Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

MALAMANG na nalito ang mga alagad ni Jesus noong unang siglo sa mga sinabi niya. Inihula niya na magiging tampulan sila ng poot ng lahat ng mga bansa—papatayin sila at pahihirapan. Marami rin ang matitisod at ipagkakanulo. Gayunman, sinabi rin ni Jesus na ang mabuting balita ay ipangangaral sa buong lupa. (Mat. 24:9-14) Talaga nga kayang maipangangaral ito sa buong lupa sa kabila ng mga pagsalansang? Malalaman mo ang sagot sa sumusunod na mga pahina.

2010 Mga Kabuuang Bilang

Mga Sangay ng mga Saksi ni Jehova: 116

Bilang ng mga Lupaing Nag-uulat: 236

Bilang ng mga Kongregasyon: 107,210

Dumalo sa Memoryal sa Buong Daigdig: 18,706,895

Nakibahagi sa Memoryal sa Buong Daigdig: 11,202

Pinakamataas na Bilang ng Mamamahayag ng Kaharian: 7,508,050

Average na Bilang ng Mamamahayag na Nangangaral Bawat Buwan: 7,224,930

Porsiyento ng Kahigitan sa 2009: 2.5

Bilang ng Nabautismuhan: 294,368

Average na Bilang ng Auxiliary Pioneer Bawat Buwan: 287,960

Average na Bilang ng Mamamahayag na Payunir Bawat Buwan: 844,901

Kabuuang Oras na Ginugol sa Larangan: 1,604,764,248

Average na Bilang ng Pantahanang Pag-aaral sa Bibliya Bawat Buwan: 8,058,359

Noong 2010 taon ng paglilingkod, gumugol ang mga Saksi ni Jehova ng mahigit $155 milyon sa pagtustos sa mga special pioneer, misyonero, at mga naglalakbay na tagapangasiwa sa kanilang mga atas ng paglilingkod sa larangan.

◼ Sa buong daigdig, may kabuuang bilang na 20,062 ordenadong ministro na nagtatrabaho sa mga pasilidad ng sangay. Ang lahat ay miyembro ng Worldwide Order of Special Full-Time Servants of Jehovah’s Witnesses.

APRIKA

LUPAIN 57

POPULASYON 888,219,101

MAMAMAHAYAG 1,222,352

PAG-AARAL SA BIBLIYA 2,596,614

ISANG GRUPO ANG NAGHANAP NG KATOTOHANAN. Sa isang maliit na nayon sa Madagascar, 80 katao ang kumalas sa National Protestant Church. Nagtayo sila ng sariling simbahan at pinag-aralan ang bawat relihiyon sa lugar nila para masumpungan ang tunay na relihiyon. Nakita nila na hindi nag-aaral ng Bibliya ang mga Katoliko at hindi nagkakasundo ang mga nasa Simbahang Luterano. Tingin naman nila sa Pentecostal, hindi nagtuturo ng katotohanan, at sa Seventh-Day Adventist, napakaraming bawal. Pagkatapos, hinilingan nila ang isa nating brother na turuan sila sa Bibliya. Pumayag agad ang brother.

Dinalaw ng ilang mamamahayag ang mga interesadong ito sa kanilang simbahan. Nadatnan nila ang 26 katao na handang makinig tungkol sa Bibliya. Ipinaliwanag ng mga kapatid ang kabanata 15 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya tungkol sa kung paano matatagpuan ang relihiyong sinasang-ayunan ng Diyos. Nagustuhan ng mga ito ang paliwanag. Nang bumalik ang mga kapatid, 73 ang dumalo. At sa ikatlong pagdalaw, 142 na ang nakinig!

NALIGAW NA TEXT. Gustong patibayin ni Menen, Saksi sa Etiopia, ang study niya, kaya itinext niya dito ang taunang teksto para sa 2009. Kaya lang, maling numero ang napadalhan niya. Paulit-ulit na binasa ng babaing nakatanggap ng text ang mensahe: “‘Lubusang magpatotoo sa mabuting balita.’—Gawa 20:24, NW.” Sang-ayon naman siya sa mensahe dahil makadiyos siya, pero hindi niya alam kung paano ito susundin. Pinag-isip din siya ng mga letrang “NW” [New World Translation]. Ilang linggo ang lumipas, pero hindi pa rin ito maalis sa isip niya. Kaya tinawagan na niya ang nag-text. Hindi akalain ni Menen na ganoon ang nangyari, pero sinamantala niya ang pagkakataong iyon para sagutin ang tanong ng babae. Naging study niya ito, at dalawang beses sila kung mag-aral sa isang linggo.

