Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

1945-1990 “Nagdadala ng Marami Tungo sa Katuwiran.”—Dan. 12:3. (Bahagi 1)

1945-1990 “Nagdadala ng Marami Tungo sa Katuwiran.”—Dan. 12:3. (Bahagi 1)

Dumating ang mga Misyonero

Noong Hunyo 1947, dumating sa Freetown ang tatlong nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead—sina Charles Fitzpatrick, George Richardson, at Hubert Gresham. Sila ang una sa maraming misyonerong ipinadala sa Freetown.

Nakita ng mga misyonero na bagaman masigasig sa pangangaral ang lokal na mga mamamahayag, kailangan nilang maging mas epektibong mga guro. (Mat. 28:20) Kaya sinimulan silang turuan ng mga misyonero kung paano malilinang ang interes ng mga tao at kung paano magdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Itinuro din nila ang pinakabagong mga tagubilin tungkol sa mga pulong ng kongregasyon at teokratikong organisasyon. Isang pangmadlang pulong ang ginanap sa Wilberforce Memorial Hall. Tuwang-tuwa ang mga misyonero dahil 450 ang dumalo! Nang maglaon, sinimulan ng mga misyonero ang lingguhang Magazine Day. Dahil sa pagsasanay na ito, napasigla ang kongregasyon at nabuksan ang daan para sa higit pang pagsulong.

Samantala, hiráp na hiráp sa klima ang mga misyonero. Ganito ang sabi sa isang report ng sangay noong 1948: “Napakatinding pagsubok talaga ang klima sa Sierra Leone. Umaabot nang anim na buwan ang tag-ulan, at napakalakas ng ulan at tuluy-tuloy. Kung minsan, dalawang linggong walang hinto ang ulan. Kapag tag-araw naman, napakainit at napakaalinsangan.” Ang Sierra Leone ay binansagan ng mga Europeong unang nakarating doon bilang libingan ng mga puti. Marami ang nagkakaroon ng malaria, yellow fever, at iba pang sakit sa tropiko. Ang mga misyonero ay isa-isang nagkakasakit at umaalis.

Ikinalungkot ng mga mamamahayag doon ang mga pangyayaring ito. Pero hindi sila sumuko. Sa pagitan ng 1947 at 1952, ang dating 38 mamamahayag ay naging 73. Sa Waterloo, isang bayang malapit sa Freetown, may masisipag na payunir na tumulong sa pagtatatag ng isang bagong kongregasyon. May mga bagong grupo sa pag-aaral na nabuo sa Kissy at Wellington, parehong sa labas ng Freetown. Tila handa na ang Sierra Leone sa pagsulong ng gawain. Paano kaya iyon mangyayari?

Isang Nakapagpapatibay na Pagdalaw

Noong Nobyembre 1952, isang balingkinitang Amerikano na mga 33 anyos ang dumating sa pantalan ng abalang lunsod ng Freetown. Siya si Milton G. Henschel mula sa punong-tanggapan. Naalala niya: “Hanga ako sa kalinisan ng modernong lunsod na ito kumpara sa iba pang mga lunsod sa mundo. . . . Sementado ang mga kalsada, abala ang mga tindahan, bago ang mga sasakyan, at walang-patid ang daloy ng mga tao.”

Naglakad si Brother Henschel hanggang sa missionary home sa Freetown, dalawang bloke mula sa bantog na Cotton Tree. Ipinaalam niya sa nagkakatipong mga kapatid na may darating pang tulong para sa Sierra Leone. Nang sumunod na Linggo, 253 ang nagtipon sa Wilberforce Memorial Hall para pakinggan ang kapana-panabik niyang mga iaanunsiyo: Ang Sierra Leone ay magkakaroon na ng sariling tanggapang pansangay, tagapangasiwa ng sirkito, at mga pansirkitong asamblea; isang bagong kongregasyon ang itatatag sa Kissy; at lalo pang papalawakin ang pangangaral sa mga probinsiya. Tuwang-tuwa ang mga tagapakinig!

Ikinuwento ni Brother Henschel: “Lagi nilang sinasabi kusheh, isang salita na ang ibig sabihin ay ‘mahusay!’ Ang sigla-sigla ng mga kapatid. Gabi na nang maghiwa-hiwalay ang mga tao mula sa bulwagan, . . . ang ilang dumalo sa kombensiyon [ay] kumakanta.”

Isang bagong dating na misyonero, si William Nushy, ang inatasang mangasiwa sa bagong tanggapang pansangay. Dati siyang nagtrabaho bilang dealer sa casino sa iba’t ibang lugar sa Estados Unidos. Nang maging Kristiyano, iniwan niya ang kaniyang trabaho at matatag na nanindigan sa makadiyos na mga simulain—isang katangian na magiging dahilan para mahalin siya at irespeto ng mga mamamahayag sa Sierra Leone.