Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

APRIKA

LUPAIN 57

POPULASYON 848,582,269

MAMAMAHAYAG 1,122,493

PAG-AARAL SA BIBLIYA 2,202,217

Rwanda

Isang siyam-na-taóng gulang na batang babae na pauwi na mula sa paaralan ang nakapulot ng isang maliit na bag na maraming lamang pera. Gusto ng kaniyang pamilya, na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi, na ikapit ang kanilang natutuhan sa Bibliya. Kaya hinanap nila ang may-ari at ibinalik ang pera. Tinanong ng may-ari ang batang babae, “Kung bibigyan kita ng pera dahil sa katapatan mo, ano ang gagawin mo?”

“Bibili po ako ng Bibliya,” ang sagot ng batang babae.

Hindi makapaniwala ang lalaki, kaya sinabi niya, “Akala ko bibili ka ng damit o sapatos, lumang-luma na kasi ang suot mo.” Pero sinabi pa rin ng batang babae na mas gusto niyang magkaroon ng Bibliya. Gustong malaman ng lalaki kung bakit isinauli ng pamilya ang pera. Nang malaman niyang nakikipag-aral sila ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, bumili siya ng dalawang Bibliya, isa para sa batang babae at isa para sa kaniyang sariling pamilya. Hiniling din niyang dumalaw ang mga Saksi sa kaniyang pamilya para turuan sila ng Bibliya. Parehong sumusulong sa espirituwal ang dalawang pamilyang ito.

Republika ng Sentral Aprika

Sa tulong ni Jehova, napagtagumpayan ni Theodora ang kaniyang labis na pagkamahiyain. Pinalaki siya sa Kristiyanong pamilya, pero bihira siyang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall dahil mahiyain siya. Kapag dumadalo siya, nauupo siyang mag-isa, hindi nakikipag-usap kaninuman at nagmamadali sa pag-alis pagkatapos ng pansarang awit at panalangin. Bandang huli, regular na siyang dumadalo sa mga pulong pero madalang siyang makipagkamay sa mga bumabati sa kaniya. Nang maglaon, sumasagot na siya sa mga pulong at siya na ang kusang lumalapit sa iba para batiin sila. Malaking hamon sa kaniya ang pangangaral. Nang tuyain siya ng mga kapitbahay niyang babae, gusto nang huminto ni Theodora sa pangangaral, pero idinalangin niya ito kay Jehova at hiniling na bigyan siya ng lakas. Bautisado na siya ngayon, nag-o-auxiliary pioneer at nagbibigay ng mahuhusay na komento sa mga pulong. Apat ang tinuturuan niya sa Bibliya, at isa rito ay ang kapitbahay na dating tumutuya sa kaniya.

Madagascar

Isang tagapangasiwa ng sirkito kasama ng kaniyang asawa ang naglalakbay noon patungo sa isang kongregasyon sa kabukiran. Sa daan, may nasalubong silang mga magnanakaw ng baka na may dalang mga palakol at sibat. Nanalangin nang tahimik ang asawa ng tagapangasiwa ng sirkito para humingi ng lakas ng loob, saka niya sila inalukan ng tract na Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan. Sinabi niya: “Nabubuhay tayo ngayon sa takot. Pero malapit nang puksain ng Diyos ang masasama at itatatag na Niya ang isang mapayapang bagong sanlibutan.” Taimtim na nakinig ang isa sa mga lalaki at tinanggap ang tract.

Sa isang asamblea makalipas ang isang taon, may lalaking lumapit sa asawa ng tagapangasiwa ng sirkito at nagtanong kung natatandaan pa siya nito. Sinabi ng lalaki na isa siya sa mga magnanakaw na nakasalubong nila sa maputik na daan at na siya ang tumanggap sa ibinigay niyang tract. Saka siya nagpaliwanag: “Katatapos lang po naming magnakaw noon nang makasalubong namin kayo. Pinag-isip po ninyo ako sa sinabi ninyo. Sinabi ko sa sarili ko: ‘Hindi kami takót sa mga pulis at sundalo dahil kaya namin silang takasan. Pero paano ako makatatakas sa Diyos kung lilipulin niya ang masasama?’ Kaya ipinasiya kong magtanung-tanong. Pag-uwi ng bahay, pinuntahan ko po ang kapitbahay namin na nakikipag-aral ng Bibliya sa isang special pioneer. Pumayag akong makipag-aral din sa kaniya ng Bibliya, at ngayon ay mababautismuhan na po ako sa asambleang ito.”

Mozambique

Si Madalena, na mahigit lamang 30 taóng gulang, ay naparalisa mula baywang pababa dahil sa aksidente sa sasakyan noong 1992. Bihira na siyang makaalis ng bahay mula noon. Makalipas ang tatlong taon, may mga Saksing nakipag-usap sa kaniyang tatay sa labas ng kanilang bahay. Ang kaniyang tatay ay lider ng isang tradisyonal na relihiyon na nagtitipon sa kanilang bakuran. Narinig ni Madalena ang kanilang pag-uusap at ang pagtatanong ng mga brother tungkol sa kaniya, kaya pinapasok niya sila sa bahay. Naantig siya nang husto dahil sa kanilang taimtim na interes sa kaniya! Tinanggap niya ang pag-aaral sa Bibliya at tuwang-tuwa siya sa kaniyang mga natututuhan. Dahil nakita ng mga Saksi ang kaniyang sigasig, tinulungan nila siya sa maraming praktikal na paraan, pati na sa pagdalo sa mga pulong. Dahil dito, nabautismuhan si Madalena noong 2002 bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova.

