Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

HABANG pasuray-suray ang daigdig sa sunud-sunod na krisis, ang bayan naman ng Diyos ay nagtatamasa ng isang espirituwal na kalagayang patuloy na gumaganda at sumasagana. (Mal. 3:12, 18) Ang tuluy-tuloy na pagsulong na ito ay nagpapaalaala sa pangako ni Jesus sa kaniyang mga alagad bago siya umakyat sa langit: “Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mat. 28:20.

Ang mga naganap noong nakalipas na taon ay higit pang katibayan na talaga ngang nagkakatotoo ang nakaaaliw na pangako ni Jesus. Isaalang-alang muna natin ang espirituwal na piging na tinamasa ng mga lingkod ni Jehova sa “Lumakad na Kasama ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon.

“Lumakad na Kasama ng Diyos” na mga Kombensiyon

Ipinakita ng propetang si Mikas ang pagkakaiba ng matuwid at di-matuwid nang ihula niya: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Mik. 4:5) Gaya ng ipinaliwanag ng tagapagsalita sa pinakatemang pahayag, binubuod ng mga salitang iyan ang saloobin ng tapat na mga lalaki noon, gaya nina Enoc at Noe, na lumakad na kasama ng Diyos sa panahon ng matinding kaguluhan. (Gen. 5:22-24; 6:9, 22) Tunay ngang isang malaking pribilehiyo na sundan ang kanilang mga yapak!

Napatibay ba ng pandistritong kombensiyon ang iyong paninindigan na patuloy na ‘lumakad sa pangalan ni Jehova’? Bakit hindi mo repasuhin ang iyong mga nota sa kombensiyon? Kung gagawin mo ito, mananariwa ang iyong alaala at matutulungan kang anihin ang namamalaging pakinabang mula sa programa.

Mga Publikasyong Inilabas sa Kombensiyon

Iba’t iba ba ang wika sa inyong teritoryo? Kung gayon, nagamit mo na marahil ang bagong buklet na Good News for People of All Nations. Inihanda sa tatlong magkakaibang edisyon na may 32, 64, at 96 na pahina, ang buklet ay sinadya upang masapatan ang mga pangangailangan sa wika ng bawat bansa. Kaya tiyakin mong nasa iyong bag para sa paglilingkod sa larangan ang maganda at bagong buklet na ito. At kapag may natagpuan kang tao na iba ang wika, pakisuyong sundan mo lamang ang tatlong hakbang na makikita sa pahina 2 ng buklet. Makapagliligtas ito ng buhay!

Alinsunod sa 2004 taunang teksto​—“Patuloy kayong magbantay . . . Maging handa”​—inilabas ng huling tagapagsalita sa ikalawang araw ng kombensiyon ang brosyur na Patuloy na Magbantay! (Mat. 24:42, 44) Inaasahang marami pa ang matutulungan ng publikasyong ito upang madama ang pagkaapurahan ng ating panahon at mapag-isipang mabuti ang tungkol sa kinabukasan at sa pambihirang mga pangyayaring magaganap. At, gaya ng sinabi ng tagapagsalita, sana’y matulungan din nito ang bawat isa sa atin na maharap ang maraming kaigtingan at kabalisahan sa buhay at mapanatili ang ating espirituwal na pagkatimbang kapag napaharap sa mga pagsubok.

School for Traveling Overseers

Sa nakalipas na anim na taon, mahigit 600 tagapangasiwa ng sirkito at distrito mula sa Canada at sa Estados Unidos, pati na sa Alaska at Hawaii, ang nakapag-aral sa 13 klase ng School for Traveling Overseers na ginaganap sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, E.U.A. Noong 2004 taon ng paglilingkod, pinalawak nang husto ang paaralan, anupat ginaganap na ito sa 87 iba pang sangay. Sa 23 sa mga ito, isinasama sa mga klase ang mga estudyante mula sa mga lupaing nasa labas ng pinagdarausang bansa. Halimbawa, inanyayahan ng Alemanya ang mga kapatid mula sa Austria, Israel, Macedonia, Switzerland, at Turkey. Ang Portugal naman ang naging punong-abala sa mga estudyante mula sa Luxembourg at sa ilang islang gaya ng Azores, Cape Verde, Madeira, at São Tomé and Príncipe. Malugod na tinanggap ng Kenya ang mga naglalakbay na tagapangasiwa mula sa Etiopia, Rwanda, Tanzania, Uganda, at iba pang mga lupain sa Aprika.

Kalakip sa kurso ang bawat pitak ng gawain ng mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito. Ang tunguhin ay matulungan ang masisipag na kapatid na ito upang maging mas mabisa sa pagtupad sa kanilang maraming pananagutan, lakip na ang pagtuturo sa mga kongregasyon at sa mga asamblea at ang pangunguna sa gawaing pag-eebanghelyo. (2 Tim. 2:2; 4:5; 1 Ped. 5:2, 3) Pinatitibay rin sila ng kurso na mapanatili ang kanilang sariling espirituwalidad at may-kaunawaang maikapit ang mga teksto sa pagtulong sa iba.

Yamang sa mga tanggapang pansangay ginaganap ang karamihan sa mga klase, natitikman ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng kani-kanilang asawa ang buhay sa Bethel. Isang klase ang sumulat: “Nakinabang kami sa espirituwal na paraan mula sa rutin sa Bethel. Gustung-gusto namin ang programa ng pang-umagang pagsamba, na may kalakip na pagbabasa sa Bibliya at sa Taunang Aklat. Sa kabila ng lahat ng aming takdang aralin, dumadalo rin kami sa Pag-aaral sa Bantayan ng pamilyang Bethel tuwing Lunes ng gabi at nakikinabang sa nakapagpapatibay na pagsasamahan.”

Sa unang oras pagkakain ng tanghalian araw-araw, may ilang kapatid na nagtatrabaho nang halinhinan sa Service Department. Natututuhan nila roon kung paano lubusang makikipagtulungan sa tanggapang pansangay, kung paano mas mabisang maikakapit ang tinatanggap na tagubilin, at kung paano mas tumpak at mas makabuluhang magagawa ang kanilang mga ulat.

Tuwing Biyernes naman, dumadalo ang mga estudyante sa isang lektyur kasama ang kani-kanilang asawa. Kalakip sa pahayag na ito ang espirituwal na pampatibay-loob na pantanging inihanda para sa tapat na mga sister na ito. Halimbawa, nakikinabang sila sa mga paalaala na patuloy na magpakita ng mainam na halimbawa ng pagpapasakop sa asawa, at tumatanggap sila ng mga tagubilin na suportahan ang kanilang asawa sa pamamagitan ng paggawang kasama ng mga sister sa mga kongregasyon. Inihalintulad ng isang naglalakbay na tagapangasiwa ang pahayag na ito sa isang “napakasarap na espirituwal na panghimagas.”

