100 Taon Na ang Nakalilipas—1913
100 Taon Na ang Nakalilipas—1913
SA Enero 1, 1913 na isyu ng The Watch Tower, sinipi ang pananalita ng Amerikanong mamamahayag na si Herbert Kaufman: “Wala nang imposible ngayon . . . Halos lahat ng pangarap noon, natutupad na ngayon.” Ganiyan ang pananaw ng maraming tao noon. Malaki ang pag-asa nilang magiging maganda ang kanilang kinabukasan sa pagpasok ng 1913.
Isang dahilan kung bakit ganito kapositibo ang mga tao ay ang modernong teknolohiya. Halimbawa, sa Estados Unidos, nagbukas ng bagong pabrika ang Ford Motor Company sa Highland Park, Michigan. Sa isang iglap, bumagsak ang presyo ng kotse kaya milyun-milyon na ang puwedeng makabili nito. Paano nangyari ang bagsak-presyong ito? Bumuo ng assembly line ang bagong pabrika. Dahil sa bagong teknolohiyang ito, nabubuo ng Ford ang sikat na kotse nitong Model T sa loob lang ng maikling panahon, kaya naging menos-gastos ang produksiyon nito.
Positibo rin ang bayan ng Diyos, pero may ibang dahilan. Matagal nang inihahayag ng mga Estudyante ng Bibliya na magiging makasaysayan ang taóng 1914. Sabik na sabik na sila sa pagdating nito at kitang-kita sa sigasig nila sa gawain na hindi sila titigil habang papalapit ang taóng iyon.
Noong Hunyo 1913, isang serye ng mga kombensiyon ang isinaayos; nagsimula ito sa isang-araw na kombensiyon sa Kansas City, Missouri, E.U.A. Sa sumunod na apat na linggo, isang arkiladong tren, na may sakay na mahigit 200 kapatid, ang tumawid sa kanluran ng Estados Unidos at Canada. Sa bawat kombensiyon, binibigyan ng pagkakataon ang mga baguhang dumalo na humingi ng karagdagang impormasyon. Libu-libo ang tumugon, at nang maglaon, kinontak ng mga Estudyante ng Bibliya ang mga interesado.
Noong 1913, abalang-abala ang punong-tanggapan sa Brooklyn sa produksiyon ng “Photo-Drama of Creation.” Isa itong walong-oras na programa ng nakarekord na mga pahayag at makukulay na slide at pelikula na sinaliwan ng musika. Gusto ng mga Estudyante ng Bibliya na mapanood ng milyun-milyong interesado ang “Photo-Drama.” Bagaman mga 5,100 lang noon ang aktibong mamamahayag ng mabuting balita, layunin nilang ang programa ay “mapanood sa buong mundo hangga’t maaari.”
Ano ang magaganap pagsapit ng 1914? Ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga tao sa “Photo-Drama”? Ano ang mangyayari pagdating ng taglagas, sa pagwawakas ng Panahong Gentil? Habang sabik na hinihintay ng mga Estudyante ng Bibliya ang sagot sa mga tanong na ito, kumpiyansa silang tutulungan sila ni Jehova.
Dahil sa napipintong Malaking Digmaan, na tinawag nang maglaon bilang Digmaang Pandaigdig I, guguho ang pag-asa ng mga tao. Hindi malulutas ng pagsulong sa teknolohiya ang mga problemang nararanasan ng mga tao. Malaki ang magbabago sa susunod na taon para sa mga Estudyante ng Bibliya—at para sa buong daigdig.
[Larawan sa pahina 174, 175]
Ang Transcontinental Tour ni Pastor Russell at ng mga International Bible Student sa Hot Springs, Arkansas, Hunyo 4, 1913
[Larawan sa pahina 174]
[Chart sa pahina 177]
Mga Kombensiyon Noong 1913
Sa Estados Unidos
Pertle Springs, Mo. Hunyo 1-8
Hot Springs, Ark. Hunyo 1-8
Los Angeles, Calif. Hunyo 11-15
San Francisco, Calif. Hunyo 14-16
Madison, Wis. Hunyo 29–Hulyo 6
Springfield, Mass. Hulyo 13-20
Asheville, N.C. Hulyo 20-27
Internasyonal
Toronto, Canada Hulyo 20-27
London, England Agosto 1-4
Glasgow, Scotland Agosto 23-24
[Larawan]
Isang postcard: Transcontinental Tour ni Pastor Russel