Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

1991-2001 Isang “Hurno ng Kapighatian.”—Isa. 48:10 (Bahagi 1)

1991-2001 Isang “Hurno ng Kapighatian.”—Isa. 48:10 (Bahagi 1)

Digmaang Sibil

Noong dekada ’80, nagkaroon ng kaguluhan sa buong Kanlurang Aprika dahil sa mga problema sa lipunan, pulitika, at ekonomiya. Nang magkaroon ng digmaan sa kalapít-bansang Liberia, marami ang lumikas sa Sierra Leone. Isinaayos ng sangay na sa mga bahay at mga Kingdom Hall muna tumuloy ang mga lumikas na Saksi, at inasikaso silang mabuti ng mga kapatid.

Kahit mahirap ang sitwasyon ng mga lumikas, mayroon pa ring nakakatuwang mga pangyayari. Ikinuwento ni Isolde Lorenz, matagal nang misyonero: “Isang bata ang inutusan ng kaniyang tatay na mag-init ng pagkain sa isang apuyan sa hardin sa likuran ng Kingdom Hall, na sakop ng lote ng sangay. Pagbalik ng bata, sinabi niya sa kaniyang tatay na wala na silang pagkain sa araw na iyon. Itinanong ng tatay kung bakit. ‘Kasi po,’ ang sabi ng anak, ‘iniligtas ako ni Jehova sa bibig ng leon!’ Ano’ng nangyari? Pabalik na ang bata nang makasalubong niya si Lobo, ang malaki pero maamong German shepherd ng sangay. Takot na takot ang bata. Habang tangan ng bata ang plato ng pagkain, iniunat niya nang husto ang kaniyang mga braso para sana itaboy ang aso. Pero akala naman ni Lobo, inaalok siya ng pagkain. Kaya kinain ni Lobo ang pagkain!”

Noong Marso 23, 1991, ang kaguluhan sa Liberia ay umabot sa Sierra Leone, na naging pasimula ng 11-taóng digmaang sibil. Ang rebeldeng grupo na tinatawag na Revolutionary United Front (RUF) ay mabilis na umabante sa Kailahun at Koindu, kaya lumikas sa Guinea ang mga tagaroon. Kasama sa mga lumikas ang mga 120 kapatid. Samantala, may ilang Saksi sa Liberia na lumikas sa Sierra Leone noong hindi pa nakakarating doon ang mga rebelde.

“Sa loob ng ilang buwan, grupu-grupo ng pagód, payat, at gutóm na mga kapatid ang dumarating sa Bethel sa Freetown,” ang sabi ni Billie Cowan, ang koordineytor ng Komite ng Sangay nang panahong iyon. “Marami sa kanila ang nakasaksi sa kahindik-hindik na mga pangyayari at kumain lang ng ligaw na mga halaman para hindi mamatay sa gutom. Binigyan namin sila agad ng pagkain at damit at inasikaso rin namin ang mga kamag-anak at interesadong kasama nila. Ang lokal na mga kapatid ay mabait sa mga lumikas at pinatuloy nila ang mga ito sa kanilang bahay. Ang mga Saksing lumikas naman ay naging abala rin agad sa paglilingkod sa larangan kasama ng mga lokal na kongregasyon. Nang maglaon, karamihan sa kanila ay nakarekober din mula sa mga pangyayari. Pero noong narito sila, napatibay nila kami!”

Ang Sierra Leone ay dumanas ng 11-taóng digmaang sibil

Pagbabahagi ng Kaaliwan at Pag-asa

Ang mga Saksi sa mga kampo ng mga lumikas sa timugang Guinea ay pinadalhan ng tanggapang pansangay ng pagkain, gamot, materyales sa pagtatayo, kubyertos, at iba pang mga kagamitan. Kasama riyan ang napakaraming damit mula sa Pransiya. “Ang mga anak ko ay sumasayaw, kumakanta, at pumupuri kay Jehova,” ang isinulat ng isang ama. “Mayroon na silang bagong mga damit para sa mga pulong!” Sinabi ng ilang kapatid na ngayon lang sila nagkaroon ng ganito kagagandang damit!

Pero hindi lang materyal na mga bagay ang kailangan ng mga lumikas. Sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mat. 4:4) Kaya nagpadala ang tanggapang pansangay ng mga literatura sa Bibliya sa rehiyong iyon at nag-organisa ng regular na mga asamblea at kombensiyon. Nagpadala rin sila ng mga payunir at mga naglalakbay na tagapangasiwa.

Nang dalawin ng tagapangasiwa ng sirkito na si André Baart ang Koundou, Guinea, nakilala niya ang isang opisyal sa kampo at inanyayahan siyang magbigay ng pahayag sa Bibliya para sa mga lumikas. Mga 50 ang nakinig sa pahayag ni André na may paksang “Manganlong kay Jehova,” salig sa Awit 18. Pagkatapos ng pahayag niya, tumayo ang isang may-edad nang babae at nagsalita. “Talagang napasaya mo kami,” ang sabi niya. “Hindi kayang solusyonan ng bigas ang mga problema namin, pero ipinapakita sa Bibliya kung paano kami aasa sa Diyos. Nagpapasalamat kami mula sa kaibuturan ng aming mga puso sa pagbibigay mo sa amin ng kaaliwan at pag-asa.”

