Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon

KAPANA-PANABIK makita ang ginagawa ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang bayan sa lupa. Iniuulat sa Taunang Aklat na ito ang pagsulong sa larangan ng wikang pasenyas at ang pagsasaliksik ng Writing Department. Malalaman mo ang tungkol sa ating mga internasyonal na kombensiyon pati ang ilang mahahalagang detalye hinggil sa paghahanda ng ating bagong aklat-awitan. Alamin din ang pinakabago tungkol sa mga legal na usapin ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig, ulat mula sa Haiti, at mga sangay na inialay kamakailan. Siguradong magugustuhan mo ang iyong mababasa at mapapatibay ka nito.

‘GUSTO NG DIYOS NA MAKILALA SIYA NG MGA BINGI’

Tingnan ang nangyayari sa larangan ng wikang pasenyas. Si Salvatore, taga-Estados Unidos, ay isang bingi na ang misis ay isang Saksi. Ilang taon na rin niyang alam ang katotohanan pero hindi siya sumulong sa espirituwal. Iminungkahi ng asawa niya na magbasa siya ng Bibliya araw-araw sa loob ng isang taon. Pero nahihirapan siyang intindihin ang binabasa niya kaya tumigil siya. “Hindi ko talaga matututuhang mahalin si Jehova,” ang hinaing niya.

Pero nagbago ang saloobin ni Salvatore nang malaman niyang may bahagi ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan na makukuha sa DVD sa American Sign Language. Matapos pag-aralan ang Salita ng Diyos sa wikang pasenyas, naibulalas niya, “Gusto talaga ng Diyos na makilala ko siya!” Nag-aral ng Bibliya si Salvatore, at isa na siyang bautisadong Saksi na masayang naglilingkod kay Jehova.

Gaya ni Salvatore, nadama rin ng ibang bingi sa buong daigdig na mahal sila ni Jehova at nagmamalasakit Siya sa kanila dahil sa Bibliya at iba pang publikasyon sa wikang pasenyas na nasa DVD at Internet. Mayroon nang mga publikasyon sa 46 na wikang pasenyas, at madaragdagan pa ito ng 13. Makukuha ang Bantayan sa siyam na wika at ang mga bahagi ng Bagong Sanlibutang Salin sa American, Brazilian, Colombian, Italian, Mexican, at Russian sign language.

Nakakatuwang makita kung paano naantig ng mga publikasyon sa wikang pasenyas ang mga baguhan. “Una akong nag-aral noong 1981, gamit ang mga literatura sa Japanese,” ang kuwento ni Natsue, isang babaing bingi sa Japan. “Dahil hindi ko ito maintindihan at tumutol na rin ang pamilya ko sa aking pag-aaral, huminto ako.”

“Noong Abril 2007, pagkaraan ng 26 na taon, ipinakita sa akin ng isang mamamahayag ang Japanese Sign Language na edisyon ng Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos!Sa DVD. Nag-aral uli ako at naramdaman kong napapalapít ako sa Diyos. Nabautismuhan ako noong Nobyembre 2008.”

Sa ngayon, mayroon nang mahigit 16,000 mamamahayag na bingi sa buong daigdig. Pinupuri nila si Jehova sa pamamagitan ng kanilang kamay at ekspresyon ng mukha. Ang 30 aklat, brosyur, video, at drama sa Bibliya na isinalin sa iba’t ibang wikang pasenyas ay katibayan ng pag-ibig at pagpapahalaga ni Jehova sa kanilang tapat na paglilingkod.

Maraming mga kapatid at mga interesado ang nagpapasalamat sa 54 na sangay na nagsasalin ng mga publikasyon sa wikang pasenyas. Mababasa sa mga sulat nila na tuwang-tuwa ang mga bingi sa mas malalalim na katotohanang natututuhan nila. Kuning halimbawa ang sinabi ng taga-Japan na si Emi, na ang mga magulang ay bingi.

“Matagal nang Saksi ang mga magulang ko, bago pa ako mabautismuhan,” ang kuwento ni Emi, “pero hiráp na hiráp silang maintindihan ang mga publikasyon sa Japanese. Kung minsan nga, kailangan ko pa itong ipaliwanag. Pero ngayon, kayang-kaya na nilang ipakipag-usap ang katotohanan. Sinabi ni Nanay, ‘Naintindihan ko lang ang mga detalye sa Bibliya nang magkaroon ng mga publikasyon sa wikang pasenyas.’ Dahil dito, mas napalapít sila kay Jehova at lalong tumibay ang samahan naming pamilya.”

‘TINATALUNTON ANG LAHAT NG BAGAY NANG MAY KATUMPAKAN’

Sinabi ni Jesus na ang tapat na alipin ay magiging maingat sa paglalaan sa mga lingkod ng sambahayan ng “kanilang pagkain sa tamang panahon.” Ipinahihiwatig ni Kristo na ang maglalaan ng “pagkain” na ito ay magiging tapat, masipag, at matalino sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa mga tunay na mananamba.—Mat. 24:45-47.

Sa ngayon, ginagamit ng mga pinahirang kapatid ni Kristo ang Writing Department sa Brooklyn, New York para maglaan ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng mga magasin, brosyur, aklat, at iba pang inimprenta at elektronikong publikasyon. Gaya ng literal na pagkain, ang espirituwal na pagkain ay kailangang ihandang mabuti. Tiniyak maging ng kinasihang mga manunulat ng Bibliya na tumpak at nasaliksik na mabuti ang iniulat nila. Halimbawa, si Lucas ay nagtanong sa mga nakasaksi sa mga pangyayari noon at ‘tinalunton ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan.’—Luc. 1:1-4.

‘Tinatalunton din nang may katumpakan’ ng Writing Department ang lahat ng bagay. Pero saan makakakuha ng tumpak na impormasyon? Bagaman napakadaling makakuha ng napakaraming impormasyon sa Internet, hindi nagtitiwala ang ating mga mananaliksik sa mga blog o di-maaasahang mga impormasyong basta isinulat lang ng kung sinu-sino. Halimbawa, ang ensayklopidiya sa Internet na Wikipedia ay nagbababala sa mga gumagamit nito: “Walang garantiyang ibinibigay ang Wikipedia, na ang impormasyong nilalaman nito ay kumpleto, tama, maaasahan at mapagkakatiwalaan.” Kaya ang Writing Department ay gumagamit ng mga kinikilalang reperensiya, mga artikulong isinulat ng mga iginagalang na eksperto, at mga aklat mula sa mga respetadong tagapaglathala.