ISANG BATANG PAYUNIR. Si Persis ay nakatira sa Cameroon at anim na taóng gulang nang maging di-bautisadong mamamahayag. Unang buwan pa lang, sampung study na agad ang inireport niya. Akala ng kalihim ng kongregasyon, nagkamali lang si Persis. Nang tanungin niya ito, sinabi nito na sampu talaga ang study niya. “Paano mo nalalaman kung ilang oras ang irereport mo, wala ka namang relo?” ang tanong pa ng kalihim. Sinabi ng bata na alam niyang isang oras ang recess nila. Mangangaral siya buong recess hanggang sa mag-bell. Dahil sa lakas ng loob na magpatotoo, napakilos niya ang kaniyang nanay at pinsan na maging mga di-bautisadong mamamahayag. Sampung taon na ngayon si Persis. Bautisado na siya at auxiliary pioneer kahit nag-aaral. Ang kaibigan niyang si Aasy na walong taon ay di-bautisadong mamamahayag na rin. Sinabi ng isang study: “Natutuwa ako kapag nakikita ko ang mga bata sa pulong na binabati muna ang lahat, lalo na ang mga may-edad, bago sila maupo sa tabi ng mga magulang nila. Hindi ganiyan sa simbahan namin. Magiging mabuting tao sa lipunan ang mga batang iyan paglaki nila.”

MGA LUPAIN SA AMERIKA

LUPAIN 55

POPULASYON 918,834,998

MAMAMAHAYAG 3,673,750

PAG-AARAL SA BIBLIYA 3,967,184

HINDI SIYA KUMATOK. Si Miriam na nakatira sa Bolivia ay isang linggo nang nananalangin sa Diyos. Parang ganito ang panalangin niya: “Tulungan n’yo po akong makilala kayo. Pero ayokong magpatulong sa mga Saksi ni Jehova. Ayokong kumakatok sila sa pinto ko.”

Nang linggo ring iyon, may tumawag sa telepono—ang special pioneer na si Candy. Sinabi niyang dadalhan niya si Miriam ng mga magasin sa loob ng isang oras. Pumayag si Miriam. Sa loob nga ng isang oras, nasa pinto na si Candy. Pinagbuksan agad siya ni Miriam at pinatuloy. Tapos, nagparoo’t parito si Miriam, pailing-iling at halatang aburido. Tinanong siya ni Candy kung ano ang problema. “Hindi ako makapaniwala!” ang sabi ni Miriam. “Isang linggo na akong nananalangin sa Diyos para tulungan ako, pero nilinaw ko na ayokong magpatulong sa mga Saksi na laging kumakatok sa pinto ko! Tapos heto ka. Hindi ka nga kumatok, tumawag ka naman! Alam mo bang pagkatawag mo kanina, nanalangin ako sa Diyos na sana hindi ka dumating. Pero dumating ka! Hindi ako makapaniwala! Kayong mga Saksi ni Jehova ang talagang gusto niyang tumulong sa akin.” Agad napasimulan ang isang pag-aaral.

INIWAN SA PAG-AAKALANG PATAY NA. Si Pasensi ay dating kapiten, o pinuno ng nayon, sa Suriname. Maraming nakakakilala sa kaniya. Matalik niyang kaibigan ang granman, o lider ng mga nayon sa kahabaan ng ilog. Salansang si Pasensi sa mga Saksi ni Jehova. Akala niya kasi babaguhin ng mga Saksi ang mga tradisyong ipinagmamalaki niya.

Minsan, isang kabataang lalaki ang nagsabing may kakayahan siyang matukoy kung sinu-sino ang mangkukulam sa lugar nila. Kasama ng kaniyang pangkat, sinuyod nila ang kahabaan ng ilog sakay ng mga bangka. Ang sinumang ituro niya ay binubugbog at sinasamsaman ng ari-arian. Malaking halaga ang kailangang ibayad para “luminis” ang mga may sapi raw ng masamang espiritu. Isa sa mga biktima si Pasensi, na ginulpi at iniwan sa pag-aakalang patay na. Kahit ang kaibigan niyang granman ay walang nagawa dahil baka malagay ito sa kahihiyan at manganib ang buhay. Pinagbawalang tumulong ang mga kaibigan at kamag-anak. Pero naglakas-loob ang manugang na lalaki ni Pasensi at dinala siya sa isang nayon na halos mga Saksi ang nakatira. Nag-usap-usap ang mga kapatid at, kahit delikado, tumulong sila. Isinakay nila ng bangka si Pasensi at dinala sa kalapít na nayon na may paliparan, kung saan manedyer ang isang brother. Tumulong ito para maibiyahe si Pasensi sa lunsod at maipagamot.

