Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tahiti

Tahiti

Tahiti

Kung titingnan mula sa itaas, ang mga isla ng French Polynesia, gaya ng Tahiti, Mooréa, at Bora Bora, ay parang mga hiyas na itinanim sa pagkalawak-lawak na mangasul-ngasul-berdeng Karagatang Pasipiko. Ang kumikislap-kislap na mga lawa nito, na nagagayakan ng mga korales at namumutiktik sa mga isdang iba’t iba ang kulay, ay napalilibutan ng manilaw-nilaw o maiitim na dalampasigan. Ang mga puno ng niyog na hitik na hitik sa bunga ay painda-indayog sa simoy ng hangin. At ang baku-bako, bulubunduking interyor na punung-puno ng berdeng mga pananim at nakokoronahan ng mga ulap ay pagkaganda-gandang tanawin anupat mistulang isang larawang makikita lamang sa postkard.

May katuwiran nga ang mga alagad ng sining at manunulat na ilarawan ang mga islang iyon bilang paraiso sa lupa. At tiyak na mistulang paraiso nga ito para sa mga sinaunang magdaragat na unang nakakita sa mga iyon at nanirahan doon marahil isang libong taon o higit pa ang nakalilipas. Ang unang mga nanirahang ito, na malamang na nagmula sa Timog-Silangang Asia, ay kabilang sa mga ninuno ng mga taong kilala natin ngayon bilang mga Polynesian. Sa paglipas ng mga siglo, sila’y nangalat mula sa pinanirahan nilang mga isla at naglayag pa nang malayo sa kabuuang lawak ng Pasipiko, anupat sinakop nila ang pagkarami-raming isla nito.

Ang tinatawag ngayong Polynesia, isang salita na nangangahulugang “Maraming Isla,” ay nasa loob ng hugis tatsulok na bumabagtas mula Hawaii sa hilaga hanggang Easter Island sa timog-silangan at patawid sa New Zealand sa malayong timog-kanluran. Itinatampok sa taunang aklat na ito ang isang bahagi ng Polynesia​—ang French Polynesia​—na ang pinakasentrong isla ay ang Tahiti. a Ang French Polynesia ay binubuo ng limang arkipelago: Tubuaï (Austral) Islands, Gambier Islands, Marquesas Islands, Society Islands, at Tuamotu Archipelago. Noon lamang ika-16 na siglo natuklasan ng mga Europeong manggagalugad ang dakong ito ng Pasipiko.

Dumating ang mga Europeo

Natuklasan ng Kastilang si Álvaro de Mendaña de Neira ang ilan sa Marquesas Islands noong 1595. Si Pedro Fernandes de Queirós naman, na tauhan ni Mendaña de Neira, ang nakatuklas sa isang bahagi ng Tuamotu Archipelago noong 1606. Natuklasan ng Olandes na manggagalugad na si Jacob Roggeveen ang Bora Bora, Makatéa, at Maupiti noong 1722. Noong 1767, si Kapitan Samuel Wallis, sakay ng bapor-pandigmang Dolphin ng Britanya, ay dumaong sa Tahiti, ang pinakamalaking isla sa French Polynesia. Nang sumunod na taon, dumating din ang maglalayag na Pranses na si Kapitan Louis-Antoine de Bougainville.

Dahil nabighani siya sa kagandahan ng isla at nahalina sa pagiging malambing ng mga naninirahan doon, tinawag ni Bougainville ang Tahiti na “Nouvelle Cythère, anupat isinunod ang pangalan sa Peloponnesian Island ng Kithira malapit sa lugar kung saan sinasabing umahon sa dagat si Aphrodite [ang diyosa ng pag-ibig at kagandahan],” ang sabi ng aklat na Cook & Omai​—The Cult of the South Seas. Ang Britanong manggagalugad na si James Cook ay apat na ulit na nagpabalik-balik sa Tahiti, mula 1769 hanggang 1777. Siya ang nagpangalan sa Society Islands, ang arkipelagong kinabibilangan ng Tahiti.

Pagkatapos ng mga manggagalugad, dumating naman ang mga misyonero. Ang may pinakamalaking nagawa ay yaong mga ipinadala ng London Missionary Society, isang institusyong suportado ng Protestante. Dalawa sa mga misyonero nito, sina Henry Nott at John Davies, ang nagtagumpay sa napakahirap na trabahong isulat ang wikang Tahitiano at pagkatapos ay isalin ang Bibliya sa wikang ito. Hanggang sa araw na ito, ang Bibliyang Tahitiano ay malawakang ginagamit sa French Polynesia, lalo na sa maraming isla kung saan maimpluwensiya ang Simbahang Protestante. May nagawa rin naman ang mga misyonerong Sabadista, Katoliko, at Mormon. Halimbawa, ang Simbahang Katoliko ay may matatag na posisyon sa Marquesas, Gambier, at silangang Tuamotu.

Paano naman naging teritoryo ng Pransiya ang limang arkipelago? Mula noong 1880, unti-unting sinakop ng Pransiya ang mga isla, anupat nakabuo ng isang bagong kolonya ng mga Pranses. Ginawang kabisera ang Papeete, Tahiti, at ang mga naninirahan sa teritoryong ito ay ginawang mamamayan ng Pranses. Noong 1946, itinalaga ng Pransiya ang mga isla bilang teritoryo nito sa ibayong dagat, at noong 1957 ginamit ng teritoryong ito ang pangalang French Polynesia.

Dumating ang Mensahe ng Kaharian

Ang unang Saksing pumunta sa Tahiti ay si Sydney Shepherd, na dumating noong 1931. Sa loob ng dalawang taon, naglayag si Sydney sa ilang isla sa Pasipiko upang magpatotoo sa mga tao. Sumunod sa kaniya ang taga-New Zealand na si Frank Dewar. Bagaman hindi nagtagal ang dalawang kapatid na ito, napakarami naman nilang naipasakamay na mga literatura. Sa katunayan, pagkaraan ng mga dalawang dekada, ang tagapangasiwa ng sirkito na si Leonard (Len) Helberg, isang Australiano, ay nag-ulat: “Kasama ako noon ng isang lingkod ng kongregasyon habang nagbibiyahe sa Papeete nang huminto siya para pasakayin ang isang lalaking kilala niya na tagaburól​—isang may edad nang Amerikano. Nang malaman ng lalaki na isa akong Saksi, ang sabi niya: ‘May natatandaan akong kasamahan ninyo na dumating dito mga ilang taon na ang nakalilipas at nag-iwan sa akin ng napakaraming aklat ni Judge Rutherford.’ Isa ito sa maraming bakas ng gawain ng mga payunir na nauna sa amin. Ang payunir na tinutukoy rito ay maaaring si Sydney Shepherd o si Frank Dewar.”

Kabilang sa unang mga tagapaghayag ng Kaharian na mas lubusang nakapagpatotoo sa French Polynesia ay sina Jean-Marie at Jeanne Félix, mag-asawang natuto ng katotohanan sa Algeria, isang kolonya noon ng Pransiya. Nabautismuhan sila noong 1953. Noong 1955, nagkaroon ng panawagan na nag-aanyaya sa mga mamamahayag ng Kaharian na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, kasali na ang French Polynesia. Bilang tugon sa paanyaya, ang mag-asawang Félix at ang kanilang batang anak na lalaking si Jean-Marc, ay lumipat sa Tahiti noong 1956. Pero hindi makakuha ng trabaho si Jean-Marie, isang inhinyero. Kaya nagbiyahe ang pamilya nang 230 kilometro patungong hilagang-silangan ng Tahiti sa isla ng Makatéa, sa Tuamotu, at doon nakapagtrabaho si Jean-Marie sa isang kompanya ng phosphate.

Agad na nagpatotoo ang mag-asawa sa kanilang mga kapitbahay at sa mga katrabaho ni Jean-Marie. Ganito ang sulat ni Jeanne: “Ang mga tagaisla ay nagpakita ng malaking paggalang sa Bibliya, matamang nakinig sa mensahe ng Kaharian, at masikap sa kanilang pag-aaral ng Bibliya. Nakapagpatibay ito sa amin. Pero hindi kami malugod na tinanggap ng lokal na klero. Binabalaan pa nga nila ang kanilang mga kawan laban sa ‘mga bulaang propeta’ sa gitna nila, na sinasabing hindi raw dapat makipag-usap sa amin ang mga tao ni dumaan man lamang sa aming bahay!”

Gayunman, nang maglaon, nagbago rin ang pangmalas nila sa mag-asawang Kristiyanong ito. Nagkaroon pa nga ang mga tagaisla ng malaking paggalang kina Jean-Marie at Jeanne dahil hindi mababa ang tingin nila sa mga Polynesian, na gaya ng tingin sa kanila ng ilang Europeo sa Makatéa.

Pero kailangan pa rin ang lakas ng loob upang maipagpatuloy nila ang gawain, dahil puwedeng patalsikin ng direktor ng kompanya ng phosphate ang isang empleado anumang oras. Bukod diyan, may dalawang pulis sa isla na dumadalaw paminsan-minsan sa mag-anak para usisain kung ano ang mga ginagawa nila. Unti-unting napagtanto ng mga Pranses na pulis na ito na hindi naman pala banta sina Jean-Marie at Jeanne. Naging palakaibigan pa nga ang mga pulis.

Ang unang estudyante sa Bibliya na sumulong nang husto sa espirituwal ay si Maui Piirai, isang Polynesian na katrabaho ni Jean-Marie. Nang tumagos sa puso ni Maui ang katotohanan, gumawa siya ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Halimbawa, hindi na siya naninigarilyo at naglalasing, at pinakasalan na niya ang babaing kinakasama niya nang 15 taon na. Matapos bautismuhan noong Oktubre 1958, si Maui ang naging kauna-unahang Polynesian sa teritoryo na nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova. Siyempre pa, ibinahagi rin niya ang mabuting balita sa iba, na ikinagalit ng klero. May isang pastor pa nga na nagpakanang patalsikin si Maui sa trabaho. Pero nabigo ang balak na iyon dahil mahusay na trabahador si Maui at napakaganda ng kaniyang rekord.

Ang pangalawang tao sa Makatéa na tumugon sa Salita ng Diyos ay si Germaine Amaru, isang guro na natuto ng katotohanan sa isa sa kaniyang mga estudyante, ang anak ng mag-asawang Félix, si Jean-Marc. Bagaman pitong taon pa lamang si Jean-Marc, hangang-hanga sa kaniya ang kaniyang guro dahil sa nalalaman niya sa Bibliya anupat tinawagan ng guro ang kaniyang mga magulang. Nagdaos naman sila sa guro ng pag-aaral sa Bibliya. Pero hindi diyan natatapos ang kuwento, dahil tinulungan naman ni Germaine ang isang kasamahang guro na si Monique Sage, at ang asawa nitong si Roger, na makilala si Jehova.

Nagdaos din ng pag-aaral ang mag-asawang Félix at si Maui Piirai kay Manuari Tefaatau, isang bata pang diyakono sa simbahang Protestante ng Makatéa, at sa kaibigan nitong si Arai Terii. Noong una, patuloy pa rin sa pagsisimba ang dalawa habang ibinabahagi sa mga kamiyembro nila ang mga katotohanan sa Kasulatan tungkol sa Trinidad, apoy ng impiyerno, imortalidad ng kaluluwa, at iba pa. Gaya ng inaasahan, binulabog nito ang pamayanang Protestante. Subalit gaya ng mga nasa sinaunang Berea, maraming taimtim na mga indibiduwal ang maingat na nagsaliksik sa kanilang Bibliya upang matiyak kung tama nga ang kanilang naririnig.​—Gawa 17:10-12.

Siyempre pa, hindi ito nagustuhan ng pastor ng simbahan. Nanakot pa nga ito na patatalsikin niya ang sinumang patuloy na makikinig sa mga Saksi. Natakot ang ilan, pero sumulong naman sa espirituwal ang iba at nagbitiw sa simbahan. Kabilang sa mga ito sina Manuari at Arai gayundin ang asawa ni Maui Piirai na si Moea, at si Taina Rataro, na babanggitin mamaya sa ulat na ito.

Noong una, ang lumalaking grupo ng mga mamamahayag at mga estudyante sa Bibliya ay nagpupulong sa bahay ng mga Félix, kung saan nagpapahayag si Jean-Marie sa wikang Pranses na isinasalin naman ni Maui sa wikang Tahitiano. Nang umalis ang pamilya Félix sa Makatéa noong 1959, lumipat ang grupo sa bahay nina Maui, yamang si Maui ay bautisado na. Ano ang nadama nina Jean-Marie at Jeanne sa paglilingkod nila sa mga isla? Si Jeanne, na ngayo’y biyuda na at naninirahan sa Italya, ay nagsalita para rin sa kaniyang namatay nang asawa: “Hinding-hindi kami nagsisisi. Sa katunayan, ang aming ministeryo sa Makatéa ang pinakamagandang alaala sa buhay naming mag-asawa.”

Dumating sa Tahiti ang Mabuting Balita

Noong 1955, mismong bago pumunta ang mga Félix sa Makatéa, inatasan ng sangay ng Australia si Len Helberg na pasimulan ang gawaing pansirkito sa Timog Pasipiko. Milyun-milyong kilometro ang sakop ng kaniyang teritoryo, mula New Caledonia hanggang French Polynesia. Pero wala pang 90 mamamahayag ang nakatira sa napakalawak na teritoryong ito, at wala ni isa man sa Tahiti. Si Len ay may tatlong pangunahing tunguhin: makadalaw sa bawat kongregasyon at grupo tuwing anim na buwan; makipag-ugnayan sa lahat ng nakabukod na mamamahayag at interesadong tao; at makapagbukas ng mga bagong teritoryo na ginagamit, hangga’t maaari, ang pelikulang The New World Society in Action.

Sa kauna-unahang pagkakataon noong Disyembre 1956, nakatuntong si Len sa Tahiti at namalagi roon nang dalawang buwan. Nag-aral siya noon ng wikang Pranses sa paaralan pero halos limot na niya ito. Kaya nagsimula siyang gumawa sa mga lugar ng negosyo sa layuning makatagpo ng mga taong marunong mag-Ingles. Nakilala niya roon ang isa sa pinakamayamang lalaki sa Tahiti. Interesadung-interesadong nakinig ang lalaki at inanyayahan niya si Len na bumalik. Nang sumunod na Sabado, matapos silang mananghaliang dalawa ni Len, inanyayahan ng lalaki si Len sa kaniyang bahay, anupat isinama siya roon sakay ng kotse na may sariling drayber. Ganito ang sulat ni Len: “Pagkatapos, kinahapunan, nagulat ako nang kunin ng lalaki ang isang tambuling kabibi at hipan iyon. Napag-alaman kong hudyat pala ito para magtipon ang lahat ng mga dignitaryo ng nayon sa isang bulwagang pulungan na katabi lamang ng bahay ng lalaki.

“Mga 12 katao ang dumating, kasama ang alkalde, hepe ng pulisya, at ilang diyakono ng simbahang Protestante. Matapos akong ipakilala bilang kinatawan ng mga Saksi ni Jehova, ‘isang bagong relihiyon sa isla,’ ipinatalastas ng lalaking nagsama sa akin, ‘Sasagutin ngayon ni Ginoong Helberg ang anumang tanong ninyo tungkol sa Bibliya.’ Nasagot ko namang lahat ang mga tanong.” Ganito ang naging kaayusan tuwing Sabado sa loob ng sumunod na dalawang buwan. Bagaman hindi kailanman tinanggap ng mayamang lalaki ang katotohanan, isinaayos naman niya na maipalabas ni Len ang pelikulang The New World Society in Action sa isang ospital para sa mga may ketong. Mahigit 120 ang nanood.

