Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Estonia

Estonia

Estonia

ESTONIA, ang “pinakamamahal na hiyas ng Baltic”! Hahanga ka sa tanawin dito: mga kakahuyan at kaparangan, magagandang nayon sa baybayin, mahigit 1,400 lawa, at mahigit 1,500 isla. Halos kalahati ng Estonia ay gubat pa rin—ang natitira sa sinaunang kagubatang bumabalot sa kalakhang bahagi ng Europa. Ang Estonia, mas malaki nang kaunti sa Switzerland o Denmark, ay isa sa pinakamaliit na bansa sa Europa.

Ang mga taong nakatira dito ay tahimik pero palakaibigan at maraming kahanga-hangang katangian. Halos lahat ng tagarito ay may pinag-aralan at mahilig magbasa. Bagaman mga 30 porsiyento ng populasyon ay nagsasalita ng Russian, Estonian ang opisyal na wika, at hindi ito madaling matutuhan. Halimbawa, may iba’t ibang salitang Estonian para sa “isla,” depende sa tagal na nito, hitsura, at laki.

MALIGALIG NA KASAYSAYAN

Ang Estonia ay sinakop ng mga kalapít nitong bansa. Maaga noong ika-13 siglo, nasakop ito ng mga kabalyero ng Alemanya at hukbo ng Denmark. Pagkatapos, ilang siglong naglaban-laban ang Denmark, Lithuania, Norway, Poland, Russia, at Sweden para makuha ang Estonia.

Matapos ang mahigit isang siglong pamamahala ng Sweden, napasailalim ito sa Russia noong 1721. Naging independiyente ito sa pagitan ng 1918 at 1940, hanggang sa sakupin ito ng Unyong Sobyet. Taóng 1941 nang mahulog ito sa kamay ng Nazi ng Alemanya, pero naagaw uli ito ng Unyong Sobyet noong 1944. Halos 50 taóng hawak ng Unyong Sobyet ang Estonia, hanggang sa ito ay maging ang kauna-unahang republika ng Sobyet na nagdeklara ng kasarinlan noong 1991.

Paano naapektuhan ng mga ito ang mga Saksi ni Jehova sa Estonia? Ano ang nangyari sa mga lingkod ng tunay na Diyos noong panahon ng mapaniil na pananakop ng Alemanya at ng Sobyet? Basahin ang kapana-panabik na kuwento ng kanilang pananampalataya, katapangan, at pagiging mapamaraan sa kabila ng malupit na pag-uusig.

PILAT DULOT NG HUWAD NA RELIHIYON

Ang mga taga-Estonia ay sapilitang kinumberte sa “Kristiyanismo” ng mga Krusadong nanakop dito noong ika-13 siglo. Pero pakitang-tao lang ang pagpapakumberte nila, kasi pagkatapos nito, binuhusan nila ng tubig ang kanilang sarili pati ang mga bahay nila para mahugasan ang kanilang bautismo. Saka nila binalikan ang pagsamba sa kalikasan at ang kanilang mga ritwal, hanggang sa unti-unti itong nahaluan ng mga paniniwalang Katoliko.

Noong ika-17 siglo, kinumberte ang Estonia ng Simbahang Luterano. Nang maglaon, ang Simbahang Ruso Ortodokso ang naging simbahan ng Estado. Noong 1925, naghiwalay ang Simbahan at ang Estado. Ayon sa isang surbey, 14 na porsiyento lang ng mga taga-Estonia ang nagsasabing mahalaga sa kanila ang relihiyon.

Pero nitong nakalipas, maraming taimtim na tao sa Estonia ang tumanggap ng nakapagpapahilom na Salita ng Diyos, ang “nakapagpapalusog na turo ayon sa maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos.” (1 Tim. 1:10, 11) Kaya mula noong 1991, ang wala pang 1,000 Saksi ni Jehova na naghahayag ng Kaharian ng Diyos sa Estonia ay naging mahigit 4,000. Pero paano nga ba nakarating ang mabuting balita sa napakaliit na bansang ito?

“MAY BIBIG KA”

Maaga noong ika-20 siglo, habang nasa Estados Unidos si Martin Kose at ang kuya niyang si Hugo, nakakuha sila ng ilang literaturang inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya (tawag noon sa mga Saksi ni Jehova). Tuwang-tuwa si Martin sa nalaman niya at naalala ang kaniyang lupang tinubuan; wala kasing mga Estudyante ng Bibliya roon. Nang maglaon, pinuntahan ni Martin ang adres ng punong-tanggapan sa New York na nakita niya sa isang brosyur. Nakipag-usap siya kay J. F. Rutherford, na nangangasiwa noon sa gawain ng mga Estudyante ng Bibliya.

“Ano po’ng gagawin ko?” tanong ni Martin.

“May bibig ka, ’di ba?” sagot ni Brother Rutherford. “Eh di umuwi ka’t gamitin mo.”

Ganoon nga ang ginawa ni Martin! Mga 1923 nang umuwi siya at nangaral bilang kauna-unahang Estudyante ng Bibliya sa Estonia. Tinuruan niya sa Bibliya ang kaniyang pamilya. Ang anak niyang si Adolf ay naging tapat na lingkod ng Diyos at nakapagpapatibay na brother sa panahon ng pag-uusig. Ang kuya ni Martin na si Hugo ay naging isa ring Estudyante ng Bibliya, pero hindi na ito nanirahan sa Estonia.

“HINDI KA NAMAN MAG-IISA”

Sa isang kombensiyon sa London noong 1926, naghanap si Brother Rutherford ng magboboluntaryo sa mga bansa sa Baltic. Nagpresinta sina Albert West, Percy Dunham, at James Williams. Di-natagalan, inatasan silang organisahin ang pangangaral sa Estonia, Latvia, at Lithuania. Si William Dey, nangangasiwa noon sa Tanggapan sa Hilagang Europa na nasa Denmark, ay bumiyahe kasama si Albert West papuntang Tallinn, ang kabisera ng Estonia. Pagkahanap ni Brother Dey ng matutuluyan ni Albert, tinapik niya ito sa balikat at sinabi: “O paano, Albert? Iwan na kita. Hindi ka naman mag-iisa, paparating na ang Watchtower!”

Ang mga colporteur, tawag sa mga payunir noon, mula sa Inglatera, Alemanya, at iba pang bansa ay dumating para tumulong. Pero hindi sila nagtagal, hindi na kasi na-extend ang mga visa nila. Mabilis namang nakapag-adjust ang mga colporteur na taga-Finland dahil halos kapareho ng wika nila ang Estonian. Maraming banyagang payunir ang masikap at saganang naghasik ng binhi ng Kaharian. Ang mga bagong-saltang dayuhan ay malugod na tinatanggap at kadalasang binabansagan, gaya ng “Soome Miina” (si Miina na Finnish) at “Londonist” naman kung galing ng Britanya.

KAUNA-UNAHANG SANGAY

Mahirap makakita ng angkop na lugar para gawing opisina, at dahil mayaman ang tingin sa mga dayuhan, hinihingan sila ng mataas na renta. Pero nagkaroon ng sangay noong 1926 sa maliit na apartment sa 17 Kreutzwaldi Street, sa Tallinn. Si Albert West ang branch servant. Inilabas din nang taóng iyon ang unang mga buklet sa Estonian, isa na rito ang Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay!

Narinig ni Hilda Ang, isang kabataang taga-Estonia, ang katotohanan mula sa kaniyang mga kaibigan. Nagpunta siya sa tanggapang pansangay para kumuha ng literatura. Doon, tinanong siya ng isang brother na Aleman kung puwede siyang tumulong sa pagsasalin ng pahayag pangmadla nito. Pumayag si Hilda, at noong 1928, tinawag siya sa sangay para maging tagapagsalin. Nang maglaon, nagpakasal siya sa isang brother mula sa Britanya, si Alexander Brydson, na lumipat sa Estonia para magpayunir. Mahusay at masipag na tagapagsalin si Hilda. Nang ipagbawal ang gawain, napilitan silang mag-asawa na umalis ng Estonia, pero patagô siyang nagsalin sa loob ng ilang dekada. Kung pagsasamahin, mahigit 100 taóng naglingkod nang buong panahon ang mag-asawang Brydson!

Noong 1928, inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya ang kauna-unahan nilang aklat sa Estonian, ang The Harp of God. Inilathala rin sa Estonian ang Bantayan, pito pang libro, at maraming buklet bago ang Digmaang Pandaigdig II.

MGA UNANG EBANGHELISADOR

Malaking teritoryo ang nasaklaw ng mga colporteur sa pamimisikleta, at natutulog sila saanman abutan ng dilim—mapabahay man o bunton ng dayami. Kahit dukha ang mga tao, nakikinig sila. Kaya ang mga payunir ay nakakapangaral nang mga 150 hanggang 200 oras bawat buwan. May nag-ulat pa nga ng 239 na oras sa isang buwan! Masipag sila, matapang, at matiyaga. Ganito ang kuwento ng isang sister nang una siyang sumama sa pangangaral.

“Marunong ka bang magbisikleta?” tanong ng isang masigasig na sister mula sa Finland.

“Marunong po,” sagot ng baguhang sister.

“Okey, tara sa Sarema,” ang masayang sabi ng sister na Finnish, na ang tinutukoy ay ang pinakamalaking isla sa Estonia na mga 200 kilometro ang layo.

Pagdating sa unang nayon ng Sarema, sinabi ng sister na Finnish: “Dito ka magsimula, doon ako sa dulo. Magkita na lang tayo mamayang gabi sa sentro ng nayon.” Ngayon pa lang masusubukang mangaral ng baguhang sister. Pero unang bahay pa lang, dama na niya ang tulong ni Jehova kaya nakapangaral siya nang may kumpiyansa.

Si Hellin Aaltonen naman (Grönlund nang maglaon) ang nagpunta sa mga tagaisla ng Vormsi, at napansin niyang iba ang wika nila.

“Marunong ba kayong mag-Estonian?” ang tanong niya sa kanila.

“Hindi, Swedish ang salita namin,” sagot nila.

“Mayroon ba kayong mga Swedish na aklat?” tanong ni Hellin.

“Naku pagkatagal-tagal nang wala,” ang sabi nila.

Dahil kailangan ng mga taga-Vormsi ng literatura sa wikang Swedish, dumalaw dito si Hellin kasama si Fanny Hietala na nagsasalita ng Swedish.

“Ibiniyahe namin sa ferry ang lahat ng Swedish na aklat sa opisina at tatlong araw na nangaral sa buong isla,” ang naaalala ni Hellin. “Naipamahagi namin ang halos lahat ng literatura. Pagkaraan ng ilang dekada, nabalitaan kong isang brother sa Sweden ang natuto ng katotohanan dahil sa nakuha niyang mga aklat sa Vormsi!” Madalas maranasan ng mga mángangarál ng Kaharian ang sinasabi sa Eclesiastes 11:6: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay.”

MGA HAMONG KINAHARAP NG MGA COLPORTEUR

Hindi biro ang gawain ng mga colporteur. Kapag taglamig, naglalakad sila o gumagamit ng ski nang 20 hanggang 40 kilometro sa isang araw. Nanunuot ang lamig, at iilan lang ang komportableng tuluyan. Simpleng pagkain at mga kailangan lang ang nadadala nila dahil may mga kahon pa ng literatura. Madalas na di-madaanan ang mga kalsada kapag malakas ang ulan. Maraming gabing napipilitan silang matulog sa labas. Sa napakahirap na gawaing ito, kailangan talagang malakas ang katawan at resistensiya nila. Pero ano nga ba ang masasabi ng mga tapat na mángangarál na ito?

“Mayroon naman ako ng lahat ng talagang kailangan ko,” ang naaalala ni Vilho Eloranta, masigasig na brother na taga-Finland na nagpayunir nang maraming buwan sa mga liblib na lugar. “Madalas, pinapakain ako at binibigyan ng tuluyan kapalit ng mga literatura. Hindi ko gaanong kailangan ng pera. Kapag dumilim na, magtatanong lang ako kung kanino ako puwedeng makitulog. Kadalasan namang may nagpapatulóy, lalo na kung dis-oras na ng gabi o malayo ang kasunod na farm.”

“Ang pinakamahalaga sa akin ay maipangaral ko ang Kaharian,” ang sabi pa ni Vilho, “wala na sa akin kung mahirap ang buhay ko, basta kontento ako at masaya sa pangangaral.”

Nakapagpasakamay ng maraming publikasyon ang masisipag na mga kapatid na ito; isang magandang pasimula para sa masulong na gawain. Noong 1929, nakapamahagi sila ng 53,704 na aklat at buklet.

“Mga 30 lang ang colporteur sa Estonia,” ang natatandaan ni Adolf Kose, “at nakapangaral sila sa buong bansa bago ang Digmaang Pandaigdig II.”

Kita pa rin ang bunga ng kasipagan ng mga ebanghelisador na iyon. Halimbawa, maaga noong dekada ’90, natagpuan ng mga Saksi ang may-edad nang si Ruth. Parang pamilyar sa kaniya ang mensahe nila. Mahigit 60 taon na kasi ang nakalilipas nang makapakinig siya sa isang Alemang Estudyante ng Bibliya na dalawang beses na dumalaw sa kapitbahay niya. Ngayon, bagaman mahina na ang tainga, nakilala pa rin ni Ruth ang katotohanan, nagpa-Bible study, at nabautismuhan—halos 70 taon mula nang una niyang marinig ang katotohanan!

MGA UNANG KAGANAPAN SA SANGAY

Ginaganap noon sa maliit na tanggapang pansangay ang mga kombensiyon. Ang una ay noong Hunyo 1928 na dinaluhan ng 25, at 4 ang nabautismuhan. Nang sumunod na taon, 80 kapatid mula sa Finland ang sumuporta sa kombensiyon at sa pangangaral.

Si Albert West na branch servant sa Estonia ay inatasang tumulong, at pumalit nang maglaon, kay William Dey bilang branch servant sa Denmark. Sino ngayon ang magiging branch servant sa Estonia? Si Wallace Baxter na taga-Scotland ay palabiro pero mapagmalasakit na brother. Bago siya napunta sa katotohanan, sundalo siya ng hukbo ng Britanya sa Pransiya noong Digmaang Pandaigdig I. Ang naranasan at nasaksihan niya sa digmaan ay salungat sa mga turo ni Jesu-Kristo.

“Gulung-gulo ako,” ang sabi ni Brother Baxter. “Mali ang lahat ng digmaan ng tao, kahit sino pa ang kalaban. Paniwala ko kasi magkakapatid tayo, at sinumang humahanap sa Diyos ay makakakita sa kaniya. Habang iniisip ko ang mga ito, lumuhod ako sa pinagtataguan ko at nangako sa Diyos na kung makakauwi ako nang buháy, paglilingkuran ko siya habambuhay.”

At ganoon nga ang ginawa niya. Matapos matuto ng katotohanan, pumasok siya sa buong-panahong ministeryo noong 1926. Pagkaraan ng dalawang taon, naanyayahan siyang maglingkod sa Estonia. Hindi nagbago ang sigasig niya. Noong 1930, nang umalis si Brother West, siya ang pumalit na branch servant. Inilipat ang sangay sa 72 Suur Tartu Road, sa Tallinn noong 1932. At nang sumunod na taon, opisyal na nairehistro sa Estonia ang Watch Tower Bible and Tract Society.

PAGBOBRODKAST SA IBA’T IBANG WIKA

Sing-aga ng 1927, pinayagan si Brother West na magbrodkast sa isang istasyon ng radyo sa Tallinn. Ang kaniyang lektyur na “Mga Pagpapala sa Milenyo” ay ininterpret sa Estonian. Hindi lang nito nakuha ang pansin ng publiko, naging kontrobersiyal pa ito, kaya ipinahinto ang pagbobrodkast. Pero noong 1929, regular na uli itong naririnig kapag Linggo. Ang mga pahayag ay nasa Ingles, Estonian, Finnish, Russian, at kung minsan ay sa Swedish at German, at isang beses sa Danish. Marami rin ang naging interesado sa mga pahayag na iyon na maririnig hanggang sa Norway, Denmark, Sweden, Finland, at Leningrad (St. Petersburg ngayon), sa Russia. Noong 1932 taon ng paglilingkod, naipakilala ang pangalan ni Jehova dahil sa pagsasahimpapawid ng 200 lektyur. Hindi kataka-taka, nagsimula na namang sumalansang ang klero!

Palibhasa’y alam ng klero na takót ang mga opisyal ng Estonia sa anumang may kinalaman sa Komunismo, inakusahan nila ang mga Saksi na kakuntsaba ng mga Komunista. Mabilis na umaaksiyon ang mga awtoridad sa tuwing inaakala nilang malalagay sa peligro ang Estonia, kaya ipinagbawal nila ang mga lektyur noong 1934. Pero hindi pabor ang ilan. Ganito ang isinulat ng isang batang lalaki:

Mahal na Watch Tower at Judge Rutherford:

Sayang po at ipinagbawal ng aming gobyerno sa Estonia ang inyong mga lektyur sa radyo. Isa po akong estudyante. Isang kahig, isang tuka lang po ang mga magulang ko. Nagpapakahirap po sila para may maipakain lang sa amin. Pero mababakas sa kanilang mukha ang pag-ibig at pag-asa sa Panginoon. Grabe po ang naging sakit ko noong taglamig, at ang mga lektyur n’yo lang po ang nakapagpasaya sa akin. Naiyak nga po ako sa tuwa. . . . Nasaan na po ang mga lektyur? . . . Nag-aaral po ako ng Ingles, at ito ang unang liham na nagawa ko sa Ingles nang walang diksyunaryo. . . . Sana po ay pagpalain kayo at kumusta po, Judge Rutherford.

Mismong si Brother Rutherford ang sumagot sa sulat, at pinadalhan niya ang bata ng ilang rekording ng kaniyang lektyur.

