Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Belize

Belize

Belize

ANG kaakit-akit na Belize ay matatagpuan sa Yucatán Peninsula, katabi ng Mexico, Guatemala, at Dagat ng Caribbean. Ang maliit na bansang ito, na dating tinatawag na British Honduras, ay may iba’t ibang kultura, wika, kaugalian, pagkain, at relihiyon.

Sa Sentral Amerika, ang Belize ang may pinakamaliit na populasyon—mga 300,000. Sa makakapal na kagubatan nito, makakakita tayo ng magagandang ibon at hayop, gaya ng mailap na jaguar. Mababakas din dito ang sinaunang sibilisasyon ng Maya. Ang mga bundok ay may nagtataasang mga palma at lumalagaslas na mga talon. Katangi-tangi sa bansang ito ang maraming dugtung-dugtong na mga kuweba, na ang ilan ay tinatagos ng mga ilog. Ang Belize Barrier Reef, na kasing haba rin ng baybayin nito, ay sagana sa napakagandang mga korales. May kalát-kalát at maliliit na isla na may maputing buhangin at mga puno ng niyog.

SINAUNANG KASAYSAYAN

Ang mga Arawak at Carib, na nagmula sa Timog Amerika, ang unang tumira sa Belize. Maraming siglo bago dumating ang mga Europeo sa tinatawag noong Bagong Daigdig, itinuturing na sentro ng sibilisasyong Maya ang Belize dahil sa dami ng altar at naglalakihang templo rito.

Walang gaanong ulat tungkol sa mga naunang pagtatangka ng mga Europeo na gawing kolonya ang Belize. Pero may ulat na nabigo ang Espanya na sakupin ang Maya. Noong 1638, tumira sa baybayin ng Belize ang mga piratang Britano. At noong kalagitnaan ng ika-17 siglo, nagkaroon ng pamayanan ng mga nagtotroso ng logwood (pinagkukunan ng tina).

Ang mga Britano ay nagdala ng mga alipin mula sa mga pamilihan ng Jamaica at Estados Unidos, at mayroon ding galing ng Aprika, para magtroso ng logwood at kamagong. Bagaman mas maraming malulupit na amo sa ibang bahagi ng kontinente ng Amerika kaysa sa trosohan sa Belize, kaawa-awa pa rin ang kalagayan ng mga alipin at madalas silang maltratuhin. Marami sa mga ito ang nag-alsa, nagpakamatay, o tumakas at bumuo ng sariling pamayanan sa Belize. Noong 1862, naging kolonya ng Britanya ang Belize, at nakamit nito ang kasarinlan noong 1981. a

SUMIBOL ANG BINHI NG KATOTOHANAN

Isa sa mga unang Saksi, tinatawag noong International Bible Students, na dumating sa Belize ay ang medyo payat at malumanay magsalitang kabataan na si James Gordon. Nabautismuhan siya noong 1918 sa Jamaica at 1923 nang manirahan siya sa malayong nayon ng mga Maya na tinatawag na Bomba. Doon na siya nag-asawa at nagkaanak. Kahit malayo sa mga Kristiyanong kapatid, ibinahagi niya sa mga kaibigan at kapitbahay ang mabuting balita.

Paano nakarating sa ibang bahagi ng Belize ang mabuting balita? Noong 1931, ang maliit na babaing si Freida Johnson mula sa Estados Unidos ay nagsimulang mangaral sa mga lupain sa Sentral Amerika. Naglakbay mag-isa ang mahigit 50 anyos nang sister, minsa’y sakay ng kabayo, para mangaral sa mga bayan, nayon, at mga taniman ng saging sa baybayin ng Caribbean.

Pagdating sa Belize City noong 1933, umupa ng maliit na kuwarto si Freida kay Mrs. Beeks. Tuwing umaga, naririnig niya si Freida na nagbabasa ng Bibliya at kumakanta bago umalis. Kilala si Freida sa kaniyang di-natitinag na sigasig. Di-gaya ng mga tagaroon, hindi siya nagpapahinga sa tanghali. Sa loob ng anim na buwan niyang pangangaral sa Belize, naantig sa katotohanan si Thaddius Hodgeson, isang panaderong taga-Jamaica. Bagaman nakatutok si Freida sa Belize City, pumupunta rin siya sa mga probinsiya. Nakilala niya si James Gordon sa Bomba. Dahil sa kasigasigan ni Freida, nagkakilala ang mga nananampalataya sa katotohanan at nagsimula silang magtipon.

MARAMI PA ANG NAAKAY SA KATOTOHANAN

Bagaman mahirap, tuloy pa rin ang komunikasyon noon nina James at Thaddius habang nangangaral sa kani-kanilang lugar. Sing-aga ng 1934, sumulat si Thaddius sa punong-tanggapan sa Brooklyn para humiling ng isang transcription machine at rekording ng mga pahayag sa Bibliya.

Tuwing Sabado ng gabi, pinapatugtog ni Thaddius ang rekording ng mga pahayag sa harap ng gusali ng Korte Suprema, sa isang parke na dating ginagamit sa pagsasanay ng mga sundalo. Tamang-tama ang pangalan ng parke, “sa Pinaglabanan,” dahil habang pinapatugtog ni Thaddius ang mga rekording ni Brother Rutherford, dumadagundong naman sa kabila ang malaking tambol ni Beaumont Boman ng bandang Salvation Army. Pero di-nagtagal, nagustuhan ni Beaumont ang mensahe ng Kaharian at pumanig sa kampo ni Thaddius. “Salamat sa Diyos na Jehova,” ang sabi ni Beaumont, “at nabitawan ko rin ang tambol na iyon!”

Isa pang magandang lugar para sa pangmadlang pangangaral ang harap ng palengke na kung tawagi’y Mule Park. Mayroon ditong pila ng mga karitelang hila ng mga kabayo para sa paghahatid ng paninda. Ang matangkad, kayumanggi, magandang-lalaki, at mapuwersang tagapagsalitang si Thaddius ay madalas marinig doon. Sa kabila ng paghihigpit ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan sa mga taong naniniwala sa Bibliya, mayroon pa ring tapat-pusong gaya nina James Hyatt at Arthur Randall, mga tubong Jamaica, na tumugon sa mabuting balita.

Sa hilagang bahagi ng Belize City, nagdaos ng mga pulong si Thaddius sa kaniyang bakery. Iniuusod niya ang istante at nagpapatong ng mga tabla sa mga upuan para gawing bangkô. Sa gawing timog naman ng lunsod, ang pulong ay ginaganap sa bahay ni Cora Brown. Naalala rin ni Nora Fayad na noong bata pa siya, nagpupulong ang ilang Saksi sa bakuran ng kapitbahay nilang si Arthur Randall.

NAGBUNGA ANG PUSPUSANG PANGANGARAL

Kilala ang marami sa mga naunang Saksing iyon sa kanilang sigasig sa pangangaral. Halimbawa, kahit bulag si James (Jimsie) Jenkins, nililibot niya ang Belize City. Kinakapa niya ang daan gamit ang kaniyang tungkod. Ayon kay Molly Tillet, dinig na dinig niya ang pangangaral ni James sa palengke, kahit dalawang bloke ang layo niya! Naaalala rin ng marami kay James ang pagtutok niya sa pulong para makuha ang bawat punto, habang nakaupo at nakatukod sa kaniyang tungkod. Marami siyang nasaulong teksto na ginagamit niya sa pangangaral.

Si James Gordon naman ay kilala sa pangangaral sa kahit sinong masalubong niya sa mga nayon malapit sa Bomba. Bitbit niya ang isang transcription machine at mga literaturang nakalagay sa maliit na maletang yari sa kamagong. Madilim pa tuwing Linggo, sinasalubong niya ang agos ng ilog sakay ng kaniyang bangka at saka maghapong maglalakad sa kaniyang teritoryo. At bago dumilim, makikita siyang naglalakad pauwi sa bahay. Pagkakain ng hapunan, magba-Bible study si James at ang kaniyang anim na anak hanggang sa mabitawan na niya ang aklat dahil sa pagod.

Hindi pa Saksi noon ang misis ni James. Isang araw nga pagkaalis ni James, sinunog nito ang karamihan sa kaniyang literatura. Pag-uwi ni James, nakita niya ang ginawa ng kaniyang asawa, pero nagpigil siya at seryosong sinabi: “Huwag na huwag mo nang uulitin ang ginawa mo!” Humanga ang mga anak niya. Alam nilang napakahalaga sa kaniya ng mga literaturang iyon.

INAKAY NG ESPIRITU NI JEHOVA

Isang Linggo ng umaga, nangaral si James kay Derrine Lightburn, isang debotong Anglikano. Tumanggap si Derrine ng aklat na The Harp of God. Hindi niya narinig ang lahat ng sinabi ni James dahil mahina itong magsalita, pero pinag-isipan niya ang mga iyon. Nang pumasyal si Derrine sa tiyahin niyang si Alphonsena Robateau sa Belize City, may lalaking kumatok sa kanilang gate.

“Kamukha siya ng lalaking nagbigay sa akin ng magandang aklat na ikinuwento ko sa inyo,” ang sabi ni Derrine sa kaniyang tiyahin.

Si James Hyatt pala iyon, at hindi si James Gordon. Pinatugtog niya ang kaniyang transcription machine sa dalawang babae at binigyan si Alphonsena ng The Harp of God. Bagaman aktibo sa pulitika, si Alphonsena at ang kapatid niyang si Octabelle Flowers ay naghahanap ng katotohanan. Dahil sa narinig ni Alphonsena ng araw na iyon, nasabi niya kay Octabelle: “Alam mo, may lalaking pumunta rito at nagpaliwanag tungkol sa Kaharian ng Diyos. Baka ito na ang hinahanap natin!” Hinintay ni Octabelle ang pagbalik ng brother. Ang tatlong babaing ito—sina Alphonsena, Octabelle, at Derrine—ay nanampalataya at nabautismuhan noong 1941.

Kamamatay lang ng nanay nina Alphonsena at Octabelle. Ipinapanalangin ng nakababata nilang kapatid na si Amybelle Allen na sana’y mamatay na rin siya para makapiling ang nanay niya sa langit. Niyaya ni Octabelle si Amybelle na makinig sa pahayag na “Nasaan ang mga Patay?” Sumama naman si Amybelle at mula noon ay palagi na siyang dumadalo.

“Sa pagbabasa pa lang ng mga publikasyon at pagdalo sa mga pulong, naakay na sila ng espiritu ni Jehova,” ang sabi ni Olga Knight, anak ni Derrine. “Talagang pinahahalagahan nila ang katotohanan kaya ibinahagi nila ito sa iba.”

Halimbawa, ang tatay ni Olga, si Herman Lightburn, ay tumanggap ng katotohanan matapos basahin ang aklat na Children habang nasa ospital. Talagang napakilos siya ng kaniyang natutuhan kaya tuwing Biyernes, umaarkila siya ng trak para ihatid ang mga mamamahayag na mangangaral sa palibot ng nayon. Sinuyod niya rin ang lalawigan ng Black Creek, kung saan may bukid siya.

“Nangaral ang mga magulang ko sa palibot ng Belize River,” ang sabi ni Olga, “at sa gabi, dumarating ang mga tao bitbit ang kanilang mga lampara para makinig. Tuwing umaga, kapag nagbabakasyon kami sa bukid, ang mga magulang ko, ang tiyahin ni nanay na si Amybelle, ang anak nitong si Molly Tillet, at ako ay sumasakay sa mga kabayo ni Itay. Sunud-sunod kami hanggang sa makarating sa Crooked Tree. Habang nanginginain ang mga kabayo, nagba-Bible study naman kami sa mga interesado. Ang ilan sa mga pamilyang iyon ay naakay sa katotohanan.”

