Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Iceland

Iceland

Iceland

Kapag naririnig natin ang bansang Iceland, naiisip natin agad ang yelo, niyebe, at mga “igloo.” Lalo nating naiisip na malamig nga doon kapag tumingin tayo sa mapa. Iilang tao lamang ang naninirahan sa dulong hilaga ng Iceland. Aba, ang hilagang gilid ng islang bansang ito ay halos nakadikit na sa Arctic Circle!

Pero ang totoo, hindi naman ganoon kalamig sa Iceland na gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan at lokasyon nito. Dahil sa mainit na agos ng karagatan na nanggagaling sa medyo gawing hilaga ng ekwador, nagiging mas katamtaman ang klima rito kaysa sa inaasahan. Walang mga igloo rito. Napakamoderno ng Iceland, at ang mga tao ay nakatira sa matitibay na bahay na may heater, gamit ang enerhiya o init mula sa ilalim ng lupa.

Ang Iceland ay isang lupain na kakikitaan ng malalaking pagkakaiba-iba. Sa kalagitnaan ng taglamig, ilang oras lamang sumisilip ang araw sa maghapon. Bagaman madalas na nagkakabuhay naman ang mahahaba at madidilim na gabi dahil sa kahanga-hangang mga ilaw sa hilaga, o aurora borealis, halos parang ayaw na talagang magpakita ng araw. Pero bawing-bawi naman ito kung tag-init dahil sa tuluy-tuloy na liwanag ng araw sa loob ng ilang buwan. Sa pinakadulong hilaga ng bansa, ilang linggong nananatili ang araw sa abot-tanaw. Makikita mo roon ang araw sa hatinggabi.

Ang Iceland ay tinatawag na lupain ng yelo at apoy, isang angkop na paglalarawan. Ang halos ikasampung bahagi ng bansa ay mga glacier. May apoy rin dito​—ang Iceland ay isang lugar na aktibo ang mga bulkan at sumisingaw ang init mula sa ilalim ng lupa. Marami nang bulkan ang pumutok dito, at nitong nakalipas na mga siglo, may mga pumuputok tuwing ikalima o ikaanim na taon sa katamtaman. Napakarami rin ditong maiinit na bukal.

Ang bansang ito na iilan lamang ang mamamayan ay may likas na kagandahan at mayaman sa maiilap na hayop-gubat. Ang sariwang hangin, kahanga-hangang mga talon, baku-bakong kabundukan, at malawak na iláng ay umaakit ng maraming panauhin. Kapag nagsisimula na ang tagsibol, nagbabalikan ang mga nandayuhang ibon sa kanilang pantag-araw na tirahan sa mga dalisdis sa baybayin at sa mga latian. Kabilang sa mga ibong ito ang arctic tern na nakararating taun-taon sa Antartiko na nasa kabilang dulo ng lupa. Makikita naman sa mga gilid ng bangin at baybayin ang mga puffin, eider, at mga golondrinang dagat. Nanginginain ang mga tupa sa parang, at ang maliliit at malalakas na bisiro sa Iceland ay pagala-gala naman sa kabundukan. Kapag nagsisimula na ang tag-araw, nagbabalikan ang libu-libong salmon, anupat naglalanguyan at naglulundagan sa mga ilog at mga talon upang mangitlog.

Ang 290,570 naninirahan sa Iceland ay inapo ng mga Viking, na nakipamayan doon mahigit na 1,100 taon na ang nakalilipas. Karamihan sa mga nakipamayang ito ay galing sa Norway, at ang wika nila ay Old Norse, na pinagkunan ng wikang Icelandic. Dahil sa malakas na impluwensiya ng pamanang pampanitikan at sa kalayuan ng bansa, naingatan ang kanilang wika. Dahil dito, nababasa pa ng mga tao sa ngayon ang matatandang kuwento, na ang karamihan ay isinulat noong ika-13 siglo. Ipinagmamalaki ng mga taga-Iceland ang kanilang wika, at ayaw na ayaw nilang magpapasok ng mga salitang banyaga.

Ang karamihan sa mga sinaunang nakipamayan ay mga “pagano,” at nito na lamang mga huling taon ng ikasampung siglo tinangkang kumbertihin sa “Kristiyanismo” ang mga taga-Iceland. Di-nagtagal bago matapos ang siglong iyon, nakumberte ang ilang prominenteng lider na taga-Iceland, at noong taóng 1000, hiniling ng Althing, parlamento ng Iceland, sa isa sa pangunahing mga lider ng paganong relihiyon na husgahan ang dalawang relihiyon. Di-inaasahan, nagpasiya siya na isang relihiyon lamang ang dapat sundin, yaong “Kristiyano.” Waring tinanggap naman ito nang walang gaanong pagtutol. Pero ayon sa kaniyang utos, puwede namang lihim na sambahin ng mga tao ang mga paganong diyos at ipagpatuloy ang mga paganong kaugalian. Bagaman mas batay sa mga isyung pulitikal kaysa relihiyoso ang desisyon, maaaring naging dahilan ito ng independiyenteng kaisipan ng mga taga-Iceland at ng pagiging liberal nila sa mga isyung panrelihiyon.

Sa ngayon, mga 90 porsiyento ng populasyon ang kabilang sa Evangelical Lutheran Church, na siyang opisyal na relihiyon sa Iceland. Bagaman halos lahat ng bahay ay may Bibliya, iilan lamang ang naniniwalang Salita ito ng Diyos.

Nakarating sa Iceland ang Mabuting Balita

Sa pagsisimula ng ika-20 siglo, maraming taga-Iceland ang dumayo sa Canada, ang isang dahilan ay upang matakasan ang kahirapan bunga ng mga pagputok ng bulkan at ng matinding lamig. Doon unang nakarinig ang ilan ng tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Isa na rito si Georg Fjölnir Lindal. Di-nagtagal matapos ialay ang kaniyang buhay sa Diyos na Jehova, nagpayunir siya. Marunong si Brother Lindal ng wikang Icelandic, kaya noong 1929, nang 40 anyos na siya, ipinasiya niyang lumipat sa Iceland. Nang dumating siya sa Reykjavík noong Hunyo 1 ng taóng iyon, siya ang kauna-unahang nangaral ng mabuting balita sa Iceland.

Naghintay si Brother Lindal nang tatlong buwan bago nakarating ang unang padala sa kaniya na literatura, pero pagdating na pagdating nito, nagsimula na siyang magpatotoo sa lahat ng nasa bansang iyon. Sa pagtatapos ng Oktubre 1929, nakapamahagi na siya ng 800 kopya ng The Harp of God sa wikang Icelandic. Noon ay sumulat siya: “Mula nang dumating ako rito, nakapangaral na ako sa ilang bayan na mga 11,000 ang populasyon. Ang kabuuang populasyon ng Iceland ay mga 100,000 o mahigit pa nang kaunti, kaya may mga 90,000 pang dapat pangaralan. Matagal-tagal ding panahon ang kailangan bago malibot ang lahat ng teritoryo rito dahil napakahirap maglakbay. Ang Iceland ay bulubunduking bansa na putul-putol ang baybayin, walang riles ng tren, at may iilan lamang na puwedeng daanan ng kotse, kaya malimit ay naglalakbay ako sakay ng bangka.”

Walang mababakas na daíng sa ilang sulat-kamay na liham na nakasalansan sa isang lumang polder na may nakaistensil na “Iceland.” Sa liham ding iyon ng 1929, isinulat ni Lindal: “Tuwang-tuwa akong ikuwento ang isang nakapagpapatibay na karanasan ko kamakailan. Nagkaroon ako ng pagkakataong balikan ang isang lugar na napuntahan ko na. Nakausap ko ang ilang tao na bumili ng mga aklat noong unang pumunta ako roon. Ang sabi ng isang lalaki: ‘Dalawang ulit ko nang nabasa ang Harp at binabasa ko uli ito sa ikatlong pagkakataon. Magandang aklat ito. Salamat at dumalaw ka rito.’ Ang sabi naman ng isa pa: ‘Nandito ka pala uli. Napakaganda ng aklat na iyon. Bakit hindi ninyo ilathala ang lahat ng aklat ni Judge Rutherford sa wikang Icelandic?’ Sinabi ko sa kaniya na marami sa mga ito ang makukuha sa wikang Danes. Ang sabi niya: ‘Ipadala mo sa akin lahat ng mayroon ka, oo, pati mga tomo ni Pastor Russell, para marami akong mapag-aralan sa darating na taglamig.’ Nagpasalamat din ang iba dahil sa mga aklat. Salamat sa Diyos sa pagpapahintulot sa akin na madala ang mensahe ng katotohanan sa mga taong handang makinig.”

Isang napakalaking trabaho para sa isang indibiduwal na puntahan ang lahat ng tao sa islang ito, na mahigit sa kalahati ng sukat ng Inglatera. Ang Iceland ay umaabot nang mga 300 kilometro mula hilaga hanggang timog at mga 500 kilometro naman mula silangan hanggang kanluran. Ang baybayin, pati na ang mga fjord at mga ilug-ilugan, ay halos 6,400 kilometro ang haba. Gayunman, nalibot ni Brother Lindal ang buong isla sa loob ng sampung taon, habang nangangaral ng mabuting balita at namamahagi ng literatura. Naglakbay siya sa kahabaan ng baybaying-dagat sakay ng bangka, at nang pumunta siya sa mga bukirin sa ilaya, gumamit siya ng dalawang bisiro, ang isa ay para sakyan niya at ang isa naman ay para sa kaniyang mga literatura at dala-dalahan. Ayon sa mga kapatid na nagkapribilehiyong makasama niya nang ilang taon bago siya umalis sa Iceland, si Brother Lindal ay isang deboto at seryosong kapatid, mahiyain at walang-imik, isang taong hindi masalita. Matikas ang tindig​—matangkad​—halos masyadong malaki para sa maliliit na bisiro sa Iceland na ginagamit niya sa paglalakbay. Kung minsan kapag walang bisiro, kayang-kaya niyang buhating mag-isa ang kaniyang mga aklat at mga dala-dalahan.

Walang kamalay-malay si Brother Lindal, nang pasimulan niya ang kaniyang misyon sa Iceland noong 1929, kung gaano kahirap at kung gaanong pagtitiis at pagtitiyaga ang kakailanganin upang mabuksan ang isip ng mga tao. Sa loob ng halos 18 taon, si Brother Lindal lamang ang nag-iisang Saksi sa Iceland. Sa kabila ng kaniyang pagpapagal, wala siyang nakitang sinuman na nanindigan para sa Kaharian. Noong 1936, sumulat siya: “Sa panahong inilagi ko rito, nakapagpasakamay ako sa mga tao ng mga 26,000 hanggang 27,000 aklat. Marami na ang nakabasa ng mga ito. Parang ayaw talaga ng ilan sa katotohanan, pero ang karamihan ay nanatiling walang pakialam.”

May ilan din namang natuwa sa mensaheng dinala niya sa kanila. Halimbawa, isang may-edad nang lalaki ang tumanggap ng kopya ng The Harp of God. Nang bumalik si Brother Lindal pagkalipas ng ilang buwan, nakausap niya ang anak na babae ng matandang lalaki at sinabi sa kaniya na nagustuhan ng kaniyang tatay ang aklat at puspusang pinag-aralan iyon bago ito mamatay. Bilang pagsunod sa isang paganong kaugalian, hiniling pa nga niya na ilagay sa kaniyang kabaong ang aklat kapag namatay siya, na ginawa naman nila.

Ang mahaba’t nagsosolong pamamalagi ni Brother Lindal sa Iceland ay natapos noong Marso 25, 1947, nang magdatingan ang mga nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead. Nagpatuloy siya sa paglilingkod doon hanggang sa umuwi siya sa Canada noong 1953. Pagkalipas ng 16 na taon, naisipan ni Páll Heine Pedersen, naglilingkod noon bilang special pioneer sa Iceland, na maglakbay patungong Winnipeg, Canada, upang makipagkita kay Brother Lindal at upang marinig mismo sa kaniya ang tungkol sa gawain niya sa Iceland, dahil noong panahong iyon, ang mga misyonerong nakasama ni Brother Lindal sa Iceland ay wala na sa bansa. Habang nagbabakasyon sa Estados Unidos, naglakbay si Brother Pedersen sakay ng bus patungong Winnipeg. Pagdating doon, nabalitaan niyang natapos na ni Brother Lindal ang kaniyang makalupang landasin nang umagang iyon. Buong-katapatang naglingkod si Brother Lindal kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan.

