Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Liham Mula sa Lupong Tagapamahala
Mahal Naming mga Kapuwa Saksi ni Jehova:
Sinamantala ni apostol Pablo ang bawat pagkakataong maipadama ang kaniyang pag-ibig at pagpapahalaga sa kaniyang mga kapananampalataya. Sa mga Kristiyano sa Roma, sumulat siya: “Nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo may kinalaman sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay pinag-uusapan sa buong sanlibutan.” (Roma 1:8) Oo, sa buong Imperyo ng Roma, nakilala ang unang-siglong mga Kristiyanong iyon sa kanilang matibay na pananampalataya at sa kanilang masigasig na pangangaral. (1 Tes. 1:8) Hindi nga kataka-takang makadama si Pablo ng gayon katinding pagmamahal sa kaniyang mga kapatid!
Gaya ni Pablo, nagpapasalamat kami kay Jehova sa tuwing naaalaala namin kayo. Mahal na mahal namin kayong lahat! At makatitiyak kayong iniibig kayo ni Jehova bilang indibiduwal. Ang ilan sa inyo ay dumaranas ng matinding pagsalansang, pero patuloy pa rin kayo sa pangangaral. Tiyak na napasasaya ninyo ang puso ni Jehova dahil sa inyong ipinakikitang katapangan!—Kaw. 27:11.
Habang maingat ninyong binabasa at binubulay-bulay ang “Mga Gawa ng mga Saksi ni Jehova sa Modernong Panahon” na itinatampok sa kapana-panabik at nakapagpapatibay na edisyong ito ng Taunang Aklat, makikita ninyo ang sapat na katibayan na ang Panginoong Jesu-Kristo ay humahayong ‘nananaig upang lubusin ang kaniyang pananaig’ at anumang Apoc. 6:2; Isa. 54:17.
sandatang aanyuan laban sa mga tagasunod ni Kristo ay hindi magtatagumpay.—Sa mga Kristiyano sa Filipos, sumulat si Pablo: “Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos . . . dahil sa iniabuloy ninyo sa mabuting balita.” (Fil. 1:3-5) Ganiyan din ang nadarama namin para sa inyo, kami na mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Noong 2007 taon ng paglilingkod, 6,691,790 mamamahayag ang gumugol ng kabuuang 1,431,761,554 na oras sa pangangaral ng mabuting balita sa 236 na bansa sa buong lupa. Napakalaki talaga ng iniabuloy ninyo sa pagpapalaganap ng mabuting balita! Isipin na lamang ang daan-daang libong buhay na naabot natin dahil sa ating sama-samang pagsisikap, na pawang sa ikapupuri ni Jehova!
Sa isang pagkakataon naman, ipinakita ni Pablo ang kaniyang matinding empatiya sa kaniyang mga kapatid. Sumulat siya sa mga taga-Tesalonica: “Walang-lubay naming isinasaisip . . . ang inyong pagbabata dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Kristo sa harap ng ating Diyos at Ama.” (1 Tes. 1:2, 3) Oo nga’t hindi tayo nawawalan ng problema sa buhay. Bumabangon ang mga problema, pero nakapagbabata tayo at iyan ang mahalaga. Anong mga hamon ang napapaharap sa iyo? Nasisiraan ka ba ng loob dahil di-gaya ng dati, limitadung-limitado na ngayon ang paglilingkod mo kay Jehova dahil sa isang malubhang karamdaman? Ang iyo bang pinakamamahal na asawa na napakatagal mo nang kasama sa buhay ay naging biktima ng sakim na kaaway, ang Sheol? (Kaw. 30:15, 16) Para bang wala kang makita-kitang mapapangasawa na kapareho mong umiibig kay Jehova at sa kabila nito ay tapat ka pa ring sumusunod sa payo ng Kasulatan na mag-asawa tangi lamang sa Panginoon? (1 Cor. 7:39) Nagsisikap ka bang itaguyod ang iyong mga anak sa kabila ng mga problema sa kabuhayan? Alinman dito ang problema mo, kung patuloy mong uunahin ang mga kapakanan ng Kaharian, makaaasa kang ‘hindi kalilimutan ni Jehova ang iyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita mo para sa kaniyang pangalan.’ Nakikiusap kami sa inyo mga kapatid, huwag kayong “manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam”!—Heb. 6:10; Gal. 6:9.
Ano ang tutulong sa inyo para makapagbata? Gaya ng sa mga taga-Tesalonica, iyon ay ang “pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Kristo.” Kaya naman angkop lamang na ihalintulad ni Pablo ang “pag-asa ng kaligtasan” sa isang matibay na helmet na magsasanggalang sa isang Kristiyano mula sa mga negatibong kaisipan at di-mawala-walang pag-aalinlangan.—1 Tes. 5:8.
Oo, dahil sa inyong masayang pagbabata, nasasagot ninyo ang panunuya ni Satanas tungkol sa malaking isyu ng pansansinukob na soberanya. Ipinamamarali ni Satanas na likas na sa mga lingkod ng Diyos na maging sakim at bagaman handa silang maglingkod sa Diyos sa loob ng ilang panahon, mananamlay din sila sa kanilang pagsamba kapag tumindi na ang mga pag-uusig o kapag ang sistemang ito ng mga bagay ay nagtagal kaysa sa kanilang inaasahan. Pribilehiyo ninyong ilantad ang Diyablo bilang ang pinakakasuklam-suklam na sinungaling! Ang bawat araw na napipigtal sa inyong buhay ay naglálapít sa inyo sa katuparan ng inyong pag-asa.
Gaya ni Pablo na nagsasamantala sa mga pagkakataong papurihan ang kaniyang mga kapatid dahil sa kanilang matibay na pananampalataya, kasigasigan sa pangangaral, at pagbabata, sinasamantala rin namin ang pagkakataong ito para bigyan kayo ng komendasyon at ipabatid na talagang mahal namin kayo. Ipagpatuloy ninyo ang inyong mabubuting gawa!
Sana’y mapuspos ng espirituwal na mga pagpapala ang susunod na taon. Ang inyong kapakanan ang laging nasa isipan namin.
Ang inyong mga kapatid,
Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova