Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Lupain ng Dating Yugoslavia

Mga Lupain ng Dating Yugoslavia

Mga Lupain ng Dating Yugoslavia

ANG bansa na dating kilala bilang Yugoslavia ay isang rehiyon na may iba’t ibang kawili-wiling bagay. Palibhasa’y nasa hilaga nito ang Sentral at Silangang Europa, ang Gresya at Turkey sa timog, at ang Italya naman sa kanluran, matatagpuan sa lugar na ito ang sari-saring kultura, wika, at relihiyon. Gayunman, para sa marami, ang pangalang Yugoslavia ay nagpapaalaala sa kanila ng mga labanan at alitan. Mula sa pagpaslang kay Archduke Francis Ferdinand noong 1914 hanggang sa paglipol sa mga etnikong grupo nitong nakalipas na mga panahon, halos puro kaguluhan ang naranasan sa bahaging ito ng Peninsula ng Balkan. Sa paglalabanan ng mga naninirahan sa rehiyong ito para magkamit ng kalayaan, ang mga republikang bumubuo rito ay naging mga bansa. Kaya nang maglaon, nagkahati-hati ang Yugoslavia, at ngayon, sa dati nitong teritoryo ay matatagpuan ang Bosnia at Herzegovina, Croatia, Macedonia, Montenegro, Serbia, at Slovenia.

Sa kabila ng mga alitan sa pulitika, lahi, at relihiyon, may isang kamangha-manghang ulat—isang kuwento ng pag-ibig, pagkakaisa, at pag-asa. Napagtagumpayan ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na ito ang mga pagtatangi ng lahi at pagkakapootan na naging dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga bansa sa Peninsula ng Balkan. Ang kanilang pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ng kultura ay bunga ng kanilang katapatan sa mas nakatataas na pamahalaan—ang Kaharian ng Diyos.

ANG PASIMULA

Paano nagsimula ang gawain ng bayan ni Jehova sa lugar na ito? Magsisimula ang ating kuwento sa isang kabataang barbero na si Franz Brand, na isinilang sa hilagang rehiyon ng Yugoslavia na tinatawag na Vojvodina. Nagpunta siya sa Austria upang maghanap ng trabaho. Habang naroroon siya, natagpuan niya ang katotohanan, na ibinahagi naman niya sa kaniyang sariling bayan nang umuwi siya roon noong 1925. Sumama siya sa isang maliit na grupo na gumagamit ng mga tomo ng Studies in the Scriptures sa kanilang pag-aaral at pagtalakay sa Bibliya. Ang mga tomong ito ay ipinadala sa kanila ng mga kamag-anak nila sa Estados Unidos.

Nakita ng grupo na kailangan nilang mangaral, kaya dalawang buklet na nagpapaliwanag ng mga turo mula sa Bibliya ang isinalin sa wikang Serbiano. Nakalulungkot, bago maipamahagi ang mga ito, dinalaw ang grupo ng isang prominenteng kapatid na nagrebelde sa organisasyon at bumuo ng sarili niyang sekta. Nahikayat niya ang lahat, maliban kay Franz, na tumiwalag sa mga Estudyante ng Bibliya.

Pagkaraan, lumipat si Franz sa Maribor, Slovenia, kung saan nagtrabaho siya sa isang barberya. Nagpatotoo siya sa may-ari ng barberya, si Richard Tautz, at tinanggap nito ang katotohanan. Binansagan sina Franz at Richard na “mga barberong naniniwala sa Bibliya” at ginawa nilang sentro ng kanilang pangangaral ang barberya. Nakikinig nang mabuti ang kanilang mga ginugupitan—siguro ayaw nilang kumilos o magsalita habang sila’y inaahitan! Ang isa sa mga nagpapagupit sa kanila ay isang pulitiko na nagngangalang Ðuro Džamonja. Ang isa pa ay si Rudolf Kalle na may-ari ng isang puwesto na nagkukumpuni ng makinilya. Parehong mabilis na sumulong sa katotohanan sina Ðuro at Rudolf, at di-nagtagal ay nabautismuhan sila. Iniwan ni Ðuro ang pulitika at tumulong sa pagtatatag ng The Lighthouse Society of Bible Students in the Kingdom of Yugoslavia. Sa tulong ng legal na samahang ito, malayang nakapangaral at nakapagdaos ng mga pulong ang mga kapatid.

ANG “PHOTO-DRAMA” ANG NAGBUKAS NG DAAN

Noong 1931, nagpadala ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Switzerland ng dalawang brother upang magpalabas ng “The Photo-Drama of Creation” sa malalaking lunsod sa buong Yugoslavia. Dinumog ng tao ang mga bulwagan, at tutok na tutok ang pansin ng mga tagapakinig habang ipinapalabas ito ni Ðuro. Dahil sa “Photo-Drama,” naging interesado sa katotohanan sa Bibliya ang mga tao sa buong bansa. Samantala, ang mga kapatid sa Maribor ay nagdaraos ng kanilang mga pulong sa wikang Sloveniano at Aleman. Sa Zagreb, pati na sa mga kalapit na lugar nito, nagtitipon ang mga grupo upang talakayin ang mga publikasyong isinalin sa wikang Croatiano.

Pagkatapos, sinimulan ng mga kapatid na isalin ang The Watchtower sa Sloveniano at Croatiano—isang napakahirap na gawain noong mga panahong iyon. Pagkaraan na maisalin ang isang magasin, imamakinilya naman ito ng isang sister. Pero kahit gumagamit siya ng carbon paper, nakagagawa lamang siya ng 20 kopya sa bawat pagkakataon. Nang maglaon, nagkaroon sila ng makinang pangmimyograp, kung kaya tumaas ang produksiyon ng The Watchtower at naging 200 kopya sa bawat salang.

Dala ang mga magasing ito, ang mga kapatid ay sumasakay ng tren papunta sa iba’t ibang lugar sa Yugoslavia para mangaral. Kung minsan, ang mga kapatid sa Slovenia ay umaarkila ng trak na walang bubong at umuupa ng drayber na di-Saksi. Ipagmamaneho sila ng drayber patungo sa lugar kung saan sila mangangaral at maghapon itong maghihintay roon hanggang sa makatapos sila. Noong mga panahong iyon, walang gaanong pagsasanay ang mga tagapaghayag na ito ng Kaharian, at kung minsan ay hindi sila mataktika sa pangangaral. Gayunman, pinagpala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na mahanap ang mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.”—Gawa 13:48.

“Una kong narinig ang tungkol sa katotohanan noong 1931 sa aking tiyahin, si Terezija Gradič, at sa kaniyang asawa na si Franc,” ang naaalaala ni Franc Sagmeister. “Kabilang si Tiyo Franc sa pinakaunang mga mamamahayag sa Slovenia. Bagaman noong una ay kontrang-kontra siya sa relihiyon, nagsimula siyang magbasa ng Bibliya at nagustuhan niya talaga ito. Malaki ang naging epekto nito sa akin, kaya sinamahan ko siyang mag-aral ng Kasulatan. Kahit na sinasalansang ako ng aking pamilya, nais ko pa ring ibahagi sa iba ang aking bagong-natutuhang kaalaman. Nang may magsumbong sa kura paroko ng ginagawa ko, agad niya akong ipinatawag. Sinabi niya sa akin na hindi ako puwedeng magkaroon ng Bibliya dahil hindi ko naman ito kayang unawain. Hindi ako pumayag na kunin niya ang Bibliya ko. Nang maglaon, noong mamatay ang aking ama, kinumpronta ako ng paring iyon nang minsang makita niya ako sa daan. Galit na galit siya sa akin dahil ni minsan daw ay hindi ako nagbayad upang makapagpamisa para sa aking ama. Sinabi ko sa kaniya, ‘Handa akong magbayad para sa isang daang Misa, o kahit isang libo pa, kung makakatulong iyon sa ama ko.’

“‘Oo, makakatulong ’yon!’ ang sabi ng pari.

“‘Kung nasa langit siya,’ ang sabi ko, ‘hindi na niya kailangan ng Misa mo, at kung nasa impiyerno naman siya, hindi na rin niya ito kailangan.’

“‘Pero paano kung nasa purgatoryo siya?’ ang giit ng pari.

“‘Mamang pari,’ ang sabi ko, ‘alam mo na marami akong pag-aari. Kahit ngayon, puwede akong pumunta sa opisina ng abogado ko at pumirma para ibigay sa iyo ang lahat ng ari-arian ko, kung mapapatunayan mo sa akin mula sa Bibliya na ang tao ay may imortal na kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkamatay, na may impiyerno at purgatoryo, at na ang Diyos ay isang Trinidad.’

“Tiningnan niya lang ako, nagsindi ng sigarilyo, at saka umalis.”

NANGARAL ANG MGA PAYUNIR SA LARANGAN

Noong dekada ng 1930, binuksan ng masisigasig na lalaki’t babae ang daan para suminag ang liwanag ng katotohanan sa Yugoslavia. Halimbawa, sa Maribor, Slovenia, sina Grete Staudinger, Katarina Konečnik, at nang bandang huli pati si Karolina Stropnik ay naglingkod bilang mga pansamantalang buong-panahong ministro na tinawag noon bilang vacation pioneer. Sa gawing timog pa ng Herzegovina, sa pangunahing bayan nito ng Mostar, isang konduktor ng orkestra na nagngangalang Alfred Tuček ang tumanggap sa katotohanan at nagpayunir. Si Dušan Mikić naman, 23 anyos, ay nakakuha ng buklet na Saan Naroon ang mga Patay? Mabilis din siyang sumulong sa katotohanan, nagpabautismo, at nagsimulang magpayunir. Hindi magtatagal at madaragdagan pa ang mga payunir na ito kapag dumating ang masisigasig na mga kapatid mula sa Alemanya.

Habang parami nang parami ang tumatanggap ng katotohanan sa Yugoslavia, ipinagbawal naman ito sa Alemanya. Ang tanggapang pansangay sa Switzerland ay nagpadala sa Yugoslavia ng mga 20 makaranasang payunir, gaya nina Martin Poetzinger, Alfred Schmidt, Vinko at Josephine Platajs, at Willi at Elisabeth Wilke. Bagaman hindi sila nakapagsasalita ng Sloveniano o ng Serbo-Croatiano, ang mapagsakripisyong mga payunir na ito ay buong-tapang na nangaral gamit ang mga testimony card anupat nabuksan ang daan para sa higit pang pagsulong sa hinaharap.

MGA HAMON SA PAGPAPAYUNIR

Ang kanilang sigasig at pag-ibig kay Jehova at sa mga tao ang tumulong sa mga payunir na mapagtagumpayan ang mga problema kapuwa sa wika at kakulangan ng pera. Isang hamon din ang paglipat sa mga lugar na pangangaralan. Madalas silang maglakad nang 40 kilometro sa pangit na mga daan kahit masama ang lagay ng panahon patungo sa malalayong nayon. Natatandaan pa ng isang sister na payunir na para hindi madaling masira ang kaniyang sapatos, naglalakad na lamang siya nang nakatapak kapag pumupunta sa mga nayon. Naalaala noon ni Martin Poetzinger, na nang maglaon ay naging miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang panahon na naglalakbay siya sa mga probinsiya dala ang backpack na punô ng literatura para mangaral sa lahat ng makikinig.

Naging maginhawa na ang transportasyon para sa masisigasig na payunir na ito nang bigyan sila ng mga bisikleta na binili ng isang kapatid na taga-Switzerland. Napakinabangan ang mga bisikletang iyon sa loob ng maraming dekada.

Bagaman ang mga taga-Yugoslavia ay kilala sa pagiging mapagpatuloy, galít sa mga kapatid ang ibang mga relihiyon, kaya dumanas ng mga pag-uusig ang ating mga payunir. Malaki ang impluwensiya ng mga pari sa mga miyembro ng kanilang parokya, lalo na sa mga nakatira sa maliliit na nayon. Kung minsan, sinusulsulan ng mga pari ang mga batang pumapasok sa paaralan na sundan ang mga payunir at pagbabatuhin ang mga ito. Sinusulsulan din ng mga klero ang mga awtoridad na guluhin ang mga payunir, kumpiskahin ang kanilang mga literatura, at arestuhin sila.

Sa isang pagkakataon, habang nangangaral sa isang liblib na nayon sa Croatia, narinig ni Willi Wilke na nagkakaingay ang mga tao sa plasa ng nayon. Nagpunta siya at ang kaniyang asawa sa nayong iyon, kasama ang isa pang payunir na si Grete Staudinger, para mag-alok ng buklet na Matuwid na Tagapamahala, kung saan makikita ang larawan ni Jesu-Kristo sa panimulang pahina. “Natakot ako nang makita kong pinalilibutan ng mga 20 katao ang aking asawa. Galít na galít sila at may mga hawak na karit. Sa di-kalayuan, isa pang grupo ng mga tao ang abaláng-abalá sa pagsunog sa aming mga buklet,” ang sabi ni Willi.

Walang kamalay-malay ang mga payunir kung bakit galít na galít sa kanila ang mga taganayon gayong maaamo naman ang mga ito. Hindi naman maitanong ni Sister Wilke kung bakit ganoon ang reaksiyon ng mga tao dahil hindi naman siya gaanong marunong ng wika nila. Mabuti na lamang at marunong magsalita si Grete ng Aleman at ng wika ng mga tagaroon. Kaya nagtanong siya, “Mga kaibigan, bakit kayo nagagalit sa amin?”

“Ayaw namin kay Haring Pedro!” ang halos sabay-sabay nilang sagot.

“Hindi rin namin siya gusto,” ang sabi ni Grete.

Dahil nagulat ang mga tao sa sagot niya, ipinakita nila ang larawan sa buklet at nagtanong, “Eh kung ganoon naman pala, bakit ninyo siya ikinakampanya?”

Nalaman na ngayon ni Grete kung bakit ganoon ang kanilang reaksiyon. Isang taon pa lamang kasi ang nakalilipas, noong 1934, pinatay ang hari ng Yugoslavia na si Haring Alejandro I, at ang kaniyang anak na si Pedro ang nakatakdang magmana ng kaniyang trono. Gayunman, mas gusto ng mga taganayon na magkaroon ng sarili nilang gobyerno kaysa ang mamahala sa kanila ay isang monarka mula sa Serbia. Akala pala ng mga tagaroon, larawan ni Haring Pedro ang nasa buklet!

Sa wakas ay nagkaintindihan din sila, kaya nakapagbigay ang mga payunir ng mahusay na patotoo tungkol sa Hari, si Jesu-Kristo. Ang ilan na sumunog sa kanilang buklet ay humingi ng mga bagong kopya. Masayang nilisan ng mga payunir ang nayon dahil nadama nila ang proteksiyon ni Jehova.

Kailangan ding maging palaisip ang mga payunir sa mga kaugalian ng mga taganayon. Kapag nangangaral sila sa mga nayon sa Bosnia na ang karamihan sa nakatira ay mga Muslim, kailangan nilang maging mas maingat para hindi magalit ang mga tagaroon. Halimbawa, maaaring magalit ang isang lalaking Muslim kung titingnan mo sa mata ang kaniyang asawa.

Noong mga panahong iyon, iilan lamang ang kongregasyon at grupo ng mga Saksi sa bansa. Kaya pagkatapos ng maghapong pangangaral sa isang malayong nayon, kung minsan ay mahirap makahanap ng matutuluyan sa gabi. Dahil sa kakaunti lamang ang pera ng mga payunir, hindi nila kayang umupa ng maayos na kuwarto sa isang maliit na otel. Tandang-tanda pa ni Josephine Platajs: “Sa isang nayon, walang gustong magpatuloy sa amin dahil takót sila sa paring Katoliko. Madilim na bago pa man kami makaalis sa lugar na iyon. Nang papalabas na kami ng nayon, nakakita kami ng isang malaking puno na maraming nalaglag na tuyong dahon—iyon na ang naging tulugan namin sa magdamag! Ginawa naming unan ang mga sako namin ng labada, at itinali ng asawa ko ang bisikleta sa may bukung-bukong niya gamit ang lubid. Nang magising kami kinaumagahan, nalaman namin na malapit pala sa isang balon ang aming tinulugan. Kaya may tubig na kaming pampaligo. Hindi lamang kami pinrotektahan ni Jehova, pinaglaanan pa niya kami ng aming pisikal na mga pangangailangan.”

Nadama ng mga payunir na ito kung paano sila pinaglaanan ni Jehova hanggang sa maliliit nilang pangangailangan. Para sa kanila, higit na mahalaga ang pangangaral ng mabuting balita kaysa sa kanilang sariling kaalwanan.

PAGTAWID SA MACEDONIA PARA MANGARAL

Sinamantala ng mga payunir na sina Alfred at Frida Tuček ang pagkakataon para maipangaral ang mensahe ng Kaharian habang naglalakbay mula sa Slovenia patungong Bulgaria. Sa bayan ng Strumica, Macedonia, nagpatotoo sila sa isang may-ari ng tindahan na si Dimitar Jovanovič, at pinahiram nila ito ng ilang literatura. Pagkaraan ng isang buwan, nang pabalik na sila mula sa Bulgaria, muli nila siyang binisita. Nang malaman nila na hindi naman pala niya binasa ang mga literatura, hiniling nila sa kaniya na isauli na ang mga ito para maipahiram naman sa iba na gustong bumasa nito. Dahil dito, nagkainteres si Dimitar. Nakiusap siya sa kanila na bigyan pa siya ng isang pagkakataon para basahin ang mga literatura. Pagkatapos niyang mabasa ang mga ito, napagtanto niya na ito ang katotohanan, at siya ang kauna-unahang nabautismuhan bilang Saksi ni Jehova sa Macedonia.

Pagkaraan, ibinahagi ni Dimitar ang katotohanan sa magkapatid na lalaking sina Aleksa at Kosta Arsov. Di-nagtagal at tatlo na ang Saksi sa Macedonia. Sa pamamagitan ng mga magasin, isang ponograpo, at mga plaka ng sermon, nagsimula silang mangaral. Ang isa sa mga magasin ay nakarating sa isang ministro ng Evangelical Methodist. Ibinigay naman ng ministro ang magasin sa isang matalinong kabataang miyembro ng kanilang simbahan, si Tušo Carčev. Nagustuhan ni Tušo ang kaniyang nabasa at hiniling sa ministro na bigyan pa siya ng maraming magasin. Di-nagtagal, nalaman ni Tušo na hindi tamang suwelduhan ang isa para mangaral ng mabuting balita. Palibhasa’y tuwang-tuwa sa kaniyang nalaman, sinabi niya ito sa kanilang ministro. Dahil dito, hindi na siya binigyan ng ministro ng mga magasin. Pero nakita ni Tušo sa magasin ang adres ng tanggapang pansangay sa Maribor, kaya sinulatan niya ito upang hilingin na padalhan siya ng mga magasin. Nakipag-ugnayan ang tanggapang pansangay kay Dimitar, Aleksa, at Kosta para dalawin si Tušo. Di-nagtagal, isang grupo ang nabuo.

Noong 1935, inilipat ng mga kapatid ang tanggapang pansangay mula sa Maribor, Slovenia, tungo sa Belgrade, ang kabisera ng Yugoslavia sa Serbia. Sina Franz Brand at Rudolf Kalle ang inatasan para mangasiwa rito.

IPINAGBAWAL ANG GAWAIN

Makikita sa brosyur na inilathala ng Simbahang Katoliko noong 1933 ang patunay na masigasig ang ating mga kapatid sa kanilang gawain nang panahong iyon. Detalyado nitong ipinaliwanag ang gawaing pangangaral ng mga Saksi. Sinabi rin ng simbahan na di-magtatagal at hihinto na ang ating gawain. Pero maling-mali sila!

Sa hilagang Yugoslavia, nagalit ang mga klero dahil sa masigasig na pangangaral ng maliit na grupo ng mga payunir. At lalo pa silang nagalit nang hindi ayunan ng korte ang pagtatangka nila na pigilan ang pangangaral hinggil sa Kaharian. Gayunman, nang maglaon, isang paring Jesuita mula sa Slovenia ang naging ministro ng ugnayang panloob. Isa sa mga una niyang ipinag-utos ay ang pagbuwag sa Lighthouse Society; at noong Agosto 1936, ang gawain ay opisyal na ipinagbawal. Ipinasara ng mga awtoridad ang mga Kingdom Hall at kinumpiska ang lahat ng literatura. Mabuti na lamang, patiuna na itong naipaalam sa mga kongregasyon, kaya kaunting literatura lamang ang nakumpiska ng mga awtoridad. Para maipagpatuloy ang gawain, isang maliit na imprentahan na may pangalang Kula stražara (Ang Bantayan) ang binuksan sa Belgrade, at ang mga pagpupulong naman ay patuloy na idinaos sa mga pribadong tahanan.

Ngayong opisyal nang ipinagbawal ang pangangaral, pinag-ibayo pa ng gobyerno ang pagsisikap nito na patigilin ang gawaing ito. Pinag-initan nila ang mga nasa buong-panahong ministeryo, kung kaya lubhang nahirapan ang ating mga kapatid na nagsasalita ng wikang Aleman. Ang pagbabawal sa gawain sa ibang mga bansa sa Europa ang dahilan kung bakit nagpunta sa Yugoslavia ang mga payunir na ito, at ngayon ay bawal na rin dito ang pangangaral. Bagaman inaresto at ibinilanggo ang mga payunir, nanatili pa rin silang masigasig. “May mga pagkakataong hindi kami pinapayagang tumanggap ng dalaw sa kulungan, pero hindi kami pinabayaan ni Jehova,” ang sabi ng isang sister. “Minsan, dinalaw kami ng isang kapatid, pero hindi siya pinayagan na makausap kami. Kaya nakipag-usap siya sa warden ng bilangguan sa malakas na tinig kung kaya’t narinig namin siya. Sapat na sa amin na marinig ang tinig niya para mapatibay kami.”

Sa panahong iyon ng kaligaligan, kailangan ng pambihirang lakas ng loob para maisalin at maipamahagi ang buklet na Judge Rutherford Uncovers Fifth Column. Inilantad nito ang papel ng Simbahang Romano Katoliko sa pagsuporta sa pulitikal na plano ng gobyernong Nazi. Isinalin ito sa wikang Serbiano, Croatiano, at Sloveniano, at 20,000 kopya para sa bawat isa sa mga wikang ito ang inimprenta. Sa simula pa lamang ay ipinagbawal na ang buklet na ito. Bunsod ng pamamahagi nito, pinaalis sa bansa ang mga banyagang payunir. Bukod dito, isang demanda mula sa abogado ng estado ang isinampa para ipabilanggo nang 10 hanggang 15 taon ang mga tagapaglathala ng buklet. Sa kabila ng nakaambang panganib, mabilis pa ring naipamahagi ng iilang mamamahayag sa Yugoslavia ang lahat ng 60,000 kopya.

“Nang mga panahong iyon, gustung-gusto ng mga tao na matuto tungkol sa Bibliya at nasisiyahan silang magbasa nito,” ang sabi ni Lina Babić, na natuto ng katotohanan noong papatapos na ang Digmaang Pandaigdig II at nagkaroon ng malapít na pakikipag-ugnayan sa tapat na mga kapatid. “Yamang kailangan namin na laging mag-ingat,” ang sabi niya, “kinopya ko sa aking notbuk ang mga literatura. Kaya kapag may naghalughog at nakita ito, iisipin nila na sulatán ko lang ito ng mga nangyayari sa araw-araw.”

SI TOLSTOY O SI JEHOVA?

Habang ang daigdig ay nasa bingit ng digmaan, nabahagi ang isa sa mga pinakamalaking kongregasyon sa Yugoslavia. Nagsimula ang ilan na itaguyod ang kaisipan ng Rusong manunulat at pilosopo ng relihiyon na si Leo Tolstoy. Dati siyang miyembro ng Simbahang Ruso Ortodokso, at naniniwala siya na ang lahat ng relihiyong Kristiyano ay masama at hindi talaga kumakatawan sa Kristiyanismo. Ang ilan sa mga kapatid ay nagkaroon ng gayong kaisipan at pinagdudahan nila ang lahat ng relihiyon at tinabangan na sa organisasyon ni Jehova. Isang kapatid sa Kongregasyon ng Zagreb ang umabuso sa ipinagkatiwala sa kaniyang pribilehiyo at nahikayat niya ang karamihan sa mga mamamahayag na tanggapin ang paniniwala ni Tolstoy. Gayon na lamang kalakas ang impluwensiya ng kapatid na ito anupat ang karamihan sa kongregasyon, mahigit 60 miyembro, ay sumang-ayon sa isang resolusyon na nagsasabing tinatalikuran na nila ang organisasyon ni Jehova.

Nang mabalitaan ito ni Rudolf Kalle, agad siyang bumiyahe mula Belgrade patungong Zagreb para pulungin ang buong kongregasyon. Tinalakay niya ang mahahalagang katotohanan mula sa Bibliya na isiniwalat ni Jehova sa pamamagitan ng uring tapat at maingat na alipin. (Mat. 24:45-47) Pagkatapos ay nagtanong siya: “Sino ang nagturo sa inyo ng mga katotohanang ito? Si Tolstoy o ang organisasyon ni Jehova?” Sinipi niya ang Josue 24:15 at pagkaraan ay pinagtaas niya ng kamay ang mga nais manatili sa organisasyon ni Jehova. Dalawa lamang ang nagtaas ng kamay.

“Hindi ko mailarawan ang sakit na naramdaman ko noon,” ang sabi ni Rudolf.

Para bang mauuwi na lamang sa wala ang lahat ng magagandang bagay na naisagawa sa kongregasyon.

Pagkatapos ay pinaakyat ni Rudolf sa entablado ang dalawang tapat na mamamahayag at sinabi: “Tatlo na lang kaming natitira. Kami na lang ngayon ang kumakatawan sa bayan ni Jehova sa lunsod na ito. Hinihilingan ko ang lahat ng iba pa na lumabas na sa silid na ito at bahala na kayo sa sarili ninyo. Pakiusap, iwan n’yo na kami! Gusto naming maglingkod sa aming Diyos, si Jehova. Makakaalis na kayo at doon na kayo maglingkod sa Tolstoy ninyo. Ayaw na namin kayong makasama.”

Sa loob ng ilang saglit, nagkaroon ng ganap na katahimikan. Pagkatapos, isa-isa silang nagtaas ng kamay at nagsabi: “Gusto ko ring maglingkod kay Jehova.” Sa bandang huli, ang apostatang lingkod ng kongregasyon lamang kasama ang kaniyang ilang tagasunod ang umalis sa silid. Ang pagsubok na iyon sa katapatan ay nagpatatag sa pananampalataya ng tapat na mga lingkod ni Jehova para sa mas matitindi pang pagsubok na darating.

MGA PIGHATING DULOT NG DIGMAAN

Noong Abril 6, 1941, sinalakay ng hukbong Aleman ang Yugoslavia. Nasira ang tanggapang pansangay nang bombahin ng mga eroplanong pandigma ang Belgrade. Hinati-hati ng puwersang Aleman ang Yugoslavia. Dahil sa mga labanan, pansamantalang naputol ang komunikasyon sa pagitan ng mga kapatid sa Bethel sa Serbia at ng mga kapatid na nasa Slovenia, Croatia, at Macedonia. Mas nahirapan ang mga kapatid sa dulong timog ng Macedonia dahil nagkaroon lamang sila muli ng pakikipag-ugnayan sa sangay nang matapos na ang digmaan.

Napaharap ngayon ang mga kapatid sa mga bago at matitinding hamon. Dahil nasangkot ang buong daigdig sa digmaan, napasailalim ang ating mahal na mga kapatid sa panahon ng pagsubok at pagdadalisay. Malalaman ngayon kung gaano katibay ang kanilang pananampalataya at pag-ibig kay Jehova pati na sa kaniyang organisasyon.

Ipinasara ang tanggapang pansangay sa Belgrade. Kaya ang paghahatid ng espirituwal na pagkain ay inorganisa sa Zagreb, Croatia. Kung noon ay pinagmumulta at ibinibilanggo ang mga kapatid, ngayon ay mga kampong piitan at sentensiyang kamatayan ang naghihintay sa kanila, kaya mas kailangan nilang maging maingat at malihim.

Nang sakupin at hati-hatiin ng puwersang Aleman ang Yugoslavia, nagtayo ang mga ito ng mga kampong piitan. Sa Croatia, ginamit ang mga kampong ito para ibukod at patayin ang ilang maliliit na grupong etniko at ang di-Katolikong minorya pati na ang lahat ng relihiyon na kalaban ng rehimen. Sa Serbia, nagtayo ang puwersang Nazi ng mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho at mga kampong piitan. Dahil sa kanilang neutral na paninindigan, mahigit 150 kapatid na taga-Hungary ang ikinulong sa kampo sa Bor, Serbia. Maging sa Yugoslavia, naging puntirya ng rehimeng Nazi ang mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, nakakapangaral lamang sila sa pamamagitan ng di-pormal na pagpapatotoo. Ang mga mamamahayag ay tinagubilinan na magdala lamang ng Bibliya at isang literatura, at tinuruan sila kung ano ang sasabihin kapag sila’y naaresto. Idinaraos nila ang kanilang mga pagpupulong sa maliliit na grupo at hindi nila alam kung saan ginaganap ang ibang mga pagpupulong.