Mangyari pa, ang paaralan ay nakapokus sa Bibliya​—lalo na sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References. Ang sabi ng isang estudyante sa Alemanya: “Plano kong gamitin ang Reference Bible sa aking personal na pag-aaral at sa mga pulong sa kongregasyon. Ngayon ko lamang lubusang naunawaan ang kahalagahan nito.” Nadama ng isang beteranong naglalakbay na tagapangasiwa sa Britanya na napasulong kapuwa ang kaniyang espirituwalidad at kakayahan sa pagtuturo dahil sa atensiyong ibinigay sa Salita ng Diyos. Sumulat siya: “Natutuhan ko na bagaman nakatutulong ang magandang ilustrasyon kapag nagpapahayag, mas mahalaga pa rin na basahin at ipaliwanag ang mga teksto.”

Maraming estudyante ang buong-pagpapahalagang sumulat tungkol sa paaralan. Ang sabi ng isang brother sa Estados Unidos: “Nag-uumapaw ang aming puso sa pasasalamat kay Jehova at sa kaniyang organisasyon dahil pinatibay kami at sinangkapan sa aming mga atas. Makapaglingkod sana kami nang may higit na katatagan, higit na kaunawaan sa mga daan ni Jehova, at higit na pag-ibig sa kaniyang pinakamamahal na mga tupa.” Isang estudyante naman sa Pransiya ang sumulat: “Dahil sa kursong ito, lalo kong nakita ang pangangailangang maging maibigin sa pakikitungo sa mga kapatid at gawin ang aming buong makakaya upang mapaligaya sila sa paglilingkod kay Jehova.” Bilang buod sa nadama ng marami, isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Portugal ang nagsabi: “Ang paaralan ang pinakamagandang nangyari sa aking teokratikong karera.”

Galing naman sa isang instruktor ang isa pang komento. “Isang pribilehiyo at mabigat na pananagutan,” ang sabi niya, “na turuan ang mga lalaki, na pagkaraan, ay magbibigay ng tagubiling makaaapekto sa buhay ng libu-libo nating mga kapatid. Nagtitiwala kami na dahil sa pagpapala ni Jehova, magiging pangmatagalan ang mga pakinabang ng paaralang ito.”​—Sant. 3:1.

Sa pagtatapos ng 2004 taon ng paglilingkod, mahigit 1,700 naglalakbay na tagapangasiwa ang nakapag-aral na sa paaralan, na ginanap sa 14 na wika. Patuloy na idaraos ang paaralan sa mas malalaking sangay sa 2005 taon ng paglilingkod.

Mga Kaso sa Hukuman

Noong Mayo 19, 2004, inilathala ng European Court of Human Rights (ECHR) sa Strasbourg, Pransiya, ang hatol nito sa kaso ng Lotter v. Bulgaria. Bilang dating mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova, nagsampa ng kaso ang mga Lotter dahil sa pagtatangka ng pamahalaan na palayasin sila sa Bulgaria dahil sa kanilang relihiyon. Pumayag ang mga awtoridad ng Bulgaria na magbayad-pinsala sa mga aplikante at baligtarin ang desisyon na bawiin ang kanilang residency permit. Pumayag din ang mga awtoridad na maglathala ng malinaw na pagkilala sa legal na katayuan ng mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria, kung saan opisyal silang nakarehistro bilang isang relihiyon noong 1998.

Nagpalabas ang ECHR ng isang hatol pabor kay Séraphine Palau-​Martínez noong Disyembre 16, 2003. Sa 6-sa-1 boto, nagdesisyon ang hukuman na nilabag ng Pransiya ang karapatan ni Sister Palau-​Martínez may kinalaman sa kaniyang pamilya. Nagsampa siya ng kaso sa ECHR nang alisin sa kaniya ang karapatan sa pag-aalaga sa kaniyang dalawang anak sapagkat nagdesisyon ang hukumang pinag-apelahan sa Pransiya na makabubuting “huwag isailalim [ang mga bata] sa malupit at istriktong mga patakaran sa pagpapalaki ng anak na ipinapataw sa mga anak ng . . . mga Saksi ni Jehova.” Sa hatol nito, ipinasiya ng ECHR na ang hukumang pinag-apelahan ay nagdesisyon nang hindi ibinatay sa tunay na kalagayan ng buhay at kapakanan ng mga bata at na ang desisyon ay may bahid ng diskriminasyon sa relihiyon.

Pagkatapos ng mahihirap na taon ng pang-uumog udyok ng mga relihiyosong panatiko, na ikinabilanggo ng ilan, ang mga Saksi ni Jehova sa bansang Georgia ay payapang dumalo sa “Lumakad na Kasama ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon. Isang pantanging sorpresa para sa mga kapatid ang paglalabas ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Georgiano. Gayundin, noong Nobyembre 28, 2003, inirehistro ng Ministri ng Katarungan sa Georgia ang sangay roon ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Kaya naman, bagaman nagpalabas na ng desisyon ang Korte Suprema ng Georgia noong 1998 na buwagin ang korporasyon na ginagamit noon ng mga Saksi ni Jehova, isang bagong korporasyon na ngayon ang opisyal na kinikilala, na ikinatuwa ng mga kapatid.

Gayunman, marami pa ring kaso sa Georgia ang nakabitin sa ECHR. Pero nakasisiyang makita na bumubuti na ang kalagayan ng ating mga kapatid doon.

Mula pa noong 1990, sinisikap na ng mga kapatid sa Alemanya na ang ating relihiyosong samahan ay mairehistro ayon sa batas para sa mga korporasyong pampubliko subalit bigo pa rin sila. Nang ipag-utos ng Federal Administrative Court na higpitan pa ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang katapatan kay “Cesar” kaysa sa hinihiling ng batas, pinawalang-bisa ng Federal Constitutional Court ang desisyon dahil labag ito sa konstitusyon at ibinalik ang kaso upang muling dinggin. (Mar. 12:17) Noong Marso 25, 2004, nirepaso uli ng orihinal na hukuman ang kaso. Humingi ng karagdagang impormasyon ang hukuman tungkol sa ating paninindigan sa dugo, pagpapalaki ng anak, pagtitiwalag, at neutralidad. Sinabi ng naglilitis na hukom na ang akusasyon ng pamahalaan ay dapat na nakasalig sa mapanghahawakang ebidensiya​—estadistika at opisyal na mga dokumento​—hindi sa mga nakapagdududang sipi lamang mula sa Internet at mga liham mula sa mga indibiduwal na may personal na galit.

