Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

ANG mga pangyayari noong nakaraang taon ay karagdagang katibayan na nasa dulo na tayo ng “mga huling araw,” na inilalarawan sa Salita ng Diyos bilang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Gayunman, habang pahirap nang pahirap ang kalagayan sa mga huling araw, lalo namang kitang-kita ang pagpapala ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod sa buong lupa. Mapaharap man ang mga Saksi ni Jehova sa likas na sakuna, krimen at karahasan, sakit, depresyon, pagtanda, pagsalansang, o kawalan ng interes, sa pamamagitan ng lakas ni Jehova ay patuloy silang ‘tumatakbo nang may pagbabata sa takbuhan na inilagay sa harap nila.’—Heb. 12:1.

“MALAPIT NA ANG WAKAS NG HUWAD NA RELIHIYON!”

Noong Oktubre at Nobyembre 2006, pinag-ibayo ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pangangaral sa buong lupa upang maipamahagi ang Kingdom News Blg. 37, “Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon!” Ano ang naging reaksiyon sa nakapupukaw na mensaheng ito?

“Sapol na sapol!” ang sabi ng isang lalaki sa Sweden na nababagabag sa pagpapaimbabaw ng huwad na relihiyon. Tulad ng lalaking ito, marami ang nagsimulang makipag-aral ng Bibliya dahil sa Kingdom News.

Nepal

Sa Kathmandu, binigyan ni Dil ng Kingdom News ang isang lalaking palasimba ngunit iniwan ng kaniyang asawa dalawang buwan pa lamang ang nakalilipas dahil sa kaniyang paglalasing. Nang bumalik si Dil at ang kaniyang mister na si Buddha para talakayin ang Kingdom News, sinabi ng lalaki na hindi niya gusto ang iginagawi ng ilang miyembro ng kanilang simbahan, at ang mensaheng naririnig niya sa mga Saksi ni Jehova ay ibang-iba sa naririnig niya sa simbahan. Ipinakita sa kaniya ng brother ang Apocalipsis 18:2-4 at idiniin ang kahalagahan ng paglabas mula sa “Babilonyang Dakila.” Sa ikatlong pagdalaw, sinimulan nilang pag-aralan ang aralin 13 ng brosyur na Hinihiling. Sa ikalimang pagdalaw, nakausap ng mga mamamahayag ang misis nito na bumalik na sa kanilang tahanan. Pamilyar siya sa mga Saksi ni Jehova at nagustuhan niya ang ating mensahe. Sa ikapitong pagdalaw, magkasama nang nakipag-aral ang mag-asawa gamit ang brosyur. Sinabi ng asawang babae, “Hindi na naglalasing ang asawa ko ngayon.”

Brazil

Naipabasa sa iba ng isang drayber ng pampasaherong motorsiklo ang natanggap niyang Kingdom News nang idikit niya ito sa likod ng kaniyang dyaket sa loob ng ilang araw. Kaya nakikita ng mga pasahero ang harap ng tract habang patungo sila sa kanilang pupuntahan.

Nagulat ang dalawang sister sa Brazil nang lumapit sila sa isang bahay at mabasa ang nakapaskil na babala, “Puwede kang pumasok, pero hindi ka makakalabas dito nang buháy.” Sa takot nila, tinanong nila ang dalawang brother kung ano ang dapat gawin. Ipinasiya ng mga brother na puntahan ang bahay. Pagkatapos humingi ng patnubay kay Jehova sa panalangin, pumalakpak ang mga brother upang ipaalam na dumating sila. Mabait namang tinanggap ng nakatira doong pulis ang Kingdom News. Ipinaliwanag niya na kinukumpuni niya ang kaniyang bahay at maraming materyales sa pagtatayo sa kaniyang bakuran. Kaya inilagay niya ang babala para takutin ang mga magnanakaw. Nang dalawin siyang muli ng mga mamamahayag, pumayag siyang makipag-aral ng Bibliya.

Mongolia

Maraming beses nang sinubukang magpatotoo ni Tsetsegmaa sa kaniyang ate. Bagaman nakadalo na ang kaniyang ate sa ilang pulong at sa Memoryal nang dalawang magkasunod na taon, hindi siya gaanong interesado at ayaw niyang mag-aral ng Bibliya. Pero nang makita niya ang Kingdom News Blg. 37 sa bahay ni Tsetsegmaa, naging interesado siya. Umabot nang dalawang oras ang pag-uusap nilang magkapatid dahil marami siyang tanong na sinagot naman ni Tsetsegmaa gamit ang Bibliya. Ang kaniyang ate, na nagulat sa narinig niya, ay nagsabing nais niyang matuto pa nang higit at regular na ngayong nakikipag-aral ng Bibliya.

Georgia

Binigyan ng mga Saksi ng Kingdom News ang isang babae na nagtanong kung may kinalaman ba ito sa relihiyon. Nang sagutin nila siya ng “opo,” kinuha niya ang Kingdom News at nangakong babasahin ito. Nang bumalik ang mga Saksi, itinanong ng babae kung nalinlang ba siya ng Simbahang Ortodokso. Nababahala siya sa kalagayan ng daigdig at sa pagbaba ng moralidad ng mga kabataan. Sinabi niya na nahihirapan siyang humanap ng paksang mapag-uusapan nila ng kaniyang mga anak. Ipinakita sa kaniya ng mga Saksi ang 2 Timoteo 3:1-5, at tinanggap niya ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Nang paalis na ang mga Saksi, sinabi niya: “Kumbinsido ako na ang relihiyon ninyo ang tunay. Nais kong papurihan ang pananamit, katapatan, at mataas na moralidad ng inyong mga kabataan.” Regular na ngayong nagbabasa ng ating magasin ang babae.