May tumugon kaya sa mensahe ng Kaharian? Nagugunita pa ni Brother Helberg, “Araw ng Pasko ng 1956, habang nagbabahay-bahay sa distrito ng Arue, dumalaw ako sa pamilya Micheli na buong-pananabik na tumanggap ng mensahe.” Pamilyar ang mga Micheli sa Ang Bantayan at Gumising! dahil sa isang kamag-anak na naninirahan sa Estados Unidos na nagsaayos para makatanggap sila ng suskrisyon. Nang maglaon, ang anak na babae ng mga Micheli, si Irene, at ang asawa nito ay naging mga Saksi. Nakapagsimula rin si Len ng pag-aaral sa Bibliya sa isang Ginoong Garnier, na umakay sa iba pa niyang kapamilya na tanggapin ang katotohanan. Nang maitatag ang Kongregasyon ng Papeete noong 1959, kabilang ang mga Micheli at mga Garnier sa unang mga miyembro nito.

Noong 1957, nang pumasok sa Gilead si Brother Helberg, hinilingan ng sangay ng Australia ang tagapangasiwa ng sirkito na si Paul Evans at ang kaniyang asawang si Frances, na dumalaw sa Tahiti. Sa maikling panahong pamamalagi nila sa isla, nakapagpasakamay sila ng mahigit 70 Bibliya at mga aklat at nakakuha ng maraming suskrisyon sa Ang Bantayan at Gumising! Sumulat si Brother Evans: “Marami na ngayon sa Tahiti ang may sapat na kaalaman sa Bibliya at talagang interesado anupat gustung-gusto na nilang mangaral sa ilalim ng pangangasiwa ng organisasyon.” Makatatanggap kaya ang mga baguhang ito ng suporta at pangangasiwang kailangan nila?

Umuwi sa Sariling Bayan ang Tahitianong Sister

Si Agnès, isang kabataang Tahitiano ay umalis sa Tahiti patungong Estados Unidos noong 1936 para pakasalan si Earl Schenck, isang Amerikano. Nakilala ng mag-asawa ang mga Saksi ni Jehova, yumakap sa katotohanan, at nabautismuhan sa San Diego, California, noong 1954. Noong 1957, sila at ang mga kaibigan nilang sina Clyde at Ann Neill ay magkakatabing nakaupo sa isang pandistritong kombensiyon sa Los Angeles nang isa-isahin ni Nathan Knorr, galing sa pandaigdig na punong-tanggapan, ang ilang lugar na may higit na pangangailangan. Isa na rito ang Tahiti.

“Si Agnès ay biglang napatayo sa pananabik at napaiyak,” ang sabi ni Brother Neill. “Sinabi ko sa kanilang dalawa ni Earl na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para makarating sila at ang kanilang 11-taóng-gulang na anak na lalaki sa Tahiti. Pagkarinig nito, si Earl, na may kapansanan, ay napaiyak na rin. Labimpitong taon siyang nanirahan noon sa Timog Pasipiko, nagtrabaho bilang pintor, eskultor at manunulat, at gustung-gusto na niyang makabalik. Bukod dito, mamamayan pa rin ng Pransiya ang kaniyang asawang si Agnès.”

Nagpatuloy si Clyde: “Matapos manalangin nang paulit-ulit, kami ni Ann ay nagpasiyang pumunta sa Tahiti, kasama ang aming tatlong anak na lalaki na edad 12, 8, at 3. Nagpasiya ring sumama sa amin ang mga kaibigan naming sina David at Lynne Carano at ang kanilang anak na lalaking si David, Jr. Kaya pagkadalo namin sa 1958 internasyonal na kombensiyon sa New York City, naglayag na kami patungong Tahiti.

“Ibinigay sa amin ng sangay ng Estados Unidos ang mga pangalan ng ilang interesadong tao, kaya pagdating na pagdating namin, dinalaw namin sila agad. Si Agnès, palibhasa’y nauna sa amin, ay puspusan nang gumagawa sa ministeryo. Kami ni Ann ay hindi marunong mag-Pranses o mag-Tahitiano, kaya isinasama namin si Agnès sa pangangaral hangga’t maaari. Kapag kaming dalawa lamang, dinadala namin kapuwa ang Ingles at Pranses na kopya ng ‘Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat,’ ang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na ginagamit namin noon.”

Dahil sa mga pagsisikap na ito at sa pundasyong inilatag ni Brother Helberg at nina Brother at Sister Evans, 17 katao ang nagsimulang makipag-aral ng Salita ng Diyos sa loob lamang ng ilang linggo. Nagugunita pa ni Clyde: “Ang isa sa di-malilimot na estudyante ay ang dating ministrong Protestante na si Teratua Vaitape. Nawalan siya ng trabaho dahil sa kauusisa niya tungkol sa mga doktrina ng simbahan. Si Teratua at ang kaniyang pamilya ay nakatira sa isang napakaliit at walang-dibisyong bahay na walang tubig, at walang kuryente. Sinabi niya sa akin na mas marami siyang natutuhan tungkol sa Bibliya sa loob lamang ng ilang linggong pakikipag-aral sa amin kaysa sa apat na taon sa seminaryo at sa pitong taon na pagiging klerigo.”

Nagpatuloy pa si Clyde: “Nang ilang linggo na kami sa isla, nagsimula nang humugong ang ‘radyo ng niyugan’ [usap-usapan], at unti-unti nang nabalitaan ng mga tao ang tungkol sa amin. Nakabuti naman ang pangyayaring ito dahil ang mga Tahitiano ay palakaibigan, at gustung-gusto nila ang Bibliya.”

Noong una, sa bahay ng mga Schenck nagpupulong ang maliit na grupong ito ng mga mamamahayag. Dalawang interesado lamang ang dumadalo noon. “Pero di-nagtagal,” nagugunita pa ni Brother Neill, “mga 15 na ang regular na nakikisama sa amin. Isang babaing nakikipag-aral sa amin ang tumulong kay Len Helberg nang masira ang bisikleta nito sa harap ng bahay ng babae dalawa o tatlong taon na ang nakalipas. Nakapagpasakamay si Len ng literatura sa kaniya, kaya tuwang-tuwa ito nang malaman na iisa ang aming relihiyon. Napakalayo ng bahay nila sa amin, kaya kapag dumadalaw kami, pinaghahandaan na niya kami ng pananghalian​—kadalasa’y masarap at sariwang isda na inihaw sa ibabaw ng aserong dram.”

Bago umalis ang mga Neill at Carano noong Disyembre 1958, nagbigay si Clyde ng pahayag sa bautismo na ginanap sa ikalawang pagkakataon sa French Polynesia, ang una ay binigkas sa Makatéa noong Oktubre, nang bautismuhan si Maui Piirai. Animnapu ang dumalo, at walo ang nabautismuhan. Kabilang dito ang anak ng mga Neill na si Steven at si Auguste Temanaha, isang Tahitiano na nang maglaon ay tumulong sa pagtatatag ng isang kongregasyon sa isla ng Huahine.

Panahon ng Pagtatatag ng Gawain

Sa kahilingan ng sangay ng Fiji, ang mag-asawang John at Ellen Hubler, mula sa Australia, ay lumipat sa Tahiti noong 1959 upang tumulong sa bagong-tatag na Kongregasyon ng Papeete. Naglingkod si John bilang lingkod ng kongregasyon sa loob ng pitong buwang pamamalagi nila ni Ellen sa Tahiti. Palibhasa’y sa Switzerland isinilang, magaling mag-Pranses si John. Marunong din si Ellen ng wikang ito, dahil matagal din siyang naglingkod sa New Caledonia kasama ng kaniyang asawa. Ang mga bagong mamamahayag ay sinanay ng mga Hubler sa ministeryo ng pagbabahay-bahay na kailangang-kailangan nila, yamang karamihan sa kanila ay nangangaral lamang nang di-pormal.

Noong 1960, nagsimulang maglingkod sina John at Ellen sa pansirkitong gawain. Naging teritoryo nila ang French Polynesia, kung kaya patuloy nilang natulungan ang mga mamamahayag doon. “Pagkatapos, noong 1961,” ang sabi ni John, “inanyayahan akong mag-aral sa Paaralang Gilead. Pagkatapos ng gradwasyon, inatasan ako bilang tagapangasiwa ng sirkito sa lahat ng isla sa Pasipiko na ang wika ay Pranses.”

Kauna-unahang Kingdom Hall

“Sa ikalawang pagdalaw namin sa Tahiti,” ang sabi ni Brother Hubler, “nagkapribilehiyo akong magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang dating guro, si Marcelle Anahoa. Noong panahong iyon, hanap kami nang hanap ng loteng mapagtatayuan ng aming sariling Kingdom Hall. Pero may dalawang hadlang. Una, parang walang sinuman ang gustong magbenta ng lote; ikalawa, napakaliit ng pondo ng kongregasyon. Gayunman, tuloy pa rin kami sa paghahanap, anupat nagtitiwalang papatnubayan ni Jehova ang mga bagay-bagay.

“Habang nagdaraos ako ng pag-aaral kay Marcelle, nabanggit ko sa kaniya ang situwasyon. ‘May ipakikita ako sa iyo,’ ang sabi niya. Nang lumabas kami, may itinuro siya, sabay sabi: ‘Nakikita mo ba ang loteng iyan? Akin iyan. Plano ko sanang magpatayo ng mga apartment, pero ngayong natututuhan ko na ang katotohanan, nagbago na ang isip ko. Ibibigay ko na lang ang kalahati ng loteng iyan para pagtayuan ng Kingdom Hall.’ Nang marinig ko iyon, agad akong sumambit ng tahimik at taos-pusong pasasalamat kay Jehova.”

Pagkatapos na pagkatapos magawa ang mga dokumento, itinayo ng Kongregasyon ng Papeete ang kauna-unahan nitong Kingdom Hall, at natapos ito noong 1962. Simple lamang ang disenyo nito na karaniwan sa mga isla, walang dingding kundi bubong lamang na gawa sa mga dahon ng pandanus. Ang problema, gustung-gusto ng mga manok ng kapitbahay na mamugad sa mga upuan at humapon sa mga tahilan ng Kingdom Hall. Kaya pagdating ng mga kapatid para dumalo sa pulong, nadaratnan nila sa sahig at sa mga upuan ang mga itlog at iba pang di-kanais-nais na mga palatandaang humapon doon ang mga manok. Pero napakinabangan din naman ang bulwagan hanggang sa magtayo ang mga kapatid ng mas malaki at mas matibay na gusali.

Nalutas ang mga Pag-aalinlangan sa Legalidad

Hindi nakatitiyak noon ang mga kapatid sa legal na katayuan ng mga Saksi ni Jehova sa French Polynesia. Ipinagbawal noon sa Pransiya ang magasing Bantayan mula noong 1952, pero ang mismong gawain ay hindi naman ipinagbawal. Gayundin kaya ang kalagayan sa teritoryong ito ng Pransiya? Samantala, patuloy ang pagdami ng mga mamamahayag, anupat napapansin na ng publiko ang mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, minsan noong huling mga buwan ng 1959, pumasok ang mga pulis sa isang pagpupulong upang tingnan kung ano ang nagaganap doon.

Dahil dito, pinayuhan ang mga kapatid na magtatag ng isang legal na asosasyon. Ang legal na pagpaparehistro ay lulutas sa mga pag-aalinlangan at mag-aalis ng paghihinala. Tuwang-tuwa ang mga kapatid nang tanggapin nila noong Abril 2, 1960 ang kumpirmasyon na legal na silang rehistrado bilang Asosasyon ng mga Saksi ni Jehova!

Pero bawal pa rin Ang Bantayan sa Pransiya. Sa pag-aakalang kapit din ang pagbabawal na ito sa French Polynesia, natatanggap noon ng mga kapatid ang mga artikulo sa Bantayan sa pamamagitan ng isang babasahing tinatawag na La Sentinelle (The Sentinel), na ipinadadala mula sa Switzerland. Minsan, ibinunyag ng mga pulis sa presidente noon ng legal na asosasyon, si Michel Gelas, na alam nilang ang La Sentinelle ay kahalili lamang ng Ang Bantayan. Pero hindi naman hinadlangan ng mga pulis ang pagpasok ng magasin. Natuklasan lamang ng mga kapatid kung bakit hindi ito hinarang nang alisin sa Pransiya ang pagbabawal sa Ang Bantayan noong 1975.

Nang maalis na ang pagbabawal, humingi ng pahintulot ang mga kapatid sa Tahiti na matanggap nila Ang Bantayan sa kanilang lugar. Saka lamang natuklasan na hindi pala kailanman nailathala ang pagbabawal sa Official Journal of French Polynesia. Kung gayon, hindi naman pala kailanman ipinagbawal Ang Bantayan sa French Polynesia, na ikinagulat ng marami.

Sa kabilang dako naman, mahigpit ang lokal na mga awtoridad sa pagbibigay o pagpapalugit ng mga visa. Kaya yaong mga hindi mamamayan ng Pransiya, gaya nina Clyde at Ann Neill, na nabanggit kanina, ay nakapamamalagi lamang nang ilang buwan. Gayundin ang kalagayan ng mga Hubler. Pero dahil miyembro rin ng legal na asosasyon si John, at pinahihintulutan ng batas ng Pransiya na magsama ng isang dayuhan sa lupon, hindi siya gaanong nahirapang makakuha ng visa.

Nakatulong ito kay John sa kaniyang pansirkitong atas. Sa katunayan, ipinatawag si John ng komisyonado ng pulisya sa kaniyang opisina isang araw upang itanong kung bakit madalas na pumupunta si John sa mga isla. Ipinaliwanag ni John na bilang miyembro ng asosasyon, kailangan siyang dumalo sa mga pulong ng lupon. Nasiyahan naman ang komisyonado sa paliwanag. Pero hindi lamang iyon ang tanging pagkakataon na humarap si John sa komisyonado.

Sa pasimula ng 1963, ikinagalit ng maraming Polynesian, at ng isang prominenteng pastor, ang ginagawang pagsubok sa mga sandatang nuklear sa Pasipiko. Sinamantala ng isang apostata ang pagkakataon upang ireklamo sa mga pulis na isa si Brother Hubler sa mga nanunulsol, na hindi naman siyempre totoo. Gayunman, ipinatawag uli si John sa harap ng komisyonado. Sa halip na tuligsain ang nagpaparatang, buong-kabaitang ipinaliwanag ni John ang ating salig-Bibliyang neutralidad at paggalang sa mga awtoridad ng pamahalaan. (Roma 13:1) Binigyan din niya ng ilang literatura ang komisyonado. Nang dakong huli, makatuwirang sinabi ng opisyal na ito na mayroon lamang gustong manggulo sa mga Saksi.

Pero nang maglaon, hindi na rin makakuha ng visa ang mga Hubler. Dahil dito, bumalik na sila sa Australia at doon nila ipinagpatuloy ang pansirkitong gawain hanggang sa huminto sila noong 1993 dahil sa mahinang kalusugan.

Habang nasa isla, nakita ng mga Hubler ang malaking pagbabagong ginawa ng maraming indibiduwal sa kanilang buhay upang mapaluguran si Jehova. Isa na rito ang 74-na-taóng-gulang na babae na may 14 na anak, na pawang anak sa labas. “Mama Roro ang tawag namin sa kaniya,” ang sabi ni John. “Nang malaman ni Mama Roro ang katotohanan, pinakasalan niya ang lalaking kinakasama niya at wastong ipinarehistro ang lahat ng kaniyang anak, kahit na iba-iba ang tatay nila. Para maitala ang lahat ng anak, kinailangang pagdugtungin ng alkalde roon ang dalawang form para maging isang mahabang listahan. Iginiit ni Mama Roro na kailangang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa pamantayan ni Jehova.” Pagkabautismo sa kaniya, nagsimula nang magpayunir ang tapat na kapatid na ito at naging bihasa sa pagpapasakamay ng mga magasin. Nangaral pa nga siya sa malalayong isla kasama ng iba pang mga mamamahayag.

