Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon
Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon
SA KABILA ng maligalig na kalagayan ng daigdig, naging mabunga pa rin ang sagradong paglilingkod ng mga Saksi ni Jehova nitong nakaraang taon. Dahil sa pagpapala ng Diyos, ang katotohanan ng mabuting balita ay “namumunga at lumalago sa buong sanlibutan.” (Col. 1:5, 6) Tiyak na mapapatibay ka ng mababasa mong mga ulat ng nakaraang taon ng paglilingkod.
BAGONG KAAYUSAN PARA SA MGA GUSTONG MAG-AUXILIARY PIONEER
Masayang-masaya ang mga kapatid sa kaayusang makapag-auxiliary pioneer noong Abril, na may opsyong 30 o 50 kahilingang oras. Sinamantala ito ng marami na karaniwang hindi nakakapag-auxiliary pioneer. Libu-libo ang noon lang nakapag-auxiliary pioneer, at marami sa mga dati nang nagpapayunir ang nasiyahang magpayunir muli. Ang karamihan naman sa mamamahayag na hindi nakapagpayunir ay nagsikap na gumawa nang higit pa sa ministeryo. Ano ang resulta?
Karamihan sa mga sangay ay nag-ulat ng mga bagong peak. Sa buong daigdig, 2,657,377 mamamahayag ang nag-auxiliary pioneer—mga limang beses na mas marami kaysa sa peak ng sinundang taon! Mahigit walumpung porsiyento ng pamilyang Bethel sa buong daigdig—16,292 sa 20,290—ang nakibahagi sa pribilehiyong ito ng paglilingkod. Hindi ba nakakatuwang malaman na ang nagawa ng mga lingkod ni Jehova noong buwan ng Abril ang siyang pinakamarami sa kasaysayan ng kanilang paglilingkod?
Mahigit lang isang taon matapos yanigin ng lindol na kumitil sa mga 300,000 katao, ang Haiti ay nag-ulat ng mga bagong peak sa gawain noong Abril. Sa 17,009 na mamamahayag doon, 6,185 ang nag-auxiliary pioneer. Ang espesyal na kampanya ng pamamahagi
ng brosyur na Kapag Namatay ang Iyong Minamahal, na kalalabas lang sa Haitian Creole, ay nagdulot ng kaaliwan at pag-asa sa mga taong naghihinagpis.Kakaibang hamon naman ang hinarap ng mga kapatid natin sa Nigeria noong Abril. Sa apat na araw na itinakda ng gobyerno para sa eleksiyon (tatlo sa mga ito ay araw ng Sabado), pinagbawalan ang mga tao na lumabas ng bahay mula 7:00 n.u. hanggang 5:00 n.h. maliban na lang kung para sa eleksiyon. Pero hindi ito nakaapekto sa espiritu ng pagpapayunir. “Sumulat kami para ipabatid ang aming nag-uumapaw na kagalakan at pagpapahalaga sa napakasaya naming paglilingkod sa buwang ito,” ang isinulat ng isang kongregasyon. Sa isa pang kongregasyon, 92 sa 127 bautisadong mamamahayag ang nag-auxiliary pioneer, pati na mga elder at ministeryal na lingkod. Sa Bethel, 555 sa 688 miyembro ng pamilya ang nag-auxiliary pioneer.
Hinarap Nila ang Hamon. Gustung-gusto ni Jeannette, nakatira sa bulubunduking lugar ng Burundi, na magpayunir. Pero mayroon siyang sakit sa puso kaya hiráp siyang maglakad nang malayo o nang paahón. Tuwang-tuwa siya nang malaman niyang binabaan ang kahilingang oras para sa mga auxiliary pioneer sa Abril. Para makapagpayunir, binigyan siya ng mga elder ng teritoryong malapit sa bahay niya. Dinadala rin ng mga payunir at mamamahayag ang mga Bible study nila sa bahay ni Jeannette. Bago nagtapos ang buwan, apat na pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan niya! “Gusto kong magpayunir ulit,” ang sabi niya, “siguradong tutulungan ako ni Jehova.”
Sa isla ng Grenada, isang kabataang sister na bingi ang nagpayunir kahit may kapansanan at hiráp maglakad. “Napakalaking hamon sa akin na maglakad nang malayo para makasakay ng bus at makarating sa teritoryo,” ang sabi niya. Bukod diyan, walang trabaho ang sister na ito, kaya marubdob siyang humingi ng tulong kay Jehova. Para may maitustos sa sarili, nagtinda siya ng produktong ginantsilyo at sariling-gawang alahas. “Nakapangaral ako nang husto,” ang sabi niya, “at damang-dama ko ang suporta’t pampatibay ng mga kapatid. Napakasaya ko!”
Excited mag-auxiliary pioneer noong Abril ang 101-taóng-gulang na si Toshi, isang sister sa Japan. Palibhasa’y hindi makaalis sa nursing home, nangaral siya sa pamamagitan ng liham at pagpapatotoo sa mga tauhan ng nursing home na pumapasok sa kaniyang silid. “Dahil mahina ang pandinig ko,” paliwanag ni Toshi, “malakas akong magsalita. Kaya naririnig din ako ng mga tao sa paligid.”
Kahit paralisado ang mga braso’t binti, nakapag-auxiliary pioneer ang taga-Costa Rica na si Felix. Paano? Isang lamesa na may mga literatura ang inilagay sa
labas ng bahay niya para makapagpatotoo siya sa mga dumaraan. Pagdating ng katapusan ng buwan, napagod si Felix pero lumakas naman siya sa espirituwal at napakasaya niya dahil apat na Bible study ang nabuksan niya.Hindi rin nagpahulí ang maraming kabataan sa espesyal na gawain noong Abril. Isang halimbawa nito ang magkapatid na Sandra, 11, at Alejandro, 7, sa Espanya. Gusto nilang gumawa ng higit pa sa ministeryo. Naengganyo sila ng kasigasigan ng kongregasyon at ng kanilang mga magulang, kaya gusto rin nilang mag-auxiliary pioneer. Pero paano, hindi pa naman sila bautisado? Gumawa ng iskedyul ang mga bata; sasama sila sa mga magulang nila sa paglilingkod. Sa gabi ng Pampamilyang Pagsamba nila, nagpraktis sila ng mga presentasyon. Akala ng tatay at nanay nila, hindi tatagal sina Sandra at Alejandro sa paglilingkod. Pero hindi man lang napagod ang mga bata. Pagdating ng Abril 30, abót na nila ang 30 oras, maliban kay Alejandro na kulang pa ng tatlong oras. Kaya para mahabol ito, sinamahan siya ng tatay niya sa pangangaral. Napakasaya nila na sama-sama silang pamilya sa abala at kasiya-siyang gawaing paglilingkod!
“Araw-araw, ipinapanalangin ko na makapangaral kami nang 30 oras ng asawa kong si Philip,” ang sabi ni
Jean. Pero si Philip, na dating tagapangasiwa ng distrito, ay nabaldado dahil sa cerebral aneurysm. Nakaratay na lang siya sa ospital sa Espanya at hindi makapagsalita. Dinadaan na lang niya sa kurap ang gusto niyang sabihin—isang kurap kung oo, dalawa kung hindi.“Nang sabihin ko ang tungkol sa pag-o-auxiliary pioneer,” sabi pa ni Jean, “kumurap siya para sabihing gusto niya ring magpayunir.” Pero paano gagawin iyon ni Philip?
