Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

Mas Mainam Kaysa sa mga Diamante

Tamba Josiah

Mas Mainam Kaysa sa mga Diamante
  • ISINILANG 1948

  • NABAUTISMUHAN 1972

  • Nagtrabaho sa mga minahan ng diamante bago naging Saksi. Miyembro na siya ng Komite ng Sangay sa Sierra Leone.

NOONG 1970, nagtrabaho ako sa isang minahan na pinatatakbo ng mga Britano sa Tongo Fields, isang lugar sa hilaga ng Kenema na mayaman sa diamante. Naghahanap din ako ng mga diamante sa libreng oras ko. Kapag may nakita ako, nagbibihis ako nang maganda at pumupunta sa Kenema para ibenta ang mga ito at mag-good time.

Noong 1972, natagpuan ako ng mga Saksi ni Jehova at nag-aral ako ng Bibliya. Pagkalipas ng limang buwan, naging kuwalipikado ako sa bautismo. Dahil wala na akong bakasyon, tinanong ko ang isa kong katrabaho kung puwede niya akong palitan sa trabaho para makadalo ako ng pandistritong kombensiyon at mabautismuhan. Pumayag siya, pero sa kondisyong ibibigay ko sa kaniya ang isang linggo kong sahod. Mas mahalaga sa akin ang bautismo ko kaya pumayag agad ako. Pagkabalik ko mula sa kombensiyon, sinabi niya na akin na lang daw ang sahod ko kasi tama ang ginawa kong maglingkod sa Diyos. Pagkaraan ng anim na buwan, iniwan ko ang maganda kong trabaho para mag-imbak ng kayamanan sa langit bilang special pioneer.Mat. 6:19, 20.

Sa loob ng 18 taon, naglingkod ako bilang special pioneer at tagapangasiwa ng sirkito sa iba’t ibang lugar sa bansa. Nagpakasal kami ni Christiana, isang tapat at matulunging asawa, at pinagpala kami ng isang anak, si Lynette.

Minsan akong nangarap na makahukay ng literal na mga diamante, pero mas mainam ang nasumpungan ko—espirituwal na mga kayamanan

Noong panahon ng digmaang sibil sa Sierra Leone, nagpayunir kami ni Christiana sa Bo, na sakop ng isa pang lugar na may malaking minahan ng diamante. Marami kaming natagpuan doon na espirituwal na mga “diamante”—tunay na mga Kristiyanong alagad. Sa loob lang ng apat na taon, sumulong nang 60 porsiyento ang aming kongregasyon. Ngayon, may tatlo nang kongregasyon sa Bo.

Noong 2002, naanyayahan akong maging miyembro ng Komite ng Sangay sa Sierra Leone. Tumira kami ni Christiana malapit sa Bethel. Nagbibiyahe ako araw-araw papuntang Bethel, habang si Christiana ay naglilingkod bilang special pioneer. Si Lynette naman ay naglilingkod sa Bethel bilang tagapagsalin sa wikang Krio.

Minsan akong nangarap na makahukay ng literal na mga diamante, pero mas mainam ang nasumpungan ko—espirituwal na mga kayamanan. Nakahukay rin ako ng 18 espirituwal na “diamante,” o tunay na mga Kristiyanong alagad. Talagang pinagpala ako nang husto ni Jehova.