Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

1991-2001 Isang “Hurno ng Kapighatian.”—Isa. 48:10 (Bahagi 2)

1991-2001 Isang “Hurno ng Kapighatian.”—Isa. 48:10 (Bahagi 2)

Nilusob ang Bethel!

Noong Pebrero 1998, ang mga sundalo ng gobyerno at mga tropa mula sa Economic Community of West African States Monitoring Group (ECOMOG) ay naglunsad ng isang malawakang opensiba para paalisin sa Freetown ang mga rebelde. Nakakalungkot, isang brother ang namatay dahil sa tama ng ligáw na shrapnel sa panahon ng matinding bakbakan.

Mga 150 mamamahayag ang nanganlong sa mga missionary home sa Kissy at Cockerill. Sinabi ni Laddie Sandy, isa sa dalawang bantay ng Bethel sa gabi: “Isang hatinggabi, habang naka-duty kami ni Philip Turay, dalawang armadong RUF ang dumating sa Bethel at pilit na pinabubuksan sa amin ang mga salaming pinto ng lobby. Nang magtago kami ni Philip, pinagbabaril nila ang kandado. Buti na lang, hindi ito nasira, at hindi rin nila naisip na barilin ang salamin. Dahil hindi makapasok, umalis sila.

“Pagkaraan ng dalawang gabi, bumalik ang mga rebelde. Ngayon, mga 20 na sila at armado lahat. Inalerto namin agad ang pamilyang Bethel at tumakbo kami sa ginawa naming taguan sa basement. Pito kaming nagtatago sa likod ng dalawang malalaking bariles at nangangatog sa takot. Pinagbabaril nila ang kandado para makapasok sa gusali. ‘Hanapin n’yo ang mga Saksi ni Jehovang ‘yan, at gilitan ng leeg,’ ang sigaw ng isa. Tahimik lang kami roon habang hinahalughog nila ang gusali sa loob ng pitong oras. Pinagsisira nila ang mga gamit at kinukuha ang magustuhan nila. Pagkatapos ay umalis na sila.

“Kinuha lang namin ang personal naming mga gamit at tumakbo na kami sa missionary home sa Cockerill—ang dating tahanang Bethel. Habang papunta roon, ninakawan kami ng isa pang grupo ng mga rebelde. Pagdating namin sa missionary home, nangangatog kami sa takot pero nagpapasalamat na buháy pa rin kami. Pagkalipas ng ilang araw, bumalik kami sa Bethel para maglinis.”

Pagkaraan ng dalawang buwan, nang kontrolado na ng ECOMOG ang lunsod, nagsimulang bumalik ang mga misyonero mula sa Guinea. Ang hindi nila alam, hindi rin sila magtatagal sa Sierra Leone.

Operation: Walang Ititirang Buháy

Pagkaraan ng walong buwan, noong Disyembre 1998, idinaos sa National Stadium sa Freetown ang “Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na Pandistritong Kombensiyon. Habang nasisiyahan ang daan-daang delegado, bigla na lang silang nakarinig ng pagsabog at pumailanlang ang makapal na usok mula sa mga burol. Bumalik ang mga rebelde!

Nang sumunod na mga araw, mas lumala ang sitwasyon sa Freetown. Umupa ang Komite ng Sangay ng isang maliit na eroplano para ilikas papuntang Conakry ang 12 misyonero, 8 dayuhang Bethelite, at 5 boluntaryo sa konstruksiyon. Pagkalipas ng tatlong araw, noong Enero 6, 1999, inilunsad ng puwersa ng mga rebelde ang isang kampanya na tinawag nilang Operation: Walang Ititirang Buháy. Kahindik-hindik na karahasan ang bumalot sa Freetown. Mga 6,000 sibilyan ang minasaker. Walang habas na pinutol ng mga rebelde ang mga binti’t braso ng sinumang makita nila. Kinidnap nila ang daan-daang bata at winasak ang libu-libong gusali.

Isang minamahal na brother, si Edward Toby, ang walang-awang pinatay. Mahigit 200 mamamahayag na na-trauma ang tumuloy sa Bethel o sa missionary home sa Cockerill. Ang iba ay nagtago sa kani-kanilang bahay. Ang mga Saksi namang lumikas sa missionary home sa Kissy, na nasa dulong silangan ng bayan, ay nangangailangan ng mga gamot. Pero napakadelikadong pumunta roon. Sino kaya ang maglalakas-loob na sumuong sa panganib? Agad na nagboluntaryo sina Laddie Sandy at Philip Turay, ang matatapang na bantay ng Bethel sa gabi.