Kasama sa form na ginagamit para sa sensus ng mga kinalap para magsundalo sa Gresya ang “Chiliast or Jehovist” bilang isang mapagpipilian sa talaan ng mga relihiyon. Yamang itinuturing na mapanghamak ang mga katawagang ito, nagsampa ng reklamo ang sangay sa Gresya sa Ministry of Defense. Noong Marso 24, 2004, lumiham ang ministri sa mga Saksi ni Jehova, na sinasabing wala itong masamang intensiyon at “gumawa na ng hakbang [ang ministri] upang maituwid agad ang maling termino.” Ganito ang mababasa sa itinuwid na form: “Kristiyanong mga Saksi ni Jehova.”

Ilang dekada nang kinikilala sa Peru ang mga Saksi ni Jehova bilang relihiyon. Pero noong Nobyembre 1997, tinanggihan ng Ministri ng Edukasyon ang ating mga kahilingan ukol sa eksemsiyon sa buwis para sa ating literatura at hiningan tayo ng malaking halaga ng salapi bago mailabas ang mga literaturang ito sa opisina ng adwana. Umabot sa hukuman ang kaso. Noong Disyembre 11, 2003, nagpalabas ng desisyon ang hukom pabor sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya na ang ginawa ng ministri ay “kapritso lamang, wala sa katuwiran, at di-maintindihan.” Sinabi niyang “may diskriminasyon [at] nakagagalit” ang ikinilos ng mga opisyal. Mabilis na nalutas ang mga problema sa pag-angkat ng mga literatura.

May batas sa Puerto Rico, nagsasariling komonwelt kaisa ng Estados Unidos, na nagpapahintulot sa pampublikong mga komunidad na bumukod sa pamamagitan ng mga trangkahan, pader, at mga guwardiya. Naging hadlang ito sa ating gawain sa larangan. Pinaaalis pa nga ng mga pulis ang mga mamamahayag sa ilan sa mga lugar na ito. Nabigo ang ilang pagtatangka na lutasin ang problema nang hindi na kasangkot pa ang korte. Nagsampa na ngayon ng demanda sa Federal District Court for the District of Puerto Rico, na humihiling na ideklarang labag sa konstitusyon ang batas, na isa itong panghihimasok sa karapatan hinggil sa kalayaan sa pagsamba at kalayaan sa pagsasalita. Nakabitin pa ang desisyon ng hukuman.

Noong Oktubre 28, 2003, inilabas ng Hukuman sa Apelasyon sa Bucharest ang Judgment No. 1756, na umoobliga sa pamahalaan ng Romania na isama ang mga Saksi ni Jehova sa talaan ng mga kinikilalang relihiyon hinggil sa mga regulasyon sa pagbubuwis. Noong Pebrero 6, 2004, inilathala ng Official Gazette No. 112 ang isang talaan ng “mga relihiyong opisyal na kinikilala sa Romania.” Kasali na rito ang mga Saksi ni Jehova.

Noong Marso 21, 2004, pinawalang-sala ng Seoul District Court sa Republika ng Korea ang tatlong brother sa kriminal na mga paratang may kinalaman sa kanilang pagtangging magsundalo dahil sa kanilang relihiyon. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na kinilala ng hukuman sa lupaing iyan ang pagtutol udyok ng budhi bilang karapatan ng mamamayan. Daan-daan sa ating mga kapatid sa Korea ang kasalukuyang nakabilanggo dahil sa “krimen” ng ‘pagpukpok sa kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ (Isa. 2:4) Nakalulungkot sabihin, parehong tumanggi ang korte suprema at ang konstitusyonal na hukuman na sundin ang konstitusyonal na garantiya ng Korea sa kalayaan sa pagsamba upang maprotektahan ang ating mga kapatid. Gayunman, nagmungkahi kamakailan ang konggreso ng Korea ng isang panukalang-batas na maglalaan ng serbisyong sibilyan para sa lahat ng karapat-dapat na mamamayang nasa edad na para magsundalo.​—Kaw. 21:1.

Ang desisyon ng Korte Suprema ng Estados Unidos sa kaso ng Watchtower . . . v. Village of Stratton ay patuloy na nakatutulong sa mga Saksi ni Jehova sa kanilang ministeryo ng pagbabahay-bahay. Halimbawa, sa isang komunidad sa estado ng New York, E.U.A., hinahanapan pa rin ng mga pulis ang mga Saksi ng pahintulot bago sila magsagawa ng pangmadlang ministeryo. Gayunman, ang hepe ng pulisya, matapos ipagbigay-alam sa kaniya ang kalagayan at ang desisyon ng hukuman, ay sumulat: “Ako mismo ang napahiya sa ikinilos ng aking mga pulis sa pagkakataong ito at humihingi ako ng paumanhin sa anumang kaabalahang idinulot nito.”

Tinagubilinan ng isang komunidad sa estado ng Illinois ang kagawaran ng pulisya nito na ipaalam sa lahat ng nagpapatrolya at sa iba pang pulis at mga tauhan na ayon sa desisyon ng Korte Suprema ng Estados Unidos, “hindi na kailangan ng mga Saksi ni Jehova ang pahintulot bago magbahay-bahay.” Ganito pa ang sabi ng tagubilin: “Hindi na nila kailangang ipagbigay-alam sa atin kung naroroon man sila.”

Noong Oktubre 8, 2003, nagpasiya ang Korte Suprema ng Iowa pabor kay Lester Campbell sa isang kaso may kinalaman sa kaniyang pagtangging magpasalin ng dugo. Nagdemanda si Brother Campbell upang humingi ng bayad-pinsala dahil sa pagsasalin sa kaniya ng sarili niyang dugo pagkatapos ng operasyon sa kabila ng kaniyang nakasulat at bibigang pagtanggi sa pamamaraang ito. Pinaboran ng hukumang tagalitis ang siruhano at ang ospital. Gayunman, binaligtad ng Korte Suprema sa Iowa ang desisyon ng hukumang tagalitis, anupat ipinasiyang hindi na kailangan ni Lester Campbell ang isang eksperto sa medisina para lamang patunayang hindi nakaabot sa karaniwang pamantayan ng paggagamot ang pagsasalin nang labag sa kalooban. Inihatol din nito na puwede siyang makakuha ng bayad-pinsala.

Ang Pagbabawal sa Moscow at ang Epekto Nito

Noong Marso 26, 2004, pinagpasiyahan ng Golovinsky Intermunicipal District Court sa Russia na ipagbawal ang lahat ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow at buwagin ang kanilang legal na korporasyon. Iniapela ang desisyong ito. Noong Hunyo 16, 2004, sinang-ayunan ng Moscow City Court ang desisyon ng mababang hukuman, at nagkabisa na nga ang pagbabawal at pagbuwag ayon sa batas. Umapela ang mga kapatid sa ECHR at umaasang sana’y dinggin agad ito dahil sa maraming pagpapahirap na dulot ng pagbabawal na ito.

Gayunman, hindi nabawasan ng pagbabawal ang sigasig ng mga kapatid. Sa katunayan, napasigla pa nga nito ang marami upang lalong magsumikap sa paglilingkod kay Jehova. Ang kanilang sigasig ay nagpagunita sa mga salita ni apostol Pablo noong nakabilanggo siya sa Roma. “Ang mga nangyari sa akin,” ang isinulat niya, “ay naging para sa ikasusulong ng mabuting balita.”​—Fil. 1:12.

Halimbawa, noong Marso 2004, nagkaroon ng bagong peak na 136,034 na mamamahayag at 136,903 pag-aaral sa Bibliya. Noon lamang sa loob ng pitong taon naging mas marami ang pinagdarausan ng pag-aaral kaysa sa mga mamamahayag! At mula Marso hanggang Hunyo, tumanggap ang sangay ng mahigit 1,000 aplikasyon para sa paglilingkod bilang regular pioneer, at noong Abril naman ay nagkaroon ng bagong peak na 15,489 na regular pioneer. “Sa katulad na paraan,” ang ulat ng sangay, “ang hatol noong Hunyo 16 ay lalong nagpasigla sa ating mga kapatid na gumawa nang higit pa.” Napakilos din nito ang iba​—pati na ang ilang di-sumasampalatayang asawang lalaki​—na dumalo sa mga pulong Kristiyano.

Isang estudyante sa unibersidad na taga-Estados Unidos ang nagkataong nasa Russia nang ibaba ang hatol na ito noong Hunyo. “Sinadya niya mismo ang Bethel na nasa labas ng St. Petersburg, upang usisain ang tungkol sa situwasyon,” ang isinulat ng sangay. “Humanga siya sa kalinisan ng mga pasilidad at sa malugod na pagtanggap sa kaniya.” Yamang gulat na gulat kung bakit may mga taong gustong ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova, humingi siya ng mga publikasyon at video na maiuuwi niya sa California upang ipakita sa kaniyang mga propesor sa departamento ng pag-aaral sa mga relihiyon.

Payapang Natuloy ang mga Kombensiyon sa Moscow

Mula Hunyo 11 hanggang 13, bago mismo ibaba ang negatibong hatol ng hukumang pinag-apelahan, dalawang “Lumakad na Kasama ng Diyos” na Kombensiyon ang idinaos sa Moscow, na ang isa’y sa Russian Sign Language. Noong una, gaganapin sana ang mga kombensiyon pagkatapos ng pagdinig sa kaso, pero nagtagumpay ang Komite ng Sangay na ipagpaliban muna ang kaso. Iniulat ng mga kapatid na naging maayos ang mga kombensiyon at nakipagtulungan naman ang mga awtoridad ng lunsod. Sa katunayan, pinagbilinan pa nga ng kanilang mga pinuno ang mga pulis na nakaatas sa mga pasukan sa istadyum: “Kapag pinapapasok ninyo sa istadyum ang mga tao, huwag kayong maninigarilyo at huwag gagamit ng malaswang pananalita.”

Sa isang subwey sa Moscow, pinagbintangan ng isang lalaki ang maliit na grupo ng mga sister na ninakaw raw nila ang kaniyang pera. Pilit niya silang isinama sa istasyon ng pulis. Hindi lamang ang mga sister kundi lahat ng mga “kaanib sa sekta” ang inakusahan niya roon na sinasadya raw talaga nilang magkasiksikan para manakawan ang mga tao. Bilang tugon, binalingan ng pulis ang mga sister at nagtanong, “Sino ba kayo?”

Habang nakaturo sa kanilang mga lapel badge, sumagot sila, “Mga Saksi ni Jehova po kami at padalo po sana kami sa aming kombensiyon.”

Pagkatapos ay humarap ang pulis sa nag-aakusa at sinabi: “Hindi magnanakaw ang mga Saksi ni Jehova. Humingi ka ng dispensa sa kanila, dahil ininsulto mo sila.” Pagkatapos ay lumingon ang pulis sa mga sister at sinabi, “Dali, dumalo na kayo sa kombensiyon ninyo.” “Pero ikaw,” ang sabi niya sa lalaki, “dito ka. Hindi pa tayo tapos.”

Ang pinakamataas na bilang ng dumalo sa kombensiyong ginanap sa istadyum ay 21,291, at 497 ang nabautismuhan. Sa kombensiyon naman ng wikang pasenyas na ginanap sa Kingdom Hall, ang dumalo ay umabot sa 929, at 19 ang nabautismuhan!

Pagharap sa mga Pagsubok sa Haiti

Noong 2004, ang islang bansa ng Haiti ay dumanas ng kaguluhan sa pulitika, karahasan, kakapusan sa mga pangunahing produkto, at pagtaas ng mga presyo. Bukod pa sa mga problemang ito, mahigit 1,500 katao ang namatay at libu-libo ang nawalan ng tahanan dahil sa mapaminsalang mga pagbaha noong Mayo. Wala namang namatay na Saksi, pero marami ang nawalan ng lahat ng kanilang pag-aari, pati na ng kanilang tahanan.

Gayunman, napatibay pa rin ang mga kapatid dahil sa maliwanag na katibayan ng tulong at patnubay ni Jehova at ng maibiging pagmamalasakit na ipinakita ng Lupong Tagapamahala at ng internasyonal na kapatiran. Praktikal na ipinadama ang pag-ibig na iyan sa pamamagitan ng materyal na mga paglalaan para sa mga biktima ng kalamidad. Mangyari pa, nagtulungan din ang mga kapatid doon para makakuha ng pagkain at iba pang mga pangangailangan.

