Albania
Albania
ANG Albania ay isang maliit na lupain na may masalimuot na kasaysayan. Dumaan ito sa kamay ng iba’t ibang tribo, lahi, at makapangyarihang mga bansa. Ilang dekada itong nahiwalay sa daigdig. Bagaman dumanas ng maraming pagsubok at kahirapan ang mga Saksi ni Jehova rito, tinulungan sila at saganang pinagpala ng Diyos na Jehova. Mababasa mo ngayon ang tungkol sa kanilang kapana-panabik na kasaysayan at kung paano sila inalalayan ng “kamay ni Jehova.”—Gawa 11:21.
Sa loob ng daan-daang taon, ang Albania ay pinag-agawan ng mga banyaga. Dinala ng mga ito ang kani-kanilang relihiyon. Kaya sa pagsisimula ng ika-16 na siglo, iba’t iba na ang relihiyon sa Albania—may Muslim, Ortodokso, at may Katoliko.
Noong mga huling taon ng ika-19 na siglo, namayagpag ang nasyonalismo sa Albania at lumitaw ang sari-saring samahang makabayan. Karamihan sa mamamayan ng Albania ay magbubukid, at isinisisi ng marami ang kanilang kahirapan sa napakatagal nang pakikialam ng mga banyaga. Taóng 1900 nang maging mainit na isyu ang awtonomiya at kasarinlan. Nagbunsod ito ng mga gera laban sa Gresya, Serbia, at Turkey. Noong 1912, naging independiyenteng bansa ang Albania.
Nang maglaon, halos ipatigil ng gobyerno ang lahat ng relihiyosong gawain. At pagkaraan ng Digmaang Pandaigdig II, tuluyang ipinagbawal ng Komunistang gobyerno ang lahat ng relihiyon at idineklara nito ang Albania bilang kauna-unahang ateistang estado sa daigdig.
‘NANGHAWAKAN SA KATOTOHANAN NANG MAY KAGALAKAN’
Bago ang 56 C.E., iniulat ni apostol Pablo na naipangaral na niya at ng kaniyang mga kasama ang mabuting balita “hanggang sa Ilirico,” isang Romanong probinsiya na may lugar na bahagi ngayon ng Albania. (Roma 15:19) Malamang na ang ilan sa mga tagarito ay naging mga tunay na Kristiyano noong panahong iyon, dahil iniuulat ng sekular na kasaysayan na mayroon nang mga Kristiyano sa Albania noong unang siglo.
Sa modernong panahon, ang unang rekord ng tunay na pagsamba malapit sa lugar na ito ay noong 1921. Sumulat mula sa Creta si John Bosdogiannis sa Brooklyn Bethel tungkol sa pagdalaw sa “klase” ng pag-aaral sa Bibliya sa Ioannina, bahagi ngayon ng hilagang Gresya. Halos kasabay nito, maraming taga-Albania ang lumipat sa New England, sa Estados Unidos, kabilang sina Thanas (Nasho) Idrizi at Costa Mitchell. Agad silang nagpabautismo matapos matuto ng katotohanan. Bumalik noong 1922 sa Gjirokastër, Albania, si Brother Idrizi—ang unang Albaniano na nag-uwi sa bansa ng mga katotohanan sa Bibliya. Pinagpala ni Jehova ang sakripisyo niya. Tumugon ang mga tao. Di-nagtagal, umuwi rin ang ibang Albaniano na natuto ng katotohanan sa Amerika. Pero nagpatuloy sa pangangaral si Costa
Mitchell sa mga kapuwa Albaniano sa Boston, Massachusetts, E.U.A.Tubong Albania sina Sokrat at Thanas Duli (Athan Doulis), pero bata pa lang sila nang dalhin sila sa Turkey. Umuwi sa Albania si Sokrat noong 1922. Nang sumunod na taon, umuwi rin ang 14 anyos na si Thanas at hinanap ang kuya niya. “Pagdating ko sa luma naming bahay,” ang isinulat ni Thanas, “wala si Kuya doon. Mga dalawang daang kilometro ang layo ng pinagtatrabahuhan niya. Pero may nakita akong Bantayan, Bibliya, at pitong tomo ng Studies in the Scriptures, pati mga pamplet tungkol sa mga paksa sa Bibliya. Kahit pala sa malayo at bulubunduking lugar na iyon, mayroon nang mga aktibong Estudyante ng Bibliya na umuwi galing ng Amerika, dala-dala ang kanilang mga natutuhan sa Bibliya.” Nang magkita ang magkapatid, ibinahagi kaagad ni Sokrat—na bautisado na noon—kay Thanas ang katotohanan.
Noong 1924, ang tanggapan sa Romania ang nangasiwa sa kasisimula pa lang na gawain sa Albania. Bagaman limitado pa rin ang pangangaral, iniulat ng Disyembre 1, 1925 ng The Watch Tower: “Ang The Harp of God, at ang mga buklet na A Desirable Government at World Distress ay isinalin at inimprenta sa kanilang wika . . . Marami-raming kopya ang naipamahagi sa mga tao, at ang mga taga-Albania ay nanghawakan sa katotohanan nang may labis na kagalakan.”
Napakagulo ng pulitika noon sa Albania. Kumusta naman ang mga lingkod ni Jehova? “Noong 1925, may tatlong organisadong kongregasyon sa Albania, at ilang magkakahiwalay na mga Estudyante ng Bibliya,” ang isinulat ni Thanas. Sinabi rin niya na ang pag-ibig ng mga kapatid ay kabaligtaran ng alitan, pagkamakasarili, at kompetisyon ng mga tao sa paligid. Habang maraming Albaniano ang umaalis ng bansa, bumabalik naman ang ilan na natuto ng katotohanan para ibahagi sa mga kamag-anak ang tungkol sa bagong-tatag na Kaharian ni Kristo.
Samantala, sa Boston, ang mga pahayag pangmadla sa wikang Albaniano tuwing Linggo ng umaga ay napapakinggan ng mga 60 katao. Sila ay masisipag na estudyante na gustung-gustong pag-aralan ang Studies in the Scriptures, pati na ang aklat na The Harp of God, kahit na may ilang mali sa pagkakasalin nito. (Halimbawa, ang pamagat ay dating isinaling Ang Gitara ng Diyos.) Pero dahil sa aklat na ito, maraming Albaniano ang natuto ng katotohanan at nagkaroon ng matibay na pananampalataya.
“HUWAG N’YO SILANG PAKIALAMAN!”
Noong 1926, iniulat ng The Watch Tower na 13 ang dumalo sa Memoryal sa Albania. “Mga labinlima lang
ang bautisado sa Albania,” ang sabi ng 1927 Yearbook, “at ginagawa nila ang lahat para mapalaganap ang mensahe ng kaharian.” Idinagdag pa nito: “Sa Amerika, mga 30 lang ang bautisadong Albaniano, at talagang nais nilang tulungan ang kanilang mga kababayan na matuto ng Katotohanan.” Tuwang-tuwa ang 15 kapatid sa Albania na 27 ang dumalo sa Memoryal noong 1927, mahigit doble kaysa sa sinundang taon.Bago magtapos ang dekada ng 1920, magulo pa rin sa Albania. Inagaw ni Fan Noli, isang obispong Ortodokso, ang pamamahala. Pero di-nagtagal, pinatalsik siya ni Presidente Ahmed Bey Zogu. Ginawa ni Zogu na kaharian ang Albania, at bilang si Haring Zog I, siya ang may huling salita.
Taóng 1928, sina Lazar Nasson, Petro Stavro, at dalawa pang brother ay naglakbay mula Amerika tungong Albania para ipalabas ang “Photo-Drama of Creation.” Kasabay nito, isang paring Katoliko at paring Ortodokso mula sa Amerika ang bumisita kay Haring Zog I sa Albania.
“Ingat ka!” ang babala ng paring Katoliko kay Zog. “Bibigyan ka ng problema ng mga lalaking galing ng Amerika!”
Kinontra ito ng paring Ortodokso. Kilala niya ang mga brother dahil dati silang miyembro ng kaniyang simbahan sa Boston. Sinabi niya: “Kung lahat ng taga-Albania ay kagaya ng mga taong ito, hindi mo na kailangang ikandado ang mga pinto ng palasyo mo!”
“Kung ganun, pabayaan n’yo sila,” ang sagot ni Zog, “huwag n’yo silang pakialaman!”
Nang taon ding iyon, inimprenta sa Boston ang Mga Awit ng Papuri kay Jehova sa wikang Albaniano. Kaya nang maglaon, natutuhan ng mga kapatid sa Albania ang himig at liriko ng mga awit nito. Dalawa sa
paborito nila ay ang “Huwag Matakot, O Munting Kawan” at “Humayo sa Gawain!”—mga awiting nagpatibay sa mga kapatid nang dumating ang mga taon ng pag-uusig.Prangka ang mga taga-Albania, at mas gusto nilang dinideretsa sila. Kung maririnig mo silang mag-usap, baka isipin mong nag-aaway sila. Pero ganoon lang talaga ang mga Albaniano. Kapag kumbinsido sila sa isang bagay, gustung-gusto nila itong sabihin sa iba, at talagang pinaninindigan nila ito. Kaya hindi nakapagtataka kung bakit ganoon na lang ang pagtanggap nila sa mabuting balita.
MAHIRAP ANG PINAGDAANAN, MAGANDA ANG KINALABASAN
Dahil sa lumalalang problema sa pulitika at ekonomiya, maraming Albaniano ang umaalis ng bansa. Ilan sa kanila ay natuto ng katotohanan sa New England at New York. Mabilis na lumago ang katotohanan sa Albanianong komunidad. Palibhasa’y sabik sa literatura, napakasaya nila nang matanggap nila ang mga buklet na Kingdom at The Crisis sa wikang Albaniano.
Nang panahong ito sa Albania, kinumpiska ang ilan sa ating mga literatura. Pero noong 1934, iniulat ng Bulletin (ngayo’y Ating Ministeryo sa Kaharian) tungkol sa Albania: “Nagagalak kaming ibalita sa inyo na nagbaba na ng utos ang Secretary of Justice . . . na nagpapahintulot na maipamahagi ang ating mga literatura . . . Lahat ng kinumpiskang aklat at buklet ay ibinalik na . . . Pitong kapatid ang umarkila ng sasakyan [para] bumisita sa malalayong lunsod dala ang mga aklat. Ang iba naman ay namamahagi sa malalapit na lugar.” Bilang resulta, noong 1935 at 1936, nakapamahagi ang mga kapatid ng mahigit 6,500 kopya ng literatura!
“DIUMANO’Y PINAKAMALAWAK NA PAGBOBRODKAST SA KASAYSAYAN”
“Susubukan ang diumano’y pinakamalawak na pagbobrodkast sa kasaysayan,” ang patalastas ng pahayagang Britano na Leeds Mercury noong pasimula ng 1936. “Magpapahayag sa Los Angeles si Judge Rutherford, ang ebanghelista.” Ang pahayag na ito ni J. F. Rutherford, na siyang nangunguna noon sa gawain ng mga Saksi ni Jehova, ay ibobrodkast sa buong Estados Unidos at Gran Britanya sa pamamagitan ng radiotelephone at maririnig din sa mga bansa sa Europa. “May isa lang bansa sa Europa na siguradong hindi makakarinig nito,” ang sabi ng Mercury. “Iyon ay ang Albania, na walang linya ng telepono.”
Pero ilang linggo pagkaraan ng pahayag, sumulat sa punong tanggapan si Nicholas Christo, na kaugnay sa kongregasyong Albaniano sa Boston: “Nais naming ipabatid sa inyo na nalaman namin kamakailan na ang pahayag ni Judge Rutherford tungkol sa ‘Pagbubukud-bukod ng mga Bansa’ ay narinig sa Albania. Kaya madaragdagan ang bilang ng mga bansang nakapakinig nito. Nasagap ito sa dalawang magkaibang lugar . . . , lumilitaw na sa pamamagitan ng shortwave transmission. . . . Tuwang-tuwa ang mga kapatid nang marinig nila ang boses ni Judge Rutherford.”
Paano nagpupulong ang mga kapatid sa Albania bago mailathala sa wikang Albaniano Ang Bantayan? Karamihan sa mga taga-Albania na tumanggap ng katotohanan ay nakapag-aral sa mga paaralang Griego sa timog ng Albania. Kaya hindi sila nahirapang pag-aralan ang Bantayan sa wikang Griego. Ang iba naman ay gumagamit ng Italyano o Pranses. Habang
nagpupulong sa Albaniano, noon din nila isinasalin ang literatura.Edisyong Griego rin ang gamit sa Boston kapag nag-aaral ng Bantayan ang mga Albaniano tuwing Lunes ng gabi. Pero mahusay na naturuan ng mga kapatid ang kanilang mga anak. Pagkalipas ng mga taon, ang kanilang mga anak, pamangkin, apo, at apo-sa-tuhod ay naging mga buong-panahong lingkod. Sa katunayan, kilala ang mga Albanianong kapatid sa masigasig na pagpapatotoo kaya tinawag sila ng mga tao na ungjillorë, ibig sabihin ay mga “ebanghelisador.”
NAPATOTOHANAN ANG MGA NASA KATUNGKULAN
Noong 1938, isang taon bago mapatalsik si Haring Zog, nagpunta sa Boston ang dalawa niyang kapatid. Iniulat ng isyu ng Disyembre ng magasing Consolation (ngayo’y Gumising!): “Nang pumunta sa Boston ang mga prinsesa ng Albania, dalawa sa amin mula sa company ng mga Albanianong Saksi ni Jehova sa Boston ang dumalaw sa kanilang hotel para kausapin sila tungkol sa mensahe ng kaharian ng Diyos. Malugod nila kaming tinanggap.”
Ang dalawang Saksi ay si Nicholas Christo at ang ate niyang si Lina. Bukod sa dalawang prinsesa, lima pang importanteng tao ang nakausap nila. Kasama rito ang embahador noon ng Albania sa Estados Unidos, si Faik Konitza [Konica]. Bago nakausap ang grupo, binasa muna sa kanila ang isang testimony card sa wikang Albaniano. May bahagi ito na nagsasabi: “Nalulugod kaming ipaalam sa inyo na ang mensaheng ito ay maraming taon na ring ipinangangaral sa Albania at libu-libong aklat, na nagbibigay ng kaliwanagan at kaginhawahan, ang naipamahagi sa mga opisyal at mamamayan ng Albania.”
Sinabi ni Ambassador Konitza sa mga prinsesa: “Nais nilang gamitin ninyo ang inyong impluwensiya para malaya silang makapangaral sa Albania. ‘Bago’ ang pananampalataya nila at naniniwala silang malapit nang magwakas ang daigdig [kasalukuyang pandaigdig na organisasyon] at kasunod nito, mamamahala si Kristo at maging ang mga patay ay bubuhayin.”
Bakit ang daming alam ni Mr. Konitza? Ipinaliwanag ng Consolation na isang kakilala ni Mr. Konitza ang naging Saksi, at ilang beses siyang kinausap nito tungkol sa katotohanan.