Ilang buwan bago nito, nagpapatotoo na sina Jean at Philip sa mga pasyente, bumibisitang kamag-anak, at staff ng ospital. “Plano sana naming mangaral sa mismong ward namin nang mga isang oras araw-araw sa buwan ng Abril kapag gisíng si Philip at puwede siyang sumama sa pag-uusap sa pamamagitan ng pagkurap.”
Pero noong Marso, inilipat si Philip sa isolation ward. Sa kabila nito, nasunod pa rin ng mag-asawa ang kanilang iskedyul. Nakikipag-usap sila nang paila-ilang minuto sa mga empleado ng ospital. Isa sa mga nars na tumanggap ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? ang tumingin sa mga mata ni Juan 17:3 at tinanong kung ano ang naintindihan niya sa teksto. Nagpatuloy sila sa ganitong paraan, at ipinapahiwatig ni Philip sa pamamagitan ng pagkurap kung tama ang sagot ng nars. Kahit na hindi sa ward ni Philip naka-duty ang nars, pumupunta pa rin ito para sabihin kay Philip na hinihiling niya kay Jehova na tulungan siyang mapalapít sa Kaniya.
Philip at nangakong babalik kinabukasan para makabasa ng ilang teksto. Pagbalik ng nars, ipinabasa ni Jean angPara sa mga lingkod ni Jehova, ang pinag-ibayong gawaing ito ay isang paraan upang maipakita ang kanilang pag-ibig sa kapuwa, pagpapahalaga sa sakripisyo ni Jesu-Kristo, at debosyon sa kanilang makalangit na Ama. Inaasam nilang muling makapag-auxiliary pioneer sa Marso 2012, na may opsyong 30 o 50 kahilingang oras.
MGA PAARALANG NAGTUTURO NG MGA DAAN NI JEHOVA
Totoong-totoo para sa organisasyon ni Jehova ang hula ng Isaias 2:3: “Umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan.” Halimbawa, sa kasagsagan ng Digmaang Pandaigdig II, nakita ng tapat at maingat na alipin na kailangang maturuan ni Jehova ang lahat ng tao mula sa lahat ng bansa bago magwakas ang sistemang ito ng mga bagay. Kaya nagsaayos ng mga paaralan gaya ng Watchtower Bible School of Gilead at Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Kamakailan, ang Lupong Tagapamahala ay gumawa ng mga pagbabago sa mga paaralang naglalaan ng pantanging pagsasanay.
Noong Oktubre 2010, ang Ministerial Training School ay tinawag nang Bible School for Single Brothers. Bukás pa rin para sa mga elder at ministeryal na lingkod na walang asawa ang dalawang-buwang pagsasanay sa paaralang ito. Sa kasalukuyan, 37,445 na sa buong mundo ang nakinabang sa kurikulum nito. Marami sa kanila ay naglilingkod bilang mga payunir, naglalakbay na tagapangasiwa, misyonero, at Bethelite.
Ang bagong dalawang-buwang Bible School for Christian Couples ay nagsimula noong Hulyo 2011 sa Patterson, New York. Puwedeng mag-enrol dito ang mga mag-asawang marunong mag-Ingles, edad 25 hanggang 50,
may mabuting kalusugan, kasal nang di-kukulangin sa dalawang taon, at kasalukuyang dalawang taon nang tuluy-tuloy sa buong-panahong paglilingkod at ang asawang lalaki ay dalawang taon nang tuluy-tuloy na naglilingkod bilang elder o ministeryal na lingkod. Simula sa 2012, ang mga klase sa Bible School for Christian Couples ay gaganapin sa mga lugar na kasalukuyang ginagamit para sa Bible School for Single Brothers.Sa Bible School for Christian Couples, bibigyan ang mga mag-asawa ng pantanging pagsasanay para lubusan
silang magamit ng Diyos na Jehova at ng kaniyang organisasyon. Karamihan sa mga magtatapos ay maglilingkod sa kanilang bansa bilang regular pioneer sa mga lugar kung saan mas malaki ang pangangailangan. Pero may ilan na aatasan bilang temporary special pioneer at ang iba ay sasanayin sa gawaing pansirkito. May ilan din na posibleng atasan sa ibang bansa kung sila ay kuwalipikado at nasa kalagayan.Ang mga gustong mag-aral sa paaralang ito ay dapat na may-gulang sa espirituwal at mapagsakripisyo. Ang mga instruktor sa Bible School for Single Brothers ang siya ring magtuturo sa bagong paaralang ito, gamit ang halos kaparehong kurikulum. May mga unit na para lamang sa mga brother, habang nasa larangan ang kani-kanilang asawa. Ang mga interesadong mag-aral ay makakakuha ng karagdagang impormasyon sa pulong na gaganapin sa pandistritong kombensiyon.
May mga pagbabago ring ginawa ang Lupong Tagapamahala sa Watchtower Bible School of Gilead. Pasimula sa ika-132 klase, na nagsimula noong Oktubre 24, 2011, ang puwedeng mag-enrol sa paaralang ito ay mga mag-asawang nasa pantanging buong-panahong paglilingkod, gaya ng mga misyonerong naatasan sa larangan na hindi pa nakapag-aaral sa Gilead, mga special pioneer, mga naglalakbay na tagapangasiwa, at mga Bethelite. Kung ang mag-asawa ay mahusay sumulat at magsalita ng Ingles, maaari silang irekomenda ng Komite ng Sangay.
Ang mga graduate ng Gilead ay bibigyan ng mga atas na makakatulong nang malaki sa pag-oorganisa ng gawain sa larangan at sa sangay bilang mga misyonero, naglalakbay na tagapangasiwa, o Bethelite. Ang mga naatasan sa larangan ay ipapadala sa mga lugar na maraming tao ang mapaaabutan ng mabuting balita at sa
mga kongregasyong higit na nangangailangan ng tulong. Maaaring humiling ng mga graduate ng Gilead ang Komite ng Sangay kung may pangangailangan sa kanilang teritoryo. At maaari din silang magrekomenda ng mga nasa pantanging buong-panahong paglilingkod mula sa kanilang teritoryo na kuwalipikado sa Paaralang Gilead. Sa ilang kaso, maaaring hilingin ng Komite ng Sangay na bumalik sa kanilang bansa ang mga inirekomenda nila pagka-graduate ng mga ito.Ang School for Branch Committee Members and Their Wives ay gaganapin nang dalawang beses sa isang taon sa Patterson, sa wikang Ingles. May pagkakataong aanyayahan din ang mga miyembro ng Komite ng Bansa. Ang mga miyembro ng Komite ng Sangay na nakapag-aral na rito ay aanyayahang muli na mag-aral kasama ng mga kapatid na hindi pa nakapag-aaral. Ang mga asawa ng mga miyembro ng Komite ng Sangay ay kasama sa karamihan ng mga klase. Pero sa mga unit na may kinalaman sa pag-oorganisa, ang mga brother
lamang ang puwedeng dumalo, habang nagboboluntaryo ang kani-kanilang asawa sa iba’t ibang gawain sa Bethel.Bukod diyan, dalawang klase ang gaganapin sa Patterson taun-taon para sa School for Traveling Overseers and Their Wives. Kabilang sa mga klaseng ginaganap sa Estados Unidos ang mga brother na dati nang nakadalo sa paaralang ito; halos kalahati ng klase ay manggagaling sa kanila. Karamihan sa mga klase ay madadaluhan ng mga asawa ng mga naglalakbay na tagapangasiwa.
Hindi ba isang kagalakan sa bayan ng Diyos na matuto mula sa edukasyong inilalaan ni Jehova? Si Jesus mismo ang nagsabi: “Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay magiging mga naturuan ni Jehova.’” (Juan 6:45; Isa. 54:13) Tiyak na malaking tulong ang mga pagbabagong ito sa apurahang pangangaral ng mabuting balita sa buong tinatahanang lupa bago dumating ang wakas.