Sinubaybayan ng sangay ng Haiti ang mga pangyayari upang makapagbigay ito ng tagubilin sa mga kongregasyon. Halimbawa, dahil sa paglago ng karahasan sa kabisera, sa Port-​au-​Prince, tinagubilinan ng Komite ng Sangay ang mga elder na agahan nang isang araw ang mga pulong nila na dapat sana’y idaraos nang Linggo, Pebrero 29. Isang katalinuhan ang rekomendasyong iyon dahil nang mismong Linggong iyon, ang ginigipit na presidente ng Haiti ay nagbitiw at tumakas. “Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa buong kabisera habang nagkakagulo,” ayon sa balita. Sumulat ang sangay: “Ni hindi sumagi sa isip ng sinuman na mangyayari ito. Kung nagkataon, imposibleng makarating sila sa pulong noong Linggong iyon. Pinasalamatan namin si Jehova dahil ligtas ang ating mga kapatid.”

Sa mapanganib na panahong iyon, ang mga pulis at mga rebeldeng sundalo gayundin ang mga magnanakaw ay pawang naglagay ng mga checkpoint sa daan, at ang pamahalaan naman ay nagtakda ng curfew mula pagkagat ng dilim hanggang madaling-araw. Subalit bago pa man magtakda ng curfew, binago na antimano ng mga kongregasyon ang mga oras ng kanilang pulong upang ligtas na makauwi ang lahat bago pa man kumagat ang dilim. Maraming kongregasyon ang nag-ulat ng pagtaas sa bilang ng dumadalo!

Patuloy rin ang mga kapatid sa pagiging abala sa ministeryo sa larangan, na hinangaan ng kanilang mga kapitbahay. “Lumalakas ang aming loob kapag nakikita namin kayong mga Saksi na nangangaral gaya ng dati,” ang sabi ng ilan. Mangyari pa, ingat na ingat ang mga mamamahayag at nagbabalitaan sila kung saan ligtas na makapaglilingkod sa larangan.

Ang Ating Kristiyanong Pagkakakilanlan​—Isang Proteksiyon

Sumulat ang sangay sa Haiti: “Dahil kilala sila sa kanilang pamayanan at may reputasyon ng pagiging neutral sa pulitika, naging proteksiyon ito sa ating mga kapatid upang hindi sila mabugbog at pagnakawan.” Halimbawa, sa tatlong checkpoint, pinahinto ng mga grupo ng armadong mga maton ang mag-asawang misyonero. Dalawang bagay ang ginawa ng mag-asawa: Nagpakilala silang mga Saksi ni Jehova, at nanalangin sila​—nang tahimik at malakas. Sa lahat ng tatlong checkpoint, may nagtatanggol sa kanila, na sinasabing mababait na tao ang mga Saksi ni Jehova at hindi nakikialam sa pulitika. Ligtas na nakauwi ang mag-asawa.

Hinarang din ng armadong mga grupo ang mga Bethelite. Gaya ng mga misyonero, nagpakilala rin ang mga brother na ito na sila’y mga Saksi, nanalangin, at nakaligtas din. Minsan, isang magnanakaw ang nagsabi: “Yumaon kayong payapa, at ipagdasal ninyo kami!” Isa pang Bethelite ang hinarang sa checkpoint ng mga pulis at gustong tingnan ng mga pulis kung may mga armas sa kaniyang kotse. Ang sabi ng brother, “Wala akong ibang armas kundi Bibliya at mga magasing Bantayan at Gumising!” Napangiti ang pulis at pinaraan siya. Mula noon, malayo pa’y kilala na nila ang kotse niya at hindi na siya tinatanong bago paraanin.

Iniulat ng sangay na noong sumunod na mga buwan, medyo tahimik na ang kalagayan. Pero may mga problema pa rin, at naroroon pa rin ang tensiyon. Kaya naman patuloy na nag-iingat ang mga kapatid.

Pinagbuti ang Palimbagan sa Estados Unidos

Noong 2002, sa patnubay ng Lupong Tagapamahala, ang paglilimbag ay muling inorganisa sa limang pangunahing heograpikong rehiyon​—Aprika, Asia, Europa, Hilagang Amerika, at Timog Amerika. Ang kaayusang ito ay nagbunga ng mas mainam na paggamit ng mga pasilidad ng sangay, lakip na ang mga nasa Estados Unidos, na nabawasan na ngayon ng trabaho.

Ang operasyon ng paglilimbag, binding, at paghahatid na ginagawa sa Estados Unidos ay pinagsama-samang lahat sa Wallkill, New York, noong 2004. Ang kabuuang plano at konsepto ay iniharap sa panlunsod na lupon ng pagpaplano noong Agosto 6, 2002. Ginanap ang pangmadlang pagdinig noong Setyembre 3, at pagkatapos ay ipinagkaloob ang pahintulot. Sa taunang pulong ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania noong Oktubre 5, 2002, ipinatalastas na inaprobahan na ng Lupong Tagapamahala ang pagsasama-sama ng operasyon sa Wallkill. Umorder ng dalawang bagong makina sa paglilimbag na MAN Roland Lithoman, at ang karagdagang gusali na paglalagyan sa mga ito ay nakatakdang matapos sa Pebrero 2004.

Paano kaya matatapos sa loob lamang ng 14 na buwan ang napakalaking proyektong ito? Umasa kay Jehova ang mga kapatid na papatnubayan niya ang mga bagay-bagay at pakikilusin niya ang mga indibiduwal na kusang maghandog ng kanilang sarili. Hindi nabigo ang pagtitiwalang ito. Nagsimula ang paggawa noong Pebrero 2003, at natapos ang idinugtong sa palimbagan noong Setyembre. Ang una sa tatlong makina sa paglilimbag na ginagamit sa Wallkill ay binaklas at inilipat sa bagong idinugtong na gusali noong Disyembre. Dumating ang dalawang bagong makina sa paglilimbag noong Abril at Mayo 2004 at nagsimula nang mag-imprenta noong Hunyo at Hulyo. Handang-handa nang gamitin ang lahat ng limang makina pagsapit ng Setyembre.

Dati, okupado ng bindery ang 11 palapag sa tatlong gusali sa pasilidad ng Adams Street sa Brooklyn. Sa ngayon, ang buong bindery ay nasa isang palapag na lamang sa Wallkill at umookupa ng espasyong mas maliit nang 58 porsiyento. Pinasimulan ang paggawa ng mga aklat na may malambot na pabalat noong Hulyo 2004. Nang huling bahagi ng buwang iyon, ang mga unang aklat na may matigas na pabalat ay ginawa mula sa bagong bindery line na mahigit 400 metro ang haba at binubuo ng 33 makinang pinagdugtung-dugtong ng 70 conveyor. Minsan lamang hinahawakan ang mga bahagi ng aklat, sa pasimula ng bindery line. Habang gumagawa ng 120 aklat bawat minuto, ang makinang ito para sa matigas na pabalat ay nangangailangan lamang ng 25 trabahador​—66 na porsiyentong bawas sa tauhan. Lubusan nang gumana ang buong bindery noong Oktubre 2004.

