Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

HABANG natatanaw na natin ang dumarating na bagong sistema ng mga bagay, mahalagang patuloy nating hintayin si Jehova. (Zef. 3:8) Sinabi ng propetang si Daniel na “ang Diyos . . . [ay] isang Tagapagsiwalat ng mga lihim, at ipinaaalam niya . . . kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.” (Dan. 2:28) Isa ngang napakalaking pribilehiyo na mabuhay sa pagtatapos ng inihulang panahon at maunawaan ang banal na mga lihim na ipinaaalam ni Jehova ngayon!

Sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” unti-unting isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang layunin na tipunin ang isang internasyonal na “malaking pulutong” ng mga mananamba sa panahong ito ng maligalig na “mga huling araw.” (Mat. 24:45; Apoc. 7:9; 2 Tim. 3:1) Inilalarawan ng Isaias 2:2, 3 na magaganap ito sa buong globo “sa huling bahagi ng mga araw.” Taun-taon, ang pagtitipong ito ay nagpapatuloy sa gitna ng kaguluhan at karahasang laganap sa sanlibutang ito.

Mula Enero hanggang Disyembre ng 2004, higit na ipinaunawa sa atin ang pangangailangang sundin ang mga salita ni Jesus: “Patuloy kayong magbantay . . . Maging handa.” (Mat. 24:42, 44) Oo, ang nangyayari sa tanawin ng sanlibutan ay may malaking kahulugan para sa mga Kristiyano, na nakauunawa sa “mga tanda ng mga panahon” at tumutugon ayon dito. (Mat. 16:1-3) Bilang katuparan ng kaniyang Salita, si Jehova ay patuloy na makakasama ng kaniyang bayan na inorganisa sa teokratikong paraan anumang pagsalansang ang makaharap nila.

Sa kabila ng pagsisikap ng ilan na hadlangan o ipahinto ang paghahayag ng Kaharian, patuloy pa rin ang ating mga kapatid sa pagsasalita ng katotohanan at sa pagtitipon. (Gawa 5:19, 20; Heb. 10:24, 25) Sa Russia noong Hunyo 2004, sinang-ayunan ng hukumang pinag-apelahan sa Moscow ang desisyon ng mababang hukuman na ipagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova at buwagin ang kanilang legal na korporasyon sa lunsod na iyon. Pero hindi napigil ang mga kapatid; alam nila ang hinihiling sa kanila ng Diyos, at siya ang sinusunod nila bilang Tagapamahala sa halip na mga tao. (Gawa 5:29) Nagtitiwala tayo na si Jehova ang papatnubay sa kaniyang mga lingkod sa kabila ng salansang na mga hakbang na ginagamitan ng batas.

Sa Republika ng Georgia nitong nakalipas na ilang taon, ang mga kapatid ay nawalan ng ari-arian, nagdusa ng pang-uumog, at nakasaksi ng pagsunog sa kanilang mga literatura. Subalit walang sandatang inanyuan laban sa kanila ang nagtagumpay. (Isa. 54:17) Noong 2004 taon ng paglilingkod, legal na kinilala uli sa Georgia ang mga Saksi ni Jehova. Idinaos ang mga kombensiyon nang walang hadlang, at malayang nakapasok ang mga literatura sa bansa. Nakapag-ulat ng mga bagong peak sa bilang ng mga mamamahayag at ng mga dumalo sa Memoryal.

Sa Armenia, Eritrea, Republika ng Korea, Rwanda, at Turkmenistan, ang mga kapatid ay ibinilanggo dahil sa kanilang pananampalataya. Bagaman minaltrato, alam nila ang maka-Kasulatang dahilan ng mga pagsubok sa kanila, na nakatulong upang mapanatili ang kanilang integridad habang umaasa sa pagliligtas ni Jehova.​—1 Ped. 1:6; 2 Ped. 2:9.

Habang binabasa mo ang Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon at sinusuri ang Pambuong-Daigdig na Ulat noong 2004, magsasaya ka sa kabutihan ni Jehova. (Awit 31:19; 65:11) Inaasahan naming mapatitibay ka ng Taunang Aklat na ito sa patuloy na paglakad sa daan na nakalulugod sa Diyos.​—1 Tes. 4:1.

Patuloy ang paggawa ng malalaking pagsisikap upang mapaabutan ng katotohanan ang lahat ng uri ng tao. Halimbawa, inihahanda ang mga video, DVD, at iba pang mga materyal sa wikang pasenyas at ang mga publikasyon sa Braille upang matulungan sa espirituwal na paraan ang mga bingi at bulag. Pinag-aaralan ng maraming mamamahayag ng Kaharian ang mga wika ng mga dayuhang naninirahan sa teritoryo ng kanilang kongregasyon.

Karagdagan pa, nakapagtatag na ng daan-daang nakabukod na grupo sa mga teritoryong mahirap marating. Isang sangay ang may mahigit na 300 nakabukod na grupo na binubuo ng mahigit 7,000 mamamahayag. Isa nga itong malaking potensiyal na bubuo ng mga bagong kongregasyon! Isa pa, sa 16,760,607 dumalo sa Memoryal sa taóng ito ng paglilingkod, mahigit 10 milyon ang di-Saksi. Isa itong malinaw na pahiwatig na mayroon pang hinog na ani na dapat gapasin.

Nagpapasalamat tayo kay Jehova sa kaniyang mayamang pagpapala at sa maibiging paraan ng kaniyang pagmamalasakit sa atin sa araw-araw. (Kaw. 10:22; Mal. 3:10; 1 Ped. 5:7) Habang nagkakaisa tayong sumusulong sa “huling bahagi[ng ito] ng mga araw,” kay Jehova ang ating pananalig at pagtitiwala. Anumang problema ang mapaharap sa atin, isapuso natin ang ating taunang teksto para sa 2005: “Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.” (Awit 121:2) Maaasahan ninyo ang aming pag-ibig at mga panalangin.

Ang inyong mga kapatid,

Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova