Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

Pambuong-Daigdig na Ulat

ASIA AT GITNANG SILANGAN

LUPAIN 47

POPULASYON 3,930,343,401

MAMAMAHAYAG 591,750

PAG-AARAL SA BIBLIYA 477,609

Hapon

Nang malapit nang manganak si Miho, hindi na siya makagugol ng malaking panahon sa ministeryo na gaya ng dati niyang ginagawa. Gusto niyang ipagpatuloy ang pagpapayunir kaya humingi siya sa kanilang tagapangasiwa sa paglilingkod ng adres ng mga tahanan sa mga lugar na halos imposibleng mapangaralan tulad ng mga gusaling paupahan na may mahigpit na seguridad. Mga isang daang adres ang ibinigay sa kaniya. Mula sa kaniyang bahay, tinawagan niya ang lahat ng kaya niyang tawagan. Noong una siyang tumawag, walang gustong makinig kaya natapos niya ang lahat ng tawag sa loob ng 30 minuto. Sumunod, sinulatan niya rin ang mga tinawagan niya. Ginamit niyang basehan sa kaniyang maikling liham ang anumang impormasyong nakukuha niya kapag tumatawag siya, tulad ng naririnig niyang iyak ng bata. Kapag inaakala niyang natanggap na ang sulat, tumatawag siya at ipinakikipag-usap ang kapakinabangan ng pagkakapit ng payo ng Bibliya na binanggit niya sa sulat. Minsan, ayaw makipag-usap ng isang maybahay, pero sinulatan pa rin siya ni Miho. Nang tumawag uli si Miho, ang estudyanteng anak na babae ng maybahay ang nakasagot, at nabasa pala nito ang sulat ni Miho. Nagpatotoo si Miho sa kaniya at nangakong susulatan siya na may kalakip na mga payo ng Bibliya tungkol sa buhay bilang estudyante. Sinabi rin niyang tatawag uli siya. Ang ina ang nakasagot sa telepono at sinabi nitong nakatulong sa problema ng kaniyang anak sa paaralan ang mga sinabi ni Miho. Pagkaraan ng ilang tawag at sulat, ang mag-inang ito ay nagsimula nang mag-aral ng Bibliya.

Nepal

Matagal nang hinahanap ng titser na si Prem ang katotohanan. Binabasa niya ang Bibliya at nagsisimba siya malapit sa paaralang pinapasukan niya. Pero hindi nasasagot ang kaniyang mga tanong at naiinis siya dahil lagi na lamang humihingi ng abuloy ang pastor. Nanalangin si Prem sa Diyos, anupat hiniling na akayin siya sa isang simbahan na tutulong sa kaniya na malaman ang katotohanan. Nang lumipat ng tirahan si Prem at magsimulang magturo sa ibang paaralan, nagtanong siya sa mga kapitbahay kung saan kaya siya puwedeng magsimba. Sa gusaling paupahan na tinitirahan niya, may isang estudyante na ang ina ay nakadalo na sa ilang pulong sa Kingdom Hall, at doon siya dinala ng bata. Ang pahayag pangmadla ay tungkol sa Kaharian ng Diyos, isang paksa na gustung-gustong maunawaan ni Prem. Nabuksan ang isang pag-aaral. Palibhasa’y nasagot na rin sa wakas ang kaniyang mga tanong, si Prem at ang kaniyang pamilya ay palagian nang dumadalo ngayon sa mga pulong. Nagbitiw na rin sila sa kanilang simbahan dahil gusto nilang maging Saksi ni Jehova.

Taiwan

Ang mga estudyante sa elementarya ay hinilingan na sumulat ng sanaysay para sa taunang kompetisyon sa pagsulat. “Ang Paborito Kong Aklat” ang siyang tema ng kompetisyon. Isinulat ng sampung-taóng-gulang na si Weizhen na ang Bibliya ang paborito niyang aklat. Bukod sa kinomentuhan niya ang pagiging tumpak ng mga hula sa Bibliya at ang mahusay na patnubay ng Salita ng Diyos, ipinaliwanag din niyang nasasagot nito ang mga tanong na hindi masagot nang maliwanag ng kaniyang mga guro at mga kamag-aral. “Sabi ng aming guro, galing daw sa unggoy ang mga ninuno ng tao,” ang isinulat ni Weizhen. “Naisip ko tuloy: ‘Kung galing ang tao sa mga unggoy, hindi ba’t dapat ay igalang natin sila at taos-pusong pasalamatan? Pero bakit natin sila ikinukulong sa mga zoo? Hindi ba’t malaking kasalanan ’yan?’ Maliwanag ang sagot ng Bibliya: Hindi talaga tayo galing sa mga unggoy. Sa halip, ang ating mga ninuno ay nilalang mula sa alabok ng lupa ayon sa larawan ng Diyos.” Ganito niya tinapos ang kaniyang sanaysay: “Sabi nila noon, ‘Ang pagbabasa ng aklat ay tulad ng pagbubukas ng isang baul ng kayamanan.’ Sa palagay ko, mas mahalaga ang Bibliya kaysa ginto. Kaya naman, ito ang aklat na gustung-gusto kong basahin.” Bagaman nasa ikaapat na grado lamang siya, nanalo pa rin ng unang gantimpala ang kaniyang sanaysay kahit ang ibang mga kalahok ay nasa mas matataas na grado. Habang ikinukuwento ang kaniyang karanasan, binanggit niya ang Hebreo 4:12 at saka sinabi, “Sa Diyos na Jehova ko iniaalay ang lahat ng parangal.”

