Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Latvia

Latvia

Latvia

MATATAGPUAN ang Monumento ng Kalayaan, may taas na 42 metro, sa Kalye Brīvības (o, Kalye Kalayaan) na nasa sentro ng Riga, ang kabisera ng Latvia. Iniharap ito sa madla noong 1935 at naging sagisag ng kalayaan sa pulitika. Subalit isang nakahihigit na uri ng kalayaan ang iniaalok sa mga tao sa Latvia mula pa noong dekada ng 1920—ang kalayaang nagmumula sa pagkaalam ng katotohanan sa Bibliya. Hinggil sa kalayaang ito, ganito ang sabi ng isang ulat: “Lumuluha sa kagalakan na tinanggap ng pangkaraniwang tao, . . . kapuwa lalaki at babae, ang mensaheng ito.” Maraming dekada nang tinangka ng mga kaaway na pigilan ang paglaganap ng mahalagang mensaheng iyan, at medyo nagtagumpay sila. Pero gaya ng ipakikita sa ulat na ito, walang kapangyarihan sa lupa ang makapipigil sa kamay ng Makapangyarihan-sa-lahat o ng kaniyang Anak, na ang pamamahala ay lumalampas sa lahat ng pulitikal na mga hangganan.—Apoc. 11:15.

Mula sa panahon ng Teutonic Knights na nagtatag sa Riga noong 1201, hanggang sa panahon ng Komunismong Sobyet, ang Latvia ay sinakop at pinamahalaan ng maraming pulitikal na kapangyarihan, kasali na ang Alemanya, Poland, Russia, at Sweden. Idineklara ng Latvia ang kasarinlan nito sa unang pagkakataon noong 1918. Gayunman, naging republikang Sobyet ang bansa noong 1940. Muli nitong natamo ang kasarinlan bilang Republika ng Latvia noong 1991.

Subalit ang pulitikal na kasarinlan ay hindi nangangahulugan ng tunay na kalayaan. Tanging si Jehova lamang ang lubusang makapagpapalaya sa sangkatauhan, at isang kahanga-hangang pitak ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang ipinangako niyang kalayaan. (Luc. 4:18; Heb. 2:15) Paano nakarating ang mabuting balitang ito sa Latvia? Nagsisimula ang ating kuwento sa panalangin ng isang mandaragat na si Ans Insberg.

Sumulat si Ans: “Isang mabituing gabi sa dagat, taos-puso akong nanalangin sa Panginoon at hiniling sa kaniya na akayin ako sa mga taong sumasamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan. (Juan 4:24) Labis na pagpapaimbabaw ang nasaksihan ko sa mga nagsisimba sa aking tinubuang Latvia at ayaw kong magkaroon ng anumang bahagi rito. Pagkatapos, noong 1914 sa Cleveland, Ohio, E.U.A., napanood ko ang ‘Photo-Drama of Creation,’ isang palabás na salig sa Bibliya ng International Bible Students, na siyang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Nasagot ang aking panalangin; nasumpungan ko na ang katotohanan! Nabautismuhan ako noong Enero 9, 1916, at nagsimulang mangaral, anupat bumabalik lamang ako sa aking trabaho sa dagat kapag wala na akong pera.”

Pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig I, lalong pinalawak ni Ans ang kaniyang pangangaral ng mensahe ng Kaharian sa Latvia. Sarili niyang gastos ang paglalagay ng mga anunsiyong naghahayag ng Kaharian ng Diyos sa mga pahayagang Latviano. Nalaman ng retiradong titser na si Krastin̗š ang katotohanan mula sa mga anunsiyong ito at maaaring siya ang unang Estudyante ng Bibliya sa Latvia na nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova. Noong 1922, si Ans ay naging miyembro ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Regular siyang pumupunta sa daungan doon—“ang aking kanais-nais na pulpito,” ang paglalarawan niya roon—upang ibahagi ang katotohanan ng Bibliya sa iba pang mandaragat. Natapos niya ang kaniyang makalupang landasin noong Nobyembre 30, 1962.

Noong 1925, binuksan ang Tanggapan sa Hilagang Europa sa Copenhagen, Denmark. Pinangasiwaan nito ang gawain sa tatlong Estadong Baltic—Estonia, Latvia, at Lithuania—pati na sa Denmark, Finland, Norway, at Sweden. Noong Hulyo 1926, inatasan si Rees Taylor mula sa Britanya upang pangasiwaan ang gawain sa Latvia. Itinatag niya ang tanggapan sa Riga at inorganisa ang isang maliit na kombensiyon. Sa 20 dumalo, 14 ang nakibahagi sa unang kampanya ng pangangaral sa larangan sa bansa. Pagkatapos ay nakakuha ang mga kapatid ng permit mula sa pulisya para magdaos ng mga pulong pangmadla, at 975 katao ang nakarinig ng mga pahayag sa Bibliya sa Riga, Liepaja, at Jelgava. Binigkas ang mga pahayag sa Aleman, isa pang wika ng maraming Latviano. Marami ang humiling na magdaos pa ng mga pulong.

“KALAYAAN PARA SA MGA BAYAN”

Noong Setyembre 1927, nagtipon sa Copenhagen ang mga 650 delegado mula sa Estonia, Latvia, at Scandinavia upang makinig kay Joseph F. Rutherford, mula sa pandaigdig na punong-tanggapan, sa kaniyang pahayag na “Kalayaan Para sa mga Bayan.” Isang buklet na may ganitong pamagat ang isinalin sa wikang Latviano nang sumunod na taon at pinangunahan ng mga colporteur, o mga payunir, ang pamamahagi nito.

Kabilang sa mga unang payunir na iyon ang di-kukulangin sa sampung kapatid mula sa Alemanya na dumating sa Latvia upang tumulong sa gawain. Isa sa kanila ang 22-anyos na si Johannes Berger. Ganito ang isinulat niya: “Pagbibigay ng mga pahayag pangmadla ang unang ginawa ng mga payunir nang dumating sila sa lunsod na iniatas sa kanila. Bunga nito, nakapagpahayag kami sa halos lahat ng lunsod sa Latvia. Inupahan namin ang isang sinehan sa lunsod ng Sloka, at nagpapahayag ako roon tuwing Lunes sa panahon ng taglamig. Dumarating ang mga tao mula sa malalayong lugar sakay ng kanilang maliliit na kabayo.” Sa pagbabalik-tanaw sa mga panahong iyon, sinabi pa niya: “Napakarami kong pribilehiyo sa paglilingkod sa kabila ng aking limitadong pinag-aralan.”

Mga 40 mamamahayag ng Kaharian, 15 sa kanila ay bautisado, ang nakibahagi sa gawaing pangangaral noong 1928. Noong 1929, ang taon nang ilipat ang tanggapan sa Kalye Šarlotes, sa Riga, siyam pa ang nabautismuhan, at mahigit sa 90,000 aklat at buklet ang naipasakamay sa larangan.

Bago nito, noong 1927, nabautismuhan ang isang kabataang lalaki na si Ferdinand Fruck at ang kaniyang inang si Emilie. Pagkaraan ng apat na taon, nasumpungan ni Ferdinand ang kaniyang magiging kapareha sa pagpapayunir habang nagpapatotoo sa isang panaderya sa kaniyang tinubuang bayan ng Liepaja. Nagmamadaling tumakbo ang panadero sa katabing barberya ng kaniyang kapatid. “Heinrich! Halika rito, dali!” ang sabi niya. “May lalaki sa tindahan ko na nagsasalita ng mga bagay na mahirap paniwalaan.” Subalit hindi nahirapang maniwala sa katotohanan ng Bibliya ang barberong si Heinrich Zech, anupat nabautismuhan siya kaagad. Sumama siya kay Ferdinand, at nagpunta silang dalawa sa maraming bayan sakay ng kanilang bisikleta upang palaganapin ang mensahe ng Kaharian.

SUMIKLAB ANG PAGSALANSANG

Bagaman iilan lamang ang mga kapatid, ikinagalit naman ng klero ang kanilang sigasig. Sa katunayan, nagbanta ang isang klerigo sa Riga na ititiwalag niya ang sinumang dadalo sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya. Ang klero sa Liepaja ay nagpalabas ng mga pamplet na nagpaparatang na hindi raw naniniwala kay Jesu-Kristo ang mga kapatid at sinasabihan nito ang mga tao na huwag kumuha ng kanilang literatura. Ginamit din nila ang pangunahing pahayagan ng simbahan upang siraan ang mga Estudyante ng Bibliya.

Noong 1929, nagpadaig ang pamahalaan sa panggigipit ng simbahan at pinaalis nito ang mga colporteur na Aleman sa Latvia. Pagsapit ng 1931, ipinagbawal na ang karamihan sa mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Napahinto ba ng mga pagsalansang na ito ang mga kapatid? “Ang pagsalansang ng Diyablo,” isinulat ng tanggapan sa Latvia, “ay lalo lamang nagpasigla sa amin na maging mas matapat. Tunay na isang kagalakan ang makibahagi sa gawain dito . . . , at determinado kaming magpatuloy.”

Noong 1931, tumugon ang ilang kapatid sa Britanya sa panawagan na lumipat ang mga payunir sa mga bansang Baltic. Tumulong ang ilan sa mga kapatid na ito na magdala ng espirituwal na pagkain sa Latvia mula sa kalapit na Estonia at Lithuania. Inatasan sa Lithuania si Edwin Ridgewell, na noo’y 18 anyos. Ganito ang nagunita ni Brother Ridgewell ngayong mahigit 90 anyos na siya: “Ako at ang aking dalawang kapareha, sina Andrew Jack at John Sempey, ay tumanggap ng pantanging atas—magdala ng literatura sa Latvia. Sumasakay kami sa panggabing tren patungong Riga at itinatago namin ang mga literatura sa mga pakete na dinisenyong magkasya sa mga espasyo sa ilalim ng mga upuang pinaglalagyan ng mga kumot kapag araw. Bago bumaba, inilalagay namin ang mga pakete na may ilang damit sa isang pantanging maleta na puwedeng palakihin. Pagkatapos ng bawat nakanenerbiyos na paghahatid, nagsasaya naman kami. Dinadala kami ni Percy Dunham, ang nangangasiwa noon sa gawain, sa isang restawran sa Riga upang maghapunan.”

Madalas na makipagkita si Ferdinand Fruck sa mga kapatid sa hangganan ng Lithuania. Ibinibigay nila sa kaniya ang mga literatura na itinatago naman niya sa ilalim ng dayami sa itaas na palapag ng kaniyang kamalig. Gayunman, napansin ng mga awtoridad ang kaniyang gawain kaya regular na nilulusob ng mga pulis ang kaniyang lugar upang hanapin ang ipinagbabawal na mga publikasyon. Sa isang paghahalughog, ayaw ng opisyal na akyatin ang itaas na palapag kaya si Ferdinand ang pinaakyat niya! Upang mapahupa ang galit ng opisyal, bumaba si Ferdinand hawak ang ilang lumang Bantayan at ibinigay iyon sa opisyal. Umalis na rin ang opisyal, palibhasa’y nasiyahan na.