Higit Pang Manggagawa Para sa Pag-aani

Noong 1947, nagsimula ang isang bagong yugto ng pangangaral ng mabuting balita nang dumating ang mga unang misyonero ng Gilead na parehong taga-Denmark. Ang isa sa kanila ay si Leo Larsen. Dalawa pang misyonero ang dumating noong Disyembre 1948: sina Ingvard Jensen na taga-Denmark at Oliver Macdonald na taga-Inglatera. Ipinagpatuloy ng mga bagong mang-aaning ito ang gawain ni Brother Lindal at namahagi sila ng napakaraming literatura. Kapag taglamig, ginagawa nila ang loob at palibot ng Reykjavík, at kapag panahon ng maiikling tag-init, nangangaral sila sa mga teritoryo sa kabukiran sa kahabaan ng baybaying-dagat. Partikular na naaalaala pa ni Ingvard Jensen ang isang paglalakbay nila para mangaral. Isinulat niya: “Noong unang tag-init ko sa Iceland, sumama ako sa isa sa mga misyonero sa paglalakbay patungong kabukiran. Karaniwan nang sumasakay kami sa bus o bangka patungo sa napiling teritoryo, dala ang mga bisikleta, tolda, sleeping bag, literatura, at mga pagkain. Kaya isang gabi, naglayag kami patungo sa bayan ng Stykkishólmur sa kanlurang baybayin, at dumating kami kinahapunan ng sumunod na araw. Plano naming dalawin ang lahat ng bahay sa bayan at pagkatapos ay mamisikleta patungo sa bayan ng Borgarnes, mga 100 kilometro ang layo. Isang ferry boat ang tumatawid mula roon hanggang Reykjavík araw-araw. Maayos naman sa pasimula ang paglalakbay namin. Kalagitnaan noon ng Hunyo, at maaraw. Noong unang gabi, pumasok na kami sa aming mga sleeping bag matapos gumawa sa isang bahagi ng bayan. Pero nang gabing iyon, ginaw na ginaw pa rin kami kahit nasa loob na kami ng aming mga sleeping bag, at kinabukasan natuklasan namin kung bakit: Sampung sentimetro pala ng niyebe ang bumagsak nang gabing iyon! Hindi naman kami puwedeng umuwi dahil isang linggong walang biyahe ng bangka. Kaya kinailangang sundin na lamang namin ang aming iskedyul, gawin ang bayan, at mamisikleta sa isang daanan sa bundok patungo sa susunod na bayan, habang ginagawa ang mga nadaraanang bukirin.”

Narating nila ang Borgarnes pagkalipas ng apat na araw, matapos sagasain sakay ng bisikleta ang ambon ng yelo, ulan, at mga bugso ng hangin na umaabot sa 110 kilometro bawat oras. Gayunman, sulit pa rin kahit masungit ang panahon dahil sa pambihirang kabaitan ng nadaraanan nilang mga magsasaka, na palaging nag-aalok sa kanila ng kape at anumang makakain. Naaalaala pa ni Brother Jensen na walo hanggang sampung ulit silang kumakain sa isang araw! Ang sabi niya: “Nararamdaman kong sásamâ ang loob ng mga tao kapag hindi namin pinagbigyan ang kanilang mabait na alok, at pagkakataon na rin ito para sa amin na lubusan silang mapatotohanan tungkol sa nakatatag nang Kaharian ni Jehova.”

Sa loob ng unang tatlong taóng pagmimisyonero sa Iceland, nakapagpasakamay ang mga kapatid ng mahigit 16,000 kopya ng literatura. Gayunman, hindi kasindami ng naipasakamay na literatura ang pagdalaw-muli at ang mga pag-aaral​—agad na tinatanggap ng mga tao ang literatura pero hindi naman tumutugon sa mensahe. Halimbawa, si Brother Larsen at ang kaniyang asawang si Missie​—na dumating mula sa Denmark noong 1950 para pakasalan si Leo​—ay pumunta sa silangang baybayin, at ginawa nila ang mga bayan ng Höfn, Eskifjördhur, Neskaupstadhur, at Seydhisfjördhur. Sa nakapapagod na biyaheng ito, nakapagpasakamay sila ng 300 aklat at mga ganoon din karaming buklet. Nag-imprenta ng mga bookmark na may maikling mensahe mula sa Kasulatan at adres ng mga misyonero sa Reykjavík at isiningit sa lahat ng aklat. Lahat ng kumuha ng literatura ay inanyayahang sumulat para sa higit pang impormasyon tungkol sa katotohanan​—pero walang sumulat kahit isa.

Noong 1952, napagpasiyahang mas dapat bigyan ng atensiyon ang teritoryo sa hilagang baybayin. Kaya noong Hunyo ng taóng iyon, si Oliver Macdonald at ang kaniyang asawang si Sally, na dumating mula sa Inglatera noong 1949 para pakasalan siya, ay idinestino sa Akureyri bilang mga special pioneer. Napaharap sila roon sa malupit na pag-uusig mula sa isang grupo ng Plymouth Brethren na pinangungunahan ng Britanong konsul ng bayan. Marami siyang tagasunod, at ang iba’y nakinig sa kaniya nang batikusin niya ang mga Saksi sa mga lektyur at mga lathalain. Bagaman hindi sanay ang mga payunir sa gayong pagsalansang sa Reykjavík, walang-takot nilang hinarap ang pagbatikos, anupat patuloy pa rin sila sa kanilang gawain at sinasamantala ang bawat pagkakataon na masagot ang mga maling akusasyon. Inilathala pa nga ng ilang pahayagan ang kanilang mga sagot.

Bukod sa paggawa sa bayan, nagbiyahe rin ang mga payunir sa malalayong lugar, na nagpapasakamay ng literatura at pinagpapakitaan ng pangkaraniwang kabaitan subalit walang masumpungang sinuman na may tunay na interes sa mensahe ng Kaharian. Bumalik sina Brother at Sister Macdonald sa Reykjavík noong Hulyo 1953, pero bago sila umalis sa Akureyri, nagtanim muna sila ng mga binhi ng katotohanan, na tutubo pagdating ng panahon.

Nailatag ang Pundasyon

Pagkalipas ng 27 taóng pagtatanim at pagdidilig, sa wakas ay nakita rin ng mga kapatid sa Iceland ang mga bunga ng kanilang pagpapagal. Maaga noong 1956, pitong baguhan ang nanindigan para sa Kaharian at nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova. Hanggang sa panahong iyon, karamihan sa mga nagpakita ng interes sa katotohanan ay hindi nakapanindigang matatag ukol dito. Isang eksepsiyon dito si Iris Åberg, sister na taga-Inglatera na nang maglaon ay umalis ng bansa. Pitong baguhan sa ngayon ang nabautismuhan, at nailatag ang isang matibay na pundasyon. Pero pagsapit ng taóng 1957, ang mga misyonero at mga payunir na nagpagal nang husto upang matibay na maitatag ang katotohanan ay umalis na sa Iceland, na ang karamihan ay dahil sa kalusugan.

Kaya noon mismong 1957, isang special pioneer na sister​—si Edith Marx, na dumating mula sa Denmark noong taóng bago nito​—ang naiwan sa maliit na kongregasyong ito. Kinailangan ang mga mang-aani upang tumulong sa grupo, na biglang naiwan ng mga tumulong sa mga baguhan na matutuhan ang katotohanan at maging matatag ukol dito. Pero hindi naman nagtagal, dumating ang mga special pioneer mula sa Denmark, Sweden, at Alemanya. Bukod diyan, lumipat sa Iceland ang maraming mamamahayag at payunir upang makibahagi sa pangangaral ng Kaharian. Mula noon, nagpatuloy na ang pagsulong, paunti-unti ngunit tuluy-tuloy.

Kakambal ng pagsulong ang kapana-panabik na mga pangyayari, kabilang na ang regular na mga pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito at mga taunang pandistritong kombensiyon. Kinailangan ang higit pang literatura sa wikang Icelandic. Ang unang magasing Bantayan sa wikang Icelandic ay ang isyu ng Enero 1, 1960. Ito ang lubos na nagpasigla sa gawain. Laking kagalakan nga ng mga kapatid na ialok ang publikasyong ito sa mga taga-Iceland sa kanilang sariling wika! At tunay ngang nakapagpapatibay ng pananampalataya para sa mga kapatid mismo na makinabang mula sa maiinam na espirituwal na pagkain buwan-buwan! Nang ipatalastas sa isang pansirkitong asamblea sa Reykjavík na ilalathala na sa wikang Icelandic Ang Bantayan, isang malaking replika ng magasin ang idinispley sa likod ng tagapagsalita. Gayon na lamang ang palakpakan ng mga kapatid sa bagong regalong ito mula kay Jehova!

Nagugunita pa ni Brother Pedersen na nang dumating siya sa Iceland noong Oktubre 1959, ang buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian” ang nag-iisang publikasyon sa wikang Icelandic na nagagamit noon sa larangan, at marami nang tagaroon ang mayroon nito. Inialok naman ng mga mamamahayag Ang Bantayan at Gumising! sa wikang Aleman, Danes, Ingles, o Sweko sa mga nakababasa ng isa sa mga wikang ito. Bagaman marami ang nakaiintindi ng isa sa mga wikang ito, mas nakinabang sila nang mabasa nila Ang Bantayan sa kanilang sariling wika. Nagkaroon ng malaking epekto sa pangangaral ang publikasyong ito sa wikang Icelandic. Ang 41 mamamahayag at payunir ay nakakuha ng 809 na suskrisyon at nakapagpasakamay ng 26,479 na magasin noong taóng iyon ng paglilingkod. Nakita rin ng mga kapatid ang pagdami ng mga pag-aaral sa Bibliya.

Isa pang mahalagang pangyayari ang naganap nang itatag ang tanggapang pansangay noong Enero 1, 1962. Ang Iceland ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng sangay ng Estados Unidos at bago nito ay nasa ilalim ng sangay ng Denmark. Pagkatapos, noong 1969, nakamit ng mga Saksi ni Jehova ang legal na pagkilala at naparehistro ito sa Ministry of Justice and Ecclesiastical Affairs. Ang mga Saksi ngayon sa Iceland ay mayroon na ring mga karapatan na gaya ng sa lahat ng iba pang denominasyon at awtorisado na rin silang magkasal at mangasiwa ng mga libing.

Pagsalansang ng Klero

Noong buwang iyon nang itatag ang sangay, naranasan ng mga kapatid ang pagsalansang ng klero. Isang umaga, ipinatalastas sa mga ulong-balita ng isang pangunahing pahayagan na ang obispo ng pambansang simbahan ay nagpalabas ng isang buklet na nagbababala laban sa mga Saksi ni Jehova, anupat pinapayuhan ang mga tao na huwag makinig sa kanila. Ang pamagat ng buklet ay Vottar Jehóva​—advörun (Mga Saksi ni Jehova​—Isang Babala). Sinubaybayan ng ibang mga pahayagan ang istoryang ito. Inilathala ng Vísir, ang nangungunang pahayagang panghapon, ang panayam sa isang brother na naglilingkod sa tanggapang pansangay. Ipinaliwanag ng artikulong iyon ang aming pangmalas, at di-nagtagal ay sumunod na rin ng paglalathala ang iba pang mga pahayagan. Isang napakalaking patotoo ang naibigay sa ganitong paraan, at nabatid ng maraming tao ang aming gawain. Sumulat ang ilang mambabasa bilang pagsuporta sa mga Saksi, at inilathala ang mga ito sa mga pahayagan. Lumaban ang obispo, at nagpalathala ng “sagot” sa amin. Gayunman, sa isang buong-pahinang artikulo sa pinakamalaking pahayagan na Morgunbladid, ipinaliwanag na mabuti ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang gawain at mga paniniwala.

Ang buklet na naglalaman ng babala ay ipinamahagi sa buong bansa. Dahil dito, nagkaroon ng napakalaking publisidad ang mga Saksi ni Jehova, at tumagal nang maraming taon ang epekto nito sa aming gawain sa teritoryo. Dahil sa lahat ng publisidad na ito, nag-ulat ang isa sa mga pahayagan: “Naging tagapag-anunsiyo ng mga Saksi ni Jehova ang obispo.” Naging popular ang bayan ni Jehova, kahit sa mga liblib na lugar man ng bansa na hindi pa napangangaralan ng mga Saksi. Bagaman may mga sumunod sa payo ng obispo, ang naging karaniwang reaksiyon ng karamihan ay ang mag-usisa. Pero sa hilaga, sa Akureyri, nagkaroon ng pagsalansang. May mga pagkakataong binabato ng mga kabataan sina Heinrich at Katherine Karcher, mga payunir doon. Pagkalipas ng ilang taon, muling ipinamahagi ng iba pang salansang na relihiyon sa Akureyri ang buklet na galing sa obispo, anupat muli itong inimprenta sa kanilang lugar. Gayundin ang ginawa ng mga Pentecostal sa Reykjavík, sa pag-aakalang mapahihinto nila o mahahadlangan ang aming pangangaral.

