Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

Pangangaral at Pagtuturo sa Buong Lupa

NOONG unang siglo, nakita ni apostol Juan sa isang pangitain ang napakarami at di-mabilang na pulutong “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Ang mga ito ay ang mga nakaligtas sa “malaking kapighatian” tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Apoc. 7:9, 14) Ang mga karanasan at ulat ng paglilingkod sa sumusunod na mga pahina ay nagpapakitang patuloy na tinitipon ang malaking pulutong at lalo pa itong lumalaki. Hindi ba napapatibay nito ang iyong pananampalatayang tiyak na matutupad ang mga pangako ni Jehova?

APRIKA

LUPAIN 57

POPULASYON 949,533,064

MAMAMAHAYAG 1,267,314

PAG-AARAL SA BIBLIYA 2,819,310

PINAGINHAWA NG ISANG LIHAM. Si Iris, taga-Timog Aprika, ay nagpapadala ng liham ng pakikiramay sa mga namatayan ng mahal sa buhay. Naglalakip siya ng mga tract na Lahat ng PagdurusaMalapit Nang Magwakas! at Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal? Kamakailan, nakatanggap siya ng sulat mula sa lalaking si Sidney, na namatayan ng misis na 38 taon niyang kasama. “Sinabi naman sa akin ng espesyalista na hindi na magtatagal ang mahal kong asawa,” ang sabi sa sulat. “Pero n’ong mamatay siya, naiwan akong naghihinanakit, litung-lito, walang katiyakan, at labis na nangungulila. Nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil sa mga taong gaya mo. Ang paglalaan mo ng panahon para masabi sa mga tao ang mga pangako ng Diyos ay talagang kahanga-hanga, at malaking pampatibay sa akin ang pagbabahagi mo ng iyong paniniwala para maharap ko ang pamimighati. Dahil sa sulat mo at sa mga tract, naginhawahan ako at naliwanagan.”

HINDI ITINULOY ANG ABORSIYON. Habang nagpapatotoo ang kabataang si Gloria, taga-Benin, sa estudyanteng si Arnaud, nag-ring ang cellphone nito. Nagpaalam si Arnaud at sinabing tumatawag ang kaibigan niya. Dali-daling kumuha si Gloria ng magasin sa bag at ibinigay ito kay Arnaud. Kinuha naman ito ni Arnaud nang hindi na tinitingnan at saka umalis.

Tumawag ang kaibigan ni Arnaud para sabihing buntis ang nobya niya at iniisip niyang ipalaglag ang bata. Habang papunta si Arnaud sa kaibigan, tiningnan niya ang magasin. “Hindi ako makapaniwala nang makita ko ang salitang ‘aborsiyon’ sa pabalat,” ang kuwento ni Arnaud. Ang magasing naibigay ni Gloria kay Arnaud ay ang Hunyo 2009 ng Gumising! na may seryeng “Aborsiyon—Bakit Malaking Isyu?” Pagkabasa nito, nagpasiya ang kaibigan ni Arnaud na huwag ipalaglag ang bata. Nang maglaon, nagsilang ang nobya nito ng isang magandang sanggol na babae.

HINDI DAPAT KATAKUTAN ANG MANGKUKULAM. Lumipat ang regular pioneer na si King sa isang lugar sa Zimbabwe na may malaking pangangailangan. Habang nangangaral kasama ng ilang sister, pinuntahan ni King ang bahay ng isang kilaláng mangkukulam. Medyo nag-aalangang makipag-usap ang mga sister sa babae, pero naisip ni King na alukin ito ng pag-aaral sa Bibliya. Habang papalapit sila, inakala ng mangkukulam na kailangan nila ang serbisyo niya. Ipinakita ni King ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? at inalok ang babae ng pag-aaral sa Bibliya. Pumayag ang babae. “Ang dami pala niyang tanong,” ang sabi ni King. “Kaya nag-iskedyul kaming bumalik para magdaos ng Bible study.” Pagkaraan ng tatlong linggo, inanyayahan nila siya sa pulong, at dumalo ito. Sinira niya ang lahat ng kaniyang gamit sa espiritismo at mabilis na sumulong. Nabautismuhan siya makalipas ang ilang buwan.

“SANA IPANALANGIN N’YO NA DALAWIN NILA ’KO.” Sampung taon na sa Estados Unidos ang taga-Angola na si Patrick. Lagi niyang tinatawagan ang nanay niyang si Felicidade. Nitong nakaraan, gumagamit na sila ng Internet video call para makapag-usap at magkita. Habang kausap ang ina, napansin ni Patrick na may kasama ang nanay niya at tinanong niya kung sino iyon. Sumagot si Felicidade, na isa nang Saksi ni Jehova: “Sister siya sa kongregasyon namin; dinalaw niya ’ko.”

Sumagot si Patrick: “Bakit sa akin walang dumadalaw na Saksi? Sampung taon na ako dito, pero kahit minsan walang dumalaw na Saksi. Sana ipanalangin n’yo na dalawin nila ’ko.”

Medyo nagulat si Felicidade at ang sister. Sumagot sila: “Hayaan mo, ipapanalangin namin.”

Pagkaraan lang ng tatlong araw, isang Saksi ni Jehova ang kumatok sa pinto ni Patrick. Gulát na gulát si Patrick. Tinanong niya ang ina kung may kinausap ba ito sa Estados Unidos para dalawin siya; pero wala. Para kay Patrick, ang pagdalaw na iyon ay sagot ng Diyos. Tumanggap siya ng pag-aaral sa Bibliya, at agad siyang dumalo sa lahat ng pulong. Nang sumunod na pag-uusap nila ng nanay niya sa video call, may-pagmamalaking ipinakita ni Patrick kung saang kabanata na siya sa Itinuturo ng Bibliya. Sinabi rin niyang bumili siya ng amerikana para sa pulong.

 ISANG KATAKA-TAKANG KAHILINGAN. Noong unang araw ng 2010 pandistritong kombensiyon sa Brazzaville, Republic of the Congo, nagsabi ang kabataang lalaking si Edvard na gusto niyang magpabautismo. Nang tanungin kung saang kongregasyon siya, sinabi niya: “Mossaka.” Pero walang Saksi sa malayong lugar na iyon, kaya nagtataka ang mga brother kung bakit sinasabi niyang gusto niyang magpabautismo.