Gumaling si Pasensi at naantig sa pag-ibig na ipinakita ng mga dating sinalansang niya. Nag-aral siya ng Bibliya at nabautismuhan noong Disyembre 2009. Masigasig si Pasensi, at kahit 80 anyos na, nag-auxiliary pioneer siya noong Abril 2010.

AKALA NIYA MARAMI NA SIYANG ALAM. Ang balbas-saradong si Eric, nakatira sa Estados Unidos, ay dumalo ng pulong dala ang kaniyang Bibliya. Nang batiin siya ng isang brother, nagtanong siya tungkol sa ating mga paniniwala. Hindi niya tinanggap ang aklat na Itinuturo ng Bibliya kasi ang gusto niya, Bibliya lang ang gamitin. Araw-araw, 20 pahina ng Bibliya ang binabasa niya. Hindi na nga niya maalala kung ilang beses na niyang natapos ang Bibliya. Pagkatapos ng pulong, mahigit tatlong oras pa silang nag-usap ng brother. Bago sila naghiwalay, sinabi ni Eric, “Nakakainis!” Nang tanungin ng kapatid kung bakit, sumagot si Eric: “Akala ko marami na ’kong alam sa Bibliya. Ngayon ko lang nalaman na wala pala talaga akong alam.” Tinanggap na rin niya ang aklat na Itinuturo ng Bibliya.

Kinabukasan, nag-study na sila. Puyat si Eric dahil binasa niya ang unang sampung kabanata ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Ano kayang masasabi niya? “Natagpuan ko na ang katotohanan!” Tatlo hanggang apat na oras silang nag-aaral, limang araw sa isang linggo. Dumalo na rin siya sa lahat ng pulong kasama ang buong pamilya. Unang linggo pa lang, kumalas na siya sa tatlo niyang relihiyon, nag-ahit, at nagpasiyang hindi na magdiriwang ng kapistahan. Sa loob lang ng dalawang linggo, nagpatala na siya sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, at sa loob ng apat na linggo, naging di-bautisadong mamamahayag na siya. Nabautismuhan siya noong Abril 2010, anim na buwan lang mula nang makausap siya ng mga Saksi ni Jehova!

NABAUTISMUHAN SA EDAD NA PITO. Si Paola ay nakatira sa lolo’t lola niya sa kanlurang Mexico. Limang taon siya nang magpa-study ang lola niya sa mga Saksi. Nakinig si Paola, at naitanim sa puso niya ang katotohanan. Kahit hindi sumulong ang lola niya, dumalo siyang mag-isa sa mga pulong. Nagpapatulong siya sa lolo’t lola niya na magbihis at tumawid ng kalsada para makarating sa Kingdom Hall.

Nang matutong bumasa’t sumulat, nagpatala si Paola sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at naging mamamahayag. Dahil sa pag-ibig kay Jehova, nabautismuhan siya sa edad na pito. Nang tanungin kung bakit siya dumadalo sa pulong at masigasig na nangangaral kahit hindi kasama ang pamilya niya, ganito ang sagot ni Paola, na sampung taon na ngayon: “Gustung-gusto ko po ang mga pahayag. Tinuturuan po ako nitong palaging mag-aral ng Bibliya para makaiwas sa problema. Nangangaral naman po ako dahil gusto kong malaman ng mga tao ang gagawin ni Jehova para sa kanila balang-araw. At saka po kapag nag-aral sila ng Bibliya, magiging masaya sila ngayon pa lang.”

NAKAPAGPATOTOO DAHIL SA MALING TAWAG SA TELEPONO. Sa Dominican Republic, madalas makatanggap ang isang sister ng maling tawag, at naaabala siya sa trabaho. Minsan, naisip niya, ‘Puwede ko itong gamitin para makapangaral.’ Paano niya ito ginagawa? Una, magalang muna niyang sasabihin na mali ang natawagan nila. Saka niya idudugtong, “Pero gusto na rin kitang tanungin, Nakapagbasa ka ba ng Bibliya ngayon?” Ibinababa ng ilan ang telepono. Pero may mga sumasagot din na hindi pa nila nababasa ang Bibliya. Tapos, itatanong niya, “Alam mo ba kung bakit napakahalaga nun?” Saka niya babasahin ang Awit 1:1-3. Isang opisyal ng gobyerno ang matagal na nakipag-usap sa sister at sinabing wala siyang Bibliya. Isinaayos ng sister na mapadalhan siya ng Bibliya at ilang literatura. Pagkaraan ng dalawang linggo, tumawag ang opisyal. Pero sa pagkakataong ito, nagpasalamat siya sa malasakit ng sister at sa ipinadalang literatura.

