Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

APRIKA

LUPAIN 57

POPULASYON 878,000,158

MAMAMAHAYAG 1,171,674

PAG-AARAL SA BIBLIYA 2,382,709

Benin

Si Claude at ang misis niyang si Marie-Claire ay 27 taon nang masisigasig na misyonero. Noong Pebrero, nadulas si Marie-Claire at nabalian ng buto sa paa. Pagkaraan ng dalawang linggo, nabalian din si Claude sa paa. Pareho silang nasemento; si Marie-Claire sa kanang paa, si Claude naman sa kaliwa. Pabirong sinasabi ni Claude, “Siyempre, dapat magkasama kami sa lahat!”

Mas nakakakilos si Claude kaysa kay Marie-Claire, na ilang linggong hindi nakalabas ng bahay ng mga misyonero. Bagaman naisaayos niyang siya ang puntahan ng 4 sa 12 niyang Bible study, gusto niyang makagawa nang higit pa. Kaya sa harap ng bahay, naglagay sila ng mesa na puno ng publikasyon at habang nakaupo, kinakausap niya ang mga dumaraan. Noong Marso, naka-83 oras si Marie-Claire sa mesang iyon. Pinagpala ba siya ni Jehova? Nang buwan na iyon, nakapagpasakamay siya ng 14 na aklat, 452 brosyur, 290 magasin, at mahigit 500 tract.

Ethiopia

Gusto ni Arega na dikitan ng “wallpaper” ang dingding ng bahay niya. Diyaryo ang madalas na idinidikit ng mga tagaroon. Pero makulay ang hanap niya. Sa palengke, nakakita siya ng lalaking nag-aalok ng brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Kumuha siya at basta idinikit sa dingding ang mga pahina ng brosyur nang hindi man lang binabasa. Makaraan ang dalawang taon, napansin ni Arega ang mga salitang “Si Jesus ay Anak ng Diyos” sa idinikit niyang “wallpaper.” Iba ito sa nakagisnan niyang misteryosong turo ng Trinidad. Gusto niyang maliwanagan kaya siyam na oras siyang naglakad papunta sa pinakamalapit na bayan para hanapin ang mga taong nagsasabi na may Anak ang Diyos. Walang nangyari sa lakad niya at dismayado siyang umuwi. Pero hindi siya sumuko. Nang maglaon, itinuro siya ng mga tao sa bahay ng brother na nagbigay sa kaniya ng brosyur. Pagdating niya doon, wala ang brother. Nasubok ang pasensiya ni Arega kasi ilang oras siyang naghintay. Pagdating ng brother, nakapag-usap sila at nauwi ito sa Bible study. Mula noon, mas madalas nang lumuwas si Arega sa bayan para mag-aral ng Bibliya. Nang ikuwento niya sa mga kapitbahay ang kaniyang mga natututuhan, sinalansang siya at iniwasan ng mga tao. Pero nagpatuloy siya at may tumugon din. Nang magkaroon ng 13 interesado, dalawang special pioneer ang ipinadala roon. Di-nagtagal, mahigit 40 na ang Bible study ng mga payunir, at halos ganoon din karami ang dumadalo sa pulong. May walong aktibong mamamahayag na ngayon sa lugar na iyon. Para sa bago nating brother na si Arega, ang mga larawan sa kaniyang dingding ay hindi lang basta naging makulay na dekorasyon.

Ghana

Sinasabing isang malaking pagbabago sa larangan ng komunikasyon sa Aprika ang mabilis na pagdami ng gumagamit ng cellphone. Kasama sa panghikayat ng maraming kompanya ang libreng tawag sa mga partikular na oras sa gabi. Sinamantala ito ng sister na si Grace. Hindi niya mahagilap ang Bible study niyang si Monica dahil lagi itong abala. Pero nagtiyaga si Grace. Isinaayos pa nga niya ang kanilang study nang 5:00 n.u. Nang maglaon, hindi na rin praktikal sa iskedyul ni Monica ang oras na ito. Noon naisip ni Grace ang libreng tawag. Napagkasunduan nila ni Monica na mag-Bible study nang 4:00 n.u. sa cellphone. Pero napakarami palang tumatawag kapag ganoong oras at hindi sila makakontak. Kaya inagahan pa nila at iniskedyul ng 3:00 n.u. ang study nila kahit pareho silang may pamilya at nagtatrabaho. Sinabi ni Grace: “Hiniling ko kay Jehova na bigyan ako ng lakas para makasunod sa iskedyul at makapagpatuloy alang-alang sa Bible study ko. Isiniset ko ang alarm para magising ako ng ganoong oras. Kahit talagang nakakapagod, hindi ako sumuko.” Tuwang-tuwa si Grace na makitang mabautismuhan si Monica sa 2008 Pandistritong Kombensiyon na “Ginagabayan ng Espiritu ng Diyos”! Kamakailan, ginamit ulit ni Grace ang libreng tawag para mai-study ang isang babae na dumadalo na ngayon.