Ipinaliwanag ni Edvard na noong 2007 sa Brazzaville, tinuruan siya ng lolo niya sa brosyur na Hinihiling at sa 14 na kabanata ng Itinuturo ng Bibliya. Pero lumipat si Edvard sa Mossaka para makasama ang mga magulang niya. Dahil walang aktibong Saksi sa Mossaka, nagpatulong si Edvard sa tatay niya para matapos niya ang pag-aaral sa aklat na Itinuturo ng Bibliya. Ibabangon ng tatay niya ang mga tanong, at sasagutin naman ito ni Edvard; ganito natapos ni Edvard ang aklat. Naudyukan naman siyang ituro sa iba ang katotohanang natutuhan niya. Kaya simula noong Oktubre 2009, nangaral siyang mag-isa sa kanilang lugar gamit ang brosyur na Hinihiling. Itinatala niya ang kaniyang oras sa ministeryo at regular na ipinapadala ang mga ito sa kaniyang lolo sa Brazzaville. Pero hindi ibinibigay ng lolo niya ang mga ito sa kongregasyon.

Hindi alam ng sangay ang tungkol kay Edvard, pero nagpadala sila ng mga temporary special pioneer sa Mossaka para mangaral nang tatlong buwan. Dalawang araw bago umalis sa Mossaka, nakita ni Daniel, isa sa mga payunir, si Edvard habang may bina-Bible study gamit ang brosyur na Hinihiling. Kinausap ni Daniel si Edvard. Sinabi ni Edvard: “Nangangaral ako. Mamamahayag ako, kahit itanong mo sa tatay ko.” Pinuntahan ni Daniel ang tatay, at kinumpirma nito ang sinabi ni Edvard. Kaya walang inaksayang panahon ang mga payunir para sanayin si Edvard sa ministeryo. Pagkaalis nila, lalong naging masigasig si Edvard sa pangangaral at mahigit sampu ang kaniyang Bible study. Inialay rin niya ang kaniyang buhay kay Jehova.

Dahil sa mga impormasyong ito, noong Biyernes ng nabanggit na kombensiyon, dalawang elder ang nagrepaso kay Edvard ng mga tanong para sa mga gustong maging di-bautisadong mamamahayag. Humanga sila sa mga sagot niya. Nalaman ng mga elder sa mga special pioneer na si Edvard ay may mainam na paggawi at siyam na buwan nang nangangaral. Kaya naging kuwalipikado si Edvard bilang di-bautisadong mamamahayag. Yamang may pandistritong kombensiyon sa wikang Lingala nang susunod na linggo, iniskedyul ng mga elder na repasuhin sa kaniya ang mga tanong sa bautismo ilang araw bago ang kombensiyon. Nakita ng mga elder na talagang nauunawaan ni Edvard ang katotohanan, at nabautismuhan siya sa kombensiyon sa wikang Lingala noong Hulyo 2010. Eksaktong isang linggo matapos aprobahan bilang di-bautisadong mamamahayag, ipinatalastas ng mga elder na bautisado na si Edvard.

Pagkabautismo, nag-auxiliary pioneer si Edvard nang dalawang buwan sa Brazzaville. Isinaayos ng mga elder na ma-study siya sa aklat na Manatili sa Pag-ibig ng Diyos, saka siya bumalik sa Mossaka. Kamakailan, isang special pioneer ang inatasan sa teritoryong iyon. Noong Memoryal ng Abril, 182 ang nagpaunlak sa imbitasyong ipinamahagi ni Edvard—na auxiliary pioneer noon—at ng kasama niyang special pioneer. Sa 16 na Bible study ni Edvard, 7 ang dumadalo sa pulong na pinangangasiwaan ng dalawang brother na ito. Noong 2011, 15 taóng gulang na si Edvard.

MGA LUPAIN SA AMERIKA

LUPAIN 55

POPULASYON 941,265,091

MAMAMAHAYAG 3,780,288

PAG-AARAL SA BIBLIYA 4,139,793

“HINDI AKSIDENTENG NA-DIAL KO ANG NUMBER MO.” Nasa bahay si Sundie, isang sister sa Estados Unidos, nang tumawag ang isang babae at may hinahanap na hindi naman kilala ni Sundie. Sinabi niya sa babae na baka mali ang numerong na-dial nito. Sinabi ng babae na malabo ang paningin niya kaya nagkakamali siya minsan. Ipinaliwanag ng babae na tinatawagan niya ang anak niya dahil may masama siyang balita. Natuklasan ng mga doktor na may kanser ang babae. Lumung-lumo siya at naghihinanakit sa Diyos dahil hinayaan siyang magkaganoon. Naisip ni Sundie na kailangan niyang ibahagi sa babae ang mensahe ng Bibliya. Matapos manalangin sandali para sa lakas ng loob, bumanggit si Sundie ng ilang teksto tungkol sa kaaliwan at pag-asa. Sinabi niya na may pangalan ang Diyos at hinimok ang babae na gamitin ang pangalang ito at maging espesipiko kapag nananalangin. Pinasalamatan ng babae si Sundie sa kaniyang pakikinig at mga pampatibay-loob. Sinabi ng babae, “Sa tingin ko, hindi aksidenteng na-dial ko ang number mo.”

Nagbigayan sila ng numero at adres, at pinadalhan ni Sundie ang babae ng audio recording ng aklat na Itinuturo ng Bibliya at isinaayos niyang madalaw ito ng isang sister na payunir na tagaroon. Sinabi ni Sundie, “Salamat kay Jehova at sinasanay niya tayo kung paano patitibayin ang mga tao anuman ang kanilang sitwasyon.”

NASAGOT NG TRACT ANG TANONG NILA. Regular na nagpapatotoo ang ilang sister sa labas ng isang malaking medical center sa Puerto Rico. Isang sister ang lumapit sa dalawang lalaki na papunta sa isa sa mga ospital. Dahil nagmamadali ang mga ito, iniabot na lang niya ang tract na Mayroon Ka Bang Imortal na Espiritu? Hindi niya karaniwang ibinibigay ang tract na iyon kapag nagpapatotoo sa lansangan, pero nagkataong iyon lang ang tract niya. Mayamaya, lumapit ang dalawang lalaki sa isa pang sister at sinabi na nabigyan sila ng tract nang papunta sila sa kamag-anak nilang malubha ang lagay. Pinag-uusapan nila kung patuloy bang nabubuhay ang espiritu pagkamatay ng isa, at nabasa nila sa tract ang sagot. Sinabi nilang malaking tulong ang tract.

ISANG LIHAM PARA KAY JEHOVA. Pumapasok sa eskuwela ang pitong-taóng-gulang na si Joshua sa Estados Unidos. Pagsapit ng Disyembre, pinasulat ng guro ang mga mag-aarál ng isang liham para kay Santa Claus. Nang magalang na tumanggi si Joshua, sinabi ng guro, “O sige, kahit sa iba, sumulat ka.” Naisip ni Joshua na sumulat kay Jehova. “Salamat po sa pangako ninyong paraiso,” ang sulat ni Joshua. “Salamat po at may Anak kayo, na ang pangalan ay Jesus, na nagbigay ng kaniyang buhay. Salamat po sa mga nakakatuwang nilalang ninyo. Mahal ko po kayo, Diyos na Jehova.” Ang liham na iyon, pati ang liham ng ibang estudyante, ay inilathala sa lokal na pahayagan.

