang Baramita ay isa na ngayong dako ng katahimikan at kapayapaan. Naging posible ito dahil karaniwan nang mahigit sa 90 porsiyento ng komunidad ang regular na dumadalo sa mga pulong.”

Noong 1995, dumanas ng matinding tagtuyot ang distrito ng Baramita. Paano kaya ito napagtiisan ng bayan ni Jehova? Nagtuturo noon sa Baramita ang guro ng paaralan na si Gillian Persaud. Nang marinig niyang may lumapag na isang maliit na eroplano sa maliit na paliparan sa karatig, kumaripas siya ng takbo para pigilan ang piloto na lumipad muli. Nakumbinsi niya ito na dalhin siya sa Georgetown, at doon ay dumeretso siya sa tanggapang pansangay upang ipaalam ang problema ng mga kapatid.

Ganito ang salaysay ni James Thompson, miyembro ng Komite ng Sangay noon: “Pinahintulutan kami ng Lupong Tagapamahala na magpadala ng pagkain at iba pang suplay sa Baramita sa pamamagitan ng eroplano. Naisaayos din naming mailipad sa Georgetown ang 36 na mamamahayag upang dumalo sa pandistritong kombensiyon. Para sa marami, iyon ang kauna-unahang kombensiyon na nadaluhan nila.”

Ministerial Training School

Mula nang pasimulan ang Ministerial Training School (MTS) noong 1987, marami nang bansa ang nakikinabang sa pagpapagal ng mga binatang elder at ministeryal na lingkod na nagtapos sa paaralang iyon. Isa na rito ang Guyana. Pagkatapos mag-aral sa paaralan, na ginanap sa karatig na Trinidad, maraming brother na tagaroon ang lalong nakatulong nang malaki sa gawaing pang-Kaharian sa Guyana. Kasalukuyang naglilingkod ngayon ang ilan bilang mga regular pioneer, special pioneer, at mga elder ng kongregasyon. Napakalaki ng nagagawa ng mga bumalik sa kani-kanilang sariling kongregasyon upang mangalaga sa mga tupa ni Jehova.

Maraming nagtapos sa MTS ang nakatanggap ng karagdagang mga pananagutan. Halimbawa, sina Floyd at Lawani Daniels, magkapatid sa laman, ay inatasan bilang mga special pioneer sa mga kongregasyong kailangang-kailangan ang mga elder. Nabigyan naman ng pribilehiyong maglingkod si David Persaud bilang tagapangasiwa ng sirkito. Ang kapuwa niya estudyante na si Edsel Hazel ay inatasan sa Komite ng Sangay sa Guyana. Tungkol sa iba pang nag-aral sa paaralan, isang tagapangasiwa ng sirkito ang nagsabi: “Nakita ko kung paanong ang lahat ng indibiduwal na ito ay sumulong sa espirituwal at lalo pa nga pagkatapos mag-aral sa Ministerial Training School.”

Paglilingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan

Noong huling mga taon ng dekada ng 1970, mga 30,000 ang naninirahan sa Baybaying Atlantiko sa kanluran ng Ilog Essequibo at 30 lamang ang mamamahayag. Kaya paminsan-minsan, ang sangay ay nag-aatas ng mga special pioneer para gawin ang mga bahagi ng teritoryong ito nang paisa-isang buwan. Ang sabi ng brother na nangangasiwa sa isang grupong nagpapatotoo: “Natapos ng mga kapatid ang teritoryo at nakapagpasakamay ng 1,835 aklat, at nakagawa sila ng maraming pagdalaw muli at nakapagpasimula ng maraming pag-aaral sa Bibliya.”

Isa pang brother ang nag-ulat: “Dalawang oras kaming nagsagwan ng aming maliit na bangka, na bumagtas ng 27 kilometro. Kung minsan, kailangan naming hilahin o itulak ang bangka sa putik na hanggang tuhod, pero ginantimpalaan ang aming mga pagsisikap dahil mapagpatuloy ang mga may-bahay. May isang guro sa musika na noon pa ma’y ginagamit na ang ating aklat-awitan sa pagtuturo niya ng musika. ‘Gustung-gusto ko talaga ang pagkakalapat ng musika,’ ang sabi niya. Pagkatapos ay tinugtog niya sa amin ang dalawang awit at saka tinanggap ang anim na aklat.”

Handa ring tumulong ang ibang mga kapatid sa mga lugar na mas malaki ang pangangailangan. Pansinin ang halimbawa nina Sherlock at Juliet Pahalan. Sumulat si Sherlock: “Noong 1970, inanyayahan kaming dalawa ni Juliet na tumulong sa Kongregasyon ng Eccles, 13 kilometro sa timog ng Georgetown sa dako ng Ilog Demerara. May mga problema sa kongregasyon, at kinailangang itiwalag ang ilang indibiduwal. Dahil dito, mga 12 aktibong mamamahayag at mga anak nilang di-bautisado ang natira sa kongregasyon. Nang panahong iyon, ako lamang ang nag-iisang elder. Karagdagan pa, ang kongregasyong ito ang nangangalaga sa isang maliit na grupo sa Mocha, isang nakabukod na nayon. Tuwing Lunes ng gabi, nangangasiwa ako sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat sa Mocha at pagkatapos ay sa Eccles naman.

“Ako rin ang nangangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan. Dahil kulang ang mga magasin namin, binabasa muna namin ang bawat parapo at pagkatapos ay nagtatanong, na hindi ayon sa karaniwang paraan noon. Nagdadala kami ng mga kandila sa mga pulong dahil madalas mawalan ng kuryente roon; kung tag-ulan naman, mga kuyog ng lamok ang aming kalaban. Noong panahong iyon, karamihan sa mga kapatid ay naglalakad o namimisikleta patungo sa pulong at sa teritoryo para magpatotoo. Gayundin ang ginagawa ng mga mamamahayag na taga-Mocha kapag pumupunta sila sa Eccles. Pagkatapos ng pulong, isinasakay ko sa aking maliit na van ang pinakamaraming puwedeng magsiksikan at inihahatid ko sila pauwi sa Mocha.”

Sulit kaya ang lahat ng pagsisikap na ito? Sa paggunita sa panahong iyon, sumulat si Brother Pahalan: “Habang nasa Eccles, kaming mag-asawa ay nagdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa maraming tao, na ang karamihan, kasama ng kani-kanilang pamilya, ay nananatili pa rin sa katotohanan. At ang ilan sa mga lalaki ay naglilingkod na ngayon bilang mga elder sa kongregasyon. Walang makapapantay sa mga pagpapalang iyan!”

Paglilingkod sa “Paraiso ng mga Payunir”!

Sa nakalipas na ilang taon, mga 50 kapatid​—karamihan ay mga payunir​—mula sa Britanya, Canada, Estados Unidos, Ireland, at Pransiya ang nakarating na sa Lupain ng Katubigan upang sumali sa pag-aanyaya: “Halika! . . . Ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apoc. 22:17) Ang ilan ay nakatagal nang ilang buwan; ang iba naman ay mga taon. Kapag paubos na ang kanilang baon, marami ang umuuwi muna sa kanilang bansa, nagtatrabaho pansamantala, at saka bumabalik. Itinuturing ng karamihan na sila’y pinagpala dahil sa paglilingkod sa Guyana. Tuwang-tuwa silang ipakipag-usap ang espirituwal na mga bagay sa mga tao, na sa pangkalahatan, ay may malaking paggalang sa Bibliya. Maging ang maraming nagsasabi na hindi sila Kristiyano ay natutuwa rin sa pakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. Isa pa, pinakakain paminsan-minsan ng mga may-bahay ang mga kapatid. “Kaya hindi isang pagmamalabis kung tawagin mang paraiso ng mga payunir ang Guyana,” ang sabi ni Ricardo Hinds, kasalukuyang koordineytor ng Komite ng Sangay.

Nagugunita pa ni Arlene Hazel, naglilingkod ngayon sa sangay kasama ng kaniyang asawang si Edsel, ang ilan sa mga karanasan nila sa kabukiran ng Guyana: “Noong 1997, matapos makipag-ugnayan sa sangay, tumanggap kami ng atas na maglingkod sa Lethem, isang bayan sa malayong interyor malapit sa hanggahan ng Brazil. Naglingkod kami roon kasama ang taga-Canada rin na sina Robert at Joanna Welch at isang Amerikanang sister, si Sarah Dionne, na naunang dumating sa Lethem nang ilang buwan. Isang bautisadong brother​—si Richard Achee, isang beterinaryo—​ang nakatira noon sa teritoryo. Ang sangay ay nagbigay sa amin ng listahan ng mga 20 katao na nakipag-aral na noon, pero natuklasan namin na ang karamihan ay hindi naman talaga interesado. Pero may dalawa na gustong maging di-bautisadong mamamahayag.

“Ginanap namin ang aming unang pulong sa ilalim ng punong mangga, at 12 ang naroroon, kasali na kaming 6 na payunir. Pagkalipas ng ilang buwan, 60 ang dumalo sa aming unang Memoryal. Samantala, naging tatlo na lamang kami sa grupo ng mga payunir. Gayunman, nagsisikap kaming mapangalagaan ang 40 nag-aaral ng Bibliya! Nang dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito, pinayuhan niya kaming itigil na ang pakikipag-aral sa mga hindi dumadalo sa mga pulong. Isa nga itong mainam na payo, dahil gumanda ang pagsulong ng aming itinirang mga inaaralan.”