Bangladesh

Namahagi ng Kingdom News Blg. 37 ang 19-na-taóng gulang na si Richel sa isang teritoryong hindi pa napapangaralan. Bagaman medyo malayo ito sa kanilang tirahan, naisip ni Richel na dapat siyang pumunta roon dahil espesyal na kampanya ito. Sa ikalawang pinto, nakausap niya ang dalawang dalaga na nagsabing Kristiyano sila at kamamatay lamang ng kanilang ama dalawang buwan ang nakararaan. “Bakit kaya pinahintulutan ng Diyos na mangyari ito sa amin?” ang tanong nila. Sumagot si Richel mula sa Bibliya, at malugod na tinanggap ng mga dalaga ang Kingdom News saka nagsabi kay Richel, “Isinugo ka ng Diyos sa aming bahay.” Dahil nakita ni Richel ang espirituwal na pangangailangan ng mga dalaga, nag-alok si Richel na makipag-aral sa kanila ng Bibliya, at agad naman nila itong tinanggap. Masisipag silang estudyante at marami silang tanong. Maraming kailangang saliksikin si Richel, subalit talagang nasisiyahan siya sa pagtuturo ng katotohanan sa mga gutóm sa espirituwal.

Armenia

Isang regular pioneer na nagngangalang Eliza ang tinawagan ng dati niyang estudyante sa Bibliya na si Lilit. Sinabi nito, “Kailangang-kailangan mong kanselahin ang anumang plano mo bukas at puntahan mo ako para maipagpatuloy natin ang ating pag-aaral.” Ano ang nangyari? Nang unang makipag-aral ng Bibliya si Lilit sa mga Saksi ni Jehova, sinabi sa kaniya ng asawa niya, “Mamili ka, ako o si Jehova?” Kaya tumigil siya sa pag-aaral. Ngayong dalawang taon na ang nakalilipas, nakatanggap siya ng Kingdom News Blg. 37 habang naglalakad-lakad sila ng kaniyang mga anak sa parke. Muling sumidhi ang kaniyang interes anupat lakas-loob niyang sinabi sa kaniyang asawa, “Baka kontento ka nang mabuhay nang 50 taon na malakas ang pangangatawan at saka mamatay, pero ako hindi!” Pagkatapos ay ipinangako niya sa kaniyang mister na makatutulong ang pag-aaral niya ng Bibliya upang mabago niya ang kaniyang pangit na mga ugali, kaya naman hindi na siya sinalansang ng kaniyang asawa. Pumayag na ito ngayon at inaalagaan pa niya ang kanilang mga anak habang nakikipag-aral si Lilit.

Cambodia

Noong espesyal na kampanya, nakausap ng isang misyonerong nagngangalang Hugues ang isang Muslim na lalaki. Nang mabasa ng lalaki ang Kingdom News, sumang-ayon ito na hindi dapat makipagdigma ang mga relihiyon. Dismayado siya mismo sa kaniyang relihiyon na ayon sa kaniya ay nagkaroon ng masamang reputasyon dahil sa mga panatikong miyembro nito. Binasa sa kaniya ni Hugues ang Awit 46:9 kung saan nangangako ang Diyos ng isang sanlibutang wala nang digmaan. Nang sumunod na linggo, ipinakita sa kaniya ni Hugues ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Lubha na ngayong pinahahalagahan ng lalaki ang Bibliya at regular nang nakikipag-aral ng Bibliya.

Russia

“Alam kong nasa inyo ang katotohanan,” ang sabi ng isang paring Ortodokso na tumanggap ng Kingdom News mula sa dalawang sister, “at na pupuksain ng inyong Diyos na si Jehova ang lahat ng huwad na relihiyon maliban ang sa inyo.” Saka niya binanggit ang alam niya tungkol sa makalangit na pag-asa at paraiso sa lupa. Tinanong siya ng mga sister kung bakit siya nananatili sa kaniyang relihiyon gayong alam niyang pupuksain ito. “Kasi,” ang sagot niya, “ito ang trabaho ko. Tatlo ang apartment ko at apat ang kotse ko. Hindi ko kayang iwan ang lahat ng ito.”

ESPESYAL NA KAMPANYA UPANG IPAG-ANYAYA ANG MEMORYAL

Noong Lunes, Abril 2, 2007, itinanghal ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa ang di-sana-nararapat na kabaitan at pag-ibig ng Diyos nang ipagdiwang nila ang Hapunan ng Panginoon. Bilang paghahanda sa mahalagang okasyong ito, isang espesyal na imbitasyon ang ipinamahagi sa buong lupa mula Marso 17 hanggang Abril 2. Sinamantala ng maraming estudyante sa Bibliya at mga bata ang panahong ito ng pinag-ibayong gawain upang magsimulang ipahayag ang mabuting balita.

Estados Unidos

Noong gabi ng Memoryal, dalawang oras ng sunud-sunod na tawag ang sinagot ng kapatid sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, mula sa mga taong nagtatanong kung saan sila maaaring dumalo ng Memoryal. Marami sa mga tumawag ay nakatanggap ng imbitasyon para sa Memoryal. Ganito ang sabi ng isang babae: “Kauuwi ko lang at may nakuha akong imbitasyon para sa inyong pagdiriwang ngayong gabi. Gusto kong pumunta, pero hindi ako sigurado kung anong oras ito.”

Binigyan ng 16-na-taóng gulang na si Jacquelin ang kaniyang guro ng imbitasyon para sa Memoryal saka niya ipinaliwanag ang kahalagahan ng okasyon. Nagulat siya nang dumalo ang kaniyang guro. Yamang ginanap ang programa sa isa sa mga Assembly Hall ng mga Saksi ni Jehova, inilibot ni Jacquelin ang kaniyang guro sa buong pasilidad pagkatapos ng programa. Napahanga ang guro sa kalinisan at pagiging organisado ng lahat ng bagay roon at lalo na nang malaman niyang mga boluntaryo ang nagtayo at nangangalaga sa buong pasilidad. Pagkatapos sabihin ng guro na nagustuhan niya ang pahayag, itinanong niya, “Paano ako matuturuan sa Bibliya gaya ng binanggit ng tagapagsalita?” Masayang sumagot si Jacquelin, “Nandito po ako!” Sinimulan ni Jacquelin na turuan sa Bibliya ang kaniyang guro tuwing Lunes pagkatapos ng klase.