PAGSULONG SA KABILA NG PAGSALANSANG

Ang nabanggit na si Percy Dunham, taga-Scotland, ay inatasang mangasiwa sa larangan ng Latvia noong 1931. Estudyante na ng Bibliya si Percy bago pa 1914, kaya di-matatawaran ang kaniyang mga kakayahan. Sa pagtatapos ng 1931, sumulat ang tanggapan: “Ang gawain ay binabalikat sa ilalim ng mahihirap na kalagayan ng mga taong salat sa yaman ng sanlibutan ngunit mayaman sa pananampalataya sa Diyos. . . . Dumarami ang nagpapakita ng interes sa aming mensahe. . . . Bawat linggo ay may pumupunta sa tanggapan, na humihiling ng mga aklat at nagtatanong kung kailan magkakaroon ng iba pang mga aklat.” Pagkaraan, ganito ang idinagdag ng ulat may kinalaman sa isang napakahalagang teokratikong pagsulong: “Sa isang katatapos na pulong sa Riga, may-pagkakaisa kaming naglabas ng isang resolusyon, na buong-kagalakang tumatanggap sa bagong pangalang [mga Saksi ni Jehova], na ibinigay ng Panginoon sa kaniyang bayan.”

Noong 1932, inilipat ang tanggapan sa Kalye Cēsu, sa Riga. Nang taon ding iyon, lumipat sa Latvia at nagpakasal kay Percy Dunham si Margaret (Madge) Brown, isang payunir na taga-Scotland ngunit naglilingkod sa Ireland at nabautismuhan noong 1923. Samantala, tumindi ang pagsalansang sa gawain. Sumulat si Madge: “Noong Pebrero 9, 1933, isang pahayagan sa Riga ang nag-akusang Komunista kami. Kinaumagahan, nang buksan ko ang pinto, biglang pumasok ang mga pulis na nagwawasiwas ng baril sabay sigaw ng, ‘Taas ang kamay!’ Pitong oras silang naghanap ng ipinagbabawal na mga aklat. Nang bandang tanghali, inalok ko sila ng tsa, na tinanggap naman nila.

“Nakatago sa atik ang pangunahing suplay ng literatura para sa mga kapatid. Bago nito, nang kapkapan ng nangangasiwang opisyal ang aking asawa, nakuha niya ang ilang susi. ‘Para saan ang mga ito?’ ang tanong niya. ‘Sa atik,’ sagot ni Percy. Pero hindi kailanman umakyat doon ang mga pulis. Sa katunayan, bago umalis, ibinalik pa ng opisyal kay Percy ang mga susi! Bagaman sinuri nila ang ilang literatura, sinabi nilang wala silang makitang dahilan para kumpiskahin iyon.

“Pero kinumpiska pa rin nila iyon, kasama ng mga liham, pera, mimyograp, at isang makinilya. Anim na tahanan ng mga pamilyang Saksi sa Latvia ang hinalughog din ng mga pulis pero wala silang natagpuang ebidensiya ng pagkakasala at walang isinampang mga kaso.”

Wala pang 50 ang mamamahayag ng Kaharian sa buong bansa nang panahong iyon. Ngunit para magkaroon ng legal na katayuan, nagparehistro ang mga kapatid. Gunigunihin ang tuwa nila nang opisyal na irehistro ang International Bible Students Association noong Marso 14, 1933! Bagaman hindi sila nakakuha ng permit para umangkat ng mga literatura sa Bibliya, sinamantala naman ng mga kapatid ang kanilang legal na katayuan upang makapagpalimbag doon ng ilang buklet. Ang pagsasalin naman sa wikang Latviano ay ginampanan ng kilalang manunulat at punong editor ng pahayagang Rīts, si Aleksandrs Grīns.

PANANDALIAN LAMANG ANG PAGKAKAREHISTRO

Humantong sa pagpapairal ng batas militar ang isang kudeta noong Mayo 1934. Sinamantala ng mga kaaway ng katotohanan ang mabuway na situwasyon sa pulitika upang akusahan ang bayan ng Diyos ng pagiging Komunista. Noong Hunyo 30, ipinasara ng ministro ng interyor ang tanggapan ng International Bible Students Association at kinumpiska ang mahigit sa 40,000 aklat at buklet kasama ng isang maliit na halaga ng salapi. Mga klerigo pa man din ang inatasang magbenta ng mga ari-arian! Tinanggihan naman ang mga aplikasyon para sa muling pagpaparehistro.

Noong 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, at noong Hunyo 1940, pumasok sa Latvia ang hukbong Ruso. Naging ika-15 republika ng USSR ang Latvia noong Agosto, at pinanganlang Latvian Soviet Socialist Republic. Noong Oktubre 27, kinailangang lisanin ng mag-asawang Dunham ang Latvia at iwan ang kanilang minamahal na mga kapatid na Latviano. Muli silang inatasan sa sangay sa Australia, kung saan natapos ni Percy ang kaniyang makalupang landasin noong 1951 at ni Madge noong 1998.

Malaking dagok sa gawain ang pagpapasara sa tanggapan, pagpapalayas sa mga kapatid na nangunguna, ang mga hirap na dala ng digmaan, at ang sumunod na mga dekada ng mabagsik na pamamahala ng mga Komunista. Sa katunayan, noon lamang mga unang taon ng dekada ng 1990 naputol sa wakas ang mahigpit na kadena ng malupit na nakaraan.

INAALIW NI JEHOVA ANG MGA MATAPAT SA KANIYA

Noong Digmaang Pandaigdig II, walang pakikipag-ugnayan sa punong-tanggapan ang maliit na grupo ng mga Saksi sa Latvia. Gayunpaman, pinanatili nilang buháy ang kanilang pag-asa “sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan.” (Roma 15:4) Pagkatapos ng digmaan noong mga huling taon ng dekada ng 1940, nakapagpadala sa wakas ang sangay sa Alemanya ng liham sa ilang kapatid sa Jelgava, Kuldīga, Riga, at Ventspils.

Sa Kuldīga, isang bayan na 160 kilometro mula sa kanluran ng Riga, nakatanggap si Ernests Grundmanis, na 20 taon nang nasa katotohanan, ng ilang liham mula sa Alemanya na talaga namang naglalaman ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. “Sa lahat ng bagay,” sabi sa isang liham, “magtiwala ka sa Diyos na Jehova, ang ating mabuting Ama. Aalalayan at palalakasin ka niya sa tamang panahon.” Saka sinipi sa liham ang 2 Cronica 16:9: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” Tunay ngang napapanahon at nakapagpapasigla ang gayong mga liham!

Ginamit ng mga kapatid ang bawat pagkakataon para magpatotoo nang di-pormal. Halimbawa, nangaral ang masahistang si Marta Baldone sa kaniyang mga kliyente sa health center sa Ventspils. Ang isa sa kanila ay si Alexandra Preklonskaya (ngayo’y Rezevskis). Natatandaan pa ni Alexandra: “Itinuro sa akin ni Marta na Jehova ang pangalan ng Diyos, at lubhang napamahal sa akin ang pangalang iyan.”

Natuto rin ng katotohanan sa Bibliya ang ama ni Alexandra, si Peter, na isinilang noong 1880. Ganito ang isinulat ng kaniyang anak: “Umanib sa partido Komunista si Itay bago ang himagsikan noong 1917 at nanirahan siya sa St. Petersburg [tinawag na Petrograd mula 1914 hanggang 1924 at Leningrad mula 1924 hanggang 1991]. Subalit ang resulta ng himagsikan ay hindi siyang inaasahan ni Itay, kaya isinauli niya ang kaniyang kard sa pagiging miyembro ng partido at napilitan siyang lisanin ang lunsod. Pumunta siya sa Latvia at doon ko ipinakilala sa kaniya si Marta. Palibhasa’y isang tapat at mabait na tao, agad na tinanggap ni Itay ang katotohanan. Bumalik siya sa Russia noong 1951 pero sa pagkakataong ito ay bilang isang bilanggo dahil sa kaniyang pananampalataya. Namatay siya sa Siberia noong 1953.”

IPINATAPON SA SIBERIA

Sa Latvia, tulad din sa ibang lupaing sakop ng Sobyet, sinimulang itaguyod ng bagong pamahalaan ang tunguhin nitong hubugin ang lahat ng institusyon sa kultura at pulitika ayon sa pamantayang Sobyet. Pinagsama-sama rin ng mga Komunista ang mga bukirin na pribadong pag-aari at isinailalim ang mga iyon sa kontrol ng Estado. Bilang resulta ng kampanyang ito, nagkaroon ng ilang biglaang pagpapatapon, na umabot sa sukdulan noong 1949, anupat mga 100,000 Latviano ang ipinatapon sa hilagang Russia at Siberia. Pagkaraan ng dalawang taon, nagtuon naman ng pansin ang mga Komunista sa mga Saksi ni Jehova, anupat libu-libo ang ipinatapon mula sa nasasakupan nilang mga lupain, pati na ang di-kukulangin sa 20 sa mga 30 mamamahayag noon na nasa Latvia pa.

Bagaman di-bautisado, isa si Valija Lange ng Ventspils sa mga naaresto ng KGB (Soviet State Security Committee) sa mga paglusob noong Setyembre 1950. Sa isang interogasyon sa alanganing oras ng gabi sa Riga, tinanong siya: “Bakit mo nilalabanan ang Estado gayong mamamayan ka ng Unyong Sobyet?” Mahinahon at magalang na sumagot si Valija, “Gusto ko lamang paglingkuran ang Diyos na Jehova, maunawaan ang kaniyang mga turo, at ibahagi iyon sa iba.”

Kasama ang 19 na mga Saksing iyon, nakalista ang pangalan ni Valija sa isang dokumentong may petsang Oktubre 31, 1950. Ang lahat ng nakalista ay sinentensiyahan ng sampung taóng sapilitang pagtatrabaho sa Siberia at kinumpiska ang kanilang mga ari-arian. Pinayagang umuwi ang ilan ngunit inakusahang muli. Halimbawa, pinabalik si Paulīne Serova sa Siberia para manatili roon nang apat na taon pa matapos matuklasan ng mga awtoridad na tumatanggap siya ng literatura sa Bibliya sa pamamagitan ng koreo.

Sa mga kampo, ang mga kapatid ay patuloy na nangaral at gumawa ng mga alagad, at isa sa mga ito ay si Jānis Garšk̗is. Nabautismuhan siya noong 1956 at naninirahan ngayon sa Ventspils. Ganito ang sabi niya, “Nagpapasalamat ako na pinahintulutan ng Diyos na mapunta ako sa kampo ng sapilitang pagtatrabaho, dahil kung hindi, baka hindi ko nalaman ang katotohanan.” Napakainam na saloobin!