Sa katunayan, makalipas ang apat na taon, ang Lethem ay naging isang kongregasyon na binubuo ng 14 na mamamahayag. Ang dumadalo sa mga araw ng pantanging asamblea sa Lethem ay umaabot na sa 100. Ang gayong maliwanag na katibayan ng pagpapala ni Jehova sa mga pagsisikap ng kaniyang mga lingkod ay sapat nang kapalit sa lahat ng paghihirap na dinaranas nila.

Mga Paupahang Bulwagan at mga Silong ng Bahay

Sa simula pa lamang ng gawain sa Guyana, mahirap nang makakita ng angkop na mga dako ng pagsamba. Noong 1913, ang mga kapatid sa Georgetown na mabibilang mo sa daliri ay umupa ng isang kuwarto sa Somerset House, na pinakinabangan nila nang 45 taon. Pagsapit ng 1970, dalawang kongregasyon lamang ang may sariling Kingdom Hall​—ang Kongregasyon ng Charlestown sa Georgetown at ang Kongregasyon ng Palmyra sa Berbice. Pero tatlong taon bago nito, naabot ng Guyana ang 1,000 bilang ng mamamahayag! Kaya karamihan sa mga kongregasyon ay nagpupulong sa inuupahang mga pasilidad, na kadalasan ay hindi maalwan.

Halimbawa, noong huling mga taon ng dekada ng 1950, ang Kongregasyon ng Wismar, na nasa dako ng Ilog Demerara, ay lumaki na anupat kailangan nang humanap ang mga kapatid ng angkop na bulwagan. Ipinagamit sa kanila ang isang lugar na tinatawag na Islander Hall. Nagpupulong sila tuwing kalagitnaan ng sanlinggo para sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod, at tuwing Linggo ng gabi para sa Pahayag Pangmadla at Pag-aaral sa Bantayan. Pero ang paghahanda ng mga bagay-bagay para sa mga pulong ay nangangailangan ng marami-rami ring trabaho. Una, tinatawid ng mga brother ang Demerara mula Mackenzie hanggang Wismar sakay ng isang maliit na bangka. Dala ng isang brother ang isang karton ng mga magasin, ang isa naman ay isang karton ng literatura, at dala naman ng ikatlong brother ang iba’t ibang form at ang mga kahon ng kontribusyon. Mangyari pa, lahat ng ito ay kailangan munang ihanda bago magpulong. Pagkatapos, uuliting lahat ang ginawang ito pabalik.

Ginaganap din ang mga pulong sa tinatawag na mga bottom house​—ang espasyo sa ilalim o silong ng isang bahay. Dahil sa posibilidad ng pagbaha, ang mga bahay sa Guyana ay karaniwan nang matataas na may tukod na mga posteng kahoy o semento. Dahil sa disenyong ito, nagkakaroon ng magagamit na mga espasyo gaya ng sa mga pulong ng kongregasyon. Gayunman, naniniwala ang mga taga-Guyana na kapag ang isang relihiyon ay walang angkop na dakong pulungan, wala sa kanila ang pagpapala ng Diyos.

Isa pa, ang mga pulong sa silong ng mga bahay ay naaabala kung minsan, na nag-aalis sa dignidad ng okasyon. Minsan, isang manok, na natakot sa aso, ang lumipad papasok sa dakong pulungan at dumapo sa isang batang anim na taóng gulang. Nagtitili siya, na ikinagulat ng lahat. Pagkatapos ng pulong, medyo naging katatawanan ang pangyayaring iyon pero ipinakita nito na kailangan na talagang magkaroon ng mas angkop na dako ng pagsamba. Isa pa, kapag ang mga pulong ay ginaganap sa mga Kingdom Hall na nasa silong, hindi mapasigla ang mga interesado na dumalo.

Pagtatayo ng Kingdom Hall

“Sa 32 taon ko sa Kongregasyon ng Charity,” naaalaala pa ni Frederick McAlman, “limang iba’t ibang silong ng bahay ang naupahan namin. Dahil nasa ilalim kami ng bahay, dapat kaming mag-ingat na hindi mauntog sa mga bigang kahoy. Habang kalong ang kaniyang anak, hindi nakalkula ng isang sister ang taas ng biga at nauntog ang kaniyang anak. Pagkaraan, ikinuwento niya ito sa kaniyang tatay na hindi kapananampalataya. Naipasiya ng kaniyang mga magulang na kailangan nang magkaroon ng sariling dako ng pagsamba ang kongregasyon. Sa katunayan, nag-alok ang kaniyang nanay na magbigay ng isang lote sa kongregasyon, at inako naman ng tatay niya ang gastos sa pagpapatayo ng isang Kingdom Hall. At iyan nga ang nangyari. Sa ngayon, sentro pa rin ng tunay na pagsamba sa komunidad ang orihinal na Kingdom Hall na iyon, bagaman ilang ulit na itong kinumpuni. Ginagamit din itong isang maliit na Assembly Hall para sa sirkito roon.”

Noong unang panahon, kailangan ang maraming buwan bago matapos ang mga Kingdom Hall. Ganito ang nangyari sa bulwagan sa Eccles. Nagkuwento si Sherlock Pahalan, naglilingkod noon bilang isang elder sa Eccles: “Ginaganap ang aming mga pulong sa isang paaralan. Alam namin na higit kaming darami kung may sarili kaming Kingdom Hall. Pero mahihirap lamang ang iilan-ilang mamamahayag sa Eccles. Gayunman, gumawa sila ng isang resolusyon na magtayo ng isang bulwagan. Naghanap ako ng angkop na lote sa aming teritoryo, pero wala akong makita.

“Samantala, pinahiram kami ng mga kapatid sa Georgetown ng dalawang molde at tinuruan kaming gumawa ng mga adobe. Sa pasimula, inaabot kami nang ilang oras bago makagawa ng 12 adobe lamang, pero sa kapapraktis nasanay na rin kami, lalo na ang mga sister. Isa pang hamon ang pagkuha ng semento dahil inirarasyon lamang ito noon. Kinailangan kong humingi ng pahintulot na makakuha ng limitadong dami. At upang makatiyak na makukuha namin ang naaprobahang dami ng semento, maaga akong pumupunta sa piyer at pumipila. Pagkatapos nito ay kailangan ko namang humanap ng trak na papuntang Eccles at na may sapat na lugar para kargahan ng semento. Palagi kaming tinutulungan ni Jehova. Pero kailangan pa rin namin ng lote.”

Sabi pa ni Sherlock: “Noong 1972, nagbakasyon kami ni Juliet sa Canada at dumalaw sa aking pinsan na hindi Saksi. Nabanggit niya na may dalawang lote siya sa Eccles pero napapabayaan lamang ng mga kamag-anak niyang nangangalaga roon. Kaya humingi siya ng tulong sa akin. Sinabi kong nalulugod akong tumulong, at idinagdag ko pa na nagkataon namang naghahanap ako ng lote sa Eccles para sa Kingdom Hall. Walang pag-aatubiling sinabi niya sa akin na pumili na ako alinman sa dalawang lote.

“Nakita namin ang dagdag na katibayan ng kamay ng Diyos sa panahon ng konstruksiyon. Bagaman marami pang ibang materyales sa pagtatayo ang kulang bukod pa sa semento, nakahahanap kami ng mga pamalit at sa paanuman ay palagi naman kaming nakararaos. Isa pa, iilang brother lamang ang may kinakailangang kakayahan, at napakaraming ginawang pag-iiskedyul para makarating ang mga boluntaryo sa lugar ng konstruksiyon. Sa katunayan, daan-daang kilometro ang binibiyahe ng aking maliit na van sa pagsundo at paghahatid ng mga kapatid. Sa wakas, natapos din ang aming Kingdom Hall. Naroroon pa nga ang isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, si Karl Klein, para bigkasin ang pahayag sa pag-aalay. Talagang tuwang-tuwa kami!”

Mabilisang Pagtatayo ng mga Kingdom Hall

Hanggang nitong 1995, mahigit sa kalahati ng mga kongregasyon sa Guyana ang nagpupulong pa rin sa mga paupahang pasilidad, pati na sa mga silong ng bahay. Kaya naman nag-organisa ang sangay ng pambansang komite sa pagtatayo upang tugunan ang pangangailangan. Noong Oktubre ng taóng iyon, itinayo ng mga kapatid ang kanilang kauna-unahang Kingdom Hall na mabilisang itinayo sa Mahaicony, mga 50 kilometro sa silangan ng Georgetown sa dako ng Ilog Mahaicony. Nang sabihing magtatayo ang mga Saksi ni Jehova ng isang Kingdom Hall sa loob ng apat na dulong-sanlinggo, isang kapitbahay ang nagsabi: “Kung ang sinasabi ninyo ay kulungan ng manok, OK lang, pero kung isang kongkretong gusali​—nungka.” Sabihin pa, di-nagtagal ay nabago ang pangmalas ng lalaking iyon.

