SIERRA LEONE AT GUINEA
1915-1947 Unang mga Dekada (Bahagi 2)
Pagharap sa mga Gladiator
Nang makita ng mga klero sa Freetown na nasisiyahan ang kanilang mga miyembro sa mga lektyur ni Brother Brown, nagngitngit sila sa galit. Ganito ang sinabi sa The Watch Tower, isyu ng Disyembre 15, 1923: “Pinasimulang atakihin ng mga klero ang katotohanan sa pamamagitan ng media. Maraming beses silang sinagot ni Brother Brown, at inilathala sa mga diyaryo ang magkabilang panig.” Sa wakas, napatahimik ang mga klero. Naihantad ang kanilang maling mga pangangatuwiran. Lalong lumaganap ang mga katotohanan ng Bibliya kaya maraming mambabasa ng mga diyaryo ang humiling ng mga literatura sa Bibliya. Nagpakana ang klero para patahimikin ang bayan ng Diyos, pero ‘ibinalik sa kanila ni Jehova ang ginagawa nilang masama.’
Para ipagtanggol ang mga klero, isang grupo ng mga kabataang miyembro ng simbahan na tinatawag na mga Gladiator ang nag-anunsiyo ng isang serye ng pagtitipon para pabagsakin ang “Russellism,” gaya ng tawag nila sa mensahe ng Kaharian. Bilang tugon, hayagan silang hinamon ni Brother Brown para sa serye ng mga debate. Tinanggihan ito ng mga Gladiator at pinagsabihan ang editor ng diyaryong naglathala ng hamon ni Brother Brown. Pinagbawalan din nila si Brother Brown na dumalo sa kanilang mga pagtitipon, kaya si Alfred Joseph ang dumalo kapalit niya.
Idinaos ang mga pagtitipon sa Buxton Memorial Chapel, isang kilalang simbahan ng mga Metodista sa Freetown. “Sa tanong-sagot na bahagi,” ang naalala ni Alfred, “kinuwestiyon ko ang turong Anglikano, doktrina ng Trinidad, at iba pang mga turo na wala sa Kasulatan. Pagkatapos, hindi na muling tumanggap ng tanong ang chairman.”
Ang isa sa mga Gladiator na naroon nang gabing iyon ay si Melbourne Garber, na dumalo rin sa mga lektyur ni “Bible” Brown. Siya ang kabataang nagsabing “Alam na alam
ni Ginoong Brown ang kaniyang Bibliya!” Matapos timbanging mabuti ang kaniyang narinig, kumbinsido si Garber na natagpuan na niya ang katotohanan. Kaya humiling siya kay Brother Brown ng pag-aaral sa Bibliya. Inanyayahan siya ni Brother Brown sa lingguhang Watch Tower Study sa kaniyang bahay. Kahit na itinakwil si Garber ng kaniyang pamilya, mabilis siyang sumulong sa espirituwal. Di-nagtagal, siya at ang iba pa ay nabautismuhan.Ang mga pagsisikap ni Satanas na pahintuin ang kakasimula pa lang na gawaing pangangaral ay hindi nagtagumpay. Gaya nga ng sinabi ng mayor ng Freetown sa mga Gladiator: “Kung ito ay gawain ng mga tao, babagsak ito. Pero kung ito ay mula sa Diyos, hindi n’yo ito mapapahinto.”
Relihiyon ng mga Brown
Noong Mayo 1923, nagpadala si Brother Brown ng telegrama sa tanggapang pansangay sa London para humiling ng karagdagang literatura. May dumating na 5,000 aklat, na sinundan pa ng dagdag na mga literatura. Patuloy rin siyang nagdaos ng mga pangmadlang pulong, at libu-libo ang dumadalo rito.
Noong huling bahagi ng taóng iyon, iniulat sa The Watch Tower: “Ang gawain [sa Sierra Leone] ay napakabilis na sumusulong kaya humiling ng makakatulong si Brother Brown; at si Claude Brown, ng Winnipeg, dating sakop ng West Indies, ay papunta na para tumulong sa gawain.”
Si Claude Brown ay isang makaranasang ministro ng mabuting balita. Noong Digmaang Pandaigdig I, tiniis niya ang pagmamaltrato sa mga bilangguang kontrolado ng Canada at England dahil sa pagtangging ikompromiso ang kaniyang Kristiyanong neutralidad. Naglingkod siya sa Sierra Leone nang apat na taon. Napatibay niya nang husto ang mga kapatid dito.
Naalala ni Pauline Cole, “Bago ako mabautismuhan noong 1925, tinanong akong mabuti ni Brother Claude.
“ ‘Sister Cole, nauunawaan mo ba ang napag-aralan mo sa Studies in the Scriptures?’ ang tanong niya. ‘Ayaw naming maanod ka palayo sa katotohanan dahil hindi mo naunawaan ang mga turo ng Bibliya.’
“ ‘Brother Claude,’ ang sagot ko, ‘Binasa ko po uli ang aking natutuhan. Desidido na po ako!’ ”
Naglingkod si Pauline kay Jehova sa loob ng mahigit 60 taon. Karamihan sa mga taóng iyon ay ginugol niya bilang special pioneer. Natapos niya ang kaniyang buhay sa lupa noong 1988.
Palaisip din si William “Bible” Brown sa pagtulong sa iba na maglinang ng magagandang kaugalian sa espirituwal. Sinabi ni Alfred Joseph: “Kapag nakikita ko si Brother Brown tuwing umaga, ganito ang takbo ng pag-uusap namin: ‘Hello, Brother Joe. Kumusta ka? Ano ang teksto sa araw na ‘to?’ Kapag hindi ako nakasagot, idiriin niya sa akin ang kahalagahang mabasa ang teksto araw-araw mula
sa aklat na Daily Manna. [Tinatawag ngayong Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw.] Kinabukasan, babasahin ko agad ang teksto para handa ako sakaling tanungin niya ako ulit. Noong una, hindi ko napahahalagahan ang pagsasanay na ito, pero bandang huli, nakita kong napakahalaga nito.”Maganda ang naging resulta ng mga pagsasanay na ito. Noong 1923, isang kongregasyon ang naitatag sa Freetown at 14 ang nabautismuhan. Ang pangalan ng isa sa mga bagong kapatid ay George Brown. Kaya tatlo na ang pamilyang may apelyidong Brown sa kongregasyon. Dahil sa sigasig ng tatlong pamilyang ito, tinawag ng maraming taga-Freetown ang mga Estudyante ng Bibliya bilang relihiyon ng mga “Brown.”