Isang kabataang babae na namali rin ng tawag ang nagtanong, “Saksi ni Jehova po kayo?” Nang sinabi ng sister na Saksi nga siya, umiyak ang babae! Sinabi nito na Saksi rin siya pero di-aktibo. Pinatibay siya ng sister at nakisuyo sa iba na tulungan siya sa espirituwal. Aktibo na uli ang babae.

ASIA AT GITNANG SILANGAN

LUPAIN 47

POPULASYON 4,587,021,833

MAMAMAHAYAG 652,251

PAG-AARAL SA BIBLIYA 601,306

“BABAING SAMARITANA.” Tag-araw noon sa Kazakhstan. Nangangaral ang dalawang payunir, isang brother at isang sister, at nakita nila ang isang babaing umiigib sa balon. Humingi ng maiinom ang brother. Habang umiinom siya, nagpatotoo naman ang sister sa babae. Naging interesado ang babae at inimbitahan niya sila sa kaniyang bahay para matuto pa. Pagkatapos nilang mag-usap, nag-iwan ang mga payunir ng literatura. Nangako ang sister na babalik siya pagkaraan ng dalawang araw.

Bumalik nga siya, kasama ang kaniyang ina na isa ring Saksi. Nasa labas ng bahay ang babae at naghihintay, hawak-hawak ang ibinigay sa kaniyang literatura. Ibinalik niya ito sa sister at sinabi: “Sa mga Saksi ni Jehova ito eh! Relihiyon ’yan ng mga Russian!”

Pagkatapos, tinanong ng nanay ang babae kung puwede na lang silang magbasa ng isang teksto bago umalis. Gusto niyang ipakita sa babae mula sa Bibliya ang pangalan ng Diyos kaya binasa niya ang Exodo 3:15: “Isinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.” Nagulat ang dalawang sister nang papasukin sila ng babae. Bakit biglang nagbago ang isip niya? Ang babae pala ay may mga ninunong nagngangalang Abraham, Isaac, at Jacob. Sinabi niya na kung si Jehova ang Diyos ng kaniyang mga ninuno, hindi niya dapat ipagtabuyan ang mga Saksi. Sa sumunod na pagdalaw, nag-study na sila. Sabik na sabik siyang malaman ang katotohanan kaya dalawang beses sa isang linggo silang nag-aral. Kahit salansang ang mga anak niya, sumulong siya sa espirituwal. Di-bautisadong mamamahayag na siya ngayon. Study na rin ang manugang niyang babae at ang nanay nito, at regular silang dumadalo. Dahil katulad ng nakaulat sa Juan 4:3-15 ang karanasan niya, nakilala siya sa kongregasyon bilang ang “babaing Samaritana.”

“MAY MGA TANONG PO AKO.” Sa Cyprus, sumulat ang isang may-edad nang sister na payunir: “Umaga ng Miyerkules noon. Masama ang pakiramdam ko. Pero sa halip na magkulong sa bahay, lumabas ako para magpatotoo sa lansangan. Tapos, nanalangin ako kay Jehova na may umupo sana sa tabi ko, yung may panahong makipag-usap, para makapagpasimula ako ng Bible study. Mayamaya, dumating ang isang kabataang lalaking taga-Nepal. Hawak-hawak ko ang mga magasin, at bago pa ako nakapagsalita, tinanong na niya ako kung tungkol saan ang mga ito. Nang sabihin kong salig sa Bibliya ang mga magasin, sinabi niya: ‘Madam, may panahon po akong makipag-usap. Puwede ba akong makiupo? May mga tanong po ako tungkol sa Bibliya.’

“Siyempre pumayag ako, dahil iyon talaga ang hiniling ko kay Jehova! Sinabi pa ng lalaki: ‘Ang una ko pong tanong, Ano ba talaga ang itinuturo ng Bibliya?’ Sa gulat ko, hindi ako agad nakakibo! Kinuha ko sa bag ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? at ipinakita ito sa kaniya. Tiningnan niya ang aklat, tiningnan niya ako, at nagtanong, ‘Hindi po ba ’yan ang tanong ko sa inyo?’ Nakapagpasimula ako ng Bible study doon mismo sa upuang iyon! Regular na siyang nag-aaral at dumadalo sa pulong. Gusto na rin niyang magkabahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Talagang lubos akong nagtitiwala sa lakas at patnubay ni Jehova para magampanan ko ang aking ministeryo, kahit na masama ang pakiramdam ko kung minsan.”

