Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

“PUPURIHIN ko si Jehova sa buong buhay ko. Aawit ako sa aking Diyos hangga’t ako ay nabubuhay.” (Awit 146:2) Tiyak na matutuwa ang salmista kung makikita niya ngayon ang bilang ng pumupuri kay Jehova! Nakatulong sa pagpuring ito ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na tumagos sa puso ng maraming naghahanap ng katotohanan tungkol sa Diyos.—Gawa 17:27.

Upang maragdagan pa ang pumupuri kay Jehova, maraming sangay ang nagsaayos ng mga klase sa wika para maipaabot ng mga mamamahayag at mga payunir ang mabuting balita sa mas marami pang tao. Maaaring mapasigla kang palawakin ang iyong ministeryo sa pamamagitan ng pag-aaral ng ibang wika.

Ang isa pang halimbawa ng pagpuri kay Jehova ay ang tatlong-linggong pandaigdig na kampanya ng pamamahagi ng espesyal na handbill tungkol sa “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon, na idinaos sa mga 155 lupain. Milyun-milyong mamamahayag ng Kaharian sa mahigit 99,000 kongregasyon ang nakibahagi sa naiibang kampanyang ito. “Pinasigla nito ang ilang baguhan na mangaral, at pinakilos ang mga di-aktibo na maging aktibong muli,” isinulat ng isang Komite ng Kombensiyon. Isang kapatid na 35 taon nang di-aktibo ang nakatanggap ng handbill na iyon at hindi na siya lumiban sa pulong mula noon! Ang sumusunod ay ilang halimbawa lamang ng mga karanasang tinanggap mula sa iba’t ibang sangay.

Pransiya

Nang dumalaw sa isang kamag-anak, nakita ng mag-asawang Katoliko ang handbill sa bahay nito at naintriga sa mga tanong na mababasa rito. Dumalo sila at ang kanilang tatlong anak sa kombensiyon. Pagdating nila roon, malugod silang binati ng attendant, binigyan sila ng Bibliya, at pinaupo sa tabi ng isang pamilyang Saksi na nakatira tatlong kilometro lamang mula sa kanilang bahay! Maghapong magkasama ang dalawang pamilya at nagsaayos sila ng pag-aaral sa Bibliya. Nang linggong iyon pagkatapos ng kombensiyon, dumalo ang interesadong pamilya sa pulong ng kongregasyon sa panahon ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito.

India

Si Sunita, isang kilalang mang-aawit, ay pumunta sa Canada para magtanghal. Inanyayahan siya ng mga Saksing nakilala niya roon na dumalo sa isang pulong sa wikang Punjabi. Pinaunlakan niya ang paanyaya at nagustuhan niya ang pulong dahil itinatampok nito ang Bibliya. Nang matanggap niya ang handbill para sa kombensiyon, agad niyang kinansela ang kaniyang pagtatanghal ng Sabado’t Linggo para madaluhan niya ang buong tatlong araw. Hindi pinagsisihan ni Sunita ang kaniyang desisyon. “Ito na ang katotohanan,” ang sabi niya nang matapos ang unang araw. Pagbalik niya sa India, dumalo siya sa Kingdom Hall kasama ang kaniyang nanay, anak, pamangkin, at isang kaibigan. Nang kausapin siya ng kanilang dating mga pastor, sinabi niyang buo na ang kaniyang pasiyang maging Saksi ni Jehova. Sa katunayan, sinabi niya sa mga ito na dapat din silang dumalo sa Kingdom Hall!

Serbia

Isang Tsina na tatawagin nating Mei Li ang nakatira sa Belgrade. Noong 2006, sinimulan niyang magbasa ng Ang Bantayan sa sarili niyang wika. Nang makatanggap si Mei Li ng handbill para sa kombensiyon sa wikang Tsino sa Leipzig, Alemanya, desidido siyang dumalo kahit mga 1,000 kilometro ang layo ng Leipzig mula sa Belgrade. Kumuha siya ng tatlong-araw na visa, lumipad patungong Munich, at sumakay ng tren patungong Leipzig, na ginastusan niya ng halagang katumbas ng dalawang buwang sahod. Lubha siyang napakilos ng natutuhan niya sa programa at sa pakikipag-usap sa iba pang mga delegado. Pag-uwi ni Mei Li sa Belgrade, siya at ang kaniyang nanay ay nakipag-aral ng Bibliya at dumalo na sa pag-aaral sa aklat sa wikang Tsino.

Estados Unidos

“Kapansin-pansin ang mga panauhing kasama ng mga tagapakinig sa buong tatlong araw,” iniulat ng Komite ng Kombensiyon. “Ang isang panauhin ay isang babaing tumanggap ng imbitasyon noong araw matapos niyang idalangin sa Diyos na bigyan sana ng direksiyon ang kaniyang buhay. Dalawang oras siyang nagmaneho patungong kombensiyon ng Sabado at Linggo at pumayag mag-aral ng Bibliya.” Nagpatuloy pa ang ulat: “Hinabol mismo ng isang lalaki ang kapatid na nag-iwan ng imbitasyon sa anak nito. Nagulat ang kapatid pero natuwa siya nang pabalikin siya ng humahabol sa kaniya para mag-usap sila sa bahay nito. Maraming tanong ang lalaki habang hawak nito ang Bibliya, at napasimulan ang pag-aaral.”

Isang brother ang nag-abot ng handbill sa isang lalaki sa lugar ng konstruksiyon. “Puwede ko bang sabihin ito sa iba?” ang tanong ng lalaki.

“Aba, opo!” ang sabi naman ng brother, na walang kamalay-malay na may sariling programa pala sa radyo ang lalaki tuwing Sabado ng umaga. Sinabi nga ng lalaki sa iba ang tungkol sa imbitasyon sa pamamagitan ng pagbabasa nito sa kaniyang programa! Dahil dito, marami ang nagtanong tungkol sa handbill.

Ang 12-anyos na si Morgan ay naglilingkod bilang auxiliary pioneer. Isang linggo bago ang espesyal na kampanya, nakatagpo siya ng isang lalaking maraming tanong tungkol sa Bibliya kaya inanyayahan niya itong makinig sa pahayag pangmadla sa Kingdom Hall. Dumating naman ang lalaki pero kailangan nitong umalis agad para makipaglibing sa isa niyang kamag-anak. Nang magsimula ang espesyal na kampanya, binigyan ni Morgan ng handbill ang interesadong lalaking ito. “Siguradong darating ako ng Sabado at Linggo, pero kailangan kong magtrabaho ng Biyernes,” ang sabi niya. Tinanong nito kung ano ang ginagawa ng mga Saksi kapag ganoon ang situwasyon. “Nagbabakasyon po sila, pero kung minsan napipilitan po silang magbitiw sa trabaho,” ang sabi ni Morgan.