Timog Aprika

Isang kongregasyon na binubuo ng siyam na mamamahayag sa isang liblib na teritoryo ang nagtataka kung bakit iisa lamang imbitasyon para sa Memoryal ang natanggap nila mula sa sangay gayong 500 ang hiniling nila. Natuklasan nila nang maglaon na hindi pala malaman ng tanggapan ng koreo sa kanilang lugar kung kanino ang mga ito dahil natanggal ang nakasulat na pangalan at adres ng nagpadala at padadalhan nito. Kaya binuksan ito ng mga empleado ng tanggapan ng koreo. Nang makita nilang mga imbitasyon ito para sa Memoryal, ipinasiya nila na kailangang maipamahagi ang mga ito, kaya naglagay sila ng isang imbitasyon sa bawat post office box, at sa gayon ay naipamahagi nila mismo ang lahat ng kopya. Nalaman ng mga kapatid ang nangyari nang matanggap nila ang iisang imbitasyon sa post office box ng kongregasyon, sa halip na ang buong bilang ng inorder nila. Pero tuwang-tuwa ang siyam na mamamahayag nang 42 ang dumalo sa Memoryal, at dala ng marami sa kanila ang kopya ng imbitasyong nakuha nila sa kanilang post office box!

Italya

Binigyan ni Patrizia si Gabriella, ang kaniyang estudyante sa Bibliya, ng imbitasyon para sa Memoryal at ipinaliwanag ang kahalagahan ng pagdalo roon. Ang limang-taóng-gulang na anak na lalaki ni Gabriella na si Mattia, na nakikinig nang mabuti sa usapan, ay humingi ng isang imbitasyon para sa kaniyang guro sa paaralan. Kinabukasan, iniabot ni Mattia ang imbitasyon sa kaniyang guro, ipinaliwanag kung gaano kahalaga ang Memoryal, at sinabing talagang umaasa siyang makadalo ang kaniyang guro. Sa isang miting ng mga magulang at guro pagkalipas ng ilang araw, ipinaliwanag kay Gabriella ng guro ni Mattia na talagang humanga siya sa pananampalataya ni Mattia kaya ipinasiya niyang dumalo sa Memoryal. Sumama siya kina Gabriella at Mattia sa Memoryal. Matamang nakinig sa pahayag ang guro at hangang-hanga siya sa napakainam na paggawi ng lahat ng bata. Pagkatapos nito, sinabi niyang nauunawaan na niya ngayon kung bakit mahalaga ang Memoryal, gaya ng sinabi ni Mattia. Mula noon, nabigyan na ni Mattia ng aklat na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya ang kaniyang guro para sa anak nito, at isinaayos nina Gabriella at Patrizia na ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa kaniya.

Mexico

Isang elder ang nangaral sa isang ministrong Presbiteryano at nag-anyaya sa kaniya sa Memoryal. Malugod na tinanggap ng ministro ang imbitasyon, at laking gulat ng elder nang humingi pa ito ng mga imbitasyon para sa kaniyang mga parokyano. Noong gabi ng Memoryal, tuwang-tuwa ang mga kapatid nang dumating ang ministro kasama ang 40 miyembro ng kaniyang simbahan, at dala ng bawat isa ang imbitasyon para ipakita ito pagpasok sa pinto. Sinabi ng ministro na marami pa sanang gustong dumalo, pero inakala nilang hindi sila papapasukin kung wala silang imbitasyon. Tuwang-tuwa ang 11 mamamahayag ng kongregasyong ito nang 191 ang dumalo sa Memoryal!

Australia

Isang kabataang lalaki, na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, ang nagkukuwento ng kaniyang natututuhan sa mga nasa gym kung saan siya nagtatrabaho. Kasama rito ang isang babae na tumanggap sa kaniyang imbitasyong dumalo sa Memoryal. Bilang tin-edyer, naririnig noon ng babae ang pag-awit sa isang Kingdom Hall na malapit sa kanila at nagpaalam siya sa kaniyang mga magulang na dumalo roon, pero pinagbawalan nila siyang magkaroon ng anumang kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Dumalo pa rin siya sa ilang pulong pero nang lumipat na ang kanilang pamilya, wala na siyang nakausap na Saksi. Sa Memoryal, ipinakilala siya sa isang sister na nagdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa kaniya. Nagsimula siyang dumalo sa mga pulong sa kongregasyon, at nagiging interesado na rin ang kaniyang asawa. Samantala, ang kabataang lalaki na nagtatrabaho sa gym ay naging di-bautisadong mamamahayag na at sumusulong tungo sa bautismo.

Kazakhstan

Isang babaing interesado ang nagsabing hindi siya makadadalo sa Memoryal dahil may maliliit siyang anak. Pero noong araw ng Memoryal, nagbihis ang kaniyang limang-taóng-gulang na anak na babae at pumuntang mag-isa sa Kingdom Hall. Nang mapansin ng babae na nawawala ang kaniyang anak, hinanap niya ito agad. Inisip niya na baka nagtungo sa Memoryal ang kaniyang anak at nang sundan niya ito, naroon nga ito sa Kingdom Hall. Yamang naroroon na rin lamang siya sa Memoryal, umupo siya sa tabi ng kaniyang anak at matamang nakinig sa tagapagsalita.

LEGAL NA PAGTATATAG NG MABUTING BALITA

Pransiya

Mula noong 1996, iginigiit ng ilang awtoridad sa Pransiya na ang sangay ay dapat magbayad ng buwis para sa reimbursement na tinatanggap ng mga miyembro ng pamilyang Bethel sa Louviers. Ngunit noong Marso 28, 2007, ipinasiya ng Administrative Court of Paris na hindi ito kailangang magbayad ng buwis dahil ang mga miyembro ng pamilyang Bethel ay hindi suwelduhang mga empleado. Sinabi ng korte na “ang pangunahing dahilan kung bakit nagtatrabaho roon ang mga Saksi ni Jehova na permanenteng miyembro ng Bethel sa Louviers ay upang suportahan ang kanilang relihiyosong gawain.” Pinagtitibay ng pasiyang ito na ang gawain ng pamilyang Bethel ay panrelihiyon, at kaayon ng pasiya ang ibinabang desisyon ng mataas na korteng administratibo sa Brazil.

