Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

MARAMING naganap na likas na mga kasakunaan nitong nakaraang mga taon, at ito ang nangyari sa maraming lupain noong 2005 taon ng paglilingkod. Sabihin pa, apektado rin ng gayong mga sakuna ang ating mga kapatid. Subalit gaya ng makikita natin, litaw na litaw ang Kristiyanong pag-ibig kapag nakararanas ng pagsubok ang ating mga kapatid, na siyang nagpapatibay sa kapatiran at nakaaakit sa tapat-pusong mga tao sa katotohanan.​—Mal. 3:18; Juan 13:35.

Dahil din sa dumaraming kasakunaan kung kaya mas seryoso nang pinag-iisipan ng maraming tao ang kinabukasan at kung ano talaga ang mahalaga sa buhay. Kaya kaylaki ng pribilehiyo natin na tulungan ang mga taong iyon na maunawaan ang kahulugan ng ating panahon sa pamamagitan ng pantanging kampanya sa pamamahagi ng brosyur na Patuloy na Magbantay! Sa maraming bansa, nagsimula ang kampanyang ito noong Oktubre 18, 2004, at nagkaroon ito ng maiinam na resulta.

Kampanya sa Pamamahagi ng Patuloy na Magbantay!

Argentina: “Kung may sumapit na kasakunaan, sino kaya ang makaliligtas​—ang masamang tao, ang mabuting tao, o ang isa na nakinig sa babala?” Iyan ang mabisang pambungad ng isang sister sa brosyur na Magbantay! sa teritoryong marami ang hindi nagpapakita ng interes.

Isang brother na nagngangalang Juan ang nakapagpasakamay ng brosyur na ito sa isang 16-anyos na kabataan na bumasa nito at tuwang-tuwang ibinalita sa kaniyang ama ang kaniyang natutuhan. Palibhasa’y sabik na makaalam ng higit pa, binasa ito ng ama at binuklat sa kaniyang Bibliya ang mga teksto. Labis siyang humanga rito anupat pinasimulan nilang pag-aralan ang brosyur bilang pamilya. Nang dumalaw-muli si Juan, inalok niya ang lalaki ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. “Iyan mismo ang kailangan namin​—isang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya,” ang sagot ng lalaki. Sabihin pa, napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya.

Pransiya: Binigyan ni Jocelyne ng isang kopya ng Patuloy na Magbantay! si Alicia, isang dalaga na dati nang nakipag-aral ng Bibliya. Malugod niyang tinanggap ang brosyur at sumang-ayon na pag-aralan ito kasama ni Jocelyne. Ipinasiya rin ni Alicia na regular na basahin ang Bibliya. “Pagkalipas lamang ng dalawang linggo,” ang sabi ni Jocelyne, “sinabi niyang napaluha siya sa mga ulat ng Bibliya tungkol sa buhay ni Jesus.”

Sinabi ni Alicia sa kaniyang kinakasama na gusto niyang gawing legal ang kanilang pagsasama upang mapalugdan ang Diyos at na gusto niyang maging isang Saksi ni Jehova. Nagulat siya nang sabihin nito sa kaniya: “Sige. Ayokong hadlangan ka sa pagtupad mo sa hinihiling ng Diyos.” Nakadalo na si Alicia sa pansirkitong asamblea sa kauna-unahang pagkakataon.

Madagascar: Si Nana ay may dalawang anak na batang babae. Noong tin-edyer pa siya, nakadadalo siya sa Kristiyanong mga pagpupulong kasama ng kaniyang mga magulang ngunit nang huminto ang mga ito sa paglilingkod kay Jehova, hindi na siya dumalo. Noong panahon ng pantanging kampanya, tinanggap ni Nana ang isang brosyur mula sa isang misyonera at pumayag siyang makipag-aral ng Bibliya. Dumadalo na siya ngayon sa lahat ng pagpupulong kasama ang kaniyang dalawang anak at nagsisikap siyang maging isang di-bautisadong mamamahayag. Bukod diyan, sumang-ayon din ang kaniyang mga magulang na mag-aral ng Bibliya gamit ang brosyur na iyon. Ang 14-anyos na kapatid na lalaki ni Nana, si Josia, ay nagdaraos pa nga ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang kaibigang tin-edyer, na regular na ngayong dumadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong.

Nigeria: “Nang mamatay ang aking ina noong panahon ng kampanya, nagkaroon ako ng pagkakataon na mangaral sa aming nayon,” ang sabi ng isang brother na payunir. “Bago ang libing, nag-iyakan at naglupasay sa lupa ang aking mga kamag-anak. ‘Bakit kayo nagkakaganiyan?’ ang tanong ko. ‘Masakit sa ating lahat ang pagkamatay ni Inay, pero siya ay natutulog lamang sa kamatayan. Babangon siya sa pagkabuhay-muli.’ Bagaman umiiyak din ako, binuklat ko ang brosyur na Magbantay! sa pahina 8 at ipinaliwanag ang larawan na nagpapakita ng pagkabuhay-muli. Bilang resulta, nakapagpasakamay ako ng 195 brosyur, kasama na ang 45 brosyur na Magbantay! Sa libing, ako at ang iba pang kapatid ay nakapagpasakamay ng 100 kopya ng Mayo 1, 2005, ng Bantayan, na nagtatampok sa paksang ‘Mabubuhay Pa Kayang Muli ang mga Patay?’ ”

Russia: Si Irina, isang special pioneer sa Zelenogradsk, ay sumulat: “Kami ng isang sister ay nag-alok ng brosyur na Magbantay! sa isang babaing nagngangalang Alla, at pinatuloy naman niya kami. Wala nang layunin ang buhay para kay Alla dahil napakamanhid na ng mga tao. Isinaayos naming dumalaw-muli. Pagkaraan ng ilang araw, kami ng sister ding iyon ay magkasamang naglalakad nang tawagin kami ng isang babae. Si Alla pala iyon. Pinasalamatan niya kami dahil sa brosyur, inilabas niya ito mula sa kaniyang bag, at ipinakita sa amin ang mga puntong sinalungguhitan niya. Siya ngayon ay regular nang nag-aaral ng brosyur na Hinihiling.”

Sa ibang dako naman ng Russia, si Vera at ang kaniyang mister, si Vitaliy, ay huminto sa isang maliit na tindahan sa tabi ng daan kung saan nagtatrabaho si Lyuda, na kakilala ni Vera. Ipinahiwatig ni Lyuda na ayaw niyang makipag-usap sa mga Saksi tungkol sa Bibliya, kaya atubili si Vera na ialok ang brosyur. Subalit dahil sa paghimok ni Vitaliy, inialok niya ito, at laking gulat niya nang maipasakamay niya ang brosyur. Pagkalipas ng dalawang araw, tumawag si Lyuda sa telepono. “Kung napakarami kong natutuhan mula sa isang brosyur,” ang sabi niya, “tiyak na mas marami pa akong matututuhan mula sa isang regular na pag-aaral sa Bibliya!” Sa kabila ng pagsalansang ng kaniyang mga kamag-anak, agad na nakipag-aral si Lyuda at dumalo sa mga pagpupulong. Nakipag-aral din ang kaniyang anak na lalaki at babae. “Kapansin-pansin,” ang sabi ni Vera, “na ilang taon lamang ang nakalilipas, nabigyan ng aklat na Kaalaman si Lyuda pero hindi siya nagpakita ng interes. Gayunman, napukaw ang kaniyang interes sa brosyur na Magbantay!”