MGA PAGSUBOK NOONG DIGMAANG PANDAIGDIG II
Noong dekada ng 1930, sinakop ng Italya ang Albania. Tumakas si Haring Zog at ang kaniyang pamilya noong 1939. Ipinagbawal ng Pasistang militar ng Italya ang mga literatura pati na ang pangangaral ng 50 mamamahayag. Noong tag-araw ng 1940, mga 15,000 kopya ng literatura ang kinumpiska. Agosto 6 nang arestuhin ng mga Pasista sa Këlcyrë ang siyam na brother at ikinulong sa 2-por-4 metrong selda. Nang maglaon, inilipat sila sa bilangguan sa Tiranë. Walong buwan silang ikinulong nang hindi nililitis at saka sinentensiyahan
ng mula sampung buwan hanggang dalawa’t kalahating taóng pagkabilanggo.Walang ibang maaasahan ang mga bilanggo na magpapakain sa kanila kundi ang pamilya nila. Pero sa pagkakataong ito, ang mga inaasahan ng pamilya ang siyang nakabilanggo. Kaya sino ang magpapakain sa kanila sa bilangguan?
“Sa loob ng 15 araw, may suplay kaming mga 3⁄4 kilong tinapay, tatlong kilong uling, at isang sabon,” ang sabi ni Nasho Dori. “May pera kami ni Jani Komino na kasyang pambili ng isang kilong beans. Ginamit namin ang uling para ilaga ang beans, na binibili naman sa amin ng ibang bilanggo nang pakutsa-kutsara. Di-nagtagal, nakapaglalaga na kami ng limang malalaking kaldero ng beans. Nakaipon pa kami ng pambili ng kaunting karne.”
Taglamig ng 1940/1941, nilusob ng Gresya ang timog ng Albania at pinilit ang mga lalaki roon na sumama sa hukbo nila. Sa isang nayon, tumanggi ang isang brother dahil neutral siya. Sinunggaban siya ng mga sundalo sa buhok, kinaladkad, at binugbog hanggang sa mawalan ng malay.
“Ano, matigas ka pa rin?” ang sigaw ng kumandante nang mahimasmasan ang brother.
“Neutral pa rin ako!” ang sabi ng brother.
Sa inis, pinaalis na lang siya ng mga sundalo.
Pagkaraan ng ilang araw, pumunta ang kumandante sa bahay ng brother na ginulpi nila at pinuri niya ang katapangan nito. “Kamakailan lang, tumanggap ako ng medalya dahil pumatay ako ng 12 Italyano,” ang sabi niya. “Pero hindi ko maatim na isuot ’yun dahil nakokonsiyensiya ako. Alam kong krimen ang ginawa ko, kaya nasa bulsa ko lang ang medalya.”
MGA BAGONG TAGAPAMAHALA, DATI PA RING MGA PAGSUBOK
Sa kabila ng pagsisikap ng mga Pasista na kontrolin ang bansa, unti-unting lumalakas ang puwersa ng Partido Komunista ng Albania. Noong 1943, isang brother ang nahuli ng mga sundalong lumalaban sa mga Komunista. Isinakay nila ito sa trak, isinama sa gera, at binigyan ng riple. Tumanggi ito.
“Komunista ka!” ang sigaw ng kumandante. “Kung Kristiyano ka, lalaban ka gaya ng ginagawa ng mga pari!”
Iniutos ng kumandante sa mga sundalo na patayin ang brother. Pero nang babarilin na siya ng mga sundalo, dumating ang isa pang opisyal at nagtanong kung ano ang nangyayari. Nang malaman niyang neutral ang brother, iniutos niyang pakawalan ito.
Noong Setyembre 1943, umurong ang mga Pasista at lumusob naman ang mga hukbong Aleman. Sa isang gabi lang, 84 katao ang namatay sa Tiranë. Daan-daan ang dinala sa mga kampong piitan. Samantala, naghanda ang mga kapatid ng nakamakinilyang mensahe ng pag-asa at pampatibay mula sa Bibliya. Kapag nabasa na ito ng isa, isasauli niya ito para maipasa naman sa iba. At gamit ang ilang buklet na naitago nila, patuloy silang nangaral. Ilang bahagi lang ng Bibliya ang dala ng mga kapatid sa pangangaral. Noon lamang kalagitnaan ng dekada ng 1990 nakumpleto ang kanilang salin ng Bibliya.
Pagsapit ng 1945, 15 brother na ang nabilanggo. Dalawa sa kanila ang dinala sa mga kampong piitan, kung saan isa sa kanila ang pinahirapan hanggang
mamatay. Ang nakapagtataka, pinag-uusig ang mga kapatid sa Albania dahil ayaw nilang sumali sa puwersang Axis, samantalang ibinibilanggo naman ang ilang Albanianong brother sa Amerika dahil ayaw nilang lumaban sa puwersang Axis.Sa Albania, kinukumpiska ang mga literatura at itinatambak sa bodega ng customs. Nang magkaroon ng mainitang labanan malapit doon, bumagsak ang gusali ng customs at sumambulat sa kalye ang ating mga literatura! Pinulot at binasa ito ng mga nagdadaan. Kinuha naman agad ng mga kapatid ang natirang mga literatura.
Noong 1944, umalis sa Albania ang mga Aleman, at nagtatag ang hukbong Komunista ng pansamantalang gobyerno. Agad na humingi ng permit ang mga kapatid para makapag-imprenta uli ng mga buklet, pero hindi sila binigyan. “Binabatikos ng Bantayan ang mga klero,” ang sabi nila sa mga kapatid, “at dito sa Albania, iginagalang pa rin namin ang mga klero.”
TAPOS NA ANG DIGMAAN PERO TULOY PA RIN ANG PAG-UUSIG
Ang bagong gobyernong Komunista ay nagpataw ng matataas na buwis at nangamkam ng mga ari-arian, pabrika, negosyo, tindahan, at sinehan. Ipinagbawal ang pagbili, pagbebenta, at pagrerenta ng lupa, at lahat ng ani ay kontrolado ng Estado. Noong Enero 11, 1946, ang bansa ay idineklara bilang People’s Republic of Albania. Nanalo sa eleksiyon ang Partido Komunista at si Enver Hoxha ang naging pinuno ng estado.
Nagtayo ng maraming eskuwelahan, at ang mga bata ay tinuruang bumasa. Pero ayaw ng gobyerno na makabasa sila ng anumang literatura na hindi nagtataguyod ng Komunismo. Kinumpiska ng pamahalaan
ang ating mga literatura pati na ang kaunting suplay ng papel at iilang makinilya ng mga kapatid.Sa tuwing susubukan ng mga kapatid na makakuha ng permit para maglathala ng literatura, tinatanggihan sila at binabantaan. Pero hindi sila nasiraan ng loob. “Binigyan kami ni Jehova ng responsibilidad na ipaalam sa mga taga-Albania ang kaniyang banal na layunin,” ang sabi nila sa mga awtoridad, “tapos, pinagbabawalan n’yo kami. Kayo na ngayon ang mananagot.”
Sumagot ang gobyerno, na para bang sinasabi: ‘Dito sa Albania, kami ang panginoon! Wala kaming pakialam sa utos ng Diyos n’yo. Hindi n’yo kami kayang takutin, kahit ng Diyos n’yong si Jehova!’ Pero patuloy na ipinangaral ng mga kapatid ang mabuting balita saanman at kailanman posible.
Noong 1946, sapilitan na ang pagboto, at ang sinumang tumanggi ay ituturing na kaaway ng Estado. Ipinagbawal ang mga pagpupulong at itinuring na krimen ang pangangaral. Ano ang ginawa ng mga kapatid?
Mga 15 kapatid sa Tiranë ang nag-organisa ng kampanya ng pangangaral noong 1947. Arestado sila agad. Pinagpupunit ang kanilang mga Bibliya, at pinahirapan sila. Pinalaya
sila pero pinagbawalan silang maglakbay nang walang permiso ng pulis. Sa mga pahayagan, inalipusta si Jesus at ang Diyos na Jehova.Nabalitaan ito ng mga Albanianong kapatid sa Boston, at noong Marso 22, 1947, gumawa sila ng dalawang-pahinang liham para makiusap kay Enver Hoxha alang-alang sa mga Saksi ni Jehova sa Albania. Ipinaliwanag nilang hindi banta sa gobyerno ang mga Saksi at na sinisiraan lang ng ibang relihiyon ang mga Saksi dahil inilalantad ng ating publikasyon ang kanilang di-makakristiyanong mga gawain. Ganito ang pagtatapos ng liham: “Nang bumisita sa Boston ang delegasyon ng Albania sa United Nations sa pangunguna ni Mr. Kapo, pinuntahan namin siya sa kaniyang hotel. Malugod niya kaming tinanggap at pinakinggang mabuti.” Sa loob ng maraming taon, si Hysni Kapo ay kabilang sa pinakamatataas na opisyal sa Albania. Pero sa kabila ng pakiusap na ito, lalong tumindi ang problema sa Albania.
Taóng 1947 nakipag-alyansa ang Albania sa Unyong Sobyet at Yugoslavia, pero hindi maganda ang relasyon nito sa Gresya. Nang sumunod na taon, pinutol ng Albania ang ugnayan sa Yugoslavia at naging mas malapít sa Unyong Sobyet. Lahat ng kontra sa gobyerno ay kinokondena. At dahil neutral ang mga kapatid, lalo silang inusig.
Halimbawa, sa isang maliit na nayon noong 1948, habang nagdiriwang ng Memoryal ang anim na kapatid, pinasok sila ng mga pulis. Binugbog sila nang ilang oras bago pakawalan. Makaraan ang ilang linggo, inaresto ang brother na nagpahayag sa Memoryal at pinatayo sa loob ng 12 oras. Nang hatinggabi na, sinigawan siya ng hepe, “Bakit ka lumalabag sa batas?”
“Mas mahalaga sa amin ang batas ng Panginoon kaysa sa batas ng estado!” ang sagot ng brother.
Nainis ang hepe kaya sinampal niya ito. Nang makita niyang inihaharap ng brother ang kabila nitong pisngi, nagtanong siya, “At ano ’yang ginagawa mo?”
“Sinabi ko na sa iyo, Kristiyano kami,” ang tugon ng brother. “Tinuruan kami ni Jesus na ’pag sinampal ka sa kanan, pasampal ka na rin sa kaliwa.”
“Utos pala ’yan ng Panginoon n’yo ha!” ang angil ng inis na hepe, “Puwes, hindi ko siya susundin. Hindi kita sasampalin! Layas!”
“HINDI AKO TITIGIL SA PANGANGARAL”
Si Sotir Ceqi ay debotong Ortodokso na nakatira sa Tiranë. Noong bata pa siya, nagkatuberkulosis siya sa buto at palaging sinusumpong ng pananakit ng mga binti. Nang mag-17 siya, na-depress siya nang husto kaya nagtangka siyang magpasagasa sa tren. Ngunit bago niya ito magawa, dinalaw siya ng kamag-anak niyang si Leonidha Pope. Walang alam si Leonidha sa binabalak ni Sotir. Pero sinabi niya rito na si Jesus ay nagpagaling ng mga may sakit at magiging paraiso ang lupa. Binigyan din niya si Sotir ng isang kopya ng Griegong Kasulatan, na binasa naman nito agad.
“Nabuhayan ako ng loob,” ang sabi ni Sotir. “Ito ang katotohanan!”
Makaraan ang ilang araw, kahit hindi na niya nakakausap si Leonidha, sa isip ni Sotir: ‘Sabi ng Bibliya, nangaral si Jesus. Lahat ng apostol at alagad, nangaral din. Eh ’di dapat iyon din ang gawin ko.’
At nangaral nga si Sotir. Habang nakasaklay at hawak sa isang kamay ang Griegong Kasulatan, buong-tapang siyang nagbahay-bahay.
Noong mga panahong iyon, binabantayan ng Sigurimi, o Directorate of State Security, ang seguridad ng bansa. Dahil lagi silang nakaalerto sa anumang banta
sa Komunismo, hindi nakalusot sa mata nila ang buong-tapang na pangangaral ni Sotir. Inaresto nila siya, ikinulong nang ilang oras, binugbog, at pinagbawalang mangaral.Nang pakawalan si Sotir, kinontak niya si Leonidha. Dinala siya nito kay Spiro Karajani, isang doktor na natuto ng katotohanan mga ilang taon bago nito. Ginamot siya nito at tinulungan na lalo pang maunawaan ang katotohanan.
“Kung maaresto ka uli,” ang payo ni Spiro kay Sotir, “huwag kang pipirma hangga’t hindi mo nabibilang ang bawat salita at pangungusap. Sa dulo ng pangungusap, maglagay ka ng guhit. Huwag kang mag-iiwan ng patlang. Basahin mong mabuti ha. Siguraduhin mong ’yung mga sinabi mo lang ang pipirmahan mo.”
Pagkaraan lang ng dalawang araw, hinuli uli ng mga pulis si Sotir dahil sa pangangaral. Sa presinto, may pinapipirmahan sa kaniya. Pipirma na sana siya nang maalala niya ang payo ni Spiro. Kahit na inaapura siya ng pulis, binasa muna itong mabuti ni Sotir.
“Sori po,” ang sabi niya, “hindi ko ito pipirmahan. Wala akong sinabing ganito. ’Pag pinirmahan ko ’to, sinungaling ang labas ko, eh hindi ako ganun.”
Sa galit, latay ang inabot ni Sotir sa mga pulis. Ilang
oras nila siyang hinagupit. Nang hindi pa rin nila mapasunod si Sotir, pilit nila siyang pinahawak ng dalawang kawad at ilang ulit siyang kinuryente.“Noong hindi ko na kaya,” ang kuwento ni Sotir, “nanalangin ako at napaiyak. Tapos, biglang bumukas ang pinto. Naroon ang hepe. Nang makita niya ang nangyayari, sinabi niya: ‘Itigil n’yo ’yan! Hindi n’yo puwedeng gawin ’yan!’” Alam nilang labag sa batas ang torture. Kaya itinigil ito ng mga pulis. Pero pilit pa rin nilang pinapipirma si Sotir. Sa kabila nito, matatag pa rin siya.
“Suko na kami sa iyo!” ang sabi nila. Sila ngayon ang napilitan na isulat ang totoong pahayag at mainam na patotoo ni Sotir. Iniabot nila ito sa kaniya. Kahit na bugbog-sarado at kinuryente, binasa pa rin itong mabuti ni Sotir. Kapag may patlang sa pagtatapos ng pangungusap, nilalagyan niya ito ng guhit.
“At saan mo naman natutuhan ’yan?” ang tanong nila.
“Tinuruan ako ni Jehova na huwag pumirma sa hindi ko sinabi,” ang sagot ni Sotir.
“Ah ganun. O, eh sino ang nagbigay sa iyo nito?” ang tanong ng isang pulis habang iniaabot kay Sotir ang isang piraso ng tinapay at keso. Mga 9:00 n.g. na noon, at gutom na gutom na si Sotir dahil maghapon na siyang walang kain. “Si Jehova ba? Hindi. Kami.”
“Maraming paraan si Jehova ng paglalaan,” ang sagot ni Sotir. “Pinalambot niya lang ang puso ninyo.”
“Pakakawalan ka na namin,” ang sabi ng mga pulis, “pero kung mangangaral ka uli, alam mo na ang mangyayari sa iyo.”
“Kung ganun, huwag n’yo na akong pakawalan, kasi hindi ako titigil sa pangangaral,” ang sagot ni Sotir.