Ang mga Hamon ng Pag-oorganisa ng mga Kombensiyon

Ang mga asamblea at kombensiyon ay palagi nang nagdudulot ng kagalakan sa bayan ng Diyos sa Iceland. Kahit na kakaunti lamang ang mga mamamahayag, nag-oorganisa pa rin ng mga asamblea ang mga kapatid. Ginanap ang kauna-unahang asamblea noong Hulyo 1951, nang ang dalawang brother​—si Percy Chapman mula sa Canada at si Klaus Jensen mula sa Brooklyn​—ay dumalaw sa Iceland habang patungo sa sunud-sunod na asambleang gaganapin sa Europa noong tag-init na iyon. Bagaman mabibilang lamang sa daliri ang mga mamamahayag sa Iceland noon, ang pinakamataas na bilang ng dumalo sa asamblea ay 55. Pagkalipas ng pitong taon, ginanap ang sumunod na asamblea noong Hunyo 1958, dalaw ng tagapangasiwa ng sona na si Filip Hoffmann, at 38 ang nakinig sa pahayag pangmadla. Mula noon, taun-taon nang idinaraos ang mga asamblea at kombensiyon.

Si Fridrik Gíslason ay isa sa ilang kapatid na nagkaroon ng bahagi sa mga programa ng kombensiyon noong dekada ng 1950. Ikinuwento niya: “Natatandaan ko pa noong ako ang nangangasiwa sa Food Service Department sa unang mga asamblea. Ako mismo ang gumagawa ng karamihan sa trabaho at bukod dito, hindi na bago sa akin ang pagkakaroon ng tatlo o apat na bahagi sa programa araw-araw. Habang nagtatrabaho sa kusina, suot ko ang epron. Kapag nagmamadali ako patungo sa bulwagan para magpahayag, isinusuot ko na ang aking amerikana, bagaman kung minsan ay kailangang ipaalaala sa akin ng mga kapatid na alisin ko ang epron. Sa ngayon, mayroon na kaming 400 hanggang 500 dumadalo sa mga asamblea, at marami nang mahuhusay na elder ang kuwalipikadong humawak ng mga bahagi sa programa.”

Ang nakapananabik at nakapagtuturong tampok sa mga pandistritong kombensiyon ay ang mga drama sa Bibliya. Pero palibhasa’y iilan lamang ang mamamahayag sa Iceland, ang mga drama ay pinakikinggan na lamang. Tumulong ang sangay ng Denmark upang gawing realistiko ang mga drama sa pamamagitan ng de-kolor na mga slide na maisasabay sa tunog. Subalit kailangan pa rin ang malaking paghahanda para sa mga drama. Una, kailangan muna itong isalin sa wikang Icelandic. Pagkatapos ay inirerekord ito gamit ang boses ng mga kapatid na nagsasalita ng katutubong wika. Bukod diyan, idinaragdag ang musika at mga sound effect mula sa mga tape na Ingles. Ang ilan ay kailangang gumanap ng iba’t ibang papel, anupat iniiba ang kanilang boses ayon sa karakter na ginagampanan nila. Nang maglaon, itinatanghal na ang ilang drama suot ang kumpletong kostiyum.

Ang kauna-unahan, isang drama tungkol kay Reyna Esther, ay itinanghal sa pandistritong kombensiyon noong 1970. Buong pananabik na pinaghandaan ng mga kapatid ang proyektong iyon at buong-sipag na inensayo ang drama. Isang bagong karanasan ang pagsusuot ng mga damit na gaya niyaong ginamit noong panahon ng Bibliya at ang pagdirikit ng balbas sa mukha ng mga brother. Inilihim nila na magkakaroon ng pagtatanghal ng drama sa kombensiyon. Ito’y naging isang malaking sorpresa. Sa maliliit na kombensiyon, na halos lahat ay magkakakilala at malapit sa entablado, sinikap ng ilan na kilalanin kung sino ang gumaganap ng aling papel. Pagkapanood ng drama, isang sister ang nagsabi: “Akalain mo, isang brother lamang ang nakilala ko sa drama, yaong gumanap ng papel ni Haring Nabucodonosor!” Sinabi niya ang pangalan ng brother at nagulat siya nang malaman na mali pala siya. Tunay na pinahalagahan ng mga kapatid ang pagpapagal ng napakaraming indibiduwal upang maiharap ang programa sa maliliit na kombensiyon at asamblea. Nakinabang ang lahat sa napakagagandang aral mula sa mga dramang itinanghal sa kanilang sariling wika.

Nagdudulot ng Kagalakan ang mga Internasyonal na Kombensiyon

Sa nakalipas na mga taon, nasiyahan din ang mga kapatid sa Iceland sa pagdalo sa mga kombensiyon sa ibang mga bansa. Limang delegado mula sa Iceland ang nagkapribilehiyong dumalo sa Banal na Kalooban na Internasyonal na Asamblea sa New York noong 1958. Marami ang dumalo sa Nagkakaisang mga Mananamba na Asamblea sa Europa noong 1961 at sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asamblea noong 1963. Ang iba naman ay nagtamasa ng pakikipagsamahan sa mga kapatid mula sa maraming bansa sa “Banal na Tagumpay” na Internasyonal na Asamblea noong 1973. Mahigit sandaang mamamahayag mula sa Iceland ang dumalo sa “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea sa Copenhagen, Denmark, Agosto 5-10, 1969. Ito ang pinakamalaking grupo mula sa Iceland na dumalo sa isang internasyonal na kombensiyon sa banyagang lupain. Noong tag-init na iyon, 80 porsiyento ng mamamahayag sa Iceland ang nangibang bansa para dumalo sa kombensiyon.

Dahil napakarami mula sa Iceland ang nagplanong dumalo sa kombensiyon noong 1969, isinaayos ng sangay ng Denmark na magkatabi-tabi sa upuan ang mga kapatid na taga-Iceland. Tuwing umaga, bago magsimula ang sesyon, nagkikita-kita muna ang mga kapatid na taga-Iceland sa kanilang seksiyon kung saan pinag-uusapan nila ang sumaryo ng programa sa kanilang sariling wika.

Kabilang sa mga dumalo sa kombensiyong ito ay isang binatang nagngangalang Bjarni Jónsson. Anak siya ng isang abogadong may-ari ng gusali sa Reykjavík na inuupahan ng mga kapatid bilang tahanan ng mga misyonero at tanggapang pansangay. Walang gaanong alam si Bjarni tungkol sa katotohanan, at ang layunin niya sa pagsama sa mga kapatid patungong Copenhagen ay hindi upang dumalo sa kombensiyon. Paano ito nangyari?

Si Kjell Geelnard, lingkod ng sangay noon, ay may ilang bagay na ipinakikipag-usap sa tatay ni Bjarni. Nabanggit ni Kjell sa kaniya ang tungkol sa internasyonal na asamblea sa Copenhagen at ang tungkol sa grupo ng mga kapatid na nagpaplanong dumalo. Nang marinig ito ng abogado, itinanong niya kung puwedeng isama sa grupo ang kaniyang panganay na lalaki. Sinabi niya kay Brother Geelnard na katatapos lang ng kaniyang anak sa haiskul, at gusto sana niyang makapagbiyahe ito sa ibang bansa, kaya tamang-tama ang Copenhagen. Naisip ni Kjell na magandang ideya ito at sinabi niya sa abogado na kung gustong dumalo ni Bjarni sa asamblea para makita kung ano ang nagaganap doon, puwedeng magsaayos ng matutuluyan niya sa Copenhagen. Dahil natuwa sa kaniyang narinig, tinanong ng abogado ang kaniyang anak kung gusto nitong sumama sa grupo ng mga Saksi ni Jehova na dadalo sa asamblea. Sumang-ayon naman agad ang anak.

May nakipag-ugnayan sa Rooming Department upang ihanap si Bjarni ng matutuluyan sa Copenhagen. Nakakita ang mga kapatid ng lugar para sa kaniya sa isang pamilya ng mga Saksi. Isang delegadong Amerikano na makakasama sana sa kuwarto ng isang brother na taga-Iceland na nagngangalang Jakob ang nagkansela ng kaniyang reserbasyon, kaya napunta kay Bjarni ang kaniyang puwesto. Pero sa di-malamang dahilan, hindi dumating si Jakob. Si Bjarni lamang ang pumunta sa tuluyan. Dahil hindi naman nabanggit ng Rooming Department sa nagpatulóy na pamilya na si Bjarni ang kapalit ng brother na Amerikano, inakala nila na ang bisita nila ay si Jakob.

Gaya ng nakagawian na kapag nagkikita-kita ang mga kapatid mula sa magkakaibang lugar, nagkukuwentuhan sila ng mga karanasan. Nagtaka ang mga kapatid na taga-Denmark nang mapansin nilang walang gaanong masabi si “Jakob.” Medyo nalilito naman si Bjarni kapag tinatawag siyang Jakob ng mga nagpatulóy sa kaniya. Inisip niya na yamang ang Jakob ay isang pangalan sa Bibliya, baka kaugalian lamang ng mga Saksi ni Jehova na gamitin ang mga pangalan sa Bibliya sa pag-uusap. Nagliwanag lamang ang lahat nang makilala ng isa sa mga kapatid na nasa bahay na tinutuluyan ni Bjarni ang isang taga-Denmark na brother na nagpapayunir noon sa Iceland. Tinanong niya ang brother na ito kung si “Jakob” ba ay baguhan sa katotohanan dahil wala siyang gaanong masabi tungkol sa gawain sa Iceland. Ipinaliwanag ng taga-Denmark na brother na si “Jakob” ay mismong si Bjarni, isang estudyanteng taga-Iceland na kasamang naglakbay ng mga kapatid patungong Copenhagen. Ang mga nagpatulóy kay Bjarni ay nagpakita ng pagkagiliw sa kaniya at inanyayahan siyang manatili pa nang isang linggo habang namamasyal siya sa Denmark. Naantig ang puso ni Bjarni sa kabaitang ito.

Sa katunayan, dumalo si Bjarni sa asamblea. At bagaman wala siyang kaalam-alam tungkol sa katotohanan upang makinabang nang lubos sa programa, lubha siyang napahanga sa kaniyang nakita at narinig. Pagbalik niya sa Iceland, siya at ang kanilang pamilya ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Maganda ang naging pagsulong ni Bjarni sa katotohanan at nabautismuhan noong 1971. Naglingkod siya bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Iceland mula 1979.

Si Svanberg Jakobsson ay maraming taon nang tagapagsalin sa sangay sa Iceland at siya na ngayon ang tagapangasiwa sa Departamento ng Pagsasalin. Bilang isang kabataang mamamahayag, dumalo siya sa “Banal na Tagumpay” na Internasyonal na Asamblea sa London, Inglatera, noong 1973. Ikinuwento niya: “Naaalaala ko pa kung gaano ako natuwa nang makita ko ang libu-libong kapatid na humuhugos patungong istadyum ng kombensiyon. Nabighani ako nang makita ko ang maraming kapatid mula sa Aprika, habang lahat ay nakasuot ng kanilang makukulay na tradisyonal na kasuutan. Isang di-malilimot na karanasan ang makasama ng sampu-sampung libong mga kapatid, makinig sa programa kasama nila, umawit na kasama nila, manalanging kasama nila, kumaing kasama nila, at mapabilang man lamang sa kanila.”

Si Sólborg Sveinsdóttir, nabautismuhan noong 1958, ay anim na araw na naglakbay patungong Denmark sakay ng barko kasama ang apat sa kaniyang mga anak upang dumalo sa kombensiyon sa Copenhagen noong 1961. Kabilang si Sólborg sa isang maliit at nakabukod na grupo sa Keflavík. Ano kaya ang naging epekto sa kaniya ng pagdalo sa isang malaking internasyonal na kombensiyon? Ang sabi niya: “Kikilabutan ka kapag narinig mo ang mahigit 30,000 kapatid na nagkakaisa sa pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian sa limang wika​—antig na antig ang puso ko. Ang lahat ay organisadung-organisado.”

