Pambuong-Daigdig na Ulat
Pambuong-Daigdig na Ulat
◼ ASIA AT GITNANG SILANGAN
Bilang ng mga lupain: 47
Populasyon: 3,896,182,946
Bilang ng mga mamamahayag: 582,360
Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 453,069
Kyrgyzstan: Si Svetlana, isang auxiliary pioneer, ay walang matagpuan sa isang partikular na bahay sa kaniyang teritoryo. Isang araw nang mapadaan siya rito, naisip niyang walang saysay na puntahan ito yamang lagi namang walang tao sa bahay. Subalit nagpasiya siyang kumatok na muli at sa di-inaasahan ay nakausap niya ang isang kabataang babae. Tuwang-tuwa ang babae na nakausap niya ang isang Saksi ni Jehova at sinabi niya na dati siyang nag-aaral ng Bibliya pero nawalan na siya ng pakikipag-ugnayan sa mga kapatid. Tinanong ni Svetlana ang babae kung gusto nitong regular na tumanggap ng mga magasin, at tumugon ito na hindi lamang mga
magasin ang gusto niya kundi isa ring regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya! Kaagad nilang pinasimulan ang pag-aaral, at sa ngayon, ang interesadong ito ay dumadalo na sa mga Kristiyanong pagpupulong.Hapon: Dalawang sister na nangangaral sa lugar ng negosyo ang pumasok sa opisina ng isang abogado na kilalá sa pagtulong sa mahihirap. Kaagad silang pinaalis ng isang babae na nagsabing abala siya pero tinanggap naman nito ang mga magasin. Mag-isa lamang ang babaing ito nang dalawin siyang muli ng mga kapatid. Hindi pa man nila ito nababati, pagalít na itong nagtanong: “Bakit pinapatay ang inosenteng mga bata? Bakit ganito ang daigdig? Ipaliwanag nga ninyo itong mabuti sa akin! Kung alam ninyo ang sagot, sabihin ninyo!” Sa kanilang pag-uusap hinggil sa isyu ng pansansinukob na soberanya, unti-unting nagbago ang saloobin ng babae. Pinasalamatan niya ang mga kapatid sa kanilang paggamit ng Bibliya upang sagutin ang mga tanong na akala niya’y walang kasagutan. Nang papaalis na ang mga kapatid, ibinigay sa kanila ng babae ang adres at numero ng telepono ng kaniyang bahay at sinabi: “Ibinibigay ko lamang ito sa mga taong napakalapít sa akin, pero iba kayo. Gusto kong mag-usap tayong muli. Napakahalaga ng ating pinag-usapan.” Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.
Nepal: Isang babae ang maraming taon nang nagsisimba pero nadismaya siya sa nakikita niyang kasakiman at pag-aaway ng mga miyembro ng kaniyang relihiyon. Bagaman naging pastor ang kaniyang asawa, nasangkot ito sa problema hinggil sa mga abuloy, at itiniwalag ito. Nagsimula itong maglasing at hindi na nito sinuportahan ang kaniyang pamilya. Desperado ang babae sa paghahanap ng katotohanan at araw-araw siyang nananalangin. Upang masuportahan ang kanilang pamilya, nagsimula siyang magtrabaho sa isang establisimyentong nangongolekta ng basurang papel. Isang araw habang pinagbubukud-bukod niya ang mga aklat, magasin, at diyaryo, nakita niya ang aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos. Isinilid niya ito sa kaniyang damit at iniuwi ito. Araw-araw niyang binabasa ang aklat at patuloy na nananalangin. Isang araw, kumatok sa kaniyang pintuan si Bishnu, isang sister
na special pioneer. Nagustuhan ng babae ang sinabi ni Bishnu at pinapasok siya nito. Unti-unti, napansin ng babae na may pagkakatulad ang sinasabi ni Bishnu at ng aklat. Nang dakong huli ay ipinakita niya kay Bishnu ang aklat at natuwa siya nang malamang isa ito sa ating mga aklat. Regular na siya ngayong nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa lahat ng pagpupulong kasama ang kaniyang mga anak.Sri Lanka: Bagaman hindi pa isang di-bautisadong mamamahayag, nagpasiya si Punchibanda na ibahagi sa iba sa di-pormal na paraan ang mensahe ng Kaharian. Kinausap niya ang isang pulubi sa lansangan na nagsabing ang kaniyang panganay na anak na babae ay nagkasakit nang malubha at namatay. Nagpunta sila sa relihiyong Assemblies of God sa pag-asang magkakaroon ng makahimalang lunas, ngunit walang nangyari. Ipinaliwanag ni Punchibanda na ang Diyos ay hindi na gumagawa ng makahimalang mga pagpapagaling sa ngayon, pero sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, lulunasan ang mga karamdaman. Binigyan niya ang pulubi ng mga magasing tumatalakay sa paksang ito. Nang maglaon, inanyayahan niya ang lalaking ito na dumalo sa Kingdom Hall. Umuwi ang pulubi at sinabi sa kaniyang pamilya ang paanyaya at ipinakita sa kanila ang mga magasin. Sinabi ng kaniyang asawa na nakatanggap din siya ng mga magasin at inanyayahang dumalo sa Kingdom Hall. Ipinasiya ng lalaking ito na siya muna ang pupunta sa Kingdom Hall. Doon ay malugod siyang tinanggap ng mga kapatid. Ngayon, siya, ang kaniyang asawa, ang kanilang anak na lalaki, at dalawang anak na babae ay dumadalo na sa lahat ng pagpupulong at nagagalak na makasama ang bayan ni Jehova.