Noong 1941, ang unang grupo ng mga mamamahayag ay nabautismuhan sa Caribbean, sa Belize City. Kasama doon si George Longsworth, na nagpayunir nang taóng iyon hanggang sa mamatay siya sa edad na 87 noong 1967. Madalas siyang nangangabayo para mangaral sa malalayong bayan at nayon, at nakapagbukas siya ng mga bagong teritoryo. Ang walang-humpay na pangangaral ni George at regular na pagdalo sa mga pulong ay nagpasigla sa mga baguhan. Ginagamit ni Jehova ang masisigasig at tapat na mga lingkod na ito para akayin sa kaniyang organisasyon ang mga tapat-puso.

DUMATING ANG UNANG MGA MISYONERO

Oktubre 5, 1945 nang dumating sina Elmer Ihrig at Charles Heyen, mga graduate ng unang klase ng Gilead. Pero isang araw bago sila dumating, isang bagyo ang tumama sa timog ng bansa, mga 160 kilometro mula sa Belize City. Ang 16 na kilometrong kahabaan ng kalsada mula sa airport patungo sa lunsod ay lubog sa tubig, kaya sa trak ng mga sundalo sumakay ang dalawang misyonero. Naglagay si Thaddius Hodgeson ng matutuntungan sa harap ng bahay niya para hindi lumusong sa baha ang mga misyonero pagdating nila.

Inaabangan ng mga kapatid ang pagdating ng mga misyonero. Mula sa hilaga ng bansa, naglakbay sina James Gordon, León Requeña, at Rafael Medina papuntang Belize City para makilala ang mga misyonero. Hindi biro iyon! “Walang kalsada mula sa kanila paluwas ng Belize City,” ang paliwanag ni Ismael Medina, apo ni Rafael. “Puro mga picados, mga landas na dinadaanan ng mga karitela, ang puwedeng daanan. Walang mga bahay, kaya natutulog na lang sila kung saan sila abutan ng gabi, kahit pa maahas doon. Pagkakita sa mga misyonero at pagkatanggap ng mga tagubilin at literatura, naglakad na ulit pauwi ang tatlong brother. Inabot din sila ng ilang araw!”

Sa Mule Park, kakaiba ang pagpapakilala sa mga misyonero. Binanatan muna ni James Hyatt ang mga maling turo ng klero, na nagpainit sa ulo ng ilang naroon. Tinapos niya ang kaniyang pahayag sa pagsasabing, “Pakinggan ninyo ngayon ang sasabihin ng dalawang ito!” Ganoon niya ipinakilala ang mga bagong misyonero!

Hindi matatawaran ang pag-ibig ng mga kapatid na ito kay Jehova at sa katotohanan, at ganoon na lang ang pagkamuhi nila sa huwad na mga turo. Kaya tiyak na makikinabang ang masisigasig na mamamahayag na ito sa makaranasang mga misyonero para maging mas epektibo sila sa pangangaral.

Nagsimulang mangaral ang dalawang misyonero sa Belize City, na may populasyon noon na mga 26,700. Ang lunsod na ito ay tinambakan ng lupa at mas mataas lamang nang isang piye sa level ng dagat. Wala itong maayos na kanal. Mainit at maalinsangan. Walang suplay ng tubig sa lunsod, kaya halos bawat bakuran ay may malalaking bariles na kahoy para sumahod ng tubig-ulan. Pero minsan, hindi lang tubig ang dala ng ulan. Noong 1931, isang bagyo ang sumalanta sa lunsod at kumitil sa buhay ng mahigit 2,000 katao.

PAGSULONG SA KABILA NG PAGBABAWAL

Bagaman hindi ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Belize, ipinagbawal ang ating mga publikasyon nang ilang panahon noong Digmaang Pandaigdig II. Pero bago dumating ang mga misyonero, inalis ang pagbabawal na ito.

Gayunman, ganito ang ulat ng The Watchtower ng Hulyo 15, 1946 tungkol sa gawain ng dalawang misyonero sa Belize: “Sinisikap pa rin ng isang paring Romano Katoliko na ipagbawal ang ating literaturang ipinadadala sa pamamagitan ng koreo. Ayaw ng mga paring Romano Katoliko na manatili doon ang dalawang misyonerong ito ng mga Saksi ni Jehova; at isang paring may lahing Irish at Amerikano . . . ang nagalit dahil pinapasok sila ng British Colonial Government sa bansa. . . . Sinabi ng dalawa[ng misyonero] sa pari na siya nga mismo ay nagsasabing Amerikano siya. Napahiya ang pari nang ipakita sa kaniya ng mga misyonero ang isang rekord sa bilangguan na nagpapakitang malaki ang naging pagkukulang ng Simbahang Katoliko sa paghubog sa moralidad ng mga Amerikano.”

Ang unang tumpak na rekord ng mga mamamahayag sa Belize ay noong 1944; pitong kapatid ang nag-ulat. Para maging mabisa sa ministeryo, gumamit ang mga kapatid ng mga testimony card sa pagbabahay-bahay. Isang taon mula nang dumating ang mga misyonero, naging 16 ang mamamahayag.

Noong 1946, sina Nathan H. Knorr at Frederick W. Franz, mula sa punong tanggapan, ay bumisita sa Belize at nagtatag ng tanggapang pansangay. Sa pahayag ni Brother Knorr tungkol sa organisasyon, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pag-uulat ng paglilingkod sa larangan gamit ang mga form para dito. Hinimok ni Brother Franz ang kongregasyon na magpakita ng awa sa iba sa pamamagitan ng patuloy na pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Nang linggo ring iyon, nagpahayag si Brother Knorr sa harap ng 102 tagapakinig, kabilang na ang maraming interesado. Ipinaliwanag niya ang kapakinabangan ng pagsama sa bayan ni Jehova. Inanyayahan niya ang mga interesado na regular na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi.

Taóng 1946 din nang dumating sina Charles at Annie Ruth Parrish at sina Cordis at Mildred Sorrell. Sumunod naman noong 1948 sina Truman Brubaker at Charles at Florence Homolka. Tamang-tama ang pagdating nila dahil napakalaki ng gawain.

MALAKI PA ANG GAWAIN

“Iisa pa lang ang kongregasyon noon,” ang ulat ni Elmer Ihrig, “at walang mga kongregasyon sa mga probinsiya. Tumitigil ako nang mga ilang linggo sa mga lugar na ito para mangaral, mamahagi ng mga aklat, mag-alok ng suskripsiyon, at magpahayag.” Sa unang taón ni Charles Heyen sa Belize, sumasakay siya ng trak papuntang Orange Walk. Nangaral siya doon at pinasigla ang mga kapatid na magpulong nang regular.

Mararating lang ang mga bayan sa timog sakay ng bangka. Kaya sumakay sina Elmer at Charles sa bangkang Heron H papunta sa mga bayan sa baybayin ng Stann Creek (Dangriga ngayon) at Punta Gorda, mga pamayanang Garifuna. Pinasimulan nila ang pangangaral doon. Noon, 30 oras ang biyahe sa bangka mula Belize City papuntang Punta Gorda. Pumunta roon si Elmer at nagpahayag sa lobby ng isang hotel na tinuluyan niya. Mga 20 ang nakapakinig.

Naaalala pa ni Olga Knight noong sinasamahan ni Elmer ang pamilya nila sa malayong nayon ng Crooked Tree. Nagdaos doon ng mga pulong ang kaniyang tatay sa pampang ng ilog, sa ilalim ng mga puno. Pinasalamatan ng mga kapatid ang masisipag at mapagpakumbabang mga misyonero.

Noong 1948, ang average na bilang ng mamamahayag ay 38, at apat na bagong kongregasyon ang nabuo sa labas ng Belize City. Ang maliliit na kongregasyong ito ay binubuo ng ilang mamamahayag sa mga probinsiya, gaya ng pamilyang Lightburn sa Black Creek, pamilyang Gordon sa Bomba, mga pamilyang Humes at Aldana sa Santana, at nina Brother Requeña at Medina sa Orange Walk. Ang mga misyonero at special pioneer naman ang tumutok sa Belize City, gaya ng tagubilin sa kanila. Pinagpala ni Jehova ang kanilang pagsisikap, at patuloy na dumami ang mga tapat-pusong naglilingkod kay Jehova.

Tamang-tama ang muling pagdalaw ni Brother Knorr noong Disyembre 1949. Isang gabi sa tahanan ng mga misyonero, tinalakay niya ang mga hamon sa pagmimisyonero. Maraming bagong mamamahayag ang gustong maglingkod kay Jehova pero hindi nila nauunawaan ang kahalagahan ng pag-aalay at bautismo. Kaya ipinaalala ni Brother Knorr sa mga misyonero na kailangan ng pagtitiis, pagbabata, at pag-ibig sa mga tao. Ipinaalala rin niya ang magagandang resulta ng kanilang ministeryo.

IPINAGBAWAL ANG MGA MISYONERO

Noong 1957, napansin ng mga kapatid na mahigpit na binabantayan ng gobyerno ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Belize. Halimbawa, nang magpalabas ng film ng Samahan ang mga kapatid sa Orange Walk, tinanong ng isang pulis ang mga kapatid mula sa sangay kung kailan sila dumating sa nayon at kung kailan sila aalis. Diumano, irereport niya ito sa kaniyang hepe. Sinabi rin nito na isang pulis na nakasibilyan ang pinagmanman nila sa katatapos na asamblea.

Sa pagitan ng 1951 at 1957, sampung misyonero pa ang pinayagang makapasok ng bansa. Pero noong Hunyo 1957, nakatanggap ang mga kapatid ng sulat mula sa pulisya at immigration na nagsasabi: “Ipinasiya ng Pamahalaan ng British Honduras [Belize ngayon] na wala nang papayagang mga Ministro ng inyong Samahan na makapasok ng bansa.” Hiniling ng mga kapatid na makipagkita sa gobernador para malaman ang dahilan nito. Pero hindi sila pinagbigyan.

Bagaman hindi rin pinayagan ang ibang relihiyon na magdagdag ng mga misyonero, pinayagan naman silang palitan ang mga misyonero nilang umalis. Pero hindi ibinigay ang ganitong probisyon sa mga Saksi, na nangangailangan ng dalawang kapalit na misyonero. Noong 1960, sumulat ang mga kapatid sa mga awtoridad sa Belize pati sa London para linawin na hindi naman sila humihiling ng karagdagang misyonero kundi ng kapalit lang.

Ang sagot ng gobyerno? “Ipinasiya ng Governor-in-Council na huwag nang magpapasok ng mga misyonero ng Watch Tower Bible and Tract Society sa British Honduras.”

Nang hilingin ng mga brother na makipag-usap sa mga nasa awtoridad, sinabi sa kanila: “Nakapagpasiya na ang Governor-in-Council noong 1957, hindi na pinapayagan ang mga misyonero ng inyong Samahan na makapasok sa British Honduras; kaya para sa Kamahalan, wala nang dahilan para makipag-usap pa siya sa inyo.” Parang wala nang magagawa ang mga brother.