“Napakagulo sa lunsod,” ang sabi ni Philip. “Pinatitigil ng mga rebelde ang mga tao sa mga checkpoint, at saka minamaltrato. Mahigpit ang curfew mula sa kalagitnaan ng hapon hanggang kalagitnaan ng umaga, kaya nahirapan kaming makalusot. Pagkaraan ng dalawang araw, nakarating din kami sa missionary home sa Kissy. Pero huli na ang lahat, ninakaw ang mga gamit at sinunog ang gusali.

“Nang umikot kami sa lugar, nakita namin ang isang brother na si Andrew Caulker. Grabe ang mga sugat niya sa ulo. Iginapos siya ng mga rebelde at paulit-ulit na pinalakol. Buti na lang, hindi siya namatay at nakatakas. Isinugod namin siya sa ospital, at unti-unti siyang nakarekober. Nang maglaon, naglingkod siya bilang regular pioneer.”

(Mula sa kaliwa) Laddie Sandy, Andrew Caulker, at Philip Turay

Ang ibang mga Saksi ay nakaligtas sa kamatayan o pananakit dahil sa kanilang reputasyon sa pagiging neutral. Ikinuwento ng isang brother: “Inutusan kami ng mga rebelde na magsuot ng puting bandana at sumayaw sa lansangan bilang suporta sa kanilang ipinaglalaban. ‘Kung hindi kayo susunod, puputulin namin ang braso o binti n’yo o papatayin namin kayo,’ ang sabi nila. Takot na takot kaming mag-asawa kaya tahimik kaming nanalangin kay Jehova. Nang makita kami ng isang kapitbahay na kasabuwat ng mga rebelde, sinabi nito sa kumander: ‘ “Kaibigan” natin ito. Hindi siya nakikisali sa pulitika, kaya kami na ang sasayaw para sa kaniya.’ Nang pumayag ang kumander at umalis, nagmadali kaming umuwi.”

Nang tila kalmado na ang sitwasyon sa lunsod, muling nagdaos ng mga pulong ang mga kapatid at naglingkod sa larangan. Pero naging maingat sila. Isinusuot ng mga mamamahayag ang kanilang badge card bilang pagkakakilanlan sa mga checkpoint. Natutuhan ng mga kapatid kung paano magpapasimula ng mga pag-uusap hinggil sa Bibliya habang naghihintay sa mahahabang pila sa checkpoint.

Nang nauubos na ang lahat ng pangunahing pangangailangan sa lunsod, ang sangay sa Britanya ay nagpadala ng 200 karton ng relief goods. Lumipad sina Billie Cowan at Alan Jones mula Conakry patungong Freetown para tiyaking makakalusot ang kargamento sa mga dadaanang checkpoint. Nakarating sa Bethel ang kargamento bago ang curfew sa gabi. Si James Koroma ang naghahatid ng mga liham sa Conakry, at pagbalik niya, may dala na siyang mga literatura at iba pang mahahalagang suplay. Ang ilan sa espirituwal na pagkaing ito ay ipinapadala naman sa mga mamamahayag na nasa Bo at Kenema.

Dumating ang relief sa Freetown

Noong Agosto 9, 1999, nagsimulang bumalik sa Freetown ang mga misyonero sa Conakry. Nang sumunod na taon, napaalis ng puwersa ng mga Britano ang mga rebelde sa Freetown. May ilan pa ring mga labanan, pero noong Enero 2002, idineklarang tapós na ang digmaan. Bunga ng 11-taóng digmaang sibil, 50,000 ang namatay, 20,000 ang naging baldado, 300,000 bahay ang nawasak, at 1.2 milyon ang napilitang lumikas.

Kumusta ang organisasyon ni Jehova? Malinaw na pinrotektahan iyon at pinagpala ni Jehova. Sa panahon ng kaguluhan, mga 700 ang nabautismuhan. Daan-daang Saksi ang lumikas, pero ang bilang ng mamamahayag sa Sierra Leone ay tumaas pa nang 50 porsiyento. Sa Guinea, tumaas ang bilang ng mamamahayag nang mahigit 300 porsiyento! Higit sa lahat, nanatiling tapat ang bayan ng Diyos. Sa “hurno ng kapighatian,” nagpakita sila ng di-matitinag na Kristiyanong pagkakaisa at pag-ibig at ‘nagpatuloy nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita.’Isa. 48:10; Gawa 5:42.