Nang pumunta uli si Morgan, sinabi ng lalaki na nagpaalam siya sa kaniyang manedyer na magbabakasyon siya ng Biyernes, sabay sabing kung hindi puwede, magbibitiw na lamang siya sa trabaho. Sinabi ng kaniyang manedyer na hindi siya papayag mawalan ng isang mahusay na trabahador kaya pinayagan siyang magbakasyon ng Biyernes at pati na rin ng Huwebes para makapaghanda siya.

Dinaluhan ng lalaki ang buong tatlong araw ng kombensiyon at hindi siya nag-iisa. Kasama niya ang 8 miyembro ng kaniyang pamilya at 12 sa kaniyang mga kaibigan kasama ang kani-kanilang pamilya—35 lahat! Noong una, nang sabihin niya kay Morgan na mga 30 ang kasama niya, sumagot ang bata, “Hindi po ako makapagrereserba ng gayon karaming upuan.”

“Alam ko,” ang sabi niya. “Puwede kaming umupo kahit saan.” Mangyari pa, nakakita naman silang lahat ng komportableng upuan.

‘PARANG SI JESUS KUNG MAGTURO ANG AKLAT’

Ipinakikita ng mga ulat na napakalaking tulong sa pangangaral ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? “Binubuksan nito ang mga mata at binubusog ng kaalaman ang puso at isip,” ang sabi ng isang estudyante sa Bibliya. Ganito ang iniulat ng tagapangasiwa ng distrito: “Kuhang-kuha ng aklat ang iyong atensiyon dahil parang si Jesus kung magturo ito. Hindi ito paliguy-ligoy, deretso sa punto at malinaw, pero abot na abot nito ang puso.” Tingnan natin ang sumusunod na mga karanasan.

Australia

Habang nagkukumpuni sa bahay ng isang babaing may sakit, binanggit ng brother sa kaniya ang pag-asa tungkol sa Kaharian. Pagkalipas ng ilang araw, nang balikan niya itong muli kasama ang isang sister na payunir, nagtanong ang babae tungkol sa mga huling araw. Binuksan ng mga Saksi ang aklat na Itinuturo ng Bibliya sa kabanata 9, na may pamagat na “Nabubuhay Na ba Tayo sa ‘mga Huling Araw’?” at tinalakay ito sa kaniya. Namangha ang babae sa mga nilalaman ng Bibliya. “Binulag ako ng aming relihiyon,” ang sabi niya.

Isinulat ng brother: “Pagbalik namin, pinag-aralan namin ang kabanata 1, ‘Ano ba ang Katotohanan Tungkol sa Diyos?’ at ang kaugnay na bahagi nito sa apendise, na nagpapaliwanag kung bakit wala ang pangalan ng Diyos sa ilang Bibliya. Nang mabasa ng babae sa paunang salita ng kaniyang Bibliya na pinalitan ng mga tagapagsalin ng ‘Panginoon’ ang ‘Jehova,’ nagalit siya, dahil may nagsabi sa kaniya noon na isang mahusay na salin daw ang kaniyang Bibliya. Gustung-gusto nang dumalo ng babae sa mga pulong Kristiyano.

Belgium

Nakatagpo si Sister Ingrid ng isang Aprikana na ayaw sa mga Saksi ni Jehova. Nang may-kabaitang ipakita ni Ingrid ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, lumambot ang kaniyang kalooban dahil gustung-gusto niyang maunawaan ang Salita ng Diyos. Pumayag pa nga siyang mag-aral, at iginiit na dapat nilang basahin ang lahat ng teksto. Dumadalo na sa mga pulong ang babaing ito, masipag magkomento, at gusto nang maging mamamahayag ng Kaharian.

Brazil

Noong tin-edyer si Paulo, nakikipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi. Kaya lamang, naghiwalay ang kaniyang mga magulang noong siya ay 16 anyos. Upang makatulong sa kaniyang nanay, sumama si Paulo sa isang banda ngunit di-nagtagal ay nasangkot siya sa imoralidad at paglalasing. Ngunit nasa puso pa rin niya ang katotohanan. Halimbawa, palibhasa’y alam niyang may kaugnayan sa demonismo ang voodoo, naiinis siya kapag tumutugtog siya sa simbahang voodoo. Napag-isip-isip din niyang walang patutunguhan ang kaniyang buhay. Nang ipakita ng isang kabataang brother kay Paulo ang aklat na Itinuturo ng Bibliya noong 2005, agad nanauli ang kaniyang interes, at nakipag-aral siya. Di-nagtagal, umalis na siya sa banda, at dumadalo na siya ngayon sa mga pulong Kristiyano.

Britanya

Habang nagbabahay-bahay, nasumpungan ni Marilyn si Melanie, isang ina na interesado sa Bibliya. Iniwanan siya ni Marilyn ng isang tract at nangakong babalik. Pagkatapos ng ilang pagbalik, nadatnan din ni Marilyn si Melanie sa bahay. “Ginamit ko agad ang aklat na Itinuturo ng Bibliya,” ang sabi ni Marilyn, “at naging masulong ang pag-aaral namin ng Bibliya. Nang malapit na ang Pasko, nagulat ako nang sabihin ni Melanie na ito na ang huling paglalagay niya ng Christmas tree. Marami na pala siyang nabasa sa aklat at nalaman na niya ang katotohanan tungkol sa Pasko.”

Colombia

Pinayagan si Consuelo ng kaniyang superbisor na magbakasyon muna para makadalo sa pandistritong kombensiyon. Pagbalik ni Consuelo sa trabaho, kinumusta ng kaniyang superbisor ang kombensiyon, at nasundan ito ng masayang pag-uusap. Nang ipakita ni Consuelo ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, hiniram ito ng superbisor. Pagkalipas ng dalawang araw, isinauli nito ang aklat at sinabing wiling-wili siyang basahin ito. “Hindi lamang ito para basahin kundi para pag-aralan din,” ang sabi ni Consuelo, sabay pakita kung paano isinasagawa ang pag-aaral. “Ibig mong sabihin, puwede kong pag-aralan ang aklat na ito?” ang tanong ng superbisor. Mangyari pa, isinaayos ang pag-aaral, at di-nagtagal, nagpapatotoo na ang superbisor sa kaniyang pamilya at mga kaibigan. Dumadalo na rin siya sa mga pulong Kristiyano, kasama kung minsan ang kaniyang anak na lalaki at ang kaniyang lola.