Ang Bibliyang Tahitiano​—Isang Pagpapala

Noong dekada ng 1960, karaniwan nang makasusumpong ka ng mga tao na wikang Tahitiano lamang ang alam. Pero dahil sa mga tagapagsalin na sina Nott at Davies, nagkaroon na rin ng Bibliya sa wikang iyan makalipas ang 1835. b Ang isa sa kapansin-pansing katangian nito ay ang paggamit sa pangalan ng Diyos, ang Iehova sa wikang Tahitiano, sa buong nilalaman nito, pati na sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.

Palibhasa’y malawakang naipamahagi sa buong isla, maraming natulungan ang Bibliyang Tahitiano upang magkaroon ng tumpak na kaalaman tungkol sa katotohanan. Isa na rito si Taina Rataro. Si Taina, isinilang noong 1927, ay isa sa naunang grupong iyon ng mga estudyante ng Bibliya sa Makatéa. Pero noong una, hindi siya marunong bumasa at sumulat sa wikang Tahitiano, na sarili niyang wika. Subalit nagsumikap siyang mabuti at naging maganda naman ang kaniyang pagsulong. Nagpatala pa nga siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at hinirang bilang ministeryal na lingkod nang maglaon.

Si Elisabeth Avae, 78 taóng gulang, ay isinilang sa malayong isla ng Rimatara sa Tubuaï Islands, mga 600 kilometro mula sa Tahiti. Noong dekada ng 1960, wala siyang naiintindihan ni isang salita sa wikang Pranses, pero nakababasa siya at nakasusulat sa wikang Tahitiano. Pagkatapos ng kasal, silang mag-asawa ay lumipat sa Papeete. Doon niya nalaman ang katotohanan sa Bibliya mula sa kaniyang panganay na anak na babae, si Marguerite, na dumadalo na sa mga pulong Kristiyano. Nagsimula na ring dumalo si Elisabeth, kasama ang kaniyang siyam na anak. At ginawa niya ito sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng kaniyang asawa, na itinatapon ang lahat ng kaniyang damit sa labas ng bahay habang nasa pulong siya.

Noon, ang mga pulong ay sa wikang Pranses, at ang ilang bahagi ay isinasalin sa wikang Tahitiano paminsan-minsan. Nakinabang si Elisabeth sa espirituwal na pagkain mula sa programa sa pamamagitan ng pagsubaybay sa kaniyang Bibliyang Tahitiano kapag may binabanggit na teksto. Ginamit ng sister na nakikipag-aral sa kaniya ang buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian,” anupat mula sa wikang Pranses ay isinasalin ito sa wikang Tahitiano habang binabasa naman ni Elisabeth ang mga teksto sa kaniyang Bibliya. Ang resulta, napakahusay ng kaniyang pagsulong at nabautismuhan siya noong 1965. Pagkatapos, nagdaos naman siya ng pag-aaral sa iba pa na nagsasalita lamang ng wikang Tahitiano. Tinuruan din niya ang kaniyang mga anak, anupat anim sa kanila ang nag-alay ng kanilang buhay kay Jehova, at ang ilan sa kaniyang mga apo, na marami sa kanila ay siya ang nagpalaki.

Ang isang apo, si Diana Tautu, ay 12 taon nang naglilingkod sa sangay ng Tahiti bilang tagapagsalin. Ang sabi ni Diana: “Salamat kay Lola at tinulungan niya akong matuto nang husto sa wikang Tahitiano. Nagkapribilehiyo tuloy ako ngayon na magkaroon ng maliit na bahagi sa pagtulong sa iba na makatanggap ng nagliligtas-buhay na espirituwal na pagkain sa kanilang sariling wika.”

Nakilala ng mga Tsino si Jehova

Noong dekada ng 1960, mga 10 porsiyento ng populasyon ng Tahiti ay mga Tsino. Ang unang Tsinong tumanggap ng katotohanan sa Bibliya ay si Clarisse Lygan, na tin-edyer pa lamang noon. Mahirap lamang ang pamilya nina Clarisse. Para makatulong sa pinansiyal, nagtatrabaho siya tuwing Miyerkules, kapag walang pasok sa paaralan. Namamasukan siya noon sa isang pamilyang Saksi. Dahil dito, nakilala ni Clarisse ang katotohanan at, sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng kaniyang mga magulang, nagpabautismo siya noong 1962 sa edad na 18.

Kabilang din sina Alexandre at Arlette Ly Kwai at Ky Sing Lygan sa unang mga Tsino na naglingkod kay Jehova sa Tahiti. Isang araw nakilala ni Alexandre, isang drayber ng taksi, sina Jim at Charmian Walker, mag-asawang Saksi na dumating mula sa New Zealand noong 1961 para tumulong sa gawain. Nagpakita si Alexandre ng pagnanais na matuto ng Ingles. Ang sabi ni Charmian: “Payunir ako noon. Kaya sinabi ni Jim kay Alexandre na puwede ko siyang turuan. Pumayag naman siya. Ang pag-aaral niya ay hinati sa 30-minutong leksiyon sa Ingles at 30-minutong pag-aaral sa Bibliya, sa tulong ng aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso.”

Samantala, nalaman din ng kapatid ni Alexandre na si Ky Sing ang katotohanan. Pero nang panahong iyon, kakukumberte pa lamang ng magkapatid na ito sa Katolisismo at kumukuha sila ng kurso sa relihiyong iyon. Kaya naman, unti-unti nilang nakita ang pagkakaiba ng turo ng Bibliya at ng turo ng simbahan. Sa pagtatapos ng kurso, tinanong ng pari ang klase, na mga 100, kung may mga tanong sila. Nagtaas ng kamay si Alexandre at humingi ng katibayan mula sa Kasulatan na ang kaluluwa ay imortal. “Alam ko kung saan galing ang tanong na iyan,” ang sagot ng pari. “Nakikipag-usap ka sa mga Saksi ni Jehova, ’no?” Pagkatapos ay tinuya niya ang lalaki sa harap ng klase.

Para kina Alexandre at Ky Sing, pinatunayan ng pangyayaring iyon na wala sa Simbahang Katoliko ang katotohanan. Nang bandang huli, inialay nila at ng kani-kanilang asawa ang buhay nila kay Jehova, at pagkaraan, ang magkapatid na ito ay hinirang bilang matatanda sa kongregasyon. May panahon pa nga na nakapaglingkod si Alexandre sa Komite ng Sangay sa Tahiti. Pagkaraan, lumipat silang mag-asawa sa Raïatéa, isang isla sa Society Islands, upang tumulong sa gawaing pang-Kaharian at pagkatapos ay sa Bora Bora, kung saan buong-katapatang naglingkod si Alexandre hanggang sa kaniyang kamatayan.

Nagbago ang Direksiyon ng Buhay Habang Nasa Laot

Si Antonio Lanza ay isang teknisyan sa isang pagawaan ng telebisyon sa Milan, Italya. Noong 1966, nagtanong ang kompanya kung sino ang magboboluntaryong pumunta sa Tahiti upang mangasiwa sa pagkukumpuni ng naibenta nang mga telebisyon. Tinanggap ni Antonio ang puwestong iyon, na tatagal nang tatlong taon. Pero isinaplano niyang huwag isama ang kaniyang asawang si Anna at ang kanilang dalawang maliliit pang anak na lalaki. Ilang linggong nag-iiiyak si Anna, habang kinukumbinsi niya ang kaniyang asawa na magbago ng isip, pero nabigo siya.

Aabutin nang 30 araw bago makatawid mula Marseilles, Pransiya patungong Papeete. Palakaibigan si Antonio at mahilig makipag-usap, pero halos lahat ng pasahero ay nagsasalita ng Pranses, na hindi naman niya naiintindihan. Gayunman, nang sumunod na araw, nakilala niya ang dalawang madreng Katoliko na parehong Italyana. Pero mayroon silang mga ritwal araw-araw kung kaya wala silang gaanong panahong makipag-usap. Subalit sinabi naman nila kay Antonio na may isang babaing Pranses na pasahero na marunong ng wikang Italyano. Ang tinutukoy nila ay si Lilian Selam, isang Saksi. Naglalakbay si Lilian at ang kaniyang mga anak patungong Tahiti para sumama na sa kaniyang asawang nagtatrabaho roon.

Natagpuan ni Antonio si Lilian at nasiyahan sa pakikipag-usap sa kaniya. Binigyan naman siya ni Lilian ng isang salig-Bibliyang publikasyon sa wikang Italyano. Mula noon, palagi na silang nag-uusap tungkol sa espirituwal na mga bagay. Minsan sa kanilang pag-uusap, pinaalalahanan ni Lilian si Antonio na isinasapanganib nito ang sarili sa moral na paraan dahil sa pag-iwan niya sa kaniyang asawa at mga anak sa loob ng tatlong taon habang nagtatrabaho ito sa Tahiti. Ipinakita rin ni Lilian sa kaniya ang pangmalas ng Diyos sa pagiging sagrado ng pag-aasawa, habang ibinabahagi sa kaniya ang mga teksto sa Bibliya na gaya ng Efeso 5:28, 29 at Marcos 10:7-9.

Nang makapag-isip-isip si Antonio, pinagsisihan niya ang kaniyang naging desisyon. Sa katunayan, habang nasa Panama, sumulat siya sa kaniyang asawa, na sinasabing kapag nagkapera na siya, susunod agad silang mag-iina sa Tahiti sakay ng eroplano. Pagkatapos ay sumulat siyang muli, ngunit sa pagkakataong ito ay upang pakunin si Anna ng isang Bibliya mula sa kanilang pari at dalhin ito. Ano kaya ang naging palagay ng pari sa ideyang ito? Sinabi nito kay Anna na baka raw nababaliw na ang kaniyang asawa, kung kaya gusto nitong magbasa ng isang komplikadong aklat.

Anim na buwan pagdating ni Antonio sa Tahiti, sumunod na rin ang kaniyang pamilya. Kinabukasan pagkarating niya, hiniling kay Antonio ng relihiyosang si Anna na magsimba silang mag-anak upang makapagpasalamat sa Diyos dahil nagkasama-sama na sila uli. “Sige,” ang sabi ni Antonio, “magsisimba tayo.” Pero sa halip na dalhin ang kaniyang pamilya sa simbahang Katoliko, dinala niya sila sa Kingdom Hall! Mangyari pa, gulat na gulat si Anna. Pero natuwa siya sa programa at pumayag pa ngang makipag-aral ng Bibliya. Sino kaya ang nakipag-aral sa kaniya? Walang iba kundi si Lilian Selam, ang sister na nagpatotoo kay Antonio sa barko.

Ang tatlong taon sanang pamamalaging mag-isa ni Antonio sa Tahiti ay naging 35 taon kapiling ng kaniyang buong pamilya. Bukod diyan, sina Antonio, Anna, at apat na ngayong anak nila ay pawang nagkakaisa sa tunay na pagsamba, at si Antonio ay naglilingkod bilang matanda sa kongregasyon.

Mga Pamilyang Naglilingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan

Sa nakalipas na mga taon, maraming kapatid ang lumipat sa nakabukod na mga isla upang tumulong kung saan mas malaki ang pangangailangan sa mga mamamahayag ng Kaharian. Kabilang dito ang pamilya Mara, Haamarurai, at Terii, gayundin si Ato Lacour, na ang pamilya ay wala sa katotohanan. Ang pamilya Mara​—sina Vaieretiai, Marie-Medeleine, at limang anak​—ay lumipat sa Raïatéa mula sa Tahiti. Idinestino naman sa ibang lugar ang mag-asawang special pioneer na naglilingkod doon. Dalawang sister lamang at ilang di-bautisadong mamamahayag ang naiwan sa isla.

Si Vaieretiai ay isang manlililok ng kahoy at, pagkaraan ay naging manlililok ng korales, anupat nakalipat siya nang hindi na kinailangang magpalit ng trabaho. Bilang nag-iisang elder, inasikaso niya ang maliit na grupo sa Raïatéa sa loob ng limang taon hanggang sa dumating ang isa pang kuwalipikadong brother. Pagkaraan, lumipat naman ang mga Mara sa Tahaa, kung saan sila tumira nang apat na taon.

Kung materyal ang pag-uusapan, mahirap ang buhay ng pamilya Mara sa dalawang islang ito. “Kinailangan kong pumunta sa Tahiti para ipagbili ang aking mga nililok,” ang sabi ni Vaieretiai. “Kung minsan ay wala akong pamasahe sa eroplano. Sa gayong mga pagkakataon, nakikiusap ako sa lalaking nangangasiwa sa maliit na airline na pautangin ako ng tiket, sa pangakong babayaran kong lahat iyon pagbalik ko. Oo, gipit kami sa salapi kung minsan, pero hindi kami kailanman nagkulang sa pangunahing mga pangangailangan sa buhay.” Malaki ang naging impluwensiya ng halimbawa ng pagsasakripisyo sa sarili nina Vaieretiai at Marie-Medeleine sa kanilang anak na si Jeanne, na 26 na taon na ngayon sa buong-panahong paglilingkod at miyembro ng pamilyang Bethel sa Tahiti.

Noong 1969, lumipat naman si Ato Lacour at ang kaniyang pamilya sa isla ng Rurutu sa Tubuaï Islands, dahil nagpalipat siya roon ng trabaho. Tatlong taon pa lamang siyang nababautismuhan at siya lamang sa kaniyang pamilya ang nasa katotohanan at nag-iisang mamamahayag sa mga islang iyon. Kinabukasan pagkarating niya, lumabas siya para magpatotoo. Isinulat niya sa kaniyang talaarawan: “Nagsimula na akong mangaral​—mag-isa. Nahirapan ako. Malalim ang pagkakaugat ng Babilonyang Dakila rito.”

Pero di-nagtagal, unti-unting tumugon sa mabuting balita ang mga interesado, at nakabuo sila ng isang grupo. Sa pasimula, nagtitipon sila sa sala ng bahay ng mga Lacour. Ang sabi ni Ato: “Dahil mga miyembro kami ng isang bagong relihiyon sa isla, tinawag ang aming grupo na ‘relihiyon ni Lacour.’ Pero ‘patuloy na pinalago ito’ ni Jehova, at naging kongregasyon ang aming grupo noong 1976.” (1 Cor. 3:6) Bago mamatay si Brother Lacour noong taóng 2000, sumama na rin sa kaniya sa tunay na pagsamba ang ilang miyembro ng kaniyang pamilya pati na ang kaniyang asawang si Perena.

Sina Rudolphe at Narcisse Haamarurai ay lumipat sa Bora Bora. Nagbitiw si Rudolphe sa kaniyang trabaho bilang superbisor sa panrehiyong kompanya ng kuryente sa Tahiti at naging tagakuha ng niyog at tagagawa ng kopra sa Bora Bora. Wala siyang nakitang ibang trabaho sa loob ng dalawang taon. Pero kaylaking pagpapala ang idinulot ni Jehova sa kanilang mag-asawa dahil nang maglaon, isang kongregasyon ang naitatag sa isla! Sa loob ng mahigit 25 taon, ang kongregasyong ito ay nagpulong sa bahay ni Haamarurai. Pagkatapos, noong taóng 2000, lumipat na sila sa kanilang sariling bagong Kingdom Hall, malapit mismo sa napakagandang lawa ng Bora Bora.