Hangang-hanga ang mga magulang ni Madalena sa pag-aasikaso ng mga Saksi sa kanilang anak. Nagsimulang dumalo sa mga pulong ang kaniyang nanay at iniwan ang relihiyon ng kaniyang asawa. Noong una, sinabi ng tatay ni Madalena na hinding-hindi niya iiwan ang kaniyang relihiyon, pero nang maglaon, dumadalo na rin siya sa mga pulong. Pinipigilan siya ng kaniyang mga parokyano—aba, siya ang kanilang lider! Sa kabila nito, nanindigan siya at sinunog ang lahat ng mga bagay na ginagamit niya sa kanilang relihiyon. Noong 2007, nabautismuhan silang mag-asawa. Mahusay ang espirituwal na pagsulong ng pamilyang ito.

Zimbabwe

Sa edad na siyam na taon, nangangaral na si Decibel sa kaniyang mga kaeskuwela at mga guro. Isang araw, napansin niyang lungkot na lungkot ang kaniyang guro, kaya lumapit siya para itanong kung bakit. Sinabi ng guro na namatayan siya ng pamangkin. Ipinangako ni Decibel na dadalhan niya ang kaniyang guro ng isang bagay na magpapasaya sa kaniya. Humingi siya sa kaniyang nanay at tatay ng brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal at dinala niya ito kinabukasan. Binasa ng guro ang ilang parapo mula sa brosyur at napaiyak siya sa tuwa. Nang maglaon, sumulat siya ng maikling liham sa mga magulang ni Decibel para pasalamatan sila sa pagsasanay nila sa kanilang anak at sa kaaliwang ibinigay ni Decibel noong nagdadalamhati siya.

Ghana

Itinuro kay Abigail, nakikipisan sa kaniyang lolo at lolang Presbiteryano sa gawing timog ng Ghana, na ang mga Saksi ni Jehova ay mga bulaang propeta. Nang malaman niyang nakikipag-aral sa mga Saksi ang kaniyang mga magulang na nakatira sa ibang bahagi ng bansa, alalang-alala siya kaya sinulatan niya ang kaniyang mga magulang para kumbinsihin silang itigil ang kanilang pag-aaral. Hindi pa rin huminto ang kaniyang mga magulang kaya nagbiyahe siya nang mahigit 1,000 kilometro para makipagkita sa kanila. Nagulat si Abigail nang malaman niya mula sa kaniyang sariling Bibliya na ang impiyerno ay hindi naman pala isang lugar kung saan pinahihirapan ang masasama. Nakipag-aral siya ng Bibliya, dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall kasama ng kaniyang mga magulang, at nang maglaon ay naging isang di-bautisadong mamamahayag. Nabautismuhan si Abigail sa isang pansirkitong asamblea kamakailan.

MGA LUPAIN SA AMERIKA

LUPAIN 55

POPULASYON 898,130,531

MAMAMAHAYAG 3,449,038

PAG-AARAL SA BIBLIYA 3,548,101

Dominica

Sa islang ito, maraming kababaihan ang naglalaba ng kanilang mga damit sa tabing-ilog at pinatutuyo ang mga ito sa batuhan. Napansin ng isa sa mga babae ang isang pamilyar na bagay na palutang-lutang malapit sa lugar na pinaglalabhan niya. Nakilala niya na iyon ang publikasyong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa pagtuturo sa kaniya linggu-linggo. Ibinilad niya ito sa batuhan, saka ipinagpatuloy ang paglalaba.

Bandang hapon, nang kunin niya ang tuyong mga damit, nakalimutan niya ang aklat. Pero may ilang kalalakihang galing sa pangingisda sa dagat na nakakita sa dilaw na aklat, at iniuwi ito ng isa sa kanila. Nagustuhan ng lalaki ang pamagat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? kaya binasa niya ito. Nang maglaon, nakausap siya ng dalawang sister na payunir samantalang nangangaral ang mga ito sa kanilang nayon. Ipinaliwanag sa kanila ng lalaki na 144,000 lamang ang pupunta sa langit at na ang Kaharian ng Diyos ay itinatag noong 1914. Sinabi rin niya na malapit nang maging paraiso ang lupa. Nang tanungin siya ng mga sister kung paano niya nalaman ang mga ito, ipinaliwanag ng lalaki kung paano niya nakita ang aklat, at sinabi pa niyang araw-araw niya itong binabasa. Ipinakita niya ang aklat sa kanila—tuyo na pero mukhang mas makapal.

Natiyak ng isa sa mga payunir na iyon ang aklat na nakuha ng kaniyang estudyante sa Bibliya mula sa ilog. Nakipag-aral ng Bibliya ang mangingisda. Pinananabikan niya ang kanilang pag-aaral linggu-linggo at mahusay ang kaniyang pagsulong.

Bolivia

Mahirap ang pangangaral sa rehiyon ng Amazon sa Bolivia, pero kasiya-siya naman. Isang grupo ng sampung payunir na brother at sister—na nagsiksikan sa maliit na bangkang de-motor na may kargang mga tolda, kaldero, at maraming kahon ng literatura sa Bibliya—ang naglakbay nang mga 800 kilometro sa Ilog Beni mula Rurrenabaque hanggang Riberalta. Dumalaw sila sa mahigit 70 liblib na komunidad at nakapagpasakamay sila ng mahigit 800 aklat pati na mga brosyur at tract. Nagtanghal sila ng mga 700 pag-aaral sa Bibliya sa interesadong mga tao at dumalaw silang muli sa mahigit 200 sa mga ito para idaos ang mga pag-aaral. Kapag paalis na ang mga Saksi sa mga nayong pinupuntahan nila, karaniwang sinasabi ng mga tao, “Puwede bang huwag muna kayong umalis para maturuan n’yo pa kami?” Sa isang maliit na bayan, talagang mapilit ang isang lalaki at lungkot na lungkot siya sa pag-alis ng mga Saksi dahil gusto pa niyang makipag-aral. Sinabi niya: “Mahalaga ang sinimulan ninyo, kaya tapusin ninyo.”