“KARO NG MAKALANGIT NA KAHARIAN”

Si John North, isang masigasig na colporteur mula sa Inglatera, ay nakatira sa treyler kasama ang pamilya niya, habang nangangaral sa Estonia. Nabalita ito sa buong timog ng bansa. Ganito ang sabi sa isang diyaryo: “Gumagawa sa Tartu ang [Watch Tower] Society ng isang sasakyan na parang bahay, na gagamitin sa pagtuturo ng relihiyon sa buong bansa. Ito ang ‘karo ng makalangit na Kaharian’ at mula rito, nangangaral sila at namamahagi ng mga aklat na nagpapaliwanag sa Bibliya. Lima ang tauhan nito—ang misyonero, misis niya, anak nila, at dalawang magigilas na kabataang lalaki. Ang dalawa ay namimisikleta nang mabilis (parang si Jehu) sa palibot ng ‘karo’ para mamigay ng literatura.”

Noong kalagitnaan ng dekada ’30, habang magulo ang pulitika, nakulong ang dating piloto ng army na si Nikolai Tuiman dahil sa pagkakasangkot sa kilusang Pasista ng Estonia. Sa aklatan ng bilangguan, nakakita siya ng ilang aklat ni J. F. Rutherford at napag-isip-isip niyang mali ang kaniyang ideolohiya. Nang mapalaya, bumiyahe siya sa Tallinn, sa adres na nasa aklat ng mga Saksi na natanggap ng kaniyang asawa. Sa tulong ni Brother Baxter, nagbagong-buhay si Nikolai, iniwan ang pulitika, at naging maamo at masigasig na Saksi ni Jehova. Nang ipagbawal ang gawain, isa siya sa naging haligi ng kongregasyon at tumulong sa patagong pag-iimprenta. Nanatili siyang tapat sa loob ng mga 15-taóng pagkakatapon sa Siberia.

Nasangkot din at nadismaya sa pulitika ang doktor na si Artur Indus. Narinig niya ang katotohanan nang magpunta siya sa bahay ni Martin Kose para manggamot. Hinimok siya ni Brother Kose na mag-aral ng Bibliya. Dahil marunong ng Aleman si Artur, iniorder siya ni Brother Kose ng lahat ng makukuhang publikasyon sa wikang iyon. Sa tulong ni Martin, tinanggap ni Artur ang katotohanan, nag-alay kay Jehova, at nagpabautismo. Siya ay kilala at nirerespeto hindi lang bilang doktor, kundi bilang isang masigasig na kapatid.

PAPARATING NA BAGYO

Dahil sa panggigipit ng Nazi ng Alemanya at ng Simbahang Katoliko noong kalagitnaan ng dekada ’30, kinumpiska ang buklet na Matuwid na Tagapamahala noong Enero 1935.

Noong taóng iyon, ipinasara ng Minister ng Interior ang Watch Tower Society sa Estonia, kinumpiska ang mga literatura, at ginawang panagot ng gobyerno ang mga pag-aari nito. Bagaman maraming publikasyon ang naitago, mga 76,000 pa rin ang nakumpiska. Pero napabuti pa! Hindi sukat-akalain ng mga kapatid na ang laman ng dalawang kinumpiskang brosyur ay lalabas sa dalawang kilaláng pahayagan na may 100,000 sirkulasyon. Di-hamak na mas mabilis nitong naipakilala ang pangalan ni Jehova kaysa kung basta namahagi lang ng brosyur ang mga kapatid.

Samantala, tuloy ang pangangaral at nagsimulang muli ang trabaho sa opisina. Pero nagpatuloy ang pangungumpiska ng mga aklat nang sumunod na mga taon. Nagtatrabaho noon sa sangay si Hellin Aaltonen nang ni-raid ito ng mga pulis.

“Tatlong kabataang pulis ang dumating para kunin ang buklet na Milyun-Milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay!” ang sabi ni Sister Aaltonen. “Pero ubos na iyon. Pinagtatambak nila sa sahig ang mga libro sa istante. Walang magawa si Brother Baxter, nakabantay kasi ang mga pulis. Pasimple kong iniligpit ang mga gamit at maingat na pumunta sa mesa ni Brother Baxter para tingnan kung may mga dokumento na hindi dapat makita ng mga pulis. May isang sulat, at nakalista doon ang pangalan at adres ng lahat ng mamamahayag. Inihulog ko ito sa basurahan sa sulok. Nang ipagkakahon na ng mga pulis ang mga libro, buong-pagmamagaling na hinaltak ng isa sa kanila ang isang kahon saka inihagis. Nabali ang braso niya! Agad siyang itinakbo sa ospital, kaya nagkaroon kami ng pagkakataong tingnan ang laman ng mga kahon bago sila makabalik.”

“Bumalik ang mga pulis,” ang patuloy ni Brother Baxter, “at habang tuloy ang pagkumpiska, nakita ko ang isa sa kanila na nagbubulsa ng aklat na Deliverance. Madalas kong naiisip kung ilan kayang libro ang nabasa ng mga pulis na iyon.”

Nakakatakot ang taóng 1939. Maraming Sobyet ang pinahintulutang pumasok sa Estonia. “Maya’t maya sa radyo ang propaganda ng mga Komunista,” ang isinulat ni Brother Baxter. “Kabi-kabila ang espekulasyon, at marami ang nag-aalala, kabado, at takót. Paroo’t parito ang mga eroplanong pandigma ng Sobyet na may sakay na mga paratroop.” Mapaparalisa ba nito ang pangangaral?

Sa kabila nito, noong 1940, nakapamahagi ang mga tapat na lingkod ni Jehova ng 59,776 na aklat at buklet—pambihira ito dahil 27 lang silang mamamahayag at 15 payunir! Talagang nagpursigi sila habang malaya pa!

ASAMBLEA BAGO ANG PAGBABAWAL

Nakapagsaayos ang mga kapatid ng asamblea sa Tallinn bago ang rehimeng Sobyet—ang huling asamblea na malayang naidaos bago ang 50-taóng pagbabawal. Tinalakay ang mga paksa sa Bantayan, gaya ng “Ang Teokrasya,” “Neutralidad,” “Mga Silo,” at “Wakas ng Relihiyon.” Inihanda ng mga napapanahong espirituwal na pagkaing ito ang bayan ng Diyos sa mga magaganap pa.

Malapit nang salutin ng Digmaang Pandaigdig II ang Estonia, at walang ligtas dito ang mga kapatid. Noong Hunyo 16, 1940, naglabas ng ultimatum ang Union of Soviet Socialist Republics para magpalit ng liderato ang Estonia at makapasok ang mas maraming sundalong Sobyet. Naging legal ang partido Komunista ng Estonia na may halos 150 miyembro, kaya napasama ang bansa sa Unyong Sobyet. Sa loob lang ng ilang buwan, libu-libong taga-Estonia ang ipinatapon sa Siberia. Ang kanilang mga bahay at bukid ay inabandona, sinunog, o ipinamigay sa mga nananakop na Ruso. Libu-libo ang tumakas sakay ng kanilang maliliit na bangka, karamiha’y papuntang Sweden. Nagtagumpay ang marami, pero ang iba ay nilamon ng dagat.

UMALIS ANG NATITIRANG BANYAGA

Nang maging Komunista ang bansa, ipinasara uli ang tanggapang pansangay. Ayaw sanang umalis ni Brother Baxter at nina Alexander at Hilda Brydson, kaya lang, lalong nanganganib ang mga dayuhan. Pinayuhan sila ni Brother Rutherford na umalis na. Si Brother Baxter at ang mga Dunham mula sa Latvia ay umalis sakay ng tren na dumaan ng Siberia at nakarating sa Australia. Bumalik naman ng Sweden ang mga Brydson pagkaraan ng mga isang taon. Tapat na naglingkod si Brother Baxter bilang miyembro ng Komite ng Sangay sa Australia hanggang matapos niya ang paglilingkod dito sa lupa noong Hunyo 21, 1994. a

Paano na ang maliit na grupo ng mga Saksi ngayong umalis na ang mga banyagang kapatid? Baguhan lang sila, tapos naipit pa sa digmaan. Bunga nito, nanghina sila, at naapektuhan ang gawain. Pagkatapos ng kanilang ulat noong 1941, wala nang nabalitaan pa tungkol sa mga kapatid na ito sa loob ng mga 20 taon.

MATITINDING PAGSUBOK SA PANANAMPALATAYA

Habang nananalanta ang Digmaang Pandaigdig II, itinaboy ng mga Aleman ang mga Sobyet at sinakop ang Estonia mula 1941 hanggang 1944. Pero hiráp pa rin ang mga kapatid. Noong 1942, nangangaral sa Tartu si Jaan Pärrat, isang brother na pipi, nang arestuhin siya ng mga Aleman. Siya ay pinaratangang naghihimagsik sa gobyerno, at ikinulong. Ayon sa rekord ng bilangguan, iniutos sa warden ang “ekstradisyon” kay Jaan Pärrat. Pero ang totoo, ipinaliligpit siya. Nakita ng isang grupo ng kalalakihan na inilalabas siya ng bilangguan. Tapos, nakarinig sila ng mga putok; hindi na siya nakita pa.

Ang hirap ng sitwasyon ng mga brother. Pilit silang pinagsusundalo, una ng Unyong Sobyet, tapos ngayon ng mga Aleman. “Kailangan naming magtagô para hindi kami makuhang sundalo,” ang kuwento ni Adolf Kose. “Dalawang bagay lang iyan kapag nahuli kami, magsundalo o mabaril. Siyempre, apektado ang gawaing pang-Kaharian kasi limitado ang galaw namin.”

Noong dulo ng 1944, ang mga Sobyet naman ang nagtaboy sa mga Aleman, kung kaya nasadlak uli ang Estonia sa kuko ng mapaniil na Sobyet. Malaking dagok sa mga taga-Estonia ang digmaan at ang sumunod na mga taon ng pananakop. Di-bababa sa 25 porsiyento ng populasyon ang pinatay o ipinatapon sa malalayong teritoryo ng Unyong Sobyet, o kaya naman ay nakaalis ng bansa. Paglipas ng mga taon, daan-daang libong Ruso ang lumipat sa Estonia, kaya kapansin-pansin ang naging pagbabago sa populasyon ng bansa. Gaya ng makikita natin, matinding pagsubok sa pananampalataya ang dinanas ng mga kapatid sa pamamahala ng Sobyet.

ISANG FOREST BROTHER, NAGING BROTHER

Isang nasyonalistiko, kontra-Sobyet na kilusan ang nakilala noon bilang “Forest Brothers” dahil nagtatagô sila sa makakapal na kagubatan. Marami silang kasama na hindi miyembro ng kilusan pero nagtatago dahil tinutugis ng Soviet State Security Committee, o KGB. Tinataya na may mga panahong 15,000 hanggang 20,000 kalalakihan ang nasa kagubatan, na ang ilan ay hindi natagpuan ng awtoridad sa loob ng maraming taon. Sa katunayan, ang pinakahuli ay nakita lang noong 1978! May tatanggap kaya ng katotohanan sa Forest Brothers na ito?

Alam ni Erik Heinloo na nasa peligro ang buhay niya dahil nagtrabaho siya sa gobyerno ng Estonia. Nang masakop ng Unyong Sobyet ang bansa, siya at ang misis niyang si Magda ay maraming beses na nagtangkang tumakas patungong Sweden. Nang huli silang sumakay ng bangka, nasira ang motor nito at napilitan silang bumalik. Pitong taon niyang naiwasan ang mga awtoridad sa pagtatagô sa gubat, hanggang sa siya ay madakip. Silang mag-asawa ay ibinilanggo sa magkahiwalay na kampo sa Unyong Sobyet.

Habang nakakulong si Magda, nakilala niya ang dalawang Saksi na nagkuwento sa kaniya ng tungkol sa pag-asa ng Kaharian. Kumbinsido agad si Magda na natagpuan niya ang katotohanan at nágsasayáw sa tuwa! Napalaya siya noong 1956 at nabautismuhan noong 1960. Tinanggap din ni Erik ang katotohanan pitong taon matapos siyang mapalaya. Sa wakas, isang Forest Brother ang naging brother!

TINUGIS AT INARESTO

Pagkaalis ng mga banyagang kapatid sa Estonia, ang matapang at masigasig na brother na si Martin Kose ang inatasang mangasiwa sa hilagang Estonia. Ang timugang Estonia naman ay pinangasiwaan ni Friedrich Altpere, isang matangkad at maginoong Estonian na titser ng Ingles sa haiskul. Noong dekada ’30, siya ang nag-interpret sa pahayag ng isang banyagang payunir na pumunta sa Võru. Nalaman niya noon na iyon ang katotohanan. Sumulong siya hanggang sa maging kuwalipikadong mangasiwa sa pangangaral sa timugang Estonia.

Mahirap ang atas na ito para sa kanilang dalawa dahil wala silang kontak sa organisasyon at pareho pa silang baguhan. Gayunpaman, tapat silang naglingkod nang patagô mula 1940 hanggang maaresto sila noong huling bahagi ng 1948.

Bumuo ng Komite sa Paglilingkod kapalit nina Martin Kose at Friedrich Altpere. Ito ay sina Albert Kruus, Karl Talberg, at Artur Indus, kasama si Lembit Toom bilang assistant. Sa kanila, si Brother Toom lang ang hindi kailangang magtago; malaya siyang nakakapaglakbay at nakakadalaw sa mga grupo. Bakit? Nagtatrabaho siya sa isang windmill, at kapag hindi ito gumagana dahil hindi mahangin, libre siyang gawin ang kahit ano.

Itinaya ng mga nangangasiwang brother sa Estonia ang kanilang buhay alang-alang sa mga kapatid. Ang litrato ng mga pinaghihinalaang lider ay nakapaskil sa mga istasyon ng tren, animo’y mga wanted na kriminal. Nagtalaga ang KGB ng apat na security agent para manmanan ang maaamo at tulad-tupa nating mga kapatid. Talagang mahirap noong 1948 hanggang 1951, pero pinagpala ni Jehova ang pangangaral ng tapat niyang mga lingkod. Bilang resulta, ang mga mamamahayag ay naging mahigit 100.

‘MAINGAT GAYA NG SERPIYENTE, WALANG MUWANG GAYA NG KALAPATI’

Higit na napatunayan ng mga alagad ni Jesus sa Estonia na totoo ang babala niya: “Maging maingat kayong gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati. Maging mapagbantay kayo laban sa mga tao; sapagkat ibibigay nila kayo sa mga lokal na hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. Aba, dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa.” (Mat. 10:16-18) Pero kahit matibay ang pananampalataya ng ilan, hindi pa rin nila maintindihan na hindi laging makahimalang inililigtas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod mula sa paniniil ni Satanas. (Job 1:9-12; 2:3-6) Ang ilang Saksi ay hindi naging ‘maingat gaya ng serpiyente,’ kaya madali silang nabiktima ng malulupit na mang-uusig.

“May isang interesadong lalaki na mukhang napakasigasig at buo ang loob,” ang kuwento ni Adolf Kose. “Binigyan siya ng pananagutan sa kongregasyon at gustung-gusto siya ng mga sister. Pero naghinala ang mga brother, at binalaan ang mga sister na huwag siyang isama sa lahat ng pinagpupulungan namin.” Nakalulungkot, hindi ito sinunod ng ilan. Marami tuloy naibigay na impormasyon ang lalaki sa KGB.

“Noong 1950,” ang sabi ni Lembit Toom, “nakatanggap kami ng ilang kopya ng Bantayan mula sa Alemanya. Gusto sana naming makinabang dito ang lahat ng kapatid sa Estonia.”

Nagsaayos ng asamblea sa isang kamalig ng dayami na nasa medyo liblib na lugar. Pero natunugan ito ng KGB at pinaghandaan ang pag-aresto sa mga kapatid. Nagpuwesto sila ng dalawang trak ng mga sundalo sa istasyon ng tren na bababaan ng mga kapatid. Samantala, tatlong Saksi ang naghihintay sa kalsadang papunta sa lugar ng asamblea para magbigay ng direksiyon sa mga dadalo. Isa sa kanila ang nakarinig ng kahina-hinalang kaluskos sa may kakahuyan. Nilapitan niya ito para tingnan. Pero pagsilip niya, isang baril ang nakatutok sa mukha niya! Dinala siya ng mga sundalo sa dalawang brother na kasama niya, at lahat sila ay inaresto.

Nang malaman nina Lembit Toom at Ella Kikas (Toom nang maglaon) na hinuli ang tatlong brother, kumilos sila agad. Dali-dali silang sumakay sa motorsiklo ni Lembit at pumunta sa istasyon bago ang talagang bababaan ng mga kapatid. Pagdating doon, pumasok agad sina Lembit at Ella sa tren, at mabilis na pinababa ang mga kapatid! Kaya nang huminto ang tren sa istasyon kung saan nag-aabang ang mga KGB, wala silang nakita ni isang anino ng mga Saksi.

Samantala, ang ibang kapatid ay nakakita ng isa pang farm para sa kanilang asamblea. Pinaglakad nila nang mahigit sampung kilometro ang mga delegado sa ibang daan papunta roon. Pabalik-balik naman noon ang mga sundalo sa pangunahing kalsada para hanapin ang mga delegado na naglahong parang bula. Matiwasay na natapos ang asamblea na dinaluhan ng 111. Malungkot ang lahat, alam kasi nilang anumang oras, puwede rin silang maaresto. Bahagi ng programa ang report tungkol sa mga kapatid sa ibang bansa, pati ang nakapagpapatibay na karanasan ng mga Saksi ni Jehova sa mga kampong piitan ng Nazi. Bagaman hindi sila naaresto, talagang napalakas sila nang husto ng asambleang iyon at nabigyan ng mahahalagang tagubilin para sa darating pang mga pagsubok.

INIMBESTIGAHAN AT SINENTENSIYAHAN

Nang sumunod na mga buwan, isa-isang inaresto ang lahat ng nangangasiwang brother, pati ang mahigit 70 mamamahayag at ang iba na may kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova. Parang walang-katapusang interogasyon ang haharapin ngayon ng mapapayapang lingkod ni Jehova. Nag-aalala naman ang mga hindi pa naaaresto dahil baka sila na ang kasunod.