TUMUGON ANG PAMILYA. Gusto ni Alejandro, isang brother sa Colombia, na magpatotoo sa pamilya niya. Dahil malayo siya, sinulatan niya sila at pinadalhan ng ilang Bantayan at Gumising! Nang mabasa ng kamag-anak niyang si Pablo ang mga magasin at tingnan ang mga teksto, nakita nito na hindi tama ang turo ng Simbahang Katoliko. Agad nitong ibinahagi sa pamilya ang natutuhan at nakumbinsi rin silang ito ang katotohanan. Iniwan nila ang Simbahan.

Di-nagtagal, 15 na sa pamilya ang nagtitipon gabi-gabi para mag-aral ng Bibliya gamit ang mga magasin. Dahil gustong matuto pa, naghanap sila ng mga Saksi sa kalapit na mga nayon, pero wala silang nakita. Samantala, ibinahagi nila sa mga kapitbahay ang natutuhan nila. Nang maglaon, nalaman nilang may Kingdom Hall pala sa isang nayon na mga isang oras na biyahe mula sa kanila. Agad silang pumunta roon at humingi ng tulong.

Ngayon, isang regular pioneer ang pumupunta sa kanila linggu-linggo at nagdaraos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa 26 katao—ang pamilya ni Alejandro at 11 interesado. Umaarkila sila ng sasakyan para makadalo ang karamihan sa pahayag pangmadla at Pag-aaral sa Bantayan.

MALING BAHAY BA TALAGA? Nagkasakit ang isang sister kaya nakisuyo siya sa mga kapatid na puntahan ang Bible study niya sa isang nayon sa Ecuador na Quichua ang wika ng mga tao. Hindi sigurado ang mga kapatid kung saan nakatira ang pamilya kaya nagtanong sila sa isang bahay. Pinapasok sila ng pamilya na para bang talagang hinihintay nila sila. Pagkatapos ng study, saka lang nalaman ng mga kapatid na noon lang pala nakapag-aral ng Bibliya ang pamilyang ito! Lumalabas na sa tuwa ng pamilya na puwede silang makapag-aral ng Bibliya, nagkunwari silang dati na silang study. Kaya Bible study na rin sila ngayon, at ang Bible study ng sister na hindi natagpuan nang araw na iyon ay patuloy pa ring nag-aaral.

DAHIL SA CUPCAKE. Anim na taóng gulang si Caleb. Nang unang araw sa eskuwela sa Canada, birthday ng isa sa mga kaklase niya kaya namigay ng mga cupcake ang nanay nito. Magalang na tumanggi si Caleb. Nagtanong ang nanay, si Natalie, kay Caleb kung may alerdyi ba siya sa pagkain. “Wala po,” ang sagot ni Caleb, “si Jehova po ang sinasamba ko.”

Pagkatapos ng klase, tinanong ni Natalie ang nanay ni Caleb, “Saksi ni Jehova ba kayo?” Pagsagot nito ng oo, natuwa si Natalie. Study pala siya noong tin-edyer siya, pero nahinto dahil sa pagsalansang ng pamilya. Nang tanungin kung gusto niyang ipagpatuloy ang Bible study, pumayag si Natalie.

HINDI KALOOBAN NG DIYOS. Si Laly, isang babaing taga-Peru, ay ipinanganak na bingi. Nang tanungin niya ang kaniyang ina, sinabi nitong kalooban iyon ng Diyos. Nalungkot si Laly at sumamâ ang loob sa Diyos. ‘Bakit niya ginawa sa ’kin ito?’ ang sabi ni Laly sa sarili.

Nang maglaon, nakapag-asawa si Laly ng isa ring bingi. Ang una nilang anak ay may Down syndrome. Dahil naguguluhan at hindi matanggap ang nangyari sa anak, tinanong niya uli ang nanay niya, “Bakit nagkaganito ang anak ko?” Pinapunta siya ng nanay niya sa pari. Pareho rin ang sagot sa kaniya, “Kalooban iyan ng Diyos.”

Sa sobrang samâ ng loob, naisagot ni Laly: “Bakit ang lupit ng Diyos? Tanggap ko nang bingi ako at na pinarusahan ako ng Diyos, pero bakit pati ang anak ko? Sanggol lang siya. Ano’ng kasalanan niya?” Mula noon, ayaw nang makarinig ni Laly ng anuman tungkol sa Diyos at hindi na siya nagsimba.

Pagkaraan ng ilang taon, isang Saksi ni Jehova na marunong mag-sign language ang nakipag-usap kay Laly at nag-alok ng Bible study. Tumanggi siya at sinabing hindi siya naniniwala sa Diyos. Matiyagang ipinaliwanag ng sister kay Laly na ang Diyos na ayaw niyang makilala ay nagngangalang Jehova at na bibigyan siya ni Jehova ng pag-asang makarinig at makapagsalita. Duda si Laly kaya gusto niyang patunayan ito ng sister. Binuksan ng sister ang Isaias 35:5 at binasa: “Madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan.” Nagulat si Laly! Pumayag siyang mag-aral ng Bibliya, sumulong, at nabautismuhan. Magkasama sila ng anak niya sa mga pulong, at natuto na ito ng sign language. Patuloy na tumitibay ang pananampalataya ni Laly sa mga pangako ng Bibliya, at isa na siyang regular pioneer.

ASIA AT GITNANG SILANGAN

LUPAIN 47

POPULASYON 4,194,127,075

MAMAMAHAYAG 664,650

PAG-AARAL SA BIBLIYA 629,729

DALAWANG TANONG NA HINDI NILA MASAGOT. Sa isang lupain sa Asia na ipinagbabawal ang gawain, isang 24-anyos na lalaki ang pumayag mag-study para patunayang mali ang turo ng mga Saksi at na tama ang sa Katoliko. Pero di-nagtagal, nakita niyang tama pala ang turo ng mga Saksi.

Nang malaman ng pamilya niya na nag-aaral siya ng Bibliya, ipinatawag nila siya at pilit na pinababalik sa Simbahang Katoliko. Pero ayaw ng lalaki, kaya tinipon ng pamilya ang buong angkan para puwersahin siyang talikuran ang kaniyang bagong paniniwala. Binugbog nila siya pero hindi siya nakipagkompromiso. Isinumbong nila siya sa pari, at dinala naman siya nito sa konseho ng parokya. Sinabi ng lalaki na babalik lang siya sa pagka-Katoliko kung masasagot ng pari ang dalawang tanong: Ano ang pangalan ng Diyos? Bakit pinapayagan ng simbahan na kumain ng dugo ang mga miyembro nito samantalang ipinagbabawal ito ng Bibliya? Dahil walang maisagot, sinampal siya ng pari para diumano’y “palayasin ang demonyong sumapi sa kaniya.” Gayon nagtapos ang pagkompronta sa kaniya.