Venezuela: Isang asawa ng tagapangasiwa ng sirkito ang nakipag-usap sa may pintuan sa isang lalaki, sa asawa nito, at sa kanilang apat na anak. Ipinakikita ang larawan ng Paraiso sa pahina 16 at 17 ng brosyur na Magbantay!, idiniin ng sister ang pangangailangan para sa buong pamilya na matuto tungkol sa Diyos. Pagkatapos, inanyayahan niya silang anim na dumalo sa pagpupulong ng Huwebes ng gabi at isinaayos na susunduin niya sila sa isang kalapit na hintuan ng bus. Nagpunta ang sister at ang kaniyang asawa sa hintuan ng bus sa napagkasunduang oras, ngunit walang dumating. Wala silang kaalam-alam na ang pamilya pala ay nakasakay na sa isang naunang bus at nasa Kingdom Hall na! Limang miyembro ng pamilyang ito ang regular na ngayong nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pagpupulong, sa kabila ng mahabang biyahe sa bus at mataas na pamasahe.

Isang sister na payunir ang kumatok sa isang bahay, pero walang nagbukas ng pinto. Nang maglaon, bumalik siya at nakilala ang isang may-edad nang lalaki, na kalalabas lamang ng pinto. Ipinaliwanag ng lalaki na siya ay halos bingi na at hindi niya naririnig ang mga taong kumakatok sa kaniyang pinto o kaya naman ay napakabagal niyang lumakad anupat nakaalis na sila bago pa niya mabuksan ang pinto. Binigyan siya ng sister ng isang kopya ng brosyur na Magbantay! at inanyayahan siya na dumalo sa pagpupulong ng kongregasyon.

Noong panahon ng pagpupulong, inilahad ng sister ang karanasang ito, at wala siyang kamalay-malay na dumalo pala ang may-edad nang lalaki! Siya ngayon ay pinagdarausan ng regular na pag-aaral sa Bibliya ng isang brother, dumadalo sa lahat ng mga pagpupulong, at nagpahayag na ng kaniyang pagnanais na mangaral ng mabuting balita. Nang tanungin kung bakit siya dumalo sa pagpupulong na iyon sa kauna-unahang pagkakataon, ipinakita niya ang kaniyang kopya ng Patuloy na Magbantay! at sinabi, “Dahil sa brosyur na ito!”

Pagsasalin ng Bibliya

Pasimula noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, bumibili na ang organisasyon ni Jehova ng maraming Bibliya at ipinamamahagi ang mga ito sa interesadong mga tao sa mababang halaga, kung minsan mas mababa ng mga 65 porsiyento kaysa sa tunay na halaga nito. Mula noong 1926, sinimulan ng mga kapatid ang paglilimbag at pagba-binding ng ilang Bibliya sa kanilang sariling palimbagan, kabilang na ang The Emphatic Diaglott at bersiyon ng King James at American Standard. Pagkatapos, inilabas noong 1961 ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa isang tomo sa wikang Ingles.

Kumusta naman sa ibang wika? Noong unang mga taon ng ika-20 siglo, nagsimulang bumili ang mga sangay ng mga salin ng Bibliya mula sa iba’t ibang tagapaglathala at ipinamahagi ang mga Bibliya sa halagang kapareho ng pagkabili sa mga ito. Ang ilan sa mga Bibliyang ito ay isinalin ng taimtim na mga tao na gumamit pa nga sa pangalan ng Diyos​—Jehova​—sa katutubong wika. Gayunman, nang maglaon ay inalis ng karamihan sa mga tagapagsalin ang pangalan ng Diyos mula sa kanilang mga salin. Pinalitan pa nga ng ilang salin ngayon ang pangalan ng Diyos ng pangalan ng bathala sa kanilang lugar! Halimbawa, sa Bibliyang Buku Loyera sa wikang Chichewa, na ginagamit sa Malawi, Mozambique, at Zambia, isinalin ang Tetragrammaton bilang “Chauta,” ang pangalan ng diyos ng isang tribo na nangangahulugang “Dakilang Isa ng Búsog.”

Binago rin ang orihinal na kahulugan ng marami pang salita. Halimbawa, sa isang salin sa wikang Aprikano, binabanggit si Lucas bilang isang doktor-kulam. Binago ng Bibliya sa wikang Tuvaluan ang orihinal na teksto sa Judas 23, sa pagsasabing: “Magpakita ng matinding pag-ibig sa mga nagsasagawa ng sodomiya; maging maingat lamang na huwag kang maapektuhan ng kanilang sodomiya.” Gayunman, walang binabanggit ang orihinal na teksto hinggil sa sodomiya o sa mga nagsasagawa nito!

Noon, ang mga samahan sa paglalathala ng Bibliya ang nanguna sa paggawa at pamamahagi ng mga Bibliya. Gayunman, inilipat kamakailan ng ilang samahan sa paglalathala ng Bibliya ang kanilang karapatan sa paglilimbag at pamamahagi sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Bukod sa tumaas ang presyo ng Bibliya, ayaw ng mga relihiyon sa ilang bansa na pagbilhan ng kanilang mga Bibliya ang mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, isang relihiyong Protestante sa Kyrgyzstan ang nagmamay-ari sa karapatan sa paglalathala ng isang modernong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Kirghiz. Kapag bumibili ang mga kapatid ng kopya, kadalasang tinatanong sila, “Saksi ni Jehova ka ba?” o “Alam mo ba ang pangalan ng Diyos?” Kapag sumagot sila ng oo, hindi sila pagbibilhan.

Dahil dito at sa iba pang mga salik, isinaayos ng Lupong Tagapamahala na pagtuunan ng higit na pansin ang pagsasalin ng Bibliya. Sa kasalukuyan, ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ay makukuha na sa 35 wika, at ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa karagdagang 20 wika. Sa kasalukuyan, sa 33 pangkat ng mga nagsasalin ng Bibliya sa buong daigdig, 19 ang nagsasalin ng Hebreong Kasulatan, 11 sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at 3 sa Reference Bible. Karaniwan nang tatlo hanggang anim katao ang bumubuo ng isang pangkat ng tagapagsalin sa Bibliya. Sa tulong ng mga kasangkapan sa pagsasalin na gamit ang computer at pinagbuting pamamaraan, natapos ng ilang pangkat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan nang wala pang dalawang taon.

Ano ang nadama ng mga kapatid nang matanggap nila ang Bagong Sanlibutang Salin sa kanilang sariling wika? Binuod ng isang payunir sa Albania ang damdamin ng maraming kapatid. “Napaluha ako,” ang sabi niya. “Ngayon lamang ako nakadama ng ganito habang binabasa ang Salita ng Diyos. Gusto kong namnamin ang bawat talata!”