Kadalasang gabi ginagawa ang interogasyon at minsan ay inabot pa ito ng ilang buwan, kaya hindi sila nakakatulog nang maayos. At miyentras tumatagal, lalo silang nai-stress at hindi makapag-isip mabuti. Hinahatulan ang mga kapatid kahit walang paglilitis; basta na lang sila sinasabihan na ang sentensiya nila ay 5 hanggang 12 taon sa bilangguan o sa kampo. Karamihan ay sampung taon ang sentensiya. Ang krimen? “Propagandang kontra-Estado at paghihimagsik,” ayon sa opisyal na mga dokumento. Di-nagtagal, nagbago ang batas at ginawang 25-taóng pagkabilanggo ang hatol sa mga Saksi. Matapos mahatulan, ganito ang pasaring ng 63-anyos na si August Pressraud: “Salamat sa kagalang-galang na Korte sa pagbibigay sa akin ng mahabang sentensiya. Kasi sa tingin ko mga 12 taon na lang ang itatagal ko. Pero binigyan n’yo ako ng 25 taon!”

Ipinadala ang mga Saksi sa mga kinatatakutang bilangguan at kampo sa buong Unyong Sobyet, kadalasan na sa Siberia at sa dulong silangan o dulong hilaga ng Russia, kung saan kalunus-lunos ang buhay. Waring doon na sila mabubulok, at para sa maraming bilanggo, mas gusto pa nilang mamatay.

Maging ang mga kapatid na nakipagsabuwatan sa mga awtoridad ay hindi nakaligtas sa bangis ng mga mang-uusig, gaya ng nangyari sa dalawang brother na naging espiya ng KGB. Matapos gawin ang kanilang misyon, sila mismo ang binalingan ng KGB. Pareho silang ipinatapon sa mga kampong piitan. Walang patawad ang KGB sa mga duwag na impormanteng ito. b

MULA ESTONIA TUNGONG SIBERIA

Ngayong nadakip na ng KGB ang mga itinuturing na pinakaprominenteng Saksi, determinado silang burahin sa Estonia ang lahat ng Saksi ni Jehova. Gaya ng kanilang pinagplanuhan, maagang-maaga noong Abril 1, 1951, sabay-sabay nilang sinuyod ang lahat ng sulok ng bansa (pati ang Latvia, Lithuania, at Kanlurang Ukraine).

Halos lahat ng Saksi ni Jehova, kasama ang marami sa mga kamag-anak nila, at maging ang mga interesado, ay agad na inaresto sa kani-kanilang bahay, dinala sa ilang istasyon ng tren, at isinakay sa mga bagon. Nakapagdala sila ng kaunting pagkain at gamit, pero ang iba nilang pag-aari ay kinumpiska. Noong araw na iyon—walang litis-litis o pali-paliwanag—halos 300 katao mula Estonia ang isinakay sa tren patungong Siberia, pangunahin na sa rehiyon ng Tomsk, mga 5,000 kilometro ang layo.

MATATAG NA MGA KABATAAN

Dumalaw sa mga kamag-anak si Corinna Ennika, 17 anyos, at ang 13-anyos niyang kapatid na si Ene. Isip-isipin ang pag-aalala nila nang makauwi at makitang nakakandado ang kanilang bahay at wala ang nanay nila! Pero kahit paano ay nakahinga sila nang malaman nilang inaresto ang kanilang ina. Bakit?

“Ang mahalaga, buháy siya!” ang sabi ni Corinna. “Naisip namin na kung may iba pang inaresto, malamang na si Nanay ay kasama ng bayan ni Jehova. Damang-dama namin ang suporta at kapanatagan mula kay Jehova. Hindi ako umiyak, at hindi rin umiyak si Ene, kahit madali pa siyang maapektuhan. Kinalunisan, pareho kaming pumasok sa eskuwela at walang pinagsabihan na inaresto si Nanay.”

Kahit pa nang kunin sila ng mga opisyal, nanatiling kalmado sina Corinna at Ene. “Sa tren, kalmado ang lahat,” ang sabi pa ni Corinna. “Napatibay kami sa sinabi ng isang sister na hindi pahihintulutan ni Jehova ang anumang pagsubok na hindi namin kaya at na dapat kaming magtiwala sa Kaniyang pangako na tutulungan Niya kami.” Mahigit anim na taon silang nawalay sa kanilang ina.

Makikita ang kalupitan ng mga mang-uusig sa dokumento ng pagpapatapon sa isang anim-na-buwang sanggol. Ang kaso ng sanggol—“kaaway ng Estado.”

Naranasan ng mga tapon ang lahat ng uri ng kahihiyan at pambabastos. Tuwing umaga at gabi, pinabababa ang lahat sa tren para papuntahin sa palikuran, gayong wala naman. “Tinrato kaming parang hayop. Wala na kaming natirang kahihiyan,” ang sabi ng isang sister. “Sama-sama ang mga lalaki’t babae. Dinadaan-daanan lang kami ng iba, at laging nakabuntot ang mga bantay.”

BUHAY SA SIBERIA—AT KAMATAYAN

Matapos ang napakahirap na dalawang-linggong biyahe sa tren, pinababa ang mga tapon dala ang kanilang kakaunting gamit kahit napakalamig. Sa kalapít na farm na pinangangasiwaan ng gobyerno, pumili ang mga kapatas ng mapapakinabangan nilang trabahador; para silang mga asendero na namimili ng alipin.

Marami sa nakatira sa Siberia ay mga tapon din, kaya may simpatiya sila sa mga bagong datíng. Sa tulong ng mga kapananampalataya at palakaibigang mga tagaroon, mabilis na nakapag-adjust ang mga tapong kapatid. Ang ilan ay nakapamuhay pa nga nang normal. Mayroon ding gumanda ang kalusugan, gaya ng dalawang sister na may tuberkulosis pero gumaling nang lumipat sa mas tuyong klima ng Siberia.

Pero masaklap ang inabot ng iba. Isang bata ang namatay sa tren at isang may-edad nang Saksi ang namatay dahil sa hirap o trauma. May mga brother na nabaldado dahil hindi nagamot nang maayos o dahil sa sobrang bigat ng trabaho. Kahabag-habag ang iba dahil sa kakulangan ng nutrisyon, pagkakasakit, aksidente, matinding lamig, at iba pang mahirap na kalagayan. Bukod diyan, naranasan ng ilan ang sakit na mawalay sa mga mahal sa buhay sa loob ng maraming taon, nang walang natatanggap na sulat mula sa kanila.

“Dahil menor-de-edad pa ang mga miyembro ng pamilya namin,” ang sabi ni Tiina Kruuse, “dinala kami sa isang bukid na pinangangasiwaan ng gobyerno. Kapos na nga sa pagkain ang mga tagaroon, dumagdag pa kami. Ang pagkain ng mga bagong datíng ay balat ng pine tree, mga ugat, at nilagang kulitis.”

Mahaba at sobrang ginaw ng taglamig sa Siberia, at hindi sanay rito ang mga tapong Estonian. Kahit nga magpatubo lang ng patatas, pahirapan. Para sa marami, kalbaryo ang unang taon bilang tapon, hindi nila alam kung saan sila kukuha ng panawid-gutom.

“Negative 50 digri Celsius noon,” ang natatandaan ni Hiisi Lember. “Sa sobrang lamig, inilagay namin ang mga manok sa ilalim ng kama para hindi sila manigas sa ginaw. Ang iba nga, ipinapasok pa sa loob ng bahay ang guya nila kapag ipinanganak ito nang taglamig.”

MGA BAGONG TERITORYO—KAGAGAWAN NG ESTADO

Ilang taon na ang nakararaan, sinabi ni William Dey na kung masasakop ng Unyong Sobyet ang mga bansa sa Baltic, lalawak ang teritoryo na pangangaralan ng mga kapatid. Ganoon nga ang nangyari! Talagang natulungan ng gobyerno ng Sobyet ang mga Saksi ni Jehova na makapangaral sa Siberia at sa malalayong lugar nang ipatapon sila. Pinahintulutan man ni Jehova na masubok ang kaniyang mga Saksi, natuto naman ng katotohanan ang marami na hindi pa kailanman nakarinig sa pangalan ng Diyos.

Kuning halimbawa si Lembit Trell, na naaresto dahil sa pagiging aktibista. Narinig niya ang tungkol sa katotohanan noong 1948—sa isang selda sa Tartu. Naikuwento sa kaniya ng isang bilanggong Rusong opisyal ng militar ang tungkol sa mga Saksi na nakilala nito sa ibang selda. Binigyan siya nito ng ideya hinggil sa turo ng mga Saksi. Ipinaliwanag nito na ang pamahalaan ng Diyos ang tanging pag-asa ng tao at na malapit nang mamahala ang Diyos sa buong lupa. Naging interesado rito si Lembit.

Nang maglaon, inilipat si Lembit sa isang kampong piitan sa Vorkuta, sa dulong hilaga ng Siberia, malapit sa Karagatang Artiko. Doon, may narinig siyang grupo ng mga Saksi na nag-uusap-usap tungkol sa Bibliya. Nang lumapit siya, napansin niyang kapareho ito ng ikinuwento ng Rusong opisyal, kaya nakipag-usap siya sa kanila.

“Bakit ka nakulong?” tanong ng mga kapatid kay Lembit.

“Dahil ipinaglalaban ko ang katarungan,” sagot niya.

“Kumusta, nagtagumpay ka ba?” tanong ng isa sa mga Saksi.

Kitang-kita naman ang sagot, pero sabi ni Lembit, “Hindi eh.”

“Alam mo, nasa maling panig ka kasi,” ang sabi ng isang brother. “Gusto mo bang pumanig sa tama?” Saka nila ipinaliwanag sa kaniya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa espirituwal na pakikipagdigma. Miyentras mas maraming napapakinggan si Lembit, mas nakukumbinsi siyang ito ang katotohanan at mas nakikita niya na kailangan niyang pumanig kay Jehova.

Matapos mapalaya, nagbalik si Lembit sa Estonia at sinimulan ang kaniyang espirituwal na pakikipagdigma. Isa siyang regular pioneer ngayon. Sa kulungan din nalaman ng asawa niyang si Maimu ang katotohanan nang makuwentuhan ito ng isang bilanggong di-Saksi.

Hiráp mangaral ang mga kapatid na di-gaanong makapagsalita ng Russian. Gayunman, madali pa rin silang makapagpasimula ng pag-uusap—ikinukuwento nila kung bakit sila ipinatapon sa Siberia. Dahil dito, naging bihasa ang mga kapatid sa di-pormal na pagpapatotoo. Nakapangaral din sila sa sarili nilang wika sa mga ipinatapong taga-Estonia. Isa sa mga dating tapon ang nagsabi na mga 15 hanggang 20 taga-Estonia ang natuto ng katotohanan sa mga kampo, at may mga taga-Russia at Lithuania rin na naging Saksi.

SUPLAY NG ESPIRITUWAL NA PAGKAIN

Gumamit ang mga kapatid ng iba’t ibang paraan para palihim na makapagpadala ng Bibliya at espirituwal na pagkain sa mga bilangguan at sa mga tapong Saksi sa malalayong lugar. “Natatanggap namin ang mga pahina ng literatura sa mga lalagyan ng mantika ng baboy o iba pang hayop,” ang sabi ng isang brother. “Dahil namumuo ang mantika at nagkukulay puti kapag malamig, hindi madaling mahalata ang papel. At kahit iniinspeksiyon ito ng mga opisyal gamit ang kutsilyo, hindi nila napapansin na may manipis na papel na nakadikit sa gilid ng lalagyan.” Bihirang mabisto ng mga opisyal na may mahalagang espirituwal na pagkain sa mga lalagyang iyon ng literal na pagkain.

Ang mga piraso ng literatura ay puwede ring itahi sa mga bag o damit, itago sa kahon ng sabon, o isiksik sa inukang sabon. “Kaya kong isiksik ang apat na Bantayan sa sabon na nakakahon,” ang sabi ni Ella Toom.

Binubusisi ang mga liham, kaya natutuhan ng mga Saksi na sabihin ang mga katotohanan sa Bibliya at teokratikong termino gamit ang pang-araw-araw na mga salita. Halimbawa, isinulat ng isang sister: “Inaalagaan tayong mabuti ng Ama, nakakasalok din tayo sa balon.” Ibig niyang sabihin, ang “Ama,” si Jehova, ay naglalaan sa kanila sa espirituwal; na may kontak sila sa “balon,” ang organisasyon ni Jehova; at na nakakakuha sila ng nagbibigay-buhay na tubig ng katotohanan, ang mga literatura sa Bibliya.

Karamihan sa mga publikasyon ay manu-manong kinokopya, pero ang ilan ay ginagamitan ng simpleng paraan ng pag-iimprenta. Kapag may kinokopya o isinasaling literatura, mas gusto pa ng mga Saksi na mabartolina. Bakit? “Mas okey sa akin kapag nababartolina ako. Naisasalin ko kasing mabuti ang Bantayan dahil walang gaanong abala,” ang sabi ng isang sister. Isa ito sa maraming pamamaraan kung saan hindi umubra ang taktika ng mga mang-uusig at madalas pa ngang nakakatulong sa pagsulong ng gawaing pang-Kaharian!—Isa. 54:17.

MAHALAGA ANG MGA PULONG

Madalang makapagpulong ang mga kapatid, kaya napakahalaga nito sa kanila. Ikinuwento ni Corinna Ennika kung paanong siya at ang isa pang sister ay lakas-loob na tumakas sa trabaho nang ilang araw para lang makadalo sa pulong. “Gabi kami nang umalis,” ang sabi ni Corinna, “at naglakad nang 25 kilometro papunta sa istasyon ng tren. Alas dos ng madaling araw umalis ang tren, at anim na oras kaming bumiyahe, at naglakad pa nang 10 kilometro patungo sa pulong. Natunton namin ang bahay. Nagtuturuan pa nga kami kung sino ang magsasabi ng password, nang lumabas ang isang brother. Nakilala niyang Saksi kami at masayang sinabi: ‘Tama, dito nga. Tuloy kayo!’ Nag-aral kami ng Bantayan at kumanta ng mga awiting pang-Kaharian. Sulit ang dalo namin, napalakas kami.” Pagbalik sa trabaho makaraan ang tatlong araw, nakahinga sila nang maluwag dahil hindi man lang napansin ng katiwala ng farm na nawala sila. Talagang napatibay nang husto ng mga patagong pulong ang pananampalataya ng tapat na mga lingkod ni Jehova.

Minsan naman, habang nagpupulong ang mga kapatid sa isang bilangguan, biglang dumating ang mga bantay para maghanap ng mga publikasyon. Isang brother na may hawak na ilang pahina ng literatura ang dali-daling dumampot ng walis at naglinis. Naghalughog ang mga bantay, pero wala silang nakitang literatura kaya umalis na lang sila. Samantala, umikot na sa hawakan ng walis ang literatura dahil sa higpit nang pagkakahawak ng brother na masipag magwalis!

ANG KAPANGYARIHAN NG TUNAY NA KRISTIYANONG PAG-IBIG

“Limang taon akong nagtrabaho sa minahan ng karbon,” ang naaalala ni Adolf Kose. “Nasa hilaga kami ng Arctic Circle, kaya hindi umaaraw kapag taglamig. Madilim din pag-ahon namin sa trabaho. Kaya ilang buwan kaming hindi nasisinagan ng araw. Kulang din ang rasyon ng pagkain. Naapektuhan nito ang memorya ko at hindi ko na alam kung anong araw na. Dahil sa bigat ng trabaho, kapos na pagkain, at sobrang pagod, hindi na namin kayang makipagkuwentuhan nang matagal. Pero kapag tungkol sa Kaharian ang usapan, hindi kami napapagod, tumatagal kami kahit ilang oras.”

Dahil sa mga ito, natutuhan ng bayan ni Jehova na magsakripisyo alang-alang sa kanilang mga kapatid. “Anumang mayroon kami,” ang sabi ni Brother Kose, “o anumang natanggap ng isa sa amin, pinaghahati-hatian namin. Lahat kami’y nangangailangan, kaya natuto kaming mamigay.”—1 Juan 4:21.

Napansin din ng mga bantay na laging nagtutulungan ang mga Saksi. Nang ilipat ng ibang kampo si Aino Ehtmaa, wala man lang siyang kutsara o mangkok—mga bagay na kailangang-kailangan sa kampo.

“Okey lang ’yan,” ang sabi ng nangangasiwa sa kampo, “bibigyan ka ng mga ka-Saksi mo.” At totoo naman iyon. Maraming beses na napaparangalan ang pangalan ni Jehova dahil sa ganitong Kristiyanong pag-ibig.

Gayunman, tuloy pa rin ang mga pagsubok. Halimbawa, kahit matagal nang nakakulong si Sister Ehtmaa, lagi pa rin siyang tinatanong ng mga bantay, “Ano, ayaw mo pa rin bang makipagtulungan sa amin?” Siyempre, ang tulong na hinihingi nila ay ang mga kompidensiyal na impormasyon tungkol sa mga Saksi ni Jehova.

“Ikinulong n’yo ’ko. Namatay ang tatay at nanay ko dahil sa inyo,” ang laging sagot ni Sister Ehtmaa. “Tapos ngayon, gusto n’yong makipagtulungan ako?”

Kahit nasa “mga gapos ng bilangguan,” patuloy na ipinakita ng mga tapong Saksi ang tulad-Kristong pag-ibig sa pagbabahagi ng mabuting balita ng Kaharian kailanma’t may pagkakataon. Pero kanino sila mangangaral? Ang patakaran ng Sobyet na ilipat ang mga edukado at di-Komunistang mamamayan ay ‘nagbukas ng pinto ng pagsasalita’ para sa kanila. Naging mabunga ang pakikipag-usap ng maraming kapatid sa mga taong ito, na kung hindi naipatapon ay hindi sana nakarinig o tumanggap ng mensahe ng Kaharian.—Col. 4:2-4.

“Nang maglaon, inilipat kami sa magkakahiwalay na kampo,” ang sabi ni Brother Kose. “Bawat selda, napangaralan. Ako nga, noon ko lang nagawa sa tanang buhay ko ang ganoong pagpapatotoo.”

Sa buong panahon ng pagkakatapon, walang-tigil ang pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova. Kinamkam ang kanilang mga pag-aari, at inalisan sila ng kalayaan at kahihiyan. Pero hindi nasira ng mga mang-uusig ang kanilang moralidad at espirituwalidad.

PAGBALIK SA ESTONIA

Nang mamatay si Joseph Stalin noong 1953, labis na namighati ang marami sa mga tagasuporta niya. Nasa selda noon si Ella Toom kasama ang anim pang sister. Umiiyak na pumasok ang bantay, pinatatayo sila at pinasasaludo kay Stalin. Siyempre, hindi nila ginawa iyon!

Dahil sa pagkamatay ni Stalin, nagbago ang kalagayan sa pulitika. Mula 1956 hanggang 1957, daan-daang petisyon para sa mga tapong kapatid ang natanggap ng pamahalaang Sobyet mula sa mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. Isa-isang pinalaya ang mga nakakulong at pinayagan nang makauwi ang mga tapon. Ang ilang Saksi ay napalaya agad pagkamatay ni Stalin, ang iba naman ay kinailangan pang maghintay. Halimbawa, 1951 nang ipatapon ang pamilyang Tuiman, pero noong 1965 lang sila pinayagang makabalik. At kahit nakabalik sa Estonia ang mga kapatid natin, wala naman silang uuwian dahil kinamkam na ang mga pag-aari nila nang ipatapon sila.

PAGBABALIK-TANAW

Paano nakaapekto sa mga Saksi ang pananakot, pagmamalupit, mabigat na trabaho, at napakahirap na kondisyon sa mga bilangguan? Marami ang nanatiling matatag sa espirituwal, kahit pa sa harap ng kamatayan. Di-kukulangin sa 27 Saksing taga-Estonia ang namatay habang nasa bilangguan o pagkakatapon. Isa rito si Artur Indus na miyembro ng Komite sa Paglilingkod sa Estonia bago ipatapon. Namatay naman si Friedrich Altpere di-nagtagal matapos makalaya dahil sa hirap ng trabaho sa kampo. Bagaman matitinding pagsubok ang naranasan ng mga lingkod ni Jehova sa Siberia, marami silang natutuhan, at hindi sila natinag. Oo, nakaalpas sila sa lahat ng ito, na mas matatag ang pananampalataya at mas handang magbata.—Sant. 1:2-4.

“Lahat ng nangangasiwa [sa Estonia] ay nasa mga kampong piitan,” ang sabi ni Viljard Kaarna, “pero may kontak pa rin kami sa kanila. Kaya habang nasa Siberia, lagi kaming may literatura at malakas sa espirituwal. Mas mahirap pa ngang makakuha ng regular na suplay ng literatura sa Estonia. Hindi siguro kami naging ganito kasulong sa espirituwal kung hindi kami umalis doon.”

Maraming tapong di-Saksi ang nawalan na ng pag-asa dahil sa mga dinanas nila. Pero sa mga Saksi ni Jehova, ang pagkakatapon nila ay isang nakapagpapatibay na karanasan.

“Natuto kaming maging masunurin,” ang sabi ni Corinna Ennika. “Nagtiwala kami kay Jehova at hindi namin iyon pinagsisisihan. Nakita naming kaunti lang talaga ang kailangan para makaraos sa buhay. Tanging maliit na maleta at kahon na nasa ilalim ng kama ang pag-aari namin ng kapatid kong si Ene. Ngayon, kapag nagiging mapaghanap kami, inaalala namin ang karanasang iyon. Sa Siberia namin ginugol ang sana’y masasayang panahon ng aming kabataan—edad 17 hanggang 23. Pero madalas kong naiisip kung magiging ganito kaya kalakas ang espirituwalidad namin kung hindi kami naging tapon. Sa palagay ko, ang Siberia ang pinakamagandang lugar noon para sa amin.”

“Saglit na saglit lang ang limang taon sa Siberia,” ang sabi ng isang sister. “Para lang akong nanood ng dalawang-oras na pelikula.”

Ganito naman ang kuwento ni Aino Ehtmaa: “Hinding-hindi ko malilimutan ang maningning na liwanag ng aurora borealis, ang makukulay na ulap sa ibabaw ng dagat at mga ilog kapag taglamig, ang dalawang linggong hindi paglubog ng araw, at ang dalawang linggong hindi pagsikat nito. Naaalala ko pa ang mga strawberry na nahihinog sa maikling tag-araw at ang arctic wildfowl [kapamilya ng bibi] na kumakain ng maliliit na sanga ng mga puno roon. Kahit mahirap, para bang namasyal lang ako. Napag-isip-isip ko na kahit sa Siberia, puwede akong maging masaya basta’t kasama ko si Jehova.”

BAGONG SIMULA, LUMANG TAKTIKA

Kabi-kabila pa rin ang pag-uusig pagbalik sa Estonia. Parehong ginamit ng secret police ang direkta at palihim na taktika para makakuha ng impormasyon at siraan ang organisasyon.

Si Jüri Schönberg, naaresto dahil sa hindi pagsusundalo, ay dinala sa kampo para pagtatanungin. Isang special agent ng KGB mula Kiev, Ukraine ang pumunta sa Estonia upang kumbinsihin siyang magtrabaho para sa KGB. Gustong papaniwalain ng opisyal si Jüri na ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ay laban sa gobyerno at puro kasinungalingan. Binigyan niya si Jüri ng ilang Bantayan para mabasa nito, pero kahit mukhang tunay ang mga magasin, hindi ito tinanggap ni Jüri. Iniisip niya na baka ilan ito sa pekeng Bantayan na ginagamit ng KGB para lituhin ang mga Saksi. Sa loob ng isang linggo, araw-gabing ginigipit ng agent si Jüri na makipagtulungan sa KGB, pero matatag ang ating kapatid at hindi nakipagkompromiso.

MULING PAKIKIPAG-UGNAYAN SA “INA”

Bagaman mahigpit ang patakarang Iron Curtain, hindi nito lubusang nahadlangan ang pagtagos ng liwanag ng katotohanan ng Bibliya. Sa loob ng maraming taon, mga lumang literatura lang ang ginamit ng mga kapatid. Pero habang nasa Siberia, nakilala ng mga Saksing taga-Estonia ang mga kapatid mula sa ibang panig ng Unyong Sobyet. At kahit nakabalik na sa Estonia, itinuloy pa rin nila ang pakikipag-ugnayan sa mga kapatid sa Unyong Sobyet para makakuha ng bagong espirituwal na pagkain sa pana-panahon. Halimbawa, mula 1956, naging kontak nila si Ivan Dziabko at ang iba pang kapatid sa Ukraine, kaya nakatanggap sila ng mga literatura. Pero bihira ang ganoong pakikipag-ugnayan at kakaunti lang ang mga publikasyon. Kinailangan nilang gumawa ng iba pang hakbang, at pinagpala naman ni Jehova ang katapangan ng ating mga kapatid.

Kaayon ng tagubilin ng Lupong Tagapamahala, nagplano ang sangay sa Finland para higit pang matulungan ang mga kapatid sa Estonia. Si Vilho Eloranta, payunir sa Estonia noong dekada ’30, ang naatasang makipag-ugnayan sa kanila. Nang pumunta siya sa Estonia noong pasimula ng dekada ’60, nakontak niya si Fanny Hietala. Pagkatapos, maraming kapatid mula sa Finland, na nagpanggap na mga turista, ang naging mga mensahero para hindi maputol ang komunikasyon. Sa wakas, ang mga kapatid sa Estonia ay may pakikipag-ugnayan na sa “Ina,” gaya ng tawag nila sa organisasyon ni Jehova. Nakakapagpadala na sila ng mga ulat ng paglilingkod at mga sulat, at nakakatanggap na rin sila ng microfilm ng mga publikasyon. At dahil kailangan itong gawin nang maingat at palihim, dalawa o tatlong beses lang sa isang taon nila ito ginagawa.

Ang pinsan ni Adolf Kose na si Hugo Kose, Jr., nakatira sa Estados Unidos, ay 15 beses na bumiyahe papuntang Estonia bilang mensahero. Minsan sa border, kinapkapan siya ng mga guwardiya, pero wala silang nakita. Kaso kinabahan si Hugo nang bigla siyang tanungin kung ano ang relihiyon niya. Nang mapansin niyang hindi sila gaanong marunong sa Ingles, binilisan ni Hugo ang pagsasalita. Mapapahiya ang mga guwardiya kung ipapaulit nila nang dahan-dahan ang sinabi ni Hugo. Kaya nang mag-ring ang telepono, pinag-apura na lang nila siya dahil papaalis na ang barko. Siyempre, sunod naman si Hugo, mabilis pa sa alas-kuwatro!

Alam ng mga mensahero na napakaimportante ng kanilang atas, at talagang sineryoso nila ito. Lagi silang alisto at nag-iingat na huwag maging kampante. Naka-code ang mga ulat ng paglilingkod, sakali mang sa maling tao ito mapadpad. Alam ng mga mensahero na manganganib ang buhay nila at ng iba kung hindi sila mag-iingat. May mga pagkakataon na nakikita nilang sinusundan sila ng mga agent ng KGB. Habang hinihintay ni Viljard Kaarna ang ipapasa sa kaniya ng dalawang brother, nakita niyang kinukunan sila ng litrato ng isang agent, at sinusundan sila nito. Tiyak na nangangalap ito ng ebidensiya laban sa mga Saksi. Pero ni minsan, hindi nagmintis ang pagpapadala ng literatura o anumang sulat o report ng mga kapatid.

MAS MAHUSAY NA PAG-OORGANISA

Sa loob ng ilang taon, ang pangangaral sa Unyong Sobyet ay pinangasiwaan ng Komite ng Bansa na nasa Ukraine. Ilang brother din ang naging tagapangasiwa ng distrito sa buong bansa. Pero dahil sa pagsulong ng organisasyon sa Estonia, kailangan na ng isang mangangasiwa sa gawain doon. Si Adolf Kose, isang tahimik na brother at pinatatag ng mga pinagdaanang pagsubok, ang naatasang tumulong sa pangangasiwa noong 1967. Nang maglaon, pananagutan na rin niya ang mga report at sulat para sa Latvia, Lithuania, Karelia, Leningrad, at Murmansk. Inorganisa din ni Brother Kose ang pag-iimprenta sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Paano ito lahat naasikaso ni Brother Kose samantalang nagtatrabaho pa sila nang buong panahon ng asawa niyang si Koidula sa isang babuyan malapit sa bayan ng Tapa? Nag-imbento si Brother Kose ng ilang makina na nagpadali sa trabaho niya. Kaya mas may oras siya para sa kaniyang teokratikong mga atas.

Nang maglaon, ang mga brother tulad nina Viljard Kaarna, Lembit Toom, at Silver Silliksaar ay dumalaw sa mga kongregasyon sa Estonia at sa kalapít na mga republika ng Unyong Sobyet. Si Alexandr Yevdokimov naman ang naatasang mag-asikaso sa dumaraming kapatid at interesadong nagsasalita ng Russian sa Estonia. Di-nagtagal, nag-imprenta na rin ng sariling mga literatura ang mga brother sa Estonia na nagsasalita ng Russian. Kapag dumarating ang kanilang mga publikasyon sa microfilm, nasa wikang Russian na ito at puwede nang kopyahin sa photographic paper. Pero habang lumalaki ang mga kongregasyon, pinalitan na ang matrabahong pamamaraang ito. Nangangailangan kasi ito ng maraming kapatid na tutulong sa pag-iimprenta sa ilang lugar. Pero kahit ganito ang pamamaraan nila, patagong nakapag-imprenta ang mga kapatid ng daan-daang kopya ng mahigit 20 aklat. Mula 1966 hanggang 1989, mahigit limang milyong pahina ng mga literatura sa Estonian at Russian ang manu-manong nagawa.

KAILANGANG MAG-INGAT

Minsan, hinalughog ng mga pulis ang bahay ng isang kapatid. May hinahanap daw silang ninakaw na motorsiklo. Pero dumeretso sila sa istante ng mga aklat. Makakakita kaya sila ng motorsiklo doon! Halatang mga literatura talaga ang pakay nila. Inis na inis ang mga pulis nang wala silang makita!

Paano itinatago ng mga kapatid ang mga literatura? Kadalasan na, ginagamit nilang pabalat ng mga literatura ang pabalat ng mga lumang sekular na aklat o magasin. Kaya kapag biglang hinalughog ang mga bahay nila, madalas na hindi napapansin ang mga publikasyong iyon.

Isinasabay rin ng mga Saksi ang mga pulong at asamblea sa mga espesyal na okasyon, gaya ng kasalan. Halimbawa, ang kasal nina Heimar at Elvi Tuiman ay tumagal nang dalawang araw. Kung minsan, umaabot pa nga nang tatlo o apat na araw ang ganitong mga pagtitipon. Hinihimok ng mga elder sa Estonia ang mga ikakasal na kaunti lang ang imbitahan para hindi ito maging gaanong pansinin at maiwasan ang anumang problema.

LUMIPAT SA ESTONIA ANG MGA KAPATID NA RUSO

Noong 1970, lumipat sa Estonia ang matatagal nang Saksi mula sa Ukraine, Belarus, at iba pang bahagi ng Unyong Sobyet. Para sa marami sa kanila, mas madali pang tumira sa Estonia kaysa sa sarili nilang bansa kung saan malupit silang pinag-uusig.

Sa tulong ng mga brother na gaya ni Nikolai Dubovinski, matagal nang elder sa Ukraine, naitatag sa Tartu noong 1972 ang kauna-unahang kongregasyon sa wikang Russian na may mga 50 mamamahayag. Masulong ang gawain ng mga kapatid na Ruso. Pagsapit ng 2010, mayroon nang 27 kongregasyon at 4 na grupo sa wikang Russian—mahigit kalahati ng mga mamamahayag sa Estonia.

IBA’T IBANG PARAAN NG DI-PORMAL NA PAGPAPATOTOO

Buo ang loob at masigasig ang mga kapatid na nagsasalita ng Russian. Handa silang magpatotoo kahit saan, kahit kailan. Halimbawa, kinakausap muna nila ang mga turistang pumapasyal sa mga simbahan sa Tallinn at saka nagpapatotoo. Madalas, napagkakamalan ng mga turista na tour guide ang mga taong nagkukuwento tungkol sa Bibliya, kaya naman tutok na tutok sila sa pakikinig sa mga kapatid.

May mga sister na nangangaral sa tren. Bumibili sila ng balikang tiket na biyaheng Tartu hanggang Tallinn. Sa loob ng walong oras, nakakausap nila ang maraming pasahero at naibabahagi ang mabuting balita.

“Ipinapanalangin ko na magkaroon sana ako ng study,” ang sabi ni Maria Pasechnick na dating taga-Kazakhstan at lumipat sa Estonia. Pagkatapos, ipinasiya niyang mangaral sa tuwing pipila siya nang ilang oras para bumili ng pagkain.

“Minsan, habang nakapila,” ang dagdag ni Maria, “kinausap ko ang isang babae at unti-unting ibinaling ang usapan sa Bibliya. Hindi siya gaanong interesado. Pero bago siya umalis, ipinakilala niya ako sa mga kasama niya. Kinausap ko sila at nakapagpasimula ako ng apat na pag-aaral sa Bibliya. Isa sa kanila ay naging Saksi at tapat pa ring naglilingkod kay Jehova.”

Kahit saan, maraming lingkod ni Jehova ang hinahangaan dahil sa kanilang pagiging huwaran sa trabaho. Halimbawa, sinabi ng kinatawan ng Partido Komunista sa isang planta ng kuryente na hindi na kailangan ng kompanya si Leonhard Nilsk dahil relihiyoso siya. Pero tumutol ang isang manedyer sa planta at sinabi, “Mas pipiliin pa ba natin ang mga Komunista pero lasenggo’t tatamad-tamad kaysa sa isang taong relihiyoso nga, mapagkakatiwalaan naman?” Ipinagtanggol din si Leonhard ng mga katrabaho niya dahil sa kaniyang magandang reputasyon. Kaya natigil din ang isyu. Halatang nagpapalapad lang ng papel sa mga nakatataas na opisyal ng partido ang kinatawang iyon. Nang matapos ang rehimeng Komunista sa Estonia, siya man ay natanggal sa trabaho.

PAGPAPATOTOO SA ILALIM NG PAGBABAWAL

“Noong nag-aaral pa ako,” ang sabi ni Lembit Reile, miyembro ng Komite ng Sangay sa Estonia, “maingat akong nagpapatotoo sa mga kaklase ko. Isinasama ko nga sa bahay ang isa sa kanila at mataktikang nangangaral sa kaniya. Mula nang magtapos ako, hindi ko na siya nakita sa loob ng mga 20 taon. Kamakailan, nagpahayag ako sa isang kongregasyon sa bayan namin, at hulaan n’yo kung sino ang isa sa mga nakinig—ang kaeskuwela ko! Study na siya ng mga Saksi, at di-nagtagal pagkatapos ng pagkikitang iyon, nabautismuhan siya! Ang saya-saya ko!”

Dahil bawal ang gawain, kailangang maging maingat sa pangangaral ang mga kapatid. Ganito ang paliwanag ng isang elder: “Inoobserbahan muna namin kung sino ang puwede naming makausap. Dapat kaming mag-ingat na mabuti kapag nakikipag-usap sa mga estranghero. Madalas, nahahalata namin kung ang isa ay impormante ng KGB. At kapag napakadaldal o napakaingay ng isa, nagsususpetsa kami. Mas mabuting makipag-usap sa isa na hindi gaanong makuwento. Kadalasan nang kinakausap namin ang mga hindi sumusuporta sa gobyernong Komunista dahil mas bukás ang isip nila.”

NAKAPAGPAPATIBAY NA PAGKIKITA SA PARKE

Ipinadala ng Lupong Tagapamahala ang isa sa mga miyembro nito na si Lloyd Barry, kasama si Viv Mouritz mula sa sangay sa Finland, para makipag-usap kay Adolf Kose na nangangasiwa ng gawain sa Estonia. Palihim silang nagkita sa isang parke sa Leningrad (St. Petersburg ngayon).

“Noong una, atubiling makipag-usap si Brother Kose,” ang sabi ni Brother Mouritz. “Kunwari’y nagbabasa siya ng diyaryo habang kinakausap namin siya. Pero di-nagtagal, ibinaba rin ni Adolf ang diyaryo at nagkuwento na.”

