Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Norway

Norway

Norway

ISANG lalaking sakay ng barko ang nakatanaw sa baybayin ng Norway. Siya si Knud Pederson Hammer, dating ministro ng simbahang Baptist sa North Dakota, E.U.A. Isang taon bago nito, siya ay naging Estudyante ng Bibliya (dating tawag sa mga Saksi ni Jehova). Ngayong 1892, pabalik siya sa kaniyang bayang sinilangan para mangaral sa mga kamag-anak at kaibigan.

Karamihan sa dalawang milyong mamamayan noon ng Norway ay miyembro ng Lutheran State Church. Sabik si Knud na tulungan ang mga tapat-pusong Norwegian na makilala ang tunay na Diyos, si Jehova, at ipaliwanag sa kanila na hindi pinahihirapan ng maibiging Diyos ang mga makasalanan sa apoy ng impiyerno. Gusto rin niyang sabihin sa kanila ang tungkol sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo at kung paano magiging paraiso ang lupa.

Habang papalapit sa baybayin ang barko, pinagmamasdan ni Knud ang napakagandang lupain—isang makitid at pahabang bansa na may nagtataasang bundok na balót ng niyebe, may malalalim na bangin, at makakapal na kagubatan. Naisip niya na magiging hamon ang pangangaral sa mga lugar na iilan ang naninirahan at kakaunti ang kalsada at tulay. Bagaman maraming Norwegian ang nasa mauunlad na lunsod, may mga nakatira pa rin sa mga probinsiya, dalampasigan, o sa daan-daang isla. Ang resulta ng mga pagsisikap ni Knud at ang pagsulong ng tunay na pagsamba sa Norway sa kabila ng gabundok na mga hamon ay makapagpapatibay sa lahat ng lingkod ng Diyos.

NAGBUNGA ANG BINHI NG KAHARIAN

May mga naging interesado sa mensahe ni Knud sa kaniyang bayan, sa Skien, pero hindi niya sila masusubaybayan dahil kailangan niyang umuwi sa pamilya niya sa Estados Unidos. Gayunman, noong 1899, hinilingan siya ni Charles T. Russell, ang nangangasiwa noon sa gawain ng mga Estudyante ng Bibliya, na bumalik ng Norway. Gusto ni Brother Russell na magtatag si Knud ng kongregasyon sa Norway. Nagdala si Knud ng mga kopya ng unang dalawang tomo ng Millennial Dawn (tinawag na Studies in the Scriptures nang maglaon), na isinalin sa wikang Dano-Norwegian. (Noon, ang mga lathalaing Norwegian ay kahawig ng wikang Danish, at ang mga publikasyon ay kayang basahin ng mga taga-Denmark at Norway.) Maraming napatotohanan si Knud at nakapamahagi siya ng mga aklat. Pero kinailangan na naman niyang umuwi sa Estados Unidos.

Nang sumunod na taon, si Ingebret Andersen na nakatira malapit sa Skien ay nakatanggap ng aklat na The Plan of the Ages, malamang na isa sa mga kopyang dala ni Knud sa Norway. Matagal nang interesado si Ingebret sa “second coming,” o pagbabalik ni Kristo. At ngayon, wiling-wili siya at ang misis niyang si Berthe sa kanilang binabasa. Di-nagtagal at nagpapatotoo na si Ingebret. Nagpupunta pa nga siya sa mga relihiyosong miting para ipaliwanag ang tungkol sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo. Dinadalaw niya ang mga nagpakita ng interes, at di-nagtagal, mayroon nang aktibong kongregasyon ng mga sampung Estudyante ng Bibliya sa Skien.

Nang ibalita kay Knud ng isang kamag-anak na may maliit nang kongregasyon sa Skien, bumalik siya sa Norway noong 1904 para hanapin si Ingebret. Nagtanong si Knud sa isang lalaki sa kalye, “May kilala ka bang Ingebret Andersen sa lugar na ito?” “Oo,” ang sagot ng lalaki, “ako ’yon.” Sa tuwa ni Knud, binuksan niya agad ang kaniyang maleta sa gitna ng kalye para ipakita kay Ingebret ang dala niyang mga aklat. Siyempre, tuwang-tuwa si Ingebret na makilala si Knud at makakita ng napakaraming literatura.

Ikinuwento agad ni Knud sa mga kapananampalataya niyang Norwegian ang tungkol sa organisasyon at sa pangangaral. Bago bumalik sa pamilya niyang nasa Canada na, napatibay niya nang husto ang Skien Congregation.

PANGANGARAL SA IBA PANG LUGAR SA NORWAY

Sumulong ang gawain sa Norway mula noong 1903 nang dumating ang tatlong masisigasig na colporteur (buong-panahong mángangarál)—sina Fritiof Lindkvist, Viktor Feldt, at E. R. Gundersen. Tumira si Fritiof sa kabisera, sa Kristiania (ngayo’y Oslo). Noong 1904, naging opisina ng Watch Tower Society ang bahay niya, at doon inaasikaso ang mga order ng literatura at suskripsiyon ng Zion’s Watch Tower.

Bago magtapos ang 1903, nangaral si Brother Gundersen sa Trondheim sa gitna ng Norway. Nagpatotoo siya kay Lotte Holm at tumanggap ito ng mga literatura. Nang maglaon, umuwi si Lotte sa Narvik, sa itaas ng Arctic Circle. Siya ang kauna-unahang mamamahayag sa hilaga ng Norway. Pumunta rin ng Narvik si Viktor Feldt at dalawang mag-asawa ang natulungan niyang maging mga Estudyante ng Bibliya. Nakilala nila si Lotte, at di-nagtagal, regular nang nagpupulong ang maliit na grupong ito. Ang kapatid na babae ni Lotte, si Hallgerd, ay tumanggap din ng katotohanan. Nang maglaon, pareho silang nagpayunir sa iba’t ibang lugar sa Norway.

May mga tumugon sa pangangaral nina Feldt at Gundersen sa Bergen noong 1904 at 1905. Ganito ang sinabi ng Zion’s Watch Tower, isyu ng Marso 1, 1905: “Isang kilalang pastor ng simbahan ng Free Mission [sa Bergen] ang naliwanagan at ipinangangaral na ang kumpleto at tunay na Ebanghelyo sa marami niyang tagapakinig.”

Ang pastor na iyon ay si Theodor Simonsen, na itiniwalag nang maglaon mula sa Free Mission Church dahil sa pagtuturo ng mga katotohanang nabasa niya sa ating mga publikasyon. Pabor ito sa mga Estudyante ng Bibliya. Isang mahusay na brother at tagapagsalita si Theodor, at mahal na mahal siya ng mga kapatid. Nang maglaon, nanirahan siya sa Kristiania, kasama ng isang lumalaking kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya.

ILAN SA MGA UNANG PAYUNIR

Noong mga 1905, may mga kongregasyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa apat na lunsod: sa Skien, Kristiania, Bergen, at Narvik. Nadagdagan ang masisigasig na payunir at dinala nila ang mabuting balita sa marami pang lugar sa bansa. May kani-kaniyang kuwento sa buhay ang mga kapatid na ito bago sila nagpayunir.

Ang unang payunir na sister sa Norway ay si Helga Hess. Isa siyang ulila na taga-Bergen at naging titser ng Sunday school sa edad na 17. Nang mapakinggan ang mga sinabi ni Theodor Simonsen sa simbahan ng Free Mission tungkol sa mga nabasa nito sa aklat ng mga Estudyante ng Bibliya, naging interesado siya at binasa rin ang aklat na iyon. Nagbitiw siya sa Sunday school, at noong 1905, sa edad na 19, nangaral siya sa Hamar at Gjøvik.

Minsan noong 1908, nagsisibak ng kahoy si Andreas Øiseth sa kanilang bukid malapit sa Kongsvinger nang kausapin siya ng isang payunir at bigyan ng aklat na The Divine Plan of the Ages. Nagustuhan ni Andreas, na noo’y mahigit 20 anyos, ang nabasa niya at umorder siya ng iba pang literatura. Pagkaraan ng ilang buwan, iniwan niya ang bukid sa nakababata niyang kapatid at nagpayunir. Sa loob ng walong taon, halos buong bansa ang napangaralan niya. Una siyang nangaral sa hilaga; sakay ng bisikleta kung tag-araw at kick-sled naman kung taglamig. Pagkarating sa Tromsø, naglakbay naman siya patimog sa mga baybayin hanggang sa Kristiania.

Isa rin sa mga unang payunir si Anna Andersen, mula sa Rygge, malapit sa Moss. Matagal siyang officer ng Salvation Army at ibinuhos ang sarili sa pagkakawanggawa. Mga 1907 nang mabasa niya ang ilan sa ating mga publikasyon at nakumbinsi siyang iyon ang katotohanan. Sa Kristiansund, nakapagpatotoo siya sa isa pang officer ng Salvation Army, si Hulda Andersen (Øiseth nang maglaon), na interesado rin sa Bibliya. Di-nagtagal sinimulan nila ang mahabang biyahe pahilaga sakay ng bapor hanggang Kirkenes, malapit sa border ng Russia. Bumababa sila sa mga piyer at namamahagi ng mga literatura. Mga 1912 nang magpayunir si Anna at ilang dekada siyang nangaral sa buong bansa sakay ng bangka o ng bisikleta. Nakapamahagi siya ng literatura sa halos lahat ng bayan sa Norway. Nagtagal siya sa Kristiansand at sumuporta sa sumusulong na kongregasyon doon.

Isang opisyal sa navy si Karl Gunberg bago naging Estudyante ng Bibliya. Mahigit 30 anyos siya nang magpayunir noong mga 1911, at nagtrabaho bilang instruktor sa nabigasyon para suportahan ang sarili. Kahit na mukhang istrikto, mabait siya at palabiro. Nangaral siya sa buong Norway hanggang sa pagtanda niya, at malaking tulong ang kasanayan niya sa navy at sa paglalayag para maipangaral ang mabuting balita, gaya ng makikita pa natin.

PINALAKAS ANG MGA KAPATID

Noong Oktubre 1905, sabik na sabik ang lahat sa kauna-unahang asamblea sa Kristiania. Mga 15 ang dumalo, at 3 ang nabautismuhan. Taóng 1906 naman nang magdaos ng asamblea sa Bergen, at mula 1909, taun-taon na ang mga asamblea; taga-Denmark, Finland, at Sweden ang mga tagapagsalita. Ilan sa mga brother na iyon ay dumalaw rin sa mga kongregasyon bilang mga pilgrim, gaya ng ginagawa ngayon ng mga naglalakbay na tagapangasiwa.

Taóng 1909 nang dumalaw si Brother Russell sa Bergen at Kristiania. Tuwang-tuwa ang mga kapatid na makilala siya at mapakinggan ang kaniyang mga pahayag. Balitang-balita ang ikalawang pagbisita niya noong 1911. Napakasaya ng 61 kapatid dahil mga 1,200 ang dumalo sa pahayag ni Brother Russell!

Makaraan ang tatlong taon, inatasan ni Russell si Henry Bjørnestad para regular na dumalaw sa Norway at Sweden; siya ang kauna-unahang naglalakbay na tagapangasiwang Norwegian.

PAGSULONG BAGO ANG 1914

Sa tulong ng mga serye ng tract na Peoples Pulpit na lumabas noong 1910, naging aktibo sa ministeryo ang mas maraming Estudyante ng Bibliya! Sa kagustuhan nilang ibunyag ang mga kamalian ng relihiyon at ipaliwanag ang mga katotohanan sa Bibliya, namahagi sila ng libu-libong kopya ng tract nang walang bayad. Madalas na kalakip ito ng dyaryo.

Sabik na sabik ang mga Estudyante ng Bibliya sa mangyayari noong 1914. Ipinaliwanag ng aklat na The Time Is at Hand (ikalawang tomo ng Millennial Dawn) na 1914 magtatapos ang panahon ng mga Gentil, at na magkakaroon ng mga kaguluhan, saka mamamahala ang Kaharian ng Diyos. Umasa rin ang mga Estudyante ng Bibliya na aakyat na noon sa langit ang mga tagapagmanang kasama ni Kristo.

Madalas itong laman ng usapan. Halimbawa, isang gabi noong Hulyo 1914, tumutugtog si Karl Kristiansen sa orkestra ng lunsod ng Skien. Nang mag-intermisyon, sinabi niya sa ilang nasa paligid niya: “Ilang linggo na lang at may mangyayari. Magkakaroon ng digmaan, tapos rebolusyon, susundan ng kaguluhan, at saka darating ang Kaharian ng Diyos.” Di-nagtagal, sumiklab nga ang Digmaang Pandaigdig I. Nagpuntahan kay Karl ang mga tao para mag-usisa.

Sa gawing timog, sa baybayin ng Arendal, iisa lang ang Estudyante ng Bibliya noong 1914. Isang araw, nakausap ng sister na ito si Mia Apesland at sinabing ayon sa Bibliya, magkakaroon ng digmaan sa taglagas ng 1914. “Kapag nagkatotoo ’yan, maniniwala ako,” ang sabi ni Mia. Nang makita ni Mia na nagaganap na nga ang sinabi ng sister, tinupad niya ang sinabi niya at naging tunay na mananamba. Si Mia, pati na ang sister at ilan pa ang naging mga unang miyembro ng Arendal Congregation.

BUMANGON ANG MGA PROBLEMA

Hindi lahat ng inaasahan ng mga Estudyante ng Bibliya noong 1914 ay nangyari. Pero hindi lumamig ang sigasig nila. Mula Disyembre 1914 hanggang 1915, nakapagbigay ng malaking patotoo ang kahanga-hangang presentasyon ng mga slide at pelikula na “Photo-Drama of Creation,” na ipinalabas sa Kristiania, Bergen, Trondheim, Skien, Arendal, at Kristiansand.

Pero di-nagtagal, nagkaroon ng mga problema. Si Fritiof Lindkvist na dating nangangasiwa ng gawain sa Norway sa loob ng mga sampung taon ay humiwalay sa organisasyon noong 1916. Kaya sa loob ng ilang taon, mga responsableng brother mula sa Sweden at Denmark ang inatasan sa Norway. Taóng 1921 nang atasan si Enok Öman para mangasiwa sa Norway, at ginawa niya ito hanggang 1945.

Nagkaroon din ng problema nang mamatay si C. T. Russell noong 1916 at halinhan ni J. F. Rutherford bilang tagapangasiwa sa mga gawain ng mga Estudyante ng Bibliya. Dahil sa sunud-sunod na pagkadismaya sa mga inaasahan noong 1914 na hindi natupad at sa mga pagbabago sa kaayusan, marami ang humiwalay sa organisasyon. Masyadong naapektuhan ang mga kapatid sa Bergen; isang brother at pitong sister lang ang natira doon noong 1918. Marami ring umalis sa kongregasyon sa Trondheim, at isang grupo sa Kristiania ang nabuwag. Pero pinagpala ni Jehova ang mga nanatiling tapat sa organisasyon.