Nang atasan ang mga misyonerong sina William at Claudia Slaughter sa Guékédou, Guinea, naging maningas sa espiritu ang kongregasyong binubuo ng mahigit 100 lumikas. (Roma 12:11) “Maraming kabataang brother ang may tunguhin sa espirituwal,” ang sabi ni William. “Kapag mayroong hindi makagaganap ng bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, 10 hanggang 15 kabataang brother ang nagboboluntaryo para pumalit. Malalaking grupo ang masigasig na nangangaral. Ang ilan sa masisigasig na brother na iyon ay naging mga special pioneer at naglalakbay na tagapangasiwa.”

Konstruksiyon sa Kabila ng Kaguluhan

Di-nagtagal nang magsimula ang digmaang sibil, ang mga brother sa Freetown ay bumili ng mahigit kalahating ektarya ng lote sa 133 Wilkinson Road, ilang daang metro lang ang layo sa tanggapang pansangay. “Gusto sana naming magtayo ng tahanang Bethel sa lugar na iyon pero nag-aalala kami sa digmaan,” ang sabi ni Alfred Gunn. “Dumadalaw sa amin noon si Lloyd Barry ng Lupong Tagapamahala kaya binanggit namin sa kaniya ang sitwasyon. Ang sagot niya, ‘Kung hahayaan nating mahadlangan tayo ng mga digmaan, wala tayong matatapos!’ Dahil sa sinabi niya, nagkalakas-loob kaming ituloy ang proyekto.”

Daan-daan ang tumulong sa proyekto, kasama na ang mahigit 50 boluntaryo mula sa 12 bansa at ang mga kapatid mula sa lokal na mga kongregasyon. Nagsimula ang konstruksiyon noong Mayo 1991. “Hanga ang mga nagmamasid sa de-kalibreng mga bloke na ginagawa mismo sa site. Dahil bakal ang balangkas ng istraktura, ibang-iba ito sa mga gusali roon,” ang sabi ni Tom Ball, ang tagapangasiwa sa konstruksiyon. “Pero mas hanga ang mga tao na makitang magkakasama at masayang nagtatrabaho sa proyekto ang mga puting banyaga at itim na tagaroon.”

Noong Abril 19, 1997, iba’t ibang lahi ang masayang nagtipun-tipon para sa pag-aalay ng bagong pasilidad ng sangay. Pagkalipas ng isang buwan, limang taon pagkaraang magsimula ang kaguluhan sa karatig na mga lugar, inatake ng RUF ang Freetown.

Ang konstruksiyon ng sangay sa Freetown; ang sangay ngayon

Paglusob sa Freetown

Libu-libong RUF na magugulo ang buhok at may suot na pulang pamigkis sa ulo ang lumusob sa lunsod. Nagnanakaw sila, nanggagahasa, at pumapatay. “Sobrang tensiyonado ang sitwasyon,” ang sabi ni Alfred Gunn. “Agad na inilikas ang karamihan sa dayuhang misyonero. Pinakahuling lumikas sina Billie at Sandra Cowan, Jimmie at Joyce Holland, at kami ni Catherine.

“Nanalangin kami kasama ng mga Bethelite na tagaroon na nagboluntaryong maiwan, ‘tapos pumunta na kami agad sa evacuation point. Sa daan, pinatigil kami ng mga 20 lasing na rebelde. Binigyan namin sila ng mga magasin at pera kaya pinadaan nila kami. Mahigit 1,000 iba pang lumikas ang nakasama namin sa isang checkpoint na binabantayan ng mga armadong U.S. marine. Mula roon, isinakay kami sa isang helikopter ng militar at dali-daling inilipad patungo sa isang barko ng U.S. Navy. Isang opisyal ng barko ang nagsabi sa amin na kami raw ang pinakamalaking grupo ng mga sibilyang inilikas ng U.S. Navy mula noong Vietnam War. Kinabukasan, sakay ng helikopter, inilipad kami sa Conakry, Guinea. Gumawa kami roon ng pansamantalang tanggapang pansangay.”

Sina Alfred at Catherine Gunn ay kasama sa mga inilikas

Sabik na sabik na makabalita tungkol sa Freetown ang mga misyonero. Sa wakas, isang liham ang dumating: “Sa kabila ng kaguluhan, namamahagi pa rin kami ng Kingdom News Blg. 35, ‘Mag-iibigan Pa Kaya sa Isa’t Isa ang Lahat ng Tao?’ Talagang maganda ang pagtugon ng mga tao, at may ilang rebelde pa ngang nakikipag-aral sa amin. Kaya determinado kaming paigtingin ang gawaing pangangaral.”

Naalala ni Jonathan Mbomah, na naglilingkod noon bilang tagapangasiwa ng sirkito: “Nagdaos pa nga kami ng araw ng pantanging asamblea sa Freetown. Talagang nakapagpapatibay ang programa, kaya dumayo pa ako sa Bo at Kenema para idaos ang programa sa mga lugar na iyon. Ang mga kapatid sa mga bayang apektado ng digmaan ay nagpapasalamat kay Jehova dahil sa kamangha-manghang espirituwal na pagkain.

“Noong huling bahagi ng 1997, nagdaos kami ng pandistritong kombensiyon sa National Stadium sa Freetown. Sa huling araw ng programa, pumasok ang mga rebelde sa istadyum at pinaaalis kami. Nakiusap kami na patapusin na ang programa. Pagkatapos ng mahabang diskusyon, pumayag sila at umalis. Mahigit 1,000 ang dumalo, at 27 ang nabautismuhan. Sinuong pa ng ilang kapatid ang mapanganib na paglalakbay papuntang Bo para mapakinggan ulit ang programa roon. Talagang kapana-panabik ang mga kombensiyong iyon!”