Guyana

Gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, sinimulan ng regular payunir na si Joseph ang pakikipag-aral sa isang lalaking matagal nang may kilalang Saksi sa Georgetown, ang kabisera. Nang dumating si Joseph para sa unang pag-aaral nila, nadatnan niyang naghihintay ang lalaki at ang dalawang anak na lalaki nito pati ang kani-kanilang asawa. Tinanggap din nila ang mga aklat. Nang sumunod na linggo, sinabi ng ama na hiniram ng isang titser na tagaroon ang kaniyang aklat na Itinuturo ng Bibliya at binasa ito. “Narito ang katotohanan,” ang sabi ng titser. Sumama na rin ang titser sa pag-aaral. Samantala, nabalitaan ng isang kapitbahay ang tungkol sa pag-aaral na ito at nagtanong kung puwede siyang sumama. Nang panahong iyon, inanyayahan silang lahat ni Joseph na dumalo sa Memoryal. Bagaman hindi nakadalo ang lalaking unang nakilala ni Joseph dahil nagkasakit ito, dumalo naman sa Memoryal ang pamilya nito pati na ang titser at ang pamilya nito. Lahat ay patuloy na sumusulong.

Poland

Habang nagpapatotoo sa lansangan, nakita ni Lucjan ang 50-anyos na si Jan, isang kaibigan sa paaralan na matagal na niyang hindi nakikita. Sa kanilang pag-uusap tungkol sa aklat na Itinuturo ng Bibliya, sinabi ni Jan na namatayan siya ng asawa at nagsimula na siyang manigarilyo at naging alkoholiko. “Nang dumalaw akong muli kasama ang isang kaibigan pagkalipas ng ilang araw,” ang sabi ni Lucjan, “naghihintay na si Jan sa amin. Sa kaniya na ring kahilingan, agad kaming nagsimula sa pag-aaral sa aklat na Itinuturo ng Bibliya.” Tumatagos sa puso niya ang katotohanan, at sinisikap niyang mapaglabanan ang kaniyang pagkasugapa at makontrol ang kaniyang malaswang pananalita.

Espanya

Bakit kaya papayuhan ng isang espesyalista sa dugo na mag-aral ng Bibliya ang isang pasyenteng nanlulumo? Dumalaw sa doktor na ito ang dalawang miyembro ng Hospital Liaison Committee at binigyan siya ng isang kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Siya at ang pasyenteng ito ay parehong nanlulumo dahil sa malubhang sakit. Dahil nagustuhan ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, ipinakita niya ito sa kaniyang pasyente, at tiniyak dito na kung makikipag-aral sila sa mga Saksi, pareho silang magiging positibo tungkol sa kinabukasan. Sa loob ng dalawang araw, nakilala ng isang sister na payunir na nagpapatotoo sa lansangan ang babae at pumayag itong makipag-aral. Nag-aaral na rin ang doktor at dumadalo na sa mga pulong Kristiyano.

Zambia

Ang pinuno ng nayon na si Goliath na may dalawang asawa at sampung anak ay hindi naman higante, pero silang mag-anak ay gumawa ng gagahiganteng hakbang sa epirituwal na paraan. Gumawa ng mga pagbabago si Goliath pagkabasang-pagkabasa niya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Noong Enero 2006, silang mag-anak ay nagsimula nang dumalo sa mga pulong Kristiyano, at noong Pebrero hiniwalayan na niya ang kaniyang pangalawang asawa at pinakasalan naman ang kaniyang unang asawa. (Mat. 19:4-6; 1 Tim. 3:2) Noong Marso, nagbitiw siya bilang pinuno ng nayon, at noong Abril, siya at ang kaniyang asawang si Esther ay naging di-bautisadong mamamahayag. Maliwanag na hindi nagustuhan ng mga demonyo ang desisyon nilang maglingkod kay Jehova kaya niligalig ng mga ito si Esther. Gayunman, sinalansang niya ang mga ito, gaya ng tagubilin sa Santiago 4:7. Ang resulta? “Malaya na kaming mag-asawa mula sa mga demonyo,” ang sabi niya.

PAGSISIKAP NA MAGPATOTOO SA IBANG WIKA

Ang maraming bansa ay dinaragsa ng mga dayuhang iba ang wika, at marami sa mga ito ang nagmula sa mga lupaing bawal ang pangangaral. Dahil dito, “isang malaking pinto na umaakay sa gawain ang binuksan,” at maraming kapatid ang pumapasok sa pintong iyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng ibang wika. (1 Cor. 16:9) Bukod dito, ang ilang bansa ay may malaki-laking populasyon ng mga katutubong may sarili ring wika. Pinag-aaralan din ng mga mamamahayag ng Kaharian ang mga wikang ito at umaani sila ng maraming pagpapala.

Upang mapasulong ang gawain sa gayong mga teritoryo, nag-organisa ang ilang sangay ng mga klase sa wika. Para madaling matutuhan ang wika, karaniwan nang iniuugnay ang mga leksiyon sa pang-araw-araw na mga pangyayari sa ministeryo. “Nakatutulong ang kurso upang ibuhos ang iyong pansin sa wika,” ang sabi ni Elisa na nag-aaral ng wikang Albaniano.

Belgium

Iniulat ng sangay na mahigit 300 mamamahayag, edad 9 hanggang 71, ang nakapag-aral na sa 17 klase sa sampung wika. “Natutuhan ko ang wikang Turkiyano at napamahal na sa akin ang mga taong ito,” ang sabi ni Enora. Si Annelies naman ay nag-aaral ng wikang Tsino, at ininterbyu siya ng isang reporter sa pambansang telebisyon. Gusto nitong bumuo ng isang kuwento tungkol sa isang taong gumagawa ng isang bagong bagay sa kaniyang buhay. Mangyari pa, ipinaliwanag ni Annelies kung bakit siya nag-aaral ng wikang Tsino. Nang bumalik ang reporter pagkalipas ng isang taon, ikinuwento ni Annelies ang magandang resulta nito sa kaniyang ministeryo. Hangang-hanga ang reporter anupat ipinalabas sa telebisyon ang programang ito sa panahong napakaraming nanonood, at ipinakita rin ang interbyu kay Annelies at ang isang maikling eksena ng kaniyang pagpapatotoo sa wikang Tsino sa isang hintuan ng bus.