MULING SUMIGLA ANG PANGANGARAL

Noong 1918, ipinahayag ni Brother Rutherford ang kapana-panabik na temang “Milyun-milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay.” Mula 1920 hanggang 1925, marami sa buong daigdig ang naintriga sa pahayag na ito. Ipinahayag ito ng kinatawan ng punong-tanggapan sa New York na si A. H. Macmillan sa ilang lunsod sa Norway. Sa Kristiania, marami ang hindi na nakapasok sa awditoryum dahil punô na ito. Pero tumuntong sa isang kahon sa may pasukan si Brother Öman at ipinatalastas: “Balik kayo pagkaraan ng isang oras at kalahati, uulitin ni Macmillan ang pahayag!” At nagbalikan nga ang mga tao. Sa loob ng ilang taon pagkaraan nito, ipinahayag din ito ng mga brother na Norwegian sa iba pang parte ng Norway. Libu-libo ang matamang nakinig sa matibay na ebidensiya ng Bibliya na marami ang makaliligtas sa Armagedon at magtatamo ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. Marami rin ang napaabutan ng mensaheng ito sa pamamagitan ng buklet na Millions Now Living Will Never Die!

Mula 1922 hanggang 1928, nakapamahagi ang mga Estudyante ng Bibliya ng daan-daang libong tract na naglalaman ng mga resolusyong pinagtibay sa mga kombensiyon, gaya ng A Challenge to World Leaders, A Warning to All Christians, at Ecclesiastics Indicted. Marami sa mga Estudyante ng Bibliya ang nagsimulang mangaral sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga tract na iyon.

Pero mabagal pa rin ang pagsulong. Bagaman napakasipag ng mga payunir at ng ilang mamamahayag, ang iba ay kailangang tulungan para maging masigasig sa ministeryo. Bukod diyan, ang mga publikasyon ay nasa wikang Danish, Dano-Norwegian, o Swedish lang—wala sa Norwegian. Paano higit pang mapapasigla ang gawain?

Ganito ang patalastas sa Abril 1925 na isyu ng Bulletin sa Norwegian (ngayo’y Ating Ministeryo sa Kaharian): “Ipinadadala namin sa inyo ang unang isyu ng The Golden Age sa Norwegian. Puwede na ngayong umorder ng mga suskripsiyon.” Iyon ang Marso 1925 na isyu ng The Golden Age (kilala ngayon bilang Gumising!). Agad na lumaki ang sirkulasyon ng The Golden Age sa wikang Norwegian, hindi lang sa Norway kundi pati sa Denmark. Pagsapit ng 1936, nang maging Ny Verden (Bagong Sanlibutan) ang pamagat ng The Golden Age sa Norwegian, 6,190 na ang kumukuha ng suskripsiyon nito.

MAS MAAYOS NA PAG-OORGANISA AT MGA BAGONG PASILIDAD

Noong Mayo 1925, mahigit 500 Estudyante ng Bibliya mula sa iba’t ibang bahagi ng Scandinavia ang dumalo sa kombensiyon sa Örebro, Sweden. Ipinatalastas ni Brother Rutherford na magkakaroon ng Northern European Office sa Copenhagen, Denmark. Si William Dey na mula sa London ang mangangasiwa sa gawain sa Denmark, Norway, Sweden, Finland, at sa mga bansa sa Baltic. Pero may kani-kaniya pa ring tagapangasiwa ang bawat bansang iyon, at si Enok Öman pa rin para sa Norway.

Malaki ang naitulong ng masikap at mahusay mag-organisang si William Dey, tubong Scotland, para bumilis ang gawaing pangangaral. Ang kaniyang kabaitan at mabuting halimbawa sa ministeryo ay nagpatibay sa mga kapatid. Noong Setyembre at Oktubre 1925, nilakbay niya ang buong Norway. Sa tulong ng interpreter, inorganisa niya ang mga gawain ng kongregasyon ayon sa mga tagubilin ng punong-tanggapan. Naging tagapangasiwa ng Northern European Office si Brother Dey hanggang noong Digmaang Pandaigdig II.

Matagal nang naghahanap ang mga kapatid ng angkop na lugar para gawing tanggapan. Noong 1925, isang brother na pinamanahan ng pera ang bumili ng tatlong-palapag na gusali sa Oslo at ibinenta ito sa organisasyon sa kalahating presyo. Ang galing ng tiyempo! Napakinabangan ito ng mga kapatid hanggang noong 1983.

ORGANISASYON NG MGA AKTIBONG SAKSI

Hindi malilimutan ng mga lingkod ng Diyos sa buong mundo ang taóng 1931. Noon nila natanggap ang kanilang bagong pangalan—mga Saksi ni Jehova. “Nang ipatalastas na iyon ang magiging bago naming pangalan,” ang isinulat ni Brother Öman, “tumayo kaming lahat at buong-lakas naming isinigaw, ‘Ja’ [Oo].” Napakasaya ng mga kapatid na magkaroon ng maka-Kasulatang pangalan, at determinado silang panindigan ang pangalang iyon.

Pinagpala ni Jehova ang puspusang pangangaral sa Norway. Ang average na bilang ng mamamahayag na 15 noong 1918 ay naging 328 noong 1938. Ang bayan ni Jehova ay hindi lang mga Estudyante ng Bibliya kundi mga aktibong saksi.

Kuning halimbawa si Even Gundersrud ng Skien Congregation. Nabautismuhan siya noong 1917. Noong una, itinatago ng misis niya ang kaniyang sapatos para hindi siya makadalo sa pulong. Pero dumadalo pa rin siya, kahit nakatapak! Minsan nga, ikinandado ng misis niya ang kuwarto, pero tumalon si Even sa bintana para makalabas. Sa kabila ng mga paghadlang ng misis niya, hindi napigilan si Even at patuloy siyang nagpakita ng kabaitan. Dahil napapahiya na ang misis ni Even kapag pumupunta ito sa bayan nang nakatapak, inalam niya kung bakit ganoon na lang kahalaga sa mister niya ang mga pulong. Sinamahan niya ito at nang maglaon, siya man ay naging Saksi ni Jehova.

Ang sigla ng Skien Congregation ay karaniwan sa mga kongregasyon noon. Puspusang nangangaral ang mga kapatid sa kalapit na mga lunsod at bayan. Kapag dulo ng sanlinggo, madalas silang bumibiyahe sakay ng mga bangka o mga trak na walang tabing at bubong para mangaral at magsaayos ng mga pulong. Nakapagtatag sila ng mga grupo at kongregasyon. Gayon din kaabala sa teokratikong gawain ang iba pang kongregasyon.

MAGANDANG PAGSULONG SA BERGEN

Isa sa mga aktibong mamamahayag sa Bergen si Torkel Ringereide. Noong 1918, nakabasa siya ng brosyur ng mga Estudyante ng Bibliya. Hinanap niya si Brother Dahl, ang kaisa-isang brother sa Bergen Congregation, at sa bahay nito nagpupulong ang buong kongregasyon—si Brother Dahl at pitong sister. Isa rito ang kababalik lang sa Bergen na si Helga Hess, na nabanggit sa naunang mga pahina. Sumama si Torkel sa maliit na kongregasyong ito, at noong 1919, napangasawa niya si Helga.

Matapang si Torkel at malaki ang boses. Sa loob ng maraming taon, siya lang ang tagapagsalita sa kongregasyon. Nagpapahayag siya tuwing Linggo; walang-takot na ibinubunyag ang pagpapaimbabaw ng mga klero at ang kanilang maling turo. Madalas na nakaanunsiyo sa dyaryo ang mga pahayag niya, at laging mas marami ang mga interesado na dumadalo kaysa sa mga Estudyante ng Bibliya.

Hinimok ni Torkel ang mga tagapakinig na ibahagi sa iba ang katotohanan. Noong 1932, isa si Nils Raae sa mga tagapakinig na iyon. Isang taon nang alam ni Nils ang katotohanan, pero takót siyang mangaral. Malapit na noong magsimula ang kongregasyon sa malawakang kampanya ng pamamahagi ng buklet na The Kingdom, the Hope of the World, at nagpahayag si Torkel hinggil sa kahalagahan ng pakikibahagi sa ministeryo. “Ang tindi ng pahayag na ’yon, napakilos ako!” ang sabi ni Nils. Bilang konklusyon, sinipi ni Torkel ang sinabi ni Jehova sa Isaias 6:8: “‘Sino ang aking isusugo, at sino ang yayaon para sa amin?’” Pagkatapos ay idinugtong niya: “Lahat nawa tayo ay sumagot gaya ni Isaias: ‘Narito ako! Isugo mo ako’!” Pinalakas nito ang loob ni Nils at ng misis niya, at agad silang nangaral.

Madalas pumasyal ang mga kapatid sa bahay nina Torkel at Helga. Palagi nilang pinag-uusapan ang tungkol sa katotohanan, at ang ganda ng epekto nito sa mga kabataan at baguhan. Ang mga kapatid sa Bergen ay kalimitang nangangaral sa mga kalapit na distrito sakay ng bangka o trak. Pagkatapos, masaya nilang pinagkukuwentuhan ang kanilang mga karanasan.

ANG MASISIGASIG NA MÁNGANGARÁL NG OSLO

Puspusan na rin ang pangangaral sa Oslo noong dekada ng 1920 at 1930. Nabautismuhan noong 1923 si Olaf Skau at naatasang service director ng kongregasyon noong 1927. Ilang dekada siyang naglingkod bilang mapagmalasakit at mapamaraang tagapangasiwa. Inorganisa niya ang gawain sa Oslo at isinaayos ang pangangaral sa palibot ng kabisera tuwing dulo ng sanlinggo sakay ng bus o trak. Kahit malalim na ang gabi, gumagawa pa siya ng mga mapa at pinaplano ang mga biyahe sa pangangaral.

Ang mga kapatid sa Oslo ay nangangaral sa mga lunsod at probinsiya—sa Halden at Fredrikstad sa timog ng Oslo hanggang sa Hamar sa hilaga, at mula sa Kongsvinger sa silangan naman ng Oslo hanggang sa Drammen at Hønefoss sa kanluran. Dumarating sila sa teritoryo nang mga 9:00 n.u. at maghapong magbabahay-bahay. Kadalasan, nagbibigay sila ng mga pahayag pangmadla. Nakatulong ito sa pagbuo ng mga bagong grupo at kongregasyon, na ikinatuwa ng iilang kapatid sa lugar na iyon. Sa isang siyam-na-araw na kampanya noong 1935, nakapamahagi ang 76 na mamamahayag sa Oslo ng 13,313 buklet—mahigit 175 buklet bawat mamamahayag!

Naka-wheelchair ang asawa ni Olaf na si Esther dahil sa artritis. Pero sa bahay nila madalas magkita-kita ang mga kapatid. Si Olaf ang kusinero at paborito ng marami ang luto niyang pakpak ng manok. Pero ang di-malilimutan ng matatagal nang Saksi ay ang mga patibayan, kawili-wiling talakayan sa Bibliya, at mga Bible quiz sa bahay ng mag-asawang Skau. “Napakasaya namin tuwing pumupunta kami sa kanila,” ang sabi ni Ragnhild Simonsen.

“WASTONG NAKAAYON UKOL SA BUHAY NA WALANG HANGGAN”

Noon, mas relihiyoso ang mga tao at mas maraming alam sa Bibliya. Gustung-gusto nilang pag-usapan ang Bibliya, at gaya noong unang siglo, ang “mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan ay naging mga mananampalataya.”—Gawa 13:48.

Isa rito ang sister na si Durdei Hamre. Noong 1924, nabigyan siya ng buklet at binasa niya ito kinagabihan. “Pentecostal ako bago natulog,” ang sabi niya, “paggising ko, Saksi ni Jehova na ako.”

Noong kalagitnaan ng dekada ng 1920, isa sa magkakapatid na Fjelltvedt ang nakadalo sa isang pahayag hinggil sa apoy ng impiyerno at nabigyan ng buklet tungkol doon. Nakumbinsi siyang mali ang doktrinang apoy ng impiyerno. Kaya nang magkasama-sama sa farm ang pamilya nila, masaya niyang ikinuwento sa pito niyang kapatid na lalaki at tatlong kapatid na babae ang kaniyang natutuhan. Tinalakay nila ang buklet hanggang gabi. Di-nagtagal, lahat ng magkakapatid at marami sa mga asawa nila ay naging mga Estudyante ng Bibliya. Karamihan sa mga anak at apo nila ay naging masisigasig na mamamahayag din, at inihasik ng ilan sa mga ito ang katotohanan sa ibang lugar.

Kitang-kita ang interes ng mga tao noong 1936, nang magpahayag sa mga kombensiyon sa Bergen at Oslo ang kinatawan ng punong-tanggapan sa New York na si M. A. Howlett. Sa 810 dumalo sa Bergen, kabilang ang ilang ministro at isang obispo, 125 lang ang Saksi. Sa Oslo, 140 lang ang Saksi sa 1,014 na dumalo!

“NAGDARATINGAN NA SILA!”

Tuwang-tuwa ang mga Saksi ni Jehova noong 1935 nang gawing malinaw ang pagkakakilanlan ng “malaking pulutong” sa Apocalipsis 7:9-17. Napakasaya ng bayan ng Diyos dahil maaari nang makasama ng mga pinahirang nalabi bilang mga nakaalay na lingkod ni Jehova ang mga mananambang may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Mula nang taóng iyon, pinagtuunan ng pansin ang pagtitipon sa malaking pulutong na makaliligtas sa “malaking kapighatian”—ang pinakamalawak na pagtitipon sa mga tunay na mananamba sa kasaysayan ng sangkatauhan.

Noong 1935, ilang payunir na may makalangit na pag-asa ang nangangaral malapit sa Lillehammer. Matamang nakikinig ang sampung-taóng-gulang na si John Johansen habang ipinaliliwanag ng mga payunir sa kanilang pamilya ang layunin ng Diyos na gawing paraiso ang lupa. Nang mag-13 anyos si John, gustung-gusto na niyang sabihin sa iba ang kaniyang masayang pag-asa. Hiniram niya ang bag ng tatay niya at nangaral sa mga kapitbahay—nang mag-isa! Ngayon, mahigit 70 taon na ang nakararaan, siya at ang asawa niyang si Edith ay masigasig pa rin at masaya na naging bahagi sila sa pag-akay sa marami tungo sa katotohanan.

Isang araw noong 1937, sa bahay ni Olaf Rød, siya at ang isa pang brother ay nag-uusap tungkol sa malaking pulutong. Silang dalawa lang ang Saksi sa Haugesund, at palaisipan sa kanila kung paano matitipon ang malaking pulutong. Biglang may kumatok—si Alfred Trengereid. Nakabasa siya ng Bantayan at nagustuhan niya ito. Agad siyang nagbangka papunta sa Haugesund para makakuha ng literatura sa kilala niyang Saksi—si Olaf. Namangha si Olaf. ‘Nagdaratingan na sila!’ ang sabi niya sa sarili. At gayon nga, bagaman sa iba’t ibang paraan at iba’t ibang panahon. Naging Saksi si Alfred at ang marami pang iba mula sa kanilang lugar.

PAGTITIPON SA MALAKING PULUTONG GAMIT ANG MGA BANGKA

Noong nagsisimula pa lang ang pangangaral sa Norway, mahirap isipin kung paano mapapaabutan ng mabuting balita ang napakaraming isla at malalayong baybayin. Kaya noong 1928, ang sangay ay bumili ng motorboat na pandalawa hanggang tatlong payunir at matibay para sa mabatong baybayin ng Norway. Pero sino ang magiging kapitan? Ang makaranasang payunir na si Karl Gunberg, na dating nasa navy at instruktor sa nabigasyon. Ang unang bangka, pinanganlang Elihu, ay naglayag mula Oslo patimog at dumaong sa mga piyer. Pero noong 1929, dahil sa isang bagyo, nawasak ang Elihu di-kalayuan sa Stavanger. Laking pasasalamat ng mga kapatid na nakarating nang ligtas sa dalampasigan ang mga brother.