Ang Writing Department ay may kumpletong aklatan na may libu-libong libro. Bukod diyan, nagpupunta rin ang ating mga mananaliksik sa kalapít na mga pampubliko at akademikong aklatan. Sa tulong din ng mga aklatan, nakakahiram sila ng mga espesyal na publikasyon sa iba pang aklatan. Isa sa malalaking aklatang pang-unibersidad na pinupuntahan ng ating mga mananaliksik ay may mga limang milyong libro, 58,000 magasin, 5.4 milyong microform (film o papel), at libu-libong elektronikong database. Ang Writing Department ay mayroon ding malaking archive ng mga clipping, karanasan, at ulat ng kasaysayan na laging ina-update mula sa mga lokal na mapagkukunan ng impormasyon at mga tanggapang pansangay sa buong daigdig.

Sinabi sa Eclesiastes 12:12: “Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas.” Pero kahit ang mga pinagkakatiwalaang reperensiya ay maaaring maglaman ng maling impormasyon. Kaya paano natin nalalaman na tumpak at maaasahan ang isang reperensiya?

Halimbawa, sa brosyur na Saan Nagmula ang Buhay?, sinipi ang tungkol sa sapot ng gagamba bilang isa sa pinakamatibay na materyales sa lupa: “Kung palalakihin na sinlaki ng palaruan ng football ang bahay ng gagambang gawa sa dragline silk na isang sentimetro ang kapal at apat na sentimetro ang pagitan ng mga hibla, kaya nitong pahintuin ang isang lumilipad na napakalaking jet!” Kahit na sinipi ito mula sa isang pinagkakatiwalaang magasin sa siyensiya, hindi ito ang orihinal na pinagmulan ng impormasyon, at malabo ang pagkakapaliwanag ng orihinal na reperensiya. Kaya kinailangang kontakin ang mismong mananaliksik na nagsabi nito para malaman kung paano siya umabot sa ganoong konklusyon. Inalam din ng ating mga mananaliksik ang pormula at datos na kailangan para makalkula nila mismo ang epekto ng malaking jet sa bahay ng gagamba na sinlaki ng palaruan ng football. Maraming oras silang nagsaliksik at nagkalkula hanggang sa makumpirma nilang tumpak nga ang kahanga-hangang impormasyong ito.

May pagkakataon din na kahit ang mga mukhang mapagkakatiwalaang reperensiya ay hindi makapagbigay ng sapat na ebidensiya. Halimbawa: Sinabi raw ni Gandhi habang nasa kaniyang ashram (retreat ng mga Hindu) ang mga salitang ito kay Lord Irwin: “Kapag ang iyong bansa at ang sa akin ay nagkaisa sa mga turong inilahad ni Kristo sa Sermon na ito sa Bundok, malulutas natin ang mga problema hindi lamang ng ating mga bansa kundi maging ng buong daigdig.” Pero matapos ang masusing imbestigasyon, walang nakitang ebidensiya na binisita nga ni Lord Irwin si Gandhi sa ashram nito. Hindi tuloy matiyak kung saan, kailan, at kung talaga ngang sinabi ni Gandhi ang mga salitang ito. Kaya hindi na ito sinisipi ng ating mga publikasyon.

Nabasa mo na rin siguro ang tungkol kay Sir Isaac Newton at sa modelo ng sistema solar. Isang ateista diumano ang nagtanong sa kaniya: “Sino ang gumawa nito?” Sumagot si Newton, “Wala!” Kaya sinabi ng ateista, “Sino’ng niloloko mo?” Pagkatapos, sinabi raw ni Newton sa ateista na pinatutunayan lang ng ginawa niyang modelo na mayroon talagang disenyador o maylikha ng di-hamak na mas malaking sistema solar. Napakaganda sana ng kuwentong ito. Kaya lang, walang pruweba ang mga reperensiya sa kasaysayan, maging ang mga iskolar at biyograpo ni Newton, na talagang nangyari ito. Kapansin-pansin na sa pinakaunang mga reperensiya nito noong unang bahagi ng ika-19 na siglo, hindi Newton ang binanggit na pangalan kundi Athanasius Kircher, isang iskolar na Aleman. Dahil dito, hindi na ginagamit ng Writing Department ang kuwentong ito sa ating mga publikasyon.

Kung minsan, kailangan ding magsaliksik para sa maliliit na detalye. Halimbawa, maaaring sabihin ng isang brother sa talambuhay niya na ipinanganak siya sa Czechoslovakia noong 1915. Pero nagkaroon lang ng Czechoslovakia noong 1918. Kaya saan siya ipinanganak? Para masagot ito, baka kailangang suriin ang mga lumang mapa o rekord ng kasaysayan.

Baka sabihin naman ng isang brother sa kaniyang karanasan na nabautismuhan siya sa San Francisco sa isang partikular na petsa. Pero kapag kinumpirma, maaaring makita na wala palang kombensiyon o asamblea sa lunsod na iyon sa araw na sinabi niya. Bakit ganoon? Nagkakamali rin kasi ang memorya natin. Hindi man magkamali ang brother sa lugar, puwede naman siyang magkamali sa petsa. Karaniwan na, puwedeng matiyak ang isang detalye kung ikukumpara ito sa ibang mga reperensiya.

Maliwanag na tinitiyak ng Writing Department na tumpak at totoo ang ginagamit nitong reperensiya, kahit sa maliliit na detalye. Kaya naman, “ang tapat at maingat na alipin” ay laging nakapaglalaan ng espirituwal na pagkain na lumuluwalhati sa “Diyos ng katotohanan,” si Jehova.—Awit 31:5.

NATULUNGANG “PATULOY NA MAGBANTAY”

Pinahahalagahan ng milyun-milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang praktikal at napapanahong programa ng “Patuloy na Magbantay!” na mga Pandistritong Kombensiyon noong 2009. Mahigit 200,000 delegado mula sa 136 na lupain ang dumalo sa 37 internasyonal na kombensiyon. Idinaos ang mga ito sa Alemanya, Austria, Chile, Côte d’Ivoire, Estados Unidos, Ghana, Italya, Kenya, Korea, Mexico, Myanmar, Peru, Poland, Pransiya, Timog Aprika, at Trinidad and Tobago. Lahat-lahat, ang peak ng dumalo sa mga internasyonal na kombensiyon ay 1,495,045, at 15,730 ang nabautismuhan.