Malaking gastos ang maglakbay patungo sa mga internasyonal na kombensiyon, pero nadama ng mga kapatid na sulit na sulit naman ito. Ang pagdalo sa ganitong kahanga-hangang espirituwal na piging na inihanda ni Jehova at mapabilang sa libu-libong iba pa na magkakatulad ang pananampalataya ay isang pagpapala.

Dumalaw ang Isang Espirituwal na “Weyter”

Marami ang lumipat sa Iceland upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Para sa kanilang lahat, ang paglipat na ito ay nangangahulugan ng mahaba at mahirap na pagpupunyagi na matuto ng masalimuot na wikang Icelandic. Gayunpaman, ang di-pagkakaunawaan sa wika kung minsan ay nagiging pagpapala. Halimbawa, isang araw, nagbabahay-bahay si Heinrich Karcher at ipinakikilala niya ang kaniyang sarili bilang isang ministro, o lingkod. Sa isang bahay, isang babae ang nagbukas ng pinto, at pagkatapos na pagkatapos niyang magpakilala, pinatuloy siya nito. Mali ang pagkakaintindi ng babae kung sino siya dahil sa wikang Icelandic ang ibig sabihin ng salitang iyon ay “lingkod” at “weyter.” Ang buong akala ng babae ay katrabaho ito ng asawa niyang weyter sa isang otel doon. Alam ng babae na parating na ang kaniyang asawa, kaya naisip niyang patuluyin ang inakala niyang katrabaho nito na gustong makipagkita rito. Mangyari pa, nagkatawanan na lamang sila nang magkaintindihan na sila.

Dumating ang asawa ng babae, at ang aming espirituwal na “weyter” ay naghain sa mag-asawa ng isang masarap na espirituwal na pagkain, na talagang nagustuhan nila. Pinababalik pa nga nila si Heinrich at ipinasasama ang kaniyang asawa. Di-nagtagal, naitatag ang regular na pag-aaral sa Bibliya at nagsimula nang magpatotoo sa iba ang mag-asawang interesado. Kahit sa panahon ng trabaho sa otel doon, nakikipag-usap ang kabataang weyter sa lahat ng gustong makinig. Nang maglaon, nabautismuhan ang mag-asawa. Natutuwa sila dahil dumalaw ang espirituwal na “weyter” na ito sa kanila at nagpapatotoo pa rin ito kahit sa banyagang wika.

Sa nakalipas na mga taon, napakaraming nakatatawang pangyayari dahil sa di-pagkakaintindihan kapag nag-aaral pa lamang ng wika ang mga banyagang kapatid. Halimbawa, di pa natatagalan pagdating niya sa Iceland, pinaghandaan ni Sally Macdonald ang sasabihin niya sa kaniyang pambungad: “Dumadalaw po ako sa mga tao rito sa inyong komunidad upang ibahagi sa kanila ang ilang kawili-wiling bagay mula sa Bibliya.” Pero napagpalit niya ang salitang dumadalaw (heimsækja) sa salitang inuusig (ofsækja) at nakangiting sinabi: “Inuusig ko po ang mga tao sa inyong komunidad.”

Pagbabahay-bahay Kasama ang Isang Ministrong Luterano

Sa loob ng maraming taon, naglingkod sina Holger at Tove Frederiksen na taga-Denmark bilang mga special pioneer sa Iceland, at pansamantalang naglingkod sa gawaing paglalakbay. Bagaman naging mahirap kay Tove na matuto at maging bihasa sa wikang Icelandic, marami pa rin siyang naakay sa katotohanan dahil sa kaniyang sigasig at sigla.

Minsan habang naglilingkod sa sirkito, kasama ni Holger ang isang kabataang mamamahayag sa pagbabahay-bahay sa isang maliit na nayon. Nagulat sila nang sumama sa kanila ang ministrong Luterano na tagaroon. Paano kaya ito nangyari?

Ilang sandali bago nito, dinalaw nila ang ministro sa kaniyang bahay. Mukha naman itong palakaibigan at pinapasok sila sa kaniyang opisina. Nang masulyapan ng ministro ang mga aklat na iniaalok nila, sinabi niya, “Puro maling turo ang laman ng mga aklat na ito!” Pagkatapos ay bigla siyang tumayo, itinaas ang dalawang kamay, at ipinahayag sa kanila ang sumpa ng Diyos. “Pinagbabawalan ko kayong mangaral dito sa aking parokya!” ang sigaw niya. Sinabi ni Holger sa ministro na wala itong karapatan na pigilan silang mangaral at na itutuloy nila ang kanilang pangangaral. Saka sinabi ng ministro, “Kung itutuloy ninyo ang pangangaral sa mga tao rito sa aking parokya, sasama ako sa inyo.” Sinabi ni Holger sa kaniya na malugod nila siyang pasasamahin.

Pagkatapos silang sundan ng ministro sa dalawang bahay na pinakamalapit sa bahay nito, nasalubong nila si Tove at isa pang sister, na nagulat nang makita ang kasama nila sa pagbabahay-bahay. Inanyayahan silang lahat ngayon ng ministro sa kaniyang bahay para magkape. Naging maganda ang kanilang pag-uusap. Inisip ni Holger na ang bigla at di-inaasahang kabaitan ng ministro ay maaaring sinadya para hindi na sila makapangaral sa lahat ng nasa teritoryo. Kaya kinabukasan, bumalik sila at gumawa sa buong nayon, habang nagpapasakamay ng maraming literatura at nakakausap ang maraming gustong makinig.

Pinigil ng Pagguho ng mga Yelo

Ang pangangaral sa mga nakatira sa bukid ay karaniwan nang nangangailangan ng pagbibiyahe sa mayeyelong daan sa bundok na natatakpan ng mga bunton ng natangay na mga niyebe kapag mga buwan ng madilim na taglamig. Noong Disyembre 1974, habang nasa gawaing paglalakbay, dinalaw nina Kjell at Iiris Geelnard ang Akureyri, sa hilagang baybayin. Sa loob ng isang linggong pagsama nila sa kongregasyon doon, nagbiyahe sila nang mahigit 80 kilometro patungo sa bayan ng Húsavík. Isinama nila sina Holger at Tove Frederiksen. Silang apat ang gumawa nang ilang araw sa teritoryo sa loob at palibot ng Húsavík at tinapos nila ang dalaw sa pamamagitan ng isang pahayag pangmadla kasabay ng pagpapalabas ng slide sa isang paaralan. Nang magsimula ang pulong, dumating ang isang bagyo na may dalang pagkalamig-lamig na hangin, niyebe, at ambon ng yelo. Pagkatapos ng pulong, habang tinitipon na ng mga dumalo ang kanilang mga gamit para umuwi, ang buong bayan ay nagdilim nang mawalan ng kuryente dahil sa bagyo ng niyebe. Madilim ang paligid nang umalis ang mga kapatid sa paaralan, subalit lahat ay masaya dahil naipalabas na ang slide bago pa ito nangyari.

Kailangan nang bumalik ang mga Geelnard at Frederiksen sa Akureyri. Nagtanong sila sa mga pulis doon at sa ilang tsuper ng bus at trak tungkol sa kalagayan ng daan at tiniyak sa kanila na wala namang gaanong problema noong maaga pa. Kaya ipinasiya nilang umalis agad, pero natagalan sila sa pag-iimpake sa tulong lamang ng liwanag ng kandila. At nang magpagasolina sila, minanu-mano lamang ng tagapagkarga ang pagbomba ng gasolina. Sa wakas ay handa na silang umalis nang mga alas nuwebe ng gabi.

Ganito inilarawan ni Kjell ang paglalakbay: “Noong una, ayos lamang ang lahat, pero pakapal nang pakapal ang niyebe. May mga pagkakataon na hindi na namin makita ang daan anupat kinailangan pang bumaba ng kotse si Holger para ituro sa amin ang daan sa tulong ng plaslayt. Maya-maya ay nabalaho naman kami sa bunton ng mga niyebe. Ilang beses kaming nakaahon sa mga niyebe sa pamamagitan ng pagtulak at paggamit ng pala, pero nang bandang huli pinigil kami ng isang napakalaking pader ng niyebe. Natuklasan namin na galing pala ito sa gumuhong yelo sa bundok sa itaas. Kung walang bagyo, dalawang oras lamang ang biyahe mula Húsavík hanggang Akureyri, pero noon ay anim na oras na kami sa daan at nasa kalahatian pa lamang kami.

“Naroroon kami nang alas tres ng umaga​—basa, pagod, at giniginaw. Isip-isipin na lamang ang aming tuwa nang mapansin namin ang nakabukas na mga ilaw sa karatig na bukid. Dahil dito, lumakas ang loob namin na pumunta roon at kumatok sa pinto. Si Holger, isang magalang at makonsiderasyong tao, ang kumatok sa harapang pinto. Nang walang sumasagot, binuksan niya ito, pumanhik, at marahang kumatok sa kuwarto. Bagaman nagulat, mahinahong humarap ang magsasaka at ang kaniyang asawa. Ipinaliwanag nilang natulog na sila nang mawalan ng kuryente at nalimutan na nilang patayin ang mga ilaw!

“Noon namin naranasan ang halimbawa ng kagandahang-loob ng mga taga-Iceland na nakapagpapataba ng puso. Inilipat ng magsasaka at ng kaniyang asawa ang natutulog nilang mga anak sa kabilang kuwarto upang kaming apat ay magkaroon ng dalawang kuwartong matutulugan, at maya-maya lamang, mayroon nang mainit na kape at masarap na tinapay sa hapag-kainan. Kinaumagahan pagkaalmusal, pinilit kami ng magsasaka na doon na mananghalian. Pagkapananghalian namin kasalo ng pamilya, nagpatuloy na kami sa aming biyahe patungong Akureyri dahil nakayod na noon ng dalawang malaking panudsod ang mga yelo sa daan. Dahil sa kagandahang-loob ng magsasaka at ng kaniyang asawa, nagkaroon kami ng pagkakataong ipakipag-usap sa kanila ang katotohanan sa Bibliya.”

Pangangaral Sakay ng Barkong Pamalakaya

Ilang taon na ang nakalipas, may nakilala si Kjell Geelnard na isang binata sa ministeryo sa larangan. Ang pangalan niya ay Fridrik. Bilang panganay sa pamilya, siya’y palaisip sa espirituwal at mahilig makipag-usap tungkol sa Bibliya. Marami siyang tanong at nagpakita ng matinding interes sa pagkuha ng kaalaman tungkol sa Bibliya. Pero mahirap siyang matagpuang muli, yamang isa siyang inhinyero sa barkong pamalakaya. Madalas siya sa laot, at ilang araw lamang siya sa bahay kapag walang biyahe. Subalit sa pamamagitan ng pagtingin sa iskedyul ng barko at pagtatanong sa nanay ni Fridrik kung kailan ito uuwi, naisasaayos ni Kjell na magkita sila, kung minsan sa daungan at kung minsan naman ay sa bahay. Sa gayon, natulungan siya ng mga kapatid na sumulong sa espirituwal.

Sa pagtatapos ng 1982, inanyayahan si Fridrik sa isang asamblea sa Reykjavík. Nagsisimula na noong sumulong ang pananampalataya niya kay Jehova, at nanalangin siyang sana’y mabuksan ang daan para makadalo siya. Nagkataon naman na biglang nagbago ang isip ng isa sa kaniyang mga tauhan na binigyan ng bakasyon mula sa pangingisda. Nagbukas ito ng daan kay Fridrik na malibre sa trabaho at makadalo sa asamblea. Gayon na lamang ang paghanga ni Fridrik sa programa, at ngayo’y kumbinsido na siya na talagang gusto na niyang maglingkod kay Jehova.

Pagbalik ni Fridrik sa sariling bayan, sinabi niya sa kaniyang kasintahan ang pasiya niya at sa magiging epekto nito sa kaniyang buhay. Sinabi ni Fridrik sa kaniya na siya ang gusto niyang mapangasawa pero kung hindi siya makapapayag na maging asawa ng isang Saksi ni Jehova, dapat lamang na makipagkalas ang kaniyang kasintahan sa kanilang sumpaan. Kinabukasan, may kumatok sa pinto ng tahanan ng mga misyonero. Nasa labas si Fridrik at ang kaniyang kasintahan. Maikli pero matatag na sinabi ni Fridrik: “Gustong mag-aral ni Helga ng Bibliya!” Kaya isinaayos ng mga misyonero na pagdausan ng pag-aaral si Helga. Kinahapunan ng araw ring iyon, humiling din ng pag-aaral sa Bibliya ang isa sa mga nakababatang kapatid na lalaki ni Fridrik. Nang linggo ring iyon, isinama ni Fridrik ang bunso niyang kapatid na babae sa pulong at sinabi: “Gustong mag-aral ni Unnur ng Bibliya!”