Lebanon: Isang sister na special pioneer na nagmula sa Pilipinas ang naglahad: “Nakausap ko ang isang Filipina habang nagpapatotoo ako sa lansangan. Dinalaw ko siya sa kaniyang pinagtatrabahuhan at nakapagdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya. Marami siyang tanong; kung minsan, hindi ko pa nasasagot ang kaniyang tanong ay may kasunod na naman siyang tanong. Subalit nang dakong huli, sinalansang siya ng kaniyang malalapít na kaibigan na aktibong mga miyembro ng kanilang relihiyon. Nakalulungkot,
nagpadala siya sa pagsalansang at huminto sa pag-aaral ng Bibliya, sa kabila ng paghimok ko sa kaniyang huwag sumuko. Gayunpaman, sinabi ko sa sarili ko, ‘Kung talagang tulad-tupa siya, balang-araw ay ipagpapatuloy niya ang kaniyang pag-aaral.’ Nakalipas na ang isang taon, pero naiisip ko pa rin siya, kaya nagpasiya akong sulatan siya at sabihin na nagmamalasakit ako sa kaniya at matutuwa akong makita siyang muli. Tinawagan niya ako, at dinalaw ko siya. Sa pagkakataong ito, napansin kong mas interesado siya kaysa dati. Nasa puso pa rin niya ang mga bagay na tinalakay namin noon, at tandang-tanda pa rin niya ang mga ito. Sinabi niya sa akin na marami na siyang napuntahang relihiyon pero walang isa man sa mga ito ang nagturo ng katotohanan. Kaya ipinagpatuloy niya ang pag-aaral, sumulong sa espirituwal, at ngayo’y bautisado na. Ang kaniyang 12-taóng-gulang na anak na lalaki ay isa nang di-bautisadong mamamahayag.”India: Sumulat ang isang sister: “Habang nagbabahay-bahay kami, napansin namin ang isang kabataang babae na nang makita kaming paparating ay pumasok sa kaniyang bahay. Di-nagtagal, pinagsabihan kami ng isang lalaki na umalis na kami. Nang papaalis na kami, napansin naming kinausap ng kabataan ang lalaki. Nang maglaon, habang naghihintay kami ng bus, nilapitan kami ng kabataan sakay ng kaniyang bisikleta at nagsabi: ‘Alam ko pong si Jehova ang tunay na Diyos. Pakisuyong turuan ninyo ako tungkol sa Bibliya. Pumasok ako sa bahay namin upang patuluyin kayo, pero hindi po pumayag ang may-ari ng bahay.’ Tinanong namin kung paano niya nalaman na si Jehova ang tunay na Diyos. Sinabi niya na dalawang taon na ang nakalilipas, nakasakay siya sa isang bus nang makita niya ang tila isang malaking Kristiyanong pagtitipon. Iyon ay isa sa ating mga pandistritong kombensiyon. Bumaba siya sa bus at dinaluhan ang tatlong-araw na programa. Matagal na niyang hinihintay na pumunta ang mga Saksi ni Jehova sa kaniyang bahay. Dahil nakita naming interesado talaga siya, isinama namin siya sa bahay ng isang sister at pinasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Nagsimula siyang dumalo nang regular sa mga pagpupulong at mahusay ang kaniyang pagsulong sa espirituwal.”
◼ APRIKA
Bilang ng mga lupain: 56
Populasyon: 781,767,134
Bilang ng mga mamamahayag: 1,015,718
Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 1,820,540
Uganda: Si Lucy ay isang Saksi na nagtatrabaho sa isang malaking botika. Nang matuklasan sa isang pag-o-audit na may nawawalang malaking halaga ng salapi, siya at ang kaniyang mga katrabaho ay tinawag at pinasumpa na magsabi ng totoo. Nang si Lucy na ang manunumpa hawak ang Bibliya upang ipahayag na inosente siya, binuklat niya ang Kawikaan 15:3 at binasa ito nang malakas: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako, nagbabantay sa masasama at sa mabubuti.” Pagkatapos ng ganap na katahimikan, nilapitan ng may-sala ang superbisor at ipinagtapat ang kaniyang kasalanan. Iminungkahi ng superbisor na tandaan nilang lahat ang “teksto ni Lucy.” Nang maglaon, itinaas ang sahod ni Lucy, at siya ang ginawang tagapag-ingat ng mga susi ng botika.
Benin: Labis na kinukutya si Josué sa paaralan. Kapag mali ang sagot niya sa kanilang klase, nililibak siya ng ilan sa mga kaklase niya, na sinasabi, “Ganiyan ba ang pari ni Jehova, nagkakamali?” Nakikisali pa ang iba sa panlilibak at sinasabi, “Masyado niyang inaaksaya ang kaniyang panahon sa paglalakad dala ang kaniyang portpolyo.”
Inamin ni Josué, “Takot na takot akong makita ako ng aking mga kaklase kapag naglilingkod ako sa dulo ng sanlinggo.” Ipinanalangin niya ang bagay na ito at sumangguni siya sa isang elder, na nagpasigla kay Josué na sa halip na matakot ay gumugol siya ng higit na panahon sa ministeryo sa larangan at may-katapangang mag-alok ng literatura sa kaniyang mga kaklase. Iniulat ni Josué ang tagumpay niya sa tatlong pitak. Sinabi niya: “Madalas na akong makapag-auxiliary pioneer. Dalawang kaklase ko, na dating nangungutya sa akin, ay mga estudyante ko na sa Bibliya. Matataas na rin ang mga marka ko sa paaralan.”