Netherlands

“Bukod sa pagkakaroon ng mas maraming manggagawa sa mga teritoryong banyaga ang wika, ang mga kurso sa wika ay nakatulong din sa mga brother na manguna sa mga kongregasyon,” isinulat ng sangay. Sa Netherlands, may apurahang pangangailangan sa bagong teritoryo na Romaniano ang wika. Paminsan-minsan ay nagsasaayos ng mga pulong ang sangay, pero iisang brother lamang ang nakapangunguna, at mahina ang kaniyang pangangatawan. Sa ngayon, dahil sa kurso sa wika, nadagdagan ang kuwalipikadong mga brother na maaaring manguna. Isang brother ang nangangasiwa sa lingguhang pag-aaral sa aklat, ang isa naman ay nangangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan, at ang ikatlo ay nagsisilbing tagapagsalin kapag wikang Olandes ang pahayag.

Espanya

Mula noong 2003, 48 klase na sa sampung wika ang naisaayos ng sangay, na naging dahilan ng biglang pagtaas ng bilang ng pag-aaral sa Bibliya na umabot ng halos 50,000. Sina Juan at Mari Paz, mag-asawang special pioneer, ay inanyayahan sa bahay ng isang pamilyang Romaniano. Di-nagtagal, natipon ang 16 katao para makinig, pati na ang 19-anyos na si Mario, na pinakaatentibo sa pakikinig. Bagaman hindi siya marunong ng Kastila at hindi naman marunong ng Romaniano ang mga payunir, tinanggap niya ang brosyur na Hinihiling sa kaniyang wika. Nang sumunod na linggo, humiling si Mario ng pag-aaral sa Bibliya at dumalo sa isang-araw na asamblea, kahit halos wala siyang maintindihan. Sa loob ng ilang linggo, dumadalo na siya sa lahat ng pulong sa kongregasyon at nagbibigay na ng mga simpleng komento sa wikang Kastila. Inayos niya ang kaniyang hitsura at ibinahagi sa iba ang kaniyang bagong-tuklas na pag-asa. Nagdaraos na siya ngayon ng pag-aaral sa Bibliya sa isang mag-asawang Romaniano, at maganda ang kanilang pagsulong.

Samantala, sina Juan at Mari naman ay nagsimulang mag-aral ng Romaniano, at di-nagtagal, nagdaraos na sila ng 30 pag-aaral sa Bibliya sa wikang iyon! Si Juan din ang nangangasiwa sa pag-aaral sa aklat sa Romaniano. Tuwing matatapos ang pag-aaral, sampung mamamahayag ang dumadalo sa klase sa wikang Romaniano na ang nagtuturo ay walang iba kundi si Mario, ang pinakaunang estudyante sa Bibliya.

Estados Unidos

Mahigit 50 milyon katao ang nagsasalita ng ibang wika bukod sa Ingles sa kani-kanilang bahay. Sa mga Saksi ni Jehova, mga 254,000 mamamahayag ang naglilingkod sa 3,052 kongregasyon at 53 grupo sa wikang Kastila. Idagdag pa rito ang 26,000 mamamahayag na naglilingkod sa 690 kongregasyon at mga grupo na hindi Kastila. Upang mapadali ang gawain sa napakalaking teritoryong ito, nagsaayos ang sangay ng mahigit 450 klase sa 29 na wika. “Pagkalipas ng dalawang taon, nagkaroon ng apat na bagong kongregasyon sa aming sirkito,” ang iniulat ng isang tagapangasiwa ng sirkito. “Tatlo sa mga ito ay resulta ng mga klase sa wikang Pranses.”

“Natupad ang aming pangarap,” ang sabi ng isang brother na natuto ng Kastila. “Matagal nang gusto naming mag-asawa na maging misyonero, pero may dalawang anak kaming pinalalaki noon. Malalaki na sila ngayon, at retirado na ako sa aking trabaho. Kaya nitong nakalipas na tatlong buwan, lumipat kaming mag-asawa sa kongregasyong Kastila, at binigyan na kami ng mga atas sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Marami rin kaming pagdalaw-muli at may limang pag-aaral sa Bibliya. Sa edad na 67 at 64, nakita naming puwede pa rin palang matuto ng ibang wika kahit matanda na.”

Kung hindi gaanong mabunga ang inyong teritoryo at kung ipinahihintulot ng inyong kalagayan, bakit hindi ipanalanging matuto ng ibang wika at lumipat sa isang teritoryong banyaga o katutubo ang wika? Posible itong maging mabunga, at maaaring magbigay ng panibagong kulay sa inyong ministeryo.

Alemanya

Mahigit nang 30 taon ang nakalilipas nang magsimula sa bansang ito ang mga kurso sa wika, at mahigit 1,000 estudyante ang sinanay sa siyam na wika, mula Albaniano hanggang Vietnames. “Mas marami akong natutuhan dito kaysa sa kursong kinuha ko sa unibersidad,” ang sabi ng isang sister. Dahil pinag-aaralan din ng mga estudyante ang saloobin ng mga tao mula sa ibang bansa, mas madali nilang naaabot ang puso ng mga ito kapag nagpapatotoo sila.

Ang 82-anyos na si Paula ay nag-aaral noon ng Vietnames at naglalakbay nang mga 150 kilometro para dumalo sa mga pulong. “Hirap na hirap akong matuto ng wika,” ang sabi niya, “pero sobrang pasasalamat ko kay Jehova dahil sa kagalakang ipinagkakaloob niya sa akin.” Nagdaraos noon si Paula ng pag-aaral sa isang pamilyang Vietnamese. Unang nagkainteres sa katotohanan ang asawang lalaki at sumunod naman ang asawa nito. Pareho na silang bautisado ngayon.