Gusto nang sagisagan ni Fridrik ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pero kailangan muna niyang pasulungin ang kaniyang kaalaman at saka repasuhin ang mga tanong para sa bautismo. Ang problema ay palagi siyang nasa laot. Kung hindi madadalaw ni Kjell si Fridrik sa kanilang bahay, posible siguro sa pinagtatrabahuhan nito. Ang solusyon? Kinuha ni Fridrik si Kjell na magtrabahong kasama niya sa lugar na kinaroroonan ng makina ng barkong pamalakaya. Noong unang mga buwan ng 1983, dala ang Bibliya at materyal sa pag-aaral, sumakay si Kjell sa barkong pamalakaya na Svalbakur.

“Isang di-malilimot na karanasan ang pagtatrabaho at paglilingkod sakay ng Svalbakur,” nagugunita pa ni Kjell. “Ang araw ng trabaho ay nagsisimula nang 6:30 n.u. at natatapos nang 6:30 n.g. Sa tanghali, nanananghalian kami, at may meryenda sa umaga at sa hapon. Kapag hindi oras ng trabaho, nag-aaral kami ni Fridrik, at marami akong pagkakataong makapagpatotoo sa iba pang mga trabahador. Ang mga gabi ay ginugugol namin sa pag-aaral at pag-uusap sa mga paksang may kinalaman sa espirituwal na mga bagay. Kung minsan, madaling araw na kami kung matulog. Tuwing tanghalian, nagmamadali kami sa pagkain sa silid-kainan upang mapag-usapan namin ang pang-araw-araw na teksto sa cabin ni Fridrik.”

Mangyari pa, napansin ng mga kalalakihan sa barko na katrabaho na rin nila ngayon ang isang misyonero. Noong unang ilang araw, maingat ang mga kalalakihan kay Kjell, dahil hindi nila alam kung ano ang gagawin niya. Pero may ilang trabahador na sabik na nakinig sa sinasabi ni Kjell. Isa sa kanila ang nagpakita ng malaking interes, at nang mabalitaan niya ang pag-uusap tungkol sa pang-araw-araw na teksto sa panahon ng tanghalian, gusto niyang sumali rito. Isang araw, nang napapahaba na ang usapan sa silid-kainan, nainip siya at sinabi kina Kjell at Fridrik kaharap ang iba pa: “Hindi pa ba tayo aakyat para basahin na ang pang-araw-araw na teksto?”

Isang gabi, inanyayahan nina Kjell at Fridrik ang mga trabahador sa cabin ni Fridrik upang pag-usapan ang materyal sa magasing Gumising! tungkol sa alkoholismo. Pito sa mga trabahador ang dumating sa di-malilimot na pulong na ito, at napabalita sa iba pang mga trabahador ng ibang barkong pamalakaya ang tungkol sa pulong na ito.

“Pagkatapos ng halos dalawang linggong paglilingkod at pagtatrabaho sakay ng Svalbakur, nakarating uli kami sa daungan,” ang sabi ni Kjell. “Natapos na namin noon ni Fridrik ang mga tanong sa bautismo, bukod pa sa pagsusuri naming dalawa sa maraming iba pang paksa sa Bibliya, pagpapatotoo sa iba pang mga trabahador, at pagpapasakamay ng mga magasin at literatura sa kanila.” Nabautismuhan si Fridrik noong tagsibol ng 1983. Ang kasintahan ni Fridrik na si Helga; ang kaniyang nanay; at ang kaniyang kapatid na babae ay pawang nanindigan sa katotohanan.

Mga Pag-aaral sa Pamamagitan ng Telepono

Noon pa man, isang hamon na ang pangangaral ng mabuting balita sa mga nakatira sa malalayong lugar sa malaking islang ito. Naging mabisang kasangkapan ang telepono upang maabot at patuloy na makausap ang interesadong mga tao.

Marami ang nakinabang sa paraang ito ng pangangaral ng mabuting balita. Ilang taon na ang nakalipas, dinalaw ng isang babaing nagngangalang Oddný Helgadóttir ang kaniyang anak na lalaki at manugang, na nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Nang ikuwento nila sa kaniya ang kanilang natututuhan, gusto na rin niyang makipag-aral ng Bibliya. Pero si Oddný ay nakatira sa malayong lugar sa hilagang-kanluran ng baybayin ng Iceland, mahigit 300 kilometro mula sa pinakamalapit na kongregasyon. Nang mag-alok ang isang sister, si Gudrún Ólafsdóttir, ng pakikipag-aral sa kaniya sa pamamagitan ng telepono, malugod siyang pumayag. Pagkapanalangin, madaling nasasagot ni Oddný ang mga tanong sa aralin na nakatala sa aklat. Sa kaniyang masusing paghahanda sa pag-aaral, isinusulat ni Oddný ang binabanggit na mga teksto upang mabasa niya agad kapag tinutukoy ang mga ito. Sa gayon, hindi na niya kailangang hanapin pa ang mga teksto sa panahon ng pag-aaral. Minsan, sa bahay nina Gudrún sila nag-aral nang dumalaw si Oddný sa lugar nila. Pareho silang medyo asiwa, dahil noon lamang sila makapag-aaral nang harapan, kaya pabirong iminungkahi ni Gudrún na pumunta siya sa katabing kuwarto na may isa pang telepono!

Nang maunawaan ni Oddný ang katotohanan, nagsimula na siyang magpatotoo sa kaniyang asawang si Jón. Nang magpakita ito ng interes, nag-alangan siya kung angkop bang siya ang magdaos dito ng pag-aaral. Napag-alaman niyang puwede naman siyang mangasiwa sa pag-aaral pero dapat siyang maglagay ng lambong habang pinangangasiwaan ito. Bukod sa pakikipag-aral sa kaniyang asawa, nagpatotoo rin siya sa mga kapitbahay. Sumunod, sinabi niyang gusto na niyang magpabautismo. Isinaayos ni Gudrún na repasuhin sa kaniya ng isang elder sa telepono ang mga tanong sa aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, upang malaman kung kuwalipikado na siya. Kitang-kita namang kuwalipikado na siya maliban sa isang bagay: Hindi pa siya pormal na nagbibitiw sa kanilang simbahan.

Pagkalipas ng halos isang linggo, tinawagan ni Oddný si Gudrún para sabihing nagbitiw na siya sa simbahan. Gayundin ang ginawa ng kaniyang asawa. Isa itong malaking desisyon para sa asawa niya, dahil matagal na itong tsirman ng konseho ng parokya roon. Nang dakong huli, nabautismuhan si Oddný sa pansirkitong asamblea. Ang asamblea ay naging isang magandang karanasan para sa kaniya dahil minsan pa lamang siyang nakasama ng isang maliit na grupo ng mga Saksi bago nito. Sa isang panayam sa programa ng asamblea, tinanong siya kung mahirap mapabukod nang napakalayo sa iba. Sumagot siya na hindi siya kailanman nakadama ng pag-iisa, dahil alam niyang si Jehova ay naroroon din sa hilagang-kanluran ng baybayin ng Iceland. Saka niya idinagdag na ikinalulungkot niyang hindi nakadalo sa asambleang iyon ang kaniyang asawa pero tiniyak nito sa kaniya na dadalo ito kapag handa na itong magpabautismo. Tinupad nito ang kaniyang pangako! Di-nagtagal, lumipat sila sa mas mataong lugar upang regular silang makadalo sa mga pulong.

Kailangan ang mga Tahanan ng Misyonero at mga Kingdom Hall

Nang dumalaw sa Iceland si Nathan H. Knorr mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova noong 1968, nais niya sanang makakita ng mas angkop na gusali para maging tanggapang pansangay at tuluyan ng mga misyonero. Bago nito, iba’t ibang tahanan ang inuupahan nila. Naghahanap na ngayon ang mga kapatid ng lote na mapagtatayuan ng isang gusali na may Kingdom Hall, tahanan ng mga misyonero, at tanggapang pansangay. Samantala, isang angkop na tahanan sa Hrefnugata 5 sa Reykjavík ang inupahan, at noong Oktubre 1, 1968, lumipat dito ang anim na misyonero. Naging sentro ng gawain sa Iceland ang gusaling ito sa loob ng sumunod na limang taon. Nang maglaon, nakabili ang mga kapatid ng loteng maganda ang lokasyon sa Sogavegur 71, Reykjavík. Noong tagsibol ng 1972, sinimulan na ang pagtatayo ng bagong gusali ng sangay. Naging isang malaking hamon ito sa ilang kapatid doon, na walang gaanong nalalaman sa inhinyeriya at konstruksiyon. Walang mga kontratista o mga mason sa kanila, kaya kinailangang umupa ng mga kontratistang hindi Saksi. Nagpakita naman ang mga kontratistang ito ng malaking pagnanais na makipagtulungan at pumayag na makasama nila sa trabaho ang mga kapatid sa proyektong ito. Inupahan ng mga kapatid ang isang lumang bahay sa tabi ng pagtatayuan ng gusali upang sila’y may masilungan at makainan. Naghalinhinan ang mga sister sa pagluluto ng pagkain sa kani-kanilang bahay at sa pagdadala nito sa pinagtatayuan ng gusali para ipakain sa mga trabahador.

Naging isang magandang patotoo sa lugar na iyon ang pagtatayo ng gusali. Ang mga kontratista at mga awtoridad ng lunsod ay nagkaroon ng magandang pagkakataon na makilala ang mga Saksi ni Jehova. May mga sumasaglit sa lugar upang makita kung ano na ang natapos. Nang sesementuhan na ang loob, isang brother mula sa Denmark na isang propesyonal na mason ang dumating para tumulong. Ang kalakhang bahagi naman ng trabaho ay binalikat ng mga sister. Nang dumating mula sa lunsod ang ilang superbisor para bisitahin ang pinagtatayuan ng gusali, napansin nilang gumagamit ng panghalo ng semento ang mga sister. Sinabi ng isa sa mga superbisor: “Sa palagay ko’y may matututuhan dito ang mga kababaihan sa aming simbahan. Tiyak na mas magtatagumpay ang pagtatayo ng mga simbahan kung magtatrabaho sila sa halip na magpalakad-lakad bitbit ang kahon ng kontribusyon, at manghingi ng pera.” Ang gusali ay inialay noong Mayo 1975, nang dumalaw si Milton G. Henschel sa Iceland at magbigay ng pahayag sa pag-aalay. Maraming taon ding ginamit ang gusali bilang pangunahing tahanan ng mga misyonero sa bansa at bilang Kingdom Hall ng mga kongregasyon sa Reykjavík. Ito na ang tanggapang pansangay ngayon.

Pagsapit ng 1987, isang bagong Kingdom Hall at tahanan ng mga misyonero ang itinayo sa bayan ng Akureyri. Kitang-kita ang katibayan ng pagkakaisa at internasyonal na kapatiran ng bayan ni Jehova nang mahigit na 60 kapatid mula sa Finland at Sweden ang dumating para tumulong sa mga kapatid sa Iceland sa pagtatayo ng proyektong ito.

“Ang Pinakamagandang Uri ng Kahoy”

Sa nakalipas na mga taon, nakadalaw sa Iceland ang mga kinatawan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, at ang mga pagdalaw na ito’y palagi nang isang malaking pampatibay-loob sa mga kapatid. Ang pinakatampok na pangyayari noong 1968 ay ang pagdalaw ni Brother Knorr, na binanggit kanina. Nagbigay siya ng isang makapukaw-damdaming pahayag sa mga kapatid, nagkuwento ng mga karanasan, at tumalakay sa pagsulong ng pangangaral ng Kaharian sa Iceland.

Ang unang pagdalaw ni Brother Henschel sa Iceland ay noong Mayo 1970. Ilang aantok-antok pang misyonero ang sumalubong sa kaniya. Ito ay hindi lamang dahil sa napakaaga ng pagdating ni Brother Henschel kundi dahil ang kilaláng bulkang Hekla ay pumutok isang araw bago nito, at pinanood ito ng mga misyonero sa buong magdamag!