“Huwag na huwag mong ipapaalam sa iba ang
nangyari dito!” ang sabi ng pulis.“Kung may magtanong sa akin,” ang sagot ni Sotir, “hindi ako magsisinungaling.”
“Umalis ka na nga!” ang sigaw ng pulis.
Isa lamang si Sotir sa marami na pinahirapan nang husto. Pagkatapos ng matinding pagsubok na ito kay Sotir, saka pa lamang siya nabautismuhan.
Sa loob ng maraming taon, binusisi ang mga sulat na labas-masok sa Albania. Hindi detalyado ang mga balitang lumalabas. Habang humihigpit ang paglalakbay at pagpupulong, unti-unti nang hindi nagkita ang mga kapatid. Dahil hindi pa naoorganisa noon ang gawain sa bansa, mahirap malaman kung ano talaga ang nangyayari. Pero dumami pa rin ang yumayakap sa katotohanan. Noong 1940, may 50 kapatid sa Albania, at noong 1949, may 71.
PAGSULONG SA KABILA NG TENSIYON
Mas umigting ang kalagayan noong dekada ng 1950. Tumindi ang tensiyon sa pagitan ng Albania at Gresya. Wala silang relasyon ni komunikasyon man sa Estados Unidos at Inglatera. Nagkakalamat naman ang relasyon nila sa Unyong Sobyet. Inihihiwalay na ng Albania ang sarili nito sa mundo at minamanmanan ang lahat ng komunikasyon.
Sa kabila nito, dalawang brother ang kahit paano’y nakapagpapadala ng mga sulat at postcard sa mga kapatid sa Switzerland. Sumasagot ang mga kapatid na Swiso sa wikang Pranses o Italyano gamit ang isang uri ng code. Sa tulong ng mga postcard na ito, nabalitaan ng mga kapatid sa Albania ang tungkol sa kombensiyon sa Nuremberg noong 1955. Napatibay ang mga kapatid sa Albania sa balitang malaya na ang gawain sa Alemanya pagkatapos bumagsak ang puwersa ni Hitler.
Noong 1957, may 75 mamamahayag sa Albania. Bagaman di-tiyak ang eksaktong bilang ng dumalo sa Memoryal, “marami-rami” rin ito, ang ulat ng 1958 Yearbook, at “nangangaral pa rin ang mga kapatid sa Albania.”
Ayon sa 1959 Yearbook: “Patuloy na ginagawa ng tapat na mga lingkod na ito ni Jehova ang kanilang makakaya. Hayagan nilang sinasabi sa iba ang katotohanan at sumubok ding mag-imprenta ng ilang publikasyon. Masayang-masaya sila sa nakakarating sa kanilang matigas na pagkain sa tamang panahon, kahit na pinutol ng mga Komunista ang lahat ng komunikasyon mula sa ibang bansa.” Ganito nagtapos ang ulat: “Maihiwalay man ng mga tagapamahala ang mga kapatid sa Albania mula sa lipunan ng Bagong Sanlibutan, hindi nila kayang pigilan ang pagdaloy ng banal na espiritu ng Diyos.”
MAHIRAP PA RIN ANG SITWASYON
Noon, ang lahat ay obligadong magdala ng military identity card. Ang ayaw ay puwedeng mawalan ng trabaho o makulong. Kaya ilang buwan na namang nabilanggo sina Nasho Dori at Jani Komino. Bagaman nakipagkompromiso ang ilang takót mawalan ng trabaho, isang grupo ng tapat na mga kapatid ang nagdiwang
ng Memoryal noong 1959, at marami pa rin ang nangangaral.Binuwag ang Ministry of Justice noong 1959, pati na ang propesyon ng mga abogado. Ang Partido Komunista na ang gumagawa at nagpapatupad ng lahat ng batas. Itinuturing na kaaway ang mga ayaw bumoto. Laganap ang takot at paghihinala.
Ang mga kapatid sa Albania ay nagpadala ng mga mensaheng nagsasabi tungkol sa hirap ng sitwasyon nila. Pero tiniyak nilang maninindigan silang tapat. Samantala, sinisikap ng punong tanggapan sa Brooklyn na makipag-ugnayan sa kanila. Hinilingan si John Marks, tubong timog ng Albania pero nasa Estados Unidos, na kumuha ng visa para makapasok sa Albania.
Makaraan ang isa’t kalahating taon, nakakuha si John ng visa, pero hindi ang asawa niyang si Helen. Dumating si John sa Durrës noong Pebrero 1961 at pumunta sa Tiranë. Nakipagkita siya sa kaniyang kapatid na babaing si Melpo na interesado sa katotohanan. Kinabukasan, tinulungan niya si John na makipag-ugnayan sa mga kapatid.
Matagal na nakipag-usap si John sa mga kapatid at binigyan sila ng mga literaturang itinago niya sa
kaniyang maleta. Tuwang-tuwa sila. Wala pa kasing nakadalaw sa kanila mula sa ibang bansa sa nakalipas na 24 na taon.Sa tuos ni John, may 60 kapatid sa limang bayan at ilan pa sa maliliit na nayon. Sa Tiranë, patagong nagtitipon ang mga kapatid tuwing Linggo para repasuhin ang mga publikasyong naitago nila mula pa noong 1938.
Dahil matagal nang halos walang komunikasyon sa organisasyon ang mga kapatid sa Albania, kailangan silang i-update tungkol sa mga kaayusan at bagong liwanag. Halimbawa, pati ang mga sister ay nangangasiwa sa mga pulong, at nangunguna pa nga sa panalangin. Nang maglaon, isinulat ni John: “Medyo nag-aalala ang mga brother kung tatanggapin ng mga sister ang mga bagong kaayusan. Kaya ako ang pinagpaliwanag sa mga sister. Buti na lang at tinanggap nila ang mga ito.”
Kahit nagdarahop, masigasig pa rin ang mga tapat na lingkod na ito sa gawaing pang-Kaharian. Halimbawa, napansin ni John ang dalawang may-edad nang brother na taga-Gjirokastër na nagtabi “mula sa kanilang kakaunting pera para makaipon ng pangdonasyon sa Samahan.” Bawat isa ay nakaipon ng mga baryang ginto na nagkakahalaga ng mahigit 100 dolyar.
Natuwa ang mga kapatid nang matanggap nila ang buklet na Preaching and Teaching in Peace and Unity, na naglalaman ng tagubilin kung paano oorganisahin ang kongregasyon, kahit may pagbabawal. Noong Marso, pinangasiwaan ni John ang Memoryal sa Tiranë sa bahay ni Leonidha Pope, na dinaluhan ng 37. Pagkatapos ng pahayag, sumakay ng bangka si John patungong Gresya.
Matapos makita ng punong tanggapan ang ulat ni John tungkol sa Albania, inatasan nila si Leonidha
Pope, Sotir Papa, at Luçi Xheka na pangasiwaan ang Kongregasyon ng Tiranë at ang gawain sa bansa. Inatasan si Spiro Vruho bilang tagapangasiwa ng sirkito. Dadalawin niya ang mga kongregasyon, at sa gabi, makikipagpulong siya sa mga kapatid para magpahayag at tumalakay ng mga publikasyon. Ginawa ng organisasyon ang lahat para patibayin ang mga kapatid sa Albania at matulungan silang umalinsabay sa organisasyon.Gayunman, dahil sa higpit ng gobyerno, hindi makapagpadala ang organisasyon ng pormal na mga liham ng tagubilin. Kaya inunti-unti ni John ang pagbibigay ng mga impormasyon sa mga kapatid sa Albania. Gumamit siya ng code na tumutukoy sa mga pahina ng mga publikasyon. Di-nagtagal, nagpadala ng report ang mga kapatid, na nagpapakitang naintindihan nila ang mga tagubilin. Ang tatlong brother sa Tiranë ang nagsilbing Komite ng Bansa, at regular na dumadalaw si Spiro sa mga kongregasyon.
Naging mapamaraan ang mga brother sa Albania sa pagrereport sa punong tanggapan hinggil sa gawain. Nagpadala sila ng mga postcard sa ilang brother sa ibang bansa. Gumamit sila ng napakatulis na pen para isulat sa likod ng selyo ang report na naka-code. Halimbawa, isusulat nila ang numero ng pahina ng buklet na Preaching and Teaching na may paksang “mamamahayag.” Ang kasunod na numero ay ang bilang ng mga mamamahayag na nag-ulat sa buwan na iyon. Sa loob ng maraming taon, ganito ang ginawa ng mga kapatid sa ibang bansa para makapagpadala ng impormasyon sa Albania.
ISANG DAGOK SA MAGANDANG PASIMULA
Bagaman sinisikap ng Komite ng Bansa na maitaguyod ang dalisay na pagsamba, may nangyaring Gawa 8:1, 3 tungkol sa mga Kristiyanong ipinakulong ni Saul ng Tarso. Ano ba ang nangyari at ganoon ang balita?
hindi maganda. Noong 1963, sumulat si Melpo sa kuya niyang si John Marks na dalawa sa tatlong miyembro ng Komite ng Bansa, sina Leonidha Pope at Luçi Xheka, ay “inilayo sa kanilang mga pamilya” at ang alam niya, wala nang nagpupulong. Di-nagtagal, nakatanggap sila ng impormasyon na naospital si Spiro Vruho, at na sina Leonidha Pope at Luçi Xheka ay may sakit, kasabay ng pagtukoy saSa pabrikang pinagtatrabahuhan nina Leonidha Pope, Luçi Xheka, at Sotir Ceqi ay may pumupuntang mga miyembro ng Partido Komunista para itaguyod ang adhikain ng Komunismo. Isang araw, nang talakayin ng mga ito ang ebolusyon, sumabad sina Leonidha at Luçi: “Hindi! Hindi galing sa unggoy ang mga tao!” Kinabukasan, silang dalawa ay inilayo sa kanilang mga pamilya at ipinatapon sa malalayong lunsod, isang parusa na kung tawagin sa Albania ay internim (internment). Ipinatapon si Luçi sa kabundukan ng Gramsh. Si Leonidha, na pinaghinalaang “pinuno,” ay ipinatapon sa malamig na kabundukan ng Burrel. Pitong taon bago siya nakauwi sa kaniyang pamilya sa Tiranë.
Pagsapit ng Agosto 1964, waring nahinto na nga ang mga pulong. Ayon sa kaunting balitang lumalabas sa Albania, mahigpit ang pagmamanman ng mga Sigurimi
sa mga kapatid. Ganito ang isang mensahe sa likod ng selyo: “Ipanalangin ninyo kami. Mga literatura, kinukumpiska. Bawal ang pulong. Tatlo, nasa internim.” Noong una, inakala na napalaya na sina Pope at Xheka dahil sila lang ang nakakaalam ng paggamit ng code sa likod ng selyo. Pero nang maglaon, nalaman nilang ang misis pala ni Luçi, si Frosina, ang nagpadala ng mensahe.Ang mga brother na nangunguna ay ipinatapon. Siniguro naman ng mga Sigurimi na hindi makapag-uugnayan ang iba pang mga kapatid. Pero ang mga brother na ipinatapon ay nagpapatotoo sa sinumang makausap nila. Madalas sabihin ng mga taga-Gramsh: “Narito na ang mga ungjillorë [ebanghelisador]. Hindi sila nagsusundalo, pero sila ang nagtatayo ng ating mga tulay at nagre-repair ng ating mga generator.” Napakaganda ng reputasyon ng tapat na mga kapatid na ito, at hindi ito nalimutan.
NAGING ATEISTA ANG ALBANIA
Samantala, pinutol ng Albania ang relasyon nito sa Unyong Sobyet at pinatatag ang alyansa sa Tsina. Sa lakas ng hatak ng Komunismo sa mga Albaniano, ginaya pa nila ang damit na isinusuot ni Mao Tse-tung, ang chairman ng Partido Komunista ng Tsina. Pagsapit ng 1966, binuwag ni Enver Hoxha ang mga ranggo sa militar. Lahat ay pinagdududahan at walang puwedeng kumontra sa gobyerno.
Sa mga artikulo ng mga pahayagang pinatatakbo ng gobyerno, binatikos ang mga relihiyon. Tinawag itong “mapanganib na elemento.” Pagkatapos, binuldoser ng isang grupo ng mga estudyante ang isang simbahan sa Durrës. Sunud-sunod, sa iba’t ibang lunsod, sinira ang iba pang gusali ng mga relihiyon. Noong 1967, kasabay ng kampanya ng gobyerno na
itakwil ang mga relihiyon, ang Albania ang naging kauna-unahang ateistang bansa. Kung sa ibang Komunistang estado ay hinihigpitan lang ang relihiyon, sa Albania, talagang ipinagbabawal ito.Ikinulong ang ilang paring Katoliko, Muslim, at Ortodokso dahil sa kanilang pamumulitika. Maraming pari ang nakalusot dahil hindi na sila umalma at nanahimik na lamang. Ginawang mga museo ang ilang makasaysayang simbahan. Ipinagbawal ang mga simbolo ng relihiyon—krus, imahen, o moske. Ginagamit lang ang salitang “Diyos” sa pang-aalipusta. Dahil sa mga kaganapang ito, lalong humirap ang sitwasyon ng mga kapatid.
Namatay ang ilan sa mga kapatid noong dekada ng 1960. Ang mga natira naman na nangalat ay hindi tumigil sa pagtatanggol sa katotohanan. Pero kahit makatagpo sila ng interesado, takót makinig ang mga ito.
DI-NAGMALIW ANG PAG-IBIG SA KATOTOHANAN
Noong 1968, sumulat si Gole Flloko kina John at Helen Marks tungkol sa kaniyang humihinang kalusugan. Bawal noong mangaral at magpulong. Pero sinabi ng mahigit 80 anyos nang si Gole na madalas siyang nakikipag-usap sa kaniyang mga kaibigan at sa mga tao sa pamilihan, parke, o kapihan. Di-nagtagal, namatay ang tapat na si Gole. Gaya ng maraming Albaniano, walang nakapag-alis ng kaniyang pag-ibig kay Jehova at sa katotohanan.
Hindi na makadalaw ang may-edad nang si Spiro Vruho sa mga kongregasyon. Maaga noong 1969, natagpuan siyang patay sa isang balon. Ayon sa mga Sigurimi, nagpakamatay siya. Pero totoo ba iyon?
Di-umano, may suicide note si Spiro na siya raw ay nanlulumo, pero hindi naman niya iyon sulat-kamay.
At masigla naman siya bago nangyari ito. Bukod diyan, may mga kaduda-dudang marka sa kaniyang leeg. Wala ring nakitang lubid sa balon na maaaring ginamit niya para magbigti, at walang tubig ang baga niya.Pagkalipas ng ilang taon, napag-alamang binantaan si Spiro na kung hindi siya boboto, ibibilanggo siya at ang kaniyang pamilya, at hindi na sila bibigyan ng rasyon ng pagkain. Nadiskubre ng mga kapatid sa Tiranë na pinatay siya bisperas ng eleksiyon, at inihulog sa balon. Hindi lang ito ang huling insidente ng diumano’y pagpapakamatay na ipinaninira sa mga Saksi ni Jehova.