Etiopia: Mga dalawang taon na ang nakalilipas, nakapulot si Asnakech ng lisensiya ng isang drayber at nakipagtagpo sa may-ari nito, isang babaing nagngangalang Elsa, upang isauli ito. Namangha si Elsa sa katapatan ni Asnakech at nais niya itong bigyan ng pera. Sa halip na tanggapin ni Asnakech ang pera, inalukan niya si Elsa ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Kinabukasan, nagsimulang makipag-aral ng Bibliya si Elsa. Sinabi niya na hindi na bago sa kaniya ang pangalang Jehova yamang narinig na niya ito sa kaniyang ama na isang pari. Pagkatapos makadalo ang kaniyang buong pamilya sa isang pandistritong kombensiyon, nag-aral na rin ng Bibliya ang kaniyang asawa. Subalit nang matuklasan ito ng kaniyang ama na pari, galít na galít ito, anupat binansagan ang mga Saksi ni Jehova na walang kuwentang mga tao. Yamang determinadong ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral, magalang na sinabi ni Elsa sa kaniyang ama na hindi ganoon ang mga Saksi. Palibhasa’y nabalisa dahil dito, palihim na kinuha ng kaniyang
ama ang brosyur na Hinihiling mula sa kaniyang anak. Ilang beses niya itong binasa at namangha siya rito. Mula noon, kapag binabasbasan niya ang mga nakakasalubong niya, hindi na niya ito ginagawa sa ngalan ng Trinidad. Di-nagtagal, tinawag siyang “apostata,” at gusto pa nga siyang bugbugin ng iba. Dahil dito, lumipat siya sa Addis Ababa, at nag-aral na rin siya ng Bibliya roon. Isa nang bautisadong Saksi si Elsa, pati na ang pitong miyembro ng kaniyang sambahayan. Mahusay rin ang pagsulong ng kaniyang asawa at anak.Côte d’Ivoire: Nakapagpasakamay si Anderson ng brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? sa isang tindero na regular na nagbabasa ng Bibliya. Di-nagtagal, napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Partikular nang naakit ang lalaki sa araling pinamagatang “Ang Buhay-Pampamilya na Nakalulugod sa Diyos.” Ipinaliwanag niya: “Hindi ko alam na kapuwa ang asawang lalaki at babae ay may papel na ginagampanan sa pag-aasawa. Kapag gabi na akong umuuwi, hindi ko matagalan ang sinasabi ng misis ko. Sinasabi ko sa kaniya, ‘Ako ang lalaki, at puwede akong umalis kung gusto ko; ikaw ang babae, ikaw ang mag-asikaso ng bahay.’ Ngayon ay umuuwi na ako kaagad pagkatapos ng trabaho at tinutulungan ang aking asawa sa mga gawaing-bahay.”
Kenya: Narinig ng isang pitong-taóng-gulang na bata, na nasa ikalawang baytang, na dadalaw ang tagapangasiwa ng sirkito. Isang linggo bago ang dalaw, nilapitan niya ang prinsipal ng kanilang paaralan at humingi ng permiso upang makadalo siya sa mga pagpupulong sa Martes ng hapon. Pinayagan siya ng prinsipal. Subalit kinabukasan, nang pauwi na ang bata, inutusan siya ng prinsipal na isama sa paaralan ang kaniyang mga magulang at ang sinasabing tagapangasiwa ng sirkito. Kaya sa panahon ng dalaw, nagpunta ang tagapangasiwa ng sirkito sa paaralan kasama ang ama ng bata. Gulat na gulat ang prinsipal na makitang talagang nagpunta ang tagapangasiwa at na naglakad ito nang mahigit sa isang oras sa matatarik na burol upang makausap siya. Tumanggap ang prinsipal ng mga literatura at mula noon ay naging lubhang palakaibigan at matulungin sa mga Saksi.
Malawi: Habang naglilingkod sa larangan, isang brother ang madalas ligaligin ng isang lalaking nakabisikleta. Kapag nakikita nitong nangangaral ang brother, tumitigil ito para makipag-argumento sa kapatid. Tinangka pa nga nitong agawin ang Bibliya ng brother. Isang araw, dumaan ang lalaki habang nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ang brother. Nang ayusin niya ang isang bahagi ng kaniyang bisikleta, naipit ang kaniyang kamay sa rayos ng harapang gulong at nasugatan nang malubha ang kaniyang mga daliri. Bagaman namimilipit sa sakit ang lalaki, walang ibang tumulong sa kaniya kundi ang brother, na siyang nagbenda sa mga daliri niya at gumawa ng paraan upang madala siya sa ospital. Nang maglaon, dinalaw ng brother ang lalaki sa tahanan nito. Palibhasa’y napahiya sa kaniyang iginawi noon, inamin ng lalaki na naimpluwensiyahan siya ng di-totoong mga usap-usapan. Sinabi niya: “Talagang sumasamba kayo sa tanging tunay na Diyos. Hindi ko akalaing pagpapakitaan mo ako ng kabaitan sa kabila ng pagmamalupit ko sa iyo.”
Cameroon: Isang kabataang sister ang nakaupo sa silid-hintayan sa isang ospital na punung-puno ng tao nang dumating ang isang matandang lalaki na may sakit. Yamang wala nang bakanteng upuan, napilitan ang lalaki na manatiling nakatayo. Naalaala ng sister: “Naawa ako sa kaniya kaya pinaupo ko siya sa upuan ko. Nagbulung-bulungan ang mga tao sa silid dahil sa pagpapaupo ko sa kaniya yamang nangangahulugan din ito ng pagbibigay ko sa kaniya ng aking pagkakataong magpatingin sa doktor. Di-nagtagal, isang babae ang lumapit sa akin at nagtanong kung ano ang relihiyon ko. Sinabi kong isa akong Saksi ni Jehova. Pinuri niya ako dahil sa palagay niya, napakadalang ng mga kabataang gagawi nang gayon. Sinamantala ko ang pagkakataong ito na patotohanan siya at ang iba pa sa tulong ng ilang tract na dala ko. Marami silang tanong na nasagot ko naman. Nagbago ang pananaw ng ilan sa mga nakausap ko hinggil sa mga Saksi ni Jehova at pumayag na silang dalawin ng mga Saksi sa kanilang mga tahanan.”