Pagkaraan, ipinatawag ng pamilya ang lahat ng kaibigan nila para pilitin ang lalaki na lumuhod sa poon ni Maria. Hindi nila siya napilit kahit binugbog nila uli siya. Tapos, kumontrata sila ng isang magandang babae para sabihing magpapakasal ito sa kaniya kung babalik siya sa simbahan. Sinabi niya sa babae na papayag siya kung masasagot nito ang dalawang tanong na itinanong niya sa pari. Umalis ang babae at hindi na bumalik. Ikinulong ng pamilya sa bahay ang lalaki. Pero sa wakas, makalipas ang pitong buwan, nakatakas siya. Bumalik siya sa lunsod at nakipagkita sa mga kapatid. Makaraan ang isang buwan, siya ay naging di-bautisadong mamamahayag. Nabautismuhan siya sa isang pansirkitong asamblea noong Marso 2011.

IPINAGTANGGOL NG OPISYAL NG BILANGGUAN. Dinalaw ng isang sister na regular pioneer sa South Korea ang anak niya na nakakulong dahil sa Kristiyanong neutralidad. Habang naghihintay, binigyan niya ng tract ang lalaking katabi niya. Binulyawan siya ng lalaki, “Hanggang dito ba naman nangangaral kayo, e mga huwad kayo?” Nakatawag-pansin sa mga 30 o 40 dumadalaw ang pag-iiskandalo ng lalaki. Isang opisyal ng bilangguan ang sumabad at pinagalitan ang lalaki: “Sila ang tunay na relihiyon. Lahat ng iba pa ay huwad. Matagal ko nang naoobserbahan ang mga taong ito dito sa bilangguan, at nakita ko na sila lang ang talagang namumuhay ayon sa itinuturo nila.” Hindi nakaimik ang nag-iskandalong lalaki.

MGA LETRA SA DINGDING. Nang makipag-aral ng Bibliya ang lalaking si Harindra, sampung taon na siyang nagtatrabaho sa isang malaking lunsod sa Nepal para masuportahan ang kaniyang pamilya sa nayon. Dahil hindi marunong bumasa’t sumulat si Harindra, ini-study siya sa brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Hindi pa naisasalin noon sa wikang Nepali ang brosyur kaya Ingles ang ginamit nila. Isang araw, dumalaw ang misis niya. Nagulat ito nang makitang Ingles na brosyur ang pinag-aaralan ng mister niya. Hindi na rin ito naglalasing o nananakit. Nang malaman niyang dahil ito sa pag-aaral ng Bibliya, nag-aral na rin siya at dumalo sa mga pulong sa kanilang nayon. Dahil gusto ni Harindra na matuto pa nang higit tungkol kay Jehova, nag-aral siyang bumasa’t sumulat. Nakisuyo siya sa nag-i-study sa kaniya na magsulat sa mga papel ng mga letrang Nepali. Idinikit niya ang mga papel sa dingding hanggang sa mapunô ito. Pinag-aralan niyang basahin ang bawat bagong salita at letra hanggang sa natuto siyang bumasa. Nang maglaon, dinala na niya sa lunsod ang kaniyang pamilya para magkasama-sama sila sa pagsamba kay Jehova. Pagkaraan ng dalawang taon, nabautismuhan si Harindra. Ngayon, regular na silang dumadalo sa pulong at may mga atas nang pagbasa sa Bibliya si Harindra sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Sinabi niya, “Napakalaki ng ipinagbago ng buhay namin dahil sa edukasyong inilalaan ni Jehova.”

KAHIT PA $200,000. Si Zarkhanum, nakatira sa Azerbaijan, ay isang babaing espiritista. Sa loob ng 15 taon, pinaniniwalaang mayroon siyang ESP (extrasensory perception) at kakayahang manghula. Naniniwala rin ang mga tao na kaya niyang manggamot ng kulam. Sikát na sikát si Zarkhanum. Marami sa mga kliyente niya ay matataas na opisyal, pati mga asawa nito, na nagbabayad ng $2,000 hanggang $4,000 (U.S.) kada sesyon. Kalaunan, yumaman si Zarkhanum. Bagaman nagagawa niyang makipag-ugnayan sa daigdig ng mga espiritu, pakiramdam niya’y napakalayo niya sa Diyos. Marami ring tanong na bumabagabag sa kaniya. Nagkahiwalay silang mag-asawa at walang direksiyon ang buhay niya. Isang araw, habang idinudulog sa Diyos ang kaniyang mga hinaing, may kumatok sa pinto. Binuksan niya ito, at dalawang sister ang nagpatotoo sa kaniya. Nang marinig niyang dapat paluguran ang Diyos hindi lang sa salita kundi pati sa gawa, tinablan si Zarkhanum. Marami siyang kilalang relihiyoso pero talamak naman sa kasamaan. Alam din niyang mali ang espiritismo. Pumayag siyang mag-Bible study. Nang maglaon, ginamit na niya sa pananalangin ang pangalan ni Jehova at nakita niyang sinasagot ni Jehova ang mga ito. Pero nahirapan siyang iwan ang espiritismo—lagi siyang nililigalig ng mga demonyo at sinasaktan pa nga. Nang maglaon, sa tulong ni Jehova, nakalaya siya sa impluwensiya ng mga demonyo at sinira niya ang kaniyang mga gamit sa espiritismo at huwad na pagsamba.

Di-nagtagal, naging masigasig na mamamahayag ng mabuting balita si Zarkhanum at nabautismuhan noong Mayo 2011. Nag-aplay siya agad bilang auxiliary pioneer. Hindi siya nahirapang umabot ng oras dahil bago pa man siya mabautismuhan, mahigit 70 oras na bawat buwan ang ginugugol niya sa pangangaral, kahit pa mahina ang kaniyang kalusugan. Dalawang buwan bago siya magpabautismo, gustong magpagamot sa kaniya ng misis ng isang opisyal ng gobyerno at handa itong magbayad ng $200,000 (U.S.). Sa paniwala ng babae, kinulam siya kaya siya nagkasakit, na naging dahilan para maputulan siya ng binti. Tumanggi si Zarkhanum, at sa halip, dalawang sister ang pinapunta niya sa ospital para magpatotoo sa babae. Regular na ngayong nangangaral si Zarkhanum sa mga dati niyang kliyente at sinasabi niya sa kanila na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga dati niyang ginagawa. Bilang resulta, ang mismong nagpakilala sa kaniya sa misis ng opisyal ng gobyerno ay pumayag mag-aral ng Bibliya at dumadalo na sa mga pulong.