Taóng 1931, isa pang bangka ang ginamit ng mga kapatid at pinanganlang Ester. Si Karl uli ang kapitan at dalawa pang brother ang kasama niya. Narating ng Ester ang mga teritoryo sa kanluran at hilaga ng Norway sa loob ng pitong taon. Pero noong 1932, naisip ni Karl na matanda na siya para sa ganoong pangangaral. Kaya huminto siya sa paglalayag at ipinagpatuloy ang pagpapayunir sa silangan ng Norway. Iniwan niya ang bangka kay Johannes Kårstad. Noong 1938, ang Ester ay pinalitan ng lantsang Ruth, na natigil namang gamitin noong 1940 dahil sa Digmaang Pandaigdig II. Malawak ang teritoryong nakubrehan ng mga naglalayag na payunir at marami silang naipamahaging literatura. Noong 1939, iniulat ng dalawang brother na sakay ng Ruth, sina Andreas Hope at Magnus Randal, na sa loob lang ng isang taon, nakapamahagi sila ng mahigit 16,000 aklat, buklet, at magasin at 1,072 beses na nakapagpatugtog ng mga rekording ng pahayag sa ponograpo na napakinggan ng 2,531 katao.

Bukod sa masasayang karanasan, marami ring nakitang kahanga-hangang tanawin ang naglalayag na mga brother. “Patuloy kaming naglakbay pahilaga,” ang sabi ni Andreas Hope. “Binabagtas namin ang mga fjord at nililibot ang nagtataasang kabundukan. Napakaganda ng mga tanawin.” Kapag taglamig, sa itaas ng Arctic Circle, nabibighani sila sa “kaningningan ng [aurora borealis].” Kapag tag-araw naman, manghang-mangha sila sa “liwanag ng araw sa hatinggabi.”

ISANG MASIGASIG NA PAYUNIR

Mabilis na dumami ang mga payunir noong dekada ng 1930. Bagaman medyo may kahirapan ang buhay, nakapangaral at nakapamahagi sila ng literatura sa Bibliya sa malalawak na teritoryo. Dahil sa kanilang di-matatawarang sigasig, isang matibay na pundasyon ang naitatag para sa higit pang pagsulong.

Halimbawa, matagal nang naghahanap ng katotohanan ang taga-Oslo na si Solveig Løvås (Stormyr nang maglaon), at marami na siyang nadaluhang relihiyosong pagtitipon. Minsan, dumalo siya sa pulong ng mga Saksi ni Jehova at nakumbinsing natagpuan na niya ang katotohanan. Nabautismuhan siya noong 1933, at pagkaraan ng dalawang taon, nagpayunir siya sa hilaga ng Norway. Bagaman iika-ika dahil sa polio, sa loob ng anim na taon, nakapangaral ang sister na ito sa maraming lunsod, bayan, nayon sa baybayin, at maliliit na komunidad mula Bodø hanggang Kirkenes. Libu-libo ang tumanggap ng literatura. Sa loob lang ng isang taon, mahigit 1,100 suskripsiyon ng ating mga magasin ang hiniling kay Solveig!

Isa sa mga naging interesado sa mensahe ni Solveig ang karpenterong si Dag Jensen na taga-Hennes, sa Vesterålen. Matagal na siyang nakakakuha ng ating literatura mula sa iba pang interesado. Nang makausap ni Solveig si Dag, isinaayos niyang makakuha ito ng suskripsiyon ng magasin. Pagkatapos, lumipat na si Solveig sa ibang mga teritoryo. Nagsimulang mangaral mag-isa si Dag. Ipinahihiram niya sa iba ang kaniyang kaunting literatura.

Sa isla ng Andøya, nakipag-usap si Solveig sa isang grupo ng mangingisdang malalaki ang katawan. Hindi siya natakot magpatotoo. Nagpatugtog siya ng ponograpo at nag-alok ng suskripsiyon ng magasin. Naging interesado ang mangingisdang si Frits Madsen at kumuha ito ng suskripsiyon. Nang matapos ni Solveig ang teritoryo, lumipat na siya sa iba. Laging ganoon—mangangaral ang mga payunir, makakatagpo ng mga interesado, mag-aalok ng literatura at suskripsiyon, at lilipat na sa bagong teritoryo. Pero paano matutulungan ang mga interesado?

PAGPAPASTOL SA KAWAN NG DIYOS

Nagkaroon ng bagong kaayusan para sa mga naglalakbay na tagapangasiwa noong Enero 1939. Hinati ang Norway sa apat na sona, o sirkito. Mas matagal na ngayong makakasama ng mga kongregasyon ang mga tagapangasiwa ng sirkito (tinatawag noon na zone servant). Nagtuon sila ng pansin sa pagpapatibay sa mga kongregasyon, pagtatatag ng mga bagong kongregasyon, at paghimok sa mga interesado na mangaral. Naatasan si Andreas Kvinge bilang tagapangasiwa ng Circuit 4, mula Florø hanggang Kirkenes, na 2,600 kilometro ang distansiya. Sa malawak na teritoryong ito, tatlo lang ang kongregasyon—ang Trondheim, Namsos, at Narvik. Pero mayroon ding mga mamamahayag at grupo sa malalayong lugar at mga kumuha ng suskripsiyon na kailangang dalawin.

Naglakbay pahilaga si Andreas at ang misis niyang si Sigrid, kalimita’y sakay ng bisikleta, para tulungang sumulong ang mga mamamahayag at mga interesado. Ang mga payunir na tulad ni Solveig Løvås ay nagbigay kay Andreas ng impormasyon tungkol sa mga interesado na kailangang alalayan, gaya nina Dag Jensen na taga-Hennes at Frits Madsen sa isla ng Andøya.

Noong 1940, nang makita ni Andreas si Dag, “nag-aahit siya at puro sabon ang mukha,” ang sabi ni Andreas. “Hindi ko malilimutan ang saya sa mga mata niya. Hindi na nga niya natapos ang pag-aahit.” Tinulungan ni Andreas si Dag na sumulong sa espirituwal. Naging masigasig si Dag, at tinulungan niya ang misis niyang si Anna at ang marami sa kaniyang mga kaibigan at kamag-anak na matuto ng katotohanan.

Sa Bleik sa isla ng Andøya, hinanap ni Andreas ang mangingisdang si Frits Madsen. Sa tulong ni Andreas, si Frits at ang maybahay niya ang naging mga kauna-unahang Saksi sa kongregasyong naitatag doon. Dinalaw rin ni Andreas at ng misis niya ang iba pang lugar na napuntahan ni Solveig at ng iba pang masisipag na payunir. Si Andreas at ang iba pang tagapangasiwa ng sirkito ay nagsaayos ng mga pulong at nakapagtatag ng mga kongregasyon. Gaya ng unang-siglong mga Kristiyano, ang ilan sa Norway ay nagtatanim, at ang iba ay nagdidilig; pero sa makahimalang paraan, “ang Diyos ang patuloy na nagpapalago.”—1 Cor. 3:6.

NIYANIG NG DIGMAANG PANDAIGDIG II ANG NORWAY

Abril 1940 nang masangkot ang Norway sa Digmaang Pandaigdig II. Pinasok sila ng mga sundalong Aleman. Makaraan lang ang 62 araw ng labanan, bumagsak sa kamay ng mga Nazi ang Norway. Binomba ang maraming bayan. Ilang araw matapos ang paglusob, inaresto ng mga Gestapo ang tagapangasiwa ng sangay na si Enok Öman, at ikinulong nang isang linggo. Matapos pagtatanungin, pinalaya siya ng mga pulis. Makalipas ang ilang linggo, inaresto uli siya ng mga Gestapo para sa interogasyon.

Nag-aalala ang mga kapatid na baka ipatapon din sila ng mga Nazi sa mga kampong piitan. Pero hindi naman nangyari iyon, at nanatiling masigasig sa pangangaral ang mga kapatid. Parang naging mas interesado pa nga ang mga tao sa mabuting balita dahil sa digmaan, at maraming pag-aaral sa Bibliya (model study noon) ang napasimulan. Patuloy na tumanggap ang mga kapatid ng Danish na Bantayan mula sa Denmark, at ang Consolation (Ny Verden) ay patuloy na inilathala sa Norwegian. Nakapagdaos pa rin sila ng mga pulong at asamblea, at dumami ang mga mamamahayag.

PANGUNGUMPISKA, PAG-ARESTO, AT PAGBABAWAL

Nagsimula na naman ang problema. Bumalik ang mga pulis na Aleman sa tanggapang pansangay; hinanap ang mga literatura at pinagtatanong si Brother Öman. Bago magtapos ang 1940, kinumpiska nila ang aklat na Enemies dahil sa mga pagbanggit nito sa Pasismo at mga Nazi. Pagtuntong ng 1941, inaresto at pinagtatanong ang maraming payunir. Kung minsan, dumadalo ng pulong ang mga Nazi ng Alemanya at Norway para mag-espiya. Kinumpiska rin ng mga Nazi ang mga buklet na Fascism or Freedom at Government and Peace na nasa tanggapang pansangay.

Biglang-bigla noong Hulyo 1941, ang Gestapo ay naglunsad ng kampanya para patigilin ang pangangaral sa buong Norway. Limang pulis na Aleman ang nagpunta sa Bethel at kinumpiska ang natitirang mga literatura. Dinala ang pamilyang Bethel sa presinto para pagtatanungin. Sa loob ng 12 linggo, araw-araw na pinag-report sa pulisya si Brother Öman.

Planado ang galaw ng mga Gestapo. Ni-raid nila ang mga bahay ng mga responsableng brother at kinumpiska ang lahat ng literatura ng Watch Tower Society. Binantaan nila ang mga brother na ipapatapon sila sa mga kampong piitan kapag hindi sila tumigil sa pangangaral. Inaresto ang ilang kapatid at ikinulong nang ilang araw.

Sa Moss, nagpunta ang mga pulis sa bahay ni Sigurd Roos at kinumpiska ang kaniyang mga literatura. Inaresto si Sigurd, ang asawa niya, at isa pang brother. Pinagsabihan silang tumigil sa pangangaral at huwag nang gamitin ang pangalang Jehova. Ipinaliwanag ng mga kapatid na hindi nila magagawang tumigil sa pangangaral tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian. Walang nagawa ang mga pulis sa tibay ng kanilang pananampalataya. Makalipas ang ilang oras, pinalaya ang mga kapatid.

Pinuntahan din ng mga Nazi si Olaf Skau, sa Oslo. Hinalughog ang bahay niya at kinumpiska ang mga Bibliya, literatura, at ponograpo. Ikinandado rin nila ang kaniyang kabinet ng mga aklat. Hindi nakita ng mga opisyal ang mga record card ng mga mamamahayag na nakatago sa oven. Bumalik ang mga Nazi sakay ng isang trak para kunin ang mga aklat niya. Isang kinatatakutang Nazi ang lider nila, si SS-Untersturmführer Klaus Grossmann. Nang tanungin ni Olaf si Grossmann kung ano ang gagawin nila sa mga literatura, sinabi ng opisyal na ire-recycle nila ang mga ito.

“Hindi ba kayo natatakot kay Jehova?” tanong ni Olaf.

“Si Jehova ang dapat matakot sa amin!” ang mayabang na sagot ng opisyal. Nang sumuko ang mga Nazi pagkaraan ng apat na taon, nagpakamatay si Grossmann.

Hulyo 1941 din nang arestuhin ng Gestapo si Andreas Kvinge sa Bodø. Tinanong nila siya kung nasaan ang mga Saksi sa hilaga ng Norway. “Hindi ko alam kung nasaan sila ngayon,” ang maingat na sagot ni Andreas. Ganoon na lang siguro ang kaba ni Andreas nang isambulat ng mga opisyal ang laman ng bag niya—mga papel na may nakalistang pangalan at adres ng mga tagapangasiwa, mga interesado, at mga kongregasyon. Pero nakahinga nang maluwag si Andreas dahil walang pumansin sa mga listahan. Ang pakay talaga nila ay papirmahin siya sa isang dokumento na nagsasabing alam niyang bawal ang mangaral at maging isang Saksi ni Jehova.

“Alam naming bawal ang gawain namin,” ang sabi ni Andreas, “kaya sige, pipirma ko para sabihing alam ko ’yon. Pero kahit na bawal kaming magpulong at mamahagi ng mga magasin at aklat, patuloy naming gagamitin ang Bibliya at kakausapin ang mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos.” Nang makita ng Gestapo na hindi makikipagkompromiso si Andreas, pinalaya nila siya.

Dumating sa punto na ipinasara ng mga Nazi ang bahay na ginagamit bilang tanggapang pansangay. Bagaman pinayagang manatili sina Brother at Sister Öman, pinaalis ang iba pang miyembro ng pamilyang Bethel.

NAGTITIPON KAHIT BAWAL

Nang tangkaing lansagin ng Nazi ang mga Saksi ni Jehova, patagong ipinagpatuloy ng mga kapatid ang kanilang gawain. Naglakbay ang ilang brother para dalawin at patibayin ang mga kapatid. Si Søren Lauridsen, na naglingkod sa Bethel, ang dumalaw sa timog ng Norway. Sa hilaga ng Norway, patuloy na dinalaw ni Andreas Kvinge ang mga kapatid sa kaniyang sirkito, na pinapasok ang iba’t ibang trabahong manu-mano para hindi mapaghinalaan. Noong 1943, tumulong ang isa sa mga brother sa lantsang Ruth, si Magnus Randal. Ibinigay sa kaniya ni Brother Öman ang adres ng ilan sa mga kapatid. Nagbisikleta siya nang 1,200 kilometro pahilaga para patibayin ang mga kapatid sa Bodø.

Kahit bawal ang mga pulong, patuloy na nagtitipon ang mga kapatid para magpatibayan. Kadalasan, nagtitipon ang maliliit na grupo sa mga pribadong tahanan, pero kung minsan, palihim din silang nagtitipon bilang isang malaking grupo. Masayang-masaya sila noong 1942 dahil 280 ang dumalo sa Memoryal na ginanap sa dalawang lugar sa Oslo, at 90 ang nakibahagi sa mga emblema!

Nakapagdaos pa nga sila ng patagong mga asamblea sa malalayong bukid o liblib na kakahuyan. Ang pinakamalaki sa ganitong mga pagtitipon ay noong 1943 sa isang gubat sa labas ng nayon ng Ski. Mga 180 kapatid ang nagsama-sama mula sa mga lugar malapit sa Oslo Fjord. Minsan, habang intermisyon at kumakain ang mga kapatid, tatlong sundalong Aleman sakay ng kabayo ang biglang dumating. Ano ang gagawin ng mga kapatid?

Lumapit agad sa mga sundalo ang isang brother na marunong mag-Aleman; gusto palang mag-swimming ng mga ito pero naligaw sila. Siyempre naman, itinuro agad ng mga kapatid ang daan.

“Ano kayang meron d’on?” ang tanong ng isa sa mga sundalo habang papaalis.

“Siguro samahan ng mga mang-aawit ’yon,” ang sabi ng isa. Hindi na lang kumibo ang mga kapatid. Laking pasasalamat nila nang makalayo na ang mga sundalo.

