Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DOMINICAN REPUBLIC

Pananabik sa Hinaharap

Pananabik sa Hinaharap

Isang Mabuting Reputasyon

Sa ngayon, mga pitong dekada nang nasa Dominican Republic ang mga Saksi ni Jehova. At sa panahong iyon, nagkaroon sila ng isang mabuting reputasyon. Madalas, may mga taong lumalapit sa mga mamamahayag sa ministeryo para humingi ng literatura. At karaniwan ding maririnig ang mga komentong gaya ng: “Gusto ko ang relihiyon n’yo” o “Talagang sinusunod n’yo ang Bibliya.”

Pansinin ang nangyari nang itayo ang isang Kingdom Hall sa loteng donasyon ng isang brother. Nang irehistro ng brother ang pag-aari, nalaman niyang may nagrehistro na nito, at inakusahan siya ng taong iyon na inaagaw niya ang lupa. Dinala sa korte ang usaping ito. Talagang naging komplikado ang kaso dahil may mga dokumento ang taong iyon na nagsasabing siya ang may-ari.

Sa panahon ng paglilitis, tinanong ng hukom ang abogado ng brother kung sino ang kinakatawan niya. Nang linawin ng abogado na kumakatawan siya sa isang grupo ng mga Saksi ni Jehova, sumagot ang hukom: “Kung gayon, wala nang dahilan para pag-alinlanganan pa ang sinasabi ng mga taong ito. Kilala ko ang mga Saksi ni Jehova, at alam na alam kong tapat sila. Hindi sila nanloloko ng kapuwa at nang-aangkin ng hindi kanila.”

Nang iharap sa korte ang mga ebidensiya, kitang-kita na gumamit ng mga pekeng dokumento ang nasasakdal, kaya kinatigan ng hukom ang mga Saksi. “Hindi na ito bago,” ang sabi ng abogadong Saksi. “Sa mga korte sa buong bansa, kapag nababanggit ang mga Saksi ni Jehova, laging matinding respeto ang reaksiyon ng mga tao.”

Mga Pinananabikan sa Hinaharap

Panahon lang ang makapagsasabi kung gaano pa karaming tapat-pusong mga tao ang tutugon sa mensahe ng Bibliya at maglilingkod sa tunay na Diyos. Samantala, ginagawa ng mga Saksi ang lahat ng paraan para maabot ang gayong mga tao. Halimbawa, noong 2013, ang mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic ay gumugol ng mahigit 11 milyong oras sa pangangaral, at nagdaos sila ng 71,922 pag-aaral sa Bibliya. Nakapagpapatibay rin na 9,776 ang nakibahagi sa iba’t ibang anyo ng pagpapayunir. Noong Agosto ng taon ding iyon, 35,331 mamamahayag ang aktibong nakibahagi sa ministeryo. At kitang-kita ang malaking potensiyal para sa pagsulong dahil 127,716 ang dumalo sa Memoryal.

Malaki na ang isinulong ng gawaing pangangaral at paggawa ng alagad sa Dominican Republic mula noong araw na iyon ng Linggo, Abril 1945, nang dumating sina Lennart at Virginia Johnson para ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian. Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova sa Dominican Republic ang kanilang mayamang espirituwal na mana. Hinahangaan din nila ang lakas ng loob at sakripisyo ng naunang mga henerasyon ng tunay na mananamba. Pero higit sa lahat, minamahal nila ang kanilang pribilehiyo ngayon—ang “lubusang pagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos.” (Gawa 28:23) Pinananabikan nila ang araw kung kailan ang lahat ng tao sa islang ito, kasama ang kanilang mga kapatid sa buong mundo, ay sama-samang aawit: “Si Jehova ay naging hari! Magalak ang lupa. Magsaya ang maraming pulo.”Awit 97:1.