Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SIERRA LEONE AT GUINEA

1915-1947 Unang mga Dekada (Bahagi 3)

1915-1947 Unang mga Dekada (Bahagi 3)

Hanggang sa Sulok ng mga Probinsiya

Dahil sa nag-aapoy na sigasig sa katotohanan, ang Freetown Congregation ay naging “lubhang abala sa salita.” (Gawa 18:5) Sinabi ni Alfred Joseph: “Kadalasan nang nagtatali ako ng isang karton ng mga aklat tungkol sa Bibliya sa aking motorsiklong Norton. Umaangkas sa akin si Brother Thomas Grant o si Sylvester Grant, at pumupunta kami sa mga liblib na lugar at maliliit na bayan sa palibot ng Freetown para mag-canvass, gaya ng tawag namin dito.”

Hanggang 1927, ang mga mamamahayag ay karaniwan nang nangangaral sa loob at palibot ng Freetown sa lugar na tinatawag na The Colony. Pero simula noong 1928, taun-taon bago magtag-ulan, ang kongregasyon ay umuupa ng isang bus at pumupunta sa mga probinsiya. Ang mga hindi nakakasama ay sumusuporta sa pinansiyal na paraan. Ang mga paglalakbay na ito ay pinapangunahan ni Melbourne Garber. Nangangaral sila sa mga bayan at nayon pasilangan hanggang Kailahun at patimog hanggang sa hanggahan ng Liberia. Tuwing unang Linggo ng buwan, bumabalik sila para linangin ang interes ng mga nakausap nila.

Noong panahon ding iyon, pumunta si Brother Brown sa West Indies at bumalik na may kotse, ang isa sa mga unang kotse sa Sierra Leone. Mayroon itong malakas na sound system na dinisenyo para sa pampublikong pagpapatotoo. Ipaparada ni Brother Brown ang kotse at saka magpapatugtog ng musikang kukuha ng atensiyon ng mga tao. Saka siya magbibigay ng maikling pahayag o magpapatugtog ng nakarekord na lektyur at aanyayahan ang mga tao na kumuha ng literatura sa Bibliya. Ang nagsasalitang kotse—gaya ng naging tawag dito—ay naging usap-usapan, at dinudumog ito ng mga tao para makinig.

Lakas-loob na nagpapatotoo

Pagkatapos, ibinaling ni Brother Brown ang kaniyang pansin sa mga teritoryong hindi pa napaaabutan ng mabuting balita—ang iba pang lugar sa Kanlurang Aprika na gumagamit ng Ingles. Noong huling bahagi ng dekada ng 1920, sinimulan niyang maglakbay para mangaral sa Gambia, Ghana, Liberia, at Nigeria. Bagaman may mga interesado sa bawat bansa, tila magiging napakabunga sa Nigeria. Noong 1930, lumipat ang kanilang pamilya sa Lagos. Mula roon, patuloy niyang pinangasiwaan ang gawaing pang-Kaharian sa Kanlurang Aprika.

Mahigit nang 500,000 Saksi ang naglilingkod kay Jehova sa Kanlurang Aprika

Noong 1950, napilitang bumalik si Brother Brown sa Jamaica dahil sa mahinang kalusugan. Pero nag-iwan siya ng pambihirang pamana. Sa loob ng 27 taon, nakita nilang mag-asawa ang pagdami ng mga Saksi sa Kanlurang Aprika, mula 2 hanggang sa mahigit 11,000. Talagang nasaksihan nila ang katuparan ng hula ni Isaias: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging makapangyarihang bansa.” (Isa. 60:22) Sa ngayon, pagkalipas ng mahigit 60 taon, mahigit nang 500,000 Saksi ang naglilingkod kay Jehova sa Kanlurang Aprika.