“UNDERGROUND” NA GAWAIN

Marami sa mga kapatid ang nakapagtago ng mga publikasyon sa mga lugar na hindi mahahalata. Naging literal ang kahulugan ng salitang “underground” nang ibaon ng mga kapatid sa lupa ang mga literatura. Kinukuha lang nila ito kapag kailangan. Elektrisyan si Brother Skau at itinago niya ang isang kahon ng libro sa likod ng isang transformer sa pinagtatrabahuhan niya. Itinago ni Brother Øiseth ang kaniyang mga literatura sa bahay-pukyutan, at si Brother Kvinge naman, sa lalagyan ng patatas.

Nag-aalala si Sister Lotte Holm na baka madiskubre ang mga kahon ng literatura sa bodega sa Harstad, kaya kinuha niya ang mga ito. Pagsakay ng barko, maingat niyang ikinamada ang mga kahon at inupuan ito. Papaalis na ang barko nang makita ni Lotte na napakarami palang nakasakay na sundalong Aleman, at hindi niya malaman kung paano niya maibababa ang mga kahon nang hindi mahahalata. Pero wala naman pala siyang dapat alalahanin. Pagdaong ng barko, naawa sa may-edad nang sister ang mga sundalo sa dami ng dala nito, kaya binuhat nila ang mga kahon hanggang sa bahay ni Lotte. Walang kamalay-malay ang mga sundalo na napakalaking tulong sa mga Saksi ang ginawa nila.

Sa kabila ng pagbabawal, nakapagpupuslit pa rin ang mga kapatid sa Norway ng mga kopya ng Bantayan mula sa Sweden at Denmark. Isinasalin nila ang mga araling artikulo sa Norwegian, minamakinilya, at saka ipinamamahagi sa buong bansa. Ginawa nilang sistematiko ang paghahatid ng napapanahong espirituwal na mga pagkain. Ibinibiyahe nila ang mga ito sakay ng tren, bisikleta, at bangka.

PATULOY SILANG NANGARAL

Noong panahon ng digmaan, isang isyu ang sumubok sa pananampalataya ng mga kapatid sa Norway. Nang ipagbawal ang gawain noong Hulyo 1941, pinayuhan ang mga kapatid na maging maingat para hindi mapag-initan ng mga Nazi. Kaya marami ang nangaral nang di-pormal sa mga kaibigan at kamag-anak o sa mga dati na nilang napatotohanan. Pero may mga hindi sang-ayon dito dahil limitado lang daw ang mapapangaralan sa ganitong paraan at wala namang mawawala kung magbabahay-bahay pa rin sila na Bibliya lang ang dala. Bagaman hindi magkasundo kung paano mangangaral, lahat sila ay may matinding pagnanais na maglingkod nang tapat kay Jehova kahit pinag-uusig.

Ano ang gagawin ng mga kapatid? Dahil sa digmaan, imposibleng makontak ang punong-tanggapan sa New York, kaya mukhang hindi agad maaayos ang problema. Manghihina kaya ang pananampalataya nila dahil sa di-pagkakasundo? O gagawin nila ang buong makakaya para makapangaral habang hinihintay si Jehova at ang kaniyang organisasyon na ayusin ang mga bagay-bagay?

Kitang-kita ang pagpapala ni Jehova sa kanilang tapat na paglilingkod. Sa kabila ng digmaan, pagbabawal, at magkakaibang paraan ng pangangaral, ang peak ng mamamahayag na 462 noong 1940 bago ang digmaan ay naging 689 noong 1945—dahilan para lubos na magalak ang mga kapatid!

NAGKAKAISA SA PAGLILINGKOD KAY JEHOVA

Pagkatapos ng digmaan noong 1945, pumunta si William Dey sa Norway noong Hulyo at Agosto para tulungan ang mga kapatid na muling organisahin ang gawain. Nagsaayos ng mga miting si Brother Dey sa Oslo, Skien, at Bergen at hinimok ang mga kapatid na pagkaisahin ang kanilang pagsisikap. Idiniin niya sa kanila na pinagpala sila ni Jehova, na nagkaroon sila ng pagsulong, at na kaya nilang magpatuloy sa tulong ni Jehova.

Noong Setyembre 1945, kinontak ni Nathan H. Knorr ng punong-tanggapan si Marvin F. Anderson, isang 28-anyos na brother na Amerikano pero may dugong Danish. Dati siyang naglilingkod sa Bethel sa New York at naatasan bilang tagapangasiwa ng sirkito sa Estados Unidos. Tinanong siya ni Brother Knorr kung handa siyang pumunta sa Norway para asikasuhin ang ilang bagay at manatili roon nang “matagal-tagal.” Pumayag agad si Brother Anderson, pero inabot nang ilang buwan bago siya nakarating doon.

Samantala, dumalaw sa Norway sina Brother Knorr at Brother Henschel noong Disyembre 1945. Natulungan nila ang mga kapatid na magkaisa sa pag-ibig. Kasabay nito, ipinatalastas ni Brother Knorr na si Brother Dey ang hahalili kay Brother Öman bilang tagapangasiwa ng sangay. Pagkaraan ng isang buwan, dumating sa Norway si Brother Anderson, at noong Pebrero, inatasan siya bilang tagapangasiwa ng sangay. Ngayong tapos na ang Digmaang Pandaigdig II, handa na ang mga lingkod ni Jehova sa Norway na ganapin ang kanilang ministeryo nang may panibagong sigla at pagtitiwala sa pagpapala ni Jehova.

TULOY ANG PAGSULONG NG ORGANISASYON NI JEHOVA

Abalang-abala ang sangay nang dumating si Marvin Anderson sa Norway. Noong Setyembre 1945, binigyan ang mga mamamahayag ng tig-iisang buklet sa Norwegian at tig-aapat sa Swedish. Makaraan ang isang buwan, inilathala sa Norwegian ang Oktubre 1, 1945 na isyu ng Bantayan, at nasundan ito ng iba pang publikasyon.

May isang nakakatuwang halimbawa na nagpapakitang kailangan talagang isalin ang literatura sa Norwegian. Isa sa mga buklet na isinalin sa Swedish ay pinamagatang Hopp—salitang Swedish para sa “pag-asa.” Pero sa Norwegian, ang ibig sabihin ng “hopp” ay “talon,” o “lukso.” Kaya ipinapaliwanag pa ng mga mamamahayag na ang kanilang mensahe ay hindi nangangahulugang pinatatalon ang mga mambabasa.

Nang maging tagapangasiwa ng sangay si Brother Anderson noong 1946, nakisiksik siya sa kuwarto ng lima pang brother dahil walang ibang lugar. Isinaayos na mailipat ang mga di-Saksing residente ng gusali, na nandoon na mula pa noong rehimeng Nazi, para magkasya ang lumalaking pamilyang Bethel.

Paspas agad sa trabaho si Brother Anderson. Ipina-renovate ang mga opisina at nagpabili ng mga bagong kagamitan, kasama na ang isang de-pedal na pang-imprenta. Noong 1946, isang bagong paaralan ang pinasimulan sa mga kongregasyon—ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Tuwang-tuwa ang mga kapatid dahil sa wakas, mas maraming brother ang masasanay na maghanda at magbigay ng pahayag, at di-nagtagal, dumami ang naging kuwalipikadong tagapagsalita sa madla.

Pagkatapos ng digmaan, ang mga unang kombensiyon ay idinaos sa Oslo, Bergen, at Trondheim noong Setyembre at Oktubre 1946. Lahat-lahat, 3,011 ang dumalo sa pahayag na “Ang Prinsipe ng Kapayapaan,” at 52 ang nabautismuhan—napakarami kung tutuusin dahil 766 lang noon ang mamamahayag sa Norway.

Bagaman nahinto nang mahigit limang taon ang gawaing pansirkito, nagpatuloy ito noong Disyembre 1946. Maraming bata pang brother, na ang ilan ay nakapaglingkod sa Bethel, ang inatasang maging mga tagapangasiwa ng sirkito (tinatawag noong servants to the brethren). Isa sa kanilang pangunahing tunguhin ay sanayin ang mga mamamahayag sa pagbabahay-bahay, at sinikap nilang makasama sa larangan ang mas maraming kapatid hangga’t maaari. Isa sa mga batang tagapangasiwa ng sirkito noong panahong iyon si Gunnar Marcussen. Sinabi niya na sa ilang kongregasyon, mga 50 hanggang 70 mamamahayag ang nakakasama niya sa loob ng isang-linggong dalaw. Unti-unting humusay ang mga kapatid sa pangangaral ng mensahe ng Kaharian at hindi na gumamit ng mga testimony card at ponograpo, na ginagamit mula pa noong dekada ng 1930. Idiniin din ang kahalagahan ng pagdalaw-muli at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya.

PINASIGLANG MAGPAYUNIR

Pagkatapos ng digmaan, pinasigla ang mga mamamahayag na magpayunir para tulungan ang dumaraming interesado. Kaya ang ilan sa mga mamamahayag na huminto sa pagpapayunir nang ipagbawal ang gawain noong 1941 ay bumalik sa buong-panahong paglilingkod. Kahit mahirap ang buhay, 47 kapatid ang nagpayunir sa pagtatapos ng 1946.

Isa sa kanila ang sister na si Svanhild Neraal. Naglakbay siya pahilaga papunta sa lalawigan ng Finnmark noong 1946. Dating nagpayunir doon si Svanhild noong 1941 kasama si Solveig Løvås at nasaksihan nila ang pambobomba sa Kirkenes at Vardø. Hindi malimutan ni Svanhild ang mga interesadong natagpuan nila ni Solveig kaya bumalik siya sa Kirkenes, na ngayo’y iniwang sira ng digmaan. Nagtaka ang mga tagaroon kung bakit bumalik si Svanhild samantalang wala siyang matutuluyan doon.

Gayunman, nagtiwala si Svanhild kay Jehova, at pagsapit ng taglamig, nakituloy siya sa isang maliit na bahay. Limang tao ang nakatira doon, kaya sa sahig ng kusina natutulog si Svanhild. Dahil sa epekto ng digmaan, napakahirap ng buhay at maraming tiniis si Svanhild. Kahit umuulan ng niyebe at yelo, nag-aabang siya ng masasakyang lantsa, na atrasado naman o hindi pa nga dumarating.

Maraming pambihirang karanasan si Svanhild sa pangangaral sa mga Sami. Kapag hindi siya nakakasakay ng bus, nagbabangka siya o nagbibisikleta papunta sa liblib na mga lugar. Madalas siyang patuluyin ng mga Sami sa kanilang mga tolda na gawa sa balat ng reindeer. Mataman silang nakikinig habang nagpapatotoo siya sa tulong ng mga interpreter. Iniimbitahan din nila siya sa pagkain, na ang ulam ay karne ng reindeer. Nang maglaon, tumanggap ng katotohanan ang ilan sa napatotohanan ni Svanhild.

Sinabi ni Kjell Husby, naglilingkod sa Bethel nang panahong iyon, na nalalaman ng sangay kung nasaan si Svanhild dahil sa mga adres ng suskripsiyon na ipinapadala nito. Sa tatlong taóng nasa Finnmark si Svanhild, 2,000 suskripsiyon ng Bantayan at 2,500 aklat ang naipasakamay niya!

“MGA MANGINGISDA NG MGA TAO”

Pagkatapos ng digmaan, puspusan ding nangaral ang mga mamamahayag ng kongregasyon, at naging mabunga ito. Si Dag Jensen, na nabanggit na, ay nakapangaral sa mga kaibigan at kamag-anak niya sa maliit na nayon ng Hennes sa Vesterålen noong digmaan. Marami ang nagpakita ng interes at nag-aral ng Bibliya gamit ang ating literatura. Nang matapos ang digmaan noong 1945, nabautismuhan si Dag. Nang sumunod na taon, isang kongregasyon ang naitatag sa Hennes, at 16 ang nabautismuhan sa bahay ni Dag. Pagkalipas ng limang taon, 50 na ang mamamahayag, at noong 1971, iniulat ni Dag na mahigit 20 sa kongregasyong iyon ang nagpayunir.

Nakakahawa ang pag-ibig ni Dag kay Jehova at ang sigasig niya sa ministeryo. “Kapag pumapasok si Dag sa isang bahay, palagi siyang masaya at masigla. Napapasaya niya ang mga nand’on,” ang sabi ni Åshild Rønning, isang sister na lumaki sa kongregasyon. Napapatibay rin ni Dag ang mga kabataan. Kapag may bahagi sila sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, binibigyan niya sila ng komendasyon. “Ipinaparamdam niya sa amin na mahalaga ang bahagi namin,” dagdag pa ni Åshild. Dahil sa gayong pampatibay, nagsimulang magpayunir si Åshild noong 1962 at masayang ibinahagi sa iba ang “maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos,” si Jehova.—1 Tim. 1:11.

Bakit maraming nagiging masigasig na Saksi sa lugar na ito? Bagaman hindi palasimba ang karamihan sa maliit na nayong ito, naniniwala sila sa Diyos at sa Bibliya. Isa pa, maraming Saksi ang kilalang mahuhusay na ulo ng pamilya at tapat na mga asawang babae. Isa sa kanila ang pamangkin ni Dag na si Arnulf Jensen, na nabautismuhan noong 1947. Hanapbuhay niya ang pangingisda at inaabot siya nang ilang araw sa laot. Pero tuwing Biyernes ng gabi, umuuwi siya kahit marami pang puwedeng mahuli at puwedeng kumita ng mas malaki. Tinitiyak ni Arnulf na sa dulo ng sanlinggo, makakadalo siya ng pulong at makakapangaral kasama ng kaniyang asawa at walong anak—na lahat ay naninindigan sa katotohanan. Tuwing Sabado’t Linggo, ginagampanan ng mga brother ang atas nila bilang “mga mangingisda ng mga tao” sa malalayong nayon, at madalas nilang gamitin ang lantsa ni Arnulf sa gawaing ito.—Mar. 1:16-18.

“IMPORTANTE ANG GAWAIN NAMIN”

Ang pagsasanay sa mga misyonero sa Watchtower Bible School of Gilead sa New York ay malaking tulong sa mga kapatid sa Norway. Sina Hans Peter Hemstad at Gunnar Marcussen ang dalawang kauna-unahang taga-Norway na nagtapos sa Gilead noong 1948. Inatasan sila sa Norway at naglingkod sa gawaing paglalakbay at sa Bethel, at nagpatuloy sa atas kahit nakapag-asawa na sila. Mula 1948 hanggang 2010, mahigit 40 taga-Norway ang nagtapos sa Paaralang Gilead. Mahigit kalahati sa mga ito ang naatasan sa Norway bilang mga payunir o mga naglalakbay na tagapangasiwa o mga miyembro ng pamilyang Bethel.

Kasama sa mga naunang misyonero mula sa Gilead na ipinadala sa Norway sina Andreas Hansen ng Denmark at Kalevi Korttila ng Finland. Noong 1951, inatasan sila sa East Finnmark at kinubrehan ang malawak na teritoryo sakay ng bangka, bisikleta, o ski. Ipinagpatuloy nila ang nasimulan noon ni Svanhild Neraal. Kaya makalipas lang ang isang taon, ang dating 3 mamamahayag ay naging 15!