Sa ibang pagkakataon naman, hindi ipinaupa ng lunsod ng Lyon ang bulwagan sa munisipyo sa mga Saksi ni Jehova para sa Memoryal. Ngunit noong Marso 15, 2007, isang hukom ng korteng administratibo ang nag-utos sa lunsod na ipaupa ang bulwagan sa mga Saksi ni Jehova. Nag-apela ang lunsod sa State Council, subalit sinang-ayunan ng State Council ang pasiya ng korteng administratibo, na nagsabing ang ginawa ng lunsod ay “seryoso at malinaw na paglabag sa kalayaang magtipon, na isang saligang kalayaan.” Ang lunsod ay pinagbayad din ng State Council ng gastusin sa kaso ng lokal na asosasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Sa kabila ng pasiyang ito sa Lyon na pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Pransiya, pinupuntirya pa rin sila ng mga mananalansang, media, at mga opisyal pa nga ng pamahalaan. Halimbawa, sa isang interbyu sa harap ng publiko noong 2005, isang dating miyembro ng French National Assembly ang nagparatang na ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay tulad ng isang malaking sindikato. Pinabulaanan sa korte ng mga Saksi ni Jehova ang paninirang ito, at noong Hulyo 2007, ang Korte ng mga Apelasyon sa Rouen ay nagbaba ng pasiyang pabor sa mga Saksi, at nagsabing “walang mababanaag na mabuting intensiyon sa binitiwang mga salita [at] lumampas pa nga ang mga iyon sa hangganan ng katanggap-tanggap na malayang pananalita.” Patuloy na iginigiit ng pamahalaan ng Pransiya ang di-makatuwiran at ilegal na pagpapataw ng buwis sa Association of Jehovah’s Witnesses. Ang usaping ito ay kasalukuyang sinusuri ng European Court of Human Rights (ECHR), at umaasa ang mga kapatid sa tulong ni Jehova.

Uzbekistan

May nairekord na mahigit isang libong insidente ng pag-aresto, pagbibilanggo, o pananakit laban sa ating mga kapatid. Karamihan sa mga pag-aresto ay naganap sa pagdiriwang ng Memoryal noong 2005 at 2006. Subalit natutuwa kaming iulat na walang naging problema noong Memoryal ng 2007. Ngunit sandali lamang ang katahimikang ito. Di-nagtagal, isang brother at isang sister ang inaresto at hinatulang nagkasala ng krimeng pagtuturo ng relihiyon. Ang brother, na may-asawa at dalawang anak, ay nasentensiyahan ng dalawang taóng pagkabilanggo at agad ikinulong. Ang sister ay nasentensiyahang magtrabaho nang dalawang taon na 20 porsiyento ng kaniyang sahod ang kinakaltas ng pamahalaan bilang parusa.

Georgia

Noong Mayo 3, 2007, nagbaba ng nagkakaisang hatol ang ECHR laban sa pamahalaan ng Georgia sapagkat pinahintulutan nito ang marahas na pagtrato sa mga Saksi ni Jehova dahil sa relihiyon. Iniutos din ng korte na bayaran ng pamahalaan ang mga biktima. Mula Oktubre 1999 hanggang Nobyembre 2002, nagkaroon ng 138 insidente ng karahasan laban sa mga Saksi ni Jehova. Sa ilang pagkakataon, naroroon ang mga pulis subalit tumanggi silang magbigay ng proteksiyon sa mga biktima. Idineklara ng korte na dahil sa pagtangging magbigay ng proteksiyon sa ating mga kapatid laban sa mga panatiko sa relihiyon, hindi lamang nabigong gampanan ng dating pamahalaan ng Georgia ang obligasyon nito sa ilalim ng European Convention on Human Rights kundi nilabag din nito ang kalayaan sa relihiyon ng ating mga kapatid. Ang malinaw na pasiyang ito ay mapuwersang mensahe na hindi maaaring ipagwalang-bahala ang kalayaan sa relihiyon at dapat bigyan ng proteksiyon ang mga Saksi ni Jehova kahit sinasalansang sila ng karamihan.

Eritrea

Limang taon makalipas kontrolin ng pamahalaan ang lahat ng relihiyong hindi kabilang sa apat na relihiyong pinahihintulutan ng pamahalaan, matindi pa ring sinasalansang ang mga Saksi ni Jehova. Kahit na isinasagawa nila ang kanilang pagsamba sa loob ng pribadong mga tahanan, ang ating mga kapatid ay nanganganib pa ring arestuhin, pahirapan, at matinding gipitin para talikuran ang kanilang pananampalataya. Noong Abril 2007, nakakulong pa rin ang 24 na Saksi ni Jehova dahil sa pagdalo sa mga pulong, pangangaral, o pagtutol na maglingkod sa militar udyok ng kanilang budhi. Tatlo sa nakapiit na mga Saksi ay edad 60 o higit pa, sampu ang nasa kaawa-awang kalagayan sa bilangguan, at tatlo ang nakabilanggo mula pa noong 1994. Bagaman hindi pa nagtatagumpay ang karagdagang mga pagsisikap na tulungan ang ating mga kapatid, umaasa tayong di-magtatagal ay bubuti rin ang kanilang kalagayan, at patuloy tayong nagtitiwala kay Jehova na tumutubos sa kaniyang mga lingkod “mula sa paniniil at mula sa karahasan.”—Awit 72:14.

Andorra

Sa wakas, legal nang kinilala ang ating mga kapatid noong Disyembre 14, 2006, na pinagsikapan nating makamit mula pa noong 1973. May mahigit 150 mamamahayag ng Kaharian sa Andorra.

Korea

Mahigit 50 taon nang ibinibilanggo ang ating mga kapatid na lalaki sa Timog Korea dahil sa pagtangging maglingkod sa militar. Lima sa kanila ang namatay dahil dito. Matapos gawin ang lahat sa ilalim ng batas sa Timog Korea, iniapela nina Brother Yoon at Choi ang kanilang sentensiya sa Komite ng Karapatang Pantao ng United Nations. Noong Nobyembre 3, 2006, ipinasiya ng komite na nilabag ng Timog Korea ang karapatang pantao ng ating mga kapatid at iniutos na bayaran sila. Sinabi rin ng komite sa Timog Korea na magpatupad ng mga hakbang upang tiyakin na ang iba pang tumututol maglingkod sa militar udyok ng kanilang budhi ay hindi mapilitang mamili sa pagitan ng paglabag sa kanilang simulain at sa pagkabilanggo. Mga 70 brother ang ikinukulong buwan-buwan.