Dahil delikadong magpasok ng literatura sa bansa, patagong gumagawa ang mga kapatid ng mga kopya nito. Magdamag na iniimprenta at pinagsasama-sama ng mga kapatid ang mga pahina ng mga magasin at buklet. Ginagawa nila ito sa iba’t ibang lugar. Nagtatrabaho rin silang mabuti para makaipon ng perang magagamit sa pag-iimprenta. Sa pamamagitan ng kanilang mga koneksiyon sa negosyo, laging nakakakuha ang mga kapatid ng mga bagay na kailangan nila para makapag-imprenta. Habang lumalalâ ang pagtatangi sa lahi at relihiyon sa Yugoslavia, nagkakaisa naman ang ating mga kapatid, at pinagsama-sama nila ang kani-kanilang naipong pera upang maihatid ang mga nagliligtas-buhay na espirituwal na pagkain. Paano nila maihahatid ang mga ito sa nakabukod na mga grupo ng mga mamamahayag sa kanilang teritoryo?

Pinatunayan ni Stevan Stanković, isang manggagawa sa riles ng tren na may lahing Serbiano, na handa siyang tumulong sa kaniyang mga kapatid kahit pa iba ang kanilang lahi. Sa kabila ng panganib, palihim na inihatid ni Stevan ang mga literatura mula Croatia tungo sa Serbia na sakop ng militar. Isang araw, natuklasan ng mga pulis ang mga literatura sa dala niyang maleta. Pilit nilang inalam sa kaniya kung saan galing ang mga ito. Gayunman, tapat si Stevan sa kaniyang mga kapatid, kaya hindi siya nagbigay ng anumang impormasyon sa mga pulis. Dinala nila siya sa bilangguan para pagtatanungin at pagkatapos nito ay inilipat siya sa kalapit na kampong piitan sa Jasenovac. Namatay ang tapat nating kapatid na ito sa loob ng kampong iyon na kilala sa brutal na pagtrato sa mga preso.

Si Mihovil Balković, isang maingat at mapamaraang kapatid, ay nagtatrabaho bilang tubero sa Croatia noong kritikal na mga panahong iyon. Bukod pa sa kaniyang paghahanapbuhay, dinadalaw rin niya ang mga kapatid upang patibayin sila at ihatid sa kanila ang mga literatura. “Minsan,” ang kuwento ng kaniyang apong lalaki, “nalaman niya na ang sinasakyan niyang tren ay hahalughugin sa kasunod na bayan. Kaya bumaba na siya isang istasyon pa bago dumating sa talagang bababaan niya. Bagaman halos buong bayan ay nababakuran ng barbed wire, nakakita siya ng malulusutan sa isang ubasan. Nasa backpack niya ang mga literatura, at sa pinakaibabaw nito ay naglagay siya ng dalawang bote ng rakija (brandi na gawang-bahay) at ng ilang pinamilí niya. Habang maingat na naglalakad sa ubasan, nadaanan niya ang isang malaking hukay na pinagtataguan ng mga sundalo. Biglang sumigaw ang isa sa kanila: ‘Tigil! Sino ka?’ Nang lumapit siya sa mga sundalo, isa sa kanila ang nagtanong, ‘Ano ’yang dala mo?’

“‘Kaunting harina, balatong, at ilang patatas,’ ang sagot niya.

“Nang tanungin siya kung ano ang laman ng mga bote, sinabi niya, ‘Amuyin mo at tikman.’

“Nang tinikman ito ng sundalo, sinabi ng lolo ko, ‘Itong boteng ito ay para sa iyo anak, at itong isa naman eh para sa akin.’

“Palibhasa’y nasiyahan sa sinabi niya at sa rakija, sinabi ng sundalo, ‘Sige ’tanda, makakaalis ka na!’

“Kaya,” bilang pagtatapos ng apo sa kuwento ng kaniyang lolo, “ligtas na naihatid ang mga literatura.”

Talagang matapang si Mihovil. Nilakbay niya ang mga teritoryo na kontrolado ng magkakalabang puwersa. Kung minsan nga, aktuwal na nakakaharap ni Mihovil ang mga sundalo ng Komunistang Partisan; at kung minsan naman, nakakatagpo niya ang mga sundalo ng Pasistang Ustaša a o ang mga sundalo ng Četnik. Sa halip na panghinaan ng loob, ginamit niya ang mga pagkakataong iyon upang makapagpatotoo at maipaliwanag sa iba ang pag-asa sa hinaharap na iniaalok ng Bibliya. Kailangan ang tapang at tibay ng loob para magawa ito dahil laging nasa peligro ang buhay ng isang Saksi. Ilang beses siyang inaresto, pinagtatanong, at ibinilanggo.

Nang magtatapos na ang digmaan, noong gabi ng Nobyembre 9, 1944, hinalughog ng mga sundalong Partisan ang bahay ni Mihovil, kinumpiska ang mga literatura, at dinala si Mihovil. Nakalulungkot, hindi na siya nakabalik pang muli. Napag-alaman nang dakong huli na siya ay pinugutan ng ulo.

Bata pa lamang si Josip Sabo nang maghatid siya ng literatura sa rehiyon ng Slavonia sa Croatia sakay ng kaniyang bisikleta. Gumawa siya ng isang kahon na lagayan ng mga literatura at ikinarga ito sa parilya ng kaniyang bisikleta. Para hindi makita ang mga literatura, naglagay siya sa ibabaw ng mga ito ng bagong pitas na mga peras. Halos lahat ng kalsada noon papasók sa mga nayon ay may barikada at guwardiyado ng mga sundalo.

“Ano ang laman ng kahon mo?” ang tanong ng mga sundalong nagbabantay sa mga barikadang nadaanan niya.

“Mga peras po para sa tiyuhin ko,” ang sagot ni Josip. Pagkatapos, babawasan ng mga sundalo ang mga peras ng isa o dalawang piraso. Kaya nang malapit na siya sa kaniyang pupuntahan, halos wala na siyang peras na maipantakip sa mga literatura. Dahil diyan, dumaan na lamang si Josip sa isang landas na bihirang daanan para hindi na mahingi ang natitira niyang mga peras at mabisto ang nakatagong mahahalagang literatura.

TAPAT HANGGANG WAKAS

Ibinahagi ni Lestan Fabijan, isang mason mula sa Zagreb, ang katotohanan kina Ivan Sever, Franjo Dreven, at Filip Huzek-Gumbazir. Sa loob ng anim na buwan, lahat sila ay nabautismuhan at nagsimulang mangaral at magdaos ng mga pulong. Noong gabi ng Enero 15, 1943, dumating sa bahay ni Ivan Sever ang nagpapatrulyang mga sundalo para arestuhin siya pati na si Franjo Dreven at isa pang kapatid, si Filip Ilić. Hinalughog nila ang bahay, kinuha ang lahat ng literatura, at inaresto ang mga kapatid.

Nabalitaan ito ni Lestan, kaya pinuntahan nila ni Filip Huzek-Gumbazir ang ina at kapatid na babae ni Franjo. Pero nalaman ng mga Partisan na nagpunta sila roon kaya inaresto rin nila sina Lestan at Filip. Ipinaliwanag ng limang kapatid na ito sa pamamagitan ng Bibliya na si Jehova lamang ang pinaglilingkuran nila at na mga sundalo sila ni Kristo. Dahil tumanggi silang lahat na humawak ng sandata at makipagdigma, sinentensiyahan sila ng kamatayan. Pagkaraan nito, sila ay ikinulong.

Isang gabi, ginising ang limang kapatid na ito, hinubaran ng kanilang mga damit, at dinala sa kakahuyan. Habang naglalakad, binigyan sila ng mga sundalo ng pagkakataong magbago ng isip. Sinabi ng mga sundalo na gawin nila ito alang-alang man lamang sa kanilang mga pamilya. Ipinaalaala ng mga sundalo kay Filip Huzek-Gumbazir na buntis ang kaniyang asawa at may apat siyang anak. Pero sinabi ni Filip na buo ang pananalig niya na hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang pamilya. Si Franjo Dreven naman ay walang asawa’t anak, kaya tinanong siya ng mga sundalo kung sino na ang mag-aalaga sa kaniyang ina at kapatid na babae.

Nang dumating sila sa lugar na pagdadalhan sa kanila, hinayaan lamang silang nakatayo roon ng mga sundalo kahit pa panahon ng taglamig noon. Ngayon ay sinimulan ang pagpatay sa kanila. Una, binaril ng mga sundalo si Filip Huzek-Gumbazir. Pagkatapos, naghintay ang mga sundalo at tinanong sila kung magbabago ang isip nila. Ngunit matatag ang mga kapatid. Kaya isinunod ng mga sundalo si Franjo, pagkaraan ay si Ivan, at saka si Lestan. Si Filip Ilić na lamang ang natitirang buháy. Pero nakipagkompromiso siya at pumayag na magsundalo. Gayunman, pagkaraan ng tatlong buwan ay umuwi siya sa kanila dahil nagkasakit siya, kaya naikuwento niya ang nangyari. Ang buhay na sinikap niyang iligtas sa pamamagitan ng pakikipagkompromiso ay hindi rin nagtagal nang mamatay siya dahil sa sakit.

Marami sa mga kapatid natin sa Slovenia ang naging biktima ng pag-uusig. Halimbawa, hindi pumayag na humawak ng armas ang 38-taóng-gulang na panday na si Franc Drozg. Dahil dito, pinatay siya sa Maribor ng mga sundalong Nazi noong Hunyo 8, 1942. Ang ilan sa naroroon ay nagsabi na isang karatula na may nakasulat na “Hindi ako mula sa sanlibutang ito” ang isinabit sa kaniyang leeg bago siya binaril. (Juan 17:14) Makikita ang tibay ng kaniyang pananampalataya sa isinulat niyang liham ilang minuto bago siya pinatay: “Mahal na Kaibigan! Rupert, ngayong araw na ito ay sinentensiyahan akong mamatay. Huwag mo akong ipagdalamhati. Ipinaaabot ko sa iyo at sa lahat ng nasa bahay ang aking pag-ibig. Magkita tayo sa Kaharian ng Diyos.”

Walang-lubay ang mga awtoridad sa kanilang pagsisikap na patigilin ang gawaing pangangaral, ngunit napatunayan ng mga kapatid noon na si Jehova ay Diyos ng kaligtasan. Halimbawa, madalas salakayin ng mga pulis ang mga kabahayan at pinahahanay ang mga residente sa isang lugar upang suriin ang kanilang mga ID. Lahat ng mukhang kaduda-duda ay dinadala sa bilangguan. Samantala, hinahalughog naman ng ibang mga pulis ang mga bahay at apartment. Madalas na nakikita ng mga kapatid na hindi sila pinababayaan ni Jehova dahil may mga pagkakataon na nilalampasan ng mga pulis ang kanilang mga bahay, sa pag-aakalang nahalughog na ang mga ito. May di-kukulangin sa dalawang pagkakataon na nasa apartment ng mga kapatid ang maraming literatura, pati na ang mga makinang pangmimyograp. Sa mapanganib na mga panahong iyon, maraming beses na napatunayan ng mga nakikibahagi sa gawaing pangangaral na totoo ang katiyakang binabanggit sa Bibliya na “si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at maawain.”—Sant. 5:11.talababa.

SINENTENSIYAHAN NG KAMATAYAN

Noong 1945, nagwakas ang Digmaang Pandaigdig II, kaya natapos na rin ang isa sa pinakamadugong yugto sa kasaysayan ng tao. Palibhasa’y natalo na si Hitler at ang mga kaalyado niya, umasa ang mga kapatid na maaalis na ang mga pagbabawal sa kanilang gawain at magiging malaya na silang muli sa pangangaral. May dahilan naman sila para maging positibo: Ang katatatag na gobyernong Komunista ay nangako na magkakaroon ng kalayaan sa pamamahayag, pagsasalita, at pagsamba.

Gayunman, noong Setyembre 1946, 15 kapatid na lalaki at 3 kapatid na babae ang inaresto. Kasama sa mga ito sina Rudolf Kalle, Dušan Mikić, at Edmund Stropnik. Umabot nang limang buwan ang imbestigasyon. Pinaratangan ng mga awtoridad ang mga Saksi na diumano’y kumikilos sila laban sa mga mamamayan at sa Estado, at isinasapanganib ang mismong pag-iral ng Yugoslavia. Sinabi nila na ang Estados Unidos daw ang nagpapatakbo sa ating gawain at nangangaral lamang tayo ng tungkol sa Kaharian ng Diyos para hindi mahalata ang layunin nating sirain ang sosyalismo at ibalik ang kapitalismo. Isang paring Katoliko ang nagpasimuno sa pagpaparatang sa mga kapatid na mga espiya raw sila ng Amerika at na ginagamit lamang nilang balatkayo ang relihiyon.

Sa hukuman, buong-tapang na nagsalita ang mga akusadong kapatid para ipagtanggol ang kanilang sarili, at nakapagbigay sila ng mainam na patotoo tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Ganito ang sinabi ng kabataang brother na si Vjekoslav Kos: “Kagalang-galang na mga hukom, tinanggap ko ang relihiyong ito, ang turo ng Bibliya, mula sa aking ina, at dahil diyan ay sumamba ako sa Diyos. Noong panahon ng pananakop ng mga Aleman, ibinilanggo ang aking ina. Ang relihiyon ng dalawang ate ko at ng kuya ko ay kagaya ng sa nanay ko. Dinala silang lahat ng mga Aleman sa Dachau, at doon sila pinagbabaril dahil itinuring silang mga komunista dahil sa paraan nila ng pagsamba sa Diyos. Ngayon naman ay inaakusahan ako sa harap ng hukumang ito bilang isang Pasista dahil din sa mismong relihiyong ito.” Bilang resulta, pinalaya siya ng hukuman.

Pero hindi naging ganoon kabait ang hukuman sa iba pang akusado. Tatlo sa kanila ang sinentensiyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril, at ang iba pa ay sinentensiyahan na mabilanggo nang 1 hanggang 15 taon. Ngunit dahil sa kawalang-katarungang ito, nagprotesta ang ating mga kapatid sa buong daigdig. Ang mga Saksi sa Estados Unidos, Canada, at Europa ay nagpadala ng libu-libong liham ng protesta sa gobyerno ng Yugoslavia. Nagpadala rin sila ng daan-daang telegrama. Maging ang ilang opisyal ng gobyerno ay sumulat din alang-alang sa mga kapatid. Dahil sa pagbaha ng suporta, binago ng gobyerno ng Yugoslavia ang sentensiyang kamatayan at ginawa na lamang itong 20-taóng pagkabilanggo.

Pero hindi roon natapos ang pagsalansang. Makalipas ang dalawang taon, inaresto ng mga awtoridad sa Slovenia si Janez Robas at ang kaniyang asawang si Marija, pati na ang kanilang mga kapuwa Saksi na sina Jože Marolt at Frančiška Verbec, dahil sa pangangaral. Ganito ang mababasa sa isang bahagi ng demanda laban sa kanila: Ang “‘sektang jehovite’ [ay] nangalap . . . ng bagong mga miyembro na kanilang sinulsulan para labanan ang ating kasalukuyang sistema sa lipunan [at] labanan ang paglilingkod sa militar.” Dahil iginigiit ng mga awtoridad na pinahihina raw ng mga kapatid ang depensa ng bansa, sinentensiyahan nila ang mga ito na mabilanggo nang tatlo hanggang anim na taon na may kasamang sapilitang pagtatrabaho.

Noong 1952, dahil sa pagbabago sa patakaran sa pulitika, pinalaya ang lahat ng kapatid na nakabilanggo; at patuloy na naipangaral ang mensahe ng Kaharian. Nagkatotoo ang pangako ni Jehova: “Anumang sandata na aanyuan laban sa [inyo] ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa [inyo] sa paghatol ay hahatulan [ninyo].”—Isa. 54:17.

Gayunpaman, patuloy na sinikap ng gobyerno na pahinain ang paninindigan ng mga kapatid. Binansagan sila ng media na “may sakit sa isip” at “mga panatikong malapit nang mabaliw.” Dahil sa paulit-paulit na negatibong mga balita at sa pangamba na lagi silang sinusubaybayan, nabagabag ang ilang kapatid. Nang palayain sa pagkakabilanggo ang tapat na mga Saksi, pinaghinalaan sila ng ibang mga kapatid sa kongregasyon na sila ay mga espiya. Sa kabila nito, patuloy na pinatibay ni Jehova ang mga kongregasyon sa pamamagitan ng tapat at may-gulang na mga kapatid.

Nang maupo sa kapangyarihan si Josip Broz Tito noong magtapos ang Digmaang Pandaigdig II, naging maliwanag na malaki ang magiging papel ng militar sa Yugoslavia. Ang mga tumatangging maglingkod sa militar, anuman ang dahilan, ay itinuturing na kalaban ng gobyerno.

PAGSUBOK SA KATAPATAN

Noong Digmaang Pandaigdig II, ang siyam-na-taóng-gulang na si Ladislav Foro na taga-Croatia ay dumalo sa isang sapilitang pagtitipon ng taong-bayan kung saan isang paring Katoliko ang nagbigay ng sermon. Palibhasa’y gustong mag-usisa, nang matapos ang sermon, sumilip si Ladislav sa likod ng kurtina ng plataporma. Nakita niyang nagbibihis ang pari. Nang hubarin ng pari ang abito nito, napansin ni Ladislav na nakasuot pala ito ng uniporme ng mga Ustaša, at may granada sa sinturon nito na lagayan ng bala. Pagkakuha ng pari sa kaniyang sable, sumakay ito sa kabayo na nasa labas, sabay sigaw: “Tayo na mga kapatid at gawin nating Kristiyano ang mga tao! Kapag may tumutol, alam na ninyo ang gagawin ninyo!”

Alam ni Ladislav na hindi dapat ganito ang paggawi ng isang alagad ng Diyos. Di-nagtagal pagkatapos nito, nagsimula na siyang dumalo sa lihim na mga pagpupulong ng mga Saksi kasama ng kaniyang tiyuhin. Kahit ikinagalit ito ng kaniyang mga magulang, nagpatuloy si Ladislav sa pagdalo sa mga pulong at mahusay ang naging pagsulong niya sa espirituwal.

Noong 1952, nang ipatawag si Ladislav para maglingkod sa militar, nanindigan siya na kailangan niyang maging neutral bilang isang Kristiyano. Ilang beses siyang pinagtatanong ng mga opisyal para pilitin siyang bigkasin ang panata sa pagsusundalo. Sa isang pagkakataon, dinala nila siya sa baraks kung saan 12,000 sa mga nagpalista para magsundalo ang nagtipon para manumpa. Pinatayo ng mga sundalo si Ladislav sa harap nilang lahat at isinabit sa kaniyang balikat ang isang riple. Kaagad niya itong inalis at binitawan. Gamit ang mga loudspeaker para marinig ng lahat, sinabi ng mga sundalo na kung gagawin uli iyon ni Ladislav, babarilin nila siya. Nang tumanggi siya sa ikalawang pagkakataon, kinaladkad nila siya at inihulog sa isang hukay na nilikha ng isang sumabog na bomba. Nang iutos ang pagpatay sa kaniya, isang sundalo ang dalawang beses na nagpaputok sa hukay na ito, na mga ilang metro ang lalim. Pagkatapos nito ay bumalik na sila sa baraks. Gayunman, hindi tinamaan ng bala ang kapatid!

Nang gabing iyon, iniahon ng mga sundalo si Ladislav mula sa hukay at dinala sa bilangguan sa Sarajevo. Ibinigay sa kaniya ang isang liham na nagsasabing habang nabubulok siya sa bilangguan kasama ng mga kriminal, ang ilang kapananampalataya naman niya ay nakikipagkompromiso lamang. Paulit-ulit siyang ginipit ng mga opisyal sa pamamagitan ng mahahaba at iyon at iyon ding mga argumento. Pero nangatuwiran si Ladislav: ‘Pinili ko bang paglingkuran si Jehova dahil sa isang indibiduwal? Hindi! Narito ba ako para lamang palugdan ang tao? Hindi! Nakadepende ba ang buhay ko sa maaaring sabihin, isipin, o gawin ng iba? Hindi!’

Ang ganitong pangangatuwiran salig sa kaniyang kaalaman sa Bibliya ang nakatulong kay Ladislav na manatiling tapat habang nasa bilangguan hanggang sa mapalaya siya makalipas ang apat at kalahating taon. Nang maglaon, naglingkod siya bilang tagapangasiwa ng sirkito at sinuportahan siya ng kaniyang tapat na asawa at kapuwa mananamba na si Anica.

LIMITADONG KALAYAAN

Matapos putulin ni Tito ang kaniyang malapít na ugnayan sa Unyong Sobyet noong 1948, binago niya ang pagkakaorganisa ng kaniyang gobyerno at unti-unting binigyan ng higit na kalayaan ang mga tao. Bagaman sosyalismo pa rin ang gobyerno, naging mas mapagparaya na ito sa relihiyon.

Inanyayahan ng gobyerno ang mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova para makipagpulong sa kanila at nagmungkahi sa mga ito na gumawa ng isang bagong karta, na magbibigay-daan para maging legal ang gawain ng mga Saksi. Sumulat ang mga kapatid ng isang karta, at noong Setyembre 9, 1953, muling legal na nairehistro ang mga Saksi ni Jehova sa Yugoslavia.

Habang ipinapatapon ng ibang Komunistang bansa ang ating mga kapatid, may sapat na kalayaan naman ang mga Saksi sa Yugoslavia para makapagpulong sa itinalagang mga bulwagan. Dahil sa ganitong kalagayan, maaari nang tumanggap ng mga literatura ang ating mga kapatid sa Macedonia at puwede na rin silang makipag-ugnayan sa tanggapan sa Zagreb. Ngunit kahit legal nang nairehistro ang mga Saksi ni Jehova bilang isang relihiyon noong 1953, lumipas pa ang 38 taon bago naging legal ang kanilang pangangaral sa bahay-bahay.

Nagpatuloy ang mga problema. Dahil sa neutral na paninindigan ng mga kapatid, ang kanilang gawaing pangangaral ay itinuring ng mga awtoridad bilang pagpapalaganap ng propaganda. Napakahirap mangaral dahil nakakalat sa buong bansa ang mga sekreta pati na ang kanilang mga impormante. Maaaring arestuhin o pagmultahin ang mga kapatid kapag nahuli silang nangangaral. Ganito ang sabi ng isang ulat: “Patuloy ang pag-aresto at paglilitis. Ito ay partikular nang nangyayari sa Slovenia, kung saan pinakamalakas ang impluwensiya ng mga Katoliko at kung saan marami sa mga kabilang sa bayan ni Jehova ang minamanmanan ng mga pulis at ng kanilang mga impormante para mahuli sila sa akto na nag-aaral ng Salita ng Diyos. Ngunit ipinakita ng mga kapatid na determinado sila na talunin ang layunin ng pag-uusig sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos sa halip na sa tao.”

“MAINGAT . . . GAYA NG MGA SERPIYENTE”

Kapag nangangaral sa kanayunan ng Slovenia, tinatanong muna ng mga kapatid ang may-ari ng bahay kung may tinda silang itlog. Kung maganda ang presyo, binibili ng mamamahayag ang mga itlog para hindi magsuspetsa ang may-bahay. Kapag sapat na ang nabili nilang itlog, panggatong naman ang itinatanong nila sa susunod na mga bahay. Habang nakikipagtransaksiyon, at sa tingin nila ay wala namang panganib, isinisingit nila ang pakikipag-usap hinggil sa Bibliya.—Mat. 10:16.

Sa mga lugar sa palibot ng Zagreb, Croatia, sistematiko ang pangangaral ng mga kapatid sa kanilang teritoryo, ngunit sa paraang hindi sila mahahalata. Ang isa nilang estratehiya ay ang dumalaw lamang sa bawat ikasampung bahay. Halimbawa, kung naatasan ang mga mamamahayag na dumalaw sa unang bahay, dadalawin nila ang una, ika-11, ika-21, ika-31 bahay, at patuloy. Bunga ng ganitong mga pagsisikap, nakilala ng marami si Jehova. Gayunman, dahil talagang hamon noon ang mangaral sa bahay-bahay, ang di-pormal na pagpapatotoo ang pamamaraang kadalasan nang ginagamit.

Sa Serbia, nagtitipon ang mga kapatid sa pribadong mga tahanan. Ikinuwento ni Damir Porobić kung paano idinaraos ang mga pulong sa bahay ng kaniyang lola pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II. “Lima hanggang sampu katao ang dumadalo,” ang sabi niya. “Tamang-tama ang bahay ng lola ko sa gayong pagtitipon dahil may daanan ito mula sa magkabilang kalye. Kaya maaaring maglabas-masok ang lahat nang hindi napaghihinalaan.”

Si Veronika Babić ay isinilang sa Croatia, at ang kaniyang pamilya ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya noong kalagitnaan ng dekada ng 1950. Pagkatapos niyang mabautismuhan noong 1957, lumipat sila ng kaniyang asawa sa Sarajevo, Bosnia. Si Milica Radišić naman, mula sa rehiyon ng Slavonia sa Croatia, ay nabautismuhan noong 1950. Lumipat din sa Bosnia ang kaniyang pamilya. Sinimulan ng mga pamilyang ito na palaganapin sa Bosnia ang katotohanan hinggil sa Kaharian. Gaya sa ibang bahagi ng Yugoslavia, kailangan din nilang maging maingat sa pangangaral. “Isinumbong kami sa mga pulis,” ang sabi ni Veronika, “kaya nakumpiska ang mga literatura namin. Kami ay inaresto, pinagtatanong, pinagbantaang ibibilanggo, at pinagmulta. Pero hindi kami nasiraan ng loob o natakot. Sa halip, pinatibay nito ang pananampalataya namin kay Jehova.”

“Isang araw,” ang naalaala ni Milica, “isang lalaki ang dumating sa Kingdom Hall at nagpakita ng interes. Maganda ang naging pagtanggap sa kaniya ng mga kapatid at tumira pa nga siya nang ilang panahon sa mga bahay nila. Masipag siyang magkomento sa mga pulong. Pero isang araw, nang pumasok sa trabaho ang aming anak na babae, nakita niya ang lalaking ito na nakikipagpulong sa mga sekreta. Noon namin natanto na ipinadala siya ng pulisya para magmanman sa amin. Yamang nabunyag nang konektado siya sa mga pulis, hindi na siya dumalo ng pulong.”

MGA KINGDOM HALL NOON

Noong hindi pa sila nakarehistro sa gobyerno, ilegal para sa mga Saksi ni Jehova na magtipon sa pribadong mga tahanan. Kaya kapag nagtitipon ang mga kapatid, nanganganib silang maaresto. Gayunman, kahit na noong pinahintulutan na silang magtipon nang hayagan, isang hamon pa rin ang maghanap ng dakong mapagpupulungan. Marami kasi ang hindi natutuwa sa mga Saksi ni Jehova kaya ayaw nilang ipaarkila sa mga ito ang kanilang mga gusali. Kaya naman, nagpasiya ang mga kapatid na bumili na lamang ng mga gusaling mapagtitipunan.

Hindi naman nagtagal at nakakita rin ang mga kapatid ng gusali, isang maliit na pagawaan sa sentro ng Zagreb, Croatia. Kinumpuni nila ito at ginawang isang magandang Kingdom Hall na makapaglalaman ng mga 160 katao. Gumawa rin sila rito ng isang opisina na magagamit sa pag-iimprenta ng literatura. Ginamit din ang Kingdom Hall na ito para sa mga asamblea at kombensiyon. Noong 1957, dito idinaos ang kauna-unahang kombensiyon ng mga Saksi na nagmula sa lahat ng bahagi ng Yugoslavia. Makalipas ang ilang taon, nakabili ang mga kapatid ng isang bahay sa sentro ng Zagreb, sa Kalye Kamaufova, na ginamit naman ng pamilyang Bethel hanggang noong 1998.

Noon ding 1957, bumili ang mga kapatid ng isang gusali sa Belgrade, Serbia, na nagsilbing Kingdom Hall at opisina para sa mga gawain sa Bethel. Pagkatapos nito, nakabili sila ng isang kuwadra sa Ljubljana, Slovenia. Kinumpuni nila ito at ginawang Kingdom Hall. Noong 1963, isa namang garahe sa Sarajevo ang ginawa nilang bulwagan, na siyang ginamit ng kauna-unahang kongregasyon sa Bosnia at Herzegovina. Malaki ang kailangang kumpunihin sa ilan sa mga gusaling ito; pero lubusang nagboluntaryo ang mga kapatid at naging bukas-palad sa pagbibigay ng kanilang donasyon, at pinagpala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap.

HIGIT NA PAGSULONG SA ESPIRITUWAL DAHIL SA MAS MAHUSAY NA PAG-OORGANISA

Noong 1960, nag-atas ng mga tagapangasiwa ng sirkito para tulungan at patibayin ang mga kongregasyon. Inanyayahan ang ilang kapatid na maglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito sa “dulo ng sanlinggo.” Kusang-loob na ginamit ng mga kapatid na ito ang mga araw na wala silang pasok sa trabaho para maglakbay at patibayin ang mga kapatid at itaguyod ang pagkakaisa noong mga panahong iyon.

“Mga isang taon din akong naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito sa dulo ng sanlinggo kasama ang aking asawa, at nang maglaon bilang buong-panahong tagapangasiwa ng sirkito,” ang naaalaala ni Henrik Kovačić, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa Croatia. “Mahirap ang buhay ng mga kapatid, at madalas na walang gripo o matinong palikuran ang mga tinutuluyan namin. Pero gayon na lamang kalaki ang pasasalamat ng mga kapatid sa mga pagdalaw namin anupat pinagpakitaan nila kami ng pambihirang pag-ibig at pagkamapagpatuloy. Madalas nilang ipinagagamit sa amin ang kanilang higaan at pinaglalaanan kami ng pagkain kahit na kapos na kapos din sila. Para hindi kami maging pabigat sa ilang kongregasyon, iba’t ibang bahay ang tinutuluyan namin bawat gabi.”