Canada

Matagal nang nagtatrabaho si Normand sa isang pabrika ng metal sa Montreal. Tuwing breaktime, binabasa niya sa kapitirya ang buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw. Nakikita siya ng kaniyang mga katrabaho samantalang binabasa niya ito, at pumayag ang ilan sa kanila na sumama sa kaniya sa pagtalakay sa pang-araw-araw na teksto. Sa panahon ng maiikling talakayang ito, sinisikap ni Normand na ipaliwanag kung paano magagamit ang pinag-aaralan nila sa buhay pampamilya at sa pakikitungo sa ibang tao. Isa sa mga manedyer ang dumalo rin sa talakayang ito at nang maglaon ay ipinatawag nito si Normand sa kaniyang opisina para bigyan ng komendasyon dahil maganda raw ang magiging epekto ng mga talakayang ito sa buhay ng mga trabahador at sa ugnayan nila sa isa’t isa.

Nang umabot na sa mahigit 30 ang dumadalo sa talakayang ito, hiniling ng mga amo ni Normand na mag-organisa siya ng maliliit na grupo sa iba’t ibang lokasyon sa pabrika. Ganito ang sabi niya: “Sa kasalukuyan, araw-araw kong idinaraos sa tatlong grupo ang pagtalakay sa teksto, na tinatawag ng aking mga katrabaho na paalaala sa araw-araw. Gustung-gusto nila ang mga talakayang ito kaya kapag wala ako, isa sa kanila ang humahalili sa akin. Pagbalik ko, itinatanong nila ang mga bagay na hindi nila naintindihan.” Limang taon nang natutulungan ni Normand ang kaniyang mga katrabaho na pag-isipan ang isang teksto sa Bibliya araw-araw. Dahil dito, ang ilan sa kaniyang mga katrabaho pati na ang mga kapamilya ng mga ito, mahigit 40 lahat-lahat, ay tumanggap ng katotohanan.

Barbados

Gusto ni Sister Barker, 89 na taóng gulang, na makapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Dahil sa mahinang pangangatawan, hindi na siya makapagbahay-bahay, kaya sinubukan niyang magpatotoo sa telepono—pero hindi siya naging matagumpay. Napatibay siya ng isang bahagi sa pulong tungkol sa panalangin, kaya nagsumamo siya kay Jehova na tulungan siyang makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya. Makalipas ang ilang araw, dala ang kaniyang Bibliya at mga magasin, tumayo siya sa harapan ng kaniyang bahay para magpatotoo sa sinumang daraan, kahit na konti lang ang dumaraan sa kanilang kalye. Inalukan niya ng magasin ang isang lalaking pauwi na galing sa trabaho. Makalipas ang isang linggo, samantalang nasa harapan muli ng kaniyang bahay, nakausap na naman niya ang lalaking iyon. Yamang nagpakita ng interes ang lalaking ito sa mga magasing naipasakamay sa kaniya, inalukan siya ng sister ng aklat na Itinuturo ng Bibliya at ng pag-aaral sa Bibliya. Tuwang-tuwa ang sister nang tanggapin nito ang alok. Nagsimula silang mag-aral ng Bibliya bandang katapusan ng Marso 2008. Nang maglaon, nalaman ng sister na hindi naman pala kalayuan ang bahay ng lalaki. Makalipas ang ilang linggo, dumalo na ang lalaking ito sa mga pulong. Ganito ang sabi ng sister, “Alam kong sinasagot ni Jehova ang mga panalangin, pero hindi ko sukat akalaing sasagutin niya ito agad!”

Chile

Isang payunir na sister sa Santiago ang nakaiwan ng kaniyang polder ng magasin sa likurang upuan ng taksi pagbaba niya sa kabayanan na sakop ng kaniyang teritoryo. Bukod sa mga magasin, naroon din ang kaniyang kopya ng Ating Ministeryo sa Kaharian na may nakasulat na pangalan niya. Dahil dito at sa tulong ng iba pang mga Saksi na nakita niyang nangangaral sa lugar na iyon, nahanap ng drayber ang sister makalipas ang dalawang araw. Nang ibalik niya ang polder ng magasin sa payunir, ang kopya na lamang ng Ministeryo sa Kaharian ang laman nito. Wala na ang mga magasin. Humingi ng paumanhin ang drayber at ipinaliwanag na binuklat ng mga pasahero ang mga magasin at hiningi ang mga ito. Sa loob ng isang araw, naubos ang mga magasin nang walang nag-aalok sa mga ito!

Nicaragua

Si Ernesto, na dating kapitan ng espesyal na tropa ng hukbo, ay nakatira sa maliit na bayan malapit sa Baybayin ng Caribbean. Si Jairo naman ay isang special pioneer mula sa ibang bahagi ng bansa na nagtungo sa bayan nina Ernesto para mangaral. Samantalang nagbabahay-bahay, nakilala ni Jairo si Ernesto at inalukan niya ito ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Bagaman tumanggi ang dating sundalong ito, naging mapilit si Jairo, at bandang huli ay tinanggap na rin nito ang pag-aaral. Sa kanilang pag-uusap, sinabi ni Jairo na ang kaniyang tatay ay dating kumander ng hukbong lumalaban sa tropa ng gobyerno sa kalapit na lugar, pero namatay ito sa pakikipaglaban. Nagpatuloy si Ernesto sa kaniyang pakikipag-aral at sumulong siya, pero may itinatago siyang lihim sa nagtuturo sa kaniya ng Bibliya, na ipinagtapat din niya nang bandang huli. Lungkot na lungkot siya habang ipinaliliwanag niya kay Jairo na siya ang kapitan ng mga sundalong nakahuli nang buháy sa kaniyang tatay at na may pananagutan siya sa pagkamatay nito. Siyempre, nabigla si Jairo, pero alam niyang totoo ito dahil magkatugma ang nakakakilabot na mga pangyayaring binanggit ni Ernesto at ang mga kuwento ng mga kasamahan ng kaniyang tatay. Inakala ni Ernesto na mapuputol na ang pagkakaibigan nila. Pero hindi napoot si Jairo kay Ernesto, kundi patuloy niya itong tinuruan. Sumulong si Ernesto at nabautismuhan kasama ng kaniyang asawa. Magkaibigan pa rin sila ni Jairo hanggang ngayon.