Sina Taaroa at Catherine Terii, kasama ang 7 sa 15 nilang anak na nasa ilalim pa rin ng kanilang pangangalaga, ay lumipat sa napakaliit na isla ng Maupiti, na nasa Society Islands din. Nang dumating doon ang mga Terii noong 1977, sila lamang ang mamamahayag sa Maupiti. Nanirahan sila sa isang motu, isang napakaliit na isla sa tabi ng lawa. Ang pagkain nila ay halos puro isda at kinudkod na niyog. Namumulot din ang mag-anak ng mga pagkaing susô, na ipinagbibili nila. Kapag lumalabas ang mga Terii para magpatotoo, lumulusong sila sa lawa patawid sa malaking isla, habang nag-iingat na makatapak ng isdang may nakalalasong mga tibò.

Noong 1980, inatasan sina Taaroa at Catherine na magtungo sa Bora Bora, bilang mga special pioneer naman sa pagkakataong ito. Pagkatapos maglingkod bilang mga special pioneer sa loob ng 5 taon, naglingkod naman sila bilang mga regular pioneer sa loob ng 15 taon. Gaya ng makikita natin ngayon, kabilang sa kanilang mga unang estudyante sa Bibliya ang isang mag-asawang dumanas ng matinding pagsalansang dahil sa mabuting balita.

Sinubok ang mga Baguhan sa Espirituwal

Ang mga unang estudyante sa Bibliya ng mga Terii na tumanggap ng katotohanan sa Bora Bora ay sina Edmond (Apo) at Vahinerii Rai. Ang mga Rai ay nakatira sa isang bahay na pag-aari ng nanay ni Edmond. Pagkatapos ng mga anim na buwang pag-aaral ng mag-asawa, pinalayas sila ng nanay ni Edmond sa udyok ng kanilang pastor. Napilitang manirahan sina Edmond, Vahinerii, at ang kanilang dalawang-taóng-gulang na anak na lalaki sa isang dampa sa kasukalan. Inudyukan din ng pastor ang amo ni Edmond na patalsikin siya​—sa katunayan, sinabihan pa nga ng pastor ang iba pang posibleng mapagtatrabahuhan ni Edmond na huwag itong tanggapin! Sa loob ng walong buwan, nakaraos naman ang mag-anak dahil sa pangingisda.

Isang araw, kinausap ng isang babaing gustong magpagawa ng bahay ang dating amo ni Edmond. Hangang-hanga siya sa kakayahan ni Edmond kung kaya gusto niyang ito ang gumawa ng bahay. Nang malaman niyang pinatalsik pala si Edmond dahil nakikisama siya sa mga Saksi ni Jehova, sinabi niya sa kontratista na mapupunta lamang sa kaniya ang trabaho kung sa kaniya magtatrabaho si Edmond. Ang resulta, naibalik si Edmond sa kaniyang trabaho. Samantala, lumambot na rin ang kalooban ng kaniyang nanay at pinabalik na uli sina Edmond at Vahinerii sa kaniyang bahay. Sa ngayon, naglilingkod si Edmond bilang isang elder sa Kongregasyon ng Bora Bora.

Nag-ugat sa Huahine ang Mabuting Balita

Ang isa sa orihinal na grupo ng mga estudyante sa Bibliya na nabautismuhan sa Tahiti noong 1958 ay si Auguste Temanaha. Pagkabautismo sa kaniya, lumipat si Auguste sa Estados Unidos, at bumalik sa Tahiti noong huling mga taon ng dekada ng 1960 kasama ang kaniyang asawang si Stella, at ang tatlo nilang anak. Naging maunlad ang kaniyang negosyo roon. Noong 1971, matapos pasiglahin ng isang tagapangasiwa ng sirkito at ng halimbawa ng nabanggit na pamilya Mara, ipinagbili ng mga Temanaha ang kanilang negosyo at lumipat sa isla ng Huahine, mahigit lamang na160 kilometro mula sa Tahiti.

Nang panahong iyon, may isang sister at ilang interesadong tao na naninirahan sa islang iyon. Nagkakaroon lamang sila ng pakikipag-ugnayan sa organisasyon ni Jehova kapag dinadalaw sila paminsan-minsan ng mga payunir at ng tagapangasiwa ng sirkito. Kaya tuwang-tuwa sila nang dumating ang mga Temanaha. Agad na nagsaayos si Auguste ng mga pulong, na ginaganap sa kusina ng kaniyang bahay. Mga 20 ang dumadalo noon.

Sa pasimula, hindi makakuha ng trabaho si Auguste. Pero siya at ang kaniyang pamilya ay nanatiling abala sa ministeryo, habang nagtitiwalang hindi sila pababayaan ni Jehova. At hindi nga Siya nagpabaya. Halimbawa, kapag nangangaral ang mga Temanaha, palaging ipinaparada ni Auguste ang kanilang kotse sa teritoryo. Pagbalik nila sa kotse, madalas na nadaratnan nilang punô na ito ng pagkain. Kung sinuman ang naglagay nito, hindi nila alam. Inisip na lamang nila na mababait na indibiduwal iyon sa teritoryo na nakaaalam ng kanilang kalagayan. Nagpatuloy ito nang ilang linggo hanggang sa bumuti na ang pinansiyal na kalagayan ng mag-anak.

Dahil sa sigasig at pagtitiyaga ng mga Temanaha at ng iba pang gaya nila, at sa mabuting kalooban ng mga tagaisla, hindi nga kataka-taka na may lumalagong kongregasyon ngayon sa Huahine. Sa katunayan, ang isla ay may 1 mamamahayag sa bawat 53 tagaroon. At nitong nakalipas na mga taon, umabot sa 1 sa bawat 12 ang dumalo sa Memoryal!

Marami pang ibang pamilyang Saksi ang nagpakita ng katulad na espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili. Halimbawa, sa simula ng 1988, sina Jean-Paul at Christiane Lassalle ay dalawang taóng naglingkod sa Marquesas Islands. Naging miyembro si Jean-Paul ng lupon ng mga direktor sa Social Security Administration sa Tahiti pero nagbitiw siya sa tinitingalang trabahong ito upang mapalawak ang kaniyang ministeryo. Noong 1994, lumipat uli ang mga Lassalle, ngayon naman ay sa Rangiroa sa Tuamotu, at tumira sila roon nang tatlong taon. Sa ngayon, si Jean-Paul ay tapat na naglilingkod sa Pransiya.

Nitong huli, si Colson Deane, matapos magretiro bilang katulong na direktor sa piitan sa Tahiti, ay lumipat kasama ang kaniyang asawang si Lina, sa isla ng Tubuaï sa grupo ng Tubuaï. Pareho silang nagpapayunir at napakalaking tulong nila sa maliit na kongregasyon sa islang iyon, na nasa isang lugar kung saan kailangang-kailangan pa ang mga elder.

Pami-pamilya ang Lumipat Mula sa Pransiya Para Tumulong

May ilang pamilyang dumating mula pa sa Pransiya para tumulong sa gawain. Tingnan natin ang pamilya Sicari​—sina Francis, Jeannette, at ang kanilang dalawang anak na babae, na edad seis at nuwebe. “Naghihintay kami noon ng pagkakataong mapalawak ang aming ministeryo,” ang sabi ni Francis. “Pagkatapos ay nabasa namin sa 1971 Yearbook of Jehovah’s Witnesses ang panawagan sa mga mamamahayag na maglingkod sa Timog Pasipiko.” Kahit na sinikap pa ng ilang kaibigan at kamag-anak na pahinain ang loob ng mga Sicari, tinanggap pa rin nila ang hamon at dumating sila sa Papeete noong Abril 1972.

Dahil elder si Francis, ang pagdating niya ay umakay sa pagbuo ng ikalawang kongregasyon sa Tahiti, sa bayan ng Punaauia. Kasama si Jean-Pierre Francine, na siyang punong tagapangasiwa noon sa isa pang kongregasyon, nagkapribilehiyo si Francis na maglingkod sa kauna-unahang Komite ng Sangay sa Tahiti nang pasimulan ang kaayusang iyon noong 1976. Naglingkod siya sa tungkuling iyon sa loob ng 12 taon.

May katuwiran bang mabahala ang mga kaibigan at kamag-anak ng mga Sicari? “Salungat sa sinabi ng iba, nakinabang ang aming mga anak sa paglipat namin,” ang sabi ni Francis. “Sa katunayan, kaming apat ay nakagugol na ng kabuuang 105 taon sa buong-panahong paglilingkod at nagtamasa ng maraming pagpapala, gaya ng ipinangako ni Jehova.​—Mal. 3:10.”

Noong 1981 sa Ministeryo sa Kaharian, ipinatalastas ng sangay ng Pransiya na kailangan ang mga elder sa isla ng Mooréa, 30-minutong biyahe sa bangka mula Papeete. Tumugon sa panawagan ang dalawang brother at ang kani-kanilang asawa, at ang isang mag-asawa ay sina Alain at Eileen Raffaelli. Tumulong silang makapagtatag ng isang kongregasyon sa Mooréa, kung saan naglingkod sila nang walong taon. Naglingkod din si Alain sa Komite ng Sangay mula 1987 hanggang 1994.

Noong 1997, inanyayahan ng sangay ng Pransiya ang retiradong mga brother na lumipat sa malalayong isla sa loob ng dalawang taon o higit pa upang tumulong kung saan kailangang-kailangan ang mga elder. Ganito ang sabi ni Gérard Balza, koordineytor ng Komite ng Sangay sa Tahiti: “Umasa kami na baka may tumugong dalawa o tatlong mag-asawa. Gulat na gulat kami nang 11 mag-asawa ang nagboluntaryo! Dalawang mag-asawa pa nga ang nagpasiyang manirahan na rito. Dahil sa kanilang espirituwal na pagkamaygulang at karanasan, napakalaki ng naitulong ng mga kapatid na ito sa aming mga mamamahayag. At bagaman hindi sila mga misyonero, natikman din nila ang buhay-misyonero at ang mga hamon ng paninirahan sa isang malayong isla.”

Pagtatatag ng Sangay

Habang sumusulong ang gawain sa Pasipiko, sumunod naman ang mga pagbabago sa organisasyon. Ang Australia ang nangasiwa sa gawain sa French Polynesia hanggang 1958 nang palitan ito ng Fiji na mas malapit doon. Isa pang pagbabago ang naganap noong 1975 nang dumalaw sa Tahiti sina Nathan Knorr at Frederick W. Franz mula sa pandaigdig na punong tanggapan. Nagbigay sila ng nakapagpapatibay na mga pahayag sa mahigit 700, at nagpalabas si Brother Knorr ng slide sa mga 500 sa isa sa mga Kingdom Hall.

Pagkatapos ng programa, pinulong ni Brother Knorr ang mga elder at iminungkahi ang pagbubukas ng isang sangay sa Tahiti. Tuwang-tuwa ang mga kapatid sa mungkahing ito. Si Alain Jamet, isang tagapangasiwa ng sirkito na nagsasalita ng Ingles, ang hinirang na tagapangasiwa ng sangay. Mula Abril 1 ng taóng iyon, ang bagong kaayusan ay napatunayang isang hakbang sa tamang direksiyon. Oo, mas malapit nga naman ang Fiji kaysa Australia, pero may problema pa rin sa wika. Gayunman, ang mga kapatid sa French Polynesia ay mayroon na ngayong tuwiran at malapit na pakikipagtalastasan sa kanilang sariling sangay.

Palibhasa’y wala pang 300 ang mga mamamahayag sa buong teritoryo, maliit lamang ang tanggapang pansangay. Sa katunayan, isang kuwarto lamang ito na katabi ng Kingdom Hall sa Papeete. May isang mesa sa isang tabi, at nasa kabilang tabi naman ang suplay na mga literatura. Sa pasimula, part-time lamang ang trabaho ng tagapangasiwa ng sangay, kaya naman patuloy pa rin ang mag-asawang Alain at Mary-Ann sa pansirkitong gawain at pangangaral sa malalayong isla kung saan wala pang mga mamamahayag.

Pangangaral sa mga Arkipelago ng Tuamotu at Gambier

Nang maitatag ang sangay sa Tahiti, lalong pinag-ukulan ng pansin ang pagpapaabot ng mabuting balita sa malalayong isla. Sa ilang pagkakataon, naggugrupu-grupo ang mga kapatid upang maglakbay sa mga islang ito. Nagugunita pa ni Axel Chang, sandaling nakapaglingkod sa Komite ng Sangay, nang umupa ng eroplano ang isang grupo na binubuo ng 20 kapatid at lumipad patungong Rangiroa, ang pinakamalaking isla ng korales sa Tuamotu. Ang sabi niya: “Matapos magpatotoo sa lahat ng nasa pulo, pinaghandaan naman namin ang isang pahayag pangmadla. Ipinagamit sa amin ng alkalde roon ang isang lugar na may bubong. Sa pasimula, parang kami-kami lamang ang makikinig! ‘Siguro natatakot ang mga tao sa mga lider ng kanilang relihiyon,’ naisip namin. Pero nang nagsisimula na ang pahayag, isa-isang nagdatingan ang mga tao, at unti-unting napuno ang bulwagan.”

Ang sabi pa ni Brother Chang: “Sa panahon ng pahayag, nakita namin ang paring Katoliko na nakabisikletang sumusugod sa aming dakong pulungan. Pero nang papalapít na siya, nagmenor siya, at nagkandahaba-haba ang kaniyang leeg sa katatanaw kung sinu-sino sa kaniyang kawan ang naroroon. Ilang ulit siyang pasugod na nagpabalik-balik, na naging katatawanan para sa amin.”

Noong 1988, nagsaayos si Alain Raffaelli na maglibot ang mga kapatid sa Gambier Islands para mangaral. Ang halos puro Katolikong arkipelagong ito, na mahigit 1,600 kilometro ang layo sa Tahiti, ang pinakamaliit at pinakamalayo sa buong French Polynesia. Ang tanging panahon na nakatanggap ng patotoo ang isla ay noong 1979, nang magtagal doon nang tatlong araw si Alain Jamet.

Pinuntahan muna ng mga kapatid ang alkalde para ipaliwanag ang kanilang gawain at humiling ng isang lugar na mapagdarausan ng Pahayag Pangmadla. Inialok niya sa kanila ang isang bulwagang pinagkakasalan pero humingi siya ng paumanhin yamang hindi niya masasamahan ang mga kapatid sa pag-aanyaya sa mga tao, dahil abala siya sa pangangampanya sa eleksiyon. Siyempre pa, pinaumanhinan siya ng mga kapatid. Ang diskurso ay dinaluhan ng 30, kabilang na ang alkalde at ang lokal na pulis.

Sa panahon ng pahayag pangmadla, na tumatalakay sa kalagayan ng mga patay, binanggit ni Alain na ang impiyerno ayon sa Bibliya ay libingan lamang at na si Kristo mismo ay tumungo roon. “Imposibleng mapunta roon si Jesus!” ang sigaw ng isang nakikinig. Sa gayon ay sinipi ni Alain ang Kredo ng mga Apostol, na sinasabing si Kristo ay “bumaba sa Impiyerno.” Nagulat ang mga nakikinig sa sagot na ito, dahil noon lamang nila napag-isip-isip na maraming taon na pala nilang sinasambit ang pariralang ito nang hindi man lamang isinasaloob. Mga Saksi na ngayon ang isang pamilyang dumalo sa pulong na iyon.

Madalas na sinasamantala ng mga naglalakbay na tagapangasiwa ang mga linggo sa pagitan ng mga pagdalaw sa kongregasyon para magpayunir sa mga lugar na wala pang mamamahayag. Ito ang ginawa nina Mauri at Mélanie Mercier, isang mag-asawang Tahitiano. Sila ang kauna-unahang nangaral ng mabuting balita sa ilang isla ng korales sa Tuamotu, gaya ng Ahe, Anaa, Hao, Manihi, Takapoto, at Takaroa. Hangga’t maaari, nagbibigay rin si Mauri ng pahayag pangmadla o kaya’y nagpapalabas ng slide. “Karamihan sa mga tagaisla ay palakaibigan,” nagugunita pa niya, “maliban sa mga nasa Anaa, ang balwarte ng Katolisismo. Habang ipinalalabas ang slide, nagsimulang magsisigaw ang ilan, at gusto pa nga kaming bugbugin ng iba. Pero nakahinga kami nang maluwag nang sa wakas ay mapakalma namin sila.”