“Ang paglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito sa dulo ng sanlinggo ang pinakamagandang naging karanasan ko, bagaman mahirap ito,” ang sabi ni Šandor Palfi, na naglilingkod ngayon bilang miyembro ng Komite ng Bansa sa Serbia. “Talagang sabik na sabik ang mga kapatid sa pagdalaw namin. Mahirap ang buhay nila, pero ginawa nila ang kanilang buong makakaya para paglaanan kami ng pinakamainam na maibibigay nila. Para sa kanila, isang napakaespesyal na okasyon ang pagdalaw ng tagapangasiwa ng sirkito.”

Habang naglilingkod naman bilang tagapangasiwa ng sirkito si Miloš Knežević, pinangangasiwaan din niya ang gawain sa tanggapang pansangay sa Yugoslavia. Sa loob ng maraming dekada ng pamamahala ng Komunismo, malaki ang naitulong ni Brother Knežević sa paglutas sa maraming isinampang reklamo laban sa mga kapatid.

NAKAPAGPAPASIGLANG PAGSULONG SA MACEDONIA

Noong 1968, isang kabataang lalaki mula sa Kočani, Macedonia, ang nag-aaral ng kolehiyo sa Zagreb, kung saan niya natutuhan ang katotohanan. Pag-uwi niya sa kanila, ibinahagi niya ang mabuting balita sa kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan.

“Pinsan ko ang kabataang iyon,” ang sabi ni Stojan Bogatinov, ang kauna-unahang taga-Kočani na nabautismuhan. “Nagtatrabaho ako noon bilang weyter, at kung minsan ay napag-uusapan namin ng mga katrabaho ko ang tungkol sa relihiyon. Sa isang pagkakataon, pagkatapos naming mapag-usapan ang tungkol dito, dumating ang isang miyembro ng Simbahang Ortodokso para kumain. Habang pinagsisilbihan ko siya, nagtanong ako kung puwedeng makakuha ng Bibliya mula sa kanilang simbahan dahil gustung-gusto ko talagang matuto tungkol sa Diyos. Sinabi niya na bibigyan niya ako. Di-nagtagal at may sarili na akong kopya ng ‘Bagong Tipan.’ Sa sobrang tuwa ko, dali-dali akong umuwi pagkatapos ng trabaho para mabasa ko na ito.

“Habang pauwi ako, nasorpresa akong makita ang pinsan ko, na umuwi galing Zagreb. Inimbitahan niya ako sa kanila, pero sinabi kong hindi ako makakasama dahil sabik na akong umuwi para basahin ang Bibliya ko. ‘May ipapakita ako sa iyo na magugustuhan mo,’ ang sabi ng pinsan ko. ‘May mga aklat ako sa bahay na makakatulong sa iyo na maunawaan ang Bibliya.’ Pumunta kami sa bahay nila, at tuwang-tuwa akong makita na mayroon siyang kumpletong Bibliya, ilang brosyur, at ilang magasing Bantayan sa wikang Croatiano. Ibinigay niya sa akin ang mga publikasyong iyon, na binasa ko naman kaagad. Madali kong napansin na kakaiba ang binabasa ko. Wala akong kilalang Saksi ni Jehova, pero gusto ko silang makilala.

“Nang bumalik sa Zagreb ang pinsan ko, sumama ako sa kaniya. Doon, tatlong araw akong pinatira ni Ivica Pavlaković, isang mapagpatuloy na Saksi, sa bahay niya. Sa loob ng panahong iyon, napakarami kong itinanong sa kaniya, at lagi niyang sinasagot ang mga ito gamit ang Bibliya, kaya napahanga ako. Nakadalo ako ng isang pulong ng kongregasyon at naantig sa malapít na pagsasamahan ng mga Saksi.

“Ipinasyal ako ni Ivica sa Bethel sa Zagreb, at napakasaya ko nang umuwi kami dala ang maraming literatura. Makalipas lamang ang ilang di-malilimutang araw, bumalik na ako sa Kočani dala ang espirituwal na mga kayamanang nasumpungan ko. Walang Saksi sa lugar namin, kaya palagi akong nakikipagsulatan kay Ivica. Puro tanong ang laman ng mga sulat ko sa kaniya, at mga sagot naman ang laman ng mga sulat niya sa akin. Habang dumarami ang natututuhan ko, ibinabahagi ko ang mga ito, at naging interesado rito ang aking asawa at mga anak. Di-nagtagal, nagkakaisa na ang aming pamilya sa pagtataguyod ng katotohanan, at napakarami naming natutuhan mula sa Bibliya. Masaya kami, at buong-sigasig naming ibinahagi sa aming mga kamag-anak at mga kaibigan ang tungkol sa mabuting balita; at marami ang nakinig sa amin. Pero nakaranas kami ng pagsalansang sa aming pangangaral.”

MAY-PAGKAKAISANG NAGTIPON SA ALEMANYA

Bagaman hindi ganoon katindi ang paghihigpit sa mga kapatid sa Yugoslavia kumpara sa mga kapatid sa ibang bansang Komunista, kakaunti lamang sila at sabik silang maranasan ang pag-ibig na nagmumula sa pambuong-daigdig na kapatiran. Kaya nang mabalitaan nila na planong idaos ang “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea noong 1969, humingi sila ng permiso sa gobyerno na makalabas ng bansa para makadalo. Isip-isipin na lamang kung gaano sila kasaya nang payagan sila!

Ginanap ang asamblea sa malaking istadyum sa Nuremberg, Alemanya, kung saan ipinarada noon ni Hitler, na nagbantang lilipulin ang mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang mga sundalo mga ilang dekada pa lamang ang nakalilipas. Iniharap ang programa sa maraming wika, at tuwang-tuwa ang mga delegado mula sa Yugoslavia nang malaman nilang ang mga sesyon sa kanilang mga wika ay gaganapin sa isang malaking palaruan na napalilibutan ng maraming punungkahoy at malapit sa pangunahing istadyum. Isang malaking plataporma ang ginawa sa gitna ng palaruan. Ang kalahati nito ay nakaharap sa mga delegado na nagsasalita ng Serbo-Croatiano, samantalang ang kabila naman ay sa mga nagsasalita ng Sloveniano. Ang walong araw na programang iyon ay talagang nagpalalim sa kaalaman at nagpasidhi sa pananampalataya ng mga kapatid!

Nagpareserba ang mga delegado sa mga tren at nag-arkila ng mga bus mula sa lahat ng bahagi ng Yugoslavia para makarating sa Alemanya. “Tuwang-tuwa kaming makasama ang mga kapatid,” ang naaalaala ng isang kapatid na nagbiyahe mula sa Croatia, “buong-pagmamalaki kaming naglagay sa mga bintana ng tren na sinasakyan namin ng mga karatula na nag-aanunsiyo tungkol sa kombensiyon.”

Napakasaya ng mga kapatid nang makita at marinig nila sina Nathan Knorr at Frederick Franz mula sa pandaigdig na punong-tanggapan. “Walang pagsidlan ang aming kagalakan,” ang sabi ng isang delegado, “nang lumapit sila sa seksiyong kinauupuan namin para batiin kami.” Sulit na sulit ang maraming sakripisyong ginawa ng mga kapatid na taga-Yugoslavia para makadalo dahil sa mga pagpapalang tinamasa nila. “Dalawang-buwang suweldo ang halaga ng pamasahe patungo sa asamblea,” ang sabi ni Milosija Simić, na naglakbay mula sa Serbia, “at mahirap makakuha ng sampung araw na bakasyon sa trabaho. Hindi ako sigurado kung may babalikan pa akong trabaho pag-uwi ko, pero talagang determinado akong dumalo. Kakaiba talaga! Hanggang sa ngayon, kahit mga 40 taon na ang nakalilipas, napapaluha pa rin ako sa tuwa kapag naaalaala ko ang okasyong iyon.” Matapos makasama ang mga kapuwa Saksi mula sa lahat ng bahagi ng Yugoslavia at maranasan ang pagkakaisa ng ating internasyonal na kapatiran, umuwi ang mga kapatid na may tibay ng loob upang harapin ang mga hamon na darating sa kanila.

TINUGUNAN NG MGA PAYUNIR NA TAGA-YUGOSLAVIA ANG PANGANGAILANGAN

Malaki ang naitulong ng mga payunir na Aleman, na dumating noong unang mga taon ng dekada ng 1930, sa pagpapalaganap ng mabuting balita. At dahil dumami na ang mga mamamahayag, dumami na rin ang mga payunir na taga-Yugoslavia. Halimbawa, handa na ang Slovenia na magpadala ng makaranasang mga payunir sa mas malalayong bahagi ng Yugoslavia kung saan mas malaki ang pangangailangan. Lakas-loob na hinarap ng mga payunir na ito ang hamon sa pag-aaral ng bagong mga wika at kultura.

“Dumating ako sa Priština, ang pinakamalaking lunsod sa Kosovo,” ang naaalaala ni Jolanda Kocjančič. “Albaniano at Serbiano ang wika roon. Kahit na hindi kami marunong ni Minka Karlovšek ng alinman sa mga wikang iyon, sinimulan namin ang pangangaral, at sa ganoong paraan kami natuto ng kanilang wika. Sa unang bahay, nakausap namin ang panganay na anak na lalaki ng isang biyuda na may lahing Czech. Sinimulan namin ang aming presentasyon sa wikang Sloveniano na may halong ilang salitang Serbiano, na sinasabi, ‘Gusto naming makausap ang inyong pamilya hinggil sa mabuting balita mula sa Bibliya.’

“‘Tuloy kayo,’ ang sabi ng lalaki, ‘matagal na kayong hinihintay ng nanay ko.’

“Pagpasok namin, dali-dali kaming sinalubong ng kaniyang ina, si Ružica. Ipinaliwanag ni Ružica na 14 na araw na ang nakalilipas, nanalangin siya kay Jehova na magpadala ng magtuturo sa kaniya ng tungkol sa Diyos. Ilang ulit nang sinabi ng kaniyang ate, isang Saksi ni Jehova na nakatira sa tinatawag ngayong Czech Republic, na manalangin siya kay Jehova at humingi ng tulong sa Kaniya. Kumbinsido si Ružica na ang pagdalaw namin ang sagot sa kaniyang panalangin. Kaya tinuruan kami ni Ružica ng Serbiano, at kami naman ang nagturo sa kaniya ng katotohanan mula sa Bibliya. May mga estudyanteng umuupa sa bahay niya at sumama rin sila sa pag-aaral ng Bibliya. Isa sa kanila ang nagbigay sa amin ng diksyunaryong Albaniano, na nakatulong para matuto kami ng wikang iyon.”

Si Zoran Lalović, sa Montenegro, ay isang paslit pa lamang nang tumanggap siya ng Bibliya mula sa isang payunir na taga-Zagreb, Croatia. Pagkalipas ng limang taon, noong 1980, dumating ang isang special pioneer mula sa Serbia at ito ang nagturo sa kaniya ng Bibliya. “Nahirapan akong kumalas sa mga kabarkada ko sa disco,” ang sabi ni Zoran, “pero nang magawa ko na ito, mabilis akong sumulong at nabautismuhan ako sa Belgrade, Serbia, pagkalipas lamang ng ilang buwan. Pagkatapos na pagkatapos nito, inatasan akong magbigay ng pahayag pangmadla, yamang kakaunti lamang ang mga kapatid na lalaki noon. Sinimulan na rin naming idaos ang lahat ng pulong sa lunsod ng Podgorica.”

BAUTISMO SA PALAYAN

“Kapag handa nang magpabautismo ang mga tao, ako ang nagbabautismo sa kanila,” ang sabi ni Stojan Bogatinov, na taga-Macedonia. “Wala kaming bathtub na puwedeng gamitin, at napakababaw naman ng ilog. Gayunman, maraming palayan sa lugar namin na may mga patubig. Ang ilan sa mga ito ay malalim at malinis naman, kaya puwedeng gamitin sa bautismo. Naaalaala ko pa ang unang bautismo sa palayan. Habang naglalakad kami sa palayan patungo sa patubig, may tumawag sa akin, ‘Stojan, nakakuha ka pala ng bagong mga trabahador!’

“‘Oo,’ ang sagot ko, ‘marami kasing trabaho.’ Wala silang kaalam-alam na mga trabahador kami sa nagaganap na espirituwal na pag-aani sa Macedonia.”

Mahirap pa rin ang komunikasyon sa pagitan ng mga kapatid sa Macedonia at ng tanggapang pansangay. Bukod diyan, marami pang dapat malaman ang mga kapatid tungkol sa mga kaayusan sa organisasyon ni Jehova. Nagsimulang dumalo ng mga pulong sa Alemanya si Stojan Stojmilov, at nang bumalik siya sa Macedonia, tuwang-tuwa siyang malaman na may mga Saksi sa Kočani. “Nang dumating ako at ikuwento ko sa mga kapatid kung paano idinaraos ang mga pulong sa Alemanya,” ang sabi niya, “kaagad nilang hiniling sa akin na pangunahan ko ang Pag-aaral sa Bantayan at magbigay ako ng pahayag pangmadla. Ipinaliwanag ko sa kanila na hindi pa ako bautisado, pero mapilit sila anupat iginiit na ako ang pinakakuwalipikadong gumawa nito. Kaya pumayag na ako sa kahilingan nila. Nang maglaon, sumulong kaming mag-asawa, at kami rin ay nabautismuhan sa palayan.”

Ganito ang paliwanag ni Veselin Iliev, na naglilingkod ngayon bilang elder sa Kočani, “Kakaunti lang ang alam namin tungkol sa teokratikong organisasyon, pero malaki ang pag-ibig namin sa katotohanan.” Nang maglaon, tiniyak ni Jehova na maitutuwid din ang mga bagay-bagay. Isa pa, malaki ang naitulong ng paglalaan ng mas maraming literatura sa wikang Macedoniano para maitaguyod ang katotohanan hinggil sa Kaharian at mapatibay ang mga kongregasyon.

MATALINONG PAGGAMIT NG HIGIT NA KALAYAAN

Yamang ang Yugoslavia ay hindi kontrolado ng Russia, may mga bagay na malayang nagagawa ng mga tao roon na hindi nagagawa ng mga naninirahan sa ibang mga bansang nasa ilalim ng Komunismo. Noong magtatapos ang dekada ng 1960, ang Yugoslavia ang kauna-unahang bansang Komunista na hindi na humiling ng visa at hindi na masyadong naghigpit sa mga gustong pumasok sa bansa. Dahil naging mas malaya na ang paglalakbay, nagboluntaryo ang mga kapatid sa hilagang Yugoslavia na maghatid ng mga literatura sa mga bansang nasa hangganan ng Unyong Sobyet, kung saan ipinagbabawal pa rin ang pangangaral.

Una, ipinapasok nila sa Yugoslavia ang mga literaturang galing sa Alemanya sakay ng malalaking trak. Naaalaala pa ni Ðuro Landić, naglilingkod bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Croatia, na naging imbakan ng mga literatura ang kanilang bahay hanggang noong bumagsak ang Unyong Sobyet. “May mga sekretong kompartment sa ilalim ng mga kotse namin pati na sa dashboard ng mga ito,” ang sabi ni Ðuro. “Alam namin na kapag nahuli kami, puwedeng makumpiska ang mga kotse namin at puwede rin kaming mabilanggo, pero kapag nakikita naming tuwang-tuwa ang mga kapatid kapag natatanggap nila ang mga literatura, bale-wala na ang lahat ng panganib na iyon.”

Ganito naman ang kuwento ni Sister Milosija Simić, na nagdala ng mga literatura mula sa Serbia patungong Bulgaria: “Hindi ko alam kung sino ang pagdadalhan ko ng mga literatura—adres lang ang ibinibigay sa akin. Sa isang pagkakataon, bumaba ako ng bus at natagpuan ko ang bahay, pero walang tao. Inikot ko ang bloke at bumalik uli roon na galing naman sa ibang direksiyon at sinubukan ko uling kumatok. Wala pa ring tao sa bahay. Mga sampung beses akong nagpabalik-balik doon sa buong maghapon, pero naging maingat ako para walang maghinala. Ngunit wala akong natagpuang sinuman. Pero masasabing pagpapala pa rin iyon dahil nalaman ko nang bandang huli na mali pala ang adres na ibinigay sa akin.

“Dahil pinaghirapan kong kopyahin at imakinilya ang mga literaturang iyon, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Sayang naman kung basta ko na lamang itatapon ang mga literaturang iyon. Kaya nagpasiya akong iuwi ang mga iyon sa Serbia para mapakinabangan. Gayunman, kahit na ang nabili kong tiket ay para sa biyaheng balikán, kailangan ko pa ring bumili ng tiket para makasakay ako papunta sa istasyon na panggagalingan ng biyahe pauwi sa amin. Kadalasan na, kapag naihatid na ang mga literatura, ang mga kapatid na tumanggap nito ang nagbibigay sa akin ng pambili ng tiket. Ganoon ang ginagawa namin dahil limitado lamang ang dami ng pera na puwede kong ipasok sa bansa. Nagpunta ako sa bilihan ng tiket at nanalangin na sana’y babae ang tumatao roon. Pagdating ko, umalis ang lalaki na nagbabantay at isang babae ang pumalit. Inalok ko ang babae na ibibigay ko sa kaniya ang dala kong mga damit, na ginamit naming pambalot sa mga literatura, kapalit ng isang tiket. Pumayag siya kaya nakakuha ako ng tiket.”

Noong unang mga taon ng dekada ng 1980, isinasalin ng mga kapatid ang mga literatura sa wikang Albaniano at Macedoniano at saka ipinadadala ang sulat-kamay na mga kopya nito sa isang maliit na opisina sa Belgrade. Doon gumagamit si Milosija ng isang makinilya at carbon paper para makagawa ng walong kopya nito sa bawat pagkakataon. Malaking hamon ang atas na iyon sapagkat sulat-kamay lamang ang materyal na kinokopya niya at hindi pa siya pamilyar sa wikang ginamit sa pagsulat dito.

MATATAG NA NANINDIGAN ANG MGA KABATAANG KAPATID NA LALAKI

Bagaman opisyal namang may kalayaan kami sa relihiyon, itinuring ng gobyerno na isang banta sa pagkakaisa ng Yugoslavia ang aming neutral na paninindigan. Dahil dito, napaharap sa pagsalansang ang mga kapatid. Noong Digmaang Pandaigdig II, marami ang nanatiling tapat maging hanggang kamatayan dahil sa kanilang pagiging neutral. Pero sa sumunod na tatlong dekada, hindi lahat ay nagpakita ng gayon katibay na pananampalataya. Ang ilan ay dumadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong at sumusuporta sa gawaing pang-Kaharian; subalit nang ipatawag sila para maglingkod sa militar, sumali sila at marami pa nga silang katuwiran kung bakit nila iyon ginawa.

Ang mga kapatid na lalaki na nanatiling neutral ay sinentensiyahang mabilanggo nang hanggang sampung taon. Bukod diyan, maaari silang masentensiyahan nang ilang ulit hangga’t wala pa silang 30 taóng gulang. Baguhan lamang sa katotohanan ang ilan na napaharap sa mga pagsubok na ito sa katapatan, pero hindi sila nakipagkompromiso. Marami sa kanila ngayon ay responsable nang mga kapatid na nangangasiwa sa mga kongregasyon.

ISANG DI-MALILIMUTANG INTERNASYONAL NA KOMBENSIYON

Hindi pa nararanasan ng mga Saksi ni Jehova sa Yugoslavia ang kagalakan sa pagdaraos ng isang internasyonal na kombensiyon sa kanilang lugar. Guni-gunihin na lamang ang tuwa nila nang ipatalastas ng Lupong Tagapamahala noong 1991 na ang isa sa “Mga Umiibig sa Kalayaan” na mga internasyonal na kombensiyon ay gaganapin sa Zagreb, Croatia!

Ngunit maraming problema. Mula nang ideklara ng Croatia ang kasarinlan nito sa Yugoslavia, nagbabanta na ang digmaan. Tama kayang dito idaos ang kombensiyon? Ang pangunahing ikinababahala nila ay ang kaligtasan ng mga delegadong tagaroon at taga ibang bansa. Matapos ang maraming panalangin at pag-uusap, nagpasiya ang mga kapatid na ituloy ang mga paghahanda para sa kombensiyon.

Ilang linggo bago ang kombensiyon, naglakbay patungong Croatia si Theodore Jaracz, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala, para tumulong sa pag-oorganisa nito. Yamang kanselado na ang lahat ng iba pang pampublikong okasyon sa Zagreb, nakatutok ang pansin ng madla sa magaganap sa Dinamo Stadium. Habang papalapit nang papalapit ang araw ng kombensiyon, lalong lumalala ang kaguluhan sa bansa. Araw-araw na isinasaalang-alang ng mga kapatid ang mga panganib, anupat paulit-ulit nilang itinatanong—Dapat pa bang ituloy ang mga paghahanda, o dapat nang kanselahin ang kombensiyon? Walang-tigil sa pananalangin kay Jehova ang mga kapatid, na humihiling ng Kaniyang patnubay. Sa di-inaasahan, bumuti ang situwasyon sa pulitika, at naidaos nila ang kombensiyon noong Agosto 16-18, 1991.

Walang mag-aakala na samantalang halos magdigmaan na ang karatig na mga bansa, sinasalubong naman ng mga Saksi ni Jehova sa Croatia ang libu-libong bisita sa “Mga Umiibig sa Maka-Diyos na Kalayaan” na Internasyonal na Kombensiyon. b Habang tumatakas palabas ng bansa ang marami sa mga tagaroon, ang mga kapatid naman mula sa 15 bansa ay nagtitipon doon nang may pag-ibig at kalayaan. Malalaking grupo ang dumating sakay ng eroplano mula sa Estados Unidos, Canada, at iba pang mga bansa sa Kanluran. Dahil sa situwasyon sa militar, isinara ang paliparan sa Zagreb. Kaya sa Ljubljana, Slovenia, lumapag ang mga eroplano. Mula roon, sumakay ng bus ang mga delegado patungong Zagreb. Isang mainam na patotoo sa mga mamamayan doon ang lakas ng loob ng mga bumisitang kapatid, at ang kanilang pagdating ay isang napakalaking pampatibay-loob sa mga kapatid na tagaroon. Ang pinakamalaking grupo—mga 3,000 delegado—ay nagmula sa Italya. Para bang naglalagablab ang kombensiyon dahil sa kanilang sigla at mainit na pag-ibig.—1 Tes. 5:19.

Lalo nang nakapagpapatibay na makasama sa kombensiyong iyon ang limang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Hanggang sa ngayon, marami ang nakakaalaala sa mga pahayag na binigkas nina Carey Barber, Lloyd Barry, Milton Henschel, Theodore Jaracz, at Lyman Swingle. Ang mga kapatid na ito, na maraming taon nang naglilingkod kay Jehova, ay hindi natinag sa kabila ng maligalig na situwasyon, at lakas-loob na pumasok sa bansa para patibayin ang mga kapatid sa pamamagitan ng kanilang nakapagpapasiglang mga pahayag.

Dahil sa kaguluhan sa pulitika, nangamba ang mga awtoridad na baka maglaban-laban ang mga delegado na kabilang sa iba’t ibang etnikong grupo at nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Yugoslavia. Nakahinga sila nang maluwag nang maobserbahan nila na bukod sa nagtitipon nang payapa ang mga ito, makikita rin sa mga ito ang mainit na pag-ibig sa isa’t isa bilang magkakapatid. Bawat araw ay nababawasan ang bilang ng mga nagbabantay na pulis.

Ang di-malilimutang kombensiyon na ito ay nagpapakita na ang mga Saksi ni Jehova ay isang tunay na internasyonal na kapatiran. Ang pagbubulay-bulay sa bagay na ito ang tutulong sa mga kapatid na mapanatili ang kanilang pagkakaisa sa panahon ng mga pagsubok na darating sa kanila. Ang mga bus na sinakyan pauwi ng mga delegadong taga-Serbia at Macedonia ay kabilang sa mga pinakahuling sasakyan na pinayagang dumaan sa mga checkpoint sa hangganan ng Croatia at Serbia. Matapos makatawid nang ligtas ang mga kapatid sa hangganan, isinara na ito. Marami ang nagsasabi na nang panahong iyon nagsimula ang digmaan.

Nang sumunod na mga buwan at mga taon, ang mga republika na dating bahagi ng Yugoslavia ay nagdeklara na ng kasarinlan at bumuo ng kani-kaniyang gobyerno. Dahil sa digmaang idinulot nito, libu-libo ang nagdusa at nagbuwis ng buhay. Ano na ang mangyayari sa ating mga kapatid sa magulong panahon na ito? Paano pinagpala ni Jehova ang pangangaral hinggil sa Kaharian sa nagsarili nang mga bansang ito? Tingnan natin.

‘Narito ba ako para lamang palugdan ang tao? Hindi! Nakadepende ba ang buhay ko sa maaaring sabihin, isipin, o gawin ng iba? Hindi!’

Modernong Kasaysayan ng Bosnia at Herzegovina

“Noong Mayo 16, 1992, mga 13 kaming nagsisiksikan sa sulok ng isang apartment habang panay ang pagsabog ng mga bomba na puminsala sa Sarajevo. Dalawang bomba ang tumama sa mismong gusali na pinagtataguan namin. Bagaman kami ay mga Croatiano, Serbiano, at Bosniano—ang mismong mga lahing nagpapatayan sa labas—nagkakaisa kami sa dalisay na pagsamba. Nang magbukang-liwayway na, medyo humupa ang pambobomba kaya umalis na kami sa apartment para maghanap ng mas ligtas na lugar. Gaya ng ginawa namin nang sinundang gabi, malakas kaming nanalangin kay Jehova, at dininig niya kami.”—Halim Curi.

Ang Sarajevo, na may populasyong mahigit 400,000, ay dumaranas noon ng isa sa pinakamatagal at pinakamatinding pagkubkob sa modernong kasaysayan. Paano kaya makakayanan ng ating mga kapatid ang lahat ng alitan ng mga etnikong grupo at relihiyon na naging dahilan ng pagkakawatak-watak ng kanilang bansa? Bago namin simulan ang kanilang kuwento, alamin muna natin ang ilang detalye tungkol sa Bosnia at Herzegovina.

Ang bansa na kilala bilang Bosnia at Herzegovina ay matatagpuan sa pinakasentro ng dating Yugoslavia, at napapalibutan ng Croatia, Serbia, at Montenegro. Mahalaga sa mga taga-Bosnia ang kanilang kultura, matibay ang samahan ng kanilang mga pamilya, at talagang mapagpatuloy sila. Ang pag-inom ng kapeng Turko sa kapitbahay at ang pag-istambay sa mga kafići (kapihan) ang kanilang paboritong pampalipas-oras. Bagaman halos magkakahawig ang mga nakatira sa Bosnia, ang populasyon nito ay binubuo ng mga Bosniano, Serbiano, at Croatiano. Marami sa kanila ang nagsasabing hindi sila masyadong deboto; subalit relihiyon ang dahilan kung bakit nagkakabaha-bahagi ang mga tao rito. Muslim ang karamihan sa mga Bosniano, samantalang sa Simbahang Serbiano Ortodokso kabilang ang mga Serbiano, at sa Simbahang Romano Katoliko naman ang mga Croatiano.

Ang tumitinding kawalang-pagpaparaya sa relihiyon at pagkapoot sa ibang lahi noong mga unang taon ng dekada ng 1990 ang nagbunsod sa kalunus-lunos na kampanya ng paglipol sa mga etnikong grupo. Pinaalis ng mga lumulusob na sundalo ang mga sibilyan sa maliliit na nayon at malalaking lunsod para ang etnikong grupo lamang na kaanib sa kanilang relihiyon ang matira sa isang lugar. Dahil dito, nasubok ang neutral na paninindigan ng ating mga kapatid. Sa Bosnia, tulad sa iba pang mga bansa sa dating Yugoslavia, ang relihiyon ay minana ng karamihan ng mga tao mula sa kanilang mga magulang, at karaniwan nang sa apelyido pa lamang ng pamilya, malalaman mo na kung ano ang kanilang relihiyon. Kapag naging lingkod ni Jehova ang tapat-pusong mga tao, itinuturing silang traydor sa pamilya at sa kanilang tradisyon. Pero natutuhan ng ating mga kapatid na isang proteksiyon ang katapatan kay Jehova.

KINUBKOB NA LUNSOD

Gaya ng nakita na natin, ang mga kapatid sa Yugoslavia ay lubos na napasigla ng pag-ibig at pagkakaisa na naranasan nila sa 1991 “Mga Umiibig sa Maka-Diyos na Kalayaan” na kombensiyon sa Zagreb, Croatia. Pinatatag sila ng di-malilimutang kombensiyong ito para sa darating pang mga pagsubok. Parang kailan lang, payapang namumuhay nang magkakasama sa Sarajevo ang mga Bosniano, Serbiano, at Croatiano. Ngayon, biglang pinalibutan ng mga sundalo ang lunsod at naipit ang lahat ng nakatira rito, pati na ang ating mga kapatid. Bagaman magulo noon ang situwasyon sa pulitika, walang nag-akala na aabot nang ganoon katagal ang kaguluhan.