ISANG NAPAKALAKAS NA LINDOL SA JAPAN
Laman ng balita sa buong mundo ang sunud-sunod na kalamidad gaya ng lindol, tsunami, buhawi, bagyo, pagbaha, sunog, at pagputok ng bulkan. Bagaman hindi lahat ng kamakailang trahedya ay maiuulat dito, ang kuwento ng ating mga kapatid sa Japan ay magpapakita kung gaano katatag ang mga Saksi ni Jehova sa gitna ng ganitong mga pagdurusa.
Noong Biyernes, Marso 11, 2011, sa ganap na 2:46 n.h., isang lindol na may magnitude na 9.0 ang yumanig sa Japan. Kasunod nito ang mga tsunami na sumalanta sa maraming bayan at nayon sa mga baybayin sa Pasipiko. Mga 20,000 katao ang kumpirmadong patay o hindi na natagpuan. Sa mga apektadong lugar, apat na Kingdom Hall ang nawasak at may apat pa na hindi na magagamit. Tinangay ng tubig o lubhang nasira ang 235 bahay ng mga kapatid natin, at mahigit sanlibong bahay ang kailangang kumpunihin.
Dahil sa lindol at mga tsunami, isang nuclear power plant ang nasira at naglabas ng radyasyon. Pinalikas ang mga residente, at kinabukasan, abandonado na ang maraming bayan. Napilitan ding lumikas ang mga kapatid, at dalawang kongregasyon ang “naglaho.”
Sa mahigit 14,000 Saksi ni Jehova sa mga lugar na naapektuhan nang husto, 12 ang namatay; 5 ang lubhang nasugatan; 2 ang nawawala. Marami sa mga nakaligtas sa nakapangingilabot na sakunang ito ay nawalan ng bahay, ari-arian, at mga mahal sa buhay.
“Naisakay ko sa kotse ang nanay kong may kapansanan, at pumunta kami sa isang ligtas na lugar,” ang paliwanag ng sister na si Kiyoko ng Ofunato. “Tapos, may naamoy akong usok. Bumaba ako ng kotse at nakita ko ang isang napakalakas na daluyong ng tubig; nilamon nito ang bahay namin. Aabutan kami ng tubig kaya tinulungan ko ang nanay kong sumampa sa may riles ng tren. Kitang-kita namin nang tangayin ng tubig ang kotse namin.”
Pagkaraan ng lindol, sinubukan ng isang kabataang brother, si Koichi, na puntahan ang mga magulang niya na nakatira sa Ishinomaki, halos limang kilometro mula sa dalampasigan. Pero nang malapit na siya, nakita niyang lubog sa tubig ang buong lugar. “Hindi na ako nakarating, kasi wala akong bangka.” Tatlong linggo pagkatapos ng lindol, natagpuan niya sa morge ang tatay niya, at pagkaraan pa uli ng tatlong linggo, ang kaniya namang ina.
Paghinto ng lindol, nagmaneho si Masaaki na taga-Shichigahama papunta sa Kingdom Hall, mga isang
kilometro mula sa dalampasigan. Naaalala ni Masaaki: “May isang sister na nagpunta rin doon. Akala ko hindi na kami aabutin ng tsunami. Pero mayamaya lang, natakpan na ng itim na tubig ang paligid! Lumutang ang mga kotse namin. Lumabas ako sa bintana ng kotse at tumuntong sa bubong, pero tinangay ng tubig ang kotse ng sister! Nanalangin ako na tulungan sana siya ni Jehova.“Umuulan noon ng niyebe, basang-basa ako’t nangangatog. Huminto naman ang pag-ulan ng niyebe pero napakaginaw pa rin. Mayamaya, lumubog na ang araw. Madilim na at kitang-kita ang magagandang bituin. Nakatayo ako sa bubong ng kotse, na nagmistulang isla sa napakalamig na tubig. Ang iba naman ay nasa ibabaw ng mga bunton ng debri o bubong ng mga gusali. Hindi ko alam noon kung aabot pa ’ko nang umaga. Para mabuhayan ako ng loob, binigkas ko ang pahayag na ibinigay ko dalawang linggo pa lang ang nakalilipas. Tamang-tama ang tema: ‘Saan Ka Makakakuha ng Tulong sa Panahon ng Kabagabagan?’ Pagkatapos, kinanta ko ang tanging awit na kabisado ko: ‘Aking Ama, Diyos, at Kaibigan.’ Paulit-ulit ko itong kinanta habang inaalala ang paglilingkod ko kay Jehova, at hindi ko napigilang umiyak.
“Pagkatapos, may sumigaw mula sa bahay sa kabilang kalsada, ‘Ayos ka lang ba? Pupuntahan kita d’yan!’” Isang balsa mula sa nakalutang na mga kahoy ang ginawa ng lalaki para iligtas ang mga tao sa lugar na ’yon. Natulungan ng lalaki si Masaaki na makapasok sa bintana ng ikalawang palapag ng isang bahay. Nang maglaon, natuwa si Masaaki nang malaman niyang nailigtas din ang sister.
Excited ang lahat sa kasal nina Kohei at Yuko, na gaganapin sa Kingdom Hall sa Rikuzentakata nang Sabado, Marso 12. Matapos nilang iparehistro sa city hall noong
Biyernes ang kanilang kasal, lumindol. Narinig ni Kohei ang babala tungkol sa tsunami kaya agad siyang nagpunta sa isang mataas na lugar. “Wala na akong gaanong nakita sa lunsod, ilang malalaking gusali na lang,” ang naaalala niya. “Bago iyon, hindi ako mapakali sa kakaintindi sa kasal namin, pero iyon pala, may masaklap na mangyayari na mas dapat naming intindihin.”Ginugol nina Kohei at Yuko ang araw ng Sabado sa pagtulong sa mga kapatid sa kongregasyon. “Nakatanggap kami ng relief mula sa ibang kongregasyon,” sabi ni Kohei. “Natuwa ako sa misis ko nang sabihin niyang masaya siya na ginagamit namin ang panahon at lakas namin sa pagtulong sa mga kapatid. Nagpapasalamat ako kay Jehova na binigyan ako ng katuwang na tulad niya. Tinangay ng tsunami ang bago naming bahay, ang aming kotse, at lahat ng gamit namin. Pero laking pasasalamat ko sa ipinakitang pag-ibig ng mga kapatid.”
Pisikal, Espirituwal, at Emosyonal na Tulong. Agad na nag-organisa ang sangay sa Japan ng tatlong Disaster Relief Committee at maraming beses na nagpadala ng kinatawan ng sangay sa mga apektadong lugar. Nang dumalaw sa Japan noong Mayo ang mga zone overseer na sina Geoffrey Jackson at Izak Marais mula sa punong-tanggapan, pinuntahan nila ang mga kapatid sa isa sa pinakaapektadong lugar. Isang espesyal na miting ang ini-hookup sa telepono para sa mga kongregasyong nasalanta. Narinig ng mga 2,800 kapatid sa 21 Kingdom Hall kung gaano sila kamahal ng kanilang mga kapatid sa buong daigdig.