Noong Nobyembre 2004, inihahanda na ng bagong Wallkill Shipping Department ang mga literaturang hinihiling ng kongregasyon gamit ang bagong sistema sa computer na umookupa ng espasyong mas maliit nang 45 porsiyento kaysa sa pinalitan nito sa Brooklyn. Kinakalkula ng mga computer ang dami ng ipadadala at pinipili ang tamang karton. Ang bawat order ay inililipat ng conveyor na 800 metro ang haba sa isang pantanging plataporma at doon inihahanda ang mga kargada para sa paghahatid. May inilaang lugar na madaraanan ng sasakyan upang maging madali para sa lokal na mga kongregasyon na maisakay ang kanilang mga order.

Buong-pusong pasasalamat ang ipinaaabot sa maraming kapatid na tumulong sa proyektong ito. Kabilang dito ang mga Bethelite at pansamantalang mga boluntaryo, pangkat-pangkat na mga kapatid na nagtatrabaho sa pangangasiwa ng mga Regional Building Committee mula sa limang estado, at mga kapatid na bukas-palad na nagpadala ng mga kagamitan at materyales mula sa kanilang sariling mga negosyo. Mangyari pa, pinasasalamatan din ang maraming “masayang nagbibigay” na naglaan ng pinansiyal na suporta.​—2 Cor. 9:7, 11.

Mga Pagbabago sa Brooklyn

Nagkaroon ng pagbabago sa Brooklyn Bethel nang ilipat sa Wallkill ang operasyon ng paglilimbag, binding, at paghahatid. Isang makasaysayan at madamdaming sandali ang naganap noong Abril 29, 2004. Nang gabing iyon, sa gitna ng palakpakan at iyakan, isinara ni Max Larson, mahigit 60-taóng tagapangasiwa sa palimbagan, ang huling imprentahan sa Brooklyn, na tumapos sa 84 na taon ng patuloy na paglilimbag doon. Pagkalipas ng ilang linggo, isinara na rin ang bindery.

Palibhasa’y alam nilang malaki ang mababawas sa sukat ng espasyong kailangan sa Brooklyn dahil sa mga pagbabagong ito, ipinatalastas ng Lupong Tagapamahala, noong Hunyo 2003, ang posibleng pagbebenta sa gusaling nasa 360 Furman Street. Natapos ang kontrata noong Biyernes, Hunyo 18, 2004. Ang labahan, mga opisina, at mga gawaan na nasa 93,000-metro-kuwadradong gusaling iyon ay inilipat na lahat sa nabakanteng espasyo sa 117 Adams Street.

Bukod diyan, inaayos at kinukumpuni na ngayon nang husto ang gusali sa 107 Columbia Heights. Nakatakdang matapos ang bahaging residensiyal sa huling kalahatian ng 2005, at ang buong proyekto, pagsapit ng Setyembre 2006. Ang ipinaayos na gusali ay makapagpapatulóy ng mahigit 300 miyembro ng pamilyang Bethel at may commissary, Kingdom Hall, silid-aklatan, lobby, mga opisina, pampersonal na labahan, at isang bagong hardin.

Nakahanda sa Pandaigdig na Pagsulong

Tumanggap din ng bagong makinang MAN Roland Lithoman ang Brazil, Britanya, Hapon, Mexico, at Timog Aprika. Britanya ang unang sangay na nag-instila ng bagong makina, na dumating noong Hulyo 2003 at nagsimula ng produksiyon noong Oktubre. Nag-iimprenta ito ng 750,000 magasin araw-araw​—1.5 milyon kapag dinoble ang trabaho​—halos tatlong ulit sa dating makina.

Nakapag-iimprenta rin ang mga bagong makina ng mga seksiyon ng mga Bibliya at iba pang publikasyon. Halimbawa, naimprenta na ng sangay sa Timog Aprika ang mga seksiyon ng Bagong Sanlibutang Salin sa Sesotho, isang wika sa Timog Aprika. Iniulat ng sangay sa Hapon na dati’y inaabot nang maghapon bago makalipat mula sa paggawa ng maliliit na aklat tungo sa paggawa ng malalaki. Ngayon ay isang oras na lamang ang kailangan. At kung dati’y sampung araw ang kailangan para makagawa ng isang milyong tract, ngayon ay limang oras na lamang. Sa unang tatlong buwan nito, ang imprentahan sa Hapon ay nakagawa ng 12 milyong tract; 12 milyong magasin at brosyur; 240,000 aklat; at 48,000 Bibliya.

Ang iba pang bagong makina ay kusa nang nagpuputol, nagbibilang, nagsasalansan, nagmamarka, at nagbabalot ng mga literatura. Mas mahusay at eksaktong nagagawa ang mga plantsa sa paglilimbag sa pamamagitan ng isang sistemang tinatawag na computer-to-plate na pamamaraan. Hindi na kailangan sa prosesong ito ang photographic film, anupat nabawas na ang buong hakbang na ito. Iniulat ng sangay sa Britanya na dahil sa lahat ng pagsulong na ito, hindi lamang dumami ang produksiyon kundi nabawasan din ang kinakailangang manggagawa.

Nagtungo sa Alemanya Para Magsanay

Mga pangkat mula sa anim na sangay ang nagtungo sa kompanya ng MAN Roland sa Alemanya para magsanay sa makina. Dahil sa kanilang karanasan sa sinasanay na mga manlilimbag na di-Saksi, inasahan ng mga instruktor na ituturing ng mga kapatid na para lamang silang nagbabakasyon doon. Kaya nagulat at humanga ang mga instruktor sa sikap at tiyaga ng mga kapatid. Sa katunayan, hiniling ng mga Saksi na magsimula sila nang maaga at magtrabaho nang mas matagal upang makinabang silang mabuti sa kurso.

Naging problema ng ilang nagsasanay ang wika dahil Ingles ang oral na instruksiyon at mga manwal ng makina. Bilang paghahanda, nagsikap nang husto ang delegasyon mula sa Hapon na mapasulong ang kanilang kakayahan sa Ingles bago sila pumunta sa Alemanya. Marami ang lumipat pa nga pansamantala sa mga kongregasyong gumagamit ng Ingles.