PAGPAPATOTOO SA BILANGGUAN. Sa India, dalawang sister ang naaresto dahil sa pangangaral at ikinulong nang limang araw. Sinabi ng isa sa kanila: “Pagkakulong sa amin, tinanong kami ng mga pulis kung bakit kami hinuli, kaya nakapagpatotoo kami sa kanila. Dahil galing kami sa pangangaral, marami kaming magasin at tract. Nagpatotoo kami sa lahat ng nandoon at namahagi ng mga literatura. Pinatibay namin ang isa’t isa, nanalangin kami, at nagbasa ng mga publikasyong dala namin.

“Nang ilipat kami sa ibang kulungan sa lunsod, nagtanong agad ang mga bilanggo kung ano ang kaso namin. Pagkakataon na naman iyon para mangaral at magpakilalang mga Saksi ni Jehova. Narinig kami ng babaing warden at sinabi nito, ‘Ikinulong kayo dahil nangangaral kayo sa labas, at ngayong nasa loob kayo, nangangaral pa rin kayo!’” Pinaplano ngayon ng mga sister na dalawin ang mga bilanggo na interesado sa katotohanan.

NAPANSIN NG PULIS ANG PAG-IBIG. Dalawang sister sa Bethlehem ang magpapatotoo sa ilang maliliit na shop. Dalawang babae ang biglang lumapit sa kanila at nagtanong sa wikang Kastila kung mga Saksi ni Jehova sila. Ang dalawang babae ay mga Saksi mula sa Mexico na nagbabakasyon sa Israel kasama ng isang grupo ng mga turista, at nakilala nila ang literaturang hawak ng mga sister. Nagyakapan ang apat, hinalikan ang isa’t isa, nagkuhanan ng litrato, at nagbigayan ng adres. Pagkatapos, bumalik na sa grupo ng mga turista ang mga sister na taga-Mexico, at nagpatuloy ang dalawang sister sa pagpapatotoo.

Makalipas ang ilang oras, isang pulis ang lumapit sa dalawang sister na tagaroon at nagtanong kung Kastila sila. Sinabi ng mga sister na hindi. Nakita pala ng pulis ang pag-uusap nilang apat at ang akala niya, magkakapamilya sila o magkakaibigan na matagal nang hindi nagkita. Ipinaliwanag ng mga sister na silang apat ay mga Saksi ni Jehova, at kahit na magkaibang bansa ang pinagmulan o hindi pa sila nagkita kahit minsan, parang pamilya ang turingan nila dahil may pag-ibig sila sa isa’t isa. Hangang-hanga ang pulis kaya tumanggap siya ng literatura at nagtanong kung saan siya makakakuha ng higit pang impormasyon tungkol sa relihiyong ito. Naisaayos ang isang pagdalaw-muli.

“BAKA MAY ISANG MAKINIG.” Ang kabataang payunir na si Yusuke sa Japan ay nagboboluntaryo sa isang grupo sa wikang Ingles. Isang araw, nabalitaan niyang may dadaong na barko at galing sa maraming bansa ang mga pasahero nito. Kaya maaga siyang gumising at kahit malakas ang ulan, dalawang oras siyang nagmaneho papunta sa daungan sa Nagasaki. Mag-isa siyang nag-abang sa may pantalan habang umuulan. Napagkakamalan siyang tour guide kaya maraming pasahero ang lumalapit sa kaniya. Sa loob lang ng kalahating oras, 70 magasin at 50 brosyur sa iba’t ibang wika ang naipasakamay ni Yusuke.

Kumuha pa siya ng mga literatura sa kotse, at pagbalik niya, may nakita siyang kabataang lalaki na nakatayong mag-isa. Nang lapitan niya ito, nagtanong ang kabataang lalaki sa Ingles, “Saksi ni Jehova ka ba?” Nang sabihin ni Yusuke na Saksi siya, napaluha ang lalaki. Niyaya siya ni Yusuke sa isang café para makapag-usap sila.

Jason ang pangalan ng kabataan; 21 anyos siya. Sinabi niyang aktibong Saksi ang mga magulang niya at mga ilang taon pa lang ang nakalilipas nang maging di-bautisadong mamamahayag siya. Pero nitong nakaraang mga anim na buwan, huminto siya sa pakikisama sa mga Saksi ni Jehova. Sumakay siya ng barko na maglalayag sa iba’t ibang bansa sa Asia at iniisip niyang wala siyang makikitang Saksi doon. Pero pagdating sa Thailand, Vietnam, at Taiwan, hindi siya nakababa dahil nasira ang tiyan niya. Nakababa lang siya ng barko pagdating sa Japan, at ang unang tao pang nakausap niya ay isang Saksi ni Jehova! Kaya naisip agad ni Jason, ‘Hindi ko talaga matatakasan si Jehova.’ Iyon ang dahilan kung bakit siya napaiyak.

Habang nasa café, ipinaliwanag ni Yusuke ang ilang parapo sa aklat na Pag-ibig ng Diyos para tiyakin kay Jason na mahal pa rin siya ni Jehova. Hinikayat ni Yusuke si Jason na huwag iwan ang organisasyon. Sayang at sandali lang sila nagkausap. Umalis ang barko nang mismong gabing iyon papunta sa Inchon sa South Korea, at plano ni Jason na mamasyal doon nang ilang araw.

Nag-isip si Yusuke kung paano pa niya matutulungan si Jason at naalala niya ang brother na nakilala niya sa internasyonal na kombensiyon sa South Korea. Taga-Inchon ang brother at marunong mag-Ingles. Nang gabing iyon, tinawagan siya ni Yusuke. Walang kamalay-malay si Jason na may kinontak palang brother sa South Korea si Yusuke. Pagbaba ni Jason sa barko kinaumagahan, nakita niya ang isang malaking banner, “Welcome to Korea, Jason!” Hawak ito ng limang nakangiting brother. Kinansela ni Jason ang plano niyang mamasyal at sumama siya sa mga brother. Napatibay siya nang husto sa karanasan ng mga kaedaran niyang brother na nakulong dahil sa kanilang pananampalataya. Nakadalo rin siya doon ng Memoryal.

Bumalik si Jason sa Estados Unidos, naging aktibong mamamahayag uli, at nagpa-study sa mga elder apat na beses sa isang linggo. Natapos niya ang mga aklat na Itinuturo ng Bibliya at Pag-ibig ng Diyos at naging kuwalipikado para sa bautismo. Nabautismuhan siya makaraan lang ang 107 araw mula nang makausap siya ni Yusuke. Nang sumunod na buwan, nag-auxiliary pioneer siya.

Sinabi ni Yusuke na noong malamig at maulang umagang iyon, gustung-gusto niyang magpunta sa Nagasaki, kahit na wala siyang makakasama. Ang nasa isip niya, “Baka may isang makinig.”