Balita Hinggil sa mga Kaso sa Hukuman

Armenia: Matapos magsumite ng 15 pormal na kahilingan, nairehistro rin sa wakas ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon noong Oktubre 8, 2004. Sa kabila nito, ibinibilanggo pa rin ang mga kabataang brother dahil sa kanilang pagtutol na magsundalo udyok ng kanilang budhi. (Isa. 2:4) Umaasa pa rin tayo na ang pagkakarehistrong ito ay magbibigay sa ating mga kapatid ng kalayaan sa relihiyon, na makatutulong upang makapag-angkat sila ng literatura at makapagdaos ng mga kombensiyon. Sa katunayan, noong Hunyo 2005, ang kauna-unahang kargamento ng literatura na opisyal na inangkat para sa Armenia ay pinayagan ng adwana (customs) at ibinigay sa mga kapatid.

Austria: Mahigit 30 taon nang ipinaglalaban ng mga Saksi ni Jehova sa hukuman na legal na kilalanin sila bilang isang relihiyon. May kaugnayan sa problemang ito, limang pormal na kahilingan ang isinumite sa European Court of Human Rights. Noong Pebrero 1, 2005, nagpasiya ang hukumang ito na isaalang-alang ang dalawang kaso na kinasasangkutan ng mga kapatid na pinagkaitan ng eksemsiyon sa paglilingkod sa militar bilang mga ministro dahil ang mga Saksi ni Jehova ay hindi kinikilala bilang isang relihiyon. Noong Hulyo 5, pumayag ang hukumang ito na isaalang-alang ang pormal na kahilingang ito, bagaman hindi nito binanggit kung ano ang magiging pasiya nito.

Eritrea: Noong Enero 24, 2004, inaresto ng mga awtoridad ang 38 lalaki, babae, at bata na kabilang sa Kongregasyon ng Saba sa Asmara. Ang kanilang edad ay mula 6 hanggang 94. Ang ilan ay hindi bautisado. Pagkatapos ikulong nang tatlong gabi sa himpilan ng pulisya, pinalaya ang mga bata. Ang natitirang 28 ay inilipat sa isang bilangguan sa labas ng Asmara at ikinulong sa mga container van na nakabilad sa init kung araw at nakahantad sa lamig kung gabi. Noong Setyembre 2, 2004​—pagkalipas ng mahigit na pitong buwan—​pinalaya ang dalawang pinakamatandang brother, na edad 94 at 87. Pinalaya rin ang iba. Gayunman, anim na may-edad ang nakakulong pa rin kasama ng 16 pang brother, at tatlo sa mga ito ay 11 taon nang nakakulong. Pakisuyong alalahanin ang mahal na mga kapatid na ito sa inyong mga panalangin.​—Gawa 12:5.

Pransiya: Gaya ng iniulat sa 2001 Yearbook, pinatawan ng mga awtoridad ng bagong buwis ang mga donasyon ng ating mga kapatid, pati na yaong natanggap sa nakalipas na apat na taon (1993-96)​—lahat sa napakataas na halagang 60 porsiyento, bukod pa sa mga multa! Umapela ang mga kapatid subalit natalo sila sa mababang hukuman, hukuman sa paghahabol, at sa korte suprema. Noong Pebrero 25, 2005, nagharap sila ng pormal na kahilingan sa European Court of Human Rights, na umaapela batay sa maliwanag na diskriminasyon dahil sa relihiyon.

Republika ng Georgia: Lubhang nabawasan ang marahas na pag-uusig. Maaari na sila ngayong umangkat ng ating literatura, at hindi na ginagambala ang Kristiyanong mga pagtitipon. Gayunman, maraming kaso ng pang-aabuso noon ang hindi pa nalulutas sa mga hukuman. Ang mga kapatid ay nagharap ng apat na pormal na kahilingan laban sa Georgia na nakabinbin sa European Court of Human Rights. May kaugnayan ang mga ito sa marahas na pag-uusig na dinanas ng ating mga kapatid, pagpapabuwag sa ating legal na mga korporasyon, at ang kawalan ng aksiyon ng mga hukuman sa paglutas sa mga kasong ito. Noong Hulyo 6, 2004, tinanggap ng European Court of Human Rights ang kasong Gldani Congregation of Jehovah’s Witnesses v. Georgia.

Alemanya: Nang muling mabuo ang bansa, humingi ang mga kapatid ng kumpirmasyon na ang Relihiyosong Asosasyon ng mga Saksi ni Jehova ay isang legal at nakarehistrong korporasyon sa ilalim ng batas. Diyan nagsimula ang 12-taóng pakikipaglaban sa hukuman. Sa isang paborableng desisyon, tinanggihan ng Federal Constitutional Court noong 2000 ang ideya na maaaring hilingan ng Estado ang mga Saksi ni Jehova na magpakita ng isang antas ng katapatan na labag sa kanilang budhing Kristiyano. Nalutas sa sumunod na mga pagdinig ang mga bagay-bagay. Noong Marso 24, 2005, ipinag-utos ng Mataas na Hukumang Administratibo ng Berlin sa Estado ng Berlin na ipagkaloob sa mga Saksi ni Jehova ang karapatan ng isang legal at nakarehistrong korporasyon sa ilalim ng batas. Sinisikap ng Estado na iapela ang desisyon.

Russia: Gaya ng iniulat sa 2005 Taunang Aklat, noong Marso 26, 2004, nagpasiya ang Intermunicipal District Court ng Golovinsky na ipagbawal ang lahat ng ating gawain sa Moscow. Mula noon, nagkaroon na ng mga problema sa mga kontrata sa pag-upa ng mga dakong mapagdarausan ng mga pulong ng kongregasyon at ng mas malalaking pagtitipon. Gayunman, ang mga kapatid ay may isang gusali ng Kingdom Hall na may limang awditoryum, na ginagamit ng 44 na kongregasyon at 2 grupo. Bagaman magastos at di-kumbinyente, 17 kongregasyon sa Moscow ang nagtitipon sa labas ng lunsod, samantalang 31 naman ang nagdaraos ng ilan o lahat ng kanilang mga pulong sa maliliit na grupo sa pribadong mga apartment. Nagkaroon ng ilang panliligalig ng mga pulis, subalit walang isa man ang naaresto. Ang pasiya noong Marso 26 ay iniapela.

Noong Setyembre 9, 2004, isang bibigang pagdinig sa kasong Kuznetsov and Others v. Russian Federation ang naganap sa harap ng European Court of Human Rights. Noong Oktubre 4, nagkaisa ang hukumang ito na isaalang-alang ang kaso. May kaugnayan ito sa isang opisyal na nag-utos sa mga pulis na pahintuin ang pulong ng isang kongregasyon sa Chelyabinsk na gumagamit ng wikang pasenyas noong Abril 2000. Ang kaso ay naging masalimuot dahil sa napakaraming iregularidad sa naunang paglilitis. Hinihintay pa ang desisyon.