Naakusahan naman ng panliligalig sa pulitika at ipinatapon sa Siberia ang katutubong Latviano na si Tekla Onckule. Narinig niya ang katotohanan mula sa ipinatapong mga Saksi sa malayong lunsod ng Omsk. “Hindi ko kailanman malilimutan ang aking bautismo,” sabi ni Tekla. “Nangyari iyon sa alanganing oras ng gabi sa isang ilog na sinlamig ng yelo. Nanginginig sa lamig ang buong katawan ko, pero masayang-masaya ako.” Noong 1954, nagpakasal si Tekla kay Aleksei Tkach, na nabautismuhan sa Moldavia (ngayo’y Moldova) noong 1948 at nang maglaon ay ipinatapon sa Siberia. Noong 1969, bumalik sa Latvia ang mag-asawang ito kasama ng ilan pang Saksi. Nakalulungkot, namatay sa mga kampo ang karamihan sa iba pang mga ipinatapong Latviano.

SA LATVIA, INIIWASAN ANG KGB

Nakaiwas sa pag-aresto ang ilang Saksi. “Para maiwasang ipatapon, nagpalipat-lipat ako, nagtrabaho sa iba’t ibang bukirin, at umiwas sa KGB. Samantala, nangangaral ako sa lahat ng makilala ko. Nakinig naman ang mga tao at napunta sa katotohanan ang ilan,” ang sulat ni Alexandra Rezevskis. Walang-humpay na nagtrabaho ang KGB upang matagpuan ang iilang nakakalat na mga Saksing nanatili sa Latvia, anupat inakusahan sila ng pagiging laban sa Sobyet. Nagpakalat pa nga ang pamahalaan ng isang brosyur na buong-kasinungalingang nagsasabing espiya ng Amerika ang mga Saksi. Palibhasa’y mahigpit na minamanmanan ng mga espiyang Komunista, kailangang maging maingat ang mga kapatid sa pangangaral at palihim na magdaos ng kanilang mga pulong sa iba’t ibang lugar.

Pagkatapos magpakasal kay Kārlis Rezevskis, lumipat si Alexandra at ang kaniyang asawa sa isang bahay na pag-aari ng mga magulang ni Kārlis. Dahil nakakubli ito sa isang gubat malapit sa bayan ng Tukums, na 68 kilometro ang layo sa Riga, tamang-tama ang bahay para sa mga pulong tuwing taglamig. Natatandaan pa ni Dita Grasberga, na noo’y Andrišaka: “Bata pa ako nang dumadalo ang aming pamilya sa mga pulong sa tahanan ng mga Rezevskis. Isang kapana-panabik na karanasan ang paglalakbay patungong Tukums sakay ng bus at ang paglalakad sa gubat na may niyebe. Sa wakas, pagpasok namin sa bahay, madalas kaming salubungin ng katakam-takam na amoy ng masarap at kumukulong sopas sa kalan.”

Itinatago ni Kārlis ang mga literatura sa gubat. Minsan, ibinaon niya ang dalawang bag na punô ng aklat at maingat na minarkahan ang lugar. Subalit naalis ang marka dahil sa isang malakas na bagyo nang gabing iyon. Sinikap ni Kārlis na hanapin ang mga bag pero hindi niya nakita. Naroroon pa rin ang mga ito sa kakahuyang iyon magpahanggang sa ngayon.

Tuwing tag-araw, nagpupulong ang mga kapatid sa kagubatan, tabi ng lawa, o sa tabing-dagat. Tulad sa iba pang lupaing Sobyet, sinasamantala nila ang mga kasalan at libing upang magbigay ng maka-Kasulatang mga diskurso. Noong dekada ng 1960 at 1970, regular na dumadalaw sa Latvia ang mga kapatid mula sa Estonia, kasali na sina Viljard Kaarna, Silver Silliksaar, at Lembit Toom, upang magbigay ng mga pahayag, magdala ng literatura, at kumuha ng mga ulat ng humigit-kumulang 25 bautisadong mamamahayag doon. Lalo nang nasiyahan ang mga kapatid doon nang matanggap nila Ang Bantayan sa wikang Ruso, na isinalin nina Pauls at Valija Bergmanis sa wikang Latviano, anupat isinulat-kamay sa mga aklat ng pagsusulit sa paaralan.

“IISA LANG ANG BANTAYAN NAMIN”

Noong dekada ng 1970 at 1980, ang mga kapatid sa Estonia ay nakakakuha sa Russia ng Ang Bantayan na nasa microfilm at ipinupuslit iyon sa Latvia. Dahil popular na libangan noon ang potograpiya, may kakayahan ang mga kapatid na magproseso ng mga negatibo sa bahay, gumawa ng mga kopya, at ipamahagi ito. Sa pana-panahon, nakapapasok sa bansa ang iba pang publikasyon sa gayunding pamamaraan, karaniwan na mula sa Lithuania at Ukraine.

“Iisa lang ang Bantayan namin,” ang natatandaan ni Vida Sakalauskiene, na noo’y mga sampung taóng gulang. “Sa loob ng ilang panahon, bawat grupo ay tumatanggap ng magasing inilimbag sa papel na panlitrato at ipinapasa iyon sa bawat pamilya upang mabasa ng lahat at makagawa ng mga nota. Hindi dapat lumampas sa 24 na oras ang itatagal ng magasin sa bawat pamilya. Sa pulong, hawak ng konduktor ang magasin at sumasagot kami sa mga tanong sa pag-aaral mula sa memorya o sa mga nota namin.” Nakatulong kay Vida ang espirituwal na paglalaang ito upang manatiling matatag sa katotohanan noong nag-aaral siya. Nakatulong din ito sa kaniyang kapatid na si Romualdas upang mapanatili ang kaniyang katapatan habang nakabilanggo dahil sa pagiging neutral bilang Kristiyano.

TINATANGGAP NG LAHAT NG URI NG TAO ANG KATOTOHANAN

Aktibo sa partido Komunista si Vera Petrova sa loob ng 27 taon. “Isa sa mga trabaho ko,” ang sabi niya, “ang magsimba upang makita kung ilan sa mga miyembro ng partido Komunista ang naroroon at iulat iyon sa kalihim ng lokal na partido. Samantala, napunta sa katotohanan ang isa sa aking dalawang kapatid na babae at nagpatotoo siya sa akin. Napukaw ang aking interes kaya humingi ako ng Bibliya sa isang paring Ruso Ortodokso.

“‘Bakit mo kailangan ang Bibliya?’ ang sabi niya.

“‘Gusto ko pong malaman kung kasuwato nito ang itinuturo ninyo,’ ang sagot ko. Hindi niya ako binigyan ng Bibliya kaya kumuha ako sa iba at binasa iyon. Di-nagtagal at natuklasan kong hindi pala salig sa Bibliya ang mga turo ng simbahan. Patuloy akong sumulong sa espirituwal at iniwan ko ang partido Komunista. Nabautismuhan ako noong 1985.”

Bago ang Digmaang Pandaigdig II, nagpakasal sa alkalde ng Daugavpils ang nars na si Teofīlija Kalvīte. Nakalulungkot na sa pagsisimula ng digmaan, idineklarang nawawala ang alkalde. Nakaranas mismo si Teofīlija ng maraming hirap at nasaksihan niya ang pagdurusa at kamatayan ng maraming tao. Pagkatapos ng digmaan, naging presidente siya ng Red Cross sa Latvia at tumanggap ng di-kukulangin sa 20 gawad mula sa Estado sa loob ng kaniyang 61 taon sa larangan ng medisina. Nang mga 65 anyos na siya, nakilala ni Teofīlija ang Saksing si Paulīne Serova, na nagpaliwanag sa kaniya mula sa Bibliya kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang labis na kasamaan. Tinanggap ni Teofīlija ang katotohanan at pagkaraan ay nagtamasa ng nakahihigit na pribilehiyo ng pagtulong sa mga tao na magtamo ng espirituwal na kalusugan. Namatay siya nang tapat noong 1982.

“AH, DIKSYUNARYO ’YAN”

Noong 1981, nabilanggo nang tatlong taon ang 18-anyos na si Yurii Kaptola dahil sa pagiging neutral bilang Kristiyano. Sabi ni Yurii: “Ginugol ko ang dalawang taon ng aking sentensiya sa Siberia, kung saan nanirahan kami sa mga tolda at nagtrabaho sa kagubatan, kahit na bumaba ang temperatura sa -30 digri Celsius! a Palagi akong inaalagaan ni Jehova sa espirituwal na paraan. Halimbawa, pinadalhan ako ni Inay minsan ng isang kopya ng Griegong Kasulatan kasama ng pakete ng pagkain. Habang sinisiyasat ng guwardiya ang pakete, nakita niya ang aklat.

“‘Ano ito?’ tanong niya.

“Bago pa ako makasagot, sinabi ng inspektor sa di-kalayuan, ‘Ah, diksyunaryo ’yan,’ at ibinalik iyon sa akin.

“Napalaya ako noong 1984. Sa halip na tumira sa Ukraine na aking pinagmulang bansa, lumipat ako sa Riga, at umugnay ako roon sa maliit na grupo ng mga Saksi sa loob ng mga dalawang taon. Pero dahil bahagi pa rin ng Unyong Sobyet ang Latvia, ipinatawag na naman ako sa hukbo. Ang resulta? Noong Agosto 26, 1986, nasentensiyahan na naman ako ng sapilitang pagtatrabaho, sa pagkakataong ito ay apat na taon sa Latvia. Pagkatapos gugulin ang aking sentensiya sa Riga, dinala ako sa isang kampo na malapit sa lunsod ng Valmiera. Sa pagdinig para sa aking paglaya sa pagsisimula ng 1990, sinabi ng hukom: ‘Yurii, ilegal ang desisyon na ibilanggo ka apat na taon na ang nakararaan. Hindi ka nila dapat sinentensiyahan.’ Biglang-bigla, malaya na ako!”

Noong 1991, naging miyembro si Yurii ng iisang kongregasyon sa Latvia at naglingkod bilang isa sa dalawang elder doon. “Talagang hinog na hinog ang bukid para sa pag-aani,” ang isinulat niya.

Nang unang dumating si Yurii sa Latvia, nakausap niya ang isang babaing naglilinis sa isang puntod. Ganito ang natatandaan niya: “Nang tanungin ko siya kung bakit waring napakaigsi ng buhay, lumapit siya sa akin, at nag-usap kami. Pagkaraan ng ilang minuto, nabali ang isang malaking sanga mula sa punungkahoy at bumagsak sa mismong lugar na nililinis niya. Kung naroroon pa siya, tiyak na nadaganan siya. Ibinigay niya sa akin ang kaniyang adres, at isinaayos kong dalawin siya ng isang sister. Nabautismuhan ang babaing ito, ang kaniyang anak na lalaki at manugang na babae noong 1987.”