Pagkaraan ng halos limang-taóng pagpetisyon, sa wakas ay tumanggap ang sangay ng liham noong Oktubre 1961 mula sa Secretariat ng Belize, na nagsasabi: “Nais kong ipaalam sa inyo na pinag-aralan ng Pamahalaan ng British Honduras ang inyong pinakahuling kahilingan, at ipinasiya na pansamantala, papayagan kayong magpasok sa bansa ng mga kapalit na banyagang misyonero.” Kaya noong 1962, pinayagang makapasok ng bansa ang mga misyonerong mula sa Jamaica na sina Martin at Alice Thompson.

HINDI NAHADLANGAN ANG GAWAIN

Kitang-kitang sinisikap ng mga salansang na hadlangan ang ating gawain. Nagtagumpay ba sila? Noong 1957 taon ng paglilingkod, nagkaroon ng peak na 176 na mamamahayag sa pitong kongregasyon. Ang populasyon sa Belize noon ay 75,000, kaya may 1 mamamahayag sa bawat 400 katao. Tumaas naman ng 34 na porsiyento ang bilang ng mamamahayag noong 1961 taon ng paglilingkod—umabot ito nang 236, kaya may 1 mamamahayag sa bawat 383 katao! Totoo ang pangako ni Jehova sa kaniyang bayan: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo.” (Isa. 54:17) Hindi nahadlangan ang gawaing pangangaral.

Marami sa mga nag-aaral ng Bibliya ay mga nagsasama nang di-kasal, at ang iba ay papalit-palit ng asawa. Pero nang matutuhan nila ang mataas na pamantayan ni Jehova, nagsumikap ang marami at gumastos para magpakasal. Ang ilan nga ay mahigit 80 anyos na!

KAILANGAN NG BAGONG KINGDOM HALL

Disyembre 1949 pa lang, bayad na ng mga brother ang upa sa Liberty Hall sa Belize City para sa apat na espesyal na pahayag na gaganapin nang Enero 1950. Isang araw bago ang huling pahayag, ipinatalastas sa radyo na dadalhin kinabukasan sa Hall ang labí ng isang prominenteng tao. Sa kabila ng pakikiusap ng mga brother sa may-ari ng Hall, pumasok pa rin ang mga taong maghahanda para sa burol kaya nagambala ang espesyal na pahayag. Tumawag pa tuloy ng pulis ang mga brother. Kailangan na talaga nila ng sariling Kingdom Hall. Ang mga nauupahang hall ay ginagamit na club at disco, at ang mahal ng renta.

“Nitong huli naming Pag-aaral sa Bantayan noong Linggo, 174 ang dumalo,” ang sabi ni Donald Snider, tagapangasiwa ng sangay noon. “Hindi na kami kasiya, kaya ’yung iba nakatayo na lang. Siksikan kami kaya tagaktak ang pawis namin sa init.” Palipat-lipat din ang tanggapang pansangay at tahanan ng mga misyonero.

Setyembre 1958 nagsimula ang pagtatayo ng dalawang-palapag na gusali. Ang unang palapag ay para sa maliit na opisina at tahanan ng mga misyonero. Ang ikalawa naman ay isang awditoryum. Noong 1959, natapos ang proyekto at sa wakas, may sarili nang Kingdom Hall ang Kongregasyon ng Belize City!

SUMULONG ANG GAWAIN SA WIKANG KASTILA

Malaki rin ang isinulong ng Belize pagdating sa pangangaral sa mga nagsasalita ng wikang Kastila. Noong 1949, may mga lugar na Kastila ang gamit na wika. Pero walang misyonero noon na marunong mag-Kastila. Nang maglaon, may dumating na mga misyonero na nakapagsasalita nito. Isa rito si Brother Leslie Pitcher na dumating noong 1955. Iniatas sa kaniya ang Benque Viejo, isang bayan na may mga nagsasalita ng Kastila. Nasa kanluran ito ng Belize, malapit sa border ng Guatemala. Nang dumating siya, may mga tagaroon nang naghihintay sa kaniya. Bakit?

Isang taon bago nito, sa gawing kanluran, sa bayan ng San Benito sa Guatemala, natuto si Natalia Contreras ng katotohanan at nabautismuhan. Pumunta siya ng Belize para magpatotoo sa kaniyang mga kamag-anak sa Benque Viejo. Isa sa nakinig ay si Serviliano Contreras. Nagustuhan niya ang ibinahagi ni Natalia tungkol sa pagsamba sa idolo, at nagpabautismo. Naging tapat siyang Saksi hanggang sa mamatay siya noong 1998 sa edad na 101. Marami sa kaniyang mga anak at apo ay naging Saksi. Ang teritoryo noon ng maliit na grupo ng mamamahayag sa Benque Viejo ay hanggang sa Melchor de Mencos na nasa border ng Guatemala. Nagdaraos sila rito ng mga pulong. Nang maglaon, nagkaroon ng kongregasyon sa Melchor de Mencos, at masigasig pa rin ang Kongregasyon ng Benque Viejo.

Sing-aga ng 1956, may mga bahagi na sa pandistrito at pansirkitong asamblea sa wikang Kastila. Pebrero 1968 nang magkaroon ng buong programa ng pansirkitong asamblea sa Kastila. Ginanap ito sa Kingdom Hall sa Orange Walk; 85 ang dumalo at 4 ang nabautismuhan.

Walang palya sa pulong at asambleang Ingles ang mga Saksing sina Marcelo Dominguez at Rafael Medina, pati na sina Dionisio at Catalina Tek, kahit na Kastila ang salita nila at hindi masyadong nakakaintindi ng Ingles. Noon lang Oktubre 1964 nagkaroon ng kongregasyon sa wikang Kastila sa Orange Walk. May 20 silang mamamahayag na dating nakaugnay sa kongregasyong Ingles.

Noong dekada ng 1980, kasagsagan ng gera sibil sa El Salvador at Guatemala kaya marami ang lumikas patungong Belize. Kabilang sa kanila ang ilang pamilyang Saksi na nagsasalita ng Kastila. May mga elder, ministeryal na lingkod, at mga payunir. Kaya nadagdagan ang mga kapatid sa Belize na nagsasalita ng Kastila, bukod pa sa dumating na mga misyonero mula sa iba pang bansa na Kastila ang wika. Lalong sumulong ang gawain sa wikang ito.

“ANG MGA TUNAY NA KRISTIYANO AY NANGANGARAL SA BAHAY-BAHAY”

Isang araw sa Orange Walk, dalawang estranghero ang kumatok sa pinto ni Margarita Salazar at nagtanong, “May kilala po ba kayong Saksi ni Jehova na Margarita Salazar?” Ang kumatok ay ang 23-anyos na si Teófila Mai at ang kaniyang ina. Taga-August Pine Ridge sila, mga 34 na kilometro sa timog-kanluran ng Orange Walk. Bakit nila hinahanap si Margarita?

“Mga isang taon bago nito,” ang paliwanag ni Teófila, “nagkasakit ang baby ko na siyam na buwan noon. Kaya dinala ko siya sa nayon ng Botes para pagalingin ng birheng si Santa Clara. Sumakay ako sa trak katabi ng drayber, na tagaroon sa amin. Tinanong niya ako kung bakit ko dadalhin sa Botes ang anak ko. Sinabi niya sa akin na labag sa Bibliya ang pagsamba sa imahen. Pinag-isip ako nito. Nang maglaon, marami pa siyang ibinahagi sa akin tungkol sa mga natutuhan niya sa Bibliya mula sa mga Saksi ni Jehova.”

Nagpatuloy si Teófila: “Sa isang biyahe, sinabi sa akin ng drayber na ang mga tunay na Kristiyano ay nangangaral sa bahay-bahay at ito ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Binabasa nila ang mga tekstong gaya ng Zefanias 1:14 at 2:2, 3. Kaya karga ang aking baby at akay ang isa ko pang maliit na anak, nagbahay-bahay ako sa August Pine Ridge. Binasa ko sa mga kapitbahay ko ang mga tekstong iyon. Nang maglaon, sinabi ng drayber na kung gusto ko talagang matuto ng katotohanan, dapat akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Puntahan ko raw ang mga Salazar. Itinuro niya kung saan sa Orange Walk ko sila makikita. Hindi pa ako nakakapunta sa Orange Walk, kaya nagpasama ako kay Inay para hanapin sila.”

Tanda pa ni Margarita ang unang pagpunta ni Teófila at ng nanay nito. “Marami silang tanong tungkol sa Bibliya,” ang sabi niya, “at ang tagal naming nag-usap. Gusto nilang malaman kung totoong tumutulong ang mga Saksi para maintindihan ang Bibliya kahit gaano pa kalayo ang lakbayin nila. Sinabi ko sa kaniya na totoo iyon at nangako akong pupuntahan namin siya tuwing ikalawang linggo para mag-Bible study.”

Pagdating ni Margarita at ng asawa niyang si Ramón sa August Pine Ridge, naroon na si Teófila at ang anim sa kaniyang mga kamag-anak para mag-Bible study. Nang maglaon, may mga payunir nang taga-Orange Walk na palaging sumasama sa mga Salazar. Naglalakbay sila nang 34 na kilometro sa makipot at baku-bakong daan. Habang bina-Bible study si Teófila at ang pamilya niya, nangangaral naman sa nayon ang mga payunir. Madalas magpalipas ng gabi si Amybelle Allen sa nayon para makapag-Bible study. Taóng 1972 nabautismuhan si Teófila, makalipas lamang ang limang buwan ng pagba-Bible study. Isang kongregasyon ang nabuo sa August Pine Ridge noong 1980, at sa paglipas ng mga taon, 37 kamag-anak ni Teófila ang naakay sa katotohanan.

NAGBUNGA ANG PANGANGARAL SA KAGUBATAN

Bugbog na bugbog na ang teritoryo ng Belize City at malalaking bayan sa bansa, samantalang napakadalang namang magawa ang kanayunan. Nagbabangka noon ang mga unang misyonero para marating ang mga bayan sa timog. Pero ngayon, may mga kalsada na papunta sa mga distrito ng Stann Creek at Toledo. Noong 1971, nagsaayos ang sangay ng taunang pangangaral sa mga liblib na lugar sa Belize para maabot ang mga Mopan at Kekchi Maya na nasa kagubatan.

Umarkila sila ng mga sasakyan at bangka para makarating sa mga nayon at bayan, mula Dangriga patungong Punta Gorda at hanggang sa Barranco, malapit sa border ng Guatemala. Minsan isang van sila at dalawa hanggang apat na motorsiklo. Sa iba’t ibang nayon sila inaabot ng gabi. At kung araw, habang nagbabahay-bahay sa nayon ang grupo, ang magkakaangkas naman sa mga motorsiklo ang pumupunta sa malalayong bukid.

Sa Punta Gorda, nilalakad ng mga kapatid ang bawat nayon. Nagpapaalam muna sila sa mga alkalde ng mga nayon bago mangaral.

“Sa isang nayon,” ang kuwento ng misyonerong si Reiner Thompson, “naabutan ng mga kapatid na nagmimiting sa cabildo, o pulungan, ang kalalakihan tungkol sa pag-aani ng mais. Pagkatapos ng miting, hinilingan nila ang mga kapatid na kumanta ng awiting pang-Kaharian. Pagód at gutóm na ang mga kapatid, at wala silang songbook. Pero buong-puso silang umawit at nasiyahan talaga ang mga nakikinig.” Nang maglaon, nagkaroon ng mga kongregasyon sa Mango Creek, tapos sa San Antonio, ang isa sa pinakamalaking nayon ng mga Maya.