Abala sa pagbibigay ng relief ang mga Disaster Relief Committee at iba pang boluntaryo. Kailangang-kailangan ng pagkain, tubig, at gas. Isinaayos din ng mga relief committee na makapagpadala ng mga damit na iba’t iba ang sukat. Naglagay sila ng mga salamin at
hangeran ng damit sa mga pulungan na nagmistulang mga boutique.Gayon na lamang ang pasasalamat ng mga kapatid na pinaglaanan sila ni Jehova sa pisikal at emosyonal na paraan! Napatibay naman sila sa espirituwal dahil sa mga Kristiyanong pagpupulong. “Napapanatag ako kapag dumadalo,” ang isinulat ng isang sister na nasalanta. “Ito ang nagbibigay sa akin ng lakas.”
Isang Mensahe ng Pag-asa. Gamit ang Salita ng Diyos, agad na pinatibay ng mga kapatid sa Japan ang mga kababayan nilang nanlulumo. Isang grupo ng mamamahayag mula sa lunsod na hindi nasalanta ang nagpatotoo sa lansangan hawak ang isang malaking signboard, “Bakit Nangyari ang Trahedya? Nasa Bibliya ang sagot.” Marami ang nagpakita ng interes, at nakapamahagi ang mga kapatid ng 177 aklat na Itinuturo ng Bibliya sa loob lang ng isa’t kalahating araw.
Sa mga lugar na nasalanta, pinatibay ng mga Saksi, una, ang mga study nila at binabalikang-muli, pagkatapos ay ang mga kapitbahay. “Nang basahin ko ang Mateo 6:34 sa isang may-bahay,” ang sabi ni Akiko, “napaiyak siya. Napakaraming bumabagabag sa kaniya. Nang ipaliwanag ko kung paano nakakatulong ang Bibliya para maging payapa ang isip, sumang-ayon siya at nagpasalamat. Lalo kong napahalagahan ang kapangyarihan ng Kasulatan na antigin ang puso ng mga tao.”
Sinabi ng isang lalaki, “Ang daming relihiyon, pero kayo lang ang dumalaw sa amin, kahit sa ganitong miserableng sitwasyon.” Isa pang lalaki ang nagsabi, “Hanga talaga ako sa inyo, kasi tuloy pa rin kayo sa gawain n’yo kahit sa panahon ng krisis.” Ganito ang komento ng isang elder: “Marami ang tumanggap sa amin. Sabi nila, ‘Kayo ang unang dumalaw sa amin mula nang mangyari ang sakuna. Sana bumalik kayo.’”
ANG BAGONG SANLIBUTANG SALIN SA 106 NA WIKA!
Hindi malilimutan ng mga kapatid sa Latvia at Lithuania ang araw ng Biyernes, Hulyo 15, 2011—isang makasaysayang araw para sa bayan ng Diyos sa mga bansang iyon. Sa isang pahayag na sabay na napakinggan sa dalawang bansang iyon, inilabas ni Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Latvian at Lithuanian, ang ika-99 at ika-100 sa mga wikang may salin ang Bibliyang ito. Sa nagdaang pitong taon, priyoridad ng Lupong Tagapamahala ang pagsasalin ng Bibliya. Bilang resulta, ang bilang ng wika ng Bagong Sanlibutang Salin ay dumoble kumpara noong 2004, at patuloy sa pagsisikap ang mga tagapagsalin sa iba’t ibang panig ng daigdig na maisalin ang Bibliya sa mas marami pang wika.
Napakasaya ng mga kapatid na magkaroon ng Bibliya sa sarili nilang wika. “Malaking bagay na y’ong magkaroon ka ng Bibliya,” ang sabi ng isang brother sa Central African Republic, “pero mas lalo na y’ong maintindihan mo ito sa sarili mong wika. Tumatagos sa puso ang Bagong
Sanlibutang Salin sa wikang Sango. Kapag binabasa ko ngayon ang Ebanghelyo, mas nagiging totoo sa akin ang mga tauhan sa Bibliya at naiintindihan ko ang kanilang damdamin.” Gaya ng marami, ganito ang nadama ng isang kabataang sister sa Ethiopia: “Kulang ang salitang ‘salamat’ para ipahayag ang nararamdaman ko. Lagi kong ipinapanalangin noon kay Jehova na sana magkaroon ng Bagong Sanlibutang Salin sa aming wika. Ngayon, ibinigay na niya!”MGA ULAT MULA SA IBA’T IBANG PANIG NG DAIGDIG
Sigà sa Russia, Natahimik. Ilang taon nang problema ng may-edad nang sister na si Vera ang kapitbahay niyang galít sa mga Saksi ni Jehova. Pinagbabantaan at minumura siya nito kahit sa harap ng kaniyang mga apo, na madalas dumalaw sa kaniya. Pero kalmado lang si Vera at hindi pinapatulan ang lalaki; lagi kasi niyang iniisip ang Roma 12:18. Kaso noong Enero 2011, naging agresibo na ito at nalagay sa panganib si Vera. Tumawag ng pulis si Vera, at ang mismong pulis na rumesponde ay dati nang nakapunta sa bahay ni Vera noong Marso 2010 kasama ang isang opisyal ng munisipyo. Gusto nilang tiyakin noon kung sangkot sa ekstremistang gawain ang mga Saksing nagtitipon sa bahay ni Vera. Pero ngayon, nakita ng pulis ang totoong problema. Sinita ng pulis ang kapitbahay at pinagmulta ito ng 3,000 ruble (mga $100 U.S.) dahil sa pagbabanta nito. Matapos ang insidente, hindi na nanggulo ang kapitbahay. Bilang pasasalamat, gumawa ng liham si Vera para sa pulisya. Nagulat siya nang sagutin ito ng hepe. Nagpasalamat ang hepe sa magagandang sinabi ni Vera sa pulis na tumulong sa kaniya. Isinulat nito: “Ang mga sinabi mo sa sulat ay nagpapakitang may tiwala ka sa kapulisan, kahit ang pangit ng tingin sa amin ng iba.” Ayon kay Vera, regular pa ring bumibisita ang pulis para tiyaking hindi na siya ginugulo ng lalaki.
Ang “Basurero” sa Turkey. Dalawang lalaki na bago lang nag-aaral ng Bibliya ang dumalo sa isang pandistritong kombensiyon. Sumulat sila: “Parang panaginip sa amin iyon. Nakangiti ang lahat; palakaibigan at magalang. Noong intermisyon sa tanghali, naglakad-lakad kami at hindi kami nailang. Tapos, lumapit ang brother na nagtuturo sa amin. May dala siyang plastic bag na basurahan. Umiwas kami kasi akala namin basurero siya, at ayaw naming isipin ng iba na mga kaibigan kami ng isang hamak na basurero. Kaya umiba kami ng daan para hindi niya kami makita. Naisip namin, ‘Bakit sa basurero kami nagpapaturo ng Bibliya, hindi sa nagsasalita sa entablado?’
“Pero habang patuloy ang pag-aaral namin, nalaman namin na ang ‘basurero’ na nagtuturo sa amin ay miyembro pala ng Komite ng Sangay sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Naunawaan namin na ang aming kapatid ay gumagawi gaya ng ‘isang nakabababa.’ (Luc. 9:48) Sumulong kami at inialay ang buhay kay Jehova. Napakaganda ng aral na natutuhan namin sa kauna-unahang kombensiyong nadaluhan namin!”
Kasinungalingan Laban sa mga Saksi sa Armenia. Isang paninira sa mga Saksi ni Jehova ang ikinalat ng media matapos mapagkamalang Saksi ang kabataang lalaki na pumatay sa kaniyang mga magulang sa lunsod ng Sevan. Agad tayong naglabas ng pahayag sa media para pasinungalingan ang bintang. Pero tuloy pa rin ang paninira, at sa isang special report sa TV, iginiit ng media na isang Saksi ni Jehova ang kabataan. Hinamak at inalipusta sa programa ang mga Saksi ni Jehova, at inilagay nito sa isang kapsiyon, “Ang Malulupit at Sunud-sunurang mga Berdugo ni Jehova.” Hinimok pa nito ang mga manonood na gamitan ng dahas ang mga Saksi sakaling dumalaw ang mga ito.