EUROPA

LUPAIN 47

POPULASYON 736,505,919

MAMAMAHAYAG 1,589,052

PAG-AARAL SA BIBLIYA 843,405

NAPAKAESPESYAL NG NATAGPUAN NILA. Mula Bulgaria, nagpunta si Ani sa Holland para magtrabaho nang ilang buwan. Isang araw, huminto siya sa sidewalk at nanalangin sa Diyos dahil sa sobrang kalungkutan. Hiniling niya na sana’y dalawin siya ng mga ministro ng kanilang simbahan. Habang nananalangin, dalawang sister ang lumapit at nagpatotoo sa kaniya. Para kay Ani, iyon ang sagot sa panalangin niya. Kaya nakinig siya at nagsimulang dumalo sa mga pulong. Bagaman hindi naiintindihan ni Ani ang pulong, damang-dama niya ang pag-ibig ng mga Saksi. Ibang-iba ito sa relihiyon niya sa Bulgaria, at kumbinsido siya na napakaespesyal ng natagpuan niya. Nang pabalik na siya sa Bulgaria, sumama ang sister na nag-study sa kaniya sa Holland para tulungan siyang makahanap ng mga Saksi sa Sofia. Lalo pa itong nakaantig kay Ani, at nadama niyang natagpuan niya ang tunay na relihiyon.

Di-nagtagal, kasama na ni Ani ang mister niyang si Ivo sa pag-aaral at pagdalo sa pulong. Nang maglaon, may iba na ring sumasama sa pag-aaral nila. Isa sa kanila ang pastor na si Assen. Gusto niyang patunayan noon kina Ani at Ivo na mali ang mga Saksi ni Jehova, pero nakita niyang tama pala ang mga Saksi. Malalalim ang tanong niya tungkol sa Bibliya, kaya pumayag siyang magpa-study kasama ang kaniyang pamilya. Nagpatuloy pa rin si Assen sa pagbibigay ng sermon sa mga relihiyosong miting ng grupo niya, pero ang aklat na Itinuturo ng Bibliya na ang ginagamit niya. Di-nagtagal, gusto na ring magpa-Bible study ng diyakono ng grupo, si Dencho. Tatlo pang pamilya mula sa grupo ang nakipag-aral na rin ng Bibliya. Dahil napakarami nang miyembro ng grupo ang nakikipag-aral sa mga Saksi ni Jehova, nagpasiya silang itigil ang kanilang mga miting at sa halip ay dumalo sa mga pulong ng kongregasyon. Naging mamamahayag si Dencho at nagpa-study sa kaniya ang ilang kaibigan niya. Kaya bilang resulta ng pagpapatotoo kay Ani sa Holland, mga 30 ang nagsimulang mag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong.

NAGBASA NA LANG SIYA NG MGA TEKSTO TUNGKOL SA PAG-AASAWA. Sa Czech Republic, isang mag-asawang Saksi ang nagdaraos ng Bible study sa Kingdom Hall sa bata pang mag-asawa na galing ng Mongolia. Bagaman nagsisikap ang mag-asawang Saksi na matuto ng Mongolian, hiráp pa rin silang makipag-usap sa mag-asawa. Pero mapagpakumbaba at matiisin ang mag-asawang Mongolian at handang matuto ng katotohanan sa Bibliya. Isang gabi, mag-isang dumating sa pulong ang asawang babae. Sinabi nitong gusto na niyang makipaghiwalay sa asawa dahil hindi sila magkasundo. Makaraan ang ilang minuto, ang asawang lalaki naman ang dumating pero hindi nito tiningnan ang misis niya. Halatang mabigat ang problema. Isinama ng brother ang lalaki sa library ng Kingdom Hall para makapag-usap sila. Pero dahil hiráp mag-Mongolian ang brother, hindi niya maintindihan kung ano ang nangyari sa mag-asawa at hindi rin siya makapagbigay ng espesipikong payo. Kaya naisip niyang magbasa na lang ng mga alam niyang teksto tungkol sa pag-aasawa at komunikasyon. Mukhang naantig ang lalaki sa mga teksto. Agad itong lumabas ng library, tumakbo sa asawa niya, at hinalikan ito. Nang pauwi na sila, nagprisinta ang lalaki na bitbitin ang bag ng misis niya dahil natutuhan niyang kailangan niya itong tulungan.

Kinabukasan, masayang-masaya sila at parang bagong kasal. Sinabi nila kung gaano kalaki ang pagpapahalaga nila kay Jehova at sa matatalinong payo ng Bibliya tungkol sa pag-aasawa. Nang maglaon, bumalik sila sa Mongolia para alagaan ang dalawa nilang anak. Kahit walang kongregasyon sa lugar nila, nagpatuloy sila. Bautisado na ang asawang babae, at sumusulong ang asawang lalaki para maging kuwalipikado sa bautismo.

“BAKIT NIYA ’KO INIWAN?” Si Olha, isang sister na payunir sa Ukraine, ay nagpatotoo sa drayber ng isang trak na nagde-deliver ng pagkain. Itinanong ni Olha, “Mayroon ba tayong mapagkakatiwalaan?”

“Wala,” ang sabi ng drayber. “Iniwan ako ng asawa ko at tinangay niya ang dalawang-taóng-gulang naming anak. Ano pa ba naman ang hahanapin niya? Araw-araw, subsob ako sa trabaho—para sa kaniya. Gusto niya ng singsing—ibinili ko siya! Gusto niya ng boots—nakuha niya. Kuwintas?—binigyan ko siya. Para sa kaniya lahat, kaya bakit niya ’ko iniwan?”

Malumanay na itinanong ng sister kung gaano kalaking panahon ang ibinibigay niya sa kaniyang mag-ina. Sinabi ng lalaki: “Paano pa ’ko magkakaroon ng panahon sa kanila, e nagtatrabaho ako hanggang hatinggabi? Tapos, pasok na naman ako nang alas kuwatro ng umaga. Kahit nga Sabado’t Linggo, nagtatrabaho pa ’ko.”

Ipinakita ni Olha ang Oktubre 2009 isyu ng Gumising! na may espesyal na serye ng mga artikulong “Sekreto ng Maligayang Pamilya.” Ipinakita niya ang unang sekreto, “Tamang Priyoridad.” Matapos nila itong talakayin, naantig ang lalaki at sinabi: “Akala ko, pera ang sagot para maging maligaya ang pamilya at hindi na importante ang iba pang bagay. Hindi pala pera ang sagot. Alam ko na ngayon kung ano’ng kulang at kung ano’ng kailangan ng misis ko.”