Turkmenistan: Tatlong brother​—sina Mansur Masharipov, Atamurat Suvkhanov, at Vepa Tuvakov​—ay nahatulan bawat isa ng 18-buwang pagkabilanggo dahil sa kanilang pagtutol na magsundalo udyok ng kanilang budhi. Ang ikaapat​—si Begench Shakhmuradov—​ay nahatulan ng isang taon. Noong Pebrero 16, 2005, isang sulat mula sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova na nag-aasikaso sa legal na mga usapin ang ipinadala sa embahada ng Turkmenistan sa Washington, D.C., na humihiling na lubusang palayain ang apat na kapatid na ito. Noong Abril 16, ang lahat ng kapatid na ito ay pinalaya sa ilalim ng pantanging amnestiya na ipinagkaloob ng pangulo ng Turkmenistan. Nang taóng iyon, ikinulong at pinagtatanong ng pulisya ang maraming kapatid sa pagsisikap na gipitin silang itakwil ang kanilang pananampalataya, subalit nabigo sila.

Isang Taon ng Likas na mga Kasakunaan

Sa ilang lupain, ang taóng 2004 ang may pinakamaraming likas na mga kasakunaan. Paano naapektuhan ng mga sakunang ito ang ating mga kapatid?

Carriacou, Grenada, at Petite Martinique: Noong Setyembre 7, 2004, hinampas ng Bagyong Ivan ang mga islang ito, anupat pininsala at winasak ang mahigit sa 90 porsiyento ng mga bahay. Nakagigitlang malaman na ang laganap na pandarambong ay nagdulot din ng malaking kawalan gaya ng bagyo! Maraming nawalang ari-arian ang mga kapatid dahil sa kasakunaan, at dalawa sa anim na Kingdom Hall sa Grenada ang malubhang nasira. Wala namang kapatid ang malubhang nasaktan.

Bago ito nangyari, pinayuhan ng sangay sa Barbados, na siyang nangangasiwa sa mga islang ito, ang mga kongregasyon na mag-iskedyul ng isang bahagi sa Pulong sa Paglilingkod para talakayin ang paghahanda sa pagdating ng bagyo, kahit na ang huling bagyong humampas sa rehiyong iyon ay noon pang 1955. “Bakit pa tayo mag-aaksaya ng panahon sa pagtalakay hinggil sa mga bagyo gayong may mas mahahalagang bagay pa kaysa riyan?” ang tanong ng isang sister sa Grenada. Sabihin pa, pagkatapos humampas ang Bagyong Ivan, nagpasiya ang sister na hinding-hindi na muling kukuwestiyunin ang mga tagubilin ng organisasyon! Agad na bumuo ang sangay ng isang komite na mangangasiwa sa pagtulong, at tumulong din ang mga sangay sa Guyana at Trinidad. Tumulong ang daan-daang kapatid mula sa Caribbean at Estados Unidos sa muling pagtatayo.

Jamaica at ang Cayman Islands: Walang namatay na mga kapatid dahil sa Bagyong Ivan, subalit marami ang nawalan ng mga ari-arian. Nang bumuti na ang panahon, hinanap ng mga elder mula sa 199 na kongregasyon na nasa mga pulo ang mga mamamahayag. “Talagang nagmamalasakit kayo sa isa’t isa,” ang sabi ng mga nagmamasid.

Haiti: Noong kalagitnaan ng Setyembre, binaha ng Bagyong Jeanne ang hilagang bahagi ng Haiti, na nagdulot ng mapangwasak na baha anupat lumubog ang bayan ng Gonaïves na nasa baybayin at ang mga lugar sa palibot nito. Kahit na ang mga taong nanganlong sa mga bubungan ay inabot pa rin ng tubig nang hanggang tuhod nila! “Magdamag naming naririnig ang pagguho ng mga bahay at pagsigaw ng mga tao,” ang sabi ng isang brother. Mga 2,900 ang nasawi sa baha, pati na ang isang 83-taóng-gulang na sister.

Ganito ang sabi ng isang brother: “Nagpapasalamat ako kay Jehova na iniwan ng aming pamilya ang mga ari-arian namin at nakaligtas kami.” Makalipas ang ilang araw, ang mga Saksi mula sa kalapit na mga bayan ay nagdala ng pagkain at maiinom na tubig, at namahagi ang sangay ng isang trak ng mga suplay. Sa kabila ng marami silang kailangang linisin, sa dulo ng sanlinggong iyon ay muli nang nakadalo ang lahat sa Kristiyanong mga pagpupulong at nangangaral. “Apatnapung boluntaryo ang nagtrabaho sa aking bahay sa loob ng apat na araw,” ang sabi ng isang sister. “Pininturahan pa nga nila ito! Humanga talaga ang mga kapamilya kong di-Saksi sa lahat ng ito. Ang isa sa kanila ay nagsimula nang mag-aral ng Bibliya.”

Estados Unidos: Noong Agosto at Setyembre 2004, ang estado ng Florida ay hinampas ng apat na sunud-sunod na bagyo: ang mga bagyong Charley, Frances, Ivan, at Jeanne. a Mahigit na 4,300 bahay ng mga kapatid at di-kukulangin sa sampung Kingdom Hall ang nasira. Pagkatapos ng bagyo, nagsiyasat ang tsirman ng Emergency Operations Committee (EOC) ng Florida upang matiyak na wastong ginagamit ang mga suplay ng EOC. Sinabi niya na walang ibang grupo ang lubhang organisado na gaya ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya sa komite na nangangasiwa sa pagtulong na makakakuha sila ng anumang suplay na kailangan nila.

Pansamantalang ginagamit ng isang kongregasyon ang isang gusali na inuupahan nila sa halagang $50 bawat pulong. Subalit napinsala rin ang gusaling ito nang humampas ang unang bagyo. Umupa ang mga may-ari nito ng mga manggagawa upang kumpunihin ang gusali, ngunit hindi nila natapos ang trabaho. Inalok ng mga kapatid ang mga may-ari na sila na lamang ang magkukumpuni sa gusali. Pinayagan naman sila at mabilis na natapos ang trabaho. Bilang pasasalamat, hindi sila pinagbayad ng mga may-ari ng upa sa loob ng tatlong buwan.

Hapon: “Ang bilang ng bagyong humampas sa Hapon [noong 2004] ang pinakamataas simula nang mag-ingat ng rekord ng mga bagyo ang Hapon noong 1551,” ang sabi ng isang ulat ng balita. Sa mga distrito ng Niigata at Fukui, sinira ng malakas na bagyo noong Hulyo ang mahigit sa 34,000 bahay at iba pang mga gusali, kabilang na ang isang Kingdom Hall at 60 bahay ng ating mga kapatid. Daan-daang Saksi mula sa kalapit na mga kongregasyon ang agad na nagtungo roon upang tumulong. Natapos ang pagkukumpuni ng Kingdom Hall sa loob lamang ng dalawang linggo.

Tumulong din ang mga kapatid sa paglilinis at pagdidisimpekta sa mga bahay ng mga di-Saksi na malapit sa Kingdom Hall. Isang lalaking salansang sa mensahe ng Kaharian ang napaiyak sa pasasalamat. Nagpadala pa nga ng liham ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan sa komite na nangasiwa sa pagtulong bilang pagpapahalaga sa pagsisikap ng mga kapatid.