Venezuela

Sa gawing kanluran ng bansa, ang mga kapatid sa bayan ng Machiques ay nangangaral sa bihirang mapuntahang teritoryo malapit sa hangganan ng Colombia kung saan nakatira ang mga katutubo. Lahat ay nakinig! Pumayag ang pinuno ng komunidad ng Yukpa na idaos sa kanilang lugar ang Memoryal sa kauna-unahang pagkakataon. Ipinahiram ng mga tagaroon at ng lokal na eskuwelahan ang kanilang mga upuan, at mahigit 200 ang dumalo. Pagkatapos ng pulong, magalang na sinabi ng pinuno ng komunidad: “Pinasasalamatan namin kayong mga Saksi ni Jehova. Sana hindi ito ang huling pagpunta ninyo rito. Katotohanan ang itinuturo ninyo, kaya malugod namin kayong tatanggapin!” Mahigit 50 katao na ngayon ang nag-aaral ng Bibliya sa kanilang tahanan linggu-linggo.

ASIA AT GITNANG SILANGAN

LUPAIN 47

POPULASYON 4,026,656,360

MAMAMAHAYAG 618,088

PAG-AARAL SA BIBLIYA 538,957

Taiwan

Sumulat ang isang sister: “Sabik na sabik akong makita ang kapatid ko sa ama, na hindi ko pa kailanman nakikita dahil napakalayo ng tirahan nilang mag-anak at napakahirap marating ang kanilang lugar. Siyempre, tuwang-tuwa ang tatay ko at ang buong pamilya namin nang mabalitaan naming sisikapin nilang dalawin kami. Walang Saksi sa lugar nila kaya naisip ko na sana’y tanggapin nila ang mabuting balita. Masayang-masaya ako nang magpakita ng interes sa Bibliya ang hipag ko at ang kanilang anak na babae! Pero paano ko sila matutulungang matuto nang higit pa tungkol sa mga layunin ni Jehova pag-uwi nila sa kanilang liblib na lugar? Nalaman kong may computer sila na nakakakonekta sa Internet. Kaya bumili kaming mag-asawa ng Webcam, at pag-uwi nila sa kanilang bahay, ipinagpatuloy namin ang aming pag-aaral ng Bibliya sa pamamagitan nito. Aba, mabisa pala ang ganitong paraan ng pag-aaral! Nakikita namin ang kanilang reaksiyon habang binabasa nila ang sarili nilang kopya ng Bibliya at aklat na pinag-aaralan. Nakakatulong ito para malaman ko kung ano ang kailangan kong gawin para matulungan sila. Mabuti na lamang at may ganitong teknolohiya na puwede naming gamitin para turuan tungkol sa Bibliya ang mga kamag-anak naming napakalayo ng tirahan.”

Nepal

Si Purnamaya, na 16 na taóng gulang, ay nakatira sa isang maliit na bayan sa Nepal. Nagpatotoo sa kaniya ang kaniyang tiyuhin, at sumang-ayon siyang mag-aral ng Bibliya. Regular na siya ngayong nakadadalo sa mga pulong linggu-linggo, kahit na dalawa’t kalahating oras ang biyahe sa bus papunta sa kongregasyon. Hindi ito madali para sa kaniya. May ketong ang kaniyang mga magulang kaya napakahirap ng buhay nila. Maaga pa lang, gumigising na si Purnamaya para magdurog ng bato na ginagawang graba upang masuportahan ang kanilang pamilya, saka niya ginagawa ang mga gawaing-bahay gaya ng pagluluto at paglalaba. Bukod diyan, pumapasok pa siya sa eskuwela. Ang pamasahe papunta sa mga pulong ay katumbas ng isang araw na kita ng isang karaniwang trabahador. Kung minsan, hinihimok siya ng kaniyang mga magulang na doon na lamang sa simbahan sa lugar nila magpunta. Pero alam ni Purnamaya na sa Kingdom Hall lamang siya matututo tungkol kay Jehova, kaya ginagawa niya ang lahat para makadalo. Kamakailan, ipinagbili pa nga niya ang relong regalo sa kaniya ng kaniyang lola para makadalo. Hindi lamang siya mahusay sa pagkokomento sa mga pulong, ibinabahagi rin niya sa mga tao sa lugar nila ang kaniyang mga natututuhan. Napapatibay niya ang lahat ng nakakakilala sa kaniya.