Mozambique

Noong Agosto 2008, isang dyaket mula sa isang dumaraang kotse ang nalaglag malapit sa kubo ng isang mahirap at biyudang sister. Pinulot ng sister ang dyaket. May mga papeles, tatlong maliliit na supot ng mamahaling alahas, at pera na halos sanlibong dolyar ang halaga sa mga bulsa nito. Nakisuyo siya sa isang kapitbahay na tawagan ang mga numerong nasa papeles para sabihing napulot niya ang dyaket. Kinagabihan, apat na lalaking sakay ng kotse ang dumating sa nayon. Sa harap ng mga pinuno sa nayon, iniabot ng sister sa may-ari ang dyaket at ang lahat ng laman nito. Napaluha ang lalaki at sinabi na kung hindi Saksi ni Jehova ang nakapulot sa dyaket, baka hindi na ito naibalik sa kaniya. Ang ating tapat na sister ay nakapagpatotoo sa mga kapitbahay niya sa ikapupuri ng kaniyang Diyos na si Jehova.

MGA LUPAIN SA AMERIKA

LUPAIN 55

POPULASYON 910,761,124

MAMAMAHAYAG 3,575,123

PAG-AARAL SA BIBLIYA 3,778,321

Barbados

Nakita ng maraming magulang ang magandang resulta sa kanilang mga anak ng pagsasaulo ng mga teksto sa Bibliya. Natuwa ang isang pamilya sa Grenada nang malaman nila kung paano gumamit ng teksto ang kanilang anim-na-taóng-gulang na anak para ipagtanggol ang katotohanan na wala nang mas mataas pa kay Jehova. Sumulat ang ama: “Isang hapon, sinundo ng misis kong si Laura ang anak naming si Stefan sa eskuwela. Kinausap siya ng titser: ‘Napakahusay ng anak ninyo. Magkaiba tayo ng paniniwala, pero aaminin ko, humanga ako sa husay niyang magpaliwanag ng kaniyang paniniwala.’

“Pagkauwi nila, tinanong ni Laura si Stefan kung ano ang nangyari sa eskuwela at pinuri siya ng titser. Ikinuwento ni Stefan na noong umagang iyon, sinabi ng titser sa klase na ‘si Jesus ang Diyos.’

“Nagtaas ng kamay si Stefan. Nang tawagin siya ng titser, sinabi niya: ‘Hindi po Ma’am. Hindi po si Jesus ang Diyos. Sabi po ng Bibliya, Anak siya ni Jehova, kaya hindi puwedeng siya si Jehova.’

“Sumagot ang titser: ‘Ang alam ko si Jesus eh, si Jehova na rin.’

“Sumagot si Stefan: ‘Pero sabi po ng Bibliya si Jehova lamang ang Kataas-taasan, hindi si Jesus. Si Jehova ang Kataas-taasan.’ Sinipi niya ang Awit 83:18 na itinuro namin sa kaniya na kabisahin. Ipinaliwanag din namin sa kaniya ang kahulugan nito. Bagaman medyo masungit ang titser, hindi siya nakakibo sa katuwiran at sa tekstong ginamit ng batang anim na taon lang.”

Ecuador

Sumakay ng bus pauwi ang mga brother matapos mangaral sa probinsiya, sa mga nagsasalita ng Quichua. May video player at TV ang bus kaya hiniling nilang ipalabas ang dala nilang video tungkol kina Noe at David sa wikang Quichua para sa mga pasahero na karamiha’y ganoon ang wika. Tuwang-tuwa ang mga pasahero na makapanood ng video sa kanilang wika! Halos hindi sila kumukurap. Nang magsakay nga ng pasahero ang bus, sinabihan nila ito na umupo agad para hindi maharangan ang pinapanood nila. Pagkatapos ng video, marami ang nagsabing gusto nila ng kopya. May mga pasahero na nagtanong tungkol sa Bibliya at humingi ng literatura. May mga nagbigay ng pangalan at adres para mapuntahan sila sa lunsod. Lahat ay nabigyan ng imbitasyon para sa Memoryal sa wikang Quichua. Dahil dito, marami ang nakadalo sa Memoryal.