Togo: Habang gumagawa sa liblib na teritoryo, nasumpungan ng ilang kapatid ang isang kabataang lalaki na tuwang-tuwang
makausap sila. Ipinakita niya sa kanila ang dalawang kuwaderno kung saan kinopya niya ang buong aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa at ang bahagi ng aklat na “Make Sure of All Things.” Nakita niya ang mga aklat na ito sa tahanan ng isang pastor na protestante kung saan siya tumira nang ilang panahon. Ang pastor ay may dalawang istante ng libro, ang isa ay para sa kaniyang paboritong mga aklat at ang isa naman ay para sa mga aklat na “hindi mahalaga.” Sa ikalawang istante nakita ng kabataang lalaki ang ating mga aklat. Pagkatapos basahin ang ilang pahina ng isa sa mga aklat, naantig siya sa mensahe nito. Yamang hindi niya maaaring kunin ang aklat at hindi niya alam kung saan makakakuha nito, kinopya niya ito. Nang simulan niyang ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa mga nabasa niya, sinalansang siya ng kaniyang ina at ng pastor. Ang mga kapatid ay nakapagpasakamay sa kaniya ng literatura at tinutulungan siyang sumulong sa espirituwal.Timog Aprika: Si Thandi, isang Saksi, ay pinakiusapan ng kaniyang amo na kausapin ang isang katrabahong nagngangalang Bella, na may mga problema sa kaniyang pag-aasawa. Si Bella ay inaabuso sa pisikal at emosyonal na paraan ng kaniyang asawa, na isang pulis, kaya nagpasiya siyang diborsiyuhin ito. Binigyan ni Thandi si Bella ng dalawang kopya ng aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya at iminungkahi na bigyan din ng kopya ang asawa nito. Makalipas ang isang linggo, kinausap ni Thandi si Bella at sinabi nito na binabasa ng kaniyang asawa ang aklat at nagkaroon ng kapayapaan sa kanilang tahanan. Pagkalipas ng tatlong buwan, sinabi ni Bella kay Thandi na iniligtas ng Diyos ang kaniyang pag-aasawa sa pamamagitan ng pananalangin at aklat na Kaligayahan sa Pamilya. Nang marinig ito ng amo ni Bella, inirekomenda niyang magkaroon ng kopya ng aklat ang 2,000 tauhan niya. Sa kasalukuyan, si Thandi ay nakapagpasakamay na ng 96 na aklat na Kaligayahan sa Pamilya sa kaniyang mga katrabaho. Ang kompanya ay nag-abuloy sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova.
◼ MGA LUPAIN SA AMERIKA
Bilang ng mga lupain: 56
Populasyon: 879,073,403
Bilang ng mga mamamahayag: 3,199,835
Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 3,022,276
Venezuela: Kamakailan, isang pamilyang Saksi ang nagpakabit ng bagong linya ng telepono na may bagong numero. Subalit dahil sa problema sa linya, nagsimula silang tumanggap ng mga tawag mula sa mga taong gustong tawagan ang isang istasyon ng telebisyon sa kanilang lugar upang makausap ang isang babaing astrologo na naroroon. Nagpasiya ang pamilya na samantalahin ang situwasyon. Sa tulong ng aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, naghanda sila ng ilang impormasyon at teksto sa Bibliya upang ibahagi sa mga tumatawag na ito. Si Graciela, ang ina, ay naging bihasa sa bagay na ito. Isang araw, may tumawag at nagsabi: “Helo. Kayo po ba ang diyosa ng mga bituin?”
“Helo. Ang pangalan ko’y Graciela, ano naman ang pangalan mo?”
“Carmen po.”
“Carmen, bakit mo nga pala gustong makipag-usap sa diyosa ng mga bituin? Kailangan mo ba ng tulong o payo?”
Sinimulang sabihin ni Carmen sa ating kapatid ang tungkol sa problema niya. Sa magiliw na paraan, ipinaliwanag ni Graciela kung saan makakakuha ng pinakamahusay na payo, at binasa niya kay Carmen ang mga teksto mula sa Bibliya. Pagkatapos ay tinanong niya, “Hindi ba dapat na sa Maylalang tayo lumapit kung kailangan natin ng maaasahang patnubay ngayon at sa hinaharap?” Pagkatapos ay inamin ni Carmen na dati siyang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, kaya isinaayos nila na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Nang maglaon, nakausap ng pamilya ni Graciela ang maraming iba pa na humihingi ng tulong, kadalasan nang pinatototohanan ang mga ito, pinasisigla silang makinig sa mga Saksi kapag dumadalaw ang mga ito, at sinasabi kung saan matatagpuan ang Kingdom Hall sa kanilang lugar.
Colombia: Noong Marso 2005, isang sister na naninirahan sa Cali ang ninakawan ng kotse. Natagpuan ito makalipas ang ilang araw. Hinintay niya at ng kaniyang di-sumasampalatayang asawa ang mga pulis sa lugar kung saan natagpuan ang kotse, pero nang magluwat ang mga pulis, nagpasiya ang mag-asawa na kunin na ang kotse. Subalit dahil ginamit ang sasakyan sa isang krimen, pinahinto ng mga pulis ang mag-asawa, inaresto, at ibinilanggo. Pagkapasok na pagkapasok ng sister sa bilangguan, nagsimula siyang mangaral at di-nagtagal, nakapagpasimula siya ng ilang pag-aaral sa Bibliya. Ang isa sa kaniyang mga estudyante ay pinalaya subalit sinabi nito na ipagpapatuloy niya ang pakikipag-aral sa sister kapag napalaya na ito. Sinabi rin ng estudyanteng ito sa lalaking kinakasama niya na gusto niyang magpakasal sila upang mapaluguran ang Diyos.