Sa isang lupain na kung minsan ay tumitindi ang alitan ng lahi, naipakikita sa lahat sa pamamagitan ng mga proyekto ng Kingdom Hall na ang mga Saksi ni Jehova, anuman ang lahi o nasyonalidad, ay magkakasamang nagtatrabaho sa tunay na pagkakaisang Kristiyano. Sa katunayan, isang matandang babae na sumubaybay sa proyekto sa Mahaicony ang nagsabi sa isang tagapangasiwa ng sirkito: “Napagmasdan ko ang anim na iba’t ibang lahi ng tao na magkakasamang gumagawa roon!”

Pagtatayo ng Sangay

Noong 1914, ang kauna-unahang tanggapang pansangay sa Guyana ay nasa bahay ng mga Phillips, at nanatili roon hanggang 1946. Nang taóng iyon, 91 ang mamamahayag. Pagsapit ng 1959, ang bilang na iyan ay naging 685, at patuloy pang lumawak ang gawain. Kaya noong Hunyo 1960, ang mga kapatid ay nakabili ng lote sa 50 Brickdam, Georgetown. Pagkatapos baguhin nang kaunti, ang dating mga gusali ay nagsilbing kapuwa tanggapang pansangay at tahanan ng mga misyonero. Pero pagsapit ng 1986, hindi na rin sapat ang pasilidad na ito. Kaya sa pahintulot ng Lupong Tagapamahala, isang bagong sangay ang itinayo sa lugar ding iyon. Tinapos ng internasyonal na mga lingkod ang pagtatayo noong 1987 sa tulong ng mga kapatid na tagaroon.

Gaya ng mga anak na babae ni Salum, na tumulong sa kanilang ama na muling itayo ang isang bahagi ng pader ng Jerusalem, ang mga sister ay napatunayang napakahalaga sa proyekto ng sangay. (Neh. 3:12) Halimbawa, 120 sister, na hinati-hati sa mga sampung pangkat, ang nakagawa ng 12,000 adobe na kailangan sa proyekto. Gamit ang 16 na molde, natapos nila ang trabaho sa loob ng 55 araw. At hindi iyon madali! Dapat na eksakto ang timpla ng semento​—sapat ang labnaw upang tumigas ito nang tama pero hindi masyadong malabnaw anupat madudurog ang mga adobe kapag iniangat na sa molde.

Ang mga tagaroong brother ang nagsilbing bantay sa gabi, na madalas ay dumederetso na sa lugar ng konstruksiyon pagkagaling sa kanilang sekular na mga trabaho. Ang iba naman ay kasa-kasama ng internasyonal na mga lingkod, na nagturo sa kanila ng mahahalagang kasanayan. Naaalaala pa ng isa sa mga brother na ito na si Harrinarine (Indaal) Persaud: “Ang trabaho ko ay maglagay ng mga panulok na liston sa pasamano ng bintana​—isang bagay na noon ko lamang ginawa. Pinagtiyagaan ko iyon hanggang sa magawa ko nang tama. Nang tingnan iyon ng tagapangasiwa na mukhang natuwa sa pagsisikap ko, sinabi niya: “Puwede mo na ngayong lagyan ang buong sangay.” Sa ngayon, itinuturo ng kabataang brother na ito sa iba ang kaniyang kasanayan kapag may mga proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall.

Yamang kailangang umangkat ang mga kapatid ng ilang materyales, kinailangan nila ang tulong ng mga awtoridad ng pamahalaan. Dahil dito, maraming opisyal ang pumunta sa lugar ng konstruksiyon, pati na si Presidente Forbes L. Burnham at ang kaniyang mga kasama. Humanga ang lahat sa pagkakagawa, gaya ng isang karpinterong tagaroon. “Primera klase ang pagkakagawa ninyo sa inyong gusali,” ang sabi niya. Noong Enero 14, 1988, ang kinatawan ng Brooklyn na si Don Adams, naglilingkod bilang tagapangasiwa ng sona, ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay.

Noong Pebrero 12, 2001, muling naghanda ng lote para sa konstruksiyon​—sa ibang lugar naman ngayon. Nagtrabaho ulit sa proyekto ang internasyonal na mga lingkod sa tulong ng mga kapatid na tagaroon. Inialay ang bagong sangay noong Sabado, Pebrero 15, 2003. Si Richard Kelsey mula sa sangay ng Alemanya ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay sa 332 tagapakinig.

Maraming mga naunang misyonero ang bumalik sa Guyana para sa programa, na ang ilan ay noon lamang nakabalik sa loob ng mga dekada! At noong Linggo, 4,752 mula sa 12 bansa​—mahigit na doble ng bilang ng mamamahayag sa Guyana​—ang dumalo sa isang pantanging pulong.

Mga Asambleang Nangangailangan ng Pagiging Mapamaraan

Ang mga kapatid ay madalas na umuupa ng mga pasilidad para sa mga pansirkitong asamblea at mga araw ng pantanging asamblea. Nagtatayo pa nga sila ng dakong pulungan sa mga bukid. Ang sabi ni Thomas Markevich, naglingkod sa Guyana mula 1952 hanggang 1956: “Ginanap ang aming asamblea mga 60 kilometro paakyat sa Ilog Demerara mula sa Georgetown. Mga dalawang daang Saksi mula sa lunsod ang gustong dumalo bilang pagsuporta sa mga kapatid na tagaroon. Kaya nagpasiya kaming magtayo ng isang pansamantalang Assembly Hall na ginagamit ang lokal na mga materyales​—kawayan para gawing panukod at upuan at mga dahon ng saging para gawing bubong.

“Tinipon namin ang mga materyales, isinakay sa isang maliit na bagon, at inalalayan itong pababa. Pero naku, nabitiwan namin ang bagon sa isang kurba, nagpagiwang-giwang, at nahulog sa ilog ang buong kargada. Pero nakabuti ang aksidenteng ito, dahil ang kargada ay inanod patungo sa lugar mismo ng konstruksiyon! Nang magsimula ang asamblea, tuwang-tuwa ang mga panauhing kapatid dahil sa ilang daang taganayon na nakisama sa kanila para sa tatlong-araw na programa.”

Dagdag pa ni Thomas: “Pagkatapos ng asamblea, kaming lahat ay nangaral sa ilang di-nakaatas na teritoryo na malapit lamang. Sa isang nayon, nagdaos kami ng pahayag pangmadla, at dumalo ang buong nayon​—pati na ang isang alagang unggoy. Nakinig ito sandali at pagkatapos ay naisipang lumipat at manood mula sa ibang puwesto. Kaya nagpatalun-talon ito at tumuntong sa aking balikat. Saglit siyang nagpalinga-linga at lumuksong pabalik sa kaniyang amo at nanatili roon hanggang sa matapos ang pahayag, anupat nakahinga ako nang maluwag!”

Mga Kombensiyon

Noong unang mga taon ng dekada ng 1900, karaniwan nang nagdaraos ng malalaking pagtitipon kaugnay ng pagdalaw ng mga pantanging kinatawan mula sa pandaigdig na punong-tanggapan, gaya nina Brother Coward at Brother Young. Noong 1954, pumunta sina Nathan Knorr at Milton Henschel sa Guyana para sa Bagong Sanlibutang Lipunan na Asamblea, na may dumalong 2,737.

Pagkalipas ng mga dekada, noong 1999, mahigit na 7,100 delegado ang dumalo sa dalawang kombensiyon sa Guyana. Ang isa ay ginanap sa Georgetown, at ang isa naman, sa Berbice. Kinailangan ang ilang malalaking pagbabago sa kombensiyon sa Georgetown nang malapit na ang takdang petsa, na talagang naglagay sa mga kapatid sa pagsubok. “Isang tanyag na artista kasama ng kaniyang grupo ng mananayaw ang dumating mula sa India, at hindi na mailipat ng National Park Commission sa ibang araw ang iskedyul ng palabas, kahit na kami ang naunang nagpareserba ng lugar,” ang isinulat ng sangay.

“Agad kaming nagsaayos ng ibang lugar​—ang palaruan ng cricket​—at karaka-rakang pinasabihan ang mga kongregasyon. Walong araw na lamang at kombensiyon na! Pero hindi pa natapos doon ang problema. Sa Caribbean, ang larong cricket ay lubhang tinitingala, at ang palaruan ng cricket ay itinuturing na sagrado. Kaya hindi matanggap ng pangasiwaan ang ideya na lalakaran namin ang damuhan. Pero paano naman namin maipalalabas ang drama? At saan namin ilalagay ang entablado?

“Gayunman, itinuloy pa rin namin ang plano, na umaasang magbubukas ng daan si Jehova. At gayon nga ang ginawa niya! Pinahintulutan kaming gamitin ang damuhan, sa kondisyong gagawa kami ng plataporma at ng daanan patungo rito na may takdang taas mula sa lupa. Para matapos ang trabaho, lahat ay puspusang gumawa sa buong magdamag. Maging ang lagay ng panahon ay hindi rin nakiisa, dahil halos walang tigil ang ulan nang pagkakataong iyon. Sa kabila ng mga problemang ito, napasimulan din ang programa nang halos ayon sa iskedyul.