Si Kjell Martinsen mula sa Hennes sa Vesterålen ay nagtapos sa Gilead noong 1953 at naatasan sa Norway. Sa edad na 22, naging naglalakbay na tagapangasiwa siya sa Vestfold at Telemark. Kahit na medyo asiwa dahil napakabata pa niya, marami siyang masasayang alaala ng mainit na pagtanggap at pakikipagtulungan ng mas makaranasang mga brother. Naglingkod siya bilang naglalakbay na tagapangasiwa hanggang noong 2001 nang lumipat sila ng misis niyang si Jorunn sa Svolvær sa Lofoten, at doon nagpatuloy si Kjell bilang payunir.

Si Karen Christensen na taga-Denmark ay nagpayunir naman noong 1950 sa Egersund at Kongsvinger na parehong wala pang kongregasyon. Nangaral siya sakay ng bisikleta. Pagka-graduate ng Gilead noong 1954, ipinadala siya sa Kongsberg. Noong 1956, napangasawa niya si Marvin Anderson at naglingkod sa Bethel mula noon. Mahigit 60 taon na ngayon si Karen sa buong-panahong ministeryo. Sinabi niya: “Hindi kami mga importanteng tao, pero importante ang gawain namin.”

MGA TAGUMPAY SA LEGAL NA USAPIN

Mula 1948 hanggang 1951, malaki ang itinaas ng average na bilang ng mamamahayag. Noong 1951, nadagdagan ito ng 29 na porsiyento, at umabot nang 2,066 na mamamahayag. Gayunman, kasabay nito, napaharap sa ilang usapin sa batas ang mga lingkod ni Jehova sa Norway.

Ang pinakakontrobersiyal na kaso ay hinggil sa pagpapatotoo sa lansangan gamit ang magasing Ang Bantayan. Noong Nobyembre 1949, dinala sa presinto ang ilang mamamahayag na nangangaral sa lansangan ng Oslo, pero pinalaya rin makalipas ang ilang oras. Hindi natinag ang mga kapatid at nangaral uli sa lansangan nang sumunod na dulo ng sanlinggo. Pagkatapos, noong Disyembre 6, 1949, inaresto ang lahat ng mamamahayag na nagpapatotoo sa lansangan ng Oslo. Sinabi ng mga pulis na hindi sila puwedeng mag-alok ng mga magasin sa lansangan nang walang permiso at na nakakasagabal sa daan at daloy ng trapiko ang gawain nila. Pitong mamamahayag ang pinagtatanong at dinala sa korte; may pinagmulta at may ikinulong nang tatlong araw.

Dahil hindi lang pagkuha ng permiso mula sa mga pulis ang sangkot dito, kundi pati ang karapatan sa malayang pagpapahayag ng relihiyosong mga paniniwala, umapela ang mga kapatid sa Korte Suprema ng Norway. Sa pahayagang Dagbladet, sinabi ni John Roos, kinatawan ng mga Saksi ni Jehova, na hindi kailanman nakagambala ang ating pagpapatotoo sa lansangan. Ikinatuwiran niya: “Kung ang pangangaral sa lansangan ay hindi naman makakagambala sa kapayapaan, ni makakaistorbo sa trapiko, ni magdudulot man ng kaguluhan, kailangan pa bang humingi ng permiso sa pulisya? Hindi ba saklaw ng kalayaan sa relihiyon ang karapatang mangaral?” Habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema, patuloy na nagpatotoo sa lansangan ang mga Saksi sa kabila ng mga pag-aresto at lumalaking multa. Ilan sa mga mamamahayag ay sampung beses na naaresto.

Noong Hunyo 17, 1950, binaligtad ng Korte Suprema ang desisyon ng lokal na hukuman, at naabsuwelto ang mga mamamahayag! Ipinapakita nito at ng iba pang paborableng desisyon na ang mga Saksi ni Jehova sa Norway ay may legal na karapatang mag-alok ng literatura sa Bibliya, sa lansangan man o sa bahay-bahay, nang hindi na humihingi ng permiso sa pulis.

DI-MALILIMUTANG MGA KOMBENSIYON

Noong dekada ng 1950 at 1960, maraming di-malilimutang kombensiyon ang nakapagpatibay sa organisasyon at higit na nakapagbuklod sa mga Saksi. Kabilang sina Nathan H. Knorr at Milton G. Henschel, mula sa punong-tanggapan, sa mga tagapagsalita sa isang pambansang kombensiyon sa Lillehammer noong 1951. Galing sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang mga delegado. Masayang-masaya sila dahil 89 ang nabautismuhan at 2,391 ang dumalo sa pahayag pangmadla! Nang sumunod na mga taon, tuwang-tuwa ang mga delegado mula sa Norway na nakadalo sila sa mga internasyonal na kombensiyon sa London at New York. At noong 1955, mga 2,000 Saksing Norwegian ang dumalo sa internasyonal na kombensiyon sa Stockholm, Sweden.

Talagang di-malilimutan ang “Word of Truth” na internasyonal na asamblea sa Ullevål Stadium sa Oslo noong 1965. Hindi biro ang mga hamong pinagdaanan ng mga kapatid. Noong gabi bago ang programa, may laban ang pambansang soccer team ng Norway sa mismong istadyum na gagamitin ng mga kapatid. Isang batalyon ng mga Saksi, na naghintay sa mga gate hanggang sa makalabas ang mga nanood ng soccer, ang dumagsa para ihanda ang istadyum. Magdamag silang naglinis, naghakot ng basura, at nagtayo ng mga tolda para sa cafeteria. Gumawa rin sila ng mga entablado, pabilyon para sa orkestra at, bilang dekorasyon, isang kamalig at tatlong kubo—lahat ay may bubong na kugon. “Isang himala sa loob ng isang gabi,” ang sabi ng pahayagang Dagbladet. “Nagmistulang magandang kabukiran ang Ullevål Stadium . . . Pambihira ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova.”

Inasikaso ng mga kapatid na Norwegian ang mahigit 7,000 delegado mula sa ibang bansa, na karamiha’y mula sa Denmark. Nagtayo ng mga tent sa isang kaparangan malapit sa lunsod. Wala sanang problema kung maganda ang panahon, kaso nag-uulan at nagputik ang lugar. Nahirapan tuloy ang 6,000 delegadong tumira sa mga tent noong mga unang araw ng asamblea. Laking pasasalamat nila nang bumuti ang panahon noong huling dalawang araw. Sa kabila ng lahat, maligaya ang mga delegado sa mainit na Kristiyanong pagsasamahan at sa nakarerepresko at napapanahong espirituwal na programa. Tuwang-tuwa sila na 199 ang nabautismuhan at 12,332 ang dumalo sa pahayag pangmadla ni Brother Knorr!

“PAGPAPATOTOO ANG BUHAY NAMIN”

Bukod sa pangangaral sa bahay-bahay at sa lansangan, mabunga rin ang di-pormal na pagpapatotoo. Noong 1936, ang trabahador sa bapor na si Konrad Flatøy ay nag-alok ng buklet sa isang opisyal. Si Paul Bruun ang opisyal, at binasa niya nang gabing iyon ang buklet.

“Nakita ko agad na ito ang katotohanan,” ang sabi ni Paul, “at nalaman ko sa buklet ang pagkakaiba ng tunay at huwad na relihiyon.” Habang higit na natututo si Paul, nagpapatotoo rin siya sa iba, at noong digmaan, may bina-Bible study siyang marino. Dahil sa natututuhan sa Bibliya, hindi na maatim ng marino na humawak ng machine gun. Nalaman ito ng mga opisyal at ipinag-utos na itigil ni Paul ang Bible study sa marino. Hindi sumunod si Paul, kaya siya at ang marino ay pinababa ng barko sa London. Pagkalipas ng isang buwan, pinalubog ng torpedo ang barkong iyon. Nang maglaon, nabautismuhan ang marino, at si Paul naman ay nag-aral sa Gilead. Pagka-graduate noong 1954, inatasan si Paul sa Pilipinas bilang misyonero. Nang maglaon, bumalik siya sa Norway at naglingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito, kasama ang maybahay na si Grethe.

Noong 1948, si Holger Abrahamsen ay naghahatid at sumusundo ng mga trabahador sa piyer ng Narvik. Laging sinasabi ni Holger: “Pagpapatotoo ang buhay natin; kung wala ’yon, mamamatay tayo.” Kaya palagi niyang sinasamantala ang mga pagkakataong makapagpatotoo sa kaniyang mga pasahero. Isa rito si Olvar Djupvik; naging interesado siya at sinabi niya sa kaniyang nobyang si Anne Lise ang tungkol sa Paraiso. Pareho silang nabautismuhan, at nang maglaon, naging mga lingkod din ni Jehova ang apat nilang anak. Isa sa kanila si Hermann, na naging misyonero sa Bolivia kasama ang asawang si Laila. Bumalik sina Hermann at Laila sa Norway at nasa gawaing paglalakbay ngayon.

PAG-AALAGA SA KAWAN NI JEHOVA

Noong dekada ’60 at ’70, nagkaroon ng mahahalagang pagbabago sa tanggapang pansangay at sa mga kongregasyon. Ang tagapangasiwa ng sangay na si Marvin Anderson ay hinalinhan ni Roar Hagen, na hinalinhan naman ni Thor Samuelsen noong 1969. Noong 1976, nagkaroon ng Komite ng Sangay sa Norway, at sina Thor Samuelsen, Kåre Fjelltveit, at Niels Petersen ang mga naging unang miyembro nito.

Oktubre 1972 nang mag-atas ng mga lupon ng matatanda bilang mga espirituwal na pastol sa mga kongregasyon. Sinanay ang mga may-gulang na lalaki sa kongregasyon para magpastol sa maraming baguhan. Mula noon, pinagpala ni Jehova ang kaniyang bayan habang sila ay tapat na naglilingkod at nagpapasakop sa maibigin niyang pangangasiwa.

TUMUGON SA MABUTING BALITA ANG MGA SAMI

Sa loob ng mga dekada, maraming payunir at iba pa ang nangaral sa mga Sami, pati na sa mga nagpapastol ng reindeer sa talampas ng Finnmarksvidda. Maraming Sami ang nagsasalita ng Norwegian, pero may pagkakataong kailangan pa rin ng mga interpreter. Isa sa mga unang Saksing nakapangaral sa mga mamamayang Sami ay si Aksel Falsnes, na may dugong Sami at nakapagsasalita ng Sami, Norwegian, at Finnish. Naging Saksi ang kapatid niyang babae na nakatira sa timog ng Norway at pinadalhan siya nito ng isa sa ating mga publikasyon. Binasa niya itong mabuti. Walang Saksi sa lugar na tinitirhan niya sa Troms. Pero noong 1968, dinalaw siya ng ilang payunir at ng tagapangasiwa ng sirkito para tulungan siyang sumulong.

Masigasig si Aksel. Kadalasan, maaga pa lang, isinasakay na niya ang kaniyang bisikleta sa bangka para tumawid ng fjord, at saka siya magbibisikleta papunta sa mga nayon. Dahil nakapagsasalita ng wika ng mga Sami, nakapagpatotoo si Aksel sa mga Sami na nasa kasuluk-sulukan ng Finnmark.

Kayang-kaya ng pangangatawan ni Aksel na maglakbay sakay ng ski para mapuntahan ang malalayong bahay. Minsan isang taglamig, nag-ski siya mula Karasjok patawid ng talampas papuntang Kautokeino, at pagkatapos sa Alta. Kaunting gamit lang at ilang literatura ang dala niya sa backpack. Makaraan ang ilang linggo, narating niya ang bahay ng mga kaibigan niya sa Alta. Lahat-lahat, mga 400 kilometro ang nilakbay niya!

Noong pasimula ng dekada ’70, may mga Sami na naging Saksi. Sa Hammerfest, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ang isang babaing Sami kasama ang mister niya. Di-nagtagal, ilan sa mga kamag-anak ng babae sa Alta ang naging interesado. Sina Arne at Marie Ann Milde, mga special pioneer sa Alta, ang nagturo sa mga tapat-pusong ito at madalas na 10 hanggang 12 ang magkakasamang ini-study nila. Nang maglaon, mga kalahati sa kanila ang naging Saksi.

“Mahirap mangaral sa teritoryo ng mga Sami,” ang sabi ni Hartvig Mienna, isang Sami na payunir sa Alta na nangangaral sa malalayong lugar sakay ng kaniyang snowmobile. “Ang lalayo ng bahay, at marami sa kanila ang talî sa tradisyon. Pero mapagpatuloy ang mga Sami, at nakapagpasimula kami ng mga Bible study.”

MGA TAON NG PAGHIHINTAY

Mula kalagitnaan ng dekada ’60 hanggang kalagitnaan ng dekada ’70, patuloy na dumami ang mga mamamahayag. Pero nasubok ang pananampalataya ng ilan dahil sa mga inaasahan nila noong 1975. Hindi naganap ang malaking kapighatian nang taóng iyon, kaya iniwan ng ilan ang organisasyon. Mula 1976 hanggang 1980, medyo bumaba ang bilang ng mamamahayag. Tumamlay ang sigasig ng iba. Pero kumusta naman ang karamihan?

“Talagang inaabangan noon ang 1975,” ang sabi ni Hans Jakob Lilletvedt, “pero hindi doon nakadepende ang pananampalataya ko.”

“Hindi kami nag-alay kay Jehova dahil sa isang espesipikong petsa, kaya nagpatuloy lang kami sa dati naming ginagawa,” ang sabi ng mga tapat at matatagal nang Saksing sina John at Edith Johansen.

“Paglilingkuran ko si Jehova magpakailanman,” ang sabi ni Lea Sørensen. “Hindi mahalaga kung dumating man nang 1975 ang wakas o hindi.”

BAGONG TANGGAPANG PANSANGAY

Dumami ang gawain sa sangay sa pagtatapos ng dekada ’70, kaya mas maraming Bethelite ang kinailangan. Siyempre, kailangan din ng mas malaking lugar. Kaya noong 1979, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang plano para sa isang bagong tanggapang pansangay sa labas ng Oslo. Sa pagtatapos ng 1980, nakakita ang mga kapatid ng angkop na lugar sa Ytre Enebakk, mga 30 kilometro mula sa sentro ng Oslo.

Para makatipid, nanawagan ng mga boluntaryo sa pagtatayo ng complex. Malaking hamon ang makakuha ng mga construction equipment, magpakain at magpatulóy ng halos 100 katao, at pangasiwaan ang proyekto.

Lahat-lahat, mahigit 2,000 kapatid mula sa Norway at ibang bansa ang ‘kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili.’ (Awit 110:3) Marami ang nag-abuloy ng patatas, gulay, prutas, tinapay, itlog, isda, damit, at kagamitan. May mga nagboluntaryo sa pagputol ng puno sa gubat at pagtistis nito para gawing tabla. May mga nagbigay ng pinansiyal na abuloy at ang iba nama’y nagpahiram ng pera.

Limitado lang ang panahon ng mga boluntaryong may kasanayan, kaya malaking trabaho ang naiwan sa mga walang gaanong alam sa pagtatayo. Noong una, medyo nag-aalangan si John Johnson, inatasang mangasiwa sa instalasyon ng kuryente, pati na ang iba pang tagapangasiwa kung kakayanin nila ang proyekto. “Natutuhan ng mga boluntaryo ang trabaho at ang husay ng nagawa nila,” ang sabi ni John. “Nakakatuwa kasi nasolusyonan ang mga problema at naging maayos ang lahat. Kitang-kitang may patnubay ni Jehova ang pagtatayo.”

Salamat sa kasipagan ng mga boluntaryo, pagkabukas-palad ng mga kapatid, at pagpapala ni Jehova dahil naging maayos ang konstruksiyon. Nagsimula ang proyekto maaga noong 1981, at nang dumalaw si Milton Henschel ng Lupong Tagapamahala, inialay ang bagong tanggapang pansangay noong Mayo 19, 1984. Ang mismong proyekto ay nakapagbigay ng malaking kagalakan sa mga kapatid sa Norway at lalo silang naging malapít sa isa’t isa. Nang sumunod na mga taon matapos ang proyekto, marami sa mga nagboluntaryo ang nag-auxiliary o nag-regular pioneer.

MABILIS NA PAGTATAYO NG MGA KINGDOM HALL

Taóng 1928 nang itayo ng apat sa magkakapatid na Fjelltvedt ang unang pulungan sa isang bayan sa Bergen. Pagtuntong ng dekada ’80, may mga kongregasyong nagtayo o bumili ng sariling Kingdom Hall. Pero marami pa ring kongregasyon ang nagpupulong sa mga di-presentableng pulungang nirerentahan nila. Noong itinatayo ang sangay, pinag-usapan ng ilang brother kung paano mabilis na makapagtatayo ng mga Kingdom Hall. Alam nilang nakapagtatayo ng mga Kingdom Hall sa mabilisang paraan ang mga kapatid sa Estados Unidos at Canada. Naisip nila, ‘Kung kaya nilang gawin ’yon sa tulong ni Jehova, kaya rin natin!’

Ang ilang brother ay gumuhit ng plano at bumuo ng sistematikong pamamaraan. Matapos ang kauna-unahang proyekto sa Askim noong 1983, tatlong “quick-build” na Kingdom Hall ang naitayo noong 1984—sa Rørvik, Steinkjer, at Alta. Paano? Inihanda muna nila ang pundasyon. Pagkatapos, inorganisa nilang mabuti ang mga boluntaryo—ang mga may kasanayan at ang wala—para sa bawat yugto ng pagtatayo nang sa gayo’y matapos ang proyekto sa loob lang ng ilang araw.

Sa sumunod na sampung taon, mga 80 Kingdom Hall ang naitayo sa Norway sa mabilisang paraan. Tumulong din ang mga kapatid na Norwegian sa pagtatayo ng tatlong Kingdom Hall sa Iceland. Bagaman karamihan ng kongregasyon sa Norway ngayon ay may sarili nang Kingdom Hall, may mga kailangan pang itayo, i-renovate, at palakihin.

“TUMIBAY ANG SAMAHAN NG MGA KAPATID”

Dahil sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, nagkaroon ng angkop at magagandang dako ng pagsamba, at naging mahusay na patotoo ito sa mga tao. Halimbawa, tatlong brother ang nakipag-usap sa mga opisyal ng lunsod ng Fredrikstad para humingi ng permit sa pagtatayo ng Kingdom Hall noong 1987. Nang sabihin ng mga brother na tatapusin nila ito sa loob ng tatlong araw, pinagtawanan sila ng mga opisyal. Pero unang araw pa lang, Biyernes, napansin ng mga opisyal na matatapos nga ito ayon sa plano. Noong Sabado, isa sa mga opisyal ang nagdala ng banda sa lugar ng konstruksiyon at pinatugtog ang mga ito para sa mga boluntaryo bilang paghingi ng dispensa. Isang babae na sumubaybay sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa Arendal noong 1990 ang nagsabi, “Bilib ako sa inyong mga Saksi, ang bilis n’yong magtayo, at saka lagi kayong nakangiti at masaya.”

Sa ngayon, may dalawang Regional Building Committee na nangangasiwa sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa Norway. May mga brother at sister din na handang tumulong sa mas malalaki at mahihirap na proyekto. Halimbawa, noong 1991 at 1992, pinalakihan ang tanggapang pansangay; 1994 nang magtayo ng isang magandang Assembly Hall sa Oslo; at noong 2003, isang malaking Kingdom Hall naman ang itinayo sa Bergen, na puwede ring gamitin kapag may asamblea.

Ang pakikipagtulungan at pagkakaisa sa ganitong mga proyekto ay nagkaroon ng magandang epekto sa mga lingkod ni Jehova. “Nakatulong ito para maging mas malapít sa isa’t isa ang mga kapatid,” ang sabi ng isang brother na boluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall mula pa noong 1983. “Tumibay ang samahan ng mga kapatid—nakabuo kami ng matatag na pagkakaibigan at mas gumanda ang aming teamwork.”

DUMAMI ANG GAWAIN SA BETHEL

Nang makumpleto ang mga pasilidad ng tanggapang pansangay, nagdagdag ng mga boluntaryo para sa ikasusulong ng gawaing pangangaral sa Norway. Halimbawa, dumami ang mga literaturang isinalin sa Norwegian. Ang pinakamalaking proyektong natapos nila ay ang paglalathala ng buong Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa wikang Norwegian noong 1996. (Inilabas noong 1991 ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.) Ngayon, halos lahat ng literatura ng mga Saksi ni Jehova ay makukuha na sa wikang Norwegian, pati na ang reperensiyang Kaunawaan sa Kasulatan.

Kasama sa mga bagong pasilidad ng sangay ang isang recording studio. Pasimula ng dekada ’60, ang mga drama para sa kombensiyon ay inirerekord sa mga Kingdom Hall pati na sa attic at sa basement ng dating gusali ng sangay. Mahirap magrekord noon dahil sa ingay ng trapiko. Pero tamang-tama ang bagong recording studio para sa mga drama, video, at vocal rendition ng mga awiting pang-Kaharian. Nagrerekord din ang sangay ng audio ng Bantayan at Gumising! sa Norwegian at ang rekording ng buong Bibliya at iba pang mga aklat ay makukuha rin sa CD o maida-download sa Web site na www.pr418.com.

NAGLINGKOD KUNG SAAN MAS KAILANGAN

Habang nangangaral ang mga kapatid sa kanilang lugar, maraming mamamahayag at payunir ang naglakbay patungo sa mga teritoryong hindi pa nagagawa. Nakarating sila hanggang sa Longyearbyen sa Svalbard archipelago. Lumipat ang ilang mamamahayag sa malalayong lugar para ipangaral ang mabuting balita at, kung posible’y makapagtatag ng mga kongregasyon.

Alam nina Finn at Tordis Jenssen, ikinasal noong 1950, na nangangailangan ng mga mamamahayag sa Hammerfest, isang lunsod malapit sa dulong hilaga ng daigdig. Wala silang gaanong pera; pero malalakas sila at determinado, at tig-isa sila ng bisikleta. Kaya sinimulan nilang magbisikleta mula Bodø papuntang Hammerfest, na mga 900 kilometro ang distansiya. Pero nang mangalahati na sila, may ilang kaibigan na nagbigay ng pera para makapagbarko sila papunta sa kanilang destinasyon. Sa Hammerfest, naging abala sina Finn at Tordis sa pangangaral at pag-iimbita sa mga tao sa pahayag pangmadla ni Finn tuwing dulo ng sanlinggo. Pinagpala ni Jehova ang kanilang pagsisikap, at di-nagtagal, nakapagtatag sila ng isang maliit na kongregasyon.

Sa pandistritong kombensiyon sa Trondheim noong 1957, pinasigla ng isa sa mga tagapagsalita ang mga mamamahayag na lumipat sa lugar na mas nangangailangan ng mga mángangarál. Matamang nakikinig ang mag-asawang taga-Stavanger na sina Viggo at Karen Markussen. Bahagyang siniko ni Viggo si Karen; kuha agad ni Karen ang ibig sabihin. ‘Mukhang hindi na kami magtatagal sa Stavanger,’ ang naisip ni Karen. Pero ano kaya ang masasabi ng tatlo nilang anak na babae, na mga mamamahayag na rin at edad 11 hanggang 14?

Nang pag-usapan ng pamilya Markussen ang pahayag, sumang-ayon ang lahat na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pagkasulat nila sa tanggapang pansangay, hinilingan silang lumipat sa Brumunddal, isang lugar na wala pang kongregasyon. Kaya noong 1958, ibinenta nina Viggo at Karen ang kanilang modernong bahay at shop ng mga muwebles, at lumipat ang pamilya sa isang simpleng bahay malapit sa Brumunddal. Pinagpala ni Jehova ang kanilang pagsasakripisyo, at nang sumunod na mga taon, marami sa kanilang mga Bible study ang naging Saksi. Bago bumukod ang mga anak nina Viggo at Karen at maatasan ang mag-asawa sa gawaing pansirkito, mayroon nang maliit ngunit masigasig na kongregasyon ng mga 40 mamamahayag sa Brumunddal.

May mga kabataang brother din na nagboluntaryo sa mga lugar na wala pang kongregasyon. Noong 1992, isang grupo ng mga payunir na brother, karamihan ay mga edad 19, ang lumipat sa Måløy sa Nord Fjord para dalawing muli ang mga interesado. Puspusan silang nangaral at agad na nagdaos ng mga pulong sa inuupahan nilang bahay. Napakamapagpatuloy ng isang ginang na Bible study nila; parang mga anak na nga ang turing nito sa kanila. Nang maglaon, isang elder ang lumipat sa Måløy kasama ang kaniyang asawa, at isang kongregasyon ang naitatag. Masayang-masaya ang mga kabataang brother sa kanilang atas, sa pagdaraos ng mga Bible study, pag-aasikaso ng mga gawain nila sa kongregasyon, at pagpapatibay sa masiglang bagong kongregasyon. “Napakagandang karanasan at pagkakataon ’yon para sumulong sa espirituwal,” ang sabi ng isa sa mga brother. Dahil sa pagsisikap nila at ng iba pa, mayroon nang 30 mamamahayag sa Nord Fjord Congregation at mga 50 hanggang 60 Bible study.

PAGPAPATOTOO SA IBANG WIKA

Sa nakalipas na 20 taon o higit pa, patuloy ang pagdami ng mga banyagang naninirahan sa Norway. Nagtulung-tulong ang mga kongregasyon para makapagpatotoo sa mga banyagang ito sa sarili nilang wika o sa wikang naiintindihan nila. Ang unang banyagang-wikang kongregasyon sa Norway ay itinatag noong 1986. Tinawag itong Oslo Latin Congregation dahil dito dumadalo ang mga nagsasalita ng Kastila at Portuges, na ang karamihan ay mula sa Latin Amerika. Sinimulan din noon ng ilang mamamahayag ang organisadong pagpapatotoo sa mga nagsasalita ng Ingles sa Oslo. Marami silang natagpuang interesado, karamiha’y taga-Aprika at Asia. Ang ilan ay nakausap nila sa lansangan at ang iba nama’y sa mga refugee reception center. Tumingin din sila sa directory ng mga pangalang tunog-banyaga na maaaring nagsasalita ng Ingles at tinawagan ang mga ito. Napasimulan ang maraming pag-aaral sa Bibliya, at noong 1990, naitatag ang Oslo English Congregation.

Mula noon, maraming mamamahayag na Norwegian ang nagsikap mag-aral ng ibang wika. Kasama ang mga mamamahayag na banyaga, nakapagtatag sila ng mga grupo o kongregasyon para sa mga nagsasalita ng Arabe, Ingles, Kastila, Persian, Polish, Punjabi, Russian, Serbo-Croatian, Tagalog, Tamil, Tigrinya, at Tsino.

Masulong din ang gawain sa wikang pasenyas. May ilang libong bingi na gumagamit ng Norwegian Sign Language, at nagsisikap ang organisasyon na tulungan sila. Dekada ’70 pa lang, ini-interpret na sa wikang pasenyas ang ilang pulong, asamblea, at kombensiyon. Mula noon, marami nang kapatid ang nag-aral ng wikang ito. Nabuo ang mga grupo sa wikang pasenyas sa ilang kongregasyon, at noong 2008, naitatag sa Oslo ang unang kongregasyon sa wikang pasenyas. Sa buong bansa, mayroon nang mga 25 mamamahayag na bingi na gumagamit ng mga publikasyon sa Norwegian Sign Language na makukuha sa DVD.

HOSPITAL LIAISON COMMITTEE

Dahil hindi nagpapasalin ng dugo ang mga Saksi ni Jehova, nahihirapan sila kung minsan na makahanap ng paraan ng paggamot na puwede sa kanila. Kaya noong 1990, bumuo ng mga Hospital Liaison Committee (HLC) sa Norway para matulungan ang mga Saksi sa pagpapagamot. Mula 1990 hanggang 2010, mga 70 miting ang naidaos ng HLC sa Oslo kasama ang mga staff ng mga ospital, at mahigit 500 pasyenteng Saksi ang natulungan. Marami silang nakilalang doktor na pumayag sa paggamot nang walang pagsasalin ng dugo, at dahil sa mga impormasyong ibinigay ng HLC, dumarami pa ang mga doktor na gumagamit ng mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo. Laking pasasalamat din ng mga pasyente at ng kanilang pamilya sa tulong ng mga Patient Visitation Group.

Makikita sa karanasan ni Helen, isang kabataang payunir, kung gaano kahalaga ang HLC. Noong 2007, nagkasakit siya nang malubha at dinala sa ospital. Bumabagsak ang blood count niya at pinipilit na siya ng ospital na magpasalin ng dugo dahil iyon lang daw ang makapagsasalba sa kaniya. Sa tulong ng isang miyembro ng HLC, nailipat siya sa ospital na mas malaki at mas kumpleto sa kagamitan. Isang brother na taga-HLC ang sumalubong kay Helen at sa nanay niya. Pinatibay sila ng brother at inasikaso. Pumayag ang ospital na bigyan si Helen ng pampataas ng pulang selula ng dugo. Ilang araw lang at tumaas ang kaniyang blood count. Di-nagtagal, gumaling si Helen. Malakas na siya ulit, at laking pasasalamat niya dahil iginalang ng ospital ang kaniyang paniniwala. Sinabi nilang mag-ina, “Hindi namin malilimutan ang tulong ng organisasyon ni Jehova pati na ang suporta at panalangin ng mga kapatid.”

PINUNTIRYA NG MEDIA

Sa pagitan ng 1989 at 1992, pinag-initan ng media ang mga Saksi ni Jehova sa Norway. Siniraang-puri sila sa mga pahayagan, magasin, radyo, at telebisyon. Isa sa mga binabatikos ang pagsunod natin sa utos ng Bibliya hinggil sa pakikitungo sa mga tiwalag. (1 Cor. 5:9-13; 2 Juan 10) Dahil sa maling impormasyong ikinalat ng media, ang mga kapatid ay naging puntirya ng pag-uusig sa teritoryo, sa trabaho, sa paaralan, at maging sa pamilya. Bagaman alam ng mga lingkod ni Jesus na daranas sila ng pandurusta, hindi pa rin ito madaling harapin.—Mat. 5:11, 12.

“Ang hirap ng pinagdaanan namin,” ang sabi ng isang brother, “pero may naitulong iyon. Dahil sa mga batikos, pinag-aralan ko uli ang maka-Kasulatang saligan ng mga paniniwala ko. Nakapagpapatibay ang pagbubulay-bulay sa espirituwal na pagkaing inilalaan ng tapat at maingat na alipin. Sa tingin ko, napalakas kami nito para maharap ang mga pagsubok.”