Bakit may ganitong mga internasyonal na kombensiyon? Nagsasaayos ang Lupong Tagapamahala ng ganitong mga pagtitipon kada ilang taon sa mga pinakaangkop na lunsod—kung minsan sa mga lupaing dating bawal ang gawain ng mga Saksi. Ang mga kombensiyong ito ay nagpapatibay sa mga kapatid at nakakatulong sa pagsulong ng gawain sa mga bansang iyon.

Sa mga kombensiyong ito, nararanasan ng mga kapatid ang natatanging “bigkis ng pagkakaisa” ng ating internasyonal na kapatiran. (Col. 3:14) Napakasayang makita ang pag-ibig, kapayapaan, at pagkakaisa sa ganitong mga kombensiyon—na hindi nahahadlangan ng pagkakaiba-iba ng lahi, kultura, at wika! Naipapadama ng iba’t ibang etnikong grupo ang pag-ibig sa isa’t isa kapag intermisyon—magkakasama silang kumakain, nagkukuhanan ng litrato, nagyayakapan, at nagbibigayan ng simpleng regalo, adres, o numero ng telepono. Isinusuot pa nga ng marami sa mga delegado at mga Saksi sa bansang iyon ang kanilang tradisyonal na kasuutan.

Isang pantanging bahagi ng programa ng internasyonal na kombensiyon ang “Mga Ulat Mula sa Ibang mga Lupain,” na iniharap sa loob ng apat na araw. Napansin ng isang naglalakbay na tagapangasiwa mula sa Italya na nakatulong ang mga ulat para “madama [ng lahat ng dumalo] na bahagi sila ng isang tunay na internasyonal na kapatiran na may iisang tunguhin—ang ipangaral ang Kaharian.” Nakakaantig ang mga karanasan ng mga misyonero at iba pang buong-panahong mga lingkod na dumalaw sa kani-kanilang bansa! Talagang napatibay ang mga bata’t matanda sa kanilang maiinam na halimbawa!

Napakasaya ring makapakinig ng napapanahong mga tagubilin at pampatibay mula sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala! Ininterpret ang kanilang mga pahayag pati na ang “Mga Ulat Mula sa Ibang mga Lupain” para makinabang ang mga tagapakinig na iba-iba ang wika. Halimbawa, nitong ikalawang internasyonal na kombensiyon sa Honolulu, Hawaii, apat na beses na nagpahayag sa wikang Ingles si Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala. Ininterpret ang mga ito sa Chuukese, Iloko, Japanese, Mandarin, Marshallese, at Samoan.

Kapag nagpaplano ng mga internasyonal na kombensiyon, isinasaalang-alang ng Lupong Tagapamahala ang laki ng mga pasilidad sa isang bansa na maaaring gamitin, bilang ng mga Saksi roon at ng mga delegado mula sa ibang bansa, at ang matutuluyan ng mga delegado. Pagkatapos, humihingi ng permiso sa lokal na mga awtoridad ang mga responsableng brother at gumagawa ng mga kontrata kasama ang mga manedyer ng mga pasilidad.

Dahil madalas gamitin sa mga kombensiyon ang malalaking istadyum, maraming dapat planuhin at asikasuhin upang matiyak na presentable ang mga ito para sa pagsamba kay Jehova. Halimbawa, sa Peru, dahil may nakaiskedyul na laro ng soccer bago ang kombensiyon, nakapaglinis lang at nakapag-ayos ang mga kapatid sa istadyum noong gabi bago ang sesyon kinabukasan. Mga 3,000 lang ang hinilingang magboluntaryo, pero mahigit 7,000 ang dumating. Nagsimula sila ng 6:00 n.g. at magdamag na naghanda para sa kombensiyon.

Sa pagtatapos ng internasyonal na kombensiyon sa Long Beach, California, E.U.A., sinabi ng tatlong tauhan ng istadyum: “Marami nang relihiyong gumamit ng lugar na ito, pero walang ibang nakakagawa ng ginagawa ninyo. Kahanga-hanga kayo.” Inamin ng isa sa kanila na kapag kumakatok noon ang mga Saksi ni Jehova sa pinto nila, sinasabi niya, “Sige, kumatok kayo nang kumatok, hindi ko naman kayo pagbubuksan.” Pero sinabi niya na kapag may kumatok uli sa pinto niya, pagbubuksan na niya sila at pakikinggan. Nasabi pa nga ng isa, “hindi ko pa nasubukang pumasok sa kahit anong relihiyon, pero ito ang relihiyong gusto kong samahan.”

Napakalaking patotoo ang naibigay sa mga lunsod na pinagdausan ng kombensiyon, sa kapurihan ni Jehova! At laking pasasalamat natin kay Jehova sa paglalaan ng gayong nakapagpapatibay na pagtitipon para ‘patuloy tayong makapagbantay’!—Mat. 24:42.

PAG-AWIT NG PAPURI KAY JEHOVA

Ang pag-awit ng papuri kay Jehova ay mahalagang bahagi ng ating pagsamba. Kaya sa mga kombensiyon noong 2009, masayang-masaya ang mga lingkod ng Diyos nang malaman nilang may bagong aklat-awitan—ang Umawit kay Jehova. Pero bakit kailangan ng bago?

Sa nakalipas na mga panahon, nagkaroon ng mga pagbabago sa ating aklat-awitan para maging kaayon ito ng lalong lumiliwanag na katotohanan. (Kaw. 4:18) Sa bago nating aklat-awitan, nagawa ang kinakailangang mga pagbabago sa mga liriko. Piniling mabuti ang mga gagamiting salita para mas madali itong maintindihan at matandaan habang inaawit, lalo pa’t pinaikli ang marami sa mga awitin. Naglagay ng koro sa ilang awitin para maulit ang mga pangunahing punto at mas matandaan ang mga ito. At sinikap ding bawat nota ay may tig-iisa lang pantig ng salita.

Matapos suriing mabuti ang dati nating aklat-awitan na Umawit ng mga Papuri kay Jehova, nakitang kailangang baguhin ang ilang himig para mas madali itong maawit. Binabaan ng tono ang ilang awit na may matataas na nota. Isa pa, may mga awiting hindi nakakanta nang eksakto sa kung ano ang nasa aklat-awitan. Dahil diyan, may mga himig na inayos para bumagay ito sa mas natural na paraan ng pag-awit dito ng mga kapatid sa buong daigdig.

Pinag-isipan ding mabuti kung paano ilalagay sa mga pahina ang mga awitin. Ang mahahabang awitin ay inilagay sa tig-dadalawang magkaharap na pahina para magkasya ang mga ito kapag isinalin na sa ibang wika at hindi na maglipat ng pahina habang kumakanta. Wala nang awitin na higit sa tatlong stanza.