Dumating sa Isla ang mga Misyonero

Mula noong 1978, ilang misyonero sa Pransiya ang ipinadala sa mas malalayong isla. Dumating sina Michel at Babette Muller noong Agosto 1978 at idinestino sa Nuku Hiva, ang pinakamalaki at pinakamataong isla sa Marquesas. Paminsan-minsan ay dinadalaw ng mga kapatid ang arkipelagong ito na halos puro Katoliko, pero walang nagtagal doon. Dahil walang mga kalye, sina Michel at Babette ay naglilibot nang naglalakad o nakakabayo. Madalas namang binibigyan sila ng mga tagaroon ng lugar na matutulugan. Natulog pa nga sila isang gabi sa ibabaw ng pinatutuyong mga butil ng kape!

Ang mga Muller ay 18 buwang namalagi sa Marquesas bago nagpasimula sa pansirkitong gawain. Marami ang nagpahalaga sa kanilang mga pagdalaw at tumanggap ng literatura. Sa katunayan, sa loob ng isang taon, sina Michel at Babette ay nakapagpasakamay ng kabuuang isang libong kopya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya! Dahil sa mga pagsisikap ng mahuhusay na mga misyonerong ito, gayundin ng mga payunir at mga mamamahayag sa pangkalahatan, kinakitaan ng napakalaking pagsulong ang gawain hindi lamang sa Marquesas kundi pati na rin sa buong teritoryo ng sangay. Sa katunayan, makikita sa ulat ang 69 na sunud-sunod na peak sa bilang ng mga mamamahayag!

Mangyari pa, kailangang sanayin ang lahat ng baguhang ito. Pero wala namang sapat na makaranasang mga brother na tutulong sa kanila nang paisa-isa. Nalutas ng mga Muller ang problemang ito nang ang bawat isa sa kanila ay gumawa kasama ang dalawang baguhang mamamahayag. Sumasama muna ang isa kay Michel o Babette sa bahay habang naghihintay naman ang isa sa kalye para siya naman ang masamahan. Naglilingkod na ngayon ang mga Muller sa Benin, Aprika bilang mga misyonero.

‘Sinubok ng Pagpapatotoo ang Aming Kaalaman sa Kasulatan’

Ang mga misyonerong sina Christian at Juliette Belotti ay dumating sa French Polynesia noong Pebrero 1982. Naglingkod muna sila sa pansirkitong gawain, at pagkatapos ay nagpayunir sila nang limang taon sa isla ng Raïatéa, na may mga lugar na mararating lamang sa pamamagitan ng bangkang may katig. Pero ang pagpapatotoo roon ay sumubok hindi lamang sa kakayahan sa pagsagwan; “sinubok din nito ang kaalaman namin sa Bibliya,” ang sabi ni Christian. “Napakadalas na inihaharap sa amin ang mga tanong na gaya ng: Paano nalalaman ng mga pinahiran na pupunta sila sa langit? o Sa ano kumakatawan ang mga hayop sa Apocalipsis?”

Gaya rin ng karamihan sa maliliit na mga komunidad, magkakakilalang lahat ang mga taga-Raïatéa. “Kaya kapag naging di-aktibo ang isang mamamahayag,” ang sabi ni Christian, “karaniwan nang sinasabi ng may-bahay: ‘Matagal ko nang hindi nakikita si Ganoo’t ganito. Nanlamig na ba siya?’ O ‘Dapat matulungan si Ganoo’t ganito. Baka may problema siya sa espirituwal!’ ” Nang papaalis na ang mga Belotti sa Raïatéa, mayroon nang isa sa halos lahat ng fare (“bahay” sa wikang Tahitiano) na nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova.

Mula sa kanilang sentro sa Raïatéa, pumunta rin ang mga Belotti sa isla ng Maupiti. Minsan, isinaayos nila na deretsong maipadala sa isla ang mga aklat. Pero hindi nakarating ang mga kargamento sa tamang panahon. Palibhasa’y hindi nasiraan ng loob, ipinakita nina Christian at Juliette ang kanilang sariling kopya ng mga aklat na iaalok sana nila. Halos 30 pamilya ang umorder ng mga aklat, anupat umaasang darating ang mga ito. Isang interesadong tao ang buong-kabaitang namahagi ng mga aklat nang dumating din sa wakas ang mga kargamento.

Ang sumunod na teritoryo ng mga Belotti ay ang Rangiroa sa Tuamotu, na doo’y sila lamang ang mga Saksi. Pagkaraan ay idinestino sila sa French Guiana at sa dakong huli ay sa Demokratikong Republika ng Congo, kung saan naglilingkod si Brother Belotti sa Komite ng Sangay.

“Sasanayin Ka ni Jehova”

Sina Frédéric at Urminda Lucas ay dumating mula sa Pransiya noong Abril 1985 at idinestino sa isla ng Tahaa na may tatlong mamamahayag lamang. Naging mahirap ang unang dalawang linggo para sa mag-asawang ito na nasa kabataan pa. Idinaraos nila ang mga pulong sa kanilang sariling sala at sila lamang ang naroroon. Inaawit nila ang mga awiting pang-Kaharian, at umiiyak sila; pero hindi sila nasiraan ng loob.

Walang kuryente sa isla at walang telepono. Pero may walkie-talkie naman sina Frédéric at Urminda, na ginagamit nila upang makipag-usap sa mga misyonero sa kalapit na Raïatéa​—iyon ay kung makakakontak sila! Mayroon din silang isang maliit na repridyeretor na nakasaksak sa generator ng kapitbahay. “Kadalasan,” ang sabi ni Frédéric, “nagagamit ito mula 6:00 n.g. hanggang 10:00 n.g. Minsan pag-uwi namin, nadatnan naming naninigas nang lahat sa yelo ang aming mga kamatis. Naisipan pala ng aming kapitbahay na manood ng isang paligsahan sa isport sa telebisyon at binuksan niya ang kaniyang generator nang mas maaga.”

Kinailangan ding matuto ng wikang Tahitiano ang mga Lucas. Gaya ng alam ng sinumang nag-aaral ng ibang wika, madalas na may nakahihiyang mga karanasan ang mga baguhan. Halimbawa, natatandaan pa ni Frédéric noong nagbabahay-bahay siya at akala niyang sinasabi niya ay “banal na espiritu”​—varua mo’a. Pero hindi pa niya masabi nang tama ang mahirap bigkasing mo’a, kaya ang sinasabi pala niya ay “espiritu ng manok.”

Nang dumating ang mag-asawa sa Tahaa, si Frédéric ay 23 taóng gulang at isang ministeryal na lingkod. Ipinagtapat niya kay Alain Jamet, koordineytor ng Komite ng Sangay noon, na pakiramdam niya’y hindi pa niya kaya ang mga pananagutang ibinigay sa kaniya. “Huwag kang mag-alala,” ang sabi ni Alain, “sasanayin ka ni Jehova!” At talaga ngang sinanay Niya siya. Pagkalipas ng limang taon nang umalis ang mga Lucas para sa susunod nilang teritoryo, ang Burkina Faso, ang maliit na grupo sa Tahaa ay isa nang kongregasyon na may 14 na mamamahayag at may sariling Kingdom Hall, at naglilingkod dito si Frédéric bilang elder.

Tuwang-tuwa ang mag-asawang ito na hindi sila nasiraan ng loob sa pasimula! “Iyon ang pinakamagagandang taon ng aming kabataan,” ang sabi nila kamakailan. “Natuto kaming magtiyaga at lubos na magtiwala kay Jehova sa halip na sa aming sariling kakayahan. Kapag nanghihina ang aming espiritu, pinalalakas kami ng panalangin. Si Jehova ang ginawa naming kanlungan, at hindi niya kami kailanman pinabayaan. Oo, talaga ngang sinanay niya kami.”

Sinuóng ng mga Binatang Misyonero ang Mahihirap na Teritoryo

Ang mga binatang misyonero sa Pransiya ay pumunta rin sa French Polynesia para tumulong. Unang dumating sina Georges Bourgeonnier at Marc Montet. Pareho silang naglingkod sa sangay at sa gawaing paglalakbay. Kabilang sa sirkito ni Marc ang mga isla ng Tubuaï, Gambier, Marquesas, at Tuamotu. Mag-isa siyang nangangaral noon sa ilang isla ng korales; kung minsan naman ay kasama niya ang mga special pioneer doon. Hangga’t maaari, nagbibigay siya ng mga pahayag pangmadla, at may ilang isla na halos lahat ng tagaroon ay dumadalo. Nang mag-asawa siya, patuloy pa rin si Marc sa pansirkitong gawain nang ilang panahon. Sa ngayon, siya at ang kaniyang asawang si Jessica ay nasa Kongregasyon ng Bora Bora, kung saan naglilingkod si Marc bilang elder at payunir.

Noong Pebrero 1986, sina Philippe Couzinet at Patrick Lemassif naman ang dumating mula sa Pransiya. Idinestino sila sa Marquesas. Di-gaya ng ibang mga isla sa French Polynesia, ang Marquesas ay hindi protektado ng mga bahura ng korales. Ang matataas na dalisdis sa mga islang ito ay halos deretsong-deretsong palusong sa mangasul-ngasul-berdeng Pasipiko, at hinahampas ng malalakas na alon nito. Sa pagitan ng mga baku-bakong tagaytay, naroroon ang makikitid at matatabang libis na may mga batis at talon​—tamang-tamang tirahan para sa maraming kambing, kabayo, at maiilap na bakang pagala-gala sa mga isla.

Sa nakalipas na mga taon, manaka-nakang nadadalaw ng mga payunir at mga mamamahayag ang Marquesas. Halimbawa, 18 buwang namalagi ang mga Muller sa Nuku Hiva noong 1978/79. Pero hindi nagkaroon ng malawakang patotoo sa buong arkipelago. Nabago ito nang dumating sina Philippe at Patrick. Totoo, hindi naman gayon kadali ang pagsulong, dahil nag-ugat na sa maraming tao ang Katolisismo at takot sa mga pari. Sa katunayan, mga pari ang may kagagawan sa ilang pananakot sa dalawang brother. Gayundin, may sumusulong noon na kilusang karismatiko ng mga Katoliko, na nag-uudyok ng panatismo at nagpapasimuno sa ilang masasamang pangyayari sa komunidad.

Magkasama munang gumawa sina Patrick at Philippe pero naghiwalay rin nang pamilyar na sila sa teritoryo. Ang isa ay naiiwan sa tahanan ng mga misyonero sa Hiva Oa, kung saan nangangasiwa siya ng mga pulong, samantalang ang isa naman ay umaalis nang ilang linggo sakay ng bangka para dumalaw sa ibang mga isla. Nang bandang huli, nakita nilang mas praktikal pala at epektibo na tuluyan na silang maghiwalay​—si Patrick, sa mga isla sa hilaga, at si Philippe naman, sa mga isla sa timog.

Para matulungan ang dalawang misyonero, nag-atas ang sangay ng mga special pioneer mula sa Tahiti upang gumawang kasama nila. Isa na rito si Pascal Pater, na naglilingkod ngayon bilang elder ng kongregasyon; ang isa naman ay si Michel Bustamante, isang tagapangasiwa ng sirkito sa ngayon. Maligaya ang dalawang masigasig na binatang ito na ialay kay Jehova ang kalakasan ng kanilang kabataan. (Kaw. 20:29) At talagang kailangan nila ang kalakasan, sapagkat ang pangangaral sa Marquesas ay hindi para sa maseselan o mahihina ang loob. Walang mga kalye, kundi mababato at mapuputik na daang bumabagtas sa mga liblib at makikitid na libis patungo sa nakabukod na mga bahay at komunidad. Ang tanging praktikal na paraan para marating ang ilan sa mga lugar na ito ay sa pamamagitan ng isang maliit na motorsiklo na tinatawag na trail bike.

Natatandaan pa ni Philippe noong binabagtas niya ang isang makitid na daan sakay ng kaniyang maliit na motorsiklo nang lusubin siya ng isang kawan ng maiilap na bakang natakot sa isa pang sasakyan. Yamang nasa pagitan siya ng bangin at ng matatalas na gilid ng bundok, hindi na makaiiwas si Philippe. Kaya ginawa niya ang tanging bagay na magagawa niya​—inihinto niya ang kaniyang motorsiklo at sumiksik nang husto sa mabatong dalisdis. Rumaragasang lumampas sa kaniya ang mga hayop, at iniwan siyang takot na takot pero hindi naman nasaktan.

“Para sa akin, isang pakikipagsapalaran ang aking teritoryo,” ang sabi ni Michel Bustamante. “Pero natatakot din kami, lalo na kapag nagsosolo na kami sa ilang mga isla. Minsan, ang aking bunggalo ay nasa liblib at madilim na libis na malayo sa lugar kung saan ako maghapong nagpatotoo. Sinubukan kong humanap ng matutulugan sa karatig na nayon pero wala akong makita, kaya napilitan na akong maglakad pauwi. Ngunit takipsilim na noon, at para bang pinagsasalikupan ako ng nagtataasang bangin dahil sa kadiliman ng gabi. Naalaala ko ang espiritismong isinasagawa sa isla at ang mga demonyo na baka nakaabang sa paligid. Takot na takot ako. Kaya nagsimula akong manalangin at umawit ng mga awiting pang-Kaharian na madalas na bumabanggit sa pangalan ni Jehova. Nang sa wakas ay makapasok ako sa aking bunggalo, isinara ko ang pinto, binuksan ko ang aking Bibliya, at ako’y nagbasa. Unti-unti na akong napayapa.”

Matapos ang tatlong taóng pagpapagal, tuwang-tuwa ang mga kapatid na makitang pumasok sa katotohanan ang kanilang kauna-unahang estudyante sa Bibliya mula sa Marquesas​—isang binatang nagngangalang Jean-Louis Peterano. Dinalaw si Jean-Louis ng isang pari sa kagustuhan nito na siya’y “bumalik sa kawan.” Sa pagtatangkang “iligtas” ang binata, iginiit ng pari na ang pangalang Jehova ay gawa-gawa lamang ng mga Saksi ni Jehova. Kaya naman sinipi ni Jean-Louis ang Awit 83:18 mula sa Crampon Bible (1905) ng mga Katoliko sa wikang Pranses, na gumamit ng pangalan ng Diyos. Dahil walang masabi, umalis ang pari at hindi na bumalik kahit kailan. Malamang na ito ang kauna-unahang pagkakataon na matagumpay na naharap ng isang taga-Marquesas ang pari sa larangan ng teolohiya habang gamit ang Bibliyang Katoliko. Nang maglaon, maging ang personal na sekretarya ng obispong Katoliko ay nagbitiw na sa simbahan at naging Saksi.

Sa Hiva Oa, nakipag-ugnayan ang mga misyonero sa isang mag-asawang Europeo, sina Jean at Nadine Oberlin. Gaya ng kilalang pintor na Pranses na si Paul Gauguin, pumunta sila sa Marquesas upang umiwas sa lipunan. Nanirahan sila sa isang liblib na lugar at namuhay nang simple na wala ni isa mang modernong bagay para sa kanilang kaalwanan. Pagkatapos ng tatlong taóng pag-aaral at paggawa ng maraming pagbabago sa kanilang buhay, nabautismuhan sina Jean at Nadine.

Nang dumating sina Philippe Couzinet at Patrick Lemassif sa Marquesas noong 1986, iisa pa lamang ang mamamahayag sa buong arkipelago. Pagkalipas ng walong taon, nang si Philippe​—ang ikalawa sa kanilang dalawa na umalis​—ay idinestino naman sa Cameroon, mayroon nang 36 na mamamahayag​—1 sa bawat 210 tagaroon. At mayroon nang tatlong kongregasyon, tig-iisa sa tatlong malalaking isla​—ang Hiva Oa, Nuku Hiva, at Ua Pou.