Malaysia

Noong panahon ng pananakop ng Britanya, libu-libong trabahador ang dinala sa Malaysia para magtrabaho sa mga plantasyon ng goma. Pinatira sila sa mga bahay sa mga nayon na nasa loob ng mga plantasyon, at marami sa mga nayong ito ang pinaninirahan pa rin. Karamihan sa mga ito ay mahirap puntahan at hindi makikita sa mapa. Samantalang nangangaral sa isang di-nakaatas na teritoryo, narating ng isang kongregasyon ang isang nayon sa plantasyon ng goma. Dalawang binatilyo, na nakakuha ng ilang magasin, ang interesadung-interesado sa pangangaral ng mga kapatid. Nilapitan nila ang mga kapatid at sinabing ituturo nila ang daan papunta sa iba pang mga nayon. Di-tulad ng mga kapatid, kabisadung-kabisado ng mga binatilyong ito ang teritoryo. Sumakay sila sa kanilang motorsiklo at sinundan sila ng mga kapatid sakay ng kanilang sasakyan papunta sa mga nayon sa mga plantasyon, anupat binabaybay ang kahabaan ng maputik at di-sementadong mga daan. Hanggang 45-minutong biyahe ang pagitan ng mga nayon. Sinamahan ng mga binatilyo ang mga kapatid papunta sa mga plantasyon na hindi pa kailanman napupuntahan ng mga Saksi. Samantalang nangangaral ang mga kapatid, kinukumbinsi naman ng dalawang binatilyo ang mga taganayon na kumuha ng mga magasin at basahin ang mga ito. Tatlong liblib na nayon ang narating ng mga kapatid dahil sa mga binatilyo. Malaki ang naitulong nila para mabigyan ng patotoo ang maraming taong hindi pa kailanman nakaririnig ng mabuting balita. Sa isang dulong sanlinggo lamang, mahigit 5,000 magasin ang naipasakamay ng 50 mamamahayag mula sa kongregasyong ito.

EUROPA

LUPAIN 47

POPULASYON 733,775,190

MAMAMAHAYAG 1,542,507

PAG-AARAL SA BIBLIYA 789,219

Russia

Si Tatyana ay may kanser sa utak. Pagkatapos sumailalim sa maselang operasyon mga ilang taon na ang lumipas, inilagay siya sa ward ng mga pasyenteng maliit na ang pag-asang gumaling. Pumunta roon ang isang paring Ortodokso para makapangumpisal ang mga pasyente bago sila mamatay. Napansin ni Tatyana na pilit bumangon ang isang babae para magbigay ng kaunting pera sa pari. Pagkaalis ng pari, tinanong ni Tatyana ang babae kung gumaan ba ang pakiramdam niya. “Hindi,” ang malungkot na sagot ng babae, “wala naman akong naintindihan sa sinabi niya.” Saka ibinahagi ni Tatyana ang mabuting balita tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli. Nagpasalamat ang babae kay Tatyana at nagsabi, “Ngayon, magaan na ang pakiramdam ko!” Nabalitaan ng manedyer ng klinika ang nangyari kaya sinabihan niya ang pari na huwag nang bumalik. Sa halip, inilipat si Tatyana sa ibang ward para makausap niya ang iba pa. Hiningi rin ng manedyer ang adres kung saan nagpupulong ang mga Saksi ni Jehova. Bago maospital, hiniling ni Tatyana kay Jehova na bigyan siya ng lakas para patuloy siyang makapangaral. Kumbinsido siya na sinagot ni Jehova ang kaniyang panalangin. Nang buwang iyon, nakapag-ulat siya ng mahigit 100 oras! Bagaman palala nang palala ang kaniyang kalagayan mula noon at hindi na siya makaalis ng bahay, dinadalaw pa rin siya ng mga napangaralan niya noong madalas siyang nasa ospital.

Georgia

Dalawang sister na pansamantalang naglilingkod bilang mga special pioneer ang inatasan sa isang lugar na walang nakatirang Saksi ni Jehova. Habang iniikot nila ang kanilang teritoryo, naligaw sila. Pagod na sila at giniginaw sa kanilang paglalakad sa niyebeng hanggang tuhod at sa paghahanap sa daang pauwi. Sa wakas, may napansin silang mga yapak papunta sa isang bahay kaya kumatok sila sa tarangkahan. Lumabas ang isang kabataang babae na si Khatuna, at laking pasasalamat nila dahil agad silang pinapasok sa bahay, kung saan hindi maginaw. Matapos malaman na ang dalawa ay mga Saksi ni Jehova, ipinaliwanag ni Khatuna na noong panahong naliligaw ang mga sister, siya at ang kaniyang pamilya ay sama-samang nananalangin sa Diyos na ituro sa kanila ang katotohanan. Makalipas ang ilang minuto, dumating ang dalawang payunir sa kanilang bahay. Sinabi ni Khatuna na tiyak na ito na ang sagot sa kanilang panalangin! Sa ngayon, apat sa kanilang pamilya ang nag-aaral ng Bibliya, at dalawa sa kanila—si Khatuna at ang kaniyang biyenang babae—ay mga di-bautisadong mamamahayag na.

Britanya

Nagpasiya si Reston na subukan ang tuwirang paglapit para magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Bago kumatok sa isang pinto, nanalangin siya nang maikli na sana’y tulungan siya ni Jehova na maging positibo. Pagkatapos, tuwiran niyang inalok ng pag-aaral sa Bibliya ang may-bahay na si Andy, na agad namang tumanggap. Determinado si Reston na dalhan siya ng isang kopya ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? nang hapong iyon. Nang pabalik na siya roon sakay ng bus, napansin ni Reston na ang drayber nito ay ang lalaking regular niyang dinadalhan ng mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising! Dahil sa magandang tugon ni Andy nang umagang iyon, inisip niya na alukan din ang drayber ng libreng pag-aaral sa Bibliya pagdating ng bus sa destinasyon nito.