Paano naisagawa ang napakalaking trabahong ito? Noong Agosto 2007, isang grupo ng bihasang mga kompositor at manunulat ng liriko ang inanyayahan para tumulong sa Lupong Tagapamahala sa proyektong ito. Pinag-aralan at binusisi ang lahat ng awitin sa dating aklat-awitan para makita ang mga problema may kaugnayan sa turo, idiniriing punto, at himig. Lumilitaw na may mga dating himig na ayos naman pero nangangailangan ng bagong liriko. Mayroon namang kaunti lang ang dapat baguhin sa liriko pero malaki ang dapat ayusin sa himig. Inaprobahan ng Teaching Committee ang isang listahan ng mga paksang angkop na awitin sa mga Kristiyanong pagpupulong, asamblea, kombensiyon, at programa sa pag-aalay.

Bukod diyan, muling sinuri ng mga kompositor ang istilo ng musika ng mga awiting ginagamit sa pulong. Para makalikha ng kagalang-galang ngunit kasiya-siyang mga awitin, iniwasan nilang magtunog himno ng mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ang ating musika. Iniwasan din nilang matulad ang mga awit ng papuri kay Jehova sa mga istilo ng awitin sa mga simbahang karismatiko.

Maingat na sinubaybayan ng Lupong Tagapamahala ang pagkatha ng bawat komposisyon at liriko. Ang mga awitin na bago sa pandinig ng Lupong Tagapamahala ay inirekord ng mga mang-aawit para mapakinggan ito at mapag-aralan ng Lupong Tagapamahala. Pagkatapos maaprobahan, ipinadala ang mga awitin sa mga sangay na nagsasalin para mailabas ang mga aklat-awitan sa ibang wika kasabay ng Ingles.

Karagdagan pa, isinaayos ng Lupong Tagapamahala noong 2007 na magrekord ang isang koro ng mga mang-aawit para mas madaling matutuhan ng mga kongregasyon ang mga awitin. Sa loob ng maraming taon, isang orkestra ng mga boluntaryo mula sa 14 na bansa ang nagtitipon nang mga dalawang beses sa isang taon sa Patterson, New York, para magrekord ng mga musika na gagamitin sa mga drama, video, kombensiyon, at asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Ginagamit ng mga kapatid na ito, karamiha’y mga buong-panahong ministro, ang kanilang pera at panahon para makapagrekord ng mga musika sa kapakinabangan ng mga kapatid sa buong daigdig. Ang lahat ay bihasang manunugtog. Ang mga rekording ng orkestra ay ipinadadala naman sa mga sangay sa buong mundo para sa mga kombensiyon at sa pagrerekord ng mga koro sa iba’t ibang wika. Marami sa mga rekording na inawit ng koro ay puwede nang ma-download sa Web site na www.pr418.com.

Ano ang komento sa bagong aklat-awitan na Umawit kay Jehova? Gaya ng nilalaman ng daan-daang liham na natanggap ng organisasyon, ganito ang isinulat ng isang sister: “Una, gusto kong magpasalamat sa magagandang awitin sa ating bagong aklat-awitan. Nakakaantig ang mga ito, nakakapagpatibay at nakakaginhawa—napakagandang regalo mula kay Jehova.”

Umaasa kami na ang ating pambuong-daigdig na kapatiran ay maaaliw at mapalalakas ng aklat-awitang Umawit kay Jehova. Tayo ma’y nag-iisa o nagkakatipon sa pagsamba, nawa’y magamit natin ito upang ipahayag ang ating pag-ibig sa ating Ama sa langit, si Jehova!

‘DADALHIN SA HARAP NG MGA GOBERNADOR AT MGA HARI BILANG PATOTOO’

Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na dadalhin sila sa “mga lokal na hukuman,” at “mga gobernador at mga hari,” pero ito ay “bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa.” (Mat. 10:17, 18) Gayon nga ang naranasan ng mga Saksi ni Jehova noong nakaraang taon. At, gaya ng sinabi ng kanilang Panginoon, nagbigay ito sa kanila ng pagkakataong makapagpatotoo.

Armenia

Si Brother Vahan Bayatyan ay nasentensiyahang mabilanggo nang dalawa’t kalahating taon dahil sa paninindigang hindi magsundalo. Matapos matalo sa kaso at umapela sa mga korte sa Armenia, dinala niya ito sa European Court of Human Rights (ECHR) noong 2003. Noong Oktubre 27, 2009, naglabas ng pasiya ang ECHR pabor sa Armenia, gaya ng lagi nitong desisyon sa nakaraang mahigit 50 taon. Pero tutol dito ang isang hukom. Para sa kaniya, ito ay “hindi kaayon ng kasalukuyang pamantayan ng Europa may kinalaman sa pagtangging magsundalo dahil sa relihiyosong paniniwala.”

Dahil napakahalaga ng isyung ito, pumayag ang ECHR na ipasa ang kaso sa Grand Chamber nito. Nobyembre 24, 2010 ang iskedyul ng pagdinig sa Strasbourg sa Pransiya. Hindi pa alam ang desisyon ng Grand Chamber nang isinusulat ang report na ito.

Azerbaijan

Hiráp pa rin ang mga Saksi ni Jehova na magpasok ng mga literatura. Inaaprobahan ng gobyerno ang ilang literatura tungkol sa relihiyon pero hindi pinapayagan ang ibang publikasyon dahil ayon sa kanila, “pinalilitaw ng mga ito na ang mga Saksi ni Jehova lang ang tama at iniinsulto nito ang ibang relihiyong Kristiyano.” Dahil dito, hinalughog ang mga bahay ng ilang kapatid, at kinumpiska rin ang kanilang mga literatura sa Bibliya.

Noong Abril 25, 2010, sa siyudad ng Qazax, pauwi galing ng asamblea sa Georgia ang mga 250 Saksi ni Jehova sakay ng limang bus at isang maliit na van. Sa border, kinumpiska ng mga pulis ang kanilang mga literatura, pati na ang 33 Bibliya. Marami sa mga kapatid, maging ang mga may-edad at may-kapansanan, ang pinaghintay nang hanggang walong oras bago pinayagang makadaan. Para hindi na ito maulit at matiyak na patuloy na tatanggap ng espirituwal na pagkain ang mga kapatid sa Azerbaijan, inilapit ang isyung ito sa European Court of Human Rights.

Belarus

Noong Nobyembre 6, 2009, pinagmulta si Brother Dmitry Smyk ng 3,500,000 ruble ($1,154 U.S.) dahil sa pagtangging magsundalo. “Sinisikap kong sundin ang Bibliya sa lahat ng aspekto ng buhay ko,” ang sabi ni Brother Smyk. “Naniniwala akong hindi dapat magsanay o makibahagi sa digmaan ang isa.”—Isa. 2:1-4.

Bagaman nasa Konstitusyon ng Belarus ang karapatang pumili ng alternatibong serbisyong pangkomunidad, hindi naman ito idinetalye sa batas. “Lumilitaw na may karapatan akong pumili ng alternatibong serbisyo,” ang sabi ni Brother Smyk, “pero hindi ko naman magamit ang karapatang iyon.”

Noong Pebrero 18, 2010, ang presidente ng Belarus ay bumuo ng isang komisyong gagawa ng batas sa alternatibong serbisyo. Di-nagtagal, napatunayang inosente si Brother Smyk at kinansela ang malaking multang ipinataw sa kaniya. Dahil problema rin ito ng ibang kabataang Saksi sa Belarus, inaasahang magkakaroon na ng probisyon ang gobyerno para sa alternatibong serbisyo ng mga sibilyan.

Belgium

Walang buwis noon ang mga pag-aari ng Bethel sa Brussels, Belgium, gaya ng mga gusali ng iba pang relihiyon sa bansa. Pero noong 1993, hindi na lubusang libre sa buwis ang mga Saksi. Sinabi ng kagawaran ng buwis na ang Bethel ay hindi lang para sa relihiyon dahil kumikita rin ito, at ang mga Bethelite ay hindi naman buong panahon sa kanilang relihiyosong mga gawain. Dininig ang kasong ito noong 2008 sa isang mababang hukuman, pero kinatigan ng korte ang kagawaran ng buwis. Umapela ang mga kapatid, at noong Mayo 4, 2010, binaligtad ng hukuman sa pag-apela ang desisyon ng mababang hukuman. Ganito ang hatol ng tatlong hukom: “Ang buhay ng mga Saksing nasa Bethel ay umiikot sa kanilang malalim na pananampalataya anupat ibinibigay ang buong buhay sa paglilingkod sa Diyos. . . . Lahat ng ministrong ito ay miyembro ng Worldwide Order of Special Full-Time Servants, at magkakasamang namumuhay, nananalangin, umaawit, at nag-aaral ng Bibliya. At ang lahat ay may bahagi sa kanilang kaayusan ng pang-umagang pagsamba.”

Eritrea

Marami pa ring hamong binabata ang mga Saksi ni Jehova sa Eritrea dahil sa pananatiling tapat sa Diyos. Sa ngayon, 58 Saksi ang nakakulong, kasama na ang mga babae at maliliit na bata. Dahil sa higpit ng gobyerno at sa posibilidad na maaresto, hiráp ang mga kapatid na alamin ang lagay ng mga nakakulong. Ilang taon ding sinubukan ng mga Saksi ni Jehova na ilapit sa mga nanunungkulang diplomat ang kaso ng mga kapatid na nakakulong sa Eritrea. Umapela ang mga Saksi sa mga opisyal ng U.S. Department of State, European Union, at iba’t ibang embahada. Kinausap din nila sa Horn of Africa ang maraming opisyal, gaya ng mga kinatawan ng African Union. Kamakailan, nagpadala ang mga Saksi ni Jehova ng sulat sa 18 embahada ng Eritrea sa buong daigdig, lakip ang listahan ng mga bilanggong wala naman sa edad para magsundalo, gaya ng mga bata’t may-edad. Sa sulat, hiniling nila kay Presidente Afewerki na palayain ang mga ito. Pero hanggang ngayon, wala pang sagot ang gobyerno.

Gresya

Noong Enero 15, 2010, nakita ng Council of State, pinakamataas na hukuman sa Gresya, na may karapatan ang Saksi ni Jehova na si Evangelos Delis na tumangging maging reserbang sundalo. Nasa militar si Brother Delis bago naging Saksi. Pero nang ipatawag siya para muling magsanay, tumanggi siya dahil sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. Ibinasura ng Administrasyon ang petisyon niya hinggil sa karapatang tumanggi dahil sa relihiyosong paniniwala. Pero sinabi ng Council of State na alinsunod sa inilabas na mga artikulo ng European Convention of Human Rights, may karapatan ang isa na magbago ng relihiyon kahit dati siyang sundalo at na tumangging magsundalo dahil sa kaniyang bagong relihiyon. Ang desisyong ito ng pinakamataas na korte sa Gresya ay tiyak na makakatulong sa mga taong may gayon ding kaso sa Gresya at sa iba pang bansa, gaya ng Armenia, Azerbaijan, Timog Korea, at Turkey.

Portugal

Noong Setyembre 25, 2009, sinabi ng Ministri ng Katarungan na ang Asosasyon ng mga Saksi ni Jehova ay kinilala ng lahat ng hukom bilang isang matagal nang relihiyosong organisasyon. Ang mga Saksi ni Jehova ngayon sa Portugal ang may pinakamataas na klasipikasyon pagdating sa relihiyon at hukuman, at malaking tulong ito sa kanilang pangangaral. Marami itong bentaha para sa bayan ni Jehova. Halimbawa, may awtoridad na ang ilan nilang ministro na magdaos sa loob ng Kingdom Hall ng kasal na kinikilalang legal ng pamahalaan. Makakapasok na rin ang mga Saksi sa mga ospital at bilangguan para makapagturo ng Bibliya sa mga humihiling nito.

Puerto Rico

Noong Enero 27, 2010, naglabas ang Korte Suprema ng Puerto Rico ng isang makasaysayang desisyong pabor sa karapatan ng isang adultong pasyente na tumanggi sa ilang panggagamot. Kinatigan din ng Korte ang karapatan ng sinumang pasyente na gumamit ng advance directive (patiunang medikal na tagubilin) at pumili ng kakatawan sa kaniya kung wala siyang malay. Ang Saksi ni Jehova na si Victor Hernandez ay gumawa ng advance directive bago magpunta sa ospital. Hindi kinilala ng mababang hukuman ang desisyon ni Brother Hernandez na nakasaad sa kaniyang medikal na tagubilin na sinuportahan ng kaniyang kinatawan. Pero binaligtad ng Korte Suprema ang desisyong ito at kinilala “ang saligang karapatan na siyang dahilan kung bakit isang di-matututulang karapatan ng tao ang magpasiya tungkol sa kaniyang katawan.” Malaking tulong ang tagumpay na ito hindi lang sa mahigit 25,000 Saksi ni Jehova sa Puerto Rico, kundi pati na sa lahat ng iba pang pasyente sa buong isla.