Nagbigay ng Mainam na Patotoo ang mga Bethelite

Nang dumating ang mga makina sa mga sangay, binuo ito ng mga inhinyero mula sa MAN habang tumutulong naman ang mga Bethelite. Sa lahat ng anim na sangay, nagkaroon ng magandang epekto sa mga di-Saksing manggagawa ang kaayaayang kapaligiran sa Bethel. Isang lalaking nag-iinstila sa London ang nagsabi sa mga kapatid: “Pag-uwi ko kagabi, nakita ko ang aking kapitbahay sa kaniyang hardin. Medyo inis ako sa kaniya, pero kagabi, 20 minuto ko siyang kinausap at natuklasan kong mabait naman pala siya.” Sinabi pa ng teknisyan ding ito na napansin ng kaniyang asawa ang pagbabago sa kaniyang pakikitungo at paggawi. “Palakaibigan ka, palangiti, at palabati,” ang sabi niya.

“Anim na linggo ko na kasing katrabaho ang mga Saksi,” ang sagot niya. “At nitong huling dalawang linggo, hindi man lamang ako nagmura kahit minsan. Sa katunayan, sisikapin kong huwag nang magmura kahit kailan.”

Nang matapos ang pag-iinstila sa sangay sa London, tumawag sa sangay ang isang ehekutibo ng MAN upang pasalamatan ang mga kapatid sa paraan ng pag-aasikaso nila sa mga tauhan ng kompanya. Sinabi niyang ayos na ayos ang pag-iinstilang iyon.

Nagsaayos naman ang ilang sangay na maglagay ng sariling silid-kainan sa lugar ng proyekto para sa mga nag-iinstila ng bagong makina. Para sa marami, lalo na sa mga di-Saksi, isang bagong karanasan ang masilbihan ng mga weyter na maayos ang pananamit. Isang teknisyan sa Hapon ang noon lamang nakakita ng gayon kalinis at kaorganisadong palimbagan na gaya ng nasa sangay. “Wala nang mas maganda pang lugar ng trabaho sa buong mundo,” ang sabi niya. Hinangaan din niya ang katapatan ng mga kapatid. Dito lamang niya puwedeng iwan ang kaniyang mga kagamitan, na may tiwalang hindi ito mananakaw. Sa kagustuhang makilala pang lubos ang mga Saksi ni Jehova, tinanggap niya ang maraming publikasyon at nag-tour siya sa sangay.

Inanyayahan ng mga kapatid sa Mexico ang mga teknisyan ng MAN na dumalo sa Memoryal. Apat ang nagpaunlak. Ang problema, wala silang maisuot na angkop sa okasyon. Dahil gusto ng mga teknisyan na makabili ng amerikana, sinamahan silang mamili ng isang Bethelite. Binigyan ng mga kapatid ang mga teknisyan ng Bibliya at tinulungan silang hanapin ang mga teksto sa panahon ng pahayag sa Memoryal. Pagkatapos ng pulong, nagkuhanan ng litrato ang mga teknisyan at panay ang ngiti kung kaya marami sa kongregasyon ang nag-akalang sila’y mga Bethelite din mula sa Alemanya.

Sa lahat ng sangay, nabigyan din ng mainam na patotoo ang mga lokal na kontratista at mga kompanya. Isang kontratista sa Estados Unidos ang sumulat: “Hangang-hanga ako sa kalidad ng inyong organisasyon at lalo na ng mga tao. Sa proyektong ito lamang ako nakadama ng ganitong kasiyahan. Binigyan ako ng inyong organisasyon ng pag-asa sa hinaharap. Kung mailalagay ko lang sa botelya at maipagbibili ang sigla at malasakit, tiyak na lahat ay bibili ng inyong produkto.”

Isang lalaking nagsusuplay ng mga tubo para sa bagong makina sa Mexico ang humanga sa mapayapang kapaligiran ng sangay. Marami siyang itinanong, at ngayon, siya at ang kaniyang pamilya ay nag-aaral na ng Bibliya at mainam na sumusulong. Kakaiba naman ang hiniling ng kapatas ng lokal na mga tauhan ng mga kontratista. “Karaniwan na,” ang sabi niya, “binibigyan kami ng mga tao ng pabuya bilang pasasalamat sa aming ginawa. Puwede kayang bigyan na lamang ninyo kami ng tig-iisang Bibliya? Sa nakita ko rito, sa palagay ko’y mas mahalaga ang kaalaman sa Bibliya kaysa sa pera.”

Pag-aalay ng Sangay sa India

“Dumating din sa wakas ang pinakahihintay na araw noong Disyembre 7, 2003,” ang isinulat ng sangay sa India. “Araw ito ng pag-aalay ng aming bagong-tayong sangay sa Bangalore, sa katimugan ng gitnang bahagi ng India.”

Sa kinatatayuan nitong 17 ektarya ng lupa, ang 30,000-metro-kuwadradong pasilidad ay parang isang maliit na bayan. Bilang kauna-unahang malaking sangay sa daigdig na itinayo ng isang komersiyal na kompanya, mayroon itong planta na lumilinis sa tubig na maiinom, planta na gumagamot sa maruming tubig upang magamit uli, at sariling generator ng kuryente. Ang pasilidad ay may 122 opisina, kasama na ang 80 para sa mga tagapagsalin; isang magandang Kingdom Hall; at isang malaking palimbagan. May tatlong gusaling tirahan na may komportableng mga kuwarto, labahan, silid-kainan, at kusinang kumpleto sa gamit. Ang buong proyekto, na halos puro lokal na mga materyales ang ginamit, ay natapos sa loob ng dalawang taon.

Noong 1905, nagsimula ang gawaing pang-Kaharian sa India. Nakapagsasalin at nakapaglilimbag na ngayon sa 26 na wika sa India. Sa panahon ng pag-aalay, naglahad ng nakapagpapatibay na mga karanasan ang mga misyonerong naglingkod sa India nang ilang dekada, at si Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala naman ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay. Kabilang sa 2,933 naroroon ang 150 panauhin mula sa 25 dayuhang bansa.

Pag-aalay ng Sangay sa Pilipinas

“Dapat na kasingganda rin ng sa Watch Tower ang gawin natin!” Iyan ang sabi ng ilang di-Saksing tagapagtayo ng mga gusali sa Maynila nang makita nila ang magandang pagkakagawa sa sangay sa Pilipinas. Sa katunayan, nang pumunta sa inhinyero ng lunsod ang mga tauhan ng isang programa sa telebisyon na gumagawa ng isang dokumentaryo sa mga patakaran sa pagtatayo, sinabi nito sa kanila: “Kung gusto ninyong makakita ng isang lugar na istriktong sumusunod sa mga patakaran sa pagtatayo, pumunta kayo sa Watch Tower.”