“Naging matiwasay ang kombensiyon, at hindi umulan kundi noon lamang huling araw ng Linggo. Nagising kami sa ingay ng ulan. Maya-maya, bumaha na sa palaruan ng cricket, at limang sentimetro na lamang ay aabot na ang tubig sa daanan at sa plataporma. Tumigil ang ulan nang mismong magsisimula na ang programa. Mabuti na lamang, ang mga kable ng kuryente ay hindi inilatag sa lupa kundi ikinabit sa ilalim ng mga andamyo. Kaya kung kinailangan man naming gumawa ng mataas na plataporma at daanan, iyon naman ay naging tunay na pagpapala!”

Nang magsimula ang drama, lahat ng 6,088 naroroon ay nanood nito sa liwanag ng sikat ng araw. Pagkaraan ng dalawang linggo, 1,038 ang dumalo sa ikalawang kombensiyon, na ginanap naman sa Berbice. Ang kabuuang bilang na 7,126 ang pinakamaraming dumalo na napaulat hanggang noong panahong iyon sa Guyana. Nitong nakaraan, umabot na sa halos 10,000 ang dumadalo.

Maningning na Pag-asa sa Hinaharap

Sa kaniyang hula, nakita ni Ezekiel ang isinauli at niluwalhating templo ni Jehova. Dumadaloy mula rito ang agos ng tubig, paluwang at palalim hanggang sa ito’y maging “agos na doble ang laki,” na nagbibigay-buhay maging sa maalat at walang-buhay na Dagat na Patay.​—Ezek. 47:1-12.

Sa pagsulong ng dalisay na pagsamba mula 1919, nakita ng bayan ng Diyos na natutupad ang hulang iyan. Sa ngayon, isang tunay na ilog ng espirituwal na mga paglalaan​—mga Bibliya, pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, pulong, asamblea, at mga kombensiyon​—ang pumapawi sa espirituwal na pagkauhaw ng milyun-milyon sa buong daigdig.

Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova sa Guyana na isang pribilehiyo ang maging bahagi sa katuparan ng hulang iyan. Bukod diyan, patuloy nilang gagamitin ang mga ilog sa literal na diwa upang itawid ang nagbibigay-buhay na espirituwal na pagkain sa lahat ng mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan,” saanman nakatira sa Lupain ng Katubigang ito ang mga karapat-dapat na ito.​—Gawa 13:48.

[Talababa]

a Nang makamit ng British Guiana ang kasarinlan nito noong Mayo 1966, ang pangalan ng bansa ay pinalitan ng Guyana. Gagamitin natin ang pangalang ito, maliban na lamang kung kailanganing palitan dahil sa konteksto.

[Kahon sa pahina 140]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Guyana

Ang lupain: Punô ng buhanging nanggagaling sa mga ilog ang baybayin, na ang kalakhang bahagi’y mas mababa sa kapantayan ng dagat at napoprotektahan ng mga dike na 230 kilometro ang haba. Halos 80 porsiyento ng bansa ay kagubatan, kasama na ang mga paltok sa interyor, ang pinagmumulan ng karamihan sa mga ilog sa Guyana.

Ang mga mamamayan: Halos kalahati ay nagmula sa Silangang India, mahigit 40 porsiyento ang nagmula sa lahi ng itim na mga Aprikano o haluang lahi, at mga 5 porsiyento naman ang mga Amerindiano. Mga 40 porsiyento ang nag-aangking Kristiyano; 34 na porsiyento, Hindu; at 9 na porsiyento, Muslim.

Ang wika: Ingles ang opisyal na wika, pero ginagamit din ang creole sa buong bansa.

Ang kabuhayan: Mga 30 porsiyento ang nagtatrabaho sa bukid. Kabilang sa iba pang industriya ang pangingisda, pangangasiwa sa kagubatan, at pagmimina.

Ang pagkain: Kabilang sa pangunahing mga pananim ang palay, kakaw (o, mga butil ng kakaw), prutas na sitrus, niyog, kape, mais, balinghoy (o, kamoteng-kahoy), asukal, at iba pang mga prutas at gulay sa tropiko. Ang mga alagang hayop na kinakain ay baka, baboy, manok, at tupa. Ang pangunahing mga pagkaing-dagat ay isda at hipon.

Ang klima: Ang Guyana ay nasa tropiko na may paminsan-minsang pagbabago sa lagay ng panahon. Tumatanggap ng 150-200 sentimetro ng ulan taun-taon ang baybaying bahagi nito. Bagaman malapit sa ekwador, katamtaman lamang ang klima sa Guyana dahil sa patuloy na paghihip ng hanging amihan mula sa Karagatang Atlantiko.

[Kahon/Larawan sa pahina 143-145]

Walang Makapagpapatikom sa Kaniyang Bibig

Malcolm Hall

Isinilang: 1890

Nabautismuhan: 1915

Maikling Talambuhay: Bilang katutubo sa isla ng Leguan, isa siya sa mga naunang nangaral ng mabuting balita sa rehiyong iyon at nangalaga sa grupong naitatag doon.

Ayon sa salaysay ng kaniyang apo sa pamangkin na si Yvonne Hall.

Minsan ay sinabi ng isang opisyal ng eleksiyon sa kapatid ni Lolo: “Hindi nga ba kayo bumoboto? Kung totoo ito, ibibilanggo ka namin at kukumpiskahin namin ang iyong Bibliya.” Tinitigan siya ng kapatid ni Lolo at sumagot: “At ano naman ang gagawin mo sa aking bibig? Maititikom mo ba ang aking bibig sa pagsasabi ng katotohanang malaon nang itinatago sa inyo ng inyong mga lider ng relihiyon?” Walang naisagot ang opisyal kundi: “Babalikan kita mamaya.”

Nabautismuhan noong 1915, ang kapatid ni Lolo ay isa sa kauna-unahang mángangarál ng Kaharian sa Guyana. Siya ay “isang tunay na tagapagtaguyod ng katotohanan,” ang sabi ng isang brother. Nalaman ng kapatid ni Lolo ang katotohanan ng Kaharian noong siya’y naninirahan at nagtatrabaho sa Georgetown. Matapos mapakinggan ang isa lamang pahayag pangmadla sa Somerset House, nakilala niya agad ang katotohanan. Sa katunayan, umuwi siya at tiningnan lahat ang mga teksto sa kaniyang Bibliya.

Pagkatapos nito, umuwi siya sa Leguan at agad na nagpatotoo sa iba. Kabilang sa unang tumanggap ng mensahe ng Kaharian ay ang kaniyang dalawang kapatid na babae sa laman at ilang malalaki nang pamangking lalaki. Sila ang naging pinakapundasyon ng grupong nagpupulong sa bahay ng kapatid ni Lolo.

Noong panahong iyon, hawak ng klero sa leeg ang mga tagaisla, at talagang napakahirap mapatugon ang mga tao sa mabuting balita. Palaging sinasabi ng klero na ang kapatid ni Lolo ay “baliw at hibang sa Bibliya.” Pero hindi ito nakapagpahina ng kaniyang sigasig. Halimbawa, tuwing Linggo ng umaga ikinakabit niya ang kaniyang ponograpo sa beranda at nagpapatugtog ng mga pahayag sa Bibliya. Madalas na nakatayo ang mga tao sa kalye at nakikinig.

Nang bandang huli, malugod na ring tumugon ang ilan. Kitang-kita ito noong gabi ng Memoryal, nang mapuno ng tao ang itaas na palapag ng bahay ng kapatid ni Lolo. Siya ang tsirman, tagapagsalita, at kaisa-isang nakibahagi sa mga emblema. Isa sa kaniyang mga estudyante sa Bibliya, si Leroy Denbow, ang nagpayunir at naglingkod pa nga nang ilang panahon bilang tagapangasiwa ng sirkito.

Nang magretiro siya sa sekular niyang trabaho bilang opisyal ng barko, sa Ilog Essequibo, nagpayunir ang kapatid ni Lolo, at gumawa sa isla ng Leguan at sa kalapit nitong Wakenaam. Nagsisimula ang kaniyang araw nang 4:30 n.u., kapag ginagatasan na niya ang kaniyang mga baka at inaasikaso ang kaniyang mga baboy. Pagsapit ng 7:30 n.u., naliligo na siya at nagbibihis, nagbabasa ng teksto sa araw na iyon at ng isang talata sa Bibliya, nag-aalmusal, at pagkatapos ay naghahanda na sa ministeryo. Nakikita ko pa siyang nagbobomba ng mga gulong ng kaniyang bisikleta bago umalis. Anumang araw, nararating niya ang di-kukulangin sa 20 kilometro.

Natapos ng kapatid ni Lolo ang kaniyang makalupang landasin noong Nobyembre 2, 1985, anupat tapat na nakapaglingkod kay Jehova sa loob ng mga 70 taon. At sa buong panahong iyon, walang nakapagpatikom sa kaniyang bibig. Sa katunayan, pareho nang may kongregasyon sa Leguan Island at sa Wakenaam Island.