INIHIWALAY SA LOOB NG ISANG DEKADA
Noong 1971, nagsaya ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig nang madagdagan ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala sa Brooklyn, New York. Tuwang-tuwa rin ang mga kapatid nang ipatalastas ang kaayusan sa pag-aatas ng mga elder at ministeryal na lingkod. Pero ilang taon pa bago nabalitaan ng mga kapatid sa Albania ang tungkol dito. At nalaman lang nila ito sa mga turistang kapatid mula sa Estados Unidos na nakipag-usap kay Sister Llopi Bllani sa Tiranë. Napag-alaman ng mga turistang ito na nahinto ang mga pagpupulong, at na tatatlo lang
ang aktibong Saksi sa lunsod. Pero ang totoo, higit pa rito ang bilang.Mula pa 1966 ay nasa Gresya na ang Albanianong si Kosta Dabe para kumuha ng visa pabalik ng Albania. Sa edad na 76, gusto niyang ituro ang katotohanan sa kaniyang mga anak. Dahil hindi mabigyan ng visa, iniwan ni Kosta ang kaniyang U.S. passport sa border ng Albania para makapasok sa bansa, kahit alam niyang baka hindi na siya makalabas doon.
Noong 1975, isang mag-asawang Albaniano mula sa Amerika ang bumisita sa Albania bilang mga turista. Sa kanilang liham, binanggit nila na “mas hinihigpitan ngayon” ang mga Saksi ni Jehova. Laging nakabuntot sa mga turista ang opisyal na mga tour guide, na marami’y miyembro ng Sigurimi. Pagkaalis ng mga turista, sinumang kinontak nila ay babantayan ng mga Sigurimi. Duda sila sa mga turista at kinaiinisan nila ang mga ito. Takót ang mga tao sa mga turista.
Sa liham ni Kosta Dabe noong Nobyembre 1976, iniulat niya na lima ang dumalo sa Memoryal sa Vlorë, may isa sa Përmet, at isa sa Fier. Sa Tiranë, may dalawa at may apat pa sa magkaibang lugar. Kaya batay sa ulat niya, di-bababa sa 13 ang nagdiwang ng Memoryal noong 1976.
Tandang-tanda pa ni Kulla Gjidhari noong nagdiwang siya ng Memoryal: Mateo kabanata 26 ang tungkol sa Memoryal na pinasimulan ni Jesus. Nanalangin ako, itinaas ang tinapay, at saka ibinaba ito. Itinuloy ko ang pagbasa sa Mateo, nanalangin uli, itinaas ang alak, at ibinaba ito. Tapos, umawit ako. Mag-isa man ako, alam kong kasabay ko ang mga kapatid sa buong daigdig!”
“Gumawa ako ng tinapay noong umaga at naglabas ng alak. Kinagabihan, isinara ko ang kurtina at kinuha ang Bibliya na nakatago sa likod ng inodoro. Binasa ko saKaunti lang ang kamag-anak ni Kulla. Bata pa siya nang kupkupin siya ni Spiro Karajani, na nakatira sa Tiranë at may anak na babae, si Penellopi. Namatay si Spiro noong mga 1950.
LALO PANG HUMIWALAY ANG ALBANIA
Noong 1978, lalong pang humiwalay ang Albania nang putulin nito ang pakikipag-alyansa sa Tsina. Bumuo ng bagong konstitusyon na naglalayon na gawing independiyente ang bansa at kontrolin ang lahat ng aspekto ng buhay, pati na ang teatro, ballet, panitikan, at sining. Ipinagbawal ang anumang klasikal na musikang itinuturing na laban sa gobyerno. Ang mga awtorisadong manunulat lamang ang pinapayagang magkaroon ng makinilya. Ang sinumang mahuling nanonood ng mga banyagang programa sa telebisyon ay iimbestigahan ng Sigurimi.
Sa kabila ng matinding paghihigpit, may mga kapatid mula sa Alemanya, Austria, Estados Unidos, Sweden, at Switzerland na pumasyal sa Albania para malaman ang lagay ng mga kapatid doon. Laking pasasalamat ng iilang kapatid na nakausap ng mga turistang ito. Pero magkakalayo pa rin ang mga kapatid, kaya iilan lang ang nakakabalita kapag may dumarating na bisita.
Taóng 1985 namatay ang matagal nang diktador
na si Enver Hoxha. Magkakaroon ng pagbabago sa gobyerno at lipunan. Nang sumunod na taon, namatay si John Marks. Bumisita sa Albania ang biyuda niyang si Helen, na noo’y mga 65 anyos na. Nang kunin niya ang kaniyang visa, binalaan siya ng mga awtoridad: “Kapag may nangyari sa iyo doon, huwag kang umasa na may tutulong sa iyo.”Napakalaking bagay para sa iilang kapatid sa Albania ang dalawang-linggong pagbisita ni Helen. Sa wakas, nagkita sila ng hipag niyang si Melpo, na nakaalam ng katotohanan sa kuya nito 25 taon na ang nakakaraan. Kahit hindi pa bautisado si Melpo, naging kontak siya ng organisasyon sa loob ng maraming taon.
Nakausap din ni Helen sina Leonidha Pope at Vasil Gjoka, na nabautismuhan noong 1960. Nabalitaan din ni Helen na may pito pang Saksi sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Itinawid niya sa mga kapatid sa Albania ang mga bagong kaayusan sa organisasyon at kung paano sumusulong ang gawain sa ibang bansang Komunista. Maingat na nagpapatotoo si Helen sa mga tao. At napansin niya ang hirap ng buhay sa Albania.
“Para makakuha ng kaunting gatas,” ang sabi niya, “pipila sila mula alas tres ng madaling araw. Maraming tindahan ang walang laman.”
Noong 1987, sinikap ng sangay sa Austria at Gresya na makapagpadala ng mga turista sa Albania. Bumisita noong 1988 ang taga-Austria na si Peter Malobabic at ang kaniyang maybahay. Tuwang-tuwa si Melpo sa ibinigay nilang blouse. Pero mas ikinatuwa niya ang nakatago sa blouse, ang aklat na “Mga Bagay na Doo’y Hindi Maaaring Magsinungaling ang Diyos.”
Noong taon ding iyon, isa pang mag-asawa ang nagbigay kay Melpo ng mga literatura, pero ingat na ingat
sila dahil bantay-sarado sa kanila ang mga Sigurimi. Kapag ilang minuto silang nakalibre sa kanilang diumano’y opisyal na tour guide, saka lang sila nakakakontak sa mga kapatid. Nalaman nilang may sakit si Leonidha at maraming iba pang kapatid ang matatanda na at laging minamanmanan.NAGBAGO ANG SITWASYON
Noong 1989, nagbago ang kalagayan sa pulitika. Inalis ang hatol na kamatayan sa mga nagtangkang tumakas sa Albania. Muling bumisita si Helen. Inihatid niya ang mga impormasyon at tagubiling ipinadala sa kaniya. Dinalaw rin ni Vasil Gjoka ang mga kapatid sa abot ng makakaya niya.
Pinuntahan ng mga Sigurimi si Helen. Pero iba ang pakay nila—manghihingi lang pala sila ng pasalubong mula sa Amerika. Ang laki ng ipinagbago nila!
Bumagsak ang Berlin Wall noong Nobyembre 9, 1989, at naramdaman agad sa Albania ang epekto nito. Marso 1990 nang gumawa ng gulo ang mga tao sa Kavajë laban sa Komunismo. Libu-libo ang sumugod sa mga embahada sa Tiranë para makaalis ng bansa. May mga estudyanteng nag-hunger strike para isulong ang kanilang reporma.
Noong Pebrero 1991, pinatumba ng nagngangalit na mga tao ang sampung-metrong estatuwa ni Enver Hoxha na matagal nang nakatayo sa Skanderbej Square sa Tiranë. Para sa mga tao, tapos na ang mga araw ng diktador. Marso nang mang-hijack ng mga barko sa Durrës at Vlorë ang mga 30,000 Albaniano para makapunta sa Italya. Nang buwan ding iyon, noon lang ulit nagkaroon ng eleksiyon na pinaglabanan ng maraming partido. Bagaman nanalo ang Partido Komunista, makikitang humihina na ang puwersa nito.
Agosto 1991 nang dumalaw sa huling pagkakataon si Helen Marks sa Albania. Marami nang pagbabago. Isang buwan bago nito, bumuo ang gobyerno ng tanggapan para sa usaping panrelihiyon. Sa wakas, makalipas ang 24 na taon, malaya na naman ang mga relihiyon. Kumilos agad ang mga kapatid at pinag-ibayo ang pangangaral at pag-oorganisa ng mga pulong ng kongregasyon.
Nagpunta si Vasil Gjoka sa sangay sa Gresya para magsanay sa pag-oorganisa ng gawaing pangangaral. Dahil hindi siya gaanong marunong mag-Griego, sinikap ng mga brother na medyo marunong mag-Albaniano na sanayin siya. Pagbalik ni Vasil sa Tiranë, ginamit niya ang kaniyang natutuhan at pinahusay ang kalidad ng dalawang lingguhang pulong, isa rito ang pag-aaral sa kalalabas lang na Albanianong edisyon ng Ang Bantayan.
Naaalala ng isang brother: “Nagsisimula ang mga pulong sa awit at panalangin. Inaawit namin dati ’yung mga itinuro ng mga may-edad nang kapatid. Ang saya ng pag-aaral, at natatapos ito sa isang awit—dalawa, o tatlo, o higit pa! Tapos, mananalangin kami.”
Sina Thomas Zafiras at Silas Thomaidis mula sa Gresya ay nagdala ng mga literatura noong Oktubre 1991 at Pebrero 1992. Nakipagkita sila sa mga kapatid sa Tiranë at sa mga di-bautisadong mamamahayag sa Berat. Gumawa sila ng listahan ng mga interesado na kailangang tulungan. Uháw na uháw sa espirituwal ang mga tao dahil sa maraming taon ng pagbabawal sa relihiyon. Halimbawa, sa Berat, nagpupulong ang mga interesado kahit walang kasamang bautisado. Paano sila matutulungan?
DI-INAASAHANG ATAS
Mga misyonero sa Dominican Republic sina Michael at Linda DiGregorio. Ang lolo’t lola ni Michael ay kabilang sa mga Albanianong nabautismuhan sa Boston noong dekada ng 1920. Medyo marunong mag-Albaniano si Michael. Nagplano ang mag-asawa na bumisita nang tatlong araw sa mga kamag-anak nila sa Albania noong 1992, at nagtanong sila sa Lupong Tagapamahala kung puwede ba silang makipagkita sa mga kapatid. Nagulat sila nang hilingan sila ng Lupong Tagapamahala na manatili roon nang tatlong buwan para tumulong sa pag-oorganisa ng pangangaral.
Pagdating sa sangay sa Roma, binigyan sila ng mga kapatid mula sa Gresya at Italya ng mga impormasyon tungkol sa sitwasyon sa Albania at ipinakita sa kanila ang litrato ng ilang kapatid, kabilang na si Vasil Gjoka. Bukás na uli ang Albania para sa mga banyaga, at dumating sa Tiranë noong Abril 1992 ang mga DiGregorio. Pero magulo pa rin ang pulitika at problemado ang mga tao sa kanilang kinabukasan.
Sa airport, sinalubong kaagad ng mga kamag-anak sina Michael at Linda, at niyakap sila ng mga ito. Naroon din si Vasil Gjoka, at namukhaan siya ni Michael.
“Mauna ka na,” ang sabi ni Michael kay Linda, “sandali lang ako.”
Isinama na ng mga kamag-anak si Linda sa sasakyan at binuhat nila ang mga maleta. Lumapit naman agad si Michael kay Vasil.
“Babalik ako sa Linggo,” ang dali-daling sabi ni Michael kay Vasil, “tapos hahanapin kita.”
Nilapitan agad si Michael ng kamag-anak niyang si Koço, at sinabi: “Ano’ng ginagawa mo? Bakit nakikipag-usap ka sa hindi mo kilala?” Hindi niya pa kasi alam na Saksi ni Jehova sila Michael.
Habang papunta sa Korçë, nakita ng mag-asawa na ibang-iba ang Albania sa pinanggalingan nila. “Malungkot ang paligid, walang kabuhay-buhay, at maalikabok,” ang naalala ni Michael. “Kahit saan ka tumingin, may barbed wire. Nakakaawa ang hitsura ng mga tao. Napakadalang ng sasakyan. Basag ang mga bintana. Manu-mano pa rin ang pagsasaka ng mga tao. Walang ipinagbago mula noong panahon ng lolo ko! Parang tumigil ang panahon.”
“ISINUGO KAYO NG DIYOS”
May matagal nang itinatago si Koço, at gusto niya itong ipakita kay Michael. Nang mamatay ang lola ni Michael, tumanggap sila ng napakahabang sulat mula sa kamag-anak nila sa Boston. Ang unang sampung pahina ay halos tungkol sa pamilya, pero sa bandang dulo, ipinaliwanag nila ang pagkabuhay-muli.
“Binuksan ng mga pulis ang sulat,” ang sabi ni Koço kay Michael, “at binasa ang ilang pahina. Pero nainip sila at sinabi: ‘O ’ayan! Puro pampamilya lang pala ’yan!’ Nang mabasa ko ’yung dulo, natuwa ako na may tungkol sa Diyos pala doon!”
Saka sinabi ni Michael kay Koço na silang mag-asawa ay mga Saksi ni Jehova, at nagpatotoo siya rito.
Gaya noong panahon ng Bibliya, kaugalian ng mga taga-Albania na asikasuhin at pangalagaan ang kanilang mga bisita. Kaya nagpumilit si Koço na samahan sina Michael at Linda sa Tiranë.
“Hindi namin makita sa Tiranë ang bahay ni Vasil,” ang natatandaan ni Michael, “wala kasing karatula ang mga kalye. Kaya sinabi ni Koço na pumunta kami sa post office.”
“Pagkagaling sa post office,” ang sabi ni Linda, “walang kibo si Koço, at dumeretso na kami sa apartment ni Vasil.”
Nang maglaon, sinabi ni Koço: “Alam n’yo, nung ipagtanong ko si Vasil sa post office, sabi nila: ‘Santo ang taong iyon! Alam mo ba kung ano ang pinagdaanan niya? Walang gaya niya sa Tiranë!’ Nang marinig ko iyon, natanto ko na isinugo kayo ng Diyos dito! Hindi ko kayo hahadlangan sa pakay ninyo!”
PAG-OORGANISA SA TIRANË
Tuwang-tuwa si Vasil na makita ang mag-asawang DiGregorio, at matagal silang nag-usap. Gabi na nang sabihin sa kanila ni Vasil na namatay noong umagang iyon si Jani Komino, na nakulong kasama ni Nasho Dori. Bakit hindi pumunta si Vasil sa libing ng mahal niyang kapatid at kaibigan noong araw na iyon? “Kasi darating ang ipinadala ng Lupong Tagapamahala,” ang sabi niya.
Kailangan nina Michael at Linda na manatili sa Tiranë. Pero noong panahong iyon, ayaw ng gobyerno na may mga banyaga sa lunsod. Ano ang gagawin nila?
“Ipinaubaya namin ito kay Jehova,” ang sabi ni
Michael, “at nakakita rin kami ng maliit na apartment.”“Nasa may-ari ang susi,” ang sabi ni Linda, “kaya nakakapasok sila kung kailan nila gusto. Tapos, kailangan pa naming dumaan sa ibang apartment para makapasok sa amin. Ang kagandahan naman, medyo tago kami, at iyon ang gusto namin.”