Maraming kapatid na napaharap sa isyung ito ang nagpasiya noon na sumunod na lamang sa hatol ng korte na pagkabilanggo nang isa’t kalahating taon. Subalit nitong kamakailan, karamihan sa ating mga kabataang lalaki ang nagpasiyang iapela ang hatol sa kanila kaya naman daan-daang apela ang nakasampa ngayon. Bunga nito, ipinatalastas ng pamahalaan ng Korea ang intensiyon nitong magpatupad ng ilang uri ng serbisyong kapalit ng paglilingkod sa militar na pangangasiwaan ng mga sibilyan. Panahon na lamang ang makapagsasabi kung gagawin nga ito ng pamahalaan at kung kayang tanggapin ng budhi ng mga kapatid ang gayong serbisyo sakaling ipatupad ito.

Argentina

Noong Hulyo 2007, nilagdaan ng pinuno ng ministri ng katarungan at karapatang pantao ang isang resolusyon na nagsasabing di-makatarungang ibinilanggo si Daniel Victor Guagliardo na tumangging maglingkod sa militar dahil sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Makikinabang din sa resolusyong ito ang ibang kapatid na di-makatarungang ibinilanggo sa gayunding dahilan.

Armenia

Labinsiyam na brother ang sinampahan ng kasong kriminal nang tumanggi silang gampanan ang serbisyong kapalit ng paglilingkod sa militar sapagkat, sa katunayan, ang gayong serbisyo ay labag sa kanilang Kristiyanong neutralidad. Noong Setyembre 2006, ipinaalam sa mga kapatid ng isang liham mula sa tanggapan ng punong tagausig na tinapos na ang mga kasong kriminal. Subalit ang pamahalaan ay wala pang programa ng serbisyong kapalit ng paglilingkod sa militar na katanggap-tanggap sa isang Kristiyano. Noong kalagitnaan ng 2007, nakabilanggo pa rin ang 71 brother na nasentensiyahan ng hanggang tatlong taon sa piitan.

Isa si Vahan Bayatyan sa maraming kabataang Saksi na nilitis at ibinilanggo sa Armenia. Matapos siyang masentensiyahan ng isa’t kalahating taóng pagkabilanggo, humiling ang tagausig ng mas mabigat na sentensiya para sa kaniya at sinabi niyang ang pagtutol ni Brother Bayatyan na udyok ng budhi ay “walang batayan at mapanganib.” Sumang-ayon dito ang korteng pinag-apelahan kaya dinagdagan ng isa pang taon ang sentensiya, at ang desisyong ito ay pinagtibay ng korte suprema. Idinulog ni Brother Bayatyan ang kaso sa ECHR. Pumayag ang ECHR na dinggin ang kaso na nagpapahiwatig na handa nitong suriin ang mga detalye. Umaasa tayo na ang matagumpay na resulta sa kasong ito ay tutulong kay Brother Bayatyan at sa iba pa na napapaharap sa ganito ring isyu.

Azerbaijan

Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay legal na nakarehistro sa Azerbaijan, napapaharap pa rin sa maraming hamon ang ating mga kapatid. Halimbawa, mahigit 200 kapatid at interesado ang nagtitipon sa Baku noong Disyembre 24, 2006 para sa mapayapang talakayan ng mga paksa sa Bibliya nang dumating ang armadong mga pulis na may kasamang mga tagapagbalita sa telebisyon at lokal na mga opisyal upang ipahinto ang pulong. Sinira ng mga pulis, na walang search warrant, ang pinto ng inupahang lugar at ikinulong ang mga dumalo. Di-kukulangin sa dalawang dumalo ang binugbog. Kinumpiska ng mga pulis ang maraming literatura sa Bibliya, ang kahon ng kontribusyon at ang laman nito, mga legal na dokumento, at maraming computer na ginagamit sa pagsasalin ng Bibliya at mga literaturang salig sa Bibliya. Karamihan sa mga ikinulong ay pinalaya naman nang gabi ring iyon. Pero ang anim sa kanila na mga banyagang boluntaryo ay pinalabas ng bansa dahil sa diumano’y “pagkakalat ng relihiyosong propaganda.” Ibinibilanggo ang ating mga kapatid dito dahil sa pagtangging maglingkod sa militar. Nahihirapan din silang magpasok ng literatura sa bansa.

Israel

Noong Pebrero 5, 2007, idineklara ng Haifa District Court na may kinikilingan ang Haifa Congress Center (ICC) nang hindi nito ipagamit ang kanilang bulwagan sa mga Saksi ni Jehova para sa kombensiyon ng mga ito. Iniutos ng korte na bayaran ng ICC ang bahagi ng gastusin sa kaso. Ayon sa opinyon ng attorney general, ang ICC ay may “saligang tungkulin bilang tagapangasiwa . . . na pakitunguhan nang patas ang lahat ng kliyente nito, isang tungkulin na nilabag sa pagkakataong ito.” Ang pasiyang ito na pabor sa ating mga kapatid sa Israel ay magpapadali para sa kanila na magkaroon ng mas malalaking pagtitipon sa pagsamba.

Tajikistan

Dalawang kargamento ng ating literatura ang kinumpiska ng mga opisyal ng adwana, at ang ministri ng kultura ay naimpluwensiyahan na ipagbawal ang ating literatura at organisasyon. Sa gitna ng pagkapoot na ito, napilitang umalis ng bansa ang dalawang misyonero na sinanay sa Gilead. At noong Oktubre 11, 2007, ipinagbawal ng mga awtoridad ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nagsampa na ng mga apela may kinalaman sa di-makatarungang mga insidenteng ito, at dalangin natin na buksan sana ni Jehova ang daan upang maipagpatuloy ang pangangaral sa mabungang lupaing ito, na 14 na porsiyento ang isinulong noong 2007 taon ng paglilingkod.