“Minsan, gabi pa lang naglalakad na kami papunta sa mga nayon para hindi kami magahol sa oras,” ang kuwento ni Santiago Sosa. “Isang hanay lang kami sa gitna ng daan. Hindi kami naglalakad sa gilid kasi baka matuklaw kami ng ahas. Natuto rin kaming uminom ng tubig mula sa baging.”

Kung minsan, dala-dalawa o apat-apat ang nangangaral sa iba’t ibang parte ng nayon. Sa gabi na lang sila nagkikita-kita. Dalawa ang maiiwan para magluto. Natatawa si Santiago kapag naaalala niya: “Ang problema, may mga hindi marunong magluto. Minsan nga nang makita ko ang ulam, naitanong ko, ‘Ano ’yan?’ Ang sagot sa akin eh, ‘Ewan, basta pagkain ’yan.’ Kapag hindi alam ng mismong nagluto kung ano’ng niluto niya, ipinapatikim muna namin ’yun sa mga asong gala. Aba, kahit gutom ang aso, ayaw!”

TINANGGAP NG MGA KEKCHI ANG KATOTOHANAN

Lumipat ang mag-asawang Rodolfo at Ofelia Cocom mula Corozal patungo sa malayong nayon ng mga Kekchi sa timog, sa Crique Sarco noong 1981. Lumaki si Ofelia sa nayong ito na taunan lang kung mapuntahan ng mga Saksi. Noong mga 14 anyos si Ofelia, nakakita siya ng aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan sa ilalim ng puno ng orange at binasa niya iyon. Gusto pa sanang matuto ni Ofelia, pero na-Bible study lang siya noong may asawa na siya at nakatira na sa Corozal. Dalawang special pioneer, sina Marcial at Manuela Kay, ang nag-study sa kaniya at sa mister niyang si Rodolfo.

Kahit nasa Crique Sarco na ang mga Cocom, sinikap nilang muling makipag-ugnayan sa mga Saksi. Hinanap ni Rodolfo sa Punta Gorda ang mga kapatid. Mahigit anim na oras siyang naglakad at namangka sa ilog at dagat. Nakilala niya doon si Donald Niebrugge, isang payunir na nagsaayos na ma-study silang mag-asawa sa pamamagitan ng liham. Ang problema, walang post office sa Crique Sarco.

“Nagtanong ako sa post office sa Punta Gorda kung paano makapagpapadala ng sulat sa Crique Sarco,” ang sabi ni Donald. “May pumupunta daw doon na pari minsan sa isang linggo.” Kaya sa loob ng mga anim na buwan, walang kamalay-malay ang pari na naging kartero siya ng mga Saksi ni Jehova.

“Nang mabisto ito ng pari,” ang sabi ni Donald, “medyo nainis siya at ayaw nang dalhin ang sulat namin.”

Noong mga buwan na iyon, pumupunta-punta si Donald sa Crique Sarco para makapangaral doon at ma-study na rin ang mag-asawang Cocom. Nang sumunod na pangangaral sa kagubatan, sumama na si Rodolfo. “Apat na araw kaming nangaral kasama si Rodolfo, at ang pakikipagsamahan sa mga kapatid ay tumulong sa kaniya na sumulong,” ang sabi ni Donald.

“Nangaral kami ni Ofelia sa aming nayon kahit dadalawa lang kami,” ang sabi ni Rodolfo. “Mas matindi sa inabot naming pagsalansang ang naranasan ng mga Bible study namin. Ang iba ay hindi na binigyan ng gamot, pagkain, at mga damit na ipinamimigay sa nayon. Kontrang-kontra ang biyenan kong babae sa pangangaral namin. Natanto namin ni Ofelia na hindi kami susulong sa espirituwal sa Crique Sarco. Kailangan naming dumalo sa mga pulong. Kaya lumipat kami sa Punta Gorda para magpatuloy sa pag-aaral. Sumulong kami at nabautismuhan noong 1985.” Nasa Kongregasyon ng Ladyville ngayon ang mag-asawang Cocom, at ministeryal na lingkod si Rodolfo.

PANGANGARAL SA MGA ISLA AT BAYBAYIN

Bawat taon, may kaayusan para mapangaralan ang mga tao sa mga isla at nayon sa baybayin. Wala pang mga daan noon papuntang Hopkins, Seine Bight, Placencia, at Punta Negra, pati sa Monkey River Town. Kapag hindi panahon ng lobster, ginagamit ni Polito Bevens ang bangka niya kasama ang apat na payunir at misyonero sa dalawang-linggong biyahe mula hilaga hanggang timog. Pinupuntahan nila ang bawat lugar na madadaanan nila.

Madalas sumama si Donald Niebrugge sa taunang pangangaral sa kagubatan at mga isla’t baybayin. Natatandaan pa niya si Ambroncio Hernandez, o Bocho kung tawagin nila. Nanghiram sila noon sa kaniya ng bangka, at nang maglaon nagpa-Bible study ito.

“Nang sumunod na taon, apat kaming nagsaayos ng dalawang-linggong biyahe sa baybayin,” ang sabi ni Donald, “pero naibenta na noon ni Bocho ang bangka niya. Ipinakilala niya kami sa isa pang mangingisda na handang bumiyahe kasama ang partner niya at si Bocho. Kaya sa biyahe, dalawang mag-asawang special pioneer kami at tatlong mangingisda. Noon unang nangaral si Bocho. Nang makarating kami sa piyer ng Placencia, nangaral kami sa mga bangkang nakadaong. Napakabait ng dalawang mangingisdang kasama namin kahit hindi sila Saksi. Minsan, pagbalik namin mula sa maghapong pangangaral, nakabili na sila ng manok at ipinagluto kami ng hapunan gamit ang maliit na kalang de-gaas.” Nang sumunod na taon ng pangangaral, bautisado na si Bocho. Siya ay 18 taon nang naglilingkod bilang elder sa Belize City.

NAGBUNGA ANG GAWAIN SA TERITORYONG HINDI PA NAIAATAS

Maburol at magubat ang Distrito ng Toledo, sa gawing timog ng Belize, kung saan may ilang nayon ng mga Mopan at Kekchi Maya. Pawid ang bubong at lupa ang sahig ng kanilang mga bahay. Manu-manong pagsasaka ang ikinabubuhay nila. Kapag tagtuyot, nag-iigib sila ng tubig para sa mga tanim nilang mais, beans, at kakaw. Pinagkakakitaan naman ng marami sa kababaihan ang tradisyonal na pagbuburdang Kekchi at paggawa ng mga basket na ibinebenta sa mga tindahan ng subenir. Marami namang kabataan ang lumuluwas sa lunsod para mag-aral o magtrabaho.

Noong 1995, inimbitahan sina Frank at Alice Cardoza na maging temporary special pioneer sa Distrito ng Toledo sa buwan ng Abril at Mayo. Tumulong sila sa pamamahagi ng Kingdom News Blg. 34 na pinamagatang “Bakit Kaya Punung-puno ng Suliranin ang Buhay?” Sinabi ni Frank: “Nakasama na ako noon sa taunang pangangaral sa kagubatan dito, at nakita ko na mas matututo ng katotohanan ang mga Maya kung may kapatid na titira sa lugar na ito. Iminungkahi ng sangay na humanap ako ng mauupahan, bumuo ng isang grupo sa pag-aaral ng Bibliya, at magbigay ng espesyal na pahayag sa San Antonio. Mamamahagi kami dito ng Kingdom News, gayundin sa walo pang nayon.”

Ang mga Cardoza ay nagdaos ng lingguhang pag-aaral sa Bibliya bilang grupo sa inuupahan nilang basement ng isang bahay. Sa loob lang ng ilang linggo, tatlo hanggang apat na pamilya na ang dumadalo. Ang mga interesadong ito ay sumasama rin sa mga Cardoza papuntang Punta Gorda para dumalo sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod. Kakarag-karag ang sasakyan nila, at isang oras silang nagbibiyahe sa malubak na daan. Sa una nilang buwan, nagbigay si Frank ng espesyal na pahayag sa San Antonio. Isa sa mga dumalo si Jesús Ich, miyembro ng Simbahang Nazareno. Ito ang unang dalo niya at nakinig siyang mabuti. Tumimo sa isip niya na ang turo ng maapoy na impiyerno ay mula sa mga pagano at ang impiyernong binabanggit sa Bibliya ay isa lamang karaniwang libingan. Pagkatapos ng pulong, sinolo niya si Frank para magtanong pa tungkol doon. Bilang resulta, nag-aral siya ng Bibliya at nabautismuhan nang sumunod na taon.

Pagkatapos ng dalawang-buwang atas nila bilang mga special pioneer, napaharap ang mga Cardoza sa isang mahalagang desisyon. Sinabi ni Frank: “Napakarami naming naging Bible study. Hindi namin maatim na iwan sila at bumalik sa maalwang bahay namin sa Ladyville. Kung mananatili kami sa San Antonio, puwede naming upahan ang itaas ng bahay imbes na ang basement para mas komportable. Puwede kaming magkabit ng maliit na lababo, alulod para masahod ang tubig-ulan at, sa kalaunan, ng kuryente at inodoro. Ipinanalangin namin ito kay Jehova at nagtiwala na mabubuo din ang isang kongregasyon sa tulong niya. Pagkatapos, sumulat kami sa sangay para ipaalam na handa kaming manatili sa San Antonio bilang mga regular pioneer.”

Sinagot agad ni Jehova ang kanilang panalangin. Sa loob lamang ng anim na buwan, noong Nobyembre, nakapagdaos sila ng kauna-unahang Pulong Pangmadla sa inuupahan nilang bahay. At Abril nang sumunod na taon, mayroon na silang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod sa San Antonio. Laking ginhawa para sa grupong iyon dahil hindi na sila kailangang bumiyahe linggu-linggo papuntang Punta Gorda, na inaabot din nang mga 65 kilometro balikan.

“WALANG EPEKTO SA AKIN ANG MGA BANTA NIYA”

Sumulong ang taimtim na mga estudyante ng Bibliya sa San Antonio, at talagang kahanga-hanga ang pag-ibig nila sa katotohanan. “Sa mga nayong ito,” ang paliwanag ni Frank, “napakamahiyain ng kababaihan, at sunud-sunuran sila sa kanilang mga ama at asawa. Hindi sila nakikipag-usap sa mga estranghero. Kaya napakahirap para sa kanila na magbahay-bahay.”

Si Priscilian Sho, na 20 anyos noon, ay isang di-bautisadong mamamahayag na gustung-gustong mangaral sa kanilang lugar. Isang araw, magkasamang dumalaw-muli si Priscilian at ang hipag niyang si Amalia Sho nang bigla silang magkaproblema.

Ikinuwento ni Priscilian: “Pinagbabawalan ako ni Tatay na mangaral kaya hindi ako nagpaalam, at takót ako sa kaniya. Noong umaga ng Linggong iyon, nangangaral kami nang makita namin si Tatay sa labas ng simbahang Baptist na pinagsisimbahan niya. Nagtago kaagad kami sa damuhan para hindi niya kami makita. Pero sinabi ko, ‘Alam mo Amalia, nakikita tayo ni Jehova. Hindi tayo dapat matakot kay Tatay. Si Jehova lang ang dapat nating katakutan.’”