Mexico

Habang nangangaral sa bahay-bahay, kumatok ang payunir na si Gabino sa isang pinto. Walang sumasagot. Kumatok siya uli, at muli sa ikatlong pagkakataon. Wala pa rin. Huminto siya sandali, tapos kumatok uli. May nagbukas ng pinto—isang lalaking lumung-lumo at umiiyak. Agad nitong pinapasok si Gabino, pero hindi ito makapagsalita sa tindi ng sama ng loob. Ipinakipag-usap sa kaniya ni Gabino ang tungkol sa mabuting balita kaya gumaan ang loob nito. “Nakikita mo ba ’yung upuang iyon?” ang tanong ng lalaki. “Noong pangatlo mong katok, nakatuntong ako diyan. Nakikita mo ba ’yung lubid na iyon? Nakasuot na iyon sa leeg ko noong ikaapat mong katok. Pero tinanggal ko para buksan ang pinto. Buti na lang, matiyaga ka sa pagkatok, kasi kung hindi, nagbigti na ako.” Desperado na pala siya sa problema niya sa misis niya. Iniskedyul ni Gabino na ma-study siya. Karaniwan na, isa o dalawang beses lang kumakatok si Gabino. Pero napakaganda ng ibinunga ng pagtitiyaga niya noong pagkakataong iyon, na marahil ay ginabayan ng anghel.

Chile

Habang namimigay ng imbitasyon para sa Memoryal, isang bata ang lumapit sa isang Saksi at nagtanong, “Ilang taon na po kayo?” Medyo nagulat ang sister at sumagot, “Eh ikaw, ilang taon ka na?” Sinabi ng bata na anim na taóng gulang siya at may ipinabibigay na sulat ang nanay niya sa mga Saksi ni Jehova. Ang bilin ng nanay niya, humanap siya ng Saksi na hindi masyadong bata at hindi rin naman masyadong matanda. Sinabi ng sister na 25 anyos siya. Kaya iniabot sa kaniya ng bata ang sulat na nagsasabi: “Nang dumaan kayo sa amin, hindi ko kayo maharap kasi depress ako. Ipinagdadasal ko sa Diyos na tulungan ako. Sinubukan kong sundin ang mga payo ninyo at magbasa ng Bibliya, pero hiráp pa rin ako. Gusto kong makipag-aral ng Bibliya sa sinumang makakatulong sa akin na makayanan ang paghihiwalay naming mag-asawa. Kung matutulungan mo ako, pakisuyong puntahan mo ako mamayang hapon, hindi kasi ako makabangon ngayong umaga. Salamat.”

Kinahapunan, pinuntahan ng sister ang babae at inanyayahan ito sa Memoryal at sa espesyal na pahayag, na parehong nagpasigla sa babae. Mula noon, regular na siyang dumadalo sa pulong. Sumulong siya sa pagba-Bible study gamit ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Kumusta naman ang bata? Nagba-Bible study na rin ito pati ang 12-anyos na ate nito.

Puerto Rico

Sumulat ang isang sister: “Nag-aalok ako ng mga magasin sa lansangan nang makita ko ang isang kabataang babae na nagpapahangin ng gulong ng kaniyang kotse. Nilapitan ko siya, pero bago pa man ako makapagsalita, humingi na siya ng Bantayan at Gumising! Nagbabasa daw siya nito. Inalok ko siya ng Bible study, pero hindi raw siya puwede dahil nakatira siya sa itaas ng bahay ng nanay niya at ayaw nito sa mga Saksi. Nang hingin ko ang adres niya, pangalan lang ng kalye ang ibinigay niya. Minsan, sinubukan kong hanapin siya doon, pero hindi ko siya nakita. Isang araw, bumalik ako at nagtanong-tanong kung may Nancy doon na may dalawang maliliit na anak. Ang tuwa ko nang makuha ko ang eksaktong adres niya. Pero hindi ko pa rin siya maabutan sa bahay, kaya nag-iiwan na lang ako ng magasin at sulat para sa kaniya. Nang sa wakas ay magkita kami, napaiyak siya at sinabing gusto niyang pumunta sa Kingdom Hall. Dumalo siya at nasiyahan sa mainit na pagtanggap ng mga kapatid. Ipinaliwanag niya kung bakit hindi kami nag-aabot. Hindi pala nakakarating sa kaniya ang mga sulat at magasing iniiwan ko dahil sinisira ito ng nanay niya. Sa bahay ng ate niya kami nag-study, at di-nagtagal, regular nang dumadalo sa pulong si Nancy—hindi siya pumapalya. Naka-enroll na siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, at nakakatuwa dahil nagkokomento na siya sa pulong, pati na ang dalawa niyang maliliit na anak.”