Dumating ang mga Huling Misyonero

Ang mga huling misyonero na dumating mula sa Pransiya ay sina Serge at Marie-Louise Gollin, na dumating noong Nobyembre 1990. Nadestino rin sila sa Marquesas, kung saan napakalaki ng nagawa nila upang mapalakas ang mga kongregasyon. Natuto ng wikang Marquesan ang mga Gollin, at nakagugulat, nadalaw nila ang bawat pamilya sa anim na pinaninirahang isla!

Mula sa sentrong tirahan ng mga Gollin sa Hiva Oa, kung saan si Serge lamang ang elder, regular silang pumupunta sa iba pang mga isla, kabilang na ang dalawa na doo’y wala pang mamamahayag. Sa una nilang pagdalaw sa Fatu Hiva, nagulat si Serge sa pakikipagtulungang ipinakita ng mga diyakono roon na Katoliko at Protestante. Sa pagtatapos ng kanilang serbisyong relihiyoso, inanyayahan ng dalawang lalaking ito ang mga tao na dumalo sa kalahating oras na pahayag pangmadla na bibigkasin ni Serge sa isang paaralan doon. Bukod diyan, dumating din ang diyakonong Protestante at isinalin niya ang pahayag ni Serge sa wikang Marquesan, na mas matatas niyang salitain nang panahong iyon kaysa kay Serge.

Para matulungan ang mga tagapakinig na makita ang iba’t ibang teksto sa kanilang sariling Bibliya, isinulat ni Serge ang mga ito sa isang pisara. Nanalangin din siya, at ang lahat ay tumugon ng isang maliwanag na “Amen.” Kinabukasan, nakapagpasakamay ng literatura ang mga Gollin sa bawat pamilya sa Fatu Hiva. Mula noon, patuloy na naging mainit ang pagtanggap sa kanila kapag dumadalaw sila sa islang ito, na wala pang 600 ang populasyon.

Nakapasok ang Katotohanan sa mga Bilangguan

Gaya rin sa maraming iba pang lupain, marami-rami rin sa French Polynesia ang nakaalam ng katotohanan sa Bibliya sa bilangguan. Kunin nating halimbawa si Alexandre Tetiarahi, na naging delingkuwente noong kaniyang kabataan at nabilanggo nang pitong taon. Mga anim na ulit siyang nakatakas at binansagang Paruparo, hango sa pangunahing tauhan sa isang bantog na nobela tungkol sa isang takas na bilanggo.

Sa lugar na pinagtataguan niya sa Raïatéa, nakakita si Alexandre ng isang Bibliya at isang kopya ng aklat na “Mga Bagay na Doo’y Hindi Maaaring Magsinungaling ang Diyos.” Binasa niya ang Bibliya mula simula hanggang katapusan at ang aklat nang ilang ulit. Palibhasa’y kumbinsido na ito na nga ang katotohanan, unti-unti siyang nakadama ng pang-uusig ng budhi. Ano ang ginawa niya?

Bagaman hindi siya nakipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova, ang mga tagapaglathala ng aklat, isinuko ni Alexandre ang kaniyang sarili sa mga pulis, at ibinalik siya sa bilangguan sa Tahiti. Nagtatrabaho naman doon si Colson Deane bilang isang guwardiya. Di-nagtagal pagdating ni Alexandre, naulinigan niyang nagpapatotoo si Colson sa isang kasamahan at agad niyang nakilala ang mga turong ito. Kaya kinausap niya si Colson nang sarilinan at nagpatulong upang matuto pa nang higit.

Humingi ng pahintulot si Brother Deane sa direktor ng bilangguan upang makipag-aral kay Alexandre sa loob ng selda nito. Di-nagtagal at may ilan pang bilanggo na gusto na ring makipag-aral. Pinahintulutan ng direktor si Colson na makipag-aral din sa mga bilanggong ito, sa panahon ng kaniyang pahinga sa tanghali. Nang maglaon, napagpasiyahang mas makabubuti kung dalawang ibang elder ang magdaraos ng pag-aaral. Sa loob ng ilang taon, mula 30 hanggang 50 bilanggo ang nakinabang sa linggu-linggong diskurso sa Bibliya na sinusundan ng personal na pag-aaral para sa mga may gusto nito.

Samantala, mabilis na sumulong si Alexandre, na napansin naman ng mga opisyal sa bilangguan. Dahil dito, binigyan nila ng pantanging pahintulot ang dating sanáy tumakas na ito na dumalo sa kaniyang kauna-unahang pandistritong kombensiyon, sa pangangasiwa ni Brother Deane. Nabautismuhan doon si Alexandre. Nang dakong huli, pinalaya na siya, at nagpatuloy sa paglilingkod kay Jehova.

Internasyonal na mga Kombensiyon sa Tahiti

Noong 1969, nakinabang ang Tahiti sa kauna-unahan nitong internasyonal na kombensiyon. Noon ay 124 lamang ang mamamahayag sa mga isla. Kaya maguguniguni mo ang labis na katuwaan nila na mapaglingkuran ang 210 delegado mula sa 16 na bansa, kabilang na si Frederick W. Franz​—ang unang miyembro ng Lupong Tagapamahala na dumalaw sa Tahiti. Sa pinakamataas na bilang ng dumalo na 610, ang kombensiyon ay tunay na naging pampasigla sa mga kapatid, isa sa mga dahilan ng 15 porsiyentong pagsulong sa bilang ng mamamahayag nang sumunod na taon. At noong 1978, ginanap sa Tahiti ang isa sa “Matagumpay na Pananampalataya” na Internasyonal na mga Kombensiyon. Sa pagkakataong ito, umabot sa 985 ang dumalo!

Pagsasalin sa Wikang Tahitiano

Habang dumarami ang mga mamamahayag, dumarami rin ang gawain sa sangay, lalo na ang pagsasalin ng mga salig-Bibliyang literatura sa wikang Tahitiano, ang pangunahing wika sa Polynesia. Kahit na bago pa man maitatag ang sangay, part-time nang isinasalin noon ng ilang nakatatandang mamamahayag na magaling sa wikang Tahitiano ang ilang publikasyon, na karaniwan nang mula sa wikang Pranses. Halimbawa, sa pasimula ng 1963, isinalin nila ang Ministeryo sa Kaharian. Pagkatapos noong 1971, natapos nila ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.

Lalong sumigla ang pagsasalin nang maitatag ang sangay sa Tahiti noong 1975. Maraming mas baguhang tagapagsalin ang pamilyar sa Ingles, na itinuturo sa paaralan. Kaya naman, makapagsasalin na sila nang tuwiran mula sa orihinal na wikang Ingles sa halip na mula sa salin sa wikang Pranses. Mula noong 1976, isinalin ng sangay Ang Bantayan sa wikang Tahitiano bilang isang edisyong inilalabas nang dalawang beses sa isang buwan, at pansamantala nilang isinalin ang Gumising! Isinalin din nila ang “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, at ang buong aklat-awitan. Sa katunayan, wala nang iba pang grupo ang nakapaglathala ng ganito karaming literatura sa wikang Tahitiano na gaya ng mga Saksi ni Jehova!

Gayunman, sa nakalipas na 30 taon, unti-unting napalitan ng wikang Pranses ang wikang Tahitiano at ang iba pang mga wika sa Polynesia. Ang isang dahilan nito ay sapagkat ang wikang Pranses, isang pangunahing wika na may malawak na bokabularyo, ang ginagamit sa media at sa paaralan hanggang sa unibersidad.

Subalit itinuturing pa rin ng maraming taga-Polynesia na bahagi na ng kanilang kultura ang wikang Tahitiano, kaya madalas na nagpapatotoo ang mga kapatid sa wikang ito. At sa 26 na kongregasyon sa teritoryo ng sangay, 5 rito ang wikang Tahitiano, na kumakatawan sa mga 20 porsiyento ng mga mamamahayag. Kaya naman, may malaking pangangailangan pa rin sa mga literatura sa wikang ito.

Pinasimulan ang Programa ng Puspusang Pagtatayo

Ang maliit na kuwartong katabi ng Kingdom Hall sa Papeete ay nagsilbing tanggapang pansangay mula 1975 hanggang 1983, nang itayo ang isang bagong sangay sa bayan ng Paea, mga 25 kilometro mula sa Papeete. Ang bagong pasilidad ng Bethel na pawang itinayo ng mga kapatid doon ay may apat na kuwarto para sa mga miyembro ng pamilyang Bethel, tatlong opisina, isang bodega para sa mga literatura, at isang Kingdom Hall. Noong Abril 15, 1983, inialay ni Lloyd Barry ng Lupong Tagapamahala ang mga bagong pasilidad sa harap ng 700 tagapakinig.

Pero di-nagtagal at naging napakaliit na rin ng sangay na iyon. Kaya naman inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagtatayo ng isang mas malaking pasilidad, pati na ng isang Assembly Hall sa Toahotu, isang medyo baryong distrito na malapit sa ismo na nagdurugtong sa dalawang bahagi ng isla. Ang proyektong ito ay tinapos ng isang pangkat ng mga kapatid mula sa Australia, Canada, Estados Unidos, New Zealand, at Pransiya. Mangyari pa, malaki rin ang naitulong ng mga mamamahayag doon. Inialay ng miyembro ng Lupong Tagapamahala na si Milton G. Henschel ang bagong pasilidad noong Disyembre 11, 1993.

Halos kasabay nito, nagsimula na rin ang isang programa ng puspusang pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Sa ilalim ng pangangasiwa ng lokal na Regional Building Committee, naitayo ng mga kapatid ang 16 na bagong bulwagan sa loob ng wala pang sampung taon. Dahil dito, karamihan sa mga kongregasyon ngayon ay mayroon nang sariling Kingdom Hall.

Mga Pagbabago sa Sangay at Higit Pang Pagsasanay

Pagsapit ng 1995, halos 20 taon nang koordineytor ng Komite ng Sangay si Alain Jamet, pero dahil sa mga pananagutang pampamilya, hindi niya naipagpatuloy ang papel na ito. Pero nakapanatili pa rin siya sa Komite ng Sangay at nakapaglingkod bilang part-time na tagapangasiwa ng distrito. Kaya noong Setyembre ng taóng iyon, sina Gérard at Dominique Balza, ng pamilyang Bethel sa Pransiya, ay idinestino ng Lupong Tagapamahala sa Tahiti. Inatasan si Gérard bilang koordineytor ng Komite ng Sangay.

Ang ikatlong miyembro ng Komite ng Sangay ay si Luc Granger. Siya at ang kaniyang asawang si Rébecca ay lumipat sa Tahiti noong 1991 upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pagkatapos ng maikling panahon bilang mga special pioneer, nakibahagi sila sa gawaing pansirkito at pandistrito sa loob ng apat na taon bago idestino sa sangay noong 1995.

Noong Mayo 1997, pinasimulan ng sangay sa Tahiti ang kauna-unahan nitong klase sa Ministerial Training School. Marami sa 20 estudyanteng nag-aral ang patuloy na nagkaroon ng mga pribilehiyo sa pantanging paglilingkod. Halimbawa, si Félix Temarii ay isa na ngayon sa dalawang tagapangasiwa ng sirkito sa mga isla. Ang sabi ni Gérard Balza: “Dalangin namin na marami pa sanang brother ang magsikap na maging kuwalipikado at maglaan ng kanilang sarili upang magkaroon tayo ng ikalawang klase. Walang alinlangan, mayroon pa ring malaking pangangailangan sa ilang isla, na ang ilan dito ay wala pang mga mamamahayag hanggang sa ngayon. Sa ibang mga isla naman, kailangan ang mga kuwalipikadong brother upang magsabalikat ng mga pananagutan sa kongregasyon. At ang mga naninirahan sa 58 isla, na kumakatawan sa mga 7 porsiyento ng populasyon, ay bihirang makarinig ng mabuting balita. Sa ilang kalagayan, ang pangangailangan ay mapupunan ng mga retiradong mag-asawa na maygulang sa espirituwal at mamamayan ng Pransiya. Kung nanaisin ng mga kapatid na ito na makatulong sa amin​—kahit dalawang taon lamang​—malulugod ang sangay na makatanggap ng liham mula sa kanila.”

Mga Hamon sa Mabilis Magbagong Lipunan

Ang Tahiti mismo ay nakararanas ng pagsulong sa ekonomiya at ng mabilis na sekularisasyon at urbanisasyon. Ito ang dahilan kung kaya naglilipatan sa Tahiti ang mga tao mula sa ibang mga isla. Materyalismo, sobrang hilig sa pamimili, at paghahangad sa kaluguran ang naging kasunod ng materyal na kasaganaan.

Nakalulungkot sabihin, may ilan sa bayan ni Jehova na naging biktima ng tusong panggigipit na ito. Nagiging isang hamon lalo na sa mga kabataan ang unahin ang espirituwal na mga bagay at manatiling malinis sa moral. Gayunpaman, patuloy pa ring nakikita ang pagpapala ni Jehova, sapagkat ang teritoryo ngayon ay mayroon nang 1 mamamahayag ng mabuting balita sa bawat 141 tagaroon.

Isa itong katibayan na maraming tao sa French Polynesia ang nagpapahalaga sa isang mas magandang paraiso​—isa na espirituwal, na eksklusibong tinatamasa ng bayang ukol sa pangalan ng Diyos. (Juan 6:44; Gawa 15:14) Isa pa, ang paraisong ito ay magbibigay-daan sa isang literal na paraisong iiral sa buong lupa na wala nang kirot, dalamhati, at maging kamatayan​—mga bagay na dinaranas ng bawat henerasyon ng tao saanman sila naroroon.​—Job 14:1; Apoc. 21:3, 4.

Ang sinaunang mga taga-Polynesia ay kinakitaan ng matinding lakas ng loob, husay sa pandaragat, at pananalig na may lupain​—marahil mas maganda pa ngang lupain​—na naghihintay sa kabila pa roon ng kanilang abot-tanaw. Hindi sila nabigo. Gayundin naman, ang tapat na mga mananamba ni Jehova sa ngayon, gaya ng nabanggit sa ulat na ito, ay patuloy na nagsisikap para makamit ang pinakamagandang gantimpalang inilalaan ni Jehova sa kanila. Sila rin ay hindi mabibigo. Oo, nakahihigit sa anumang bituin sa langit, patuloy na aakayin ni Jehova ang lahat ng nagtitiwala sa kaniya tungo sa makalupang Paraiso na talaga namang napakalapit na.​—Awit 73:23, 24; Lucas 23:43.

[Mga talababa]

a Bagaman ang ulat na ito ay tungkol sa French Polynesia sa kabuuan, pinamagatan itong “Tahiti” dahil ang islang ito ang pinakasentro ng rehiyon at mas pamilyar sa marami ang pangalang Tahiti. Magkagayunman, ang “Tahiti” na binabanggit mismo sa ulat ay partikular na tumutukoy sa islang ito.

b Para sa pagtalakay sa kasaysayan ng Bibliyang Tahitiano, tingnan Ang Bantayan ng Hulyo 1, 2003, pahina 26-9.

[Kahon sa pahina 72]

Maikling Impormasyon Tungkol sa French Polynesia

Ang lupain: Mayroon itong 130 isla na may sukat na 4,000 kilometro kuwadrado na nakakalat sa mahigit 5 milyong kilometro kuwadrado ng karagatan. Ang mga ito’y bumubuo ng limang arkipelago: ang Tubuaï (Austral), Gambier, Marquesas, Society, at Tuamotu. Nakatira ang 85 porsiyento ng populasyon sa 14 na isla ng Society Islands.