“Inimbitahan namin siyang kumain pero tumanggi siya,” ang sabi ni Brother Barry. “Sinabi niyang mas mabuting asikasuhin na lang namin kung ano ang dapat asikasuhin.”

Nang sabihin ni Brother Kose ang tungkol sa matinding pag-uusig at pagbabawal na dinaranas ng mga Saksi sa Unyong Sobyet, pinatibay siya nina Brother Mouritz at Brother Barry. “May mga pagsubok din kami,” ang sabi nila. “Kung titingnan, parang simple lang ang mga iyon, pero ang totoo, mas delikado! Napapaharap kami sa maraming tukso na hindi ninyo nararanasan, at mas maraming kapatid sa Kanluran ang nawawala sa katotohanan kaysa dito sa inyo.”

Napapanahon at nakapagpapatibay kay Brother Kose ang pagdalaw na iyon. Noong bandang huli na lang niya nalaman na miyembro pala ng Lupong Tagapamahala ang kausap niya. Ang pampatibay na ito mula sa organisasyon ni Jehova ay masaya niyang ibinahagi sa mga kapatid na tapat pa rin sa kabila ng paniniil.

“Damang-dama namin ang kalagayan ng mga kapatid sa Unyong Sobyet,” ang isinulat ni Brother Barry nang maglaon. “Natutuwa kami at nakilala namin si Brother Kose. Kinamayan niya kami at niyakap nang mahigpit bago kami naghiwa-hiwalay.”

NANINDIGAN ANG MGA KABATAANG ESTUDYANTE

Ang mga kabataang lingkod ni Jehova ay ginipit na sumuporta sa pulitikal na mga organisasyon. Hinikayat din silang gumawa ng iba pang bagay na labag sa kanilang budhing sinanay sa Bibliya.

“Isang araw, nang estudyante pa lang ako,” ang naaalala ni Ester Tamm, “sinabihan ang lahat sa klase na pumunta sa harapan at pumirma sa sulat ng pagbati para sa kaarawan ng diktador na si Joseph Stalin.”

Tumayo si Ester pero hindi siya pumunta sa harapan. Sa halip, magalang niyang sinabi na hindi siya pipirma sa sulat. Nagalit ang titser. Pero ang nakakagulat, sumang-ayon ang ilang estudyante kay Ester at matapang na sinabing hindi rin sila pipirma. Kaya nanahimik na lang ang titser.

Isyu rin ang pagsusuot ng pulang panyo sa leeg bilang pagsuporta sa Komunismo. Ang mga tumatangging magsuot nito ay tinatakot na bibigyan ng mababang grade o iba pang parusa. Hindi nakipagkompromiso ang ating mga kabataan. Para silang si Daniel at ang tatlo niyang kasamang Hebreo sa sinaunang Babilonya.—Dan. 1:8.

PANAHON NG PAGBABAGO

Dahil 7 porsiyento lang ng mga taga-Estonia ang panig sa Partido Komunista, karamihan ay hindi sang-ayon sa sistemang Sobyet. Ang mga opisyal sa Estonia ay hindi laging sumusunod sa mga patakaran ng Moscow, at ang ilan ay tumutulong pa nga sa mga Saksi. Halimbawa, noong 1985, isang opisyal ang nagpayo kay Lembit Toom: “Lider ka ng mga Saksi, ’di ba? Kapag may pulong kayo, huwag n’yong itapat ng pista opisyal.”

“Sige, sasabihin ko ’yan sa mga kasamahan ko,” ang sabi ni Lembit. Naiinsulto pala ang KGB kapag nagpupulong ang mga Saksi tuwing pista opisyal. Lumilitaw na hayag na hayag ang mga pulong, kaya nag-adjust ang mga kapatid gaya ng iminungkahi sa kanila.

Noong 1986, ipinatupad ng Unyong Sobyet ang patakaran nitong perestroika, o pagbabago. Hinimok ng Lupong Tagapamahala ang mga kapatid na samantalahin ang pagbabagong ito para magsaayos ng mga kombensiyon sa Silangang Europa. Hindi makapaniwala ang mga kapatid sa Unyong Sobyet na magiging malaya ang gawain bago ang Armagedon. Sariwa pa sa isip nila ang kanilang pinagdaanan, at posible pa ring halughugin ang bahay nila anumang oras.

HINILINGANG MAGPAHAYAG SA PUBLIKO

Dahil sa higit na kalayaan, parami nang parami ang naging interesado sa relihiyon at sa Bibliya. Gustong malaman ng mga tao ang tungkol sa paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, at iba’t ibang institusyon ang nag-anyaya sa mga brother na ipaliwanag sa publiko ang ating mga paniniwala.

Minsan, nakaiskedyul magpahayag si Lembit Reile sa isang grupo. Nang araw na iyon, habang nag-aahit si Ainar Ojarand, ang nag-iskedyul ng pahayag, narinig niya sa radyo ang isang patalastas: “Ngayon sa Sakala Center, magkakaroon ng isang pahayag na pinamagatang ‘Ano ang Itinuturo ng Bibliya?’” Aba, iyon ang pangunahing conference center sa Tallinn, at doon madalas nagmimiting ang Partido Komunista! Halos mabitawan ni Ainar ang pang-ahit niya! Hindi niya sukat-akalaing mas marami palang makakapakinig sa pahayag. Nalaman na lang ito ni Lembit nang magkita sila sa hintuan ng bus.

“Ang dami-daming tao,” ang naaalala ni Lembit. “Hindi pa ako nakakapagpahayag sa ganoon karaming tao. Hindi pa nga ako nakakagamit ng mikropono ni nakakatayo sa entablado. Matapos ang isang maikling panalangin, naalala ko si Pablo sa Areopago at nakaisip ako ng isang introduksiyon. Dahil karamihan sa mga tagapakinig ay vegetarian, nagsimula ako sa pagsasabing prutas at gulay lang ang ibinigay ng Diyos na pagkain sa unang mga tao. Pinayagan lang silang kumain ng karne pagkatapos ng Baha.”

Mukhang epektibo ang introduksiyon. Pagkatapos ng pahayag, pumila ang mga tao para ibigay ang kanilang pangalan at adres upang makakuha ng literatura kapag mayroon na. Sa paglipas ng mga taon, maraming brother ang nagpahayag sa mga aklatan, paaralan, at cultural center sa harap ng napakaraming tao. Kaya naman maraming taong matuwid ang tumanggap ng katotohanan.

ABALA SA GAWAIN

Noong 1989, nagkaroon ng higit na kalayaan sa relihiyon ang mga lingkod ni Jehova sa Unyong Sobyet, kaya nakadalo ang ilang kapatid sa kombensiyon sa Poland. Ano ang naramdaman ng mga delegado matapos ang maraming taóng pagbabawal?

“Napakasaya!” ang sabi ni Ella Toom. “Hindi namin napigilang umiyak! Para sa amin, talagang espirituwal na paraiso ang kombensiyong iyon.”

“Maaga kaming dumating sa Poland, kaya nakadalo pa kami ng pulong sa Kingdom Hall,” ang naaalala ng isa pang sister. “Napaiyak ako nang makita kong nagdadatingan ang mga kapatid. Noon lang kasi ako nakapasok ng Kingdom Hall.”

Nang taóng iyon, dumalaw sa buong Unyong Sobyet sina Theodore Jaracz at Milton Henschel ng Lupong Tagapamahala, kasama si Willi Pohl mula sa sangay sa Alemanya. Gusto nilang mapatibay ang mga kapatid at mas maintindihan ang kanilang sitwasyon. Mabilis na nagbabago ang panahon, at dapat samantalahin ang patakarang perestroika ng Unyong Sobyet. Panahon ito para muling organisahin ang gawaing pang-Kaharian, at ang unang dapat asikasuhin ay ang pagsasalin ng mga literatura.

Mula 1983, si Toomas (Tom) Edur, dating manlalaro ng hockey at may lahing Estonian, ay nagsasalin ng literatura sa wikang Estonian sa sangay sa Canada. c Noon, ang pangunahing nakakabasa ng mga publikasyong iyon ay ang mga Estonian na nakatira sa ibang bansa. Pero noong 1990, nang nagiging malaya na ang gawain sa Estonia, si Toomas at ang asawa niyang si Elizabeth ay inatasan sa sangay sa Finland para tumulong sa pagsasalin ng ating literatura sa wikang Estonian. Di-nagtagal, inilipat sila sa Estonia.

Bago nito, magkakahiwalay na nagtatrabaho ang mga tagapagsalin. Lumilitaw na mas maganda kung magkakasama sila. Kaya sa bahay ni Lembit Toom sa Tartu nagsalin ang ilan. Kaso, halos imposibleng makabili ng mga computer sa Unyong Sobyet, kaya kulang sila sa gamit at hindi makapagtrabahong mabuti. Buti na lang at may dalawang computer na iniuwi ang isang brother na bumisita sa sangay sa Estados Unidos. Ang problema, iilan lang ang marunong mag-computer at gumamit ng Multilanguage Electronic Phototypesetting System (MEPS). Pero desidido silang matuto, at di-nagtagal, mahusay na sila.

ISA PANG MASAYANG KOMBENSIYON SA IBANG BANSA

Habang humihina ang kontrol ng Sobyet sa Silangang Europa, nagiging mas malaya ang mga tao. Sa katunayan, mga 200 kapatid sa Estonia ang nabigyan ng visa para makadalo sa “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon sa Helsinki, Finland noong Hunyo 1990.

Pagdating sa Finland ng mga delegadong Estonian, ang mga kapatid na Finnish ay nagpalakpakan, na tumagal nang mga kalahating oras! Nag-usisa ang mga di-Saksi; gusto nilang malaman kung sinong mga sikat ang dumating. Aba, nagbago ang ihip ng hangin! Ang mga kapatid nating ilang dekadang pinagmalupitan ng mga awtoridad ng Sobyet ay sinasalubong ngayon na parang mga kampeon sa Olympics!

Sabik ang mga kapatid na Estonian na makapakinig ng bahagi ng programa at makakuha ng mga bagong literatura sa sarili nilang wika! “Nang mahawakan namin sa unang pagkakataon ang isang brosyur sa Estonian,” ang sabi ng isang matagal nang Saksi, “parang mamahaling alahas ang hawak namin.”

Lalo pang nanabik ang mga delegado ng Estonia nang mapakinggan nila ang patalastas sa huling pahayag. Sinabi ng tagapagsalita na inaprubahan ng Lupong Tagapamahala ang pag-iimprenta ng apat-na-kulay na Bantayan sa wikang Estonian, at na pasimula Enero 1991, lalabas ito nang dalawang beses sa isang buwan kasabay ng edisyong Ingles! Nagtayuan ang mga tagapakinig at matagal na nagpalakpakan. Pagkatapos nito, may nagtanong: “Isang magasin pa rin po ba bawat grupo? O bibigyan ang bawat isa?” Hindi sila makapaniwala nang sabihing bibigyan sila ng tig-iisang kopya, kaya nagpalakpakan uli sila.

Naging abala ang sangay sa Finland sa pag-iimprenta ng mga literatura sa wikang Estonian, pati na ng mga lumang isyu mula 1990. Bukod sa espirituwal na tulong, nakatanggap din ang mga Saksing Estonian ng mga relief mula sa mga kapatid sa iba’t ibang bansa at ipinamahagi rin nila ang mga iyon. Kailangang-kailangan nila ito lalo pa’t bagsak ang ekonomiya ng bansa.

KOMBENSIYON MATAPOS ANG PAGBABAWAL

Sinamantala ng organisasyon ni Jehova ang kalayaan sa relihiyon para makapagsaayos ng malalaking kombensiyon sa buong Unyong Sobyet. Tuwang-tuwa ang mga kapatid na unang makapagdaos ng “Mga Umiibig sa [Makadiyos] na Kalayaan” na mga kombensiyon sa Tallinn noong Hulyo 13-14, 1991!

Napakasaya ng ilan sa mga delegadong may-edad. Bakit? Dahil 1940 pa nang huli silang malayang makapagkombensiyon sa Estonia. Ganoon na lang sila kasaya na muling makapagsama-sama matapos ang mahigit 50 taon!

Dumating sa Tallinn Linnahall (City Concert Hall) ang mga kapatid na nagsasalita ng Russian mula sa hilagang-kanluran ng Unyong Sobyet, mga bansa sa Baltic, at Kaliningrad. Halos 1,000 naman ang nagtipon sa kalapít na Jäähall (Ice Hall) para sa sesyon sa wikang Estonian. Lahat-lahat, 4,808 ang dumalo. Tiyak na nakapagpagalak sa kanila ang 447 nabautismuhan!

Malaki ang naitulong ng gayong mga kombensiyon para matuto ng katotohanan ang mga tao. Halimbawa, ang lola ni Leonhard Nilsk na si Amalie ay miyembro ng simbahang Adventist pero nag-aalinlangan sa mga turo nito. Hinimok siya ni Leonhard na suriin ang katotohanan mula sa Bibliya. Nabuo lang ang desisyon ni Amalie nang dumalo siya sa kombensiyon sa Tallinn noong 1991. Ikalawang araw pa lang, sinabi na ni Amalie na hindi na siya babalik sa simbahan nila. Hindi sapat kay Amalie ang mga sinabi ni Leonhard—kailangan pala niyang aktuwal na makita ang bayan ni Jehova. Pumayag siyang mag-aral ng Bibliya at di-nagtagal ay nabautismuhan.

NATUPAD NA PANGARAP

Kahit wala nang banta ng pag-uusig at pagsalansang, hindi pa rin makapaniwala ang ilang lingkod ni Jehova na talagang malaya na ang kanilang pagsamba. Halimbawa, isang matagal nang elder ang nangangarap na balang-araw ay magkakaroon sa wikang Estonian ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Noong 1991, ito ang kauna-unahang aklat natin na naimprenta sa Estonian sa panahon ng perestroika.

“Parang panaginip lang na hawak ko ang aklat na ito,” ang sabi ng elder. “Hindi ko mapigilang umiyak nang ipatalastas ko ito sa pulong. Tumahimik ang lahat, hindi kasi sila makapaniwala sa narinig nila. Tapos, naiyak sila sa tuwa! Hinding-hindi namin iyon makakalimutan. Tuwing maaalala ko iyon, naiiyak pa rin ako.”

Madalas, pakiramdam ng mga kapatid, “tulad [sila] niyaong mga nananaginip.” (Awit 126:1-6) Matapos ang maraming taon ng hirap, kitang-kita nila ngayon na totoo ang pangako ng Salita ng Diyos: “Sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—Gal. 6:9.

ISANG MASAYANG TEOKRATIKONG PANGYAYARI

Oktubre 31, 1991—isang petsa na hindi malilimutan ng mga kapatid sa Estonia. Noon opisyal na nairehistro ang kauna-unahang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Estonia.

Panahon na para sa muling pag-oorganisa. Napakaraming interesado, at deretsong sinasabi ng mga tao na gusto nilang matuto tungkol sa Bibliya at relihiyon. Kailangan silang maturuan. Kailangang magsaayos ng mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Kailangan din ng pasilidad ng mga tagapagsalin para sa kanilang dumaraming trabaho.

Samantala, nagdadatingan na ang mga misyonero mula sa Gilead, at kailangang makahanap ng mga missionary home. Kailangan silang tulungan sa kanilang mga visa at sa pagkuha ng permit para makapanirahan doon. Kailangang ipakipag-usap sa mga opisyal ng gobyerno ang tungkol sa neutralidad. At kailangan ding makakuha ng permit sa pagpapatayo ng mga Kingdom Hall.

“Lumipas ang mga taóng iyon na parang ilang buwan lang dahil sa dami ng teokratikong gawain na kailangang asikasuhin,” ang sabi ni Reino Kesk, tagapangasiwa ng sirkito noon. “Talagang napakasaya namin! Nagustuhan ng mga tao ang katotohanan at tinanggap nila ito agad. Maraming gustong magpabautismo sa bawat kongregasyon. Hindi man gaanong pamilyar sa mga Saksi ni Jehova, nasiyahan ang mga interesado sa kombensiyon at gusto na agad magpabautismo. Napakaraming dapat gawin para matulungan sila!”

Noong nasa ilalim ng Sobyet ang Estonia, ang pangangaral ay pinangangasiwaan ng tanggapang pansangay sa Alemanya. Sa tulong ng sangay sa Finland, naging posible ang palihim na komunikasyon ng dalawang bansang ito. Pero ngayong bukás na ang mga border at malaya na ang komunikasyon, ang sangay na sa Finland ang nangasiwa sa Estonia noong 1992.

SABIK AT MASIGASIG!

Dahil sa dami ng baguhang gustong maging di-bautisadong mamamahayag, isang hamon na maasikaso silang lahat. Halimbawa, noong umaga ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo, dumalaw si Tom Edur sa isang maliit na grupo na kabubuo pa lang. Pero nagulat siya nang napakaraming dumating para lumabas sa larangan.

“Kilala mo ba silang lahat?” ang tanong ni Tom sa isang brother na tagaroon.

“Ang ilan po sa kanila ay hindi pa mamamahayag,” ang sagot ng brother.

Pinangasiwaan ni Tom ang pagtitipon para sa paglilingkod, at saka sinabi: “Puwede ko sigurong kausapin pagkatapos ang mga hindi pa mamamahayag.”

Mga sampung Bible study ang nakipag-usap sa kaniya at sinabing gusto na nilang mangaral. Matapos talakayin ni Tom ang mga pangunahing kuwalipikasyon para maging di-bautisadong mamamahayag, tatlo sa mga kabataang babae ang umamin na kaanib pa sila sa ibang relihiyon. Ipinaliwanag ni Tom na kung gusto nilang maging Saksi ni Jehova, kailangan nilang kumalas sa kanilang relihiyon. At gayon nga ang ginawa nila! Agad silang nagpunta sa kanilang simbahan at pinatanggal ang kanilang mga pangalan, at saka sumama sa pangangaral.

Isa sa mga lalaking naroroon sa pagtitipon para sa paglilingkod ang naninigarilyo pa pala. Panahon ang kailangan para maitigil niya ang kaniyang bisyo. Kaya umuwi siya at nangakong balang-araw ay magiging mamamahayag siya.