Ang mga kapatid ay nagtayo ng isa na namang sampung-palapag na tirahan at ilang maliliit na gusali at inayos ang dati nang sampung-palapag na tirahang itinayo noong 1991. Bakit kaya kinailangan ang pagpapalawak? Mula 1991 hanggang 2003, nadagdagan ng 34,000 ang bilang ng mamamahayag, anupat nagkaroon ng bagong peak na mahigit 144,000 tagapaghayag ng Kaharian!

Naganap ang pag-aalay noong Nobyembre 1, 2003. Ang dumalo noong maaliwalas na Sabado ng umagang iyon ay ang pamilyang Bethel, dating mga misyonero at iba pang mga banyagang panauhin mula sa 13 bansa, at mahigit 2,000 kapatid mula sa Pilipinas, na umabot sa 2,540 lahat-lahat. Tinalakay ni Stephen Lett ang temang “Pagpapahalaga sa Dati at Kasalukuyang mga Tahanan ng Pagsamba kay Jehova.” Kinabukasan, pulu-pulutong na mga lokal na payunir at mga elder at ang kani-kanilang asawa, na umabot sa 8,151, ang nakapakinig sa isang pantanging programa sa Metro Manila Assembly Hall.

Sa buong daigdig, may kabuuang bilang na 20,092 ordenadong ministro na nagtatrabaho sa mga pasilidad ng sangay. Ang lahat ay pawang miyembro ng Worldwide Order of Special Full-Time Servants of Jehovah’s Witnesses.

[Kahon sa pahina 21, 22]

Kinidnap sa Katanghaliang Tapat

Tanghali ng Biyernes, Marso 19, 2004, naglalakad si Carl, 20-taóng-gulang na Saksi, sa kahabaan ng abalang lansangan sa Pétionville, Haiti. Walang anu-ano, pilit siyang isinakay ng nakaitim na armadong mga kalalakihan sa isang “pickup” na trak, tinalukbungan ang ulo, at pinaharurot ang sasakyan. Ganito ang kuwento ni Carl:

Pagbaba namin ng pickup, dinala ako sa kuwartong kinaroroonan ng iba pang mga biktima, na malamang na mga estudyante sa unibersidad na inakusahang nakikilahok sa pulitikal na mga demonstrasyon. Dahil sa tumitinding kapusukan, pinaulanan kami ng bala ng mga kumidnap sa amin, anupat napatay ang isa sa mga bihag. Naramdaman kong tumama ang ulo niya sa aking mga paa. Pagkatapos ay sinimulan na nila akong pagtatanungin at pagbantaan. Nang walang mápalâ, binuntal nila ako at isinalya sa napatay na lalaki.

“Sagutin mo ang mga tanong namin!” ang utos ng kanilang lider.

“Pero wala po akong kaalam-alam sa pulitika,” ang sagot ko.

“Kung gayon ay papatayin na kita ngayon!” ang sigaw niya.

“Bago po ninyo gawin iyan,” ang hiling ko, “hayaan po sana ninyong manalangin muna ako sa aking Diyos, si Jehova, upang hilingin sa kaniya na tulungan sana ang aking mga magulang at mga kapatid, yamang hindi na nila ako makikita pang muli.”

“Sige, bilisan mo! Nagmamadali ako,” ang sabi niya.

Habang nananalangin ako nang malakas, lumabas ng kuwarto ang lalaki. Pagbalik niya, sinabi ko sa aking sarili, ‘Carl, oras mo na. Ihanda mo ang sarili mo.’ Pero laking gulat ko.

“Ikaw ba si Carl Ganoo’t ganito?” ang tanong ng lalaki.

“Opo,” ang sagot ko, habang nagtataka kung paano niya nalaman ang pangalan ko.

Ipinaliwanag niya na ilang ulit ko na pala siyang naisakay sa aking kotse, at ngayong nakilala niya ako, hindi niya maatim na saktan ako. Malamang na nakilala niya ako dahil sa mga sinabi ko sa panalangin, kahit na may talukbong ako sa ulo. Lumabas uli siya at masiglang nakipag-usap sa kaniyang mga kasamahan. Sa wakas, isinakay ako sa pickup, pinatakbo ito, at pagkaraan ay itinulak akong palabas sa daan. Isa itong nakahihindik na karanasang nagpatibay nang husto sa aking pananampalataya kay Jehova at sa kapangyarihan ng panalangin.

[Chart/Mga larawan sa pahina 12, 13]

ILANG PANGYAYARI NOONG 2004 TAON NG PAGLILINGKOD

Setyembre 1, 2003

Setyembre: Noong 2004 taon ng paglilingkod, ginanap sa 88 sangay ang School for Traveling Overseers.

Oktubre: Nagsimulang mag-imprenta ang sangay sa Britanya gamit ang makinang MAN Roland Lithoman.

Oktubre 28: Ipinasiya ng hukuman sa Romania na isama ang mga Saksi ni Jehova sa talaan ng mga kinikilalang relihiyon para sa mga regulasyon sa pagbubuwis.

Nobyembre 1: Pag-aalay ng sangay sa Pilipinas.

Nobyembre 28: Inirehistro ng Ministri ng Katarungan sa Georgia ang tanggapang pansangay roon ng mga Saksi ni Jehova.

Disyembre 7: Pag-aalay ng sangay sa India.

Enero 1, 2004

Marso 26: Ipinasiya ng hukumang Golovinsky na ipagbawal ang mga Saksi ni Jehova sa Moscow. Iniapela ang kaso.

Abril: Nagkaroon ang Russia ng bagong peak na 15,489 na regular pioneer.

Abril 29: Pagkatapos ng 84 na taon ng patuloy na pag-iimprenta, isinara ang palimbagan sa Brooklyn. Nasa Wallkill na ngayon ang bagong palimbagan.

Mayo 1, 2004

Mayo: Sa gitna ng kaguluhan sa pulitika, nagkaroon ng mapaminsalang mga pagbaha sa Haiti. Wala namang namatay na kapatid.

Hunyo 16: Sinang-ayunan ng Moscow City Court ang desisyon ng Marso 26. Nagkabisa ayon sa batas ang pagbabawal at pagbuwag. Iniapela ang kaso sa ECHR.

Agosto 31, 2004

[Larawan sa pahina 11]

Inilabas sa wikang Georgiano ang “Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan”

[Mga larawan sa pahina 27]

Pinaaandar ng mga kapatid ang isa sa dalawang bagong makinang MAN sa Wallkill, New York, E.U.A.

[Larawan sa pahina 29]

Kaaalay na sangay sa Bangalore, India

[Larawan sa pahina 30]

Pinalaking sangay sa Pilipinas