“Maraming tao ang nagugutom,” ang sabi ni Halim Curi, isang elder sa Sarajevo. “Bawat buwan, sinusuplayan lamang sila ng ilang kilo ng harina, sandaang gramo ng asukal, at kalahating litro ng mantika. Lahat ng bakanteng lote sa lunsod ay tinamnan ng gulay. Ang mga puno sa Sarajevo ay pinutol ng mga tao para mayroon silang panggatong. Nang maubos na ang mga puno, tinungkab naman nila ang kanilang mga sahig na kahoy at ginamit na panggatong para sa pagluluto at pagpapainit. Ginamit nila ang lahat ng puwedeng masunog, kahit ang mga lumang sapatos.”

Nang makubkob ang Sarajevo, naipit sa lunsod si Ljiljana Ninković at ang mister niyang si Nenad, at napawalay sila sa dalawa nilang anak na babae. “Isa lamang kaming ordinaryong pamilya na may dalawang anak, nakatira sa apartment, at may kotse,” ang sabi ni Ljiljana. “Pagkatapos, bigla na lamang nagbago ang lahat.”

Pero malimit silang ipagsanggalang ni Jehova. “Dalawang beses na binomba ang aming apartment ilang sandali matapos kaming makaalis doon,” ang pagpapatuloy ni Ljiljana. “Kahit napakahirap ng buhay, nasisiyahan na kami sa simpleng mga bagay. Halimbawa, masaya kaming pumupunta sa parke at nangunguha ng mga dahon ng dandelion upang gawing ensalada para hindi puro kanin lang ang kinakain namin. Natuto kaming maging kontento sa kung ano ang mayroon kami at huwag bale-walain ang anumang bagay.”

PAGHANAP NG PISIKAL AT ESPIRITUWAL NA MGA PAGLALAAN

Ang isa sa pinakamalaking problema ay ang mapagkukunan ng tubig. Bihirang magkaroon ng suplay ng tubig sa mga kabahayan. Kailangan pa ng mga tao na maglakad nang limang kilometro at dumaan sa delikadong mga lugar na pinupuntirya ng mga sniper para lamang makaigib ng tubig. Pagdating doon, kailangan nilang pumila nang ilang oras para maisahod at mapuno ang kanilang mga lalagyan, at pagkaraan nito ay kailangan nila muling maglakad pabalik dala ang mabigat na tubig na inigib nila.

“Nasubok kami nang mabalitaan namin na magkakaroon daw sandali ng suplay ng tubig sa mga bahay,” ang sabi ni Halim. “Kaya makakapaligo na kami, makakapaglaba, at makakapag-ipon pa ng tubig sa pinakamaraming lalagyan na mapupuno namin. Pero paano kung ang pinakahihintay na tubig na ito ay matapat sa oras ng pulong ng kongregasyon? Kailangan naming mamili—alin sa dalawa, dadalo kami ng pulong o mag-iipon ng tubig sa bahay.”

Bagaman kailangan ang pisikal na mga paglalaan, alam ng mga kapatid na napakahalaga rin ng espirituwal na mga bagay. Sa mga pagpupulong, hindi lamang espirituwal na pagkain ang tinatanggap ng mga kapatid, nalalaman din nila kung sino ang nabilanggo, nasugatan, o maging ang napatay. “Para kaming isang pamilya,” ang sabi ni Milutin Pajić, na naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon. “Kapag nagtitipon kami sa mga pulong, parang ayaw na naming maghiwa-hiwalay. Kadalasan, pagkatapos ng mga pulong, inaabot pa kami nang kung ilang oras sa pag-uusap tungkol sa katotohanan.”

Mahirap ang buhay, at madalas na nag-aalala ang mga kapatid sa kanilang kaligtasan. Sa kabila nito, inuuna pa rin nila ang espirituwal na mga bagay. Habang nagkakawatak-watak ang bansa dahil sa digmaan, ang bayan naman ni Jehova ay nagiging mas malapít sa isa’t isa at sa kanilang makalangit na Ama. Kitang-kita ng mga anak ang katapatan ng kanilang mga magulang, at nilinang din nila mismo ang di-natitinag na katapatan kay Jehova.

Ang bayan ng Bihać, na matatagpuan malapit sa hangganan ng Croatia, ay nakubkob nang halos apat na taon. Hindi makalabas ng bayan ang mga tao, at hindi rin makapasok ang mga panustos na tulong. “Napakahirap noong nagsisimula pa lamang ang digmaan,” ang sabi ni Osman Šaćirbegović, ang nag-iisang bautisadong brother sa bayang iyon, “hindi dahil mahirap ang situwasyon kundi dahil noon lamang kami nakaranas ng ganoon. Pero nang magsimula ang pambobomba, nakapagtataka na humupa ang tensiyon. Natanto kasi namin na hindi naman pala nakakamatay ang lahat ng bomba. Ang totoo, hindi nga sumasabog ang ilan sa mga ito.”

Dahil walang nakatitiyak kung hanggang kailan tatagal ang labanan, gumawa ng kaayusan ang Bethel sa Zagreb, Croatia, at sa Vienna, Austria, para mag-imbak ng mga panustos na tulong sa mga Kingdom Hall at sa mga bahay ng mga Saksi sa Sarajevo, Zenica, Tuzla, Mostar, Travnik, at Bihać. Habang nagpapatuloy ang labanan, ang mga lunsod ay mabilis na nakukubkob. At dahil hindi na makapasok ang mga panustos, mabilis na nauubos ang mga kinakailangang suplay. Sa kabila nito, bagaman hindi makapasok o makalabas ang mga tao sa iba’t ibang bayan sa Bosnia, hindi natinag ang pagkakaisa ng mga Saksi ni Jehova. Ibang-iba ito kung ihahambing sa pagkakapootan ng mga etnikong grupo at mga relihiyon na namamayani sa buong lupain.

MASIGASIG NGUNIT MAINGAT

Bukod sa mahirap makaraos sa araw-araw, nandiyan din ang panganib mula sa mga sniper na nakapuwesto sa iba’t ibang lugar sa Sarajevo, na basta-basta na lamang namamaril ng mga inosenteng sibilyan. Dahil sa patuloy na pambobomba, marami ang namamatay. Kung minsan nga, hindi ka puwedeng maglakad-lakad sa mga bayan na kinubkob. Ang mga tao ay nabubuhay sa takot. Gayunman, bagaman nag-iingat ang mga kapatid, nilalakasan din nila ang kanilang loob para patuloy nilang maipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa mga tao na nangangailangan ng kaaliwan.

“Noong panahon ng isa sa matitinding pag-atake sa Sarajevo,” ang sabi ng isang elder, “libu-libong bomba ang sumabog sa loob lamang ng isang araw. Nang Sabado ng umagang iyon, tinawagan ng mga kapatid ang mga elder at nagtanong, ‘Saan po tayo magtitipon para sa paglilingkod sa larangan?’”

“Nakita ko na kailangang-kailangan ng mga tao na marinig ang katotohanan,” ang sabi ng isang sister. “Ito talaga ang nakatulong sa akin hindi lamang para makapagbata kundi para magkaroon din ng kagalakan sa kabila ng mahihirap na kalagayan.”

Napagtanto ng maraming residente na kailangan nila ang pag-asang binabanggit sa Bibliya. Ganito ang sinabi ng isang brother: “Ang mga tao ang naghahanap sa amin para matuto tungkol sa Diyos, sa halip na kami ang humanap sa kanila. Sila na mismo ang nagpupunta sa Kingdom Hall at humihiling na turuan sila sa Bibliya.”

Naging matagumpay ang pangangaral noong panahon ng digmaan dahil sa pagkakaisa ng ating Kristiyanong kapatiran, na kitang-kita ng mga tao. Ganito ang sinabi ni Nada Bešker, isang sister na naglilingkod bilang special pioneer sa loob ng marami nang taon: “Napakagandang patotoo nito. Maraming tao ang nakakapansin na magkasama sa ministeryo ang mga kapatid na Bosniano at Serbiano. At nang makita nila na magkasamang nagtuturo ng Bibliya sa isang Serbiano ang isang sister na Croatiano at isang sister na dating Muslim, hindi nila maikaila na iba tayo.”

Makikita sa kasalukuyan ang resulta ng kasigasigan ng mga kapatid dahil marami sa mga naglilingkod ngayon kay Jehova ay tumanggap ng katotohanan noong panahon ng digmaan. Halimbawa, ang mga miyembro ng kongregasyon sa Banja Luka ay nadoble, bagaman mga isandaang mamamahayag dito ang lumipat sa ibang kongregasyon.

ISANG TAPAT NA PAMILYA

Laging nag-iingat ang ating mga kapatid. Gayunman, ang ilan ay naging biktima pa rin ng ‘panahon at di-inaasahang pangyayari’ nang nagkataong naroroon sila sa isang lugar nang maganap doon ang isang masamang pangyayari. (Ecles. 9:11) Si Božo Ðorem, na may lahing Serbiano, ay nabautismuhan sa internasyonal na kombensiyon sa Zagreb noong 1991. Nang bumalik siya sa Sarajevo, ilang beses siyang ibinilanggo, kung saan minaltrato siya dahil sa kaniyang neutral na paninindigan. Noong 1994, sinentensiyahan siyang mabilanggo nang 14 na buwan. Pero para sa kaniya, ang pinakamahirap sa lahat ay ang hindi makapiling ang kaniyang asawang si Hena, at ang kanilang limang-taóng-gulang na anak na babae na si Magdalena.

Hindi pa natatagalan matapos mapalaya si Božo, may nangyaring trahedya. Isang hapon, pumunta silang tatlo sa isang kapitbahay para magdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Nang nasa daan na sila, biglang may sumabog na bomba. Namatay agad sina Hena at Magdalena, at di-nagtagal, namatay rin si Božo sa ospital.

KRISTIYANONG NEUTRALIDAD

Dahil laganap ang pagtatangi sa lahi, hindi tinatanggap ng mga tao ang neutral na paninindigan ng mga Saksi. Sa Banja Luka, karamihan ng nasa kongregasyon ay mga kapatid na lalaki, at gusto ng militar na gamitin sila sa digmaan. Pero dahil nanatili silang neutral, pinagbubugbog sila.

“Madalas kaming pinagtatatanong ng mga pulis,” ang naaalaala ni Osman Šaćirbegović, “at tinatawag nila kaming duwag dahil hindi raw namin ipinagtatanggol ang aming pamilya.”

Ganito naman ang ikinakatuwiran ni Osman sa mga pulis: “Iyang baril n’yo, proteksiyon ninyo ’yan, hindi ba?”

“Siyempre,” ang sagot ng mga pulis.

“Ipagpapalit n’yo ba ’yan sa kanyon para higit kayong maprotektahan?”

“Oo naman.”

“Eh ang kanyon, ipagpapalit n’yo sa tangke?”

“Siyempre.”

“Gagawin ninyo lahat iyan para sa higit pang proteksiyon,” ang isasagot ni Osman. “Pero ang proteksiyon ko ay nagmumula kay Jehova, ang pinakamakapangyarihang Diyos, ang Maylalang ng uniberso. May hihigit pa ba roon?” Malinaw ang punto, kaya titigilan na siya ng mga pulis.

DUMATING ANG MGA PANUSTOS NA TULONG

Bagaman alam ng mga Saksi sa karatig na mga bansa na naghihirap ang mga kapatid nila sa Bosnia, may panahong hindi sila makapaghatid sa mga ito ng mga panustos na tulong. Gayunman, noong Oktubre 1993, nagpahiwatig ang mga awtoridad na baka posible nang makapagpasok ng mga panustos na tulong sa Bosnia. Sa kabila ng mga panganib, nagpasiya ang mga kapatid na samantalahin ang pagkakataong ito. Noong Oktubre 26, limang trak ang bumiyahe mula Vienna, Austria, patungong Bosnia sakay ang 16 na toneladang pagkain at panggatong. Paano kaya makakaraan ang mga trak na ito sa mga lugar na matindi pa rin ang labanan? c

May mga pagkakataon sa paglalakbay na iyon na nalagay sa peligro ang buhay ng mga kapatid. “Tinanghali ako nang umagang iyon,” ang natatandaan ng isa sa mga drayber, “at nasa likuran ako ng iba pang mga trak na may karga ring mga panustos na tulong. Habang papalapit ako sa isa sa mga checkpoint, pinahinto ang lahat ng trak dahil iinspeksiyunin ng mga sundalo ang aming mga papeles. Bigla na lamang akong nakarinig ng putok ng baril ng isang sniper, at nakita naming tinamaan ang isang drayber na di-Saksi.”

Ang mga trak at drayber nito lamang ang pinapayagang makapasok sa Sarajevo. Kaya naghintay sa labas ng lunsod ang ibang mga kapatid na kasama sa trak. Pero dahil gusto talaga nilang mapatibay ang mga kapatid sa Sarajevo, naghanap sila ng telepono at tinawagan nila ang mga mamamahayag doon, at nagbigay sila ng nakapagpapatibay na pahayag pangmadla na kailangang-kailangan ng mga kapatid. Noong panahon ng digmaan, maraming beses na sumuong sa panganib ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, mga Bethelite, at mga miyembro ng Komite ng Bansa, para matulungan ang mga kapatid sa pisikal at espirituwal na paraan.

Sa loob ng halos apat na taon, hindi naging posible na makapaghatid ng mga panustos na tulong sa mga kapatid natin sa Bihać. Bagaman ang mga panustos na pagkain ay hindi nakakatawid sa mga barikada ng nakubkob na bayan, nakakatanggap naman ng espirituwal na pagkain ang ating mga kapatid. Paano? Ginamit nila ang mga linya ng telepono at isang fax machine, kaya paminsan-minsan ay nakakatanggap sila ng Ating Ministeryo sa Kaharian at mga kopya ng Ang Bantayan. Minamakinilya nila ang mga literatura at binibigyan ng tig-iisang kopya ang bawat pamilya. Nang magsimula na ang digmaan, tatatlo lamang ang bautisadong mamamahayag sa Bihać. Kasama nila sa grupo ang 12 pang di-bautisadong mamamahayag na matiyagang naghintay nang dalawang taon para sa angkop na pagkakataong masagisagan ng bautismo sa tubig ang kanilang pag-aalay kay Jehova.

Isang hamon ang mapawalay sa mga kapatid sa loob ng maraming taon. “Ang mga estudyante ko sa Bibliya ay hindi pa nakakadalo ng kombensiyon o nakakaranas ng dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito,” ang sabi ni Osman. “Madalas naming pag-usapan na darating ang panahon at masaya na naming makakasama ang ating mga kapatid.”

Isip-isipin kung gaano kasaya ang mga kapatid nang dumating sa Bihać noong Agosto 11, 1995 ang dalawang trak na may nakasulat na “Mga Panustos na Tulong ng mga Saksi ni Jehova.” Ito ang kauna-unahang mga pribadong sasakyan na nakapaghatid ng mga panustos na tulong mula nang makubkob ang lunsod! At dumating ang mga ito kung kailan para bang bibigay na ang kalusugan at katinuan ng mga kapatid.

Nakita ng mga kapitbahay ng mga Saksi sa Bihać kung paano inasikaso ng mga kapatid ang isa’t isa, tulad halimbawa ng pagkukumpuni nila sa nasirang mga bintana ng kanilang mga kapatid. “Humanga rito ang mga kapitbahay ko,” ang sabi ni Osman, “dahil alam nila na wala naman kaming pera. Maganda itong patotoo at hanggang ngayon ay pinag-uusapan pa rin nila ito.” Ang Bihać ngayon ay mayroon nang isang masiglang kongregasyon na binubuo ng 34 na mamamahayag at 5 payunir.

DI-MALILIMUTANG PAGLALAKBAY!

Kahit manganib ang kanilang buhay, patuloy pa rin ang mga kapatid sa paghahatid ng pagkain at literatura sa mga bayan ng Bosnia kung saan may digmaan. Pero ibang-iba sa lahat ang paglalakbay nila noong Hunyo 7, 1994. Tatlong trak, sakay ang mga miyembro ng Komite ng Bansa at ilan pang boluntaryo, ang bumiyahe patungong Zagreb, Croatia, nang umagang iyon. Ang tunguhin nila ay maghatid ng mga panustos na tulong at magdaos ng pinaikling programa ng araw ng pantanging asamblea, ang kauna-unahan nilang asamblea matapos ang tatlong taon!

Isa sa pagdarausan ng pantanging programang ito ay ang lunsod ng Tuzla. Noong magsimula ang digmaan, mga 20 lamang ang bautisadong mamamahayag sa kongregasyon doon. Nakakagulat makitang mahigit 200 ang dumalo sa asamblea! Tatlumpu ang nabautismuhan. Sa ngayon, tatlo na ang kongregasyon sa Tuzla at mahigit 300 ang mamamahayag.

Sa Zenica, nakakita ang mga kapatid ng maayos na lugar para sa asamblea. Ngunit nahirapan silang makakita ng angkop na mapaglulubugan ng mga babautismuhan. Pero nang dakong huli, nakakita rin sila ng isang malaking banyera na magagamit sa bautismo. Kaso nga lang, ang lansa ng amoy nito—ginamit kasi itong lalagyan ng isda! Sa kabila nito, ang mga kandidato sa bautismo, na tumanggap sa paanyaya ni Jesus na maging “mangingisda ng mga tao,” ay hindi napigilan ng malansang amoy ng banyera. (Mat. 4:19) Si Herbert Frenzel, na miyembro ngayon ng Komite ng Sangay sa Croatia, ang siyang nagbigay ng pahayag sa bautismo. “Kaytagal naghintay ng mga kandidato para sila ay mabautismuhan,” ang sabi niya, “kaya wala nang nakapigil sa kanila na magpabautismo! Napakasaya nila nang sa wakas ay nabautismuhan na sila!” Sa ngayon, ang Zenica ay may isa nang kongregasyon na binubuo ng 68 masisigasig na mamamahayag.

Sa Sarajevo naman, maaari lamang nilang idaos ang programa sa isang lugar na malapit sa kantong madalas pinupuntirya ng mga sniper. Ligtas namang nakarating ang mga kapatid sa asamblea, pero mayroon pa rin silang problema. Bukod sa wala silang lugar na pagbabautismuhan, hindi rin nila alam kung paano matitipid ang tubig na gagamitin nila. Upang matiyak na may tubig na magagamit para sa lahat ng kandidato sa bautismo, binautismuhan sila mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki!

Talagang hindi malilimutan ng mga kapatid ang araw na iyon! Hindi nila hinayaan ang nakapanghihilakbot na mga pangyayari sa paligid nila na makahadlang sa kanilang nag-uumapaw na kagalakan na sumambang magkakasama. Ang Sarajevo ngayon ay mayroon nang tatlong masulong na kongregasyon.

PAGKATAPOS NG BAGYO

Noong puwede nang magpasok ng mga panustos, kahit paano ay naging maalwan na ang buhay ng mga kapatid. Pero nagpatuloy pa rin ang mga labanan ng mga etnikong grupo, pati na ang sapilitang pagpapalayas. Tandang-tanda pa ni Ivica Arabadžić, isang elder na naglilingkod sa Croatia, nang sapilitang paalisin ang kaniyang pamilya sa bahay nila sa Banja Luka. “Isang lalaking may dalang baril ang dumating at sinabihan kaming umalis na dahil kaniya na raw ang bahay namin. Puwersahan kasi siyang pinaalis sa bahay niya sa Šibenik, Croatia, dahil isa siyang Serbiano. Kaya kami naman ngayon ang pinaaalis niya sa bahay namin. Bagaman tinulungan kami ng isang pulis-militar na inaaralan ko sa Bibliya, imposible na kaming manatili sa bahay namin. Kaya nakipagpalit na lamang kami ng bahay sa lalaking Serbiano na iyon. Napakahirap para sa amin na iwan ang bahay namin pati na ang kongregasyon na tumulong sa amin na matuto ng katotohanan, pero wala kaming magawa. Umalis kami na kakaunti lamang ang dalang gamit, at hinanap ang magiging ‘bago’ naming bahay sa Croatia. Pero nang dumating kami sa Šibenik, may nakatira na sa bahay na lilipatan namin. Paano na kami ngayon? Agad-agad kaming tinanggap ng ating mga kapatid, at pinatuloy kami ng isang elder sa kaniyang bahay sa loob ng isang taon hanggang sa makahanap na kami ng malilipatan.”

Hanggang sa ngayon, hindi pa rin ganoon katatag ang pulitika sa Bosnia at Herzegovina, subalit lumalago ang katotohanan sa bansang ito, kung saan halos 40 porsiyento ng populasyon ay mga Muslim. Mula noong matapos ang digmaan, nakapagtayo ang ating mga kapatid ng mga bagong Kingdom Hall. Isang partikular na halimbawa ang Kingdom Hall sa Banja Luka, na talagang kailangang-kailangan para sa mga pagtitipon. Pero hindi lamang iyan ang dahilan kung bakit ito naitayo. Isa itong katibayan ng tagumpay sa korte. Sa loob ng maraming taon, hindi mabigyan ng pahintulot ang ating mga kapatid na makapagtayo ng Kingdom Hall sa lugar na ito dahil sa malakas na impluwensiya ng Simbahang Serbiano Ortodokso. Nang matapos ang digmaan, bagaman legal nang kinikilala ang mga kapatid sa Bosnia, hindi pa rin sila pinahintulutang magtayo ng Kingdom Hall sa Banja Luka. Sa wakas, sa tulong ng maraming panalangin at pagsisikap, nabigyan na ang mga kapatid ng kinakailangang dokumento. Ang tagumpay na ito ay nagsilbing legal na saligan para sa susunod pang mga Kingdom Hall na itatayo sa bahaging ito ng Bosnia at Herzegovina.

Ang kalayaan sa pagsamba ay nagbukas ng pagkakataon sa 32 special pioneer na tumulong sa mga lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan. Marami sa mga payunir na ito ay mula sa ibang bansa, at ang sigasig nila sa ministeryo gayundin ang matapat nilang pagsunod sa teokratikong mga kaayusan ay isang malaking pagpapala.

Sa Sarajevo, kung saan madalas pinupuntirya ng mga sniper ang mga kapatid natin mga ilang taon lamang ang nakararaan, mapayapa na ngayong idinaraos ang mga kombensiyon para sa mga delegado mula sa iba’t ibang bahagi ng dating Yugoslavia. Bagaman pininsala ng digmaan noong nakaraang siglo ang magandang bulubunduking bansang ito, ang bayan ni Jehova ay higit namang binigkis ng kanilang “walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid.” (1 Ped. 1:22) Sa ngayon, 16 na kongregasyon na may 1,163 mamamahayag sa Bosnia at Herzegovina ang nagkakaisang pumupuri sa tunay na Diyos, si Jehova.

Modernong Kasaysayan ng Croatia

Pagkatapos ng internasyonal na kombensiyon sa Zagreb noong 1991, biglang isinara ang hangganan sa pagitan ng Croatia at Serbia. Ang pangunahing mga kalsada at tulay ay sinira o nilagyan ng mga sundalo ng barikada. Marami sa mga delegado mula sa silangang bahagi ng Croatia ang hindi na makabalik sa kanilang mga tahanan. Sa kabila nito, kitang-kita ang Kristiyanong pag-ibig. Pinatuloy ng maraming Saksi mula sa ibang bahagi ng Croatia ang mga kapatid na ito, bagaman sila rin mismo ay kapos sa materyal.

Sa Zagreb, kahit araw o gabi, tumutunog ang sirena basta may nagbabantang pambobomba. Kaya nagtatakbuhan ang mga tao sa mga lugar na mapagtataguan, at ang ilan ay inaabot pa nga nang ilang linggo o buwan sa mga kanlungang ito. Dahil ligtas na lugar ang basement ng Bethel, ginawa ito ng mga awtoridad ng lunsod na kanlungan ng mga tao sa panahon ng pambobomba. Naging magandang pagkakataon ito para makapagpatotoo ang mga kapatid, at higit pa sa proteksiyon ang tinanggap ng mga taong naroroon. Halimbawa, isang araw ay tumunog ang sirena at, gaya ng inaasahan, nagtakbuhan sa basement ng Bethel ang mga taong nakasakay sa isang trambiya. Balisang-balisa ang mga tao, kaya tinanong sila ng isang elder na naglilingkod sa Bethel kung gusto nilang manood ng slide show tungkol sa internasyonal na kombensiyon na ginanap sa Zagreb ilang buwan pa lamang ang nakalilipas. Pumayag naman sila. Nagustuhan nila ang palabas at nagpasalamat pagkatapos mapanood ito.

Dahil sa mga labanan, talagang hamon ang pagdalo sa mga pulong, at nakalulungkot na ang ilan sa mga Kingdom Hall ay nasira dahil sa tama ng mga bala at pagsabog ng mga bomba. Gayunman, kung kailan naging mas malubha ang situwasyon, lalo namang pinahalagahan ng mga kapatid ang espirituwal na pagkain, at ‘hindi pinabayaan ng mahal nating mga kapatid ang kanilang pagtitipon.’ (Heb. 10:25) Halimbawa, nang bombahin ang Šibenik sa loob ng anim na buwan, hindi na makapagpulong sa Kingdom Hall ang ating mga kapatid. “Nakatira kami sa labas ng lunsod,” ang paliwanag ng isa sa mga elder, “kaya sa bahay namin kami nagtitipon para sa pag-aaral sa aklat at Pag-aaral sa Bantayan. Kahit napakahirap ng situwasyon, masigasig pa rin kami sa pangangaral. Nangaral kami sa aming lugar gayundin sa kalapít na mga nayon. Kilalá kami ng lahat bilang mga Saksi ni Jehova. Alam nila na iba kami.”

PAG-IBIG NA PANGKAPATID SA PANAHON NG DIGMAAN

Marami sa mga kapatid na nawalan ng tahanan ang nakitira sa bahay ng iba nilang mga kapatid, at ginawa ng kongregasyon ang kinakailangan para matulungan sila. Halimbawa, malugod na tinanggap ng mga kapatid sa kanilang Kingdom Hall sa Osijek, Croatia, ang isang pamilya na lumikas mula sa Tuzla, Bosnia, dahil sa napakahirap na situwasyon doon. Tuwang-tuwa ang kongregasyon nang malaman nilang Saksi pala ang asawang babae.

Pinahintulutan ng mga awtoridad ang pamilyang ito na tumira sa isang bahay, pero lumang-luma na ito at sira-sira. Nang makita ng mga kapatid na halos magiba na ang bahay, tinulungan nila ang pamilya. May nagdala ng kalan, ng bintana, ng pinto at kama, mga materyales sa pagtatayo, pagkain, at panggatong. Nang sumunod na araw, naayos na ang isa sa mga silid at puwede na itong tirhan. Pero sa kayarian ng bahay na iyon, mahihirapan pa rin ang pamilyang ito na makatagal sa taglamig. Kaya gumawa ang kongregasyon ng listahan ng mga bagay na kailangan pa, at nagbigay ang mga mamamahayag ng anumang kaya nilang ibigay. Bagaman sila rin ay walang-wala, inipon nila ang lahat ng bagay na kailangan—mula sa mga kutsara hanggang sa mga materyales na pambubong.

Habang nagpapatuloy ang labanan, mabilis na naubos ang suplay ng pagkain. Kaya nagsikap na mabuti ang sangay para maasikaso ang materyal at espirituwal na mga pangangailangan ng ating mga kapatid. Sa pakikipagtulungan sa Lupong Tagapamahala, gumawa ng kaayusan ang sangay para makaipon ng pagkain, damit, sapatos, at gamot. Noong una, ang karamihan ng tulong ay nagmumula lamang sa mga kapatid na tagaroon. Subalit dahil mahirap din sila, limitado lamang ang naibibigay nilang tulong. Samantala, ang ating mga kapatid naman sa Alemanya, Austria, Italya, at Switzerland ay bukas-palad na nagbigay ng mga damit, gamot, at mga literatura sa Bibliya. Araw at gabing dumarating ang mga trak na minamaneho ng mga boluntaryong mas inuna pa ang kapakanan ng kanilang mga kapatid na Croatiano kaysa sa sarili nilang kaligtasan. Mula sa pangunahing imbakan ng mga panustos sa Zagreb, ipinamahagi ang mga suplay sa mga nangangailangang kongregasyon.

Ngayong nakatanggap na ng tulong ang mga kapatid sa Croatia, paano naman ang mga kapatid sa Bosnia? Bumiyahe ang mga trak lulan ang 16 na toneladang pagkain at panggatong patungo sa hangganan ng Bosnia. Delikado ito dahil maraming napapaulat na operasyon ng mga abusadong sundalo. Kapag nasalubong nila ang mga sundalong ito, baka hindi na nila maihatid ang mga panustos na tulong at mapatay pa sila.

“Dumaan kami sa mga kakahuyan,” ang sabi ng isang brother, “isa-isa naming dinaanan ang mga checkpoint, at kung minsan sa mismong lugar na may labanan. Sa kabila ng panganib, nakarating kami nang ligtas sa Travnik, Bosnia. Isang sundalo ang nakarinig sa pagdating namin at tumakbo papunta sa bahay kung saan naroroon ang mga kapatid. ‘May dumating na mga trak. Mga kasamahan ninyo!’ ang hiyaw niya. Isip-isipin kung gaano sila kasaya. Nagdala kami ng pagkain sa bahay na iyon, kinumusta sandali ang mga kapatid, at kaagad ding umalis. Marami pa kaming pupuntahan.”