Bagaman kamakailan lamang ay nanalangin ang sister na magkaroon sana siya ng higit na panahong makapangaral, hindi niya akalaing sa bilangguan niya gagawin ito! May pagkakataon sana
siyang makalaya nang mas maaga, pero yamang nadama niya ang proteksiyon ni Jehova at nasisiyahan siya sa pangangaral, tinanggihan niya ito. Pagkatapos mabilanggo nang 45 araw, pinalaya silang mag-asawa. Sinabi niyang napatibay ang kaniyang pananampalataya. Habang nakabilanggo, ang kaniyang asawa ay dinadalaw at tinutulungan ng mga kapatid. Pagkaraan ng 20 taon na halos walang interes sa Diyos, nagsimulang dumalo ang kaniyang asawa sa mga pagpupulong at nagpahayag ng kaniyang pagnanais na mag-aral ng Bibliya. Regular na ngayong dinadalaw ng sister ang bilangguan upang magdaos ng apat na pag-aaral sa Bibliya sa mga babaing bilanggo. Nagpapasalamat siya kay Jehova na sinagot ang kaniyang mga panalangin at sa marami niyang pagpapala.Brazil: Dalawang taon na ang nakararaan, karaniwan nang makikita si Renildo, isang bulag, na namamalimos sa mga pamilihan sa kaniyang sariling bayan at sa kalapit na mga lunsod. Bagaman ginagawa niya ito upang madagdagan ang tinatanggap niyang pensiyon para sa mga may kapansanan, malaki ang kinikita niya sa pamamalimos anupat nakabili siya ng kotse at bahay na may magagandang muwebles at masasarap na pagkain na hindi karaniwang nakakain ng mga tao sa mahirap na lugar na iyon. Dahil sa kaniyang progresibong pakikipag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nagkaroon siya ng espirituwal na pananaw sa buhay, na nagpakilos sa kaniya na gumawa ng isang mabigat na desisyon. Pagkatapos ipakipag-usap sa kaniyang asawa at tatlong anak ang puwede nilang gawin bilang pamilya upang makapamuhay sa mas mababang kita, inihinto ni Renildo ang pamamalimos. Di-nagtagal, siya at ang kaniyang pamilya ay sumulong sa espirituwal at nabautismuhan sa isang pandistritong kombensiyon. Ngayon, kilalá si Renildo, hindi na bilang namamalimos, kundi bilang masigasig na mamamahayag ng mabuting balita, na gumugugol ng 40 oras sa katamtaman buwan-buwan sa paglilingkod sa larangan.
Ecuador: Isang payunir ang regular na nag-iiwan ng mga magasin sa wikang Tsino sa may-ari ng isang restawran. Ang lalaking iyon ay dinalaw ng isang kaibigan na mayroon ding restawran. Nakita
ng kaibigan ang mga magasin at binasa ang mga ito. Gayon na lamang siya kainteresado anupat sumulat siya sa sangay sa Hong Kong upang humiling ng higit pang mga magasin, isang Bibliya, at aklat na Maging Malapít kay Jehova. Humiling din siya ng pag-aaral sa Bibliya. Nakipag-ugnayan ang Hong Kong sa sangay sa Ecuador, at di-nagtagal, ang lalaking interesado ay dinalaw ng mga payunir dala-dala ang literaturang hiniling niya. Pagkalipas ng apat na araw, nagbalik ang mga payunir. Nabasa na kaya niya ang literatura? Sinabi niya: “Sinimulan kong magbasa sa Genesis at nasa Ezekiel na ako, pero may ilang tanong ako. Bakit napakabait ni Jehova sa mga tao? Sa kaniya naman ang lahat ng bagay, pero bakit napakalaki ng isinasakripisyo niya para tulungan ang sangkatauhan? Ano ba ang pakinabang niya rito?” Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at kaagad na dumalo sa mga pagpupulong ang lalaki. Inihinto niya ang paninigarilyo at pagpunta sa mga kasino. Isinasara pa nga niya ang kaniyang restawran upang makadalo sa mga pagpupulong. Ang lalaki ay handa nang maging isang di-bautisadong mamamahayag at nagtuturo ng wikang Tsino sa mga kapatid na tagaroon na nagnanais tulungan ang ibang mga taong nagsasalita ng wikang Tsino sa bansang iyon.Honduras: Noong Enero 2005 sa Guatemala, isang sister na nagngangalang Flor ang di-pormal na nagpatotoo kay Sebastián, isang 15-taóng-gulang na kabataan na nagtatrabaho bilang payaso sa isang sirkus. Interesado naman siya pero wala siyang gaanong panahon upang makipag-usap. Isang araw, nahulog siya mula sa itaas ng malaking tolda kung saan ginaganap ang sirkus, at dahil dito, kinailangang sementuhin ang bahagi ng kaniyang katawan na napinsala. Ngayon ay marami na siyang panahon upang pag-isipan ang espirituwal na mga bagay. Araw-araw siyang dinadalaw ni Flor upang sagutin ang marami niyang katanungan. Di-nagtagal, ang ina ni Sebastián na si Doris, na ang talento ay tumulay sa lubid, ay nagpakita rin ng interes at nakipag-aral ng Bibliya kay Flor. Si Dalila, isang sirkera, at si Sofía, isang mananayaw na nakipag-aral sa mga Saksi noon, ay sumama sa pag-aaral kasama ng kanilang mga anak na babae. Kaya naging pito na sila sa grupo. Nagdaos si Flor ng pag-aaral sa kanilang lahat mula lima hanggang pitong beses sa isang linggo sa loob ng dalawang buwan.
Nang lilipat na ang sirkus sa Honduras, pinasigla ni Flor ang grupo na hanapin ang mga Saksi sa mga bayang pupuntahan nila upang maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral at makadalo sila sa mga pagpupulong. Nang makarating sila sa bayan ng Copán, ipinagpatuloy ng ilang special pioneer na naglilingkod sa lugar na iyon ang pag-aaral sa Bibliya. Nang lumipat ang grupo sa bayan ng Gracias, iba namang special pioneer ang nagdaos ng pag-aaral. Nang lumipat sila sa bayan ng Santa Rosa de Copán, isang mag-asawang misyonero ang tinawagan sa telepono at pinakiusapan silang pagdausan ng pag-aaral ang grupo sa loob ng tatlong linggo.