Nang humampas ang dalawang bagyo sa Hapon noong Setyembre at Oktubre, isang brother at isang sister ang namatay dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa, at mga 100 pang Saksi ang naapektuhan. Lumubog sa tubig ang Lunsod ng Toyooka sa distrito ng Hyogo. Kahit na binaha rin ang kaniyang tinutuluyan, tumulong ang tagapangasiwa ng sirkito sa pag-oorganisa ng gagawing pagtulong.

Nang humupa ang mahigit na isang metro ng putik at tubig sa apartment ng isang sister na payunir, nilinis ito ng mga kapatid na tagaroon. Labis na naantig ang may-ari na di-Saksi. Sinabi ng sister: “Nababalitaan ko ang gawaing pagtulong ng organisasyon ni Jehova, subalit ngayon ay naranasan ko ito mismo. Labis kong ipinagmamalaki ang ating Diyos na si Jehova at ang kaniyang organisasyon.”

Noon ding Oktubre, isang malakas na lindol ang yumanig sa hilagang Hapon, kung saan 40 ang namatay at mahigit sa 100,000 ang napilitang lisanin ang kanilang mga tahanan. Walang kapatid ang nasaktan o namatay, ngunit mahigit sa 200 pamilya ang naapektuhan at isang Kingdom Hall ang hindi na maaaring gamitin. Ang mga pagyanig ay nagsimula habang ang mga elder sa sirkitong iyon ay nagtitipon bilang paghahanda sa isang pansirkitong asamblea. Ano ang ginawa nila? Kasuwato ng tagubilin mula sa tanggapang pansangay at ng Regional Building Committee roon, kaagad nilang inorganisa ang gagawing pagtulong. “Kami ay pinaalalahanan na magkaroon ng espirituwal na pananaw hinggil sa mga pangyayaring ito,” ang sabi ng isang elder. Naidaos ang pansirkitong asamblea, at nakadalo maging ang mga naapektuhan ng lindol.

“Naantig ang puso ng aking asawa dahil sa lindol,” ang sabi ng isang sister na ang asawa ay di-Saksi at ang bahay ay nasira. Palibhasa’y nakita ng asawang lalaki ang Kristiyanong pag-ibig sa panahon ng pagtulong, dumalo siya sa pagpupulong ng kongregasyon sa kauna-unahang pagkakataon. “Talagang mapagkakatiwalaan ko ang inyong organisasyon,” ang sabi niya. “Hinding-hindi kami bibiguin nito.”

Pilipinas: Nang humampas ang mga bagyo sa mga lalawigan ng Quezon at Aurora noong huling mga buwan ng 2004, namatay ang isang pamilyang Saksi, kasama na ang apat na mga anak, nang ang kanilang bahay ay matabunan ng tubig-baha at putik. Nasa Quezon noon ang tagapangasiwa ng sirkito na si Felimon Maristela nang rumagasa ang tubig-baha. “Kaagad na nalubog sa tubig ang Kingdom Hall,” ang sulat niya, “at tinangay ng tubig ang aming dyip. Kaming mag-asawa at dalawa pang brother ay nagpalipas ng magdamag sa bubong ng Kingdom Hall, at ang tubig ay umabot hanggang sa medya-agwa ng bubong. Nang 3:00 n.h. kinabukasan, bumaba ako. Hanggang dibdib pa ang tubig.”

Sa kabila ng mga panganib, hinanap ni Brother Maristela ang mga mamamahayag upang alamin kung sila ay ligtas. Sa Dingalan, Aurora, isang elder ang may pagkakataon na sanang lumikas sakay ng helikopter, subalit pinili niyang manatili roon upang matulungan niya ang kaniyang Kristiyanong mga kapatid.

Mga Tsunami na Pinakamaraming Pinatay

Noong Disyembre 26, 2004, isang lindol na may lakas na 9.0 sa gawing kanlurang baybayin ng hilagang Sumatra, Indonesia, ang pinagmulan ng pinakamapangwasak na mga tsunami na naiulat sa kasaysayan. Ayon sa mga pagtaya, mahigit sa 280,000 ang namatay at nawawala! Kahit sa Somalia, Aprika, na nasa kabilang ibayo ng karagatan sa kanluran, humigit-kumulang 290 ang nasawi dahil sa mga alon.

Indonesia: Bagaman sa bansang ito may pinakamaraming namatay, walang kapatid o interesadong tao ang namatay. Dahil sa nangyaring mga karahasan noon, maraming Saksi ang umalis sa rehiyon ng Aceh​—ang lugar na pinakamatinding naapektuhan​—at nanirahan malayo sa dalampasigan. Malubha ring naapektuhan ang pulo ng Nias, subalit ang mga kapatid ay nakalikas tungo sa ligtas na dako.

India: Walang kapatid ang namatay, ngunit marami ang nawalan ng tahanan at iba pang ari-arian. Sa lunsod ng Pondicherry, si Lakshmi ay naglilingkod sa larangan nang mabalitaan niya ang tungkol sa tsunami. Umuwi siya sa kanilang bahay, isang tirahan na gawa sa putik, mga tatlong kilometro ang layo sa dalampasigan, at nadatnan niya itong halos wasak. Tinulungan siya ng mga kapatid na linisin at kumpunihin ito.

Sa Madras, ang 13-anyos na si Naveen ay naglalaro ng cricket nang makita niya ang dambuhalang mga alon. Kaagad niyang tinawag ang kaniyang ina at ate, at tumakas sila tungo sa ligtas na lugar. Magkagayunman, kinailangan nilang lumusong sa rumaragasang tubig mula sa dagat na tumangay sa lahat ng gamit sa bahay gayundin sa maraming bangkay.

Ang pitong-taóng-gulang na si Lini ay kasama ng kaniyang tiyuhin at pinsan sa dalampasigan malapit sa Kanniyākumāri nang tangayin siya ng alon at sumabit sa isang bakod na kahoy. Patuloy na humahampas sa kaniya ang tubig. Nakaligtas ang kaniyang tiyuhin at pinsan, subalit nawala ng tiyuhin niya ang kaniyang salamin at hindi makakitang mabuti. Gayunman, patuloy niyang hinanap si Lini. Di-nagtagal, sa kabila ng patuloy na paghampas ng tubig, nasagip niya si Lini dahil narinig niyang tinatawag nito si Jehova. Ikinukuwento ngayon ni Lini sa lahat na dininig ni Jehova ang kaniyang mga panalangin.

Mga Isla ng Andaman at Nicobar: Si Mary at ang kaniyang walong-taóng-gulang na anak na lalaki, si Alwyn, ay dumadalaw sa mga kamag-anak nang yanigin ng lindol ang bahay. Nagtakbuhan ang lahat sa labas. Nakita ni Mary ang napakalaking alon na mabilis na dumarating. Nang mismong sandaling iyon, dumating ang isang bus. Silang mag-ina ay sumakay sa bus at nakaligtas. Gayunman, ang iba ay bumalik sa kani-kanilang tahanan upang kunin ang kanilang mga gamit kaya tinangay sila ng tubig. Pagkatapos makalayo nang bahagya, naramdaman ng lahat ng nakasakay sa bus ang isa pang pagyanig. Bumaba sila sa bus at tumakbo patungo sa isang mataas na dako na kinaroroonan din ng mga 500 katao. Kitang-kitang nila nang tangayin ng rumaragasang tubig ang bus at kalahating metro na lamang ay maaabot na ng tubig ang mismong kinaroroonan ng mga tao.