Bunga nito, dumami ang galít sa mga Saksi. Isang demanda ang isinampa laban sa istasyon ng telebisyon. Nakasaad dito na dapat nitong bawiin ang ikinalat na maling impormasyon, humingi ng dispensa, at magbigay ng kaukulang bayad-pinsala dahil sa pagsira sa ating pangalan at reputasyon. Tapos nang ilathala ang 2012 Taunang Aklat pero hindi pa rin binabawi ng istasyon ng telebisyon ang kanilang mga paninira sa kabila ng mga negosasyon.Mga Future Engineer ng Venezuela. Tuwing umaga, isang grupo ng mga kindergarten ang dumaraan sa ginagawang Kingdom Hall sa nayon ng San José de Guaribe. Lagi silang humihinto para manood sandali, at hangang-hanga sila sa ginagawa. Isang araw habang nasa klase, tinanong sila ng titser kung ano ang gusto nilang maging paglaki nila. Nagulat siya nang hindi lang isa ang sumagot na gusto nilang maging “engineer gaya ng mga Saksi ni Jehova”! Naintriga ang guro, kaya ipinasiya niya at ng isa pang titser na ipasyal ang buong klase sa lugar ng konstruksiyon. Pagdating nila, sinamahan sila ng mga boluntaryo sa konstruksiyon para makita ang ginagawang Kingdom Hall. Enjoy na enjoy ang mga bata, lalo na nang pagsuutin sila ng makukulay na hard hat. Maraming tanong ang dalawang guro, at napatotohanan sila.
Pinarami ang Produksiyon ng Magasin sa Canada. Para magamit sa pinakamatalinong paraan ang mga
kontribusyon, ibinigay ng Lupong Tagapamahala sa sangay sa Canada ang pagsusuplay ng Ang Bantayan at Gumising! sa lahat ng kongregasyon sa Bermuda, Guyana, Canada, Estados Unidos, at sa karamihan sa mga isla ng Caribbean. Kaya sa pagsisimula ng 2011 taon ng paglilingkod, dumami nang 12 ulit ang produksiyon ng magasin ng Canada. Sa ngayon, ang Canada ay nag-iimprenta ng mga magasin sa 30 wika, na sa kabuuan ay halos 25 porsiyento ng lahat ng magasing iniimprenta sa buong daigdig.Binuksan sa Publiko ang Sangay sa Finland. Sa pahintulot ng Lupong Tagapamahala, inorganisa ang isang espesyal na kampanya na nagtatampok sa mga Saksi ni Jehova at sa mensaheng isang siglo na nilang ipinangangaral sa Finland. Puspusang ipinamahagi ng mga kapatid ang Agosto 2010 na isyu ng Gumising! na may seryeng “Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila?” Bilang resulta, marami ang nakipag-usap tungkol sa ating gawain. At noong magtatapos ang Agosto, binuksan sa publiko ang tanggapang pansangay. Nakibahagi ang buong pamilyang Bethel sa pagpapaliwanag sa mga bisita tungkol sa ating gawain. May mga eksibit. Ang ilang Bethelite ay nagsuot ng makalumang damit at ng mga sandwich-sign na ginagamit sa pag-aanyaya sa mga pahayag pangmadla noong dekada ng 1940 at 1950. May mga departamento na naghanda naman ng subenir para sa mga bisita. Mga 1,500 ang dumating. Kasunod nito, naglabas ng mga positibong ulat ang mga pahayagan, radyo, at TV tungkol sa ating gawain.
Gulo sa Côte d’Ivoire. Napakaganda ng pasimula ng 2011 taon ng paglilingkod, gaya ng makikita sa 23,019 na pag-aaral sa Bibliya na idinaraos ng 8,656 na mamamahayag. Pero noong magtatapos ang Nobyembre
2010, nagkagulo ang bansa dahil sa mainit na eleksiyon sa pagkapangulo. Pagtuntong ng Marso hanggang Abril 2011, umabot na ang labanan sa Abidjan, ang sentro ng komersiyo, at napakaraming sibilyan ang lumikas mula sa lunsod at maging sa bansa, kabilang na ang ating mga kapatid. Lumikas sila at naglakad; iniwan ang kani-kanilang bahay at ari-arian.Sa mahirap na kalagayang ito, nanatiling neutral ang ating mga kapatid at naging proteksiyon iyon sa kanila. Minsan, pinasok ng mga sundalo ang isang mababang paaralan habang nagseseminar ang mga guro at mga counselor. Ang lahat ay inutusang dumapa at ibigay ang kanilang mga gamit. Nang ibigay ng isang brother ang preaching bag niya na puno ng ating publikasyon, nakilala agad ng mga sundalo na isa siyang Saksi ni Jehova. Isinauli ng mga ito ang bag, pati na ang pera at cellphone ng brother, at sinabi: “Hindi namin kayo kalaban.”
MGA SANGAY NA INIALAY—LUMULUWALHATI SA DIYOS
Noong Disyembre 18, 2006, nagsimula ang konstruksiyon ng karagdagang dalawang-palapag na opisina, tatlong-palapag na residence building, at isang malaking warehouse sa sangay sa Chile. Oktubre 16, 2010 nang bigkasin sa Kastila ng miyembro ng Lupong Tagapamahala na si David Splane ang pahayag sa pag-aalay na napakinggan ng 5,501.
Pebrero 19, 2011 nang ialay ang pinalakihang country office sa Burkina Faso na dinaluhan ng 210. Si John Kikot mula sa punong-tanggapan ang nagbigay ng pahayag. Ang gawain dito ay dating pinangangasiwaan ng sangay sa Côte d’Ivoire, pero noong
Mayo 2011, inilipat na ito sa pangangasiwa ng sangay sa Benin. Nagdulot ng kapurihan kay Jehova ang mainam na paggawi ng mga boluntaryo sa konstruksiyon. “Walang nagsisigawan,” ang sabi ng isang empleado ng malaking kompanyang nagsusuplay ng materyales. “Ngayon lang kami nagkaroon ng mga kliyenteng ganito kababait at kasasayang magtrabaho.”Masayang-masaya ang lahat nang ialay ang mga bagong pasilidad ng sangay sa Hong Kong noong Agosto 27, 2011. Ang mga opisina ay nasa ika-19 na palapag ng isang 37-palapag na gusali; tanaw mula rito ang Victoria Harbor. (Tingnan ang arrow sa ibaba.) Si Stephen Lett ng Lupong Tagapamahala ang nagpahayag para sa pag-aalay, at napakasaya ng 290 tagapakinig na nasa dining room, mga opisina, at shipping area. Tamang-tama ang bagong opisina para sa mga departamento ng Translation, Service, Audio/Video, Purchasing, Shipping, at Accounting.
MGA LEGAL NA USAPIN
May matibay na dahilan ang tapat na propetang si Jeremias para magtiwalang hindi siya pababayaan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. “Tiyak na makikipaglaban sila sa iyo,” ang sabi ni Jehova, “ngunit hindi sila mananaig sa iyo. Sapagkat ako ay sumasaiyo, upang iligtas ka at upang hanguin ka.” (Jer. 15:20) Gaya ng ipinakikita ng sumusunod na ulat, damang-dama rin ng mga lingkod ni Jehova ngayon ang kaniyang patnubay at suporta habang ginagampanan ang atas na mangaral sa kabila ng mga pagsalansang.—Mat. 24:9; 28:19, 20.