Kakaiba ang pag-aaral dahil pito hanggang sampung tao ang nagtitipon sa ilalim ng tolda kung saan ginaganap ang sirkus. Dalawang beses sa isang linggo silang nag-aaral at naghahanda silang mabuti, pati na ang pinakabata sa grupo, isang siyam-na-taóng-gulang na batang babae na nagngangalang Julietta, na isang sirkera. Kapag dumadalo ang grupo sa mga pagpupulong, kadalasan nang umaalis sila kaagad upang magbihis ng kanilang mga kostiyum para hindi mahuli sa kanilang palabas. Pero nalulugod naman silang gawin ang pagsasakripisyong ito.
◼ MGA LUPAIN SA PASIPIKO
Bilang ng mga lupain: 30
Populasyon: 35,237,787
Bilang ng mga mamamahayag: 93,961
Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 47,864
New Zealand: Habang nagbabasa ng isang salig-Bibliyang brosyur sa oras ng kaniyang pananghalian, isang kabataang sister na nagngangalang Cecilia ang tinanong ng isang katrabaho kung tungkol saan ang binabasa niya. Nang ipaliwanag ito ni Cecilia, 15 katao ang nagtipon upang makinig, kasama ang kaniyang amo, na nang maglaon ay nag-anyaya sa kaniya na pumunta sa opisina nito. Sinabi ng kaniyang amo na humanga siya sa kaniyang narinig. Ipinaalam din niya sa kaniyang mga tauhan na ang dakong kainan ay siya ring magiging lugar ng talakayan sa Bibliya at dinagdagan ang oras ng pananghalian ni Cecilia mula kalahating
oras tungo sa isang oras upang magkaroon ito ng panahon na kumain at talakayin ang Bibliya. Sa loob ng apat na linggo, mula 9 hanggang 15 katao ang dumadalo sa mga talakayang ito. Dalawa sa mga babae ang regular nang nakikipag-aral ng Bibliya, mahusay ang pagsulong, at nagpapatotoo na sa mga kapamilya at kaibigan nila.Tuvalu: Si Peteli, na ang pangalan sa Tagalog ay nangangahulugang “Bethel,” ay isang 14-anyos na dalagita na halos bingi na. May mga kamag-anak siyang Saksi ni Jehova, kaya nakadalo na siya sa ilang pagpupulong pero hindi siya lubhang nakikinabang sa mga ito dahil sa bingi siya at hindi siya marunong bumasa. Nagkusa si Peteli na mag-aral ng lip-reading. Nang maglaon, si Dale, isang misyonera, ay nagsimulang makipag-aral sa kaniya gamit ang brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Ginamit ni Dale ang mga larawan upang turuan si Peteli hinggil sa Bibliya at ang mga salita sa brosyur upang turuan siyang bumasa. Mahirap itong gawin dahil si Dale ay isang bagong misyonera na nag-aaral pa lamang ng wika sa lugar na iyon, at kailangan ni Peteli ng tulong upang matutuhan niya kung paano ipupuwesto ang kaniyang dila para mabigkas nang wasto ang mga salita. Nagsikap nang husto si Peteli. Pagkalipas lamang ng tatlong buwan, natuto na siyang bumasa. Siya at ang kaniyang guro ay magkasamang naghahanda ng kanilang komento para sa mga pagpupulong. Patiunang nag-eensayo nang mabuti si Peteli at nalulugod na magkomento sa mga pagpupulong. Nauupo siya sa unang hanay ng mga upuan sa Kingdom Hall upang maituon niyang mabuti ang kaniyang pansin sa mga labi ng tagapagsalita. Sumulat si Dale: “Nagiging isang tunay na kaibigan si Jehova para kay Peteli, at madalas siyang mapaluha kapag pinag-uusapan Isa. 35:5.
namin ang panahon kung kailan ‘ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan.’ ”—Samoa: Si Elena, isang sister na payunir, ay nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang babaing Metodista na nakatira sa tapat ng bahay ng pastor sa kanilang lugar. Ang pag-aaral ay idinaraos sa bahagi ng bahay ng babae na kitang-kita ng pastor. Isang araw nang nag-aaral sila, dumalaw ang pastor. Tinanong ng estudyante sa Bibliya kung ano ang kailangan niya. Tumugon ang pastor: “Hinahanap ko ang aking biik. Halos isang buwan ko na itong hindi nakikita.” Pagkatapos ay tinanong niya si Elena, “Alam mo ba kung bakit lumayas ang biik ko?” Palibhasa’y iniisip na ang sinasabi ng pastor ay literal na biik, sinabi ni Elena na marahil kaya lumayas ang biik ay dahil sa pinakakain ito ng pastor ng iyon at iyon ding pagkain. Iminungkahi ni Elena na iba naman ang ipakain niya rito. Nagulat si Elena nang ituro ng pastor ang estudyante sa Bibliya at sinabi nito, “Siya ang aking biik!” Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Ninakaw mo siya sa akin. Ihinto mo na ang pag-aaral na ito at huwag mo nang uulitin ito.” (Napakalakas ng impluwensiya ng mga pastor ng relihiyon sa mga nayon ng Samoa.) Napaiyak ang babae. Sinikap ni Elena na pakalmahin siya at ipinaliwanag na inihula ng Bibliya na mangyayari ang gayong bagay sa mga nag-aaral ng Bibliya.
Ipinasiya ni Elena na baguhin ang araw, oras, at lugar ng kanilang pag-aaral. Ipinaliwanag niya: “Sa halip na mag-aral sa beranda ng bahay na karaniwan sa Samoa, lumipat kami sa maliit na silid sa gawing likuran ng bahay ng babae. Napakainit sa lugar na ito, pero naipagpatuloy naman namin ang pag-aaral. Ganito ang ginawa namin sa loob ng dalawang buwan. Isang araw pagkatapos naming manalangin para simulan ang pag-aaral, nahuli kami ng pastor. Akala ko’y pinuntahan niya kami upang pahintuin ang pag-aaral, pero nagbago na siya.”