ASIA AT GITNANG SILANGAN

LUPAIN 47

POPULASYON 4,073,556,172

MAMAMAHAYAG 635,896

PAG-AARAL SA BIBLIYA 579,554

Timog Korea

Isang lalaki na nakatira malapit sa Kingdom Hall ang nakakita ng note sa kotse niyang nakaparada sa harap ng kanilang bahay. Ganito ang sabi sa note: “Habang nagpaparada po ako, nagasgasan ko ang kotse ninyo. Hindi ko po sinasadya. Pakitawagan n’yo po ako at ipapaayos ko ang sira.” Palibhasa’y nakikita ng lalaki ang magandang paggawi ng mga Saksi na dumadalo sa Kingdom Hall, naisip niya, ‘Saksi ni Jehova siguro ito, kasi napaka-honest.’

Ang nag-iwan ng note ay ang sister na si Su-yeon. Nang tawagan siya ng lalaki, humingi siya ng paumanhin at sinabi uli na ipapaayos niya ang kotse. Gulát na gulát si Su-yeon nang sabihin ng lalaki, “Matanong ko, Saksi ni Jehova ka ba?” Sinabi ng lalaki na siya na lang ang magpapaayos ng kotse! Sinabi pa nito na gusto niyang makipagkita kay Su-yeon dahil may mga bagay siyang nais malaman tungkol sa mga Saksi. Sinamahan si Su-yeon ng tatay niya at ng isa pang brother. “Naoobserbahan ko kayong mga Saksi,” ang sabi ng lalaki, “kasi malapit lang ako sa Kingdom Hall n’yo. Mababait kayo. Hindi ko nga maintindihan kung bakit marami ang galít sa inyo.” Sinagot ng tatay ni Su-yeon ang mga tanong ng lalaki gamit ang Bibliya at aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Nakikipag-aral na siya ngayon ng Bibliya sa tatay ni Su-yeon at maganda ang kaniyang pagsulong.

Mga lupaing may paghihigpit o pagbabawal sa gawain

Naantig ang isang koronel sa magandang epekto ng katotohanan sa kaniyang asawa na naging Saksi ni Jehova. Nang maglaon, nag-aral na rin siya ng Bibliya. Nalaman ito ng kaniyang heneral at ipinatawag siya nito. Sinabi sa kaniya nito na kung hindi siya titigil sa pagsama sa mga Saksi ni Jehova, idedestino siya sa napakalayong lugar. Walang-takot na sinabi ng koronel na matagal nang nag-aaral ng Bibliya ang kaniyang misis at wala naman siyang nakikitang masama doon. Kaya walang dahilan para tumigil siya sa pag-aaral ng Bibliya. Nang maglaon, nagpasiya ang koronel na magbitiw sa hukbo. Ngayon, bautisado na siya, isang regular pioneer, at ministeryal na lingkod. Sa di-inaasahan, pati pala ang asawa ng heneral ay nag-aaral na rin ng Bibliya. Wala ring nagawa ang heneral, at ngayon, regular pioneer na ang misis niya.

Sa isa pang bansa, bina-Bible study ng isang sister ang isang kabataang babae. Sinasalansang ito ng asawa. Dahil hindi sila puwede sa bahay ng babae, sa isang parke sila nag-Bible study. Tuwing mag-aaral sila, isang may-edad nang lalaki ang umaali-aligid. Inoobserbahan sila nito at nakikinig sa kanilang pag-uusap. Isang araw, lumapit ito at nagtanong tungkol sa Bibliya. Nang sumunod na sesyon, ganoon na naman ang ginawa nito. Medyo nakunsumi na ang babaing inaaralan at nagsabi, “Isang oras na nga lang ang study namin, sumisingit ka pa.” Isinaayos ng sister na ma-study ng isang brother ang lalaki, na mabilis namang sumulong at dumalo agad sa pulong. Dalawang babaing kapitbahay niya ang nakakakita sa kaniya tuwing Linggo na umaalis ng bahay, bihís na bihís at may bitbit na bag. Naintriga sila kung saan siya pumupunta. Nabalitaan nilang umanib na pala ito sa isang “bagong relihiyon.” Sinundan nila ang lalaki hanggang sa Kingdom Hall. Kinausap sila ng ilang sister at tinanong kung gusto nilang mag-aral ng Bibliya. Pumayag ang isa. Ang tatlong ito—ang kabataang babae na nag-study sa parke, ang lalaking nakausap sa parke, at ang babaing sumunod sa Kingdom Hall—ay sumulong at nabautismuhan kamakailan.