Si Brother Henschel ay nagbigay ng pantanging pansin sa mga misyonero at mga special pioneer. Inanyayahan niya silang lahat sa isang pantanging miting at ikinuwento sa kanila ang mga karanasan niya noong nagpapayunir siya sa panahon ng Great Depression. Ikinuwento niya kung paano ipinagpapalit ng mga payunir ang literatura sa mga manok, itlog, mantikilya, gulay, salamin sa mata, at maging sa tuta! Sa ganitong paraan, nagpatuloy ang gawain sa mahirap na panahon, at hindi naman nagkulang ang mga payunir sa kanilang pangangailangan sa buhay.

Agad mapapansin ng mga pumapasyal sa Iceland na kakaiba ang pagkain dito. Kabilang sa espesyal na pagkain sa Iceland ang svid, ulo ng tupa na hinati sa gitna at pinakuluan. Isip-isipin na lamang na kapag tumingin ka sa iyong pinggan, makikita mo ang kalahating ulo ng tupa na may mga ngipin at isang mata! Hindi talaga matingnan ng mga banyaga ang svid “sa mata.” Mangyari pa, palagi silang may sariwang isda. Ang isang espesyal na pagkain sa Iceland ay ang hardfiskur: hiniwa-hiwang isda na inalisan ng tinik at pinatuyo. Kinakain ito nang hilaw at mas masarap kung may mantikilya. Karaniwan nang matigas ang isdang ito at kailangan pang pukpukin para lumambot. Kaya naman, sabik na sabik ang mga misyonero sa magiging reaksiyon ni Brother Henschel nang ihain sa kaniya ang isdang ito. Pagkatikim niya rito, tinanong siya ng mga misyonero kung nagustuhan niya ito. Saglit siyang nag-isip at pagkatapos ay madiplomasyang sumagot: “Aba, sa palagay ko’y ito na ang pinakamagandang uri ng kahoy na nakain ko.”

Di-malilimot at nakapagpapatibay ang iba pang maraming pagdalaw ng mga kinatawan ng Lupong Tagapamahala. Naipadama ng mga pagdalaw na iyon sa mga kapatid sa Iceland na bagaman sila’y kakaunti lamang at nasa malayong lugar, bahagi pa rin sila ng internasyonal na kapatiran, kaisa sa buklod ng Kristiyanong pag-iibigan.

Pakikipagtulungan sa mga Doktor at Media

Noong 1992, nagsimula nang maglingkod sa Iceland ang Hospital Liaison Committee (HLC) na binubuo ng apat na brother. Bilang pagsasanay, dalawa sa mga brother ang dumalo sa seminar ng HLC sa Inglatera, at ang natirang dalawa pa, sa seminar naman na ginanap sa Denmark. Nang maorganisa na ang bagong tatag na HLC, ginanap ang isang pakikipagpulong sa mga kawani ng isang malaking ospital ng unibersidad. Isandaan at tatlumpu ang dumalo sa pagpupulong, kasama na ang mga doktor, nars, abogado, at mga administrador ng ospital. Yamang ito ang kauna-unahang pakikipagpulong ng HLC sa mga propesyonal sa medisina, natural lamang na medyo kabahan ang mga kapatid. Gayunman, naging matagumpay ang pakikipagpulong, at pagkaraan, isinaayos nila na makipagpulong sa pailan-ilang doktor at iba pang propesyonal sa iba’t ibang ospital. Kinaibigan din ng mga kapatid ang ilang nangungunang mga siruhano at anesthesiologist. Nakatulong ang mga pakikipag-ugnayang ito na maiwasan at malutas ang mga problema may kinalaman sa paggamot nang walang dugo.

Isang bagong batas tungkol sa mga karapatan ng pasyente ang pinagtibay noong 1997. Itinakda ng batas na hindi maaaring bigyan ng gamot ang pasyente kung wala itong pahintulot at kung naipabatid ng pasyenteng walang malay-tao ang kaniyang kahilingan, dapat itong igalang. Isinasaad din ng batas na palagi munang kokonsultahin ang mga batang 12 taóng gulang pataas may kinalaman sa gamutan. Si Gudmundur H. Gudmundsson, tsirman ng HLC, ay nag-ulat: “Sa pangkalahatan, ang mga doktor ay talagang nakikipagtulungan, at bihira lamang magkaroon ng mga problema. Hindi sila gumagamit ng dugo kahit sa maselang operasyon.”

Nang ilathala sa Enero 8, 2000, Gumising! ang hinggil sa paggamot at pag-oopera nang walang dugo, hinimok ng tanggapang pansangay ang mga kapatid na gumawa ng pantanging pagsisikap na ipamahagi nang malawakan hangga’t maaari ang isyung iyon ng magasin. Nagbigay ang sangay ng mga mungkahi kung paano iaalok ang magasin at kung paano sasagutin ang mga tanong hinggil sa isyu sa dugo. Sa pasimula, atubili ang ilan na ialok ang magasin, pero nakita nilang interesado pala ang mga tao sa paksang ito. Mahigit na 12,000 kopya ang naipamahagi sa madla. Pumapatak na 1 magasin sa bawat 22 mamamayan ng bansa. Isang brother ang nagsabi: “Nagkaproblema ako kung paano ko tatapusin ang teritoryo dahil sa napakaraming magandang pag-uusap.” Ang sabi naman ng isang sister, “Dalawa lamang ang hindi tumanggap ng magasin sa akin!”

Isang babaing may lingguhang programa sa pambansang radyo ang tumanggap ng magasing ito tungkol sa paggamot nang walang dugo. Sa kaniyang programa, ikinuwento niya kung paano siya nagkaroon ng magasin, at pagkatapos ay nirepaso niya ang kasaysayan ng pagsasalin ng dugo gaya ng ipinaliwanag sa Gumising! Tinapos niya ang kaniyang pagtalakay sa pagsasabing ang sinumang nagnanais ng higit pang impormasyon tungkol sa paggamot nang walang dugo ay maaaring humiling sa mga Saksi ng isang publikasyon hinggil sa paksang ito.

Dahil sa pantanging kampanya sa isyung ito ng Gumising!, nabuksan ang mga mata ng marami sa pagiging makatuwiran ng ating paninindigan sa dugo. Bukod diyan, napag-alaman din nila na ayaw namang mamatay ng mga Saksi ni Jehova. Sa halip, hinahanap nila ang pinakamahusay na paraan ng paggamot hangga’t maaari. Bunga nito, ang ilan na nabigyan noon ng maling impormasyon hinggil sa ating paninindigan sa dugo ay handa na ngayong tumanggap ng mensahe ng Kaharian.

Dalawang Bulwagan sa Apat na Araw

Para sa mga kapatid sa Iceland, ang pinakapambihirang pangyayari noong 1995 taon ng paglilingkod ay ang pagtatayo ng dalawang Kingdom Hall noong buwan ng Hunyo, isa sa Keflavík at isa sa Selfoss. Ito ang unang mga Kingdom Hall sa Iceland na ginawa sa pamamagitan ng mabilisang paraan ng pagtatayo. Apat na araw lamang at naitayo na ang dalawang ito. Dahil sa maibiging tulong ng mga kapatid sa Norway, natapos ang trabahong ito. Ang sangay sa Norway ang nagpadala ng karamihan ng materyales sa pagtatayo, at mahigit na 120 kapatid mula sa Norway ang dumating para tumulong sa proyekto. Ang palaging naririnig na komento sa mga lugar na pinagtatayuan ay: “Talagang pambihira ito.” Matagal nang nababasa at nababalitaan ng mga kapatid sa Iceland ang tungkol sa mga Kingdom Hall na madaliang naitatayo, pero ngayon ay nakikita na ito ng kanila mismong dalawang mata. Mangyari pa, talaga ngang pambihira ito, kung iisiping nadoble ang Kingdom Hall sa Iceland sa loob lamang ng ilang araw!

Bukod sa nagkaroon ng dalawang bagong Kingdom Hall, napatibay rin ang mga kapatid sa Iceland dahil sa masayang pakikipagsamahan sa mga kapatid na dumating mula sa Norway sa sarili nilang gastos at bakasyon para gawin ang mga bulwagan. Isang katibayan ng internasyonal na kapatiran! Tumulong din ang mga kapatid sa Iceland sa mga proyektong ito ng pagtatayo. Mahigit na 150 mamamahayag na tagaroon ang nakibalikat sa trabaho, mga kalahati ng bilang sa buong bansa.

Ang mga proyektong ito para sa Kingdom Hall ay isa ring mainam na patotoo sa madla. Dalawang pambansang istasyon ng telebisyon ang nagbalita ng pagtatayo sa kanilang programa at nagpakita ng mga larawan mula sa dalawang lugar ng konstruksiyon. Iniulat din ang proyektong ito sa ilang istasyon ng radyo at sa mga pahayagan. Hindi nagustuhan ng isang ministro ng lokal na simbahan sa Selfoss ang atensiyong ibinibigay sa mga Saksi. Sa isang pahayagan doon, naglathala siya ng isang artikulo na nagbababala laban sa itinuturing niyang mapanganib na maling turo ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi niyang dapat mag-ingat lalo na ang mga taong mahihina ang isip at madaling maimpluwensiyahan. Sa isang panayam sa radyo, inulit niya ang mga babalang ito. Pero ang mga salita ng ministro ay hindi naging mabisa gaya ng inaasahan niya. Sa halip, humanga ang karamihan ng tao sa mga proyekto ng Kingdom Hall, at marami sa mga nakausap ng mga kapatid sa pangangaral ang nagsabi na nagulat sila sa naging reaksiyon ng ministro.

Mga isang linggo matapos ilathala ang babala ng ministro, nag-imprenta ang pahayagan ng isang cartoon. Sa harapan ng cartoon, makikita mo ang simbahan, at sa likuran, ang Kingdom Hall. May isang ilog na umaagos sa pagitan ng dalawang gusali, at ang ilang nakangiti at bihis na bihis na mga kapatid ay tumatawid sa tulay mula sa Kingdom Hall patungo sa simbahan, bitbit ang mga bag sa paglilingkod sa larangan. Sa labas ng simbahan, isang babae ang natatarantang napatayo sa kaniyang silyang de-gulong. Isang lalaking nakasemento ang isang paa at isa pang lalaki, na malamang na bulag, ang nananakbo habang sumisigaw: “Dali, dali, ayan na ang mga Saksi!” Sa baytang ng simbahan ay nakatayo naman ang ministro na mukhang gulat na gulat. Nagustuhan ng marami ang cartoon na ito. Napili ito ng mga kawani ng editoryal ng pahayagan bilang pinakamagandang cartoon ng taon, pinalaki ito, at idinispley sa dingding ng kanilang opisina. Nakapaskil ito roon nang ilang taon.

Nagbigay ng Malaking Patotoo ang Eksibisyon

Noong 2001 taon ng paglilingkod, nagkaroon ng eksibisyon na nagtatampok sa neutral na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova bago at sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II habang nagbabata sila sa pag-uusig ng mga Nazi. Ang eksibisyong ito na ginanap sa tatlong lugar ay pinanood ng 3,896 lahat-lahat. Noong pinakahuling dulo ng sanlinggo, napuno ng mahigit sa 700 panauhin ang bulwagan ng eksibisyon sa Reykjavík. Ipinalabas ang video na Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault sa wikang Icelandic sa buong panahon ng eksibisyon sa lahat ng tatlong lugar. Sinamantala ng maraming panauhin ang pagkakataon na maupo at mapanood ang buong video.

Ang matatag na paninindigan ng mga Saksi sa loob ng mga kampong piitan ay hinangaan ng mga panauhing hindi pa nakaaalam sa bahaging ito ng ating kasaysayan. Isang propesor na ilang ulit nang pumunta sa eksibisyon ang nagsabi na napakalaki raw ng epekto sa kaniya ng eksibisyong iyon anupat nabago ang kaniyang saloobin sa mga Saksi ni Jehova. Bagbag na bagbag ang kaniyang kalooban sa matibay na pananampalataya ng mga Saksi sa loob ng mga kampong piitan. Di-gaya ng ibang mga bilanggo, puwede sana silang makalaya kung tatalikuran lamang nila ang kanilang mga paniniwala.