Russia

Nitong mga nakaraang buwan, ang gawain ng bayan ni Jehova ay napaharap sa pinakamatinding banta mula nang mabuwag ang Unyong Sobyet. Noong Disyembre 8, 2009, kinatigan ng Korte Suprema ng Russia ang desisyon ng mababang hukuman sa Rostov na naging dahilan ng pagbuwag sa lokal na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Taganrog at pagkumpiska sa kanilang Kingdom Hall. Gayundin, idineklarang kontra-gobyerno ang 34 sa ating mga literatura, kasama na ang malawakang-ipinamamahaging mga aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, at “Halika Maging Tagasunod Kita.”

Pagkaraan ng ilang linggo, naglabas ang Korte Suprema ng Altay Republic, sa timugang Russia, ng katulad na desisyon may kinalaman sa lokal na organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Gorno-Altaysk. Bunsod nito, 18 publikasyon pa ang itinuring na kontra-gobyerno. Dahil sa mga desisyong ito ng korte, imposible ngayong makapagpasok sa Russia ng gayong mga literatura. Bukod diyan, lumakas ang loob ng mga kaaway ni Kristo na takutin at pag-usigin ang maaamong tagasunod niya sa iba’t ibang lunsod. Mula nang ilabas ang desisyon noong Disyembre 8, mahigit nang 300 ang napaulat na pangre-raid, pang-aaresto, panghahalughog ng bahay, at iba pang panggugulo sa pagsamba ng mga kapatid.

Dahil sa tumitinding panganib, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pamamahagi ng 12 milyong kopya ng espesyal na tract na Could It Happen Again? A Question for the Citizens of Russia. Ipinakita ng tract na ang panggigipit na nararanasan ngayon ng mga Saksi ni Jehova ay katulad na katulad ng pananalansang sa kanila noong panahon ng Komunismo. Ipinamahagi ito ng mga Saksi ni Jehova sa buong Russia noong Pebrero 26 hanggang 28, 2010. Kahit pa -40 digri Celsius ang temperatura, naipamahagi ng maraming kongregasyon ang lahat ng tract sa loob lang ng dalawang araw.

Dahil dito, noong Abril 26, 2010, inalisan tayo ng Federal Service for the Oversight of Communications, Information Technology and Mass Communications (Roskomnadzor) ng lisensiya na makapagpasok sa Russia ng Bantayan at Gumising!

Pero “ang kamay ni Jehova ay hindi naging napakaikli anupat hindi ito makapagligtas.” (Isa. 59:1) Noong Hunyo 10, 2010, gumawa ang European Court of Human Rights (ECHR) ng isang napakahalagang desisyong pabor sa kapakanan ng Kaharian. Sa kasong Mga Saksi ni Jehova sa Moscow v. Russia, idineklara ng ECHR na ang pagbuwag sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow at pagbabawal sa kanilang mga gawain ay ilegal at paglabag sa saligang karapatang pantao na magkaroon ng kalayaan sa pag-iisip, budhi, at relihiyon. Ang pagbuwag at pagbabawal na ito ay nangyayari na sa Moscow mula pa noong Marso 26, 2004, kung kaya lalong tumindi ang pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga Saksi. Malinaw na sinasabi sa desisyon ng ECHR na ang gobyerno ng Russia ay “may legal na obligasyon [na] itigil ang paglabag na nakita ng Korte at iwasto hangga’t maaari ang mga epekto nito.”

Ibinatay ang desisyong ito sa siyam na panalo ng mga Saksi ni Jehova sa matataas na hukuman sa Canada, Espanya, Estados Unidos, Japan, Russia, Timog Aprika, at United Kingdom, gayundin sa walong mas naunang desisyon ng ECHR na pabor sa mga Saksi ni Jehova. Dahil dito, lalong napatunayan ng ECHR na tama ang naging desisyon nito sa mga naunang kaso. Batay sa European Convention of Human Rights at sa mga naunang desisyon, pinawalang-sala ng korte ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng paratang sa kanila ng mga awtoridad ng Russia.

“Ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng korte, “ay mahigit 12 taon nang legal na umiiral sa Moscow, mula 1992 hanggang 2004. Sa panahong iyon, hindi kailanman nasangkot sa krimen o lumabag sa batas ang mga elder at bawat miyembro nito.” Kaya naman sinabi ng korte na nalabag ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova, at idinagdag nito na “ang Estado ay may legal na obligasyon [na] pumili . . . ng mga hakbang na ipatutupad sa kanilang legal na sistema upang itigil ang paglabag na nakita ng Korte.”

Noong Setyembre 9, 2010, hiniling ng gobyerno ng Russia na dalhin ang kasong ito sa Grand Chamber ng ECHR. Halatang pinatatagal lang nito ang kaso dahil ayaw nitong sundin ang ipinagagawa ng korte. Pero pahintulutan man ni Jehova na pag-aralan ng Grand Chamber ang kaso o hindi, makakatiyak tayo na patuloy itong magiging isang malaking patotoo.

Serbia

Matapos ang halos apat-na-taóng pag-apela sa korte, sa wakas ay isinama na ng Serbian Ministry of Religious Affairs ang “Mga Saksi ni Jehova—Kristiyanong Relihiyosong Organisasyon” sa listahan ng mga legal na relihiyon sa Serbia. Tatlong beses nang ibinasura ng ministri ang aplikasyon ng mga Saksi kahit mayroon nang mga grupo ng International Bible Students, dating tawag sa mga Saksi ni Jehova, sa lugar na iyon mula pa noong pasimula ng dekada ng 1920. Pero matapos maglabas ang Korte Suprema ng Serbia ng dalawang desisyong pabor sa atin, inaprobahan ng Ministry of Religious Affairs ang ating kahilingang mairehistro.

Noon, madalas na kinakasabuwat ng mga kaaway ang media para palabasing isang mapanganib na sekta ang mga Saksi ni Jehova. Ngayong rehistrado na ang mga Saksi, makikita ng mga tapat-puso sa Serbia na sila ay mabubuting tao, masunurin sa batas, at hindi banta sa lipunan o sa sinuman. Karagdagan pa, makakapasok na sa bansa nang walang buwis ang mga literatura at iba pang bagay na ginagamit sa mga pulong at pangangaral.