Mongolia

Nabalitaan ni Bolortsetseg, isang bagong bautisadong sister sa Mongolia, na namatay ang isa niyang kamag-anak at na lubhang nagdadalamhati ang biyuda nito kaya pinadalhan niya siya ng lahat ng ating publikasyon sa wika ng Mongolia. Natapos basahin ng biyudang si Evsanaa ang lahat ng publikasyon sa loob lamang ng isang gabi. Kinabukasan, tinawagan niya si Bolortsetseg at pinapunta siya nito kaagad para makapag-usap sila. Pinuntahan ni Bolortsetseg at ng isa pang sister si Evsanaa na naghanda ng maraming tanong. Sabik na sabik niyang pinakinggan ang mga sagot mula sa Bibliya. Pagkatapos ng mahabang pag-uusap, ipinaliwanag ng dalawang sister kay Evsanaa na higit pa siyang makikinabang kung isa-isa nilang tatalakayin nang detalyado ang bawat paksa. Nag-alok sila ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Pumayag agad si Evsanaa na mag-aral nang tatlong beses sa isang linggo. Sa loob ng isang buwan, itinapon na niya ang kaniyang mga idolo at dumalo na siya sa mga pulong. Dalawang buwan pa lamang siyang naglilingkod bilang mamamahayag, gusto na niyang maging auxiliary pioneer, pero ipinaliwanag sa kaniya na kailangan muna siyang magpabautismo. Sa kabila nito, determinado pa rin siyang gumugol ng di-kukulangin sa 50 oras bawat buwan sa paglilingkod sa larangan at naghihintay na lamang siya ng kombensiyon para siya mabautismuhan.

Kazakhstan

Sa lunsod ng Rudny, nakilala ng isang payunir si Nikolay na nagsabing gusto niyang mag-aral ng Bibliya sa kanilang tahanan. Pero may problema. Napakalayo ng nayon na tinitirahan ni Nikolay at ng kaniyang pamilya at bihira siyang magpunta sa Rudny para dalawin ang mga kamag-anak niya. Tinanong ng kapatid kung puwede niyang dalawin si Nikolay sa kanilang nayon, pero sinabi nito na 200 kilometro ang layo ng kanilang nayon at napakahirap itong puntahan.

Isinulat pa rin ng kapatid ang adres ni Nikolay at nangako itong magkikita silang muli. Isinaayos niyang puntahan ang nayon at nagsama siya ng isa pang brother at dalawang sister mula sa kanilang kongregasyon. Pagkaraan ng dalawang linggo, sakay na sila ng tren. Nang marating nila ang pinakamalapit na istasyon ng tren sa nayon ni Nikolay, natuklasan nilang 18 kilometro pa ang lalakbayin nila at walang pampublikong transportasyon. Wala silang mapagpipilian kundi ang maglakad. Hindi ito madali dahil taglamig noon at sinlamig ng yelo ang hangin. Makalipas ang ilang sandali, isang traktorang may hilang tangke ng gatas ang dumaan at huminto sa tapat nila. Inalok sila ng drayber na sumakay—sa loob ng tangke! Inakala ng mga mamamahayag na nagbibiro ang drayber, pero tuyo naman pala at walang laman ang tangke kaya sumakay sila. Bagaman malamig sa loob ng tangke, protektado naman sila sa nanunuot na lamig ng hangin. Sinabi ng drayber na ibababa sila sa isang lugar na pitong kilometro pa ang layo sa pupuntahan nila. Mula roon, talagang maglalakad na lamang sila. Dalawang oras pa nilang nilakad ang natitirang pitong kilometro papunta sa nayon ni Nikolay.

Hindi makapaniwala si Nikolay at ang asawa niyang si Valya nang makita nila ang mga kapatid sa kanilang pintuan. Binigyan nila ng pampainit ang mga bisita at pinakain sila. Sumunod ay pinag-usapan nila ang Bibliya. Pagkaraan ng dalawang linggo, bumalik na naman ang mga kapatid mula sa Rudny. Ganito ang natatandaan ng brother na payunir: “Sinundo kami ni Nikolay sa istasyon ng tren. Marami sa kanilang kanayon ang gustong makipag-usap sa ‘mga taong dumating sakay ng tangke ng gatas,’ kaya gumawa si Nikolay ng iskedyul para makausap naming lahat ang mga interesado. Ang lahat ng nakalista ay dumating naman ayon sa pinagkasunduan at pumayag silang mag-aral ng Bibliya.” Sa kalaunan, naging mahusay ang pagsulong sa espirituwal ng halos lahat ng nag-aaral ng Bibliya sa nayong iyon. Makalipas ang dalawang taon, nabautismuhan sina Nikolay at Valya. Ang kanilang dalawang anak na lalaki ay di-bautisadong mamamahayag na ngayon at kamakailan, si Nikolay ay nahirang bilang elder sa nakabukod na grupong ito.

Georgia

Nagpapatotoo ang mga payunir sa malalayong rehiyon ng kabundukan ng bansang Georgia. Naglakad nang walong kilometro ang dalawang payunir na sister papunta sa isang malayong nayon sa dulo ng isang daan sa bundok at doon sila nagbahay-bahay. Di-nagtagal, pinahinto ng isa sa matatandang lalaki roon ang isa sa mga sister, si Ketevan, at pinagpapaliwanag ito kung bakit siya nangangaral gayong hindi naman siya Ortodokso. Sinubukan niyang magpaliwanag pero ayaw nitong makinig. Itinulak siya nito at pinagpapalo ng baston. Maraming tao ang nakakita, kaya napabalita ang insidenteng ito sa buong nayon. Nang maglaon, bumalik si Ketevan para mangaral uli roon. Nakita siya ng isang babaing dating salansang at ganito ang naibulalas ng babae: “Nandito ka na naman kahit nasaktan ka na noon! Hanga naman ako sa lakas ng loob mo! Tuloy ka sa amin at kuwentuhan mo pa ako.” Pagkatapos makinig, sinabi ng babae na bukás ang kaniyang tahanan para kay Ketevan sa tuwing dadalaw ito para magpatotoo.

