Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DOMINICAN REPUBLIC

Ang Simbahang Katoliko at si Trujillo

Ang Simbahang Katoliko at si Trujillo

ANONG uri ng kaugnayan mayroon si Trujillo sa Simbahang Katoliko? Isang analista sa politika ang nagsabi: “Noong panahon ng mahabang panunungkulan ni Trujillo, 1930-1961, nagtulungan ang Simbahan at ang estado ng Dominican Republic; pinaboran ng diktador ang Simbahan at sinuportahan naman nito ang kaniyang rehimen.”

Noong 1954, naglakbay si Trujillo papuntang Roma at pumirma ng isang kasunduan kasama ng Papa. Ganito ang isinulat ni Germán Ornes, isang dating pinagkakatiwalaan ni Trujillo: “Dahil ang Simbahang Dominikano ay masyadong maka-Trujillo, [ang kasunduang] ito ay naging malaking suporta para sa ‘Hepe’ [si Trujillo]. Ang klero, sa pangunguna ng mga arsobispong sina Ricardo Pittini at Octavio Beras, ay kasama sa mga pangunahing propagandista ng rehimen.”

“Sa bawat angkop na pagkakataon,” ang paliwanag ni Ornes, “ang Papa ay nagpapadala ng kablegrama ng pagbati kay Trujillo. . . . Noong 1956 Congress of Catholic Culture, na idinaos sa Ciudad Trujillo at inisponsor [ni Trujillo], si Francis Cardinal Spellman, bilang pantanging kinatawan ng Papa, ay nagdala ng magiliw na mensahe. Si Cardinal Spellman ay naglakbay mula sa New York at may-pagbubunying sinalubong mismo ni Generalissimo [Trujillo]. Kinabukasan, ang kanilang mahigpit na yakapan ay ibinandera sa lahat ng mga diyaryo sa Dominican Republic.”

Noong 1960, iniulat ng magasing Time: “Hanggang ngayon, magkasundong-magkasundo pa rin si Trujillo at ang simbahan. Si Arsobispo Ricardo Pittini, ang Primate of the Americas, ay 83 anyos na ngayon at bulag na, pero apat na taon ang nakararaan, nilagdaan niya ang isang liham sa New York Times na pumupuri kay Trujillo at nagsasabing ‘ang “diktador” na ito ay minamahal at iginagalang ng kaniyang mga mamamayan.’ ”

Pero pagkatapos ng tatlong dekada ng tapat na pagsuporta sa malupit na diktadura ni Trujillo, nag-iba ang hihip ng hangin sa politika at unti-unting nagbago ang saloobin ng Simbahang Katoliko. “Habang dumarami ang kalaban ng diktadura,” paliwanag ng analista, “at nang maglaon, noong sinisikap nang itatag ang demokrasya sa bansa, ang Simbahan, na matagal nang kasundong-kasundo ni Trujillo, ay napilitang magbago ng paninindigan nito.”

Sa wakas, noong 2011, napilitang humingi ng tawad ang Simbahan sa mga mamamayan ng Dominican Republic. Ganito ang sabi ng isang liham pastoral na sinipi sa pahayagang Dominican Today: ‘Inaamin naming nagkamali kami at hindi kami laging nakapanghawakan sa aming pananampalataya, tungkulin, at mga pananagutan. Sa dahilang ito, humihingi kami ng paumanhin at nagsusumamo ng unawa at indulhensiya mula sa lahat ng taga-Dominican Republic.’