Ngayong puwede nang mangaral ang mga kapatid nang hindi pinagbabawalan ng gobyerno, ganadung-ganado silang mangaral sa lahat. Sa sobrang sigla ng ilan, kailangan silang tulungan para maging timbang sa espirituwal. Halimbawa, nang nirerepaso ang isang kabataang kandidato sa bautismo, tinanong siya ni Tom Edur kung napayuhan na ba siya ng mga elder.

“Opo,” ang sabi ng kabataan, “pinayuhan ako ng mga elder na balansehin ko ang paggamit ng panahon.”

“Bakit, ano ba’ng problema?” ang tanong ni Tom.

“Nag-uulat po ako ng 150 oras buwan-buwan,” ang paliwanag ng kabataan, “kaso napapabayaan ko naman po ang ibang espirituwal na gawain. Pinayuhan nila ako na kung 100 oras lang ang gugugulin ko sa ministeryo, makakapag-personal study ako at makakapaghanda sa pulong.”

MASAYANG KOMBENSIYON SA RUSSIA

Isa pang mahalagang pangyayari ang internasyonal na kombensiyon noong Hunyo 1992 sa St. Petersburg, Russia. Mga 1,000 ang delegado mula sa Estonia. At para sa marami sa kanila, isa itong masayang pagkakataon na makitang muli ang mga nakasama nila sa bilangguan at ang iba pang Saksing nakilala nila nang ipatapon sila sa Siberia.

“Ang galíng ng iskedyul ng kombensiyon,” ang sabi ng isang delegado. “Ang mura ng arkila namin sa tren; ruble ang perang ibinayad namin. Tapos, isang linggo bago ang kombensiyon, biglang pinalitan ng kroon ang pera ng Estonia. Kung wala kami sa Estonia nang mismong linggong iyon, hindi sana kami makakapagpapalit ng pera. ’Yun nga lang, hindi kami pinayagang ipapalit ang lahat ng pera namin. Ano na ang gagawin namin sa iba pa naming ruble? Dahil iyon pa rin ang pera sa Russia, dinala ito ng mga kapatid sa kombensiyon at inihulog sa mga kahon ng donasyon. Kung nahulí naman nang isang linggo ang kombensiyon, napakalaki ng babayaran namin sa visa dahil nang linggong iyon nagkaroon ng bagong patakaran sa border. Tamang-tama talaga ang iskedyul ng kombensiyon!”

Isa sa mga naantig ng makasaysayang kombensiyong iyon ay ang interesadong babae na sumama sa biyahe ng mga Saksi mula sa Estonia. “Nagkamali ako ng intindi kung anong oras ang alis namin,” ang sabi niya. “Pagdating ko sa istasyon, nakaalis na ang tren. Pero nakabayad na ako ng pamasahe. Ano na’ng gagawin ko? Nanalangin ako kay Jehova na tulungan niya ako at sinabi kong gagawin ko ang lahat makadalo lang.

“Sinabi ng nangangasiwa sa istasyon na kailangan ko uling bumili ng tiket para makasakay ng tren, pero kulang na ang pera ko! Mayamaya, isang grupo ang dumarating. Ang sasaya nila at bihis na bihis! Mga Saksi sila mula sa isla ng Sarema. Hindi pa dumarating ang tren nila, at puwede ang tiket ko sa biyahe nila. Buti na lang!

“Sa biyahe, kumakanta ang mga Saksi ng mga awiting pang-Kaharian at labis akong naantig nito. Pakiramdam ko, bahagi talaga ako ng kanilang espirituwal na pamilya. Kasama nila ako sa buong kombensiyon. Nakita kong totoong tao sila at may malasakit. Mas kumbinsido ako ngayon na ito na nga ang organisasyon ng Diyos dito sa lupa.” Siya at ang mister niya ay regular pioneer na ngayon.

KAILANGAN PA NG MGA BOLUNTARYO

Ang bilis ng pagsulong ng organisasyon at ng gawaing pangangaral. Kailangan ng mas maraming brother na makaranasan sa pangangasiwa. Sino ang puwede? Tulad ni Isaias, marami ang nagsabi: “Narito ako! Isugo mo ako.”—Isa. 6:8.

Dumating noong 1992 ang unang apat na misyonero mula sa Gilead na sina Vesa at Leena-Maria Edvik, pati sina Esa at Jaael Nissinen. Inatasan din sa Estonia sina Reino at Lesli Kesk, na 17 taon nang nasa gawaing paglalakbay sa Canada. At noong tagsibol nang 1993, 20 payunir mula sa Finland ang naatasan bilang mga special pioneer sa mga teritoryong ang wika ay Estonian at Russian. Apat pang misyonero ang dumating.

Pagkatapos nito, nagpadala rin ng masasaya at masisigasig na misyonero mula sa ilang magkakasunod na klase ng Gilead. Nagpadala rin ng ilang misyonero na hindi nagtapos sa Gilead. Ipinagpatuloy ng lahat ng mga kapatid na ito ang sinimulan ng tapat na mga Saksing Estonian noong nakalipas na mga dekada.

Bukod diyan, mga 200 kapatid mula sa ibang bansa ang dumating para tumulong. Dahil sa kanilang mahusay na espirituwalidad, napatibay nila ang mga kapatid. Maraming naitatag na kongregasyon, at mga banyagang brother lang ang mga elder sa ilang kongregasyon, hanggang sa naging kuwalipikado na rin ang mga brother na tagaroon.

Isa sa mga nagboluntaryo ay si Lembit Välja. Ipinanganak siya sa Estonia, nakaligtas sa Digmaang Pandaigdig II, lumipat sa Australia at doon naging Saksi. Bago magretiro, bumalik siya sa Estonia noong 1990 para matulungan ang maraming interesado. Ayon sa kaniya, may pagkakataong 18 grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang pinupuntahan niya. Lahat-lahat, mga 80 katao sila, at dinadalaw niya ang mga ito sakay ng bus. May dala siyang sleeping bag at madalas na sa istasyon ng bus natutulog. Mahigit 50 study niya ang nabautismuhan. At kahit ngayong 84 anyos na, mayroon pa rin siyang apat na Bible study. Nagbunga ang kaniyang pagsisikap at pagsasakripisyo—mayroon na ngayong masulong na mga kongregasyon at mga Kingdom Hall sa karamihan ng mga bayang dinalaw niya.

Nakinabang din kahit ang mga nagboluntaryong kapatid. Sinabi ng marami sa kanila na napakagandang karanasan na makilala ang mga tagaroon at matutuhan ang kanilang paraan ng pamumuhay. “Lalawak ang pananaw mo,” ang sabi ni Reino Kesk, “at matutulungan ka nitong tingnan ang mga bagay-bagay kung paano ito nakikita ni Jehova.”

UNANG DALAW NG MGA TAGAPANGASIWA NG SIRKITO

Kasabay ng mabilis na pagsulong, malaki ang nagawa ng pagdalaw ng mga naglalakbay na tagapangasiwa para mapatibay ang mga kongregasyon. Buhos na buhos ang mga tagapangasiwa ng sirkito sa kanilang atas, at madalas na 15 oras ang ginugugol nila bawat araw sa pangangaral, pagdalo at pangangasiwa sa mga pulong, at pagsagot sa mga tanong ng mga kapatid.

Ang unang sirkito ay binubuo ng Estonia, Latvia, Lithuania, at Kaliningrad. Mayroon doong 46 na kongregasyon at 12 grupo, sa apat na wika! Ang tagapangasiwa ng sirkito ay may iba pang atas na nangangailangan ng malaking panahon, gaya ng pagpaparehistro ng gawain sa Latvia at Lithuania. Ngayon, apat na ang sirkito sa Estonia.

“Gustung-gusto ng mga mamamahayag ang dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito,” ang naaalala ni Lauri Nordling, isang brother na tagaroon at tagapangasiwa ng sirkito noong 1995. “Madalas na siksikan kami kapag nagtitipon para sa paglilingkod. Minsan, mga 70 kapatid ang nagkasya sa isang maliit na apartment. Kung maghahagis ka nga ng mansanas, hindi man lang ito sasayad sa sahig.”

MGA HAMON SA PAG-AARAL NG WIKA

Isang hamon para sa marami ang matuto ng ibang wika, at talagang mahirap matutuhan ang Estonian. Halimbawa, ang bagong misyonerong si Markku Kettula ay nakipag-usap sa isang lalaki tungkol kay Jesu-Kristo. Sa halip na sabihing si Jesus ay ang Rahuvürst, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ilang ulit niyang sinabing si Jesus ang rahuvorst—ang longganisa ng kapayapaan. Nang buksan ni Markku ang Bibliya sa Isaias 9:6, saka lang naintindihan ng naguguluhang lalaki na hindi pagkain ang talagang pinagmumulan ng kapayapaan!

Isang sister na payunir ang nag-aral ng Russian matapos lumipat sa Estonia. Habang nangangaral, di-sinasadyang nakatok niya ang pinto ng bahay ng isang elder na hindi niya kilala. Gamit ang diksyunaryo, sinimulan niya ang kaniyang presentasyon. Sinubukang ipaliwanag ng brother na isa siyang elder. Agad niyang tiningnan ang salitang “elder” at nakita ang salitang “may-edad o matanda.”

“Ay, hindi naman po kayo ganoon katanda!” ang sabi ng sister. “At saka babata po kayo uli sa Paraiso.” Naintindihan lang ng sister na ang ibig sabihin pala ng brother ay elder, at hindi matanda, nang ipakita nito sa kaniya ang ating mga publikasyon.

NATUTO NG KATOTOHANAN ANG ISANG ATEISTANG HUKOM

Noong namamahala ang Sobyet, nasentensiyahan si Viktor Sen ng dalawang-taóng pagkabilanggo dahil sa pagtangging magsundalo. Pagkaraan ng isang taon sa kulungan, umapela siya na maging tapon sa Siberia, para malayang makapanirahan doon. Sa paglilitis para sa kaniyang parol, kumukulo ang dugo ng mga hukom sa galit. Sinabi pa nga ng isa na ang mga taong gaya niya ay dapat bitayin o barilin.

Makaraan ang ilang taon, sa isang kombensiyon, ipinakilala ng isang brother si Viktor sa isang grupo ng mga interesado at tinanong siya, “Viktor, may kilala ka ba sa kanila?”

“Wala,” sagot ni Viktor.

“Ganun?” tanong ng brother. Itinuro ng brother ang isang lalaki sa grupo na halatang hiyang-hiya, at nagtanong, “Siya, hindi mo kilala?”

Hindi pa rin namukhaan ni Viktor ang lalaki. Laking gulat ni Viktor! Ang lalaki pala ay si Yuri, isa sa mga hukom na naroon sa pagdinig sa kaniyang parol. Nag-aaral na ito ng Bibliya at ngayo’y dumalo ng kombensiyon gaya ni Viktor. Bakit nagbago ang tingin ni Yuri sa mga Saksi ni Jehova?

“Lumaki ako sa pamilyang ateista,” ang paliwanag ni Yuri. “Noong estudyante ako, madalas akong magtalumpati tungkol sa panganib ng relihiyon. Pero makaraan ang ilang taon, sumama ako sa pagba-Bible study ng mga kaibigan ko sa mga Saksi. Noon ko naisip na bagaman alam ko ang mga kasinungalingan ng mga relihiyon, wala naman talaga akong alam sa Bibliya. Kaya nagkainteres akong pag-aralan ito.”

Nang bautisado na si Yuri, sinabi niya kay Viktor: “Noong huli tayong magkasama sa korte, magkalaban tayo. Pero kung mauulit iyon, magkakampi na tayo! Hinding-hindi na ako ang sesentensiya sa iyo.” Si Yuri at Viktor ay mga elder ngayon sa Tallinn.

DI-MALILIMUTANG MEMORYAL

Isang brother na bagong lipat sa Estonia ang lumapit kina Pavel at Margarita, at sinabi sa pabarok na Estonian, “Kung gusto ninyong mabuhay nang walang hanggan, pumunta kayo ngayong gabi sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo.” Nagkainteres ang mag-asawa kaya pumunta sila.

Sa Memoryal, malugod na tinanggap sina Pavel at Margarita. Pero nang magsimula na, medyo kinabahan sila nang makita ang isang lalaki na palakad-lakad sa gitna ng hall at may isinusulat. Hindi nila alam na binibilang lang ng lalaking iyon kung ilan ang dumalo. Napaisip tuloy sila kung tama ba talagang nagpunta sila. Pero natatakot naman silang umalis dahil parang nagbabantay ang dalawang malalaking lalaki na nasa pinto. Palibhasa’y wala silang kaalam-alam na mga attendant lang iyon, minabuti nina Pavel at Margarita na huwag na lang umalis.

Sa pagtatapos ng pahayag sa Memoryal, naging interesado sina Pavel at Margarita nang sabihin ng tagapagsalita na maaaring humiling ng libreng pag-aaral sa Bibliya ang sinumang dumalo. Napanatag sila nang magiliw na magpakilala ang mga kapatid, kaya humiling sila ng pag-aaral sa Bibliya. Dahil dalawang linggo na lang at lilipat na sila ng bahay, itinanong nila kung puwede silang mag-study araw-araw. Nang makalipat na, tinawagan nila agad ang mga kapatid sa malapit, nagpakilala, at nagpatuloy sa pag-aaral ng Bibliya.

‘MGA SAKSI NG INYONG MAIINAM NA GAWA’

Gaya ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, ang mga kapatid sa Estonia ay nagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 13:35) Napapansin ito ng iba at naaakit sa tunay na pagsamba.—1 Ped. 2:12.

Si Toivo ay nakatanggap ng aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos mula sa sister na gumupit ng buhok niya sa isang barberya. Matapos niya itong basahin, gusto na niyang dumalo sa Kingdom Hall. Pero bantulot siya dahil may nagsabi sa kaniya na mag-ingat sa mga Saksi. Kaya mula sa kaniyang kotse, inobserbahan niya sila bago at pagkatapos ng pulong sa Kingdom Hall para malaman kung ano talagang uri sila ng mga tao.

Humanga siya nang makita kung paano magyakapan ang mga sister; kitang-kita niya ang malasakit sa isa’t isa ng mga taong ito. Kaya dumalo na siya sa mga pulong at nagpa-Bible study. Mabilis siyang sumulong at di-nagtagal ay masigasig na nangaral sa iba. Bautisado na siya ngayon.

“SINAGOT NI JEHOVA ANG PANALANGIN KO!”

Noong 1997, sa maliit na nayon ng Tootsi, nabigyan si Maria ng kopya ng Kingdom News Blg. 35. Binasa niya ito at sumulat sa tanggapang pansangay para sa pag-aaral ng Bibliya. Di-nagtagal, nakipag-aral siya kina Markku at Sirpa Kettula, mga misyonerong nakatira sa Pärnu. Hindi pa natatagalan at nangaral na si Maria sa iba, at sumama na rin sa Bible study ang manugang niyang si Ingrid pati ang kapitbahay nitong si Malle. Gusto na ni Maria na sumama sa bahay-bahay, pero sinabihan siya ng mga elder na dumalo muna nang regular sa mga pulong. Kaso sa Pärnu pa ang pinakamalapit na kongregasyon, na 40 kilometro ang layo, at wala siyang pamasahe. Kaya hinimok siya ng mga misyonero na ipanalangin ito kay Jehova.

“Sinagot ni Jehova ang panalangin ko!” ang masayang sabi ni Maria nang muli siyang dalawin ng mga misyonero.

“Paano?” ang tanong nina Markku at Sirpa.

“Magtatawag ako ng mga tao sa bahay ko,” ang tuwang-tuwa niyang sabi. “Puwede kayong magpulong dito at magtatag ng kongregasyon. Kapag ganun, madadaluhan ko na lahat ng pulong, at makakalabas na rin ako.”

Ayaw ng mga misyonero na mapahiya si Maria at mawalan ng gana, kaya mabait nilang ipinaliwanag sa kaniya na hindi ganoon kadali iyon. Hinimok pa rin nila siyang dumalo sa Pärnu, kahit tuwing Linggo lang muna.

Kaya ipinanalangin uli ito ni Maria. At para makatipid, hindi na siya nagpasuplay ng diyaryo. Di-nagtagal, kasiya na ang pera niya para makadalo nang apat na beses sa isang buwan. Tuwang-tuwa siya dahil nakapagbahay-bahay na rin siya. Pero hindi lang iyan ang pagpapala kay Maria.

Dahil dumarami ang interesado sa Tootsi, isinaayos ng mga elder na magkaroon doon ng pag-aaral sa aklat, na madadaluhan nina Maria, Ingrid, Malle, at ng iba pa. Ilang buwan lang ang nakalipas, nabautismuhan na sina Maria at Malle, at nang sumunod na taon, si Ingrid. Di-nagtagal at nagpabautismo na rin ang mister ni Malle, at ang kapatid na babae naman ni Malle makaraan ang isang taon. Laking pasasalamat ng maliit pero masulong na grupo sa Tootsi na nalaman ng kanilang nayon ang katotohanan dahil sa Kingdom News Blg. 35 at na pinagpala sila ni Jehova bilang sagot sa kanilang mga panalangin.

Mabunga ang gawaing pang-Kaharian sa nakaraang dalawang dekada at nakakatuwa na maraming tapat-puso ang sumama sa organisasyon ni Jehova. Pero saan magtitipon ang mga taong ito para sumamba sa tunay na Diyos at maturuan niya?

KAILANGANG-KAILANGAN ANG MGA KINGDOM HALL!

Ang kauna-unahang ginawang pulungan ay ang nasa Räpina sa timog ng Estonia, at maraming taon itong ginamit ng mga kapatid. Pero kung sila lang ang magtutulung-tulong ngayon sa pagtatayo, maliwanag na hindi sila makakasabay sa mabilis na pagdami ng mga mamamahayag. Tumulong ang Engineering Office ng sangay sa Finland sa pagdidisenyo ng mga Kingdom Hall at mga opisina para sa mga bansa sa Baltic. Nakakagalak nga na noong 1993, naitayo ang unang Kingdom Hall sa Maardu, at agad itong nasundan ng iba pa.