Samantala, isang matandang pasahero sa bus ang nakakilala kay Reston na siya ay isang Saksi at hinilingan niya si Reston na dalawin ang kaniyang kaibigang maysakit para ipanalangin ito. Sinabi ni Reston na ikinagagalak niyang kausapin ang kaibigan nito para ibahagi ang nakaaaliw na mensahe ng Bibliya. Gamit ang nag-iisang kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya na dala-dala niya, ipinakita niya sa pasahero kung paano makatutulong ang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi ng babaing ito na gusto niya ng gayong pag-aaral. Isang kabataang lalaki naman na nasa kabilang upuan ang nakikinig sa pag-uusap na ito. Nagustuhan niya ang mga larawan sa aklat. Kaya ibinigay ni Reston sa kaniya ang aklat. Nang makarating ang bus sa destinasyon nito, inalok ni Reston ang drayber ng libreng pag-aaral sa Bibliya sa bahay nito. Laking gulat niya dahil pumayag agad ang drayber at sinabing marami siyang tanong tungkol sa Bibliya. Nagmadaling pumunta si Reston sa bahay ng isang kapatid na malapit doon para kumuha ng isa pang kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya at sa wakas ay nakarating din siya sa bahay ni Andy nang gabing iyon. Tinanggap agad ni Andy ang aklat. Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya, at di-nagtagal ay ikinakapit na niya ang kaniyang mga natututuhan. Si Andy at ang drayber ng bus ay dumadalo na sa mga pulong, at si Reston ay nagdaraos ng 15 pag-aaral sa Bibliya, na lahat ay pinasimulan sa pamamagitan ng tuwirang paglapit. Sinisigurado na niya ngayon na mayroon siyang dalang ilang kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya kapag nagpapatotoo siya.

Sina François at Monica, kasama ang kanilang dalawang anak, ay pasakay na sa kotse matapos ang paglilingkod sa larangan isang umaga. Pero ayaw pang sumakay ng kanilang dalawa-at-kalahating-taóng-gulang na anak na babae na si Shaé hangga’t hindi niya naipamimigay ang kaniyang huling tract. Eksakto namang may pumaradang kotse sa kabilang panig ng kalsada, at dalawang babae ang lumabas. Tuwang-tuwa si Shaé na ibigay sa isa sa kanila ang kaniyang tract na Ang Buhay sa Mapayapang Bagong Sanlibutan, at si Monica ang nagpaliwanag kung tungkol saan iyon. Nagpakita ng interes ang babae, na nagngangalang Sierra, at inanyayahan niya si Monica sa kanilang bahay para turuan tungkol sa Bibliya ang kaniyang dalawang tin-edyer na kapatid na babae. Sa unang pag-aaral, itinanong ni Sierra kung puwede ring mag-aral ng Bibliya ang kaniyang dalawang anak na lalaki. Nang maglaon, sumali rin ang pamangkin ni Sierra. Nakikinig lamang si Sierra sa lahat ng pag-aaral na ito at madalas siyang magtanong. Nang bandang huli, humiling na rin siya ng sarili niyang pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos, nag-aral na rin ang kaniyang asawa. Humiling din ng isang pag-aaral sa Bibliya ang nanay ni Sierra, at nang maglaon, pati na ang ibang miyembro ng pamilya at mga kaibigan nila. Dahil sa determinasyon ni Shaé na ipamigay ang huli niyang tract, napasimulan ang 11 pag-aaral sa Bibliya. Apat sa mga estudyante ang regular nang dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon.

Italya

Si Jennifer ay kaugnay sa isang kongregasyon sa Milan na gumagamit ng wikang Ruso. Ilang beses na niyang nakakausap sa telepono ang isang babaing Ukrainiano na nagngangalang Valentina pero hindi pa sila nagkikita. Isang araw, nag-usap sila na magkikita sila sa isang istasyon ng tren. Para makilala siya ni Jennifer, sinabi ni Valentina na magsusuot siya ng pulang dyaket. Dumating si Jennifer sa istasyon at nakita niya ang isang babaing nakapulang dyaket at halatang may hinihintay. Lumapit si Jennifer at sinabi, “Hi! Ikaw ba si Valentina?” Sumagot ang babae na siya nga, kaya nagpatuloy si Jennifer, “Ako si Jennifer.” Pero walang reaksiyon ang babae. Nagtaka si Jennifer kaya nagtanong siya, “Hindi ba ako ang hinihintay mo?”

“Hindi,” ang sabi ng babae. Ukrainiano nga siya, Valentina ang pangalan niya, at pulang dyaket ang suot niya; pero iba ang hinihintay niya! Napatawa si Jennifer at ipinaliwanag ang situwasyon. Itinanong niya kung nais nitong makarinig ng isang punto sa Bibliya na inihanda niya para sa ibang Valentina. Pumayag si Valentina at matamang nakinig. Pagkatapos, ipinakita niya kay Jennifer ang isang papel kung saan kinopya niya mismo ang Awit 91, at sinabing gustung-gusto niyang basahin ang Bibliya. Nakapagpasimula si Jennifer ng pag-aaral sa Bibliya sa babaing ito. Kumusta naman ang unang Valentina? Nagkita rin sila, at siya rin ay nag-aral ng Bibliya.

Romania

Dinalaw ng isang brother ang kaniyang kakilala at tinalakay niya rito at sa asawa nito ang ilang punto mula sa Kasulatan. Gustung-gusto nilang marinig kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa ugnayan ng mag-asawa, pero wala silang panahon sa pag-aaral ng Bibliya. Maingat sa kalusugan ang mag-asawa, at araw-araw ay nagdya-jogging ang asawang lalaki nang walong kilometro. Ilang beses na dumalaw ang brother para ipagpatuloy ang pag-uusap nila tungkol sa Kasulatan pero wala silang panahon, kaya itinanong ng brother kung puwede siyang sumabay sa susunod niyang pagdya-jogging. Pumayag agad ang lalaki. Pero hindi sanay ang brother at nakita niyang nakakapagod palang pagsabayin ang jogging at pagpapatotoo! “Nakapangaral ako nang naka-sporstwear,” ang sabi ng brother, “at sumipi ako ng mga teksto nang walang hawak na Bibliya.” Pagkatapos ng ilang beses na jogging, lalong naging interesado ang mag-asawang ito, anupat regular na silang pinagdarausan ng pag-aaral sa Bibliya sa kanilang bahay. Isa na ngayong di-bautisadong mamamahayag ang lalaki. Masigasig siya sa ministeryo sa larangan at nagpatala na siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo pati na ang kaniyang anak na lalaki at babae.