Pagkatapos ng kanilang bautismo, tinupad ng mag-asawa at ng kanilang anak na babae ang pangarap nilang maglingkod kay Jehova sa kanilang lupang tinubuan. Nagtayo sila ng bahay na may sapat na lugar para sa mga pulong ng kongregasyon, at naglingkod ang asawang lalaki bilang elder at auxiliary pioneer. Regular pioneer naman ang kaniyang asawa. Walang paglagyan ng kagalakan si Paula nang tumanggap siya ng liham mula sa pamilyang ito na ibinabalitang binautismuhan ng ama ang kaniya mismong anak. Ganito ang isinulat ng anak na ito sa liham niya kay Paula: “Mahal kong ‘Lola.’ Namimis ko na po kayo. Lagi ko po kayong naaalaala. Narito po kayong lagi sa aking puso. Mahal na mahal ko po kayo.” Napakasarap nitong pakinggan para sa mahal nating sister na ito, na nagawa pang mag-aral ng isang mahirap na wika kahit may-edad na!

Canada

Mula noong 2002, isang kabuuang bilang na 554 na estudyante ang nakapag-aral sa 31 klase sa wika sa sampung lunsod. Ang paralitikong si Paul na isang elder ay nag-aaral noon ng Mandarin. Si Linda na kaniyang nars ay isang Tsina. Palibhasa’y sinisiraan ng kaniyang relihiyon ang mga Saksi, ayaw pakinggan ni Linda ang mensahe ng Kaharian. Isang araw, nakisuyo si Paul kay Linda na dalhin siya sa Kingdom Hall para makapakinig ng pahayag pangmadla sa wikang Mandarin. Pumayag naman siya pero nasa isang tabi lang at hindi interesado. Minsan naman ay dinala niya si Paul sa pag-aaral sa aklat. Sa pagkakataong ito, si Linda na isang nagsosolong magulang ay matamang nakinig sapagkat tungkol sa pamilya ang pinag-aaralan. Pagkaraan, inalok ng isang sister na payunir si Linda ng pag-aaral sa Bibliya, na tinanggap naman nito. Mabilis ang kaniyang pagsulong at isa na siya ngayon sa ating mga kapatid.

Maraming katutubo sa Canada at mayroon silang sariling wika. Ilang taon na ang nakalilipas, si Carma na isang payunir ay nagpatotoo sa isang lalaking Blackfoot Indian. “Nang magpatotoo ako sa kaniya sa wikang Ingles, ayaw niyang makinig,” ang sabi ni Carma, na nakatira sa pamayanan ng Blackfoot kasama ng kaniyang mga magulang. “Sinabi ng lalaki na ang relihiyon ko raw ay relihiyon ng mga puti at ang Bibliya raw ay aklat ng mga puti. Naisip ko, ‘Sayang, kung alam ko sana ang wika at kultura nila, siguro nakinig siya sa akin.’” Nagdesisyon si Carma na pag-aralan ang wika at pagkaraan ay tinulungan ang 23 mamamahayag na mag-aral sa lingguhang klase sa wikang Blackfoot.

Isa sa mga estudyante ang nagpatotoo sa mag-asawang Blackfoot na nasa ospital noon para dalawin ang kanilang anak na may-sakit. Palibhasa’y natuwa dahil marunong ng wika nila ang sister, ibinigay ng mag-asawa ang kanilang adres. Napag-alaman ni Carma na iyon mismo ang lalaking nakilala niya noong nakaraang taon! Kaya sinamahan niya ang sister sa pagdalaw-muli. “Hindi lamang sila nakinig kundi sumang-ayon pa sa sinasabi ng Bibliya,” ang kuwento ni Carma. “Binigyan sila ng sister ng Bibliya at ng pantulong sa pag-aaral. Lumuluhang niyakap ng babae ang dalawang publikasyon, habang nakangiti naman ang kaniyang asawa. Nag-aaral na siya ngayon, at nakikinig din ang kaniyang asawa.”

Bilang pagtukoy sa tagumpay ng klase sa wika, iniulat ng sangay na 34 na Blackfoot ang dumalo sa Memoryal sa kanilang sariling wika noong 2006!

Italya

Mga 7,200 mamamahayag ang nag-aral sa mga klase sa 18 wika. Nakilala ng isa sa mga estudyanteng ito si Samson, galing sa isang lupaing bawal ang pangangaral. Sa edad na 24, tinahak ni Samson ang ayon sa kaniya’y isang paglalakbay na punô ng pag-asa. Tumawid siya sa disyerto at pagkatapos ay naglayag patungong Italya. Doon niya nakilala ang brother na marunong ng kaniyang wika. Matamang nakinig si Samson at dumalo pa nga sa pulong Kristiyano. Matapos magkahiwalay nang sampung buwan, nagkita silang muli, at nag-aral sila ng Bibliya. Nag-aaral sila sa mga restawran, istasyon ng tren, at paradahan ng sasakyan. Matapos dumalo sa Memoryal, binago na ni Samson ang kaniyang buhay, at pinutol na niya ang kaniyang pakikipagrelasyon sa isang babaing mag-iisang taon na niyang kinakasama. Isa na siya ngayon sa ating mga kapatid.

Nicaragua

Noong 2006, nakapagbigay ang mga kapatid ng magandang patotoo sa mga katutubong Mayangna sa kauna-unahang pagkakataon. Karamihan sa mga Mayangna ay kabilang sa relihiyong Moravian, isang grupong Protestante, at ang di-opisyal na alkalde sa bawat bayan ang kanilang pastor. Nilabag ng isa sa mga pastor na ito ang tradisyon at pinatuloy ang mga special pioneer na sina Hamilton at Abner sa bayan. Siya pa mismo ang naghanap ng kanilang matutuluyan at binigyan sila ng kumpletong Bibliya sa wikang Mayangna. Pinag-aralan ng mga brother ang wikang ito at di-nagtagal, dumami na ang kanilang tinuturuan sa Bibliya. Sa katunayan, ang mga payunir na ito ang tagapagsalin nang dumalo sa pulong ang 13 katao noong kauna-unahang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, at 90 ang dumalo sa Memoryal. Minsan naman, isinalin ng mga brother na ito sa wikang Mayangna ang dalawang awit, at bigay na bigay sa pag-awit ang lahat.