Naupo siya at sumama sa pag-aaral at nagtanong pa nga. Pagkatapos ng pag-aaral, sinabi niya sa babae: “May gusto akong sabihin sa iyo. Kagabi ay lumuwas kami sa bayan, pero nang pauwi na kami, tumirik ang kotse namin malapit sa isa sa mga nayon.
Isang mag-asawa at isang lalaki ang tumulong sa amin na ayusin ang kotse. Ayaw umandar ng sasakyan, kaya nag-alok silang ihatid kami pauwi at iwan na lamang ang aming kotse sa kanilang bahay. Nang sumakay ako sa kanilang kotse, napansin ko ang mga Bantayan at iba pang mga publikasyon. Naisip ko na malamang na ang mga taong ito ay galing sa relihiyon ng babaing dumadalaw sa iyo.”Sumagot ngayon ang babae: “Tama po kayo. Mga anak sila ni Elena.” Humingi ng paumanhin ang pastor at nagsabi: “Ipagpatuloy ninyo ang inyong ginagawa. Alam ko na ngayon na napakabait at maibiging mga tao pala ang mga Saksi ni Jehova. Patawarin ninyo ako sa mga nasabi ko. Ang ganitong programa ang tutulong sa mga karelihiyon ko na magbago ng kanilang saloobin.” Mula noon, sa halip na mag-aral sa maliit at mainit na silid sa likuran ng bahay, nakapag-aaral na sila sa mas mahanging beranda ng bahay, na nakikita ng pastor, na hindi na kailanman nanggulo sa kanila.
Saipan: Sa islang ito, ang katotohanan hinggil sa Kaharian ng Diyos ay lubhang nakaantig sa puso ng isang babaing nagngangalang Helen. Nakikipag-aral siya ng Bibliya sa isang misyonera at nais niyang ipakita ang kaniyang pagpapahalaga sa mga bagay na kaniyang natututuhan. Minsan, pagkatapos nilang mag-aral, iniabot ni Helen sa misyonera ang isang maliit na telang bag at sinabi, “Mahirap lamang ako, pero nais kong ibigay ito bilang kontribusyon sa gawaing pangangaral.” Ang laman ng bag ay isang magandang perlas mula sa kaniyang katutubong isla ng Pohnpei. Iminungkahi ni Helen na ipagbili ang perlas at iabuloy ang napagbilhan. Napakataas ng kalidad ng perlas, at isang may-ari ng tindahan ng alahas ang natutuwang bilhin ito sa halagang $100. Ibinigay ang pera kay Helen upang makapagpasiya siya kung magkano ang kaniyang iaabuloy, pero hindi niya tinanggap ang pera, anupat sinabi, “Basta ihulog na lamang ninyo lahat sa kahon.” Ano ang nagpakilos sa kaniya na maging bukas-palad? Gaya ng talinghagang inilahad ni Jesus noon, nasumpungan ni Helen ang isang perlas na mas mataas ang halaga, ang pag-asa ukol sa Kaharian.—Mat. 13:45, 46.
◼ EUROPA
Bilang ng mga lupain: 46
Populasyon: 731,536,437
Bilang ng mga mamamahayag: 1,498,142
Bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya: 717,797
Belarus: Sina Pavel at Mayya, isang mag-asawang naglilingkod bilang special pioneer, ang dumalo sa paaralan para sa mga payunir. Isang gabi, nagpasiya silang maglakad-lakad, hindi para mangaral. Gayunpaman, dinala nila ang buklet na Good News for People of All Nations. Nang may makita silang dalawang banyaga, nagpasiya silang magpatotoo sa mga ito. Natuklasan nila na ang dalawang lalaki ay nagmula sa Pakistan at nagsasalita ng wikang Urdu. Nang maalaala nilang dala nila ang buklet, ipinabasa nila ito sa mga lalaki. Nagpakita ng interes ang isa sa mga lalaki at pumayag na makipag-aral ng Bibliya. Nang
mismong linggong iyon, dumalo siya sa pagpupulong ng kongregasyon. Lubha siyang napatibay sa pakikipagsamahan sa bayan ni Jehova, anupat naudyukan siyang sabihin, “Tatlong taon na ako sa Minsk, pero ngayon lamang ako nakakilala ng tunay na mga Kristiyano.” Patuloy na nakikipag-aral ng Bibliya ang lalaki.Britanya: Si Richard ay isang elder na bulag at may sinanay na asong tagaakay na pinanganlang Irvin. Naging problema kay Irvin ang ministeryo sa bahay-bahay dahil sinanay siya na tandaan ang bawat lugar na dinadalaw ni Richard. Nang banggitin ito ni Richard sa mga nagbigay sa kaniya ng aso, ipinaliwanag nila na isang napakalaking hamon ito para kay Irvin. Inirekomenda nila kay Richard na magpaakay siya kay Irvin sa mga lugar ng negosyo, kung saan magiging pamilyar ang aso sa iba’t ibang lugar na regular na pupuntahan niya. Medyo mahirap para kay Richard ang magpatotoo sa mga lugar ng negosyo, pero sa tulong ni Irvin, di-nagtagal ay naging sanáy na siya sa paraang ito ng pagpapatotoo.