MAHAL NILA ANG MGA TAO, HINDI ANG MGA KAALWANAN

Marami pang kabataan mula sa iba’t ibang panig ng Unyong Sobyet ang lumipat din sa Latvia upang tumulong sa gawain. Hindi madali ang buhay nila, pero handa silang magsakripisyo. Halimbawa, si Anna Batnya, ngayo’y isa nang special pioneer, ay nakakita noon ng trabaho sa isang patahian at ng tirahan sa isang dormitoryo. “Hindi maalwan ang mga kalagayan,” ang paglalahad niya. “Nagpapatotoo kami nang di-pormal sa mga tren, istasyon, parke at mga sementeryo, at malapit sa mga simbahan.

“Sa mga tren na laging siksikan, dala-dalawa kaming nangangaral sa bawat bagon. Isa sa amin ang magpapatotoo; magbabantay naman ang isa. Madalas na sumasali sa pag-uusap namin ang mga tao sa paligid. Kaya inuulan kami kung minsan ng mga tanong. Paghinto ng tren, lilipat na naman kami sa ibang bagon kung kinakailangan. Malaking kagalakan na makitang pinagpapala ni Jehova ang aming ministeryo.”

Unang narinig ni Angelina Tsvetkova ang katotohanan habang nananalangin siya sa simbahan. Ganito ang paglalahad niya: “Noong 1984, lumapit sa akin si Aldona Dron̗uka, isang Saksi ni Jehova, at tinanong ako kung nabasa ko na ang Bibliya. ‘Ang ilang bahagi nito,’ ang sagot ko. ‘Pero hindi ko ito maintindihan, at marami akong katanungan.’ Kinuha namin ang adres ng isa’t isa at regular naming pinag-usapan ang Salita ng Diyos. Pagkaraan ng ilang buwan, inanyayahan ako ni Aldona sa isang kasalan sa Lithuania at sumama naman ako. Mga 300 ang naroroon. Sa handaan, sunud-sunod na pahayag sa Bibliya ang napakinggan namin, na medyo ipinagtaka ko.

“Doon ko nalamang nakikipag-aral na pala ako sa mga Saksi ni Jehova at na isa ring asamblea ang kasalang iyon! Sa kabila ng mga natuklasan ko, naantig ako sa pag-ibig at pagkakaisa ng mapagpakumbabang mga taong ito. Nabautismuhan ako noong 1985 at nagsimulang magpayunir noong 1994. Ngayon, bautisado na ang lima sa aking anim na anak, at di-bautisadong mamamahayag naman ang aking bunso.”

KALAYAANG DUMALO SA MAS MALALAKING PAGTITIPON

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1980, medyo lumuwag ang mga kalagayan sa maraming lupaing Komunista kaya mas malayang nakapagtitipon ang mga Saksi ni Jehova. Noong 1989, mga 50 delegado mula sa Latvia ang dumalo sa “Makadiyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon sa Poland. “Sumulong ako sa espirituwal mula nang makisama ako sa lahat ng kapatid na iyon,” ang sabi ni Marija Andrišaka, isa nang special pioneer ngayon.

Noong 1990, mahigit 50 delegado mula sa Latvia ang dumalo sa “Dalisay na Wika” na Kombensiyon na ginanap din sa Poland. Isa sa kanila si Anna Mančinska, na puspusang nagsikap para makadalo. Natatandaan pa niya: “Nang papunta na ako sa istasyon ng tren, natuklasan kong naiwan ko ang ilang dokumentong kakailanganin ko para makatawid sa hangganan. Kaya nagtaksi ako pauwi, kinuha ang mga papeles, at bumalik sa istasyon pero nakaalis na pala ang tren. Nagmamadali akong pumunta sa susunod na istasyon pero nahuli pa rin ako. Sa katapusan, nagtaksi ako patungong Lithuania at naabutan ko sa wakas ang tren na 250 kilometro ang layo mula sa Riga. Magastos ang pagsakay ko sa taksi, pero sulit ang halaga!” Naglilingkod ngayon si Anna bilang miyembro ng pamilyang Bethel sa Latvia.

Sa wakas noong 1991, malaya nang nakapagdaos ang mga kapatid ng mga kombensiyon sa mga lugar na dating republika ng Sobyet. Maraming bus na punô ng mga delegado mula sa Latvia ang naglakbay patungong Tallinn sa Estonia upang dumalo sa “Mga Umiibig sa Makadiyos na Kalayaan” na Kombensiyon. Angkop na angkop nga ang tema!

Hinikayat ni Ruta Barakauska na taga-Vain̗ode ang kaniyang di-Saksing asawa, si Ādolfs, na samahan siya sa Tallinn. “Wala akong balak pumunta sa kombensiyon,” ang sabi ni Ādolfs. “Ang plano ko ay bumili ng mga piyesa para sa aking kotse. Pero matapos kong daluhan ang unang sesyon, hangang-hanga ako sa mga pahayag, sa pagiging palakaibigan ng mga Saksi ni Jehova, sa kanilang malinis na pananalita, at sa pag-ibig na ipinakita nila sa isa’t isa kaya dinaluhan ko ang buong kombensiyon. Pag-uwi namin, nag-aral ako ng Bibliya at sinikap na supilin ang aking pagiging magagalitin. Noong 1992, pareho na kaming bautisadong Saksi ni Jehova ng aking asawa.”

Noong mga unang taon ng dekada ng 1990, mahirap umarkila ng angkop na mga lugar para sa mga pandistritong kombensiyon sa Latvia, kaya karaniwan nang nagpupunta sa Estonia at Lithuania ang mga kapatid. Ang unang kombensiyon na idinaos sa Latvia ay “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Kombensiyon noong 1998 na ginanap sa malalaking awditoryum sa Riga. Hinati ang awditoryum sa tatlong seksiyon ayon sa wika: Latviano, Ruso, at Wikang Pasenyas sa Latviano. Pagkatapos ng huling panalangin, pumalakpak ang lahat, at marami ang napaluha sa kagalakan, anupat pinasasalamatan si Jehova para sa mahalagang pangyayaring ito.

PANAHON NG MABILIS NA PAGSULONG

Paglipas ng panahon ng Komunismo, bumilis nang husto ang pagsulong ng gawain sa Latvia. Subalit bago ang 1995, wala pang makukuhang Ating Ministeryo sa Kaharian sa wikang Latviano, kaya hindi mabisa kung minsan ang presentasyon ng mga kapatid sa larangan. Ngunit ang kakulangang ito ay napunan ng sigasig ng mga Saksi. Ganito ang paglalarawan ni Dace Šk̗ipsna kung paano niya unang narinig ang katotohanan: “Noong 1991, bumili ako ng isang aklat tungkol sa impiyerno at kabilang-buhay sa isang tindahan sa tabing-daan. Hindi pa ako nakalalayo nang may marinig akong boses sa aking likuran na nagsasabi, ‘Lason ang nabili mo!’

“Napahinto ako sa paglalakad. Dalawang Saksi ni Jehova—isang lalaki at ang kaniyang asawa—ang nagpakilala sa akin at nag-usap kami tungkol sa Bibliya. Sa katunayan, halos lahat ay pinag-usapan na namin: ang Hades, Gehenna, Pasko, krus, at sa wakas, ang mga huling araw! Sa totoo lang, medyo malabo sa akin ang ilang punto pero nagustuhan ko ang narinig ko. Kinuha namin ang numero ng telepono ng isa’t isa at nang sumunod na mga linggo, marami akong tanong sa Bibliya na sinagot ng mag-asawang Saksi.”

“MABUTI NA LANG AT HINDI AKO UMURONG”

Si Jānis Folkmanis ay isang kampeon sa weight lifting sa USSR, at naging kampeon siya ng Latvia sa kaniyang panghuling mga kompetisyon noong Marso 1993. Inilahad ni Jānis: “Noong 1992, inanyayahan ako ng isang katrabaho, si Jānis Cielavs, na sumama sa kaniyang pag-aaral sa Bibliya. Binago ng karanasang iyon ang buhay ko. Naging mamamahayag ako ng Kaharian pagkalipas ng tatlong buwan mula nang maging kampeon ako ng Latvia sa weight lifting. Nabautismuhan ako noong Agosto 1993. Nainis ang aking trainer nang magpatotoo ako sa gym. Mabuti na lang at hindi ako umurong. Ipaliliwanag ng mga kaibigan kong sina Eduards Eihenbaums at Edgars Brancis kung bakit.”

Eduards: “Inalok ako ni Jānis Folkmanis ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. ‘Kung talagang libre ’yan, puwede na tayong mag-umpisa ngayon mismo,’ ang sabi ko. Gayon nga ang ginawa namin! Tila makatuwiran naman ang natutuhan ko lalo na ang turo tungkol sa pagkabuhay-muli, na mas kapani-paniwala kaysa sa doktrina ng imortalidad ng kaluluwa. Nakipag-aral din ang aking asawa, at nabautismuhan kami noong 1995.”

Edgars: “Masigasig na nagpatotoo sa akin si Jānis sa gym. Apat na beses niya akong inalok na mag-aral ng Bibliya pero lagi akong tumatanggi. Ngunit tinanggap ko naman ang mga magasing Bantayan at Gumising! at ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Samantala, tinatanong ko ang aking sarili, ‘Bakit kaya naging interesado sa Bibliya ang isang sikat na atletang tulad niya?’ Nanaig ang aking pagkamausisa at nagsimula akong makipag-aral. Ang resulta? Nabautismuhan ako noong 1995 at isa nang special pioneer ngayon.”

Kinailangang daigin ng ilan ang mga bisyo upang mapalugdan ang Diyos. Halimbawa, malakas uminom ng alak si Aivars Jackevičs. Ayon sa kaniya, “kapag dulo ng sanlinggo, ang almusal namin ay serbesa na sinusundan ng isang bote ng vodka hanggang sa malasing kami. Isang gabi ng Enero 1992, nasa bahay ako habang nakabenda ang aking kamay. Lumung-lumo ako at nagbabalak magpatiwakal. Ninakawan ako habang lasing na lasing. Narinig kong may kumatok sa pinto. Kapitbahay ko pala na maraming beses nang nakipag-usap sa akin tungkol sa Bibliya. Nag-usap kami, inalukan niya ako ng pag-aaral sa Bibliya, at pumayag naman ako.