Dahil sa matinding interes na ito, pumayag ang sangay na manatili roon ang mga payunir. Ngunit papayag kaya ang mga opisyal doon? Sa isang pulong ng pamayanan, inakusahan ng ilan ang mga Saksi ni Jehova bilang antikristo. Gayunman, may isang lalaki roon na nakikipag-aral sa mga Saksi at kabilang sa konseho ng bayan. “Mula nang dumating sa ating bayan ang dalawang binatang ito,” ang sabi niya, “wala akong nakitang nagluto o naglaba para sa kanila. Sila mismo ang nag-aasikaso sa kanilang sarili. Marunong pa nga sila ng ating wika! Bukod diyan, tinuturuan nila tayo sa Bibliya ng mga bagay na hindi natin alam noon. Kung hindi mula sa Diyos ang mga lalaking ito, tiyak na wala na sila rito ngayon.” Pinayagang manatili ang mga kapatid.

PAGSASALIN PARA SA MGA BINGI

Estados Unidos

Noong 2006, inilabas ang isang set ng mga DVD na The Good News According to Matthew sa American Sign Language. Sa kauna-unahang pagkakataon, nababasa na rin ng mga mamamahayag na bingi ang lahat ng kabanata ng Bagong Sanlibutang Salin sa kanilang sariling wika. “Ito ang pinakamagandang personal na liham na natanggap ko mula kay Jehova,” ang sabi ng isang elder na bingi. Ang isa naman ay nagsabi, “Nakikita ko na ngayon kung paano umaakma ang bawat talata sa konteksto nito.” Sumulat ang isang sister na may tunguhing tapusin ang isang kabanata sa bawat araw: “Hindi ko namalayang huli na pala ako sa aking lakad dahil nakaapat o nakalimang kabanata na ako at nakalimot ako sa oras!”

Brazil

Napakabilis ng pagsulong ng teritoryo sa wikang pasenyas. Sa kasalukuyan, may 232 kongregasyon sa wikang pasenyas, at bumubuo ito ng sampung sirkito at isang distrito. Mahigit 1,000 elder at ministeryal na lingkod at 146 na special pioneer, 8 rito ay bingi, ang naglilingkod sa mga kongregasyon sa wikang pasenyas at gumagawa sa mga teritoryo nito. Sa mga elder at ministeryal na lingkod, mahigit 100 ang nagsasabing sumulong sila sa espirituwal dahil sa magagandang publikasyong inilalaan ng organisasyon ni Jehova para sa mga bingi. Kabilang sa mga pantulong na ito sa pag-aaral Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, Patuloy na Magbantay!, Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, at Ang Bantayan. Mula 2006, ibinagay na sa wikang pasenyas ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na ginagamit ang mga publikasyong makukuha sa wikang iyon.

“Nasubukan ko na ang iba’t ibang relihiyon,” ang sabi ng 30-anyos na titser, “pero masasabi kong tanging mga Saksi ni Jehova lamang ang talagang may kakayahang magturo ng Bibliya sa mga bingi.” Sinabi niyang di-makatuwiran at walang bisa ang itinuturo ng kanilang relihiyon. Bagaman pinipigilan siya ng kaniyang mga kaibigan, determinado pa rin siya sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Patuloy sanang ilapit ni Jehova sa kaniyang Anak ang tapat-pusong mga taong ito!—Juan 6:44; Apoc. 14:6.

BALITA HINGGIL SA MGA KASO SA HUKUMAN

Eritrea

Dahil hindi bumoto ang mga kapatid noong pambansang reperendum, iniutos ng pangulo ng bansa noong 1994 na alisan ng pagkamamamayan ang mga Saksi ni Jehova. Dahil sa desisyong ito, ang mga kapatid ay naghirap, at daan-daan ang tumakas sa bansa, at nanganlong sa ibang lugar. Nanatili naman ang iba, kabilang na ang ilang kapatid na may mga anak na nag-aaral. Kapag ikasiyam na grado na, lahat ng estudyante—babae’t lalaki—ay inirerehistro para magsundalo. Dahil dito, maraming kabataan ang huminto na ng pag-aaral pagkatapos ng ikawalong grado.

Naging mapanganib na ang pagdalo sa mga pulong sa kongregasyon at pangangaral; inaaresto ang buong kongregasyon! Gayunpaman, patuloy pa ring sinusunod ng mga kapatid ang “Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Sa kasalukuyan, 31 kapatid ang nakabilanggo, pati na ang 73-anyos na brother na isang mamamayan ng Netherlands. Ang iba ay ibinilanggo dahil ayaw nilang magsundalo. Tatlong kapatid—sina Paulos Eyassu, Isaac Mogos, at Negede Teklemariam—ang nakakulong mula pa noong 1994.

Pransiya

Noong Pebrero 25, 2005, nagsumite ng aplikasyon sa European Court of Human Rights (ECHR) tungkol sa di-makatarungang pagpapataw ng buwis sa Association of Jehovah’s Witnesses. Mahigit 874,000 katao ang pumirma sa pambansang petisyon laban sa kawalang-katarungang ito, at isinumite ang dokumento sa Hukuman. Magkagayunman, noong Enero 2006, iniutos ng mga awtoridad sa buwis na bayaran ng mga kapatid ang kanilang balanse sa buwis.

Agad na nakipag-ugnayan sa ECHR ang mga Saksi ni Jehova upang ipagbigay-alam ito. Agad namang pinag-aralan ng Hukuman ang aplikasyon. Noong Mayo 4, 2006, iniutos ng Hukuman sa gobyerno ng Pransiya na isumite nila ang kanilang paliwanag tungkol sa kaso. Ang layunin nito ay upang matiyak kung nilabag ang kalayaan ng mga Saksi ni Jehova sa relihiyon at kung nagkaroon ng anumang diskriminasyon.

Alemanya

Noong Pebrero 10, 2006, iniutos ng Federal Administrative Court sa Leipzig na kilalanin ng Estado ng Berlin ang Religious Association of Jehovah’s Witnesses sa Alemanya bilang isang pampublikong korporasyon. Tinapos nito ang 15-taóng kaso sa hukuman. Hindi na kailangan ng Religious Association na magbayad ng buwis at makatatanggap na sila ng iba pang benepisyo para sa mga pangunahing relihiyon. Noong Hulyo 5, 2006, inilabas ng Estado ng Berlin ang opisyal na pagkilala nito, at ibinigay ang kaukulang sertipiko sa dalawang miyembro ng Komite ng Sangay.

Gresya

Napakatagal nang ipinagpapaliban o tinatanggihan ang permit na itayo at okupahan ang mga Kingdom Hall dahil iniuutos ng batas na aprobahan muna ito ng obispong Griego Ortodokso. Noong Mayo 30, 2006, ipinasiya ng parlamento na ang Ministry of National Education and Religions na lamang ang mangangasiwa sa mga permit na hinihiling ng mga relihiyong di-Ortodokso.