Ang mga mamamayan: Karamihan ay katutubong mga Polynesian o mestisong Polynesian. Ang iba​—pailan-ilan lamang​—ay mga Tsino, Europeo, at Amerikano.

Ang wika: Pranses at Tahitiano ang pangunahing mga wika, at Pranses ang wikang ginagamit sa pamahalaan at komersiyo.

Ang kabuhayan: Ang ekonomiya ay pangunahin nang nakasalalay sa pangasiwaan at mga ahensiyang nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo, lakip na ang turismo. Ang iba naman ay nasa larangan ng agrikultura, pagawaan, at pagpapatubò ng mga perlas. Umaabot sa 80 porsiyento ng iniluluwas ng bansa ay mga perlas.

Ang pagkain: Umaasa nang malaki ang mga isla sa angkat na mga pagkain. Ang lokal na mga tanim nila ay saging, kasaba, niyog, letsugas, papaya, pinya, gabi, kamatis, at pakwan. Ang pinagkukunan naman nila ng karne ay isda, talaba, hipon, baka, kambing, at baboy.

Ang klima: Ang klima rito ay tropikal​—mainit at maalinsangan​—pero medyo nagkakaiba-iba sa bawat arkipelago. Ang tag-ulan ay mula Nobyembre hanggang Abril. Taun-taon, nabababad ang sentral Tahiti sa mahigit siyam na metro ng ulan.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 74]

Mga Islang Matatarik, mga Islang Patag, at Motu

Ang mga isla ng French Polynesia ay pawang likha ng aktibong bulkan at bumuo ng dalawang pangunahing uri​—mga islang matatarik at mga islang patag. Baku-bako at bulubundukin ang mga islang matatarik, anupat ang ilan dito ay may mga taluktok na libu-libong metro ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Ang isang karaniwang halimbawa ng islang matarik ay ang Tahiti.

Sa mga islang matatarik, lahat maliban sa Marquesas ay protektado ng nakapalibot na bahura ng korales. Sa maraming bahurang ito, gaya ng nakapalibot sa Bora Bora, makakakita ka ng maliliit na islang tinatawag na motu at ito’y punung-puno ng mga tanim. Popular na mga lugar ito dahil sa mga resort.

Ang mga islang patag naman ay mga isla ng korales na ilang metro lamang ang taas sa kapantayan ng dagat. Ang bahura ay karaniwan nang pabilog anupat lumilikha ng isang napakalinaw na lawa. Ganitong uri ang mga isla sa Tuamotu Archipelago. Ang ilang lawa ay sobrang laki. Halimbawa, ang isa na nasa Rangiroa ay 70 kilometro ang haba at 20 kilometro naman ang luwang sa pinakamalapad na bahagi nito.

[Kahon/Larawan sa pahina 77]

Diyakono ng Simbahan na Naging Tagapaghayag ng Kaharian

Manuari Tefaatau

Isinilang: 1913

Nabautismuhan: 1959

Maikling Talambuhay: Noong siya’y diyakono sa Simbahang Protestante, natutuhan niya ang katotohanan mula sa ilan sa mga unang estudyante sa Bibliya sa isla ng Makatéa.

Pagdating ng mga Saksing sina Jean-Marie at Jeanne Félix sa Makatéa noong 1956, ang kanilang unang mga estudyante sa Bibliya na sina Maui Piirai at Germaine Amaru ay nagpatotoo sa akin. Di-nagtagal, sinimulan ko na ring ibahagi sa mga kamiyembro ko sa parokya ang katotohanan sa Bibliya, na lumikha ng bulung-bulungan sa simbahan. Sa katunayan, inutusan ako ng pastor na tigilan na ang pakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova.

Hindi na ako nagdalawang-isip pa, nagbitiw ako sa simbahan at nagsimulang dumalo sa mga pulong, na ginaganap noon sa bahay ng pamilya Félix. May ilang miyembro ng parokya na nagsimula ring makipag-aral at dumalo sa mga pulong. Itinuturing kong isang pribilehiyo na mapabilang sa unang maliit na grupong iyon ng mga estudyante sa Bibliya sa buong French Polynesia.

[Kahon/Larawan sa pahina 83, 84]

Pinunan ni Jehova ang Aking Pagkukulang

Leonard (Len) Helberg

Isinilang: 1930

Nabautismuhan: 1951

Maikling Talambuhay: Noong siya ay binatang tagapangasiwa ng sirkito, pinasimulan niya ang gawain sa Tahiti bilang unang atas niya. Siya at ang kaniyang asawang si Rita ay nakatira ngayon sa Australia.

Noong 1955, nang atasan ako ng sangay sa Australia na pasimulan ang gawaing pansirkito sa Timog Pasipiko, dadalawa lamang ang kongregasyon sa pagkalawak-lawak na teritoryong ito​—isa sa Fiji at isa sa Samoa​—at anim ang nakabukod na grupo. Wala pang mamamahayag noon sa Tahiti.

Itinakda ko ang Disyembre 1956 para sa una kong pagdalaw sa isla at dumating ako roon pagkatapos ng anim-na-araw na paglalayag mula Fiji, sakay ng barkong Southern Cross. Tumuloy ako sa isang boarding house na mula roo’y matatanaw mo ang napakagandang daungan ng Papeete. Kinaumagahan, habang nagbibihis ako para maglingkod sa larangan, natanaw kong dumaraan ang Southern Cross mga ilang daang metro lamang ang layo mula sa aking bintana. Nag-iisa ako sa isang bagong lupain, tatlong libong kilometro mula sa pinakamalapit kong mga kapatid, at ang mga tao’y nagsasalita ng ibang wika​—Pranses. Ang tanging hawak ko ay ang kaisa-isang adres ng isang suskritor ng Gumising!

Bigla na lamang akong nakadama ng labis na kalungkutan anupat hindi ko mapigilan ang pag-iyak. Dahil hindi ko mapigil-pigil ang aking mga hikbi, sinabi ko sa aking sarili, ‘Buweno, ituring mo na lamang na nawalan ka ng isang araw​—mahiga ka uli sa kama. Bukas ka na lang magsimula uli.’ Pagkatapos ng aking marubdob na pananalangin nang gabing iyon, masigla akong nagising kinabukasan. Nang hapong iyon ay natagpuan ko ang suskritor ng Gumising!​—isang babaing taga-Algeria. Gaya ni Lydia na binanggit sa Mga Gawa, siya at ang kaniyang 34-na-taóng-gulang na anak na lalaki ay buong-lugod na tumanggap sa akin, anupat pinipilit akong sa kanila na tumira. (Gawa 16:15) Biglang napawi ang aking kalungkutan! Nagpasalamat ako kay Jehova na siyang tiyak na duminig sa aking mahaba at luhaang pagsusumamo.

Kapag naaalaala ko iyon ngayon, talagang kitang-kita ko ang pagiging maibiging Ama ni Jehova! Oo, kung ilalaan natin ang ating sarili, labis-labis niyang pupunan ang anumang pagkukulang natin.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 87, 88]

Mga Unang Payunir

Dumalo si Alexis Tinorua sa mga pulong na inorganisa ni Len Helberg noong huling mga taon ng dekada ng 1950. Ang sabi ni Alexis: “Nakinig ako sa pakikipagtalakayan ni Brother Helberg tungkol sa Bibliya sa ilang diyakonong Protestante. Sa mismong talakayang iyon, naulinigan ko ang taginting ng katotohanan sa mga turo ng mga Saksi ni Jehova at nakipag-aral ako sa mga Saksi. Nabautismuhan ako noong 1960. Saka ko naranasan ang kagalakan ng siyam na taóng paglilingkod bilang payunir. Noong 1965, nagkapribilehiyo ako na kauna-unahang mangaral sa isla ng Huahine, sa arkipelago ng Society. Tinatanaw kong isang malaking utang na loob kay Jehova ang pagbibigay sa akin ng pribilehiyo na makatulong sa 80 katao upang matuto ng tumpak na kaalaman sa katotohanan sa Bibliya.” Naglingkod si Alexis kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan noong Mayo 2002.

Nagsimulang magpayunir si Hélène Mapu noong 1963 sa Tahiti, di-nagtagal pagkatapos niyang matuto ng katotohanan. Napakamatulungin ng kaniyang asawa bagaman hindi ito Saksi. Kasama sa trabaho nito ang paglalayag sa Tahiti at Raïatéa. Kaya naman, hindi ito tumutol nang tanggapin ni Hélène ang paanyaya na maging special pioneer sa Raïatéa, kung saan siya ang kauna-unahang nangaral ng mabuting balita roon. Pagkaraan, nagbalik si Hélène sa Tahiti at sa pagkakataong ito ay sa peninsula naman (mas maliit na bahagi ng isla, na tinatawag ding Tahiti Iti), kung saan siya at ang isa pang sister, si Mereani Tefaaroa, ang tanging mga Saksi. Ang sabi ni Hélène: “Napakaraming interesado sa peninsula, at sa maikling panahon, nakapagbukas kami ng maraming pag-aaral sa Bibliya.”

Kitang-kita ang mga pagpapala ni Jehova sa tapat na mga kapatid na ito, sapagkat nang maglaon ay naitatag ang isang kongregasyon sa teritoryong iyon, sa kabayanan ng Vairao.

[Kahon/Larawan sa pahina 101]

“Pumili Ka, Ako o si Jehova?”

Yvette Gillot

Isinilang: 1932

Nabautismuhan: 1968

Maikling Talambuhay: Pinakamatagal na regular pioneer sa French Polynesia.

Nang sabihin ko sa aking asawa na gusto kong maging Saksi ni Jehova, binigyan niya ako ng ultimatum: “Pumili ka, ako o si Jehova?” Sinubukan kong mangatuwiran sa kaniya, pero walang nangyari. Iniwan niya ako at ang aming tatlong anak. Subalit bumalik din siya pagkalipas ng ilang taon.

Samantala, ako ang bumuhay sa aking pamilya kasabay ng aking pagiging regular pioneer. Nagtatrabaho ako sa umaga at pagkatapos ay nangangasiwa ng pulong sa paglilingkod sa larangan. Noong huling mga taon ng dekada ng 1960, mga sandaan lamang ang mamamahayag sa isla, kaya madalas na walang nangungunang kapatid na lalaki.

Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagkakaloob sa akin ng pribilehiyo na makatulong sa mga 50 katao na mag-alay ng kanilang buhay sa kaniya, kabilang na si Richard Wong Foo, na naging miyembro ng pamilyang Bethel sa Tahiti mula pa noong 1991. Ang akin namang dalawang anak na lalaki, nakatutuwang sabihin, ay naglilingkod bilang matatanda sa kongregasyon.

[Kahon/Larawan sa pahina 105]

Libing ng Huling Prinsesa

Si Michel Gelas, isang elder sa Papeete, ay nagkaroon ng naiibang karanasan may kinalaman sa huling miyembro ng mga dugong-bughaw sa Tahiti, si Prinsesa Takau Pomare, na namatay noong 1976 sa edad na 89. Ang prinsesa ay tuwirang inapo ng dinastiyang Pomare, na namuno nang ilang panahon sa Tahiti at sa ilang karatig na mga pulo. Ang ampon nitong anak na babae, isang Saksi ni Jehova, ay humiling kay Michel na magpahayag sa libing, kahit na hindi Saksi ang prinsesa.

Pumayag naman si Michel na magpahayag dahil inisip niyang isa itong magandang pagkakataon na maipaliwanag ang pag-asa ng pagkabuhay-muli sa maraming tao, kasali na ang mga opisyal sa pulitika at relihiyon at ang mga miyembro ng media. Kinabukasan, inilathala sa isang pahayagan doon ang larawan ni Brother Gelas habang nagpapahayag sa tabi ng kabaong. Kabilang sa mga naroroon ang gobernador, ang presidente ng Polynesia, iba pang mga opisyal, at ang arsobispong Katoliko, na nakaputing sutana.

[Kahon/Larawan sa pahina 109, 110]

Isang Klerigo ang Nagpahiram sa Amin ng Iskuter; Sinunog Naman ng Isa ang Aming mga Aklat

Jacques Inaudi

Isinilang: 1944

Nabautismuhan: 1965

Maikling Talambuhay: Kasama ang kaniyang asawang si Paulette, naglingkod siya bilang isang special pioneer sa Pransiya at naglalakbay na tagapangasiwa sa Pasipiko.

Noong 1969, nagpaalam kami ni Paulette sa aming pamilya at mga kaibigan sa Pransiya at naglayag patungong Tahiti, ang aming bagong teritoryo. Lalong naging kapana-panabik ang aming paglalayag nang masunog ang aming barko sa gitna ng Pasipiko, at nagpaanud-anod kami rito nang apat na araw! Pagdating namin sa Tahiti, inatasan akong maglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito.

Kabilang sa aming sirkito ang New Caledonia, Vanuatu, at French Polynesia. Nang panahong iyon, ang French Polynesia ay may isang kongregasyon at dalawang nakabukod na grupo. Noong 1971, nabawasan ang aming sirkito at naging French Polynesia na lamang, anupat nagbigay sa amin ng panahon upang madalaw ang maraming nakabukod na mga isla. Hindi pa kailanman naipangangaral ang mensahe ng Kaharian sa ilan sa mga islang iyon. Namalagi rin kami ni Paulette nang siyam na buwan sa Huahine at kaunting panahon naman sa maliit na isla ng Maupiti. Nang nasa Huahine kami, nagkapribilehiyo kaming mapasimulan ang 44 na pag-aaral sa Bibliya.

Para may makain, nanghuhuli ako ng isda​—kadalasan ay gamit ang spear gun. Tipid na tipid kami pero hindi naman kami kailanman nagutom; palaging nasasapatan ang aming materyal na mga pangangailangan. Habang nangangaral kami sa isla ng Tubuaï, natuwa kami nang ipahiram sa amin ng isang pastor ang kaniyang iskuter. Naawa siguro siya sa amin dahil wala kaming sasakyan.

Noong 1974, dinalaw namin ang apat na isla sa Marquesas Islands: Ang Hiva Oa, Nuku Hiva, Ua Huka, at Ua Pou. Hinilingan kami ng sangay na dalawin si Kalina Tom Sing Vien, isang nakabukod na sister na lumipat bilang nars sa Ua Pou noong 1973. Tumira siya roon nang 13 buwan, anupat naging kauna-unahang mamamahayag ng Kaharian na nag-uulat ng paglilingkod sa larangan mula sa Marquesas.

Di-gaya ng mabait na pastor sa Tubuaï, salansang naman sa ating gawain ang pari sa Ua Pou. Sa katunayan, palihim niya kaming sinusundan sa teritoryo at pilit na hinihingi sa mga miyembro ng kaniyang parokya ang anumang literaturang naipasakamay namin sa kanila. Saka niya sinunog ang lahat sa harapan ng bahay ni Kalina​—paggawi na nakabigla hindi lamang sa amin kundi pati na rin sa maraming Katoliko!

Sa kabila ng gayong pagsalansang, sumulong ang gawain sa Marquesas, at itinuturing naming isang pribilehiyo na gumanap ng maliit na papel dito. Dahil humina ang kalusugan ni Paulette, kinailangan naming iwan ang buong-panahong paglilingkod. Gayunman, desidido kaming patuloy na ibigay kay Jehova ang pinakamainam na magagawa namin.

[Kahon sa pahina 113]

Pagdalaw sa Isang Isla sa Unang Pagkakataon

Isipin mong dumating ka sa isang malayong pulo o sa isang isla ng korales sa kauna-unahang pagkakataon. Plano mong magtagal doon nang isa o dalawang linggo habang nagpapatotoo sa mga tagaroon. Pero ikaw lamang ang Saksi sa islang iyon, at walang pampublikong mga tuluyan at walang transportasyon. Ano ang gagawin mo? Saan ka titira? Ilang ulit nang naranasan nina Marc Montet at Jacques Inaudi, naglilingkod noon bilang mga payunir at tagapangasiwa ng sirkito, ang mismong situwasyong ito.