Makaraan ang isang linggo, nakausap uli ni Olha ang drayber. Sinabi nito na nabasa niya ang magasin at nakapag-isip-isip siya. Tinawagan niya ang misis niya, at nagkabalikan sila. Binigyan siya ni Olha ng aklat na Kaligayahan sa Pamilya. Nang sumunod na linggo, nakita ni Olha na iba na ang drayber ng trak. Sinabi ng bagong drayber na nag-resign na ang dating drayber at lumipat sa ibang lugar. Pero may iniwan siyang mensahe kay Olha: “Salamat sa iyo, Olha, at sa iyong Diyos na si Jehova, dahil tinulungan ninyo akong mabuong muli ang pamilya ko. Kapag may nakilala akong Saksi, makikipagkaibigan ako sa kanila.”

HUMINGI SIYA NG TANDA MULA SA DIYOS. Isang kabataang lalaki sa Latvia ang naging interesado sa mensahe ng Bibliya nang mapangaralan siya ng mga Saksi mga 15 taon na ang nakalilipas. Nagpapa-study siya paminsan-minsan, pero hindi siya naniniwalang matutulungan siya ng Bibliya—isang “hamak” na aklat—para masumpungan ang Diyos. Iniisip niyang magpapakilala sa kaniya ang Diyos, marahil sa isang mahiwaga o makahimalang paraan. Kaya huminto siyang mag-study at nang maglaon ay wala nang nakausap na Saksi. Makaraan ang ilang taon, nagkapatung-patong ang problema niya. Nanalangin siya sa Diyos at humingi ng tulong. Pero wala pa ring himala. Pagsilip niya sa bintana, may nakita siyang dalawang sister na nangangaral. Pagkaraan ng ilang linggo, nanalangin uli siya at nakita na naman niya ang dalawang sister. Nang manalangin uli siya nang sumunod na linggo, sa ikatlong pagkakataon, nakita niya uli ang dalawang sister na nangangaral. Naisip niyang tanda iyon mula sa Diyos! Tumakbo siya palabas at sinabi sa mga sister na gusto niyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng Bibliya, na maraming taon nang nahinto. Nang maglaon, napagtagumpayan niya ang mga problema niya at naging malapít sa Diyos. Paano? Sa tulong ng Bibliya! Nabautismuhan siya sa pandistritong kombensiyon noong 2010.

MAY TAINGA KAHIT ANG MALILIIT NA KALDERO. Sa Denmark, ang kasabihang ito ay nangangahulugang mas maraming napupulot ang mga bata sa usapan ng matatanda kaysa inaakala natin. Mga 16 na taon na ngayon, isang sister na Danish ang nagdaraos ng Bible study sa isang babaing may tatlong anak na lalaki. Madalas na kasama ang mga bata kapag ini-study ang nanay nila sa bahay ng sister at ng kaniyang asawa. Pero huminto sa study ang babae noong magwalong taon ang bunso niyang anak, si Ronnie. Maraming naging problema si Ronnie habang lumalaki. Pero noong 2008, nang 22 anyos na siya, nakakita siya ng mga magasin sa bahay ng kaniyang ina at biglang pumasok sa isip niyang magpunta sa mga Saksi na dating nagba-Bible study sa kanila. Makalipas ang 15 minuto, nag-doorbell siya sa bahay ng mag-asawang Saksi. Pagkabukas ng pinto, pumasok si Ronnie. Medyo matagal bago siya nakilala ng brother, pero tuwang-tuwa silang magkitang muli. Tinanggap ni Ronnie ang aklat na Itinuturo ng Bibliya at pumayag siyang magpa-study. Nagustuhan niya ang pag-aaral. Pero dahil mahilig si Ronnie sa computer games, na ang ilan ay mararahas at tungkol sa okulto, madalas niyang isingit iyon sa usapan. Sinabihan siya ng mag-asawang Saksi na hindi dapat iugnay sa mga espirituwal na bagay ang computer games. Naintindihan ito ni Ronnie at sinabi: “Sana po pagsabihan n’yo ’ko kapag tungkol sa walang-katuturang computer games na naman ang sinasabi ko!” Mula noon, sumulong siya. Ang kabataang ito, na unang nakarinig ng katotohanan noong nag-aaral ng Bibliya ang nanay niya at isa lang ‘maliit na kalderong may tainga,’ ay isa na ngayong di-bautisadong mamamahayag.

NAPATIBAY NG MGA TEKSTO. Sa isang sementeryo sa Britanya, napansin ng isang brother ang isang lalaking nakaluhod sa isang puntod at umiiyak. Nagtanong ang brother kung puwede siyang maupo sa tabi nito. Pumayag ang lalaki, si Alf. Sinabi ni Alf: “Kamamatay lang ng anak kong babae; 42 lang siya. Ngayon, pareho nang nakalibing dito ang mag-ina ko.” Humiling siya ng counseling sa gobyerno pero maghihintay pa siya nang tatlong buwan. “Mayaman ako at maraming negosyo,” ang sabi ni Alf, “pero aanhin ko ang mga iyon kung wala naman ang pamilya ko? Handa ’kong ibigay ang lahat, makapiling ko lang sila uli.” Sinabi pa ni Alf na naniniwala siya sa Diyos at sa Bibliya at nagsisimba siya, pero hindi pa rin masagot ang mga tanong niya. Nang humingi siya ng tulong sa simbahan para maibsan ang kalungkutan, sinabihan lang siyang magsindi ng kandila o kaya’y gumawa ng sulat at isabit ito sa puno. “Pero hindi kakasya sa sulat ang lahat ng gusto kong sabihin,” ang hinagpis niya. Pinatibay ng brother si Alf sa pamamagitan ng mga teksto sa Kasulatan. Nag-aaral na ngayon ng Bibliya si Alf.

OCEANIA

LUPAIN 29

POPULASYON 38,162,658

MAMAMAHAYAG 94,309

PAG-AARAL SA BIBLIYA 58,465

NIYAYA NILA ANG ASAWANG LALAKI. Ikinuwento ng isang brother sa New Zealand na nang minsang ihatid niya ang kaniyang maybahay para mag-study sa isang kabataang ina, napansin nilang mag-asawa na nandoon ang mister nito kaya niyaya nila ito sa pag-aaral. Pumayag ang mister, at sumang-ayon itong mag-aral sa tuwing nasa bahay siya. Dumalo sa pulong ng Linggo ang mag-asawa. Malugod silang tinanggap ng mga kapatid at nasiyahan sila sa programa. Nang sumunod na pulong, nagkomento ang mister sa Pag-aaral sa Bantayan. Tungkol sa pampamilyang pagsamba ang artikulo, at nagtanong siya kung paano niya idaraos ang pag-aaral kasama ang kaniyang misis at apat-na-taóng-gulang na anak. Sinabi rin niyang gusto niyang ikapit ang iba pang natutuhan niya sa pulong. Patuloy silang nag-aral, dumalo sa mga pulong, at sumulong sa espirituwal. “Mabuti na lang,” ang sabi ng brother, “at niyaya namin sa study ang asawang lalaki!”