Noong Hulyo 15, 2005, binawi ng mga opisyal ng isang pampublikong istadyum sa Loutraki, Corinth ang desisyon nitong pahintulutan ang mga kapatid na upahan ito para gamitin sa pandistritong kombensiyon. Kinuwestiyon ng administrasyon kung “kinikilalang relihiyon” ang mga Saksi ni Jehova. Nakialam ang ombudsman, at noong Pebrero 2006, nangako ang mga opisyal ng istadyum na tatanggapin ang mga bagong aplikasyon sa kondisyon na ang mga Saksi ni Jehova ay nasa katayuan bilang isang kinikilalang relihiyon.

Nepal

Matagumpay na nairehistro ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyosong samahan noong Oktubre 2005. Ang isa sa layuning nakasaad sa karta ng organisasyon ay upang “pasiglahin ang edukasyon tungkol sa Diyos.” Ang pagrerehistrong ito ay makatutulong sa pagpapasulong ng pangangaral ng mabuting balita sa lupaing ito na maraming Hindu.

Romania

Bagaman naparehistro na ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon noong 1990, inalis sila sa listahan ng opisyal na kinikilalang relihiyon na ipinalabas ng Estado noong 1997. Dahil dito, hindi pinayagan ang mga kapatid na magtayo ng mga Kingdom Hall, at hindi sila binigyan ng eksemsiyon sa pagsusundalo—mga karapatang ipinagkaloob sa mga kinikilalang relihiyon. Inutusan ng Korte Suprema ng Romania ang gobyerno na kilalanin ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon, pero paulit-ulit itong nilabag ng gobyerno. Noong Marso 2006, sa tulong ng ECHR, nakipag-ayos ang gobyerno sa mga Saksi ni Jehova, anupat natapos din ang siyam-na-taóng kaso sa hukuman. Inamin ng gobyerno na dapat ibigay sa ating organisasyon ang “lahat ng karapatan at obligasyong ipinagkakaloob ng batas” para sa mga kinikilalang relihiyon.

Turkey

Nang isumite ng sangay ang pagpaparehistro bilang isang relihiyon, sinabi ng gobyerno na imposible ito, kahit binago na ang batas upang makasunod sa mga pamantayan ng European Union. Sa kasalukuyan ay hawak ng lokal na hukuman ang kaso, pero sa bandang huli ay maaari itong mapunta sa ECHR.

Ang isa pang problema ay may kinalaman sa pagsusundalo. Ipinatatawag ang mga kapatid tatlo o apat na ulit sa isang taon hanggang sa makalampas sila sa hinihiling na edad. Sinesentensiyahan sila sa bawat pagtawag sa kanila. Ang ilan ay paulit-ulit na pinagmumulta, at ang iba naman ay ibinibilanggo. Noong 2004, nagsumite si Yunus Erçep ng aplikasyon sa ECHR. Bagaman maraming ulit na siyang pinagmulta, ibinilanggo pa rin si Brother Erçep noong Oktubre 2005 at pinalaya matapos bunuin ang 5 buwan sa kaniyang 12-buwang sentensiya. Sa araw ng kaniyang paglaya, ipinatawag na naman siya ng hukuman at pinagmulta dahil sa pagtanggi niya noon na magsundalo.

Uzbekistan

Sa nakalipas na apat na taon, nagkaroon ng mahigit 1,100 dokumentadong kaso ng mga kapatid na inaresto, ikinulong, pinagmulta, o binugbog. Mahigit 800 sa mga insidenteng ito ang nangyari noong Memoryal ng 2005 at 2006. Sa maraming lugar, dumating sakay ng mga bus ang mga pulis na may hawak na batuta at inaresto ang lahat ng dumalo. Marami ang pinagmulta; ang ilan ay binugbog nang husto.

Gayunman, nakapagbigay pa rin ng mainam na patotoo ang mga kapatid. Tingnan natin ang kaso ng isang brother at isang sister na napaharap sa kasong kriminal dahil sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at pangangaral. Hiniling ng kanilang abogado na suriin ng korte ang mga literaturang kinumpiska noong arestuhin sila. Malakas na binasa ang aklat na Kaalaman at ang brosyur na Hinihiling, at nagbasa rin ang hukom. Dahil partikular na interesado siya sa kabanata 5 ng aklat na Kaalaman, “Kaninong Pagsamba ang Sinasang-ayunan ng Diyos?” iniutos ng hukom na ituloy ang pagbasa kahit hindi na sila mananghali.

Nang sipiin ang Mateo 28:19, 20, napabulalas ang hukom, “Ito pala ang dahilan kaya kayo nangangaral!” Nang itanong niya kung bakit pinag-usig ni Hitler ang mga Saksi ni Jehova, binigyan siya ng tatlong videocassette: Purple Triangles, Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault, at The Bible—Accurate History, Reliable Prophecy. Bagaman pinagmulta ang mga kapatid, nakapagpatotoo naman sila sa mga opisyal ng hukuman sa paraang hindi nila inaasahan.—Luc. 21:12, 13.

Sudan

Noong Hunyo 2006, nairehistro na ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon sa walong estado. Ang mga kapatid ay nagtayo ng mga Kingdom Hall sa mga lugar na ito at hayagang nagdaos ng malalaking asamblea. Malayang naipapasok mula sa ibang bansa ang ating mga literatura, at may opisina ang mga kapatid sa Khartoum.

Russia

Noong Abril 12, 2006, nagdiriwang ng Memoryal ang isang kongregasyon sa Moscow na may 200 mamamahayag nang biglang dumating ang mahigit 50 armadong pulis. Pinatigil ng pinuno ng Lyublino Police Department ang pulong, sabay sabing pinagbabawalan ang mga Saksi ni Jehova sa Moscow na magdaos ng gayong pagtitipon. Hinanapan kami ng mga pulis ng mga papeles, kinumpiska ang mga literatura, at dinala ang 14 na brother sa istasyon ng pulis sa Lyublino, kung saan mahigit apat na oras silang ikinulong. Nang pumunta sa istasyon ng pulis ang isang brother para tumulong sa kaso, itinulak siya at tinutukan ng patalim. Sinabihan siyang huwag magdedemanda. Gayunman, 4 sa 14 na brother ang nagdemanda laban sa Lyublino Police Department noong Abril 17.