Ikinuwento sa mag-asawang DiGregorio ng mga may-edad nang kapatid sa Tiranë ang lahat ng pinagdaanan nilang pagsubok. Pero may problema. Diskumpyado ang mga kapatid sa isa’t isa.
“Tapat ang bawat isa,” ang sabi ni Michael, “pero medyo duda sila sa isa’t isa. Mabuti na lang at palagay ang loob nila sa amin, kahit na dumidistansiya ang ilan sa ibang mga kapatid. Matapos ang mahinahong pag-uusap, nagkasundo sila na ang pinakamahalaga ay ang makilala ang pangalan ni Jehova. Nagkakaisa sila sa pag-ibig kay Jehova at nananabik sa magandang kinabukasan.”
Halatang napag-iiwanan ang mga kapatid sa Albania. Halimbawa, nang unang makita nina Kulla Gjidhari at Stavri Ceqi ang buklet na Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw, binuklat lang nila ito nang walang kaide-ideya kung ano ito.
“Ah, Manna!” ang bulalas ni Stavri, na tinutukoy ang Daily Heavenly Manna for the Household of Faith, na dating ginagamit noong natuto si Stavri ng katotohanan.
“Siya nga pala, kumusta na ang presidente, si Brother Knorr, saka ’yung kaibigan niya, si Fred Franz?” ang tanong ni Kulla. Talagang napakatagal na nilang walang balita!
DI-MALILIMUTANG MEMORYAL
Maliit para sa Memoryal ang 3-por-4 metrong apartment ni Vasil Gjoka, na karaniwang pinagdarausan ng mga pulong. Kaya sa dating headquarters ng pahayagan ng Partido Komunista nagtipon ang 105 na dumalo. Ito ang unang pagkakataon na hindi sa bahay ginanap ang Memoryal sa Tiranë. Kahit na 30 lang ang mamamahayag sa buong Albania noong 1992, masaya sila at 325 ang dumalo sa Memoryal.
Patuloy na dumarami ang grupo ng mga interesado sa Tiranë. Hanggang 40 ang dumadalo sa pulong sa apartment ni Vasil. May ilan na gustong maging di-bautisadong mamamahayag, at gusto namang magpabautismo ng iba. Kinausap na mabuti ng mga brother ang mga gustong magpabautismo. Dahil wala pang salin sa Albaniano ng aklat na Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo, direkta itong isinasalin ng mga brother habang tinatanong ang mga kandidato. Masinsinang Bible study naman ang idinaos sa ilang baguhan para masigurong naiintindihan nila ang katotohanan. Nakakatuwa na kahit walang nag-study sa kanila, napakarami na nilang alam sa Bibliya.
LEGAL NA SA WAKAS!
Nang sumunod na mga linggo, nakipag-usap ang mga kapatid sa mga abogado at opisyal para mairehistro ang ating pangangaral. May pormal na petisyon nang ipinasa ang isang grupo ng mga brother at ilang interesado sa Tiranë. Pero bago na ang administrasyon, kaya talagang kailangan nilang magtiyaga.
“Puro lakad kami,” ang sabi ng isang brother. “Habang naglalakad, masasalubong namin ang minister ng karapatang pantao, minister ng interior, minister ng katarungan, hepe ng pulisya, mga mambabatas, at
iba pang maiimpluwensiyang tao. Mababait sila at natutuwa na hindi na ganoon kahigpit ang pamahalaan. Karamihan nga sa kanila ay may alam na tungkol sa mga ungjillorë. Kitang-kita na buháy at aktibo ang mga Saksi ni Jehova sa Albania.”Ilang linggo nang nangangako ang mga opisyal na aaprobahan nila ang petisyon ng mga Saksi ni Jehova, pero wala namang nangyayari. Buti na lang at dumating si Angelo Felio, taga-Amerika na may dugong Albaniano, para bisitahin ang kaniyang pamilya sa Tiranë. Sumama si Angelo sa mga brother papunta sa babaing legal adviser ng minister na nag-aaproba sa legalisasyon ng mga relihiyon. Natuwa ang adviser nang malaman niyang kababayan pala niya ang pamilya ni Angelo.
“Saan kayo dun?” ang tanong niya kay Angelo. Akalain mong tagaroon din ang legal adviser.
“Ano’ng apelyido ninyo?” ang tanong ng adviser.
Laking gulat nilang magkamag-anak pala sila! Matagal na kasing walang balita ang mga pamilya nila.
“Dati pa hanga na ako sa patakaran ng organisasyon ninyo, at gusto kong tumulong,” ang sabi niya. “Pero ngayon, obligado akong tumulong kasi kamag-anak kita!”
Pagkaraan ng ilang araw, ibinigay ng legal adviser sa mga brother ang Order No. 100, na nagsasaad na legal na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Albania. Sa wakas, malaya na ang pagsamba sa tunay na Diyos, na
ipinagbawal mula pa noong 1939! “Hindi mailarawan ang saya namin noong araw na iyon,” ang sabi ng mag-asawang DiGregorio.Makaraan ang ilang linggo, ipinadala ng sangay sa Gresya, na nangangasiwa sa Albania, si Robert Kern para dalawin ang Tiranë. Ipinatalastas niya sa mga kapatid ang pagiging legal ng gawain at pag-oorganisa sa Kongregasyon ng Tiranë. Sinabi rin niya na ang teritoryo ng kongregasyon ay ang “buong bansa ng Albania.” Kailangan nang gawing puspusan ang organisadong pagbabahay-bahay. Inupahan ang isang bahay na may tatlong kuwarto sa Tiranë para gawing tahanan at opisina ng mga misyonero. May malaking kuwarto ito na ginamit bilang kauna-unahang Kingdom Hall.
NATAGPUAN ANG NAPABUKOD NA TUPA
“May mga Saksi ba sa Vlorë?” ang tanong ng mga brother habang pinag-uusapan ang pagsulong ng gawain sa Albania. Ang alam lang ng ilan, may matandang babaing Saksi doon na ulianin na raw.
Isang araw, may babaing pumunta sa opisina at sinabing siya at ang kaniyang pamilya ay mga ungjillorë, at na isang nagngangalang Areti ang nagturo sa kanila ng katotohanan sa Vlorë. Kaya nagpunta sa Vlorë ang mga kapatid sa Tiranë para hanapin si Areti.Si Areti Pina ay isang maliit at may-edad nang sister. Pagdating ng mga brother, pinatuloy niya sila. Wala siyang kibo. Nang magpakilala silang mga kapatid niya sila sa espirituwal, wala siyang reaksiyon.
Mayamaya, sinabi ni Areti, “May itatanong ako.” Saka niya sinunud-sunod ang tanong: “Naniniwala ba kayo sa Trinidad? Ano ang pangalan ng Diyos? Naniniwala ba kayo sa maapoy na impiyerno? Ano ang mangyayari sa atin kapag namatay tayo? Ano ang mangyayari sa lupa? Ilan ang pupunta sa langit?”
Isa-isang sinagot ng mga kapatid ang mga tanong.
“Nangangaral ba kayo?” ang tanong pa niya.
“Opo,” ang sabi ng isang brother, “nangangaral kami.”
“Pero paano kayo nangangaral?” ang dugtong niya.
“Nagbabahay-bahay kami,” ang sagot ng brother.
Napaiyak si Areti. Napalundag at napayakap siya sa brother.
“Mga kapatid ko nga kayo!” ang malakas na sabi niya. “Mga Saksi ni Jehova lang ang nagbabahay-bahay!”
Nabalitaan noon ng mga Protestante sa Vlorë na relihiyosa si Areti at niyaya nila siyang sumali sa kanila. “Pero ayokong mabahiran ng Babilonyang Dakila!” ang sabi niya sa mga brother. “Kaya sinigurado ko muna na kapananampalataya ko nga kayo!”
Nabautismuhan si Areti noong 1928 sa edad na 18. Inaakyat niya ang mga bundok para mangaral, dala ang Bibliya. Bagaman matagal siyang napabukod sa mga kapatid, patuloy siyang nangaral kahit nag-iisa.
“Napakabait ni Jehova,” ang sabi ni Areti habang umiiyak. “Hindi niya ako nakalimutan!”
Para sa mga tao, baliw si Areti dahil tiniis niya ang kalupitan ng diktadura para lamang manatiling tapat sa Diyos. Pero malayo ito sa katotohanan. Napakalinaw ng isip ni Areti!
MARAMING DAPAT GAWIN!
Yamang legal na ang mga Saksi sa Albania, maraming dapat gawin para sumulong ang gawaing pang-Kaharian doon. Kailangang i-update ang mga brother at patibayin sa espirituwal. Kailangang isalin ang mga publikasyon. Kailangan din ng mas maraming mángangarál. Sino ang tutulong sa kanila?
Noong 1992, dumating ang mga special pioneer mula sa Italya at Gresya, at nag-aral sila ng wikang Albaniano. Kasabay nito, sinimulang isalin ng isang maliit na grupo ang mga literatura. Bagaman nawawalan ng kuryente, na minsan ay inaabot nang 21 araw, masayahin pa rin ang mga kapatid at naging abala sa gawain.
Ang daming kailangang gawin. Kapag taglamig, kailangang painitin ang tahanan ng mga misyonero. Pero wala namang mabiling kahoy sa Albania. Paano na ang mga kapatid? Ang mga kapatid sa Gresya ay nagpadala ng malalaking piraso ng kahoy at lagaring de-kuryente. Pero may problema pa rin. Hindi maipasok ang mga kahoy sa maliit na butas ng pugon, at wala namang kuryente para lagariin ang mga ito. Buti na lang at may palakol ang kaibigan ng isang brother sa kabilang ibayo ng Tiranë. Walang mga sasakyan, kaya dalawang oras pa bago nakuha ang palakol. Kailangan pa itong isauli bago dumilim! “Palit-palitan kami sa pagsisibak ng kahoy habang nasa amin ang palakol,” ang natatandaan ng isang misyonero, “pero kahit paano, hindi kami gininaw noong taglamig.”
Sa kabila ng napakaraming gawain, tuwang-tuwa ang mga tagapagsalin sa ilang ulit na pagbisita nina Nick at Amy Ahladis na ipinadala ng Translation Services na ngayo’y nasa Patterson, New York. Ang kanilang mabait at maunawaing paraan ng pagtuturo ay nakatulong nang malaki sa mga bagong tagapagsalin, na natuto naman agad at napagbuti ang kalidad ng pagsasalin. Ang isinaling mga literatura ay iniimprenta sa sangay sa Italya.
Sulit ang lahat ng pagod dahil sa magandang pagtugon ng mga tao sa larangan. Napakasigasig din ng mga bagong mamamahayag. Halimbawa, ang bagong mamamahayag na si Lola ay gumugugol ng 150, 200, o higit pang oras bawat buwan sa ministeryo! Nang payuhan siyang maghinay-hinay, sumagot si Lola: “Ngayon pa lang nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ko! Saan pa ba mas mabuting gamitin ang oras ko?”
PATULOY NA SUMULONG ANG GAWAIN
Makasaysayan ang Marso 1993 para sa mga kapatid sa Albania. May mga special pioneer na sa Berat, Durrës, Gjirokastër, Shkodër, Tiranë, at Vlorë; inilabas Ang Bantayan, isyu ng Marso 1—ang kauna-unahang isyu na isinalin ng mga tagapagsaling Albaniano; idinaos sa kauna-unahang pagkakataon ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, kaya lima na ang pulong nila; inilathala ang unang Albanianong edisyon ng Ating Ministeryo sa Kaharian; at idinaos ang kauna-unahang special assembly sa Ballet-Opera Theater sa Skanderbej Square ng Tiranë.
May mga kapatid mula sa Gresya at Italya na dumalo. Si Nasho Dori ang nagbukas ng programa ng asamblea sa panalangin. Pinasalamatan niya si Jehova sa lahat ng tinanggap nilang pagpapala. Umabot nang 585 ang dumalo, at 41 ang nabautismuhan! Kasama rito ang mga anak at apo ng mga kapatid sa Albania na nanatiling tapat kay Jehova.
Nag-uumapaw ang tuwa ng mga kapatid sa kauna-unahan nilang pandistritong kombensiyon noong 1993. Mahigit 600 ang dumalo. May mga delegado mula sa Austria, Gresya, Italya, Pransiya, at Switzerland. Napakasaya ng mga Albanianong kapatid dahil matapos ang mahabang panahon ng pagbabawal, malaya na silang makapagtitipon kasama ng mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa!
Para higit silang maorganisa, inatasan ng Lupong Tagapamahala sina Nasho Dori, Vito Mastrorosa, at Michael DiGregorio bilang Komite ng Bansa sa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa Italya. Isa sa priyoridad nila ang humanap ng lugar na gagawing tanggapan at tuluyan ng dumaraming tagapagsalin.
Isa ang Italyanong si Stefano Anatrelli sa ikalawang
grupo ng mga special pioneer na nag-aral ng Albaniano. Pagkalipas ng limang linggo, ipinatawag siya sa opisina at sinabihan: “Gusto naming dalawin mo ang mga special pioneer at mga grupo bilang tagapangasiwa ng sirkito.”“Pero hindi pa ako marunong magsalita ng Albaniano!” ang unang reaksiyon ni Stefano. Gayunman, itinuring niya itong napakagandang pribilehiyo. Nagpatulong siya sa paghahanda ng ilang pahayag, at saka siya pumunta sa malalayong lugar sa Albania. Mga 30 taon na rin ang lumipas mula nang dumalaw si Spiro Vruho bilang tagapangasiwa ng sirkito noong panahon ng pagbabawal. Noong 1995, inatasan si Stefano na maging miyembro ng Komite ng Bansa.
Noong 1994, dumating ang ikatlong grupo ng mga pioneer mula sa Italya. Nahawahan ng sigasig ng mga payunir na iyon ang mga bagong mamamahayag sa Albania. Sa pagtatapos ng 1994 taon ng paglilingkod, 354 ang nakibahagi sa pangangaral.
Pero naninibago ang mga kapatid. Ibang-iba kasi ang sitwasyon noong bawal ang gawain. Ingat na ingat sila noon at hindi basta nagsasabi sa iba ng kanilang niloloob—lalo na sa mga banyaga. Pero nauunawaan ito ng mga banyagang kapatid at sinikap nilang makuha ang tiwala ng mga baguhang Albaniano.
Nang taon ding iyon, tuwang-tuwa ang lahat na makita si Theodore Jaracz, ang kauna-unahang miyembro ng Lupong Tagapamahala na bumisita sa Albania. Mahigit 600 ang nakapakinig ng pahayag niya sa Tiranë.
Samantala, nakabili sila ng gusali sa Tiranë. Sa loob ng wala pang anim na buwan, ang lumang bahay na iyon ay ginawang modernong mga opisina. At sa tulong ng masisipag na banyagang kapatid, nakapagtayo sila ng tirahan para sa 24 katao. Inialay ito noong
Mayo 12, 1996, nang dumalaw sa Albania si Milton Henschel ng Lupong Tagapamahala.MAG-ISA SILANG NANGARAL
Isang kabataang lalaki sa Korçë na nagngangalang Arben ang nakabasa ng literatura sa Bibliya na bigay ng ate niya. Nakita niyang ito ang katotohanan. Sumulat siya sa opisina, at sa loob ng ilang panahon ay patuloy na natuto ng katotohanan sa pamamagitan ng liham. Dalawang brother ang bumiyahe para higit pa siyang tulungan. Nang makita nilang puwede nang maging mamamahayag si Arben, isinama nila siya sa sentro ng Korçë para makita niya kung paano sila nangangaral sa mga nagdadaan.