APRIKA

LUPAIN 57

POPULASYON 802,232,357

MAMAMAHAYAG 1,043,396

PAG-AARAL SA BIBLIYA 1,903,665

Rwanda

Minsan, nakita ng mga naglalakad sa daan ang isang kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Dinala nila iyon sa isang elder sa kanilang simbahang Protestante. Interesadung-interesado ito sa kaniyang nabasa kaya hinanap niya ang mga Saksi at tinuruan nila siya sa Bibliya. Lumago ang kaalaman niya sa katotohanan ng Bibliya kaya nagbitiw siya sa simbahan at nagpabautismo. Samantala, masigasig niyang ipinangaral ang katotohanan sa mga dati niyang karelihiyon at 25 sa mga ito ang naging Saksi ni Jehova. Ang lalaking pumalit sa kaniya bilang elder sa simbahan ay nakipag-aral din ng Bibliya sa mga Saksi at nagbitiw na rin sa simbahan. Dumadalo na siya ngayon sa mga pulong at nagsabing gusto na niyang maging isang mamamahayag. Nabautismuhan ang kaniyang maybahay sa araw ng pantanging asamblea na idinaos kamakailan. Nakatutuwang isipin na lahat ng ito ay nagsimula lamang sa isang aklat na napulot sa daan!

Côte d’Ivoire

Papunta noon ang kabataang Saksing si Berenger sa Abidjan, ang kabiserang lunsod, para mangaral. Napansin niyang nahulog sa babaing nagtitinda ng tinapay ang halagang 5,000 franc ($10, U.S.) nang hindi nito namamalayan. Nang pulutin iyon ni Berenger para ibigay sa babae, isang babaing kasalubong naman niya ang sumigaw, “Ibigay mo sa akin ’yan; pera ko ’yan!” Pero nang tanungin niya ang babae kung magkano ang pera, nagalit ito at umalis na lamang. Saka hinabol ni Berenger ang babaing nawalan ng pera. Nagulat si Berenger nang itanggi ng babae na kaniya ang nahulog na pera, anupat sinabi, “Nilalansi mo lang ako para mapagnakawan mo ako.” Pero dahil sa mapilit at mukha namang nagsasabi ng totoo si Berenger, tiningnan ng babae ang kaniyang pera at natuklasan niyang nawawalan nga siya ng 5,000 franc, katumbas ng 50 piraso ng tinapay.

Sinabi ni Berenger: “Isinauli ko sa kaniya ang pera at sinabi kong ginawa ko iyon dahil tinuturuan ng aking Diyos na si Jehova ang kaniyang mga lingkod na maging matapat. Nagpasalamat ang babae at nagsabi: ‘Kung ang lahat ay katulad ng mga Saksi ni Jehova, magkakaibigan na sana ang lahat ng tao. Ngayon lamang ako nakakita ng ganitong kabataan.’ Binigyan ko siya ng isang tract, at nangako naman siyang pakikinggan na niya ang mga Saksi ni Jehova. Nang araw na iyon, 50 franc lamang ang laman ng bulsa ko para panggastos sa maghapon. Pero masaya ako dahil tama ang ginawa ko.”

Demokratikong Republika ng Congo

Nagtatrabaho bilang diyanitor at guwardiya ang elder na si Eugene sa isang kompanyang nagnenegosyo ng diamante. Natatandaan pa niya: “Isang gabi, may lalaking dumating sa aming tindahan para magbenta ng mga diamanteng nagkakahalaga ng $22,000 (U.S.) Pero nalaglag pala mula sa kaniyang bulsa ang supot na kinalalagyan ng mga diamante. Natataranta siyang naghanap kung saan-saan pero hindi niya iyon makita. Kinabukasan, nagparoo’t parito sa kalye ang kaniyang amo at isang kasamahan para hanapin ang supot pero wala silang nakita. Nang magwalis ako sa labas sa tapat lamang ng pintuan ng aming tindahan, aba! Heto ang supot ng diamante! Pinulot ko iyon at nagmamadaling dinala sa aking amo, isang lalaking taga-Belgium. Hindi siya makapaniwala sa ginawa ko. Sinabi ko sa kaniya na Saksi ni Jehova ako at may takot ako sa aking Diyos. Hangang-hanga naman ang may-ari ng diamante sa aking katapatan, anupat nasabi niya, ‘Pambihira ito!’

“Sinabi ng isa kong kasamahan, ‘Eugene, naisalba mo ang reputasyon ng kompanya natin!’

“Ang sagot ko naman: ‘Salamat! Si Jehova ang dapat purihin dahil siya ang nagturo sa akin na maging tapat.’”

Angola

Habang dinadalaw ng misyonero at tagapangasiwa ng sirkito na si João ang isang lugar sa kabukiran, gusto niyang mapanood ng mga kapatid at mga interesado roon ang DVD na pinamagatang Noah Walked With God—David Trusted in God. Nagdala ang kapatid na ito ng isang maliit na genereytor, dalawang laud-ispiker, krudo, at laptop computer. Sa unang nayon, tumuloy siya sa isang maliit na kubo at isinaayos niyang maipalabas ang DVD nang gabing iyon. “Laking gulat ko,” ang sabi niya, “nang dumating ang mga 38 katao na may dalang silya, bangko, malalaking bato, lata ng gatas, at iba pang bagay na puwedeng upuan. Hindi kasya sa loob ng bahay kahit kalahati sa kanila kaya ipinasiya naming sa labas panoorin ang DVD. Mabituin noon ang langit nang ipatong ko ang computer sa ibabaw ng salansan ng mga bloke. Marami sa mga naroroon ang naupo sa lupa na sinapnan nila ng makukulay na tela ng Aprika.” Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa DVD kaya marami ang dumating sa mga nayon na pinuntahan ni João. “Kapag tapos na ang palabas, walang gustong umuwi,” ang natatandaan pa niya. “Marami ang nagsabi na iyon ang pinakamasayang gabi sa kanilang buhay at labis nilang pinasasalamatan si Jehova sa espirituwal na paglalaang ito.” Sa tatlong linggong ginugol ni João sa pagdalaw sa mga grupong ito sa kabukiran, 1,568 katao ang nakapanood ng DVD!