MEMORYAL SA MALAYONG ISLA. Ang isla ng Reao, na may 362 residente lang, ay teritoryo ng Vaiete Congregation, isa sa 18 kongregasyon sa Tahiti. Ang Reao ay mga 1,350 kilometro sa silangan ng Tahiti. Hindi pa nakapagdaraos ng Memoryal sa malayong isla na ito, at 30 taon na itong hindi napupuntahan ng mga Saksi. Gusto ni Manoah, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ng Vaiete Congregation, na magsaayos ng isang maliit na grupo na mangangaral sa islang iyon sa linggo ng Memoryal at para maidaos doon ang mismong okasyon. Kaso, napakamahal ng pamasahe sa eroplano; silang mag-asawa ay aabutin ng mga 65,000 franc ($740 U.S.), at hindi nila ito kaya. Pero nang maglaon, nabigyan siya ng bonus sa trabaho—65,000 franc! Naisip nila na pinagpapala ni Jehova ang plano nila. Pitong mamamahayag ang pumunta sa Reao, at 47 ang dumalo sa Memoryal. Ngayon, sa pamamagitan ng telepono, nai-study ng mga mamamahayag sa Tahiti ang mga interesado sa Reao.

HINDI NA MAKUHANG MAG-ALMUSAL. Halos ganito rin ang karanasan sa Vanuatu. Sumuporta ang isang kongregasyon sa 11 mamamahayag sa malayong isla ng Ambrym. Nag-anyaya ang mga elder ng makaranasang mga mamamahayag para tumulong nang ilang araw sa grupo sa Ambrym at magdaos ng Memoryal. Nagprisinta agad si Marinette, isang makaranasang regular pioneer at retiradong guro. Pumunta siya sa Ambrym kasama ang iba pa para makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Iilang araw pa lang silang nangangaral, nagulat siya na halos hindi na siya makaalis sa tuluyan niya. Naaalala ni Marinette: “Hindi ko na makuhang maghilamos o mag-almusal dahil nakapila na sa labas ang mga gustong mag-aral ng Bibliya. Nakakapangaral ako maghapon nang hindi na lumalayo! Nakapagdaos ako ng 31 pag-aaral nang linggong iyon.” Puspusang nangaral at nagturo sa Ambrym ang grupo sa loob ng isang linggo, at 158 ang dumalo sa Memoryal. Nalungkot ang grupo nang paalis na sila. “Maiiwan mo ba ang lugar na gaya nito na napakaraming uháw sa katotohanan?” ang sabi ni Marinette. Nagpadala ang tanggapang pansangay ng mga temporary special pioneer para maasikaso ang mga interesado sa islang iyon.

ISANG PRINSIPAL ANG TUMUGON. Sa isang high school sa Solomon Islands, pinatatayo ang mga estudyante para umawit ng mga awitin ng South Seas Evangelical Church. Dalawang kabataang sister ang nakiusap sa prinsipal na huwag silang isali sa pag-awit dahil labag iyon sa kanilang budhi. Natuwa ang prinsipal sa magalang na paglapit nila at pinayagan silang hindi na umawit at umupo na lamang kasama ng iba pang estudyanteng Saksi.

Nagtanong ang prinsipal kung puwede silang magsama ng isa mula sa kongregasyon na magpapaliwanag sa kaniya tungkol sa mga Saksi ni Jehova at sa pananaw nila sa edukasyon. Isang misyonera ang dumalaw, at mga isa’t kalahating oras nilang pinag-usapan ang ating mga paniniwala pati ang mga problemang nararanasan ng mga kabataan. Sinabi ng prinsipal na gustung-gusto niyang basahin ang Gumising! at na naglalagay siya ng mga kopya nito sa faculty room. Inialok ng misyonera ang aklat na Ang mga Tanong ng mga KabataanMga Sagot na Lumulutas, Tomo 2, at humiling ang prinsipal ng 16 na kopya para sa mga guro at 367 para sa mga estudyante. Apat na raang aklat ang dinala at naipamahagi.

Dahil sa lakas ng loob ng dalawang sister na makipag-usap sa kanilang prinsipal, mainam na patotoo ang naibigay, at marami ang nagsabi na nakatulong sa kanila ang aklat. Isang batang babae, na ang mga magulang ay kahihiwalay lang, ang nagsabi na tamang-tama ang aklat para maharap niya ang kaniyang mga problema. Ang dalawang sister ay patuloy na nag-o-auxiliary pioneer at regular nilang binibigyan ng mga magasin ang prinsipal.

MATATAG SA KABILA NG MGA PAGSALANSANG. Sa isa pang lugar sa Solomon Islands, bina-Bible study ng isang misyonera ang isang babae na tatawagin nating Lisa. Sumulong siya sa espirituwal kahit pa mahigit dalawang oras siyang naglalakad patungong Kingdom Hall, dala ang kaniyang kambal na anak na lalaki at dalawang anak na babae. Sinasalansang siya ng kaniyang mister at sinasaktan pa nga. Sinunog nito ang kaniyang mga damit, Bibliya, at mga aklat. May kinakasama rin itong ibang babae. Pero sa kabila ng lahat, nabautismuhan si Lisa at matatag na naglingkod kay Jehova.

Naantig ang mister sa pakikitungo sa kaniya ni Lisa sa kabila ng mga kalupitan nito. Kaya noong nakaraang taon, iniwan nito ang kinakasama at nag-aral na rin ng Bibliya. Tiyak na napakasaya ni Lisa! At ang mas maganda pa, nagkaroon ng grupo malapit sa kanila kaya ngayon, wala nang isang oras ang nilalakad niya para makadalo. Sa suporta ng kaniyang mister, nakapag-o-auxiliary pioneer din si Lisa.

[Blurb sa pahina 66]

“Bakit ang lupit ng Diyos? . . . Bakit pati ang anak ko? Sanggol lang siya. Ano’ng kasalanan niya?”

[Blurb sa pahina 68]

Sinabi ng lalaki na babalik lang siya sa pagka-Katoliko kung masasagot ng pari ang dalawang tanong

[Blurb sa pahina 72]

“Ikinulong kayo dahil nangangaral kayo sa labas, at ngayong nasa loob kayo, nangangaral pa rin kayo!”

[Dayagram/Mapa sa pahina 84]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Tahiti → → → 1,350 kilometro → → → Reao

[Larawan sa pahina 56]

Itaas: Nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa Republic of the Congo (tingnan ang  pahina 59)

[Larawan sa pahina 61]

Si Edvard (kanan) kasama si Daniel sa palengke

[Larawan sa pahina 64]

Samaniego, Nariño, COLOMBIA

[Larawan sa pahina 67]

Makukuha na ngayon sa 59 na wika ang ating mga publikasyong nasa wikang pasenyas

São Paulo, BRAZIL