Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

1915-1947 Unang mga Dekada (Bahagi 1)

1915-1947 Unang mga Dekada (Bahagi 1)

Sumikat ang Liwanag ng Katotohanan

Noong 1915, nakarating ang mabuting balita sa Sierra Leone nang bumalik ang mga tagarito mula sa England na may dalang mga salig-Bibliyang literatura. Mga Hulyo nang taon ding iyon, dumating sa Freetown ang unang bautisadong lingkod ni Jehova. Siya si Alfred Joseph, 31 taóng gulang na isinilang sa Guyana, Timog Amerika. Nabautismuhan siya maaga noong taóng iyon sa Barbados, West Indies. Tumanggap siya ng kontrata para magtrabaho sa Freetown bilang locomotive engineer. Tumira si Alfred sa isang compound na malapit sa riles ng Cline Town, mahigit tatlong kilometro mula sa Cotton Tree ng Freetown. Ibinahagi niya agad ang mensahe ng Bibliya sa kaniyang mga katrabaho.

Nang sumunod na taon, dumating din si Leonard Blackman, dating katrabaho ni Alfred sa Barbados. Ang nanay nito na si Elvira Hewitt ang nagpakilala ng katotohanan kay Alfred. Naging magkapitbahay sina Leonard at Alfred, at regular silang nag-uusap tungkol sa Bibliya. Namamahagi rin sila ng mga literatura sa Bibliya sa kanilang mga kaibigan at iba pang interesadong mga tao.

Natanto nina Alfred at Leonard na ang mga bukid sa Freetown ay “mapuputi na para sa pag-aani.” (Juan 4:35) Kaya noong 1923, sumulat si Alfred sa punong tanggapan sa New York: “Maraming tagarito ang interesado sa Bibliya. Puwede ba kayong magpadala ng taong tutulong sa kanila at magpapasulong sa gawaing pangangaral sa Sierra Leone?” Ganito ang natanggap niyang sagot: “May ipapadala kami!”

Si William “Bible” Brown at ang asawa niyang si Antonia

“Pagkaraan ng ilang buwan, may tumawag sa akin sa telepono isang hatinggabi ng Sabado,” ang naalala ni Alfred.

“ ‘Ikaw ba y’ong sumulat sa Watch Tower Society na humihiling ng mga mangangaral?’ ang sabi ng nasa kabilang linya.

“ ‘Ako nga,’ ang sagot ko.

“ ‘Ako ang ipinadala nila,’ ang sabi niya.

“Ang kausap ko ay si William R. Brown. Dumating siya nang araw na iyon kasama ang asawa niyang si Antonia at kanilang anak na babae at tumuloy sila sa Gainford Hotel.

“Kinaumagahan, habang nagdaraos kami ni Leonard ng aming lingguhang pag-aaral sa Bibliya, isang malaking lalaki ang sumulpot sa may pinto. Siya si William R. Brown. Sa sobrang sigasig niya sa katotohanan, gusto na niyang magbigay ng pahayag pangmadla kinabukasan. Kaya nirentahan namin agad ang pinakamalaking bulwagan sa Freetown—ang Wilberforce Memorial Hall—at iniskedyul nang Huwebes ng gabi ang una sa apat na pahayag niya.

“Abalang-abala ang maliit na grupo namin sa pag-aanunsiyo ng mga pahayag sa pamamagitan ng mga diyaryo, handbill, at pagsasabi sa iba. Hindi namin alam kung paano tutugon ang mga tao, pero wala naman pala kaming dapat ipag-alala. Mga 500 tao ang dumagsa, pati mga klero sa Freetown. Napakasaya namin!”

Sa isang oras na pahayag ni Brother Brown, madalas siyang sumipi sa Kasulatan at gumamit ng mga slide para ipakita sa screen ang mga teksto sa Bibliya. Paulit-ulit niyang sinasabi, “Ang Bibliya ang nagsabi niyan, hindi si Brown.” Hanga ang mga tagapakinig, at pumapalakpak sila sa bawat puntong ipinapaliwanag niya. Humanga sila kay Brother Brown, hindi dahil sa galing niyang magsalita, kundi dahil sa inihaharap niyang matitibay na patotoo mula sa Kasulatan. Sabi nga ng isang kabataan na aktibong miyembro ng simbahan, “Alam na alam ni Ginoong Brown ang kaniyang Bibliya!”

1930

Nakuha ng mga lektyur ni Brother Brown ang interes ng mga tao sa lunsod. Noong sumunod na Linggo, muling napuno ang bulwagan para mapakinggan ang pahayag na “To Hell and Back—Who are There?” Ang di-matututulang mga katotohanan na iniharap ni Brother Brown noong gabing iyon ay nagpakilos maging sa mga aktibong miyembro ng simbahan na tumiwalag sa kani-kanilang relihiyon.

Ang ikaapat at panghuling lektyur na “Millions Now Living Will Never Die” ay dinagsa ng mga tao. Ang sabi nga ng isang taga-Freetown, “Kinailangang kanselahin ng mga simbahan ang kanilang mga misa sa gabi dahil lahat ng kanilang miyembro ay dumalo sa lektyur ni Brother Brown.”

Dahil sa laging paggamit ni Brother Brown sa Bibliya at pagtukoy rito bilang awtoridad, tinawag siya ng mga tao na “Bible” Brown. Kilalang-kilala siya sa tawag na iyan sa buong Kanlurang Aprika. At hanggang sa matapos ni William R. Brown ang kaniyang buhay sa lupa, ginamit niya ang tawag na iyon sa kaniya.