Cambodia

Madalas na namimisikleta si Louy, isang sister na payunir sa Cambodia, papunta sa mga study niya sa isang nayon. Tatlong araw bago ang Memoryal, pinuntahan niya doon ang isa sa mga Bible study niya para ipaliwanag kung bakit mahalaga ang Memoryal. Pinalibutan siya ng mga bata at pinagtatanong. Naglapitan pa ang ibang mga bata. Nakapamahagi siya ng 57 imbitasyon. Kinabukasan, namisikleta uli si Louy papunta sa nayon para sa isa pang study. Sinabi ng study niyang ito na gusto ring dumalo ng mga kamag-anak niya. Kaya nag-iwan si Louy ng 20 imbitasyon para ipamahagi ng study niya. Nag-iisip si Louy kung paano niya matutulungan ang lahat ng taong ito na makadalo sa Memoryal. Matapos manalangin, kinausap niya ang tatay ng isa sa mga study niya, na may katungkulan sa nayon. Sinabi nito kay Louy na kung aarkila siya ng kahit isang tuk-tuk lang (maliit na sasakyan na karaniwang apat ang sakay at nakakabit sa motorsiklo), kasya na ang lahat dahil puwedeng patayuin o kandungin ang iba. Ang saya-saya ni Louy dahil 18 ang nakadalo mula sa nayong iyon.

India

Isang brother na namamasada ng rickshaw (tricycle) ang nagpatotoo sa isang babaing pasahero na isa palang peryodista. Humanga siya sa lakas ng loob ng brother na magpatotoo sa kabila ng pagsalansang sa mga Saksi sa lugar na iyon. Naisip ng peryodista na ilathala sa diyaryo ang kanilang pag-uusap. Ganito ang isinulat niya: “Gusto kong makita kung ano ang magiging reaksiyon ng drayber kaya sinabi ko: ‘Balita ko binubugbog ang mga kapatiran ninyo at sinasalakay ang mga simbahan ninyo sa iba’t ibang panig ng bansa?’ Ang sagot niya, ‘Opo, nasa diyaryo nga iyon.’ ‘Eh paano kung sa iyo mangyari ’yun?’ Umiling-iling ang lalaki at sinabi: ‘Okey lang po. Hindi pa rin kami bibitaw [sa katotohanan].’”

Ganito inilarawan ng peryodista ang tract na bigay ng brother: “Pagdating sa bahay, tiningnan ko ang pamplet. Maganda pero parang imposible ang nasa larawan—madamong parang, mga puno’t bulaklak, lawa, mga taong umaani ng butil at prutas, at mga bundok na nababalutan ng yelo. Ang sabi doon, ‘Ang buhay sa mapayapang bagong sanlibutan.’ Tungkol sa relihiyon ang nilalaman nito. Karaniwan na, tinatanggap ng mga tao ang mga pamplet na ipinamimigay, tungkol man ito sa isang produkto o sa buhay-buhay. Pero kapag tungkol na sa isang mapayapang bagong sanlibutan, kaiinisan ka na nila.”