Matatag sa Kabila ng Pagbabawal

Nang umabot sa Aprika ang Digmaang Pandaigdig II, nanatiling neutral ang bayan ni Jehova sa Sierra Leone. (Mik. 4:3; Juan 18:36) Itinuring sila ng mga Britanong awtoridad bilang subersibo, kaya minanmanan ang kanilang mga gawain at ipinagbawal ang kanilang literatura. Minsan, kinumpiska ng mga opisyal ng adwana sa Freetown ang mga literatura at sinunog ito. Ang ilang kapatid ay inaresto dahil sa pagtataglay ng ipinagbabawal na mga literatura pero pinakawalan din sila agad. *

Kahit may pagbabawal, nangangaral pa rin ang mga Saksi. Ipinaliwanag ni Pauline Cole: “Isang brother na empleado sa isang barko na regular na dumadaong sa lugar namin ang patuloy na nagsuplay sa amin ng The Watchtower. Nagmamakinilya kami ng mga kopya nito para magamit sa mga pulong. Nag-iimprenta rin kami ng mga leaflet tungkol sa mga paksa sa Bibliya at ipinamamahagi ang mga ito sa publiko. Ang mga brother naman ay patuloy sa pagbibigay ng mga pahayag at pagpapatugtog ng mga rekording ng lektyur sa radyo ni Brother Rutherford, lalo na sa malalayong nayon.”

Ang mga pagsisikap na iyon ay malinaw na pinagpala ni Jehova. Naalala ni James Jarrett, matagal nang elder at special pioneer: “Noong digmaan, nagtatrabaho ako bilang tagatabas ng bato nang bigyan ako ng isang may-edad nang sister ng buklet na Refugees. Yamang maraming refugee sa Freetown, naging interesado ako sa pamagat nito. Binasa ko ang buklet nang gabing iyon at agad kong nakilala ang katotohanan. Kinaumagahan, hinanap ko ang sister at humingi ako ng mga kopya para sa tatlo kong kapatid na lalaki. Tinanggap naming apat ang katotohanan.”

Nang matapos ang digmaan noong 1945, may 32 mamamahayag ang Freetown Congregation. Nanatiling tapat at aktibo ang mga kapatid. Nananabik sila na sumulong pa.

Kampanya ng Pampublikong Pagpupulong

Noong Agosto 29, 1945, sa lingguhang Pulong sa Paglilingkod ng Freetown Congregation, tinalakay nila ang tungkol sa isang bagong kampanyang ipinatalastas sa Disyembre 1944 ng Informant (ngayo’y Ating Ministeryo sa Kaharian). Kailangang ianunsiyo at idaos ng bawat kongregasyon ang serye ng apat na pampublikong pagpupulong sa “bawat lunsod, bayan, at nayon.” Bahagi ng bawat pulong ang isang oras na pahayag ng isang brother (edad 18 pataas) na mahusay sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Pagkatapos ng apat na pulong, ang mga brother ay magsasaayos ng mga grupo ng pag-aaral sa Bibliya para tulungan ang mga interesado.

Ano ang reaksiyon ng mga mamamahayag sa bagong tagubiling ito? Mababasa sa rekord ng Pulong sa Paglilingkod ng Freetown Congregation ang sumusunod na mga komento:

Chairman: “Ano kaya ang mangyayari sa atin sa bagong kampanyang ito?”

Unang Brother: “Hindi tayo dapat umasang magiging kasintagumpay ito ng sa Amerika. Iba ang mga tao dito.”

Ikalawang Brother: “Oo nga.”

Ikatlong Brother: “Bakit hindi natin subukan?”

Ikaapat na Brother: “Tiyak na may babangong mga problema.”

Ikalimang Brother: “Pero dapat nating sundin ang tagubilin ng organisasyon ni Jehova.”

Ikaanim na Brother: “Malamang na hindi iyan magtatagumpay sa ating bansa.”

Unang Sister: “Pero malinaw ang tagubilin sa Informant. Subukan natin!”

At iyon nga ang ginawa nila. Mula sa baybayin ng Freetown papuntang Bo sa timog-silangan hanggang sa Kabala sa hilagang kapatagan, ang mga brother ay nagdaos ng mga pulong sa mga silid-aralan, palengke, at pribadong bahay. Napasigla ng gawaing ito ang kongregasyon, at ‘ang salita ni Jehova ay patuloy na lumago at lumaganap.’Gawa 12:24.

Pero kailangan pa rin ng mga mamamahayag ng teokratikong pagsasanay. At iyan ang inilaan ni Jehova.

^ par. 10 Inalis ang pagbabawal noong 1948.