“Hindi ako umiinom sa mga araw na mag-aaral kami kaya nakatulong ito upang sumulong ako. Nagsimula akong makipag-aral nang tatlong beses sa isang linggo nang malaman ko ang tunay na kalagayan ng mga patay at na hindi pala ako masusunog sa apoy ng impiyerno—bagay na lagi kong kinatatakutan. Wala pang apat na buwan, naging di-bautisadong mamamahayag ako. Subalit nagbababala sa atin ang Bibliya, ‘Siyang nag-iisip na nakatayo ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.’ Isang kamangmangan nga nang makipag-inuman ako isang gabi sa masasamang kasama hanggang sa malasing kami, at naisip ko na namang magpatiwakal. Subalit maawain at matiisin si Jehova, at tinulungan ako ng ilang maibiging kapatid. Isa ngang aral ang karanasang iyon! Noong 1992, nabautismuhan ako at miyembro na ngayon ako ng pamilyang Bethel sa Latvia.”—1 Cor. 10:12; Awit 130:3, 4.

Kinailangan din ni Māris Krūmin̗š, naglilingkod din ngayon sa Bethel, na gumawa ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay upang paglingkuran si Jehova. “Pagkatapos magsundalo,” ang paliwanag ni Māris, “nasiphayo ako sa buhay. Pagkaraan, napatalsik ako sa pamantasan dahil sa pagliban sa mga klase. Palibhasa’y walang layunin sa buhay, nasangkot ako sa krimen, at isang gabi ay naaresto ako matapos makipag-away dahil sa kalasingan. Habang nakaupo sa aking selda, naisip ko ang mga batas na nilabag ko at natantong marami sa mga ito sa katunayan ay galing sa mga batas ng Diyos. Sa unang pagkakataon sa aking buhay, nanalangin ako sa Diyos upang humingi ng kapatawaran at sumumpang hahanapin ko siya.

“Nang makalaya ako, dumalo ako sa iba’t ibang simbahan pero hindi ako nasiyahan. Kaya sinimulan kong basahin ang Bibliya at iba pang relihiyosong aklat. Noong 1990, nakatagpo ko ang isang dating kaeskuwela habang nakasakay ako sa isang tren at nalaman kong isa siyang Saksi ni Jehova. Sa maikling biyaheng iyon, binuksan ni Jehova ang aking puso habang nakikinig ako sa pagpapaliwanag ng isang matagal nang kaibigan tungkol sa layunin ng Diyos sa sangkatauhan at sa dahilan ng pagdurusa sa daigdig. Nag-aral ako ng Bibliya at naging mamamahayag noong 1991. Nabautismuhan ako noong 1992. Pagkaraan ng isang taon, naging miyembro ako ng pamilyang Bethel sa Latvia, at noong 1995, pinakasalan ko si Simona, isang payunir na taga-Finland.”

Si Edgars Endzelis ay nag-aaral ng abogasya. “Noong mga unang taon ng dekada ng 1990,” ang sabi ni Edgars, “napipinto na ang pulitikal na pagbabago. Nag-aaral ako ng abogasya sa Riga, at pinag-uusapan ng maraming estudyante ang tungkol sa layunin ng buhay. Nagbasa ako ng mga aklat tungkol sa pilosopiya at Silanganing relihiyon. Nagsasagawa rin ako ng isang uri ng martial arts na tinatawag na aikido. Pagkatapos ay nakilala ko at ng aking asawang si Elita ang mga Saksi ni Jehova.

“Sa unang pulong na dinaluhan namin, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid na nagsasalita ng Ruso at ng Latviano. Lubha kaming naantig ng ganitong taimtim na pag-iibigan. Kasabay nito, nabigla ako nang sabihin ng aking guro sa martial arts na ang mga nagsasagawa lamang ng Zen Buddhism ang magiging dalubhasa sa aikido. Kaya naman, tinalikuran ko ang aikido! Di-nagtagal, ipinagupit ko ang mahaba kong buhok at nabautismuhan kami ni Elita noong Marso 1993. Mula noon, nagkapribilehiyo ako na gamitin ang aking kaalaman sa batas upang tumulong sa ‘sa pagtatanggol at sa legal na pagtatatag ng mabuting balita’ sa Latvia.”—Fil. 1:7.

NASUBOK ANG PANANAMPALATAYANG KRISTIYANO

Noong 1993, nasubok ang pananampalataya ng apat na estudyante ng musika sa Jelgava nang atasan ang kanilang koro na umawit sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Ipinasiya ng mga babae na palugdan ang Diyos bagaman bago pa lamang sila sa katotohanan. Kaya sumulat sila sa direktor ng koro upang magalang na hilingin sa kaniya na huwag silang isali sa okasyong iyon dahil sa kanilang budhing Kristiyano. Paano tumugon ang direktor? Sumulat siya ng ultimatum sa mga magulang ng mga babae, anupat sinasabi na patatalsikin sa paaralan ang mga estudyante kung hindi sila aawit. Si Jehova ang sinunod ng mga babae gaya ng ginawa ng tatlong Hebreo.—Dan. 3:14, 15, 17; Gawa 5:29.

Isa si Dace Puncule sa mga babaing iyon. Ganito ang natatandaan niya: “Panalangin sa Diyos at suporta ng mga kapatid ang nakatulong sa amin na manatiling tapat. Pinatalsik kami sa paaralan, pero hindi ko kailanman pinagsisihan na nanindigan akong matatag sa katotohanan. Sa katunayan, inalagaan akong mabuti ni Jehova. Pagkaraan lamang ng ilang buwan, nakapagtrabaho ako sa isang opisina ng mga abogado, at ang karanasan ko roon ay nakatulong sa akin nang bandang huli sa Bethel, kung saan naglilingkod ako mula 2001.”

Nasubok din ang katapatan ng ilan dahil sa isyu hinggil sa dugo. Noong Setyembre 6, 1996, nabangga ng kotse ang 17-anyos na si Yelena Godlevskaya at nagkaroon siya ng maraming bali sa kaniyang balakang. Palibhasa’y may-gulang sa espirituwal, determinado si Yelena na umiwas sa dugo. (Gawa 15:29) Karamihan sa mga doktor noon sa Latvia ay hindi pamilyar sa mga paraan ng paggamot na walang pagsasalin ng dugo, kaya tumanggi ang mga doktor sa ospital na isagawa ang kinakailangang operasyon. Pagkaraan ng mga isang linggo, dalawang doktor ang walang-awang nagpumilit na magsalin ng dugo kay Yelena sa alanganing oras ng gabi, at namatay siya.

Hindi pa Saksi noon ang ina ni Yelena na si Marina. Ganito ang sabi ni Marina: “Kahanga-hangang makita ang matibay na pananampalataya ng aking anak kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. Hindi siya nakipagkompromiso.” Bautisado na ngayon si Marina, anupat inaasam-asam niya at ng kaniyang pamilya na mayakap si Yelena sa pagkabuhay-muli.—Gawa 24:15.

NATUGUNAN NG MGA LALAKING MAY-GULANG SA ESPIRITUWAL ANG MAHALAGANG PANGANGAILANGAN

Dahil sa mabilis na pagdami ng mga mamamahayag, kinailangan ang mga lalaking may-gulang sa espirituwal para manguna. Noong 1992, tatlong kapatid na nagsasalita ng Latviano ngunit lumaki sa Estados Unidos ang inalok na maglingkod bilang mga misyonero sa Latvia. Kasama ang kani-kanilang asawa, sila ay sina Valdis at Linda Purin̗š, Alfreds at Doris Elksnis, at si Ivars Elksnis na kapatid ni Alfreds. Dumating silang lima sa Riga noong Hulyo 1992. Ang kanilang apartment na may apat na silid ay naging tahanan ng mga misyonero, depo ng literatura, at sentro sa pagsasalin.

Nakatutulong ang pagiging mapagpatawa kapag nag-aaral ng ibang wika. “Habang nagdaraos ng pag-aaral sa dalawang kabataang babae,” ang kuwento ni Doris Elksnis, “sinubukan kong ipaliwanag kung paano nakipag-usap si Satanas kay Eva sa pamamagitan ng isang ahas. Pero nagamit ko ang isang salitang Latviano na halos katunog ng salita para sa ‘ahas.’ Ang resulta? Nasabi kong nagsalita ang Diyablo sa pamamagitan ng isang baboy!”

Noong 1994, dumating sina Peter at Jean Luters mula sa Australia. Si Peter, na nabautismuhan noong 1954, ay isinilang sa Latvia pero lumaki sa Australia. Nakalulungkot dahil namatay noong 1999 si Jean, na napamahal sa lahat dahil sa kaniyang pag-ibig at kabaitan. Ipinasiya ni Peter na manatili sa Latvia at miyembro siya ngayon ng Komite ng Sangay. “Nang dumating kami,” sabi ni Peter, “nasumpungan naming masisigasig na mangangaral ang mga kapatid na Latviano. Pero wala pang nakaatas na espesipikong teritoryo ang mga kongregasyon, at may mga bahagi pa ng Riga na hindi napangangaralan. Gayundin, iilang kongregasyon lamang ang regular na nagsasaayos ng mga pahayag pangmadla. Nilutas agad ang mga problemang ito.”

MALAKING TULONG ANG MGA NAGTAPOS SA GILEAD

Dumating noong mga unang buwan ng 1993 ang mga unang misyonerong sinanay sa Gilead. Ang mga mag-asawang sina Anders at Agneta Berglund at sina Torgny at Lena Fridlund na pawang taga-Sweden ay inatasan sa Jelgava, isang lunsod na may 28 mamamahayag para sa populasyon na mahigit sa 60,000. “Pagdating namin,” sabi ni Anders, na miyembro ngayon ng Komite ng Sangay, “sumama na kami sa mga kapatid sa paglilingkod sa larangan, at naging abalang-abala kami! May mga araw na halos tumatakbo na kami kasama nila papunta sa sunud-sunod na mga pag-aaral sa loob ng pito o walong oras nang hindi man lamang nagpapahinga para kumain! Nakapagpapasigla ang kanilang sigasig. Marami sa mga estudyante noon ay nasa buong-panahong paglilingkod na ngayon.”

Ganito ang natatandaan ni Torgny Fridlund: “Pagkatapos ng tatlong-buwang kurso sa wika, inakala naming kaya na naming makipag-usap sa mga tao nang kami lamang. Pumili kami ng teritoryong hindi pa napangangaralan mula noong Digmaang Pandaigdig II pero walang gaanong tumugon. Mali ba ang pamamaraan namin? Matapos pag-usapan ang bagay na iyon, sinubukan namin ang ibang pamamaraan—pagbasa ng isang teksto sa bawat may-bahay. Pagkaraan nito, nakapagsimula kami ng ilang pag-aaral.”