[Kahon/Larawan sa pahina 155-158]

Binago ang Buhay Ko ng mga Sagot sa Aking mga Tanong Noong Bata Pa Ako

Albert Small

Isinilang: 1921

Nabautismuhan: 1949

Maikling Talambuhay: Nagsimulang magpayunir noong 1953. Nag-aral sa Gilead noong 1958 kasama ang kaniyang asawang si Sheila at idinestino uli sa Guyana.

“Ginawa ka ng Diyos”​—iyan ang palaging sinasabi sa akin noong bata pa ako. Kaya nang sabihin ni Inay sa akin na ako raw ang pinakasalbahe sa kaniyang apat na anak, ikinatuwiran ko na gumawa pala ang Diyos ng tatlong mababait na anak at isang masama.

Noong mga sampung taon na ako, tinanong ko ang guro ng Sunday school, “Sino po ang gumawa sa Diyos?” Hindi ako sinagot. Gayunman, gaya ng karamihan sa mga tao noon, nang ako’y nasa hustong gulang na, umanib ako sa isang relihiyon​—ang Simbahang Presbiteryano. Pero hindi pa rin nasasagot ang karamihan sa aking mga tanong. Halimbawa, inaawit namin sa simbahan ang isang himno na ang sabi, sa isang bahagi: “Ang mayaman sa loob ng kaniyang palasyo, ang mahirap sa kaniyang trangkahan. Ginawa sila ng Diyos na mataas at mababa; siya ang nagtalaga sa kanilang katayuan.” ‘Ang Diyos nga kaya ang “nagtalaga sa kanilang katayuan”?’ ang tanong ko. Minsan ay tinanong ko ang isang ministro: “Kung ginawa ng Diyos sina Adan at Eva, saan galing ang iba’t ibang lahi?” Ang sagot niya, sa maikli, ay na alamat daw ang ulat sa Genesis.

Pagkatapos, noong Digmaang Pandaigdig II, hinimok kami na ipagdasal ang mga sundalong Britano. Ito sa wakas ang nakakumbinsi sa akin na talagang salungat sa nababasa ko sa Bibliya ang itinuturo ng aking relihiyon. Pero tinanong ko pa rin ang aking sarili, ‘Saan naman kaya ako pupunta?’ Kaya nanatili ako sa relihiyong iyon. Nang ako’y 24 na taóng gulang, pinakasalan ko si Sheila.

Isang araw, kadarating ko lamang mula sa simbahan nang dumalaw ang isang Saksi ni Jehova. Relihiyong walang impiyerno ang tawag namin noon sa mga Saksi, at wala akong panahon sa kanila. Sa mga pribadong bahay sila nagpupulong at hindi sila nagsusuot ng kasuutan ng pari. Isa pa, dahil sa ilang pangyayari sa aking buhay, pati na ang pagkakaroon ng napakabuting asawa, napagtanto kong mahal ako ng Diyos.

Nang ipakilala ng Saksi​—si Nesib Robinson​—ang kaniyang sarili, tinatagpian ko noon ang gulong ng aking bisikleta. “Butas ang gulong na ito,” ang sabi ko. “Kung Kristiyano ka, tulungan mo akong ayusin ito.” Pagkatapos ay dali-dali akong pumasok sa bahay. Nang sumunod na linggo, paglabas ko ng pinto patungo sa simbahan, hawak ang aking Bibliya, heto na si Nesib at paakyat ng hagdan. “Hindi ako interesado sa relihiyon ninyo,” ang sabi ko. “Nasa loob ang asawa ko. Siya ang kausapin mo.” At umalis na ako.

Nagsisi ako’t sinabi ko iyon, dahil sa simbahan, sa halip na makinig sa pastor, iniisip ko, ‘Kung mag-uusap si Ginoong Robinson at ang aking asawa, baka hindi na niya maihanda ang aming masarap na sopas na pang-Linggo.’ Pero hindi naman pala ako dapat mag-alala; pag-uwi ko, handa na ang sopas. Sa kagustuhan kong malaman, tinanong ko si Sheila: “Kinausap mo ba ang Ginoong Robinson na iyon?” “Oo,” ang sabi niya. “Naupo siya at nangaral habang nagluluto ako.”

Hindi nagtagal pagkaraan, tinanggap ni Sheila ang pag-aaral sa Bibliya. Isinilang din niya ang aming panganay na anak, pero patay na ito nang lumabas. Tinanong ko si Ginoong Robinson kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito. Sumagot siya na hindi ito kasalanan ng Diyos kundi bunga ng pagsuway nina Adan at Eva at ng di-kasakdalang minana natin sa kanila. Nasiyahan ako sa sagot na ito.

Madalas akong dalawin ni Nesib sa aking gawaan ng mga muwebles. Tungkol sa aking trabaho ang paksa ng aming usapan, pero sa paanuman ay naipapasok niya ang isang punto sa Bibliya bago siya umalis. Nang maglaon, hindi na namin gaanong napag-uusapan ang tungkol sa mga muwebles kundi madalas nang tungkol sa Salita ng Diyos. Isang araw, naipasiya kong itanong sa kaniya ang isa o dalawa sa mga tanong na hanggang sa panahong iyon ay gumugulo sa isip ko, sa pag-aakalang hindi rin niya masasagot ang mga ito​—tutal, hindi nga ito nasagot ng “tunay” na mga ministro.

Matapos kong igiit na kailangang salig sa Kasulatan ang isasagot ni Nesib, iniharap ko agad ang unang tanong, “Sino ang gumawa sa Diyos?” Binasa ni Nesib ang Awit 90:2 mula sa King James Version, na nagsasabi: “Bago nalabas ang mga bundok, o bago mo nilikha ang lupa at ang sanglibutan, mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Diyos.” Habang nakatingin sa akin, sinabi niya: “Nakita mo ba ang sabi rito? Walang gumawa sa Diyos; noon pa ma’y umiiral na siya.” Nagulat ako sa malinaw at makatuwirang sagot na ito. At naalis nito ang lahat ng hadlang, sapagkat nailabas ko na ngayon ang lahat ng tanong na nagpupumiglas sa aking isip sa loob ng maraming taon. Ang mga sagot ni Nesib mula sa Kasulatan, lalo na may kinalaman sa layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa, ay nagdulot ng kagalakan sa aking puso na ngayon ko lamang nadama.

Napakalaki ng naging epekto sa akin ng kauna-unahang pagdalo ko sa Kingdom Hall. Bakit? Sapagkat nagulat ako nang makita kong nakikibahagi sa pulong ang mga tagapakinig​—isang bagay na hindi ko kailanman nakita sa aming simbahan. Ang aking asawa, na hindi pa kailanman nakadalo sa pulong ay wala noon. Nang ibalita ko ito sa kaniya, ang sabi niya: “Tena, dumalo tayong dalawa.” At patuloy pa rin kaming dumadalo sa nakalipas na 55 taon!

Kami ni Sheila ay nabautismuhan sa Karagatang Atlantiko noong 1949. Nagpayunir ako noong 1953. Pagkalipas ng dalawang taon, sumama sa akin si Sheila sa isang gawain na naging 50-taóng karera sa buong-panahong paglilingkod. Noong 1958, inanyayahan kaming mag-aral sa ika-31 klase sa Gilead at idinestino uli kami sa Guyana. Naglingkod kami nang 23 taon sa gawaing paglalakbay at pagkatapos bilang mga special pioneer, ang aming pribilehiyo ng paglilingkod hanggang sa kasalukuyan. Oo, nagpapasalamat ako kay Jehova hindi lamang dahil sa pagsagot sa aking mga tanong noong bata pa ako kundi dahil na rin sa pagpapahintulot sa aming mag-asawa na makapaglingkod sa kaniya.

[Kahon/Larawan sa pahina 163-166]

“Narito Ako! Isugo Mo Ako”

Joycelyn Ramalho (dating Roach)

Isinilang: 1927

Nabautismuhan: 1944

Maikling Talambuhay: Ngayo’y biyuda na, gumugol siya ng 54 na taon sa buong-panahong paglilingkod, kasali na ang gawaing paglalakbay kasama ng kaniyang asawa.

Isinilang ako sa isla ng Nevis sa Caribbean. Ang nanay ko ay nagsosolong magulang, isang Metodista, at nars. Tinuruan niya akong maniwala sa Diyos. Dahil sa kaniyang trabaho, lumipat kami sa isang maliit na nayon sa isla. Nang sumunod na Linggo, nagsimba kami sa Metodista at naupo sa isa sa mga bangkóng may sandalan. Pero pagkalipas ng ilang minuto, sinabihan kami na dumating na raw ang “mga may-ari” ng bangkóng iyon at dapat kaming lumipat. Bagaman buong-kabaitan naman kaming pinaupo ng isang miyembro ng parokya sa “kaniyang” bangkô, nagpasiya pa rin si Inay na huwag nang bumalik sa simbahang iyon kahit kailan. Sa halip, umugnay kami sa Simbahang Anglikano.