Nang humupa ang tubig, sumaglit si Mary sa kaniyang bahay. Nakuha niya ang kaniyang Bibliya at ang buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw, na naging pampatibay-loob sa kaniya nang sumunod na mga araw. Nang dumating ang balita na may mga barkong maglilikas sa mga tao mula sa pulo, daan-daan ang tumakbo sa baybayin at lumusong sa karagatan sa pag-asang makasakay sa barko. Sa loob ng maraming oras araw-araw, si Mary at ang kaniyang anak ay naghintay sa tubig na hanggang baywang ang lalim, na napaliligiran ng lumulutang na mga bangkay. Anim na araw pagkatapos ng tsunami, nakasakay sila sa wakas sa isang barko. Dahil sinisisi ng marami ang Diyos sa nangyaring sakuna, nakapagbigay ng mahusay na patotoo si Mary. Sa katunayan, nag-aaral na ngayon ng Bibliya ang kaniyang hipag at dumadalo na sa Kristiyanong mga pagpupulong.

Si Prasanthi at ang kaniyang limang-taóng-gulang na anak na lalaki, si Jehoash, ay nagpunta sa Hut Bay upang dalawin ang kaniyang may-edad nang ama, si Brother Prasad Rao. Habang naroon, naramdaman nila ang lindol at nakita ang mga alon, kaya tumakas sila tungo sa mataas na lugar. Umabot sa limang metro ang lalim ng tubig sa kalsada, anupat lumubog ang bahay ni Prasad. Naanod ang kaniyang mga kama, repridyeretor, at telebisyon, pati na ang suplay ng kongregasyon ng aklat na Pinakadakilang Tao. Nang maglaon, nasumpungan ng mga nakaligtas ang ilan sa mga aklat at binasa ang mga ito. Sa loob ng limang araw, namulot ng pagkain sina Prasad, Prasanthi, at Jehoash upang may makain sila at tiniis nila ang napakaraming lamok at langaw. Nang dumating ang mga barko, lumusong sina Prasanthi at Jehoash, kasama ang maraming iba pa, sa tubig na hanggang dibdib ang lalim patungo sa mga sumagip sa kanila, kahit na may lumalangoy na mga buwaya sa malapit! Nalampasan ni Prasanthi, na anim-na-buwang buntis, ang lahat ng ito. Nang dakong huli, nakasama nila ang kaniyang ama.

Tinangay ang lahat ng bahay sa Isla ng Teressa. Anim na araw na nasa gubat ang 13 kapatid doon, anupat dumanas ng gutom at mga kagat ng insekto, bago sila nailikas patungo sa Isla ng Camorta. Doon ay nakitira sila kay Mark Paul, isang kapatid na nakatira sa mataas na lugar at ang bahay ay ginagamit bilang Kingdom Hall. Bago nito, noong araw na maganap ang tsunami, sa halip na 10 hanggang 12 ang naroroon, na siyang karaniwang bilang ng dumadalo sa pulong ng kongregasyon, 300 ang dumalo! Mula noon, 18 bagong estudyante sa Bibliya ang regular na dumadalo sa mga pulong, yamang nasaksihan nila mismo ang maibiging suporta na ipinakikita ng bayan ni Jehova sa isa’t isa.

Sri Lanka: Hinampas ng alon ang dalawang-katlo ng baybayin ng islang ito, na nagdulot ng malaking pinsala. Humampas ang tsunami noong Linggo ng umaga nang ang karamihan sa mga kapatid ay nasa mga pulong ng kongregasyon malayo sa lugar ng panganib. Sampung kongregasyon ang naapektuhan, at isang sister ang nasawi nang tangayin ng mga alon ang kaniyang bahay patungo sa dagat. Labis na nagdalamhati ang mga kapatid sa pagkamatay ng mahusay na sister na ito. May ilang interesadong tao ring namatay, at maraming kapatid ang namatayan ng mga kamag-anak. Isang elder ang namatayan ng 27 miyembro ng pamilya! Sa kabila nito, “binatâ ng mga kapatid ang sakunang ito nang hindi humihina ang kanilang espirituwalidad,” ang isinulat ng sangay.

Napuno ang Bethel ng mga suplay na tulong, at ang karamihan sa miyembro ng pamilyang Bethel ay nakipagtulungan sa paghahanda nito. Inihatid ng lokal na mga kapatid na may mga sasakyan ang mga suplay sa lugar na naapektuhan ng sakuna. Sa loob ng apat na araw, natagpuan ang lahat ng mga kapatid at nabigyan ng pagkain at mga damit. Nang tanungin kung ano pa ang kailangan nila, sumagot sila: “Mga Bibliya at aklat! Tinangay ang aming mga kopya.” Kaagad na sinapatan ang kanilang mga pangangailangan.

Nasa Colombo nang panahong iyon ang tagapangasiwa ng sirkito na si Gerrad Cooke. Nagbiyahe siya nang pitong oras sa daan na mapanganib pagkagat ng dilim dahil sa maiilap na elepante. Nang dumating siya roon ng 10:30 n.g., siya at isang brother na tagaroon​—na ang sariling bahay ay lubog sa tubig​—ay agad na dumalaw sa mga pamilya at namahagi ng mga suplay, at ginawa nila ito hanggang madaling-araw.

Thailand: Walang kapatid na tagaroon ang nasaktan o namatay, at wala namang nawalan ng kanilang kabuhayan. Gayunman, ilang banyagang bakasyunista ang nawawala, at pinangangambahang patay na. Kabilang dito ang isang brother na taga-Finland, isang mag-asawang taga-Sweden, at isang brother na taga-Austria, at ang di-sumasampalatayang asawa ng isang sister. Dalawang mag-asawang taga-Sweden ang sumama sa mga kapatid na tagaroon sa paglilingkod sa larangan malayo sa baybayin. Pagbalik nila sa kanilang otel, ang pawang nakita nila ay ang mga patay at ang mga winasak ng tsunami.

Noong Lunes ng umaga pagkatapos ng lindol, ang punong tagapangasiwa sa Kongregasyon ng Phuket ay tinawagan ng sangay sa Thailand at sinabi sa kaniya na isang sister na taga-Finland, si Kristina, ay nasa ospital mga isa’t kalahating oras ang layo. Siya at ang isang brother ay sumugod sa ospital. Ganito ang isinulat ng punong tagapangasiwa: “Sa tanang buhay ko, ngayon lamang ako nakakita ng ganitong labis na kahapisan​—mga taong nawalan ng asawa, mga magulang na nawalan ng mga anak, at mga anak na nawalan ng mga magulang. Ang ilan ay dumadaing; ang iba naman ay tulala at nakatitig sa kisame o sa sahig. Napakasakit makita ang kanilang kalagayan anupat paminsan-minsan ay kailangan naming lumabas ng silid upang makontrol ang aming damdamin at manalangin ukol sa lakas.”