Maraming kapatid ang sumulat sa Bethel sa Zagreb para magpasalamat sa tulong na tinanggap nila. “Maraming salamat. Dahil sa inyong pagsisikap, regular naming natatanggap ang lahat ng espirituwal na pagkain,” ang isinulat ng isang kongregasyon. “Maraming salamat din sa panustos na natanggap namin. Kailangang-kailangan iyon ng mga kapatid. Taos-puso naming pinasasalamatan ang lahat ng inyong pagsisikap at maibiging pagmamalasakit.”

“May mga kapatid na lumikas,” ang sabi ng isa pang sulat, “at ang ilan ay walang hanapbuhay. Nang matanggap nila ang saganang tulong, napaluha sila. Ang maibiging pagmamalasakit at pagkabukas-palad ng kanilang mga kapatid ay talagang nakaantig at nakapagpalakas sa kanila.”

Sa mahihirap na panahong iyon, gumawa ang organisasyon ng higit na pagsisikap para mapadalhan ang ating mga kapatid ng espirituwal na pagkain na makapagpapatibay sa kanila. Kitang-kita rin na tinulungan sila ng espiritu ni Jehova, hindi lamang para mabata ang masasaklap na kalagayan kundi upang higit na tumibay ang kanilang pananampalataya at kaugnayan kay Jehova.—Sant. 1:2-4.

NAKAPAGPAPATIBAY NA MENSAHE NG PAG-ASA

Bagaman ginawa ng mga organisasyon ng pagkakawanggawa ang lahat upang makapagbigay ng materyal na tulong, tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nakapagbigay ng tulong na may pangmatagalang ginhawa. Sa halip na maghintay lamang na matapos ang digmaan, ginawa ng ating mga kapatid ang lahat para maibahagi sa iba ang mabuting balita ng Kaharian.

Sa Vukovar, malapit sa hangganan ng Serbia, kung saan pinakagrabe ang pinsala ng digmaan, kinailangang umalis sa lunsod ang karamihan ng mga tao, pati na ang ating mga kapatid. Ngunit nanatili roon ang isang sister na nagngangalang Marija. Sa loob ng apat na taon, wala siyang komunikasyon sa mga kapatid sa Croatia, pero masigasig siyang nagpatuloy sa pangangaral sa iilang tao na naiwan sa lunsod. At talaga namang lubos na pinagpala ang kaniyang kasigasigan! Isip-isipin ang pagkagulat ng mga kapatid na Croatiano nang may dumalo sa 1996 pandistritong kombensiyon na 20 indibiduwal mula sa Vukovar!

Kaya ring baguhin ng ating mensahe ang buhay ng mga tao at bigyan sila ng pag-asa. Noong nagsisimula pa lamang ang digmaan, may isang kabataan na napabilang sa isang espesyal na pangkat sa hukbo ng Croatia. Mabilis na tumaas ang kaniyang ranggo bilang isang sundalo. Noong 1994, habang naghihintay ng tren, nakatanggap siya ng tract na Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan? Nagustuhan niya ang tract at habang binabasa ito, natutuhan niya na si Satanas ang nasa likod ng mga karahasang nararanasan ng mga tao, at hindi ang Diyos na Jehova. Talagang naantig siya ng mga katotohanang natutuhan niya. Isa sa mga dahilan kung bakit siya nagsundalo ay para ipaghiganti ang 19-na-taóng-gulang niyang kapatid na babae na pinatay at ang dalawa pa niyang kapamilya na napatay naman sa digmaan. Bagaman plano na niya noong pumunta sa nayon kung saan nakatira ang mga kriminal, pinag-isip siya ng nabasa niyang tract. Nag-aral siya ng Bibliya, at pagkaraan ng ilang taóng pagsisikap na baguhin ang kaniyang personalidad, nabautismuhan siya noong 1997. Pumunta pa rin siya sa nayon kung saan nakatira ang mga pumatay sa kaniyang mga kapamilya. Ngunit sa halip na maghiganti, masaya siyang nangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga taong kailangang matuto tungkol sa kaawaan ng Diyos.

Ang sigasig ng mga mamamahayag sa ministeryo, kahit pa sa kabila ng matitinding labanan, ay nagbunga ng kapana-panabik na pagsulong sa Croatia. Mula nang magsimula ang digmaan noong 1991 hanggang sa matapos ito noong 1995, tumaas nang 132 porsiyento ang bilang ng mga payunir. Sumulong nang 63 porsiyento ang bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya, at 35 porsiyento naman sa bilang ng mga mamamahayag. Oo, buong-tapang na inihayag ng mga kapatid doon ang Salita ng Diyos, at saganang pinagpala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap.

MAPAGSAKRIPISYONG MGA MANGGAGAWA

Bago ganapin ang internasyonal na kombensiyon noong 1991, dumating sa bansa ang unang mga misyonerong sinanay sa Gilead. Sila ay sina Daniel at Helen Nizan na mga taga-Canada. Gayundin, inanyayahan na maglingkod sa Croatia ang ilan pang mag-asawa mula sa mga bansa sa Europa na marunong magsalita ng wikang Croatiano.

Isa sa mga mag-asawang ito ay sina Heinz at Elke Polach na mula sa Austria. Nang anyayahan sila sa Croatia noong 1991, sila ay naglilingkod bilang mga special pioneer sa mga teritoryo sa Denmark na may mga naninirahang taga-Yugoslavia. Nagsimula ang digmaan noong bago pa lamang sila sa gawaing pansirkito. Sakop ng unang sirkito na iniatas sa kanila ang baybayin ng Dalmatia at mga bahagi ng Bosnia. Lahat ng lugar na ito ay apektado ng digmaan. “Isang hamon ang dumalaw sa Bosnia noong panahon ng digmaan,” ang sabi ni Heinz. “Dahil sa mga panganib, hindi namin magamit ang aming sasakyan, kaya umasa na lang kami sa mga bus na hindi namin alam kung kailan daraan. Kaunti lamang ang puwede naming dalhin—ilang maleta at isang makinilya.

“Kailangan naming maging mapamaraan. Sa isang pagkakataon, nang nagbibiyahe kami sa pagitan ng Tuzla at Zenica, pinahinto ng mga sundalo ang sinasakyan naming bus. Sinabi nila na huwag na naming ituloy ang biyahe dahil napakadelikado. Pinababa ang lahat ng pasahero. Pero alam namin na hinihintay kami ng mga kapatid sa Zenica, kaya nagtanung-tanong kami kung kanino kami puwedeng makisakay. Sa wakas, nakasakay kami sa isa sa mga trak ng gasolina na kumpleto sa papeles. Habang nasa biyahe, sinamantala naming magpatotoo sa drayber, at nakinig naman siyang mabuti sa amin.

“Napilitan na naman kaming huminto dahil sa labanan, at kinailangan naming dumaan sa maliliit na kalsada. Ang hirap dumaan sa mga kalsadang ito, at dagdag pahirap pa ang snow. Madalas na kailangan naming huminto para tulungan ang ibang trak na nabalaho. May pagkakataon pa nga na sinalakay kami, kung kaya napilitan agad kami na umalis sa lugar na iyon. Nakarating kami hanggang sa Vareš, na mga 50 kilometro ang layo mula sa dapat naming puntahan, at kinailangan naming magpalipas ng gabi sa daan.

“Natulog ang drayber sa kaniyang upuan, at kami naman ni Elke ay magkasamang natulog sa upuan sa likuran para hindi kami masyadong ginawin. Pakiramdam ko, iyon na ang pinakamahabang gabi sa buong buhay ko. Gayunman, nakarating din kami sa Zenica nang sumunod na araw. Tuwang-tuwa ang mga kapatid nang makita nila kami! Sulit na sulit talaga! Bagaman wala silang gripo at elektrisidad, ginawa nila ang lahat para maasikaso kami. Kahit na mahirap sila sa materyal, mayaman naman sila sa espirituwal, at kitang-kita namin ang kanilang matinding pag-ibig sa katotohanan.”

Mula nang matapos ang digmaan, halos 50 special pioneer mula sa Alemanya, Austria, Italya, at iba pang bansa ang inatasan sa Croatia. Nang maglaon, higit pang pampatibay-loob at tulong na nagpapalakas ang inilaan ng organisasyon ni Jehova sa pamamagitan ng pagpapadala ng mas maraming misyonero. Napakalaki ng naitulong ng masisigasig na buong-panahong mga lingkod na ito sa larangan at sa mga kongregasyon.

“HINDI AKO MAKAPANIWALA NA MAKIKITA KO PA ANG ARAW NA ITO!”

Hanggang noong mga huling taon ng dekada ng 1980, ang mga kapatid na nakatira sa labas ng Bethel ang nagsasalin ng buwanang edisyon ng Ang Bantayan mula sa wikang Aleman tungo sa wikang Croatiano. Pagkatapos, mula noong 1991 patuloy, ang pagsasalin ay ginagawa na ng isang grupo ng mga tagapagsalin sa Bethel. Nang maglaon, inaprubahan ng Lupong Tagapamahala ang pagsasalin ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bago nito, ang ginagamit nila ay isang Bibliya na naisalin 150 taon na ang nakalilipas, na naglalaman ng mga luma at hindi na pamilyar na mga pananalita. Ang mga tagapagsalin ng Bibliya sa wikang Croatiano ang nanguna sa pagsasalin. Ngunit nakipagtulungan silang mabuti sa mga tagapagsalin sa wikang Serbiano at Macedoniano, kaya nakinabang ang lahat ng grupo.

Hindi malilimutan ng mga Saksi ni Jehova sa Croatia, gayundin sa Bosnia at Herzegovina, Montenegro, Serbia, at Macedonia, ang araw ng Biyernes, Hulyo 23, 1999. Inilabas nang sabay-sabay sa lahat ng apat na “Makahulang Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Croatiano at Serbiano, at ibinalita sa mga tagapakinig na kasalukuyan ito noong isinasalin sa wikang Macedoniano. Sa loob ng ilang minuto, hindi nakapagsalita ang tagapagpahayag dahil sa mahaba at masigabong palakpakan. Talagang napakasaya ng lahat, at hindi napigilan ng maraming delegado na mapaluha dahil sa tuwa. “Hindi ako makapaniwala na makikita ko pa ang araw na ito!” ang sabi ng isang matagal nang elder. Ang kumpletong Bibliya sa tatlong wikang ito ay inilabas noong 2006.

Hanggang noong 1996, isang Komite ng Bansa, sa ilalim ng pangangasiwa ng tanggapang pansangay sa Austria, ang nag-aasikaso sa mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Croatia gayundin sa Bosnia at Herzegovina. Noon ding 1996, nag-atas ng isang Komite ng Sangay, na may apat na miyembro, para mapangasiwaan ang pangangaral sa mga teritoryong ito, at kitang-kita na pinagpala ni Jehova ang kaayusang ito.

MGA BAGONG PASILIDAD SA SANGAY AT MGA KINGDOM HALL

Gaya sa ibang sangay, damang-dama rin ng pamilyang Bethel sa Zagreb, Croatia, ang pagsulong ng teokratikong gawain. Ang dating 10 miyembro ng pamilya ay naging 50. Pero dahil hanggang apat o limang mag-asawa lamang ang kasya sa Tahanang Bethel, kinailangan nilang umupa ng mga kuwarto sa kalapít na mga bahay.

Hindi pa natatagalan, matapos magkaroon ng Komite ng Sangay sa Croatia, sinabi sa kanila ng Lupong Tagapamahala na bumili sila ng lote na pagtatayuan ng bagong Tahanang Bethel sa Zagreb. Di-nagtagal, ang internasyonal na mga lingkod at mga boluntaryong kapatid na tagaroon ay nagtayo ng magagandang pasilidad na makatutulong sa pagsulong ng mga kapakanan ng Kaharian sa mga taon pang darating. Ang mga bagong pasilidad sa sangay pati ang Kingdom Hall nito ay inialay noong Sabado, Oktubre 23, 1999, gayundin ang isang duplex na Kingdom Hall sa sentro ng Zagreb. Dumalo ang mga delegado mula sa 15 bansa, kasama na si Brother Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala, na siyang nagbigay ng pahayag sa pag-aalay. Nang sumunod na araw, 4,886 ang nagtipon para sa kasiya-siyang espirituwal na programa sa isang malaking bulwagan na ginagamit sa isports. Isang di-malilimutang araw iyon para sa bayan ni Jehova sa Croatia. Ang ilan sa kanila ay 50 taon nang naglilingkod kay Jehova at ang iba’y mas matagal pa. Nanatili silang tapat sa kabila ng pinakakahila-hilakbot na mga panahon sa makabagong kasaysayan!

Sinimulan na rin ang isang malawakang programa ng pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall. Hanggang noong 1990, maraming kongregasyon ang nagtitipon lamang sa mga basement o pribadong apartment. Halimbawa, sa loob ng 20 taon, isang kongregasyon sa lunsod ng Split ang nagtitipon sa maliit na kuwarto ng isang pribadong tahanan. Bagaman 50 lamang ang kanilang upuan, kung minsan ay higit pa sa doble nito ang bilang ng dumadalo, kung kaya napipilitan ang marami na tumayo na lamang sa labas. Doon din ginaganap ang mga asamblea at kombensiyon kung saan 150 o higit pa ang dumadalo. Sa ngayon, may apat nang kongregasyon sa Split, na nagtitipon sa dalawang magagandang Kingdom Hall. Dahil sa pagdami ng mga mamamahayag, umuupa sila ng bulwagan sa otel para doon idaos ang mga asamblea. Ang Kingdom Hall Construction Desk, na pinangangasiwaan ng Regional Engineering Office sa Selters, Alemanya, ay patuloy na nag-oorganisa ng pagtatayo ng simple at magagandang Kingdom Hall.

Ang mga kabataan at may-edad na ay malaking tulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Sa kasalukuyan, 25 bagong Kingdom Hall na ang naitayo, at 7 iba pa ang nakumpuni. Nakatulong ito sa pagsulong ng gawaing pang-Kaharian—lahat para sa kapurihan ni Jehova.

MABILIS NA SUMULONG ANG GAWAING PANG-KAHARIAN

Nang makamit ng Croatia ang kasarinlan noong 1991, ipinatupad ng administrasyon nito ang mga dating batas may kaugnayan sa relihiyon hanggang hindi pa nito naipapasá ang mga bagong batas. Ang bagong-tatag na Estado ay halos 90 porsiyentong Katoliko. Kaya malaki ang impluwensiya ng mga klero sa gobyerno. Pero yamang legal namang kinikilala ang mga Saksi ni Jehova sa rehiyong ito sa nakalipas na maraming taon at dahil sa di-mapupulaang reputasyon ng mga kapatid, kinilala ng Ministri ng Katarungan ang mga Saksi ni Jehova bilang isang rehistradong relihiyon sa Croatia noong Oktubre 13, 2003. Matapos ang lahat ng taon ng paghihirap, napakasaya ng mga lingkod ni Jehova dahil legal na silang kinilala sa Croatia!

Noong mga unang taon ng dekada ng 1990, iisa lamang ang Paaralan Para sa mga Payunir sa lahat ng lupain sa dating Yugoslavia. Pero ngayon, sa Croatia pa lamang, ilang klase na ang idinaraos bawat taon. Noong Setyembre 2008, masayang-masaya ang mga kapatid sa Croatia na magkaroon ng 5,451 mamamahayag na nakaugnay sa 69 na kongregasyon. At talaga ngang nakakagalak na 9,728 ang dumalo sa Memoryal! Lahat ng ito ay nagpapakita na malaki ang potensiyal sa pagsulong ng lugar na ito.

Bagaman laganap ang paghihigpit sa relihiyon at pahiráp nang pahiráp ang buhay sa araw-araw, mas determinado ngayon ang lahat ng lingkod ni Jehova sa rehiyong ito na patuloy na ipangaral ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos anumang pasakit ang idulot sa kanila ng matinding galit ni Satanas. (Apoc. 12:12) Para sa karamihan ng mga tao, ang makaraos sa araw-araw ang pinakamahalaga sa kanilang buhay. Pero sa kabila nito, may mga nagbubuntunghininga dahil sa napakababang moral ng daigdig—mga indibiduwal na palaisip sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. (Ezek. 9:3, 4; Mat. 5:6) Patuloy nating hinahanap ang mga taong ito upang matulungang sumamba sa tanging tunay na Diyos at sabihin: “Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.”—Isa. 2:3.

Modernong Kasaysayan ng Macedonia

“Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami,” ang sabi ng lalaki na nakita ni apostol Pablo sa isang pangitain noong unang siglo. (Gawa 16:8-10) Buong-pusong tinanggap ni Pablo at ng mga kasama niya sa pangangaral ang paanyayang iyon. Para sa kanila, Diyos ang nag-utos na ipangaral nila ang mabuting balita ng Kaharian sa teritoryong ito na hindi pa nagagawa. Di-nagtagal, dumami ang mga Kristiyano roon. Paanong ang makabagong-panahong Macedonia, isang maliit na rehiyon sa hilaga ng sinaunang Macedonia, ay nakaranas ng gayon ding pagsulong sa tunay na pagsamba?

Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang Macedonia, na nasa pinakatimugang bahagi ng Yugoslavia, ay naging isang republika. Nakamit nito ang kasarinlan noong 1991. Makalipas ang dalawang taon, noong 1993, nagsaya ang mga Saksi ni Jehova dahil opisyal na silang nairehistro sa bagong-tatag na estado. Bilang resulta, maaari nang magkaroon ng tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Macedonia sa ilalim ng pangangasiwa ng Komite ng Sangay sa Austria. Kaya noong 1993, isang bahay ang binili sa Kalye Alžirska, sa Skopje, at lumipat sa bagong Bethel na ito ang grupo ng mga tagapagsalin sa wikang Macedoniano na nasa Zagreb, Croatia.

Dumating mula sa Alemanya sina Michael at Dina Schieben para maglingkod sa gawaing pansirkito. Sina Daniel at Helen Nizan naman, na taga-Canada at naglilingkod sa Serbia, ay inatasan din sa Macedonia. Nabuo ang Komite ng Bansa, at nagsimula ang gawain sa Bethel.

HINIGPITAN ANG PAGPAPASOK NG LITERATURA

Bagaman opisyal nang nakarehistro ang mga Saksi ni Jehova, mahirap pa ring magpasok ng literatura sa bansa. Mula noong 1994 hanggang 1998, nilimitahan ng gobyerno ang pagpapasok ng mga magasin—isang kopya lamang bawat mamamahayag. Kaya gumawa ang mga kapatid ng mga kopya ng araling artikulo ng Bantayan para sa kanilang mga estudyante sa Bibliya. Ang mga kapatid ay nakakatanggap din ng mga magasin mula sa ibang bansa na ipinadala sa kanila sa pamamagitan ng koreo, at pinapayagan namang magdala ng kaunting suplay ng magasin ang mga kapatid na bumibisita sa Macedonia. Nang maglaon, pagkatapos ng ilang taóng pagdinig sa korte, nagpasiya ang korte suprema pabor sa mga Saksi at pinayagan na silang magpasok ng literatura kahit gaano karami ang gusto nila.

Noong Agosto 2000, ang bilang ng mga mamamahayag ay umabot nang 1,024—ito ang unang pagkakataon na mahigit sa 1,000 ang nakibahagi sa gawaing pangangaral! Dahil dumarami na ang literaturang inilalabas sa wikang Macedoniano at dumarami na rin ang mamamahayag, ang ginagamit na bahay sa Kalye Alžirska ay naging maliit na para tirhan ng lumalaking pamilyang Bethel. Nang sumunod na taon, tatlong maliliit na bahay malapit sa Bethel ang binili at giniba para magtayo ng dalawang bagong gusali. Sa ngayon, ang 34 na miyembro ng pamilyang Bethel sa Macedonia ay naglilingkod at naninirahan sa tatlong kumpleto-sa-gamit na mga gusali. Masaya sila at naging panauhin nila si Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala, sa programa sa pag-aalay ng kanilang sangay noong Mayo 17, 2003.

PAGTATAYO NG KINGDOM HALL

Labis na ipinagpapasalamat ng mga kapatid sa Macedonia ang kaayusan ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mga lupain na may limitadong kakayahan o pananalapi. Isang grupo ng mga tagapagtayo na binubuo ng limang kapatid ang inatasan para tulungan ang lokal na mga kongregasyon sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall; at sa pagitan ng 2001 at 2007, siyam na bagong Kingdom Hall ang naitayo. Ang grupong ito ng mga tagapagtayo mula sa iba’t ibang bansa ay nakapagbigay ng mainam na patotoo dahil nagkakaisa sila at hindi nagtatangi ng lahi. Napansin ng isang negosyante na dumalaw sa isang itinayong Kingdom Hall na pulido ang pagkakagawa sa gusali, kaya nasabi niya, “Hindi maitatayo ang gusaling ito kung walang pag-ibig.”

Nang itinatayo pa ng grupo ang bagong Kingdom Hall sa bayan ng Štip, isa sa mga residente roon ang nag-alinlangan kung matatapos ang proyekto dahil parang walang karanasan sa pagtatayo ang mga kabataang bumubuo sa grupong iyon. Pero nang matapos ang Kingdom Hall, dinala niya sa mga kabataang kapatid ang plano ng kaniyang bahay at nakiusap sa kanila na itayo ito para sa kaniya. Gayon na lamang ang paghanga niya sa kalidad ng kanilang trabaho kaya sinabi niyang handa siyang magbayad nang malaki. Lalo siyang namangha nang sabihin sa kaniya ng mga kapatid na itinayo nila ang Kingdom Hall, hindi dahil sa pinansiyal na pakinabang, kundi dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.

BAGONG SANLIBUTANG SALIN

Samantala, isa pang maliit na grupo ng mga kapatid ang abala naman sa ibang atas—ang pagsasalin ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Macedoniano. Pinagpala ni Jehova ang kanilang pagsisikap; at sa loob lamang ng limang taon, natapos nila ang Bagong Sanlibutang Salin. Tuwang-tuwa ang mga delegadong dumalo sa “Malapit Na ang Kaligtasan!” na Pandistritong Kombensiyon sa Skopje noong 2006 nang ipatalastas ni Gerrit Lösch, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang paglalabas ng madaling-unawaing salin ng Bibliya sa wikang Macedoniano. Nagkaroon ng mahaba at masigabong palakpakan, at hindi napigilan ng marami na mapaluha. Noong intermisyon, binasa na agad ng ilan ang saling ito ng Salita ng Diyos sa kanilang sariling wika.

Maraming taga-Macedonia ang may matinding paggalang sa Bibliya. Halimbawa, nagsimulang mag-aral ng Bibliya si Orhan anim na taon na ang nakalilipas. Bagaman hindi siya marunong magbasa, natuto siyang bumasa at sumulat sa tulong ng kapatid na lalaki na nagturo sa kaniya ng Bibliya. Mula nang mabautismuhan siya tatlong taon na ang nakararaan, nabasa na niya ang Bibliya nang anim na ulit!

Matagal-tagal din na si Orhan lamang ang nag-iisang Saksi sa bayan ng Resen. Gayunman, marami ang natutuwa sa lalaking ito dahil marunong na siya ngayong bumasa, at may ilang magulang pa nga na humiling sa mga kapatid na turuan ang kanilang mga anak, dahil gusto nilang matulad ang mga ito kay Orhan. Dumami ang naging interesado sa katotohanan, at nang maglaon, nagkaroon sa bayang ito ng lingguhang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Naging di-bautisadong mamamahayag ang isang interesado, at si Orhan naman ngayon ay naglilingkod na bilang isang regular pioneer at ministeryal na lingkod.

PAGTAWID SA MACEDONIA PARA MANGARAL

Noong Hulyo 2004, isang mag-asawang special pioneer mula sa Albania ang dumating para mangaral sa mga tao sa Macedonia na nagsasalita ng wikang Albaniano, na bumubuo sa 25 porsiyento ng populasyon. Nang maglaon, nakita ng mag-asawa na kailangan nila ng tulong dahil sila lamang ang mamamahayag para sa mahigit kalahating milyong tao na nagsasalita ng wikang Albaniano. Kaya pagkalipas ng isang taon, isa pang mag-asawa mula sa Albania ang ipinadala para makasama nila. Pinatibay ng apat na special pioneer na ito ang grupo ng pitong interesadong tao sa bayan ng Kičevo, na nasa sentro ng isang lugar sa Macedonia na pinaninirahan ng mga Albaniano. Nang sumunod na tagsibol, tuwang-tuwa ang grupong ito nang may 61 dumalo sa pahayag sa Memoryal, na iniharap sa wikang Albaniano at Macedoniano. Mula noon, ang grupong ito ay binubuo na ng 17 masisigasig na mamamahayag, at 30 o higit pa ang karaniwang dumadalo sa mga pulong.

Para mapangaralan ang lahat ng teritoryo sa Macedonia, inaprubahan ng Lupong Tagapamahala ang isang pantanging kampanya mula Abril hanggang Hulyo noong 2007. Ang layunin ay para marating ang mga teritoryo na hindi pa napapangaralan at mapalaganap ang mabuting balita sa mga tao na nagsasalita ng wikang Albaniano.

Upang suportahan ang kampanyang ito, masayang nagboluntaryo ang 337 kapatid na nagmula sa pitong bansa. Ano ang naging resulta? Naipangaral ang mabuting balita sa mahigit 200 lugar sa buong Macedonia, kung saan nakatira ang halos 400,000 tao na ang karamihan ay hindi pa kailanman nakarinig sa mensahe ng Kaharian. Mahigit 25,000 aklat at brosyur, at mahigit 40,000 magasin ang naipasakamay sa loob ng apat na buwan. Mga 25,000 oras ang nagugol sa ministeryo, at mahigit 200 pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan.

“Napaiyak ang ilan nang malaman nila kung saan pa kami nanggaling at kung bakit kami pumunta sa kanila,” ang sabi ng isang brother. “Napaluha naman ang iba sa nabasa nila sa Salita ng Diyos.”

Marami sa mga nakibahagi sa kampanya ang nagpahayag ng taos-pusong pagpapahalaga. Ganito ang isinulat ng isang sister: “Sinabi sa amin ng isang guro: ‘Pagpalain sana kayo ng Diyos. Kahanga-hanga ang ginagawa ninyo. Talagang naaliw ako sa mga sinabi n’yo!’”

“Ang hirap iwanan ng teritoryong ito na pangmisyonero,” ang sabi ng isang mamamahayag. “Nakita namin na talagang kailangan ng mga tao ang katotohanan, at nalulungkot kaming nagpaalam sa aming mga estudyante sa Bibliya nang kailangan na naming umalis.”

“Sayang at hindi namin hinabaan ang aming bakasyon,” ang sabi ng isang mag-asawa. “Talagang napakalaki pala ng pangangailangan doon.”

Nadama ng marami ang sinabi ng isang mamamahayag: “Ngayon lang naging ganito kasaya ang aming pamilya.”

Sa mga bundok malapit sa bayan ng Tetovo, isang grupo ng mga mamamahayag ang nangaral sa isang nayon na hindi pa kailanman napupuntahan ng mga Saksi. Dalawa sa kanila ang nangaral sa kaliwang panig ng kalye, at dalawa naman sa kanan. Nakakatatlong bahay pa lamang sila, alam na ng buong kalye na naroon ang mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, kumalat na sa buong nayon ang balita na dumadalaw ang mga Saksi, at pinalibutan ng malaking grupo ng interesadong kababaihan ang mga kapatid na babae. Sa di-kalayuan, isang grupo naman ng 16 na kalalakihan ang naghihintay sa mga kapatid. Kaagad na naglabas ang mga may-bahay ng apat na upuan para sa mga mamamahayag, at ipinagtimpla naman sila ng kape ng isang lalaki. Binigyan ng mga mamamahayag ng literatura ang lahat ng naroroon at, gamit ang Bibliya, ibinahagi nila sa kanila ang katotohanan.

Marami ang nagtanong, at matamang nakinig ang lahat. Sa pagtatapos ng pagdalaw, maraming taganayon ang ayaw umuwi sa kanilang bahay hangga’t hindi sila nakapagpapaalam nang personal. Pero kinabahan ang mga kapatid nang lumapit ang isang matandang babae at iniamba sa kanila ang kaniyang baston. “Hahampasin ko kayo!” ang sigaw niya. Ano kaya ang nagawa ng mga mamamahayag at nagalit ang matandang babaing ito? “Ako lang ang hindi n’yo binigyan ng aklat!” ang paliwanag ng matanda. “Gusto ko ’yung malaking dilaw na ’yun,” ang sabi niya, habang itinuturo ang aklat na Mga Kuwento sa Bibliya na hawak ng kaniyang kapitbahay. Kaya agad na ibinigay ng mga kapatid sa matandang babae ang huling kopya na dala nila.

PANGANGARAL SA MGA ROMA

Sa Macedonia, maraming Roma ang nagsasalita ng wikang Macedoniano. Pero ang talagang wika nila ay isang uri ng wikang Romany na kombinasyon ng mga diyalekto ng wikang ito. Sinasabi na nasa Skopje, na kabisera ng Macedonia, ang pinakamalaking lugar sa Europa na pinaninirahan ng mga Roma dahil mga 30,000 Roma ang nakatira dito. Ang dalawang magkatabing Kingdom Hall sa lugar na tinatawag na Šuto Orizari ay ginagamit ng tatlong kongregasyon ng mga Roma. Mabunga ang teritoryo ng 200 kapatid sa lugar na ito kung saan ang 1 mamamahayag ay nangangaral sa bawat 150 katao—isa sa pinakamagandang ratio sa bansa. Kitang-kita ang magandang pagtugon ng mga Roma sa mensahe ng Kaharian nang dumalo sa Memoryal noong 2008 ang 708 katao!