Ganito ang kuwento ni Arben: “Binigyan nila ako ng magasin at sinabi, ‘O ikaw naman.’ Sinabi nilang mangaral akong mag-isa, at iyon nga ang ginawa ko.”
Lumipas ang ilang buwan bago dumating ang mga special pioneer para tulungan siya. Samantala, tumutugon ang mga tao sa pangangaral niya. Di-nagtagal
matapos dumating ang mga payunir, isang grupo ang nabuo.Sa pagtatapos ng taon, tumawag sa opisina ang mga payunir sa Vlorë at sinabing may sakit si Areti Pina at gusto niyang makausap ang isang nangangasiwa sa gawain. Nang dumating ang brother, pinalabas ni Areti ang mga nasa kuwarto para makausap niya nang sarilinan ang brother.
“Hindi na ako magtatagal,” ang sabi niya, habang naghahabol ng hininga. “Matagal ko na itong pinag-iisipan kaya gusto kong itanong sa inyo. Hindi ko na kayang alamin pa ang lahat ng detalye, pero kailangan kong malaman, Natupad na ba ang aklat ng Apocalipsis?”
“Opo. Karamihan ay natupad na,” ang sagot ng brother, at saka inisa-isa ang ilang bagay na hindi pa natutupad. Nakinig na mabuti si Areti.
“Ngayon puwede na akong mamatay,” ang sabi niya. “Gusto ko lang malaman kung nasaan na tayo.”
Sa loob ng maraming taon, isang masigasig na mamamahayag si Areti—noon mang nangangaral siyang mag-isa sa kabundukan o noong may sakit siya. Di-nagtagal matapos ang pag-uusap na iyon, natapos ni Areti ang kaniyang tapat na paglilingkod kay Jehova dito sa lupa.
TAPAT HANGGANG KAMATAYAN
Ang mahigit 80 anyos nang si Nasho Dori ay may sakit at mahina na. Pero isang grupo ng mga kabataan na pinagsusundalo ang nangangailangan ng kaniyang pampatibay-loob. Isang paring Ortodokso sa Berat, na inggit na inggit sa mabilis na pagsulong ng mga Saksi ni Jehova, ang nagsulsol sa mga awtoridad na usigin ang mga kabataang ito.
Nanganganib makulong nang ilang buwan ang anim na kabataang brother dahil sa pagtanggi nilang magsundalo. Alam ni Nasho na kailangan niyang palakasin ang mga brother na ito, kaya naupo siya sa kaniyang kama para mai-videotape ang mensahe niya sa kanila.
“Huwag kayong matakot,” ang paghimok ni Nasho sa mga brother. “Hindi na bago ang pagsubok na iyan. Tutulungan kayo ni Jehova. Makulong man kayo, huwag kayong mag-alala. Sa bandang huli, ang resulta niyan ay para sa kapurihan ng pangalan ni Jehova.”
Nang lumubha ang kalagayan ni Nasho, ipinatawag niya ang mga brother at sinabi: “Kailangan kong humingi ng tawad kay Jehova. Noong isang linggo, hiráp na hiráp ako kaya ang panalangin ko, mamamatay na sana ako. Tapos naisip ko, ‘Diyos na Jehova, kayo po ang Bukal ng buhay. Kalooban n’yo pong mabuhay kami. Pero humihiling ako ng isang bagay na labag sa inyong kalooban. Patawarin n’yo po ako!’”
Nang malaman ni Nasho na 942 na ang mamamahayag sa Albania, sinabi niya: “Sa wakas, mayroon na tayong malaking pulutong sa Albania!” Pagkaraan ng ilang araw, namatay siya. Natapos ni Nasho ang kaniyang tapat na paglilingkod kay Jehova dito sa lupa.
TRAZIRA—PANAHON NG KAGULUHAN
Pagsapit ng 1997, talamak ang pananamantala, panunuhol, at katiwalian. Maraming Albaniano ang nagbenta ng lahat ng kanilang pag-aari at namuhunan sa mga biglang-yamang pyramid scheme. Nang malugi sila, dinala ng mga tao sa kalsada ang kanilang protesta.
Kasabay nito, may ginaganap na special assembly, at isang sister na empleado ng isang mataas na opisyal ang nagsabi sa mga brother na malapit nang magbitiw ang punong ministro. Nalaman niyang magkakaroon ng napakalaking gulo. Pinaikli ang programa ng asamblea para makauwi agad ang mga kapatid. Dalawang oras pagkatapos ng asamblea, nagdeklara ng state of emergency sa bansa at nagpatupad ng curfew.
Walang nakakaalam kung bakit nagkakagulo. Maraming usap-usapan. May nakikialam kayang ibang bansa o away lang ito sa pulitika? Bumagsak ang pyramid scheme, at marami ang nabangkarote. Nag-riot ang mga tao sa Vlorë. Pinasok ang mga armory ng gobyerno at ninakaw ang mga armas. Habang inirereport ng media ang kaganapan, nag-aamok ang mga tao sa mga lunsod. Naligalig ang buong bansa, at walang magawa ang pulisya. Kabi-kabila ang pag-aalsa at kaguluhan.
Karamihan sa 125 banyaga na naglilingkod nang buong panahon sa Albania ay nagpunta sa Tiranë. Isinisisi ng maraming Albaniano sa mga dayuhan ang nangyayari, kaya tama lang na umalis ng bansa ang mga banyagang payunir. Dahil isinara ang airport, dinala ang ilang Italyanong payunir sa Durrës, na ang piyer ay hawak ng mga armadong lalaki. Matapos maghintay nang 12 oras, nakasakay rin sila ng bangka pauwi sa kanilang bansa.
Araw-araw na kinokontak ng Komite ng Bansa ang mga kapatid sa iba’t ibang panig ng Albania. Sa umaga, kikilabutan ka sa sobrang katahimikan sa labas. Pero sa hapon, magbabarilan ang mga tao, at tuluy-tuloy na iyon hanggang madaling araw. Aba, ang ilan ay may mga sandata pa ngang kayang magpabagsak ng eroplano! Ang kaguluhang ito ay tinawag na trazira.
“PARA SA KAPURIHAN NG PANGALAN NI JEHOVA”
Si Arben Merko, isa sa anim na kabataan sa Berat na nabilanggo dahil sa neutralidad, ay nagkuwento: “May maliit na butas sa selda ko. Tinanong ako ng lalaki sa kabilang selda kung sino ako.” Ilang linggong nagpatotoo si Arben sa lalaki. Pero isang araw, wala nang nagsasalita sa kabilang selda.
Pagkalaya ni Arben, may kabataang lalaki na pumunta sa kaniya sa bahay. Hindi niya ito kilala, pero pamilyar ang boses nito—siya ang lalaki sa kabilang selda!
“Pumunta ako para isauli ito,” ang sabi niya kay Arben, sabay abot ng isang amplifier.
Sinabi pa niya: “Noong trazira, ninakaw ko iyan sa Kingdom Hall n’yo. Pero nakonsensiya ako sa mga sinabi mo sa bilangguan. Gusto kong magkaroon ng malinis na budhi sa harap ng Diyos, kaya hayan, ibinabalik ko na.”
Naalala ni Arben ang mensahe sa kanila ni Nasho Dori: “Sa bandang huli, ang resulta niyan ay para sa kapurihan ng pangalan ni Jehova.”
PANGANGALAGA SA KAWAN NI JEHOVA
Dahil wala na ang mga banyagang elder, ang karamihan sa mga kongregasyon at malalaking grupo ay naiwan sa pangangalaga ng mga ministeryal na lingkod,
na edad 19 at 20. Isang araw, tatlong kabataang brother ang sumuong sa panganib at bumiyahe mula Vlorë patungong Tiranë. Kapos noon sa pagkain, kaya tinanong ng Komite ng Bansa ang mga brother kung anong materyal na tulong ang kailangan nila.“Naubusan na po kami ng report slip,” ang sabi ng mga kabataang brother. Gaya ng mga naunang tapat na Albaniano, mas mahalaga sa kanila ang pangangailangang espirituwal kaysa materyal. Ikinuwento rin nila na maraming tumutugon sa mabuting balita dahil laganap ang takot at pagkabahala sa kinabukasan.
Pagkatapos ng Memoryal, nakatanggap ng tawag ang opisina. “Mga sister po kami dito sa Kukës,” ang sabi ng isa, “at kami-kami lang po ang nagpupulong mula nang umalis ang mga payunir.”
Dahil sa kaguluhan, ang mga kapatid sa Tiranë ay nawalan ng balita sa mga mamamahayag sa Kukës. Pero pitong di-bautisadong mamamahayag ang nagdaos ng Memoryal sa dalawang magkaibang lugar. Bagaman nag-aalala sila na baka hindi nila naidaos nang wasto ang Memoryal, masaya nilang iniulat na 19 ang total ng dumalo. Kahit pa may curfew at delikado ang sitwasyon noong 1997, ang dumalo sa Memoryal sa Albania ay 3,154. At sa kabila ng kaguluhan, maingat na nangaral ang mga kapatid at nagbigay ng kaaliwan sa mga tao.
Nang malaman ng Komite ng Bansa na nangangailangan ng pagkain at literatura ang mga kapatid sa Gjirokastër, pinag-usapan nila kung ligtas bang magpadala ng tulong. Pero naputol ang usapan nila nang sabihin ng isang sister na may dumating na brodkaster at gusto silang makausap
tungkol sa ilang bagay na baka makatulong sa kanila.Walang alam ang brodkaster sa pinag-uusapan ng komite, pero sinabi niya: “Anuman ang pinaplano n’yo, huwag na huwag kayong pupunta sa timog bukas. Nakatanggap kami ng tip na may nakaambang pag-atake sa Tepelenë.” Dahil doon mismo dadaan ang trak ng relief papuntang Gjirokastër, kinansela ng mga brother ang biyahe.
Kinabukasan, pasado alas 11 ng umaga, isang news flash ang nag-ulat na isang madugong labanan ang naganap sa Tepelenë at pinasabog ang tulay sa lunsod. Laking pasasalamat ng mga brother kay Jehova at hindi niya sila hinayaang tumuloy noong araw na iyon!
Malapit sa Bethel, ilang linggo nang magdamagan ang barilan. Madalas habang nagdaraos sila ng pang-umagang pagsamba, panay naman ang putok ng mga machine-gun at pagsabog ng bomba. Basta-basta na lang nagpapaputok sa ere ang mga tao kaya maraming ligáw na bala. Para hindi sila tamaan, hindi lumabas ng Bethel ang pamilya, at ang mga tagapagsalin ay nagtrabaho sa sahig, malayo sa mga bintana.
Abril 1997 nang dumating ang 7,000 sundalo ng United Nations para magsauli ng katahimikan sa bansa. Agosto nang umalis sila sa Albania. Posible nang magdaos ng pandistritong kombensiyon ang mga kapatid. Napakasaya ng mga mamamahayag, dahil ilang buwan nang grupu-grupo lang sila kung magtipon.
Hinoldap ng mga armadong lalaki ang mga bus na inarkila ng mga kapatid patungong kombensiyon. Pero nang malaman ng mga ito na Saksi ni Jehova ang mga pasahero, sinabi nila: “Iba kayo! Hindi namin kayo sasaktan.”
Ano ang naging epekto ng trazira sa pangangaral sa
Albania? Hindi ito nakahadlang sa pagsulong. Sa halip, mas naging palaisip sa espirituwal ang mga tao dahil sa panganib at kabalisahang naranasan nila. Bilang resulta, sa loob lang ng 15 buwan, 500 bagong mamamahayag ang nadagdag. Kaya sa kabuuan, mahigit 1,500 na ang mamamahayag sa Albania.KOSOVO NAMAN ANG NAGKAPROBLEMA
Pagkatapos ng trazira, humupa ang gulo at patuloy na sumulong ang mga kongregasyon. Pero ang katabi nilang Kosovo naman ang nagkakaproblema. Dahil sa gera sa Kosovo, marami ang nagsilikas patungo sa border ng Albania. Dinala agad ng mga Albanianong kapatid sa mga ito ang mensahe ng pag-asa at namahagi ng mga literatura. Inasikaso rin nila ang isang grupo ng 22 Saksi ni Jehova pati na ang maliliit na anak ng mga ito.
Nang matapos ang digmaan noong Agosto, umuwi ang mga kapatid na taga-Kosovo, pero may kasama sila. Ang ilang kapatid na Albaniano at Italyano, kabilang na ang sampung special pioneer, ay sumama sa kanila para tumulong sa espirituwal. Sa pagtatapos ng 1999 taon ng paglilingkod, may 1,805 mamamahayag sa Albania at 40 sa Kosovo.
HIGIT NA PAMPATIBAY SA ESPIRITUWAL
“Natutuwa ako na marami na tayong publikasyon sa Albaniano,” ang sabi ni Nasho Dori bago siya mamatay, “pero ang talagang kailangan natin ay ang Bagong Sanlibutang Salin—isang mahusay na salin ng Bibliya na makapagpapatibay ng ating pananampalataya!” Noong 1999, tatlong taon lang pagkamatay ni Nasho, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagsasalin sa wikang Albaniano ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Sa kombensiyon noong 2000, may napakagandang sorpresa para sa mga Albaniano—inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Albaniano! Buong-puso’t kaluluwang nagpagal ang masisipag na tagapagsalin, at natapos ang proyekto nang wala pang isang taon. Isang payunir na dating Komunistang miyembro ng parlamento ang sumulat: “Napakaganda! Nang mabasa ko ang saling ito, saka ko lang nakita kung gaano kaganda ang Bibliya—ang simple nitong mga pangungusap, tula, at malinaw na paglalahad ng pangyayari. Pagdating ko sa ulat tungkol sa mga himala ni Jesus at sa paglibak at paghamak sa kaniya, ang tindi ng epekto sa akin. Noon lang ako naantig nang ganoon! Buháy na buháy sa isip ko ang bawat madamdaming eksena!”
Noong taóng iyon, may 2,200 mamamahayag sa Albania, at 40 na ang miyembro ng pamilyang Bethel. Umupa sila ng mga apartment, pero kulang pa rin. Nang dakong huli, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala
ang pagbili ng tatlong ektaryang lote sa Mëzez, malayo sa sentro ng Tiranë. Para mapangasiwaan ang masulong na gawain sa Albania at Kosovo, ang Komite ng Bansa ay naging Komite ng Sangay noong 2000.Nang pasimulan ang pagtatayo ng bagong pasilidad sa sangay noong Setyembre 2003, ang mamamahayag sa Albania ay 3,122 na. Inuumpisahan na rin ang pagsasalin ng Hebreong Kasulatan. Mabilis na sumulong ang gawaing pangangaral pati na ang espirituwalidad ng mga kapatid. Marami sa 20 estudyante na nagtapos sa unang klase ng Ministerial Training School sa Albania noong Agosto 2004 ay mga tin-edyer pa lang nang pangalagaan nila ang kongregasyon noong panahon ng trazira. Tuwang-tuwa sila sa higit pang pagsasanay na natanggap nila!