Nagbigay ng magandang ulat tungkol sa eksibisyon ang pambansang istasyon ng telebisyon at ang lokal na mga istasyon ng telebisyon at radyo. Nang buksan ang eksibisyon, dumalo ang isang ministrong Luterano kasama ang kaniyang asawa at anak na babae. Pagkaraan ng ilang panahon, inanyayahan ng isang brother ang ministro na pumasyal sa Bethel, at pinaunlakan naman siya nito. Ilang araw pagkagaling sa Bethel, isang babae ang lumapit sa ministro na may tanong tungkol sa isang teksto sa Bibliya. Hinimok ng ministro na makipag-ugnayan ito sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, dahil nakatitiyak siyang masasagot nila ito. Nang maglaon, pinagdausan na ng isang brother ng pag-aaral sa Bibliya ang ministro.

Ang Pagsasalin sa Paglipas ng mga Taon

Mahirap para sa iilang mamamahayag sa Iceland na isalin sa wikang Icelandic ang lahat ng espirituwal na pagkain mula sa “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Noong unang mga taon, ang mga Saksing taga-Iceland na nakatira na sa Canada ang nagsasalin ng karamihan sa mga ito. Nang maglaon, ginawa na ito sa Iceland. Nang dumating ang mga unang misyonero noong 1947, nakilala nila ang isang matanda nang makata na nakatira rin sa bahay na tinitirhan nila. Marunong siyang mag-Ingles at tinulungan niya ang mga misyonero na matuto ng wika. Puwede rin daw siyang magsalin para sa kanila, kaya inupahan siya ng mga kapatid para isalin ang aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat” at ang buklet na The Joy of All the People. Kaya lamang, ginamit niya ang luma at patulang istilo na napakaraming sinaunang salita at ekspresyon, at kahit inayos na at minakinilya na uli ni Brother Lindal ang pagkakasalin, ang aklat ay hindi pa rin naging mainam na pantulong sa pag-aaral na gaya ng inaasahan. Gayunman, malawakang ipinamahagi ang aklat mula sa unang paglilimbag nito, at 14,568 kopya lahat-lahat ang nailimbag. Mahigit 20,000 kopya ng buklet ang inilimbag noong 1949. Nang maglaon, umupa naman ng ibang tagapagsalin ang mga kapatid upang isalin ang aklat na What Has Religion Done for Mankind?

Sa loob ng mga taóng iyon, isinalin ng isang maliit na pangkat ng mga kapatid ang ilang buklet. Isa na rito ang “This Good News of the Kingdom,” na inilabas noong 1959. Nakatulong ang buklet na ito sa mga kapatid upang makapagpasimula ng maraming bagong pag-aaral sa Bibliya. Sa pagkakataong ito, inaprobahan ang paglalathala ng Ang Bantayan sa wikang Icelandic.

Maraming maiinam na aklat ang isinalin at inilabas nang sumunod na mga taon: Ang “This Means Everlasting Life” ay inilabas noong 1962; Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso, noong 1966; Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, noong 1970; Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, noong 1984; at Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, noong 1996. Idinagdag ang tuwing ikatlong buwang edisyon ng Gumising! sa listahan ng mga publikasyong Icelandic noong 1982.

Sa loob ng maraming taon, ang mga kapatid ay walang aklat-awitan sa wikang Icelandic. Noong 1960, apat na awit ang isinalin at minimiyograp para sa asamblea. At noong Nobyembre 1963 sa pandistritong kombensiyon, isang maliit na aklat-awitan na may 30 piniling awit sa wikang Icelandic ang inilabas, na ikinatuwa ng mga kapatid.

Bago nito, halu-halo ang wika kapag umaawit sa kongregasyon. Dumating sina Günther at Rut Haubitz sa Iceland mula sa Alemanya noong 1958 bilang mga special pioneer. Naaalaala pa ni Rut kung paano ginamit ng mga banyagang kapatid ang kani-kanilang sariling aklat-awitan sa wikang Aleman, Danes, Ingles, Norwego, Pinlandes, o Sweko. Nakialinsabay naman ang mga taga-Iceland sa anumang wikang pinakaalam nila. Ang sabi niya, “Medyo halu-halo nga ang koro!” Unti-unti, sa paglipas ng mga taon, higit pang mga awiting pang-Kaharian ang naisalin, pero nito na lamang 1999 sila nagkaroon ng kumpletong aklat-awitan na naglalaman ng lahat ng 225 awit sa wikang Icelandic. Tuwang-tuwa ang mga kapatid sa paglalaang ito upang purihin si Jehova!

May bagong itinampok para sa Iceland ang pandistritong kombensiyon na ginanap noong Agosto 1999. Ang aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! sa wikang Icelandic ay inilabas kasabay ng edisyong Ingles. Sa kombensiyon, nang ipatalastas ng tagapagsalita ang paglalabas ng aklat sa Ingles, nagpalakpakan ang lahat ng tagapakinig. Subalit sa halip na sabihing sa darating pang panahon ilalabas ang aklat na ito sa wikang Icelandic, nagpatuloy siya at ipinakita ang isang kopya ng aklat sa wikang Icelandic, na sinasabi​—sa masidhing pananabik ng lahat​—na naisalin na sa wikang Icelandic ang aklat! Mula noon, kasabay na rin ng edisyong Ingles ang paglalabas ng Hula ni Isaias​—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I at II.

Pagpapalawak ng Bethel at Higit Pang Pagsulong

Kinumpuni ang mga pasilidad ng sangay noong 1998. Dalawang apartment sa tapat ang binili upang matuluyan ng mga Bethelite at upang magkaroon ng higit pang lugar sa opisina ng Departamento ng Pagsasalin. Nitong nakalipas na mga taon, nakinabang din ang mga tagapagsalin nang dalawin sila ng mga kapatid mula sa pandaigdig na punong-tanggapan sa New York. Tinuruan sila ng mga kapatid na ito sa paggamit ng mga programa sa computer na ginawa ng mga Saksi ni Jehova at pantanging dinisenyo para sa gawaing pagsasalin.

Kamakailan, ang mga kinatawan mula sa punong-tanggapan ay nagdaos ng Course in Improved English Comprehension sa sangay. Nakatulong ang kursong ito upang ang mga tagapagsalin ay magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa wikang Ingles bago sila magsalin.

Sumulat ang tanggapang pansangay: “Habang nililingon namin ang nakalipas na mga taon, natutuwa kami at may ilang nagkaroon ng lakas ng loob na magsalin sa wikang Icelandic, sa kabila ng napakahirap na kondisyon at limitadong kaalaman sa wika. Bagaman hindi katulad sa ngayon ang kalidad ng isinaling materyal noon, hindi namin ‘hinahamak ang araw ng maliliit na bagay.’ (Zac. 4:10) Natutuwa kaming makita na naipakilala rin sa Iceland ang pangalan at Kaharian ni Jehova at na maraming tao ang nakaalam ng katotohanan.”

Sa kasalukuyan, may walong buong-panahong manggagawa sa tanggapang pansangay. Ang iba naman ay araw-araw na nagbibiyahe patungo sa Bethel at tumutulong doon nang part-time. Bilang kapalit ng Kingdom Hall na nasa sangay, isang bagong Kingdom Hall ang itinayo ngayon para sa mga kongregasyon sa Reykjavík. Dahil dito, nagpaplano nang kumpunihin ang gusali ng sangay upang maging tuluyan ng higit pang mga manggagawa sa Bethel.

Ang pangangaral ng mabuting balita sa Iceland ay nangangailangan ng tiyaga, sakripisyo, at pag-ibig. Tunay ngang masasabi na hindi nawalan ng saysay ang pagpapagal ng masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian sa Iceland sa nakalipas na 76 na taon. Maraming tapat na mga kapatid ang nakibahagi sa pag-aani. Napakaraming lumipat mula sa iba’t ibang bansa upang maglingkod sa loob ng ilang taon, at hindi malilimot ang ginawa nilang ito. Ang ilan ay tumira na roon at itinuring na nilang sariling tahanan ang Iceland. Kapuri-puri rin ang pagtitiyaga ng maraming mahuhusay na katutubong taga-Iceland na mamamahayag.

Ang katamtamang bilang ng mamamahayag ng Kaharian ay maliit lamang, subalit nakilala ang mga Saksi ni Jehova sa bansa. Pitong misyonero sa ngayon ang naglilingkod sa mga lalawigan at sa maliliit na kongregasyon sa isla. Nitong nakalipas na taon ng paglilingkod, 543 katao ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, at halos 180 pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaraos.

Marahil balang araw, ang mga kapatid sa Iceland ay magkakaroon din ng uri ng pagsulong na inilalarawan sa Isaias 60:22: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sarili nitong panahon.” Samantala, determinado ang mga Saksi ni Jehova sa Iceland na ganapin ang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Hari, si Jesu-Kristo​—ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Nagtitiwala silang palalaguin ng Diyos ang mga binhi ng katotohanan sa mga pusong handang tumanggap at mapagpasalamat!​—Mat. 24:14; 1 Cor. 3:6, 7; 2 Tim. 4:5.

[Kahon sa pahina 205]

Kung Saan ang Unang Pangalan ay Nagiging Apelyido

Kasuwato ng lokal na tradisyon, ang mga taga-Iceland ay walang mga apelyido: Nagtátawagán ang mga tao sa kani-kanilang unang pangalan. Binubuo ang apelyido ng anak sa pamamagitan ng pagdurugtong sa unang pangalan ng ama ng hulaping -son kapag lalaki at -dóttir kapag babae. Halimbawa, ang magiging apelyido ng anak na lalaki at babae ng isang taong nagngangalang Haraldur ay Haraldsson at Haraldsdóttir. Ang pangalan ng isang babae ay hindi nagbabago kapag nag-asawa siya. Dahil napakaraming tao ang may magkakaparehong pangalan, hindi lamang pangalan ng tao, adres, at numero ng telepono ang nakalista sa direktoryo ng telepono kundi pati hanapbuhay niya. Natatalunton ng mga taga-Iceland ang kanilang mga ninuno pabalik hanggang mahigit isang libong taon sa pamamagitan ng mga rekord ng talaangkanan.

[Kahon sa pahina 208]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Iceland

Ang lupain: Ang islang bansang ito ay nasa ibaba lamang ng Arctic Circle sa gitna ng North Atlantic Ocean, Greenland Sea, at Norwegian Sea. Napakarami ritong bulkan, maiinit na bukal, at umuusok na mga geyser. Ang isang ikasampu ng lupain ay mga glacier.

Ang mga mamamayan: Ang mga taga-Iceland, na inapo ng mga Viking na galing sa Norway ang karamihan, ay karaniwan nang masisipag, mapamaraan, at mapagparaya. Karamihan ay nakatira sa may baybayin.

Ang wika: Bagaman Icelandic ang opisyal na wika, maraming taga-Iceland ang nagsasalita rin ng dalawa o higit pang wikang banyaga, malimit ay Ingles, Aleman, o wika ng Scandinavia.

Ang kabuhayan: Malaking papel ang ginagampanan ng industriya ng pangingisda sa ekonomiya ng Iceland. Ang mga bangkang pamalakaya ay nag-uuwi ng mga isdang capelin, gindara, haddock, at tunsoy, na kalimitan ay ipinoproseso at iniluluwas sa ibang bansa.

Ang pagkain: Pangkaraniwan na ang isda at karne ng kordero. Ang espesyal na pagkaing Icelandic ay nilagang ulo ng tupa.

Ang klima: Palibhasa’y naiinitan ng tubig sa Atlantiko, ang klima ay katamtaman lamang. Kainaman lamang ang mga taglamig bagaman mahangin. Malamig ang mga tag-araw.

[Kahon/Larawan sa pahina 210]

Setyembre 6, 1942: “Iisang payunir pa rin ang gumagawa sa lupaing ito, kaya walang masyadong maiulat. Ang populasyon ng Iceland ay mga 120,000 katao, at may mga 6,000 bahay sa bukid. Ang tanging paraan para marating ang mga bukiring ito ay sa pamamagitan ng mga bisirong may síya at pangkarga. Para mapuntahan ang lahat ng bahay na ito, kailangang maglakbay nang mga 16,000 kilometro, at kailangang tawirin ang maraming bundok at malalakas na agos dito. Kaunting-kaunti lamang ang interesado sa mensahe sa ngayon.”

Ang mga salitang ito ni Georg F. Lindal ay isinulat pagkatapos niyang magpayunir sa Iceland nang 13 taon. Limang taon pa siyang nanatiling nag-iisang mamamahayag sa Iceland.