May dumating pang mga nagtapos sa Gilead noong Abril 1995. Kabilang sa kanila sina Basse at Heidi Bergman mula sa Finland, at sila ngayon ay nasa gawaing paglalakbay sa isang sirkito sa wikang Ruso. “Hiniling ko sa mga kapatid doon na ituwid ako kapag may nasabi akong mali sa ministeryo,” ang sabi ni Basse. “Sabik na sabik naman silang tumugon anupat agad akong itinutuwid hindi lamang sa larangan kundi pati na sa mga pulong! Ngayon, natutuwa ako kapag naririnig kong sinasabi ng mga kapatid, ‘Katulad na natin si Basse.’”

Naglingkod na magkasama sa Latvia sina Carsten at Jannie Ejstrup na galing sa Denmark hanggang sa mamatay sa kanser si Jannie, na mahigit lamang 30 anyos noon. “Ang pinakamainam na paraan upang maparangalan ko si Jehova,” sabi ni Carsten, “ay ang magpatuloy nang tapat sa aking atas bilang misyonero.” Napakahusay ngang halimbawa ang gayong mga kapatid!

DUMATING ANG MGA NAGTAPOS SA MINISTERIAL TRAINING SCHOOL

Mula 1994, mahigit 20 nagtapos sa Ministerial Training School sa Alemanya, Britanya, at Poland ang inatasan sa Latvia. Unang dumating sina Michael Udsen at Jess Kjaer Nielsen mula sa Denmark. Inatasan sila sa industriyal na lunsod ng Daugavpils, ang pangalawa sa pinakamalaking lunsod sa Latvia.

Ganito ang sabi ni Jess: “Isang maginaw na hapon ng Enero nang pumunta kami sa Daugavpils, na may layong 240 kilometro sa timog-silangan ng Riga. Sa katunayan, umuulan ng niyebe sa Riga nang sumakay kami sa sasakyan—isang lumang van na punô ng literatura. Hindi marunong magsalita ng Ingles ang kapatid na nagmamaneho, at hindi rin kami marunong ng wikang Latviano o ng Ruso. Sa bawat 50 kilometro o higit pa na malalakbay namin, hihinto siya at aayusin ang makina. Isang bagay ang tiyak, hindi heater ang inaayos niya; pareho na kasi ang lamig sa loob at labas ng sasakyan! Pero nakaraos kami sa matagtag na biyaheng iyon at dumating kami sa Daugavpils nang maghahatinggabi na. Noon, 16 ang mamamahayag sa lunsod. Sa pagtatapos ng sumunod na taon, halos doble na ang bilang na iyon.”

PAGSASALIN SA LATVIANO

Bago ang 1992, makukuha lamang ang literatura sa wikang Ruso, ang wika ng karamihan sa mga Latviano. Pero marami pa rin ang may gusto ng kanilang sariling wika. “Kapansin-pansin,” ang sabi ng ulat, “kabilang sa ilang daang bagong mamamahayag ang ilan na may kakayahang magsalin, at nakikita naming pinapatnubayan ng banal na espiritu ng Diyos ang gawain ng boluntaryo at kabataang mga kapatid na ito.”

Dahil sa pagpapagal ng mga tagapagsalin, nailalathala na nang minsan sa isang buwan Ang Bantayan sa wikang Latviano mula Enero 1995 at naging dalawang beses sa isang buwan noong Enero 1996. Kabilang sa mga publikasyong makukuha na ngayon sa wikang Latviano ang ilang aklat, brosyur, at ang magasing Gumising!

Mga unang buwan noon ng 1993 nang lumipat ang pangkat ng mga tagapagsalin mula sa masikip na mga silid sa tahanan ng mga misyonero sa Riga tungo sa isang apartment sa Kalye Brīvības. Pagkaraan, noong Agosto 1994, lumipat na sila sa bagong-ayos na mga tanggapan sa 40 Kalye Miera. Paano nagkaroon ang mga kapatid ng ganitong bagong lugar?

DI-BIRONG REGALO

Lumikas si George Hakmanis at ang asawa niyang si Sigrid sa Latvia noong Digmaang Pandaigdig II. Natutuhan ng mag-asawa ang katotohanan sa London, Inglatera, at nabautismuhan sila noong 1951. Nang sumunod na taon, nanirahan sila sa Estados Unidos, at noong 1992, bumalik sila sa Latvia para mamalagi roon nang limang taon.

Nang tumiwalag ang Latvia sa Unyong Sobyet noong 1991, maaari nang bawiin ng mga tao ang kanilang mga ari-arian na kinuha ng Estado. Iningatan ni Sigrid at ng kaniyang ate, na isa ring Saksi, ang mga dokumento ng pamilya sa loob ng mahigit 50 taon, kaya nabawi nila ang ari-arian na nasa 40 Kalye Miera. Pagkaraan, may-kabaitan nilang ibinigay ito sa organisasyon ni Jehova. Inayos naman ito ng mga kapatid upang maging sentro sa pagsasalin ang gusali na may limang palapag at maging tirahan ng 20 katao.

Dumalo si Milton G. Henschel ng Lupong Tagapamahala sa pag-aalay noong Agosto 20, 1994. Habang naroroon, pinayuhan niya ang mga kapatid na bilhin ang kalapit na lote sa 42 Kalye Miera, na may gusaling anim na palapag. Pumayag namang ipagbili ito ng may-ari na nasa Estados Unidos. Inayos din nang husto ang gusaling ito at umabot sa 35 ang miyembro ng pamilyang Bethel. Mula noon, nagdagdag pa ng mga tanggapan at silid para sa kabuuang 55 Bethelite.

LEGAL NA PAGKILALA

Patuloy na naging isang hamon ang legal na pagpaparehistro ng gawain sa Latvia. Noong 1996, ginamit ng mga opisyal ang masamang publisidad tungkol kay Yelena Godlevskaya bilang saligan sa pagtanggi nila sa pagrerehistro. Ipinahiwatig pa nga ng isang miyembro ng parlamento na posibleng ipagbawal ang ating gawain! Gayunpaman, patuloy na nakipagkita ang mga kapatid sa mga opisyal upang ipaliwanag ang ating gawain. Sa wakas, noong Oktubre 12, 1998, inianunsiyo ng direktor ng National Human Rights Office ang legal na pagkilala sa dalawang kongregasyon—Riga Center at Riga Torn̗akalns—sa loob ng isang taon bilang pagsubok. Pagkaraan ng isang buwan, nairehistro rin ang kongregasyon sa Jelgava.

Kahilingan sa batas ng Latvia na magparehistro ang mga bagong kongregasyon taun-taon. Upang makakuha ng permanenteng rehistro, kailangang magparehistro ang di-kukulangin sa sampung kongregasyon sa loob ng sampung taon. Samantala, nakapagtitipon din nang walang hadlang mula sa pamahalaan ang mga kongregasyong naghihintay na mairehistro.

PAGHAHANAP NG MGA DAKONG PAGPUPULUNGAN

Kinailangan ang mas malalaking dakong pagpupulungan dahil sa mabilis na pagsulong noong dekada ng 1990. Noong 1997, isinubasta sa publiko ang isang angkop na lugar sa Daugavpils, at ang mga kapatid lamang ang nag-alok na bibili. Sinimulan ang pag-aayos noong Disyembre 1998, at pagkaraan ng walong buwan, tuwang-tuwa ang mahigit 140 mamamahayag sa lunsod na iyon na magtipon sa kanilang sariling Kingdom Hall.

Ang kauna-unahang bagong Kingdom Hall ay naitayo sa Jūrmala noong 1997. Gayon na lamang ang paghanga ng isang estudyante ng Bibliya roon sa kalidad ng pagtatayo anupat hiniling niya sa mga Saksi na sila ang magtayo ng kaniyang bahay! Sabihin pa, tumanggi ang mga kapatid at ipinaliwanag na ang ating gawain ay pangunahin nang may kinalaman sa pagsamba. Samantala, nabili sa mas mababang halaga ng mga kapatid sa Torn̗akalns sa lugar ng Riga ang isang nasunog na sinehan. Noong Agosto 1998, ang nasunog na gusali ay naging isang maganda at dalawahang Kingdom Hall!

TULONG MULA SA FINLAND

Maraming naitulong ang mga kapatid sa Finland para sa ikasusulong ng gawain sa Latvia, na pinangasiwaan pa nga ng Finland mula 1992 hanggang 2004. Sa Finland din iniimprenta ang lahat ng magasin para sa Latvia at sa loob ng maraming taon, nanggagaling pa roon ang may-kakayahang mga kapatid na nangangasiwa. Kabilang sa kanila si Juha Huttunen at ang asawa niyang si Taina, na dumating sa Latvia noong 1995. Miyembro ngayon ng Komite ng Sangay si Juha. Malaking tulong din sa gawain sina Ruben at Ulla Lindh, na kung pagsasamahin ang mga taóng ginugol nila sa buong-panahong paglilingkod ay aabot nang mahigit sa 80 taon. Naging miyembro ng Komite ng Bansa sa Latvia si Brother Lindh nang apat na taon bago siya bumalik sa Finland.

Bukod dito, mahigit 150 kapatid mula sa Finland ang nakatulong sa iba’t ibang proyekto sa pagtatayo. Dahil sa lahat ng pagpapagal at pag-ibig na ito kalakip ang saganang pagpapala ni Jehova sa ministeryo ng mga mamamahayag, payunir, at mga misyonero sa Latvia, nagkaroon ng sangay sa bansa noong Setyembre 1, 2004.

PANTANGING KAMPANYA SA PANGANGARAL

Karamihan sa mga mamamahayag sa Latvia ay nakatira sa mga lunsod at malalaking bayan o malapit dito. Noong mga unang buwan ng 2001, nakatanggap ang mga kongregasyon ng isang liham na nag-aanyaya sa mga mamamahayag na gamitin ang bahagi ng kanilang bakasyon sa isang pantanging kampanya ng pangangaral sa liblib na mga lugar. Hinati sa siyam na grupo ang 93 mamamahayag na nagboluntaryo at inatasan sa ilang bayan sa kabukiran at mga nayon.

Nagbakasyon ang Bethelite na si Vjačeslavs Zaicevs upang makasama siya sa kampanya. “Napakagandang pagkakataon iyon para makilala nang higit ang ibang mga kapatid,” ang sabi niya. “Pagkatapos magpatotoo, sama-sama kaming kumain, nagkuwento ng mga karanasan, at nagplano para sa susunod na araw. Saka kami naglaro ng soccer at nagpalamig sa isang lawa. Para kaming nasa Paraiso.”

Gumugol ang mga kapatid ng mahigit 4,200 oras sa ministeryo—may aberids na mahigit 41 oras ang bawat mamamahayag—nakapagpasakamay ng mahigit 9,800 piraso ng literatura, nakagawa ng 1,625 pagdalaw-muli, at nakapagdaos ng 227 pag-aaral sa Bibliya. Mula noon, nagsaayos na ng katulad na mga kampanya taun-taon.

