Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DOMINICAN REPUBLIC

Hindi Panaginip ang Pag-asa Tungkol sa Kaharian

Efraín De La Cruz

Hindi Panaginip ang Pag-asa Tungkol sa Kaharian
  • ISINILANG 1918

  • NABAUTISMUHAN 1949

  • Ikinulong siya at may-kalupitang binugbog sa pitong bilangguan, pero nanatiling matatag sa kaniyang determinasyong ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.

NOONG 1948, ako, ang aking asawang si Paula, at ang aming anak na babae ay nagsimulang dumalo ng pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova sa Blanco Arriba. Kailangan naming maglakad nang 40 kilometro balikan, pero hindi kami kailanman lumiban. Nabautismuhan kami ni Paula noong Enero 3, 1949.

Pagkaraan ng anim na buwan, ako at ang ilan sa aming kakongregasyon ay inaresto at sinentensiyahan nang tatlong buwan sa bilangguan. Sa sahig kami natutulog at isang beses lang pinakakain sa maghapon—ng saging na kulay berde at tsaa. Nang palayain kami, pinagbantaan kami ng mga opisyal ng pamahalaan, at inisip nilang hihinto na kami sa pangangaral. Pero patago kaming dumadalo ng mga pulong at nangangaral. Dahil lagi kaming minamanmanan ng mga government agent, nagpulong kami sa mga bahay, taniman ng kape, o sa bukid. At sa halip na magtipon nang paulit-ulit sa iisang lugar, ipinapatalastas sa pagtatapos ng bawat pulong kung saan idaraos ang susunod. Sa pangangaral naman, solo-solo lang kami, nakapantrabaho, at hindi kami gumagamit ng literatura o ng Bibliya. Sa kabila ng mga pag-iingat na iyon, mula 1949 hanggang 1959, labas-masok pa rin ako sa pitong bilangguan, na sa bawat isa ay nakulong ako nang tatlo hanggang anim na buwan.

Kinailangan kong magpakaingat dahil ang ilan sa mga umuusig sa akin ay mga kamag-anak ko pa. Kahit sa bundok o sa bukid ako natutulog, nahuhuli pa rin ako paminsan-minsan. Minsan, ipinadala ako sa bilangguan ng La Victoria sa Ciudad Trujillo, kung saan 50 hanggang 60 ang bilanggo sa iisang selda. Dalawang beses lang kaming pinapakain sa isang araw—mais sa umaga at kaunting kanin na may beans sa tanghali. Lahat ng mga Saksi roon ay nangangaral sa mga kapuwa bilanggo, at regular kaming nagdaraos ng mga pulong, na ginagawa namin sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga tekstong saulado namin at pagkukuwento ng mga karanasan sa ministeryo.

Noong huli akong mabilanggo, pinaghahampas ako ng isang sundalo sa ulo at tadyang gamit ang puluhan ng riple. Hanggang ngayon, iniinda ko pa rin ang epekto ng pambubugbog na iyon at ng iba pang pagmamaltrato, pero pinalakas ng mga pagsubok na iyon ang aking pananampalataya, pagbabata, at determinasyong maglingkod kay Jehova.

Ngayon, sa edad na 96, isa akong ministeryal na lingkod. Dahil hindi ko na kayang maglakad nang malayo, umuupo ako sa harap ng bahay namin at nangangaral sa lahat ng dumaraan. Para sa akin, hindi panaginip ang pag-asa tungkol sa Kaharian. Totoo iyon, at mahigit 60 taon ko nang ipinangangaral ang tungkol dito. Ang bagong sanlibutan ay totoong-totoo pa rin sa akin ngayon gaya noong una kong marinig ang mensahe ng Kaharian. *

^ par. 3 Si Efraín De La Cruz ay namatay habang inihahanda ang materyal na ito.