Noong unang mga taon ng dekada ng 1940, habang dumadalaw sa isang kaibigan, nakilala ni Inay ang isang Saksi na taga-St. Kitts na nagbigay sa kaniya ng ilang literatura. Palibhasa’y napakahilig magbasa, buong-pananabik na binasa ni Inay ang mga literatura at nakilala niya ang katotohanan. Di-nagtagal, nag-asawa siya, at lumipat kaming lahat sa Trinidad. Bawal doon ang ating mga publikasyon nang panahong iyon, pero nakadadalo pa rin kami sa mga pulong sa Kingdom Hall. Di-nagtagal, pinutol na ni Inay ang kaniyang kaugnayan sa Simbahang Anglikano at naglingkod kay Jehova, gaya rin ng ginawa ng aking amain na si James Hanley.

Sa Trinidad, nakilala ko ang isang kabataang sister na nagngangalang Rose Cuffie. Hindi ko akalain na pagkalipas ng 11 taon, si Rose ay magiging isa sa aking makakapareha sa gawaing pangmisyonero. Samantala, patuloy na sumidhi ang aking hangaring maglingkod kay Jehova. Naaalaala ko pa nang magpatotoo akong mag-isa sa kauna-unahang pagkakataon. Sa unang pinto, lumabas ang may-bahay, at bigla akong napipi. Ewan ko kung gaano katagal akong nakatayo roon bago ko nabuksan ang aking Bibliya, nabasa ang Daniel 2:44, at dali-daling umalis!

Nagsimula akong magpayunir noong 1950, at pagkalipas lamang ng mahigit dalawang taon, tuwang-tuwa ako nang makatanggap ng isang paanyaya na mag-aral sa ika-21 klase ng Gilead. Tatlo sa aming klase ang naatasan sa Guyana: si Florence Thom, na taga-Guyana; si Lindor Loreilhe, kasama ko sa kuwarto; at ako. Dumating kami roon noong Nobyembre 1953 at idinestino sa Skeldon, isang bayan na mga 180 kilometro ang layo sa Georgetown, malapit sa bukana ng Ilog Courantyne. Sabik kaming hinintay ng nakabukod na grupo roon.

Karamihan ng mga tao sa Skeldon ay mula sa Silangang India at alinman sa Hindu o Muslim. Marami ang hindi nakapag-aral, kaya kapag nagpapatotoo kami sa kanila, sumasagot sila: “Bruck am up, Sista,” ibig sabihin, “Linawin mo, o pasimplehin mo lang, Sister.” Noong una, nasa pagitan ng 20 at 30 ang dumadalo sa mga pulong, pero bumaba ang bilang na iyan nang hindi na bumalik ang mga hindi naman talaga interesado.

May isang babae na sumulong hanggang sa gusto na niyang makibahagi sa paglilingkod sa larangan. Pero nang sunduin ko siya sa bahay nila sa oras na napagkasunduan namin, ang kaniyang 14-na-taóng gulang na anak na lalaki ang bihis na bihis at sabik na sabik na sumama sa akin. Ang sabi ng nanay niya: “Binibining Roach, si Frederick na lang ang isama mo.” Nang maglaon, napag-alaman namin na ang ama ng babae na isang masugid na Anglikano ay sumasalansang pala sa kaniya. Gayunpaman, ang kaniyang anak na lalaki, si Frederick McAlman, ay mabilis na sumulong sa espirituwal at pagkaraan ay nag-aral sa Gilead.​—Tingnan ang kahon sa pahina 170.

Nang maglaon ay idinestino naman ako sa Henrietta, kung saan may isang nakabukod na mamamahayag, isang brother. Ang lugar na iyon ay nasa ilalim ng pangangalaga ng Kongregasyon ng Charity. Si Rose Cuffie, na binanggit ko kanina, ang bago kong kaparehang payunir. Apat na araw kami ni Rose sa Henrietta linggu-linggo, at tuwing Biyernes naman ay maaga kaming namimisikleta nang mahigit 30 kilometro sa maalikabok na daan patungo sa Charity para dumalo sa mga pulong. May dala kaming mga groseri, pansapin, kumot, at mga kulambo.

Nagpapatotoo kami sa daan at humihinto upang magpatibay sa ilang nakabukod na mga mamamahayag at sa isang di-aktibong sister. Karaniwan nang pinag-aaralan namin Ang Bantayan kasama sila. Pagdating ng Linggo, pagbalik sa Henrietta, nagdaraos kami ng Pag-aaral sa Bantayan sa aming mga estudyante sa Bibliya bilang grupo. Hindi kami kailanman nagkaroon ng malubhang aksidente, bagaman paminsan-minsan ay nabubutasan kami ng gulong o nababasâ kapag inabot kami ng ulan.

Hindi kailanman napawi ang aming kagalakan. Sa katunayan, isang babae ang nagsabi sa amin isang araw: “Palagi kayong masaya; parang wala kayong problema.” Dagdag pa sa aming kagalakan, binigyan kami ni Jehova ng mabungang ministeryo. Maging ang di-aktibong sister na dinadalaw namin ay muling naglingkod kay Jehova. Sa ngayon pagkalipas ng mga 50 taon, nananatili pa rin siyang tapat.

Noong Nobyembre 10, 1959, pinakasalan ko si Immanuel Ramalho, isang payunir. Magkasama kaming naglingkod sa Suddie, 23 kilometro sa gawing timog ng Henrietta. Dito ako nagdalang-tao pero nakunan ako. Nakatulong ang pananatiling abala sa ministeryo upang makayanan ko iyon. Nang maglaon ay nagkaroon kami ng dalawang anak. Magkagayunman, nakapagpatuloy pa rin kami sa paglilingkod bilang mga payunir.

Noong 1995, natulog si Immanuel sa kamatayan. Magkasama kaming nakapaglingkod kay Jehova sa maraming iba’t ibang teritoryo. Nakita namin ang ilang maliliit na grupo na naging mauunlad na kongregasyon, kumpleto sa mga elder, ministeryal na lingkod, at sariling Kingdom Hall pa nga! Sampung taon din kami sa gawaing paglalakbay. Bagaman labis akong nangungulila kay Immanuel, patuloy na naging malaking kaaliwan sa akin ang maibiging suporta ni Jehova at ng kongregasyon.

Sinagot ng propetang si Isaias ang paanyaya ni Jehova sa paglilingkod sa mga salitang: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8) Nagsikap kaming mag-asawa na tularan ang magandang saloobing iyan ng propeta. Totoo, gaya ni Isaias, may mga panahong dumanas kami ng hirap at panghihina pa nga ng loob. Pero di-hamak na mas marami ang naging kagalakan namin.

[Kahon/Larawan sa pahina 170-173]

Sa Sariling Bansa ang Naging Atas Ko Mula sa Gilead

Frederick McAlman

Isinilang: 1942

Nabautismuhan: 1958

Maikling Talambuhay: Pagkatapos mag-aral sa Gilead, inatasan siyang bumalik sa Guyana. Siya at ang kaniyang asawang si Marshalind ay naglilingkod ngayon bilang mga regular pioneer.

Noong ako’y 12 taóng gulang, isang misyonera na nagngangalang Joycelyn Roach (ngayo’y Ramalho) ang nakipag-aral ng Bibliya sa aking nanay. Sumasali ako noon sa pag-uusap. Huminto si Inay sa pakikipag-aral, pero nagpatuloy ako at nagsimula nang dumalo sa lahat ng pulong. Nang 14 na taon na ako, iniangkas ako ni Sister Roach at ng kapuwa niya misyonerang sina Rose Cuffie at Lindor Loreilhe sa kanilang bisikleta para magpatotoo. Wala akong kamalay-malay na naiimpluwensiyahan na pala ako noon ng kanilang espiritu ng pagmimisyonero.

Nang magsimula akong makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, naghahanda na rin ako noon para sa aking kumpil bilang Anglikano. Minsan, tinangka ng pari na ipaliwanag sa akin ang “banal” na Trinidad. Matapos makinig sandali, tahasan kong sinabi sa kaniya na hindi ako naniniwalang nasa Bibliya ang doktrinang iyon. Bigla siyang sumagot: “Alam kong may binabasa kang mga aklat, at lason ang mga aklat na iyon. Huwag mong basahin ang mga iyon. Dapat kang maniwala sa Trinidad.” Mula noon, hindi na ako bumalik sa simbahang Anglikano pero patuloy akong nakipag-aral sa mga Saksi. Nabautismuhan ako noong 1958.

Noong Setyembre 1963, tumanggap ako ng liham mula sa tanggapang pansangay na nag-aanyaya sa akin na maglingkod bilang special pioneer. Tinanggap ko ang paanyaya. Ang bago kong atas ay ang Kongregasyon ng Fyrish sa dako ng Ilog Courantyne, at si Walter McBean ang naging kapareha ko. Magkasama kaming naglingkod sa loob ng isang taon, na ginagawa ang teritoryo paahon at palusong sa ilog. Inihanda kami nito sa aming sumunod na atas​—ang Kongregasyon ng Paraiso, na may sampung mamamahayag nang dumating kami noong 1964. Mahigit apat na taon kaming nagpayunir doon at nakita namin ang pagdami ng mamamahayag ng kongregasyon na umabot sa 25.