Ukraine

Nang araw bago ang espesyal na pahayag sa L’viv Stadium noong Mayo 12, 2007, nagpadala sa panggigipit ng mga mananalansang ang tagapangasiwa ng istadyum kaya kinansela nito ang paggamit ng istadyum. Agad itong ipinagbigay-alam sa mga opisyal ng pamahalaan sa Ukraine at sa Estados Unidos upang kumbinsihin ang tagapangasiwa ng istadyum na hindi banta ang mga Saksi ni Jehova sa kapayapaan ng lunsod. Kahit hindi pa tapos ang pag-uusap tungkol dito nang araw ng pahayag, libu-libong Saksi ni Jehova mula sa iba’t ibang bahagi ng Ukraine ang dumagsa sa L’viv lulan ng kotse, bus, at tren. Mapayapang nagtipun-tipon ang ating mga kapatid sa labas ng nakakandadong pasukan ng istadyum, matiyagang naghihintay habang magiliw na nakikipag-usap sa isa’t isa at umaawit pa nga ng mga awiting pang-Kaharian. Walang anu-ano, mga 20 minuto bago ang programa, nahikayat ang mga tauhan ng istadyum na papasukin ang mga kapatid. Mahigit 27,000 kapatid ang humugos sa istadyum upang makinig sa nakapagpapatibay na pahayag ng tagapangasiwa ng sona.

Turkmenistan

Hindi nakarehistro sa Turkmenistan ang mga Saksi ni Jehova. Matapos ang sandaling kapayapaan, muling inusig ng mga awtoridad doon ang ating mga kapatid. Sa kabila nito, ang ating mga kapatid ay lakas-loob ngunit maingat na nagtitipon at nagbabahagi ng mabuting balita sa kanilang kapuwa. (Mat. 10:16) Tatlong kabataang brother ang inaresto dahil sa pagtangging maglingkod sa militar udyok ng kanilang budhi. Nahatulan silang tatlo; ipinagpaliban ang pagpapataw ng sentensiya sa dalawa, pero nasentensiyahan naman ng isa’t kalahating taóng pagkabilanggo ang isa. Yamang napakahirap ng kalagayan sa bilangguan, itinawag-pansin sa ibang bansa ang nangyari sa kapatid na ito. Pero ang mga kapatid na abogado mula sa ibang bansa ay hindi binigyan ng visa para makapasok sa bansa at kumatawan sana sa ating mga kapatid sa korte. Gayunman, walang awtoridad ng tao ang makahahadlang para marinig ng Kataas-taasan ang ating mga panalangin.—1 Tim. 2:1, 2.

Kazakhstan

Ipinahinto ng anim na opisyal mula sa tanggapan ng tagausig ang relihiyosong pagpupulong sa loob ng tahanan ng isang sister sa isang lugar kung saan hindi pa nakarehistro ang mga Saksi ni Jehova. Pinagmulta nang malaki ang limang sister at maging ang isang brother na wala roon sa pulong. Nagsampa ng apela para sa kanilang lahat.

Turkey

Noong Hulyo 31, 2007, natuwa ang sangay sa Turkey nang matanggap nito ang kumpirmasyon na opisyal nang nakarehistro ang Association for the Support of Jehovah’s Witnesses. Nairehistro ito matapos ang mahigit dalawang taóng proseso kasama na ang pagsasampa ng pamahalaan ng kaso sa korte upang ideklarang labag sa konstitusyon ang karta ng sangay. Nang ipasiya ng mababang hukuman sa Istanbul na legal ang karta, iniapela ng pamahalaan ang kaso sa korte suprema. Subalit pinagtibay ng korte suprema ang pasiya ng mababang hukuman kaya nairehistro ang ating asosasyon. Dahil sa bagong asosasyong ito, ang sangay ay may legal nang katayuan bilang isang relihiyon para bumili at magmay-ari ng ari-arian, umupa ng mga lugar para sa kombensiyon, tumanggap ng donasyon, at magtanggol ng legal na kapakanan ng mga Saksi ni Jehova sa korte.

Dalawang Saksi ni Jehova na pinaratangang “nang-iistorbo ng mga tao” habang namamahagi ng Kingdom News Blg. 37 ang nasentensiyahang magmulta. Subalit kinansela ng Istanbul Sisli Peace Court ang multa at sinabing “ang pamamahagi ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova . . . ay saklaw ng kalayaan ng kaisipan at paniniwala” at na ang mga mamamayan ng Turkey ay “may kalayaang sabihin sa iba ang kanilang paniniwala.” Gayunman, nahihirapan pa rin sa iba pang bagay ang ating mga kapatid sa Turkey, tulad ng isyu ng neutralidad, sapagkat nanganganib mabilanggo o magmulta ang ating mga kapatid na nasa hustong gulang na para maglingkod sa militar.

Gaya ng makikita sa ilang nabanggit na ulat, madalas na nag-aapela ang mga Saksi ni Jehova sa European Court of Human Rights kapag hinahadlangan ng mga bansa sa Europa ang ating karapatang sumamba sa ating Diyos. Pagsapit ng kalagitnaan ng 2007, may 22 kasong nakasampa sa korteng ito may kinalaman sa mga isyung tulad ng neutralidad, legal na pagpaparehistro, at pag-uusig. Talagang kailangan ng ating mga kapatid sa Europa at sa ibang lugar, na napapaharap sa mga hamong ito, ang ating panalangin upang tulungan sila.—2 Cor. 1:10, 11.

KATAPATAN

Sa seksiyon ng Taunang Aklat na ito hinggil sa kasaysayan, mababasa mo kung paano napanatili ng ating mga kapatid sa Russia ang kanilang katapatan noong ipinagbabawal ang mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet. Labis-labis at malupit ang pagsalansang sa kanila. Ngunit maging sa mga lupain kung saan malaya ang ating gawain, walang-tigil na tinatangkang sirain ni Satanas at ng kaniyang binhi ang ating katapatan sa mas tusong paraan. Pero napakasaya ng puso ni Jehova kapag nananatiling tapat ang kaniyang mga lingkod! (Kaw. 27:11) Narito ang ilang karanasan na nagpapakita ng pananampalataya at katapatan ng bayan ng Diyos sa araw-araw na mga situwasyon sa buong daigdig.