Armenia Si Vahan Bayatyan ay nasentensiyahang mabilanggo nang dalawa’t kalahating taon dahil sa paninindigang hindi magserbisyo sa militar. Matapos matalo ang kaniyang kaso at mga pag-apela sa mga korte sa Armenia, iniakyat ito sa European Court of Human Rights (ECHR). Noong Oktubre 27, 2009, pitong mahistrado ng ECHR ang pumabor sa Armenia at hindi kay Brother Bayatyan. Pero ayon sa hukom na tutol sa desisyon ng ECHR, ang pasiya ay “hindi kaayon ng kasalukuyang pamantayan ng Europa may kinalaman sa pagtangging magserbisyo sa militar dahil sa relihiyosong paniniwala.” Dahil napakahalaga ng isyung ito, pumayag ang ECHR na iakyat ang kaso sa Grand Chamber nito, na binubuo ng 17 hukom.
Noong Hulyo 7, 2011, nagbaba ng hatol ang Grand Chamber; 16 sa 17 hukom ang sumang-ayon na nilabag ng Armenia ang karapatan ni Brother Bayatyan na sundin ang kaniyang budhi. Ayon sa Korte, “hindi mapag-aalinlanganan na ang pagtanggi ng aplikante na magserbisyo sa militar ay udyok ng kaniyang relihiyosong paniniwala, na taimtim niyang sinusunod at lubhang salungat sa kaniyang obligasyong mag-ukol ng serbisyo sa militar.” Ang napakahalagang desisyong ito ay inaasahang aakay sa paglaya ng 69 pang brother na nakabilanggo sa Armenia, gayundin ng ating mga kapatid sa Azerbaijan at Turkey na may ganito ring kaso.Bulgaria Noong Abril 17, 2011, mahigit 100 katao, kabilang ang mga babae, bata, at may-edad, ang mapayapang nagtitipon para sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa isang Kingdom Hall sa Burgas. Mga 60 kalalakihan ang nasa labas at galít na galít habang pinupukol ng malalaking bato ang mga Saksi sa may pintuan. Tinangka nilang pasukin ang Kingdom Hall, pero
humarang ang mga brother. Tinawagan ang mga pulis, pero mabagal ang pagresponde ng mga ito. Maraming Saksi ang nasugatan, at lima ang dinala sa ospital. Sa kabila nito, itinuloy ng kongregasyon ang paggunita sa Memoryal. Nakapagtataka ang pag-atakeng iyon dahil malaki ang respeto ng mga taga-Bulgaria sa mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, marami ang nakisimpatiya sa mga Saksi sa insidenteng ito. Hiniling ng Lupong Tagapamahala sa 13 sangay na itawag-pansin ang insidenteng ito sa mga embahada ng Bulgaria sa kani-kanilang bansa. Mula noon, kinondena ng gobyerno ng Bulgaria ang pag-atakeng iyon at kinasuhan ng lokal na pamahalaan ang walo sa mga gumawa nito.South Korea Mahigit 800 Saksi ni Jehova ang nakakulong pa rin sa South Korea dahil sa pagtangging magserbisyo sa militar. Mula noong 1950, mahigit nang 16,000 Saksi ni Jehova na tumangging magserbisyo sa militar ang nasentensiyahang mabilanggo nang mahigit 31,000 taon. Bakit gayon na lang katatag ang paninindigan ng napakaraming kabataang ito?
Bawat kabataang lalaki na tumatangging magserbisyo sa militar ay nagpapasiya ayon sa sinasabi ng kaniyang budhi. Halimbawa, noong nililitis si Kim Ji-Gwan, sinabi niya: “Kumbinsido ako sa turo ng Bibliya na ‘ang mga tao ay hindi na mag-aaral ng pakikipagdigma’ at na dapat mong ‘ibigin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Natutuhan ko rin na sa tulong ng pag-ibig na nakasalig sa simulain, magagawa nating ibigin ang ating mga kaaway. Batay rito at sa iba pang mga teksto sa Bibliya at sa aking matatag na kombiksiyon, nagpasiya akong tumangging magserbisyo sa militar.”—Isa. 2:4; Mat. 5:43, 44; 22:36-39.
Sa kasalukuyan, walang ibinibigay na alternatibong serbisyong pansibilyan ang South Korea para
sa mga kabataang lalaki. Sa pagsisikap na malutas ang isyung ito, sampung kaso ang iniapela sa Constitutional Court ng Korea. Noong Nobyembre 11, 2010, dininig ng korte ang mga oral argument, pati na ang usapin kung paglabag ba sa karapatan ng mga mamamayan ng Korea ang hindi nito pagbibigay ng alternatibo para sa mga tumatangging magserbisyo sa militar.Samantala, ayon sa desisyon ng United Nations Human Rights Committee (UNHRC) noong Marso 24, 2011, nilabag ng South Korea ang pamantayan ng karapatang pantao na kinikilala sa buong daigdig nang ibilanggo nito ang 100 kalalakihan na tumangging maglingkod sa militar, na pawang mga Saksi ni Jehova. (Ang 100 brother na ito ay umapela sa UNHRC.) Bukod dito, ang desisyon ng Grand Chamber ng ECHR na pabor kay Brother Bayatyan (tingnan ang ulat ng Armenia sa pahina 34-35) ay isinumite sa Constitutional Court ng Korea upang maisaalang-alang sa pagpapasiya sa iniapelang sampung kaso na pinag-isa. Gayunman, binale-wala ng Constitutional Court ang mga desisyon ng UNHRC, at noong Agosto 30, 2011, ipinatupad pa rin nito ang Military Service Law, kaya patuloy ang pagbibilanggo sa mga tumatangging magserbisyo sa militar. Dahil may pagkakasalungatan ang Military Service Law at ang pagkilala ng konstitusyon sa kalayaang sundin ang budhi, dalawa sa siyam na hukom ang hindi pumabor sa desisyon at nanindigang kailangan ng isang sistema ng alternatibong serbisyong pansibilyan.
Turkey Noong Hulyo 31, 2007, napakasaya ng ating mga kapatid sa bansang ito nang legal silang kilalanin bilang isang relihiyosong organisasyon. Bagaman may mga hamon pa rin dahil sa isyu ng neutralidad at paggamit ng mga Kingdom Hall, patuloy na sumusulong ang gawain dito. Noong Abril 26, 2011,
naglabas ang Ministry of National Education for the Turkish Republic ng opisyal na direktibang nagsasaad na ‘hindi obligado ang mga estudyanteng Saksi ni Jehova na maging presente sa mga klaseng may kinalaman sa relihiyon.’ Nangatuwiran ito na “bagaman hindi naniniwala ang mga Saksi ni Jehova sa karaniwang paniniwala ng mga Kristiyano—ang mga Saksi ni Jehova ay isang Kristiyanong relihiyon.” Magandang balita ito para sa mga kabataang Saksi na ibinabagsak sa klase dahil sa mga asignaturang panrelihiyon.Estados Unidos Noong Mayo 2011, nagbaba ang Kansas Court of Appeals ng desisyon pabor kay Mary D. Stinemetz sa kasong Mary D. Stinemetz v. Kansas Health Policy Authority. Ayon sa korte, ang pagtanggi ng Kansas na payagan si Sister Stinemetz na magpaopera nang walang pagsasalin ng dugo sa labas ng estado ng Kansas
ay paglabag sa kaniyang karapatan na ipinagkakaloob ng konstitusyon ng bansa at ng estado. Dahil ang uri ng pag-oopera nang walang dugo na kailangan ng sister ay hindi ginagawa sa Kansas, ipinag-utos ng korte na payagan ng estado ang sister na magpaopera sa labas ng estado ng Kansas. Ang tagumpay na ito ay makakatulong din sa iba pang mga mamamahayag sa Estados Unidos na tumatanggap ng health care na pinopondohan ng gobyerno.Noong Agosto 10, 2011, nagdesisyon ang Korte Suprema ng Kansas na ipagkaloob kay Monica McGlory, isang Saksi ni Jehova, ang kustodiya sa kaniyang anak na lalaki. Bago nito, kinukuha ng ama ang kustodiya sa anak at inaangking hindi dapat ibigay ang bata kay Sister McGlory dahil (1) hindi ito papayag sa pagsasalin ng dugo, (2) isinasama nito ang bata sa pangangaral sa bahay-bahay, at (3) inihihiwalay nito diumano ang bata sa kaniyang ama at sa komunidad sa pamamagitan ng pagtuturo dito ng tungkol sa Armagedon.
Ginawang saligan ng Korte Suprema ng Kansas ang mga konstitusyonal na simulaing binuo noong 1957. Ayon sa simulaing iyon: “Ang kalayaan sa relihiyon, na ginagarantiyahan ng ating konstitusyon, ay dapat na laging ipatupad, at ang pagtuturo ng mga relihiyosong paniniwala sa mga anak ay hindi dapat gawing basehan ng korte sa pagpapasiya tungkol sa kustodiya ng bata.” May kinalaman naman sa pagsasalin ng dugo, sinabi ng korte: “Hindi kami puwedeng magdesisyon sa mga kaso [ng kustodiya] na batay lamang sa inaakalang mangyayaring aksidente o sakit na maaaring mangailangan [ng pagsasalin ng dugo].”
France Noong Hunyo 30, 2011, marami ang nagsaya nang maglabas ang ECHR ng desisyon pabor sa Association of Jehovah’s Witnesses ng France. Ito ang
kinalabasan ng 15-taóng legal na usapin bunsod ng sobrang taas at kontrobersiyal na 60 porsiyentong buwis na ipinataw sa mga donasyong natatanggap ng sangay. Tanging mga Saksi ni Jehova lamang ang malaking relihiyosong organisasyon na pinatawan ng buwis sa ganitong paraan. Sa kabuuan, inoobliga ng pamahalaan ng France na magbayad ang mga Saksi ni Jehova ng 58 milyong euro (mahigit $82,000,000 U.S.), higit pa sa kabuuang halaga ng pag-aari ng asosasyon. Nang ayunan ng pinakamababa hanggang sa pinakamataas na hukuman sa France ang pagpapataw ng buwis, iniapela ang kaso sa ECHR noong Pebrero 2005.Noong Hunyo 30, 2011, lahat ng pitong hukom ng ECHR ay nagsabing kung ipapatupad ang gustong mangyari ng France, mahahadlangan ang kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi ni Jehova. Nilinaw ng Korte na ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova ay saklaw ng proteksiyong iginagawad ng European Convention on Human Rights. Ang mahalagang tagumpay na ito ay magsisilbing pamarisan sa ating pakikipaglaban para sa kalayaan sa pagsamba sa iba pang lupaing nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng ECHR gaya ng Armenia, Bulgaria, Georgia, at Russia. Kapansin-pansin din na sa kauna-unahang pagkakataon, nasumpungang nagkasala ang pamahalaan ng France ng paglabag sa probisyon ng European Convention hinggil sa kalayaan sa relihiyon. Hindi na umapela ang gobyerno ng France.
Russia Noong Hunyo 10, 2010, nanalo ang mga Saksi ni Jehova sa kasong Jehovah’s Witnesses of Moscow v. Russia, ayon sa desisyon ng ECHR. Bagaman humiling ang Russia na maidulog ang kaso sa Grand Chamber na may 17 hukom, ito ay ibinasura ng Grand Chamber noong Disyembre 13, 2010. Kaya pinal na ang
desisyon noong Hunyo 10 na nagsasaad na obligado ang gobyerno ng Russia na “itigil ang paglabag na nakita ng Korte at iwasto hangga’t maaari ang mga epekto nito.” Pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito sinusunod ng Russia. Sa halip, nakahanap ito ng ibang mga paraan para gipitin at hadlangan ang kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi.Halimbawa, noong umaga ng Agosto 25, 2011, ni-raid ng mga pulis ang mga bahay ng 19 na kapatid sa lunsod ng Taganrog at kinumpiska ang mga literatura, computer, at mga rekord ng kongregasyon. Waring bunsod ito ng naunang desisyon ng Russian Federation Supreme Court, na nagsasabing dapat buwagin ang Taganrog Local Religious Organization of Jehovah’s Witnesses at na ang 34 sa ating mga publikasyon ay dapat ituring na kontra-gobyerno. Alinsunod sa mga desisyon ng mga korte sa Russia, 63 sa ating mga publikasyon ang inilagay ng gobyerno sa Federal List of Extremist Materials.
Bukod diyan, ang ating mga kapatid ay naging biktima ng di-kukulangin sa 950 pangre-raid, pagsalakay, pag-aresto, at pagkakulong. Nagsampa ang mga awtoridad ng Russia ng 11 kasong kriminal laban sa ating mga kapatid, at maraming Kingdom Hall ang sinira. Ang mga awtoridad ay naglagay pa nga ng mga surveillance camera sa bahay ng hindi lang iisang pamilya, nag-tap sa mga linya ng telepono, at nag-monitor ng mga e-mail account ng maraming kapatid para makapag-imbento ng maikakasong paglabag sa anti-extremism law.
Isa sa mga gawa-gawang kaso na isinampa ay laban sa 35-anyos na si Aleksandr Kalistratov, mula sa lunsod ng Gorno-Altaysk. Inakusahan siya ng “panunulsol ng pagkakapootan o alitan dahil sa relihiyon” sa bisa ng isang anti-extremism law na malawakang binabatikos ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao. Sa panahon ng paglilitis, mula Oktubre 7, 2010 hanggang Marso 18, 2011, wala ni isa sa 71 testigo ang nakapagpatunay na may ginawang krimen—o motibo man lang sa paggawa ng krimen—si Aleksandr. Pinag-aralang mabuti ng korte ang mga literatura at turo ng mga Saksi ni Jehova, at noong Abril 14, 2011, nasumpungang walang sala ang nasasakdal. Pero umapela ang tagausig, at noong Mayo 26, 2011, nagdesisyon ang Korte Suprema ng Altay Republic na ibalik ang kaso sa mababang hukuman para sa panibagong pagdinig ng isang bagong hukom. Kaya ang napawalang-salang si Brother Kalistratov ay haharap na naman sa panibagong mga paglilitis na maaari pa ring magsakdal sa kaniya bilang ekstremista.
Gaya ng inaasahan, ang ganitong kaso na nagbibigay ng impresyong mapanganib ang ating gawain ay lumikha ng kontrobersiya sa maliit na lunsod ng Gorno-Altaysk.
Paano hinarap ng mga kapatid, na nanganganib ding makasuhan, ang ganitong mga kalagayan?“Sa mga panahong ito, lalo kong napapahalagahan ang Bibliya,” ang sabi ng sister na si Inna. “Mas naging pamilya ang turing ko sa mga kapatid, at lalo akong napalapít kay Jehova!” Bagaman ilan sa mga publikasyon natin ay ipinagbawal, maraming napasimulang pag-aaral gamit lamang ang Bibliya. Dumami nang 24 na porsiyento ang mga mamamahayag sa Altay Republic, at tumaas nang 33 porsiyento ang oras na ginugugol nila sa ministeryo. Mas mataas nang 16 na porsiyento ang bilang ng dumalo sa Memoryal kaysa sa sinundang taon, doble ng bilang ng mamamahayag sa Altay Republic!
Samantala, 13 bagong kaso ang idinulog sa ECHR ng mga Saksi ni Jehova sa Russia laban sa pamahalaan ng Russia. Isa sa mga ito ang pag-apela sa Disyembre 8, 2009, na desisyon ng Korte Suprema, at ang isa pa ay laban sa desisyon ng Korte Suprema ng Altay Republic na nagdeklara sa 18 sa ating mga publikasyon bilang ekstremista.
[Talababa]
a Sa 49 na kaso ng mga Saksi ni Jehova na dininig ng ECHR mula noong 1965, dalawa lang ang hindi kinatigan ng Korte. Pero ang isa sa dalawang pagkatalong ito ay nabaligtad kamakailan nang maipanalo ang kaso ni Brother Bayatyan.
[Blurb sa pahina 14]
“Nasusulat sa mga Propeta, ‘At silang lahat ay magiging mga naturuan ni Jehova’”
[Blurb sa pahina 25]
“Kulang ang salitang ‘salamat’ para ipahayag ang nararamdaman ko”
[Kahon sa pahina 12]
Mga Komento Tungkol sa Pag-o-auxiliary Pioneer:
• “Ngayon lang ako nakapag-auxiliary pioneer sa buong buhay ko. Hindi ko maipaliwanag kung gaano ako kasaya na mabigyan ng ganitong pagkakataon!”
• “Maraming salamat sa bagong kaayusang ito. Napakasaya namin dahil dito.”
• “Hindi ito malilimutan ng kongregasyon namin.”
• “Nakatulong sa kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon ang pagkakaroon ng maraming auxiliary pioneer.”
• “Malapit na siguro ang Armagedon!”—Mula sa isang di-Saksi na nakapansin sa pinag-ibayong gawain noong Abril.
[Kahon sa pahina 43]
“HIHIYAW NANG MAY KAGALAKAN”
ANG sanlibutang ito ay nakakaranas ng tumitinding kaabahan sa kamay ng nagngangalit na si Satanas. (Apoc. 12:12) Pero ang mga lingkod ni Jehova ay ‘humihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.’ (Isa. 65:13, 14) Patuloy nilang hinihimok ang mas maraming tao na sambahin ang tunay na Diyos, dahil alam nilang “ang lahat ng nanganganlong [kay Jehova] ay magsasaya; hanggang sa panahong walang takda ay hihiyaw sila nang may kagalakan.”—Awit 5:11.
[Chart/Graph sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MAKUKUHA SA 106 NA WIKA
Kumpletong Bagong Kristiyanong Griegong
Sanlibutang Salin: 62 Kasulatan: 44
Afrikaans American Sign Language
Albanian Amharic
Arabic Azerbaijani
Armenian Azerbaijani (Cyrillic)
Bulgarian Brazilian Sign Language
Cebuano Cambodian
Chichewa Chitonga
Chinese (Simplified) Colombian Sign Language
Chinese (Traditional) Estonian
Cibemba Ewe
Croatian Fijian
Czech Gun
Danish Haitian Creole
Dutch Hiligaynon
Efik Hindi
English Hiri Motu
Finnish Italian Sign Language
French Kannada
Georgian Kazakh
German Kikaonde
Greek Kiribati
Hungarian Latvian
Igbo Lithuanian
Iloko Luganda
Indonesian Luvale
Italian Malayalam
Japanese Mexican Sign Language
Kinyarwanda Myanmar
Kirghiz Nepali
Kirundi Pangasinan
Korean Papiamento (Curaçao)
Lingala Punjabi
Macedonian Russian Sign Language
Malagasy Sango
Maltese Silozi
Norwegian Sranantongo
Ossetian Tamil
Polish Thai
Portuguese Tok Pisin
Romanian Tongan
Russian Tumbuka
Samoan Ukrainian
Sepedi Uzbek
Serbian Vietnamese
Serbian (Roman)
Sesotho
Shona
Sinhala
Slovak
Slovenian
Spanish
Swahili
Swedish
Tagalog
Tsonga
Tswana
Turkish
Twi (Akuapem)
Twi (Asante)
Xhosa
Yoruba
Zulu
[Graph]
◀ 76% ◁ 24%
Pagsapit ng 2011, mga 76 na porsiyento na ng populasyon ng daigdig ang may “Bagong Sanlibutang Salin” (kumpleto o bahagi nito) sa sarili nilang wika
110
100
90
80
70
60
50
40
30
20
10
0
1950 1955 1960 1965 1970 1975 1980 1985 1990 1995 2000 2005 2010
[Graph sa pahina 8]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Sa buong daigdig, 2,657,377 mamamahayag ang nag-auxiliary pioneer
2.5 (MILYON)
2.0
1.5
1.0
0.5
0
2008 2009 2010 2011
[Mapa sa pahina 35]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ESTADOS UNIDOS
FRANCE
BULGARIA
TURKEY
ARMENIA
AZERBAIJAN
RUSSIA
SOUTH KOREA
[Larawan sa pahina 6]
Itaas: Dinadala ng mga payunir at mamamahayag ang kanilang mga Bible study sa bahay ni Jeannette. (Tingnan ang pahina 8-9)
[Larawan sa pahina 7]
Mga regular at auxiliary pioneer sa Madrid, Espanya, na papunta sa larangan
[Larawan sa pahina 10]
Si Toshi habang nagpapatotoo sa nursing home
[Larawan sa pahina 11]
Si Alejandro at ang tatay niya sa Sant Celoni, Barcelona, Espanya, noong huling araw ng buwan
[Larawan sa pahina 13]
Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, E.U.A.
[Larawan sa pahina 18]
Kingdom Hall sa Rikuzentakata, Japan
[Larawan sa pahina 22]
Itaas: Mga boluntaryong naghahawan sa bahay ng isang kapatid sa Shibata, Miyagi
[Larawan sa pahina 22]
Kaliwa: Isang miyembro ng Komite ng Sangay habang nagbibigay ng pahayag sa bahay ng isang kapatid sa Rikuzentakata
[Larawan sa pahina 22]
Ibaba: Mga boluntaryong naghahanda ng pananghalian para sa mga dumalo sa special assembly sa isang apektadong lugar
[Larawan sa pahina 24]
Salin sa wikang Lithuanian at Latvian
[Mga larawan sa pahina 31]
Markang nagsasaad ng isang makasaysayang pangyayari sa Yankee Stadium, New York, E.U.A.
[Larawan sa pahina 32]
Mga manggagawa sa konstruksiyon ng country office sa Burkina Faso
[Larawan sa pahina 32]
Country office sa Burkina Faso
[Larawan sa pahina 32]
Sangay sa Chile
[Mga larawan sa pahina 33]
Mga bagong pasilidad ng sangay sa Hong Kong
[Larawan sa pahina 34]
European Court of Human Rights, sa Strasbourg, France
[Mga larawan sa pahina 38]
Mga estudyante hawak ang kani-kaniyang report card. Masaya sila dahil hindi na sila kailangang pumasok sa mga klaseng may kinalaman sa relihiyon
[Larawan sa pahina 41]
Mga Saksing nangangaral sa Gorno-Altaysk, Republic of Altay