Noong 1969, inanyayahan akong mag-aral sa ika-48 klase ng Gilead. Nang taon ding iyon, tuwang-tuwa ako na maging panauhin ng pamilyang Bethel sa Brooklyn para madaluhan ko ang 1969 “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea. Busog na busog ako sa espirituwal nang makilala ko ang napakaraming tapat na mga kapatid! Hinding-hindi ko malilimutan nang isama kami ni Frederick W. Franz, isa sa Lupong Tagapamahala, sa kaniyang kuwarto. Pagkarami-rami niyang aklat anupat hindi ko na makita ang kaniyang kama! Ang isa pang napakahusay na estudyante ng Salita ng Diyos ay si Ulysses Glass, isa sa aming mga instruktor sa Gilead. Naririnig ko pang sinasabi niya: “Ang saligang simulain ng magandang pagsulat at pagtuturo ay ang pagiging tumpak, maikli, at malinaw.”

Inaamin kong nalungkot ako nang malaman kong sa Guyana ang destino ko. Para sa akin, ang Guyana ay tahanan ko na, hindi isang atas sa banyagang bansa. Gayunman, may-kabaitan akong kinausap nang sarilinan ni Brother Glass at tinulungan akong baguhin ang aking pangmalas sa mga bagay-bagay. Ipinaalaala niya sa akin na ang pag-aaral sa Gilead ay isa na mismong napakalaking pribilehiyo at na maaaring ipadala ako sa isang lugar sa Guyana na maituturing na banyaga para sa akin. Totoo nga naman, dahil idinestino ako sa Kongregasyon ng Charity sa dako ng Ilog Pomeroon. Lima pa lamang noon ang mamamahayag sa Charity.

Kami ng aking kaparehang si Albert Talbot ay halos walang karanasan sa paglalakbay sa ilog, kung kaya napilitan kaming mag-aral ng pagsagwan sa aming bangka. Parang madali lang ito, pero tinitiyak ko sa iyo, hindi ito madali. Kung hindi mo isasaalang-alang ang agos at hangin, hindi ka makaaalis sa puwesto mo o kaya’y magpapaikut-ikot ka na lamang doon. Mabuti na lamang, may mahuhusay na tumulong sa amin, at ang isa sa pinakamagagaling naming tagapagturo ay isang sister na tagaroon mismo.

Sa loob ng sampung taon, sagwan at malalakas na braso ang gamit namin sa paglalakbay. Hanggang sa may isang tagaroon na nag-alok na ibenta sa kongregasyon ang isang motor, pero kulang ang pambayad namin. Kaya makikini-kinita mo ang tuwa namin nang makatanggap kami ng isang tseke mula sa tanggapang pansangay para lamang mabili iyon. Malamang na nabalitaan ng ilang kongregasyon ang pangangailangan namin at gusto nilang makatulong. Nang maglaon, nakabili pa kami ng ibang mga bangka, na pinanganlan naming Kingdom Proclaimer na may kasunod na numero upang matukoy ang bawat bangka.

Matapos kong makasama ang iba’t ibang kapareha sa pagpapayunir, nakilala ko ang isang makakasama ko habambuhay, si Marshalind Johnson, isang special pioneer na nakadestino sa Kongregasyon ng Mackenzie. Kilalang-kilala sa Guyana ang kaniyang nasirang ama na si Eustace Johnson, palibhasa’y naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito sa loob ng mga sampung taon bago siya mamatay. Ngayon, bilang mga regular pioneer, kami ni Marshalind ay may kabuuang 72 taon ng buong-panahong paglilingkod, kasali na ang 55 taon bilang mga special pioneer. Sa loob ng panahong iyan ay nagpalaki kami ng anim na anak.

Pinagpala rin ni Jehova ang aming mga pagsisikap sa ministeryo. Halimbawa, noong unang mga taon ng dekada ng 1970, habang nagpapatotoo sa kahabaan ng Pomeroon, nakilala namin ang isang medyo nasa kabataan pang sastre na pumayag mag-aral ng Bibliya. Talagang mahusay siyang estudyante. Hinimok namin siya na sauluhin ang mga pangalan ng mga aklat ng Bibliya. Hindi lamang niya nasaulong lahat ang mga ito sa loob ng isang linggo kundi nasasabi rin niya ang mga pahina nito! Mula noon, silang mag-asawa at ang pito sa kanilang siyam na anak ay naging mga Saksi na rin, at kaming dalawa ay naglilingkod bilang mga elder sa Charity. Malamang na hindi kailanman dumating sa akin ang mga pagpapalang ito kung hindi dahil sa magandang halimbawa ng masisigasig na naunang mga misyonerang iyon.

[Kahon/Larawan sa pahina 176-177]

Nag-aral Ako ng Salita ng Diyos sa Pamamagitan ng Koreo

Monica Fitzallen

Isinilang: 1931

Nabautismuhan: 1974

Maikling Talambuhay: Dahil nakabukod siya, mag-isa niyang pinag-aralan ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng koreo at malawakang nagpatotoo sa mga kapuwa niya Amerindiano. Ngayong bulag na siya, isinasaulo niya ang mga tekstong ginagamit sa ministeryo.

Nakatira ako sa isang reserbasyon para sa mga Amerindiano na tinatawag na Waramuri, na nasa dako ng Ilog Moruka, sa hilagang-kanluran ng distrito ng Guyana. Nang malaman ko ang katotohanan sa Bibliya noong unang mga taon ng dekada ng 1970, ang pinakamalapit na kongregasyon ay ang Charity, sa dako ng Ilog Pomeroon. Labindalawang oras ang layo nito sakay ng bangka.

Nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova noong namimili ako sa Charity. Inalok ako ni Frederick McAlman ng Ang Bantayan at Gumising! Tinanggap ko ang mga ito, iniuwi, at itinago sa isang baul, anupat tumagal doon nang dalawang taon. Nang maglaon ay nagkasakit ako, pansamantalang naratay, at labis na nanlumo. Noon ko naalaala ang mga magasin. Binasa ko ang mga ito at agad kong nakilala ang taginting ng katotohanan.

Nang panahong iyon, naghahanap ng trabaho ang aking asawang si Eugene at nagpasiyang maglakbay sa ilog patungong Charity. Pagaling na ako, kaya sumama ako sa kaniya. Pero ang pangunahing dahilan ng pagsama ko ay para makakita ng mga Saksi ni Jehova. Hindi ko na kinailangang lumayo pa; isang babaing Saksi ang dumalaw mismo sa bahay na tinutuluyan namin. “Isa ka ba sa mga namimigay ng Bantayan?” tanong ko. Nang sumagot siya ng oo, itinanong ko yaong lalaking nakilala ko sa palengke dalawang taon na ang nakalilipas. Hinanap niya agad si Frederick McAlman, na nagkataong kasama ng isang grupo ng mga mamamahayag na gumagawa sa karatig na teritoryo.

Pagbalik ng dalawa, ipinakita ni Brother McAlman ang paraan ng pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Pumayag akong makipag-aral. Yamang kailangan na naming umuwi ni Eugene, nakipag-aral ako sa pamamagitan ng koreo. Dalawang aklat ang pinag-aralan ko sa gayong paraan​—ang aklat na Katotohanan at ang “Mga Bagay na Doo’y Hindi Maaaring Magsinungaling ang Diyos.” Habang pinag-aaralan ko ang aklat na Katotohanan, opisyal akong nagbitiw sa Simbahang Anglikano at naging di-bautisadong mamamahayag. Lumiham sa akin ang pari, na sinasabi: “Huwag kang makinig sa mga Saksi ni Jehova. Mababaw lamang ang pagkaunawa nila sa Bibliya. Darating ako at pag-usapan natin ito.” Pero hindi na siya dumating.

Bilang kaisa-isang mamamahayag sa reserbasyon, ibinahagi ko ang aking bagong-tuklas na kaalaman sa aking mga kapitbahay. Nagpatotoo rin ako sa aking asawa, na​—natutuwa akong sabihin​—nabautismuhan isang taon pagkatapos ko. Sa ngayon, isa si Eugene sa aming 14 na lokal na mamamahayag.

Nitong nakalipas na mga taon, nabulag ako dahil sa glaucoma at katarata, kaya ngayon ay isinasaulo ko ang mga tekstong ginagamit sa ministeryo. Gayunpaman, nagpapasalamat ako kay Jehova dahil nakapaglilingkod pa rin ako sa kaniya.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 181-183]

Ibinigay ni Jehova sa Akin ‘ang mga Kahilingan ng Aking Puso’

Ruby Smith

Isinilang: 1959

Nabautismuhan: 1978

Maikling Talambuhay: Bilang isang katutubong Carib, gumanap siya ng mahalagang papel sa pangangaral ng mabuting balita sa Baramita, isang reserbasyon para sa mga Amerindiano sa interyor ng Guyana.

Una kong nakilala ang mga Saksi ni Jehova noong 1975. Ako noon ay 16 na taóng gulang. Nakatanggap si Lola ng isang tract galing sa kaniyang anak-anakan at ipinasalin niya ito sa akin, dahil hindi siya makabasa ng Ingles. Palibhasa’y namangha ako sa mga pangako mula sa Bibliya na tinalakay sa tract, pinunan ko ang kupon at ipinadala ito sa tanggapang pansangay. Nang dumating ang inorder kong mga publikasyon, pinag-aralan ko ang mga ito at ipinakipag-usap sa iba ang tungkol sa mga natutuhan kong mga katotohanan sa Kasulatan. Inuna kong kausapin ang aking lola at tiyahin. Nakalulungkot sabihin, tutol si Itay sa aking ginagawa.