NASUSUMPUNGAN NG MARAMI ANG LANDAS SA TUNAY NA KALAYAAN

Nagsimula ang ating kuwento kay Ans Insberg, isang Latviano na taos-pusong nanalangin sa Diyos isang mabituing gabi habang nasa dagat. Nais masumpungan ni Ans ang mga taong sumasamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Dininig ni Jehova ang taimtim na kahilingang iyon. Mula noon, mahigit 2,400 iba pang tapat-pusong mga tao sa Latvia ang nakaalam ng espirituwal na katotohanan, at halos kasindami nito ang nag-aaral ng Bibliya. Oo, marami pang dapat gawin!—Mat. 9:37, 38.

Sabik ang mga Saksi ni Jehova sa Latvia na matulungan ang lahat ng nagnanais ng tunay na kalayaan, hindi sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila sa isinasagisag ng Monumento ng Kalayaan sa Kalye Brīvības, kundi sa pamamagitan ng pag-akay sa kanila sa Kaharian ng Diyos. Malapit nang mapalaya sa lahat ng kirot at pagdurusa ang mga nasasabik sa Kahariang iyan at sumasamba kay Jehova “sa espiritu at katotohanan.” Oo, matitikman nila ang tunay na kalayaan—“ang maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.

[Talababa]

a Inilathala ang talambuhay ni Yurii Kaptola sa Ang Bantayan, Setyembre 1, 2005.

[Blurb sa pahina 190]

“Hindi ko kailanman malilimutan ang aking bautismo. Nangyari iyon sa alanganing oras ng gabi sa isang ilog na sinlamig ng yelo. Nanginginig sa lamig ang buong katawan ko, pero masayang-masaya ako.”

[Blurb sa pahina 203]

‘May narinig akong boses sa aking likuran na nagsasabi, “Lason ang nabili mo!”’

[Kahon/Mga mapa sa pahina 184, 185]

MAIKLING IMPORMASYON—Latvia

Lupain

Ang Latvia ay may sukat na mga 450 kilometro mula silangan hanggang kanluran at 210 kilometro mula hilaga hanggang timog. Mga 45 porsiyento ng lupain ay kagubatan. Matatagpuan dito ang mga hayop na tulad ng beaver, usa, elk, musang, otter, poka, baboy-ramo, at lobo. Kasali sa maraming uri ng ibon ang itim na siguana, kandangaok, nightingale, at tariktik.

Mamamayan

Mahigit sangkatlo ng 2.3 milyong mamamayan ang naninirahan sa Riga, ang kabisera. Luterano, Romano Katoliko, at Ruso Ortodokso ang pangunahing mga relihiyon. Gayunman, sinasabi ng karamihan sa mga Latviano na hindi sila relihiyoso.

Wika

Ang mga pangunahing wika ay Latviano, na sinasalita ng mga 60 porsiyento ng mga tao, at Ruso, na sinasalita naman ng mahigit sa 30 porsiyento. Marami ang nagsasalita ng mahigit sa isang wika.

Kabuhayan

Halos 60 porsiyento ng populasyon ay nagtatrabaho sa mga industriya na naglalaan ng serbisyo, samantalang ang natitirang bahagi ay nagtatrabaho sa mga pabrika, nagsasaka, o naghahayupan.

Pagkain

Kabilang sa mga produkto ng mga sakahan ang patatas, sebada, sugar beet, iba’t iba pang gulay, at binutil. Baka, kambing, baboy, at tupa ang mga alagang hayop. Karaniwan din ang manok at iba pang tulad nito.

Klima

Matindi ang halumigmig at karaniwang maulap ang kalangitan. Medyo malamig kapag tag-araw, at hindi masyadong maginaw ang taglamig.

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ESTONIA

RUSSIA

LATVIA

Valmiera

RIGA

Jūrmala

Sloka

Tukums

Ventspils

Kuldīga

Liepaja

Vain̗ode

Jelgava

Daugavpils

LITHUANIA

DAGAT BALTIC

Gulpo ng Riga

[Larawan]

Riga

[Kahon/Mapa sa pahina 186]

Ang Apat na Rehiyon ng Latvia

Karaniwang hinahati ang Latvia sa apat na rehiyon ayon sa heograpiya at kultura, na bawat isa ay may sariling katangian at kagandahan. Malapit sa Gulpo ng Riga ang Vidzeme, ang pinakamalaking rehiyon at kinaroroonan ng Riga na kabisera ng Latvia, at ng makasaysayang mga bayan ng Sigulda at Cēsis, na kilala naman sa mga kastilyo nito. Sa silangan, matatagpuan ang mabababang lupain at bughaw na mga lawa ng Latgale at ang pangalawa sa pinakamalaking lunsod sa bansa, ang Daugavpils. Tinawag na breadbasket (pangunahing pinagkukunan ng butil) ng Latvia ang Zemgale, na nasa timog ng Western Daugava River na dumadaloy sa Latvia mula Belarus hanggang sa Gulpo ng Riga. Ipinagmamalaki ng rehiyon ang dalawang maringal na palasyong may istilong baroko na dinisenyo ng Italyanong arkitektong si Rastrelli, na siya ring nagdisenyo ng Winter Palace sa St. Petersburg, Russia. May mga bukirin, gubat, at mga dalampasigan sa ikaapat na rehiyon, ang Kurzeme, na binubuo ng Baybaying Baltic, mga lunsod ng Ventspils at Liepaja, at ng maraming pangisdaang nayon.

[Mapa]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

1 VIDZEME

2 LATGALE

3 ZEMGALE

4 KURZEME

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 192, 193]

Binago ng Pagpapatotoo sa Isang Klerigo ang Buhay Naming Dalawa

ANNA BATNYA

ISINILANG 1958

NABAUTISMUHAN 1977

MAIKLING TALAMBUHAY Pinalaki sa isang Kristiyanong tahanan sa Ukraine. Natulungan niyang magpabautismo ang mahigit 30 katao at naglilingkod siya ngayon bilang special pioneer.

NANG mabalitaan ko na kailangan ang mga mamamahayag sa Latvia, lumipat ako roon noong 1986. Hindi kami makapangaral nang hayagan, kaya itinatago ko ang aking Bibliya sa supot ng groseri at nilalapitan ko ang mga tao sa mga parke at iba pang pampublikong lugar. Pag-asa ukol sa Kaharian ang itinatawag-pansin namin at ginagamit lamang namin ang Bibliya kapag positibo ang tugon ng aming kausap. Dahil takót ang mga tao sa kanilang mga kamag-anak o mga kapitbahay, bihira nila kaming anyayahan sa kanilang tahanan, kaya karaniwang nakikipag-aral kami sa mga interesado sa mga lugar kung saan kami puwedeng magkita.

Iilan lamang ang literatura. Sa katunayan, sa loob ng ilang taon, ang kongregasyon namin ay may isa lamang kopya ng pantulong sa pag-aaral ng Bibliya na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan sa wikang Ruso. Ginagamit namin sa larangan ang natutuhan namin sa aklat na ito, pero hindi ito ipinamamahagi sa publiko!

Habang nagpapatotoo malapit sa isang simbahan, nakilala namin ng kasama ko si Pyotr Batnya na isang klerigo. Upang masimulan ang pag-uusap, tinanong namin siya kung saan kami makabibili ng Bibliya. “Interesado rin ako sa Bibliya,” ang sagot niya. Pagkatapos ay naging kasiya-siya ang aming pag-uusap. Kinabukasan, nakita namin si Pyotr sa isang kalapit na parke, ipinakita namin sa kaniya ang talaan ng nilalaman ng aklat na Katotohanan, at tinanong siya kung ano ang gusto niyang pag-usapan. Pinili niya “Ang Popular na mga Kaugaliang Hindi Nakalulugod sa Diyos.” Naging isang mabungang pag-uusap iyon at humantong sa regular na pag-aaral sa Bibliya na pinangasiwaan ng isang brother.

Dahil mayroon na siyang tumpak na kaalaman sa Bibliya, tinanong ni Pyotr ang mga kapuwa klerigo at natuklasan niyang hindi nila maipaliwanag kahit ang mga saligang turo ng Bibliya! Di-nagtagal, nagbitiw si Pyotr sa simbahan at nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova.

Noong 1991, nagpakasal kami ni Pyotr at magkasamang nagpayunir. Nakalulungkot, namatay siya sa isang aksidente pagkaraan lamang ng ilang taon. Paano ko nakayanan iyon? Pangunahin na sa pamamagitan ng pagiging lubusang abala sa ministeryo at pagtulong sa iba na makilala “ang Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Cor. 1:3, 4) Sa katunayan, nagkapribilehiyo akong maatasan bilang special pioneer noong 1997.

[Larawan]

Pyotr

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 200, 201]

Inasam Ko ang Isang Makatarungang Pamahalaan

INDRA REITUPE

ISINILANG 1966

NABAUTISMUHAN 1989

MAIKLING TALAMBUHAY Dati siyang Komunista, ngunit nagpayunir noong 1990 at natulungang magpabautismo ang mahigit 30 katao.

NOONG nasa kabataan pa ako, hindi ako naniniwala sa Diyos ni sa Bibliya. Pero lagi akong naninindigan sa kung ano ang tama at hindi ko maintindihan kung bakit palaging nabibigo ang mga tao na magtatag ng mabuti at makatarungang pamahalaan.

Nang una kong makilala ang mga Saksi ni Jehova, namangha ako sa ipinakita nila sa akin mula sa Bibliya. May katuwiran sila! Naantig ako sa natutuhan ko tungkol sa pamamahala ng Kaharian at sa katarungang itinaguyod ni Jesus. Noong 1989, nabautismuhan ako sa isang lawa, at pagkaraan ng anim na buwan, naging regular pioneer ako. Noon, isa lamang ang anak naming mag-asawa. Nang maglaon, nagkaanak kami ng kambal. Isa ring Saksi ni Jehova ang asawa kong si Ivan, at dahil sa kaniyang maibiging suporta, nakapagpatuloy ako sa buong-panahong paglilingkod.

Nang maliliit pa ang mga bata, madalas akong magpatotoo sa di-pormal na paraan sa mga kalye at parke. Sa katunayan, malaking tulong ang kambal dahil nakukuha nila ang pansin ng mga tao at nagiging magaan ang loob ng mga ito kaya nakakausap ko sila.

Habang nagpapatotoo sa isang parke sa Riga, nakilala ko si Anna. Nakaupo siya sa isang bangkô, nakabili na ng tiket at naghihintay na lamang na magsimula ang isang konsyerto. Pero sabik siyang matuto nang higit tungkol sa pag-asang binabanggit ng Bibliya para sa sangkatauhan kaya hindi na niya pinanood ang konsyerto. Nagbasa kami ng mga teksto at nagkasundong magkita uli sa parke. Pagkalipas ng anim na buwan, naging kapatid natin si Anna (kanan) at kabilang siya ngayon sa pangkat ng mga tagapagsalin sa sangay. Oo, nag-uumapaw ang puso ko sa kagalakan kapag ginugunita ko ang pagpapala ni Jehova sa aking ministeryo.