Anong mga pagsisikap ang ginagawa para matutuhan ng mga Roma ang layunin ng Diyos sa kanilang sariling wika? Isinalin sa wikang Romany ang balangkas ng espesyal na pahayag para sa taóng 2007, at iniharap ito ng isang elder na lahing Roma sa 506 na tagapakinig. Tuwang-tuwa ang mga mamamahayag mula sa iba’t ibang etnikong grupo—Roma, Macedoniano, at Albaniano—nang ilabas ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? sa wikang Romany sa pandistritong kombensiyon noong 2007. Noon, madalas idinaraos ng mga mamamahayag ang pag-aaral sa Bibliya sa kanilang sariling wika gamit ang mga literatura sa wikang Macedoniano. Sa ngayon, mas matagumpay nilang naaabot ang puso ng mga Roma gamit ang brosyur na Hinihiling sa wikang Romany.

Masikap na tinutularan ngayon ng 1,277 mamamahayag sa 21 kongregasyon sa Macedonia ang halimbawa ng unang-siglong apostol na si Pablo. Kaya talagang sulit ang makabagong-panahong kampanya na ‘tumawid sa Macedonia’ dahil pinahalagahan ito ng maraming Macedoniano na naghahanap ng katotohanan.

Modernong Kasaysayan ng Serbia

Ang Serbia, na nasa sentro ng Peninsula ng Balkan, ay isang lupain na may sari-saring kultura at pinaninirahan ng iba’t ibang lahi. Sa lunsod nito sa Belgrade nagkaroon ng tanggapang pansangay noong 1935 para mapangasiwaan ang mga teritoryo ng dating Yugoslavia. Bilang resulta, nagkaroon ng kapana-panabik na pagsulong sa organisasyon at dumami ang mga mamamahayag. Nitong nakalipas na mga taon, paano naman kaya tinulungan ng mga kapatid sa Serbia ang mga Saksi na nasa mga bagong-tatag na bansa sa rehiyon ng Balkan?

Bagaman isinara na ang hangganan ng mga bansa, at lumaganap ang pagkakapootan ng mga relihiyon at lahi, mapayapang nagtutulungan ang mga kapatid sa Bethel sa Zagreb, Croatia, kahit pa magkakaiba ang lahi nila. Nang maglaon, dahil sa pagtatangi ng lahi na umiiral sa labas ng Bethel, napilitang umalis doon ang mga kapatid nating Serbiano. Noong 1992, ang pagsasalin ng mga publikasyon sa wikang Serbiano ay muling isinaayos sa Belgrade, Serbia, gaya ng kaayusan noon 50 taon na ang nakalilipas. Ang paglipat na ito ay napatunayang angkop at napapanahon.

Kailangang-kailangan ng panustos na tulong sa Bosnia, kung saan may nagaganap na matinding labanan. Nag-organisa ang tanggapang pansangay sa Austria na makapagpadala ng panustos na tulong, at ang mga kapatid sa Serbia ang nasa kalagayang magdala nito sa mga lugar sa Bosnia na hawak ng Serbia.

Bagaman walang nangyayaring labanan sa Serbia, damang-dama pa rin doon ang mga epekto ng digmaan. Ipinagbawal ang pakikipagkalakalan sa ibang bansa kung kaya mahirap maipasok sa Serbia ang mga literaturang inilimbag sa Alemanya. Kapag hindi nakakatanggap ang mga kongregasyon ng pinakabagong isyu ng mga magasin, pinag-aaralan na lamang muna ng mga kapatid ang lumang mga artikulo hanggang sa dumating ang mas bagong mga isyu. Pero natanggap din nila ang lahat ng isyu ng magasin.

“TULONG NA NAGPAPALAKAS”

“Nang dumating kami sa Serbia noong 1991,” ang sabi ni Daniel Nizan na nagtapos sa Gilead, “napakagulo ng pulitika sa bansa. Pero humanga kami sa sigasig ng mga kapatid kahit mahirap ang kalagayan sa paligid nila. Natatandaan ko pa nang una kaming dumalo ng asawa ko sa araw ng pantanging asamblea. Namangha kami nang makita naming halos 50 kandidato ang tumayo para sa bautismo. Talagang napatibay kami nito.”

Malaking tulong ang mag-asawang Nizan sa pagkakaroon ng bagong tanggapan sa Belgrade. Ang dating tanggapan, na nasa Kalye Milorada Mitrovića, ay para lamang sa sampung tao. May Kingdom Hall din sa unang palapag nito. Pero dahil dumarami ang mga tagapagsalin, kinailangan nila ng mas malaking opisina. Nang maglaon, nakahanap sila ng malilipatan, at pinasimulan ang pagtatayo. Sa pagtatapos ng 1995, lumipat na rito ang pamilyang Bethel.

Dahil pahiráp nang pahiráp ang kalagayan, naudyukan ang maraming tao na tumugon sa katotohanan, at habang dumarami ang mamamahayag, lumalaki rin ang pangangailangan para sa maibiging pangangasiwa. Sa paanuman, natugunan ang pangangailangang ito ng masisigasig at mapagsakripisyong mga special pioneer mula sa Italya. Bagaman mahirap matuto ng bagong wika at masanay sa di-pamilyar na kultura, ang mga payunir na ito ay naging “tulong na nagpapalakas” sa mga kapatid natin sa Serbia noong panahon ng digmaan.—Col. 4:11.

Malaki ang naitulong ng mga payunir mula sa ibang bansa, pero ang pinakamahalaga sa lahat, “naibahagi nila ang kanilang karanasan sa teokratikong mga gawain,” ang sabi ni Rainer Scholz, koordineytor ng Komite ng Bansa sa Serbia. Sa ngayon, 70 special pioneer ang tumutulong sa 55 kongregasyon sa Serbia.

KAHIRAPANG DULOT NG MATINDING IMPLASYON

Hindi nakaligtas ang ekonomiya ng Serbia sa epekto ng digmaan, lalo na sa matinding implasyon. Ayon sa isang ulat, “Sa loob ng 116 na araw sa pagitan ng Oktubre 1993 at Enero 24, 1994, ang pinagsama-samang implasyon ay umabot nang 500 trilyong porsiyento.” Naaalaala ni Mira Blagojević, na naglilingkod sa Bethel mula pa noong 1982, na kailangan niyang magdala sa palengke ng isang bag na punô ng pera para makabili lamang ng ilang gulay.

Inilahad naman ng sister na si Gordana Siriški na noong kinuha ng kaniyang ina ang buwanang pensiyon nito, kasing halaga lamang ito ng isang rolyo ng tisyu. “Mahirap isipin kung paano makakaraos ang mga tao,” ang sabi ni Gordana, “kapag bigla na lamang nawalan ng halaga ang lahat ng kanilang pag-aari. Buti na lamang at mayroon tayong pandaigdig na kapatiran, dahil nakatanggap kami ng panustos na tulong mula sa ibang bansa. Bagaman nawawalan na ng tiwala ang mga tao sa mga bangko at sa gobyerno, marami naman ang nagtitiwala sa Diyos, at nagiging malapít sa isa’t isa ang mga kapatid.”

PAGSASALIN NG BIBLIYA

Sa loob ng maraming taon, ang mga grupo ng mga tagapagsalin sa Yugoslavia ay gumagawang magkakasama sa iisang lugar sa Zagreb, Croatia. Pagkatapos ng digmaan, ang bawat grupo ng mga tagapagsalin ay lumipat sa kani-kanilang bansa, pero patuloy pa rin silang nakipag-ugnayan sa grupo ng mga tagapagsalin na nasa Zagreb. Malaking tulong ito lalo na noong isinasalin ng grupo ng wikang Serbiano ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Plano kasi nila na ilabas ito sa kanilang kombensiyon noong 1999.

Pero habang tinatapos nila ang saling ito ng Bibliya, naghahanda naman ang bansa para sa digmaan. Tiyak na maaapektuhan nito ang mga linya ng telepono, at mahihirapan ang mga tagapagsalin na magpadala ng mga naisalin nang bahagi ng Bibliya sa palimbagan sa Alemanya. Kaya noong Martes, Marso 23, bagaman malapit nang maghulog ng bomba ang mga eroplano, magdamag na nagtrabaho ang mga kapatid. Kinaumagahan, naipadala nila sa Alemanya ang mga elektronikong dokumento ng Bibliya. Pagkaraan ng ilang oras, nagsimula na ang pambobomba. Bagaman kinailangang magkubli ang mga kapatid, masayang-masaya sila. At lalo silang nagalak nang ilabas ang inimprentang Bibliya pagkalipas ng apat na buwan sa kombensiyon sa Belgrade. Sa panahon ng pambobomba at madalas na pagkawala ng kuryente, patuloy na isinalin ng mga kapatid ang iba pang mga publikasyon. Madalas na humihinto sila sa kanilang ginagawa para makapagtago sa ligtas na lugar. Oo, napakahirap ng situwasyon noon, pero masaya ang lahat na makibahagi sa pagsasalin at pagpapadala ng kinakailangang espirituwal na pagkain.

Dahil sa sipag at tiyaga, at sa pagpapala ni Jehova, nailabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Serbiano noong Hulyo 1999. Tuwang-tuwa ang mga delegado dahil mayroon nang salin ng Bibliya sa kanilang sariling wika. Nang maglaon, inilabas sa mga kombensiyon noong 2006 ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Serbiano na nakaimprenta sa mga alpabetong Cyrillic at Latin.

TUMINDI ANG PAGSALANSANG SA RELIHIYON

Dahil ang Simbahang Serbiano Ortodokso ang pangunahing relihiyon sa bansa, iniisip ng maraming tao na kung isa kang Serbiano, dapat isa kang Ortodokso. Pero noong dekada ng 1990, marami ang tumanggap sa ating mensahe ng pag-asa mula sa Bibliya. Sa pagtatapos ng digmaan noong 1999, halos nadoble ang mga mamamahayag, na ang pinakamataas na bilang ay umabot nang 4,026.

Ang pagsulong na ito sa gawaing pangangaral ng bayan ni Jehova ay ikinagalit ng Simbahang Ortodokso. Inudyukan ng simbahan ang mga tao na maging makabayan para mapahinto ang ating Kristiyanong pangangaral. Pinilipit ng mga mananalansang ang batas at gumamit ng karahasan para pahinain ang loob ng ating mga kapatid. Halimbawa, 21 sa ating mga kapatid ang nakabilanggo pa rin noon dahil sa pananatiling neutral sa pulitika. Karamihan ay napalaya di-nagtagal matapos ang digmaan, at ipinagpapasalamat nila na pinatibay sila ni Jehova para malampasan ang pagsubok na iyon.

Noong Abril 9, 2001, bigla na lamang ipinagbawal ng Federal Ministry of Internal Affairs ang pagpapasok ng ating literatura. Sa anong dahilan? Iginiit nila na iniimpluwensiyahan daw ng ating mga publikasyon ang mga kabataan sa bansa. At isa ang Bibliya sa ipinagbawal na mga publikasyon!

Dahil sa negatibong mga ulat sa telebisyon at pahayagan hinggil sa ating gawain, nagiging marahas kung minsan ang ilang may-bahay. “Sinusuntok o sinasampal nila kami kapag nagbabahay-bahay kami,” ang sabi ng isang special pioneer, at “kung minsan, pinagbababato pa nila kami.” Bukod dito, sinira din ang ilang Kingdom Hall. Pero sa ngayon, legal nang nakakapagpulong ang mga kapatid natin sa Serbia, bagaman kailangan pa rin nilang maging maingat.

Masigasig pa ring nangangaral ang mga kapatid. Pinatunayan nila na hindi nagtatangi ang bayan ni Jehova at na nagpapakita sila ng tunay at tulad-Kristong pag-ibig. Nitong kamakailan, nagbakasyon ang mga kapatid mula sa mga bansa sa Europa para tumulong sa pangangaral sa mga teritoryong hindi pa nagagawa sa Serbia at Montenegro, at naging matagumpay ang mga kampanyang ito. Pero marami pa rin ang dapat gawin para mapangaralan ang halos tatlong milyong tao na nakatira sa mga lugar na ito.

Sa ngayon, ang Bethel sa Belgrade ay may tatlong magagandang gusali na nasa tulad-harding kapaligiran. Ang Komite ng Bansa, na binubuo ng tatlong miyembro, ang nangangasiwa sa ating gawain sa Serbia pati na sa Montenegro. Tunay ngang pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan sa rehiyong ito! Kaya kung maririnig natin ang pangalang Serbia, maaaring hindi na natin maiisip ang dinanas nitong digmaan, kundi ang sigasig at determinasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Modernong Kasaysayan ng Kosovo

Noong dekada ng 1980, mayroon nang tensiyon sa pagitan ng mga Serbiano at Albaniano sa Kosovo. Nauwi ito sa digmaan noong dekada ng 1990, na nagdulot ng matinding pagdurusa at hinagpis. Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga kapatid na maipakita ang “walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid” sa kanilang mga kapuwa mananamba na nagmula sa iba’t ibang etnikong grupo. (1 Ped. 1:22) Bukod pa riyan, sinunod din nila ang utos ni Kristo na “ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mat. 5:43-48) Pero kung minsan, mahirap itong gawin.

“Hindi laging maganda ang pakikitungo ng mga Muslim sa mga kapatid na dating Muslim,” ang paliwanag ni Saliu Abazi, na dating Muslim at marunong ng wikang Albaniano. “Iniisip din ng aming pamilya na itinakwil na namin sila dahil nag-iba kami ng relihiyon. At dahil sa tensiyon sa pagitan ng mga Albaniano at Serbiano, nahihirapang mangaral ang mga dating Muslim sa mga Serbiano.”

Pero di-nagtagal, umabot sa 30 katao mula sa iba’t ibang etnikong grupo ang nagpupulong sa bahay ni Saliu. “Noon,” ang naaalaala ni Saliu, “idinaraos ang mga pulong sa wikang Serbiano, at sa Belgrade nanggagaling ang aming mga literatura. Isang araw, pumunta ang mga pulis sa aking bahay nang hindi ko inaasahan. Natapat naman na nagkukuwentuhan kami ng mga kapatid na kararating lang mula sa Belgrade dala ang mga literatura. Nang sinabi ko sa mga pulis na mga kapatid ko sila, hindi nila lubos-maisip kung paano naging magkakapatid ang mga Serbiano at Albaniano.” Noong 1998 sa Priština, ang pinakamalaking lunsod sa Kosovo, umupa ang grupong ito ng isang gusali para magamit bilang Kingdom Hall.

Noong tagsibol ng 1999, lalo pang tumindi ang tensiyon sa pagitan ng mga etnikong grupo at ang pagiging makabayan ng mga tao. “Nagbanta pa nga ang aking kapitbahay na kung hindi kami sasali ng anak ko sa digmaan, susunugin ang bahay namin,” ang kuwento ni Saliu. “Napakasama ng epekto sa tao ng kalagayan sa pulitika. Dahil hindi nila kinikilala ang dating gobyerno ng Serbia, hindi maipatupad ang mga batas, at naging marahas ang mga tao at ginagawa ang anumang gusto nila.”

Habang lumalala ang situwasyon sa pulitika, nagiging mas mahirap ang kalagayan ng mga Serbiano na nakatira sa Kosovo. Sa panahon ng labanan noong 1999, libu-libong mga Serbiano at Albaniano ang napilitang lumikas sa kalapít na mga bansa. Pero sa kabila ng alitan sa pagitan ng mga etnikong grupo, itinago ni Saliu sa kaniyang bahay ang mga kapatid na Serbiano kahit pa manganib ang buhay niya.

HINUBOG SA KAISIPAN NI JEHOVA

“Napakatindi ng galit ng mga Serbiano at Albaniano sa isa’t isa,” ang sabi ng isang sister. “Bata pa kami ay ganiyan na ang situwasyon. Kahit natuto na kami ng katotohanan, hindi pa rin kaagad nawala ang gayong damdamin. Marami sa amin ang kailangang gumawa ng malaking pagbabago para maiayon ang aming sarili sa kaisipan ni Jehova. Alam kong si Jehova ay pag-ibig, pero iniwasan ko pa rin ang isang sister sa kongregasyon dahil isa siyang Serbiano. Ngunit sa patuloy kong pag-aaral ng Bibliya, nakita ko na ang turo ng ibang relihiyon ang sanhi ng pagkakabaha-bahagi, samantalang ang katotohanan mula sa Salita ni Jehova ang nagdudulot ng pagkakaisa.” Natulungan ba ang sister na ito ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos na magbihis ng bagong personalidad? “Sa ngayon,” ang sabi niya, “masaya akong naglilingkod sa kongregasyon ding iyon kasama ang aking mga kapatid na Serbiano.”—Col. 3:7-11; Heb. 4:12.

Kitang-kita ang pagkakaisa ng tunay na mga Kristiyano sa gitna ng sanlibutang ito na nagkakabaha-bahagi dahil sa relihiyon. Habang sinusunog ng mga tao ang mga bahay at nagpapasabog ng mga bomba dahil sa pagiging makabayan, naglalakbay naman ang ating mga kapatid patungong Belgrade, Serbia, para dumalo sa isang kombensiyon noong Hulyo 1998. Mapayapa at magkakasamang nakasakay sa iisang bus ang mga Albaniano, Croatiano, Macedoniano, at mga Roma. Si Dashurie Gashi ay isa sa mga papunta noon sa kombensiyong iyon para magpabautismo. Sinabi niya: “Nang pinahinto ng mga sundalo ang bus, kitang-kita namin na hindi sila makapaniwala. Sa kabila ng lahat ng tensiyon sa pagitan ng mga etnikong grupo sa mga bansang ito, naririto kami at nagkakaisa bilang bayan ni Jehova.”

Isang babae na lahing Roma ang natuto ng katotohanan noong bata pa siya mula sa kaniyang mga tiyahin na nakatira sa ibang bansa. Ang una niyang naging problema ay hindi siya marunong bumasa at sumulat. Pero dahil sa pag-ibig niya kay Jehova, natuto siyang bumasa at sumulat sa loob ng tatlong taon na nag-aaral siya ng Bibliya. Naging hadlang din ang lolo niya yamang dito siya nakikitira. “Tumatakas ako ng bahay para makadalo sa pulong,” ang sabi niya. Pero pag-uwi niya, ginugulpi siya ng lolo niya. “Bugbog-sarado ako dahil sa katotohanan,” ang sabi niya, “pero hindi ako sumuko. Naisip ko na wala ito kung ikukumpara sa dinanas ng tapat na lalaking si Job. Mahal na mahal ko si Jehova, at determinado akong ipagpatuloy ang pag-aaral.” Sa ngayon, naglilingkod siya bilang isang payunir, at nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa dalawang dalaga na hindi marunong bumasa at sumulat. Bagaman hindi siya nakapag-aral sa eskuwelahan, malaki ang pasasalamat niya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo dahil sinanay siya nitong magturo sa iba.

Dating Muslim si Adem Grajçevci bago niya natutuhan ang katotohanan noong 1993 sa Alemanya. Pagkatapos, bumalik siya noong 1999 sa Kosovo kung saan siya isinilang, at gaya ng ibang baguhang Saksi, kinailangan din niyang pagtagumpayan ang pagsalansang ng kaniyang pamilya. “Habang natututuhan ko ang katotohanan,” ang naaalaala ni Adem, “nakatulong sa akin na malaman na si Satanas ang tagapamahala ng sanlibutan at na siya ang nasa likod ng lahat ng kalupitang nangyayari sa lupa.” Hindi natuwa ang ama ni Adem nang maging Kristiyano siya. Tinanong siya nito kung sino ang pipiliin niya—si Jehova o ang kaniyang pamilya. Pinili ni Adem si Jehova, at patuloy siyang sumulong sa espirituwal. Ngayon, naglilingkod siya bilang isang elder. Nakakatuwa naman na sa nakalipas na mga taon, hindi na gaanong malupit ang ama ni Adem, at iginagalang na niya ang pasiya ni Adem.

Ang anak ni Adem, si Adnan, ay walang kainte-interes sa relihiyon noong bata pa ito. Labis ang pagkahilig ni Adnan sa martial arts at binansagan pa nga siya ng kaniyang mga kalaban na Killer. Pero tinalikuran niya ang lahat ng ito nang sa wakas ay naantig siya sa katotohanan. Sumulong siya sa espirituwal at nabautismuhan. “Di-nagtagal matapos akong mabautismuhan, kinailangan kong gumawa ng pasiya,” ang sabi niya. “Mayroon akong magandang trabaho, at sagana ako sa materyal. Pero nanghihina ako sa espirituwal at wala na akong panahon sa ministeryo. Nagpasiya akong panahon na para magbago, kaya nagbitiw ako sa trabaho.” Nagsimula siyang magpayunir, at nahirang bilang isang ministeryal na lingkod. Nang maglaon, inanyayahan siyang mag-aral sa unang klase ng Ministerial Training School sa Albania. Elder na ngayon si Adnan, at naglilingkod sila ng kaniyang asawang si Hedije bilang mga special pioneer. Ano ang masasabi niya ngayon sa ginawa niyang pasiya? “Talagang masayang-masaya ako! Hindi ko pinagsisisihan na pinili kong maging buong-panahong ministro.”

NAGKAKAISA SA PAGSAMBA

Sa ngayon, ang lahat ng anim na kongregasyon sa Kosovo ay umuupa ng mga pasilidad para magamit na Kingdom Hall. Ang ilan sa mga kongregasyong ito ay maliliit, gaya ng isa na nasa lunsod ng Peć, na may 28 mamamahayag. Dahil kakaunti lamang ang mga inatasang kapatid na lalaki, ang ilang kongregasyon ay hindi nakapagdaraos ng pahayag pangmadla linggu-linggo. Gayunpaman, gaya ng mga kapatid sa Peć, nagtitipon sila bawat linggo para sa Pag-aaral sa Bantayan at sa iba pang pulong ng kongregasyon.

Sa mga panahon na napakahirap ng kalagayan, maibiging pinastulan ng Komite ng Bansa sa Serbia ang mga kapatid sa Kosovo. Noong 2000, para matugunan ang mga pangangailangan ng mga kapatid, iniatas ng Lupong Tagapamahala sa sangay sa Albania ang pangangasiwa sa gawaing pangangaral sa Kosovo.

Noon, karamihan sa mga Saksi ni Jehova sa Kosovo ay mga Serbiano, kaya idinaraos ang mga pulong sa wikang Serbiano, at masaya ang mga kapatid na tulungan ang mga taong nagsasalita ng wikang Albaniano na makinabang sa programa. Ngayon, nabaligtad na ang situwasyon. Mas marami na ang mga kapatid na Albaniano. Maliban sa isang kongregasyon na nagsasalita ng wikang Serbiano, ang mga pulong ay idinaraos na sa wikang Albaniano, at nalulugod ang mga kapatid na iinterprete ang mga pahayag para makinabang ang mga kapatid na Serbiano. Ang mga asamblea at mga pandistritong kombensiyon ay idinaraos sa parehong wika. Halimbawa, ang buong programa ng 2008 pandistritong kombensiyon ay idinaos sa wikang Albaniano at ininterprete sa wikang Serbiano. At ang pangunahing mga pahayag ay iniharap sa wikang Serbiano ng mga elder na taga-Kosovo. Ganito ang sinabi ng isang kapatid: “Nag-aaway-away man ang mga tao sa labas, kami naman ay parang isang pamilya sa loob ng bulwagan.”

Bagaman karamihan ng mga naninirahan sa Kosovo ay Muslim, iginagalang din naman nila ang Bibliya, at marami ang pumapayag na makipag-usap tungkol sa relihiyon. Tuwang-tuwa ang mga kapatid sa Kosovo sa pagkakaroon ng bagong pinakamataas na bilang ng mamamahayag na 164 noong 2008. Dahil lubos ang pagtitiwala nila kay Jehova, determinado silang patuloy na kubrehan ang kanilang teritoryo para dalhin ang mabuting balita sa mga tao sa lahat ng lahi.

Modernong Kasaysayan ng Montenegro

Ang nakatagong perlas na ito ng Mediteraneo ay isang maliit na bansa kung saan nakapalibot ang Albania, Kosovo, Serbia, at Bosnia at Herzegovina. Napakaganda ng mga tanawin dito. Matatagpuan sa bansang ito ang pagkaganda-gandang baybayin ng Dagat Adriatico, na mga 293 kilometro ang haba. Ang Lambak ng Ilog Tara ang isa sa mga pinakamalalim at pinakamahabang lambak sa Europa. Ang Lawa ng Scutari ang pinakamalaking lawa sa rehiyon ng Balkan at dito matatagpuan ang isa sa pinakamalaking kanlungan ng mga ibon sa Europa. At ang lahat ng ito ay makikita sa Montenegro na ang laki ay sangkatlo lamang ng Switzerland!

Pero ang bansang ito ay dumanas ng mga digmaan, alitan, at pagdurusa. Ang mga pinagdaanan ng mga taga-Montenegro ay nagkaroon ng malaking epekto sa kanilang tradisyon, kaisipan, at kultura. Ang pangunahing bahagi ng kanilang kultura ay ang pagpapahalaga sa mga katangiang gaya ng katapangan, katapatan, pagiging marangal, mapagpakumbaba, mapagsakripisyo, at pagiging magalang sa iba. Marami sa mga taga-Montenegro na dumanas ng mahihirap na kalagayan ang tumanggap ng mabuting balita ng Kaharian at patuloy nila ngayong inihahayag ang katotohanan mula sa Bibliya.

PAGSULONG SA GAWAING PANGANGARAL

Tiyak na hindi malilimutan ng mga dumalo sa kombensiyon noong 1991 sa Zagreb, Croatia, ang pag-ibig at pagkakaisa ng mga kapatid mula sa lahat ng bahagi ng dating Yugoslavia na nagtipon doon. “Dahil malapit nang magsimula ang digmaan, mapanganib maglakbay mula Montenegro hanggang Croatia,” ang naaalaala ni Savo Čeprnjić, na bago pa lamang nag-aaral ng Bibliya noong panahong iyon. “Namangha ako nang makita ko ang napakaraming bus na dumarating sa kombensiyon nang walang kaproble-problema. Pero ang mas kahanga-hanga sa mga Saksi ay ang kanilang pagkakaisa. Sa unang araw ng kombensiyon, daan-daang pulis ang naroroon, pero nang mapansin nilang mapayapa naman kami, kaunti na lang ang bumalik noong sumunod na mga araw.”

Bago nagsimula ang digmaan, isang mag-asawa ang regular na naglalakbay mula Croatia hanggang Montenegro para magdaos ng pag-aaral kay Savo. Pero nang isinara na ang mga hangganan ng bansa, paano pa maipagpapatuloy ni Savo ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya?

“Ang mga interesado na marami nang alam ay kailangang magturo sa iba,” ang paliwanag ni Savo. “Isang bautisadong kapatid na lalaki ang nagdaraos sa akin ng pag-aaral sa aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Pero nang hindi na ito posible, isang di-bautisadong mamamahayag ang nagpatuloy ng pag-aaral sa akin. Pagdating ng 1992, naging 15 na ang miyembro ng grupong nagtitipon para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa Pag-aaral sa Bantayan sa lunsod ng Herceg Novi.” Si Savo, kasama ang kaniyang asawa at anak na babae, ay patuloy na sumulong sa espirituwal at nabautismuhan noong 1993. Sa ngayon, makikita sa napakagandang baybaying lunsod na ito ang isang Kingdom Hall kung saan nagtitipon ang 25 mamamahayag.

Noong unang mga taon ng dekada ng 1990, isang grupo ng mga mamamahayag ang nagtitipon sa kabiserang lunsod ng Podgorica. Patuloy na sumulong ang grupong ito, at noong 1997, nagplano silang bumili ng lote para patayuan ng Kingdom Hall. Ang loteng nabili ng mga kapatid ay may pader, at ipinasiya nilang huwag na itong tibagin para hindi magambala ang kanilang pagpupulong. Pero hiniling ng isang pulis, na nakatira sa basement ng katabing gusali, na tibagin ang pader para hindi maging masyadong madilim sa kaniyang apartment. Para magkaroon ng magandang ugnayan ang mga kapatid sa kanilang kapitbahay, pumayag sila na tibagin ang pader at pinalitan ito ng bakod. At naging pagpapala ito!

Kapag ginugulo ng ibang nakatira sa gusali ang mga kapatid, binabalaan sila ng pulis na kung may masama silang gagawin sa Kingdom Hall, titiyakin niyang mapaparusahan sila. Ngayon, ang mga kapatid ay mayroon nang isang magandang Kingdom Hall, isang bahay para sa mga special pioneer, at isang malaking paradahan na may bubong na maaari ding gamitin sa mga asamblea.

Pero hindi naging ganoon kaganda ang situwasyon para sa mga kapatid na nasa bayan ng Nikšić. Noong 1996, nakabili sila ng isang lote para patayuan ng Kingdom Hall, pero tutol ang komunidad. Kaya araw at gabing binantayan ng mga kapatid ang proyekto ng pagtatayo, sa takot na baka isabotahe ito ng mga kapitbahay. Isang araw, sinulsulan ng isang pari ang 200 tao para lumusob sa itinatayong Kingdom Hall. May dala-dala silang mga baril at pamalo. Nagpaputok sila sa ere at unti-unti nilang tinibag ang Kingdom Hall. Pero pinanood lamang sila ng mga pulis na naroroon.