Pilipinas

May isang bundok sa Zamboanga na napakataas anupat tanaw pa rin ang taluktok nito kahit 200 kilometro na ang layo mo rito. Kapag nangangaral ang mga kapatid na nakatira malapit sa bundok, madalas nilang gawing biro: “Ano’ng gagawin natin kung may interesadong nakatira sa taluktok ng bundok na ’yan?” Pero isang araw, habang nangangaral sila sa paanan ng bundok, isang lalaki ang lumapit sa kanila. Sinabi niyang naghahanap siya ng mga Saksi ni Jehova at gusto niyang makipag-aral ng Bibliya. Tinanong ng mga kapatid kung saan siya nakatira. Nang ituro niya ang taluktok ng bundok, natahimik ang mga kapatid. Pagkatapos, sinabi ng lalaki na hindi siya sa taluktok nakatira kundi sa kabila pa ng bundok. At para marating ang bahay niya, kailangang umakyat sa taluktok ng bundok. Gulát na gulát ang mga kapatid, pero nangako silang pupunta sila. Napasimulan ang isang Bible study. Ngayon, linggu-linggo nang dumadalo sa pulong ang lalaking ito kahit pa napakalayo ng bahay niya sa Kingdom Hall. Kabilang siya ngayon sa mga tao mula sa lahat ng bansa na humuhugos sa “bundok ng bahay ni Jehova.”—Isa. 2:2.

EUROPA

LUPAIN 47

POPULASYON 736,988,468

MAMAMAHAYAG 1,563,910

PAG-AARAL SA BIBLIYA 819,067

Finland

Dalawang brother ang nag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya sa bahay-bahay gamit ang tract na Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? Isang lalaki ang nagbukas ng pinto. Bago pa man sila matapos sa kanilang pambungad, pinapasok na kaagad sila nito. “Marami akong gustong itanong,” ang sabi niya. “Bakit ngayon lang kayo?”

“Dito po ngayon nangangaral ang kongregasyon namin,” ang sagot ng mga brother.

Sinabi pa ng lalaki: “Nagdadasal ako na sana puntahan ako ng mga Saksi ni Jehova. Aalis sana ako para mag-jogging, pero hindi ako tumuloy. Buti dumating kayo!” Naniniwala ang lalaki na sinagot ang panalangin niya. Madalas na sinisiraan ng mga katrabaho niya ang mga Saksi ni Jehova. At dahil gusto niyang malaman kung totoo ba ang mga akusasyong iyon, nagsaliksik siya sa isang aklatan. Nakita niya doon ang aklat na Mga Saksi ni JehovaTagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, binasa ito, at nalaman na puro kasinungalingan lang ang ibinibintang sa atin. Kaya talagang gusto niyang makausap ang mga Saksi ni Jehova. Nasimulan ang isang pag-aaral, at agad siyang dumalo sa pulong. Nagpatotoo siya sa dati niyang asawa at sa kanilang anak na babae, at sila rin ay nag-aaral na ng Bibliya.

Britanya

Nag-aral ng wikang Pranses at Lingala ang regular pioneer na si Kirsty para makapagpatotoo sa mga Congolese na nasa kanilang teritoryo. Isang araw, nakakita siya ng isang babaing Congolese na nahihirapang sumakay ng bus dahil sa dami ng dala nito. Kinausap ni Kirsty sa wikang Lingala ang babae at tinulungan ito. “Bakit marunong kang mag-Lingala, eh puti ka?” tanong ng babae. Sinabi ni Kirsty na dumadalo siya sa isang kongregasyon sa wikang Lingala at tinuruan siya ng mga Saksi doon na mag-Lingala para makapagpatotoo sa mga tao na ganoon ang wika. Gustong alukan ni Kirsty ng Bible study ang babae kaya sumama siya hanggang sa pupuntahan nito. Tinulungan ni Kirsty ang babae sa mga dala nito paakyat sa apartment sa ikatlong palapag. Nandoon ang mister ng babae at ang apat na anak nila. Ipinakita niya sa pamilya kung paano nagba-Bible study gamit ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Ang babae, ang panganay na anak, at ang sumunod dito ay nag-aaral na ngayon ng Bibliya at nagsisikap na lumakad sa daan ni Jehova.

Georgia

Dalawang kabataang payunir ang lumipat sa bulubunduking teritoryo kung saan iilan lang ang Saksi. Nangaral ang mga brother na ito sa mga nayon, at marami ang tumugon. Daan-daang literatura ang naipamahagi nila at nakapagpasimula ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Kaunti lang ang dala nilang panustos at hindi nila alam kung saan sila matutulog. Pero lagi silang nakakaraos. Pinatutuloy at pinakakain sila ng mga tagaroon. Minsan nga, kahit ang mga hindi interesado ay nag-iimbita sa kanila na maghapunan at doon na magpalipas ng gabi. Nang maglaon, inatasan ang dalawang brother na maging special pioneer doon. Dahil napakarami nilang study, kailangan nilang limitahan ang dami nito para maalagaang mabuti. Pero nilalapitan pa rin sila ng mga tao para magpa-study, at kahit nililimitahan na nila ang tinatanggap nilang study, pareho silang may average na mahigit 20 Bible study bawat buwan.