Nagsimula ang pagdinig noong Mayo 16 sa Lyublino District Court sa Moscow sa sala ni Hukom Z. V. Zubkova. Walang dumating sa mga opisyal na lumusob maliban sa abogado nila. Walang paliwanag na ibinasura ng hukom ang 50 pagtutol na ibinangon ng mga abogado ng mga kapatid at tinanggihan ang karamihan sa kanilang mga mosyon. Sa kabilang dako naman, tinanggap ng hukom ang mosyon ng abogado ng departamento ng pulisya na ipakita ang isang kopya ng desisyon ng Golovinsky Intermunicipal District Court na nagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Moscow at ang opinyon ng sikologong si L. V. Kulikov, na tumestigo noon laban sa mga Saksi ni Jehova.

Noong Hunyo 15, 2006, sinabi ng hukom na ilegal ang pagkakabilanggo ng mga nagdemanda ngunit hindi siya nagdesisyon tungkol sa panggugulo sa Memoryal. Sinabi rin ng hukom na hindi nakaaabot sa kahilingan para sa relihiyosong pagtitipon ang awditoryum na inupahan nila. Nag-apela sa Moscow City Court ang mga Saksi ni Jehova noong Hunyo 30, 2006, at binanggit nila ang maraming paglabag ng Lyublino District Court sa panahon ng pagdinig. Naidaos ang Memoryal sa 22 iba pang lugar sa Moscow nang walang gambala.

Binanggit sa pambungad na parapo ng Tampok na mga Pangyayaring ito ang hangarin ng salmista: “Aawit ako sa aking Diyos hangga’t ako ay nabubuhay.” (Awit 146:2) Sa ngayon, milyun-milyong lingkod ni Jehova ang nagpapakita ng maraming katibayan na gayundin ang kanilang marubdob na hangarin. Oo, hanggang nagpapatuloy ang kasalukuyang sistema, huwag sanang maging dahilan ang mga bilangguan, batas, o wika upang pigilan tayong umawit sa ating makalangit na Ama!

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Hindi Lamang Basta Paanyaya

Nakalimbag sa handbill ang isang kupon para sa mga nagnanais magkaroon ng pag-aaral sa Bibliya, ng isang kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya, o ng dalawang ito. Nakatanggap agad ang mga tanggapang pansangay sa buong daigdig ng mga kupon na pinunan. Iniulat ng sangay sa Estados Unidos na tumanggap sila ng kulang-kulang 2,000 kupon, lakip na ang 300 humihiling ng pag-aaral sa Bibliya. Kitang-kita ang magagandang resulta ng pagpapagal ng ating mga kapatid sa pamamahagi ng hand-bill.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 12, 13]

Kailangang-kailangan ang Aklat na Itinuturo ng Bibliya!

Sa pagtatapos ng Hulyo 2006, mahigit nang 47 milyong kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya ang nailimbag sa 155 wika, bukod pa sa 10 edisyon sa Braille. Sa loob lamang ng isang buwan, umoorder ang mga kongregasyon sa Estados Unidos ng katamtamang bilang na 42,000 aklat araw-araw. Sangkatlo sa mga order na ito ay apurahan. Para sa pamilyang Bethel sa buong daigdig, isang pribilehiyo ang puspusang paggawa upang mapaglaanan ng gayong literatura ang mga kapatid.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 28, 29]

Mga Pag-aalay ng Sangay

Albania

Natapos ang 50-taóng pagbabawal sa ating gawain noong 1992. Tatlong daan at dalawampu’t limang kapatid ang dumalo sa pag-aalay ng bagong sangay na nasa labas ng Tiranë. Kabilang dito ang apat na may-edad nang mga Saksing naglingkod sa Diyos noong panahon ng pagbabawal. Naroon din ang mga delegado mula sa 32 pang lupain. Nang dumating ang mga misyonero noong 1992, mayroon lamang siyam na bautisadong mamamahayag noon sa bansa. Ngayon ay mayroon nang 3,617. Ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala na sina Theodore Jaracz at Gerrit Lösch ang may bahagi sa programa, na ginanap noong Hunyo 3, 2006. Nang sumunod na araw, nagpahayag sila sa isang istadyum na dinaluhan ng 5,153, na matamang nakinig sa kabila ng malakas na ulan.

Croatia

Dobleng pagpapala ang tinamasa nila noong nakalipas na taon: ang paglalabas ng kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Croatiano noong pandistritong kombensiyon at ang pag-aalay ng karagdagang mga gusali sa sangay sa Zagreb. Noong Biyernes, Agosto 11, 142 ang nakinig kay Brother Jaracz sa kaniyang pahayag sa pag-aalay. Ginanap ang unang pag-aalay pitong taon na ang nakalilipas, noong 1999.

Slovenia

Noong Sabado, Agosto 12, binigkas ni Brother Jaracz ang pahayag sa pag-aalay sa bagong sangay sa Kamnik, isang bayan na nasa mga 20 kilometro sa hilaga ng kabisera, ang Ljubljana, at mga 130 kilometro sa kanluran ng Zagreb, Croatia. Noon, ang pamilyang Bethel ay nakatira sa iba’t ibang apartment sa kabisera kung kaya tuwang-tuwa sila dahil nagkasama-sama na rin sila sa wakas! Nakinig ang 144 na kinatawan mula sa 20 bansa.

[Mga larawan]

Gusali ng tanggapang pansangay ng Albania

Isang espesyal na pulong na dinaluhan ng 5,153

Karagdagang mga pasilidad sa sangay sa Croatia

Sangay sa Slovenia

[Larawan sa pahina 6]

Pagpapatotoo sa isang babaing bingi, Brazil

[Larawan sa pahina 17]

Kauna-unahang klase sa wikang Hindi, Alemanya

[Larawan sa pahina 19]

Sina Linda at Paul

[Larawan sa pahina 19]

Si Carma habang nagpapatotoo sa wikang Blackfoot

[Larawan sa pahina 20]

Klase sa wikang Kastila, Roma, Italya

[Larawan sa pahina 20]

Habang nagpapatotoo kay Samson

[Larawan sa pahina 21]

Sina Hamilton at Abner habang nagtuturo ng Bibliya sa wikang Mayangna

[Larawan sa pahina 27]

Kingdom Hall sa timugang Sudan