Ghana

Nag-aatubili noon ang taga-Accra at negosyanteng si Vida na magsuplay ng sariwang gulay sa tanggapang pansangay sa Ghana. Bakit? Sinabihan kasi siya ng kanilang pastor na galít ang mga Saksi sa mga di-Saksi. Kaya naman, nang unang maghatid ng pagkain si Vida sa sangay, nagulat siya nang salubungin siya ng palakaibigan, magagalang, at mapagpasalamat na mga tauhan sa kusina. Nang sumunod na mga sanlinggo, naging pamilyar na siya sa mga boluntaryo sa sangay at napansin niyang lahat ay mabait sa kaniya, anupat natuklasan niyang hindi naman pala totoo ang sinabi ng kanilang pastor.

Dahil gusto pa niyang matuto, hiniling ni Vida na turuan siya sa Bibliya kahit hindi siya marunong bumasa. Sa loob lamang ng anim na buwan, natuto na si Vida na bumasa ng kaniyang Bibliya, at nabautismuhan siya sa isang pandistritong kombensiyon kamakailan. Kahit na tinutuya siya ng mga kapamilya at ng mga dating kasamahan, natulungan pa rin ni Vida na maging di-bautisadong mamamahayag ang kaniyang pinsan.

Sudan

Habang nagbabahay-bahay ang isang sister, dalawang batang babae ang nakilala niya at pinatuloy siya ng mga ito. Nagtataka ang sister dahil ayaw ng mga bata na magpatulong sa kaniya para hanapin ang mga teksto sa kanilang Bibliya. Kaya naman pala, sinabihan sila ng kanilang pari na kapag nahawakan ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang kopya ng Bibliya, ang nilalaman nito ay awtomatikong magbabago para maging kasuwato ng turo ng mga Saksi. Ayaw pa ngang makipagkamay ng mga bata sa sister. Gayunpaman, nakita rin nila ang mga teksto, at kasuwato naman sa nabasa nila ang sinabi ng sister. Dahil nakita nilang nagsisinungaling ang kanilang pari, nagpasiya silang mag-aral ng Bibliya. Dahil sa pagkabahala, nangako ang pari na bibigyan sila ng perang pambili ng pagkain—kung ihihinto nila ang pag-aaral ng Bibliya. Ang sagot nila? “Ayaw naming mabusog sa pagkain. Mas gusto naming mabusog sa salita ng Diyos.” Dumadalo na ngayon sa mga pulong ang mga batang ito.

Etiopia

Bagaman mga sampung taon nang Saksi ang kaniyang maybahay, hindi pa rin gaanong interesado sa katotohanan si Awoke. Pero nang magbiyahe siya sa ibang lugar sa bansa para sa isang dalawang-buwang kurso, hinanap niya ang mga Saksi. Nang dumating siya roon, itinuro sa kaniya ang isang opisina na pinapasukan ng isa nating sister. Ang sister na ito ay matagal na palang nananalangin na sana’y may dumating na isang brother para tumulong sa kongregasyon nila. Nang malaman niyang may lalaking naghahanap sa mga Saksi ni Jehova, naalaala niya ang kaniyang panalangin. Palibhasa’y bihis-na-bihis si Awoke nang makita niya, inakala niyang ito na nga ang brother na sagot sa kaniyang panalangin. Tuwang-tuwa niyang sinalubong si Awoke. Dahil sa matinding kagalakan ng sister, hindi na nagkalakas-loob si Awoke na sabihin ang totoo, at ayaw niyang mapahiya ito nang ipakilala siya nito sa mga kapatid. Sa buong panahon ng pamamalagi niya roon, dinaluhan niya ang lahat ng pulong. Nang matapos ang kaniyang kurso at pauwi na siya, inanyayahan siya ng isang grupo ng mga sister para mananghalian at hiniling nila na siya ang manguna sa panalangin. Naalaala niya kung paano manalangin ang kaniyang nakalambong na asawa sa kanilang tahanan bago sila kumain, anupat ginagawa ito sa pangalan ni Jesus. Kaya nakaraos naman siya sa panalangin at nakakain sila. Dahil naantig siya sa kabaitan ng mga kapatid, ipinasiya ni Awoke na maging isang tunay na Saksi. Pag-uwi niya, nag-aral siya ng Bibliya at nabautismuhan sa isang nakaraang asamblea. Tuwang-tuwa ang kaniyang asawa, at naghihintay na lamang ngayon si Awoke ng pagkakataong maikuwento ang kaniyang karanasan sa kongregasyong dinalaw niya.

EUROPA

LUPAIN 46

POPULASYON 730,776,667

MAMAMAHAYAG 1,506,019

PAG-AARAL SA BIBLIYA 744,319

Ukraine

Pumunta sa Kingdom Hall ang isang elektrisyan para kumpunihin ang metro ng kuryente. Kilalang lasenggo sa kanilang nayon ang lalaking ito. Habang inaayos ang metro, napansin niya ang taunang teksto: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8) Huminto siya sandali at tinanong ang isang kapatid: “Talaga nga bang puwedeng mapalapít sa Diyos? Mapapalapít kaya sa Diyos ang mga makasalanan?” Sinagot siya ng kapatid sa tulong ng Bibliya at inanyayahan siyang dumalo sa pulong. Kinalingguhan, nagpasiyang dumalo ang lalaki, pero sa ibang nayon siya pumunta dahil ayaw niyang makita ng mga kapitbahay na papunta siya sa Kingdom Hall. Pero ang tagapagsalita pala sa araw na iyon ay isang elder na tagaroon sa kanilang nayon. Nang makita ang elder, nagtangkang magtago ang lalaki. Pero nakilala siya ng elder at malugod siyang tinanggap. Mula noon, ipinasiya niyang doon na sa kanilang nayon dumalo ng mga pulong. Nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya at nabautismuhan siya pagkaraan ng isang taon.