TINURUAN NG LOLO ANG PUMATAY SA KANIYANG APO. Pinatay ang apo ni Miguel ilang taon na ang nakalilipas. Nahuli ang pumatay, si Esmeraldo, pero hindi niya ito inamin sa korte. Gayunpaman, malakas ang ebidensiya kaya nasentensiyahan siyang mabilanggo.

Minsan, niyaya ng isang elder si Miguel na mangaral sa mismong bilangguan sa Pilipinas kung saan nakakulong si Esmeraldo. Siyempre pa, nag-alangan si Miguel. Pero sumama pa rin siya at sumali sa pagba-Bible study sa ilang preso. Mayamaya lang, heto na si Esmeraldo, papalapit. Para maiwasan ang komprontasyon, mahinahong sinabi ni Miguel: “Esmer, nagpunta ako dito hindi para makipag-away, kundi para magpakita ng pag-ibig sa mga taong gaya mo. Tingnan mo, tinuturuan namin sa Bibliya ang lalaking ito. Hindi sana magiging ganiyan ang buhay mo kung nakapag-aral ka ng Salita ng Diyos. Halika, makipag-aral ka sa amin.” Nagulat si Miguel kasi hindi nga umalis si Esmeraldo; tinapos nito ang study. Naantig ito sa kaniyang narinig, at inamin kay Miguel na siya ang pumatay sa kaniyang apo. Pagkatapos, humingi siya ng tawad.

Hindi narinig ng elder ang pag-uusap nila, kaya nang makita nitong mukhang maganda ang kanilang pag-uusap, sinabi nito kay Miguel na siya na ang mag-study kay Esmeraldo. Noong una, natakot si Miguel, hindi lang kasi ang apo niya ang napatay ng lalaking ito. Pero pumayag din siya. Nahirapan si Esmeraldo na sumunod sa pamantayan ng Diyos; pero sulit ang pagsisikap niya. Noong Pebrero 1, 2010, nabautismuhan siya bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova. Talagang napatawad na ni Miguel si Esmeraldo. Gumagawa siya ngayon ng paraan para mapaikli ang sentensiya ni Esmeraldo nang sa gayo’y lubusan itong makapangaral sa iba.

EUROPA

LUPAIN 47

POPULASYON 739,193,855

MAMAMAHAYAG 1,575,094

PAG-AARAL SA BIBLIYA 830,888

DALAWANG PANGARAP NA NATUPAD. Si Nelena, 19 anyos at nakatira sa Bulgaria, ay may dalawang pangarap—ang mabautismuhan at maging auxiliary pioneer. Pero siya ay may namanang motor at sensory neuropathy, na wala pang lunas. Nakakahinga lang siya sa tulong ng isang aparato, kung kaya hindi siya gaanong makalabas ng apartment, at imposibleng mabautismuhan siya sa isang asamblea. Kaya noong 18 anyos siya, nagsaayos ng isang pahayag sa bautismo sa kanilang tahanan, at saka siya binautismuhan sa isang tub.

Paano naman ang pangarap niyang mag-auxiliary pioneer? Kapag maganda ang panahon, nakakahinga siya kung minsan nang isang oras o higit pa nang walang aparato. Kaya nakakapagpayunir siya. Isang mamamahayag ang nagtutulak ng wheelchair niya sa bahay-bahay. Nagba-Bible study rin si Nelena sa telepono sa pamamagitan ng Internet. Kung minsan, sa bahay nila nagba-Bible study ang mga sister para makasama siya. Kaya naman noong nakaraang taon, tatlong beses nakapag-auxiliary pioneer si Nelena. Sinabi niya: “Masaya ako dahil natupad ang dalawang pangarap ko. Lalo akong napalapít kay Jehova, ang aking maibiging Maylalang.”