Ngayon, 33 na ang Kingdom Hall sa Estonia para sa 53 kongregasyon. Masaya rin ang mga kapatid sa dalawa nilang Assembly Hall, isa sa Tallinn at isa sa Tartu, na parehong natapos noong 1998.

Natatandaan pa ng matagal nang Saksing si Alexandra Olesyuk: “Pangarap naming makapagpatayo ng Kingdom Hall sa Tartu. Kaya nang sabihan kaming hawanin ang loteng pagtatayuan nito, ako ang unang tumugon, kahit 79 na ako! Tumulong ako sa paglilinis at pagbubuhat. Tuwing napapadaan doon ang sinasakyan kong bus, napapaiyak ako sa tuwa. Umiyak din ako nang matapos ito.”

BAGONG OPISINA PARA SA PAGSASALIN

Dahil patuloy ang pagdami ng mga mamamahayag, kailangan ng mas malalaking pasilidad para maasikaso ang pangangailangan ng bansa, partikular na sa pagsasalin. May nakitang di-tapós na apartment sa Tallinn, sa 77 Herzeni Street (Puhangu ngayon) na puwedeng magamit, pero kailangan pa itong ayusin.

Ang sangay sa Finland ang nagbigay ng plano, materyales, pondo, at mga boluntaryo para sa proyekto. Paano na lang kaya kung wala sila! Noong mga panahong iyon, walang makuhang materyales sa Estonia; kung mayroon man, mahinang klase naman. Bukod diyan, iilang brother lang sa Estonia ang may alam sa konstruksiyon. Pero sinanay nang husto ang mga brother at naging bihasa sila. Pebrero 1994 nang makumpleto ang unang seksiyon ng opisina. Nang taóng iyon, inatasan ang isang Komite ng Bansa (sina Toomas Edur, Reino Kesk, at Lembit Reile) para mag-asikaso sa tatlong bansa sa Baltic sa ilalim ng pangangasiwa ng sangay sa Finland. Dahil kailangang dagdagan ang pasilidad, nagtayong muli noong 1997 at 1999.

Nagustuhan ng isang kompanya ng tubig na nasa katabing gusali ang hardin ng Bethel. Kaya kapalit ng mababang singil sa tubig, tumulong ang mga kapatid sa pagdidisenyo ng kanilang hardin, bakod, at lighting system. Mukhang Bethel tuloy ang gusali nila. Nang maglaon, ipinagbili nila sa mga kapatid ang gusaling ito sa napakamurang halaga. Ginawa itong recording studio para sa mga drama at DVD, pati na ang mga DVD ng wikang pasenyas. Inilagay din ang Ministerial Training School sa ni-renovate na bahagi ng gusali.

MGA INTERNASYONAL NA KOMBENSIYON SA TALLINN

Tuwang-tuwa ang mga kapatid sa Estonia nang malaman nilang sa bansa nila gaganapin ang “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na mga Internasyonal na Kombensiyon noong 1996. Dalawang kombensiyon sa Tallinn ang idinaos para sa mga delegadong nagsasalita ng Estonian at Russian, at para din sa mga kapatid mula sa Latvia at Lithuania. May mga delegado rin mula sa 15 pang bansa. Buwan ng Agosto ginanap ang tatlong-araw na mga programang ito. Limang miyembro ng Lupong Tagapamahala ang naroon para magbigay ng nakapagpapatibay na mga pahayag—sina Brother Barber, Henschel, Jaracz, Schroeder, at Sydlik. Lahat-lahat, umabot sa 11,311 ang dumalo, at 501 ang nabautismuhan.

Napakagandang patotoo ng kombensiyon at nakuha nito ang atensiyon ng publiko. Nagkaroon pa nga ng sampung-minutong interbyu sa isang talk show sa TV. Isinahimpapawid din ng isang may-ari ng istasyon ng radyo ang isang programa na nagsasabing “mabubuting tao” ang mga Saksi.

Kitang-kita ang mainit na pag-ibig Kristiyano ng mga delegado sa pagtatapos ng bawat kombensiyon. Ngayon, panahon na para magpaalam. Sa kaibuturan ng kanilang puso, damang-dama ng mga mananamba ni Jehova ang kaligayahan. Kumakaway sila hawak ang kanilang mga panyo at na may mga luha ng kagalakan. Ang matagal na palakpakan ng lahat matapos ang pansarang panalangin ay katunayan ng kanilang malaking utang na loob sa ating napakabukas-palad at napakamaibiging Ama sa langit, si Jehova. Talaga ngang makasaysayan ang mga kombensiyong iyon ng mga Saksi ni Jehova sa Estonia!

NAGING SANGAY MULI

May opisina sa Tallinn mula 1926 hanggang 1940. Noong 1994, nagkaroon ng Country Office sa Estonia, sa pangangasiwa ng sangay sa Finland. Malaki ang naging pagsulong, at marami ang nag-iisip kung magkakaroon muli ng sangay sa Estonia. Nasagot ito noong Marso 1, 1999, nang atasan ng Lupong Tagapamahala sina Toomas Edur, Reino Kesk (naglilingkod ngayon sa Democratic Republic of Congo), Lembit Reile, at Tommi Kauko bilang Komite ng Sangay sa Estonia. Sa ngayon, mga 50 ang naglilingkod sa sangay para sa kapakanan ng 4,300 masisipag at tapat na mga lingkod ni Jehova sa Estonia.

PAGHARAP SA KINABUKASAN NANG MAY PAGTITIWALA

Ano kaya ang naghihintay sa bayan ni Jehova sa Estonia? Hindi kailanman nagkulang si Jehova sa pag-alalay at pagpapatibay sa kaniyang tapat na mga lingkod. Oo, ang mga kapatid sa Estonia na nanatiling tapat noong panahon ng pag-uusig ng Nazi at Sobyet ay tumanggap ng lakas mula kay Jehova sa paraang natatangi at di-malilimutan. Katulad ng kanilang mga kapatid sa buong lupa, nagagalak sila na naipakilala at napabanal ang dakilang pangalan ni Jehova hanggang sa pinakamalalayong republika ng dating Unyong Sobyet.—Mal. 1:11.

Kasabay nito, marami pa ring mapagpakumbaba at taimtim na mga tao sa Estonia na nagnanais matuto tungkol sa tunay na Diyos. At dahil sa tinatamasang kalayaan sa relihiyon, pagkakataon ngayon ng mga Saksi ni Jehova na higit pang ihayag ang mabuting balita ng Kaharian ni Jehova.

[Mga talababa]

a Mababasa ang kaniyang talambuhay sa The Watchtower, isyu ng Hunyo 15, 1963, pahina 373-376.

b Ang iba’t ibang sentensiya at kalagayan sa bilangguan at kampo ay ipinaliliwanag sa 2002 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, pahina 157.

c Mababasa sa Awake!, isyu ng Pebrero 22, 1986, kung paano at bakit iniwan ni Brother Edur ang hockey.

[Blurb sa pahina 172]

“Mayroon naman ako ng lahat ng talagang kailangan ko”

[Blurb sa pahina 204]

“Mas okey sa akin kapag nababartolina ako”

[Kahon sa pahina 168]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Estonia

Lupain

Napakagandang bansa ng Estonia at maliit lang ang populasyon. Mayroon itong makakapal na kagubatan, mahigit 1,400 lawa, mga 7,000 batis at ilog, at masukal na mga latian. Ang sampung porsiyento ng bansa ay binubuo ng mahigit 1,500 isla. Patag ang kalakhang bahagi ng Estonia at halos 50 metro lang ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Napakaganda ng maburol na lupain sa timog-silangan.

Mamamayan

Binubuo ito ng 68 porsiyentong Estonian, 26 na porsiyentong Russian, at ang iba naman ay mga Ukrainian, Belarusan, at Finnish. Ang mga tao rito ay Luterano, Ortodokso, mga nag-aangking Kristiyano, Muslim, at Judio. Pero marami ang walang relihiyon o kaanib ng di-matukoy na mga relihiyon.

Wika

Ang opisyal na wikang Estonian ay kahawig ng Finnish at Hungarian. Mahigit 25 porsiyento ng populasyon ay nagsasalita ng Russian.

Pagkain

Karaniwan ang leib (itim na tinapay), patatas, atsarang kalabasa, beet salad, at burong repolyo. Mayroon ding sült (isang luto ng karne ng guya), rosolje (isda at beet), wild mushroom soup, baboy, isda, at tapa. Panghimagas naman ang pancake at kringel—matamis na tinapay na parang nakabuhol at binudburan ng pasas at nuwes.

Klima

Hindi napakainit ng tag-araw, hindi napakalamig ng taglamig. Kapag tag-araw, mahigit 19 na oras ang pinakamahabang araw, at 6 na oras lang ang pinakamaiksi kapag taglamig. Katamtaman ang temperatura sa timog-kanlurang baybayin kapag tag-araw, pero puwede itong bumaba ng -20 digri Celsius kapag taglamig.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 183, 184]

“Para Kaming Isang Pamilya”

ADOLF KOSE

ISINILANG 1920

NABAUTISMUHAN 1944

NAMATAY 2004

MAIKLING TALAMBUHAY Nakulong sa kampo sa Siberia mula 1951 hanggang 1956. Tumulong sa pag-oorganisa ng pangangaral sa mga bansa sa Baltic at hilagang-kanlurang bahagi ng Unyong Sobyet.

◼ “INARESTO ako noong 1950,” ang kuwento ni Adolf, “at pinagtrabaho sa kampo sa Inta, Siberia. Isa’t kalahating taon akong walang balita sa misis ko at dalawa naming anak na babae, na ipinatapon sa ibang lugar sa Siberia.

“Ibang klase ang pagkakaisa ng mga kapatid. Para kaming isang pamilya. Magkakasalo kami sa pagkain—literal at espirituwal.

“Pagbalik ko sa Estonia, ang daming hamon. Paano kami makikipag-ugnayan sa aming ‘Inang’ organisasyon? Paano namin mapananatili ang pagkakaisa? Paano namin itutuloy ang pangangaral?

“Gusto kong mag-aral ng Finnish para mas magkaintindihan kami ng mga mensahero. Akala ko madali lang, kaso wala namang mabiling diksyunaryo o libro sa gramatika.

“Kung pag-iimprenta ang pag-uusapan, ang magkaroon lang ng di-rehistradong makinilya ay isang krimen na, makinang pang-imprenta pa kaya! Kapag nag-imprenta ang isa ng ipinagbabawal na literatura, puwede siyang makulong nang pitong taon. Ang hirap din, kasi kulang kami ng gamit sa pag-iimprenta. Pero matapos ang maraming pag-eeksperimento, sa wakas, nakuha ko rin ang teknik. Una, gumawa ako ng pang-imprenta (ibaba). Tapos, nagmakinilya ako sa telang nilagyan namin ng wax para doon magmarka ang mga letra. Gawa sa abo at alkitran ang ginamit naming tinta. Tumatagos ang tinta sa mga marka sa tela, na siya namang bumabakat sa papel. Matrabaho ito, komplikado, at masama sa kalusugan dahil nasisinghot namin ang amoy ng tinta at ibang kemikal. Hindi maganda ang bentilasyon sa mga kuwarto kasi saradung-sarado ang mga bintana para walang makakita sa ginagawa namin.”

Kahit pa maraming hamon, walang-takot na sumunod si Adolf sa tagubilin ng organisasyon. Kumbinsido siya na laging may sagot si Jehova sa tamang panahon. Hindi nagbago ang pananampalataya at saloobing iyan ni Adolf hanggang sa mamatay siya noong 2004.

[Kahon/Larawan sa pahina 186]

Sulat Para kay Stalin

Noong Hunyo 1949, ang mga responsableng brother sa Estonia ay buong-tapang na nagpadala ng mga sulat sa mga opisyal sa Moscow. Ang isa ay para kay Joseph Stalin, at ang isa ay kay Nikolay Shvernik, ang Chairman ng Presidium ng Supreme Soviet.

Sa mga sulat, sinabi ng mga brother na dapat palayain agad ang inarestong mga Saksi ni Jehova at na tigilan na ang pang-uusig sa mga Saksi. Mariin ding nagbabala ang mga sulat na baka maparis sila sa Paraon ng Ehipto na tumangging palayain ang mga Israelita para maglingkod kay Jehova. (Ex. 5:1-4) Tahasang sinabi ng mga brother: “Ang organisasyon ng Diyos na Jehova . . . ay hindi dapat hadlangan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova sa buong Unyong Sobyet, dahil kung hindi, tiyak na lilipulin ni Jehova ang Unyong Sobyet at ang Partido Komunista.”

“Napag-isip-isip namin na napakatapang ng mga sulat na iyon,” ang kuwento ni Adolf Kose. “Ayaw naming ihulog ang mga sulat sa Tallinn dahil baka matunton nila kami. Kaya bumiyahe pa kami sa Leningrad (St. Petersburg) para ihulog iyon doon.”

Walang nakakaalam kung nabasa mismo ni Stalin ang sulat, pero tiyak na nakatawag ito ng pansin. Nang pagtatanungin ang mga kapatid, ipinakita sa kanila ang kopya ng liham, na may nakasulat: “Dapat pawiin ang organisasyong ito!” Dahil dito, marami pang kapatid ang inaresto at lalong pinag-usig. Ang sulat na ipinadala kay Shvernik ay natagpuan sa artsibo ng bansa at may tatak ng gobyerno.

[Kahon/Larawan sa pahina 189]

Ang KGB at ang Ating Organisasyon

Noong dulo ng dekada ’40, puspusang nagsikap ang secret police na tuklasin kung paano inoorganisa ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Para may maitawid na impormasyon sa KGB, may ilang nagpanggap na interesado. Ang chart sa ibaba na natagpuan sa artsibo sa Tallinn ay nagpapakitang maraming alam ang KGB tungkol sa mga Saksi. Kasama rito ang pangalan ng mga miyembro ng Komite sa Paglilingkod na nangangasiwa sa gawain sa malalaking siyudad sa Estonia, pati na ang mga sangkot sa pag-iimprenta.

[Kahon/Larawan sa pahina 191]

Hindi Siya Napatahimik ng mga Mananalansang

ELLA TOOM

ISINILANG 1926

NABAUTISMUHAN 1946

MAIKLING TALAMBUHAY Nasentensiyahang mabilanggo—13 taon lahat-lahat. Pero napalaya makaraan ang lima’t kalahating taon.

◼ “TATLONG araw akong ibinartolina para itakwil ko ang aking pananampalataya,” ang sabi ni Ella, “upang hindi na ako umasa sa gobyerno ng Diyos o mangaral tungkol dito. Sinigawan ako ng mga opisyal: ‘Titiyakin naming makakalimutan ang pangalang Jehova sa Estonia! Ipapadala ka namin sa kampo, ang iba naman, sa Siberia!’ Nanuya pa sila, ‘Nasaan ang Jehova mo?’ Ayokong maging taksil. Mas mamatamisin ko pang nasa kampo kasama ang Diyos, kaysa nasa bahay pero walang Diyos. At kahit sa kampo, hindi ko nadamang nag-iisa ako. Sa tingin ko, ipinahintulot talaga ni Jehova na mapunta ako roon para makapangaral.

“Sa isang kampo, araw-araw kong kasabay sa paglalakad ang isang interesado. Pero minsan, hindi kami lumabas. Nalaman ko na lang na noong araw palang iyon, pinlano ng mga panatiko ng ibang relihiyon na lunurin ako sa ilog dahil sa pangangaral ko.” Hindi napatahimik si Ella ng mga mananalansang at hanggang ngayon, tapat siyang naglilingkod kay Jehova bilang regular pioneer. d

[Talababa]

d Ang talambuhay ni Ella Toom ay mababasa sa Gumising!, isyu ng Abril 2006, pahina 20-24.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 193, 194]

“Diyos na Jehova, Kayo Na Po ang Bahala”

LEMBIT TOOM

ISINILANG 1924

NABAUTISMUHAN 1944

MAIKLING TALAMBUHAY Pinag-usig sa Estonia noong pananakop ng Alemanya at ibinilanggo sa kampo sa Siberia mula 1951 hanggang 1956.

◼ ISA si Lembit sa maraming kabataang Saksi ni Jehova na tumangging sumali sa hukbo ng Alemanya, kaya kinailangan niyang magtagô. Isang gabi, pinasok ng mga pulis ang bahay na pinagtataguan niya. May nakapagsabi kasi sa kanila na isang kahina-hinalang lalaki ang namataan sa farm. Dali-daling iniligpit ni Lembit ang kaniyang higaan at hubad na gumapang sa silong. Dinig na dinig niya ang yabag ng mga pulis.

Tinutukan ng pulis sa ulo ang magsasakang may-ari ng bahay at sumigaw: “May nagtatago rito! Dalhin mo kami sa silong!” Hindi umimik ang magsasaka.

“Kapag hindi siya lumabas, maghahagis kami ng granada sa silong!” ang banta ng pulis.

Kitang-kita ni Lembit ang liwanag ng flashlight habang hinahanap nila siya. Ang magagawa na lang ni Lembit ay manalangin, “Diyos na Jehova, kayo na po ang bahala.”

“Halos mamatay ako sa takot,” ang sabi ni Lembit. “Tapos, gumapang ako para lumipat ng puwesto at lalabas na sana.”

Pero pumirmi muna siya. Pagkaraan ng nakakanerbiyos na sandaling iyon, umalis na ang mga pulis. Mga isang oras si Lembit sa puwesto niya dahil baka bumalik sila. Bago magbukang-liwayway, lumipat siya ng ibang mapagtataguan.

Nang manakop ang Sobyet, ibang pagsubok naman ang naranasan ni Lembit. “Nasentensiyahan ako ng sampung taon sa isang kampo sa Noril’sk, Siberia, 8,000 kilometro mula sa Estonia. Napakahirap ng buhay at napakabigat ng trabaho sa minahan ng nikel. Sa hilagang bahagi ng Unyong Sobyet sa itaas ng Arctic Circle, grabe ang taglamig. Bumababa nang -30 digri Celsius ang temperatura at kung minsan, mas mababa pa. Kapag taglamig, dalawang buwang hindi sumisikat ang araw.”