Nang panahong iyon, nagtatrabaho sa ibang bansa ang asawa ng lalaking ito, at hindi siya makapaniwala na huminto na sa paglalasing ang kaniyang asawa at naging Saksi ni Jehova. Para mapatunayan ito, umuwi ang babae. Tuwang-tuwa siya nang makitang hindi na naglalasing ang kaniyang asawa at inaalagaan na nito ang kanilang mga anak, pero hindi niya gusto na naging Saksi ni Jehova ito. Isang araw, itinanong ng brother sa kaniyang asawa, “Puwede bang dumalo tayong mag-anak sa Kingdom Hall?” Pumayag naman ang babae. Nag-aral na rin siya ng Bibliya at di-nagtagal, nabautismuhan siya kasama ang kanilang tatlong anak. Kaya dahil sa isang teksto sa Bibliya, limang tao ang natulungang mapalapít sa Diyos.

Gresya

Isang brother na dumaraan araw-araw sa isang ruta patungo sa trabaho ang nakapansin sa isang babae na laging dumadalaw sa isang munting groto. Ang mga grotong ito, na nasa mga tabing-daan sa Gresya, ay karaniwan nang palatandaan na may namatay sa aksidente sa lugar na iyon. Upang matulungan ang babaing ito, gumawa ang brother ng maikling sulat na may nakaaaliw na mensahe mula sa Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay at sa pag-asang pagkabuhay-muli. Pagkalagay ng kaniyang pangalan at numero ng telepono, iniwan ng brother ang sulat sa loob ng groto. Kinabukasan, tinawagan siya ng babae na interesadung-interesado pala sa mabuting balita. Regular na ngayong dinadalaw ang babaing ito.

Norway

Pagkatapos maglingkod sa larangan, anim na sister ang nagpunta sa isang kapihan. Napag-usapan nila ang isang mahusay na pahayag pangmadlang narinig nila sa Kingdom Hall dalawang araw pa lamang ang nakararaan. Tungkol iyon sa pagkabuhay-muli. Maya-maya, nilapitan sila ng isang babae na nakikinig pala sa kanilang usapan. Gusto nitong makiupo sa tabi nila upang marinig ang kanilang pinag-uusapan. Sinabi niyang kamamatay lamang ng mga magulang niya. Nagkaroon sila ng nakapagpapatibay na usapan. Hiningi ng mga sister ang numero ng telepono ng babae, at isa sa kanila ang dumalaw at nagsimulang makipag-aral sa kaniya ng Bibliya.

Lithuania

Napasimulan ni Olga, isang kabataan at buong-panahong ebanghelisador, ang pag-aaral ng Bibliya sa pintuan sa isang babaing taga-Russia. Sa nauna nilang pag-uusap, hiniling ng babae kay Olga na ipaliwanag ang binabanggit ng Bibliya na “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1) Nangako naman si Olga na ipaliliwanag niya iyon sa susunod niyang pagdalaw. Halos isang buwan ding nagpabalik-balik si Olga sa bahay ng babae pero hindi niya ito matagpuan. Bagaman walang nagbubukas ng pintuan, napansin ni Olga na may sumisilip sa kaniya mula sa butas sa pintuan. Nasabi ni Olga: “Hindi ko gustong isipin na ayaw na ng babaing ito na ipagpatuloy ang pag-uusap namin sa Bibliya. Baka ibang tao naman ang nasa likod ng pinto. Kaya ipinasiya kong sumulat sa kaniya upang ipaliwanag ang paksang itinanong niya. Pagkaraan ng tatlong araw, pinuntahan ko siya uli. Tuwang-tuwa ako nang buksan niya ang pinto! Talagang naantig siya ng sulat at ng malasakit na ipinakita sa kaniya.”

Pinasalamatan ng babae si Olga at nagsabi: “Ilang beses kong binasa ang sulat mo at naunawaan ko ang lahat.” Dahil dito, ang unang pag-aaral sa pintuan ay naging regular na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa tulong ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. At ngayon, tuwing dadalaw si Olga para magdaos ng pag-aaral, malugod siyang tinatanggap ng babaing ito.

Switzerland

Sa Geneva, isang lunsod na maraming banyaga, nakausap ng sister na si Marie ang isang babaing taga-Gitnang Silangan. Yamang nag-aaral ng Arabe si Marie, ginamit niya ang wikang ito sa pakikipag-usap sa babae. Sinabi ni Marie na naniniwala siya sa iisang tunay na Diyos. Dahil dito, niyakap at hinalikan siya ng babae dahil lungkot na lungkot pala ito at katatapos lamang manalangin nang kausapin siya ni Marie. Sinabi ng babae na pabalik na siya sa kanilang bansa kinabukasan. Binuksan ni Marie ang kaniyang Bibliya at binasa ang 1 Pedro 3:7 saka ipinaliwanag na mataas ang pagtingin ng Diyos sa mga babae. Sumunod, sinabi niya na ibig ni Jehova na parangalan at igalang ng bawat lalaki ang kaniyang asawa. Takang-takang nagtanong ang babae: “Anghel ka ba o tao? Lungkot na lungkot ako dahil hindi sinusunod ng asawa ko ang sinasabi ng Diyos sa tekstong ito. Lagi akong nagdadasal sa Diyos na sana’y tulungan niya ako. At heto, binuksan mo ang aklat na ito at binasa ang tekstong ito.” Pagkatapos ay hiniling ng babae na isulat ni Marie ang teksto sa isang piraso ng papel. Sinabi niyang dadalhin niya ang papel, ipakikita sa kaniyang pamilya, at ikukuwento sa kanila ang pambihirang karanasang ito. Bagaman nanghihinayang si Marie dahil papaalis na ang babaing ito, nagkasundo naman silang magbalitaan.

Netherlands

Nasa lunsod ng Rotterdam ang isa sa pinakamalalaking daungan sa daigdig. Ang mga kargamentong lulan ng mga barko ay inililipat sa mga trak para ihatid sa mga bansa sa European Union at sa iba pang lugar. Kaya napakaraming trak ang dumaraan sa bansang ito. Sa isa sa mga pangunahing haywey patungo sa karatig na Alemanya, may isang napakalaking hintuan ng mga trak na dinaraanan ng hanggang 1,500 malalaking trak bawat oras. Yamang maraming drayber ang kailangang magpahinga roon, sinasamantala ng ating mga kapatid ang pagkakataon upang magpatotoo sa mga drayber ng trak, anupat ang mga nakakausap nila ay galing pa sa Europa, Gitnang Silangan, at sa lahat halos ng mga dating republikang Sobyet. Gustung-gustong basahin ng mga drayber ang mga magasin natin. Noong isang taon, 82 beses na nangaral ang mga kapatid sa lugar na ito at nakapagpasakamay sila ng mahigit 10,000 magasin sa 35 wika.