Slovenia

Noong Nobyembre 27, 2009, ang “Mga Saksi ni Jehova—Kristiyanong Relihiyosong Organisasyon” ay isinama sa talaan ng mga legal na relihiyon sa Republika ng Slovenia. Ipinaalam ng direktor ng Office for Religious Communities sa ating mga kinatawan na sa 40 relihiyon at grupo sa Slovenia, ang “Mga Saksi ni Jehova—Kristiyanong Relihiyosong Organisasyon” ang ikawalo sa muling nakapagparehistro sa ilalim ng bagong Religious Freedom Act. Dahil dito, ang buong-panahong mga ministro ay makakatanggap ng mga benepisyo na ibinibigay ng gobyerno sa lahat ng buong-panahon sa relihiyosong serbisyo.

Turkey

Mga 20 taon nang ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa Mersin ang kanilang Kingdom Hall. Pero ipinasara ito ng mga awtoridad noong Agosto 2003 dahil nilabag daw nila ang batas sa pagtatayo at paggamit ng mga gusali sa lugar na iyon. Umapela ang mga kapatid sa mga korte. Pero noong Disyembre 30, 2009, pinaboran ng pinakamataas na hukuman ng Turkey ang opisina ng gobernador ng Mersin. Iniakyat ng mga kapatid ang kaso sa ECHR.

KITANG-KITA ANG PAG-IBIG NA PANGKAPATID SA HAITI

Noong Enero 12, 2010, napuruhan ng isang malakas na lindol ang kabisera ng Haiti na Port-au-Prince at ang mga katabi nitong lugar. Daan-daang libo ang namatay, at marami ang lumikas. Ilang libong Saksi ni Jehova ang nawalan ng tahanan, at 154 ang nasawi. Marami ang malubhang nasugatan. Ang iba naman ay muntik nang hindi makaligtas.

Nasa bahay si Acloque nang lumindol. Gumuho ang pader at naipit siya ng bumagsak na kisame, pero hindi naman siya masyadong nasugatan. Sinubukan niyang mangapa sa dilim. “May nakapa akong timba ng tubig,” ang natatandaan ni Acloque. “Hindi ko ito mailapit sa akin, pero kaya kong isawsaw rito ang mga daliri ko at maidampi sa mga labi ko. May nakuha akong bato at gumawa ako ng ingay para may makarinig sa akin.” Nanalangin siyang sana ay masaklolohan siya, at patuloy na ipinukpok ang bato sa sahig at naghintay.

“Wala akong relo, kaya hindi ko alam kung anong oras na,” ang sabi ni Acloque. “Noong una, umiiyak ako at nagmamakaawa kay Jehova na iligtas ako. Pero pagtagal, naiba na ang panalangin ko: ‘Alam ko pong bubuhayin n’yo akong muli. Pero bata pa po ako! Kung makakaligtas ako, makakapaglingkod pa po ako sa inyo.’”

Unti-unti nang nanghina si Acloque hanggang sa hindi na niya maipukpok ang bato. Pagkatapos, nawalan na siya ng malay.

Nang magising siya, naramdaman niyang may mga rescuer na Saksi na naghahanap ng maililigtas. “Mayamaya, may bumagsak na semento at muntik na ang binti ko,” ang kuwento niya. “Naisip ko na isa pang hampas nila, tatamaan na ang tuhod ko. Kaya umusad ako patungo sa butas at hinawakan ang kamay ng rescuer.” Nakaligtas si Acloque matapos ang apat na araw na pagkakaipit doon.

AGARANG PAGTULONG

Sa loob ng 24 oras, dumating ang unang doktor na Saksi mula sa sangay sa Dominican Republic. Nagdatingan din ang mga Saksing magbibigay ng medikal na tulong at mamamahagi ng relief. Agad na nagtayo sa lote ng sangay ng temporaryong ospital, kung saan ginamot ang mahigit 1,000 Saksi at di-Saksi.

Dalawa sa mga pasyente ay mga kabataang babae na parehong naputulan ng kanang braso. “Gaya ng ibang dalaga’t binatang pasyente na nawalan ng braso o binti, nag-aalala sila na baka hindi na sila makapag-asawa o magkapamilya,” ang sabi ni Mylène, isang boluntaryo. Kinontak ni Mylène ang kakilala niyang sister sa Pransiya na naputulan din ng braso dahil sa aksidente sa kotse noong bata pa ito. Hinilingan niya itong patibayin ang dalawang kabataang babae. Nag-e-mail ang sister ng mga litrato niya kasama ang kaniyang asawa’t dalawang magagandang anak. Kaya nabuhayan ng loob ang dalawang kabataang sister, na ngayon ay nakakapag-adjust na.

Bukod sa pagkain, damit, at mga gamot, kailangang-kailangan na rin ng matitirhan ng mga biktima. Ang mga Saksing boluntaryo mula sa Haiti at sa ibang bansa ay nagtayo ng mahigit 1,700 pansamantalang tirahan para may matuluyan ang mga pamilyang Saksi na nawalan ng bahay. Hunyo nang magtayo ng pansamantalang mga Kingdom Hall ang mga relief team, at noong Hulyo, nag-isyu na ang mga awtoridad ng mga permit sa pagtatayo ng permanenteng mga Kingdom Hall.

PISIKAL, EMOSYONAL, AT ESPIRITUWAL NA PAGPAPAGALING

Noong Marso, nakipag-usap sa mga elder ng 115 kongregasyong apektado ng lindol ang isang Saksi na espesyalista sa post-traumatic stress disorder. Nagbigay ang doktor ng praktikal na mga mungkahi sa mga elder kung paano palalakasin sa espirituwal ang mga naapektuhang miyembro ng kongregasyon. Pagkatapos, isa-isa niyang kinausap ang mahigit 100 kapatid na nangangailangan ng higit na medikal na atensiyon.

Di-nagtagal matapos ang lindol, nagpunta sa Haiti si David Splane ng Lupong Tagapamahala para aliwin at palakasin ang mga kapatid doon. Pinatibay ni Brother Splane, na marunong mag-French, ang mga kapatid sa isang pansirkitong asamblea. Kinausap din niya ang mga Bethelite, misyonero, at mga tagapangasiwa ng sirkito. Talagang pinasasalamatan ng lahat ang maibiging pagmamalasakit niya at ng Lupong Tagapamahala.

Sa kabila ng gabundok na mga problema, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Haitian Creole ay natapos, naimprenta, at naipadala sa sangay sa Haiti. Dumating ang mga bagong Bibliya mga ilang oras lang bago ito ilabas sa pandistritong kombensiyon noong Hulyo. Napakaraming nangyari noong 2010! Mula nang magsimula ang pagpapadala ng tulong, kitang-kita at damang-dama ng lahat ang patuloy na pag-alalay ni Jehova sa iba’t ibang paraan. Ang mga kinakailangang suplay, transportasyon, at mga tao ay laging eksaktung-eksakto kung dumating, na hindi mo iisiping nagkataon lang. Isang matagal nang misyonero ang nagsabi, “Dapat nandito ka, para kitang-kita mo kung paano minamaniobra ni Jehova ang mga bagay.”