NAKAKURBATA NA RIN SIYA. Isang sister sa Armenia ang tinutuya sa trabaho dahil isa siyang Saksi ni Jehova. Palagi siyang inaasar ng isang katrabaho, na sinasabing na-brainwash siya ng “mga taong nakakurbata” kaya siya umanib sa relihiyon nila. Maraming beses siyang nagpaliwanag sa katrabaho niya, pero walang nangyari. Nagdesisyon siyang hindi na lang ito pansinin, at gaya ni Jesu-Kristo, “hindi [na] siya sumagot.” (Mat. 27:12) Nang maglaon, nasesante ang nang-aasar sa kaniya dahil sa masamang paggawi nito at sa panggugulo sa kaniya. Makalipas ang ilang buwan, isang lalaki ang nagpunta sa kaniyang pinagtatrabahuhan at hinahanap siya. Iyon ang dati niyang katrabaho na sobrang nagpasamâ ng loob niya. Nagulat siya sa hitsura nito. Nilalait nito ang mga Saksi dahil sa pagsusuot nila ng kurbata, pero ngayon, nakakurbata na rin siya at may dala-dalang bag. Sinabi nito sa sister: “Pasensiya ka na sa masasakit na sinabi ko noon. Ngayon, natagpuan ko na ang katotohanan.” Nakipag-aral pala ng Bibliya ang lalaki sa mga Saksi ni Jehova, at kahit na sinasalansang ng pamilya, nabautismuhan siya at naging regular pioneer.

“KILALA MO BA SI MRS. NADIA?” Si Nadia ay payunir sa isang kongregasyon sa hilagang Italya. Noong Setyembre 2009, nakausap niya ang isang lalaki sa intercom. Sinabi nitong ayaw niyang makipag-usap dahil kamamatay lang ng kaniyang asawa. Kinalingguhan, bumalik si Nadia para sana makiramay at sabihin ang pag-asa ng pagkabuhay-muli sa Bibliya, pero ganoon pa rin ang reaksiyon ng lalaki. Sa Pag-aaral sa Bantayan nang hapong iyon, tinalakay ang karanasan ng isang sister na sumulat sa isang namatayan ng mahal sa buhay. Naisip ni Nadia ang lalaki sa intercom, kaya gumawa siya ng sulat ng pakikiramay, kasama ang ilang detalye tungkol sa pagkabuhay-muli. Pagkaraan ng dalawang araw, inihulog niya ang sulat sa mailbox ng lalaki.

Ilang araw ang lumipas, nagpatotoo si Nadia sa lansangan. Kinausap niya ang isang lalaki na mahigit 70 anyos at binasa niya rito ang isang teksto. Itinanong ng lalaki kung Saksi ni Jehova siya. Saka niya ikinuwento na dinalaw siya ng isang Saksi ni Jehova, na nag-iwan ng isang napakagandang sulat na nakaantig sa kaniya. Tapos, nagtanong siya, “Kilala mo ba si Mrs. Nadia?” Nagulat si Nadia. Nang magpakilala siya, nagulat din ang lalaki. Sinabi ni Nadia na dadalaw silang mag-asawa sa kaniya. Study na ang lalaki at regular nang dumadalo sa pulong.

HINDI NILA MA-STUDY LAHAT. Apat na bautisadong Saksi ang nakatira sa bayan ng Bujanovac sa timugang Serbia. Tuwang-tuwa sila dahil 460 ang dumalo sa Memoryal noong 2010! Ang mga elder sa kalapít na kongregasyon ay nagsaayos ng regular na pulong sa isang inuupahang pasilidad sa Bujanovac. Mahigit 50 ang karaniwang dumadalo—karamiha’y mga Roma. Dahil napakaraming tumutugon sa mensahe ng Kaharian, hindi ma-study ng mga special pioneer na naatasan dito ang lahat ng interesado. Kaya ang tinuturuan lang nila ay ang mga nakapaghandang mabuti sa pulong.

MAHIGIT NANG 100 TAÓNG GULANG! Si Elin, pinakamatandang mamamahayag sa Sweden, ay 110 taon na, ang naabot na edad ni Josue. (Jos. 24:29) Nakatira siya sa home for the aged at sinasamantala niya ang bawat pagkakataon na makausap ang mga bisita at ang lahat ng nakikilala niya roon. Nakakapamahagi siya ng maraming aklat. Minsan, nakausap sa bahay-bahay ng isang elder at ng anak nito ang isang kabataang babae na nagsabing nakausap siya ni Elin at nabigyan ng isang aklat. Nauwi ito sa magandang usapan. a