MGA LUPAIN SA AMERIKA

LUPAIN 56

POPULASYON 883,782,291

MAMAMAHAYAG 3,256,287

PAG-AARAL SA BIBLIYA 3,111,358

Peru

Regular pioneer si Jorge at pagpipinta ng larawan ang hanapbuhay niya. Nagpatotoo siya sa isa ring pintor na si Hubert at pumayag itong mag-aral ng Bibliya. Kahit mahigpit ang pagsalansang ng kaniyang pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay, natapos ni Hubert ang pag-aaral sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan sa loob lamang ng anim na buwan. Nanalangin siya kay Jehova na tulungan ang kaniyang pamilya na maakay sa katotohanan. Tuwang-tuwa siya nang sumama sa kaniya sa pag-aaral ang kapatid niyang si Jhon at nagsimula itong dumalo sa mga pulong. Nang sumunod na linggo, sumama naman sa pag-aaral ang bayaw ni Jhon na si Cesar. Bagaman tutol noong una, nagsimula na ring makipag-aral ang asawa ni Cesar. Pagkaraan, ang kaeskuwela naman ni Hubert na si Reynaldo ang gustong makipag-aral. Dahil sa matinding pagsalansang, napilitan itong mag-aral sa tahanan ni Hubert. Di-nagtagal, nag-aral na rin ang kapatid ni Hubert na si Milton. Pagkatapos ng kaniyang unang pag-aaral, nagpatotoo si Milton sa dalawa niyang kaeskuwela, sina Darwin at Christian, na kapuwa nagsimula nang mag-aral at dumalo sa mga pulong. May dalawa pang kuya si Hubert, sina Ronald at Martin. Habang nakikipag-aral si Jorge kay Hubert, dumating si Ronald na may dalang mahabang listahan ng mga tanong tungkol sa Bibliya. Ipinaliwanag sa kaniya ni Jorge na masasagot ang lahat ng tanong niya kung mag-aaral siya ng Bibliya. Pumayag naman ito. Sumunod, nag-aral din si Martin, at sumama rin ang kaniyang dalawang anak na babae. Nabautismuhan sina Hubert at Jhon sa “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon. Ayon sa huling balita, 18 katao ang natuto tungkol kay Jehova bilang resulta ng unang pagpapatotoong iyon.

Brazil

Nakatira si Paulo sa isang rantso sa hilagang bahagi ng bansa. Pumayag siyang mag-aral ng Bibliya para lamang pagbigyan ang babaing kinakasama niya at nang maglaon ay pinakasalan niya. Nag-aaral kasi ito ng Bibliya. Samantala, tinugis at napatay ng mga trabahador sa rantso ang isang jaguar, isang uri ng mabangis na hayop, na marami nang napapatay na baka. Palibhasa’y gustong pagkakitaan ang situwasyon, tinawagan nila ang may-ari ng rantso para humingi ng perang pambayad daw sa uupahan nilang propesyonal na manghuhuli ng jaguar. Nakipagsabuwatan si Paulo sa pakanang ito, anupat nagsinungaling din siya sa kaniyang amo. Pero dahil sa natutuhan ni Paulo sa Bibliya, inusig siya ng kaniyang budhi. Kahit alam niyang mawawalan siya ng trabaho at magagalit ang mga kasamahan niya, tumawag pa rin si Paulo sa kaniyang amo at sinabi rito ang totoo. Nang maglaon, naging manedyer ng rantso si Paulo dahil sa kaniyang katapatan. Silang mag-asawa ay bautisado na ngayon at nangangaral ng mabuting balita. Napakagandang pagmasdan ang tapat na taong ito habang papunta sa Kingdom Hall kasama ang kaniyang asawa at ang dalawa nilang anak sakay ng kaniyang traktora!

Mexico

Habang nasa miting ng mga magulang at mga titser sa paaralang pinapasukan ng kaniyang dalawang anak, napansin ni María, isang masigasig na regular pioneer, na ikinababahala ng mga titser ang pagiging rebelde at mahalay ng ilang estudyante. Ganito ang sabi ng isang titser: “Mga magulang, kung ayaw ninyong madagdagan ang mga delingkuwente sa kalye, pakisuyong tulungan ninyo kami. Kausapin ninyo ang inyong mga anak. Ibili sila ng aklat. Tulungan ninyo sila dahil marami silang tanong. Huwag ninyong hayaang sa kalye nila mapulot ang sagot.” Pagkaraan, kinumusta ni María sa prinsipal ang paggawi ng kaniyang mga anak at sinabi naman nito na wala silang problema sa mga ito. Noon niya inirekomenda ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas bilang praktikal na giya para sa mga kabataan. Matamang nakinig ang prinsipal at hiniling kay María na dalhan siya ng isang kopya. Nang dalhin niya iyon kinabukasan, natutuwang binuklat-buklat iyon ng prinsipal at humingi ng isa pang kopya para sa sikologo ng paaralan. Matapos basahin ang aklat, iminungkahi ng sikologo na gawin itong bahagi ng kurikulum ng paaralan. Nag-order ang prinsipal ng 12 aklat para sa mga titser at 50 para sa aklatan ng paaralan.

