Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DOMINICAN REPUBLIC

Magiging Saksi ni Jehova Pa Rin Ako

Ana María (Mary) Glass

Magiging Saksi ni Jehova Pa Rin Ako
  • ISINILANG 1935

  • NABAUTISMUHAN 1956

  • Isang debotong Katoliko na nakaalam ng katotohanan noong kabataan niya at lakas-loob na nagbata ng pagsalansang mula sa pamilya, Simbahan, at pamahalaan.

NAPAKARELIHIYOSO ko at aktibo ako sa Simbahang Katoliko. Kasali ako sa choir ng simbahan at sumasama ako sa mga pari sa mga retreat sa lalawigan, kung saan sila nagdaraos ng Misa. Pero noong 1955, ikinuwento sa akin ng ate ko ang tungkol sa darating na Paraiso. Binigyan niya ako ng Bibliya, buklet na “Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian,” at aklat na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat.” Naging interesado ako kaya tinanong ko ang pari kung puwede kong basahin ang Bibliya. Sabi niya, mababaliw raw ako, pero binasa ko pa rin iyon.

Nang lumipat ako sa bahay ng lolo’t lola ko sa Boca Chica, tinanong ako ng isang pari kung bakit hindi na ako nagsisimba. Sinabi ko na nakita kong maraming turo ang simbahan na wala naman sa Bibliya. Galit na galit ang pari. “Makinig ka, iha,” sigaw niya, “isa kang tupa na napawalay sa kawan ko.”

“Hindi po,” ang sagot ko, “kayo po ang napawalay sa kawan ni Jehova, dahil ang mga tupa ay pagmamay-ari ni Jehova at hindi ng sinumang tao.”

Hindi na uli ako bumalik sa simbahan. Lumipat ako sa bahay ng ate ko, at anim na buwan lang mula nang una kong marinig ang katotohanan, nagpabautismo na ako. Agad-agad akong nag-regular pioneer. Pagkaraan ng isang taon, nagpakasal kami ni Enrique Glass, na naglilingkod noon bilang tagapangasiwa ng sirkito. Minsan, habang nangangaral kami sa isang parke sa La Romana, inaresto ng pulis si Enrique. Habang papaalis sila, hinabol ko sila at sinabi: “Saksi ni Jehova rin ako, at nangangaral din ako. Bakit hindi n’yo ako hulihin?” Pero ayaw nila akong arestuhin.

Bago pa nito, umabot na nang pito’t kalahating taon ang ginugol ni Enrique sa bilangguan. Ngayon naman, ang sentensiya sa kaniya ay 20 buwan. Binibisita ko si Enrique tuwing Linggo. Minsan, nang dalawin ko siya, tinanong ako ng kapitan ng bilangguan, “Bakit ka nandito?”

Sabi ko, “Nabilanggo po ang asawa ko dahil isa siyang Saksi ni Jehova.”

“Bata ka pa at may magandang kinabukasan,” sagot niya. “Ba’t ka nag-aaksaya ng panahon sa mga Saksi ni Jehova?”

“Saksi ni Jehova rin po ako,” tugon ko. “At kahit pitong ulit n’yo pa akong patayin at buhaying-muli, magiging Saksi ni Jehova pa rin ako.” Nang marinig niya iyon, pinaalis niya ako.

Matapos alisin ang pagbabawal, nanatili kami ni Enrique sa gawaing pansirkito at pandistrito sa loob ng maraming taon. Namatay si Enrique noong Marso 8, 2008. Ako naman ay naglilingkod pa rin bilang regular pioneer.