Nagalit kay Priscilian ang tatay niya. Pero mas matindi pa ang pagdadaanan ni Priscilian dahil tutol na tutol ang tatay niya na maging Saksi siya. Kaya bago ang araw ng kaniyang bautismo, nanalangin siya, nag-ipon ng lakas ng loob, at nakipag-usap sa tatay niya.

“Bukas po ’Tay, pupunta ako sa Belize City.”

“Ano’ng gagawin mo doon?” ang tanong ng tatay niya.

“Magpapabautismo po ako,” ang sagot ni Priscilian. “Gagawin ko po kung ano ang gusto ni Jehova. Mahal ko po kayo, pero mahal ko rin po si Jehova.”

“Talagang gagawin mo ’yan?” ang pagalit na sabi ng ama.

“Opo,” ang sabi ni Priscilian. “Sabi po ng Gawa 5:29, dapat kong sundin ang Diyos sa halip na ang tao.”

Galít na galít na umalis ang tatay niya. “Napanatag lang ang loob ko nang makasakay na ako ng trak papuntang asamblea,” ang sabi ni Priscilian. “Hindi ko alam kung ano ang gagawin niya pagbalik ko. Basta ang alam ko, bautisado na ako noon, kaya kahit patayin niya ako, alam kong tama ang ginawa ko.”

Hindi naman sinaktan si Priscilian ng tatay niya pag-uwi niya. Pero pinagbantaan siya nitong papatayin siya. “Nakita niyang walang epekto sa akin ang mga banta niya,” ang sabi ni Priscilian, “bandang huli, bumait din siya.”

PUMANIG KAY JEHOVA ANG DATING SALANSANG

Masulong na sa espirituwal ang bagong grupo ng mamamahayag sa San Antonio nang biglang makatanggap ng sulat ang mga Cardoza. Pinapaalis sila ng konseho ng nayon sa San Antonio. Bago pa nito, bayad na si Frank sa permit para makapanatili sa nayon. Pero isang prominenteng tao ang gustong magpalayas sa kanila. Sa isang miting ng konseho, tatlo sa mga Bible study ni Frank ang nagsalita para sa kaniya. Tapos, nagsalita ang kasero nila Frank at nagbanta na kung palalayasin ng konseho ang mga Cardoza, sasagutin nila ang upa na ibinabayad ng mag-asawa. Ipinakita naman ni Frank ang isang sulat mula sa Kagawaran ng Lupain na nagsasabing hindi puwedeng basta palayasin ang isa na umuupa ng isang pribadong ari-arian. Nang bandang huli, pinayagan din ng konseho ang mga Cardoza na manatili sa San Antonio.

Ang lalaking gustong magpalayas sa mga Cardoza ay si Basilio Ah, dating alkalde ng nayon na maimpluwensiya pa rin. Ginamit niya ang kaniyang koneksiyon para salansangin ang mga Saksi ni Jehova sa San Antonio. Noong naghahanap ang maliit na grupo ng lupa na pagtatayuan ng Kingdom Hall, sinabi niya, “Hindi kayo makapagtatayo ng Kingdom Hall sa nayong ito!” Pero nakakuha ng lupa ang mga kapatid at nakapagtayo ng isang simple at magandang Kingdom Hall. Aba, nang ialay ang Kingdom Hall noong Disyembre 1998, naroon si Basilio! Ano kaya ang nangyari?

May problema sa pamilya ang dalawang anak na lalaki ni Basilio. Dalawang beses siyang nakiusap sa simbahan na tulungan ang kaniyang mga anak, pero walang tumulong. Pagkatapos, nakipag-study ang mga anak niya sa mga Saksi. Napansin ng asawa ni Basilio, si María, na malaki ang ipinagbago ng mga anak niya at masaya na ang pamilya nila. Kaya nagpa-study na rin si María sa mga Saksi.

“Gusto ko talagang makilala si Jehova,” ang sabi ni María, “at ’ika ko sa asawa ko, dapat kaming dumalo sa Kingdom Hall para matuto pa tungkol sa Diyos.” Ayaw pa rin talaga ni Basilio sa mga Saksi, lalo na kay Frank Cardoza, na tinatawag niyang “ang dayuhang iyon.” Pero nakita niyang malaki ang ipinagbago ng mga anak niya dahil sa natutuhan nila sa Bibliya. Kaya napag-isip-isip ni Basilio na suriin ang turo ng mga Saksi ni Jehova, at matapos ang ilang paliwanagan, pumayag din siyang mag-aral. At kanino siya nagpa-Bible study? Sa “dayuhang iyon” mismo, kay Frank Cardoza!

“Natauhan ako sa mga nabasa ko sa Bibliya,” ang sabi ni Basilio. “Animnapung taon na akong Katoliko at nagsusunog ng insenso para sa mga imahen sa simbahan. Pero ngayon, ang aklat mismo ni Jehova, ang Bibliya, ang tumulong sa akin na makilala siya. Nahihiya ako sa mga ikinilos ko noon kay Frank Cardoza, na kapatid ko na ngayon. Aminado akong mali ako. Ipinaglalaban ko lang noon ang alam kong tama para sa aking nayon at relihiyon. Pero itinigil ko na ang mga tradisyong Maya na may kinalaman sa espiritismo at pagpapagaling na karaniwan sa nayon namin. Iniwan ko na rin ang pulitika.” Ngayon, masayang naglilingkod sina Basilio at María Ah bilang mga bautisadong mamamahayag.

Ang mga lingkod ni Jehova ay kilalang mapagmahal, masayahin, at masigasig. Sa mga liblib na lugar sa Belize, maraming mamamahayag ang naglalakad nang tatlong oras o higit pa sa matatarik na burol para makapangaral, at ayaw nilang umabsent sa pulong. Halimbawa, si Andrea Ich ay naatasang maging householder sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Nang araw na iyon, tatlo hanggang limang kilometro ang nilakad nilang mag-iina para mamitas ng abokado sa gubat. Pag-uwi nila, namamaga na ang mukha niya dahil sa 23 kagat ng putakti. Pero naghanda siya ng pagkain para sa pamilya, dumalo sa pulong, at ginampanan ang bahagi niya. Kahit namamaga ang mukha, nakangiti pa rin siya. Nakapagpapatibay na makita ang ating mga kapatid na Maya na bumibiyahe nang buong araw sakay ng trak o bus para makadalo sa mga asamblea, masaya at nagkakaisa sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova.

HINAMPAS NG MALAKAS NA BAGYO ANG BELIZE

Sa nakaraang 115 taon, 51 bagyo ang naranasan sa Belize. Mula 1930, 12 bagyo ang tumama o dumaan sa Belize na puminsala sa mga ari-arian at kumitil ng buhay. Ang isa sa pinakagrabe ay ang Bagyong Hattie noong Oktubre 31, 1961. Ang lakas ng hangin nito ay 300 kilometro kada oras. Daan-daan ang nilamon ng tidal wave. Umabot hanggang binti ang putik sa buong Belize City. Ganito ang report ng sangay: “Ang bahay ng marami sa ating kapatid [sa Belize City] ay napinsala o nawasak nang tuluyan. Pero wala namang lubhang nasaktan. Ang kanilang damit ay tinangay o sinira ng tubig.

“Binubuldoser ang mga kalsada at sinusunog ang mga sinira ng bagyo na hindi na mapapakinabangan. Dito [sa tahanan ng mga misyonero], marami ang nasira dahil dalawang piye ang taas ng tubig. Sa labas, mga siyam na piye naman, . . . mabuti na lang at mas mataas sa kalsada ang tahanan. . . . Halos walang mabiling pagkain . . . , at may mga bangkay pang hinuhukay.”

Pagkalipas ng sampung araw, iniulat ng sangay: “Mas grabe ang kalagayan [sa Dangriga] kaysa rito [sa Belize City]. Para makakuha ang mga tao ng kupon na pambili ng kahit ano, obligado silang tumulong sa paghahawan, walong oras sa maghapon. Kontrolado ng militar ang lahat, at walang silbi ang pera.” Dalawang batang lalaki ang namatay, at nabali ang mga binti ng tatay nila nang bumagsak ang bahay nila. Aktibong mamamahayag ang dalawang bata, at yaong 12 anyos ay kilala sa pagpapatotoo sa mga guro niya.

Dumaan ang mata ng bagyo sa pagitan ng Belize City at Dangriga, kung saan ang bahay at mga ari-arian ng karamihan sa mga kapatid ay napinsala o tuluyang nawasak. Pagkaraan ng bagyo, ang gobernador ay nagdeklara ng state of emergency at nagpatupad ng curfew. Binigyan ng awtoridad ang hukbo ng Britanya para makontrol ang sitwasyon, barilin ang sinumang mahuling nagnanakaw, at ikulong ang lumalabag sa curfew.

Sa kabila ng trahedya at kaguluhan, sinikap ng mga kapatid na maibalik agad ang regular na pagpupulong at pangangaral. Hindi ito madali dahil marami ang nasa mga shelter at ang mga bakuran ay lubog sa tubig at putik. Pero kailangan ng mga tao ang kaaliwang dulot ng mabuting balita ng Kaharian, at handang magsakripisyo ang mga Saksi ni Jehova para maipaabot ito sa kanila.

Kaawa-awa ang sitwasyon ng mga tao, pero nabuhayan ng loob ang mga kapatid sa Belize dahil sa pag-ibig at pagkabukas-palad ng mga Saksi ni Jehova sa ibang bansa. Nagpadala ang ibang mga sangay ng 25 kahon ng damit at iba pang gamit para ipamahagi sa mga kapatid, maging sa mga di-Saksi. Ang tanggapang pansangay at ang Kingdom Hall ay kabilang sa iilang gusali na hindi napinsala. Kaya naman nang makiusap ang gobyerno na gamiting shelter ang Kingdom Hall, pumayag agad ang mga kapatid. b

“MRS. PRATT, IPAGDASAL N’YO PO KAMI”

Sa loob ng tatlong araw noong Oktubre 2000, ang mga taga-San Pedro sa Ambergris Cay ay sinalanta ng Bagyong Keith na may matinding buhos ng ulan at hanging may lakas na 205 kilometro bawat oras. Sa Ladyville, 16 na kilometro sa hilaga ng Belize City, lampas-baywang ang baha dahil sa tatlong araw na pag-ulan. May 42 kapatid na nanganlong sa Assembly Hall sa Ladyville. Halos lahat ng bahay sa Cay Caulker ay nawasak. Walang natira o halos maubos ang kabuhayan ng 57 kapatid sa Ambergris Cay at Cay Caulker. Ilang linggong walang kuryente, tubig, at telepono sa mga islang ito. Ang mga distrito ng Belize, Orange Walk, at Corozal pati na ang Ambergris Cay at Cay Caulker ay idineklarang nasa state of calamity. Ang punong ministro ay nagpatupad din ng curfew sa mga lugar na ito para maiwasan ang nakawan.

Nabalitaan ni Cecilia Pratt, special pioneer sa Cay Caulker, na may paparating na bagyo kaya naghanda siya ng emergency bag sakaling kailangan niyang lumikas. Noong araw na iyon, nakolekta niya ang report ng 12 sister at balak sanang ihatid ito sa sangay kinahapunan sakay ng bangka. Ipinlastik ni Cecilia ang mga report at inilagay sa kaniyang bag. Kinagabihan, kinailangang manganlong ni Cecilia at ng ilang sister sa kongkretong gusali ng eskuwelahan. Ang iba namang sister ay tumakbo sa community center.