‘GALÍT ANG DIYABLO’
“Tinuturuan ni Jehova ang mga Tao na Magpakamatay!” ang ulo ng mga balita noong Pebrero 2005. Ayon sa mga balita sa TV at pahayagan, may dalagitang nagpakamatay at diumano’y isa itong Saksi ni Jehova. Pero ang totoo, ni hindi man lang na-study o nakadalo ng pulong ang dalagita. Gayunman, ginamit ng mga mananalansang ang insidenteng ito para siraan ang mga Saksi ni Jehova.
Tinuya ng mga titser ang mga estudyanteng Saksi. Nawalan ng trabaho ang mga brother. Gustong ipatigil ng mga tao ang ating gawain. Sinikap ng mga kapatid na magpaliwanag sa media, pero lumala lang ang sitwasyon.
Talagang kailangan ng patnubay at tulong ni Jehova para maharap ang ganitong dagok. Kaya nagsaayos ang sangay ng isang espesyal na pahayag tungkol sa
kahalagahan ng patuloy na pangangaral ng katotohanan upang mailantad ang mapanirang mga kasinungalingan. Hinimok ang mga kapatid na makipagkatuwiranan sa mga tao at huwag matakot. Puwede nilang sabihin sa tapat-pusong mga tao na sa nagdaang mga taon, patuloy na dumarami ang mga Saksi ni Jehova, at hindi ito mangyayari kung nagpapakamatay ang mga Saksi. Hindi na bago ang pakanang ito. Ipinaalala sa mga kapatid ang mga gawa-gawang balita ng pagpapakamatay ni Spiro Vruho noong dekada ng 1960. Walang kahihinatnan ang kanilang mga paninira, at gayon nga ang nangyari!Makaraan ang ilang buwan, noong Agosto, dumalo si David Splane ng Lupong Tagapamahala sa pandistritong kombensiyon na may 4,675 delegado mula sa Albania at Kosovo. Napakasaya nila nang ilabas ni Brother Splane ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa Albaniano!
“Kaya pala tayo ginugulo ni Satanas!” ang sabi ng isang matagal nang Saksi. “Galít siya dahil maraming magandang nangyayari sa bayan ni Jehova.”
Kahit negatibo ang mga ulat ng media, patuloy na sumulong ang mga lingkod ng Diyos sa Albania. Nakita ng maraming di-sumasampalatayang asawang lalaki at mga kamag-anak na hindi totoo ang mga balita, kaya nag-aral sila ng Bibliya at naging mga mamamahayag. Sa kabila ng matinding pagsalakay ni Satanas, naisasakatuparan ang layunin ni Jehova. Lumipat ang pamilyang Bethel sa bagong sangay, at idinaos ang ikalawang klase ng Ministerial Training School.
PAG-AALAY NG SANGAY
Noong Hunyo 2006, kabilang sina Theodore Jaracz at Gerrit Lösch, mga miyembro ng Lupong Tagapamahala,
sa 350 delegado mula sa 32 bansa na dumalo sa pag-aalay ng bagong pasilidad ng sangay. Nandoon din si Sotir Ceqi, na binugbog at kinuryente noong dekada ng 1940. Ngayon ay malapit na siyang mag-80, pero masaya pa ring naglilingkod.“Hindi ko akalaing darating ang araw na ito,” ang sabi ni Frosina Xheka, na tapat pa rin sa kabila ng dinanas na hirap. Nandoon din ang biyuda ni Jani Komino, si Polikseni. Ibinida niya ang kanilang mga anak at apong babae na mga regular pioneer. Dumalo rin si Vasil Gjoka, na ngayon ay hukot na pagkatapos ng maraming taon ng paghihirap. Umiiyak siya habang ikinukuwento ang pagdalaw niya kay Leonidha Pope at ang patago niyang pagpapabautismo noong 1960.
Ang dating sangay sa Tiranë ay ginawang mga Kingdom Hall at tahanan ng 14 na misyonero. May mahigit 950 masisigasig at mapagsakripisyong Albanianong regular at special pioneer. Ang ilan sa mga special
pioneer na ito ay mga graduate mula sa anim na klase ng Ministerial Training School. Napakalaking tulong nila sa larangan.ANG HINAHARAP PARA SA ALBANIA
Napakalaki ng pagpapahalaga ng ating mga Albanianong kapatid sa Bibliya at mga literaturang isinalin sa kanilang wika. Patuloy na sumusulong ang gawain ni Jehova sa bansang ito. Bukod sa masisigasig at may-kakayahang mga lalaki na sinasanay upang bumalikat ng mga pananagutan sa organisasyon, “ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.”—Awit 68:11.
Ang mga Saksi ni Jehova sa Albania ay nagsisilbing katibayan na totoo ang mga kinasihang salita: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo. Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova.” (Isa. 54:17) Dahil sa kapangyarihan at di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova, nanatili silang matatag sa kabila ng diktadura, torture, pagkakabukod, paninira ng media, at personal na mga problema.
Walang pangamba sa hinaharap ang bayan ni Jehova sa Albania habang patuloy na nagtitiwala sa tapat na pag-ibig at pagpapala ng Diyos. Hindi nila alintana ang anumang hirap, mapasaya lamang ang puso ng kanilang makalangit na Ama at matamo ang pag-asang inilalaan niya. (Kaw. 27:11; Heb. 12:1, 2) Isang bagay ang nangingibabaw sa kasaysayan ng organisasyon ni Jehova sa Albania: Hindi nililimot ni Jehova ang mga sakripisyo, maliit man o malaki, ng kaniyang mga tapat na lingkod, bata man o matanda.—Heb. 6:10; 13:16.
[Blurb sa pahina 130]
Ang pamagat ay dating isinaling Ang Gitara ng Diyos
[Blurb sa pahina 140]
“Kung Kristiyano ka, lalaban ka gaya ng ginagawa ng mga pari!”
[Blurb sa pahina 189]
“Naubusan na po kami ng report slip”
[Kahon/Larawan sa pahina 132]
Maikling Impormasyon Tungkol sa Albania
Lupain
Matatagpuan ang Albania sa timog-silangang Europa, sa hilaga ng Gresya at dulong silangan ng Italya. May lawak itong 28,750 kilometro kuwadrado at ang baybayin nito sa may Dagat Adriatico at Ioniano ay 362 kilometro ang haba. Ang baybayin mula sa Vlorë hanggang sa Sarandë ay pinaganda ng maputing buhangin, mangasul-ngasul na tubig, at matataas na bundok. Ang kalakhang bahagi ng bansa pahilaga ay puro bundok. Tamang-tama naman sa pagsasaka ang mga kapatagan sa timog-kanluran.
Populasyon
Tinatayang 3,600,000; karamihan ay mga etnikong Albaniano, at may maliit na bilang din ng mga etnikong Roma, Griego, at Serbiano.
Klima
Sa may timugang baybayin, ang temperatura ay mga 26 digri Celsius kapag tag-init. Pero sa hilaga, sa mga bundok sa Dibër, bumababa ito nang hanggang -25 digri Celsius kapag taglamig.
Pagkain
Tinatawag na byrek ang malutong na pie na may lamang spinach, keso, kamatis, at sibuyas o iba pang gulay o karne. Ang tava e kosit naman ay manok o tupa na niluto sa masarap na sarsa ng pinaghalong yogurt at dill. Mahilig sa sabaw at nilaga ang mga taga-Albania. Karaniwan na kapag may okasyon, at tupa ang handa nila, sa bisita nila ibinibigay ang ulo nito. Ilan sa marami nilang dessert ay ang baklava (larawan sa kanan) at kadaif, mga pastry na may arnibal o honey at nuts. Hindi nawawala ang tinapay sa kanilang pagkain. Sa Albania, kung gusto mong sabihing nakakain ka na, sabihin mo lang na “Hëngra bukë,” na nangangahulugang “Kumain ako ng tinapay.”
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 134]
Mga Kombensiyon Noon
Ang mga Albanianong nasa New England, E.U.A. ay karaniwang sumasama sa kongregasyong Ingles o Griego. Pero may Pulong Pangmadla sila sa sarili nilang wika tuwing Linggo. Noong dekada ng 1920 at 1930, bagaman dumadalo sila sa mga kombensiyon sa wikang Griego, Albaniano ang badge nila, at nakasulat dito: “Tatlong-Araw na Kombensiyon ng mga Albanianong Estudyante ng Bibliya.”
[Mga larawan]
Badge (kanan) ng mga Albanianong kapatid (ibaba) sa kombensiyon sa Boston noong huling bahagi ng dekada ng 1920
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 151, 152]
“Hindi Kami Pinabayaan ni Jehova!”
FROSINA XHEKA
ISINILANG 1926
NABAUTISMUHAN 1946
MAIKLING TALAMBUHAY Tin-edyer nang matuto ng katotohanan. Nanatiling malapít kay Jehova at sa organisasyon kahit pa sinalansang ng magulang at naging blacklisted sa gobyerno. Namatay na tapat noong 2007.
◼ NATUTO si Frosina ng katotohanan mula sa mga kuya niya noong dekada ng 1940. Pinalayas siya ng mga magulang na di-Saksi dahil ayaw niyang pakasal sa lalaking ipinagkasundo nila sa kaniya. Kinupkop siya ni Brother Gole Flloko at itinuring na tunay na anak.
“Minsan, naaresto ako dahil ayokong bumoto,” ang sabi ni Frosina. “Mag-isa lang ako at napapaligiran ng 30 pulis. Sumigaw ang isa, ‘Alam mo ba kung ano’ng kaya naming gawin sa iyo?’ Alam ko kakampi ko si Jehova, kaya sinabi ko: ‘Ang puwede n’yo lang gawin sa akin ay ’yung ipapahintulot ng Soberanong Panginoong Jehova!’ Akala nila baliw ako, kaya sabi nila, ‘Umuwi ka na nga!’ Kita n’yo, tama ako. Kakampi ko si Jehova!”
Noong 1957, napangasawa ni Frosina si Luçi Xheka, at tatlo ang naging anak nila. Pagsapit ng dekada ng 1960, inatasan si Luçi bilang miyembro ng bagong tatag na Komite ng Bansa, na mangangasiwa sa gawain sa Albania.
Pero di-nagtagal, ipinatapon siya sa Gramsh nang limang taon, malayo kay Frosina at sa mga anak nila. Patuloy na nangaral doon si Luçi, at sinasabi sa mga tao ang tungkol sa organisasyon. Tandang-tanda pa rin siya ng mga taga-Gramsh.Noong wala si Luçi, isinama ng Partido Komunista si Frosina sa listahan ng mga blacklisted, para hindi siya makabili ng pagkain. Sinabi niya: “Pero hindi kami nagutom! Tinulungan kami ng mga kapatid. Hindi kami pinabayaan ni Jehova!”
Pagkamatay ni Luçi, madalang nang makasama ni Frosina ang mga kapatid. Pero patuloy siyang nangaral. Naalala pa niya: “Dinalaw kami ni John Marks noong dekada ng 1960. Nang magkita kami ng asawa niyang si Helen noong 1986, parang ang tagal na naming magkakilala! Palihim kaming nagpapadala ni Luçi noon ng mensahe sa kanila, na ipinapasa naman nila sa Brooklyn.”
Nang maalis ang ban noong 1992, isa si Frosina sa siyam na bautisadong Saksi na natitira sa Albania. Regular siya sa mga pulong, at nasa larangan nang mismong araw na mamatay siya noong 2007. Sinabi niya noon bago mamatay: “Mahal na mahal ko si Jehova! Hindi man lang sumagi sa isip ko na makipagkompromiso. Alam kong may malaki akong pamilya sa buong daigdig, pero hindi ako makapaniwala sa laki ng espirituwal na pamilya ko sa Albania. Laging nandiyan si Jehova, at hindi niya kami kailanman pinabayaan!”
[Larawan]
Si Frosina Xheka noong 2007
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 159, 160]
Kakaunting Literatura Noon, Dumami Na Ngayon
VASIL GJOKA
ISINILANG 1930
NABAUTISMUHAN 1960
MAIKLING TALAMBUHAY Nanindigan sa katotohanan sa kabila ng diktadura. Isang elder ngayon sa Tiranë.
◼ BATA pa ako nang una akong makakita ng Bantayan sa wikang Griego sa nayon namin sa Barmash. Habang itinuturo ni Itay ang magasin, sinabi niya, “Tama sila!” Ilang taon pa bago ko naintindihan ang ibig niyang sabihin. Mahilig akong magbasa ng Bibliya kahit delikado noong magkaroon nito. Sa libing ng tatay ng hipag ko, may nakilala akong Saksi mula sa Tiranë. Tinanong ko siya tungkol sa tanda ng “mga huling araw” sa Mateo 24. Ipinaliwanag niya ito, at agad kong ikinuwento sa iba ang natutuhan ko.
Noong 1959, dumalo ako sa patagong pulong ng mga Saksi sa bahay ni Leonidha Pope. Binabasa ko na noon ang Apocalipsis at nagtanong ako tungkol sa mabangis na hayop at sa Babilonyang Dakila. Nang maipaliwanag nila ito sa akin, nakumbinsi akong ito na ang katotohanan! Pagkaraan ng isang taon, nabautismuhan ako.
Lagi akong nangangaral at dahil diyan, nasesante ako. Kaya kumuha ako ng lumang kariton at nagdeliver ng mga paninda sa Tiranë. Kahit bihira kong makausap ang mga kapatid at wala akong literatura, patuloy akong nangaral.
Noong pasimula ng dekada ng 1960, bago ipatapon si Leonidha Pope, nakakuha siya ng ilang publikasyon sa
wikang Griego na ipinuslit sa Albania. Berbal niya itong isinasalin, na isinusulat ko naman sa notbuk. Pagkatapos, pagagawin niya ako ng mga kopya nito para ipadala sa ilang kapatid sa Berat, Fier, at Vlorë.Ang laki ng ipinagbago mula noong dekada ng 1990! Tuwang-tuwa ako sa dami ng literaturang ibinigay ni Jehova. Mula 1992, nakapamahagi kami ng 17 milyong magasin sa Albania! Nasa wikang Albaniano ang mga bagong publikasyon. At mayroon din kaming buong Bagong Sanlibutang Salin! Hindi ko mapigilang mapaluha sa tuwa. Ang tagal naming nagtiis sa kakaunting literatura, kaya ganoon na lang ang pasasalamat namin ngayon!
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 163, 164]
Nakita Ko sa Amin ang Pinakamasayang Trabaho
ARDIAN TUTRA
ISINILANG 1969
NABAUTISMUHAN 1992
MAIKLING TALAMBUHAY Nang matuto ng katotohanan sa Italya, bumalik siya sa Albania. Miyembro ng Komite ng Sangay sa Albania.
◼ KASAMA ako sa libu-libong lumikas mula sa Albania noong 1991 at 21 anyos ako noon. Nang-hijack kami ng isang barkong patungo sa Italya. Mahirap ang buhay sa Albania kaya laking tuwa ko nang makatakas ako. Akala ko, iyon na ang katuparan ng mga pangarap ko.
Dalawang araw pagkarating sa Brindisi, Italya, pumuslit ako para maghanap ng trabaho. May lalaking nagbigay sa akin ng maliit na kopya ng mensahe ng Bibliya sa wikang Albaniano at niyaya ako sa isang pulong kinahapunan. Naisip ko: ‘Bakit hindi? Baka mabigyan ako ng trabaho dun!’