[Larawan]

Kasama ng aking pamilya

[Kahon/Larawan sa pahina 204, 205]

Parang Nabasa Nila ang Isip Ko

ANDREY GEVLYA

ISINILANG 1963

NABAUTISMUHAN 1990

MAIKLING TALAMBUHAY Makikita sa larawan kasama ng kaniyang asawang si Yelena, naglilingkod bilang payunir, kahaliling tagapangasiwa ng sirkito, at tagapangasiwa ng lunsod.

HABANG nasa tren patungo sa Riga noong Enero 1990, tinanong ako ng dalawang babae kung nabasa ko na ang Bibliya. Parang nabasa nila ang isip ko dahil matagal ko nang gustong basahin ang Bibliya pero hindi ako makakuha ng isang kopya. Ibinigay ko kay Indra Reitupe, isa sa mga babae, ang aking adres at numero ng telepono. (Tingnan ang kahon sa pahina 200-201.) Pagkalipas ng ilang araw, dumating sila sa aking bahay at nasumpungan akong sabik na naghihintay sa kanilang pagdalaw. Humanga ako sa mahusay na paggamit nila ng Bibliya upang sagutin ang aking mga tanong. Di-nagtagal, nagsimulang makipag-aral sa akin si Pyotr Batnya, isang dating klerigo na naging buong-panahong ministro.—Tingnan ang kahon sa pahina 192-3.

Pagkaraan ng apat na buwan, dumalo ako sa pulong sa unang pagkakataon. Minsan sa isang buwan tuwing tag-araw, idinaraos ang mga pulong sa kagubatan mula alas 10:00 n.u. hanggang alas 6:00 n.g. Tinatalakay ng mga kapatid ang piniling mga bahagi sa iskedyul ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod, at karaniwang may nababautismuhan kaya nangangahulugang may pahayag sa bautismo bago ang pahinga sa tanghali.

Maligayang-maligaya ako dahil sa bagong kaalamang nasumpungan ko at sa pag-ibig na nadarama ko sa mga pulong. Gusto kong magpabautismo sa lalong madaling panahon. Dumating ang pagkakataong iyan noong katapusan ng Agosto nang taon ding iyon, at nabautismuhan ako sa isang lawa.

Noong mga unang taon ng dekada ng 1990, nakapagdaos ako ng pag-aaral sa Bibliya sa ilang tao sa aking art studio. Naging espirituwal na kapatid ko ang ilan sa kanila. Noong 1992, labis akong pinagalak ni Jehova—naging espirituwal na kapatid ko rin ang aking minamahal na asawang si Yelena.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 208, 209]

Nakauwi Ako Makalipas ang 50 Taon

ĀRIJA B. LEIVERS

ISINILANG 1926

NABAUTISMUHAN 1958

MAIKLING TALAMBUHAY Siya ay katutubong Latviano at nanirahan sa ilang bansa bago bumalik sa Latvia upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan.

NOONG Digmaang Pandaigdig II, ipinasiya ni Itay na lisanin ng aming pamilya ang Latvia. Nang maglaon ay nakapag-asawa ako at nanirahan kami ng asawa ko sa Venezuela. Doon ko unang nakilala ang mga Saksi ni Jehova at pumayag akong mag-aral ng Bibliya sa aming tahanan sa tulong ng isang misyonera. Aleman ang ginagamit naming wika sa pag-aaral. Nang dumadalo na ako sa mga pulong, natuto ako ng Kastila, ang opisyal na wika sa Venezuela.

Noong 1958, lumipat ang aming pamilya sa Estados Unidos at nabautismuhan ako roon pagkaraan ng dalawang buwan. Nang mamatay ang aking asawa, lumipat kami ng anak kong babae sa Espanya at doon ako nagpayunir. Diktador noon si Heneral Franco, at uháw sa katotohanan ang mga taong mapagpakumbaba at may takot sa Diyos. Sa pamamalagi ko nang 16 na taon sa Espanya, nagkapribilehiyo akong matulungang mabautismuhan ang mga 30 katao.

Nang bumagsak ang Komunismong Sobyet noong 1991, dumalaw ako sa Latvia at nakita ko na kailangang-kailangan doon ang mga tagapaghayag ng Kaharian. Natupad ang pangarap kong makabalik upang magpayunir sa aking lupang tinubuan noong 1994—eksaktong 50 taon mula nang umalis ako.

Talagang handang-handa na sa espirituwal na pag-aani ang teritoryo sa Latvia. Halimbawa, nakapagpatotoo ako sa isang lalaki na humiling ng isa sa ating mga aklat. Ayon sa kaniya, interesado ang kaniyang anak na babae sa espirituwal na mga bagay kaya ibig niyang ibigay rito ang aklat. Kinuha ko ang adres ng kaniyang anak, napasimulan ang pag-aaral sa Bibliya, at nabautismuhan ito pagkaraan ng isang taon. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagbibigay sa akin ng pribilehiyo at lakas na magpayunir sa aking lupang tinubuan pagkaraan ng napakatagal na panahon.

[Larawan]

Nang 20 anyos ako

[Chart/Graph sa pahina 216, 217]

TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI—Latvia

1916 Nabautismuhan ang mandaragat na si Ans Insberg. Pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig I, ipinaanunsiyo niya ang Kaharian ng Diyos sa mga pahayagan sa Latvia.

1920

1926 Itinatag ang tanggapan sa Riga.

1928 Inilabas ang buklet na Freedom for the Peoples, ang unang publikasyon sa wikang Latviano. Dumating ang mga colporteur mula sa Alemanya.

1931 Naging tagapangasiwa ng tanggapan si Percy Dunham.

1933 Inirehistro ang International Bible Students Association (IBSA).

1934 Ipinasara ng pamahalaan ang tanggapan ng IBSA.

Walang ulat na nakuha mula 1939 hanggang 1992.

1940

1940 Naging bahagi ng Unyong Sobyet ang Latvia; kinailangang umalis ang mag-asawang Dunham.

1951 Ipinatapon sa Siberia ang mga Saksi.

1960

1980

1991 Nabawi ng Latvia ang pulitikal na kasarinlan nito.

1993 Dumating ang mga unang misyonerong sinanay sa Gilead.

1995 Inilathala minsan sa isang buwan Ang Bantayan sa wikang Latviano.

1996 Binuo ang Komite ng Bansa sa Riga.

1997 Naitayo ang kauna-unahang bagong Kingdom Hall sa Jūrmala.

1998 Legal na inirehistro ang dalawang kongregasyon sa Riga.

2000

2001 Inorganisa ang unang pantanging kampanya sa pangangaral.

2004 Naging sangay ang Latvia noong Setyembre 1.

2006 Natapos ang pagpapalawak sa sangay; mahigit 2,400 mamamahayag ang aktibo sa Latvia.

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Kabuuang Bilang ng mga Mamamahayag

Kabuuang Bilang ng mga Payunir

2,000

1,000

1920 1940 1960 1980 2000

[Buong-pahinang larawan sa pahina 176]

[Larawan sa pahina 178]

Ang gusaling ito ang unang tanggapan ng mga Estudyante ng Bibliya sa Riga, 1926

[Larawan sa pahina 178]

Nagdulot ng mensahe ng kagalakan ang “Freedom for the Peoples” sa wikang Latviano, 1928

[Larawan sa pahina 178]

Rees Taylor

[Larawan sa pahina 180]

Si Ferdinand Fruck, na nabautismuhan noong 1927

[Larawan sa pahina 180]

Si Heinrich Zech at ang asawa niyang si Elsa, sa harap ng kanilang barberya sa Liepaja

[Mga larawan sa pahina 183]

Ipinupuslit nina Edwin Ridgewell (kaliwa) at Andrew Jack ang mga literatura sa Latvia

[Larawan sa pahina 183]

Sina Percy at Madge Dunham

[Larawan sa pahina 183]

Mga tauhan sa tanggapan at iba pang Saksi, dekada ng 1930

[Larawan sa pahina 191]

Listahan ng KGB ng mga Saksing inaresto noong 1950. Marami ang ipinatapon sa Siberia

[Larawan sa pahina 191]

Siberia, mga unang taon ng dekada ng 1950

[Larawan sa pahina 194]

Sa mas malalaking pagtitipon tulad ng libing na ito, nakarinig ang mga kapatid ng espirituwal na mga pahayag

[Larawan sa pahina 194]

Isinalin nina Pauls at Valija Bergamanis “Ang Bantayan” sa Latviano, anupat isinulat-kamay sa mga aklat ng pagsusulit sa paaralan

[Larawan sa pahina 194]

Gamit ang “microfilm” (ipinakita ang aktuwal na sukat), ang mga kapatid ay nagproseso, gumawa ng kopya, at namahagi ng “Ang Bantayan”

[Mga larawan sa pahina 197]

Ipinaalam ni Paulīne Serova ang katotohanan kay Teofīlija Kalvīte, isang nars

[Larawan sa pahina 199]

Yurii Kaptola, 1981

[Larawan sa pahina 199]

Ngayon, sa harap ng bilangguan niya noon

[Mga larawan sa pahina 202]

“Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Kombensiyon noong 1998, ang unang idinaos sa Latvia, kabilang ang seksiyon para sa wikang-pasenyas

[Mga larawan sa pahina 207]

Naging mamamahayag ng Kaharian si Jānis Folkmanis tatlong buwan matapos siyang maging kampeon ng “weight lifting” sa Latvia

[Mga larawan sa pahina 207]

Sa bilangguan, nanalangin si Māris Krūmin̗š sa Diyos sa unang pagkakataon

[Larawan sa pahina 210]

Pinatalsik sa paaralan si Dace Puncule dahil sa pagtangging kumanta ng awiting makabayan

[Larawan sa pahina 210]

Namatay si Yelena Godlevskaya matapos sapilitang salinan ng dugo

[Larawan sa pahina 210]

Pinatibay ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng kani-kanilang asawa ang mga kongregasyon

[Larawan sa pahina 215]

Ang pamilyang Bethel sa Latvia

[Mga larawan sa pahina 215]

Komite ng Sangay, 2006

Peter Luters

Anders Berglund

Hannu Kankaanpää

Juha Huttunen

[Larawan sa pahina 215]

Tatlong gusali ng sangay sa Kalye Miera, Riga

[Mga larawan sa pahina 218]

Malaya na ngayong nakapangangaral ang bayan ni Jehova sa Latvia

[Mga larawan sa pahina 218]

Naging dalawahang Kingdom Hall (ibaba) ang nasunog na sinehang ito (kaliwa)