Sweden

Malaking hamon sa isang sister na payunir na pagtagumpayan ang seksuwal na pang-aakit ng kaniyang mga katrabaho sa isang pribadong ospital. Pero nakagawa siya ng mabisang paraan kung paano maiiwasan ang gayong mga situwasyon. Una, sinasabi niya agad sa bagong mga empleado na isa siyang Saksi ni Jehova, at madalas niyang binabanggit na may-asawa na siya. Sinasamantala niya ang lahat ng pagkakataong ikuwento sa kaniyang mga katrabaho ang mga bagay na nagugustuhan nilang mag-asawa para ipakita na matibay ang kanilang pagsasama. Kapag kailangan niyang kausapin ang isang doktor tungkol sa isang pasyente, iniiskedyul niyang makipagkita sa kaniya sa silid-kainan kung saan may ibang tao. Kapag di-inaasahang may pumasok sa silid na pinagtatrabahuhan niya at isinara nito ang pinto, agad siyang nananalangin kay Jehova at sinisikap niyang maging palakaibigan pero pormal.

Alemanya

Labintatlong taon nang nagtatrabaho ang brother na si Marian sa isang kompanya sa hilagang Alemanya. Yamang nagtatrabaho siya sa gabi, madalas na mahirap para sa kaniya na dumalo sa mga pulong sa gitnang sanlinggo. “Ikinalungkot ko ito, yamang napakahalaga para sa akin ng ating mga pulong,” ang paliwanag niya. “Paulit-ulit akong nagsumamo kay Jehova na tulungan akong makahanap ng paraan para makadalo sa lahat ng pulong.” Nanalangin siya na lumakas sana ang loob niya na kausapin ang kaniyang superbisor, na pumayag namang umalis siya nang maaga sa trabaho kapag may pulong basta’t tapos na ang kaniyang trabaho. Wala naman siyang naging problema sa kaayusang ito hanggang magkaroon siya ng bagong superbisor na hindi siya pinapayagang umalis nang maaga sa trabaho. Ano ang ginawa ni Marian? “Magalang kong sinabi sa aking superbisor,” ang gunita niya, “na kakausapin ko ang manedyer ng kompanya tungkol dito.” Nang humarap si Marian sa manedyer, nagbigay siya ng mainam na patotoo at nagpaliwanag kung bakit nais niyang dumalo sa mga pulong. Pumayag ang manedyer na umalis nang maaga si Marian kapag may pulong, basta’t payag din ang lahat ng kasabay niya sa trabaho. Kaya tinipon ni Marian ang kaniyang mga katrabaho para ipaliwanag ang kaniyang situwasyon, at nagbigay rin siya ng mainam na patotoo. Nadadaluhan na ngayon ni Marian ang lahat ng pulong sa gitnang sanlinggo. “Talagang nahirapan akong gumawa ng paraan para lamang makadalo sa mga pulong,” ang sabi ni Marian, “pero ang marubdob na panalangin kay Jehova ang nagbigay sa akin ng lakas na higit sa karaniwan.”

Britanya

Pagsubok sa pananampalataya para kay Sophie, edad 16, ang parating maimbitahan sa mga parti sa paaralan. “Bagaman nakatutukso ang ilang parti,” ang sabi niya, “alam kong pagsisisihan ko kapag pumunta ako dahil malalagay lamang ako sa mga situwasyong maaaring makasamâ sa akin sa bandang huli. Kamakailan, inanyayahan ako ng isang dalaga sa isang parti at sinabi niya na wala naman talagang okasyon. Nalaman ko nang maglaon na kaarawan din pala niya sa dulo ng sanlinggong iyon. Nagpapasalamat ako na hindi ako pumunta dahil nabalitaan ko na marami sa kaniyang mga kaibigan sa paaralan ang naglasing habang wala ang mga magulang niya nang gabing iyon. Iyan ang dahilan kung bakit mas gusto ko pang maglibang kasama ng mga kapatid na iba’t iba ang edad na makatutulong sa akin na mapabuti ang aking kaugnayan kay Jehova. Inaanyayahan namin ng kapatid kong lalaki kapuwa ang mga kabataan at mga may-edad na sa aming bahay para magtugtugan, mag-ihaw-ihaw, o maglakad-lakad. Kapag may nag-anyaya sa akin ngayon na pumunta sa parti kasama nila, tinatanong ko muna ang sarili ko kung paano ito makaaapekto sa aking kaugnayan kay Jehova. Napag-isip-isip ko na wala namang mawawala sa iyo kung gagawin mo ang tama.”

Italya

Maraming beses nang inaakit ng mga babae sa paaralan ang 17-taóng-gulang na si Giovanni, pero mas mapilit ang isa sa kanila. Nang makita niyang hindi siya pinapansin ni Giovanni, sinulatan niya siya: “Alam kong bagay tayong dalawa. Gusto kita. Gusto ko ang ugali mo, pero hindi lang ’yan ang nagustuhan ko sa ’yo. Makapagdesisyon ka sana nang tama. Nagmamahal.” Ang sulat ay nagtapos sa pangalan ng dalaga at selyado ng halik na may marka ng lipstik. “Inaamin kong nahirapan ako nang ilang araw,” ang sabi ni Giovanni. “Tinanong ko ang sarili ko kung may makikilala pa kaya akong dalagang kasingganda niya. Nang malaman ito ng mga kaeskuwela ko, binuyo nila akong huwag siyang pakawalan. Sinabi nila, ‘Hindi mo dapat palampasin ang pagkakataong ito, at hangal ka kung tatanggihan mo siya.’ Subalit para namang nawawala ang pagiging Kristiyano ko. Nanalangin ako kay Jehova at kinausap ko ang aking mga magulang—na gulat na gulat sapagkat hindi nila akalaing napapaharap ako sa ganitong mga situwasyon. Masusi naming pinag-aralan ang Bibliya nang sama-sama, gamit lalo na ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas. Nakipag-usap din ako sa may-gulang na mga kapatid sa kongregasyon. Nang bandang huli, tama ang naging desisyon ko na hindi pansinin ang pang-aakit ng dalagang iyon. Masasabi kong mas iginagalang ako ngayon ng aking mga kaeskuwela dahil naging matatag ako.”