Uruguay

Isang araw, bago magbukang-liwayway, isang lalaki ang naglalakbay mula sa kalapit na Argentina pauwi sa Uruguay. Pasakay na siya sa isang maliit na barkong tatawid sa Río de la Plata nang lapitan siya ng isang batang babae na nag-alok sa kaniya ng magasing Gumising! ng Enero 2006. Ang seryeng itinampok sa pabalat ay “Ano ang Mangyayari sa Hinaharap?” Palakaibigan ang bata kaya malugod niyang tinanggap ang magasin. Pagdating sa Monteviedo, ang mga pasahero ay inihatid sa pangunahing terminal ng bus. Nagtaka ang lalaki dahil may isa na namang Saksing lumapit sa kaniya, pero sa pagkakataong ito ay isang matandang babaing nakatungkod. Iyon ding isyung iyon ng magasin ang inialok sa kaniya ng matanda, at tinanggap din niya ito. Kararating pa lamang niya sa bahay nang gabing iyon nang may kumatok sa pintuan. Oo, isang Saksi ni Jehova ang nasa pinto. Matapos pakinggan ang maikling presentasyon, kinuha ng lalaki ang magasin sa ikatlong pagkakataon! Nang ipaliwanag ng Saksi na tumatanggap tayo ng donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain, sinabi ng lalaki na alam na niya ang tungkol dito kaya pumasok siya para kumuha ng pera. Pagbalik niya, dala niya ang dalawang magasing natanggap niya nang araw na iyon. Sa tanong na “Ano ang mangyayari sa hinaharap?,” ganito ang nakangiting sinabi ng lalaki: “Sigurado ako, may darating na Saksi ni Jehova!”

Puerto Rico

Dinadalaw ng isang sister ang anak niyang babae nang dalawang magnanakaw ang biglang pumasok sa bahay, anupat ang isa ay may hawak na baril. Pinipilit nilang maglabas ng pera ang mag-ina, pero sinabi ng mga ito na wala silang pera. Hinalughog ng isang magnanakaw ang buong bahay samantalang nakatutok naman sa mag-ina ang baril ng isa. Nanalangin agad sila sa Diyos na Jehova. Nagtanong ang magnanakaw, “Ano’ng ginagawa ninyo?” Sinabi nilang Saksi ni Jehova sila at nananalangin sila sa kanilang Diyos na si Jehova. Habang nagpapatotoo ang mag-ina sa magnanakaw na may baril, bumalik naman ang isa hawak ang ATM card na nakita niya. Di-nagtagal, nakasakay na silang lahat sa kotse ng sister at patungo na sa bangko. Patuloy ang mag-ina sa magalang na pagpapatotoo at pakikipag-usap sa mga magnanakaw. Hiniling ng ina na itago na ng magnanakaw ang kaniyang baril, at takang-taka siya nang pumayag ito, anupat sinabi ng magnanakaw na hanga siya sa pagiging kalmado ng sister. Sinabi ng sister na may anak siyang lalaki na kaedad nila pero maganda ang kinabukasan nito. Hinimok niya ang mga magnanakaw na mag-aral sila tungkol kay Jehova para magkaroon din sila ng magandang kinabukasan. Sa kabila nito, nagtuloy pa rin sila sa bangko at naglabas ng pera ang anak. Pagkatapos ay dinala ng mga lalaki ang mag-ina sa isang iskinita at doon sila pinakawalan. Gusto sana ng isang magnanakaw na gapusin sila, pero hindi pumayag ang lalaking may baril. Sinabi niya sa mag-ina na may makapangyarihang persona na nagsasanggalang sa kanila. Bago nito, ang mga lalaking ito ay mayroon nang iba pang ninakawan, iginapos, at binugbog sa lugar ding iyon.

OCEANIA

LUPAIN 30

POPULASYON 35,914,649

MAMAMAHAYAG 94,323

PAG-AARAL SA BIBLIYA 49,667

Papua New Guinea

Alam ng dating sundalong si Tom kung gaano kalupit ang digmaan. Nang makilala niya ang mga Saksi sa kanilang nayon, naantig siya sa pangako ng Bibliya na mawawala na ang mga digmaan. Nag-aral si Tom ng Bibliya at sumulong siya sa espirituwal, pero nasubok ang pananampalataya niya nang magpasiya siyang dumalo sa Memoryal. Dating pastor ng United church ang tatay ni Tom at siya naman ang kasalukuyang tsirman ng simbahang ito, na katabi lamang ng Kingdom Hall. Nang papasok na si Tom sa Kingdom Hall, kitang-kita niyang pinagmamasdan siya ng mga miyembro ng simbahan—ang kaniyang malalapit na kaibigan, mga dating katrabaho, pati na ang ministro ng simbahan. Gusto sanang magtago ni Tom, pero naisip niya: ‘Bakit naman ako magtatago? Ngayon nila dapat malaman na magiging Saksi ni Jehova na ako.’ Pagkaraan ng Mahal na Araw, nilapitan niya ang ministro ng simbahan at nagtanong, “Nakita mo ba ako sa Kingdom Hall?”

Sumagot ang ministro, “Oo, nakita kita,” at pareho silang napatawa.

Pagkatapos ay sinabi ni Tom: “Kaibigan, akala ko noon, pinakamasarap nang kumain sa isang matagal nang restawran, pero natuklasan kong may lason pala ang pagkain doon. Nakakita ako ngayon ng bagong restawran na malinis at masustansiya ang pagkain. Ngayong natikman ko na ang pagkain doon, bakit pa ako babalik sa naunang restawran?”

Naintindihan ng ministro ang sinabi ni Tom, kaya sinabi nito, “Tom, atin-atin lang ’to, ha. Alam mo, regular akong nagbabasa ng Gumising!” Nagbitiw si Tom sa simbahan, at sa kabila ng maraming pagsubok, siya ay naging nakaalay na lingkod ni Jehova.