SA SIMBAHAN NIYA NAKITA ANG MGA AKLAT. Nagulat si Tatyana, nakatira sa Belarus, nang minsang makatanggap siya ng tawag mula sa isang kabataang babae na hindi niya kilala. May mga tanong ang babae tungkol sa Bibliya. Maganda ang naging pag-uusap nila. Pero saan nakuha ng babae ang numero ni Tatyana? Ayon sa kaniya, nagpunta siya sa isang simbahan, at nakita niya sa ilalim ng upuan ang aklat na Itinuturo ng Bibliya at ang Bagong Sanlibutang Salin. Naroon ang numero ni Tatyana. Paano napadpad sa simbahan ang mga aklat? Dala-dala iyon ng nanay ng isang batang babae na study ni Tatyana. Lumilitaw na gusto itong ipakita ng nanay sa pari para malaman kung dapat ba itong basahin ng anak niya. Naiwan ng nanay ang mga aklat sa ilalim ng upuan. Nakita ito ng kabataang babae at iniuwi sa kanila. Nasundan pa ng mga pag-uusap tungkol sa Bibliya ang tawag na iyon.

DAHIL SA ISANG COAT. Napansin ng special pioneer na si Elena ang isang magandang coat sa kalsada sa Minsk, Belarus. Malinis ang coat at mukha namang hindi itinapon. Dinampot niya ito, at nakita niyang may $1,200 (U.S.) sa bulsa. Tumingin siya sa mga nagdaraan. At hayun ang isang lalaking nagmamadali na parang may hinahanap. Hinabol ni Elena ang lalaki. Negosyante pala ito mula sa Bangladesh at nakatira sa Moscow. Masayang-masaya ang lalaki nang makuha niya uli ang coat pati ang pera. Gusto niyang malaman kung bakit hinabol siya ng sister para ibalik ang coat. Sinabi ng sister na isa siyang Saksi ni Jehova. Ikinuwento ng lalaki na ilang araw pa lang ang nakalilipas, mga 30 minuto siyang nakipag-argumento sa dalawang Saksi para ipagtanggol ang kaniyang mga paniniwala. Itinanong ng lalaki kay Elena kung paano siya makakaganti sa pagsasauli nito ng coat. Sinabi ng sister na ayaw niya ng anumang kapalit, pero makakabawi ang lalaki kung makikipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova pagbalik niya sa Moscow. Pumayag ang lalaki.

OCEANIA

LUPAIN 30

POPULASYON 39,384,408

MAMAMAHAYAG 101,483

PAG-AARAL SA BIBLIYA 62,367

SA KABILA NG DEPEKTO SA PAGSASALITA. Si Hamish, 23-anyos na brother sa Australia, ay may malalang depekto sa pagsasalita. Napagpapalit-palit niya ang mga salita, o kaya’y hindi siya maintindihan, o hindi talaga makapagsalita. Pero hindi ito nakahadlang sa sigasig niya sa pangangaral o sa pagganap ng mga bahagi. Halimbawa, para makapagpahayag sa Kingdom Hall, itina-type muna ni Hamish ang kaniyang manuskrito sa isang maliit na elektronikong gadyet na nakapagbabasa ng anumang i-type niya. Dala niya sa stage ang gadyet kapag nagpapahayag; pinipili niya at ipini-play ang mga inihanda niyang sasabihin. Itinatapat sa gadyet ang mikropono para marinig ito ng lahat ng dumalo. Kapag ang bahagi niya ay may partisipasyon ng mga tagapakinig, nagta-type siya sa gadyet para pasalamatan ang mga nagkokomento. Ganiyan din ang ginagawa niya kapag nasa larangan. May nakahanda na siyang iba’t ibang pangungusap at teksto, at mabilis siyang mag-type! Kaya naman ang dami niyang binabalikan. Noong 2007, naging ministeryal na lingkod si Hamish, at mula noon, ilang beses siya kung mag-auxiliary pioneer bawat taon.

SIRANG PRINTER. Sa New Caledonia, nakatanggap si David, isang computer technician, ng tawag mula sa isang babae na nasiraan ng printer; may kailangang-kailangan pa naman itong iimprenta. Naayos agad ni David ang problema, pero nagulat siya nang makita niya ang nakaimprenta sa papel: “HUWAG na kayong pumunta rito. Tinanggap na namin si Jesus. May relihiyon na kami.”

Sinabi ni David sa may-bahay: “Mawalang-galang na po. Nang inaayos ko po ang printer n’yo, nabasa ko ang gusto n’yong i-print. Matanong ko lang po kung bakit.”

Sumagot ang babae: “Tuwing Sabado’t Linggo kasi pumupunta dito ang mga Saksi ni Jehova. Nakukulitan na kami sa kanila. Sinasabi ko sa iyo, hindi sila makakapasok sa pamamahay namin.”

