Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA MGA PANGYAYARI NOONG NAKARAANG TAON

Mga Ulat Mula sa Iba’t Ibang Panig ng Daigdig

Mga Ulat Mula sa Iba’t Ibang Panig ng Daigdig

Tumulong ang mga Pulis sa Pagdidiskarga ng mga Bloke

Sa loob ng 13 taon sa Kutaisi, ang pangalawa sa pinakamalaking lunsod sa Republika ng Georgia, ang mga asamblea ay ginaganap sa sira-sira at lumang pagawaan ng alak. May malalapad na plastik na ikinakabit para hindi mabasa ang mga tagapakinig kapag umulan. Ngayon, mayroon na silang bagong expandable na Kingdom Hall na puwedeng gamitin sa mga asamblea at kombensiyon. Sa panahon ng konstruksiyon, 50 boluntaryo ang nagdidiskarga ng mga bloke mula sa isang trak nang dumaan ang mga pulis para tingnan ang nangyayari. Dahil humanga sila sa masasaya at masisipag na mga boluntaryo, pinuri ng mga pulis ang mga kapatid at tumulong pa nga sa pagdidiskarga. Sinabihan nila ang mga kapatid na tawagan lang sila sakaling may manggulo sa mga ito. Nangako rin ang mga pulis na dadalo sila sa unang kombensiyon na gaganapin sa bagong Assembly Hall.

Ibinenta Niya ang Kaniyang Bisikleta

Si Malachi ay isang elder sa Burundi. Kumikita siya sa pamamagitan ng pagsasaka at paghahatid ng mga kargada gamit ang bisikleta niya. Para makatulong sa pagtatayo ng kanilang Kingdom Hall, nagpasiya siyang magboluntaryo araw-araw. Pero kailangan niyang mabigyan ng badyet ang pamilya niya sa loob ng dalawang-buwang konstruksiyon. Kaya ibinenta niya ang kaniyang bisikleta para maibigay sa misis niya ang badyet ng pamilya at makapag-abuloy rin para sa konstruksiyon. Dahil sa pagboboluntaryo niya, marami siyang natutunan mula sa mga Kingdom Hall construction servant. Nang matapos ang Kingdom Hall, nakita ng mga tao na isa siyang bihasang manggagawa kaya nakapagtrabaho siya sa konstruksiyon. Nakabili na rin ulit si Malachi ng bisikleta!

Napakilos Silang Tumulong

Hindi madaling magtayo ng Kingdom Hall sa liblib na mga lugar sa Malawi. Nitong nakaraang taon ng paglilingkod, may itinayong Kingdom Hall sa isang lugar na walang maayos na kalsada. Gamit ang mga four-wheel drive, inihatid doon ng mga kapatid mula sa sangay ang mga materyales para sa pagtatayo. Sinabi ng mga kapatid doon na sabik na sabik din ang buong komunidad. Maraming di-Saksi ang tumulong at nagboluntaryo hanggang gabi sa pagdidiskarga ng buhangin, bato, sako ng semento, at mga yero. Sa katunayan, may mga pagkakataon pa ngang mas marami ang di-Saksi kaysa Saksi! Dahil hanga sila sa pagsisikap ng mga Saksi ni Jehova na magtayo ng mga disenteng dako ng pagsamba sa gayong liblib na mga lugar, napakilos silang tumulong.

Nagbenta ng Toffee ang mga Bata

Sa Côte d’Ivoire, may mag-asawang special pioneer na nagtuturo ng Bibliya sa lokal na wikang Bete sa mag-asawang may sampung anak. Noong Mayo 2013, gaganapin ang pinakaunang asamblea sa wikang Bete sa nayon ng Daloa, at gusto sanang dumalo ng buong pamilya. Pero 800 CFA ($1.60 U.S.) ang pamasahe ng bawat isa balikan, at walang sapat na pera ang tatay para isama ang buong pamilya. Dahil determinadong makadalo, may naisip siyang solusyon. Binigyan niya ng 300 CFA ($.60 U.S.) ang kaniyang panganay na anak na babae para makapagbenta ito ng kendi na toffee. Sumunod ang anak at kumita ng sapat para sa kaniyang pamasahe. Kaya binigyan din ng tatay ng tigta-300 CFA ang iba pa niyang anak para makapagbenta ng toffee, hanggang sa silang lahat ay may pamasahe na. Kasama ang iba pa, nakadalo ang buong pamilya sa asamblea. Tuwang-tuwa silang mapakinggan ang programa sa sarili nilang wika!