Di-nagtagal, nagpatotoo na rin ang aking lola at tiyahin. Bilang pagtugon, pumupunta sa aming bahay ang ilang taganayon upang matuto pa nang higit tungkol sa Bibliya. Samantala, habang mas marami na akong nababasa, lalo ko namang napag-iisip-isip na kailangan ko nang gumawa ng mga pagbabago sa aking buhay upang mapaluguran si Jehova. Kabilang dito ang pagtatapat sa aking ama na may ninakaw ako sa kaniyang talyer at pakikipagbati sa isa sa aking mga kapatid. Pagkatapos ng maraming panalangin, pareho ko itong nagawa.

Samantala, nagsaayos ang tanggapang pansangay na madalaw ng special pioneer na si Sheik Bakhsh ang aming lugar. Pero hindi puwedeng magtagal si Brother Bakhsh, kaya siya at ang isa pang brother, si Eustace Smith, na naging asawa ko nang maglaon, ay nagdaos ng pakikipag-aral sa akin sa pamamagitan ng koreo.

Noong 1978, pumunta ako sa Georgetown para sa “Matagumpay na Pananampalataya” na Kombensiyon. Pagdating ko sa lunsod, dumeretso ako sa tanggapang pansangay upang ipaalam na gusto ko nang magpabautismo. Isinaayos nila na repasuhin sa akin ni Albert Small ang mga tanong na tinatalakay ng mga elder sa mga gustong magpabautismo. Tuwang-tuwa ako dahil pagbalik ko sa Baramita, isa na akong bautisadong lingkod ni Jehova!

Palibhasa’y lipos ng kasigasigan, agad akong nagpakaabala sa pangangaral. Marami ang naging interesado, kaya hinilingan ko ang ilan sa kanila na magtayo ng isang simpleng dako ng pagsamba. Doon, bawat Linggo, isinasalin ko sa wikang Carib ang wikang Ingles na Ang Bantayan. Pero tutol si Itay sa mga ginagawa ko at nagpumilit na manatili ako sa bahay tuwing Linggo. Kaya lihim kong inirerekord sa cassette tape ang mga artikulo, at pinatutugtog naman ito ng isa sa aking mga kapatid sa mga pulong. Nang panahong iyon, mga 100 ang regular na dumadalo.

Di-nagtagal, lumipat ang aming pamilya sa Georgetown dahil sa negosyo, at si Lola naman ay lumipat sa Matthews Ridge. Nanatili ang tiyahin ko sa Baramita pero huminto na siya sa pamamahagi ng mabuting balita sa iba. Kaya pansamantalang nahinto ang gawaing pang-Kaharian doon.

Sa Georgetown, personal kong nakilala si Eustace Smith, at di-nagtagal, nagpakasal kami. Bagaman hindi marunong magsalita ng wikang Carib si Eustace, gusto pa rin naming dalawa na bumalik sa Baramita upang linangin ang interes doon. Noong 1992, natupad ang aming pangarap. Pagdating namin doon, nagpakaabala kami sa ministeryo at nag-organisa ng mga pulong. Di-nagtagal, ang dumadalo ay umabot na sa mga 300!

Nag-organisa rin kami ng isang klase sa pagbasa’t pagsulat na ginaganap pagkatapos ng Pag-aaral sa Bantayan. Ang aming panganay na si Yolande ay tumulong sa mga leksiyon. Nang simulan niya ito, siya’y 11 taóng gulang at isang di-bautisadong mamamahayag. Sa ngayon, siya at ang isa pa naming anak na babae, si Melissa, ay naglilingkod bilang mga regular pioneer.

Noong 1993, biniyayaan ni Jehova ang Baramita ng isang Kingdom Hall. Pinaglaanan din niya kami ng “kaloob na mga tao” na nakapagsasalita ng Carib at nakapangunguna sa kongregasyon. (Efe. 4:8) Simula noong Abril 1, 1996, kami ay naging Kongregasyon ng Baramita. Nagagalak din akong ibalita na kabilang sa kongregasyong ito ang aking nanay, lola, at halos lahat ng aking mga kapatid. Oo, ibinigay ni Jehova sa akin ‘ang mga kahilingan ng aking puso.’​—Awit 37:4.

[Larawan]

Kami ni Eustace sa ngayon

[Chart/Graph sa pahina 148-149]

GUYANA—TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI

1900: Nagsimulang basahin at pag-usapan ng mga indibiduwal ang Zion’s Watch Tower at iba pang mga publikasyong salig sa Bibliya.

1910

1912: Nagbigay si E. J. Coward ng mga pahayag sa daan-daang tagapakinig sa Georgetown at New Amsterdam.

1913: Inupahan ang isang kuwarto sa Somerset House bilang dakong pulungan. Ginamit ito hanggang 1958.

1914: Itinatag ang kauna-unahang tanggapang pansangay sa Georgetown.

1917: Dahil sa panggigipit ng klero, ipinagbawal ng pamahalaan ang ilang publikasyon.

1922: Inalis ang pagbabawal. Dumalaw si George Young.

1940

1941: Ipinagbawal Ang Bantayan at Consolation (ngayo’y Gumising!).

1944: Ipinagbawal ang lahat ng publikasyon ng mga Saksi ni Jehova.

1946: Inalis ang pagbabawal noong Hunyo. Dumating ang mga kauna-unahang misyonero ng Gilead.

1950-1959: Ipinalabas sa buong Guyana ang pelikulangThe New World Society in Action.

1960: Bumili ang sangay ng bahay at lupa sa Georgetown. Ang naroroon nang mga gusali ay ginawang sangay at tahanan ng mga misyonero.

1967: Nalampasan ang bilang na 1,000 mamamahayag.

1970

1988: Inialay ang bagong sangay na nasa dati nang lote.

1995: Natapos ang kauna-unahang Kingdom Hall na mabilisang itinayo.

2000

2003: Inialay ang kasalukuyang sangay na nasa bagong lote.

2004: 2,163 mamamahayag ang aktibo sa Guyana.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

2,000

1,000

1910 1940 1970 2000

[Mga mapa sa pahina 141]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

GUYANA

Baramita

Hackney

Charity

Henrietta

Suddie

GEORGETOWN

Mahaicony

Soesdyke

Bartica

Yaruni

New Amsterdam

Mackenzie

Wismar

Skeldon

Berbice

Orealla

Lethem

Essequibo

Demerara

Berbice

Courantyne

VENEZUELA

BRAZIL

SURINAME

[Buong-pahinang larawan sa 134]

[Larawan sa pahina 137]

Si Evander J. Coward

[Larawan sa pahina 138]

Ang Somerset House sa Georgetown, Guyana, na naging dakong pulungan ng kongregasyon mula 1913 hanggang 1958

[Larawan sa pahina 139]

Si George Young

[Larawan sa pahina 146]

Sina Frederick Phillips, Nathan Knorr, at William Tracy, 1946

[Larawan sa pahina 147]

Noong Hunyo 1946, inilabas ang proklamasyong ito na opisyal na nag-aalis ng pagbabawal sa ating literatura sa Guyana

[Larawan sa pahina 152]

Sina Nathan Knorr, Ruth Miller, Milton Henschel, Alice Tracy

(dating Miller), at Daisy at John Hemmaway

[Larawan sa pahina 153]

Si John Ponting

[Larawan sa pahina 154]

Sina Geraldine at James Thompson na naglingkod sa Guyana sa loob ng 26 na taon

[Larawan sa pahina 168]

Pagpapatotoo bilang grupo sakay ng bangka

[Larawan sa pahina 169]

Pangangaral sa kahabaan ng Ilog Moruka sakay ng “Kingdom Proclaimer III”

[Larawan sa pahina 175]

Sina Jerry at Delma Murray

[Larawan sa pahina 178]

Ibinabahagi nina Frederick McAlman at Eugene at Monica Fitzallen ang mabuting balita sa isang Amerindiano na nagkukumpuni ng kaniyang bangka

[Larawan sa pahina 184]

Pansirkitong asamblea sa Baramita, 2003

[Larawan sa pahina 185]

Marami sa distrito ng Baramita ang tumugon sa katotohanan sa Bibliya

[Larawan sa pahina 186]

Pagpapatotoo sakay ng bangka

[Larawan sa pahina 188]

Sina Sherlock at Juliet Pahalan

[Larawan sa pahina 191]

Guyana​—“paraiso ng mga payunir”

[Larawan sa pahina 194]

Ang Kingdom Hall sa Orealla, Guyana

[Larawan sa pahina 197]

Ang dating tanggapang pansangay sa 50 Brickdam, Georgetown, natapos noong 1987

[Larawan sa pahina 199]

Komite ng Sangay, mula kaliwa pakanan: Edsel Hazel, Ricardo Hinds, at Adin Sills

[Larawan sa pahina 201]

Ang bagong-tayong sangay sa Guyana