“Pero alam n’yo bang napatuloy n’yo na ang isa sa kanila?” ang tanong ni David.

“Imposible,” ang sagot ng babae. “Hinding-hindi ’yan mangyayari!”

Sinabi ni David: “Saksi ni Jehova po ako! At pinapasok n’yo ako!” Nagulat ang babae at medyo napahiya. Mabait na ipinaliwanag ni David kung bakit nagbabahay-bahay ang mga Saksi ni Jehova. Dalawang oras silang nag-usap. Paglipas ng ilang araw, dinalaw uli ni David ang babae at ang mister nito. Sinabi nilang matapos pag-isipan ang nangyari, natiyak nilang isinugo ng Diyos sa kanila si David. Kaya hindi nila siya matanggihan! Regular na silang tumatanggap ng ating mga magasin.

MARAMING BAON NA TRACT. Si Nathan, 12 anyos, ay nakatira sa Australia. Mayroon siyang mga tract sa bag at regular na nagpapatotoo sa mga kaibigan niya sa paaralan. Minsan, habang papauwi galing eskuwela, nakita niya ang isang matandang babae na nakatayo sa harapan ng bahay nito. Ngumiti ang babae, kaya ngumiti rin si Nathan at binigyan niya ito ng tract. Sinabi ng babae na namatay ang kaniyang mister tatlong taon na ang nakalilipas. Kaya kumuha si Nathan sa bag niya ng tract na Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal? Naluluha ang babae habang ipinapaliwanag ni Nathan ang tungkol sa darating na pagkabuhay-muli, at na puwede niyang makita uli ang asawa niya sa Paraiso. “Pero kailan magwawakas ang lahat ng pagdurusa?” ang tanong ng babae. Naglabas si Nathan ng isa pang tract, Lahat ng PagdurusaMalapit Nang Magwakas! Tinanong ng babae si Nathan kung ano pa ang pinaniniwalaan niya. Kaya nagbigay siya uli ng tract, Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova? Pagkatapos, umalis na si Nathan. Pagkaraan ng ilang linggo, nakita niya uli ang babae sa bakuran nito. Tinawag siya ng babae at niyakap. “Alam mo ba, Nathan?” ang sabi niya. “Matapos mo akong bigyan ng mga tract, dalawang babaing Saksi ang dumalaw dito, at ngayon, Bible study na nila ako!”

NAG-IISANG IMBITASYON SA MEMORYAL. Tumulong si Michael sa pagtatayo ng bagong pasilidad ng sangay sa Solomon Islands. Pagkatapos, ipinasiya niyang mangaral sa malayong Isla ng Mbanika, kung saan siya tumira noong bata siya at kung saan nakatira ang mga kuya niya. Walang Saksi roon, walang regular na biyahe ng barko, wala ring koreo, at isa lang ang telepono.

Nagpunta siya sa Isla ng Mbanika kasama si Hansly, isang kabataang payunir. Pagdating, nagtayo agad sila ng isang maliit na Kingdom Hall na gawa sa pawid at inimbitahan nila ang mga tao sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Iisa lang ang imbitasyon, kaya ipinapakita lang ito ng dalawang brother sa mga tao at ipinapaliwanag ang kahalagahan ng Memoryal.

Isang araw bago ang Memoryal, dalawang oras silang namangka papunta sa kabilang bahagi ng isla para imbitahan ang pamilyang nakatira doon. Pero mga anak lang ang nadatnan nila sa bahay. Kaya ipinasiya ni Michael na iwan ang kaisa-isang imbitasyon. Iniabot niya ito sa pinakamatandang anak at nagbiling ibigay sa kanilang tatay.

Kinabukasan ng hapon, habang naghahanda para sa Memoryal, nakita nina Michael at Hansly na paparating ang pamilya sakay ng bangka. Nabasa ng tatay ang imbitasyon at naisip niyang napakahalagang okasyon siguro ng Memoryal kaya isinama niya ang kaniyang buong pamilya. Nang gabing iyon, 52 ang dumalo. Sina Michael at Hansly ay patuloy na nangangaral at nagtuturo ng Bibliya sa mga dumalo ng Memoryal.

[Talababa]

a Namatay si Elin habang inihahanda ang taunang aklat na ito.

[Chart sa pahina 40-47]

ULAT SA 2010 TAON NG PAGLILINGKOD NG MGA SAKSI NI JEHOVA SA BUONG DAIGDIG

(Tingnan ang publikasyon)

[Mga mapa sa pahina 48-50]

(Tingnan ang publikasyon)