Hungary

Isang sister ang regular na nirarasyunan ng gatas ng isang babae. Inilalagay ito ng babae sa isang bag at isinasabit sa bakod. Isang araw, naglagay ang sister ng tract na Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? sa bag kasama ng mga basyong bote ng gatas. Nang sumunod na rasyon, naglagay ang babae ng isang papel na may mga tanong tungkol sa tract at humiling ito ng Bibliya. Agad na pinuntahan ng sister ang babae sa farm nito at isang pag-aaral sa Bibliya ang nasimulan gamit ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Iba’t ibang relihiyon na pala ang napuntahan ng babae, pero hindi pa rin nasasagot ang mga tanong niya. Lalo lang siyang nalito. Naging interesado rin ang isa sa mga anak niyang babae, kaya binigyan ito ng sister ng aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro. Ikinuwento ng nanay na madalas bangungutin ang anak niya. Pero nang makapagbasa ito ng ilang kabanata sa aklat, hindi na masyadong matatakutin ang bata at mahimbing nang matulog. Nagpatuloy ang pag-aaral sa Bibliya, at regular nang dumadalo ang babae kung Linggo kasama ang dalawang anak nito.

Italya

Sa isang nayon, namamahagi ng tract na Gusto Mo Bang Malaman ang Katotohanan? ang mga payunir na sina Cristina at Manel. Nakarinig sila ng ingay mula sa isang bakuran. Nang makita sila ng may-bahay, sumigaw ito: “Dali! Tulungan n’yo ako!” Lumapit agad ang mga sister, at nakita nila na may isang malaking baboy na nagwawala. Nasira ang pinto ng kulungan, at natataranta ang may-bahay dahil baka makawala ito at tumakbo sa kakahuyan. Nag-iisa lang ang babae kaya hiráp na hiráp siyang isara ang kulungan. “Itulak mo ang pinto ha! Huwag mong hahayaang makawala, kukuha lang ako ng pantrangka!” ang sigaw ng babae kay Cristina. Sinabi agad ni Cristina na takót siya sa baboy. Kaya binigyan ng babae si Manel ng kalabasa at kutsilyo, at sinabi: “Basta maghiwa ka lang ng kalabasa at ihagis mo sa baboy hanggang sa makabalik ako.”

Ilang minutong nawala ang babae. Samantala, inaapura ni Cristina si Manel sa paghahagis ng pagkain sa baboy, kaso nahihirapan si Manel na hiwain ang kalabasa dahil matigas ito. Sa wakas, nakabalik din ang babae at inayos ang pinto ng kulungan. Nakahinga nang maluwag ang babae, at sinabi: “Sugo kayo ng Diyos!”

“Tama po kayo, Misis!” ang sagot nila sabay abot ng tract sa babae.

Agad na sinabi ng babae: “Napakahalagang pag-usapan ito, at mas maganda kung nakaupo tayo.” Kaya naglabas siya ng mga silya. Maraming tanong ang babae at nasiyahan ito sa pag-uusap nila. Naisaayos ang isang Bible study. Inamin nina Cristina at Manel na may utang na loob sila sa baboy dahil tiyempo ang pagwawala nito.

OCEANIA

LUPAIN 30

POPULASYON 38,338,482

MAMAMAHAYAG 99,816

PAG-AARAL SA BIBLIYA 59,619

Australia

Ang Saksing si Fred, nakatira sa isang tahimik na bayan sa baybayin, ay nag-iwan ng tatlo sa ating mga DVD sa isang lalaki. Nang maglaon, sinulatan ng lalaki si Fred, na ang sabi: “Nakakagaan ng loob ang panonood ng inyong mga DVD. Damang-dama ko ang kapayapaan at kagalakan ng mga tao sa pinapanood ko. Ngayon ko lang uli nadama ito. Nakukumbinsi na ako na posible ngang bumuti pa ang buhay natin. Dati, ang sungit ko sa mga Saksi. Pasensiya na kayo. Ang babait ng mga Saksing nakikipag-usap sa akin at gusto lang naman ninyong ibahagi ang mabuting balita. Malay ninyo, balang-araw sa Kingdom Hall, paglingon ninyo nandoon ako.”

