Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Isang Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

BILANG pagsunod sa halimbawa ni Jesus, taimtim tayong nananalangin sa Diyos: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” Maipakikita natin ang ating masidhing pagnanais na mamuhay kasuwato ng panalanging iyan sa paraan ng ating pamumuhay bilang mga Saksi ni Jehova. Mangyari pa, hindi sapat na basta malaman lamang natin ang pangalan ng Diyos. Dapat nating samantalahin ang bawat pagkakataong luwalhatiin ang pangalang iyan. Oo, wala nang hihigit pa sa karangalang matawag bilang Saksi ni Jehova.—Mat. 6:9; Isa. 43:10.

Kasuwato ng Awit 110:3, ang bayan ni Jehova ay kusang-loob na nakikibahagi sa gawaing iniutos ni Jehova. Bakit kaya nagpapagal sa pangangaral ang mga tao anuman ang kanilang edad at pinagmulan? Pangunahin nang dahil sa kanilang pag-ibig at debosyon sa Diyos. Iniuutos sa atin ng Deuteronomio 6:5, 6 na ibigin si Jehova nang ‘ating buong puso, kaluluwa, at buong lakas.’ Ang marubdob na pag-ibig na ito ang nag-uudyok sa atin na gamitin ang ating panahon, lakas, at salapi para suportahan ang Kaharian ng Diyos, kasali na ang lubos na pakikibahagi sa ministeryo hangga’t ipinahihintulot ng ating kalagayan.

Iniibig ni Jehova ang sangkatauhan kaya iniutos niyang ihayag sa buong lupa ang mabuting balita ng kaniyang Kaharian. Hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi ang lahat ay magsisi sa kanilang lihis na landasin at bumaling sa kanilang Maylalang upang mabuhay. (2 Ped. 3:9) “Ako ay nalulugod,” ang sabi ni Jehova, “hindi sa kamatayan ng balakyot, kundi sa panunumbalik ng balakyot mula sa kaniyang lakad upang patuloy nga siyang mabuhay.” (Ezek. 33:11) Kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo, nagsisilbi tayong buháy na patotoo ng pag-ibig ni Jehova sa ating kapuwa. Walang-alinlangang isa ito sa mga dahilan kung bakit masayang-masaya tayo kapag nakikibahagi sa mahalagang gawaing ito.

Makikita rin ang ating masidhing pag-ibig kay Jehova sa ating pagpapahalaga sa kaniyang kinasihang Salita, ang Banal na Kasulatan. Kung walang Bibliya, hindi natin makikilala ang Diyos at hindi tayo mapapalapit sa kaniya, gaya ng hinihimok ng Santiago 4:8 na gawin natin. Hindi rin natin malalaman kung bakit tayo naririto at kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Hindi natin malalaman na ang ating ninunong si Adan ang ugat ng ating mga problema. (Roma 5:12) Ni hindi natin malalaman ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa paglalaan ng kaniyang bugtong na Anak bilang pantubos para sa atin. Sa marami pang paraan, ibinabahagi sa atin ni Jehova ang kaniyang kaalaman, karunungan, at kaunawaan. Talaga ngang napakahalaga sa atin ng kaniyang regalo, ang kaniyang Salita na kinasihan ng espiritu! Ang ating pagpapahalaga sa napakagandang regalong ito ang nagpapakilos sa atin na ‘bilhin ang panahon’ upang basahin, pag-aralan, at bulay-bulayin ang kaniyang Salita. (Efe. 5:15, 16; Awit 1:1-3) Hindi natin dapat panghinayangan ang panahong ginugugol natin sa araw-araw na pagbabasa ng Salita ng Diyos. Sa halip, dapat tayong maudyukan ng pag-ibig sa Diyos na pahalagahan ang kaniyang Salita, na tumutulong sa atin upang mapasulong ang ating kaunawaan at mapalalim ang ating pag-ibig sa kaniya.

Natutuhan natin sa Bibliya na nang magkasala si Adan kay Jehova, isinadlak niya ang lahat ng kaniyang magiging inapo, pati na ang bawat isa sa atin, sa kaabahan at kawalang pag-asa. Gayunman, may kakayahan ang Diyos na hanguin ang sangkatauhan sa gayong kalagayan, at gayon nga ang ginawa niya, anupat tiniyak na matutupad ang kaniyang layunin sa lupang ito.—Gen. 3:15.

Walang-alinlangang gustung-gusto nating lahat na pakabanalin ang kagila-gilalas na pangalan ng ating Diyos. Habang nadaragdagan ang ating kaalaman tungkol sa pagiging kamangha-mangha ng Diyos na Jehova, napakikilos tayong makipagtulungan sa kaniya at sa kaniyang organisasyon sa paghahayag ng kaniyang dakilang pangalan at layunin. Makatitiyak tayo sa kaniyang pagsang-ayon at pagpapala ngayon at sa walang-hanggang kinabukasan sa bagong sanlibutan.

Bilang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, ipinaaabot namin ang aming pag-ibig sa inyo, mahal naming mga kapatid. Gusto rin naming ipahayag ang aming taimtim na pagpapahalaga sa inyong pagsisikap na gamitin ang natitirang panahon upang ipaabot ang mabuting balita sa pinakamaraming tao hangga’t maaari bago ang “malaking kapighatian.” (Apoc. 7:14) Sa paggawa nito, binibigyan din ninyo sila ng pagkakataong kumuha ng kaalaman hinggil sa Diyos at kay Kristo na umaakay sa buhay na walang hanggan.—Juan 17:3.

Ang inyong mga kapatid,

Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova

[Larawan sa pahina 4]

Carey W. Barber

[Larawan sa pahina 4]

John E. Barr

[Larawan sa pahina 4]

Samuel Herd

[Larawan sa pahina 4]

Geoffrey Jackson

[Larawan sa pahina 5]

Theodore Jaracz

[Larawan sa pahina 4]

Stephen Lett

[Larawan sa pahina 5]

Gerrit Lösch

[Larawan sa pahina 5]

Anthony Morris III

[Larawan sa pahina 5]

Guy Pierce

[Larawan sa pahina 5]

David Splane