Nasumpungan ng mga kapatid si Kristina habang inihahanda siya para operahin ang kaniyang nabaling binti. Nawala ang lahat ng dokumento niya. Pagkatapos ng operasyon, nanalangin ang dalawang brother kasama siya at binantayan siya ng mga ito hanggang hatinggabi. Pagkalipas ng ilang araw, umuwi na siya sa Finland. Sa kabila ng kaniyang mga kapighatian, “matapang at matatag si Kristina,” ang ulat ng mga kapatid. Nakalulungkot, namatay ang kaniyang asawa sa tsunami.

Mga Pag-aalay ng Sangay

Angola, Enero 8, 2005: Ang pantanging araw na ito ay isang mahalagang pangyayari sa gawaing pangangaral sa Angola, isang bansa na halos 40 taon nang may digmaang sibil. Si Stephen Lett ay nagkaroon ng pantanging pribilehiyo na magbigay ng pahayag para sa pag-aalay ng mga pasilidad ng sangay sa Angola at siya ang kauna-unahang miyembro ng Lupong Tagapamahala na dumalaw sa lupaing iyon. Mga 730 delegado mula sa 11 bansa ang dumalo sa programa. Bakit kailangan ang isang bagong sangay? Noong 1975, nag-ulat ang sangay ng pinakamataas na bilang na 3,055 mamamahayag. Sa pagtatapos ng 2004, ang bilang na iyan ay dumami nang 18 ulit at naging mahigit sa 54,000!

Bulgaria, Oktubre 9, 2004: Sa loob ng mahigit na tatlong taon, 150 internasyonal na mga boluntaryo at mga 300 kapatid na tagaroon ang tumulong sa pagtatayo ng bagong mga pasilidad ng sangay sa Sofia. Si Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala ang bumigkas ng pahayag sa pag-aalay at 364 ang dumalo na kumakatawan sa 24 na bansa.

Etiopia, Nobyembre 20, 2004: Noong mga unang buwan ng 2004, ang 60 miyembro ng pamilyang Bethel ay nakatira sa siyam na magkakahiwalay na lugar, talaga namang hindi kumbinyente! Ang kanilang maganda at bagong Bethel ay nasa isang dalisdis sa dulong silangang bahagi ng kabisera, ang Addis Ababa, at mahigit na 2,400 metro ang taas sa kapantayan ng dagat. May mga gabi na ang maririnig lamang ay ang tawa ng mga hayina. Si Gerrit Lösch ay nagsalita sa 2,230 tagapakinig kabilang na ang 200 banyagang delegado mula sa 29 na bansa. Kabilang sa mga kinapanayam ang ilan na nagbata ng pagkabilanggo at maging ng pagpapahirap dahil sa kanilang pananampalataya. Ganito ang sabi ng anak na babae ng isang brother na pinatay, “Sa pagkabuhay-muli, matutuwa si Itay na malamang tinularan ko ang kaniyang halimbawa ng makadiyos na debosyon at na naglilingkod ako ngayon sa Bethel.”

Ghana, Marso 5, 2005: Sa harap ng 3,243 tagapakinig, binigkas ni Malcolm J. Vigo ng sangay sa Nigeria ang pahayag sa pag-aalay. Kabilang sa bagong inialay na karagdagang mga pasilidad ng sangay ang tatlong gusaling tirahan, 50 tanggapan, isang gusali para sa maintenance, isang Kingdom Hall, at isang gusali na kinaroroonan ng silid-kainan, kusina, at labahan.

Guam, Hunyo 25, 2005: Ito ang ikatlong programa ng pag-aalay na idinaos mula noong 1980, nang ang Guam ay may isang kongregasyon pa lamang. Ngayon ay mayroon nang sampu. Bukod sa mga renobasyon, kabilang sa pinakahuling proyekto ang isang bagong Kingdom Hall at isang tirahan na may dalawang palapag. Ang 100 internasyonal na boluntaryo ay nanggaling sa Australia at Estados Unidos​—na pawang nagbayad ng kanilang sariling pamasahe. Nang mabalitaan ito ng isang lokal na inspektor sa pagtatayo at nakita ang kalidad ng trabaho, “napailing siya dahil hindi siya makapaniwala,” ang isinulat ng sangay. Si Lorence Shepp mula sa sangay sa Peru ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay.

Mauritius, Nobyembre 6, 2004: Si Gerrit Lösch ang nagkapribilehiyong magpahayag nang ialay ang karagdagang mga pasilidad sa sangay. Kasama sa karagdagang mga pasilidad na ito ang 12 bagong opisina para sa Departamento ng Pagsasaling-Wika at isang bagong gusali para sa maintenance. Ang mga bisita ay nanggaling sa Europa, Madagascar, Mayotte, Réunion, Seychelles, at Timog Aprika.

Nicaragua, Disyembre 4, 2004: Mahigit na 330 internasyonal na boluntaryo at daan-daang mga kapatid na tagaroon ang nagtayo ng bagong mga tanggapan at mga tirahan sa sangay gayundin ng isang Assembly Hall na walang dingding na makapagpapaupo ng 2,400. Ang miyembro ng Lupong Tagapamahala na si Samuel Herd ang bumigkas ng pahayag sa pag-aalay. Kasama sa mga delegado ang mga misyonero na naglingkod sa Nicaragua. Gunigunihin kung gaano sila kasaya nang makita nila hindi lamang ang ilan sa kanilang dating mga estudyante sa Bibliya kundi gayundin ang mga anak at, sa ilang kalagayan, mga apo pa nga ng kanilang mga estudyante!

Panama, Marso 19, 2005: Nagsalita si Samuel Herd sa 2,967 tagapakinig, na karamihan sa kanila ay mahigit na 20 taon nang naglilingkod kay Jehova. Nang magsimula ang proyekto, ang mga kapatid ay umupa ng isang crane at isang opereytor nito upang alisin ang ilang storage trailer. Nang dumating ang opereytor sa lugar ng konstruksiyon, ayaw niyang gawin ang trabaho, na sinasabing hindi wastong naihanda ang lugar. Nagpaliwanag sa kaniya ang mga kapatid pero wala ring nangyari. Pagkatapos nang paalis na siya, nagtanong siya, “Siyanga pala, ano ba ang relihiyon ninyo?”

“Mga Saksi ni Jehova,” ang sagot ng mga kapatid.

Nag-isip siya sandali at nagsabi, “O sige, gagawin ko ito.” Bakit biglang nagbago ang isip niya? Dalawang sister pala ang nagdaraos ng pag-aral ng Bibliya sa kaniyang mga anak, at pinahahalagahan niya ang ginagawa ng mga sister na ito.

Slovakia, Abril 16, 2005: Si Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala ang bumigkas ng pahayag sa pag-aalay sa harap ng 448 panauhin mula sa 21 lupain. Isang pantanging pagpupulong ang idinaos sa isang istadyum ng isports kinabukasan, at maraming delegado ang dumating sakay ng bus. “Masarap kayong kasama at napakamasayahin ninyo,” ang sabi ng isang drayber, “at binabati ako ng lahat! Alam ko na kung bakit. Ito’y dahil sa inyong pananampalataya. Madalas akong maghatid ng mga bata at mga guro sa paaralan. Ako pa ang kailangang unang bumati sa mga bata; at lalo na ang mga guro​—hindi man lamang sila bumabati!”

Wallkill, New York, E.U.A., Mayo 16, 2005: “Ipinasiya nating lahat na ialay ang maganda at bagong palimbagan na ito at ang mga gusaling tirahan na A, C, at D sa iisa at tanging tunay na Diyos, si Jehova,” ang sabi ng miyembro ng Lupong Tagapamahala na si John Barr sa kaniyang pahayag sa pag-aalay. Nagsimula ang trabaho sa pundasyon ng bagong palimbagan noong Mayo 1, 2003, at pagkalipas lamang ng walong buwan, ang una sa tatlong dati nang imprentahan ay inilipat sa bagong palimbagan.

Ang mga Regional Building Committee sa Estados Unidos, pangunahin na sa kalapit na mga estado, ay nagpadala ng mga manggagawang may kasanayan. Ang ilang trabaho ay ginawa ng mga kontratista. “Hindi magtatrabaho nang gaya ninyo ang aking mga tauhan magkano man ang ipasuweldo ko sa kanila,” ang sabi ng isa. “Puspusan kayong magtrabaho.” Isa pang manedyer sa proyekto ang nagsabi, “Mas marami akong natutuhan hinggil sa aking trabaho sa loob ng ilang buwan sa Watchtower kaysa sa natutuhan ko sa limang taon ko sa paaralan!” Isang kinatawan ng kompanya na nagsuplay ng conveyor system ang nagsabi: “Salamat sa inyo, ito ang pinakamabilis na instalasyon na nagawa namin kailanman. Nakakahawa ang pagiging masayahin ng lahat dito! Napakaganda ng lugar na ito.”

Mga ilang taon bago nito, ang sangay sa Estados Unidos ay may 15 palimbagang web-offset​—11 sa Brooklyn at 4 sa Wallkill. Ngayon ay lima na lamang dahil sa mas mahusay na teknolohiya at pamamahagi ng trabaho sa iba pang mga sangay na nasa ilalim ng kaayusan sa paglilimbag sa bawat rehiyon. Kasama rin sa bagong palimbagan ang isang sistemang kumokolekta ng pinagtabasang mga papel mula sa imprentahan at bindery patungo sa awtomatikong mga baler sa pamamagitan ng mga overhead air duct. Ang mga pinagtabasan ay nireresiklo ng isang komersiyal na kompanya, anupat nakatitipid ang sangay ng mga $200,000 bawat taon!

Zambia, Disyembre 25, 2004: Sa halos 700 dumalo para sa pag-aalay ng pinalawak na mga pasilidad, 374 ang mahigit nang 40 taóng naglilingkod kay Jehova! Sa kaniyang pahayag sa pag-aalay, sinabi ni Stephen Lett sa mga nakibahagi sa proyekto na gaya ng mga lingkod sa isa sa mga talinghaga ni Jesus, karapat-dapat silang komendahan ng taos-pusong “Mahusay [ang inyong ginawa]!”​—Mat. 25:23.

Nakapagbigay rin ng mainam na patotoo ang mga kapatid noong panahon ng konstruksiyon. “Kayo ay nabubuhay sa isang paraiso,” ang sabi ng isang kontratista.

“Ano ba ang ibig mong sabihin, pisikal o espirituwal na paraiso?” ang tanong ng mga kapatid.

“Pareho!” ang sagot niya.

[Talababa]

a Ang mga detalye tungkol sa Bagyong Katrina ay lalabas sa isang ulat sa hinaharap.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 29]

“Makadiyos na Pagkamasunurin” na mga Kombensiyon

Gaya ng ipinaliwanag sa “Makadiyos na Pagkamasunurin” na Pandistritong mga Kombensiyon, tanging ang mga “nakakakilala sa Diyos” at “sumusunod sa mabuting balita” ang makaliligtas sa araw ng paghihiganti ni Jehova. (2 Tes. 1:6-9) Kaya ibig nating gawin ang ating buong makakaya upang tulungan ang mga nalilito hinggil sa Diyos o naghihinanakit pa nga sa kaniya dahil sa pagdurusa sa daigdig. Ang tract na Lahat ng Pagdurusa Malapit Nang Magwakas! at ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ay ilan sa bago at maiinam na paglalaan na makatutulong sa atin.

Tiyak na makapagbibigay ng kaaliwan ang bagong tract sa maraming biktima ng mga digmaan, karalitaan, kasakunaan, kawalang-katarungan, at sakit sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maunawaang hindi ang Diyos ang sanhi ng mga bagay na ito. Sa katulad na paraan, ang bagong aklat ay makaaakit sa mga naghahangad ng espirituwal na katotohanan. Kawili-wili, simple, at malinaw ang istilo ng pagkakasulat nito, at ang mahahalagang punto ay mahusay na naipaliwanag, kapuwa sa pamamagitan ng mga larawan at pagkakahabi ng mga salita. Bago mo ito gamitin sa pagdaraos ng pag-aaral sa iba, tiyaking basahin ang 14 na karagdagang mga paksa sa apendise ng aklat.

[Chart/Mga larawan sa pahina 12, 13]

ILANG PANGYAYARI NOONG 2005 TAON NG PAGLILINGKOD

Setyembre 1, 2004

Oktubre 8: Legal na nairehistro ang mga Saksi ni Jehova sa Armenia.

Oktubre 9: Pag-aalay ng sangay sa Bulgaria.

Oktubre 18: Pasimula ng kampanya sa pamamahagi ng brosyur na Magbantay!

Nobyembre 6: Pag-aalay ng sangay sa Mauritius.

Nobyembre 20: Pag-aalay ng sangay sa Etiopia.

Disyembre 4: Pag-aalay ng sangay sa Nicaragua.

Disyembre 25: Pag-aalay ng sangay sa Zambia.

Disyembre 26: Kasunod ng lindol na may lakas na 9.0 malapit sa Sumatra, Indonesia, ang pinakamapangwasak na mga tsunami na naitala sa kasaysayan.

Enero 1, 2005

Enero 8: Pag-aalay ng sangay sa Angola.

Marso 5: Pag-aalay ng sangay sa Ghana.

Marso 19: Pag-aalay ng sangay sa Panama.

Marso 24: Ipinag-utos ng Mataas na Hukumang Administratibo ng Berlin na pagkalooban ng mga karapatan ng isang legal na korporasyon ang mga Saksi ni Jehova sa Berlin.

Abril 16: Pag-aalay ng sangay sa Slovakia.

Mayo 1, 2005

Mayo 16: Pag-aalay ng palimbagan at mga tirahan sa Wallkill, New York.

Hunyo 25: Pag-aalay ng sangay sa Guam.

Agosto 31, 2005

[Larawan sa pahina 20]

Paglilinis sa isang Kingdom Hall na nasira dahil sa baha sa distrito ng Niigata, Hapon

[Larawan sa pahina 24]

Pamamahagi ng mga suplay na pantulong sa Sri Lanka