[Kahon/Larawan sa pahina 213, 214]

Isang Rekord ng Tapat na Paglilingkod

Si Oliver Macdonald ay kabilang sa mga unang misyonerong inatasan sa Iceland, pagkatapos ng kanilang gradwasyon sa ika-11 klase ng Gilead. Dumating siya noong Disyembre 1948 kasama si Ingvard Jensen. Naglakbay sila patungo rito mula sa New York sakay ng barkong pangkargamento. Ang biyahe ay tumagal nang 14 na araw, at maalon ang Karagatan ng Hilagang Atlantiko. Pareho silang hilung-hilo sa halos buong biyahe.

Noong Marso 1950, pinakasalan ni Brother Macdonald si Sally Wild na taga-Inglatera, na nagtrabaho sa Bethel sa Britanya. Si Mac, magiliw na tawag sa kaniya, at si Sally ay napakaraming nagawa noong mga taóng iyon, at ang mga tinuruan nila sa Bibliya ay patuloy pa rin sa tapat na paglilingkod kay Jehova.

Noong 1957, bumalik sina Mac at Sally sa Inglatera, kung saan namatay si Sally sa kanser na nasuri na rin noon sa Iceland. Pagkamatay ni Sally, pumasok uli si Mac sa buong-panahong paglilingkod at naglingkod bilang regular pioneer at pagkatapos ay bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa loob ng 13 taon. Noong 1960, pinakasalan niya si Valerie Hargreaves, isang special pioneer. Magkasama silang naglingkod sa iba’t ibang sirkito sa Britanya, mula hilagang Scotland hanggang Channel Islands, sa timugang baybayin ng Inglatera. Kapag naglilingkod sila pahilaga sa kanilang mga sirkito hanggang sa Shetlands sa hilagang baybayin ng Scotland, sinasabi ni Mac, “Ang susunod na hinto natin ay sa Iceland!” anupat walang-wala sa loob niya na makapupunta nga sila roon.

Gayunman, noong 1972, inatasan sina Mac at Valerie bilang mga misyonero at idinestino sa Iceland. Naglingkod si Mac bilang lingkod ng sangay at pagkaraan bilang koordineytor ng Komite ng Sangay. Pitong taon silang tumira ni Valerie sa Iceland at pagkatapos ay idinestino sila sa Ireland bilang mga misyonero, sa Dublin muna at pagkaraan ay sa Hilagang Ireland. Pagkatapos ng 20 taóng paglilingkod sa Ireland, namatay si Mac sa kanser noong Disyembre 1999, matapos gumugol ng 60 taon sa buong-panahong paglilingkod. Si Valerie naman ay patuloy pa rin sa paglilingkod bilang regular pioneer sa Belfast, Hilagang Ireland.

[Larawan]

Sina Valerie at Oliver Macdonald sa Reykjavík, dekada ng 1970

[Kahon/Larawan sa pahina 218]

Reykjavík

Ang Reykjavík, na nangangahulugang “Mausok na Loók,” ay kabisera ng Iceland at pinanganlan ng unang permanenteng nandayuhan dito, si Ingólfur Arnarson, dahil sa pumapailanlang na singaw mula sa maiinit na bukal nito. Sa ngayon, ang Reykjavík ay isang abala at modernong lunsod na may kabuuang populasyon na mga 180,000.

[Kahon/Larawan sa pahina 223, 224]

Inari Nilang Tahanan ang Iceland

Si Páll Heine Pedersen ay taga-Denmark. Idinestino siya sa Iceland bilang special pioneer noong 1959. Noong 1961, dinaluhan niya ang dalawa sa “Nagkakaisang mga Mananamba” na Internasyonal na Kombensiyon sa Europa, at doon niya nakilala si Violet. Nanggaling naman si Violet sa California, E.U.A., upang dumalo sa ilan sa mga kombensiyong ito.

Pagkatapos ng mga kombensiyon, umuwi na si Páll sa Iceland, at si Violet naman ay sa California. Limang buwan silang nagsulatan, at noong Enero 1962, pumunta si Violet sa Iceland para pakasalan si Páll. Nagpapayunir pa rin si Páll, ang nag-iisang Saksi sa isang lugar sa hilagang-kanlurang Iceland na may kakaunting populasyon lamang. Nakatira sila sa isang maliit na bayan kung saan ang araw sa kalagitnaan ng taglamig ay hindi sumisikat sa loob ng dalawang buwan. Upang marating ang ilang tao sa teritoryo, kailangan nilang maglakbay sa matatarik at kadalasa’y punô ng yelong mga daan sa bundok, at ang tanging transportasyon nila ay isang motorsiklo na dala ni Páll mula pa sa Denmark. Yamang si Violet ay isinilang at lumaki sa maaraw na California, marami sa mga kapatid ang nag-akalang hindi siya makatatagal sa Iceland. Pero nakatagal siya, at napamahal na sa kaniya ang bansa at ang mga tao.

Magkasamang nagpayunir sina Páll at Violet hanggang sa isilang ang kanilang anak na si Elísabet noong 1965. Nagpatuloy si Páll sa pagpapayunir hanggang 1975, at si Violet naman ay nagpapayunir paminsan-minsan sa loob ng mga taóng iyon. Noong 1977, nagpasiya silang lumipat sa California dahil sa kalusugan ni Páll. Nang maglaon, nakadama sila ng matinding pagnanais na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga mamamahayag ng Kaharian. Nagpayunir uli sila, at nang makatapos sa pag-aaral ang kanilang anak at nasa hustong gulang na ito, inatasan silang bumalik sa Iceland bilang mga misyonero. Naglingkod sila sa larangan ng pagmimisyonero at gawaing paglalakbay sa loob ng ilang taon. Noong 1989, hinilingan si Páll na maglingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay. Pagkatapos, noong 1991, opisyal na binuksan ang Tahanang Bethel sa Iceland, at sina Páll at Violet ang naging unang mga miyembro ng pamilyang Bethel. Patuloy pa rin silang naglilingkod doon.

[Kahon/Larawan sa pahina 228, 229]

Kilala sa Kanilang Pagkamapagpatuloy

Si Fridrik Gíslason at ang kaniyang asawang si Ada ay kabilang sa pitong nabautismuhan noong 1956. Natutuhan nina Fridrik at Ada ang katotohanan kina Oliver at Sally Macdonald. Sa simula, si Fridrik lamang ang pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya, habang si Ada naman ay abala sa kaniyang sewing club sa buong panahon ng taglamig. Kapag tapos na ang sewing club sa tagsibol, umuupo naman siya sa kusina habang may pag-aaral. Nang bandang huli, dahil sa kaniyang pag-uusyoso sa mga talakayan sa Bibliya, itinanong niya kung puwede siyang makiupo sa pag-aaral pero hindi siya sasali. Ngunit di-nagtagal, sumali na rin siya.

Nang maglaon, regular nang idinaraos sa kanilang bahay ang Pag-aaral sa Bantayan sa wikang Ingles. Nagsimula na silang dumalo sa mga pulong sa tahanan ng mga misyonero. “Naaalaala ko pa na doon kami nagpupulong sa isang maliit na kuwarto sa atik na tinitirhan ng mga misyonero,” ang sabi ni Fridrik. “Kasya roon ang 12 silya, pero kung minsan kapag mas marami ang dumarating kaysa rati, binubuksan namin ang pinto sa katabing maliit na kuwarto. Ibang-iba na ngayon​—tatlong kongregasyon na ang pumupunô sa Kingdom Hall sa Reykjavík!”

Kilalang-kilala sina Fridrik at Ada sa kanilang pagkamapagpatuloy. Bagaman anim na ang kanilang anak, palagi pa ring bukás ang kanilang tahanan sa mga kapatid. Noong unang mga taon ng kongregasyon, maraming dumarating sa Iceland mula sa ibang mga bansa ang nasisiyahang makitira muna kina Fridrik at Ada, na nagpapatulóy sa kanila hanggang sa makakita sila ng sariling bahay.

[Kahon/Larawan sa pahina 232]

Ang Bibliya sa Wikang Icelandic

Ang pinakamaagang salin ng Bibliya sa wikang Icelandic ay makikita sa isang ika-14-na-siglong akda na tinatawag na Stjórn, na naglalaman ng mga salin at mga pakahulugan (paraphrase) ng mga bahagi ng Hebreong Kasulatan. Ang kauna-unahang kumpletong “Bagong Tipan” sa wikang Icelandic ay inilimbag noong 1540. Ang tagapagsalin ay si Oddur Gottskálksson, anak ng obispo ng Hólar. Niyakap niya ang repormadong pananampalataya sa Norway at nakilala si Martin Luther sa Alemanya. Ayon sa kasaysayan, pagbalik ni Oddur sa Iceland, nagsasalin siya sa loob ng isang kamalig, na naging napakahirap dahil ayaw niyang magdamdam ang kaniyang among Katoliko, ang obispo ng Skálholt. Isinalin ni Oddur ang teksto mula sa Latin Vulgate, at personal niyang dinala ang kaniyang manuskrito sa Denmark upang ipalimbag ito. Noong 1584, iniutos ni Obispo Gudbrandur Thorláksson ang paglilimbag ng kauna-unahang kumpletong Bibliya sa wikang Icelandic. Ang kauna-unahang kumpletong salin ng Bibliya mula sa orihinal na wikang Hebreo at Griego ay inilimbag noong 1908, at ang nirebisang bersiyon naman ay noong 1912.

[Larawan]

“Gudbrandsbiblía,” ang kauna-unahang kumpletong Bibliya sa wikang Icelandic

[Chart/Graph sa pahina 216, 217]

ICELAND—TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI

1929: Dumating si Georg F. Lindal, ang unang mamamahayag sa bansa.

1940

1947: Dumating ang mga unang misyonero ng Gilead.

1950: Nabuo ang isang maliit na kongregasyon.

1960

1960: Inilimbag ang unang Ang Bantayan sa wikang Icelandic.

1962: Itinatag ang tanggapang pansangay sa Reykjavík.

1975: Natapos at inialay ang bago at pinalaking tanggapang pansangay.

1980

1992: Binuo ang Hospital Liaison Committee.

1995: Itinayo ang dalawang Kingdom Hall sa loob ng apat na araw ng Hunyo.

2000

2004: 284 na mamamahayag ang aktibo sa Iceland.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

300

200

100

1940 1960 1980 2000

[Mga mapa sa pahina 209]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ICELAND

Húsavik

Hólar

Akureyri

Seydhisfjördhur

Neskaupstadhur

Eskifjördhur

Stykkishólmur

Borgarnes

Höfn

REYKJAVÍK

Skálholt

Keflavík

Selfoss

[Buong-pahinang larawan sa 202]

[Larawan sa pahina 207]

Kanan: Si Georg F. Lindal, 1947

[Larawan sa pahina 207]

Ibaba: Si Brother Lindal sa tabi ng isang bisiro sa Iceland, maaga ng dekada ng 1930

[Larawan sa pahina 212]

Ilan sa mga unang misyonero sa Iceland, mula kaliwa pakanan: Ingvard Jensen, Oliver Macdonald, at Leo Larsen

[Larawan sa pahina 220]

Nasa gusaling ito ang tanggapang pansangay mula 1962 hanggang 1968

[Larawan sa pahina 227]

Mahigit sandaang mamamahayag mula sa Iceland ang dumalo sa “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea sa Copenhagen, Denmark, 1969

[Larawan sa pahina 235]

Sina Iiris at Kjell Geelnard sa Akureyri, Enero 1993

[Larawan sa pahina 238]

Kanan: Ang barkong pamalakaya na “Svalbakur”

[Larawan sa pahina 238]

Ibaba: Sina Fridrik at Kjell

[Larawan sa pahina 241]

Kanan: Si Oddný Helgadóttir

[Larawan sa pahina 241]

Ibaba: Si Gudrún Ólafsdóttir

[Larawan sa pahina 243]

Kanan: Ang Kingdom Hall at tahanan ng mga misyonero sa Akureyri

[Larawan sa pahina 243]

Ibaba: Si Bjarni Jónsson sa harapan ng sangay

[Larawan sa pahina 249]

Itaas: Pagtatayo ng Kingdom Hall sa Selfoss, 1995

[Larawan sa pahina 249]

Kanan: Ang natapos na gusali

[Larawan sa pahina 253]

Ang pamilyang Bethel sa Iceland

[Larawan sa pahina 254]

Komite ng Sangay, mula kaliwa pakanan: Bjarni Jónsson, Gudmundur H. Gudmundsson, Páll H. Pedersen, at Bergthór N. Bergthórsson