Mexico

“Noong edad 19 pa lamang ako,” naaalaala ng 59-na-taóng-gulang na si Antonio na 37 taon nang bautisado, “nasuri akong may juvenile rheumatoid arthritis. Napakahirap mabaldado at matali sa silyang de-gulong sa loob ng 35 taon dahil sa sakit na ito. Pinanghihinaan ako ng loob kung minsan. Pero ang pagiging abala sa mga gawaing Kristiyano hangga’t kaya ng kalusugan ko ang nagpapalakas sa akin.” Naging mas komplikado ang kalagayan ni Antonio pitong taon na ang nakalilipas nang mamatay ang kaniyang ina na nag-aalaga sa kaniya. Paano na si Antonio? “Mula noon,” ang sabi niya, “nakita kong hindi pinababayaan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod kundi inilalaan niya ang kailangan nila. Isinaayos ng kongregasyon na alagaan ako ng isang brother, at nagtutulung-tulong ang ilang kapatid para tustusan ang aking mga pangangailangan sa araw-araw.” Inaasam ni Antonio ang panahon kung kailan matutupad ang lahat ng pangako ng Kaharian.

“PALUWANGIN MO PA ANG DAKO NG IYONG TOLDA”

“Paluwangin mo pa ang dako ng iyong tolda. At iunat nila ang mga pantoldang tela ng iyong maringal na tabernakulo.” (Isa. 54:2) Ang kamangha-manghang katuparan ng hulang ito ay makikita sa lumalaking pangangailangan para sa mas maraming dako ng pagsamba at mas malalaking sangay. Bukod pa sa lahat ng konstruksiyong ginagawa sa buong lupa nitong nakaraang taon, ang sumusunod na pag-aalay ng anim na sangay ay nagdulot ng malaking kagalakan sa mga Saksi ni Jehova.

Puerto Rico

Makalipas lamang ang 13 taon mula nang matapos ang pagtatayo ng pinakahuling pasilidad ng sangay, kailangan itong palawaking muli dahil lumaki na ang ilang departamento. Ang pahayag sa pag-aalay ay ibinigay noong Sabado, Setyembre 16, 2006, ni David Splane, miyembro ng Lupong Tagapamahala.

Colombia

Nagtipon sa sangay sa Colombia noong Nobyembre 11, 2006 ang mga kapatid mula sa 30 bansa upang saksihan ang pag-aalay ng pinalawak na pasilidad sa Facatativá, 42 kilometro sa hilagang-kanluran ng Bogotá. Umabot nang 3,605 ang dumalo. Nagyakapan nang mahigpit ang marami sa kanila na nagkita-kita lamang pagkalipas ng 30 o 40 taon at masayang nakinig sa pahayag sa pag-aalay na ibinigay ni Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala.

Fiji

Ang magandang tanggapang pansangay ay limang-minutong lakarin lamang mula sa sentro ng Suva, ang kabisera ng Fiji. Matatanaw mula sa sangay ang daungan. Noong Sabado, Nobyembre 11, 2006, si Geoffrey Jackson, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay sa harap ng 410 tagapakinig.

Burundi

Isang di-malilimutang araw ang Nobyembre 25, 2006 para sa mga Saksi ni Jehova sa magandang bansang ito sa sentral Aprika. Tuwang-tuwa ang 1,141 dumalo mula sa 11 bansa na marinig si Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa pag-aalay ng bago at magandang pasilidad ng sangay. Kitang-kita ang pagpapala ni Jehova, at malaki ang potensiyal na dumami pa ang makasama natin sa pagsamba kay Jehova.

Rwanda

Matapos ang 30 taon ng maligalig na kasaysayan, pati ng pagbabawal at digmaang sibil, tuwang-tuwa ang ating mga kapatid sa Rwanda na maging panauhin si Guy Pierce para sa pag-aalay ng kanilang bago at magandang tanggapang pansangay na may kaakit-akit na mga hardin.

Sa kabila ng masaklap na paglipol ng lahi sa kanilang bansa, na ikinasawi ng marami sa ating mga kapatid, sumusulong pa rin ang gawain ni Jehova sa bansang ito na kilala bilang Ang Lupain ng Sanlibong Burol. May 553 dumalo sa programa ng pag-aalay noong Sabado, Disyembre 2, 2006 at 112 sa kanila ay mga delegado mula sa 15 bansa.

Uganda

Noong Sabado, Enero 20, 2007, inialay ang bagong sangay na nasa timugang hangganan ng kabisera, ang Kampala. Sa 665 naroroon, 170 ang delegado mula sa mga 20 sangay kabilang na si Anthony Morris, miyembro ng Lupong Tagapamahala, na nagbigay ng pahayag sa pag-aalay.

“SI JEHOVA AY GUMAWA NG DAKILANG BAGAY”

Walang-alinlangang may dahilan tayong magsaya kapag binubulay-bulay natin ang kamangha-manghang mga gawain ni Jehova nitong nakalipas na taon. Tayo ay nagkakaisang nagpapasalamat na gaya ng salmista na nagsabi: “Si Jehova ay gumawa ng dakilang bagay sa ginawa niya sa atin. Tayo ay nagalak.”—Awit 126:3.

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Talagang Isang Pandaigdig na Kampanya

Iniisip ng ilang tao sa iba’t ibang lugar kung talaga nga kayang ipinamamahagi sa buong daigdig ang Kingdom News. Halimbawa, pinaghintay ng isang mapag-alinlangang may-bahay sa Brazil ang isang mamamahayag habang tinatawagan niya ang kaniyang kaibigan sa Estados Unidos para malaman kung nakatanggap din siya nito. “Oo,” ang sagot ng kaibigan niya, “katatanggap ko lang ng kopya sampung minuto pa lang ang nakalilipas.” Dahil napahanga ang may-bahay, tinanggap niya ang Kingdom News at nangakong babasahin niya itong mabuti.

[Larawan sa pahina 12]

Iisang imbitasyon lamang ang nasa post office box ng kongregasyon

[Larawan sa pahina 25]

Handa nang lumabas sa ministeryo si Antonio

[Mga larawan sa pahina 28, 29]

Mga Sangay na Inialay

Puerto Rico

Rwanda

Colombia

Burundi

Fiji

Uganda