Nang hindi maayos ang situwasyon sa mapayapang paraan, naghanap ang mga kapatid ng ibang malilipatan. Pagkalipas ng apat na taon, nakahanap din sila ng isang gusali. Inayos nila ito at ginawang Kingdom Hall. Noong una, parang hindi naman tutol ang komunidad. Pero nakapagtataka, pagkalipas ng ilang buwan, nasunog ang Kingdom Hall. Gayunpaman, determinado ang mga kapatid at itinayo nilang muli ang Kingdom Hall. Mula noon, hindi na sila nagkaroon ng problema.

Ang apat na kongregasyon sa Montenegro ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Komite ng Bansa sa Serbia. May 1 mamamahayag para sa bawat 2,967 katao sa Montenegro, at nagpapasalamat ang 201 mamamahayag sa tulong ng 6 na special pioneer. Sa pangkalahatan, iniisip ng mga tagaroon na mas mahalaga sa kanilang relihiyon ang mga tradisyon kaysa sa pagbabasa ng Bibliya. Ngunit patuloy na nagsisikap ang mga kapatid natin sa Montenegro na ipangaral ang mabuting balita nang buong tapang.

Modernong Kasaysayan ng Slovenia

Bago nakamit ng Slovenia ang kasarinlan nito noong 1991, bahagi ito ng hilagang-kanlurang Yugoslavia. Pagkatapos magsarili, patuloy na gumanda ang ekonomiya ng Slovenia at naging bahagi ng European Union noong 2004. Kahit na maliit lamang ang bansang ito, maraming magagandang tanawin dito. Makikita rito ang matataas na bundok, mga lawa, makakapal na kagubatan, pagkalalaking mga kuweba ng batong-apog, at ang napakagandang Slovenian Riviera. Malamig ang klima sa mga bundok samantalang katamtaman ang init sa mga ubasan at taniman ng olibo sa may Baybayin ng Adriatico. Sa loob lamang ng mahigit isang oras, makakababa na ang isa mula sa mga bundok tungo sa mga tanimang ito. Marami ka ring lugar na mapapasyalan kung saan matututuhan mo ang kasaysayan at kultura ng Slovenia. Pero higit pa riyan ang matutuklasan mo sa bansang ito. Ang kasaysayan ng Slovenia ay punô ng kuwento ng katapatan ng mga lingkod ni Jehova.

MGA KINGDOM HALL AT MGA PAYUNIR

Tiyak na natatandaan mo pa ang Maribor, ang lunsod kung saan nangaral ang “mga barberong naniniwala sa Bibliya.” Ang maliit na grupo na nabuo rito ay nagpupulong noon sa isang restawran na nang maglaon ay tinawag na Novi Svet (Bagong Sanlibutan). Sa ngayon, nagpapasalamat kay Jehova ang mga Saksi sa Slovenia dahil mayroon silang mga Kingdom Hall na nagagamit nila sa mga pagpupulong. Noong dekada ng 1990, dumami ang mga mamamahayag at bumuti ang kalagayan, kaya nagkaroon dito ng Regional Building Committee. Mula noong 1995, ang mga kongregasyon ay nakapagtayo o nakapagkumpuni ng 14 na Kingdom Hall. Naging posible ito dahil sa tulong ng mahigit 100 boluntaryo at sa mga donasyon mula sa ibang bansa.

Kasabay ng pagdami ng mga mamamahayag ay ang pagdami ng mga regular pioneer—mula 10 noong 1990 hanggang 107 noong 2000. Isa sa masisigasig na payunir ay si Anica Kristan, na dating aktibo sa pulitika bago naging Saksi.

Malaki ang naitulong sa gawaing pangangaral ng mga kapatid na nagmula sa ibang bansa. Noong 1992, dumating sa Slovenia ang unang mga misyonero na sina Franco at Debbie Dagostini. Pero nang inilipat sila sa Aprika, dalawang bagong misyonero mula sa Austria ang inatasan sa Slovenia. Sila ay sina Daniel at Karin Friedl. Sumunod, dumating ang mga misyonerong nagtapos sa Gilead na sina Geoffrey at Tonia Powell at sina Jochen at Michaela Fischer. Silang lahat, pati na ang mga special pioneer mula sa Austria, Italya, at Poland, ay nagpakita ng matinding pag-ibig kay Jehova at ng pagnanais na tumulong sa mga tao.

MGA HOSPITAL LIAISON COMMITTEE

Noong 1994, nagkaroon ng Hospital Information Desk sa Bethel, at dalawang Hospital Liaison Committee (HLC) ang binuo. Ang ilan sa mga brother na miyembro ng mga komiteng ito ay nakipag-usap sa ministro ng kalusugan, na siya namang nag-organisa ng isang pulong kasama ang mga direktor ng lahat ng ospital sa Slovenia. Ipinaliwanag ng mga brother ang papel ng HLC at nilinaw kung bakit hindi nagpapasalin ng dugo ang mga Saksi ni Jehova. Bunga nito, naging mahusay ang pagtutulungan ng mga doktor at ng mga pasyenteng ayaw magpasalin ng dugo. Inilathala din sa mga babasahin sa medisina ang mga artikulong nagpapaliwanag sa paggamot nang walang dugo.

Noon namang 1995, isinagawa ng mga doktor sa Slovenia ang kauna-unahang operasyon sa puso na walang pagsasalin ng dugo. Ibinalita ng media na naging matagumpay ang operasyong ito. Ang anestisyologo at siruhano na nagsagawa ng operasyon ay sumulat din ng isang artikulo tungkol dito. Kaya simula noon, isinaalang-alang na ng marami ang paggamot nang walang dugo, at iginagalang na ng maraming doktor ang pinipili ng mga Saksi ni Jehova na paraan ng paggamot.

PAGTUGON SA PANGANGAILANGAN NG DUMARAMING MAMAMAHAYAG

Matapos magsarili ang Slovenia noong 1991, ipinasiya ng Lupong Tagapamahala na maglagay rito ng isang opisina para higit na mapangasiwaan ang gawaing pang-Kaharian. Isang gusali na may isang palapag ang binili sa sentro ng Ljubljana, ang kabisera ng Slovenia. Inayos ang gusaling ito, at noong Hulyo 1, 1993, puwede na itong tirhan ng mga Bethelite. Noong una, 10 lamang ang bumubuo sa pamilyang Bethel, pero sa loob ng isang dekada, umabot na sila nang 35. Kaya umupa sila ng isang kalapít na gusali para gawing kusina, kainan, at labahan. Kasabay nito, tumuloy ang mga Bethelite sa kalapít na mga apartment para mas lumuwag ang mga opisina sa Bethel. Mula noong 1997, naging isa nang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang opisina sa Slovenia.

Nang aprubahan ng Lupong Tagapamahala ang pagtatayo ng isang bagong tanggapang pansangay sa Slovenia, naghanap ang mga kapatid ng isang angkop na lugar. Matapos nilang suriin ang 40 iba’t ibang lokasyon, pinili ng mga kapatid ang isang lote malapit sa bayan ng Kamnik, 20 kilometro mula sa kabisera, at nasa paanan ng magandang kabundukan. Di-nagtagal, nakumpleto ang mga papeles, nabili ang lote, at nakakuha ng permit sa pagtatayo, saka nakipagkontrata sa isang kompanya ng konstruksiyon, at nag-anyaya ng mga internasyonal na lingkod para tumulong sa proyekto. Waring handa na ang lahat.

Pero nang malaman ng mga kapitbahay ang tungkol sa proyekto, agad silang nagprotesta. Nang sisimulan na ang proyekto, naglagay ang mga kapitbahay ng mga barikada malapit sa lote para harangan ang mga tagapagtayo. Di-nagtagal, nagkabit sila ng mga baner para ipakita ang kanilang pagpoprotesta. Makaraan ang anim na araw, mga 30 pulis ang dumating nang katanghaliang-tapat para protektahan ang mga manggagawa ng lunsod na inutusang magtanggal ng barikada. Pinagsisigawán ng mga nagpoprotesta ang mga pulis. Pero nang araw na iyon, walang mga kapatid o sinuman mula sa kompanya ng konstruksiyon ang naroroon dahil ipinagpaliban muna ang proyekto. Dahil dito, unti-unting nabawasan ang mga protesta, at ang mga kapatid ay nag-isip ng solusyon kung paano lulutasin ang problema sa mapayapang paraan.

Tatlong beses ibinuwal ng mga nagpoprotesta ang bakod ng lote. Pero natuloy rin ang proyekto pagkaraan ng isang buwan, at wala nang naging hadlang. Sa katunayan, naging pagpapala pa ang mga protesta laban sa mga Saksi dahil nakuha nito ang pansin ng media. Mahigit 150 report tungkol sa proyektong ito ang iniharap sa TV, radyo, at mga pahayagan. Natapos ang proyekto pagkaraan ng mga 11 buwan, at noong Agosto 2005, lumipat na rito ang pamilyang Bethel.

Mula noon, naging maganda na ang ugnayan ng mga kapatid at ng kanilang mga kapitbahay. Marami sa mga ito ang bumisita sa mga pasilidad ng sangay. Isa sa mga dating nagprotesta ang naging interesado sa itinayong gusali. Tinanong niya kung sino tayo at kung ano ang ginagawa sa loob ng gusali. Nang pumasyal siya sa Bethel, humanga siya dahil naging maganda ang pagtanggap sa kaniya at dahil sa napakalinis ng paligid. “Tinatanong ako ng mga kapitbahay ko kung kakampi n’yo na ako ngayon,” ang sabi niya sa mga kapatid, “ang sagot ko naman, ‘Kung dati ay ayaw na ayaw ko sa mga Saksi ni Jehova, ngayon naman ay gustung-gustong ko na sila dahil mabubuti silang tao.’”

Noong Agosto 12, 2006, masayang nagtipon ang 144 na mga kapatid mula sa 20 bansa para makinig sa pahayag sa pag-aalay na iniharap ni Theodore Jaracz, miyembro ng Lupong Tagapamahala. Nagpahayag din siya sa isang espesyal na pulong sa Ljubljana, na dinaluhan ng 3,097 tagapakinig mula sa lahat ng bahagi ng Slovenia kasama ang mga kapatid mula sa Croatia at sa Bosnia at Herzegovina.

ISANG MAGANDANG BUKAS

Alam ng mga Saksi ni Jehova sa Slovenia na magiging maganda ang kanilang kinabukasan dahil nagtitiwala sila na papatnubayan at pagpapalain sila ng kanilang makalangit na Ama. Sa pandistritong kombensiyon noong 2004, tuwang-tuwa sila nang ilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Sloveniano. Ngayon, sa tulong ng bagong sangay na kumpleto sa gamit at ng masisipag na payunir, mas determinado silang tuparin ang kanilang atas na mangaral at gumawa ng mga alagad.—Mat. 28:19, 20.

Bagaman karamihan ng mga tao sa bansang ito ay Romano Katoliko, marami ang naging ateista dahil sa gobyernong Komunista. Karagdagan pa, marami ang napapabigatan ng mga kabalisahan sa buhay o naaakit sa bitag ng materyalismo. Ang iba naman ay mas interesado pa sa isports o sa paglilibang. Gayunman, mayroon pa ring mga tapat-pusong indibiduwal na nagbibigay-pansin sa mga pangako ng Bibliya.

Patuloy na sumulong ang gawain sa Slovenia. Noong Agosto 2008, naabot ang pinakamataas na bilang ng mamamahayag na 1,935. Mga 25 porsiyento ng bilang na ito ay naglilingkod bilang mga payunir. Nangangaral din sila sa mga taong nagsasalita ng wikang Albaniano, Croatiano, Ingles, Serbiano, at Tsino, gayundin sa mga gumagamit ng Slovenian Sign Language. Nang magsimula noon ang gawain sa Slovenia, dalawang barbero lamang ang nangangaral ng mabuting balita. Pero ngayon, marami na ritong masisigasig na mángangarál na iba’t iba ang lahi. Sila ang humahanap sa mga karapat-dapat na nagnanais maglingkod sa tunay na Diyos, si Jehova.—Mat. 10:11.

Ang rehiyon ng Balkan na dating kilala sa tawag na Yugoslavia ay dumanas ng matitinding labanan, pasakit, at pagdurusa. Sa gitna ng umiiral na kawalang-pagpaparaya sa relihiyon at pagkakapootan ng mga etnikong grupo, nakilala ang bayan ni Jehova bilang mga tunay na alagad ni Kristo dahil sa pag-ibig nila sa isa’t isa. Dahil din sa pag-ibig na ito, napatunayan na nakahihigit ang pagsamba kay Jehova kaysa sa lahat ng bagay na maiaalok ng sanlibutang ito. Ang pagpapakita ng pag-ibig na ito ay nakaakit sa maraming tao na tanggapin ang dalisay na pagsamba at nakatulong sa ating mga kapatid na manatiling tapat, at maging determinado na paglingkuran si Jehova magpakailanman.—Isa. 2:2-4; Juan 13:35.

[Mga talababa]

a Ang Ustaša ay isang kilusang rebolusyonaryo ng mga Pasista na lumaban, sa tulong ng Simbahang Katoliko, para sa kasarinlan ng Croatia. Kilalá ang kilusang ito sa pagiging brutal.

b Dahil sa kalagayan sa pulitika, idinagdag ang salitang “Maka-Diyos” para ipaliwanag kung anong uri ng kalayaan ang hinahangad ng mga kapatid.

c Tingnan ang artikulong “Pagtulong sa Ating Sambahayan ng mga Mananampalataya sa Bosnia,” sa Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1994, pahina 23-27.

[Blurb sa pahina 165]

Habang lumalalâ ang pagtatangi sa lahi at relihiyon sa Yugoslavia, nagkakaisa naman ang ating mga kapatid

[Blurb sa pahina 173]

‘Narito ba ako para lamang palugdan ang tao? Hindi! Nakadepende ba ang buhay ko sa maaaring sabihin, isipin, o gawin ng iba? Hindi!’

[Kahon sa pahina 144]

Pagkakaiba-iba sa Dating Yugoslavia

Kung tatanungin mo ang mga tao tungkol sa pagkakaiba-iba ng kultura sa dating Yugoslavia, malamang na iba-iba ang isasagot nila sa iyo. Pero sasang-ayon sila na mayroon ditong pitong magkakaibang etnikong grupo na may iba’t ibang relihiyon at nagsasalita ng magkakaibang wika na may iba’t ibang alpabeto. Pangunahin nang makikilala ang mga etnikong grupong ito batay sa kanilang relihiyon. Mahigit 1,000 taon na ang nakalilipas, ang Sangkakristiyanuhan ay nahati sa dalawa—ang mga kaanib sa Simbahang Romano Katoliko at ang mga kaanib sa relihiyong Ortodokso Katoliko. Iyan din ang dahilan kung bakit nahati noon ang dating Yugoslavia. Karamihan ng mga nakatira sa Croatia at Slovenia ay mga Romano Katoliko, samantalang karamihan ng mga nasa Serbia at Macedonia ay mga Ortodokso. Magkakasama namang naninirahan sa Bosnia ang mga taong ang relihiyon ay Islam, Katoliko, at Ortodokso.

Kung paanong nagkabaha-bahagi ang mga tao dahil sa relihiyon, gayon din ang naging epekto sa kanila ng pagkakaroon ng iba’t ibang wika. Karamihan ng mga tao sa dating Yugoslavia, maliban sa Kosovo, ay nagsasalita ng wikang Timog Slavic. Kahit pa may kani-kaniyang wika ang mga bansang ito, nagkakaintindihan ang mga taga-Serbia, Croatia, Bosnia, at Montenegro dahil sa paggamit nila ng magkakatulad na mga salita. Pero hindi ganito ang situwasyon sa Kosovo, Macedonia, at Slovenia. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, sinikap ng ilan na pag-isahin ang magkakatulad na wika, pero hindi ito natuloy dahil sa pagkabuwag ng Yugoslavia noong 1991. Sa nakaraang mga dekada, sinikap ng mga bansang ito na ibalik ang pagkakakilanlan ng kani-kanilang etnikong grupo sa pamamagitan ng paggamit ng mga salitang sila lamang talaga ang gumagamit.

[Kahon/Larawan sa pahina 148]

Pinalaganap ng Isang Gumagawa ng Orasan ang Katotohanan sa Slavonia

Noong dekada ng 1930, naglakbay si Antun Abramović sa mga nayon ng Croatia para gumawa ng mga sirang orasan at relo. Sa isang bahay-tuluyan, natagpuan niya ang isa sa ating mga buklet. Matapos niya itong mabasa, agad niyang napagtanto na ito ang katotohanan, at naantig ang kaniyang puso. Dahil dito, sumulat siya sa tanggapang pansangay para humiling ng karagdagang mga literatura. Di-nagtagal, siya ay naging isang bautisadong lingkod ni Jehova. Mula noon, kapag naglalakbay siya sa mga nayon, hindi lamang siya gumagawa ng relo, nagpapatotoo rin siya sa mga tao. Sa ganitong paraan, nakakapangaral siya nang hindi nahahalata, yamang bawal noon ang gawain. Natagpuan niya sa maliit na nayon ng Privlaka ang ilang tao na taos-pusong tumanggap sa katotohanan. Sa kalaunan, isang maliit na kongregasyon ang naitatag. Mula sa nayong iyon, lumaganap ang katotohanan hanggang sa Vinkovci at sa kalapit na mga nayon.

Noong Digmaang Pandaigdig II, tumulong si Brother Abramović sa patagong pag-iimprenta ng mga literatura na ipinamahagi sa buong Yugoslavia. Dahil sa kaniyang kasigasigan, isa siya sa 14 na kapatid na nasentensiyahan noong 1947 na mabilanggo nang mahabang panahon. Matapos siyang mapalaya, naglingkod siya bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Sa buong buhay niya, hindi kailanman nawala ang kaniyang sigasig sa paglilingkod kay Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 151]

Isang Konduktor ng Orkestra ang Naging Payunir

Maraming taon na ang nakalilipas, sa bansang tinatawag ngayon na Bosnia at Herzegovina, tumanggap ng literatura sa Bibliya ang konduktor ng Royal Guards Orchestra na si Alfred Tuček mula sa kasamahan niyang si Fritz Gröger. Posibleng noong mga huling taon ng dekada ng 1920 nakipag-ugnayan si Alfred sa Lighthouse Society sa Maribor para ipaalam na nais niyang maging isang regular pioneer. Sa kalaunan, isa siya sa pinakaunang naging payunir sa Yugoslavia. Dahil sa pag-ibig niya kay Jehova, iniwan niya ang kaniyang trabaho at ‘hindi na tumingin sa mga bagay na nasa likuran’ kahit pa malaki ang suweldo niya sa pagiging konduktor ng orkestra ng militar. (Luc. 9:62) Noong mga unang taon ng dekada ng 1930, sumama siya sa mga payunir na mula sa Alemanya at nagpalabas sila ng “Photo-Drama of Creation.” Tumulong din siya sa paggawa ng mga territory card upang maorganisa ang pangangaral sa Yugoslavia. Noong 1934, pinakasalan niya ang isa mga payunir na Aleman na si Frida. Ang una nilang atas ay sa Sarajevo, Bosnia. Nang maglaon, nangaral din sila sa ilang bahagi ng Macedonia, Montenegro, Croatia, at Serbia. Sa pasimula, bisikleta lamang ang gamit nila sa paglalakbay. Pero nang maglaon, gumamit na sila ng motorsiklo. Bagaman bawal ang pangangaral at hindi basta-basta tinatanggap ng mga tao ang mabuting balita noong panahong iyon, alam nilang mahalagang mapaabutan ng mensahe ng Kaharian ang pinakamaraming tao hangga’t maaari.

[Kahon/Larawan sa pahina 155, 156]

Malusog Man o May Sakit

Bago naatasan si Martin Poetzinger na mangasiwa sa isang grupo ng mga payunir sa Yugoslavia, naglingkod siya sa ilang bansa sa Gitnang Europa. Noong panahong iyon niya nakilala si Gertrud Mende, isang masigasig na sister na payunir mula sa Alemanya, na nang maglaon ay napangasawa niya. Pagdating sa pangangalaga ng kalusugan, kinailangan ng mga payunir na lubusang magtiwala kay Jehova. Bagaman walang insurance sa kanilang lugar, laging namang may tumutulong sa kanila. Kung minsan, sa kritikal na mga situwasyon, ginagamit ni Jehova ang mapagkawanggawang mga tao para tumulong sa mga nangangailangan. Halimbawa, nang magkaroon ng malubhang sakit si Brother Poetzinger sa Zagreb, naroon si Sister Mende para tumulong sa kaniya.

Naalaala pa ni Gertrud: “Noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, ako at si Martin ay parehong inatasang maglingkod sa Sarajevo. Pero hindi nangyari ang mga bagay-bagay gaya ng inaasahan namin. Isang gabi, sumamâ ang pakiramdam ni Martin, at inapoy siya ng lagnat na halos umabot nang 40 digri Celsius. Kinaumagahan, pinuntahan ko siya sa kaniyang tinutuluyan para kumustahin ang kaniyang pakiramdam. Alaláng-alalá ang kaniyang kasera sa kaniyang kondisyon. Sinubukan naming dalawa na gamutin si Martin sa paraan na karaniwang ginagawa sa lugar na iyon. Pinainom namin siya ng pinakuluang alak na nilagyan ng maraming asukal. Ngunit hindi pa rin bumuti ang kaniyang pakiramdam. Tinawagan ko ang ilang doktor na nasa direktoryo ng telepono, pero walang isa man sa kanila ang gustong tumulong. Lahat sila ay may dahilan.

“Iminungkahi ng kasera na tumawag ako sa ospital. Kaya tinawagan ko ang nangangasiwa sa ospital at ipinaliwanag na 40 digri Celsius na ang lagnat ni Martin. Napakabait ng lalaking nakausap ko at nagpadala siya ng isang ambulansiya para sunduin si Martin. Nang naisakay na si Martin sa ambulansiya, sinabi sa akin ng kasera, ‘Hindi mo na siya makikitang muli.’

“Lalo akong nabalisa dahil bukod sa malubha ang kalagayan ni Martin, wala kaming kapera-pera. Ang pera lamang naming mga payunir ay ang natatanggap namin mula sa mga kontribusyon sa literatura, at halos kulang pa iyon para makaraos kami. Hindi namin alam kung ano ang aming gagawin, at hindi rin namin alam kung magkano ang magagastos sa pagpapagamot. Si Dr. Thaler ang sumuri kay Martin, at sinabi niya: ‘May pleurisy (isang uri ng sakit sa bagà) si Martin at kailangan siyang maoperahan. Medyo matatagalan bago siya gumaling.’

“Malamang na alam ni Dr. Thaler na gipit kami sa pera dahil sinabi niya, ‘Gusto kong tulungan ang mga taong may pananampalataya na gaya ninyo,’ at hindi niya pinabayaran ang operasyon ni Martin. Sa tulong ni Jehova, nalagpasan namin ang mahirap na situwasyong iyon. Dahil sa sakit ni Martin, hindi naging posible para sa amin na tumuloy sa Sarajevo at kinailangan naming bumalik sa Alemanya.”

[Larawan]

Si Martin Poetzinger sa Alemanya noong 1931

[Kahon/Larawan sa pahina 161, 162]

Nagtatrabaho sa Araw, Nag-iimprenta sa Gabi

LINA BABIĆ

ISINILANG 1925

NABAUTISMUHAN 1946

MAIKLING TALAMBUHAY Nagsimula siyang maglingkod sa Bethel noong 1953 nang maging legal ang gawain. Tumulong siya noon sa pag-iimprenta at pagpapadala ng mga magasin at literatura. Sa ngayon, tapat siyang naglilingkod sa Bethel sa Zagreb.

PAGLAYA ng mga kapatid mula sa bilangguan, agad silang naghanda para sa pag-iimprenta ng mga magasin. Pero kakaunti lamang ang mga kapatid na lalaki, at napakaraming trabahong dapat gawin. Nang malaman ko ito, nagpasiya akong magboluntaryo bagaman mayroon akong sekular na trabaho. Gusto ko talagang makatulong. Kaya maghapon akong pumapasok sa aking trabaho, at pagkatapos ay tumutulong ako sa pag-iimprenta ng mga literatura hanggang sa maghahatinggabi.

Noong mga panahong iyon, wala pang sariling gusali sa lunsod ang tanggapang pansangay. Kaya ipinagamit ng may-edad nang mag-asawa na sina Petar at Jelena Jelić ang kanilang apartment na may iisang kuwarto para sa pagmimimyograp ng mga literatura. Mga 15 piye por 15 piye lamang ang sukat ng kuwartong iyon. Naglalagay kami sa kanilang kama ng isang frame na gawa sa kahoy na may nakabanat na tela para doon isalansan ang mga naimprentang pahina. Sa tabi naman ng kama ay may isang lamesa kung saan nakapatong ang makinang pang-mimyograp na manu-manong pinaaandar. Nakapag-iimprenta kami ng mga 800 pahina bawat oras. Napakakaunti lamang nito kung ikukumpara sa mga makabagong makinang pang-imprenta sa ngayon, pero masaya kami na, sa sipag at tiyaga, naiimprenta namin noon ang lahat ng literaturang kailangan namin.

Nakaaantig ng puso na makita ang mag-asawang Jelić habang matiyaga silang naghihintay na matapos kami sa pag-iimprenta at maalis na namin ang mga nakasalansang pahina sa ibabaw ng kanilang kama para makatulog na sila. Hindi sila kailanman nagreklamo. Sa halip, masaya pa nga sila, at nagniningning ang kanilang mga mata sa galak dahil sa gayong paraan ay nakakasuporta sila sa gawaing pang-Kaharian. Tumutulong si Jelena kasama ng iba pang may-edad nang mga kapatid na babae sa pag-aayos, pananahi, at pagtutupi ng mga naimprentang pahina. Napakalaking tulong iyon sa amin.

Noong 1958, nakakuha kami ng de-kuryenteng makinang pang-mimyograp, kaya naging mas madali ang pag-iimprenta. Ang 20 kopya ng magasin na nagagawa namin noong 1931 ay naging 2,400 kopya na noong mga unang taon ng dekada ng 1960. Iniimprenta namin ito sa tatlong wika—Croatiano, Serbiano (Cyrillic), at Sloveniano. Bagaman hindi kami nakakagawa ng mga aklat, nakakapag-imprenta naman kami ng maraming buklet. Pinakamarami kaming naimprenta noong 1966. Ang aklat na Mga Bagay Na Doo’y Hindi Maaaring Magsinungaling ang Diyos ay ipinaimprenta namin sa isang palimbagan. Inimprenta ito sa 12 magkakahiwalay na buklet. Bawat 12 buklet ay makabubuo ng isang kumpletong aklat. Kaya para makabuo ng 50,000 aklat sa tatlong wika, kinailangang mag-imprenta ng 600,000 buklet.

Sa kasalukuyan, naglilingkod ako sa Bethel sa Zagreb. Masaya kong binabalikan ang mga taon ng aking paglilingkuran at naliligayahan akong makita kung paano pinagpala ni Jehova ang gawain sa lahat ng bansang bumubuo sa dating Yugoslavia.

[Kahon/Larawan sa pahina 176, 177]

“Bukas, Baka Iba Naman ang Maging Kalagayan”

IVICA ZEMLJAN

ISINILANG 1948

NABAUTISMUHAN 1961

MAIKLING TALAMBUHAY Limang beses siyang nabilanggo dahil sa pananatiling neutral. Nang maglaon, naglingkod siya bilang tagapangasiwa ng sirkito sa dulo ng sanlinggo, at naglilingkod ngayon bilang elder sa isang kongregasyon sa Zagreb.

MGA Saksi ni Jehova ang mga magulang ko, at ang katotohanan ang lagi naming pinag-uusapan sa bahay. Nang ipatawag ako para maglingkod sa militar, nagpunta ako at sinabing gusto kong pormal na ipaliwanag kung bakit hindi ako makapaglilingkod sa militar. Matapos ipaliwanag ang aking neutral na paninindigan, nilitis ako at sinentensiyahang mabilanggo nang siyam na buwan. Paglaya ko, naghihintay na sa akin ang isa pang tawag para maglingkod sa militar. Muli akong nilitis at sinentensiyahang mabilanggo, sa pagkakataong ito, nang isang taon. Nang makalaya ako, naghihintay na sa akin ang ikatlong tawag, at muli akong nilitis. Sa pagkakataong ito, hinatulan akong mabilanggo nang 15 buwan. Sa ikaapat na pagkakataon, sinentensiyahan ako nang 20 buwan; at sa ikalimang pagkakataon, dalawang taon—lahat-lahat, mahigit na anim-na-taóng pagkabilanggo. Nangyari ang lahat ng ito sa pagitan ng 1966 at 1980.

Dalawang beses akong dinala sa Goli Otok sa Dagat Adriatico. Ang buong isla ay isang bilangguan para sa mga pulitikal na preso. Tinrato nila akong gaya ng mga pulitikal na preso. Ang trabaho namin ay “tabunan ang dagat.” Naghahakot kami ng mga bato mula sa isang panig ng isla gamit ang isang kahon na kahoy at dinadala ang mga ito sa kabilang panig at inihahagis sa dagat. Mahigit 100 kilo ang bawat kargada. Pagkatapos ay maglalakad kami pabalik para kumuha uli ng mga bato, at paulit-ulit naming gagawin ang iyon at iyon ding walang katuturang bagay sa buong maghapon.