Matapos ang limang taon, napalaya si Lembit, at noong 1957, pinakasalan niya si Ella Kikas. Maraming taóng tumulong si Lembit sa pagsasalin at pag-iimprenta ng mga literatura. Kilala siya sa pagiging madamayin at magiliw na elder, na laging may nakahandang teksto para patibayin ang mga kapatid. e

[Talababa]

e Mababasa ang talambuhay ni Lembit Toom sa Gumising!, isyu ng Pebrero 22, 1999, pahina 10-16.

[Larawan]

Sina Lembit at Ella Toom

[Kahon/Larawan sa pahina 199]

“Siya ang Nanay Mo”

KARIN REILE

ISINILANG 1950

NABAUTISMUHAN 1965

MAIKLING TALAMBUHAY Ipinanganak sa bilangguan, pero ang lola niya ang nagpalaki sa kaniya.

◼ “ISINILANG ako noong nakabilanggo ang nanay kong si Maimu dahil sa pulitika,” ang sabi ni Karin. “Mahina ang katawan ko, at dahil sa ginaw sa selda, nagkapulmonya ang dalawang baga ko. Pero nabuhay ako. Salamat sa tulong ng isa pang bilanggo, si Laine Prööm, na naging Saksi nang maglaon.

“Noon, marami sa mga sanggol ng mga bilanggo ang dinadala sa mga bahay-ampunan sa buong Unyong Sobyet para hindi nila makilala ang mga magulang nila. Buti na lang at ibinigay ako sa lola ko. Inilipat si Nanay sa kampo sa Mordvinia, at nakilala niya roon si Ella Toom, isang matapang na sister. Tinanggap ni Nanay ang katotohanan at nabautismuhan.

“Limang taon akong inalagaan ni Lola. Hanggang isang araw, isang di-kilalang babae ang dumating sa bahay namin. ‘Siya ang nanay mo,’ ang sabi ni Lola. Naguluhan talaga ako noon, at ilang taon din bago ko iyon natanggap.” Nakakatuwa naman dahil si Karin at ang lola niya ay naging mga Saksi rin.

Nang maglaon, natuto ng Ingles si Karin at naging tagapagsalin ng ating mga publikasyon. Nagpakasal siya kay Lembit Reile, at naglilingkod sila ngayon sa sangay sa Estonia.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 201]

Ang Pangalan ng Diyos sa Bibliyang Estonian

Sing-aga ng 1686, ang Griegong Kasulatan ay isinalin sa diyalekto ng timugang Estonia, at noong 1715, sa diyalekto ng hilaga. Inilathala naman noong 1739 ang kumpletong Bibliya, ang Piibli Ramat, at puwedeng magkaroon nito kahit ang karaniwang mga tao. Kapansin-pansin na ginamit nito ang pangalan ng Diyos, na Jehova, saanman ito lumitaw sa Hebreong Kasulatan. Nagpatuloy ang ganitong pagsasalin hanggang sa sumunod na mga siglo. Isang edisyon ng Bibliyang Estonian noong 1988 ang gumamit sa pangalan ng Diyos nang 6,867 ulit sa Hebreong Kasulatan. Kaya alam ng maraming taga-Estonia na Jehova ang pangalan ng Diyos.

Hulyo 3, 2009, naging makasaysayan ang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Tartu, Estonia. Inilabas ni Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Estonian.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 202]

Gawang-Kamay na mga Aklat

HELMI LEEK

ISINILANG 1908

NABAUTISMUHAN 1945

NAMATAY 1998

MAIKLING TALAMBUHAY Nabilanggo at ipinatapon sa Siberia.

◼ NAARESTO si Helmi dahil isa siyang Saksi ni Jehova. Ipinatapon siya sa Siberia, at doon, nanahi siya ng maliit na lalagyan ng notbuk. Binurdahan niya ito ng nakapagpapatibay na teksto—Roma 8:35: “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo? Ang kapighatian ba o ang kabagabagan o ang pag-uusig o ang gutom o ang kahubaran o ang panganib o ang tabak?”

Nakakita si Helmi ng ilang piraso ng brown na papel at ginawa itong notbuk. Sinulatan niya ito ng mga nakapagpapatibay na mensahe mula sa Bibliya. Kinokopya nang buo ng maraming kapatid ang mga nakukuha nilang publikasyon dahil kakaunti lang ang mga ito.

Pag-uwi mula sa Siberia, sinabi ni Helmi sa mga opisyal: “Salamat sa inyo at nakita ko ang magagandang kabundukan ng Siberia—hindi ako makakaipon ng pamasahe para makabiyahe nang ganoon kalayo!”

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 209, 210]

Isang Sister na Mapagsakripisyo

FANNY HIETALA

ISINILANG 1900

NABAUTISMUHAN 1925

NAMATAY 1995

MAIKLING TALAMBUHAY Lumipat sa Estonia noong 1930, nagpayunir, at nag-ampon ng isang batang Saksi.

◼ NABAUTISMUHAN si Fanny sa Finland noong 1925 at nagpayunir pagkaraan ng dalawang taon. Sa isang kombensiyon sa Helsinki, nakilala niya si William Dey, tagapangasiwa sa Tanggapan sa Hilagang Europa. Bagaman magkaiba sila ng wika, paulit-ulit na sinasabi ni Brother Dey ang “Estonia.” Sa pag-aakalang hinihimok siya nitong lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan, lumipat si Fanny sa Estonia noong 1930 kasama ang ilan pang payunir. Nang sumunod na mga taon, sinulit niya ang kaniyang bisikleta sa pangangaral sa ilang lugar sa Estonia, pati na sa isla ng Sarema.

Hindi nag-asawa si Fanny, pero nag-ampon siya ng isang bata, si Ester, na ang ina at ang Saksing ama ay parehong namatay noong walong taon ito. Dahil sa mahusay na pagpapalaki ni Fanny kay Ester, tinanggap nito ang katotohanan.

Puwede naman sanang bumalik sa Finland si Fanny noong magsimula ang rehimeng Komunista at magkaroon ng pag-uusig. Pero nagsakripisyo siya—hindi niya iniwan ang maliit na grupo ng mga mamamahayag. Nagdulot ito ng maraming problema at hindi naging maalwan ang buhay niya. Pero dahil Finnish siya, hindi siya ipinatapon sa Siberia.

Si Fanny ay naging tagahatid ng mga microfilm at sulat mula sa Finland patungong Estonia noong dekada ’50. Kilalá siya sa pagiging matapang at maingat, at kahit namuntik-muntikanan, hindi siya nahuli ni minsan. Halimbawa, nagpunta siya minsan sa isang parke sa Leningrad (St. Petersburg) para kunin ang mga microfilm sa isang mensaherong brother na Finnish. Tapos, ipapasa niya agad ang mga ito sa dalawang brother na taga-Estonia. Kaso, napansin ng dalawang brother na sinusundan pala sila ng secret police, kaya balak sana nilang iwasan si Fanny. Kaya lang heto na si Fanny at ang brother na Finnish, papalapit sa kanila! Kapag binati sila ni Fanny o iniabot ang mga microfilm, mabibisto sila ng secret police. Ang nakapagtataka, nilampasan sila ni Fanny na para bang hindi niya sila kakilala. Pero ang totoo, hindi lang talaga sila napansin ni Fanny kahit kilalang-kilala sila nito! Kaya hindi nabisto ng secret police kung sino ang mga mensahero. Di-nagtagal, naipasa rin ang mga microfilm. Dahil kay Fanny, patuloy na nabigyan ng espirituwal na pagkain ang mga kapatid sa Estonia, at wala ni isa mang microfilm ang nakumpiska.

Ang mapagmahal na sister na ito ay nanatili sa Estonia at tapat na naglingkod kay Jehova sa loob ng 70 taon hanggang sa mamatay sa edad na 95.

[Larawan]

Sa isang misyon sa Leningrad noong 1966

[Kahon/Larawan sa pahina 213]

Tampulan ng Paninirang-Puri

“Maligaya kayo,” ang sabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin.” (Mat. 5:11) Gaya ng sinabi ng kanilang Panginoon, madalas na tampulan ng paninirang-puri ang mga Saksi ni Jehova. Pinaratangan ang mga Saksi bilang pulitikal na organisasyong sangkot sa paghihimagsik at pag-eespiya. Lalo na noong mga huling taon ng dekada ’50 at mga unang taon ng dekada ’60, sinabi ng mga diyaryo na ang gobyerno ng Amerika ang nasa likod ng gawain natin at na ginagamit tayo ng mayayamang Amerikanong kapitalista.

Noong 1964, tumangging magsundalo si Silver Silliksaar kaya inakusahan siyang taksil sa bayan at ibinilanggo. Ipinalabas din sa lahat ng sinehan sa Estonia ang naging paglilitis sa kaniya, na nagbabandila ng propaganda ng mga Komunista. Karamihan sa mga brother na tumangging magsundalo ay ikinulong nang dalawa hanggang tatlong taon. Dalawang beses na nakulong sina Jüri Schönberg, Taavi Kuusk, at Artur Mikit. Lahat-lahat, nabilanggo nang lima’t kalahating taon si Brother Mikit.

[Larawan]

Paglilitis kay Silver Silliksaar

[Kahon sa pahina 226]

Patagong Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo

Sa ilalim ng pagbabawal, anumang oras ay maaaring makumpiska ang mga literatura o ang Bibliya ng mga kapatid. Kaya bukod sa pagtatago ng mga literatura sa iba’t ibang lugar, kinakabisa rin nila ang pinakamaraming tekstong kaya nila.

Kadalasan, ginagamit ang mga salu-salo para sa pagtalakay at pagsasaulo ng mga teksto. Gumagawa pa nga ang ilan ng maliliit na card para matandaan ang mga ito. Nakalagay sa card ang kabanata at talata ng teksto, gaya ng Mateo 24:14, o kaya’y isang tanong o pangalan sa Bibliya. Sa likod naman ng card mababasa ang sinasabi ng teksto o ang sagot sa tanong.

Ginagamit noon ng mga brother sa pagtalakay sa pulong ang anumang publikasyong mayroon sila. Sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, may lingguhang klase, assignment, oral test, at exam pa nga. May repaso kada tatlong buwan at final exam tuwing tagsibol.

“Isa sa mga lingguhang assignment namin,” ang naaalala ng isang estudyante, “ang magsaulo ng limang teksto sa Bibliya at sabihin ito sa klase. Natatandaan ko pa ang final exam noong 1988. Nakalagay sa isa sa mga card: ‘Magbigay ng 100 tekstong kabisado mo.’ Kakatwa, pero gusto ng lahat na mabunot ang card na iyon. Nakatulong sa amin ang mga assignment na iyon, lalung-lalo na sa ministeryo dahil bihira lang kaming makapagbuklat ng Bibliya kapag nangangaral.” Noong 1990, masayang-masaya ang mga kongregasyon sa Estonia dahil sa wakas, nakapagdaraos na sila ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo kung paano ito ginagawa ng lahat ng iba pang kapatid sa buong daigdig.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 236, 237]

“Ang Sarap Mangaral!”

Ganito ang sinabi ng ilang misyonero tungkol sa atas nila sa Estonia:

Markku at Sirpa Kettula: “Ipinadala kami sa teritoryong halos hindi pa nagagawa. Ang saya, kasi interesado talaga sa Bibliya ang mga nakakausap namin. Nang dumating kami sa Pärnu, mga 30 lang ang mamamahayag. Ngayon, mayroon nang tatlong kongregasyon.”

Vesa at Leena-Maria Edvik: “Halos walang mabili sa mga tindahan at pamilihan. Kaya sa halip na mamasyal at mamili, may panahon ang mga taong makipag-usap tungkol sa Bibliya. Kapag nangangaral kami sa lansangan, madalas na pumipila ang mga tao para makakuha ng literatura!”

Esa at Jaael Nissinen: “Marami kang matututuhan sa iba. Nakakatuwa at nakilala namin ang marami sa mga kapatid na nanatiling tapat sa kabila ng pinakamahihirap na pagsubok.”

Anne at Ilkka Leinonen: “Araw-araw, kahit saan, nakakatagpo kami ng mga taong ni minsa’y hindi pa nakarinig ng mensahe ng Bibliya. Madilim pa lang, nagsisimula na kaming mangaral, at gabi na kami kung umuwi. Pero nakakatuwang makita ang mabilis na pagdami ng mamamahayag. Hindi kami makapaniwala na sa pagtatapos ng ika-20 siglo, masasaksihan namin ang gayon kalaking pagsulong. Hindi namin makakalimutan ang mga unang taon namin [sa Estonia].”

Richard at Rachel Irgens: “Napakamapagpatuloy ng mga tao, at ang sarap mangaral! Nagbahay-bahay kami sa mga nayong malapit sa Lawa ng Peipus. Ni minsan, hindi namin kinailangang magdala ng pagkain dahil lagi kaming pinapatuloy at pinakakain ng mga nakakausap namin. Totoo pa rin sa ngayon ang sinabi ni Jesus sa Mateo 10:9, 10. Dahil sa atas namin sa Estonia, natuto kaming magpokus sa mas mahahalagang bagay at huwag magambala ng mga bagay na di-gaanong mahalaga.”

[Mga larawan]

Markku at Sirpa Kettula

Vesa at Leena-Maria Edvik

Anne at Ilkka Leinonen

Esa at Jaael Nissinen

Richard at Rachel Irgens

[Chart/Mga larawan sa pahina 244, 245]

TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI—Estonia

1920

1923 Bumalik si Martin Kose sa Estonia para mangaral.

1926 Binuksan ang tanggapang pansangay sa Tallinn.

Dumating ang mga banyagang colporteur para tumulong sa pangangaral.

1928 Idinaos sa tanggapang pansangay ang kauna-unahang kombensiyon.

1930

1933 Inirehistro ang Watch Tower Bible and Tract Society.

1940

1940 Idinaos ng mga kapatid sa Estonia ang huli nilang asamblea bago ang pagbabawal na tumagal nang limang dekada.

1948 Ilang Saksi ang ipinabilanggo at ipinadala sa mga kampong piitan sa Unyong Sobyet.

1949 Nagpadala ang mga Saksi kay Stalin ng mga liham ng protesta.

1950

1951 Halos 300 Saksi at marami sa mga kamag-anak nila ang ipinatapon sa Siberia.

1953 Namatay si Stalin; sinimulang palayain ang mga Saksi.

1960

1970

1972 Nagkaroon ng unang kongregasyon sa wikang Russian.

1980

1990

1991 Nagkaroon sa Tartu ng opisina para sa pagsasalin.

Binigyan ang mga Saksi ni Jehova ng kalayaan sa relihiyon.

Idinaos sa Tallinn ang kauna-unahang kombensiyon sa Unyong Sobyet.

1992 Dumating ang mga unang misyonero mula sa Gilead.

1993 Itinayo ang kauna-unahang Kingdom Hall sa Estonia.

1994 Nagkaroon sa Tartu ng opisina para sa pagsasalin.

1998 Itinayo ang mga Assembly Hall sa Tallinn at Tartu.

1999 Naging sangay muli ang Estonia.

2000

2000 Idinaos ang unang klase ng Ministerial Training School.

2009 Inilabas ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Estonian.

2010

[Graph/​Larawan sa pahina 246]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Bilang ng Mamamahayag

Bilang ng Payunir

4,000

2,000

1990 2000 2010

[Mga mapa sa pahina 169]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

FINLAND

HELSINKI

Gulpo ng Finland

RUSSIA

St. Petersburg

LATVIA

RIGA

ESTONIA

TALLINN

Narva

Maardu

Tapa

Vormsi

Pärnu

Lawa ng Võrtsjärv

Tartu

Räpina

Võru

Hiiumaa

Sarema

Gulpo ng Riga

Lawa ng Peipus

Lawa ng Pskov

[Buong-pahinang larawan sa pahina 162]

[Larawan sa pahina 165]

Sina Hugo at Martin Kose

[Larawan sa pahina 166]

Albert West

[Larawan sa pahina 167]

Sina Alexander at Hilda Brydson, noong dekada ng 1930

[Larawan sa pahina 167]

Nasa apartment na ito noon ang unang tanggapang pansangay

[Larawan sa pahina 170]

Sina Jenny Felt at Irja Mäkelä, unang mga payunir mula sa Finland

[Larawan sa pahina 174]

Noong 1932, inilipat ang sangay sa 72 Suur Tartu Road, Tallinn

[Larawan sa pahina 175]

Si Kaarlo Harteva habang naglelektyur sa radyo

[Mga larawan sa pahina 177]

Si John North at ang kaniyang “karo”

[Larawan sa pahina 178]

Nikolai Tuiman

[Larawan sa pahina 179]

Kinumpiska ng mga pulis ang napakaraming literatura

[Larawan sa pahina 181]

1940: Ang huling asamblea na malayang naidaos bago ang rehimeng Sobyet

[Mga larawan sa pahina 188]

Komite sa Paglilingkod: sina Brother Kruus, Talberg, Indus, at Toom

[Larawan sa pahina 200]

Sina Maimu at Lembit Trell, noong 1957

[Larawan sa pahina 212]

Si Ene at ang ate niyang si Corinna

[Larawan sa pahina 218]

Kasal nina Heimar at Elvi Tuiman—isang asamblea na tumagal nang dalawang araw

[Larawan sa pahina 227]

Sina Toomas at Elizabeth Edur

[Mga larawan sa pahina 228, 229]

Makasaysayang mga Kombensiyon

Pagsalubong sa mga delegado ng “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon sa Helsinki, Finland noong 1990

“Mga Umiibig sa Kalayaan” na Pandistritong Kombensiyon sa Tallinn, Estonia noong 1991

[Larawan sa pahina 238]

Internasyonal na kombensiyon sa St. Petersburg, Russia noong 1992

[Larawan sa pahina 241]

Sina Lauri at Jelena Nordling

[Larawan sa pahina 243]

Sina Reino at Lesli Kesk

[Larawan sa pahina 247]

Sina Yuri at Viktor

[Mga larawan sa pahina 251]

Kingdom Hall sa Maardu, at Assembly Hall sa Tartu

[Mga larawan sa pahina 254]

Sangay sa Estonia

Komite ng Sangay, mula sa kaliwa pakanan: Tommi Kauko, Toomas Edur, at Lembit Reile