Nagulat ako sa pagtanggap nila. Pagkatapos ng pulong sa Kingdom Hall, binati ako ng lahat. Ang bait nila. Niyaya ako ng isang pamilya para sa hapunan. Napakabait ng trato nila sa isang gusgusing takas mula sa Albania!
Nang sumunod na pulong, inalok ako ni Vito Mastrorosa na mag-aral ng Bibliya. Pumayag ako at di-nagtagal, nakita kong ito ang katotohanan. Nabautismuhan ako noong Agosto 1992 sa Italya.
Nang maglaon, naging legal ang paninirahan ko sa Italya. Maganda ang trabaho ko at nakapagpapadala ng pera sa pamilya ko. Pero naisip ko: ‘Ngayong malaya na ang gawain sa Albania, malaki ang pangangailangan. Dapat ba akong
umuwi at doon maglingkod? Ano kaya ang magiging reaksiyon ng pamilya ko? Malaking tulong sa kanila ang ipinapadala ko. Ano’ng sasabihin sa akin ng mga tao?’Tinawagan ako ng sangay sa Tiranë, at tinanong kung handa ba akong umuwi at magturo ng Albaniano sa isang grupo ng mga Italyanong special pioneer na lilipat sa Albania sa Nobyembre. Medyo tinamaan ako doon. Papunta ang mga payunir na ito sa teritoryong iniwan ko. Hindi sila marunong mag-Albaniano pero gustung-gusto nilang pumunta. Tapos ako, na purong Albaniano, nasa Italya?
Nagpasiya akong umuwi kasama ng mga special pioneer. Nagtrabaho kaagad ako sa Bethel. Nagtuturo ako ng Albaniano sa umaga at nagsasalin sa hapon. Noong una, hindi ito nagustuhan ng pamilya ko. Pero nang maintindihan nila kung bakit ako bumalik sa Albania, unti-unti na silang nakinig sa mabuting balita. Nang maglaon, nabautismuhan sina Tatay, Nanay, Kuya, at dalawang ate ko.
Nagsisisi ba ako at iniwan ko ang trabaho at kikitain ko sa Italya? Hindi! Totoong trabaho ang nakita ko sa Albania. Kung ako ang tatanungin, ang pinakamahalaga at pinakamasayang trabaho ay ang maglingkod kay Jehova nang buong puso!
[Larawan]
Si Ardian at ang asawa niyang si Noadia
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 173, 174]
Hindi Na Patago ang mga Pulong
ADRIANA MAHMUTAJ
ISINILANG 1971
NABAUTISMUHAN 1993
MAIKLING TALAMBUHAY Naimbitahan sa isang patagong pulong na nagpabago sa kaniyang buhay. Special pioneer ngayon.
◼ NANG mamatay noong 1991 ang pinsan ko, pinatibay ng babaing si Barie ang tiyahin ko sa tulong ng Bibliya. Narinig ko ito kaya nagtanong agad ako. Sinabi niyang makipagkita ako sa kaibigan niyang si Rajmonda sa pinagtatrabahuhan nito. Dumadalo ang pamilya ni Rajmonda sa “klase.” Sinabi ni Rajmonda na kailangan ko munang mag-aral ng Bibliya dahil hindi basta pinapasama sa klase ang mga baguhan. Gustung-gusto ko ang natututuhan ko, at di-nagtagal, pinasama na ako sa klase.
Ang klaseng iyon ay binubuo ng mga di-bautisado na dating nakikipagtipon kina Sotir Papa at Sulo Hasani. Ilang taon bago nito, natunton ng mga Sigurimi ang mga klase at isinuplong ang mga kapatid. Kaya nag-iingat ang lahat at hindi basta-basta nag-iimbita sa pulong.
Sa unang dalo ko, pinagawa kami ng listahan ng mga kaibigang puwede naming kuwentuhan ng aming natututuhan. Kinausap ko agad si Ilma Tani. Di-nagtagal, pinayagan siyang dumalo sa klase. Kahit 15 lang kami, mabilis kaming dumami.
Abril 1992 nang bumisita sa Berat sina Michael at Linda DiGregorio. Sinabi sa amin na puwede naming ipag-anyaya ang kaniyang pahayag. Kaya 54 ang dumalo. Wala pang bautisado sa amin. Pagkatapos ng pulong, marami kaming
itinanong sa mag-asawa. Noon lang namin nalaman kung paano dapat organisahin ang klase.Di-nagtagal, naging legal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Ako, si Ilma, at dalawa pang brother ay pumunta sa Tiranë para matutong magbahay-bahay. Pagbalik sa Berat, hinilingan kaming ituro sa iba ang aming natutuhan, at sinikap naming ituro iyon. Nang magpadala sa Berat ng apat na Italyanong special pioneer noong Marso 1993, lalo pang sumulong ang kongregasyon. Dalawang pulong bawat linggo ang malaya naming idinaraos.
Nang buwan ding iyon, nabautismuhan kami ni Ilma sa kauna-unahang pantanging asamblea sa Tiranë na dinaluhan ng 585 katao. Nag-regular pioneer kami, at di-nagtagal, naatasan kami bilang kauna-unahang Albanianong special pioneer. Inatasan kami sa Korçë. Hindi na kami patago ngayon.
Napangasawa ni Ilma si Arben Lubonja, na mag-isang nangangaral sa Korçë ilang buwan bago kami dumating. Nang maglaon, naatasan sila sa gawaing pansirkito, at ngayo’y nasa Bethel na. Masaya ako at inimbitahan ko si Ilma sa klase!
Kamakailan, habang nasa pandistritong kombensiyon, na mahigit 5,500 ang dumalo, naalala ko ang aming patagong klase. Ang laki ng ipinagbago! Sa tulong ni Jehova, malaya na kaming nakapagdaraos ng mga pulong at asamblea. Kahit maraming kapatid ang umalis ng Berat dahil sa hirap ng buhay, ang maliit na klase namin noon ay limang masulong na kongregasyon na ngayon!
[Larawan]
Sina Ilma (Tani) at Arben Lubonja
[Kahon/Larawan sa pahina 183]
“O Sige!”
ALTIN HOXHA AT ADRIAN SHKËMBI
ISINILANG Parehong 1973
NABAUTISMUHAN Parehong 1993
MAIKLING TALAMBUHAY Huminto sa pag-aaral para magpayunir; mga elder ngayon.
◼ MAAGA noong 1993, mga estudyante sila sa unibersidad sa Tiranë. Ikinuwento sa kanila ng isang kaibigan ang mga natututuhan nito sa mga Saksi ni Jehova. Nasa Bibliya ang lahat ng iyon. Marami pa silang natutuhan at ikinapit nila ang mga ito. Noong taon ding iyon, nagpabautismo sila. Pagdating ng tag-araw, nangaral sila sa Kuçovë, kung saan walang mamamahayag.
Noong makabalik sa unibersidad, sinabi ni Adrian kay Altin: “Ano pang silbi ng pag-aaral natin dito? Ituloy natin ang pangangaral sa Kuçovë!”
Sumagot si Altin: “O sige!” Pitong buwan matapos mabautismuhan, bumalik sila sa Kuçovë.
Saganang pinagpala ni Jehova ang kanilang pagsisikap. Mahigit 90 na ang mamamahayag ngayon sa Kuçovë. Mga 25 tagaroon ang lumipat para magpayunir sa ibang lugar o maglingkod sa Bethel. Mga dating study nina Adrian at Altin ang marami sa kanila.
Kapag naiisip ang unibersidad, nakangiting sinasabi ni Altin: “Iniwan ni apostol Pablo ang karera sa sanlibutan. Iyan din ang ginawa ko noong 1993. Hindi ko kailanman pinagsisihan ang pagsasabing ‘O sige!’”
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 191, 192]
Ateista Noon, Nagtuturo ng Katotohanan Ngayon
ANASTAS RUVINA
ISINILANG 1942
NABAUTISMUHAN 1997
MAIKLING TALAMBUHAY Dating nagtuturo ng ateismo sa mga sundalo. Natuto ng katotohanan sa kaniyang mga anak. Elder ngayon at special pioneer.
◼ NOONG 1971, pagka-graduate sa military academy, naging political brigade commissioner ako. Iyan ang tawag sa mga gaya ko dahil binuwag ng gobyerno noong 1966 ang mga ranggo sa militar. Trabaho kong ituro sa mga sundalo na walang Diyos at na ang relihiyon ay salot sa bayan.
May asawa ako at tatlong anak. Noong 1992, ang anak kong lalaking si Artan ay nagsimulang dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova sa Tiranë. Tapos, isinama niya ang kapatid niyang babae na si Anila. Para sa akin, walang katuturan iyon at pag-aaksaya lang ng oras. Kaya madalas kaming magtalu-talo sa bahay.
Isang araw, naintriga ako at dinampot ang isang kopya ng Bantayan. Aba, mukhang may katuwiran. Pero kahit pa kinukumbinsi ako nina Artan at Anila na mag-aral ng Bibliya, ayoko pa rin. Paano ako mag-aaral ng Bibliya, eh hindi nga ako naniniwala sa Diyos! Noong 1995, inilabas sa wikang Albaniano ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Binigyan ako ng kopya nina Artan at Anila. At iyon ang nakakumbinsi sa akin. Talaga palang may Diyos! Wala na akong maidahilan para hindi mag-aral ng Bibliya. Di-nagtagal, nag-aral na rin ang misis kong si Lirie, at nakumbinsi kami ng katotohanan.
Ang totoo, ang bagal ng pagsulong ko. Ako’y 53 anyos na noon at napakahirap burahin sa isip ko ang impluwensiya ng pulitika at militar. Kung hindi dahil sa tulong ni Jehova, hindi ako nakapagbago.
Ayokong mangaral noon. Paano kung mabahay-bahay ko ang mga tinuruan ko ng ateismo? Ano na lang ang sasabihin nila? Isang araw habang nag-aaral kami, binasa sa akin ni Vito Mastrorosa ang tungkol kay Saul ng Tarso. Tinablan ako! Inusig ni Saul ang mga Kristiyano. Pero natuto siya ng katotohanan at nangaral. Alam kong sa tulong ni Jehova, magagawa ko rin iyon.
Minsan, nakakahiya mang aminin pero dala-dala ko pa rin ang pagiging sundalo ko. Alam kong tinutulungan ako ni Jehova na maging makatuwiran at mabawasan ang pagiging istrikto. Pinagsisikapan ko ito.
Kung dati’y nakikipagtalo ako sa mga anak ko tungkol sa katotohanan, ngayon, ipinagmamalaki ko sila. Special pioneer at elder si Artan. Ang mga anak kong babaing sina Anila at Eliona ay nasa Bethel ngayon sa Tiranë.
Kami ni Lirie ay mga special pioneer din. Napakalaking pribilehiyo na maituro sa mga tao ang katotohanan tungkol sa ating Dakilang Maylalang at makita ang kanilang pagbabagong-buhay. Napakasaya ngang mabigyan sila ng pag-asa batay sa mga pangako ng tanging buháy at tunay na Diyos, si Jehova!
[Larawan sa pahina 192]
Mula sa kaliwa: Artan, Anila, Lirie, Anastas, Eliona, at asawang si Rinaldo Galli
[Chart/Graph sa pahina 176, 177]
TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI—Albania
1920-1922 Natuto ng katotohanan ang mga Albaniano sa Estados Unidos.
1922 Bumalik si Thanas Idrizi sa Gjirokastër dala ang katotohanan.
1925 May tatlong maliliit na grupo ng pag-aaral sa Bibliya sa Albania.
1928 Ipinalabas sa maraming lunsod ang “Photo-Drama of Creation.”
1930
1935-1936 Nagkaroon ng malawakang kampanya ng pangangaral.
1939 Ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova.
1940
1940 Siyam na brother ang ikinulong dahil sa kanilang neutralidad.
1946 Namahala ang gobyernong Komunista.
1950
1960
1960 Pinangasiwaan ng Komite ng Bansa ang gawain sa Albania.
1962 Ipinatapon ang mga miyembro ng komite sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho.
1967 Naging ateista ang Albania.
1980
1990
1992 Naging legal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova.
1996 Dumalo si Milton Henschel sa kauna-unahang pag-aalay ng Bethel.
1997 Nagsimula ang trazira.
2000
2005 Inilabas ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa Albaniano.
2006 Inialay ang tanggapang pansangay sa Mëzez, Tiranë.
2010
[Graph]
(Tingnan ang publikasyon)
Bilang ng Mamamahayag
Bilang ng Payunir
4,000
3,000
2,000
1,000
1930 1940 1950 1960 1980 1990 2000 2010
[Mga mapa sa pahina 133]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MONTENEGRO
KOSOVO
MACEDONIA
GRESYA
Ioannina
Lawa ng Scutari
Lawa ng Ohrid
Lawa ng Prespa
DAGAT ADRIATICO
ALBANIA
TIRANË
Shkodër
Kukës
Burrel
Mëzez
Durrës
Kavajë
Gramsh
Kuçovë
Fier
Berat
Korçë
Vlorë
Tepelenë
Këlcyrë
Barmash
Përmet
Gjirokastër
Sarandë
[Buong-pahinang larawan sa pahina 126]
[Larawan sa pahina 128]
Matapos matuto ng katotohanan sa New England, E.U.A., dinala ni Thanas Idrizi ang mabuting balita sa Gjirokastër, Albania
[Larawan sa pahina 129]
Itinuro ni Sokrat Duli ang katotohanan sa kaniyang kapatid
[Larawan sa pahina 137]
Ibinahagi ni Nicholas Christo ang mabuting balita sa mga importanteng tao sa Albania
[Larawan sa pahina 142]
Liham ng mga Albanianong kapatid sa Boston para kay Enver Hoxha
[Larawan sa pahina 145]
Leonidha Pope
[Larawan sa pahina 147]
“Tinuruan ako ni Jehova na huwag pumirma sa hindi ko sinabi.”—Sotir Ceqi
[Larawan sa pahina 149]
Sina Helen at John Marks bago pumunta si John sa Albania
[Larawan sa pahina 154]
Naglingkod si Spiro Vruho bilang naglalakbay na tagapangasiwa
[Larawan sa pahina 157]
Llopi Bllani
[Larawan sa pahina 158]
Kahit nag-iisa, nagdiwang si Kulla Gjidhari ng Memoryal
[Larawan sa pahina 167]
Sina Michael at Linda DiGregorio
[Larawan sa pahina 172]
Ang Order No. 100 na nagsasaad na legal na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova
[Larawan sa pahina 175]
Pulong sa kauna-unahang Kingdom Hall sa Tiranë noong 1992
[Larawan sa pahina 178]
Patuloy na nangaral si Areti Pina kahit nag-iisa
[Mga larawan sa pahina 184]
Ang lumang bahay na ginawang mga opisina
[Larawan sa pahina 186]
“Makulong man kayo, huwag kayong mag-alala.”—Nasho Dori
[Mga larawan sa pahina 194]
Inilabas ni David Splane ang kumpletong “Bagong Sanlibutang Salin” sa Albaniano
[Larawan sa pahina 197]
Mga misyonerong naglilingkod ngayon sa Albania
[Mga larawan sa pahina 199]
Sangay sa Albania
Komite ng Sangay: Artan Duka, Ardian Tutra, Michael DiGregorio, Davide Appignanesi, Stefano Anatrelli