Ang sabi ni Marc: “Nagpapatotoo na agad ako pagbaba ko pa lamang ng eroplano o bangka, at kasabay nito, nagtatanung-tanong na rin ako ng matutuluyan. Medyo mahirap para sa isang binata na makakita ng matutuluyan, pero palagi namang may nagbibigay sa akin ng matutulugan at pagkain. Sa mga pagdalaw kong muli, mas madali nang makakita ng matutuluyan dahil kilala na ako ng mga tao. Naging mas madali pa nga nang mag-asawa ako. Mas palagay ang loob ng mga tao kapag mag-asawa ang kausap nila.”

Ipinaliwanag ni Jacques ang kaniyang paraan ng paglapit, sa pagsasabi: “Palagi akong pumupunta sa alkalde para itanong sa kaniya kung may kilala siyang puwedeng magpatuloy sa akin anumang araw na gustuhin ko. Madalas namang tama ang itinuturo niyang direksiyon. Sa maraming isla, iginagalang ng mga tao ang sinumang sa tingin nila’y alagad ng Diyos at gumagawa sila ng paraan para makatulong. Kaya palagi akong may libreng natutuluyan.”

[Kahon/Larawan sa pahina 117, 118]

Paglilingkod sa Larangan ang Pinakamalaking Kaligayahan Namin

Alain Jamet

Isinilang: 1946

Nabautismuhan: 1969

Maikling Talambuhay: Kasama ang kaniyang asawang si Mary-Ann, nakibahagi siya sa iba’t ibang pitak ng buong-panahong paglilingkod sa Pransiya at sa French Polynesia.

Nang ako’y edad 13, lumipat ang aming pamilya sa Tahiti mula sa Pransiya. Pagkatapos ng haiskul, bumalik ako sa Pransiya para mag-aral ng medisina. Doon ko nakilala si Mary-Ann, isang estudyante sa biyolohiya na taga-Tahiti, at kami’y nagpakasal. Noong 1968, may dumalaw na mga Saksi ni Jehova sa amin, at niyakap namin ang katotohanan.

Mangyari pa, ibinahagi namin ang aming bagong-tuklas na pag-asa sa aming mga magulang, pero nabigo kami. Sumulat din kami sa aming sari-sariling simbahan sa Tahiti, upang hilinging alisin na ang aming pangalan sa kanilang talaan. Hindi lamang inalis ng parokya ni Mary-Ann sa Papeete ang kaniyang pangalan kundi hayagan pa siyang itiniwalag. Inanyayahan pa nga ng pastor ang kaniyang mga magulang para sa okasyong iyon.

Nabautismuhan kami noong 1969 at naglingkod bilang payunir. Habang nasa Marseilles, Pransiya, ipinatawag ako para magsundalo at nabilanggo ako nang dalawang buwan dahil sa aking neutral na paninindigan. Nang ako’y palayain, kami ni Mary-Ann ay naatasang maglingkod bilang mga special pioneer sa Marseilles at Bordeaux. Pagkatapos, sa kahilingan ng aming matatanda nang magulang, bumalik kami sa Tahiti noong 1973 at isang taóng nagtrabaho nang buong panahon bilang mga guro sa elementarya.

Pagkatapos ay tinanong kami ng tagapangasiwa ng sangay sa Fiji kung tunguhin naming bumalik sa buong-panahong ministeryo, yamang nangangailangan ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa French Polynesia at New Caledonia. Palibhasa’y bumuti na ang kalagayan ng aming mga magulang, tinanggap namin ang imbitasyon at pinasimulan ang pansirkitong gawain noong Agosto 1974. Noong 1975, nang dumalaw si N. H. Knorr, inanyayahan akong maglingkod bilang kauna-unahang tagapangasiwa ng sangay sa Tahiti.

Ang aming anak na lalaki, si Rauma, ay isinilang noong 1986, at huminto na ang aking asawa sa buong-panahong paglilingkod. Nakatutuwa naman, si Rauma ay kapatid na natin ngayon sa espirituwal. Sa paglingon sa nakaraan, taimtim naming pinasasalamatan ang aming maraming pribilehiyo ng paglilingkod. Pero paglilingkod pa rin sa larangan ang pinakamalaking kaligayahan namin.

[Kahon/Larawan sa pahina 123-125]

Inaalagaan ni Jehova ang Kaniyang mga Tupa

Michel Bustamante

Isinilang: 1966

Nabautismuhan: 1987

Maikling Talambuhay: Kasama ang kaniyang asawang si Sandra, pinaglingkuran niya ang isa sa dalawang sirkito sa French Polynesia.

Kabilang sa aming sirkito ang lahat ng limang arkipelago sa French Polynesia at ito’y kasinlaki ng Europa. Ang ilan sa mas malalayong isla ay may isa o dalawang mamamahayag lamang. Pero kahit nakabukod sila, dinadalaw pa rin namin sila. Halimbawa, si Rosita ay nakatira sa Takapoto, sa Tuamotu. Pinaghahandaan ng tapat na sister na ito ang lahat ng pulong linggu-linggo, at madalas na sumasama sa kaniya ang asawa niyang wala sa katotohanan. Tuwing Linggo, kahit na halos lahat ay naliligo o nangingisda sa lawa, si Rosita naman ay nakapampulong at nag-aaral ng leksiyon sa Bantayan para sa linggong iyon. Hindi rin siya pumapalya sa pag-uulat ng kaniyang paglilingkuran sa larangan. Sa katunayan, ang kaniyang ulat, na itinatawag niya sa sangay ang madalas na pinakaunang natatanggap! Talaga namang kapuri-puri ito dahil ang pinakamalapit na telepono ay 45-minutong biyahe sakay ng bangka mula sa kinaroroonan niyang motu.

Isang malaking okasyon ang pagdating doon ng eroplano. Kaya kapag dumarating kami sakay ng eroplano upang dalawin ang sister, halos lahat ng nakatira malapit sa paliparan ay naroroon para mag-usyoso kung sino ang dumating. Minsan, isang babae ang nagtanong kay Rosita: “Sino ang sasalubungin mo?” Sumagot siya: “Ang aking espirituwal na mga kapatid. Darating sila dahil lamang sa akin, para pasiglahin ako.” Tatlong araw kami kina Rosita, kasama niyang naglilingkod sa larangan at nagpapasigla sa kaniyang espirituwalidad. Madalas na hatinggabi na kaming matulog, dahil sabik na sabik siya sa espirituwal na pagsasamahan.

Sa ibang isla naman, nakita kami ng isang Sabadista nang dalawin namin ang kaniyang kapitbahay na isang Saksi. Pagkaraan ay nagtapat siya sa ating kapatid: “Pitong taon na akong nakatira rito, pero wala ni isa sa mga kasamahan ko sa simbahan ang pumunta rito kahit kailan para palakasin ako.” Ang lalaking ito ay naglilingkod bilang di-opisyal na pastor ng maliit na grupo ng mga Sabadista sa islang iyon.

Sina Daniel at Doris lamang ang dalawang mamamahayag sa Raevavae, sa Tubuaï Islands. Nang masumpungan namin sila sa wakas​—nakatira sila sa isang napakaliblib na lugar​—nagtanong kami kung puwede kaming magsaayos ng pulong sa kanilang bahay nang hapong iyon. Tuwang-tuwa sila sa magandang pagkakataong ito, kaya nag-anyaya kami ng mga dadalo. Pagdating namin sa pulong, nadatnan naming naghihintay sa daan ang pitong trabahador sa plantasyon na katatapos lamang magtrabaho sa araw na iyon. Ang ilan ay may pasan pa ngang mga sako ng gabi.

“Huwag ninyong intindihin ang inyong hitsura,” ang sabi namin. “Halikayo, tumuloy kayo.” At tumuloy naman sila, pero sa sahig sila umupo, kahit na may mga upuan kami para sa kanila. Nagustuhan nila ang pulong at marami silang itinanong sa amin pagkaraan. Mangyari pa, naging lubhang nakapagpapatibay ang hapong iyon sa ating mga kapatid, anupat natupad ang pangunahing layunin ng aming pagdalaw.

Kung minsan, mahirap dumalaw sa nakabukod na mga mamamahayag dahil walang paliparan sa kanilang isla. Sa isang lugar, matapos lumapag, dalawang oras pa kaming naglayag sa karagatan sakay ng bangka para makarating sa islang kinaroroonan ng dalawang mamamahayag. Siyanga pala, ang bangka ay lantsa na walang bubong, mga apat na metro ang haba. Mangyari pa, tinanong namin ang bangkero upang makatiyak kung puwedeng ibiyahe sa dagat ang sasakyan niya at kung may dala siyang reserbang motor. Kung sakali man, talagang sobrang hirap magpalutang-lutang sa gitna ng Karagatang Pasipiko!

Pagdating namin sa aming destinasyon, basang-basa kami dahil sa tilamsik ng dagat, at masasakit ang aming likod dahil sa mga alon na humahampas sa bangka. Ganoon na naman pag-uwi namin. Ang sabi ni Sandra: “Pag-uwi namin sa malaking isla nang hapong iyon, sumakay ako sa aking bisikleta para mangaral. Pero ang katawan ko’y hinang-hina at bugbog na bugbog sa bangka anupat hindi ko makontrol ang bisikleta sa makorales na daan, at bigla akong natumba!”

Dahil dito, mauunawaan mo kung bakit sa tuwing dadalaw kami sa ating nakabukod na mga kapatid, napag-iisip-isip namin ang matinding pag-ibig sa kanila ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. Talaga ngang kabilang tayo sa isang natatanging espirituwal na pamilya.​—Juan 13:35.

[Blurb]

“Darating sila dahil lamang sa akin, para pasiglahin ako”

[Chart/Graph sa pahina 80, 81]

FRENCH POLYNESIA—TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI

1835: Natapos ang pagsasalin ng Bibliyang Tahitiano.

1930-1939: Dumalaw sina Sydney Shepherd at Frank Dewar sa Tahiti at marahil sa iba pang mga isla.

1940

1956: Buong-sigasig na pinasimulan ang pangangaral sa Makatéa at Tahiti.

1958: Ginanap ang dalawang pagbabautismo, ang kauna-unahan sa French Polynesia.

1959: Itinatag sa Papeete ang kauna-unahang kongregasyon sa French Polynesia.

1960

1960: Ipinarehistro ang Asosasyon ng mga Saksi ni Jehova.

1962: Itinayo sa Papeete ang kauna-unahang Kingdom Hall sa isla.

1969: Ginanap ang unang internasyonal na kombensiyon sa Tahiti.

1975: Itinatag ang tanggapang pansangay sa Tahiti.

1976: Sinimulan ang pagsasalin ng Ang Bantayan sa wikang Tahitiano.

1980

1983: Inialay ang unang tahanang Bethel.

1989: Naabot ang peak na 1,000 mamamahayag.

1993: Inialay ang bagong tahanang Bethel at ang katabing Assembly Hall.

1997: Ginanap ang kauna-unahang Ministerial Training School.

2000

2004: 1,746 na mamamahayag ang aktibo sa French Polynesia.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

2,000

1,000

1940 1960 1980 2000

[Mga mapa sa pahina 73]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

FRENCH POLYNESIA

FRENCH POLYNESIA

MARQUESAS ISLANDS

Nuku Hiva

Ua Pou

Ua Huka

Hiva Oa

Fatu Hiva

TUAMOTU ARCHIPELAGO

Manihi

Maupiti

Ahe

Rangiroa

Takaroa

Takapoto

Makatéa

Anaa

Hao

SOCIETY ISLANDS

Maupiti

Tahaa

Raïatéa

Bora Bora

Huahine

Mooréa

Tahiti

TUBUAÏ (AUSTRAL) ISLANDS

Rurutu

Rimatara

Tubuaï

Raevavae

GAMBIER ISLANDS

MOORÉA

TAHITI

PAPEETE

Punaauia

Paea

Toahotu

Vairao

[Buong-pahinang larawan sa 66]

[Larawan sa pahina 70]

Kabilang sina Jeanne at Jean-Marie Félix sa mga unang nakapagpatotoo nang lubusan sa French Polynesia

[Mga larawan sa pahina 71]

Si Maui Piirai, ang unang Polynesian sa teritoryo na nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova, ay binautismuhan ni Jean-Marie Félix noong 1958

[Mga larawan sa pahina 79]

Sumama sina Clyde at Ann Neill (ibaba) kay Agnès Schenck (kanan) sa Tahiti para tumulong sa gawaing pangangaral

[Larawan sa pahina 85]

Nagsimulang maglingkod sa pansirkitong gawain sina John at Ellen Hubler noong 1960

[Larawan sa pahina 86]

Noong 1962, itinayo ng Kongregasyon ng Papeete ang kauna-unahan nitong Kingdom Hall​—isang simpleng balangkas na walang dingding at na pawid ang bubong

[Larawan sa pahina 89]

Abril 15, 1965, isyu ng “La Sentinelle,” na naglalaman ng mga artikulo mula sa “Ang Bantayan”

[Larawan sa pahina 92]

Upang sumulong sa espirituwal, natutong bumasa at sumulat sa wikang Tahitiano si Taina Rataro

[Larawan sa pahina 92]

Si Elisabeth Avae (nakaupo) kasama ang kaniyang apong si Diana Tautu

[Larawan sa pahina 95]

Sina Anna at Antonio Lanza

[Larawan sa pahina 96]

Sina Vaieretiai at Marie-Medeleine Mara

[Larawan sa pahina 97]

Si Ato Lacour

[Larawan sa pahina 98]

Si Rudolphe Haamarurai

[Larawan sa pahina 99]

Sina Vahinerii at Edmond Rai (kaliwa) kasama sina Taaroa at Catherine Terii (kanan)

[Larawan sa pahina 100]

Sina Auguste at Stella Temanaha

[Mga larawan sa pahina 102]

Sina Christiane at Jean-Paul Lassalle (kaliwa) at Lina at Colson Deane (kanan)

[Larawan sa pahina 103]

Si Roger Sage (kaliwa) habang isinasalin sa wikang Tahitiano ang pahayag ni Francis Sicari sa isang pandistritong kombensiyon noong dekada ng 1970

[Larawan sa pahina 107]

Sina Eileen at Alain Raffaelli

[Larawan sa pahina 108]

Sina Mauri at Mélanie Mercier

[Larawan sa pahina 120]

Sina Marie-Louise at Serge Gollin na naglilingkod bilang mga misyonero sa Marquesas

[Larawan sa pahina 122]

Si Alexandre Tetiarahi, kasama ang kaniyang asawang si Elma, at ang dalawang pinakabata nilang anak, sina Rava (kaliwa) at Riva

[Larawan sa pahina 126]

Ang pangkat ng mga tagapagsalin sa wikang Tahitiano

[Larawan sa pahina 127]

Ang “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea noong 1969 ang kauna-unahang internasyonal na kombensiyong ginanap sa Tahiti

[Larawan sa pahina 128]

Ang Kingdom Hall na ito sa isla ng Bora Bora ang pinakabagong naitayo sa French Polynesia

[Larawan sa pahina 130]

Sina Christine at Félix Temarii

[Larawan sa pahina 131]

Komite ng Sangay, mula kaliwa pakanan: Alain Jamet, Gérard Balza, at Luc Granger

[Mga larawan sa pahina 132, 133]

(1) Mga pasilidad sa sangay sa Tahiti

(2) Si Gérard Balza habang inilalabas ang aklat na “Maging Malapít kay Jehova” sa wikang Tahitiano, Hulyo 2002

(3) Ang pamilyang Bethel sa Tahiti