“Tinuklap ng hangin ang mga yero sa unang silid na pinagkanlungan namin,” ang kuwento ni Cecilia. “Kaya dali-dali naming dinampot ang mga gamit namin at tumakbo sa kabilang silid. Sa lakas ng hangin, parang yumayanig ang buong gusali kahit kongkreto pa ito. Nang sumilip kami sa labas, parang nasa gitna kami ng dagat—walang lupa. Hindi kami naghiwa-hiwalay ng mga sister, at panay ang panalangin namin. Takót na takót ang 40 tao na nasa silid, na iba-iba ang relihiyon. Sinasabi ng ilan, ‘Gawa ito ng Diyos.’ Nilapitan ako ng isang pastor na Katoliko at sinabi, ‘Mrs. Pratt, ipagdasal n’yo po kami.’ Ang sabi ko, ‘Hindi puwede. Babae ako, saka wala akong sombrero.’ Sumagot ang lalaki, ‘Heto, may sombrero ako.’ Hindi ko alam kung puwede ba akong manalangin para sa lahat, pero gusto kong malaman ng mga naroon na hindi galing kay Jehova ang bagyo. Kaya nagsama-sama kaming mga sister at nilakasan ko ang panalangin para marinig ito ng lahat. Pagkatapos kong manalangin at magsabi ang lahat ng ‘Amen,’ humupa ang hangin! Nang pagkakataong iyon, tiyempong dumadaan sa amin ang mata ng bagyo. Sinabi ng pastor na Katoliko: ‘Dininig ang panalangin n’yo. Ang Diyos ninyo ang tunay.’ Pagkatapos nito, ayaw na nila kaming limang Saksi na umalis ng shelter. Sa sumunod na tatlong araw, binigyan nila kami ng pagkain at kape.

“Pero nag-aalala ako sa ibang kapatid. Kinaumagahan, nang tumigil na ang hangin, umalis ako para hanapin sila. Bagsak ang mga puno at ang daming nasira. Tinangay ng hangin ang ilang bahay sa layong 10-15 metro. Pumunta muna ako sa community center at dalawang sister ang nakita ko doon kasama ang kanilang mga anak. Bagsak ang bahay ng isa pang sister, pero buháy siya.”

Dahil sa bagyo, nahirapan ang sangay na kolektahin ang report ng mga apektadong kongregasyon. Ang report mula sa Cay Caulker ang una nilang natanggap. Naingatan kasi ito ni Cecilia sa bag niya at siya mismo ang nag-abot nito sa mga brother na nanggaling sa sangay para alamin ang lagay nila.

Nang sumunod na mga linggo, ang mga kapatid sa mga isla ay pinadalhan ng relief. Tinulungan din sila ng mga boluntaryo na maglinis at magkumpuni ng kanilang mga bahay pati ng Kingdom Hall sa Ambergris Cay.

Ganito ang report ni Merle Richert na kasama sa mga tumulong sa Cay Caulker: “Nagtayo muna kami ng matutuluyan at inorganisa ang pamamahagi ng relief. Kinabukasan, kinumpuni na namin ang mga bahay ng mga kapatid. Linggo ng umaga, lumabas kaming lahat sa larangan. Pagkatapos, naghanda kami ng lugar na mapagpupulungan sa bakuran ng isang sister. Gumawa kami ng mga bangkô at isang podyum na yari sa tuod ng puno ng niyog. Binago namin ang oras ng pulong para hindi kami abutin ng curfew na 8:00 n.g. at 43 ang dumalo sa Pahayag Pangmadla at Pag-aaral sa Bantayan.”

NATURUAN KAMI NI JEHOVA SA MGA ASAMBLEA

Sa pagtatapos ng dekada ng 1960, nakapagdaos ng mga asamblea sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa paggamit ng tolda. Pero mahirap magtayo ng malalaking tolda at inaabot ito nang ilang araw. Ipinaliwanag ni Santiago Sosa: “Pagpasok ng linggo ng asamblea, inuumpisahan na namin ang pagtatayo ng tolda, paghahakot ng mga bangkô mula sa Kingdom Hall, at paghiram ng mga upuan. May cafeteria noon, kaya nanghihiram din kami ng mga kaldero at kawali. Kadalasan, magdamag kaming nagluluto at nagtatrabaho para matapos kami sa oras. Minsan, kung kailan ayos na ang lahat, isang malakas na buhawi ang darating sa gabi at tatangayin ang mga lona. Kinabukasan, magkakabit na naman kami, pero walang nagrereklamo.”

Naaalala pa ni Jeanne Thompson ang isang asamblea sa isang komunidad sa pagitan ng Belize City at Orange Walk. Hinawan ng mga kapatid ang kakahuyan malapit sa Kingdom Hall para makapagtayo ng tolda at makapaglagay ng mga bangkô. “Maghapong inulan ang pandistritong kombensiyon,” ang sabi ni Jeanne, “at binaha kami. Kaya itinuntong namin ang aming mga paa sa bangkô sa harapan namin. Wala kaming kamalay-malay na napakarami palang ahas doon. Ang kagandahan lang ng umulan, walang umalis sa tolda at sa Kingdom Hall. Delikado kasi kung naglakad-lakad pa kami.”

Noong dekada ng 1970, idinaraos ang mga asamblea sa Bird’s Isle, isang maliit na isla na mga 120 metro mula sa dulo ng Belize City sa timog-silangan. Nagtayo ang may-ari ng isang bulwagang gawa sa pawid; may kuryente, tubig, at mga palikuran na magagamit kapag may okasyon. Gumawa ang mga brother ng tulay na kahoy para may tawiran at madaling marating ang tahimik na islang ito na tamang-tama para sa mga asamblea.

Noong Marso 1983, isang loteng pag-aari ng gobyerno ang inupahan sa Ladyville para sa isang Assembly Hall. Nagtayo lang muna ang mga brother ng pansamantalang gusali para sa pansirkito at pandistritong asamblea at iba pang malaking pagpupulong. Pagkatapos, noong 1988, nakabili ang mga kapatid ng steel building sa Guatemala. Ginamit nila ito sa pagtatayo ng permanenteng Assembly Hall sa lote sa Ladyville.

SUMULONG ANG GAWAIN SA WIKANG TSINO

Dekada pa lang ng 1920, may mga Tsino nang nandayuhan sa Belize. Marami sa mga ito ang nagbabasa ng ating mga publikasyon sa kanilang wika. Halimbawa, ikinuwento ni Roberta Gonzalez: “Gusto kong magpatotoo sa isang palakaibigang babaing Taiwanese na may bakery. Kaso wala siyang hilig sa relihiyon at lagi siyang abala. Pero may dalawa siyang anak na tin-edyer. Kaya isang araw, dumaan ako sa bakery nila at binigyan siya ng aklat na Mga Tanong ng Kabataan sa wikang Tsino. Sinabi ko sa kaniya na gusto kong malaman ang opinyon niya sa nilalaman ng aklat. Makalipas ang ilang araw, pagdaan ng kotse ko sa bakery niya, panay ang kaway niya sa akin, kaya huminto ako. Ang tagal-tagal na pala niya akong hinihintay. Karamihan daw sa mga tin-edyer ng mga pamilyang Taiwanese na nandayuhan sa Belize ay nahihirapang mag-adjust. Gusto niya sanang mabasa ng mga ito ang aklat. Ipinabilang niya sa kaniyang anak kung ilang pamilyang Taiwanese ang may anak na tin-edyer at humiling siya ng 16 na kopya para mairegalo sa mga ito.”

Noong Oktubre 2000, nagsaayos ang sangay ng tatlong-buwang klase ng Mandarin para sa mga payunir at mamamahayag na handang maglingkod sa mga teritoryong Tsino. Ang resulta? Nagkaroon ng grupong Tsino na may ilang payunir, na nang maglaon ay naging kongregasyon. Kahit matindi ang pagsalansang, may mga tumugon sa mabuting balita at sa pag-ibig na ipinakita ng kongregasyon.

Halimbawa, nag-aral ng Bibliya si Monje Chen noong 2006. Wala namang tutol ang pamilya niya noong una. Pero bandang huli, tinutuya na nila siya at sinasalansang. Bigla na lang nilang ibinenta ang lahat ng kabuhayan nila, pati na ang tindahan ni Monje. Binigyan nila siya ng isang oras para iwan ang bago niyang relihiyon at sumama sa kanila sa ibang bansa. Pero hindi tinalikuran ni Monje ang kaniyang pananampalataya. Umalis ang pamilya at wala man lang iniwan ni singko. Nakitira si Monje sa isang kapatid at nagpatuloy sa pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa pulong. “Naging malapít ako kay Jehova at hindi niya ako pinabayaan. Malaking tulong sa akin ang pag-aaral at pagbubulay-bulay sa Bibliya, gayundin ang pampatibay ng mga kapatid,” ang sabi ni Monje.

Nabautismuhan si Monje noong Nobyembre 2008. Nakita ng kaniyang pamilya na malaki ang ipinagbago niya, kaya gumanda na uli ang pakikitungo nila. “Ang pagpili kay Jehova ang nagpaligaya sa akin, at hindi ako naghirap,” ang sabi ni Monje. “Hindi ako iniwan ni Jehova. Binigyan niya ako ng pagkakataong maging bahagi ng nagkakaisa at nagmamahalang kapatiran.”

PINANGASIWAAN NG SANGAY SA MEXICO ANG GAWAIN SA BELIZE

Matapos pag-aralang mabuti kasama ng mga Komite ng Sangay sa Belize at Mexico kung paano maaasikaso ang gawain sa Belize, ipinasiya ng Lupong Tagapamahala na pangasiwaan ito ng sangay sa Mexico. Nagsimula ito noong Enero 1, 2001, at maganda ang naging resulta nito para sa ating mga kapatid sa Belize.

Mula noon, tumulong ang sangay sa Mexico sa pangangasiwa sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa Belize. Marso 16, 2002 nang ialay ang isang simpleng duplex na Kingdom Hall sa Belize City. Kinabukasan, inialay naman ang bago at magandang tahanan ng mga misyonero at ni-renovate na Assembly Hall sa Ladyville. Imbitado ang mga kapatid na 50 hanggang 60 taon nang tapat na naglilingkod kay Jehova. Napakinggan nila ang pahayag ni Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala. Nakapagtayo na ng 20 Kingdom Hall sa iba’t ibang panig ng bansa mula nang mabuo ang Kingdom Hall Construction Group.

Noong 2007, tumulong ang 325 payunir mula sa Mexico para mangaral sa mga teritoryo sa Belize na madalang magawa. Napasigla nito ang mga kapatid sa Belize, at marami ang nagpayunir.

Taun-taon, ipinagdarasal ng mga lider ng simbahan na huwag sanang bagyuhin ang Belize. Kabaligtaran ito ng mga Saksi ni Jehova na patiunang naglaan ng praktikal na tagubilin bilang paghahanda sa pagdating ng mga bagyo noong 2007. Laking pasasalamat ng mga kapatid sa Belize sa mga tagubiling ito nang dumating noong Agosto ang Bagyong Dean na Category 5. Inilikas ang lahat ng nanganganib na kapatid at dinala sa mas ligtas na mga lugar. Pagkaalis ng bagyo, tumulong ang mga Saksi mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa para ayusin ang mga nasirang bahay at Kingdom Hall. Pinapurihan ng isang lokal na istasyon ng radyo ang magandang halimbawang ito ng mga Saksi ni Jehova.