Solomon Islands

Noong Pebrero 18, 2006, 58 mamamahayag ang nagtapos sa unang Basic Auslan Sign Language Course na isinaayos ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Mula noon, sampung bingi na ang nag-aaral ng Bibliya at dumadalo na sa mga pulong. Isa sa kanila si Moises. Ayon sa kaniyang kapitbahay, siya ay “isang taong mainitin ang ulo, nagwawala kapag nagagalit, at napakahirap kausapin.” Pero nang aluking mag-aral ng Bibliya si Moises ng kaniyang kamag-anak na Saksi na nag-aral ng wikang pasenyas, pumayag agad siya. Pagkaraan ng isang buwan, dumalo siya sa Kingdom Hall sa unang pagkakataon ngunit marumi at gusot ang kaniyang damit, mahaba ang kaniyang buhok, at makapal ang kaniyang balbas. Nasaling ang puso niya sa mainit na pagtanggap sa kaniya at sa mga katotohanang “narinig” niya. Nagulat siya nang malaman niya mula sa Bibliya na niluluwalhati pala ng isang tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaniyang maayos na pananamit at hitsura. Nang pumasok siya sa Kingdom Hall noong sumunod na linggo, hindi siya nakilala ng mga kapatid. Nagpagupit na siya ng buhok, nag-ahit ng kaniyang balbas, at masinop ang kaniyang pananamit. Nagbago na rin ang kaniyang pag-uugali. Ganito na ang sabi ng kapitbahay niya: “Malinis na siya ngayon at palangiti na.” Naging malapit si Moises sa Diyos at tumutulong siya sa iba pang mga bingi na maunawaan ang mabuting balita.

Tahiti

Mayroon lamang 720 mamamayan sa Makemo, isang maliit na isla ng korales na mahigit 600 kilometro ang layo sa Tahiti. Natutuhan ng babaing si Ravahere ang katotohanan noong manuluyan siya sa kaniyang mga kamag-anak sa Tahiti. Pagbalik niya sa Makemo, nagsimula na siyang mag-aral ng Bibliya, una sa pamamagitan ng koreo, sumunod ay sa fax, at nang maglaon ay sa telepono. Nagpakasal si Ravahere sa kaniyang kinakasama at iniayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ni Jehova, sa kabila ng panggigipit ng ilang kapamilya na nagnanais na siya’y manatiling Mormon. Nang dakong huli, naging di-bautisadong mamamahayag si Ravahere habang dumadalaw siya sa isang kongregasyon sa Tahiti. Tuwing ikalawang linggo, nakatatanggap siya ng nakapagpapatibay na mga liham mula sa mga mamamahayag sa kongregasyong iyon.

Noong Hunyo 2006, dinalaw si Ravahere ng tagapangasiwa ng sirkito at ng asawa nito. Ayon sa tagapangasiwa, nagbabahay-bahay si Ravahere tuwing dulo ng sanlinggo. Gumuhit siya ng mapa ng kaniyang teritoryo at nakapagpasimula siya ng ilang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Idinidispley niya ang ating mga magasin sa tabi ng kaniyang maliit na tindahan. Nagdaraos din siya ng pag-aaral sa aklat na dinadaluhan din ng kaniyang asawa.

Fiji

Linggu-linggo, nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya si Matthew, isang elder at misyonerong sinanay sa Gilead, sa apat na estudyante sa isang kolehiyo. Sa kolehiyong ito, ang mga ministro ng iba’t ibang relihiyon ay regular na nagbibigay ng mga sermon kung gabi sa kani-kanilang mga miyembro. Ginawa ang kaayusang ito upang tulungan ang mga awtoridad sa paaralan na nagsisikap kontrolin ang masasamang paggawing laganap sa kampus.

Isang gabi, napansin ni Matthew ang mga 250 estudyante sa kapitirya na nakaupong tahimik, hawak ang Bibliya, notbuk, at panulat. Hinihintay nila ang ministro ng isang malaking relihiyon na magsasalita roon. Pero dahil hindi dumating ang ministro, si Matthew ang inanyayahang magpahayag sa mga estudyante. Sa halip na karaniwang awitan na sinusundan ng sermon tungkol sa pagpapahirap sa impiyerno na binibigkas ng ilang ministro, naiibang uri ng presentasyon ang iniharap ni Matthew gamit ang Bibliya. Sa biglaang pahayag na iyon, hinimok ni Matthew ang mga estudyante na alalahanin ang kanilang Maylalang habang nasa kabataan sila. Pagkaraan, pumila ang mga estudyante para kamayan at pasalamatan si Matthew. Tunguhin niya ngayon na subaybayan ang mga naging interesado bunga ng di-inaasahang pangyayaring iyon.

Australia

Habang nagbabahay-bahay, natagpuan ng dalawang sister ang isang babaing maysakit. Sinabi nitong malala na ang kaniyang kanser at inililigpit na niya ang kaniyang mga gamit upang hindi na problemahin ng iba kapag wala na siya. Sinabi ng babae na nag-iisa na lamang siya at napakalungkot ng kaniyang buhay. Nasabi rin niya na hindi maganda ang naging karanasan niya sa ibang mga relihiyon at pakiramdam niya’y pinabayaan na siya ng Diyos. Nang maglaon, dinalhan siya ng bulaklak ng isa sa mga sister, at dahil wala sa bahay ang babae, iniwan ng sister sa pintuan ang mga bulaklak na may kasamang maikling liham. Kinahapunan, tumawag ang babae upang pasalamatan ang sister. Sinabi niyang noon lamang siya napagpakitaan ng gayong kabaitan o nakatanggap ng bulaklak at inihihingi niya ng paumanhin na hindi siya nito nadatnan sa bahay. Nang dumalaw uli ang mga sister, naghihintay na ang babae. Ipinakita sa kaniya ang aklat na Itinuturo ng Bibliya at nasimulan ang pag-aaral sa Bibliya.

[Larawan sa pahina 43]

Miho

[Larawan sa pahina 47]

Dumating kami sakay ng tangke ng gatas

[Larawan sa pahina 47]

Ketevan

[Larawan sa pahina 48]

Ilan sa mga dating miyembro ng simbahan

[Larawan sa pahina 55]

Olga

[Larawan sa pahina 55]

Marie

[Larawan sa pahina 57]

Sina Hubert, Jorge, at Jhon

[Larawan sa pahina 58]

Si Paulo at ang kaniyang pamilya

[Mga larawan sa pahina 63]

Si Ravahere sa kaniyang tindahan sa Makemo

[Larawan sa pahina 63]

Matthew