“Talagang nakapagpapatibay ang paninindigan ng mga kapatid noong panahong iyon,” ang naaalala ng isang tagapangasiwa ng sirkito. “Naisip namin na ang pinakamabuting gawin ay ang maging mas masigasig pa sa ministeryo, pati na sa pagpapatotoo sa lansangan. Nakakatuwa nama’t maraming Saksi ang sumuporta.”

Kabaligtaran ng negatibong impresyon ng media tungkol sa pagtrato sa mga tiwalag, pansinin ang naging saloobin ng isang dating tiwalag hinggil sa utos ng Bibliya sa pagtitiwalag. “Noong matiwalag ako sa edad na 20,” ang sabi ni Fred, “natauhan ako. Ang hirap ng naging sitwasyon ko, pero nakatulong ang pagtitiwalag sa akin. Para bang sinasabihan ako ni Jehova: ‘Anak, magbago ka na. Kung hindi mo aayusin ang sarili mo, lalo kang mapapahamak!’ Natuto ako ng leksiyon at binago ko ang buhay ko. Sa halip na magpasarap sa buhay, sineryoso ko ang katotohanan. Bukod diyan, naobserbahan ko ang pagsulong sa espirituwal ng ilang kaibigan ko at nakatulong iyon sa akin na magsisi.” Buti naman at nagsisi si Fred, nagbago, at nakabalik sa kongregasyon. Naglilingkod siya ngayon bilang elder.

‘HANDA SA ARAW NI JEHOVA’

Sa kabila ng laganap na materyalismo at kawalan ng interes ng mga tao, patuloy na nagpokus ang mga lingkod ni Jehova sa mga gawaing makapagpapatibay ng kanilang espirituwalidad, gaya ng pagbabasa ng Bibliya araw-araw at pagdalo sa mga pulong. Dumami ang mga mamamahayag na nagpalawak ng kanilang ministeryo bilang mga regular pioneer. Gaya ng marami, ganito ang nadama ng isang brother: “Kung darating bukas ang araw ni Jehova at hindi ako handa, hindi na ’ko magiging handa kahit kailan. Kaya dapat, tuloy lang tayo sa paglilingkod. Siguradong darating iyon.” Ang ganitong saloobin ang tiyak na dahilan ng patuloy na pagsulong ng gawain mula noong 2001.

Ang isang espirituwal na paglalaang nagkaroon ng mahusay na epekto sa mga kongregasyon at nakapagbigay ng teokratikong pagsasanay sa maraming brother ay ang Ministerial Training School (tinatawag ngayong Bible School for Single Brothers). “Ang masinsinang pag-aaral ng Bibliya sa loob ng walong linggo,” ang sabi ng isang estudyante, “ay tumulong sa akin na mas mapahalagahan ang katotohanan. Naging mas totoo sa akin ang mga sinasabi ng Bibliya!” Sa nakalipas na dalawang dekada, mahigit 60 nagtapos dito ang nakatulong at nakapagpasigla sa mga kongregasyon na higit na makibahagi sa ministeryo.

PINALAKING SAKSI NI JEHOVA

Maraming bautisadong Saksi ang natuto ng katotohanan mula sa kanilang mga magulang. Ang ilang mamamahayag na Norwegian ay ikatlo, ikaapat, o ikalimang henerasyon na ng mga Saksi. “Lagi kong iniisip na mapalad ako dahil pinalaki ako sa isang pamilyang nakasentro ang buhay sa paglilingkod kay Jehova,” ang sabi ni Ivan Gåsodden, apo-sa-tuhod ng kauna-unahang Estudyante ng Bibliya sa Skien na si Ingebret Andersen. “Nakatulong sa akin ang personal na pag-aaral, regular na pagbabasa ng Bibliya, at mabubuting kaibigan na kapareho ko ng tunguhin.” Itinuturing din ng mga anak ni Ivan, sina André at Richard, ang kanilang espirituwal na pamana bilang ang pinakaimportanteng bagay sa kanila.

“Napakasaya ko na pinalaki ako sa katotohanan,” ang sabi ng payunir na si Bente Bu, apong babae ni Magnus Randal na nangaral sakay ng lantsang Ruth. “Nakaiwas ako sa maraming problema, at gusto kong gamitin ang buhay ko sa pagtulong sa iba.”

May ilan na mahina ang espirituwalidad noong kabataan pero naging masigasig noong adulto na. Halimbawa, ang mga taga-Bergen na sina Thomas at Serine Fauskanger ay parehong pinalaki ng mga Kristiyanong magulang, pero mabagal ang pagsulong nila. Ano ang tumulong sa kanila na seryosohin ang pagsamba kay Jehova?

“Isang kabataang brother na graduate ng Ministerial Training School ang naatasang umugnay sa kongregasyon namin noong 2002,” ang kuwento ni Thomas. “Naengganyo niya akong magsipag sa ministeryo at umabot ng mga espirituwal na tunguhin.”

Nang mag-25 si Thomas, napangasawa niya si Serine, at noong 2007, lumipat sila sa Båtsfjord, Finnmark, para sumuporta sa mag-asawang payunir doon. Di-nagtagal, naging payunir din sina Thomas at Serine. Noong 2009, tatlong buwan silang naglingkod sa isang teritoryong hindi pa nagagawa—sa Kjøllefjord, isang nayon malapit sa baybayin. Kasama ang ilang mamamahayag, nakapagpasimula sila ng mahigit 30 Bible study. Nanirahan sina Thomas at Serine malapit sa Kjøllefjord para maipagpatuloy ang pagtuturo sa mga Bible study nila. Ngayon, regular silang naglalakbay nang mga tatlo at kalahating oras para tumulong sa mga interesado. Abalang-abala sila, pero sinabi ni Serine: “Simple at masaya ang buhay ko ngayon. Kahit kaunti lang ang pera namin, kaunti lang din ang problema namin.”

PAGHARAP SA KINABUKASAN NANG MAY PANANAMPALATAYA KAY JEHOVA

Maraming nagbago mula nang mangaral sa Norway ang Estudyante ng Bibliya na si Knud P. Hammer at ang iba pang kapatid. Sa isang relihiyosong lipunan na dominado ng mga simbahang nagtuturo ng maling doktrina, litaw na litaw ang kaibahan ng mga lingkod ni Jehova dahil nagturo sila ng katotohanan sa Bibliya. Sa paglipas ng mga dekada, maraming tapat-puso ang natuto sa Bibliya at agad na nanindigan para sa tunay na pagsamba.

Pero iba na ngayon ang kalagayan sa Norway. Kakaunti na ang naniniwala sa Diyos, at para sa kanila, kapangahasang sabihing iisa lang ang tunay na relihiyon. Kailangan ng panahon at pagsisikap para matuto ng katotohanan ang mga interesado at magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang Salita. At kailangan ng mas mahabang panahon para matuto silang mamuhay ayon sa pamantayan ng Bibliya. Gayunman, patuloy na hinahanap ni Jehova ang mga tapat-puso, sila man ay naninirahan malapit sa baybayin o sa mga apartment sa nagtataasang gusali sa mataong lunsod.—Juan 6:44.

Tulad ng mga kapatid sa buong daigdig, pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova sa Norway ang kanilang “pribilehiyo ng walang-takot na pag-uukol ng sagradong paglilingkod” sa Soberanong Panginoong si Jehova. (Luc. 1:74) Habang sinusuyod ang malawak na teritoryong ito para hanapin ang mga wastong nakaayon, nasisilayan nila ang kamangha-mangha at malaparaisong kagandahang paiiralin ng Maylalang sa buong lupa. Gaya ng pandaigdig na kapatiran, pinananabikan din ng mga mananamba ni Jehova sa Norway ang pagdating ng Kaharian ng Diyos na magsasakatuparan ng kaniyang layunin para sa buong lupa.—Dan. 2:44; Mat. 6:10.

[Blurb sa pahina 106]

Dumadalo pa rin siya, kahit nakatapak!

[Blurb sa pahina 111]

“Pentecostal ako bago natulog, paggising ko, Saksi ni Jehova na ako”

[Blurb sa pahina 122]

Walang nagawa ang mga pulis sa tibay ng kanilang pananampalataya

[Blurb sa pahina 157]

‘Anak, magbago ka na. Kung hindi mo aayusin ang sarili mo, lalo kang mapapahamak!’

[Kahon/Larawan sa pahina 90]

Maikling Impormasyon Tungkol sa Norway

Lupain

Kilala ang Norway sa magagandang kabundukan, mga fjord (mga ilog sa pagitan ng nagtataasang bundok), at libu-libong isla. Ang mainland ng Norway ay malaki lang nang bahagya sa Italya. Pero sakop din nito ang Svalbard archipelago na nasa pagitan ng mainland at North Pole. Bagaman napakalamig sa ilang lugar sa Norway, lalo na sa bandang Artiko sa hilaga, ang klima sa kalakhang Norway ay katamtaman kumpara sa ibang bansang kahanay nito sa latitud dahil sa medyo mainit na daloy ng tubig at hihip ng hangin mula sa Atlantiko.

Mamamayan

Karamihan sa limang milyong naninirahan dito ay tubong Norway; mga 10 porsiyento ang mga dayuhan. Mayroon din ditong mga Sami (dating kilala na Lapps) na marami ay nabubuhay sa pangingisda, pangangaso, pagbitag ng mga hayop, at pag-aalaga ng reindeer.

Wika

Norwegian ang opisyal na wika. May dalawang sistema ito ng pagsulat—Bokmål (Book Language), na ginagamit ng karamihan at hawig sa Danish, at Nynorsk (New Norwegian).

Kabuhayan

Langis, gasolina, at mga pabrika ang pangunahing industriya sa Norway. Isda ang pangunahing produktong iniluluwas. Mga 3 porsiyento lang ng lupain ang sinasaka.

Pagkain

Isda, karne, patatas, tinapay, at mga produktong gawa sa gatas ang karaniwang pagkain. Isang tradisyonal na pagkain ang Fårikål (nilagang karne ng tupa na may repolyo). Dahil sa pagdami ng mga dayuhan sa nakalipas na mga taon, umakma na sa panlasang Norwegian ang mga putahe mula sa ibang bansa.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 95, 96]

Ibinuhos Niya ang Kaniyang Sarili kay Jehova

THEODOR SIMONSEN

ISINILANG 1864

NAGING ESTUDYANTE NG BIBLIYA 1905

Dating pastor ng Free Mission na naging naglalakbay na tagapangasiwa.

◼ NANG malaman ni Theodor sa ating mga publikasyon na hindi itinuturo ng Bibliya ang apoy ng impiyerno, ibinunyag niya ito sa kaniyang mga sermon sa simbahan ng Free Mission—na ikinatuwa ng marami sa kaniyang mga tagapakinig. Pero minsan, pagkatapos ng kaniyang sermon, inabután siya ng isang piraso ng papel na may nakasulat, “Huling sermon mo na ito!”

Pagkatapos ng huling sermong iyon ni Theodor noong 1905, siya ay naging Estudyante ng Bibliya nang taon ding iyon. Di-mabilang na pahayag ang binigkas niya sa daan-daang Estudyante ng Bibliya. Nagpipinta ng bahay si Theodor para masuportahan ang pamilya nila, pero nangangaral siya at nagtuturo kapag Sabado’t Linggo. Dahil marami siyang alam sa Bibliya, at mahinahon at makatuwiran kung magpaliwanag, epektibong guro si Theodor. Mahusay rin siyang umawit! Kadalasan, sinisimulan at tinatapos niya ang mga pahayag sa pamamagitan ng pag-awit at pagtugtog ng zither.

Noong 1919, nang makaluwag sa pinansiyal ang pamilya nila, naglingkod siya bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Dinalaw niya ang mga kongregasyon sa Norway, Denmark, at Sweden hanggang noong 1935. Hindi biro iyon, dahil bukod sa pagpapatibay sa mga kongregasyon at mga grupong nasa malalayong lugar, nagpapahayag din siya sa mga bayang wala pang Estudyante ng Bibliya. Sa isang biyahe na tumagal nang 12 buwan, 190 lugar ang dinalaw niya mula sa Kristiansand sa timog hanggang sa Tromsø sa hilaga. Noon, karaniwan nang isa o dalawang araw lang sa isang lugar ang naglalakbay na tagapangasiwa, at lilipat na sa kasunod, kahit ano pa ang sasakyan.

Bagaman may mga Estudyante ng Bibliya sa ilang lugar na pinuntahan niya, marami sa kaniyang mga tagapakinig ay mga taong interesado. Halimbawa, nang dalawin niya ang Bodø noong 1922, sila ni Anna Andersen, isang payunir na nandoon din para mangaral, ay nag-imbita para sa pahayag pangmadla. Sa mga dumalo, sina Johan at Olea Berntsen ang talagang naging interesado. Inimbitahan pa nila sina Theodor at Anna sa bahay para tanungin tungkol sa Bibliya. Bilang resulta, ang mga Berntsen ang naging kauna-unahang mga Estudyante ng Bibliya sa Bodø.

Noong dekada ng 1930, ginamit ang boses ni Theodor sa pagrerekord sa ponograpo ng karamihan sa mga pahayag na Norwegian. Nanatili siyang tapat hanggang sa matapos niya ang paglilingkod dito sa lupa noong 1955.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 102]

‘Lumakad Siya na Kasama ng Diyos’

ENOK ÖMAN

ISINILANG 1880

NABAUTISMUHAN 1911

Naglingkod bilang tagapangasiwa ng sangay mula 1921 hanggang 1945.

◼ KABATAAN pa lang noon sa Sweden si Enok, tumanim na sa isip niya kung paano “lumakad si Enoc na kasama ng tunay na Diyos.” (Gen. 5:22) Gusto niyang tularan ang tauhan sa Bibliya na pinagkunan ng kaniyang pangalan. Pero naging mas malinaw sa kaniya ang paglakad na kasama ng Diyos nang mabasa niya ang unang tomo ng Studies in the Scriptures noong 31 anyos na siya. Nabautismuhan siya bilang Estudyante ng Bibliya, nagpayunir, at nang maglaon ay naglingkod sa tanggapang pansangay sa Sweden.

Taóng 1917 nang ipadala si Enok sa tanggapang pansangay sa Norway, at noong 1921, inatasan siyang mangasiwa sa gawain doon. Ang opisina noon ng Watch Tower Society ay nasa isang kuwarto ng gusali, at nasa gusali ring iyon ang apartment at pedicure salon ng sister na si Maria Dreyer. Pero nang magpakasal sina Enok at Maria noong 1922, ginawa nilang tanggapan ang buong apartment ni Maria. Magkasama sila sa Bethel hanggang mamatay si Maria noong 1944. Noong 1953, muling nag-asawa si Enok at lumabas ng Bethel para magpayunir. Dahil nakapokus sa kaniyang makalangit na pag-asa, si Enok ay tapat na ‘lumakad na kasama ng Diyos’ hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1975.

[Kahon/Larawan sa pahina 110]

“Nakakahawa ang Sigla Niya”

WILHELM UHRE

ISINILANG 1901

NABAUTISMUHAN 1949

Isang masigasig na mángangarál kahit may malubhang sakit na nakapagpapahina ng kalamnan.

