Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DOMINICAN REPUBLIC

Binuksan ni Jehova ang Puso ng Marami

Leonardo Amor

Binuksan ni Jehova ang Puso ng Marami
  • ISINILANG 1943

  • NABAUTISMUHAN 1961

  • Nalaman niya ang katotohanan noong tin-edyer pa lang siya, at mahigit 50 taon na siyang naglilingkod kay Jehova nang buong panahon.

NAGPABAUTISMO ako mga isang buwan matapos patayin si Trujillo noong 1961. Nag-aaral ako noon ng abogasya sa isang unibersidad. Gusto ng tatay ko na maging abogado ako, pero nakita kong nakahihigit ang edukasyon mula sa Diyos. Kaya kahit ginigipit ako ng tatay ko, huminto pa rin ako sa pag-aaral. Di-nagtagal, naatasan ako bilang isang special pioneer.

Ang isa sa mga atas ko ay sa La Vega, isang lunsod kung saan matagal nang malakas ang kapit ng Katolisismo. Noong naroon ako, wala ni isa mang tumanggap ng katotohanan. Sa tuwing nagpapahayag ako, ang tagapakinig ko lang ay ang kapartner ko sa pagpapayunir. Sa kabila nito, pinalakas ako ni Jehova sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga asamblea, at marubdob na panalangin. Sa panalangin, naitanong ko kay Jehova kung magkakaroon pa kaya ng kongregasyon sa La Vega. Natutuwa akong sabihin na mayroon na ngayong 6 na Kingdom Hall, 14 na kongregasyon, at mahigit 800 mangangaral ng Kaharian doon.

Pinakasalan ko si Ángela noong 1965, at noong 1981, naanyayahan kami sa Bethel. Nang mabautismuhan ako, mayroon lang 681 mamamahayag sa bansa. Pero ngayon, mayroon na kaming mahigit 36,000 mamamahayag, at libo-libo ang nagtitipon sa aming mga asamblea. Talagang namamangha ako sa tuwing naiisip ko kung paano binuksan ni Jehova ang puso ng marami para malaman ang katotohanan sa Bibliya.

Komite ng Sangay, mula kaliwa pakanan: Reiner Thompson, Juan Crispín, Thomas Dean, Leonel Peguero, Leonardo Amor, at Richard Stoddard