Hungary: Sumulat ang isang tagapangasiwa ng sirkito: “Noong Mayo 2004, nakausap namin ang isang lalaking nagngangalang Csaba na naghahalaman. Sinabi niyang miyembro siya ng isang konsilyo ng simbahan. Pagkatapos ng maikling pag-uusap, umalis na kami. Pagkalipas ng dalawang araw, bumalik kami dala-dala ang aklat na Kaalaman at nakapagdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Nang matapos ang aming pag-aaral, sinabi niya sa amin na sira ang kaniyang kalan. Sinabi kong may kilala akong brother na mahusay magkumpuni at na ibibigay ko sa brother ang numero niya. Nang magbalik ang mga kapatid upang linangin ang kaniyang interes, ibinalik ni Csaba ang aklat at itinigil ang pag-aaral. Samantala, ang brother na inirekomenda kong magkumpuni ay tumawag sa kaniya hinggil sa kaniyang sirang kalan. Tatlong araw na ginawa ng brother ang kalan ni Csaba, at sa panahong iyon, maraming oras niyang kinausap
si Csaba hinggil sa katotohanan. Ipinagpatuloy ni Csaba ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya, at sumama pa ang kaniyang asawa. Pagsapit ng Mayo 2005, isa na siyang di-bautisadong mamamahayag. Noong dumalaw ako sa kongregasyon, sinamahan ko siya sa kaniyang kauna-unahang paglabas sa ministeryo. Sa kalakhang bahagi, ang kaniyang espirituwal na pagsulong ay dahil sa palakaibigan at matulunging saloobin ng mga kapatid at sa nakita niyang pagkakaiba sa paggawi ng mga Saksi at ng mga karelihiyon niya.”Belgium: Isang brother ang dumadalaw-muli sa isang babae na ang bahay ay nasa kanto ng isang kalsada, at palaging sa pintuan lamang sila nakakapag-usap. Isang araw, pag-alis ng brother sa bahay na ito, nilapitan siya ng isang lalaki at sinabi: “Sinasabi ng mga kaibigan ko na dapat ko raw iwasan ang mga Saksi ni Jehova. Pero ipinagtanggol ko kayo at sinabi ko na hindi totoo iyan. Tatapatin kita. Kapag ipinapasyal ko ang aking aso, madalas na tumatayo ako sa isang sulok at pinakikinggan ang pakikipag-usap mo sa babaing nakatira sa bahay na iyan. Madalas mong ipakipag-usap ang pagkabuhay-muli at Paraiso. Gusto kong makaalam pa nang higit tungkol dito. Nagpapagaling ang asawa ko sa ospital dahil nagtamo siya ng 17 saksak. Desperado ako at hindi ko na talaga alam ang aking gagawin.” Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya sa lalaking ito.
Italya: Isang hapon, pauwi ang isang brother mula sa trabaho, sakay ng kaniyang kotse. Nang malapit na siya sa bahay niya, hinarang siya ng dalawang lalaking nakamotorsiklo. Pagkatapos ay tinutukan siya ng baril ng lalaking nakaangkas at sumenyas na ihinto ng brother ang kotse niya, na siya namang ginawa niya. Inutusan siya ng may hawak ng baril na buksan ang pintuan ng kotse at sinabihan ang brother na lumabas at ibigay ang lahat ng pera sa bulsa niya. Sumunod ang brother. Pagkatapos ay sumakay ang lalaki sa kotse upang patakbuhin ito.
Subalit nakita niya ang Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova sa dashboard, at nagtanong, “Saksi ni Jehova ka ba?”Sumagot ang brother, “Oo, bakit?” Hindi sumagot ang lalaki, bumaba sa kotse, humingi ng paumanhin sa nangyari, at sinabi sa brother na bumalik sa kaniyang kotse. Samantala, sinabi naman ng kasama niyang magnanakaw na ibalik ang perang kinuha nila.
“Pasensiya na uli,” ang sabi ng lalaking may hawak na baril nang isara nito ang pintuan ng kotse ng brother. Walang ibinigay na dahilan ang mga lalaki kung bakit nagbago ang kanilang isip, pero maliwanag na iginagalang nila ang mga Saksi.
Sweden: Noong Abril 2003, nakausap ng isang mamamahayag ang isang lalaking tumanggap ng aklat na Kaalaman. Halos 90 anyos na ang lalaki. Nalibot na niya ang buong bansa at nalitratuhan ang maraming simbahan. Dahil dito, siya ay ginawang miyembro ng isang grupo na kabilang sa Simbahang Sweko bilang parangal sa kaniya. Tinanong ng mamamahayag ang lalaki kung napansin nito ang pangalan ng Diyos sa mga simbahang napuntahan nito at ipinakita sa lalaki ang larawan ng pangalan ng Diyos sa isa sa mga simbahan sa Sweden. Naging interesado ang lalaki dahil dito. Tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya, na lubhang ikinatuwa niya. Sinabi niya: “Bata pa ako ay binabasa ko na ang Bibliya, at akala ko ay marami na akong alam. Pero wala pala ito sa kalingkingan ng natututuhan ko ngayon.” Nagsimula siyang dumalo sa mga pagpupulong sa Kingdom Hall. Noong Hunyo 2005, sa edad na 91, ginampanan niya ang kaniyang unang atas sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo—pagbasa ito sa Bibliya. Ngayon, isa na siyang di-bautisadong mamamahayag at sumusulong tungo sa bautismo. Nakinig siya sa mga Saksi ni Jehova noong 2003 dahil sa isang programa sa telebisyon na nagsalita laban sa atin. Gusto niyang malaman ang katotohanan hinggil sa atin, at ngayon ay alam na niya ito.
[Larawan sa pahina 43]
Si Svetlana, Kyrgyzstan
[Larawan sa pahina 47]
Si Lucy, Uganda
[Larawan sa pahina 52]
Si Graciela, Venezuela
[Larawan sa pahina 55]
Si Renildo kasama ang kaniyang pamilya, Brazil
[Larawan sa pahina 57]
Sina Dale at Peteli, Tuvalu
[Larawan sa pahina 57]
Si Cecilia, New Zealand
[Larawan sa pahina 58]
Si Elena, Samoa
[Larawan sa pahina 61]
Sina Pavel at Mayya, Belarus
[Larawan sa pahina 61]
Si Richard at ang aso niyang si Irvin, Britanya