OCEANIA

LUPAIN 30

POPULASYON 37,545,115

MAMAMAHAYAG 97,329

PAG-AARAL SA BIBLIYA 55,266

Australia

Sumulat ang isang brother na payunir: “Hiniling ng isang doktor na nagngangalang Pam na lagi ko siyang dalhan ng bagong isyu ng mga magasin. Abalang-abala siya anupat sa loob ng anim na buwan, isang beses ko lamang siyang nadatnan sa bahay, kaya isinisingit ko na lang ang mga magasin sa ilalim ng kaniyang pinto na may kasamang maikling sulat. Lumipas ang pitong buwan, hindi ko pa rin siya matagpuan, pero nag-iwan pa rin ako ng mga magasin sa kaniyang pinto kasama ng isang imbitasyon para sa nalalapit na pandistritong kombensiyon. Isinulat ko rin ang numero ng aking telepono pero hindi niya ako tinawagan. Pagdating ng Nobyembre pagkatapos ng kombensiyon, pumunta ako sa bahay niya at may nakita akong sulat mula kay Pam na iniwan niya sa kaniyang pinto.

“Sa kaniyang sulat, sinabi ni Pam na gustung-gusto niya ang mga magasin at ipinapasa niya iyon sa kaniyang mga katrabaho. Ipinapasa naman iyon ng kaniyang mga katrabaho sa kanilang mga pasyente sa ospital. Sinabi pa niya na nagustuhan niya ang ‘get-together.’ Nabasa niya ang imbitasyon sa kombensiyon at nagbakasyon siya ng tatlong araw para makadalo. Sinabi niya na gumawa siya ng maraming kopya ng imbitasyon at inilagay iyon sa lagayan ng sulat ng kaniyang mga katrabaho kasama ng sulat na nagsasabing tawagan siya kung interesado silang dumalo. Sa dulo ng sanlinggo, 16 sa kaniyang mga katrabaho—pawang mga doktor—ang nagbakasyon din nang tatlong araw para makadalo. Lahat ng 17 interesadong ito ay nakadalo sa tatlong-araw na kombensiyon dahil sa isang imbitasyong iniwan sa pinto! Sa ngayon, regular nang nakikipag-aral si Pam gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya at nagsaayos pa siya ng mga talakayan para sa lahat ng dumalo sa kombensiyon.”

Isa pang brother ang nagkuwento: “Nang mapadaan ako sa bahay na hindi nagpapapasok sa mga Saksi, napansin kong problemado at umiiyak ang lalaki at babae sa beranda. Hindi ko maatim na lampasan sila dahil mukhang kailangang-kailangan nila ng tulong, kaya nilapitan ko sila at tinanong kung may maitutulong ako. Pinapasok nila ako sa bahay at sinabi nila ang kanilang problema. Tatlong taon na nilang hindi nakikita ang kanilang anak na babae. Kailangan nang operahan ang asawang babae dahil sa kanser at hindi niya alam kung ano’ng mangyayari sa kaniya. Nalulungkot siya na baka hindi na niya muling makita ang kaniyang anak. Ilang araw pa lamang ang nakalilipas, humingi sila ng tulong sa pastor ng kanilang simbahang karismatiko pero ipinagwalang-bahala lamang niya ito at wala siyang ginawa. Ibinahagi ko sa kanila ang ilang punto mula sa Kasulatan na nagpapakitang si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso.

“Pagkalipas ng mga isang oras, may kumatok sa pinto. Akala ko, iyon na ang pastor ng simbahan. Pero ang nakatayo sa pinto ay isang kabataang babaing maayos ang pananamit. Iyon ang kanilang anak na matagal na nilang hindi nakapiling! Nakakaiyak ang mga sandaling iyon, kaya sinabi kong baka mas mabuting umalis na ako. Pero nagulat ako nang sabihin ng anak na mas mabuting huwag na muna akong umalis dahil mayroon siyang sasabihin sa kaniyang mga magulang. Ikinuwento niya na nasira ang buhay niya noon dahil sa alak at droga, pero dahil sa pag-aaral ng Bibliya, nagpasiya siyang umuwi sa kaniyang mga magulang. Kamakailan, nabautismuhan siya bilang Saksi ni Jehova.”

Pagkalipas ng ilang araw, bumalik ang pastor at ibinalita sa kaniya na umuwi na ang kanilang anak dahil isa na siyang Saksi ni Jehova. Hindi na nakaimik ang pastor at umalis na lang ng bahay. Pero bago siya makaalis, tinawag siya ng asawang lalaki at ipinakuha ang liham sa ibabaw ng mesa—liham na nagsasabing tumitiwalag na sila sa simbahan.

Papua New Guinea

Isang grupo na binubuo ng 23 brother at sister ang nagpasiyang magpatotoo sa teritoryong bihirang mapangaralan. Hindi madaling maglakad papunta sa teritoryong iyon dahil kailangan pang umakyat ng mga bundok at tumawid ng mga ilog. Sa isang nayon, natagpuan ng isang sister ang isang ministrong Anglikano na nasiyahan nang malaman niya ang ibig sabihin ng Daniel 2:44. Sinabi niya sa sister, “Para kami ritong mga nawawalang tupa.” Tinanggap niya ang mga magasin at brosyur at hiniling pa niya na bigyan siya ng isang kopya ng Bibliya.