Sa ikalawang pagkakataon na dinala ako sa Goli Otok, ikinulong ako sa bartolina nang isang buwan, gaya ng nakaugalian nang gawin sa lahat ng bagong dating. Terible ang makulong nang mag-isa. Sa panahong iyon, naging mas madalas ang pananalangin ko higit kailanman. Wala akong Bibliya at mga publikasyong salig sa Bibliya. Napakahirap para sa akin ang mag-isa. Ang tanging pampatibay-loob na natanggap ko ay ang liham mula sa aking mga magulang. Pero noon ko nadama na talagang totoo ang sinabi ni apostol Pablo: “Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.” (2 Cor. 12:10) Napakasaya at napakalakas ko noong mapalaya ako at makakita ako ng trabaho.

Sa isa pang bilangguan, inutusan akong magpatingin sa isang sikologo. Masungit siya at ininsulto pa nga ako. Sinigawan din niya ako, at kung anu-ano ang pinagsasabi niya sa akin at sinabing abnormal daw ako. Hindi ako pinayagang ipagtanggol ang sarili ko. Kinabukasan, ipinatawag ako uli ng sikologo ring iyon pero ibang-iba na ang paraan ng pakikipag-usap niya sa akin nang sabihin niya: “Pinag-isipan ko ang kalagayan mo, at sa tingin ko, hindi ka bagay rito sa bilangguan. Ihahanap kita ng trabaho sa labas.” At hindi ako makapaniwalang tinupad niya iyon. Hindi ko alam kung bakit nagbago ang pananaw niya sa akin, pero ipinakita nito na hindi tayo dapat matakot o mag-isip na wala nang pag-asa. Bukas, baka iba naman ang maging kalagayan. Nagpapasalamat ako kay Jehova na lalo akong napalapít sa kaniya dahil sa lahat ng karanasang ito.

[Kahon/Larawan sa pahina 179]

‘Pinapayagan Bang Mag-usap ang mga Tao Tungkol sa Soccer?’

HENRIK KOVAČIĆ

ISINILANG 1944

NABAUTISMUHAN 1962

MAIKLING TALAMBUHAY Naglingkod siya noong 1973 bilang tagapangasiwa ng sirkito sa dulo ng sanlinggo, at mula 1974 hanggang 1976, naatasan siya bilang buong-panahong tagapangasiwa ng sirkito. Isa na siya ngayong miyembro ng Komite ng Sangay sa Croatia.

HINDI namin alam kung makakauwi pa kami ng bahay sa tuwing mangangaral kami. Madalas kaming arestuhin at imbestigahan ng mga pulis. Kadalasan nang mali ang kanilang akala hinggil sa ating gawain.

Minsan sa himpilan ng pulisya, sinabihan ako na pinapayagan lang tayong magsalita tungkol sa Diyos sa mga lugar na nakarehistro para sa layuning iyon at hindi sa mga lansangan o sa bahay-bahay. Tulad ni Nehemias, kaagad akong nanalangin nang maikli at hiniling kay Jehova na tulungan akong maapuhap ang tamang mga salita. Pagkatapos ay tinanong ko ang imbestigador, “Sa mga istadyum lang po ba pinapayagang mag-usap ang mga tao rito tungkol sa soccer o kahit sa ibang lugar?” Sumagot siya na maaaring pag-usapan ng mga tao ang tungkol sa soccer kahit saan. Sumagot ako: “Kaya, puwede rin po ninyong pag-usapan ang tungkol sa Diyos sa kahit saang lugar, hindi lang sa simbahan o sa dako ng pagsamba.” Kahit inabot nang limang oras ang interogasyon, pinalaya nila kami ng kasama ko.

Sa pagbabalik-tanaw sa 40 taon ng paglilingkod, masasabi namin ng asawa kong si Ana na hindi namin ito ipagpapalit sa anumang bagay sa mundo. Nagkapribilehiyo kaming matulungan ang halos 70 katao na matuto ng katotohanan. Bawat atas na ibibigay sa atin ni Jehova ay tiyak na magbibigay ng kabuluhan sa ating buhay.

[Larawan sa pahina 195]

Nangako Kaming Babalik

HALIM CURI

ISINILANG 1968

NABAUTISMUHAN 1988

MAIKLING TALAMBUHAY Tumulong siya sa pag-oorganisa at pamamahagi ng mga panustos na tulong sa Sarajevo. Naglilingkod siya ngayon bilang isang elder, miyembro ng Hospital Liaison Committee, at bilang legal na kinatawan ng mga Saksi ni Jehova sa Bosnia at Herzegovina.

NOONG 1992, kinubkob ang lunsod ng Sarajevo. Dahil hindi na kami makatanggap ng mga bagong literatura, ang mga lumang magasin na lamang ang pinag-aralan namin. Gamit ang isang lumang makinilya, gumawa ang mga kapatid ng mga kopya ng mga araling artikulo. Bagaman 52 mamamahayag lamang kami, mahigit 200 ang dumadalo sa aming mga pulong, at nagdaraos kami ng mga 240 pag-aaral sa Bibliya.

Noong Nobyembre 1993, sa kasagsagan ng digmaan, isinilang ang anak naming babae na si Arijana. Napakahirap magkaroon ng inaalagaang sanggol noong panahong iyon. May pagkakataon na ilang linggo kaming walang kuryente o tubig. Ginagamit naming panggatong ang mga muwebles, at napakadelikado ng dinadaanan namin kapag dumadalo sa mga pulong. Binabaril ng mga sniper ang sinumang makita nila, kaya kailangan naming tumakbo para makatawid sa ilang partikular na kalsada at barikada.

Isang araw, tahimik ang paligid habang naglalakad kami pauwi ng asawa ko at ng aming anak, kasama si Brother Dražen Radišić. Biglang-bigla, may nagpaputok ng machine gun. Dumapa kami sa kalsada, pero tinamaan ako ng bala sa tiyan. Napakasakit nito. Maraming taong nakadungaw sa bintana ang nakakita sa nangyari, at ilang kabataang lalaki ang lakas-loob na bumaba mula sa kanilang mga bahay para iligtas kami. Isinugod ako sa ospital, at gusto nila akong salinan agad ng dugo. Ipinaliwanag ko sa doktor na hindi kaya ng budhi ko na magpasalin. Pinilit pa rin nila akong magpasalin; pero determinado ako, at handa na sa anumang puwedeng mangyari. Gayunman, inoperahan nila ako sa loob ng dalawa’t kalahating oras, at nakayanan ko ang operasyon kahit hindi ako sinalinan ng dugo.

Kailangan ko pang magpahinga sa bahay pagkatapos ng operasyon para tuluyan akong gumaling, pero mahirap mangyari ito dahil sa digmaan. Kaya ipinasiya naming dalawin ang aming pamilya sa Austria. Subalit ang tanging daanan palabas ng Sarajevo ay ang tunel na nasa ilalim ng paliparan. Ang tunel na ito ay may habang 900 metro at may taas na 4 na piye. Kilik ng asawa ko ang bata, at ako naman ang may dala ng bagahe. Pero dahil sa bagong opera ako, kailangan pa niya akong tulungan.

Hindi namin mailarawan ang saya na nadama namin dahil sa bakasyon namin sa Austria. Gayunman, nang umalis kami sa Sarajevo, nangako kami sa aming mga kapatid at sa aming Maylalang na babalik kami roon. Napakahirap para sa amin na iwan ang aming pamilya sa Austria, lalo na ang aking ina. Pero ipinaliwanag namin sa kanila na nangako kami sa Diyos na babalik kami sa Sarajevo kung tutulungan niya kaming makalabas ng lunsod na iyon para makapagbakasyon nang sandali. Paano namin sasabihin ngayon sa Diyos: “Salamat po at tinulungan ninyo kaming makarating dito. Talagang masaya po kami rito, at gusto na po naming dito tumira”? Isa pa, kailangan kami ng mga kapatid sa Sarajevo. Sa lahat ng ito, sinuportahan ako ng aking asawa na si Amra.

Kaya noong Disyembre 1994, bumalik kami sa tunel. Sa pagkakataong ito, dadaan naman kami rito papasok ng Sarajevo. Nang makita kami ng mga tao, tinanong nila kami: “Ano ang ginagawa n’yo? Gusto ng lahat na makalabas ng lunsod, samantalang kayo, gusto ninyong bumalik?” Hindi ko mailarawan ang saya namin nang magkita-kita kaming muli ng mga kapatid sa Kingdom Hall sa Sarajevo. Hindi namin pinagsisisihan ang aming pagbalik.

[Kahon sa pahina 210]

Mga Isla ng Croatia

Ang baybayin ng Croatia ay may habang 1,778 kilometro. Matatagpuan di-kalayuan sa baybaying ito ang mahigit 1,000 isla. Humigit-kumulang 50 sa mga islang ito ay pinaninirahan ng mga tao. Iba-iba ang laki ng mga islang ito, mula sa halos 1 kilometro kuwadrado hanggang sa 400 kilometro kuwadrado.

Ang mga tagaisla ay pangunahin nang nangingisda, nag-aalaga ng mga punong olibo, ng mga ubasan, at ng kanilang mga hardin. Napakagandang lugar para sa pagsisid ang Kornati National Park, isang kapuluan na binubuo ng 140 isla at bahura. Maninisid naman ng mga korales at espongha ang mga tagaisla ng Krapanj at Zlarin. Ang produkto ng mga tagaisla ng Hvar ay pulot-pukyutan at langis ng halamang lavander at rosemary. Ang mga residente naman sa isla ng Pag ay gumagawa ng mamahaling keso mula sa gatas ng mga tupa na nanginginain ng yerba at maalat na damo sa tigang na islang iyon.

Nagsisikap na mabuti ang mga Saksi ni Jehova na mapangaralan ang mga naninirahan sa mga islang ito. Ang iba ay tumatawid lamang sa mga tulay upang marating ang ilang isla, samantalang ang iba naman ay kailangan pang sumakay ng ferry. Naliligayahan ang mga grupo ng mga Saksi na mag-organisa ng mga espesyal na kampanya para mangaral nang ilang araw sa isang isla. Gayunman, isang hamon ang pakikipag-usap sa mga tagaisla dahil mayroon silang naiibang diyalekto na mahirap maintindihan ng mga nakatira sa pangunahing bahagi ng Croatia.

Nakatutuwa naman at tumutugon ang mga tagaisla sa mabuting balita. Ang isla ng Korčula ay may isang kongregasyon na binubuo ng 52 mamamahayag. Dahil mahirap marating ang kongregasyong ito, isang hamon sa mga tagapagsalita na pumunta rito para magbigay ng pahayag pangmadla. Pero malaking tulong sa kongregasyon ang kanilang mga pagsisikap para manatili itong kaisa ng ating pambuong-daigdig na Kristiyanong kapatiran.—1 Ped. 5:9.

[Kahon/Larawan sa pahina 224]

“Labing-isang Araw Bago Ako Dapat Makulong, Nagpakulong Na Ako”

PAVLINA BOGOEVSKA

ISINILANG 1938

NABAUTISMUHAN 1972

MAIKLING TALAMBUHAY Nagsimula siyang magpayunir noong 1975 at siya ang naging kauna-unahang special pioneer sa Macedonia noong 1977. Natulungan niya ang 80 tao na matuto ng katotohanan.

KAPAG nangangaral ako, madalas na isinusumbong ako ng mga tao sa pulis. Aarestuhin naman ako ng mga ito at dadalhin sa presinto. Pagdating doon, pagtatatanungin nila ako, at umaabot ito kung minsan nang ilang oras. Maraming beses na rin akong pinagmulta. Sa korte, inakusahan ako bilang isang kaaway ng Estado at na nagkakalat daw ako ng propagandang mula sa mga bansa sa Kanluran. May pagkakataon pa nga na sinentensiyahan akong mabilanggo nang 20 araw, at sa ibang pagkakataon naman ay 30 araw.

Nakaiskedyul ako noon na makulong nang 20 araw. Kaso, tatamaan nito ang iskedyul ng aming pandistritong kombensiyon. Dahil dito, nakiusap ako sa hukuman na sana ay ipagpaliban nila ang sentensiya ko, pero hindi ako pinagbigyan. Kaya 11 araw bago ako dapat makulong, nagpakulong na ako. Gulát na gulát ang mga opisyal ng bilangguan na makita ako roon. Hindi sila makapaniwala na may taong gustong mabilanggo agad. Kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na makapagpatotoo, at nangako sila na gagawin nila ang lahat para maprotektahan ako. Pagkalipas ng 11 araw, pumunta sa bilangguan ang isang pulis para tingnan kung naroroon na ako. Manghang-mangha siya nang sabihin sa kaniya ng mga opisyal ng bilangguan na 11 araw na akong nakakulong! Gaya ng inaasahan ko, nakadalo ako ng kombensiyon.

[Kahon/Larawan sa pahina 232]

‘Ibinigay Nila ang Pinakamainam na Mayroon Sila’

ŠANDOR PALFI

ISINILANG 1933

NABAUTISMUHAN 1964

MAIKLING TALAMBUHAY Natutuhan ng kaniyang mga magulang ang katotohanan, di-nagtagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, sa isang kampo na itinayo ng mga Partisan. Naglingkod siya noon bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa dulo ng sanlinggo at miyembro na ngayon ng Komite ng Bansa sa Serbia.

SA LOOB ng maikling panahon, ikinulong ako at ang aking pamilya sa isang kampo na itinayo ng mga Partisan, dahil kami ay lahing Hungaryo. Pero isa pala itong pagpapala dahil doon natuto ng katotohanan ang aking mga magulang. Bilang isang tin-edyer, hindi ako masyadong interesado na mag-aral ng Bibliya. Subalit malaki ang naitulong sa akin ni Brother Franz Brand, na tumuloy sa bahay namin nang ilang taon. Hinilingan niya akong isalin ang isang publikasyong Hungaryo sa wikang Serbiano. Akala ko noong una, naging matulungin lang ako nang pumayag akong gawin ito. Pero di-nagtagal, nalaman ko na hindi naman pala ito talaga kailangang isalin; gusto lang niyang matiyak na nababasa ko ang publikasyon. Epektibo ang pamamaraan niya, at nang maglaon, noong 1964, nabautismuhan ako.

Isa sa mga bagay na talagang nagpasaya sa akin ay ang paglilingkod ko noon bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Hindi ito laging madali dahil mahirap lamang ang mga kapatid. Maraming pagkakataon na kasama kong natutulog sa isang kuwarto ang buong pamilya. Pero sulit naman ang lahat ng sakripisyo. Nakakatuwang makita ang mga kapatid, na sabik na sabik sa pagdating ng dalaw. Handa nilang gawin ang kanilang buong makakaya para maibigay ang pinakamainam na mayroon sila. Sino ba naman ang hindi magpapasalamat doon?

[Kahon/Larawan sa pahina 236, 237]

“Saan Ko Sila Makikita?”

AGRON BASHOTA

ISINILANG 1973

NABAUTISMUHAN 2002

MAIKLING TALAMBUHAY Isa siyang sundalo noon sa Kosovo Liberation Army, at naglilingkod ngayon bilang isang regular pioneer at ministeryal na lingkod.

NANG makita ko ang lahat ng kahindik-hindik na mga pangyayari sa digmaan, pati na ang pagpaslang sa maliliit na bata, naisip ko na walang Diyos. ‘Kasi kung mayroon,’ ang sabi ko sa sarili ko, ‘bakit wala siyang pakialam sa lahat ng pagdurusa ng mga tao?’ Mas lalo pa akong nawalan ng pananampalataya sa Diyos nang makita ko kung paano sinuportahan ng mga relihiyosong lider na Muslim ang digmaan laban sa mga Serbiano. Bago ang digmaan, isa akong Muslim. Pero sa pagtatapos nito, isa na akong ateista at sumali ako sa Kosovo Liberation Army. Bagaman sandali lang ako roon, marami ang gumalang sa akin, at dahil sa aking posisyon, nagkaroon ako ng awtoridad at kapangyarihan. Naging malupit ako at mayabang dahil nasusunod ang lahat ng gusto ko.

Nakalulungkot, ganito rin ang naging pakikitungo ko sa aking asawang si Merita. Inisip ko na dapat niyang gawin ang lahat ng iniuutos ko sa kaniya. Noong panahon ng digmaan, may nakakausap na mga Saksi ang asawa ko at mayroon siya ng ilan sa kanilang mga literatura. Isang gabi bago siya matulog, sinabi niya: “Basahin mo ’yan. Tungkol ’yan sa Diyos.” Nagalit ako kasi iniisip niyang matuturuan niya ako tungkol sa Diyos. Para hindi na kami magtalo pa, natulog na si Merita.

Dahil mag-isa na lang ako, binasa ko ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Sumunod ay binasa ko naman ang buklet na The Time for True Submission to God. Palibhasa’y pamilyar ako sa turo ng mga Muslim, nagulat ako na sumipi ito mula sa Koran. Pagkatapos nito, binasa ko ang ilang magasing Bantayan at Gumising! Kahit gabing-gabi na, ginising ko ang aking asawa at tinanong siya: “Kanino mo nakuha ang mga ito? Saan ko sila makikita?”

Talagang naantig ako sa mga nabasa ko, pero duda ang asawa ko sa akin at natatakot siya na baka kung ano ang gawin ko. Gayunpaman, tinawagan pa rin namin ang isang Saksi noong gabing iyon, at nalaman namin kung saan at kailan gaganapin ang kanilang pulong. Kinaumagahan, dumalo kami sa pulong. Hangang-hanga ako sa mga kapatid dahil napakabait at napakapalakaibigan nila! Hindi ko akalain na mayroon palang ganitong mga tao sa mundo. Talagang ibang-iba sila. Habang nagpupulong, may gusto akong itanong at hindi ako makapaghintay na malaman ang sagot. Nagtaas pa nga ako ng kamay para maitanong ito. Medyo kinabahan ang mga elder dahil wala silang ideya kung ano ang itatanong ko. Nakahinga sila nang maluwag nang malaman nilang gusto ko lamang palang itanong kung paano maging isang Saksi ni Jehova!

Nagsimula akong mag-aral ng Bibliya nang araw ding iyon. Marami akong gustong baguhin sa aking personalidad, pero hindi ito madali. Gusto kong huminto sa paninigarilyo, at sa tingin ko ay kailangan ko nang tigilan ang pakikipag-ugnayan sa dati kong mga kaibigan. Sa tulong ng panalangin at regular na pagdalo sa mga pulong, iniwan ko ang dati kong buhay at nagbihis ako ng bagong personalidad. Napakalaking pagbabago ang nagawa ng katotohanan sa aking buhay at sa buhay ng aking pamilya! Naglilingkod kami ngayon ng aking asawa bilang mga regular pioneer, at noong 2006, naatasan ako bilang isang ministeryal na lingkod. Matutulungan ko na ngayon ang iba na maunawaan kung bakit nagdurusa ang mga tao at kung paano lulutasin ni Jehova sa malapit na hinaharap ang lahat ng problema natin.

[Kahon/Larawan sa pahina 249, 250]

“Para Bang Binulag Sila ni Jehova”

JANEZ NOVAK

ISINILANG 1964

NABAUTISMUHAN 1983

MAIKLING TALAMBUHAY Tatlong taon siyang nabilanggo dahil sa kaniyang pananampalataya at isa na siya ngayong miyembro ng Komite ng Sangay sa Slovenia.

NOONG Disyembre 1984, paulit-ulit akong ipinatawag ng mga opisyal ng militar para magsundalo. Naglagay sila sa pinto namin ng sulat na nagsasabing dapat akong magreport sa kanila, dahil kung hindi, dadamputin ako ng mga pulis-militar. Kaya nagpunta ako sa kanilang baraks para magpaliwanag. Pero hindi ko sila nakumbinsi, at ginawa nila ang lahat para pilitin akong magsundalo. Kinalbo nila ako, hinubaran, at binigyan ng uniporme ng sundalo. Nang hindi ko ito tinanggap, pilit nila itong isinuot sa akin. Pagkatapos, binigyan nila ako ng ballpen at pinilit na pumirma para magsundalo. Pero tumanggi ako.

Tumanggi rin akong sumali sa mga ehersisyo na ginagawa tuwing umaga at hindi ako sumasaludo sa bandila. Nang dinala ako ng apat na sundalo sa damuhan at inutusang mag-ehersisyo, hindi ko man lamang iginalaw ang aking mga kamay. Ilang ulit nilang pilit na itinataas ang mga kamay ko hanggang sa napag-isip-isip nilang nakakahiya na ang ginagawa nila. Tinutukan nila ako ng baril at sinabing papatayin ako. Kung minsan, para mapasunod lang ako, binibigyan nila ako ng kape at keyk.

Naiyak na nga ang ilang sundalo dahil ayaw ko pa ring sumunod. Galít na galít naman ang iba nang hindi ko dinuraan ang litrato ni Marshal Tito na inilagay nila sa harap ko. Pagkalipas ng ilang araw, sinubukan nila na pahawakin ako ng armas, pero tumanggi uli ako. Para sa kanila, isa itong mabigat na kasalanan. Kaya isang buwan nila akong ikinulong sa baraks. Pagkatapos, ilang linggo naman akong ibinilanggo sa Zagreb, Croatia, habang naghihintay ng hatol. Magdamag na nakabukas ang isang pulang ilaw sa selda, at nakakapunta lang ako sa palikuran kapag hindi mainit ang ulo ng bantay.

Nang dakong huli, sinentensiyahan akong mabilanggo nang tatlong taon sa isla ng Goli Otok na nasa Dagat Adriatico. Doon nila dinadala ang pusakal na mga kriminal, at balitang-balita na madalas magrambol ang mga preso roon. Pero kakatwang isipin na nakaposas akong dinala roon samantalang ayaw ko ngang sumali sa labanan. Nakilala ko roon ang apat na Saksi na nabilanggo dahil sa pagiging neutral.

Hindi kami puwedeng magpasok ng Bibliya o anumang literatura, pero mayroon nang isang Bibliya roon. Pinadalhan ako ng pamilya ko ng isang kahon na may nakatagong Ang Bantayan sa ilalim nito. Hindi nadiskubre ng mga guwardiya ang mga literatura namin at wala silang kamalay-malay na nagdaraos kami ng mga Kristiyanong pagpupulong. Kung minsan, dumarating ang mga guwardiya nang hindi pa namin naitatago ang mga literatura. Pero para bang binulag sila ni Jehova dahil hindi man lamang nila ito napansin.

Pagkatapos ng isang taon, inilipat ako sa Slovenia para tapusin ang sentensiya ko. Habang nakabilanggo pa ako, pinakasalan ko si Rahela. Nang sa wakas ay mapalaya ako, nagpayunir ako kasama ang aking asawa, at mula noong 1993, naatasan kaming maglingkod sa Bethel sa Slovenia.

[Chart/Graph sa pahina 244, 245]

TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI—Mga Lupain ng Dating Yugoslavia

Dekada ng 1920 Isang maliit na grupo sa Maribor, Slovenia, ang nagdaos ng mga pulong para talakayin ang Bibliya.

Dekada ng 1930 Nagpadala sa Yugoslavia ng mga payunir na nagsasalita ng wikang Aleman.

1935 Nagkaroon ng tanggapang pansangay sa Belgrade, Serbia, para mapangasiwaan ang gawain doon.

1940

1941 Sumalakay ang hukbong Aleman, at nagkaroon ng matinding pag-uusig.

1950

1953 Legal nang kinilala ang mga Saksi ni Jehova, pero ipinagbabawal ang pagbabahay-bahay.

1960

1969 Idinaos ang isang internasyonal na asamblea sa istadyum na ito sa Nuremberg, Alemanya.

1970

1990

1991 Idinaos ang unang internasyonal na kombensiyon sa Zagreb, Croatia. Dumating ang unang mga misyonero na sinanay sa Gilead. Nagkaroon ng tanggapan sa Slovenia sa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa Austria. Sumiklab ang digmaan.

1993 Nairehistro ang mga Saksi ni Jehova sa Macedonia.

1994 Nagkaroon ng Hospital Liaison Committee sa Slovenia.

2000

2003 Legal nang kinilala ang mga Saksi ni Jehova sa Croatia. Inialay ang bagong Bethel sa Macedonia.

2004 Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Sloveniano.

2006 Inialay ang bagong sangay sa Slovenia. Inilabas ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Croatiano, Serbiano, at Macedoniano. Nakabuo ng isang grupo na nagsasalita ng wikang Tsino sa Belgrade, Serbia.

2007 Iniharap sa unang pagkakataon sa Macedonia ang espesyal na pahayag sa wikang Romany. Inilabas ang unang publikasyon sa wikang Romany.

2010

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Bilang ng mga Mamamahayag

Bilang ng mga Payunir

14,000

10,500

7,000

3,500

1940 1950 1960 1970 1990 2000 2010

[Mga mapa sa pahina 147]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

CZECH REPUBLIC

AUSTRIA

VIENNA

SLOVAKIA

BRATISLAVA

HUNGARY

BUDAPEST

ROMANIA

BULGARIA

GRESYA

ALBANIA

TIRANË

DAGAT IONIANO

ITALYA

DAGAT ADRIATICO

DATING YUGOSLAVIA

SLAVONIA

LJUBLJANA

Maribor

Kamnik

CROATIA

ZAGREB

SLOVENIA

Osijek

Vukovar

Vinkovci

Privlaka

Jasenovac

Šibenik

Split

BAYBAYIN NG DALMACIA

Goli Otok

Pag

Kornat

Zlarin

Krapanj

Hvar

Korčula

BOSNIA AT HERZEGOVINA

SARAJEVO

Bihać

Banja Luka

Tuzla

Travnik

Zenica

Vareš

Mostar

SERBIA

BELGRADE

VOJVODINA

Bor

MONTENEGRO

PODGORICA

Nikšić

Herceg Novi

Tara

Lawa ng Scutari

KOSOVO

Peć

Priština

MACEDONIA

SKOPJE

Tetovo

Kočani

Štip

Kičevo

Strumica

Resen

Pansinin: Iniulat ng United Nations na “idineklara ng Kosovo ang kasarinlan nito mula sa Serbia noong Pebrero [2008].” Para malutas ang di-pagkakasundo hinggil sa pulitikal na estado ng Kosovo, humihiling ang Pangkalahatang Kapulungan ng UN ng “mungkahi mula sa Internasyonal na Hukuman ng Katarungan.”

[Buong-pahinang larawan sa pahina 142]

[Larawan sa pahina 145]

Franz Brand

[Larawan sa pahina 146]

Si Rudolf Kalle, at ang isa sa kaniyang mga makinilya

[Larawan sa pahina 149]

Trak na inaarkila para makapangaral sa Slovenia

[Larawan sa pahina 154]

Napaharap ang mga unang payunir sa maraming hamon

[Larawan sa pahina 157]

Sina Alfred at Frida Tuček at ang kanilang mga bisikleta

[Larawan sa pahina 158]

Si Rudolf Kalle sa harap ng Bethel sa Belgrade, Serbia

[Larawan sa pahina 168]

Si Franc Drozg, at isang kopya ng kaniyang liham

[Larawan sa pahina 180]

Kanan: Ang kuwadra na ginawang Kingdom Hall sa Ljubljana, Slovenia

[Larawan sa pahina 180]

Ibaba: Isa sa pinakaunang Kingdom Hall sa Zagreb, Croatia

[Larawan sa pahina 182]

Stojan Bogatinov

[Mga larawan sa pahina 184, 185]

Larawan sa likuran: 1969 “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea sa Nuremberg, Alemanya; kaliwa: tren na sinakyan ng mga delegado mula sa Yugoslavia; kanan: Nathan Knorr

[Larawan sa pahina 188]

Ðuro Landić

[Larawan sa pahina 192]

Si Milton Henschel habang nagpapahayag, at ang bautismo sa 1991 “Mga Umiibig sa Maka-Diyos na Kalayaan” na Internasyonal na Kombensiyon sa Zagreb, Croatia

[Larawan sa pahina 197]

Si Ljiljana, kasama ang kaniyang mga anak na babae

[Mga larawan sa pahina 199]

Inihatid ng mga trak ang mga panustos na tulong mula sa Austria

[Larawan sa pahina 200]

Pamilya Ðorem noong 1991

[Larawan sa pahina 204]

Bautismo sa malaking banyera ng isda, sa Zenica noong 1994

[Mga larawan sa pahina 209]

Mga panustos na tulong na nakaimbak noon sa Zagreb, Croatia

[Larawan sa pahina 215]

Sina Elke at Heinz Polach

[Mga larawan sa pahina 216]

Komite ng Sangay sa Croatia, at ang tanggapang pansangay

[Larawan sa pahina 228]

Pagdadala sa Bosnia ng mga panustos na tulong

[Mga larawan sa pahina 233]

Komite ng Bansa sa Serbia, at Bethel sa Belgrade

[Larawan sa pahina 235]

Saliu Abazi

[Mga larawan sa pahina 243]

Pangangaral sa Podgorica; Kingdom Hall sa Podgorica

[Larawan sa pahina 247

Lumang bayan ng Piran, Slovenia

[Larawan sa pahina 251]

Dating tanggapang pansangay sa Ljubljana, Slovenia, noong 2002

[Larawan sa pahina 253]

Tanggapang pansangay sa Kamnik, Slovenia, noong 2006

[Larawan sa pahina 254]

Komite ng Sangay sa Slovenia