SIERRA LEONE AT GUINEA
“Hindi Ka Aabutin Nang Isang Taon”
Zachaeus Martyn
-
ISINILANG 1880
-
NABAUTISMUHAN 1942
-
Nagsimulang magpayunir noong 72 anyos siya.
WALANG nag-Bible study kay Zachaeus. Pero matapos basahin ang mga aklat na Salvation at The Harp of God, alam niyang natagpuan na niya ang katotohanan.
Isang umaga ng Linggo noong 1941, dumalo sa unang pagkakataon si Zachaeus sa pulong ng mga Saksi, na walong kilometro ang layo at sa ibaba ng matarik na bundok. Dahil hindi niya alam kung anong oras magsisimula ang pulong, napaagá siya nang ilang oras. Umupo si Zachaeus at naghintay sa pagdating ng mga kapatid. Pagkatapos dumalo nang tatlong beses sa mga pulong sa Kingdom Hall tuwing Linggo, sinabi niya sa Anglican Church sa lugar nila na alisin na siya sa listahan ng mga miyembro nito.
Isang malapít na kaibigan, na kaugnay rin ng simbahang iyon, ang nagsabi sa kaniya, “Hoy tanda, kung patuloy kang aakyat-manaog nang walong kilometro sa bundok na iyan para pumunta sa bulwagan ng mga taong iyon, hindi ka aabutin nang isang taon.” Pinapanood niya si Zachaeus sa pag-akyat-manaog sa bundok, dalawang beses sa isang linggo sa loob ng limang taon. Pagkatapos, namatay ang kaibigang ito! Pagkaraan ng 25 taon, malakas pa rin si Zachaeus.
Tapat na naglingkod si Zachaeus kay Jehova hanggang sa kaniyang kamatayan sa edad na 97.