PINAGKAKAISA ANG MGA TAO NG LAHAT NG BANSA

Pinagpala ni Jehova ang Belize. Ngayon, mayroon na itong mahigit 1,800 mamamahayag—1 sa bawat 149 na mamamayan. Kitang-kita ang malaking potensiyal nito sa pagsulong—1 sa bawat 39 na taga-Belize ang dumalo sa Memoryal noong 2009!

Sa nakalipas na 80 taon, ang paggawa ng alagad sa Belize ay umakay sa sari-saring magaganda at espirituwal na mga tao. Pinagkaisa sila ng “dalisay na wika,” ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. “Balikatan” ang mga Saksi ni Jehova sa Belize at sa buong daigdig sa paggamit sa dalisay na wika upang magpatotoo sa madla at parangalan si Jehova, ang ating maibiging Diyos.—Zef. 3:9.

[Talababa]

a Bagaman ang Belize ay tinawag na British Honduras hanggang noong 1973, tatawagin natin itong Belize malibang hilingin sa konteksto.

b Dahil sa pinsala ng bagyong ito sa Belize City, inilipat ang kabisera sa Belmopan, malayo sa baybayin.

[Blurb sa pahina 224]

“Sinabi sa akin ng drayber na ang mga tunay na Kristiyano ay nangangaral sa bahay-bahay”

[Blurb sa pahina 234]

“Hindi tayo dapat matakot kay Tatay. Si Jehova lang ang dapat nating katakutan”

[Kahon sa pahina 208]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Belize

Lupain

Mababa ang kapatagan sa may baybayin, samantalang sa gawing timog, matatagpuan ang Kabundukan ng Maya. Sa kagubatan ay may mga jaguar, puma, black howler monkey, peccary, green iguana, buwaya, at mga 60 uri ng ahas, gaya ng makamandag na fer-de-lance, na tinatawag doong yellow-jaw tommygoff. Mayroon ding mga 600 uri ng ibon, kabilang na ang nanganganib na scarlet macaw, at ang napakagandang keel-billed toucan. Ang mga dagat naman ay punô ng sari-saring korales, espongha, parrot fish, manatee, barracuda, at butanding.

Mamamayan

Naninirahan dito ang mga Maya (Kekchi, Mopan, at Yucatec), Creole (lahing Aprikano-Europeo), Mestizo (lahing Kastila-Maya), Garifuna (lahing Aprikano-Carib), East Indian, Lebanese, Tsino, at Europeo, pati na ang mga Aleman at Dutch Mennonite.

Wika

Ingles ang opisyal na wika, pero ginagamit din ang Belize Creole, Kastila, Garifuna, Kekchi, Maya, Aleman, pati na ang Mandarin.

Kabuhayan

Pagtatanim at pag-e-export ng prutas at asukal mula sa tubó ang ikinabubuhay ng marami. Pinagkakakitaan din ang pangingisda at turismo.

Pagkain

Dahil sa iba’t ibang kultura, sari-sari ang masasarap na pagkain. Paborito dito ang kanin at beans na niluto sa gata at tineternuhan ng pinirito o nilagang manok, baka, o isda at piniritong hinog na saba. Marami rin ditong masasarap na pagkaing-dagat.

Klima

Mainit at maalinsangan, at madalas na binabagyo, yamang ito ay nasa Caribbean Coast sa Sentral Amerika.

[Kahon/Larawan sa pahina 215]

Tumugon sa Katotohanan ang mga Garifuna

BEVERLY ANN FLORES

ISINILANG 1961

NABAUTISMUHAN 1993

MAIKLING TALAMBUHAY Isang Garifuna na tumugon sa katotohanan at tumutulong ngayon sa mga kababayan niya na makilala si Jehova.

◼ ANG pinagmulan ng mga Garifuna ay matutunton noong unang bahagi ng ika-17 siglo, nang makipag-asawa ang mga alipin sa mga katutubong Carib. Ang Garifuna ay isang wikang Arawakan na may halong Pranses at Swahili.

Bakas sa relihiyon ng mga Garifuna ang tradisyong Aprikano at Amerindian, pero malakas ang kapit ng Katolisismo. Halimbawa, ang dugu ay isang magarbong seremonya ng pag-aalay ng pagkain at inumin para payapain ang mga namatay na ninuno. “Hindi naniniwala si Nanay sa dugu,” ang sabi ni Beverly. “Duda siya kung natutuwa nga ba ang Diyos kapag ibinabaon sa lupa ang pagkain. Sabi niya, ‘Ang pagkain ay para sa buháy, hindi sa patay! At bakit naman tayo mumultuhin at sasaktan ng mga mahal natin sa buhay na namatay?’”

Ikinuwento ni Beverly ang nangyari matapos siyang matuto ng katotohanan: “Gusto kong pumunta sa Dangriga para mangaral sa mga kababayan ko. Alam kong mas makikinig ang mga Garifuna sa kababayan nila. Marami ang nakikinig kapag nagsasalita ako ng Garifuna, at ang ilan nga ay sumasama na sa kongregasyon. Ngayon, alam nilang puwede silang makalaya sa masasamang espiritu at mga tradisyon.”

[Kahon/Larawan sa pahina 218]

“Lagi Kaming Inaalalayan ni Jehova”

LILLY MILLER

ISINILANG 1928

NABAUTISMUHAN 1960

MAIKLING TALAMBUHAY Nagsosolong magulang, anim ang anak, at 47 taon nang payunir.

◼ “NOONG 1959, nakipag-usap sa akin si Amybelle Allen tungkol sa Bibliya,” ang sabi ng malumanay magsalitang si Lilly. “Sabi ng pari, mag-ingat daw kami sa ‘mga bulaang propeta’ na nagbabahay-bahay. Pero nagpa-study ako basta’t Bibliya lang ang gamit. Tinanggap ko ang katotohanan at nagpabautismo nang sumunod na taon.

“Noong una, hiráp akong mangaral. Nanginginig ang mga kamay ko, halos ’di ko mahawakan ang Bibliya. Pero gustung-gusto kong ibahagi sa iba ang natututuhan ko. Tulad ni Jeremias, naging ‘gaya iyon ng nagniningas na apoy na nakukulong sa aking mga buto.’ Magsasalita ako, makinig man sila o hindi.”—Jer. 20:9.

Paano nakapagpapayunir ang nagsosolong magulang na ito na may anim na anak? “Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ko,” sabi ni Lilly. “Tatlong beses sa isang linggo, alas tres medya pa lang gising na ako para gumawa ng mga biskuwit. Katulong ko ang mga anak ko. Kahahango pa lang nito sa pugon, nakapila na ang mga tao. Pagkabenta ng mga biskuwit, papasok na ang mga anak ko, at mangangaral naman ako. Lagi kaming inaalalayan ni Jehova.”

Payunir na si Lilly nang magsimula siyang mangaral sa Corozal noong 1969. Mga buong-panahong lingkod din ang panganay niyang anak na lalaki at dalawang anak na babae, at 69 katao na ang natulungan niyang yumakap sa katotohanan.

[Kahon/Larawan sa pahina 227, 228]

Pangangaral sa Kagubatan

“Noong Marso 1991, isang grupo ng 23 kapatid mula sa iba’t ibang panig ng Belize ang nagtagpo sa Punta Gorda para sa sampung-araw na pangangaral sa kagubatan,” ang kuwento ni Martha Simons. “May dala kaming damit, kumot, duyan, at mga literatura sa wikang Ingles, Kastila, at Kekchi. May baon din kaming pagkain at 200 tinapay.

“Kinaumagahan, tumawid kami sa maalong dagat sakay ng bangkang yari sa puno ng ceiba (bulak). Nagkampo kami sa nayon ng Crique Sarco. Habang nagkakabit ng duyan ang mga brother, nagluluto naman ang mga sister ng isa sa paborito naming ulam—nilagang buntot ng baboy, na may kasamang kamoteng-kahoy, tugî, hilaw na saba, niyog, at nilagang itlog. Napabalita ang pagdating namin, kaya di-nagtagal, sunud-sunod na ang dating ng mga Kekchi para bumati. Kaya sa loob lang ng dalawang oras, nakapagpatotoo na kami sa buong nayon. Noong gabing iyon, ang mga brother ay natulog sa mga duyan na ikinabit nila sa silong ng istasyon ng pulis, samantalang ang mga sister naman ay sa cabildo, ang pulungan ng matatandang lalaki ng nayon.

“Kinabukasan, nagbangka kami ulit nang kalahating oras sa sapa patungo sa mga lugar na masukal at hindi na nasisinagan ng araw dahil sa makapal na bakawan. Medyo nakakakilabot. Pagkaraan, naglakad pa kami nang isang oras at kalahati sa kagubatan papunta sa nayon ng Sundaywood. Maliliit at kayumanggi ang mga tagaroon; maitim at unat ang kanilang buhok. Karamihan sa kanila ay nakayapak, at ang mga babae ay nakasuot ng katutubong palda at palamuting beads. Pawid ang bubong at lupa ang sahig ng mga bahay nila. Walang mga kuwarto at kasangkapan, pero may mga duyan. Sa labas, may lutuan para sa lahat.

“Palakaibigan ang mga tao at maraming interesado. Nagulat sila, kasi may mga publikasyon kami sa wikang Kekchi at pinabasa namin sila ng mga teksto sa dala naming Bibliyang Kekchi.

“Nang sumunod na umaga, ginising kami ng tilaok ng mga manok, huni ng mga ibon, at ingay ng mga howler monkey. Pagkakain ng masarap na almusal, binalikan namin ang mga interesadong nakausap namin. Nakapagpasimula kami ng ilang Bible study at pinasigla namin silang ituloy ang pag-aaral nang kahit sila lang hanggang sa makabalik kami sa susunod na taon. Ganito rin ang ginawa namin nang sumunod na mga araw hanggang sa marating namin ang iba pang nayon.

“Hindi namin malilimutan ang sampung masasayang araw na iyon sa kagubatan—ang malalayong paglalakbay patungo sa mga nayon at ang lahat ng taong nakilala namin. Dalangin naming ingatan nawa ni Jehova ang mga binhi ng katotohanan na naihasik namin hanggang sa pagbalik namin sa susunod na taon. Masakit man ang aming mga paa at patang-patâ ang katawan, ang puso naman namin ay punung-puno ng pasasalamat kay Jehova dahil sa pribilehiyong makapangaral sa kagubatan nitong taóng ito.”

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 235, 236]

Mga Maya na Mahal si Jehova

JORGE AT NICOLAS SHO (KASAMA ANG KAPATID NILANG SI PRISCILIAN)

ISINILANG 1969 at 1971

NABAUTISMUHAN Parehong 1997

MAIKLING IMPORMASYON Mahalaga sa tradisyong Maya ang paggalang at pagsunod sa mga magulang, kahit may asawa na ang isa.

◼ NANG makilala’t ibigin nina Nicolas at Jorge ang Diyos na Jehova, mahigpit na tinutulan ng ama nila ang kanilang paglilingkod.

“Ipinaliwanag ko sa tatay ko na kapaki-pakinabang ang mga natututuhan namin,” ang sabi ni Nicolas. “Pero dahil Baptist siya, hindi niya ako maintindihan. Ilang beses akong huminto sa pagba-Bible study dahil ayaw kong sumamâ ang loob niya. Pero alam ko rin na kung makikipag-inuman lang ako lagi sa tatay ko, hindi ako magiging mabuting halimbawa sa mga anak ko. Dismayado na nga ang asawa’t mga anak ko, lagi silang malungkot.