Pagkalipas ng tatlong araw, sa iba namang nayon, nakausap ng dalawang sister ang dalawang kabataang babae na natuwa nang marinig ang mensahe ng Kaharian. Pag-uwi ng kanilang tatay galing sa kaniyang halamanan nang hapong iyon, ikinuwento nila sa kaniya ang natutuhan nila mula sa Bibliya. Sinabi ng kanilang tatay na gusto niyang marinig ang napakagandang mensaheng ito mula mismo sa mga Saksi. Kaya naman isinaayos niya na puntahan ang lahat ng brother at sister sa kubo na tinutuluyan ng mga ito. Yamang siya ang pinuno ng kanilang nayon, nagpaluto siya ng pagkain at ipinahatid ito sa mga kapatid. Nang gabing iyon, dumating siyang may lampara, kasama ang iba pang mga taganayon. Sinabi nila, “Nasorpresa kami nang makita namin kayo dahil ngayon lang may nakarating na mga Saksi ni Jehova sa aming nayon.” Ipinakita ng mga kapatid ang sinasabi ng Mateo 24:14 para ipaliwanag ang dahilan ng kanilang pagdalaw. Ipinaliwanag nila ang mga pagpapala ng Kaharian, at nag-iwan sila ng literatura.

Sa ikalimang araw ng kanilang paglalakad, narating ng mga kapatid ang isang nayon mga ala-una ng hapon. Akala ng mga taganayon, doon sila magpapalipas ng gabi kaya naghanda sila ng matutuluyan ng mga kapatid. Pero ipinaliwanag ng mga kapatid na gusto nilang makausap ang lahat at makauwi rin nang araw na iyon. Nabigyan ng mahusay na patotoo ang lahat ng taganayon, pati na ang pinuno nila na tumanggap ng literatura at nagbigay sa mga kapatid ng mga buko, saging, at papaya.

Fiji

Sa isang probinsiya, ang nilalakaran ng mga payunir papunta sa larangan ay mga kalsadang kung hindi maalikabok ay maputik. Si Nagamma at ang anak niyang babaing si Reshma ay mga regular pioneer. Inanyayahan nila ang bulag na sister na si Ushla na samahan silang magpayunir sa loob ng isang buwan. Kailangan nilang alalayan si Ushla sa paglalakad nang maraming kilometro araw-araw. Isang araw na maalinsangan, isang pamilyang nakaupo sa kanilang beranda ang nakakita sa tatlong sister habang maingat na binabaybay ang maputik at lubak-lubak na kalsada. Nakita nila nang mapatapak ang bulag na sister sa lubak at natilamsikan ng putik sa binti. Huminto ang mga sister para punasan ang kaniyang binti. Tinawag ng tatay ang mga sister dahil hindi niya mapigilan ang kaniyang sarili na mag-usisa. Sinabi niya: “Araw-araw namin kayong nakikitang naglalakad. Saan ba ang punta ninyong tatlo?” Ipinaliwanag nila na magdaraos sila ng pag-aaral sa Bibliya. Sinabi ng tatay na kung gayon talaga kaimportante ang kanilang mensahe anupat handa silang maglakad nang napakalayo para ituro iyon sa mga tao, gusto rin niyang marinig iyon! Napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya sa pamilyang ito.

Guam

Si Liza, isang kabataang babae mula sa Pilipinas, ay nagtatrabaho bilang katulong sa bahay sa isla ng Tinian. Kadalasan, kapag kumakatok ang mga Saksi ni Jehova sa bahay, humihingi siya ng mga magasing Bantayan at Gumising! Sinasabi niyang nagugustuhan niya ang mga magasin, pero ang totoo, ginagawa niya itong pamparikit.

Noong tagsibol ng 2007, nawalan ng trabaho si Liza, at dahil wala siyang matuluyan, sa tabing-dagat siya natutulog. Isang araw, napadaan siya sa isang Kingdom Hall kung saan may dalawang sister na nakaupo sa labas at nagpapahinga. Niyaya nila si Liza na kumain ng mangga, at sumali na rin siya sa kuwentuhan. Kinabukasan, pagdaan niya sa Kingdom Hall, kinausap ulit siya ng mga sister, at sa kanilang kuwentuhan ay nasabi niya, “Sana makapasok din ako sa simbahan ninyo.” Bagaman medyo nahiya ang mga sister dahil hindi pa nila siya iniimbitahan, pinasigla nila siyang pumunta sa pulong nang gabing iyon. Pumayag siya dahil iniisip niya na tutulungan siya ng mga Saksi na makahanap ng trabaho.

Sa pulong, humanga si Liza sa kabaitan at malasakit ng mga kapatid. Napaiyak si Liza dahil natanto niyang makasarili ang dahilan niya sa pagpunta sa pulong. Naalaala rin niya ang lahat ng magasin na pinamparikit niya. Naantig siya sa pag-ibig na ipinakita ng mga kapatid kaya mula noon ay regular na siyang dumalo sa mga pulong at nakipag-aral ng Bibliya. Nakahanap siya ng trabaho, naging kuwalipikado bilang mamamahayag, at nabautismuhan noong Pebrero 2008.

[Larawan sa pahina 45]

Madalena

[Larawan sa pahina 48]

Pag-aaral sa “Bantayan” sa bangkang de-motor

[Larawan sa pahina 50]

Si Sister Barker na matiyagang naghihintay para mangaral sa mga nagdaraan

[Larawan sa pahina 53]

Si Purnamaya na gumagawa ng graba para masuportahan ang kanilang pamilya

[Larawan sa pahina 54]

Pagpapatotoo sa isang taga-India sa plantasyon ng goma

[Larawan sa pahina 57]

Si Reston habang nagtuturo ng Bibliya kay Andy

[Larawan sa pahina 58]

Shaé

[Larawan sa pahina 63]

Inaalalayan nina Nagamma at Reshma si Ushla