DOMINICAN REPUBLIC
Pagtuklas
Nagsimula ang Pagtuklas
Noong Linggo, Abril 1, 1945, sina Lennart at Virginia Johnson, mga nagtapos sa Gilead, ay dumating sa Ciudad Trujillo (ngayo’y Santo Domingo), ang kabisera ng Dominican Republic. Sila ang unang mga Saksi sa bansang ito na ang kasaysayan ay punô ng pakikipaglaban at pakikipagpunyagi. * “Pang-payunir talaga ang lugar na ito,” ang ulat ng 1946 Yearbook, “at ang mga taga-Gilead na ito ay kailangang magsimula sa wala.” Isip-isipin: Walang tanggapang pansangay, walang Kingdom Hall, at walang kongregasyon. Walang kakilala roon ang mga misyonero, kaunti lang ang alam nilang Kastila, at wala silang bahay o anumang muwebles. Ano ang gagawin nila?
“Kami’y naparoon sa Victoria Hotel at kumuha roon ng tuluyan
Apat pang misyonero ang dumating noong Hunyo 1945, at di-nagtagal, nakapamahagi sila ng napakaraming literatura at nakapagpasimula ng mga Bible study. Pagsapit ng Oktubre, parang kailangan na ng mapagpupulungan. Kaya ni-renovate ng mga misyonero ang sala at silid-kainan ng kanilang missionary home para gawin itong pansamantalang Kingdom Hall. Umabot sa 40 ang dumadalo sa mga pulong.
Isa sa mga unang tumugon sa katotohanan ay si Pablo Bruzaud, na kilalá bilang Palé. Mayroon siyang mga bus na nagbibiyahe mula Santiago hanggang Ciudad Trujillo, kaya madalas siyang pumunta sa kabisera. Isang araw habang nasa Ciudad Trujillo, may nakausap si Palé na mga Saksi, at tinanggap niya ang aklat na “Ang Katotohanan ang Magpapalaya sa Inyo.” Araw-araw siyang nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Di-nagtagal, nangangaral na rin si Palé kasama ng mga misyonero at naglalaan ng transportasyon para sa kanila. Nang maglaon, nakilala niya si Lennart Johnson at naglakbay kasama nito mula Ciudad Trujillo hanggang Santiago, at mula sa mga kabundukan hanggang sa bayan ng Puerto Plata, sa may baybayin. Dinalaw nila roon ang isang grupo ng mga interesado na sumulat sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, para humingi ng impormasyon.
Pagdalaw Nina Brother Knorr at Brother Franz
Noong Marso 1946, sina Nathan Knorr at Frederick Franz na mula sa pandaigdig na punong-tanggapan ay dumating sa Dominican Republic. Sabik na naghihintay ang mga tagarito, at bukod sa mga kapatid, 75 pang interesado ang dumalo sa pahayag ni Brother Knorr. Habang nasa bansa, gumawa si Brother Knorr ng mga kaayusan para magkaroon ng tanggapang pansangay sa Dominican Republic.
Dumating pa ang ibang misyonero. Sa pagtatapos ng 1946 taon ng paglilingkod, 28 na ang mamamahayag sa
bansa. Sinisimulan pa lang ang pangangaral ng mabuting balita sa bansang ito. Kaya sa loob ng maraming gabi, gumawa ang mga misyonero ng detalyadong mga mapa ng teritoryo para matiyak na magiging organisado at lubusan ang pangangaral.Lumawak ang Gawain
Noong 1947, mahigit 59 na mamamahayag na ang nakikibahagi sa pangangaral. Nang taon ding iyon, inilipat sa Dominican Republic ang ilang misyonero mula sa Cuba. Kasama sa kanila sina Roy at Juanita Brandt. Inatasan si Brother Brandt bilang lingkod ng sangay, at nagpatuloy siya sa atas na ito sa sumunod na 10 taon.
Sa pagtatapos ng 1948 taon ng paglilingkod, mayroon nang 110 mamamahayag na nangangaral kasama ng masisipag na misyonero. Pero hindi alam ng masisigasig na mángangarál na ito na paparating ang napakahirap na mga kalagayan.
^ par. 1 Ipinamamahagi na sa Dominican Republic ang literatura ng Watch Tower noon pang 1932. Pero nagsimula lang ang personal na pagtuturo sa mga taong interesado noong 1945, nang dumating ang mag-asawang Johnson.