“Nang mag-aral ako ng Bibliya at regular na dumalo sa mga pulong Kristiyano, natulungan ako ng katotohanan na magbagong-buhay. Nagtrabaho akong mabuti para sa aking pamilya, at buong-buo kong naiuuwi ang kita ko. Ngayon, kaming pamilya ay abalang naglilingkod kay Jehova, at napakasaya namin sa bahay.”

Ganiyan din ang nangyari kay Jorge. Naging sakit ng ulo ng pamilya niya ang kaniyang paglalasing at pagmumura. At palagi siyang wala sa bahay kapag dulo ng sanlinggo. Pero malaki ang ipinagbago niya nang mag-aral siya ng Bibliya.

“Habang sumusulong ako sa katotohanan,” ang sabi ni Jorge, “lalong naging salansang ang tatay ko. Tinawag niya kaming bulaang propeta. Ilang beses niya kaming inambaan ng itak. Pero naihanda na kami rito ng nagtuturo sa amin ng Bibliya na si Brother Cardoza. ‘Anong gagawin ninyo kapag pinalayas kayo ng tatay ninyo?’ ang tanong niya sa amin. Sumagot ako, ‘Mahal ako ng tatay ko. Hindi niya gagawin ’yun.’ Pero iyon mismo ang nangyari.”

Sinabi pa ni Jorge: “Pero gustung-gusto ko ang aking mga natututuhan, at gumaganda ang takbo ng buhay ko. Masaya ang pamilya ko sa aking pagiging Kristiyano. Iginagalang namin ang isa’t isa. Napakasaya ko sa pangangaral, at nagpapasalamat ako kay Jehova dahil isa na ako ngayong regular pioneer.”

[Larawan]

Nagpatotoo si Frank Cardoza kay Jorge

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 238, 239]

Maligayang Naglilingkod Kung Saan Mas Malaki ang Pangangailangan

Malaking hamon ang lumipat sa isang bansa na nangangailangan ng mas maraming tagapaghayag ng Kaharian. Pero mas malaking hamon at sakripisyo ang manatili roon. Maligaya at may tibay-loob itong hinarap ng maraming kapatid.

Halimbawa, sina Arthur at Roberta Gonzalez, mula sa Estados Unidos, ay naglingkod sa Belize kasama ang kanilang tatlong-taóng-gulang na anak na si Dalton noong 1989. “Ang pinakamalaking hamon,” sabi ni Roberta, “ay iwan ang isang magandang trabaho at lumipat sa bansang marami ang walang hanapbuhay.”

“Talagang kailangan mong magtiwala kay Jehova,” ang sabi naman ni Arthur. “Habang binabasa ko ang kuwento ni Abraham sa Bibliya, humanga ako. Iniwan niya ang kaniyang bahay, kamag-anakan, at lahat ng nakasanayan niya. Pero hindi siya pinabayaan ni Jehova. Sa amin naman, ang naging hamon ay ang matuto ng Belize Creole. Nagtiwala kami kay Jehova at hindi rin niya kami pinabayaan.”

Taga-California sina Frank at Alice Cardoza na nagpayunir sa Belize noong 1991. “Nangarap akong maging misyonero nang mabasa ko ang aklat ng Mga Gawa. Ang kaso apat na ang anak namin, kaya hindi na kami puwede sa Gilead. Pero nang makatapos sa pag-aaral ang aming bunso, nakita naming puwede na kaming maglingkod sa ibang bansa. Noong mabasa namin sa Bantayan ang tungkol sa Belize, nabuo ang pasiya namin,” ang kuwento ni Frank.

“Noong una, ang usapan namin tatlong taon lang,” sabi ni Alice. “Ngayon, nakaka-18 taon na kami, at gustung-gusto ko dito!”

“Mahal namin ang mga tao, at handa kaming tumulong,” dagdag ni Frank, “kaya madali kaming mapalapít sa mga umiibig kay Jehova. Napakarami naming naging Bible study at nakita namin kung paano binago ng katotohanan ang buhay nila. Ito ang pinakamasayang bahagi ng aming buhay! Hindi namin ipagpapalit sa kahit anong kayamanan ang pribilehiyong ito.”

Lumipat naman sa Belize noong 1988 sina Carl at Martha Simons mula sa Texas. “Sampu at walong taon ang mga anak namin noong lumipat kami,” ang sabi ni Martha. “Sa Belize, maghapon kaming nangangaral sa mga nayon sa kagubatan kasama ng kongregasyon. Nagboluntaryo din kami sa pagtatayo ng Assembly Hall, at laging tumutuloy sa amin ang mga kapatid na dumadalo sa asamblea. Nagpapasalamat kami at dito namin napalaki ang mga bata, dahil naging malapít sila sa mga special pioneer at misyonero. Siyempre, may panahon din na parang gusto na naming umuwi—kapag walang kuryente, tubig, batirya, at telepono. Pero kung mag-uumpisa ulit kami, ito pa rin ang buhay na pipiliin namin, sa hirap man o ginhawa. Naging mas makabuluhan ang buhay namin nang lumipat kami kung saan mas malaki ang pangangailangan.”

[Mga larawan]

Kaliwa pakanan: Dalton, Roberta, Arthur, at ang kaniyang ina, si Martha Gonzalez

Sina Alice at Frank Cardoza

Sina Carl at Martha Simons

[Kahon sa pahina 250]

“May Nagmamalasakit sa Atin!”

ALEJANDRO AT REBECCA (BECKY) LACAYO

ISINILANG 1950 at 1949

NABAUTISMUHAN 1966 at 1959

MAIKLING TALAMBUHAY Pagka-graduate sa Gilead noong 1972, naging misyonero sila sa El Salvador, Belize, Nicaragua, Mexico, at Honduras. Nasa gawaing pansirkito sila ngayon sa Estados Unidos, pero hindi nila malilimutan ang pakikibahagi nila sa relief work sa Belize.

◼ “ANG lakas ng Bagyong Keith!” ang isinulat ni Becky noong Lunes, Oktubre 2, 2000. “Dalawa’t kalahating araw nang walang tigil ang ulan.”

Kinabukasan paghupa ng bagyo, nagdala si Alejandro at ang special pioneer na si Donald Niebrugge ng ilang suplay sa Ambergris Cay. Kasama ng dalawang elder doon, dinalaw nila ang bawat mamamahayag sa dalawang kongregasyon para alamin ang lagay nila.

“Noong Miyerkules,” ang sabi ni Becky, “ang mga kapatid mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nagdala sa sangay ng pagkain, tubig, at damit para sa mga kapatid sa isla. Di-nagtagal, napuno ng mga suplay ang lobby at library.”

Samantala, dinala ni Alejandro at ng tatlong kapatid ang mga suplay para sa Cay Caulker. Pinatibay nila ang mga kapatid at nanalangin kasama nila. Naantig ang mga Saksi pati na ang mga di-Saksi sa pag-ibig at malasakit ng mga kapatid. “Ang tagal ko nang nagbibigay ng donasyon sa simbahan,” ang himutok ng isang babae, “pero wala ni isa sa kanila ang nangumusta sa akin.”

“Tingnan mo sila,” ang sabi ng isang sister na naluluha sa galak, “at tingnan mo tayo! May nagmamalasakit sa atin!”

[Chart/Graph sa pahina 244, 245]

TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI—Belize

1923 Nangaral si James Gordon sa Bomba.

1930

1933 Nangaral si Freida Johnson sa Belize City.

1934 Nagdaos ng mga pulong si Thaddius Hodgeson sa kaniyang bakery.

1940

1941 Nabautismuhan ang mga unang mamamahayag sa Belize City.

1945 Dumating ang mga unang misyonero.

1946 Itinatag ang tanggapang pansangay.

1950

1957 Ipinagbawal ang mga misyonero.

1959 Itinayo ang tanggapang pansangay, tahanan ng mga misyonero, at Kingdom Hall.

1960

1961 Pinayagan na ulit ang mga misyonero.

1961 Nanalanta ang Bagyong Hattie.

1971 Ginamit para sa mga asamblea ang Bird’s Isle.

1980

1988 Nagtayo ng Assembly Hall sa Ladyville.

1990

2000

2000 Nanalanta ang Bagyong Keith.

2001 Pinangasiwaan ng sangay sa Mexico ang Belize.

2002 Inialay ang isang duplex na Kingdom Hall (kaliwa), tahanan ng mga misyonero, at ni-renovate na Assembly Hall.

2010

[Graph]

(Tingnan ang publikasyon)

Bilang ng Mamamahayag

Bilang ng Payunir

1,800

1,200

400

1930 1940 1950 1960 1980 1990 2000 2010

[Larawan]

Mga kapatid na lulan ng bangka papuntang asamblea

[Mga mapa sa pahina 209]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MEXICO

GUATEMALA

Melchor de Mencos

DAGAT NG CARIBBEAN

BELIZE

Ambergris Cay

San Pedro

Cay Caulker

DISTRITO NG COROZAL

Corozal

DISTRITO NG ORANGE WALK

Orange Walk

August Pine Ridge

DISTRITO NG BELIZE

Bomba

Santana

Crooked Tree

Black Creek

Ladyville

Belize City

DISTRITO NG CAYO

BELMOPAN

Benque Viejo

DISTRITO NG STANN CREEK

Stann Creek Valley

Dangriga

Hopkins

Seine Bight

DISTRITO NG TOLEDO

Mango Creek

Placencia

Monkey River Town

Punta Negra

San Antonio

Punta Gorda

Sundaywood

Barranco

Crique Sarco

Belize River

KBDK. NG MAYA

[Buong-pahinang larawan sa pahina 200]

[Larawan sa pahina 206]

Sina Alphonsena Robateau at Amybelle Allen kasama ang tatlong brother na special pioneer

[Larawan sa pahina 207]

Sina Herman at Derrine Lightburn at ang anak nilang si Stephen

[Larawan sa pahina 210]

Isang grupo ng mga Saksi na may sound cart, sa Belize City, dekada ng 1940; (1) Thaddius Hodgeson, (2) George Longsworth

[Larawan sa pahina 213]

Nangaral si Elmer Ihrig hanggang sa mga probinsiya

[Larawan sa pahina 214]

Pinasigla ni Charles Heyen ang mga kapatid na magpulong nang regular

[Larawan sa pahina 221]

Tanggapang pansangay, tahanan ng mga misyonero, at Kingdom Hall sa Belize City

[Larawan sa pahina 223]

Ang kauna-unahang pansirkitong asamblea sa Kastila, na ginanap sa Kingdom Hall sa Orange Walk noong 1968

[Larawan sa pahina 229]

Mga special pioneer na sina Marcial at Manuela Kay

[Larawan sa pahina 230]

Tipikal na nayon ng mga Maya sa Distrito ng Toledo

[Larawan sa pahina 240]

Sina María at Basilio Ah

[Larawan sa pahina 246]

Cecilia Pratt

[Larawan sa pahina 249]

Mga kapatid sa pansirkitong asamblea sa Punta Gorda, dekada ng 1960

[Larawan sa pahina 251]

Sina Becky at Alejandro Lacayo

[Mga larawan sa pahina 252, 253]

Ang steel building sa ibaba na Assembly Hall na ngayon (itaas)

Ni-renovate na Assembly Hall

[Larawan sa pahina 254]

Mga kapatid sa harap ng ginagawang duplex na Kingdom Hall sa Belize City