MGA SANGAY NA INIALAY—NAGBIGAY-KALUWALHATIAN SA DIYOS

Isang di-malilimutang araw para sa mga Saksi ni Jehova sa Solomon Islands ang Pebrero 13, 2010. Si Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagpahayag para sa pag-aalay ng mga bagong pasilidad ng sangay, at isa sa 368 dumalo ang kauna-unahang Saksi roon na si Clement Fa’abasua. Isang buwan bago nito, binuksan ang sangay sa mga interesado at sa mga nakatira sa malapit, at 273 ang nag-tour. Isa sa mga bisita, na isang arkitekto, ang sumulat sa nangungunang pahayagan sa bansa: “Sa kabuuan, triple A ang rating ko sa lahat ng pasilidad [ng sangay]. Magandang parisan ito sa ikasusulong ng komunidad ng Solomon Islands, at para sa lahat ng magtatayo ng kanilang mga pasilidad. Ang nagdisenyo, mga nagboluntaryo, at mga nangangasiwa rito ay masasabing nakagawa ng isang hiyas sa ating malaparaisong mga isla.”

Di-malilimutan ang programa para sa pag-aalay ng sangay sa Estonia noong Sabado, Abril 3, 2010. Gustung-gusto ng 438 dumalo ang programa, pati ang pahayag sa pag-aalay na ibinigay ni Christian Muntean mula sa sangay sa Gresya. Binili sa isang lokal na kompanya ng tubig ang dalawang-palapag na gusali na katabi ng pasilidad ng sangay. Ni-renovate ito at ginawang mga studio para sa audio at video recording, at silid para sa mga paaralan, gaya ng Bible School for Single Brothers.

Inialay ang sangay sa Latvia noong Abril 10, 2010. Simula nang makarating ang mabuting balita sa Latvia noong 1918, maraming taóng sinalansang ang ating gawain. Pero tuloy pa rin ang pangangaral sa Latvia. Nakinig sa pahayag ni Christian Muntean ang mga kapatid doon kasama ang 248 delegado mula sa siyam na bansa.

Noong Sabado, Mayo 8, 2010, mahigit 2,200 ang dumalo sa pag-aalay ng sangay sa Paraguay. Si Gerrit Lösch ng Lupong Tagapamahala ang nagpahayag. Isang residence building na may 32 kuwarto at isang bagong gusali para sa mga opisina ang itinayo. Inayos din at ni-renovate ang kasalukuyang residence building. Gayundin, isang tangke sa ilalim ng lupa na makapaglalaman ng 40,000 litro ng tubig ang ginawa. Simula pa lang, puring-puri na ng lokal na mga awtoridad ang kalidad ng trabaho ng mga boluntaryong tagaroon at tagaibang bansa. Isang opisyal ang nagkomento na maraming problema sa mga gusali ng ibang relihiyon, pero ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang sumusunod sa lahat ng regulasyon. Kaya naman hindi kailanman nahirapan ang mga kapatid sa pagkuha ng mga permit sa pagpapatayo ng sangay.

Sa sangay sa Papua New Guinea, halos 500 kapatid mula sa 12 bansa ang nagtipon noong Sabado, Mayo 29, 2010, para mapakinggan ang pahayag sa pag-aalay na ibinigay ni Winston Payne mula sa sangay sa Australia. Idinagdag sa pasilidad ng sangay ang apat-na-palapag na gusali para sa mga kuwarto, kusina, dining room, at laundry; isang gusali para sa iba pang pangangailangan ng pamilya, na mayroon ding Kingdom Hall; at isang malaking opisina para sa pagsasalin. Kasama sa mga dumalo ang isang grupo ng mga Saksi na naglakad nang anim na araw sa mabatong kabundukan. Nakasuot sila ng tradisyonal na Orokaiva, sumasayaw at umaawit habang tinatanggap ang ibang mga bisita. Gaya ng nadama ng maraming dumalo, lumuluhang sinabi ng isang sister na matagal na sa katotohanan, “Para na akong nasa Paraiso!”

‘PATULOY NA NAMUMUNGA NG MARAMI’

Walang alinlangang patuloy na lumuluwalhati sa Diyos ang nagkakaisang pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova. “Ang aking Ama ay naluluwalhati rito,” ang sabi ni Jesus, “na patuloy kayong namumunga ng marami at pinatutunayan ninyong kayo ay aking mga alagad.” (Juan 15:8) Sa pagpapala at maibiging patnubay ni Jehova, sisikapin nilang “lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos samantalang patuloy [silang] namumunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos, na pinalalakas taglay ang buong kapangyarihan ayon sa kaniyang maluwalhating kalakasan nang sa gayon ay makapagbata nang lubos at magkaroon ng mahabang pagtitiis taglay ang kagalakan.”—Col. 1:10, 11.

[Larawan sa pahina 8]

Ipinagpatuloy ni Natsue ang kaniyang Bible study

[Mga larawan sa pahina 11]

Maingat na tinitiyak ng mga mananaliksik ang mga impormasyon

[Larawan sa pahina 13]

Korea

[Larawan sa pahina 14]

Mexico

[Mga larawan sa pahina 14]

Timog Aprika

[Larawan sa pahina 15]

Si Stephen Lett sa isang internasyonal na kombensiyon sa Hawaii

[Larawan sa pahina 22]

Dmitry Smyk

[Larawan sa pahina 25]

Evangelos Delis

[Larawan sa pahina 25]

Sertipikong ibinigay ng Ministri ng Katarungan

[Larawan sa pahina 33]

Pagkalindol, nagbigay ng medikal na tulong ang mga boluntaryong Saksi

[Larawan sa pahina 33]

Nagtayo ng mahigit 1,700 pansamantalang tirahan ang mga boluntaryong Saksing taga-Haiti at tagaibang bansa

[Larawan sa pahina 34]

Inilabas sa wikang Haitian Creole ang “Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan”

[Larawan sa pahina 36]

Pinalaking sangay sa Estonia

[Larawan sa pahina 37]

Sangay sa Paraguay

[Mga larawan sa pahina 37]

Si Winston Payne sa kaniyang pahayag sa pag-aalay ng sangay sa Papua New Guinea