New Zealand

Dalawang sister ang nakipag-appointment sa direktor ng isang pinansiyal na institusyon para sa pamilya. Naghanda sila ng “family pack”—isang set ng mga publikasyong pampamilya—na ipapakita nila sa direktor. Kabilang dito ang mga aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya at Ang mga Tanong ng mga KabataanMga Sagot na Lumulutas, pati na ang Gumising! isyu ng Agosto 2007 na may paksang “Pitong Hakbang Para Maging Mas Mabuting Magulang” at ang Oktubre 2007 na tumatalakay sa paksang “Protektahan ang Inyong mga Anak!”

Nang dumalaw ang mga sister, ipinaliwanag nila na tayo ay mga boluntaryo na gustong makatulong sa mga pamilya lalo na sa kanilang espirituwalidad. Ipinakita nila sa direktor ang nilalaman ng “family pack.” Nakinig ang direktor, tinanggap ang mga literatura, at sinabing ipapakita niya iyon sa 35 empleado ng institusyon. Sinabi pa niya na tamang-tama ang mga artikulo ng Gumising! para sa 503 pamilya na nasa rekord nila. Nakapagdala rin ang mga sister ng 557 kopya ng Gumising! Pagkaraan ng dalawang linggo, nakatanggap sila ng tawag at nalaman nilang naipamahagi sa mga pamilya ang lahat ng magasin.

Fiji

Mahusay na football player ang kabataang si Viliame. Pangarap niyang makapaglaro para sa Fiji. Gusto rin ng kapatid niyang si Leone na maging sikat na football player. Pero matapos ma-study si Leone ng isang special pioneer, naunawaan niya na hindi siya puwedeng maglingkod sa dalawang panginoon. Dumalo siya sa mga pulong at iniwan ang football. Saksi ang nanay nila. Ibinili siya nito ng mga damit na pampulong. Pero nang minsang magtalo sila ng kuya niyang si Viliame, pinagpupunit nito ang mga pampulong ni Leone. Ang sama-samâ ng loob ni Leone, pero hindi siya gumanti. Pagkaraan nito, nang maibenta niya sa palengke ang mga ani niyang pakwan, bumili siya ng mga damit, ballpen, at highlighter na magagamit niya sa pulong. Kumuha rin siya ng Bibliya. Ibinili rin niya ng mga ito sa Viliame. Nakonsiyensiya si Viliame sa kabaitan ni Leone. Isinuot niya ang bagong damit at dumalo sa pulong para sorpresahin ang kapatid. Nag-study na rin si Viliame at silang magkapatid ay sumulong sa espirituwal. Pero noong malapit na silang magpabautismo, dumating kay Viliame ang alok na maglaro ng football sa Europa. Pangarap ito ng marami dahil puwedeng yumaman at sumikat ang isa. Pero iba na ngayon ang tunguhin ni Viliame. Nagpasiya siyang ialay ang kaniyang sarili kay Jehova. Pagkabautismo, nag-auxiliary pioneer agad nang anim na buwan ang magkapatid. Nag-aral na rin ng Bibliya ang tatay nilang si Waisea dahil sa magandang halimbawa ng mga anak niya. Malaki ang ipinagbago ni Waisea at nagpabautismo kasabay ng dalawa pa niyang anak na babae sa isang special assembly.

[Mga larawan sa pahina 45]

Disiplina sa sarili at modernong teknolohiya ang tumulong sa isang sister na makapagdaos ng Bible study

[Larawan sa pahina 46]

Nakapagpatotoo siya dahil sa kaniyang katapatan

[Larawan sa pahina 48]

Nakatulong kay Stefan ang pampamilyang pagsamba para makapagpatotoo sa eskuwela

[Larawan sa pahina 49]

Nakapagligtas ng buhay ang pagtitiyaga niya

[Larawan sa pahina 50]

Nakahanap siya ng Saksing hindi masyadong bata at hindi rin naman masyadong matanda

[Larawan sa pahina 55]

Isang “tuk-tuk” lang ang inarkila niya

[Larawan sa pahina 58]

Umakay sa pag-aaral ng Bibliya ang pag-aaral ng banyagang wika

[Larawan sa pahina 60]

Maraming paraan para makapagpatotoo nang di-pormal

[Larawan sa pahina 63]

Naghahanda ng “family pack”

[Larawan sa pahina 64]

Pinili nila si Jehova sa halip na sumikat at yumaman bilang mga football player