DOMINICAN REPUBLIC
Ginhawa Pagkatapos ng Pagbabata
Pangangaral Nang May Pag-iingat
Si Rafael Pared, na naglilingkod sa Bethel kasama ng kaniyang asawang si Francia, ay naging mamamahayag noong 1957 sa edad na 18. Natatandaan pa niya na palihim
siyang sinusundan ng mga pulis sa pangangaral, na naghahanap ng pagkakataong arestuhin siya at ang mga kasama niya. “Kung minsan,” sabi ni Rafael, “dumaraan kami sa mga iskinita at tumatalon sa mga bakod para hindi mahuli.” Ikinuwento naman ni Andrea Almánzar ang ginagawa niya at ng iba pa para hindi sila maaresto: “Kailangan naming mag-ingat. Pagkatapos naming mangaral sa isang bahay, 10 bahay ang lalaktawan namin bago mangaral uli.”Sa Wakas, Ginhawa!
Pagsapit ng 1959, halos 30 taon nang namumuno si Trujillo, pero nagbabago na ang kalagayan sa politika. Noong Hunyo 14, 1959, muling sumalakay ang mga ipinatapong taga-Dominican Republic para paalisin sa puwesto si Trujillo. Nabigo ang pagsalakay, at pinatay o ikinulong ang mga nagsabuwatan. Pero nadama ng dumaraming kaaway ni Trujillo na mapapabagsak din ang kaniyang gobyerno kaya mas pinatindi nila ang oposisyon.
Noong Enero 25, 1960, matapos ang maraming-taóng pakikipagtulungan sa gobyerno ni Trujillo, ang Simbahang Katoliko ay naglabas ng liham pastoral para kondenahin ang pang-aabuso sa mga karapatang pantao. Ayon kay Bernardo Vega, istoryador na taga-Dominican Republic: “Dahil sa mga paglusob noong Hunyo 1959 at sa pagsugpo sa mga kabilang sa ekspedisyon, at nang maglaon, sa mga lihim na kalaban ng gobyerno sa loob mismo ng bansa, sa kauna-unahang pagkakataon, ang Simbahan ay napilitang kumontra kay Trujillo.”
Kapansin-pansin, noong Mayo 1960, inalis ng gobyerno ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng maraming-taóng pagbabawal, di-inaasahang kay Trujillo mismo nagmula ang ginhawa, matapos masira ang ugnayan nila ng Simbahang Katoliko.