◼ SI Wilhelm ay may sakit sa kalamnan kaya paralisado ang mga binti niya at hiráp siyang magsalita. Pero nang matuto siya tungkol sa mabuting balita noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, ibinahagi niya ang mga katotohanang ito sa iba. Para makapangaral, ginamit niya ang kaniyang de-motor na trike. Regular siyang nagpupunta sa piyer ng Sortland sa Vesterålen para magpatugtog ng mga rekording ng pahayag at mamahagi ng mga literatura. Dahil may kapansanan at napakalayo ng tinitirhan, noon lang 1949 siya nabautismuhan. Pero masigasig siya! Nagpapatotoo siya sa mga dumadaan sa baybayin, at ang ilan sa kanila ay naging mga Saksi ni Jehova.

Nang magkaedad si Wilhelm, tumira siya sa isang nursing home sa Tromsø. Tinulungan siya ng ilang mamamahayag para makapagpatotoo sa pamamagitan ng liham. Dahil madali siyang makapalagayang-loob, napatibay niya ang iba, pati na ang mga empleado sa nursing home. Noong mamatay siya, sinabi ng manedyer: “Masaya kami sa tuwing dumadalaw sa kuwarto niya. Ang tibay ng kaniyang pananampalataya at nakakahawa ang sigla niya.”

[Kahon/Larawan sa pahina 113]

Tinupad Niya ang Kaniyang Pangako

JOHANNES KÅRSTAD

ISINILANG 1903

NABAUTISMUHAN 1931

Walong taóng nangaral sakay ng bangka.

◼ NOONG 1929, nasa ospital si Johannes at nagpapagaling dahil sa tuberkulosis. Sinimulan niyang magbasa ng Bibliya at nangakong maglilingkod sa Diyos kapag gumaling siya.

Bago lumabas ng ospital, binasa niyang maigi ang mga libro ng mga Estudyante ng Bibliya. Nadagdagan pa ang mga libro niya, na mga apat o limang beses niyang nabasa. Di-nagtagal, ikinukuwento na niya sa iba ang mga katotohanang natututuhan niya. Nang gumaling si Johannes, pumunta siya kay Brother Ringereide sa Bergen, at pinayuhan siya nitong magpayunir. Bagaman nag-uumpisa pa lang siyang mangaral noon, hindi siya nag-atubiling mag-aplay bilang payunir.

Mula 1931 hanggang 1938, nangaral siya sakay ng bangkang Ester. Tapos, mga isang taon siyang nagpayunir sakay ng Ruth, na binabagtas ang mga baybayin hanggang sa hilaga sa Tromsø. Noong 1939, si Johannes ay naging naglalakbay na tagapangasiwa sa silangang bahagi ng Norway. Kasabay nito, inatasan din siyang maglingkod nang part-time sa Bethel sa loob ng ilang panahon. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, napangasawa niya si Sigrid at nagpayunir sila. Habang nasa Fredrikstad noong 1995, natapos niya ang kaniyang paglilingkod dito sa lupa.

[Kahon/Larawan sa pahina 132]

Kaya Niya Basta Patag

RANDI HUSBY

ISINILANG 1922

NABAUTISMUHAN 1946

Nasa buong-panahong paglilingkod mula noong 1946.

◼ NABAUTISMUHAN ang mga magulang ni Randi noong 1938, at di-nagtagal, tinanggap din niya ang katotohanan. Noong 1946, naglingkod siya sa Bethel, at doon niya nakilala si Kjell Husby. Nagkamabutihan sila, nagpakasal, at nagpayunir. Ginugol nilang mag-asawa ang kanilang buhay sa iba’t ibang anyo ng buong-panahong paglilingkod hanggang noong 2010 nang mamatay si Kjell.

Nitong nakalipas na mga taon, nahirapan nang umakyat ng hagdan o umahon sa matatarik na lugar si Randi. Pero nakakapangaral pa rin siya sa patag na mga lugar at madalas magpatotoo sa mga lansangan at tindahan sa Trondheim. Para makapangaral sa lahat ng nakikilala niya, lagi siyang may dalang mga literatura na hindi bababa sa walong wika. Inihahatid din siya ng mga kakongregasyon niya sa mga taong regular na kumukuha sa kaniya ng magasin.

Hindi man kasinlakas ng dati si Randi, patuloy pa rin siyang masayang naglilingkod nang buong kaluluwa. Alam niyang ‘hindi lilimutin ni Jehova ang kaniyang gawa at ang pag-ibig na ipinakita niya para sa Kaniyang pangalan.’—Heb. 6:10.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 149, 150]

Binago ng Salita ng Diyos

VIKTOR UGLEBAKKEN

ISINILANG 1953

NABAUTISMUHAN 1981

Dating kriminal, lulong sa droga, at nililigalig ng mga demonyo.

◼ SI Viktor ay tin-edyer nang malulong sa iba’t ibang droga, gaya ng hashish na nagmula sa isang halamang kauri ng marijuana. Naging kriminal siya. Pero noon pa ma’y interesado na siya sa Bibliya. Noong 1979, dahil sawa na sa kaniyang patapong buhay, bumaling siya sa Salita ng Diyos. Pero nadismaya lang siya sa mga pinasok niyang relihiyon.

Nang maglaon, masyado siyang na-depress at inisip na niyang magpatiwakal. Pero sinulatan siya ng pinsan niyang taga-Bergen na nakikipag-aaral na ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Pumunta si Viktor sa Bergen at sumama sa pag-aaral. Noong una, panay ang kontra niya sa mga Saksi. Pero dahil may malasakit siya sa kalikasan, natuwa siya nang matutuhan niyang ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa’ at na magiging paraiso ang ating planeta.—Apoc. 11:18.

Dumalo ng pulong si Viktor kasama ng pinsan niya, at humanga sa kabaitan at pagkamapagpatuloy na ipinakita sa kaniya sa Kingdom Hall at sa bahay ng mga Saksi. Dahil sa natutuhan niya at pagtanggap sa kaniya, nakumbinsi siyang magbagong-buhay at huminto sa pagdodroga. Sa tulong ng marubdob na pananalangin, binago siya ng Salita ng Diyos at ng Kaniyang banal na espiritu.—Luc. 11:9, 13; Heb. 4:12.

Pero matindi ang pinagdaanan ni Viktor bago siya naging kuwalipikado sa bautismo. Tanging sa tulong ni Jehova kung kaya siya nakalaya sa panliligalig ng mga demonyo at nakawala nang tuluyan sa pagkagumon sa droga, bagaman dalawang beses siyang nabigong ihinto ito. Lumakas ang loob niyang magbago nang patibayin siya ng isang elder sa pagsasabing “kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya.” (Awit 103:13) Sumulong si Viktor sa espirituwal at nabautismuhan noong 1981. Nakulong pa rin siya dahil sa dati niyang nagawang krimen, pero nagpayunir siya nang makalaya na. Mula noon, masayang-masaya siya sa pagtulong sa iba na maging lingkod ni Jehova. Naging mabunga ang pangangaral niya habang nasa bilangguan, at dalawa sa mga Bible study niyang preso ay naging mga Saksi.

Si Viktor ay naging responsableng elder at ulo ng pamilya. Nagpapayunir pa rin siya kasama ang kaniyang asawang si Tone at kanilang anak na lalaki. “Ang ministeryo ang isa sa nakapagpabago sa akin,” ang sabi ni Viktor. “Ganoon na lang ang pasasalamat ko kay Jehova na naibabahagi ko sa iba ang walang-katumbas na espirituwal na kayamanan.”

[Kahon/Larawan sa pahina 152]

Mas Mahalaga Kaysa Soccer

TOM FRISVOLD

ISINILANG 1962

NABAUTISMUHAN 1983

Dating manlalaro ng soccer na gustong maglingkod kay Jehova.

◼ SA EDAD na 20, malayo na ang mararating ni Tom sa paglalaro ng soccer sa isa sa pinakamagagaling na koponan sa Norway. Saksi ni Jehova na noon ang nanay ni Tom. Minsan, isang payunir na dumalaw sa nanay niya ang nag-alok sa kaniya ng pag-aaral sa Bibliya. Pumayag si Tom, pero nilinaw niya na wala siyang planong maging Saksi.

Nagustuhan ni Tom ang mainit na pagtanggap sa kaniya nang magsimula siyang dumalo sa mga pulong. Napansin din niya na ang lahat ay nagbubuklat ng Bibliya habang nakikinig. “Malamang na Bibliya ang dahilan kung bakit ang bait nila,” ang katuwiran ni Tom.

Nang maglaon, sigurado na si Tom na nasumpungan niya ang katotohanan at gusto na niyang maglingkod kay Jehova. Pero papayag kaya ang team na pakawalan ang isa sa kanilang napakahusay na manlalaro? Nakapagtataka, matapos niyang ipaliwanag sa manedyer ng team na gusto niyang gamitin ang kaniyang buhay sa isang bagay na mas mahalaga kaysa soccer, pumayag ito kahit hindi pa tapos ang kontrata niya.

Nabautismuhan si Tom noong 1983 at nagpayunir noong 1985. Lumipat siya sa Hammerfest kasama si Viktor Uglebakken noong 1987 para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Nang maglaon, inatasan si Tom bilang tagapangasiwa ng sirkito, at siya ngayon ay naglilingkod sa Bethel kasama ng kaniyang asawang si Kristina.

[Chart/Mga larawan sa pahina 162, 163]

TALÂ NG MAHAHALAGANG PANGYAYARI—Norway

1890

1892 Nangaral si Knud Pederson Hammer sa Norway.

1900

1900 Naitatag ang unang kongregasyon.

1904 Nagkaroon ng opisina sa Kristiania (Oslo).

1905 Idinaos sa Kristiania ang kauna-unahang asamblea.

1909 at 1911 Dumalaw sa Norway si C. T. Russell.

1910

1914 Nag-atas ng kauna-unahang naglalakbay na tagapangasiwa.

1914-1915 Napanood ng marami ang “Photo-Drama of Creation.”

1920

1920-1925 Ipinahayag sa buong bansa ang temang “Milyun-milyong Nabubuhay Ngayon ang Hindi Na Kailanman Mamamatay.”

1925 Inilathala sa wikang Norwegian ang magasing The Golden Age (Gumising!).

1928-1940 Gumamit ng mga lantsa sa pangangaral.

1930

1940

1940-1945 Patuloy ang pangangaral kahit may pagsalansang noong digmaan.

1945 Inilathala sa Norwegian ang magasing Ang Bantayan.

1948 Dumating ang unang mga misyonero ng Gilead.

1950

1950 Kinatigan ng Korte Suprema ang karapatang mangaral at mamahagi ng literatura.

1960

1965 Idinaos ang internasyonal na kombensiyon sa Oslo.

1970

1980

1984 Inialay ang bagong sangay.

1990

1990 Nag-atas ng mga Hospital Liaison Committee.

1994 Inialay ang Assembly Hall sa Oslo.

1996 Inilabas ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa Norwegian.

2000

2010

2011 Bagong peak ng mga regular at auxiliary pioneer, mamamahayag, at dumalo sa Memoryal.

[Graph/Larawan sa pahina 159]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Bilang ng Mamamahayag

Bilang ng Payunir

10,000

8,000

6,000

4,000

2,000

1920 1935 1950 1965 1980 1995 2010

[Mga mapa sa pahina 91]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

SWEDEN

STOCKHOLM

Örebro

Gulpo ng Bothnia

FINLAND

HELSINKI

Gulpo ng Finland

BALTIC SEA

DENMARK

COPENHAGEN

NORWAY

OSLO

Kjøllefjord

Båtsfjord

Vardø

Kirkenes

Karasjok

Hammerfest

Alta

Finnmarksvidda

Kautokeino

Tromsø

Harstad

Narvik

Sortland

Hennes

Svolvær

Bodø

Rørvik

Namsos

Steinkjer

Trondheim

Kristiansund

Måløy

Florø

Bergen

Haugesund

Stavanger

Egersund

Kristiansand

Arendal

Skien

Kongsberg

Drammen

Hønefoss

Gjøvik

Lillehammer

Brumunddal

Hamar

Kongsvinger

Ski

Askim

Moss

Halden

Fredrikstad

Oslo Fjord

NORTH SEA

NORWEGIAN SEA

Isla ng Andøya

Bleik

Svalbard Archipelago

Longyearbyen

MGA COUNTY

Finnmark

Troms

Telemark

Vestfold

[Larawan sa pahina 88]

Knud Pederson Hammer

[Larawan sa pahina 88, 89]

Reine, sa hilaga ng Norway

[Larawan sa pahina 92]

Ang Skien Congregation noong 1911, kasama sina Ingebret at Berthe Andersen

[Larawan sa pahina 93]

Viktor Feldt

[Larawan sa pahina 94]

Hallgerd Holm (1), Theodor Simonsen (2), at Lotte Holm (3)

[Mga larawan sa pahina 98]

Mga unang payunir: (1) Helga Hess, (2) Andreas Øiseth, (3) Karl Gunberg, (4) Hulda Andersen, at (5) Anna Andersen

[Larawan sa pahina 100]

Ang “Peoples Pulpit”

[Larawan sa pahina 104]

Ang “Golden Age” sa Norwegian

[Larawan sa pahina 106]

Even Gundersrud

[Larawan sa pahina 107]

Madalas mangaral ang mga miyembro ng Skien Congregation sakay ng trak

[Larawan sa pahina 108]

Torkel Ringereide

[Larawan sa pahina 109]

Olaf Skau

[Mga larawan sa pahina 114]

Si Karl Gunberg na naging kapitan ng bangkang “Elihu”

[Mga larawan sa pahina 115]

Si Johannes Kårstad ang nangasiwa sa bangkang “Ester”

[Mga larawan sa pahina 116]

Sina Andreas Hope at Magnus Randal, na nangaral sakay ng lantsang “Ruth”

[Larawan sa pahina 117]

Ang aurora borealis sa hilaga ng Norway

[Larawan sa pahina 118]

Solveig Løvås

[Larawan sa pahina 119]

Sina Andreas at Sigrid Kvinge

[Larawan sa pahina 124]

Patagong asamblea sa kagubatan malapit sa Ski

[Larawan sa pahina 127]

Ang mag-asawang Marvin at Karen Anderson

[Larawan sa pahina 128]

Ang de-pedal na pang-imprenta

[Larawan sa pahina 129]

Kombensiyon sa Bergen noong 1946

[Larawan sa pahina 130]

Svanhild Neraal, 1961

[Larawan sa pahina 133]

Madalas gamitin ang lantsa ni Arnulf sa ministeryo

[Larawan sa pahina 135]

Sina Gunnar Marcussen (1) at Hans Peter Hemstad (2) ang mga kauna-unahang taga-Norway na nagtapos sa Gilead

[Larawan sa pahina 138]

Mga tent na tinuluyan ng mga kapatid sa “Word of Truth” na internasyonal na asamblea

[Larawan sa pahina 139]

Paul Bruun

[Larawan sa pahina 142]

Si Hartvig Mienna at ang iba pang mamamahayag na gumamit ng snowmobile sa pangangaral sa mga Sami

[Larawan sa pahina 144]

Sinimulan ang konstruksiyon ng sangay noong 1981

[Larawan sa pahina 145]

Tanggapang pansangay ngayon

[Larawan sa pahina 147]

Assembly Hall sa Oslo

[Larawan sa pahina 160]

Ang pag-aaral ng Bibliya bilang pamilya ay nagbunga ng mga henerasyon ng tapat na mga lingkod ni Jehova