Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Liham Mula sa Lupong Tagapamahala

Mahal Naming mga Kapuwa Saksi ni Jehova:

Nalulugod kaming sumulat sa inyo, mahal naming mga kapatid! Nadarama namin ang nadama ni apostol Juan na nagsabing “totoong iniibig” niya ang kaniyang mga kapananampalataya at nagsasaya siya na sila ay “lumalakad sa katotohanan.” (2 Juan 1, 4) Isa ngang pagpapala sa ating lahat ang katotohanan! Pinalaya tayo ng katotohanan mula sa Babilonyang Dakila at sa mga doktrina at tradisyon nito na sumisirang-puri sa Diyos. Ang pagsunod sa katotohanan ay nakatulong sa atin na maging maibigin, mabait, at maunawain. At dahil din sa katotohanan, nagkaroon tayo ng malinis na katayuan sa harap ng Diyos at ng pag-asang buhay na walang hanggan.

Kaylaki rin ng pasasalamat natin sa espiritu ni Jehova na pumapatnubay at nagpapalakas sa atin! Nagtitiwala kami na nasiyahan kayo sa pagsusuri sa iba’t ibang paraan kung paano tayo maibiging ginagabayan at pinatitibay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu sa katatapos lamang na “Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon. Habang lumalala ang kalagayan sa daigdig, napakahalaga na manalig tayo sa makapangyarihang espiritu ni Jehova para patnubayan tayo sa mapanganib na mga panahong darating.

Natitiyak naming naantig ang inyong mga puso nang mabasa ninyo mula sa Taunang Aklat ang nakapagpapatibay na mga ulat hinggil sa ating mga kapatid na nagbata ng napakaraming pagdurusa dahil sa kanilang pananampalataya. At kahanga-hangang isipin na marami sa mga tapat na ito ang kababautismo pa lamang o hindi pa nga nababautismuhan noong panahong dumanas sila ng mga problema. Talagang mahal natin sila dahil sa kanilang katapatan at paninindigan sa katuwiran! Tunay ngang ang kanilang mahusay na halimbawa ay nagpapatibay sa ating determinasyon na manatiling tapat sa Kaharian anuman ang problemang mapaharap sa atin.—1 Tes. 1:6-8.

Alam namin, mahal na mga kapatid, na kailangan ninyong harapin ang maraming problema sa ekonomiya at sa ibang larangan ng buhay para mapanatiling nabubuklod ng pag-ibig ang inyong pamilya. Para sa ilan sa inyo, isang hamon maging ang regular na makibahagi sa pangangaral ng Kaharian at dumalo sa mga pulong. Iyan ang dahilan kung bakit matapos ang maraming pag-uusap at pananalangin, gumawa kami ng ilang pagbabago sa mga pulong ng kongregasyon simula Enero 1, 2009. Nagtitiwala kami na sasamantalahin ninyo ang mga kaayusang ito para magkaroon ng higit na panahon sa inyong personal at pampamilyang pag-aaral.

Tunay ngang isang kagalakan na makitang marami ang nabautismuhan sa idinaos na mga asamblea at kombensiyon sa taóng ito. Ang ilan sa kanila ay mga bata pa. Pinapupurihan namin kayong mga magulang dahil pinalaki ninyo ang inyong mga anak na may pagpapahalaga sa katotohanan at pinasigla sila na ialay ang kanilang buhay para maglingkod kay Jehova habang bata pa. Masasabing napakahusay ng pagsasanay na tinanggap nila sa tahanan, anupat kahit marami silang nakakaharap na mga hamon sa paaralan, naging kuwalipikado sa bautismo ang minamahal nating mga kabataang ito.—Awit 128:1-6.

Gusto rin naming banggitin ang kahanga-hangang pagtaas ng bilang ng idinaraos na mga pag-aaral sa Bibliya—at malaking tulong dito ang masisipag nating misyonero at special pioneer. Lubhang pinahahalagahan ng lahat ng miyembro ng Lupong Tagapamahala ang mahalagang papel ng ating mga kapatid sa buong daigdig sa pagsasabing “Halika!” sa tapat-pusong mga tao, anupat inaanyayahan ang lahat ng nauuhaw na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apoc. 22:17) Malugod naming tinatanggap sa ating pandaigdig na kapatiran ang 289,678 na nabautismuhan nitong nakaraang taon para sagisagan ang kanilang pag-aalay kay Jehova!

Makabubuting laging alalahanin ang pananalita ni apostol Juan, na sumulat: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) At isip-isipin na lamang na tayo ay nabubuhay sa panahong pagkalapit-lapit nang ‘lumipas’ ang sanlibutang ito! Isang katalinuhan nga na unahin sa ating buhay ang paggawa ng kalooban ng Diyos at ‘patuloy na magbantay.’ (Mat. 24:42) Kung gagawin natin ito, hinding-hindi tayo magsisisi, at aanihin natin ang mga pakinabang ng maibiging-kabaitan ni Jehova.—Isa. 63:7.

Umaasa kaming ang nakapagpapasiglang mga ulat mula sa maraming lupain na mababasa sa Taunang Aklat na ito ay magpapatibay sa inyong lahat na unahin sa inyong buhay ang kapakanan ng Kaharian. Nais naming tiyakin sa inyo na lagi kayong nasa aming alaala at panalangin, at mahal na mahal namin kayo. Sagana nawa kayong pagpalain ni Jehova.

Ang inyong mga kapatid,

Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova